Unang Ekskorsus: Kung Ano ang Katotohanan (Ikatlong Seksiyon)
B. Pagtitiis sa Kahihiyan at Pagdadala ng Mabigat na Pasanin
Ang ikalawang pagpapamalas ng pagtulog sa mga sanga at pagdila sa apdo ay ang pagtitiis ng kahihiyan at pagdadala ng mabigat na pasanin. Ang pagtitiis ng kahihiyan at pagdadala ng mabigat na pasanin ay isa ring anyo ng pag-iisip, isang mentalidad, at isang saloobin sa mga bagay na isinusulong ng mga makamundong tao. Sa lipunan at sa mundo, isa itong paraan ng pag-iisip na medyo positibo, at na iniisip ng sangkatauhan na medyo optimistiko, nakatuon sa pag-unlad, at positibo. Kaya ano ito na gusto nating himayin? Ano ang masama sa pagtitiis ng kahihiyan at pagdadala ng mabigat na pasanin? Bakit hindi ito ang katotohanan? Pundamental itong walang kinalaman sa katotohanan. Ano ang ibig Kong sabihin kapag sinasabi Kong wala itong kinalaman sa katotohanan? Ibig Kong sabihin na kung gusto mong magsagawa ng katotohanan, dapat mong gawin ito nang ganap na naaayon sa mga prinsipyo ng mga salita ng Diyos, at nang naaayon sa mga pamantayan at mga partikular na hinihingi ng Diyos. Hindi mo dapat paghaluin ang mga saloobin at pananaw sa paggawa ng mga bagay-bagay, at ang mga pamamaraan at pinagkukunan ng mga tinatawag na ideolohiya, mentalidad, at integridad ng tao. Ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, at walang kinalaman sa mga bagay na ito. Kung gayon bakit masama ang pagtitiis ng kahihiyan at pagdadala ng mabigat na pasanin? Bakit sinasabi Kong hindi ito ang katotohanan? Hindi ba’t mahalagang himayin ito? (Oo, ganoon nga.) Simulan natin sa pagpapaliwanag sa literal na kahulugan ng parirala; pagkatapos ay magiging mas madali itong maunawaan. Ang pagtitiis ng kahihiyan at pagdadala ng mabigat na pasanin ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng kakayahang tiisin ang lahat ng kahihiyan, sakit, at kawalan ng dignidad alang-alang sa iyong mga responsabilidad, pasanin, o ang misyong iyong isinasagawa at tinatanggap. Ito ang batayang kahulugan ng pariralang ito. Kung gayon, sa anong mga kapaligiran at sitwasyon karaniwang ginagamit ng isang tao ang pariralang ito? Kung sinasabi ng isang tao na ang isang tao ay nagtitiis ng kahihiyan at nagdadala ng mabigat na pasanin, ang taong iyon ba ay kasalukuyang nasa isang sitwasyon kung saan kompleto na ang kanyang misyon, at naisakatuparan na niya ang layon na gusto niyang isakatuparan? (Hindi.) Kaya, madalas kapag nagsasalita ang isang tao tungkol sa pagtitiis ng kahihiyan at pagdadala ng mabigat na pasanin, tinutukoy niya ang isang di-mahalagang tao na nasa isang sitwasyon kung saan ganap na wala siyang katayuan at walang karangalan, lalong walang anumang kapangyarihan. Nasa ganitong sitwasyon siya, subalit kailangan pa rin niyang dalhin ang mga responsabilidad niya, dalhin ang misyon na kailangan niyang kompletuhin, huwag panghinaan ng loob, huwag magkompromiso, at huwag sumuko. Hindi ba’t isa rin itong uri ng mentalidad? Ano ang diin sa mentalidad na ito? Ito ay sa “pagtitiis” at “pagdadala.” Ang “pagtitiis” ay nangangahulugang maging matiyaga at paglabanan ang isang bagay. Kasabay ng pagtitiis sa isang bagay, kailangan niyang tanggapin at dalhin ang isang mabigat na pasanin at responsabilidad, huwag mabigong matugunan ang mga inaasahan ng lahat, at huwag hayaang mabigo ang taong nagkatiwala sa kanya ng atas na ito. Anong uri ng mentalidad ito? (Pagtitiyaga.) May ganitong elemento ng kahulugan dito, subalit ito ang pinakapangunahin at pinakamababang antas ng kahulugan. Ano pa ang mayroon? Suriin natin ito sa ganitong paraan. Ano ang ibig sabihin ng “kahihiyan” sa “pagtitiis ng kahihiyan”? (Kawalan ng dignidad at kawalan ng dangal.) Ito ay kapag ang lahat ng nakapalibot sa taong ito ay ipinapahiya siya at ipinararamdam sa kanyang nagdusa siya ng kawalan ng dignidad. Aling mga pag-uugali sa partikular ang namamahiya sa mga tao at nagpaparamdam sa kanilang nagdusa sila ng kawalan ng dignidad? (Kinukutya sila, sinisiraang-puri sila, at gumagawa ng mga mapanlibak na pahayag tungkol sa kanila.) Tama iyon, kinukutya at sinisiraang-puri sila, gayundin ginagawang katatawanan sila, niloloko sila, at gumagawa ng mga mapanlibak na pahayag tungkol sa kanila. Kaya, ano ang ibig sabihin ng “mabigat na pasanin” sa “pagdadala ng mabigat na pasanin”? (Responsabilidad at atas.) Ano ang nakapaloob sa responsabilidad at atas? Nakapaloob sa mga ito ang isang uri ng misyon at mabigat na pasanin—ang mabigat na pasaning ito ay maaaring isa na ipinagkatiwala ng ibang tao sa isang tao, o maaaring isang layon ito na ipinaglalaban ng isang tao, o isang misyong iniisip nila mismo. Anong mga uri ng mga misyon ang iniisip ng mga tao na isinasagawa nila? (Pagbibigay karangalan sa kanilang mga ninuno, at pamumukod-tangi sa iba.) (Maging pinakamahusay sa grupo.) Mga halimbawa ang lahat ng ito. Karaniwang mga sariling hangarin ang mga ito ng mga tao. Para makamit at maisakatuparan ang mga layong ito, sa kasalukuyan nilang sitwasyon, nagagawa nilang magtiis ng mga kawalan ng dignidad, pangungutya, paninirang-puri, mga mapanlibak na pahayag, at maging panunuya mula sa mga tao sa paligid nila. Ano ang nagtutulak sa kanila para tiisin ang lahat ng ito? Halimbawa, may isang tao na naghahangad na maging isang nakatataas na heneral ng hukbo. Bago siya magkamit ng kapangyarihan, may isang araw na siya ay ipinahiya ng isang grupo ng mga sanggano, sinasabing, “Ikaw? Isang heneral ng hukbo? Sa puntong ito, ni wala kang kabayo—kaya paano ka magiging isang heneral? Kung gusto mong maging heneral, gumapang ka muna sa pagitan ng mga binti ko!” Humagalpak ng tawa ang lahat ng tao sa tabi niya. Saglit siyang nagmuni-muni sa sarili, “Walang mali sa kagustuhang maging isang heneral ng hukbo. Bakit nila ako kinukutya at ginagawang katatawanan? Pero hindi ako maaaring maging walang ingat at magpakita ng mga abilidad ko ngayon. Kung huhusgahan sa kung paano umuusad ang mga bagay-bagay ngayon, kung hindi ko gagawin ang sinasabi nila, mabubugbog ako, at kung hindi uusad nang maayos ang mga bagay-bagay maaaring mamatay ako. Paano ako magiging isang heneral kung gayon? Para sa kapakanan ng aking mga hinahangad, ang paggapang sa pagitan ng mga binti ng isang sanggano ay wala lang. Ako pa rin ako, hindi ba?” Sa puntong ito, lumuhod siya, inilapat ang parehong kamay sa lupa, at gumapang sa pagitan ng mga binti ng sanggano na parang isang aso. Habang gumagapang siya, mahirap itong tanggapin sa puso niya at nasaktan ang puso niya, na parang sinaksak ito ng isang patalim—may pagkamuhi sa puso niya! Iniisip niyang, “Isang araw kapag naging heneral na talaga ako, tatadtarin kita nang pinong-pino!” Ito ang iniisip niya sa puso niya, subalit sa panlabas kailangan niyang tiisin ito—hindi niya maaaring ipakita sa iba kung ano ang iniisip niya. Pagkatapos niyang gumapang sa pagitan ng mga binti ng sanggano, nalugod ang grupo ng mga sanggano at pinaalpas siya, binigyan siya ng isang mabilis na tadyak palayo. Tumayo siya, pinagpag ang alikabok sa sarili niya at sinabi pa ngang, “Magandang sipa. Tatawagin kitang ‘boss’ simula ngayon.” Kung ano ang iniisip niya sa loob at kung ano ang ipinakikita niya sa labas ay ganap na magkaiba. Paano niya nagagawa ito? May isa lang siyang layon: “Kailangan kong patuloy na mabuhay. Tinitiis ko ang lahat ng ito para dumating ang isang araw na magiging isang heneral ako, at magiging pinakamagaling sa lahat. Makabuluhang magdusa ng paghihirap at kahihiyang ito ngayon. Bukas kailangan kong mas magtrabaho pa at magsikap para magpunyaging kamtin ang aking layon. Anumang mga paghihirap ang aking nararanasan, at gaano man karaming pagdurusa at kawalang-dignidad ang aking tinitiis, dapat akong maging heneral! Pagkatapos kong maging heneral, ang unang bagay na dapat kong gawin ay patayin ang salbaheng ito at bumawi sa pagkapahiya sa akin nang pinagapang ako sa pagitan ng mga binti niya!” Maging heneral man siya sa hinaharap, ang “pagtitiis” ang pinakamataas na prinsipyo niya sa sandaling iyon. May anuman bang estratehiya o lihim na pakanang nakapaloob dito? (Oo.) May mga lihim na pakana. Nagtitiis siya dahil wala na siyang ibang magagawa; para saan ito? Ito ay na para isang araw ay mabawi niya ang lahat ng kawalang-dignidad na ito. Ang pagtitiis niya ay batay sa mga kasabihan tulad ng, “Kung may buhay, may pag-asa” at “Hindi pa huli ang lahat para maghiganti ang isang maginoo”—ang lahat ng ito ay mga pakana. Itong mga pakanang ito ang nagtulak sa kanya na pagtiisan ang kahihiyan sa paggapang sa pagitan ng mga binti ng sanggano. Mula sa puntong ito, lalong mas lumaki at mas tumindi ang pagnanais sa puso niyang maging isang heneral; hinding-hindi siya susuko. Kaya, para saan ang kawalang-dignidad at kahihiyang tiniis niya? Ito ba ay para mapanatili niya ang isang makatarungang layunin o mapanatili ang tunay na dignidad? Ginawa niya ito para sa kapakanan ng sarili niyang ambisyon. Kaya’t positibo ba ito o negatibo? (Negatibo.) Batay sa antas ng kahulugang ito, ang “pagtitiis” na ito ay ganap na inuudyukan ng personal na interes, pagnanais, at ambisyon. May katotohanan ba sa pagtitiis na ito? (Wala.) Kung walang katotohanan, mayroon bang normal na pagkatao? (Wala.) Hindi ito makatarungan, ni hindi ito matuwid, lalong hindi ito walang kapintasan; sa halip, punong-puno ito ng pagnanais, mga lihim na pakana, at mga kalkulasyon—hindi ito positibo.
Ang uri ng pag-iisip at mentalidad ng pagtitiis ng kahihiyan at pagdadala ng mabigat na pasanin na isinusulong ng buktot na sangkatauhang ito ay katulad lang talaga ng kuwentong sinabi Ko ngayon lang, kung saan kung nais ng isang tao na makamit ang malalaking bagay, dapat niyang tiisin ang mga bagay na hindi kayang tiisin ng karaniwang tao. Ano ang pangunahing tinutukoy ng pagtitiis na ito? (Pagtitiis ng kahihiyan.) Hindi. Ang mga bagay ba na ipinasasabuhay ng pagtitiis na ito sa mga tao ay tunay o huwad? (Huwad.) Ito ang mahalagang punto. Ang mga bagay na isinasabuhay ng mga tao, ang mga salitang sinasabi nila, at ang mga pag-uugaling ipinakikita nila para sa kapakanan ng kanilang mga ambisyon at mga hangarin ay huwad lahat, hindi kusang-loob ang lahat ng ito; inuudyukang lahat ang mga bagay na ito ng paunang kondisyon ng lahat ng pagnanais na ito, pansariling interes, at mga tinatawag na mithiin at layon ng mga tao. Ang mga bagay na ito na isinasabuhay ng mga tao ay pansamantalang hakbang lahat; walang ni katiting ang matapat o tunay; walang ni katiting ang lantad, bukas, o prangka; lahat ito ay pansamantalang hakbang. Hindi ba’t mga mapanlinlang na pakana ang lahat ng ito? Ang mga pansamantalang hakbang ay kapag ang mga tao ay pansamantalang nagtitiis ng isang bagay sa ganitong paraan; pansamantalang nagsasabi ng mga salitang maganda sa pandinig, nanghihikayat, at nanloloko; at ikinukubli ang tunay nilang pagkakakilanlan, sikolohiya, mga kaisipan, mga pananaw, at maging ang pagkamuhi nila sa kasalukuyan, at hindi hinahayaang makita ito ng ibang tao. Sa halip, gusto nilang makita ng ibang tao ang bahagi nilang iyon na mahina at walang kakayahan, marupok at kimi. Ganap nilang tinatakpan ang tunay nilang mukha—para saan nila ginagawa ito? Ginagawa nila ito para isang araw ay makabuo sila ng isang malaking layunin, maging pinakamagaling sa lahat, makontrol ang iba, at mangibabaw sa iba. Ano ang ipinapakita kapag isinasagawa at ipinapamalas ng mga tao ang pariralang “nagtitiis ng kahihiyan at nagdadala ng mabigat na pasanin”? May matapat na saloobin ba ang mga taong gumagawa nito? Mayroon ba silang tunay na pang-unawa ng, at pagsisisi para sa, sarili nila? (Wala.) Halimbawa, sasabihin ng ilan, “Gustong maging heneral ng isang katulad mo?” Pag-iisipan niya ito, pagkatapos ay sasabihing, “Hindi ko ito kaya. Hindi ako magiging heneral. Nagbibiro lang ako.” Tunay ba o huwad ang mga salitang sinasabi niya? (Huwad.) Ano ang iniisip niya sa puso niya? “Ang isang tulad ko lang ang maaaring maging heneral!” Ito ang iniisip niya sa puso niya, subalit ayos lang ba na sabihin niya ito nang malakas? (Hindi.) Bakit hindi? Para maiwasang mabugbog, at para maitago ang tunay niyang kakayahan, sinasabi niyang, “Nagbibiro lang ako. Hindi ako ganoon katapang para talagang gustuhin kong maging isang heneral. Mas mukha kang nakatataas na heneral—ikaw ang pinakamataas na heneral sa hinaharap. Mas mataas pa iyon sa isang heneral!” Tunay ba ang mga salitang ito? (Hindi.) Nasaan ang mga tunay niyang salita? (Nasa puso niya.) Tama iyon, itinatago niya ang mga tunay niyang salita sa puso niya at hindi sinasabi nang malakas ang mga ito. Bakit hindi niya sinasabi nang malakas ang mga ito? Natatakot siyang mabubugbog siya kapag ginawa niya iyon, kaya hindi niya sinasabi ang mga ito, at hindi ibinubunyag ang mga ito; hindi niya ipinaaalam sa sinuman, magpakailanmang itinatago ang mga tunay niyang kakayahan. Ano ang ibig sabihin ng pagtatago ng mga tunay na kakayahan ng isang tao? Ito ay kapag hindi hinahayaan ng isang tao na makita ng ibang tao ang mga tunay niyang abilidad; tinatakpan niya ang mga abilidad na ito at hindi hinahayaang masilip ng iba, para mapigilan ang ibang tao na maging alerto at kumilos ng salungat sa kanilang mga interes. Hindi ba’t ito rin ang tunay na kahulugan ng pagtulog sa mga sanga at pagdila sa apdo? (Oo, ito nga.) Ang pagtulog sa mga sanga at pagdila sa apdo, pagtitiis ng kahihiyan at pagdadala ng mabigat na pasanin; ang hindi kailanman paglimot sa mga sariling layon, pagnanais, at pagkamuhi, at hindi kailanman pagpapakita sa ibang tao ng kanyang tunay na pagkatao at tunay na mga kakayahan. May ilang mahusay na tao ang hindi masyadong nagsasalita kapag nasa isang grupo sila ng mga tao, tahimik sila at hindi umiimik, at kahit na may sinasabi sila, ibinubunyag lang nila ang kalahati ng iniisip nila. Ang ibang tao ay palaging naguguluhan sa pag-arok o pag-unawa sa kung ano talaga ang gusto nilang sabihin, at iniisip na, “Bakit nagsasalita sila sa gayong di-maunawaang paraan? Bakit napakahirap sa kanilang magsalita nang mula sa puso? Ano ang nangyayari dito?” Ang totoo, may mga iniisip sila sa puso nila na hindi nila ipinahahayag, at nakatago rito ang isang tiwaling disposisyon. May iba na hindi nagsasalita sa ganitong paraan, subalit kapag gumagawa sila ng mga bagay-bagay, palagi nilang itinatago ang tunay na lawak ng kanilang kakayahan. Ano ang layon nila sa pagtatago sa tunay na lawak ng kanilang kakayahan? Natatakot silang kapag nakita ito ng mahuhusay at mabibigat na personalidad, maiinggit ang mga ito, magkakaroon ng sama ng loob sa kanila, at sasaktan sila. Sa mga grupo, hindi ba’t ang mga tao na palaging pumupuri sa iba, palaging nagsasalita ng maganda tungkol sa iba, at palaging nagsasabing mas magaling ang lahat kaysa sa kanila ay ang pinakamasamang uri ng mga tao? (Oo.) Hindi mo kailanman malalaman kung ano talaga sila sa loob. Sa panlabas, makikita mong hindi nila pinag-uusapan ang tungkol dito, kaya iniisip mong wala silang ambisyon, subalit sa katunayan, mali ka. May ilang tao na tulad nito na nagtitiis sa kahihiyan at nagdadala ng mabigat na pasanin. Parang sa mga pelikula ito kung saan madalas may mga eksenang ganito—may ilang tao na madalas gumagawa ng mabubuting bagay kapag nasa labas sila ng bahay, ang mga damit na suot nila ay luma at gamit na gamit na, at palagi silang inaalipusta kapag nasa grupo sila; ganito sila sa harap ng iba. Gayumpaman, pagdating nila sa bahay, pumapasok sila sa isang lihim na silid. Ang lihim na silid ay may mapa sa dingding, at nakapagtanim na sila ng mga impormante para subaybayan ang mga bagay-bagay sa walumpung porsiyento ng mga lokasyon sa mapa. Subalit, patuloy silang inaalipusta ng mga tao na madalas nakikipag-ugnayan sa kanila at walang ideya na may mga ganito silang ambisyon. Isang araw kapag kontrolado na nila ang lahat ng lokasyon sa mapa at ganap nang naisakatuparan ang layunin nila, ang mga tao na nang-alipusta sa kanila ay lubos na mabibigla at magsasabing, “Isang demonyo pala ang taong ito—labis-labis ang kanyang ambisyon! Nagkunwari siya sa loob ng napakaraming taon. Walang nakakita sa tunay niyang pagkatao.” Sinasabi nilang, “Ang ginawa ko ay nagtitiis ng kahihiyan at nagdala ng mabigat na pasanin. Kung hindi ako nagtiis tulad nang ginawa ko at hindi ka pinanatiling walang alam tungkol sa akin, kung sinabi ko sa iyo ang lahat, makakamit ko ba ang gayon kalaking pagsasakatuparan?” Anong magkakatulad na katangian ang mayroon ang mga gumagawa ng kasamaan at ang mga may napakatinding ambisyon? Ang isang aspekto ay na ang tibay at tiyaga nila ay higit kaysa sa mga karaniwang tao. Gayundin, ang mga lihim na pakana nila ay higit kaysa sa mga karaniwang tao at kung nakikipag-ugnayan sa kanila ang karaniwang tao, maloloko ito. Ano ang ibig sabihin ng maloloko? Ibig sabihin na walang malinaw na nakauunawa sa kanila. Ang nakikita lang nila ay ang mga bagay na sinasabi at ginagawa nila sa panlabas. Huwag mong isiping makahahanap ka ng anumang mga palatandaan tungkol sa kung ano ang mga iniisip nila sa kaibuturan mula sa ginagawa at sinasabi nila. Hindi ba’t ito ay pagiging naloloko nila? Ang tibay at pagtitiyaga ay mga positibong salita sa ganang sarili nito, pero ginawa ito ng mga lihim na pakana nila kaya ang tibay at pagtitiyaga nila ay negatibo. Gayundin, may mga ambisyon at pagnanais sila na mas labis pa kaysa sa mga karaniwang tao. May mga ambisyon at pagnanais ang isang karaniwang tao, subalit kapag pakiramdam niya ay hindi na niya makakamit ang isang bagay ay sumusuko siya at hindi gustong danasin ang pagdurusang iyon. At saka, palagi siyang matapat sa kung sino ang gusto niyang kalabanin; wala siyang mga lihim na pakana. Gayumpaman, ang ganitong uri ng masasamang tao ay may matitinding ambisyon, at palaging nagsasakatuparan ng mga lihim na pakana at mga mapanlinlang na plano. Hindi nila kailanman tatalikuran ang mga ambisyon at pagnanais nila; lalaban sila hanggang sa wakas—hanggang sa kamatayan.
Isinasalaysay ng mga aklat-aralin kung paanong si Goujian, hari ng Kaharian ng Yue, ay natulog sa mga sanga at dumila sa apdo. Itinuturo din ng mga magulang sa mga anak nila ang tungkol dito. Iniisip ng ilang bata na nakarinig ng kuwento na, “Napakasarap maging isang karaniwang tao. Bakit talagang kinakailangan ng mga tao na magkaroon ng gayong mga labis na ambisyon? Sino ang kayang magdusa ng pagtulog sa mga sanga at pagdila sa apdo? Hindi iyon pagdurusa na kayang tiisin ng mga karaniwang tao.” Ang mga taong may mga ambisyon lang ang may determinasyong magdusa nang ganoon; may isang lihim na pakanang likas dito. Gayumpaman, itinataguyod ng sangkatauhan ang ganitong uri ng mentalidad. Halimbawa, may isang pariralang nagsasabing, “Gaano man ang paghihirap at kawalang-dignidad na dinaranas nila, gaano man kabigat ang sitwasyon nila, hindi dapat mawala sa isip ng mga tao ang mga mithiin nila.” Isinusulong ng lipunang ito ang mga ideya tulad ng pagtulog sa mga sanga at pagdila sa apdo, at pagtitiis ng kahihiyan at pagdadala ng mabigat na pasanin para udyukan ang mga tao at hikayatin silang ipaglaban ang kaligayahan at mga layon nila, kaya bakit pinipintasan natin ito bilang mali? Ang lahat ng sangkatauhan ay ginawang tiwali ni Satanas. May isang miyembro ba ng sangkatauhan na may mga layong nakatuon sa katotohanan, at sa tamang direksiyon? (Wala.) Kaya, habang mas natutulog sa mga sanga at dumidila sa apdo ang sangkatauhan, at habang mas nagtitiis sila ng kahihiyan at nagdadala ng mabigat na pasanin, mas magiging mabangis ang mga puwersa ni Satanas, mas darami ang mga labanan at patayan ng sangkatauhan, mas magiging tiwali ang sangkatauhan, at mas magiging madilim ang lipunan. Sa kabaligtaran, kung magagawa mong sundin ang mga pagsasaayos ng Langit at ihanay ang sarili mo sa natural na kaayusan ng lahat, kung magagawa mong tanggapin ang mga bagay-bagay pagdating ng mga ito, igalang ang kaayusang ito, at hintayin ang mga pagsasaayos ng Langit, hindi mo na kailangang magtiis ng kahihiyan at magdala ng mabigat na pasanin. Kailangan mong magising at bumalik sa iyong wisyo. Ang magawang sundin ang mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos ay tama. Bukod pa rito, sa lahat ng ginagawa nila, dapat kahit papaano ay magawa ito ng mga tao nang naaayon sa konsensiya nila, at sa mas mataas na antas, magawa ito nang naaayon sa mga kautusang itinakda ng Diyos para sa sangkatauhan. Kung gayon, kailangan pa rin ba ng mga tao na magsuot ng maskara at magdala ng mabigat na pasanin? (Hindi.) Hindi, hindi nila kailangan. Sa pamamagitan ng pagbabahaginang ito, nauunawaan ba ninyo nang eksakto kung anong uri ng pag-uugali ang pagtitiis ng kahihiyan at pagdadala ng mabigat na pasanin? Positibo o negatibo ba ang layon ng pagtitiis ng kahihiyan at pagdadala ng mabigat na pasanin? (Negatibo.) Kung sasabihin ng isang tao na nagtitiis ng kahihiyan at nagdadala ng mabigat na pasanin ang isang tao para maging isang lider, o sasabihing nagtitiis ng kahihiyan at nagdadala ng mabigat na pasanin ang isang tao para makompleto ang atas na ibinigay ng Diyos sa kanya at magantimpalaan, o sasabihing nagtitiis ng kahihiyan at nagdadala ng mabigat na pasanin ang isang tao para hangarin ang pagpeperpekto—makatwiran ba ang mga salitang ito? (Hindi, hindi ganoon.) Ang pagtitiis ng kahihiyan at pagdadala ng mabigat na pasanin ay ganap na mga satanikong pilosopiya; walang katotohanan dito, at sa sandaling marinig mo ang mga salitang ito, malinaw na baluktot ang mga ito. Kung sinasabi ng isang tao na nagtitiis ng kahihiyan at nagdadala ng mabigat na pasanin ang isang tao para hintayin ang mga pagsasaayos ng Diyos at magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, tamang bagay ba na sabihin ito? (Hindi.) Paanong hindi ito tama? Hindi nagtutugma ang dalawa sa isa’t isa—hindi kailangan ng Diyos na magtiis ka ng kahihiyan, at hindi Niya kailangan na magdusa ka ng kawalang-dignidad. Ano ang mahalagang pagkakaiba sa pagitan ng pagtitiis ng kahihiyan at pagdadala ng mabigat na pasanin na pinag-usapan dito, at ng mga taong nananampalataya sa Diyos at nagpapasakop sa Kanya? (Ang pagtitiis ng kahihiyan at pagdadala ng mabigat na pasanin ay isang pagtatangkang iwaksi ang mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos.) Ang pagtitiis ng kahihiyan at pagdadala ng mabigat na pasanin ay nangangahulugang ang mga tao ay may mga sarili nilang plano, mithiin, kahilingan, at layong hinahangad. Naaayon ba ang mga ito sa mga pamantayang hinihingi ng Diyos sa mga tao, at sa mga layong dapat hangarin na ibinibigay ng Diyos sa mga tao? (Hindi.) Hindi, hindi naaayon ang mga ito. Ano itong nilalayon ng mga tao na makamit para sa sarili nila sa pamamagitan ng pagtitiis ng kahihiyan at pagdadala ng mabigat na pasanin? Ang nilalayon nila ay ang makamit ang pansariling interes, at iyon ay walang kaugnayan sa tadhanang pinamamatnugutan at pinamamahalaan ng may kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa tao.
Ang sinumang nagsasagawa ng pagtitiis ng kahihiyan at pagdadala ng mabigat na pasanin ay may isang intensiyon at isang layon. Halimbawa, sa unang pagpasok ng isang bagong gradweyt sa kolehiyo sa isang kumpanya para mag-intern, sinasabi ng mga mas matagal nang kawani, “Kailangang gawin ng mga nagtapos sa kolehiyong pumupunta rito ang mga mababang uri ng tungkulin sa loob ng tatlong taon.” Sa loob-loob, iniisip niya, “Bagaman nakatapos ako ng kolehiyo, hindi ako magpapasailalim sa inyo!” Iniisip niya ito sa loob-loob niya, subalit hindi nangangahas na ipahayag ito nang malakas. Sa panlabas, kailangan pa rin niyang magpanggap na ngumingiti; araw-araw dapat niyang sundin ang mga panuntunan, maging masunurin, at yumukod at magpakumbaba, at dapat tiisin ito kapag may mga taong bumabatikos sa kanya. Ano ang layon niya sa pagtitiis na ito? Ito ay para dumating ang isang araw na makakapagbulalas siya ng isang matagumpay na hiyaw, magiging kalihim ng manedyer o amo, at matatapak-tapakan iyong mga taong umalipusta sa kanya. Hindi ba’t ito ang iniisip niya? Sinasabi ng ilang tao, “Ganoon siya dapat mag-isip at iyon ang dapat niyang gawin. Kung hindi, patuloy siyang hahamakin ng mga tao buong buhay niya. Sinong gustong magdusa nang ganoon? Dagdag pa, paano makapagpapatuloy ang mga tao kung wala silang mga adhikain? Nagsusumikap ang tao na umangat; dumadaloy ang tubig pababa—ito ang paraan ng pamumuhay. Ang isang sundalo na hindi gustong maging heneral ay hindi isang mabuting sundalo.” Naging motto niya ang mga salitang ito, subalit satanikong lohika ang lahat ng ito. Dapat siyang magtiis sa ganitong paraan para maisakatuparan niya ang layunin niya—araw-araw, taon-taon, nagiging mapagpitagan at magalang sa lahat. Isang araw, sinabi ng amo niya sa kanya, “Mahusay ang naging pagganap mo nitong nakaraang tatlong taon. Simula sa susunod na linggo, magiging salesperson ka.” Nang marinig niya ito, nalungkot ang kanyang puso: “Nagpakahirap ako nang tatlong taon para lang maging isang salesperson! Akala ko magiging isa akong ehekutibong direktor ng sales!” Subalit dapat siyang magpasalamat para sa promosyon. Hindi pa niya naaabot ang layon niya, kaya dapat magpatuloy siyang magtiis. Nagpapatuloy siyang magtiis ng kahihiyan at magdala ng mabigat na pasanin, maingat na sinusundan ang amo niya na umiinom at nagpapanggap na ngumingiti, at matapos niyang tiisin ito sa loob ng sampung taon sa wakas ay nakamit na niya ang kanyang layon. Isang araw, sinabi ng amo niya sa kanya, “Ginawa mo nang maayos ang trabaho mo. Itataas kita sa posisyon ng assistant.” Pagkarinig niya nito, lalo siyang naligayahan sa loob—nagtagumpay na siya sa wakas! Anong resulta ito? Sa mga mata niya, mas mataas na siya kaysa sa lahat ng iba pa. Hindi ba’t ginawa niya ang lahat ng ito nang kusang-loob? (Hindi.) Para kanino niya ginawa ang lahat ng ito? (Para sa sarili niya.) Para sa sarili niya. Walang tungkol dito ang positibo o dapat tularan, lalong walang anumang karapat-dapat sa papuri at paghanga. Subalit itong uri ng mentalidad na ito ang isinusulong sa lipunan ngayon—pagtitiis ng kahihiyan at pagdadala ng mabigat na pasanin, palihim na kumikilos nang nakabahag ang kanilang buntot. Samakatwid, anong uri ng parirala itong isinusulong ng mga tao: “pagtitiis ng kahihiyan at pagdadala ng mabigat na pasanin”? (Isang masamang parirala.) Paanong masama ito? Ang mga tao ay nagtitiis ng kahihiyan at nagdadala ng mabigat na pasanin dahil lang sa sarili nilang mga intensiyon at motibasyon, at para matugunan ang mga sarili nilang ambisyon at pagnanais. Hindi ito para sa kapakanan ng mga tamang layon. Iyon ang dahilan kung bakit sinasabi Kong wala sa mga ito ang karapat-dapat tularan, at wala sa mga ito ang karapat-dapat na purihin o hangaan, at lalong hindi karapat-dapat na alalahanin. Muli nating tingnan kung ano ang nangyari sa palasyo noong sinaunang panahon. May isang emperador na namatay. Nakita ng emperatris na maliit pa ang kanyang anak at ganap na hindi pa makakayanang kontrolin ang korte kung maluluklok ito sa trono, kaya, para matiyak na talagang mamumuno bilang emperador ang kanyang anak, siya ay nagtiis ng kahihiyan at nagdala ng mabigat na pasanin at pinakasalan ang nakababatang kapatid ng dating emperador, at pinalaki nilang dalawa ang anak niya nang magkasama. Ano ang layon niya sa pagtitiis ng kahihiyan at pagdadala ng mabigat na pasanin? Ito ay para sa posisyon ng kanyang anak bilang emperador. Kapag tiyak na ang posisyon ng kanyang anak bilang emperador, ang kanyang katayuan ay magiging sa balong emperatris. Ito ang tinatawag na pagtitiis ng kahihiyan at pagdadala ng mabigat na pasanin. Anong kahihiyan ang tinitiis niya? Hindi siya nanatiling dalisay; pagkamatay ng emperador, agad niyang pinakasalan ang nakababatang kapatid nito, na nagbigay sa kanya ng masamang reputasyon. Pinintasan at hinusgahan siya ng mga tao sa likod niya, at maging ang mga aklat-pangkasaysayan ay hindi siya binigyan ng magandang pagtatasa. May pakialam ba siya? Ang totoo, bago niya pinakasalan ang dati niyang bayaw inisip na niya ang mga magiging epekto, kaya bakit niya ito ipinagpatuloy? Ito ay para matiyak ang posisyon ng anak niya bilang emperador at maprotektahan ang posisyon niya bilang balong emperatris. Iyon lang ang dahilan kung bakit titiisin niya ang gayong kasamang reputasyon at kusang-loob na magdurusa ng paghihirap na ito. Ito ang tinatawag na pagtitiis ng kahihiyan at pagdadala ng mabigat na pasanin. Ano ang nakamit niya mula sa pagtitiis ng lahat ng kawalang-dignidad na ito? Ang nakamit niya ay mas malaki pa ngang benepisyo. Ito ang kanyang layon sa pagtitiis ng kahihiyan at pagdadala ng mabigat na pasanin. Nang matamo na niya ang malaking benepisyong ito, ang lahat ng masamang reputasyong iyon ay wala nang halaga. Kapalit ng masamang reputasyong ito ay natamo niya ang kapangyarihan at katayuan para sa kanya at sa kanyang anak. Kung gayon positibo o negatibo ba ang kanyang pagtitiis ng kahihiyan at pagdadala ng mabigat na pasanin? (Negatibo.) Kung titingnan lang ang kanyang pag-uugali, nagawa niyang talikuran ang sarili niya, at mula sa perspektiba ng kanyang anak, may walang pag-iimbot na bahagi sa mga kawalang-dignidad at pagdurusang tiniis niya, kaya dapat siyang purihin ng mga tao at sabihing, “Napakadakila niyang ina!” Subalit kapag tinitingnan ang mga pagnanais at ambisyon niya, at ang tunay na layon niya, dapat siyang pintasan ng mga tao; karapat-dapat na husgahan ang mga pagkilos niya.
Kailangan ba ng mga taong nananampalataya sa Diyos na magtiis ng kahihiyan at magdala ng mabigat na pasanin? (Hindi.) Kung tinatanggap ng mga tao ang mga salita ng Diyos at tinatanggap ang Kanyang paghatol, pagkastigo, at pagpupungos, mga pagsubok, at pagpipino, at tinatanggap maging ang Kanyang mga sumpa at kondemnasyon sa mga tao, kailangan ba nilang magtiis ng kahihiyan at magdala ng mabigat na pasanin? (Hindi.) Tiyak ito. Ang paggamit ng salitang “pagtitiis ng kahihiyan at pagdadala ng mabigat na pasanin” sa konteksto ng mga mananampalataya ay ganap na walang katwiran at kinokondena. Bakit maling gamitin ang pariralang ito sa kontekstong ito? Paano mapatutunayan ng isang tao na ang pag-uugaling ito ay hindi tama sa kontekstong ito? Ang basta pagkilala sa salita at na mali ang pariralang ito pagdating sa doktrina, ay hindi katanggap-tanggap; dapat malaman mo kung ano ang mga katotohanan na tinutukoy nito. Dati, inisip mo pa rin na para matanggap na magawang perpekto ng Diyos at mailigtas ng Diyos, kailangan ng mga tao na matutunan na magtiis ng kahihiyan at magdala ng mabigat na pasanin, na matulog sa mga sanga at dumila sa apdo, na tularan ang mentalidad ni Goujian, hari ng Kaharian ng Yue, at hinding hindi susuko—sadyang isa ka lang hangal at walang kakayahang maarok ang katotohanan. Ngayon, pagkatapos ng pagbabahagi Ko, iniisip mo, “Hindi mabuti ang pariralang ito. Dati, palagi kong ginagamit ang pariralang ito—paanong naging napakahangal ko?” Nakikita mong hindi mo nauunawaan ang katotohanan at na mababa ang iyong kakayahang makaarok. Dapat mong maunawaan kung ano ang mali sa pariralang ito. Kapag tunay mo nang nauunawaan kung ano ang mali rito, magkakaroon ka ng ganap na pang-unawa sa parirala. Kung nakikita mo lang ang bahagi ng parirala nang malinaw, kung saan nakikita mo nang malinaw ang negatibong bahagi nito, subalit hindi nakikita nang malinaw ang bahagi na iniisip ng mga tao na positibo at maagap, ibig sabihin nito na hindi mo pa nauunawaan ang katotohanan. Pagkatapos makinig sa kababahagi Ko lang, magagawa ba ninyong himayin at suriin ang mga bagay na ito nang naaayon sa Aking mga kaparaanan? Bakit hindi kinakailangan ang pagsasagawa ng pagtitiis ng kahihiyan at pagdadala ng mabigat na pasanin sa sambahayan ng Diyos? Bakit sinasabi Kong ang pamamaraan at mentalidad na ito ay kinokondena ng sambahayan ng Diyos at hindi naaayon sa katotohanan? (O Diyos, ang pang-unawa ko ay na sa sambahayan ng Diyos, ang pagtanggap sa paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, at maging ang mapalitan o makondena ay hindi nangangahulugan ng pagtitiis ng kahihiyan. Sa halip, ito ay ang paraan na paggawa ng Diyos para iligtas ang mga tao, at ang layunin nito ay para akayin tayo sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Ganap na wala itong kinalaman sa pagtitiis ng kahihiyan at pagdadala ng mabigat na pasanin. Kung wastong nakaaarok ang mga tao, malalaman nila na ito ang pagmamahal at pagtataas ng Diyos, at na ang pagtanggap sa paghatol at pagkastigo ng Diyos ay ang dakilang pag-aalaga at proteksiyon ng Diyos, at ang pagliligtas ng Diyos para sa mga tao.) Tama ba ang pahayag na ito? (Oo.) Kung hindi mo kayang makita nang malinaw ang paghatol at pagkastigo, lilitaw ang mga oposisyon at reklamo sa iyong puso, at isasagawa mo ang satanikong pilosopikal na pariralang “pagtitiis ng kahihiyan at pagdadala ng mabigat na pasanin,” iniisip sa sarili mo, “Ay naku, dapat kong tiisin ang kahihiyan at dalhin ang mabigat na pasanin, at gamitin ang mentalidad ni Goujian, hari ng Kaharian ng Yue.” Pagkatapos, iuukit mo ang mga salitang “pagtitiis ng kahihiyan at pagdadala ng mabigat na pasanin” sa ibabaw ng iyong mesa para himukin ang iyong sarili na magpatuloy at udyukan ang iyong sarili, at gagawin mong motto mo ito. Hindi ba’t nangangahulugan iyon ng problema? Sabihin nang, pagkatapos ng pagbabahaginan ngayon, tiyak na hindi ninyo gagawin ito, subalit gagawin ninyo bang motto ang iba pang parirala, gaya ng pariralang ito na hindi Ko hinimay, “Itago ang liwanag at mag-ipon ng lakas sa dilim”? Hindi ba’t ang kalikasan nito ay pareho? Ang mga bagay na ito ay bahagi ng tradisyonal na kulturang Tsino. Mga lason ba ang mga ito ni Satanas? Ang lahat ng ito ay mga lason ni Satanas; ang lahat ng ito ay mga pilosopiya ni Satanas para sa mga makamundong pakikitungo.
Sa nakaraan, habang gumagawa Ako sa mga iglesia sa kalakhang Tsina, noong kasisimula Ko pa lang ng Aking gawain, isinaayos ng sambahayan ng Diyos para mapaghusay ng ilang kapatid ang kakayahan nilang magbasa at magsulat. Ano ang sitwasyon noong panahong iyon? May ilang tao na matanda na at ilang tao na naninirahan sa mga mas liblib pang lugar. Ang antas ng edukasyon nila ay medyo mababa at hindi sila makapagbasa nang maayos. Halimbawa, tinatalakay ng mga salita ng Diyos ang tungkol sa “mababang kakayahan,” “disposisyon ng Diyos,” at “layunin ng Diyos,” at iba pang nakatakdang termino, subalit hindi nila naunawaan o alam kung ano ang ibig sabihin ng mga ito. Kalaunan, sinabi ng sambahayan ng Diyos sa mga kapatid na maaari nilang paghusayin ang kakayahan nilang magbasa at magsulat sa libre nilang oras, at na dapat nilang malaman kahit papaano ang kahulugan ng ilang nakatakdang parirala, terminolohiya, at pangngalan. Kung hindi, kapag binasa nila ang mga salita ng Diyos, ni hindi nila mauunawaan ang kahulugan ng mismong mga salita at parirala, kaya paano nila mauunawaan ang mga salita ng Diyos? At kung hindi nila maunawaan ang mga salita ng Diyos, paano nila maisasagawa ang katotohanan? Pagkatapos nito, nagsimulang pagsikapan ng mga kapatid ang pag-aaral ng mga bagay na ito. Mabuting bagay ito, subalit inabuso ng ilang tao na may buktot na pagkaarok ang sitwasyon. Sa mga pagtitipon, eksklusibong pinag-usapan ng ilang lider ang tungkol sa kahalagahan ng pagpapahusay sa kakayahan ng isang tao na magbasa at magsulat, kung paanong dapat na matutong magbasa at magsulat ang mga kapatid, ang mga benepisyo ng kakayahang magbasa at magsulat, at kung ano ang mangyayari kung hindi sila marunong magbasa at magsulat. Pinag-usapan nila ang tungkol sa isang buong bungkos ng mga doktrina tulad ng mga ito. Ang mga bagay na ito ay hindi ang katotohanan, at hindi kailangang pag-usapan nang husto ang mga ito. Sa sandaling sabihin ng isang tao ang mga bagay na ito, mauunawaan ng mga tao ang mga ito; hindi kailangang magbahagi tungkol sa mga ito sa mga pagtitipon na tila ang mga ito ang katotohanan. May ilang lider na hindi lang inubos ang maraming oras sa mga pagtitipon sa pagbabahagi tungkol sa mga bagay na ito na tila ba ang mga ito ang katotohanan, nakaisip din sila ng isang bagong panloloko, at partikular na sinubok ang mga kapatid sa mga salitang madalang gamitin. Kung hindi makasagot ang mga kapatid, hindi ba’t pinagmukha niyong may mataas na pinag-aralan ang mga lider? Noong panahong iyon may ilang huwad na lider na hindi gumawa ng tunay na gawain—hindi sila nagbahagi tungkol sa mga karanasan sa buhay, sa katotohanan, o sa mga salita ng Diyos, sa halip ay eksklusibo silang nagbahagi tungkol sa kakayahang magbasa at magsulat. Ano ang tawag dito? Tinatawag itong hindi paggawa ng wastong trabaho ng isang tao. Hindi ba’t isang problema ito? (Oo.) Bakit nagsasalita Ako tungkol sa isyung ito? Ano ang pakinabang nito sa inyo? May kakayahan ba kayong gawin ang ganitong uri ng bagay? May sinuman ba na nagpaplanong kumilos nang ganito? Kung ganito kayo kumikilos, tunay kayong mga tao na magulo ang isip! May ilang tao na nakikita Akong nagsasalita tungkol sa mga idyomang ito, at umaakma sila para sa pagkilos at nagsisimulang ihanda ang sarili nila, sinasabing, “Lumalabas na ganito lang pala kadali ang pagbabahagi tungkol sa katotohanan. Sapat na ang magbahagi lang tungkol sa mga idyoma. Maaari kang magbahagi tungkol sa mga idyoma, at magbabahagi ako tungkol sa dalawang-bahaging pagpapatawa, mga salitang balbal, mga kasabihan, at mga salawikain.” Hindi ba’t hindi ito paggawa ng wastong trabaho ng isang tao? (Oo.) Anong uri ng mga tao ang mga ito? Mayroon ba silang espirituwal na pang-unawa? (Wala.) Wala silang espirituwal na pang-unawa, at hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Ano ang iniisip nila? “Umuupo Ka riyan at dumadaldal kapag wala Kang magawa at nililinlang kami gamit ang ilang idyoma. Kung sinunod ko ang mga pamamaraan Mo, makapagbabahagi rin ako!” Ang mga tao na walang espirituwal na pang-unawa ay tumitingin lang sa panlabas ng mga bagay-bagay at bulag na gumagaya sa Akin. Dapat palitan ang mga lider na ito sa paggaya sa pag-uugaling ito, at dapat ding palitan ang sinumang gumagawa nang tulad sa kanila. Bakit ako nagsasalita tungkol dito? Tinatawag Ko ang pansin ninyo tungkol dito bago ninyo gawin ang ganitong pag-uugali, para hindi kayo mapunta sa maling landas. Makapagsasalita Ako tungkol sa mga bagay na ito, subalit kung magsasalita ka tungkol sa mga ito, magagawa mo ba ito sa paraang madaling maaarok? Hindi mo magagawa. Kung gayon, bakit Ako nagsasalita tungkol sa mga kasabihan at idyomang ito? Sa anong kondisyon Ako nagsasalita tungkol sa mga ito? Kapag nauunawaan ng mga tao ang konsepto at depinisyon ng katotohanan, at pagkatapos kung sa pundasyong iyon ay mas lalaliman Ko pa at hihimayin ang mas maraming bagay na iniisip ng mga tao na katotohanan, hindi ito maaarok ng mga tao; hindi nila alam kung paano nila pagmumuni-munihan ito, at hindi alam kung anong iba pang bagay ang dapat nilang iugnay rito. Ito ay dahil hindi kayo nakauunawa na nagsabi Ako sa inyo ng ilang kuwento tungkol sa mga idyoma. Ito ay kinakailangan. Iniisip ng ilang tao na nasa antas na sila ng unibersidad pagdating sa katotohanan, at nagtataka kung bakit pinag-aaralan pa rin nila itong mga kurso sa elementarya. Hindi nila maunawaan na hindi ito isang klase sa elementarya, na ito ay isa nang klase sa unibersidad. Hindi pa kayo nakapagtatapos sa unibersidad; nanatili kayo sa paaralang elementarya mula pa noon, subalit inaakala ninyong nakapagtapos na kayo sa unibersidad, at mabuti ang pakiramdam ninyo sa sarili ninyo. Sa kasamaang palad, mali ang pakiramdam na ito; isa itong maling pakiramdam—malayo pa rin kayo sa pagtatapos sa unibersidad. Samakatwid, pinaaalalahanan Ko kayong muli: Huwag ninyong gawin ang mga bagay na kasasabi Ko lang. Magbahagi kayo nang matapat sa kung ano ang nauunawaan ninyo, at kung hindi ninyo nauunawaan, huwag kayong magsalita nang walang saysay. Ang pagbabahagi ng katotohanan ay hindi pagdaldal; walang oras ang sinuman para sayanging makinig sa iyong dumaldal. Huwag mo Akong bulag na gayahin, at huwag kang magsalita tungkol kay Goujian, hari ng Kaharian ng Yue, o tungkol sa makabagong kasaysayan o makalumang kasaysayan, dahil nagsalita Ako tungkol sa pagtulog sa mga sanga at pagdila sa apdo. Ano ang silbi ng pagsasalita tungkol sa mga bagay na iyon? Handa bang makinig ang mga tao sa mga iyon? Kahit na handang makinig ang mga tao, ang mga bagay na iyon ay hindi ang katotohanan.
Ngayon lang, nagsalita Ako tungkol sa kung paanong ang mga tao na nananampalataya at sumusunod sa Diyos ay hindi kinakailangang magtiis ng kahihiyan at magdala ng mabigat na pasanin, lalong hindi ang magsagawa ng pagtitiis ng kahihiyan at pagdadala ng mabigat na pasanin. Bakit hindi makapagsagawa ang isang tao ng gayong “mabuting” parirala at “marangal” na mentalidad? Nasaan ang problema? Bakit hindi mataglay ng isang tao ang mentalidad ng pagtitiis ng kahihiyan at pagdadala ng mabigat na pasanin? Kung pag-uusapan ang usaping doktrina, ito ay dahil ang pagtitiis ng kahihiyan at pagdadala ng mabigat na pasanin ay hindi ang katotohanan; hindi sinabi ng Diyos ang pariralang ito; hindi ito ang hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan, ni hindi ito isang prinsipyo ng pagkilos na ipinagkaloob Niya sa mga sumusunod sa Kanya. Bakit sinasabi Kong ang pariralang ito ay hindi ang katotohanan at hindi isang prinsipyo ng pagsasagawa? Una, tingnan natin ang salitang “kahihiyan” sa pagtitiis ng kahihiyan at pagdadala ng mabigat na pasanin. Ano ang tinutukoy ng “kahihiyan”? Kawalang-dignidad at pagkapahiya. Kaya kapag nananampalataya ang mga tao sa Diyos at ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa tadhana nila, sa pagpapasakop sa Diyos napapahiya ba sila? Nagtitiis ba sila ng kawalang-dignidad? (Hindi.) Kailangan ba ng mga tao na magtiis, at sabihing, “Para makamit ang pagpapasakop sa Diyos, kailangan kong sugpuin ang apoy sa puso ko, sugpuin ang galit sa puso ko, sugpuin ang mga reklamo sa puso ko, at sugpuin ang hindi nagkakasundong damdamin sa puso ko. Dapat kong tiisin ito at huwag umimik. Para sa akin, ang lahat ng bagay na ito ay kahihiyan, kaya paano ko susugpuin ang mga ito”? Isinasagawa ba nila ang katotohanan sa paggawa nito? (Hindi.) Ano ang isinasagawa nila? Paghihimagsik, pagiging huwad, at pagpapanggap. Para makamit ang pagsasagawa ng katotohanan, at para makamit ang pagpapasakop sa katotohanan at pagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, ang unang bagay na dapat mong gawin ay hindi ang magtiis ng anumang uri ng pasakit, at hindi mo kailangang magtiis ng anumang uri ng kawalang-dignidad. Kahihiyan ba ang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos para sa iyo at ang mga hinihingi Niya sa iyo? (Hindi.) Hindi ka Niya ipinahihiya. Hindi ka ipinahihiya ng Diyos sa paglalantad Niya sa iyo, paghatol sa iyo, pagkastigo sa iyo, pagsubok sa iyo, at pagpipino sa iyo. Sa halip, kasabay ng paglalantad Niya sa mga pagbubunyag ng iyong mga tiwaling disposisyon, inuudyukan ka Niya na unawain ang sarili mo, inuudyukan kang itakwil ang mga ito at maghimagsik laban sa mga ito, at pagkatapos ay kumilos nang naaayon sa mga hinihingi ng Diyos. Ano ang epektong makakamit nito? Magagawa mong magpasakop sa Diyos, maunawaan ang katotohanan, at maging isang tao na nagpapalugod sa Diyos, at maging isang tao na sinasang-ayunan ng Diyos. Kaya, kawalang-dignidad ba ang alinman sa mga bagay na dinaranas mo sa proseso at panahon ng pagkakamit mo ng mga bagay na ito? May anumang bagay ba kung saan ipinahihiya ka ng Diyos? (Wala.) Kapag inilalantad ka ng Diyos, halimbawa, kapag inilalantad Niya ang iyong pagmamataas, kabuktutan, pagiging mapanlinlang, pagiging mapagmatigas, o pagiging marahas, may alinman ba sa mga ito ang hindi mga katunayan? (Wala.) Katunayan ang lahat ng ito. Anuman ang paraan ng mga salita ng paglalantad sa iyo ng Diyos, na sinasabi Niya sa iyo, mga katunayan ang lahat ng ito. Hindi mahalaga kung ito man ay kayang kilalanin ng mga tao, at hindi mahalaga kung gaano man ang kayang unawain at tanggapin ng mga tao, mga katunayan ang lahat ng bagay na ito. Hindi walang batayan ang mga ito, ni hindi nga pagmamalabis ang mga ito, at tiyak na hindi ito naglalayong palabasin na may mali kang nagawa. Kung gayon nilalayon ba ng mga bagay na ito na ipahiya ka? (Hindi.) Hindi lang sa hindi nilalayon ng mga ito na ipahiya ka, nilalayon ng mga ito na maging paalala at babala na huwag tahakin ang landas ng masasamang tao, at huwag sundan si Satanas, nilalayon ng mga itong udyukan kang tahakin ang wastong landas sa buhay. Ang resulta at epekto ng mga bagay na ito sa iyo ay positibo. Ang kalikasan ng mga pagkilos na ito ng Diyos ay ganap na wasto. Ginagawa Niya ang mga bagay na ito para iligtas ka, at ganap na naaayon ang mga ito sa katotohanan. Ito ang paghihirap na dapat pagdusahan ng mga tao, at ang paghihirap na dapat nilang pagdusahan para iwaksi ang mga tiwaling disposisyon nila, matugunan ang mga layunin ng Diyos, at maging isang tunay na nilikha. Ang saloobin na dapat taglayin ng mga tao ay ang maagap na tanggapin ang paghihirap na ito, sa halip na tiisin ito bilang isang kawalang-dignidad. Ang paghihirap na ito ay hindi kahihiyan, hindi ito isang pangungutya, at hindi ito pang-iinsulto sa mga tao, at lalong hindi ito pang-aasar ng Diyos sa mga tao. Ganap itong lumilitaw dahil ang mga tao ay may mga tiwaling disposisyon, naghihimagsik laban sa Diyos, at hindi nagmamahal sa katotohanan. Lumilitaw ang pasakit na ito sa mga tao dahil sa mga salita ng Diyos at sa mga hinihingi ng Diyos sa mga tao, kaya may anumang bahagi ba ng pasakit na ito na sadyang ibinibigay ng Diyos sa mga tao o dagdag na ibinibigay sa kanila, at na hindi na kinakailangang pagdusahan ng mga tao? Walang ganoong bagay. Sa kabaligtaran, kung masyadong kaunti ng pasakit na ito ang pinagdurusahan ng mga tao, hindi nila maiwawaksi ang mga tiwaling disposisyon nila. Gaano man kalala ang mga mapaghimagsik na disposisyon ng mga tao, at gaano man ang kayang aminin at tanggapin ng mga tao kapag inilalantad ng Diyos ang mga tiwaling disposisyon nila, sa huli, ang idinudulot ng Diyos sa mga tao ay hindi kahihiyan, at ang pinagdurusahan ng mga tao ay hindi kawalang-dignidad. Sa halip, ito ay ang dapat pagdusahan ng mga tao; ito ay pasakit na dapat pagdusahan ng isang tao na labis na ginawang tiwali ni Satanas; dapat pagdusahan ng mga tao ang pasakit na ito. Bakit sinasabi Kong dapat nilang pagdusahan ito? Dahil ang mga tao ay labis na mapaghimagsik sa Diyos at naging mga Satanas. Kung gusto ng mga tao na iwaksi ang mga tiwaling disposisyong ito at tanggapin ang pagliligtas ng Diyos, kailangan nilang pagdusahan ang paghihirap na ito. Ganap itong tama at nararapat; ito ay landas na dapat pagdaanan ng mga tao, at ito ay paghihirap na dapat nilang pagdusahan. Hindi ang Diyos ang nagdudulot sa kanila ng paghihirap na ito. Tulad ito ng kapag sumakit ang tiyan mo pagkatapos uminom ng malamig na tubig. Sino ang dapat sisihin? Ang malamig na tubig? (Hindi.) Sino ang nagdulot ng paghihirap na ito sa iyo? (Kami.) Ikaw ang nagdulot nito sa sarili mo. Ang resultang ito at ang prosesong ito na pinagdurusahan ng mga tao ay sariling kagagawan nila; walang kawalang-dignidad o kahihiyan na masasabi rito. May ilang tao na hindi ito naaarok sa ganitong paraan; hindi nila tinatanggap ang katotohanan. Ano ang iniisip nila? “Hinayaan ako ng sambahayan ng Diyos na maging isang lider, isinulong ako nito para sa posisyon, at masaya kong isinakatuparan ang trabaho ko bilang isang lider. Hindi ko kailanman inakala na tatanggalin ako ng sambahayan ng Diyos dahil sa hindi ko paggawa nang maayos ng trabaho ko at paggawa ng mga pagkakamali. Ano ang nangyari sa akin? Mayroon pa rin ba akong integridad at dignidad? Mayroon pa rin ba akong anumang kalayaang pantao? Mayroon pa rin ba akong awtonomiya?” Iniisip nila na hindi dapat magpasakop ang mga tao sa pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos nang hindi nagkakaroon ng anumang pagpipilian sa usapin, at na kung ganap na magpapasakop ang mga tao, mga hangal sila at mga taong walang dignidad, at na nabubuhay sila sa labis na mahina at agrabyadong paraan. Samakatwid, iniisip ng ganitong uri ng tao na kapag tumatanggap ang mga tao ng paghatol, pagkastigo, at pagpupungos, dapat silang magdusa ng kahihiyan, gaya ng kasabihan na, “Kapag nakatayo ang isang tao sa ilalim ng mababang bubungan, wala siyang pagpipilian kundi ang iyukod ang kanyang ulo.” Tingnan mo, narito ang isa pang satanikong pilosopiya. Pinapayukod ng kilalang pariralang ito ang ulo nila. Ano ang iniisip nila? Kusang-loob ba silang nagpapasakop, o nagtitiis ng kahihiyan at nagdadala ng mabigat na pasanin? (Ang huli.) Iniisip nilang sila ay nagtitiis ng kahihiyan at nagdadala ng mabigat na pasanin. Hindi sila kusang-loob na nagpapasakop. Ang pagpapasakop nila ay hindi kusang-loob, at hindi ito dalisay. Sa halip, wala silang pagpipilian kundi ang magpasakop. Kaya nakikita nila ang kawalan ng pagpipilian na ito bilang isang uri ng kahihiyan. Dahil kayang mag-isip ng ganitong uri ng tao sa ganitong paraan, tinatrato ba nila ang pagsasagawa ng pagpapasakop sa mga salita ng Diyos bilang pagsasagawa ng katotohanan? Hindi. Hindi nila tinatrato ang pagpapasakop bilang ang katotohanan. Sa halip, tinatrato nila ang pagtitiis ng kahihiyan at pagdadala ng mabigat na pasanin bilang ang katotohanan. Hindi ba’t magkaiba ang kalikasan ng mga bagay na ito? (Magkaiba nga.) Bagaman ang mga tao na kusang-loob na nagpapasakop at iyong mga nagtitiis ng kahihiyan at nagdadala ng mabigat na pasanin ay parehong nagpapasakop, at bagaman wala sa kanila ang nagdudulot ng kaguluhan o lumalaban, at sa panlabas pareho silang mukhang masunurin, may mabuting asal, at mabuti, magkakaiba pa rin ang kalikasan ng mga bagay na ito. Tinatrato ng mga taong taos-pusong nagpapasakop ang pagpapasakop bilang kanilang responsabilidad, tungkulin, at obligasyon; tinatrato nila ito bilang obligasyong dapat nilang tuparin, at bilang ang katotohanan. Kahit na iyong mga hindi taos-pusong nagpapasakop ay hindi lantarang lumalaban, sa puso nila iniisip nilang sila ay nagtitiis ng kahihiyan at nagdadala ng mabigat na pasanin, at sa paningin nila, ang pagtitiis ng kahihiyan at pagdadala ng mabigat na pasanin ay ang pinakamataas na katotohanan. Tinatrato nila ang pagtitiis ng kahihiyan bilang pagsasagawa ng katotohanan, at ano ang pagtrato nila sa pagpapasakop? Tinatrato nila ito bilang pagtitiis ng kahihiyan, hindi pagsasagawa ng katotohanan. Hindi ba’t kabaligtaran ito? Ano ang tawag dito? (Baligtad ang pagkakaunawa nila rito.) Baligtad ang pagkakaunawa nila rito. Tinatrato nila ang katotohanan bilang pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo; tinatrato nila ang doktrina at mga pilosopiya ng tao para sa mga makamundong pakikitungo bilang ang katotohanan. Hindi ba’t pagbabaligtad ito ng itim at puti? (Oo.) Pagbabaligtad ito ng itim at puti. Kung gayon paano malulutas ang problemang ito? Dapat maunawaan ng mga tao na ang paghihirap na ito na pinagdurusahan nila ay hindi kahihiyan, ni hindi ito pagtatangka ng sinumang ipahiya sila. Kung gayon ano ang nagdudulot ng paghihirap na pinagdurusahan ng mga tao? (Ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao.) Tama iyon. Kung wala kang mga tiwaling disposisyon, at naunawaan mo ang katotohanan, nakapagpapasakop sa Diyos, ganap na nakapagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at natatakot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan, hindi mo kakailanganing pagdusahan ang paghihirap na ito. Samakatwid, hindi umiiral ang kahihiyang ito. Nauunawaan mo, tama?