Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (11) Unang Seksiyon

Sa nakaraang pagtitipon, pinagbahaginan natin ang ikasiyam na aytem ng mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa: “Tumpak na ipagbigay-alam, iatas, at ipatupad ang iba’t ibang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos alinsunod sa mga hinihingi nito, magbigay ng patnubay, pangangasiwa, at panghihikayat, at mag-inspeksiyon at magsubaybay sa estado ng pagpapatupad sa mga ito.” Pinagbahaginan natin ang mga responsabilidad na dapat tuparin ng mga lider at manggagawa at ang gawaing dapat nilang gawin, at hinimay rin natin ang ilan sa mga pag-uugali ng mga huwad na lider. Bagama’t hindi natin pinagbahaginan ang mga detalye kung paano ipapatupad ng mga lider at manggagawa ang bawat pagsasaayos ng gawain, pinagbahaginan naman natin ang mga detalye ng mga prinsipyo para sa pagpapatupad ng mga pagsasaayos na iyon, pati na rin kung ano ang dapat gawin ng mga lider at manggagawa. Nagkaroon na ba kayo ng mas partikular at tumpak na pakahulugan ng gawaing dapat gawin ng mga lider at manggagawa sa pamamagitan ng pagbabahaginan natin sa ikasiyam na aytem? Maliwanag na ba sa inyo ngayon ang gawaing dapat gawin ng mga lider at manggagawa? Ang pangunahing bagay para sa kanila ay ang ipatupad ang gawain ayon sa mga hinihingi ng Diyos at sa mga pagsasaayos ng gawain ng Kanyang sambahayan. Iyon na iyon sa kabuuan. Ngayon, maliwanag na sa ating lahat. Kung anong gawain ang dapat gawin ng isang lider o manggagawa sa sambahayan ng Diyos, at kung ano ang mga responsabilidad nila, ay dapat na napagbahaginan na nang detalyado sa ikasiyam na aytem. Talagang komprehensibo ito. Tinutukoy ang saklaw ng kanilang mga responsabilidad, at ang gawaing dapat nilang gawin, pati na rin kung paano nila ito dapat gawin, ay malinaw ring ipinapahayag. Kung may isang taong hindi pa rin alam kung paano gumawa ng kongkretong gawain ngayong malinaw nang naipahayag ito, problema iyon ng pagkakaroon niya ng mahinang kakayahan. Siya ang klase ng huwad na lider na hindi kayang gumawa ng gawain. May isa pang klase ng huwad na lider na nagsasaayos ng gawain sa pamamagitan lamang ng kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, at padalos-dalos na ginagamit ang mga tao, na nagreresulta sa pagkakaroon ng napakaraming taong gumagawa sa iisang gawain. Hindi lang hindi nagagawa nang maayos ang gawain—ginugulo nila ito nang husto, hanggang sa hindi na ito makausad. Hindi kailanman ipatutupad ng mga huwad na lider ang mga pagsasaayos ng gawain, lalong hindi sila gagawa ng tunay na gawain. Ginagawa lamang nila ang gawaing gusto nila, tumutuon lamang sila sa gawain ng mga pangkalahatang usapin; kapag gumagawa sila, ang alam lang nila ay ang mag-utos at maglitanya ng mga hungkag na kasabihan at doktrina. Hindi nila kailanman sinusubaybayan ang gawain, ni iniisip kung naging epektibo ba ito. Isang klase ito ng huwad na lider. Sa madaling salita, kung ang isang tao ay hindi man kayang gumawa ng tunay na gawain o hindi gumagawa ng tunay na gawain bilang isang lider—maging anuman ang sitwasyon—kung hindi niya kayang tuparin ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa o gawin ang gawain na atas ng Diyos, at kung hindi niya kayang ipatupad ang iba’t ibang bahagi ng gawaing isinaayos ng sambahayan ng Diyos, isa siyang huwad na lider.

Ngayon, sa pamamagitan ng pagbabahaginan natin tungkol sa siyam na responsabilidad ng mga lider at manggagawa at sa pagsisiwalat natin sa iba’t ibang paraan kung saan naipapamalas ang mga huwad na lider, nagkamit na ba kayo ng kaunting pangunahing kaalaman at pang-unawa kung paano tuparin ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa? (Oo.) Kung gayon, sa tingin ba ninyo ay madaling gawin ang gawain ng sambahayan ng Diyos? Mabibigat ba ang mga hinihingi sa tao? Sobra-sobra ba ito? (Hindi mabibigat ang mga iyon; kaya naming matugunan ang lahat ng hinihinging iyon.) May mga lider at manggagawa bang nagsasabing, “Napakaraming aytem at uri ng gawain na hinihingi ng sambahayan ng Diyos na gawin namin. Mas mataas ang isang lider, mas malawak ang saklaw ng kanyang gawain, at mas maraming aytem ng gawain na siya ang responsable. Para magawa nang maayos ang gawaing iyon at matiyak na maipapatupad ito ayon sa mga hinihingi ng ang Itaas—hindi ba’t mamamatay kami sa kapaguran?” Mayroon na bang bumagsak sa sobrang pagod dahil ginawa niya nang maayos ang lahat ng kongkretong gawain, dahil ipinatupad niya ang bawat aytem ng gawain kung saan ito nararapat? (Wala.) May nagkasakit na ba dahil sa kapaguran? Mayroon bang sinuman na sa sobrang kaabalahan ay wala nang oras para kumain o matulog? (Wala.) Maaaring sabihin ng ilan, “Anong ibig sabihin ninyong, wala? May ilang tao na talagang napapagod sa paggawa sa gawain ng iglesia, dahil matagal na panahon silang hindi nakakakain sa tamang oras, o nakagagawa at nakapagpapahinga sa maayos na paraan, kung saan balanse ang pagtatrabaho at pahinga. Humahantong sila sa pagkakaroon ng mga sakit dahil sa kapaguran.” Nabalitaan na ba ninyo na nangyari ang gayong sitwasyon? (Hindi.) May nakaramdam na ba ng takot at pangamba pagkatapos nilang marinig ang ikasiyam na aytem at makita ang mga partikular na nilalaman ng iba’t ibang aytem ng gawain sa sambahayan ng Diyos, pati na ang mga hinihinging pamantayan nito para sa mga lider at manggagawa sa paggawa sa partikular na gawaing ito? Pakiramdam ba nila ay, “Hindi madaling maging isang lider o manggagawa. Kung walang malusog na katawan, mahusay na kakayahan, bukas na puso, at pambihirang enerhiya at lakas, sino ang makakagawa nang maayos sa trabaho?” Mayroon na bang nag-isip ng ganito? Wasto ba ito? (Hindi.) Bakit hindi ito wasto? Una, kapag ginagampanan nila ang gawain ng sambahayan ng Diyos, anuman ang ranggo nila, at komprehensibo man o para sa isang aytem ng gawain ang responsabilidad nila, kahit papaano ay dapat gawin nang maayos ng mga lider at manggagawa ang pangunahing gawain nila, pati na rin ang hindi hihigit sa isa o dalawang karagdagang aytem ng gawain. Kahit pa atasan sila ng komprehensibong gawain, hindi ibig sabihin niyon na kailangan nilang gumawa ng komprehensibong pagsubaybay o pagpatnubay. Dapat silang tumuon sa pangangasiwa sa pinakakritikal na gawain, o sabay-sabay nilang asikasuhin ang mahihinang bahagi sa ilang partikular na aytem ng gawain. Maaaring ang ilang tao ay puno ng enerhiya, may malaking pagpapahalaga sa responsabilidad, at mahusay ang kakayahan, at kaya nilang gumawa ng maraming klase ng komplikadong gawain, pero ang pangunahin nilang gawain ay binubuo lamang ng isa o dalawang aytem ng gawain. Sa ibang gawain naman, kailangan lang nilang kumustahin ang lagay niyon, mag-usisa tungkol doon, at subukang unawain iyon, at lutasin lamang ang mga problemang matutuklasan nila. Iyon ang isang bahagi nito. Ang isa pang bahagi ay iyong kahit pa sabay-sabay nilang pinapangasiwaan ang ilang aytem ng gawain, kailangan lang nilang umasa sa mga pangunahing superbisor para gawin ang mga aytem na iyon ng gawain. Ang gagawin lang nila ay ang pangasiwaan ang iba’t ibang aytem ng gawain, subaybayan ang mga ito, at patnubayan ang mga ito; ang pangunahing gawaing sila mismo ang gagawa ay nag-iisang aytem pa rin ng gawain. Mapapagod ba ang isang tao dahil sa paggawa sa iisang aytem ng gawain? (Hindi.) Kung sapat ang kakayahan ng isang tao at kayang bumagay ng isip niya, makatwiran niyang isasaayos ang gawain pagdating sa kung paano ilalaan ang oras at kung paano ito gagawin nang mahusay. Hindi siya malalagay sa isang magulong kalagayan, na walang paraan para makausad. Hindi siya magmumukhang napakaabala—gagawa siya ayon sa itinakdang iskedyul—pero ang gawain ay magiging mahusay, at magbubunga ito ng magagandang resulta. Iyon ang isang taong may kakayahan, na alam kung paano makatwirang maglaan ng tao at oras. Magugulo ang mga taong walang kakayahan o mahina ang kakayahan, anumang gawain ang kanilang ginagawa. Sobrang abala sila araw-araw, pero kung ano ba ang pinagkakaabalahan nila, sila mismo ay hindi iyon masabi nang sigurado. Wala silang iskedyul, walang konsepto ng oras; napakaaga nilang gumising at gabing-gabi na kung matulog; hindi sila makakain sa mga regular na oras—pero pagdating sa pagiging episyente ng gawain, wala silang nagagawang anumang tunay na gawain. Hindi ba’t isang kaso ito ng napakahinang kakayahan? (Ganoon nga.) Mukhang abala araw-araw ang ganitong klase ng tao, na hindi na siya nakakapagpahinga, pero hindi niya matumbok ang sentro ng gawain, ni matukoy kung ano ang agarang trabaho at kung ano ang puwedeng ipagpaliban, at hindi siya mahusay sa paglutas ng mga problema. Pinababagal nito ang gawain. Halos sasabog na ang kanyang puso sa pagkabalisa, at nagkakasugat ang bibig niya. Pero kahit sa mga sitwasyong ito, hindi siya bumabagsak dahil sa kapaguran. Maaaring gumawa nang mahigit sa walong oras sa isang araw ang mga taong may mahinang kakayahan, pero mas mahina ang pagiging episyente ng gawain nila kaysa sa mga taong may mahuhusay na kakayahan. Kaya, kailangan nilang magpakaabala, hindi ba? Dapat lang—wala silang makuhang mga resulta, kahit na abala sila; kung hindi sila magpapakaabala, mapaparalisa ang gawain. Ito ay isang taong may napakahinang kakayahan na hindi kayang maging mahusay sa gawain o umako nito. Bukod pa rito, mayroong maraming aytem sa gawain ng sambahayan ng Diyos, at ang mga hinihingi ay medyo istrikto pagdating sa mga tao at oras. Karamihan sa mga tao, kapag medyo mas abala sila, ito ay para pagsikapan nilang maging mahusay at makakuha sila ng magagandang resulta, dahil naiiba ang gawain ng sambahayan ng Diyos sa mga negosyo at pabrika ng mundong walang pananampalataya: Ang kailangan sa mga iyon ay mga pakinabang na pang-ekonomiya, samantalang binibigyang-diin natin ang mga resulta ng gawain. Pero dahil karamihan sa mga tao ay may mahinang kakayahan, walang prinsipyo at sobrang hindi mahusay sa kanilang gawain, nangangailangan sila ng mas maraming oras para magkaroon ng mga resulta. Karamihan ba sa inyo ngayon ay wala nang mga negatibong naiisip tungkol sa mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa? Isang bagay ang sigurado: Hindi babagsak ang mga lider at manggagawa dahil sa kapaguran sa paggawa nang ayon sa mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos. Bukod sa mga panlabas at obhetibong bagay na ito, may isa pang bagay na matitiyak ninyo: Kung may pasanin ang isang tao at may partikular siyang kakayahan—at hindi niya binabalewala ang katunayan na mayroong gawain ng Banal na Espiritu—sa ilang problemang hindi niya maisip o inaasahan, at sa ilang usaping hindi pa niya napagdaanan noon at wala pa siyang karanasan, palagi siyang paaalalahanan ng Banal na Espiritu, na magbibigay-liwanag at tutulong sa kanya anumang oras. Hindi ganap na umaasa ang gawain ng iglesia sa lakas, enerhiya at mga pasanin ng tao para magawa ito—ang isang bahagi nito ay dapat umasa sa gawain at pamumuno ng Banal na Espiritu, gaya ng naranasan na ng karamihan sa mga tao. Kaya, saang anggulo man ito tingnan ng isang tao, ang pagtupad sa kanyang mga responsabilidad ang dapat na makamit ng isang lider o manggagawa. Hindi ito karagdagang hinihingi sa kanya. Kapag gumagawa sa mundo ang mga walang pananampalataya, kumikilos sila batay sa kanilang personal na kakayahan. Iba ang paggampan sa tungkulin sa sambahayan ng Diyos: Hindi ito basta ginagampanan lang batay sa kakayahan ng isang tao—dapat din siyang umasa sa kanyang pagkaunawa sa mga katotohanang prinsipyo kung gusto niyang magkamit ng mga resulta. Minsan, dapat din silang magtulungan at magkaisa nang matiwasay kung gusto nilang magampanan nang maayos ang tungkulin nila. Maaaring magtanong ang ilan, “Ang paggawa ba sa sambahayan ng Diyos ay humihingi sa amin na ‘sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang makakaya namin hanggang sa araw ng aming kamatayan’? ‘Ang mga silkworm ng tagsibol ay naghahabi hanggang sa mamatay ang mga ito’—kailangan ba naming makamit iyon? Titigilan lang ba kami ng sambahayan ng Diyos kapag mamamatay na kami sa kapaguran?” Ito ba ang hinihingi ng Diyos sa tao? (Hindi.) Ang pagbabahaginan natin sa mga hinihingi para sa mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa ay para lang magbigay-linaw at pang-unawa sa mga tao tungkol sa kung paano makipagtulungan sa gawain ng Diyos nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo at mga pamamaraan ng gawain na hinihingi Niya, para makausad ang Kanyang gawain sa isang maayos at epektibong paraan, at upang ang mga salita at gawain Niya ay makapagkamit ng mas magagandang resulta sa mga hinirang Niyang tao. Ang isang aspekto nito ay tungkol sa pagpapaunlad at pagpapalaganap sa gawain; ang isa pa ay tungkol sa pagkakaroon ng mga salita at gawain ng Diyos ng mga epektong dapat makamit ng mga ito sa mga sumusunod sa Kanya. Ito ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa, at ang kailangan nilang makamit sa gawain nila.

Ikasampung Aytem: Maayos na Pangalagaan at Makatwirang Ilaan ang Iba’t Ibang Materyal na Aytem ng Sambahayan ng Diyos (mga Aklat, Iba’t Ibang Kagamitan, Pagkaing Butil, at iba pa), at Magsagawa ng mga Regular na Inspeksiyon, Pagmementena, at Pagkukumpuni Upang Mabawasan ang Pagkasira at Pagkasayang; Gayundin, Iwasang Angkinin ng Masasamang Tao ang mga Ito

Ngayon, pagbabahaginan naman natin ang ikasampung aytem ng mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa: “Maayos na pangalagaan at makatwirang ilaan ang iba’t ibang materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos (mga aklat, iba’t ibang kagamitan, pagkaing butil, at iba pa), at magsagawa ng mga regular na inspeksiyon, pagmementena, at pagkukumpuni upang mabawasan ang pagkasira at pagkasayang; gayundin, iwasang angkinin ng masasamang tao ang mga ito.” Ang ikasiyam na aytem ay medyo komprehensibong hinihingi sa mga lider at manggagawa. Ang ikasampung aytem ay isa pang malaking seksiyon ng gawain, isa na binubuo ng isa pang partikular na hinihingi para sa mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Ang bahaging ito ng gawain ay may kinalaman sa mga aytem na pag-aari ng sambahayan ng Diyos, ang ilan doon ay binili para matugunan ang mga pangangailangan sa buhay ng mga tao na gumagampan sa kanilang tungkulin nang full-time, at ang ilan sa mga iyon ay mga kagamitan, materyal, at iba pa na binili para sa gawain ng pagpapalaganap ng ebanghelyo. May ilan ding aklat ng mga salita ng Diyos at ilang bagay na may kinalaman sa buhay pagpasok ng mga kapatid, at na dapat na ingatan ng sambahayan ng Diyos. Mga bagay ito na may kinalaman sa pananampalataya ng mga tao sa Diyos. Tatlong kategorya, sa kabuuan: mga aytem na kinakailangan para sa buhay, mga aytem na kinakailangan para sa gawain, at mga aytem na kinakailangan para sa pananampalataya sa Diyos. Binili man ng sambahayan ng Diyos ang mga aytem na ito o inihandog ng mga kapatid, kapag naging pagmamay-ari na ito ng sambahayan ng Diyos, nagkakaroon na ito ng kinalaman sa isyu ng pamamahala at paglalaan ng mga lider at manggagawa sa mga materyal na aytem. Bagama’t sa panlabas ay tila hindi masyadong mahalaga ang gawaing ito kumpara sa buhay iglesia, gawaing administratibo, o propesyonal na gawain, at hindi isang bagay na dapat nasa agenda, mahalagang gawain pa rin ito na kailangang gawin ng mga lider at manggagawa. Ang iba’t ibang aytem ng sambahayan ng Diyos ay kasama sa gawain, buhay, mga pag-aaral, at lahat ng gayong bagay ng lahat ng taong gumagawa ng mga tungkulin, kaya napakahalaga at hindi dapat balewalain ang pagtatago at makatwirang paglalaan ng mga ito.

Maayos na Pangangalaga

Bilang mga lider at manggagawa, ang mas mahalaga kaysa sa maayos na paggawa sa gawaing administratibo ng iglesia at pagpapabuti sa buhay iglesia ay ang maayos na paggawa sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, pati na rin sa iba’t ibang nauugnay na gawain dito. Dagdag pa rito, ang iba’t ibang materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos ay dapat ding bigyan ng angkop na pamamahala. Kailangang itago nang maayos ang mga ito; huwag hayaang amagin o pamahayan ng mga insekto ang mga ito, at huwag hayaang angkinin ng mga tao ang mga ito na para bang ang mga ito ay kanilang personal na pagmamay-ari. Mayroon ding mga partikular na hinihingi at hakbang ang sambahayan ng Diyos kung paano dapat gawin nang maayos ng mga lider at manggagawa ang gawaing ito. Dapat magsimula ang mga lider at manggagawa sa pamamagitan ng pagsusuri kung ang mga tao bang namamahala sa mga aytem na ito ay angkop, responsableng mga tao, at kung alam ba nila kung paano pangasiwaan ang mga aytem na ito, at kung kaya ba nilang masigasig na tuparin ang kanilang responsabilidad—kung maitatago ba nang ligtas ang mga ito sa mga kamay nila. Halimbawa, sa pagtatago ng mga pagkaing butil, basa ba ang pinag-iimbakan nito kapag tag-ulan—kapag mahalumigmig at madalas ang pag-ulan? Sinusubaybayan ba ito sa tamang oras ng mga taong namamahala rito? Kapag nabasa nga ang mga pagkaing butil, inilalabas ba nila ito para patuyuin? Maingat ba nila itong pinamamahalaan na para bang kanila ito? Mayroon ba silang gayong pagkatao? Mayroon ba silang gayong katapatan? Dapat magsimula ang mga lider at manggagawa sa pamamagitan ng pagsasagawa ng pagsusuri sa mga taong namamahala sa mga bagay na ito, para makita kung anong klase ba ang pagkatao nila, at kung may konsensiya at kung matuwid ba sila. Kung mukhang may maayos na pagkatao at mabuting puso ang isang tao, at maayos ang ulat ng karamihan tungkol sa kanya, pero hindi mo alam kung angkop ba siya para pamahalaan ang mga aytem ng sambahayan ng Diyos, ano ang dapat gawin? Dapat kang magsubaybay, magsuri ng mga bagay-bagay, at mangasiwa. Dapat mong kumustahin ang mga bagay-bagay pagkalipas ng ilang panahon, para malaman kung tinutupad ba ng tagapag-ingat ang responsabilidad nito. Halimbawa, sa pagkaing butil, ang pinakamalaking pinangangambahan ay ang pagiging mamasa-masa nito. Dapat suriin ng tagapag-ingat kung mahalumigmig ba ang bodega at kung may posibilidad bang magkaroon ng mga insekto sa mga butil, at dapat siyang humanap ng taong may alam sa mga gayong bagay, para konsultahin at magkaroon siya ng pang-unawa sa kung anong mga pagsasagawa ang maaaring makatiyak na hindi mababasa ang mga butil at hindi aamagin o pamamahayan ng mga insekto. Kapag naitabi na niya ang mga butil, dapat madalas niyang suriin ang bodega, o buksan ang mga bintana para magkaroon ng bentilasyon. Iyon ang talagang pagtupad sa responsabilidad niya. Kung nagkukusa ang tagapag-ingat na gawin ang mga ito nang hindi na kailangan pang udyukan o paalalahanan, siya ay maaasahan, na nakakapanatag ng loob. Kung gayon, paano naman ang mga taong nag-iingat sa iba’t ibang klaseng kagamitan—akma ba sila sa trabaho? Hindi mo pa alam; kailangan mo rin silang subaybayan. Paano ba itinatago ang karamihan sa mga kagamitan kapag hindi kadalasang ginagamit ang mga ito—ang mga elektronikong kagamitan, muwebles, pasilidad, at iba pa? Iniingatan at minementena ba ito ng tagapag-ingat? Nagsasagawa ba siya ng regular na pagsusuri sa mga elektronikong kagamitan, binubuksan at pinapagana ba niya ang mga ito? Sa pamamagitan ng pagtatanong-tanong, maaari mong malaman na regular itong ginagawa ng tagapag-ingat ng mga ito. Maaaring naroon lang ang mga bagay na iyon, hindi ginagamit, pero walang alikabok ang mga iyon, na ang ibig sabihin ay may isang taong madalas na nag-aasikaso sa mga iyon—malalaman mong maayos ang tagapag-ingat ng mga ito, na tinutupad niya ang kanyang responsabilidad. Pagkatapos ay puwede ka nang mapanatag. May mga aklat din ng mga salita ng Diyos. Mahirap makuha ang bawat isa sa mga iyon, at dagdag pa rito, mas mahalaga sa bawat mananampalataya sa Diyos ang mga aklat ng mga salita ng Diyos kaysa sa anumang ibang bagay—higit pa kaysa sa pagkaing butil, mga elektronikong kagamitan, o iba pang gayong aytem. Kaya, pagdating sa mga ito, mas lalong dapat kang maghanap ng tamang tao para pangasiwaan ang mga ito at ng tamang lugar para pagtaguan ng mga ito. Kinakailangan din ang wastong bentilasyon, pangangalaga, at inspeksiyon—hindi niya puwedeng hayaang mabasa o maging mamasa-masa, o ngatngatin ng mga daga ang mga ito. Dapat bantayang lahat ang mga ito. Kaya, ang mga tao bang namamahala sa mga gayong aytem ay angkop para sa trabaho? Dapat mo ring madalas na subaybayan ito. Kung tamad, pabaya, at walang ingat ang mga katiwala, masisira ang ilang aytem, kung hindi dahil sa pagkabasa o amag, sa mga insekto naman. Kawalan lahat ang mga ito, dahil sa pabayang pagmomonitor at pag-iinspeksiyon sa panig ng mga lider at manggagawa. Kung iniingatang mabuti ng mga katiwala ang mga aytem na ito, natupad na ang responsabilidad na ito ng mga lider at manggagawa. Malalaki o maliliit man ang mga aytem na ito, at madalas mang gamitin ang mga ito o hindi, basta’t kasama ang mga ito sa uri ng mga aytem na pag-aari ng sambahayan ng Diyos, dapat na isaayos na pangasiwaan ito ng isang tao. Dapat ligtas ang isang aytem, anumang klase ito at saanman ito nakatago, at dapat tiyaking walang mangyayaring masama rito. Iyon ang ibig sabihin ng maging tapat at responsable. Kung nalamang hindi angkop ang isang taong namamahala sa mga bagay-bagay, ano ang dapat gawin? Dapat kaagad na iayos ang kanyang tungkulin, at dapat makahanap ng ibang taong papalit sa kanya. Halimbawa, ang ilang tao ay mga tamad, mahilig kumain pero ayaw magtrabaho, ayaw umako ng responsabilidad. Kaswal nilang tinatrato ang mga gamit ng iglesia, na para bang pagmamay-ari ng publiko ang mga ito, nag-aakalang ayos lang basta’t hindi mawala ang mga ito. Pagdating naman sa kung inaamag ba o pinamamahayan ng insekto ang mga iyon, o kung may nasira ba sa mga ito, wala silang pakialam at hindi nagtatanong. Tuwing tatanungin mo sila, sasabihin nilang sinuri nila ang mga ito, at ayos naman ang lahat. Ang totoo, matagal na nilang hindi sinusuri ang mga bagay-bagay. Pagkatapos, isang araw ay may biglang nakatuklas na inamag na ang mga butil, at nginatngat na ng mga daga ang kable ng ilang kagamitan, at maging ang mga aklat ng mga salita ng Diyos ay nabasa na nang sobra kaya malabo at hindi na malinaw ang mga nakasulat doon. Kapag noon lang natuklasan ang mga ito—hindi ba’t masyado nang huli? (Tama, nangyari na ang pinsala.) Resulta iyon ng di-wastong pamamahala. Kung gayon, hindi ba’t hindi angkop ang taong namamahala sa mga iyon? Hindi ba’t mababa ang pagkatao niya at imoral siya? (Oo.) Tatawaging imoral ng mga walang pananampalataya ang ganitong uri ng tao; ano naman ang sinasabi natin? Na masama ang pagkatao ng taong ito, na hindi siya tapat. Ni hindi nga niya matupad ang maliit na responsabilidad na iyon; ni hindi man lang niya magawa ang isang bagay na kayang gawin ng isang taong nagtitiis ng kaunting pasakit, na may kaunting konsensiya at pagkatao. Mananampalataya pa rin ba siya ng Diyos? Maski ang mga walang pananampalataya ay may pananaw na, “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao”—ni hindi natutugunan ng taong ito ang pinakamababang pamantayan ng moralidad ng mga walang pananampalataya, kaya malinaw na hindi siya angkop maglingkod bilang miyembro ng mga tauhan na namamahala ng mga aytem. Dapat agarang pangasiwaan ang mga di-angkop na tao, at makahanap ng mga akmang kapalit. Kung hindi mo pinagkakatiwalaan ang mga tauhan mong namamahala sa mga aytem, at wala ka nang oras para masuri mismo ang mga bagay-bagay, o hindi mo masubaybayan ang mga bagay-bagay at matingnan ang mga iyon dahil sa kung anong nagkataong kadahilanan, ano ang dapat gawin sa sitwasyong iyon? Maaari mong pasulatin ng mga garantiya ang taong namamahala ng mga bagay-bagay, na nagsasabing kung may masira sa mga aytem na pinamamahalaan niya ay babayaran niya ito, o na handa siyang tumanggap ng anumang uri ng kaparusahan mula sa sambahayan ng Diyos. Dapat itong lutasin ayon sa sistemang administratibo. Kung magagawa ng lider o manggagawa ang trabaho niya hanggang sa antas na ito, pagtupad iyon sa kanyang responsabilidad.

Ang anumang materyal na aytem sa sambahayan ng Diyos, malaki man ito o maliit, mahal o mura, kapaki-pakinabang man ito sa iyo o hindi, kung ikaw ang pinapamahala rito, responsabilidad mo ito. Ang gawaing ito ay nasa saklaw ng responsabilidad ng mga lider at manggagawa, kaya dapat humanap ka ng tamang tao at tamang lugar para maayos itong mapangalagaan. Huwag mong hayaang masira ang mga aytem ng sambahayan ng Diyos. Halimbawa, sa pagtatago ng mga aklat ng mga salita ng Diyos—kapag nakapagsaayos na ang lider o manggagawa ng angkop na tauhan para sa mga ito, dapat pa rin niya itong kumustahin paminsan-minsan: “Maraming aklat ang ipinamahagi kamakailan, pero huwag kang magpabaya, kahit na mas kaunti na ang natira. Sa pag-iingat sa mga aklat, ang pangunahing bagay ay ang hindi hayaang mabasa o masira ang mga iyon dahil sa init ng araw, at hindi hayaang masyadong madaganan o mabaluktot ang mga iyon.” Dapat niya itong kumustahin at dapat siyang magtanong-tanong paminsan-minsan. Kapag may mga dumating na bagong aklat, dapat niyang itanong kung gaano kahusay na iniingatan ang mga ito; kung kakasya ba ang lahat ng ito sa orihinal na puwesto, at kung hindi, kung may nakita na bang ibang puwesto para sa mga ito, at kung ano ang kalagayan ng puwestong iyon, kung ligtas ba ito at tuyo; kung naitatabi ba nang maayos ang mga aklat; at kung pinangangambahan ba ang mga daga, kung kailangan bang mag-alaga ng pusa. Ang lahat ng gayong bagay ang dapat na gawin ng mga lider at manggagawa, at ang responsabilidad na dapat nilang tuparin. Maaaring tila hindi mahalaga ang gawaing ito, pero ito ay isa rin sa mga gampaning dapat gawin ng mga lider at manggagawa nang regular. Huwag mo itong balewalain—dapat itong seryosohin. Maaaring pagmamay-ari ng publiko ang mga bagay na iyon at hindi pag-aari ng sinumang indibidwal, pero dapat ingatang mabuti ang mga iyon; magiging kapaki-pakinabang man o hindi ang mga iyon sa iyo sa hinaharap, at maaari mo mang gamitin o hindi ang mga iyon, responsabilidad mong ingatan nang mabuti ang mga iyon, nakaatas sa iyo ang tungkuling ito, at hindi ka dapat maghanap ng anumang dahilan o palusot para ipasa at balewalain ito. Basta’t responsabilidad mo ang isang bagay, ito ay isang bagay na dapat mong pangasiwaan, isang gawaing dapat mong gawin. Sa lahat ng ito, dapat kang mag-usisa at sumubok na unawain ang mga bagay-bagay, o personal na makilahok dito. Kung may oras kang pumunta sa lugar at tingnan ito mismo, siyempre mas mabuti iyon. Pero kung hindi iyon tinutulutan ng mga sitwasyon at kalagayan, o kung masyado kang abala sa gawain, dapat ka pa ring mag-usisa at dapat mo itong kumustahin nang napapanahon, para maiwasang masira o masayang sa anumang paraan ang mga aytem ng sambahayan ng Diyos. Ang paggawa nito ay nangangahulugang natupad mo na ang responsabilidad ng mga lider at manggagawa.