Ikaanim na Ekskorsus: Pagbubuod sa Karakter ng mga Anticristo at sa Kanilang Disposisyong Diwa (Ikatlong Bahagi) Unang Seksiyon
III. Ang Disposisyong Diwa ng mga Anticristo
A. Kabuktutan
2. Kung Ano ang Ginagawa ng mga Anticristo sa Diyos
Sa huling pagtitipon, pangunahin nating pinagbahaginan at ibinuod ang disposisyong diwa ng isang anticristo, pumili tayo ng tatlong katangian mula sa anim na disposisyon ng tiwaling pagkatao para himayin. Ang tatlong katangiang ito ay ang pagiging tutol sa katotohanan, kalupitan, at kabuktutan. Nagbahaginan tayo tungkol sa kabuktutan noong nakaraan, at sa pamamagitan ng paghihimay sa mga buktot na pagpapamalas ng mga anticristo, tulad ng, na ang mga isipan nila ay puno ng kasamaan buong araw—tinukoy natin ang mga anticristo at kinumpirma ang buktot nilang disposisyong diwa sa pamamagitan ng mga pagpapamalas na ito. Hinihimay natin mula sa dalawang aspekto ang katunayan na ang mga isipan nila ay puno ng kasamaan buong araw: una, kung ano ang nasa isipan nila kapag tinatrato nila ang iba, anong mga pamamaraan at pagpapamalas ang ibinubunyag nila sa kanilang tiwaling diwa; pangalawa, kung ano ang nasa mga isipan nila tungkol sa Diyos. Natapos na nating pagbahaginan ang tungkol sa kung paano nila tinatrato ang mga tao. Tungkol naman sa mga ideya, kuru-kuro, pananaw, at mga motibasyon na mayroon ang mga anticristo, at maging ang paunang natukoy na mga kilos sa isipan nila, patungkol sa Diyos, bahagya nating pinagbahaginan ito noong nakaraan: halimbawa, pagdududa, pagsisiyasat, at ano pa? (Paghihinala at pagiging mapagbantay.) Pagdududa, pagsisiyasat, paghihinala, at pagiging mapagbantay. Ngayon, pagbahaginan natin ang tungkol sa pagsubok ng mga anticristo sa Diyos.
e. Pagsubok
Ano ang mga pagpapamalas ng pagsubok? Anong mga pamamaraan o kaisipan ang nagpapamalas ng isang kalagayan o diwa ng pagsubok? (Kung ako ay nakagawa ng pagsalangsang o nakagawa ng masama, palagi kong gustong usisain ang Diyos, manghingi ng malinaw na sagot, at tingnan kung magkakaroon ba ako ng magandang kalalabasan o hantungan.) May kinalaman ito sa mga kaisipan; kaya, sa pangkalahatan, kapag nagsasalita o kumikilos ang isang tao, o kapag humaharap siya sa isang bagay, alin sa mga pagpapamalas niya ang pagsubok? Kung may isang taong nakagawa ng pagsalangsang at pakiramdam niya ay baka maalala o makondena ng Diyos ang pagsalangsang niya, at siya mismo ay hindi sigurado, hindi niya alam kung talagang kokondenahin siya ng Diyos o hindi, nag-iisip siya ng paraan para subukin ito, para makita kung ano talaga ang saloobin ng Diyos. Nagsisimula siya sa pagdarasal, at kung walang pagtanglaw o kaliwanagan, iniisip niyang ganap na itigil ang dati niyang mga paraan ng paghahangad. Dati, lagi niyang ginagawa ang mga bagay-bagay nang pabasta-basta, gumugugol lang ng 30% ng kanyang pagsisikap kung saan puwede niyang ibigay ang 50%, o 10% kung saan puwede siyang magbigay ng 30%. Ngayon, kung kaya niyang magbigay ng 50% ng kanyang pagsisikap, gagawin niya ito. Inaako niya ang mga marumi o nakakapagod na gawain na iniiwasan ng iba, palaging ginagawa ito bago ang iba, at tinitiyak na nakikita ito ng karamihan ng mga kapatid. Ang mas mahalaga, gusto niyang makita kung paano tinitingnan ng Diyos ang usaping ito at kung matutubos ba ang pagsalangsang niya. Kapag nahaharap sa mga kahirapan o mga bagay na hindi mapagtatagumpayan ng karamihan ng mga tao, gusto niyang makita kung ano ang gagawin ng Diyos, kung bibigyan ba siya ng Diyos ng kaliwanagan at paggabay. Kung mararamdaman niya ang presensiya ng Diyos at ang Kanyang espesyal na pagpabor, maniniwala siyang hindi inalala o kinondena ng Diyos ang pagsalangsang niya, na nagpapatunay na mapapatawad ito. Kung gugugulin niya ang sarili niya nang ganito at magbabayad siya ng gayong halaga, kung malaki ang magiging pagbabago sa saloobin niya pero hindi pa rin niya maramdaman ang presensiya ng Diyos, at talagang wala siyang nararamdamang anumang nakikilatis na pagkakaiba mula sa dati, posible na kinondena ng Diyos ang dati niyang pagsalangsang at ayaw na sa kanya ng Diyos. Dahil ayaw na sa kanya ng Diyos, hindi na siya magsusumikap nang gayon sa hinaharap kapag ginagawa niya ang tungkulin niya. Kung gusto pa siya ng Diyos, kung hindi siya kinokondena ng Diyos, at may pag-asa pa siyang makatanggap ng mga pagpapala, magbibigay siya ng kaunting sinseridad sa paggawa ng tungkulin niya. Ang mga pagpapamalas at ideya bang ito ay isang uri ng pagsubok? Isa ba itong partikular na pamamaraan? (Oo.) Kanina, isang teoretikal na aspekto lang ang nabanggit ninyo, pero hindi ninyo partikular na ipinaliwanag ang detalyadong pagpapamalas ng pagsubok sa Diyos at kung anong mga kongkretong pamamaraan at plano ang nasa puso nila tungkol sa usaping ito, o hindi ninyo inilantad kung ano ang mga pananaw at kalagayan ng mga anticristo kapag ginagawa nila ang aktibidad na ito.
Palaging walang anumang kaalaman o karanasan ang ilang tao tungkol sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos at sa Kanyang pagsisiyasat sa kaibuturan ng puso ng tao. Wala rin silang tunay na pagkaunawa sa pagsisiyasat ng Diyos sa puso ng tao, kaya natural na puno sila ng pagdududa tungkol sa usaping ito. Bagaman sa mga personal nilang kagustuhan ay gusto nilang maniwala na sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng tao, wala silang tiyak na ebidensiya. Bunga nito, nagpaplano sila ng partikular na mga bagay sa puso nila at kasabay nito ay nagsisimula silang ipatupad at isagawa ang mga ito. Habang isinasakatuparan nila ang mga ito, patuloy silang nagmamasid kung talagang nalalaman ng Diyos ang tungkol sa mga ito, kung malalantad ba ang mga usapin, at kung mananatili silang tahimik, may sinuman bang makakaalam nito, o kung mabubunyag ba ito ng Diyos sa pamamagitan ng isang partikular na kapaligiran. Siyempre, ang mga ordinaryong tao ay maaaring medyo may kaunting pag-aalinlangan tungkol sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos at sa Kanyang pagsisiyasat sa kaibuturan ng puso ng tao, pero hindi lang basta nag-aalinlangan ang mga anticristo—puno sila ng pagdududa, at kasabay nito, ganap silang mapagbantay laban sa Diyos. Kaya, nakabubuo sila ng maraming pamamaraan para subukin ang Diyos. Dahil pinagdududahan nila ang pagsisiyasat ng Diyos sa puso ng tao at, higit pa rito, itinatanggi nila ang katotohanan na sinisiyasat ito ng Diyos, madalas nilang pinag-iisipan ang ilang partikular na usapin. Pagkatapos, nang may kaunting takot o di-maipaliwanag na pangamba, palihim nilang ikinakalat ang mga kaisipang ito sa pribado, inililihis ang ilang tao. Samantala, unti-unti nilang patuloy na inilalantad ang mga argumento at ideya nila. Habang inilalantad nila ang mga ito, tinitingnan nila kung pipigilan o ilalantad ng Diyos ang pag-uugali nilang ito. Kung ilalantad o ilalarawan ito ng Diyos, agad silang umuurong, nagbabago ng pamamaraan. Kung mukhang walang nakakaalam tungkol dito, at walang nakakakilatis sa kanila o sa kanilang kalooban, mas lalo silang lubos na nakukumbinsi sa puso nila na tama ang kutob nila, at tama ang kaalaman nila tungkol sa Diyos. Sa pananaw nila, ang pagsisiyasat ng Diyos sa puso ng tao ay halos hindi umiiral. Anong uri ng pamamaraan ito? Ito ang pamamaraan ng pagsubok.
Dahil sa likas nilang buktot na disposisyon, hindi kailanman nagsasalita o kumikilos nang tuwiran ang mga anticristo. Hindi nila pinapangasiwaan ang mga bagay-bagay nang may matapat na saloobin at sinseridad, o hindi sila nagsasalita nang gamit ang mga matapat na salita at hindi sila kumikilos nang may saloobing taos-puso. Walang tuwiran sa sinasabi o ginagawa nila, sa halip, paligoy-ligoy at palihim ang mga ito, at hindi nila kailanman direktang ipinapahayag ang mga iniisip o motibasyon nila. Dahil naniniwala sila na kung ipapahayag nila ang mga ito, lubos silang mauunawaan at makikilatis, malalantad sa liwanag ang mga ambisyon at pagnanais nila, at hindi sila ituturing ng ibang tao bilang mataas o marangal, o hindi sila titingalain at sasambahin ng iba; kaya, palagi nilang sinusubukan na ikubli at itago ang kanilang mga di-marangal na motibo at mga pagnanais. Kaya, paano sila nagsasalita at kumikilos? Gumagamit sila ng iba’t ibang paraan. Gaya ng sinasabi ng mga walang pananampalataya, “pinapakiramdaman muna ang sitwasyon,” katulad niyon ang ginagamit na pamamaraan ng mga anticristo. Kapag may gusto silang gawin at may partikular silang pananaw o saloobin, hindi nila ito direktang ipinapahayag kailanman; sa halip, gumagamit sila ng mga partikular na pamamaraan tulad ng di-halata o patanong na pamamaraan o pag-uusisa sa mga tao para makalap ang impormasyong hinahanap nila. Dahil sa buktot nilang disposisyon, hindi kailanman hinahanap ng mga anticristo ang katotohanan, hindi rin nila nais na unawain ito. Ang tanging inaalala nila ay ang sarili nilang kasikatan, kapakinabangan, at katayuan. Gumagawa sila ng mga aktibidad na puwedeng magbigay sa kanila ng kasikatan, kapakinabangan, at katayuan, iniiwasan nila ang mga bagay na hindi magdudulot ng ganoong mga bagay. Masigasig silang umaako sa mga aktibidad na may kaugnayan sa reputasyon, katayuan, pamumukod-tangi, at kaluwalhatian, habang iniiwasan nila ang mga bagay na nagpoprotekta sa gawain ng iglesia o puwedeng makasakit ng damdamin ng iba. Samakatwid, hindi hinaharap ng mga anticristo ang anumang bagay nang may saloobin ng paghahanap; sa halip, gumagamit sila ng pamamaraan ng pagsubok para pakiramdaman ang mga bagay, at pagkatapos ay nagpapasya sila kung magpapatuloy ba sila—sadyang ganito katuso at kabuktot ang mga anticristo. Halimbawa, kapag gusto nilang malaman kung anong uri sila ng tao sa mata ng Diyos, hindi nila sinusuri ang sarili nila sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos sa pamamagitan ng pagkilala sa sarili nila. Sa halip, nagtatanong-tanong sila sa paligid at nakikinig sa mga pahayag na may pahiwatig, inoobserbahan ang tono at saloobin ng mga lider at ng ang Itaas, at naghahanap sa mga salita ng Diyos para makita kung paano tinutukoy ng Diyos ang mga kalalabasan ng mga taong tulad nila. Ginagamit nila ang mga landas at pamamaraang ito para makita kung saan sila nabibilang sa loob ng sambahayan ng Diyos at malaman kung ano ang kalalabasan nila sa hinaharap. Hindi ba’t may sangkot dito na kaunting kalikasan ng pagsubok? Halimbawa, pagkatapos mapungusan ang ilang tao, sa halip na suriin kung bakit sila napungusan, suriin ang mga tiwaling disposisyon at pagkakamaling ibinunyag nila sa mga kilos nila, at kung anong mga aspekto ng katotohanan ang dapat nilang hanapin para makilala ang sarili nila at maitama ang mga dati nilang pagkakamali, nagbibigay sila sa iba ng maling impresyon, gumagamit sila ng hindi direktang paraan para malaman ang tunay na saloobin ng ang Itaas patungkol sa kanila. Halimbawa, pagkatapos nilang mapungusan, mabilis silang nagbabanggit ng isang maliit na isyu na ikokonsulta nila sa ang Itaas, para malaman kung anong uri ng tono mayroon ang ang Itaas, kung pasensyoso ba ang ang Itaas, kung ang mga tanong ba na ikinokonsulta nila ay sasagutin nang seryoso, kung magiging malumanay ba ang saloobin ng ang Itaas sa kanila, kung pagkakatiwalaan ba sila ng ang Itaas ng mga gampanin, kung pahahalagahan pa rin ba sila ng ang Itaas, at kung ano ba talaga ang iniisip ng ang Itaas tungkol sa mga nagawa nilang pagkakamali dati. Ang lahat ng pamamaraang ito ay isang uri ng pagsubok. Sa madaling salita, kapag nahaharap sila sa mga gayong sitwasyon at nagpapakita ng mga pagpapamalas na ito, alam ba ng mga tao sa puso nila? (Oo, alam nila.) Kaya, kapag alam ninyo ito at gusto ninyong gawin ang mga bagay na ito, paano ninyo pinangangasiwaan ito? Una, sa pinakasimpleng antas, kaya mo bang maghimagsik laban sa sarili mo? Nahihirapan ang ilang tao na maghimagsik laban sa sarili nila kapag dumating na ang oras; pinag-iisipan nila ito, “Hindi bale na, ngayon ay may kinalaman ito sa mga pagpapala at kalalabasan ko. Hindi ko kayang maghimagsik laban sa sarili ko. Sa susunod na lang.” Kapag dumating ang susunod na pagkakataon, at muli silang nahaharap sa isang isyu na sangkot ang kanilang mga pagpapala at kalalabasan, natutuklasan nila na hindi pa rin nila kayang maghimagsik laban sa sarili nila. May konsensiya ang mga gayong indibidwal, at bagaman wala silang disposisyong diwa ng isang anticristo, medyo nagdudulot pa rin ito ng problema at mapanganib para sa kanila. Sa kabilang banda, madalas na iniisip ng mga anticristo ang mga ganitong kaisipan at namumuhay sila sa gayong kalagayan, pero hindi sila kailanman naghihimagsik laban sa sarili nila, dahil wala silang pakiramdam ng konsensiya. Kahit na may isang taong nagsisiwalat o nagpupungos sa kanila, na tumutukoy sa kalagayan nila, nagpapatuloy pa rin sila at talagang hindi sila naghihimagsik laban sa sarili nila, ni hindi nila kinamumuhian ang sarili nila dahil dito o hindi nila binibitiwan o nilulutas ang ganitong kalagayan. Pagkatapos matanggal ang ilang anticristo, iniisip nila, “Mukhang normal lang naman na matanggal, pero medyo nakakahiya ito. Bagaman hindi ito isang malaking usapin, may isang pinakamahalagang bagay na hindi ko kayang bitiwan. Kung natanggal ako, ibig sabihin ba niyon na hindi na ako lilinangin ng sambahayan ng diyos? Kung gayon, magiging anong klaseng tao ako sa mata ng diyos? Magkakaroon pa ba ako ng pag-asa? Magkakaroon pa ba ako ng silbi sa sambahayan ng diyos?” Pinag-iisipan nila ito at nakakabuo sila ng plano, “Mayroon akong sampung libong yuan, at ngayon na ang oras para gamitin ito. Ihahandog ko itong sampung libong yuan bilang handog, at titingnan ko kung makapagbabago nang kaunti ang saloobin ng ang itaas sa akin, at kung mapapaboran nila ako nang kaunti. Kung tatanggapin ng sambahayan ng diyos ang pera, ibig sabihin ay may pag-asa pa ako. Kung tatanggihan nito ang pera, pinatutunayan nito na wala na akong pag-asa, at bubuo ako ng ibang mga plano.” Anong uri ng pamamaraan ito? Pagsubok ito. Sa madaling salita, ang pagsubok ay isang medyo halatang pagpapamalas ng buktot na disposisyong diwa. Gumagamit ang mga tao ng iba’t ibang paraan para makuha ang impormasyong nais nila, magtamo sila ng katiyakan, at pagkatapos ay magkaroon ng payapang isipan. Mayroong iba’t ibang paraan ng pagsubok, tulad ng paggamit ng mga salita para mag-usisa ng impormasyon mula sa Diyos, paggamit ng mga bagay para subukin Siya, pag-iisip at pagmumuni-muni ng mga bagay-bagay sa isipan nila. Ano ang pinakakaraniwang paraan ng pagsubok ninyo sa Diyos? (Minsan, kapag nananalangin ako sa Diyos, sinusuri ko ang saloobin ng Diyos sa akin at tinitingnan ko kung mayroon akong kapayapaan sa puso ko. Ginagamit ko ang pamamaraang ito para subukin ang Diyos.) Karaniwang ginagamit ang pamamaraang ito. Ang isa pang paraan ay ang tingnan kung may anumang masasabi ang isang tao sa panahon ng pagbabahaginan sa pagtitipon, kung nagbibigay ang Diyos ng kaliwanagan o pagtanglaw, at ginagamit ito para subukin kung kasama pa ba nila ang Diyos, kung mahal pa rin ba sila ng Diyos. Gayundin, habang ginagawa ang tungkulin nila, tinitingnan nila kung binibigyan sila ng Diyos ng kaliwanagan o gabay, kung mayroon silang anumang espesyal na mga kaisipan, ideya, o kabatiran—ginagamit nila ang mga ito para subukin kung anong uri ng saloobin mayroon ang Diyos sa kanila. Ang lahat ng pamamaraang ito ay medyo karaniwan. Mayroon pa bang iba? (Kung gumawa ako ng panata sa Diyos sa panalangin pero hindi ko ito natupad, inoobserbahan ko kung tatratuhin ba ako ng Diyos batay sa panatang ginawa ko.) Isang uri din ito. Anuman ang pamamaraang ginagamit ng mga tao para tratuhin ang Diyos, kung nakokonsensiya sila tungkol dito, at pagkatapos ay magkakaroon sila ng kaalaman tungkol sa mga kilos at disposisyong ito at kayang agad baguhin ang mga ito, kung gayon, hindi ganoon kalaki ang problema—isa itong normal na tiwaling disposisyon. Gayumpaman, kung kaya ng isang tao na patuloy at matigas na gawin ito, kahit na alam nilang mali ito at kinasusuklaman ng Diyos, pero ipinagpapatuloy pa rin nila ito, hindi kailanman naghihimagsik laban dito o isinusuko ito, ito ang diwa ng isang anticristo. Ang disposisyong diwa ng isang anticristo ay naiiba sa mga ordinaryong tao, dahil hindi nila kailanman pinagninilayan ang sarili nila o hinahanap ang katotohanan, pero patuloy at matigas silang gumagamit ng iba’t ibang pamamaraan para subukin ang Diyos, ang Kanyang saloobin sa mga tao, ang Kanyang kongklusyon tungkol sa isang indibidwal, at kung ano ang Kanyang mga iniisip at ideya tungkol sa nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap ng isang tao. Hindi nila kailanman hinahanap ang mga layunin ng Diyos, ang katotohanan, at lalong hindi ang paano magpasakop sa katotohanan para magkamit ng pagbabago sa disposisyon nila. Ang layon sa likod ng lahat ng kilos nila ay ang alamin ang mga iniisip at ideya ng Diyos—isa itong anticristo. Malinaw na buktot ang disposisyon na ito ng mga anticristo. Kapag ginagawa nila ang mga kilos na ito at ipinapakita nila ang mga pagpapamalas na ito, walang bakas ng pagkakonsensiya o pagsisisi. Kahit na inuugnay nila ang sarili nila sa mga bagay na ito, hindi sila nagpapakita ng pagsisisi o ng intensyong huminto, bagkus ay nagpapatuloy pa rin sila sa mga gawi nila. Sa kanilang pagtrato sa Diyos, sa kanilang saloobin, sa kanilang pamamaraan, maliwanag na itinuturing nila ang Diyos bilang kalaban nila. Sa mga iniisip at pananaw nila, walang ideya o saloobin ng pagkilala sa Diyos, pagmamahal sa Diyos, pagpapasakop sa Diyos, o pagkatakot sa Diyos; basta gusto lang nilang makuha ang impormasyong nais nila mula sa Diyos at gamitin ang sarili nilang mga pamamaraan at diskarte para matiyak ang tumpak na saloobin ng Diyos sa kanila at ang Kanyang depinisyon sa kanila. Ang mas malubha pa rito, kahit na inaayon nila ang sarili nilang mga pamamaraan sa mga salita ng Diyos ng paglalantad, kahit na mayroon silang pinakakatiting na kamalayan na kinasusuklaman ng Diyos ang pag-uugaling ito at hindi ito ang dapat gawin ng isang tao, hinding-hindi nila ito isusuko.
Noong nakaraan, mayroong isang regulasyon sa sambahayan ng Diyos: Tungkol sa mga pinatalsik o inalis, kung nagpamalas sila ng tunay na pagsisisi pagkatapos niyon, at nagpatuloy sila sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, pangangaral ng ebanghelyo, at pagpapatotoo sa Diyos, nang tunay na nagsisisi, puwede silang tanggapin muli sa iglesia. May isang tao noon na natugunan ang mga pamantayang ito matapos siyang paalisin, at nagpadala ang iglesia ng isang tao para hanapin siya, makipagbahaginan sa kanya, at sabihin sa kanya na tinanggap na siyang muli sa iglesia. Nang marinig ito, natuwa siya nang husto, pero napaisip siya, “Sinsero ba ang pagtanggap na ito, o mayroong ibang ideya sa likod nito? Nakita ba talaga ng diyos ang pagsisisi ko? Talaga bang naawa siya sa akin at pinatawad na niya ako? Talaga bang isinantabi na ang mga ginawa ko dati?” Hindi niya ito pinaniwalaan, at naisip niya, “Kahit na gusto nila akong tanggapin muli, dapat akong magpigil at hindi agad-agad na sumang-ayon. Hindi ako dapat umakto na parang labis akong nagdusa at naging sobrang kaawa-awa sa mga nakaraang taong ito matapos akong patalsikin. Kailangan kong magtimpi nang kaunti at huwag kaagad magtanong, pagkabalik na pagkabalik ko, kung saan ako puwedeng makibahagi sa buhay iglesia o anong mga tungkulin ang puwede kong gawin. Hindi puwedeng magmukha akong masyadong sabik na sabik. Kahit na labis akong masaya sa loob-loob ko, kailangan kong manatiling kalmado at tingnan kung talagang tunay na gusto ng sambahayan ng diyos na bumalik ako o kung hindi lang ito nagiging sinsero para magamit ako nito sa ilang gampanin.” Sa isiping ito, sinabi niya, “Sa panahon matapos akong mapatalsik, nagnilay-nilay ako at napagtanto kong napakalaki ng mga pagkakamaling nagawa ko. Napakalaki ng mga pinsalang idinulot ko sa mga interes ng sambahayan ng diyos, at hindi ako kailanman makakabawi sa mga ito. Isa talaga akong diyablo at isang Satanas na isinumpa ng diyos. Gayumpaman, hindi pa rin kompleto ang pagninilay-nilay ko sa sarili. Dahil gusto akong pabalikin ng sambahayan ng diyos, kailangan na higit pa akong kumain at uminom ng mga salita ng diyos at mas pagnilayan at kilalanin pa ang sarili ko. Sa kasalukuyan, hindi pa ako karapat-dapat na bumalik sa sambahayan ng diyos, hindi ako karapat-dapat na gawin ang tungkulin ko sa sambahayan ng diyos, hindi karapat-dapat na makipagkita sa mga kapatid ko, at talagang labis akong nahihiya na humarap sa diyos. Babalik lang ako sa iglesia kapag naramdaman kong sapat na ang kaalaman at pagninilay-nilay ko sa sarili, para magpatibay sa akin ang lahat.” Habang sinasabi niya ito, kinakabahan din siya, iniisip niya, “Nagkukunwari lang ako sa sinasabi ko. Paano kung sumang-ayon ang mga lider na huwag na akong tanggapin muli sa iglesia? Hindi ba’t magiging katapusan ko na?” Sa realidad, lubos siyang nababalisa, pero kailangan pa rin niyang magsalita sa ganitong paraan at magkunwari na hindi siya masyadong sabik na bumalik sa iglesia. Ano ang ibig niyang sabihin sa pagsasabi ng mga bagay na ito? (Sinusubukan niya kung talagang tatanggapin siyang muli ng iglesia.) Kinakailangan pa ba ito? Hindi ba’t isa itong bagay na ginagawa ng mga Satanas at diyablo? Kikilos ba nang ganito ang isang normal na tao? (Hindi, hindi siya kikilos nang ganito.) Hindi kikilos nang ganito ang isang normal na tao. Sa harap ng gayong napakagandang pagkakataon, ang magawa niya ang gayong hakbang ay buktot. Ang muling matanggap sa iglesia ay isang pagpapahayag ng pagmamahal at awa ng Diyos, at dapat niyang pagnilayan at kilalanin ang sarili niyang katiwalian at mga pagkukulang, maghanap siya ng mga paraan para makabawi sa mga dati niyang pagkakautang. Kung kaya pa ring subukin ng isang tao ang Diyos sa ganitong paraan at tratuhin ang awa ng Diyos sa ganitong paraan, talagang bigo silang pahalagahan ang Kanyang kabaitan! Na nagkakaroon ng mga gayong ideya at pamamaraan ang mga tao ay bunga ng buktot nilang diwa. Sa diwa, kapag sinusubok ng mga tao ang Diyos, ang mga ipinapamalas at ibinubunyag nila sa teorya ay palaging nauugnay sa pagsubok sa mga kaisipan ng Diyos gayundin sa Kanyang mga pananaw at depinisyon sa mga tao, bukod sa iba pang bagay. Kung hinahanap ng mga tao ang katotohanan, maghihimagsik sila laban sa mga gayong pagsasagawa at bibitiwan nila ang mga iyon, kikilos at aasal sila nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Gayumpaman, bukod sa hindi mabitiwan ng mga indibidwal na may disposisyong diwa ng isang anticristo ang mga gayong pagsasagawa at hindi nila kinamumuhian ang mga iyon, madalas pa nilang pinahahalagahan ang sarili nila sa pagkakaroon ng mga gayong diskarte at pamamaraan. Puwedeng iniisip nila, “Tingnan ninyo kung gaano ako kautak. Hindi ako katulad ninyong mga hangal na ang alam lang ay magpasakop at sumunod sa diyos at sa katotohanan—hindi ninyo talaga ako katulad! Sinusubukan kong gumamit ng mga diskarte at pamamaraan para malaman ang mga bagay na ito. Kahit na kailangan kong magpasakop at sumunod, aalamin ko pa rin ang totoo. Huwag ninyong isipin na may maitatago kayo mula sa akin o na malilinlang at maloloko ninyo ako.” Ito ang iniisip at pananaw nila. Hinding-hindi nagpapakita ang mga anticristo ng pagpapasakop, takot, o sinseridad, at lalo na ng anumang katapatan sa kanilang pagtrato sa Diyos na nagkatawang-tao. Ito ang pagtatapos ng talakayan natin tungkol sa mga pagpapamalas na may kinalaman sa pagsubok.