Ikatlong Ekskorsus: Kung Paano Nakinig Sina Noe at Abraham sa mga Salita ng Diyos at Sumunod sa Kanya (Ikalawang Bahagi) Ikalawang Seksiyon
Gaano katagal binuo ni Noe ang arka matapos siyang utusan ng Diyos na gawin iyon? (Isang daan at dalawampung taon.) Sa loob ng 120 taon na ito, ginawa ni Noe ang isang bagay: Binuo niya ang arka at kinalap ang iba’t ibang uri ng may buhay na nilikha. At bagama’t iisang bagay lamang ito, hindi maraming iba’t ibang gawain, ang isang bagay na ito ay nangailangan ng napakalaking trabaho. Ano ang layon ng paggawa nito? Bakit niya binuo ang arkang ito? Ano ang pakay at kabuluhan ng paggawa nito? Iyon ay upang ang bawat uri ng nabubuhay na nilalang ay makaligtas kapag winasak ng Diyos ang mundo sa pamamagitan ng baha. Kaya, ginawa ni Noe ang kanyang ginawa para maghandang iligtas ang bawat uri ng may buhay na nilikha bago wasakin ng Diyos ang mundo. At para sa Diyos, napakaapurahan ba ng usaping ito? Sa tono ng pananalita ng Diyos, at sa diwa ng iniutos ng Diyos, narinig ba ni Noe ang pag-aapura ng Diyos, at na agaran ang layunin Niya? (Oo.) Sabihin na, halimbawa, na sinabihan kayo, “Parating na ang salot. Nagsimula na ito sa mundo sa labas. Mayroon kayong gagawing isang bagay, at bilisan ninyo ito: Magmadali kayong bumili ng pagkain at mga mask. Iyon lamang!” Ano ang naririnig ninyo rito? Madalian ba ito? (Oo.) Kaya kailan ito dapat gawin? Dapat ba kayong maghintay hanggang sa susunod na taon, sa taong kasunod pa noon, o ilang taon mula ngayon? Hindi—ito ay isang madaliang gawain, isang mahalagang bagay. Isantabi ang lahat ng iba pa at asikasuhin muna ito. Ito ba ang naririnig ninyo mula sa mga salitang ito? (Oo.) Kaya ano ang dapat gawin ng mga mapagpasakop sa Diyos? Dapat nilang isantabi kaagad ang kasalukuyang gampanin nila. Wala nang iba pang mahalaga. Apuradong-apurado ang Diyos tungkol sa bagay na kakautos lang Niyang gawin; wala sila dapat na aksayahing oras sa paggawa at pagsasakatuparan ng gampanin, na agaran para sa Diyos at pinagkakaabalahan ng Diyos; dapat nila itong kumpletuhin bago isagawa ang ibang mga trabaho. Ito ang ibig sabihin ng pagpapasakop. Ngunit kung susuriin mo ito sa pag-iisip na, “Parating ang isang salot? Kumakalat ba ito? Kung kumakalat ito, hayaan lamang itong kumalat—hindi ito kumakalat sa atin. Kung mangyari iyon, saka na lang natin ito harapin. Pagbili ng mga mask at pagkain? Palaging may nabibiling mga mask. At hindi mahalaga kung magsuot ka nito o hindi. May pagkain pa rin naman tayo ngayon, bakit mo iyon inaalala? Bakit ka nagmamadali? Maghintay ka lang hanggang sa makarating dito ang salot. May iba pa tayong gagawin sa ngayon,” pagpapasakop ba ito? (Hindi.) Ano ito? Kolektibo itong tinatawag na paghihimagsik. Sa mas partikular, ito ay pagsasawalang-bahala, pagkontra, pag-aanalisa, at pagsusuri gayundin ang pagkakaroon ng pagkasuklam sa puso ng isang tao, iniisip nila na hindi ito maaaring mangyari kailanman, at hindi sila nananampalataya na totoo ito. Mayroon bang tunay na pananalig sa gayong saloobin? (Wala.) Ang kabuuan nilang katayuan ay ganito: Patungkol sa mga salita ng Diyos, at sa katotohanan, walang paltos na mayroon silang saloobing magmabagal, magsawalang-bahala, magpabaya; sa puso nila, hindi nila talaga ito itinuturing na mahalaga. Iniisip nila, “Makikinig ako sa mga bagay na sinasabi Mo na nauugnay sa katotohanan, at sa Iyong matatayog na sermon—hindi ako mag-aatubiling isulat ang mga ito para hindi ko malimutan ang mga ito. Pero hindi nauugnay sa katotohanan ang mga bagay na sinasabi Mo tungkol sa pagkain at mga mask, kaya puwede kong tanggihan ang mga ito, puwede kong kutyain ang mga ito sa puso ko, at puwede Kitang tratuhin nang may saloobin ng pagsasawalang-bahala at pagpapabaya; sapat nang nakikinig ako gamit ang aking mga tainga, ngunit wala Kang pakialam sa iniisip ko sa puso ko, wala Kang kinalaman dito.” Ganito ba ang saloobin ni Noe sa mga salita ng Diyos? (Hindi.) Ano ang nagpapakita na hindi siya ganito? Kailangan nating pag-usapan ang tungkol dito; ituturo nito sa iyo na ibang-iba ang saloobin ni Noe sa Diyos. At may mga totoong pangyayaring nagpapatunay rito.
Noong panahon na wala pang industriya, noong ang lahat ng bagay ay kailangang isagawa at kumpletuhin nang manu-mano, ang bawat manu-manong gawain ay napakahirap gawin at nangangailangan ng maraming oras. Nang marinig ni Noe ang atas ng Diyos, nang marinig niya ang lahat ng bagay na inilarawan ng Diyos, nadama niya ang kaseryosohan ng bagay na ito, at ang kalubhaan ng sitwasyon. Alam niya na wawasakin ng Diyos ang mundo. At bakit Niya gagawin ito? Dahil napakasama ng mga tao, hindi sila nanampalataya sa salita ng Diyos, at itinatwa pa nga nila ang salita ng Diyos, at kinasuklaman ng Diyos ang sangkatauhang iyon. Kinasuklaman ba ng Diyos ang sangkatauhang iyon nang isa o dalawang araw lamang? Sinabi ba ng Diyos, nang biglaan, na “Hindi Ko gusto ngayon ang sangkatauhang ito. Wawasakin Ko ang sangkatauhang ito, kaya simulan mo na at gawan Ako ng arka”? Ito ba ang nangyari? Hindi. Matapos marinig ang mga salita ng Diyos, naunawaan ni Noe ang ibig iparating ng Diyos. Hindi kinasuklaman ng Diyos ang sangkatauhang iyon nang isa o dalawang araw lamang; determinado Siyang wasakin ito, upang makapagsimulang muli ang sangkatauhan. Ngunit sa pagkakataong ito, hindi nais ng Diyos na muling lumikha ng isa pang sangkatauhan; sa halip ay pahihintulutan Niya si Noe na maging mapalad na makaligtas bilang pinuno ng susunod na kapanahunan, bilang ninuno ng sangkatauhan. Nang maarok niya ang aspektong ito ng pakahulugan ng Diyos, nadama ni Noe, sa kaibuturan ng kanyang puso, ang agarang layunin ng Diyos, nadama niya ang pagmamadali ng Diyos—kaya nga, nang magsalita ang Diyos, bukod pa sa pakikinig nang mabuti, maigi, at masigasig, may nadama si Noe sa kanyang puso. Ano ang nadama niya? Pagmamadali, ang emosyong dapat madama ng isang tunay na nilikha matapos pahalagahan ang agarang layunin ng Lumikha. Kaya nga, ano ang naisip ni Noe sa kanyang puso, nang utusan siya ng Diyos na gumawa ng arka? Naisip niya, “Mula ngayon, walang kasinghalaga ng paggawa ng arka, walang kasinghalaga at madalian kaysa rito. Narinig ko na ang mga salita mula sa puso ng Lumikha, naramdaman ko ang Kanyang agarang layunin, kaya hindi ako dapat magpaliban; kailangan kong gawin nang mabilisan ang arkang sinabi at hiningi ng Diyos.” Ano ang saloobin ni Noe? Ang saloobin niya ay hindi siya nangangahas na magpabaya. At sa anong paraan niya isinagawa ang paggawa ng arka? Nang walang pagpapaliban. Isinakatuparan at isinagawa niya ang bawat detalye ng sinabi at tinagubilin ng Diyos nang may buong pagmamadali, at nang buo niyang lakas, nang hindi man lang nagiging pabasta-basta. Sa kabuuan, ang naging saloobin ni Noe sa utos ng Lumikha ay pagpapasakop. Mayroon siyang pakialam dito, at walang paglaban sa kanyang puso, ni walang pagwawalang-bahala. Sa halip, masigasig niyang sinikap na unawain ang layunin ng Lumikha nang kinabisado niya ang bawat detalye. Nang maarok niya ang agarang layunin ng Diyos, nagpasya siyang bilisan ang kilos, upang makumpleto ang sinabi sa kanya ng Diyos nang buong pagmamadali. Ano ang ibig sabihin ng “nang buong pagmamadali”? Ibig sabihin nito ay kumpletuhin, sa loob ng maikling panahon, ang trabaho na aabutin sana dati ng isang buwan, tapusin ito ng marahil ay tatlo o limang araw na mas maaga kaysa sa itinakdang panahon, nang hindi man lang nagpapaliban o nagpapakatamad, kundi tuloy-tuloy na tinatrabaho ang buong proyekto sa abot ng kanyang makakaya. Natural na habang isinasakatuparan niya ang bawat trabaho, sisikapin niyang mabuti na walang masayang at walang maging mali, at hindi siya gagawa ng anumang trabaho na mangangailangan pang ulitin; matatapos din niya ang bawat gawain at proseso nang nasa tamang oras at magagawa niya ang mga ito nang maayos, na ginagarantiyahan ang kalidad nito. Isa itong tunay na pagpapamalas ng hindi pagpapaliban ng trabaho. Kaya, ano ang paunang kinailangan para hindi niya maipagpaliban ang trabaho? (Narinig niya ang utos ng Diyos.) Oo, iyon ang paunang kinailangan at konteksto para dito. Ngayon, bakit nagawa ni Noe na hindi ipagpaliban ang trabaho? Sinasabi ng ilang tao na taglay ni Noe ang tunay na pagpapasakop. Kung gayon, ano ang mayroon siya na nagdulot sa kanya na magkaroon ng gayong tunay na pagpapasakop? (Isinaalang-alang niya ang puso ng Diyos.) Tama iyan! Ito ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng puso! Ang mga taong may puso ay kayang isaalang-alang ang puso ng Diyos; yaong mga walang puso ay mga hungkag na lalagyan, mga hangal, hindi sila marunong magsaalang-alang sa puso ng Diyos. Ang mentalidad nila ay: “Wala akong pakialam kung gaano ito kaapura para sa Diyos, gagawin ko ito sa paraang gusto ko—ano’t anuman, hindi ako nagiging batugan o tamad.” Ang ganitong uri ng saloobin, ang ganitong uri ng pagiging negatibo, ang lubos na kawalan ng pagiging maagap—hindi ito isang taong nagsasaalang-alang sa puso ng Diyos, ni hindi niya nauunawaan kung paano isaalang-alang ang puso ng Diyos. Kung ganyan ang kaso, nagtataglay ba siya ng tunay na pananalig? Talagang hindi. Isinasaalang-alang ni Noe ang puso ng Diyos, may tunay siyang pananalig, kaya’t nagawa niyang tapusin ang atas ng Diyos. Kaya naman, hindi sapat na tanggapin lang ang atas ng Diyos at maging handang magsikap nang kaunti. Dapat isaalang-alang mo rin ang mga layunin ng Diyos, ibuhos ang lahat ng makakaya mo, at maging matapat—kung saan kailangan mong magkaroon ng konsensiya at katwiran; ito ang dapat taglayin ng mga tao, at ito ang nasumpungan kay Noe. Ano ang masasabi ninyo, para magawa ang ganoon kalaking arka noong panahong iyon, ilang taon kaya ang aabutin kung nagmabagal si Noe, at siya ay walang nadamang pagmamadali, walang pag-aalala, walang kahusayan? Matatapos kaya ito sa loob ng 100 taon? (Hindi.) Maaari itong abutin nang ilang henerasyon ng patuloy na paggawa. Sa isang banda, ang paggawa ng isang solidong bagay na tulad ng isang arka ay aabutin nang maraming taon; bukod pa riyan, ganoon din ang pangangalap at pag-aalaga sa lahat ng nilikha na may buhay. Madali bang kalapin ang mga nilikhang ito? (Hindi.) Hindi. Kaya nga, matapos marinig ang mga utos ng Diyos, at maarok ang agarang layunin ng Diyos, nadama ni Noe na hindi iyon magiging madali ni walang hirap. Natanto niya na kailangan niya itong isakatuparan ayon sa mga kagustuhan ng Diyos, at kumpletuhin ang atas na ibinigay ng Diyos, upang mapalugod at mapanatag ang loob ng Diyos, upang ang sumunod na hakbang ng gawain ng Diyos ay makapagpatuloy nang maayos. Gayon ang puso ni Noe. At anong uri ng puso ito? Isa itong pusong nagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos. Batay sa pag-uugali ni Noe sa paggawa ng arka, tunay na isa siyang tao na may malaking pananalig at hindi siya nagkaroon ng alinlangan sa salita ng Diyos sa loob ng isang daang taon. Ano ang pinagbatayan niya? Pinagbatayan niya ang pananalig at pagpapasakop niya sa Diyos. Nagawang magpasakop nang lubusan ni Noe. Ano ang mga detalye ng lubos na pagpapasakop niya? Ang pagsasaalang-alang niya. Taglay ba ninyo ang ganitong puso? (Hindi.) Kaya ninyong magsalita ng mga doktrina at magpahayag ng mga islogan, pero hindi ninyo kayang magsagawa, at kapag nahaharap sa mga suliranin, hindi ninyo maisakatuparan ang mga utos ng Diyos. Kapag nagsasalita kayo, napakalinaw ninyong magsalita, pero pagdating sa mga aktuwal na gawain at nahaharap kayo sa ilang suliranin, nagiging negatibo kayo, at kapag nagdurusa kayo nang kaunti, nagsisimula kayong magreklamo, gusto ninyong sumuko na lang. Kung walang malakas na ulan sa loob ng walo o sampung taon, magiging negatibo kayo at pagdududahan ninyo ang Diyos, at kung lumipas pa ang dalawampung taon na walang malakas na ulan, patuloy pa rin ba kayong magiging negatibo? Gumugol si Noe ng mahigit 100 taon sa paggawa ng arka at hindi siya kailanman naging negatibo o nagduda sa Diyos, patuloy lang siya sa paggawa ng arka. Sino pa bukod kay Noe ang makakagawa nito? Sa anong mga paraan kayo nagkukulang? (Wala kaming normal na pagkatao o konsensiya.) Tama iyan. Hindi ninyo taglay ang karakter ni Noe. Ilang katotohanan ang naunawaan ni Noe? Sa tingin ninyo, mas maraming katotohanan ba ang naunawaan niya kaysa sa inyo? Nakapakinig na kayo ng napakaraming sermon. Ang mga misteryo ng pagkakatawang-tao ng Diyos, ang natatagong katotohanan ng tatlong yugto ng gawain ng Diyos, ang plano ng pamamahala ng Diyos; ang mga ito ang pinakamataas at pinakamalalim na mga misteryong ipinahayag sa sangkatauhan, at nilinaw na sa inyo ang lahat ng ito, kaya bakit hindi pa rin ninyo taglay ang pagkatao ni Noe at hindi pa rin ninyo magawa ang nagawa ni Noe? Napakahina ng pananalig at pagkatao ninyo kumpara kay Noe! Masasabing wala kayong tunay na pananalig, o ang pinakapayak na konsensiya o katwiran na dapat taglayin sa loob ng pagkatao. Bagaman napakarami na ninyong napakinggang sermon at sa panlabas, parang nauunawaan ninyo ang mga katotohanan, hindi mababago agad-agad ang kalidad ng pagkatao ninyo at ang tiwaling disposisyon ninyo sa pamamagitan ng pakikinig ng mas maraming sermon o sa pamamagitan ng pag-unawa sa mga katotohanan. Kung walang pagkilatis sa mga bagay na ito, pakiramdam ng mga tao na hindi sila masyadong mahina kumpara sa mga banal noong unang panahon, iniisip nila, “Tinatanggap din namin ngayon ang atas ng Diyos at nakikinig kami sa salita ng Diyos mula sa bibig Niya mismo. Sineseryoso rin namin ang bawat bagay na ipinapagawa ng Diyos sa amin. Nakikipagbahaginan ang lahat nang sama-sama tungkol sa mga bagay na ito, at pagkatapos ay ginagawa ang mga gawain ng pagpaplano, pagtatalaga, at pagsasakatuparan ng bagay-bagay. Paano kami naiiba sa mga banal noong unang panahon?” Malaki ba o hindi ang nakikita ninyong pagkakaiba ngayon? Napakalaki nito, lalo na sa aspekto ng karakter. Labis na tiwali, makasarili, at kasuklam-suklam ang mga tao sa kasalukuyan! Hindi sila kikilos maliban kung makikinabang sila! Sobrang nakakapagod para sa kanila ang paggawa ng mabubuting bagay at paghahanda ng mabubuting gawa! Gusto nilang gumawa ng isang tungkulin pero wala silang determinasyon, gusto nilang magdusa pero hindi nila ito kaya, gusto nilang magbayad ng halaga pero hindi nila ito magawa, gusto nilang isagawa ang katotohanan pero hindi nila ito maisakatuparan, at gusto nilang mahalin ang Diyos pero hindi nila ito maisagawa. Sabihin ninyo sa Akin, kung gaano kalaki ang kakulangan ng ganitong uri ng pagkatao! Gaano karaming katotohanan ang kailangang maunawaan at taglayin para mapunan ito?
Katatapos lamang nating magbahaginan tungkol sa pagsasaalang-alang ni Noe sa mga layunin ng Diyos, na isang mahalagang bahagi ng kanyang pagkatao. Mayroon pang isa—ano iyon? Matapos marinig ang mga salita ng Diyos, nalaman ni Noe ang isang katotohanan; kaya nalaman din niya kung ano ang plano ng Diyos. Ang plano ay hindi ang simpleng bumuo ng arka para magsilbing isang bantayog, o lumikha ng isang amusement park, o gumawa ng isang malaking gusali bilang isang tanda sa lugar—hindi ganoon iyon. Mula sa sinabi ng Diyos, alam ni Noe ang isang katunayan: kinasusuklaman ng Diyos ang sangkatauhang ito, na buktot, at napagdesisyunan na Niya na lipulin ang sangkatauhang ito sa pamamagitan ng baha. Samantala, ang mga mananatiling buhay sa sumunod na panahon ay ililigtas ng arkang ito mula sa mga baha; tutulutan nitong makaligtas sila. At ano ang pangunahing isyu sa katotohanang ito? Na wawasakin ng Diyos ang mundo sa pamamagitan ng baha, at layon Niyang bumuo ng arka si Noe at manatiling buhay, at ang bawat uri ng nilikha na may buhay ay manatiling buhay, ngunit malilipol ang sangkatauhan. Malaking bagay ba ito? Hindi ito maliit na bagay na pampamilya, ni hindi ito maliit na bagay tungkol sa isang indibidwal o isang tribo; sa halip, sangkot dito ang isang malaking operasyon. Anong uri ng malaking operasyon? Isang operasyong may kaugnayan sa plano ng pamamahala ng Diyos. May gagawing malaking bagay ang Diyos, isang bagay na sangkot ang buong sangkatauhan, at may kaugnayan sa Kanyang pamamahala, sa Kanyang saloobin sa sangkatauhan, at sa kapalaran nito. Ito ang ikatlong impormasyon na nalaman ni Noe nang ipagkatiwala sa kanya ng Diyos ang trabahong ito. At ano ang naging saloobin ni Noe nang marinig niya ito mula sa mga salita ng Diyos? Siya ba ay nanampalataya, nagduda, o lubos na hindi makapaniwala? (Nanampalataya.) Hanggang saan ang kanyang pinaniwalaan? At anong mga katotohanan ang nagpapatunay na pinaniwalaan niya ito? (Nang marinig niya ang mga salita ng Diyos, sinimulan niyang isagawa ang mga ito, at binuo ang arka tulad ng sinabi ng Diyos, na nangangahulugan na ang kanyang saloobin sa mga salita ng Diyos ay ang manampalataya.) Mula sa lahat ng ipinakita ni Noe—mula sa antas ng pagsasagawa at pagsasakatuparan matapos tanggapin ni Noe ang ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos, hanggang sa katotohanan ng naisagawa sa huli—makikita na lubos ang pananampalataya ni Noe sa bawat salitang binigkas ng Diyos. Bakit may lubos siyang pananampalataya? Bakit wala siyang mga pagdududa? Paano nangyari na hindi niya sinubukang magsuri, na hindi niya sinuri ito sa kanyang puso? Sa ano ito nauugnay? (Pananalig sa Diyos.) Tama iyan, ito ang tunay na pananalig ni Noe sa Diyos. Samakatwid, pagdating sa lahat ng bagay na sinabi ng Diyos at sa Kanyang bawat salita, hindi lamang pinakinggan at tinanggap ni Noe ang mga ito; sa halip ay mayroon siyang tunay na kaalaman at pananalig sa kaibuturan ng kanyang puso. Bagama’t hindi sinabi sa kanya ng Diyos ang iba’t ibang detalye, tulad ng kailan darating ang mga baha, o ilang taon ang lilipas bago dumating ang mga ito, o gaano kalaki ang mga bahang ito, o ano ang magiging hitsura ng mundo pagkatapos itong wasakin ng Diyos, nanampalataya si Noe na lahat ng sinabi ng Diyos ay nagkatotoo na. Hindi itinuring ni Noe ang mga salita ng Diyos na isang kuwento, o isang alamat, o isang kasabihan, o isang piraso ng sulat, kundi nanampalataya siya sa kaibuturan ng kanyang puso at sigurado siya, na gagawin ito ng Diyos, at walang sinuman ang maaaring makapagbago sa pinagpasyahang isakatuparan ng Diyos. Naramdaman ni Noe na maaari lamang magkaroon ng iisang saloobin ang mga tao sa mga salita ng Diyos at sa nais gawin ng Diyos, iyon ay ang tanggapin ang katunayang ito, magpasakop sa utos ng Diyos, at tumulong sa mga gawaing hinihingi ng Diyos na tumulong sila—ito ang saloobin ni Noe. At ito ay dahil mismo sa mayroong gayong saloobin si Noe—hindi nanunuri, hindi nag-uusisa, hindi nagdududa, subalit nananampalataya mula sa kaibuturan ng kanyang puso, at pagkatapos ay nagpapasyang tumulong sa ipinagawa ng Diyos, at sa nais ng Diyos na maisagawa—dahil dito mismo kaya naisakatuparan ang pagbuo sa arka at nakalap at nailigtas ang bawat uri ng nilikha na may buhay. Kung nagduda si Noe noong marinig ni Noe na sinabi ng Diyos na wawasakin Niya ng mga baha ang mundo; kung nangahas siyang hindi ganap na paniwalaan ito, dahil hindi pa niya ito nakikita, at hindi niya alam kung kailan mangyayari ito, dahil maraming bagay na walang nakakaalam, naapektuhan kaya ang takbo ng kanyang pag-iisip at pananampalataya sa pagbubuo ng arka, magbabago kaya ito? (Oo.) Paano kaya ito magbabago? Habang binubuo ang arka, maaaring magmadali siyang gawin iyon, maaaring balewalain niya ang mga detalyeng sinabi ng Diyos, o hindi niya kinalap ang bawat uri ng nilikha na may buhay sa loob ng arka tulad ng hiniling ng Diyos; sinabi ng Diyos na kailangang may isang lalaki at isang babae, kung saan ay maaaring nasabi niyang, “Para sa ilan sa kanila, sapat na ang magkaroon lamang ng isang babae. Hindi ko matagpuan ang ilan sa kanila, kaya kalimutan mo na lang sila. Wala namang nakakaalam kung kailan mangyayari ang pagbahang wawasak sa mundo.” Ang mabigat na trabahong buuin ang arka at mangalap ng bawat uri ng nilikha na may buhay ay inabot nang 120 taon. Magsisikap kaya si Noe sa loob nitong 120 taon kung wala siyang tunay na pananalig sa mga salita ng Diyos? Talagang hindi. Sa panghihimasok ng mundo sa labas, at iba’t ibang reklamo mula sa mga miyembro ng kanilang pamilya, para sa isang taong hindi nananampalataya na totoo ang mga salita ng Diyos, ang pagbubuo ng arka ay magiging napakahirap isagawa, lalo na kung aabutin ito nang 120 taon. Noong huli, tinanong Ko kayo kung mahabang panahon ba ang 120 taon. Sumang-ayon kayong lahat. Tinanong Ko kayo kung gaano kahabang panahon ang itatagal ninyo, at nang tanungin Ko kayo kalaunan kung makakayanan ninyo ang 15 araw, walang nagsabi sa inyo na kaya ninyo, at nalungkot ang puso Ko. Labis kayong napakahina kumpara kay Noe. Hindi kayo kapantay ng isang buhok sa kanyang ulo, ni wala kayo ng isang ikasampu ng kanyang pananalig. Kahabag-habag kayo! Sa isang banda, napakababa ng inyong pagkatao at integridad. Ang isa pa, masasabi na hindi ninyo talaga hinahangad ang katotohanan. Kaya nga, wala kayong kakayahang magkaroon ng tunay na pananalig sa Diyos, ni wala kayong tunay na pagpapasakop. Kaya paano kayo nakatagal hanggang sa ngayon—bakit, habang nakikipagbahaginan Ako, nakaupo pa rin kayo riyan at nakikinig? May dalawang aspektong nakikita sa inyo. Sa isang banda, karamihan sa inyo ay gusto pa ring maging mabuti; ayaw ninyong maging masasamang tao. Nais ninyong tumahak sa tamang landas. Mayroon kayong kaunting pagpapasya, mayroon kayong kaunting magandang hangarin. Kasabay nito, karamihan sa inyo ay takot mamatay. Gaano kayo katakot na mamatay? Sa pinakamaliit na tanda ng kaguluhan sa mundo sa labas, mayroon sa inyo na nagsusumikap na gawin ang kanilang tungkulin; kapag pumapayapa ang mga bagay-bagay, nagpapakasasa sila sa kaginhawahan, at nababawasan nang husto ang pagsisikap nilang gawin ang kanilang tungkulin; lagi nilang inaasikaso ang kanilang laman. Kumpara sa tunay na pananalig ni Noe, mayroon bang anumang tunay na pananalig na mamamalas sa inyo? (Wala.) Palagay Ko rin. At kahit kung mayroong kakatiting na pananalig, kalunos-lunos ang liit nito, at hindi nito makakayang tiisin ang mga pagsubok.
Hindi pa Ako nakagawa ng anumang mga pagsasaayos ng gawain, ngunit madalas Kong marinig ang mga ito na may paunang mga salitang tulad nito: “Sa ngayon, lubos na nagkakagulo ang iba’t ibang bansa, lalong nagiging buktot ang mga makamundong kalakaran, at parurusahan ng Diyos ang sangkatauhan; dapat nating gawin ang ating tungkulin ayon sa katanggap-tanggap na pamantayan sa pamamagitan ng paggawa ng ganito at ganoon, at pagbibigay ng ating katapatan sa Diyos.” “Sa mga panahong ito, mas lalong tumitindi ang mga salot, mas masama ang kapaligiran, mas grabe ang mga kalamidad, nahaharap ang mga tao sa banta ng mga karamdaman at kamatayan, at kung mananampalataya lamang tayo sa Diyos, at mas magdarasal sa harapan ng Diyos, saka lamang natin maiiwasan ang salot, sapagkat Diyos lamang ang ating kanlungan. Sa mga panahong ito, nahaharap sa gayong mga sitwasyon, at sa gayong kapaligiran, dapat tayong maghanda ng mabubuting gawa sa pamamagitan ng paggawa ng kung ano, at sangkapan ang ating sarili ng katotohanan sa pamamagitan ng paggawa ng kung ano—ito ay kinakailangan.” “Ang paglusob ng mga peste ngayong taon ay napakatindi, mahaharap ang sangkatauhan sa taggutom, at hindi magtatagal ay daranas ng nakawan at kawalan ng katatagan sa lipunan, kaya ang mga mananampalataya sa Diyos ay dapat humarap nang madalas sa Diyos upang manalangin at humiling ng proteksiyon ng Diyos, at kailangang magpanatili ng normal na buhay iglesia, at isang normal na espirituwal na buhay.” At iba pa. At pagkatapos, kapag nasabi na ang paunang salita, nagsisimula ang partikular na mga pagsasaayos. Sa bawat pagkakataon, ang mga paunang salitang ito ay gumanap ng napapanahon at mahalagang papel sa pananalig ng mga tao. Kaya iniisip Ko, hindi ba isasagawa ang mga pagsasaayos ng gawain kung hindi nagawa ang mga paunang salita at pahayag na ito? Kung wala ang mga paunang salitang ito, hindi ba magiging mga pagsasaayos ng gawain ang mga pagsasaayos ng gawain? Hindi ba magkakaroon ng dahilan para ilabas ang mga ito? Ang sagot sa mga tanong na ito ay siguradong hindi. Ang nais Kong malaman ngayon ay, ano ang layunin ng mga tao sa pananampalataya sa Diyos? Ano ba talaga ang kabuluhan ng kanilang pananalig sa Diyos? Nauunawaan ba nila, o hindi, ang mga katotohanan na nais isagawa ng Diyos? Paano dapat tratuhin ng mga tao ang mga salita ng Diyos? Paano nila dapat tratuhin ang lahat ng iniuutos ng Lumikha? Mahalaga bang isaalang-alang ang mga tanong na ito? Kung si Noe ang gagamiting pamantayan para sukatin ang mga tao, ang Aking pananaw ay wala ni isa sa kanila ang karapat-dapat na tawaging “nilikha.” Hindi sila magiging karapat-dapat na humarap sa Diyos. Kung ang pananalig at pagpapasakop ng mga tao ngayon ay susukatin sa saloobin ng Diyos kay Noe, at sa mga pamantayang ginamit ng Diyos sa pagpili kay Noe, masisiyahan ba ang Diyos sa kanila? (Hindi.) Napakalayo pa nila! Palaging sinasabi ng mga tao na nananampalataya at sumasamba sila sa Diyos, ngunit paano namamalas sa kanila ang pananalig at pagsambang ito? Ang totoo, naipapamalas ito sa kanilang pag-asa sa Diyos, sa kanilang mga kahilingan sa Kanya, gayundin sa kanilang totoong paghihimagsik laban sa Kanya, at maging ang pangmamaliit nila sa Diyos na nagkatawang-tao. Maituturing ba ang lahat ng ito na paghamak ng sangkatauhan sa katotohanan at hayagang paglabag sa prinsipyo? Iyan, sa katunayan, ang nangyayari—ito ang diwa nito. Tuwing nilalaman ng mga pagsasaayos ng gawain ang mga salitang ito, nadaragdagan ang “pananalig” ng mga tao; tuwing naglalabas ng mga pagsasaayos ng gawain, kapag natatanto ng mga tao ang mga hinihingi at kabuluhan ng mga pagsasaayos ng gawain, at nakakaya nilang isagawa ang mga iyon, naniniwala sila na nadaragdagan ang antas ng kanilang pagpapasakop, na mayroon na sila ngayong pagpapasakop—ngunit, sa totoo lang, talaga bang nagtataglay sila ng pananalig at tunay na pagpapasakop? At ano ba itong pinaniniwalaang pananalig at pagpapasakop kapag sinukat ayon sa pamantayan ni Noe? Isang uri ng transaksiyon, sa totoo lang. Paano ito posibleng maituturing na pananalig at tunay na pagpapasakop? Ano itong tinatawag na tunay na pananalig ng mga tao? “Narito na ang mga huling araw—sana ay kumilos kaagad ang Diyos! Napakalaking pagpapala na naririto ako kapag wawasakin na ng Diyos ang mundo, na magiging sapat ang suwerte ko na manatiling buhay, at hindi magdusa ng mga pamiminsala ng pagkawasak. Napakabuti ng Diyos, mahal na mahal Niya ang mga tao, napakadakila ng Diyos! Itinaas Niya nang husto ang tao, ang Diyos ay talagang Diyos, Diyos lamang ang makagagawa ng gayong mga bagay.” At ang tinatawag nilang tunay na pagpapasakop? “Lahat ng sinasabi ng Diyos ay tama. Gawin ang anumang sabihin Niya; kung hindi, masasadlak ka sa kapahamakan, at magiging katapusan na ng lahat sa iyo, walang sinumang makapagliligtas sa iyo.” Hindi tunay na pananalig ang kanilang pananalig, at hindi tunay na pagpapasakop ang kanilang pagpapasakop—puro kasinungalingan ang mga ito.
Ngayon, halos lahat sa mundo ay alam ang pagbuo ng arka ni Noe, hindi ba? Ngunit ilang tao ang nakakaalam ng natatagong kuwento nito? Ilang tao ang nakakaunawa sa tunay na pananalig at pagpapasakop ni Noe? At sino ang nakakaalam—at may pakialam—kung ano ang pagsusuri ng Diyos kay Noe? Walang sinuman ang pumapansin dito. Ano ang ipinapakita nito? Ipinapakita nito na hindi hinahangad ng mga tao ang katotohanan, at hindi nila minamahal ang mga positibong bagay. Noong huli, matapos Kong makipagbahaginan sa mga kuwento ng dalawang taong ito, binalikan ba ng sinuman ang Bibliya para basahin ang mga detalye ng mga kuwentong ito? Naantig ba kayo nang marinig ninyo ang mga kuwento nina Noe, Abraham, at Job? (Oo.) Naiinggit ba kayo sa tatlong taong ito? (Oo.) Gusto ba ninyong maging katulad nila? (Oo.) Kaya, nagdaos ba kayo ng detalyadong mga pagbabahaginan tungkol sa mga kuwento nila, at tungkol sa diwa ng kanilang pag-uugali, ng kanilang saloobin sa Diyos, at ng kanilang pananalig at pagpapasakop? Saan dapat magsimula ang mga taong nais maging katulad ng ganitong uri ng mga tao? Matagal na simula nang una Kong nabasa ang kuwento ni Job, at nauunawaan Ko rin nang kaunti ang mga kuwento nina Noe at Abraham. Sa tuwing binabasa at iniisip Ko sa puso Ko ang tungkol sa ipinakita ng tatlong lalaking ito, ang sinabi at ginawa ng Diyos sa kanila, at ang kanilang iba’t ibang saloobin, pakiramdam Ko ay mapapaluha Ako—naaantig Ako. Kaya ano ang nakaantig sa inyo nang basahin ninyo ang mga ito? (Matapos kong mapakinggan ang pagbabahaginan ng Diyos, nalaman ko sa wakas na habang dumaranas ng kanyang mga pagsubok si Job, inisip niya na nagdurusa ang Diyos para sa kanya, at dahil ayaw niyang magdusa ang Diyos, isinumpa niya ang mismong araw ng kanyang kapanganakan. Sa tuwing binabasa ko ito, nararamdaman ko na talagang isinasaalang-alang ni Job ang mga layunin ng Diyos at labis akong naaantig.) Ano pa? (Dumaan sa napakaraming paghihirap si Noe noong ginagawa niya ang arka, pero nagawa pa rin niyang magpakita ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos. Pinagkalooban ng anak si Abraham sa edad na 100 at labis siyang natuwa, pero nang hilingin ng Diyos na ihandog niya ang kanyang anak, nagawa niyang sumunod at magpasakop, pero hindi namin magawa iyon. Wala kami ng pagkatao, konsensiya, o katwiran na taglay ni Noe o ni Abraham. Napupuno ako ng paghanga kapag binabasa ko ang mga kuwento nila, at mga huwaran sila na dapat naming tularan.) (Noong huli Kang nakipagbahaginan, nabanggit Mo na nagawang magpursige ni Noe sa loob ng 120 taon sa paggawa ng arka at natapos niya nang perpekto ang mga bagay na iniutos sa kanya ng Diyos at hindi niya binigo ang mga inaasahan ng Diyos. Sa paghahambing nito sa saloobin ko sa tungkulin ko, nakikita ko na wala akong kahit kaunting pagtitiyaga. Dahil dito, nakokonsensiya ako at naaantig.) Naaantig kayong lahat, hindi ba? (Oo.) Hindi muna natin pagbabahaginan ang paksang ito sa ngayon; tatalakayin natin ang lahat ng ito kapag natapos na natin ang mga kuwento nina Noe at Abraham. Sasabihin Ko sa inyo kung aling mga bahagi ang nakaantig sa Akin, at titingnan natin kung ang mga ito rin ang mga bahaging nakaantig sa inyo.
Katatapos lang nating magbahaginan tungkol sa tunay na pananalig ni Noe sa Diyos. Ang mga naitatag na katunayan ng kanyang paggawa ng arka ay sapat na upang makita ang kanyang tunay na pananalig. Ang tunay na pananalig ni Noe ay nakikita sa bawat kilos niya, sa bawat iniisip niya, at sa saloobin niya nang kumilos siya ayon sa iniutos sa kanya ng Diyos. Sapat na ito upang ipakita ang tunay na pananalig ni Noe sa Diyos—pananalig na walang anumang pagdududa, at walang anumang halo. Naaayon man ang iniutos sa kanya ng Diyos sa sarili niyang mga kuru-kuro, kung ito man ang naiplano niyang gawin sa buhay, at paano man ito sumalungat sa mga bagay-bagay sa kanyang buhay, lalo na kung gaano kahirap ang gawaing ito, iisa lamang ang kanyang saloobin: pagtanggap, pagpapasakop at pagpapatupad. Sa huli, makikita sa mga totoong pangyayari na ang arkang binuo ni Noe ay nagligtas sa bawat klase ng nilikha na may buhay, gayundin sa sariling pamilya ni Noe. Nang idulot ng Diyos ang pagbaha at sinimulan Niyang lipulin ang sangkatauhan, lulan ng arka ang pamilya ni Noe at ang iba’t ibang uri ng nilikha na may buhay, lumutang ito sa tubig. Winasak ng Diyos ang daigdig sa pamamagitan ng pagpapadala ng matinding pag-ulan sa loob ng apatnapung araw, at ang nanatiling buhay lang ay ang pamilya ni Noe na may walong katao at ang iba’t ibang nilikha na may buhay na pumasok sa arka, nalipol ang lahat ng ibang tao at buhay na nilalang. Ano ang makikita mula sa mga totoong pangyayaring ito? Dahil si Noe ay may tunay na pananalig at tunay na pagpapasakop sa Diyos—sa pamamagitan ng tunay na pakikipagtulungan ni Noe sa Diyos—naisakatuparan ang lahat ng nais gawin ng Diyos; nagkatotoo ang lahat. Ito ang pinahalagahan ng Diyos kay Noe, at hindi binigo ni Noe ang Diyos; sinunod niya ang mahalagang atas na ibinigay sa kanya ng Diyos, at kinumpleto ang lahat ng ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos. Nagawang kumpletuhin ni Noe ang atas ng Diyos, sa isang banda, dahil sa mga utos ng Diyos, at kasabay nito, dahil din ito sa tunay na pananalig at lubos na pagpapasakop ni Noe sa Diyos. Ito ay dahil mismo sa taglay ni Noe ang dalawang pinakakatangi-tangi sa lahat ng bagay kaya siya minahal ng Diyos; at ito ay dahil mismo sa taglay ni Noe ang tunay na pananalig, at lubos na pagpapasakop, kaya ang tingin sa kanya ng Diyos ay isang taong dapat manatili, at bilang isang tao na karapat-dapat na manatiling buhay. Lahat maliban kay Noe ay kinasusuklaman ng Diyos, na nagpapahiwatig na lahat sila ay hindi karapat-dapat na mabuhay sa gitna ng mga nilikha ng Diyos. Ano ang dapat nating makita mula sa paggawa ni Noe ng arka? Sa isang banda, nakita na natin ang mararangal na karakter ni Noe; may konsensiya at katwiran si Noe. Sa kabilang banda, nakita na natin ang tunay na pananalig at tunay na pagpapasakop ni Noe sa Diyos. Lahat ng ito ay nararapat na tularan. Dahil mismo sa pananalig at pagpapasakop ni Noe sa atas ng Diyos kaya naging pinakamamahal si Noe sa mga mata ng Diyos, isang nilikha na minahal ng Diyos—ito ay pagiging mapalad at pinagpala. Ang gayong mga tao lamang ang nararapat na mamuhay sa liwanag ng presensiya ng Diyos; sa mga mata ng Diyos, sila lamang ang nararapat na mabuhay. Ang mga taong nararapat na mabuhay: ano ang ibig sabihin nito? Ang ibig sabihin nito ay iyong mga karapat-dapat na tamasahin ang lahat ng maaaring tamasahin na ipinagkaloob ng Diyos sa sangkatauhan, karapat-dapat na mamuhay sa liwanag ng presensiya ng Diyos, karapat-dapat na matanggap ang mga pagpapala at pangako ng Diyos; ang mga ganitong tao ang pinakaminamahal ng Diyos, sila ang mga tunay na nilikhang tao, at ang siyang mga gustong makamit ng Diyos.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.