Ikaanim na Ekskorsus: Pagbubuod sa Karakter ng mga Anticristo at sa Kanilang Disposisyong Diwa (Ikatlong Bahagi) Ikaapat na Seksiyon

B. Pagiging Tutol sa Katotohanan

Susunod, magbabahaginan tayo sa ikalawang aytem ng disposisyong diwa ng mga anticristo—pagiging tutol sa katotohanan. Napagbahaginan na natin dati ang marami-raming detalye tungkol sa aytem na ito ng pagiging tutol sa katotohanan, pero dito ay pangunahin nating ilalarawan ang mga anticristo sa pamamagitan ng paghihimay sa disposisyong diwa nila na tutol sa katotohanan. Ang pangunahing disposisyonal na katangian ng kung paano hinaharap ng mga anticristo ang katotohanan ay ang pagiging tutol sa halip na pagiging hindi interesado lamang. Ang pagiging hindi interesado ay isang medyo banayad lang na saloobin sa katotohanan na hindi umabot sa antas ng pagiging mapanlaban, pagkondena, o pagkontra. Kawalan lang ito ng interes sa katotohanan, pag-ayaw na bigyan ito ng pansin, at pagsasabing, “Anong mga positibong bagay, anong katotohanan? Kahit na makamit ko ang mga bagay na ito, ano naman? Mapapabuti ba ng mga ito ang buhay ko o mapapalakas ang mga abilidad ko?” Hindi sila interesado sa mga bagay na ito, kaya hindi nila pinapansin ang mga ito, pero hindi pa ito pagiging tutol. Nagpapahiwatig ng isang partikular na saloobin ang pagiging tutol. Anong klase ng saloobin? Sa sandaling makarinig sila ng anumang positibong bagay at anumang bagay na nauugnay sa katotohanan, nakakaramdam sila ng pagkamuhi, pagkasuklam, paglaban, at pag-ayaw na makinig. Maaari pa nga silang maghanap ng ebidensiya para kondenahin at siraan ang katotohanan. Ito ang disposisyong diwa nila ng pagiging tutol sa katotohanan.

Tulad lang ng ibang tao, ang mga anticristo ay kayang magbasa ng mga salita ng Diyos, marinig ang sinasabi ng Diyos, at maranasan ang gawain ng Diyos. Sa panlabas, tila kaya rin nilang maunawaan ang literal na kahulugan ng mga salita ng Diyos, malaman ang sinabi ng Diyos, at malaman na ang mga salitang ito ay nagbibigay-daan sa mga tao na tahakin ang tamang landas at maging mabubuting tao. Gayumpaman, nananatiling teoretikal lang ang mga bagay na ito para sa kanila. Ano ang ibig sabihin ng nananatiling teoretikal? Katulad ito ng kung paanong maaaring pinaniniwalaan ng ilang tao na mabuti ang isang partikular na teorya sa isang libro, pero kapag ikinumpara nila ito sa tunay na buhay, at inisip nila ang masasamang kalakaran, katiwalian ng tao, at ang iba’t ibang pangangailangan ng buong sangkatauhan, nakikita nila na ang teorya ay hindi praktikal at walang kaugnayan sa tunay na buhay, at napagtatanto nila na hindi ito makakatulong sa mga tao na umangkop o sumunod sa masasamang kalakaran at sa masamang lipunang ito. Dahil dito, nararamdaman nila na mabuti ang teoryang ito, pero isa lamang itong bagay na maaaring pag-usapan, para matugunan ang mga kagustuhan at pantasya ng sangkatauhan para sa magagandang bagay. Halimbawa, kung may isang tao na gusto ng katayuan, at gusto niyang maging opisyal, at gusto niyang itaas at sambahin siya ng mga tao, kailangan niyang umasa sa mga hindi normal na pamamaraan tulad ng pagsisinungaling, pagpapakitang-gilas, at pagtapak sa ibang tao, at iba pa, para makamit ang layong ito. Gayumpaman, ang mga bagay na ito ang mismong kinokondena ng katotohanan. Kinokondena at tinatanggihan nito ang mga pagnanais at ambisyon na ito ng mga tao. Sa tunay na buhay, iniisip ng mga tao na ang pamumukod-tangi ay isang lehitimong bagay na ginagawa, pero kinokondena ng Diyos at ng katotohanan ang mga gayong hinihingi. Samakatwid, hindi tinatanggap sa sambahayan ng Diyos ang mga hinihinging ito, walang lugar para maisakatuparan ang mga ito, at walang puwang para maisagawa ang mga ito. Pero isusuko ba ng mga anticristo ang mga ito? (Hindi nila isusuko ang mga ito.) Tama, hindi nila isusuko ang mga ito. Sa sandaling makita ito ng mga anticristo, iisipin nila, “Nauunawaan ko na ngayon. Kaya, hinihingi ng katotohanan na maging hindi makasarili ang mga tao, na isakripisyo ang kanilang sarili, na maging mapagparaya at mapagbigay, na kalimutan ang mga ego nila at mamuhay sila para sa iba. Ito ang katotohanan.” Kapag binigyang-depinisyon nila ang katotohanan sa ganitong paraan, nagiging interesado ba sila sa katotohanan o nasusuklam dito? Nasusuklam sila rito, at nasusuklam sila sa Diyos, sinasabi nila, “Palaging nagsasalita ang diyos tungkol sa katotohanan, palagi niyang inilalantad ang mga hindi dalisay na bagay tulad ng mga pagnanais at ambisyon ng tao, at palagi niyang inilalantad ang nasa kaibuturan ng mga kaluluwa ng tao. Tila ang pakay ng diyos sa pakikipagbahaginan sa katotohanan ay ang ipagkait sa mga tao ang kanilang paghahangad sa katayuan, mga pagnanais, at mga ambisyon. Noong una, inakala ko na kayang tugunan ng diyos ang mga pagnanais ng tao, tuparin ang mga kahilingan at pangarap nila, at ibigay sa mga tao ang gusto nila. Hindi ko inaasahan na ang diyos ay ganitong klase ng diyos. Hindi naman siya mukhang masyadong dakila. Puno ako ng mga ambisyon at pagnanais: Magugustuhan ba ng diyos ang isang taong tulad ko? Batay sa palaging sinasabi ng diyos, at sa pag-intindi sa mga ipinapahiwatig ng mga salita niya, tila hindi gusto ng diyos ang mga taong tulad ko, at hindi rin niya makakasundo ang isang taong tulad ko. Mukhang hindi ko makakasundo ang ganitong uri ng praktikal na diyos. Ang mga salitang sinasabi niya, ang gawaing ginagawa niya, ang mga prinsipyo ng mga kilos niya, at ang disposisyon niya—bakit para sa akin ay lubhang hindi kaaya-aya ang mga iyon? Hinihiling ng diyos sa mga tao na maging matapat, na magkaroon ng konsensiya, na maghanap, sumunod, at matakot sa diyos kapag may nangyayari sa kanila, at bitiwan ang mga ambisyon at pagnanais nila—mga bagay ito na hindi ko kayang gawin! Ang hinihingi ng diyos ay hindi lang di-kaayon ng mga kuru-kuro ng tao, hindi rin ito sensitibo sa mga damdamin ng tao. Paano ko magagawang manampalataya sa kanya?” Matapos nilang pag-isipan nang ganito ang mga bagay-bagay, nagkakaroon ba sila ng mabuting damdamin patungkol sa Diyos o napapalayo ba sila sa Kanya? (Napapalayo sila.) Pagkaraan ng ilang panahon ng karanasan, lalong nararamdaman ng mga anticristo na ang mga taong tulad nila, na may mga ambisyon at pagnanais, at puno ng mga adhikain, ay hindi malugod na tatanggapin sa sambahayan ng Diyos, na walang lugar dito para magamit nila ang mga kasanayan nila, at hindi nila malayang maisasakatuparan ang mga adhikain nila rito. Iniisip nila, “Sa sambahayan ng diyos, hindi ko puwedeng ibunyag ang natatangi kong talento. Hindi ako kailanman magkakaroon ng pagkakataong maging nakakahigit. Sinasabi nila na wala akong espirituwal na pang-unawa, na hindi ko nauunawaan ang katotohanan, at na mayroon akong disposisyon ng isang anticristo. Bukod sa hindi ako naiangat o hindi ako inilagay sa mahalagang posisyon, kinokondena pa ako. Ano ang mali sa pagtatatag ng nagsasarili kong kaharian? Ano ang mali sa pagpapahirap ko sa iba? Dahil may kapangyarihan ako, dapat lang na kumilos ako nang ganito! Sino ang hindi kikilos nang ganito kung may kapangyarihan sila? Ano ang labis na mali sa panlilinlang at pandaraya ko sa mga halalan? Hindi ba’t ganoon din ang ginagawa ng lahat ng walang pananampalataya? Bakit hindi ito pinapayagan sa sambahayan ng diyos? Sinasabi pa nila na wala itong kahihiyan. Paano ito maituturing na walang kahihiyan? Nagsusumikap ang tao na umangat; dumadaloy ang tubig pababa. Wasto ito! Hindi masaya sa sambahayan ng diyos. Pero napakalupit ng mga tao sa mundong ito, at hindi sila madaling pakisamahan. Kung ikukumpara, mas maayos nang kaunti ang asal ng mga tao sa sambahayan ng diyos. Kung walang diyos, magiging napakasaya ang tumambay rito; kung walang diyos at walang katotohanan na namamahala sa mga tao, ako ang magiging amo sa sambahayan ng diyos, ang panginoon, at ang hari.” Habang ginagawa nila ang mga tungkulin nila sa sambahayan ng Diyos, palagi nilang nararanasan ang iba’t ibang bagay, patuloy silang pinupungusan, at papalit-palit sila ng iba’t ibang tungkulin, at sa wakas ay napagtatanto nila ang isang bagay, sinasabi nila, “Sa sambahayan ng diyos, ang anumang nangyayari ay sinusukat at nilulutas gamit ang katotohanan. Palaging binibigyang diin ang katotohanan, at palaging nagsasalita ang diyos tungkol dito. Hindi ko maisasakatuparan nang malaya ang mga adhikain ko rito!” Sa pag-abot sa puntong ito sa mga karanasan nila, lalo silang nagiging tutol sa katotohanan, sa paghahari ng katotohanan, sa pagiging katotohanan ng lahat ng ginagawa ng Diyos, at sa paghahanap sa katotohanan. Gaano katindi ang nararamdaman nilang pagtutol sa mga bagay na ito? Ni ayaw nilang kilalanin o tanggapin ang mga doktrina ng mga katotohanang kinilala nila sa pinakasimula, at nakakaramdam sila ng matinding pagkasuklam sa puso nila. Samakatwid, sa sandaling oras na para sa isang pagtitipon, inaantok sila at nababalisa. Bakit sila nababalisa? Iniisip nila, “Tumatagal ng tatlo o apat na oras ang mga pagtitipong ito—kailan ba ito matatapos? Ayaw ko nang makinig!” May isang parirala na makapaglalarawan sa lagay ng kanilang loob, ito ay “nakaupo sa mga aspili at karayom.” Napagtatanto nila na hangga’t naghahari ang katotohanan sa sambahayan ng Diyos, hindi sila kailanman magkakaroon ng pagkakataong maging nakakahigit, bagkus, palagi silang malilimitahan, makokondena, at matatanggihan ng lahat, at na gaano man sila kahusay, hindi sila mabibigyan ng mahahalagang papel. Dahil dito, tumitindi ang pagkapoot nila sa katotohanan at sa Diyos. Maaaring may magtanong, “Bakit hindi sila nakaramdam ng pagkapoot mula pa sa simula?” Nakaramdam nga sila ng pagkapoot mula pa sa simula, pero noong panahong iyon, hindi pa sila pamilyar sa lahat ng bagay sa sambahayan ng Diyos. Wala pa silang konsepto nito, pero hindi ibig sabihin niyon na hindi sila nakaramdam ng pagkapoot o pagtutol. Sa realidad, nakaramdam sila ng pagtutol sa katotohanan sa kaibuturan ng kanilang kalikasang diwa, hindi pa lang nila ito napagtatanto. Walang duda na tutol sa katotohanan ang kalikasang diwa ng mga taong ito. Bakit Ko sinasabi ito? Likas nilang mahal ang kawalan ng katarungan, kabuktutan, kapangyarihan, masasamang kalakaran, pamumuno, pagkontrol sa mga tao, at lahat ng negatibong bagay na tulad nito. Batay sa mga bagay na ito na minamahal nila, walang duda na nakakaramdam ng pagtutol sa katotohanan ang mga anticristo. Bukod pa rito, pagdating sa mga pinagsusumikapan nila, nagsusumikap sila para sa katayuan, nagsusumikap sila para makilala, nagsusumikap silang magmukhang banal, nagsusumikap silang maging lider sa mga tao, para mangibabaw at maging makapangyarihan, para magkaroon ng katanyagan at lakas saanman sila nagsasalita o kumikilos, pati na ang abilidad na kontrolin ang mga tao—nagsusumikap sila para sa mga bagay na ito. Isa rin itong pagpapamalas ng pagiging tutol sa katotohanan. Batay pa sa saloobin nila sa katotohanan, gaano man karami nito ang naririnig ng mga indibidwal na ito, walang magiging saysay ito. Puwedeng may ilang magtanong, “Dahil ba ito sa mahina ang memorya nila?” Hindi. May ilang anticristo na may napakahusay na memorya, napakahusay nilang magsalita, at kaya nilang gamitin at ipakitang-gilas agad ang natutunan nila. Dahil dito, iniisip ng mga walang pagkilatis na ang mga indibidwal na ito ay may mahusay na kakayahan at na gumagawa ang Banal na Espiritu sa mga ito. Gayumpaman, kayang matukoy agad ng mga mapagkilatis na tao na ang sinasabi nila ay pawang mga doktrina at mga walang kabuluhang salita, na wala itong anumang katotohanang realidad, at na naglalayon itong ilihis ang mga tao. Ganitong mga tao ang mga anticristo: Napakahilig nilang mangaral ng matatayog na sermon, magtalakay ng mga espirituwal na teorya sa walang kabuluhang paraan, at maglitanya ng napakaraming salita, na kapag nagsimula na, ay lihis sa paksa at paligoy-ligoy. Maraming tao ang hindi sila nauunawaan, at sinasabi ng mga anticristo, “Ito ang wika ng ikatlong langit; paano ninyo ito mauunawaan?” Ang pangunahing pagpapamalas ng pagiging tutol ng mga anticristo sa katotohanan ay nakikita sa saloobin nila rito, at, siyempre, naipapamalas din ito sa karaniwan nilang pang-araw-araw na buhay at mga aktibidad, lalo na sa kung paano nila ginagawa ang mga tungkulin nila. Nagpapakita sila ng ilang pagpapamalas. Una, hindi nila kailanman hinahanap ang katotohanan, kahit na alam na alam nilang dapat nila itong gawin. Pangalawa, hindi nila kailanman isinasagawa ang katotohanan. Dahil hindi nila hinahanap ang katotohanan, paano nila ito maisasagawa? Sa pamamagitan lang ng paghahanap magkakaroon ng pagkaunawa, at tanging ang pagkaunawa ang magreresulta sa pagsasagawa; hindi sila naghahanap, at hinding-hindi rin nila isinasapuso ang mga katotohanang prinsipyo. Hinahamak pa nga nila ang mga ito, nakakaramdam sila ng pagtutol laban sa mga ito, at tinitingnan nila ang mga ito nang may pagkamapanlaban. Bilang resulta, ni hindi nila kailanman tinatalakay ang pagsasagawa sa katotohanan, at kahit na nauunawaan nila minsan ang katotohanan, hindi nila ito isinasagawa. Halimbawa, kapag may nangyayari sa kanila, at nagmumungkahi ang iba ng magandang hakbang, puwedeng sumagot sila nang mariin, “Ano namang maganda riyan? Kung gagawin ko iyan, hindi ba’t masasayang ang mga ideya ko?” Puwedeng sabihin ng ilan, “Magdurusa ng mga kawalan ang sambahayan ng Diyos kung gagawin natin ang mga bagay ayon sa paraan mo; dapat tayong kumilos nang naaayon sa mga prinsipyo.” Sasagot sila, “Anong mga prinsipyo! Ang paraan ko ang prinsipyo; kung ano ang iniisip ko, iyon ang prinsipyo!” Hindi ba’t hindi ito pagsasagawa sa katotohanan? (Oo.) Ang isa pa sa mga pangunahing pagpapamalas nila ay hindi sila kailanman nagbabasa ng mga salita ng Diyos o nagsasagawa ng mga espirituwal na debosyon. Kapag abala ang ilang tao sa gawain at hindi makahanap ng oras para magbasa ng mga salita ng Diyos, tahimik silang nagninilay-nilay o kumakanta ng ilang himno, at kung maraming araw na hindi sila makapagbasa ng mga salita ng Diyos, nakakaramdam sila ng kahungkagan. Sa gitna ng pagiging abala nila, naglalaan sila ng oras para magbasa ng isang sipi at matustusang muli ang kanilang sarili, nagbubulay-bulay hanggang sa maramdaman nila ang presensiya ng Diyos, at maging panatag ang puso nila. Hindi masyadong malayo sa Diyos ang mga gayong tao. Sa kabilang banda, hindi nababagabag ang mga anticristo kahit hindi nila nababasa ang mga salita ng Diyos sa loob ng isang araw. Kahit na hindi sila makapagbasa ng mga salita ng Diyos sa loob ng 10 araw, wala silang nararamdaman. Nakakapamuhay pa rin sila nang napakaayos kahit isang taon na silang hindi nagbabasa ng mga salita ng Diyos, at kaya pa nga nilang magpatuloy nang tatlong taon nang hindi nagbabasa ng mga salita ng Diyos, at wala silang nararamdaman—hindi sila nakakaramdam ng takot o kahungkagan sa puso nila, at patuloy silang namumuhay nang komportable. Siguradong mayroon silang matinding pagtutol sa mga salita ng Diyos! Ang isang tao ay maaaring hindi makapagbasa ng mga salita ng Diyos sa loob ng isang araw dahil sa pagiging abala, o marahil ay sa loob ng 10 araw dahil sa parehong dahilan. Gayumpaman, kung kaya ng isang tao na umabot nang isang buong buwan nang hindi nagbabasa ng mga salita ng Diyos at wala pa rin siyang nararamdaman, may problema na. Kung lilipas ang isang taon nang hindi nagbabasa ng mga salita ng Diyos ang isang tao, hindi lang siya walang pananabik para sa mga salita ng Diyos—mayroon siyang pagtutol sa katotohanan.

Ang isa pang pagpapamalas ng pagtutol ng mga anticristo sa katotohanan ay ang paghamak nila kay Cristo. Napagbahaginan na natin noon ang tungkol sa paghamak nila kay Cristo. Kaya, ano ba ang ginawa ni Cristo sa kanila para hamakin nila si Cristo? Sinaktan o pininsala ba Niya sila, o may ginawa ba Siyang kontra sa mga kagustuhan nila? Pininsala ba Niya ang anumang interes nila? Hindi. Walang personal na sama ng loob si Cristo sa kanila, at hindi pa nga nila nakakatagpo si Cristo. Kung gayon, paano nila nagagawang hamakin Siya? Ang ugat na dahilan ay nasa diwa ng pagtutol ng mga anticristo sa katotohanan. Ang isa pang pagpapamalas ng pagtutol ng mga anticristo sa katotohanan ay ang paghamak nila sa realidad ng lahat ng positibong bagay. Sumasaklaw ang realidad ng lahat ng positibong bagay sa maraming iba’t ibang bagay, tulad ng lahat ng bagay na nilikha ng Diyos at ang mga batas ng mga ito, iba’t ibang buhay na nilalang at ang mga batas na namamahala sa buhay ng mga ito, at sa pangunahin, ang iba’t ibang batas na namamahala sa buhay ng mga nilalang na ito na tinatawag na mga tao. Halimbawa, ang mga usapin ng kapanganakan, pagtanda, pagkakasakit, at kamatayan na pinakamalapit sa buhay ng tao—nanghihina ang mga binti ng mga normal na tao habang tumatanda sila, humihina ang kalusugan nila, lumalabo ang mga mata nila, humihina ang pandinig nila, umuuga ang mga ngipin nila, at iniisip nilang kailangan nilang tanggapin ang pagtanda. Ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng ito, at walang sinuman ang makakakontra sa natural na batas na ito—kayang kilalanin at tanggapin ng mga normal na tao ang lahat ng bagay na ito. Gayumpaman, kahit gaano katagal mabuhay ang isang tao o anuman ang kalagayan ng kanyang pisikal na kalusugan, may partikular na mga bagay na hindi nagbabago, tulad ng kung paano nila dapat ginagawa ang tungkulin nila, ang posisyon na dapat nilang pinanghahawakan, at ang saloobin na dapat mayroon sila sa paggawa ng tungkulin nila. Sa kabilang banda, tumatangging sumuko ang mga anticristo. Sinasabi nila, “Sino ba ako? Hindi ako puwedeng tumanda. Dapat naiiba ako sa mga karaniwang tao sa lahat ng oras. Mukha ba akong matanda para sa iyo? May mga partikular na bagay na hindi ninyo kayang gawin sa edad na ito, pero kaya ko. Puwedeng nanghihina na ang mga binti ninyo kapag nasa singkuwenta anyos na kayo, pero maliksi pa ang mga binti ko. Nagsasanay pa nga akong tumalon-talon sa mga bubong!” Palagi nilang gustong hamunin ang mga normal na batas na inorden ng Diyos, palagi nilang sinusubukang labagin ang mga ito at ipakita sa iba na sila ay naiiba, ekstraordinaryo, at nakahihigit sa mga ordinaryong tao. Bakit nila ginagawa ito? Gusto nilang hamunin ang mga salita ng Diyos at itanggi na ang Kanyang mga salita ang katotohanan. Hindi ba’t isa itong pagpapamalas ng diwa ng mga anticristo ng pagtutol sa katotohanan? (Oo.) May isa pang aspekto, iyon ay na iginagalang ng mga anticristo ang masasamang kalakaran at madidilim na impluwensiya; lalo nitong pinatutunayan na mga kaaway sila ng katotohanan. Labis na hinahangaan at iginagalang ng mga anticristo ang rehimen ni Satanas, at ang iba’t ibang abilidad, kasanayan, at gawa ng masasamang espiritu na nababanggit sa mga alamat, pati na rin ang masasamang kalakaran at madidilim na impluwensiya. Hindi matitinag ang paniniwala nila sa mga bagay na ito, at hindi nila kailanman pinagdududahan ang mga ito. Bukod sa walang pagtutol ang puso nila, puno pa ito ng pagrespeto, paggalang, at inggit para sa mga ito. Kahit sa kaibuturan ng puso nila, mahigpit nilang sinusundan ang mga bagay na ito. Ang mga anticristo ay may ganitong uri ng saloobin sa kaibuturan ng puso nila sa masasama at madidilim na bagay na ito—hindi ba’t nangangahulugan ito na tutol sila sa katotohanan? Tiyak iyon! Paano magmamahal sa katotohanan ang sinumang nagmamahal sa buktot at madidilim na bagay na ito? Ang mga taong ito ay nabibilang sa mga puwersa ng kasamaan at sa grupo ni Satanas. Siyempre, hindi natitinag ang paniniwala nila sa mga bagay na kay Satanas, habang ang puso nila ay puno ng pagkasuklam at paghamak sa katotohanan at sa mga positibong bagay. Halos tatapusin na natin dito ang pagbubuod natin sa aytem ng pagtutol sa katotohanan.

C. Kalupitan

Ang isa pang bahagi ng disposisyong diwa ng mga anticristo ay ang kalupitan. Maibubuod ang mga anticristo gamit ang isang parirala: Masasamang tao ang mga anticristo. Kapag may katayuan sila, malinaw na mga anticristo sila. Kapag wala silang katayuan, paano mo mahuhusgahan kung anticristo sila? Kailangan mong tingnan ang pagkatao nila. Kung ang pagkatao nila ay mapaminsala, lihim na mapanira, at makamandag, sila ay isang daang porsiyentong mga anticristo. Kung ang isang tao ay hindi pa kailanman nagkaroon ng katayuan, at hindi pa kailanman naging lider, at hindi mabuti ang pagkatao niya, paano mo matutukoy kung anticristo siya? Kailangan mong tingnan kung makamandag ba ang pagkatao niya, at kung masamang tao ba siya. Kung masama siyang tao, kahit wala siyang katayuan, siya ay isang daang porsiyentong anticristo. Samakatwid, ang isa pang tipikal na aspekto ng disposisyong diwa ng mga anticristo ay ang kalupitan. Ang malupit bang disposisyon ng mga anticristo ay katulad ng kalupitan ng mga leon o tigre kapag naghahanap ng makakain? (Hindi.) Naghahanap ng makakain ang mga karniboro dahil sa gutom; isa itong pangangailangan ng katawan at isang likas na gawi. Pero kapag hindi sila gutom, hindi sila naghahanap ng makakain. Paano ito naiiba sa kalupitan ng mga anticristo? Hindi ba nagiging mabagsik ang mga anticristo kapag hindi mo sila ginagalit, at nagiging mabagsik lang sila kapag ginalit mo sila? O hindi ka ba nila kokontrolin kung hindi mo sila pinakikinggan, pero kokontrolin ka nila kapag pinakikinggan mo sila? O hindi ka ba nila pahihirapan basta’t nakikinig ka sa kanila, pero pahihirapan ka nila kung hindi ka nakikinig? (Hindi.) Ang kalupitan ng mga anticristo ay isang disposisyon, isang diwa—isa itong tunay na satanikong diwa. Hindi ito likas na gawi, o pangangailangan ng laman, kundi isang pagpapamalas at katangian ng disposisyon ng mga anticristo. Kaya, ano ang mga pagpapamalas, pagbubunyag, at pamamaraan ng malupit na disposisyon ng mga anticristo? Alin sa mga kilos nila ang kumakatawan na malupit ang disposisyon nila, na may diwa sila ng masasamang tao? Ibahagi ninyo ang mga iniisip ninyo. (Pinapahirapan nila ang iba.) (Sinusupil at ibinubukod nila ang mga naiiba sa kanila.) (Idinidiin nila ang iba at naglalagay sila ng mga patibong para sa mga ito.) (Kinokontrol at minamanipula nila ang mga tao.) (Bumubuo sila ng mga paksiyon at naghahasik ng alitan.) Ang pagbuo ng mga paksiyon at paghahasik ng alitan ay medyo lihim na mapanira; ang mga ito ay mga pagpapamalas ng isang buktot na disposisyon, pero hindi pa ito kalupitan. Ang pagpapakalat ng mga kuru-kuro, pagtatatag ng mga nagsasariling kaharian—malupit ba ang mga ito? (Oo.) Ang pagkontra sa mga pagsasaayos ng gawain, panggugulo sa gawain ng sambahayan ng Diyos, pagkamkam sa mga handog para sa Diyos, at direktang pagkontra sa Diyos—malupit ba ang mga ito? (Oo.) Ang pagkamkam sa mga handog ay hindi lang sakim; isa rin itong pagpapamalas ng isang malupit na disposisyon. Ang kakayahan ng mga anticristo na kamkamin ang mga handog ay nagpapahiwatig ng isang napakalupit na disposisyon, kapantay ng sa mga bandido. Ulitin ang mga aytem na kakabuod pa lang natin. (Pinapahirapan nila ang iba, sinusupil at ibinubukod ang mga naiiba sa kanila, idinidiin ang iba at naglalagay sila ng mga patibong para sa mga ito, kinokontrol at minamanipula ang mga tao, nagpapakalat ng mga kuru-kuro, nagtatatag ng mga nagsasariling kaharian, kumokontra sa mga pagsasaayos ng gawain, binabatikos ang Diyos, at kinakamkam ang mga handog.) Siyam na aytem sa kabuuan. Ang mga ito ang humigit-kumulang na pagpapamalas ng malupit na disposisyon ng mga anticristo. Sa katunayan, may ilan pang partikular na mga pagpapamalas, pero halos katulad na rin ng mga ito, kaya hindi Ko na detalyadong ililista ang mga ito. Sa madaling salita, masasamang tao ang mga gumagamit ng mga pamamaraan at estratehiyang ito. Sa isang aspekto, lihim na mapanira ang mga pamamaraan nila, halimbawa, ang pagdidiin, paglalagay ng mga patibong, at pagpapakalat ng mga kuru-kuro, ay pawang medyo lihim na mapanira. Sa isa pang aspekto, labis na makamandag at mabagsik ang mga estratehiya nila, kaya kalipikado sila sa pagkakaroon ng malupit na disposisyon.

Batay sa tatlong aspektong ito ng disposisyong diwa ng mga anticristo, puwede ba silang maligtas? (Hindi, hindi sila puwedeng maligtas.) Handa ba silang magtrabaho sa sambahayan ng Diyos? (Hindi, hindi sila handa.) Hindi nila hinahangad ang katotohanan, hindi nila minamahal ang katotohanan, at puno ng pagkamapanlaban sa Diyos at sa mga positibong bagay ang puso nila. Ayaw pa nga nilang gawin ang mga pundamental na bagay—ang pagtatrabaho at pagsasakatuparan ng tungkulin nila sa sambahayan ng Diyos—ibig sabihin, hindi man lang nila kayang gawin ang dapat na normal na ginagawa ng isang tao. Bukod sa hindi nila ito magawa, sa kabaligtaran, ginugulo, ginagambala, at sinisira pa nila ang normal na kaayusan ng mga kapatid na gumagawa ng kanilang mga tungkulin, pati na rin ang normal na buhay iglesia. Kasabay nito, ginugulo nila ang gawain ng sambahayan ng Diyos, ang normal na buhay pagpasok ng mga tao, at ang normal na gawain ng Diyos sa mga tao. At hindi lang iyon, gusto rin nilang maghari at gumamit ng kapangyarihan sa sambahayan ng Diyos; gusto nilang ilihis, akitin, at kontrolin ang mga tao, magtatag ng kanilang mga nagsasariling kaharian at mga paksiyon sa sambahayan ng Diyos, at ganap na gawing sarili nilang mga tagasunod ang mga sumusunod sa Diyos, para makamit nila ang ambisyon at pagnanais nila na gumamit ng kapangyarihan at impluwensiya, kontrolin ang hinirang na mga tao ng Diyos, at makipagkompetensiya sa Diyos. Kaya, may anumang halaga ba ang paggamit sa mga anticristo sa sambahayan ng Diyos kahit kaunti? May mabuti man lang ba silang silbi sa sambahayan ng Diyos? (Wala.) Batay sa pagkatao nila hanggang sa mga hinahangad nila, mula sa mga ambisyon at pagnanais nila hanggang sa mga landas na tinatahak nila, at sa saloobin nila sa katotohanan at sa Diyos, sa sambahayan ng Diyos, ang silbi lang ng mga gayong tao ay manggulo, manggambala, at manira ng gawain ng Diyos. Wala silang kahit katiting na positibong silbi, dahil hindi nila kailanman hinahangad ang katotohanan, at sa kalikasang diwa nila, tutol sila sa katotohanan, at puno ng pagkamapanlaban sa katotohanan at sa Diyos. Ito ang diwa ng mga anticristo.

Sa ngayon, ganap na nating natapos ang pagbabahaginan tungkol sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo. Sa pamamagitan ng napagbahaginan natin ngayon, kaya na ba ninyo ngayong makilatis ang mga anticristo? Para ibuod ito sa pinakasimpleng parirala: Mga anticristo ang masasamang tao, at ang lahat ng anticristo ay masasamang tao. Sa pamamagitan ng ganitong pagpapaliwanag, hindi ba’t naging lalong mas malinaw na sa inyo ang mga bagay-bagay? Hindi ba’t mas madali nang maunawaan ang mga ito ngayon? Sa nakalipas na dalawang taon, patuloy nating hinihimay ang kalikasang diwa ng mga anticristo, at dumaan kayo sa maraming pagpipino, nag-aalala na baka anticristo kayo. Ngayon, sa wakas ay lumabas na ang resulta. Napakahirap ng naging proseso, pero maganda ang huling resulta: Mayroon kayong disposisyon ng isang anticristo, pero hindi kayo anticristo. Paano ninyo napagtanto ang pagkaunawang ito? Sa aling linya ng mga pakikipagbahaginan Ko ninyo ito napagtanto? (Noong nakaraan, sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan ng Diyos tungkol sa pagkakaiba sa pagitan ng karakter at disposisyong diwa ng mga anticristo, at ng sa ibang tao, nagsimula kaming makaunawa nang kaunti. Ang mga taong may konsensiya at katwiran ay kayang magsisi at magbago pagkatapos gumawa ng masama, habang ang mga nagtataglay ng disposisyong diwa ng mga anticristo ay matigas na ayaw magsisi, at wala silang nararamdaman gaano man karami ang nagawa nilang kasamaan.) Ang mga tao ay may ilang pagbubunyag ng disposisyon ng mga anticristo, pero hindi boluntaryo ang mga ito at hindi kusang nagmumula sa kanilang kalooban; kapag natutuklasan ang mga pagbubunyag na ito, nakakaramdam ang mga tao ng pagiging di-komportable, pasakit, pagsisisi, at pagkakautang, at unti-unti nilang mababago ang landas nila. Kapag nauunawaan ng mga tao ang puntong ito, lalo pa silang mas napapanatag, at natutuklasan nilang may pagkakataon pa silang maligtas, at na hindi sila mga anticristo. Bagama’t may kaunting kaugnayan sila sa disposisyon ng mga anticristo, sa kabutihang-palad, wala silang kaugnayan sa disposisyong diwa ng mga anticristo. Basta’t hindi ka isang masamang tao, hindi ka isang anticristo. Pero nangangahulugan ba iyon na wala kang disposisyon ng mga anticristo? (Hindi.) Kapag sinabi Ko ngayon na ang lahat ay may disposisyon ng mga anticristo, nakakaramdam ba kayo ng paglaban sa puso ninyo? (Hindi.) Hindi kayo nakakaramdam ng paglaban; kaya ninyong tanggapin ang katunayang ito ngayon. Ibuod ang mga pagpapamalas ng disposisyong diwa ng mga anticristo. (Ang mga anticristo ay tutol sa katotohanan, kinamumuhian nila ang katotohanan, at hindi nila kailanman tatanggapin ang katotohanan.) Tumutukoy ito sa diwa; hindi kailanman tatanggapin ng mga anticristo ang katotohanan; tutol at mapanlaban sila sa katotohanan. May ilang taong hindi naghahangad sa katotohanan, pero hindi sila mapanlaban dito, at iniisip din nila na tama at mabuti ang lahat ng sinasabi ng Diyos, at hinahangaan nila ito at gusto nilang hangarin ito, pero mahina ang kakayahan nila at wala silang landas. Ang iba ay walang interes sa katotohanan, pero hindi rin sila mapanlaban dito; sila ang walang ganang uri. Gayumpaman, iba ang mga anticristo; tutol at mapanlaban sila sa katotohanan. Sa sandaling mabanggit ang katotohanan o ang Diyos, nakakaramdam sila ng pagkamuhi, at kapag sinusubukang ipatanggap sa kanila ang katotohanan, sila ay nagiging hindi normal, nasusuklam sila sa kaibuturan ng puso nila, hindi nila ito kailanman tinatanggap—ito ang diwa ng mga anticristo. Ano pa? (Ang mga anticristo ay matigas na hindi nagsisisi kahit ano pa ang mali nilang ginagawa, at hindi nila kailanman isasagawa ang katotohanan.) Hindi nila kikilalanin ang sarili nilang mga pagkakamali, hindi sila nagsisisi kailanman, at hindi sila magbabago sa paglipas ng maraming taon. Hindi nila kinikilala na ang Diyos ang katotohanan, na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, kaya paano nila maisasagawa ang katotohanan? Wala silang pagkatao, hindi sila tao, sila ay mga diyablo, mga Satanas, at mga kaaway ng Diyos, kaya tiyak na hindi nila isasagawa ang katotohanan.

Disyembre 26, 2020