Ikalimang Ekskorsus: Pagbubuod sa Karakter ng mga Anticristo at sa Kanilang Disposisyong Diwa (Ikalawang Bahagi) Ikatlong Seksiyon

2. Kung Ano ang Ginagawa ng mga Anticristo sa Diyos

Pagkatapos magbahaginan tungkol sa iba’t ibang buktot na pagpapamalas na ipinapakita ng mga anticristo sa mga tao, magbahaginan naman tayo tungkol sa kung anong mga pagpapamalas ang ipinapakita ng mga anticristo sa Diyos sa kaibuturan nila, mga buktot na bagay lang ang iniisip sa buong araw. Marami na tayong natalakay noon tungkol sa paksang ito, kaya magbuod tayo. Magsisimula tayo sa mas magagaang kaso at unti-unti tayong magtatransisyon sa mas malulubhang kaso. Una ay ang pagdududa, kasunod ang pagsisiyasat sa Diyos, at mayroon ding paghihinala, pagiging mapagbantay, paghingi, at pakikipagtawaran. Mayroon pa bang iba? (Pagsubok sa Diyos.) Lubhang seryoso ang kalikasan ng ganitong pag-uugali. Habang nagpapatuloy tayo, nagiging mas malubha ang kalikasan ng bawat pag-uugali—pagtanggi, pagkondena, paghusga, paglapastangan, berbal na pang-aabuso, pag-atake, pagprotesta, at pagsalungat. Bagaman sa panlabas ay tila medyo magkakatulad ang kahulugan ng ilan sa mga terminong ito, kapag mas masusing sinuri, nagkakaiba ang lalim o bigat ng mga ito. Sa pamamagitan ng paggamit ng iba’t ibang perspektiba o sa pagsasaalang-alang ng iba’t ibang pamamaraan ng mga anticristo, puwede nating matukoy ang pagkakaiba sa kalikasan ng mga terminong ito.

a. Pagdududa

Ang pagdududa, pagsisiyasat, at paghihinala ay mga medyo paunang pagpapamalas. Nagkikimkim lang ang ilang tao ng pagdududa sa puso nila, iniisip nila, “Ang Diyos ba talaga ang nagkatawang-tao? Mukha Siyang isang tao sa akin. Ang lahat ba ng salita Niya ang katotohanan? Alin sa mga ito ang tila ang katotohanan? Maaaring higit sa pananalita at kaalaman ng tao ang ilan sa mga sinasabi Niya. Maaaring hindi malinaw na naipapaliwanag ng mga tao ang mga hiwaga at propesiya, pero hindi ba’t kaya ring sabihin ng mga propeta ang mga gayong bagay? Sinasabing matuwid ang Diyos, pero paanong naging matuwid ang Diyos? Sinasabing may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa lahat ng bagay, pero bakit palaging gumagawa ng masasamang bagay si Satanas? Kapag binibihag at inuusig kami ni Satanas, kapag inaabuso kami nito, bakit hindi nakikialam ang Diyos? Nasaan ang Diyos? Talaga bang umiiral ang Diyos?” Kapag walang tunay na pananalig ang mga tao, hindi kinikilala ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, hindi alam ang disposisyon ng Diyos, o ang diwa ng Diyos, at hindi nauunawaan ang katotohanan, uusbong ang mga gayong pagdududa sa puso nila. Gayumpaman, habang unti-unting nararanasan ng mga tao ang gawain ng Diyos, naaarok ang katotohanan, at nakikilala ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, ang mga pagdududang ito ay unti-unting nalulutas at nagiging tunay na pananalig. Ito ang hindi maiiwasang landas para sa lahat ng taong sumusunod sa Diyos. Pero para sa mga anticristo na may buktot na diwa, mababago ba ang mga pagdududa nila? (Hindi, hindi puwedeng mabago ang mga ito.) Bakit hindi mababago ang mga ito? (Hindi mananampalataya ang mga anticristo—hindi nila kinikilala ang Diyos.) Sa teorya, sila ay mga hindi mananampalataya, kaya palagi silang nagdududa sa Diyos. Ang obhetibong dahilan ay na likas na tumatanggi ang mga ganitong tao na tanggapin ang katotohanan at mga positibong bagay. Gayumpaman, ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay positibo at ang katotohanan. Dahil tutol at mapanlaban sa katotohanan ang mga anticristo, kahit na kinikilala ng lahat ng tao na isang katunayan ang bawat bagay na ginagawa ng Diyos, na nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ang lahat ng ito, at na ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos—gaya ng Diyos—ay tiyak na umiiral, hindi kinikilala o tinatanggap ng mga anticristo na mga katunayan ang mga ito. Sa puso nila, nananatili magpakailanman ang mga pagdududa tungkol sa Diyos. Malinaw na ang mga ito ay mga katunayan, nasasaksihan ng lahat, at kahit iyong kadalasang mga may pinakamaliit na pananalig ay nawawalan ng mga pagdududa tungkol sa Diyos matapos maranasan ang gawain ng Diyos sa loob ng maraming taon, at nagkakaroon sila ng tunay na pananalig sa Diyos. Tanging ang mga anticristo ang hindi kayang baguhin ang mga pagdududa nila tungkol sa Diyos. Sa obhetibong pananalita, sa teorya, ang mga indibidwal na ito ay mga hindi mananampalataya na hindi tinatanggap ang katotohanan, pero sa katunayan, ito ay dahil ang mga anticristo ay tutol sa katotohanan at nagtataglay ng buktot na diwa—ito ang pangunahing dahilan. Kahit gaano karaming tao ang nagpapatunay o nagpapatotoo sa ginawa ng Diyos, o gaano man katibay ang isang ebidensiyang ipinakita sa harap ng mga anticristo, tumatanggi pa rin silang maniwala sa diwa ng Diyos o na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay—ito ay labis na buktot. Mailalarawan ito sa isang punto: Kapag nakikita ng mga anticristo ang napakalaki at maliwanag na katunayan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay, hindi nila pinaniniwalaan ni kinikilala ito, at pinagdududahan pa nila ang Diyos. Gayumpaman, pagdating sa mga gawa ng diumano’y Buddha o ng mga imortal na sinasabi ng mga walang pananampalataya, mga diyablo, at masasamang espiritu—mga gawa na hindi nasaksihan ng mga anticristo, at na walang anumang nahahawakang ebidensiya—agad-agad silang naniniwala. Isa itong sukdulang pagpapakita ng kabuktutan. Kahit gaano kadakila o kagila-gilalas ang mga kilos ng Diyos, nagdududa pa rin at nagpapakita ng paghamak ang mga anticristo, palaging nagkikimkim ng pagdududa sa puso nila. Pero kapag gumagawa ng anumang kakaibang bagay ang mga diyablo o si Satanas, nakukuha ang loob nila, at yumuyukod sila sa paghanga. Hindi nila magawang magkaroon ng takot o ng tunay na pananalig sa Diyos, gaano man kadakila ang mga bagay na ginagawa ng Diyos. Sa kabaligtaran, madali silang naniniwala sa lahat ng mga gawa-gawa ni Satanas, at buong-puso nilang iginagalang ang mga ito. Pagpapakita ito ng kabuktutan. Palaging umiiral ang katunayan na pinagdududahan ng mga anticristo ang Diyos. Hindi sila kailanman naniniwala na may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa lahat ng bagay, at hindi nila kailanman kinikilala na ang Diyos ang katotohanan; kahit gaano karaming tao ang nagpapatotoo o kahit gaano karaming ebidensiya ang ipakita para sa mga bagay na ito, hindi nila kayang aminin o paniwalaan ang mga ito. Sa isang banda, ito ay dahil sa buktot na disposisyong diwa ng mga anticristo, at sa kabilang banda, ipinahihiwatig nito na hindi talaga tao ang mga gayong indibidwal, dahil wala sila ng mga proseso ng pag-iisip ng normal na pagkatao. Ano ang ibig sabihin ng wala sila ng mga proseso ng pag-iisip ng normal na pagkatao? Ibig sabihin, wala silang tamang paghusga at pag-unawa sa mga positibong bagay, sa katotohanan, at sa diwa at pinagmulan ng lahat ng bagay. Kahit sa pamamagitan ng pagbabasa sa mga salita ng Diyos, pakikinig sa mga sermon, at pagdanas at pagpapahalaga sa mga salita ng Diyos, hindi nila kayang magpatunay o maniwala kundi nananatili silang nagdududa. Malinaw na ang mga indibidwal na ito ay walang mga proseso ng pag-iisip ng normal na pagkatao. Tao pa rin ba ang mga taong walang mga normal na proseso ng pag-iisip, na hindi nakakaarok sa katotohanan, sa mga salita ng Diyos, at sa mga positibong bagay at katunayan? (Hindi, hindi sila tao.) Hindi sila tao, pero hindi masasabing mga hayop sila, dahil walang buktot na disposisyon ang mga hayop; dahil may buktot na disposisyon ang mga indibidwal na ito, totoo ang pahayag na ito: Ang mga indibidwal na ito ay tunay ngang mga anticristo, nagtataglay ng malademonyong kalikasan. Ang pagdududa ay isang kalagayan sa mga kaisipan na ipinapamalas ng mga anticristo patungkol sa Diyos, at isa rin itong uri ng disposisyong diwa na nabubunyag sa pag-uugali nila, na siyang pinakamapagpaimbabaw, pundamental, panlabas, at pangkaraniwang pagpapamalas.

b. Pagsisiyasat

Sa puso nila, puno ng pagdududa ang mga anticristo tungkol sa Diyos, kaya tunay ba nilang tinatanggap ang mga salita ng Diyos, ang Kanyang disposisyon, at ang Kanyang gawain? Tunay ba silang nagpapasakop sa lahat ng ito? Tunay ba silang sumusunod sa Diyos? Malinaw na ang sagot ay hindi. Ano ang kasunod nito? Kapag pumupunta sa sambahayan ng Diyos ang mga indibidwal na ito, iniisip nila: “Nasaan ang diyos? Hindi ko siya makita, naririnig ko lang ang tinig niya. Batay sa boses, tila babae ito; batay sa mga salita, tila edukada siya, hindi mangmang; pero batay sa paraan ng pagsasalita at sa nilalaman ng mga salita niya, ano ang sinasabi niya? Bakit parang nakakalito ito? Pagkatapos makinig, maraming tao ang nagsasabing ito ang katotohanan, pero bakit hindi ganoon ang dating nito sa akin? Lahat ng ito ay tungkol sa mga usapin ng pagkatao, ng disposisyon ng tao, ng iba’t ibang kalagayan na ibinubunyag ng mga tao sa mga kilos nila—mayroon bang buhay at daan dito? Hindi ko talaga nauunawaan. Sinasabi ng lahat pagkatapos makinig na dapat nilang tuparin ang mga tungkulin nila nang tapat, palugurin ang diyos, at hangarin ang kaligtasan. Maraming tao pa nga ang nagsusulat ng mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan at nagpapatotoo. Diyos ba ang taong ito? Kahawig ba niya ang diyos? Hindi ko pa nakita ang mukha niya; kung nakita ko na ito, marahil ay mababasa ko ang mga katangian niya at magkakaroon ako ng tiyak na kasagutan. Sa ngayon, ang marinig lang ang boses niya at mapakinggan ang mga sinasabi niya, medyo nag-aalinlangan pa rin ako.” Ano ang ginagawa nila? Sinisiyasat, sinusubok, at tinatangka nilang arukin ang aktuwal na sitwasyon, para makita kung ito nga ba talaga ang Diyos, at pagkatapos ay pagpapasyahan nila kung susunod ba sila sa Kanya, kung paano Siya susundan, at kukumpirmahin nila kung makakahanap ba sila ng sagot sa taong ito tungkol sa mga pagpapala at hantungang gusto nilang matamo, pati na sa mga pagnanais nila, at kung tumpak ba nilang malalaman sa pamamagitan ng taong ito kung ano ang katangian ng Diyos sa langit, kung tunay ba Siyang umiiral, kung ano ang disposisyon Niya, kung ano kaya ang pamamaraan at saloobin Niya sa mga tao, at kung anong mga abilidad, kasanayan, at awtoridad ang mayroon Siya. Hindi ba’t pagsisiyasat ito sa Diyos? Malinaw na pagsisiyasat nga ito.

Habang sinisiyasat ang Diyos, matatanggap ba ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos bilang buhay nila, at magagawang gabay at layon ang mga ito para sa pang-araw-araw nilang pamumuhay at pag-uugali? (Hindi.) Maaaring siyasatin ng isang ordinaryong tiwaling tao ang Diyos sa sandaling panahon at pagkatapos ay iisipin niya, “Mali ang landas na ito, hindi mapakali ang puso ko; hindi ako makakahanap ng mga kasagutan sa pamamagitan ng pagsisiyasat sa Diyos sa ganitong paraan. Paano nagagawa ng isang mananampalataya sa Diyos na siyasatin Siya? Ano ang makakamit sa pagsisiyasat sa Diyos? Kapag sinisiyasat ng mga mananampalataya ang Diyos, itinatago ng Diyos ang Kanyang mukha mula sa kanila, at hindi nila makakamit ang katotohanan. Sinasabi na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan at na makikita ng mga tao ang daan at makakamtan ang buhay mula sa loob ng mga salita Niya. Hindi maganda para sa akin ang kumilos nang ganito—hindi ko puwedeng patuloy na siyasatin Siya.” Habang nakikinig sila sa mga sermon at nagbabasa ng mga salita ng Diyos, unti-unti nilang natutuklasan na may mga tiwaling disposisyon ang mga tao, at unti-unti nilang napagtatanto na hindi sila puwedeng maging kaayon ng Diyos, hindi nila matutupad nang wasto ang mga tungkulin nila, o magagawa nang maayos ang anumang bagay, maliban kung malulutas ang mga tiwaling disposisyong ito. Unti-unti nilang natutuklasan na ang dahilan kung bakit hindi natutupad nang maayos ng mga tao ang mga tungkulin nila ay dahil hinahadlangan sila ng kanilang mga tiwaling disposisyon at pagiging mapaghimagsik, at dahil kumikilos sila ayon sa mga tiwaling disposisyon nila, at hindi nila kayang pangasiwaan ang mga usapin ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Susunod, magsisimula silang mag-isip, “Paano ako makakakilos nang alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo? Kapag nabubunyag ang mga tiwaling disposisyon ko, paano ko malulutas ang mga ito?” Ang pinakamabisang solusyon sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao ay ang katotohanan at mga salita ng Diyos. Ang pinakadirektang paraan para makapasok ang mga tao sa katotohanan ay ang hanapin nila ang mga katotohanang prinsipyo, at ang hanapin ang mga prinsipyo sa lahat ng ginagawa nila. Nagtatatag ito ng mga layon, direksiyon, mga landas, at mga paraan ng pagsasagawa. Kapag naitatag na ang mga ito, may landas nang susundan ang mga tao, at kapag kumikilos sila, malamang na hindi nila malalabag ang mga atas administratibo, hindi nila mabubunyag ang mga tiwaling disposisyon nila, o hindi sila magdudulot ng mga kaguluhan at pagkagambala, at mas malamang pa nga na hindi nila lalabanan ang Diyos. Pagkatapos pagdaanan ang gayong karanasan, nararamdaman nila na natagpuan na nila ang isang angkop na landas para sa pananampalataya nila sa Diyos, at na ito ang landas na kailangan nila, ang siyang dapat nilang pasukan, ang tamang landas para sa pananampalataya sa Diyos at para sa buhay, at na mas higit na mainam ito kaysa sa pagsisiyasat sa Diyos at palaging paggamit ng maghintay-at-magmasid na pamamaraan sa Kanya. Napagtatanto nila na walang saysay ang pagsisiyasat sa Diyos, at na gaano man Siya siyasatin ng isang tao, hindi nito malulutas ang iba’t ibang tiwaling disposisyon na ibinubunyag nila, o ang mga problemang umuusbong kapag ginagampanan nila ang mga tungkulin nila. Kaya, unti-unti silang nagtatransisyon mula sa pagsisiyasat sa Diyos patungo sa landas ng paghahanap sa mga katotohanang prinsipyo. Ito ang normal na paraan ng pagpasok at prosesong batay sa karanasan para sa mga ordinaryong tiwaling tao. Gayumpaman, para sa mga anticristo, iba ito. Mula pa noong unang araw na pumasok sila sa sambahayan ng Diyos at tumawid sa pintuan nito, iniisip nila, “Labis na interesante ang lahat ng bagay sa sambahayan ng diyos, bagong-bago ang lahat ng bagay—iba ito sa mundo ng mga walang pananampalataya. Sa sambahayan ng diyos, kailangang maging matapat ang lahat; para itong isang malaking pamilya, at buhay na buhay ito!” Pagkatapos magsiyasat, maging pamilyar, at lubos na maunawaan ang mga kapatid nila, oras na para siyasatin nila ang Diyos. Iniisip nila, “Nasaan ang diyos? Ano ang ginagawa ng diyos? Paano niya ito ginagawa? Mahirap siyasatin ang diyos sa langit; mahirap siyang arukin at bigo kaming magawa ito. Pero ngayon, mayroong maginhawang paraan—pumarito ang diyos sa lupa, kaya madali nang siyasatin siya.” Ang ilan sa kanila ay mapalad na makaugnayan ang Diyos sa lupa, na makita ang taong ito nang sarili nilang mga mata, kaya lalong nagiging mas madali para sa kanila na siyasatin Siya. Paano nila ito ginagawa? Sinisiyasat nila ang masayahing pakikipag-usap ng Diyos sa lupa, kung sa anong mga usapin Siya gumagamit ng isang paraan ng pagsasalita at kung sa anong mga usapin Siya gumagamit ng ibang paraan ng pananalita, ang mga konteksto kung saan tumatawa at masaya Siya, at kung ano ang sinasabi Niya sa mga oras na iyon, gayundin kung ano ang sinasabi Niya kapag hindi Siya masaya o kapag galit Siya. Sinisiyasat nila kung sa anong mga sitwasyon Niya binabalewala ang mga tao o kung sa anong mga sitwasyon Siya magiliw sa kanila, kung kailan Niya pinupungusan ang mga tao at kung kailan hindi, kung anong mga usapin ang pinagtutuunan Niya ng pansin at kung ano ang wala Siyang pakialam, gayundin kung alam Niya kung kailan Siya sinisiyasat, nilalansi, o sinasaktan ng mga tao kapag nakatalikod Siya. Pagkatapos siyasatin ang mas malalawak na aspekto, sinusuri ng mga anticristo ang mga detalye, tulad ng kung ano ang kinakain ng Diyos sa lupa, kung ano ang sinusuot Niya, at ang pang-araw-araw Niyang gawi. Sinisiyasat nila kung ano ang gusto Niya, kung saan Niya gustong pumunta, at maging kung anong mga kulay ang gusto o ayaw Niya, kung mas gusto ba Niya ang maaraw o maulap na panahon, at kung lumalabas ba Siya kapag masama ang panahon—lahat ng partikular na detalyeng ito. Mula simula hanggang wakas, ang mga anticristo ay palaging sinisiyasat, binabalewala kung ano ang gagawin ng taong ito na may pinanghahawakang pagkakakilanlan ng Diyos. Sinasabi nila, “Wala akong pakialam kung ano ang ipinunta mo rito; sa tuwing makikita kita, ikaw ang magiging paksa ng pagsisiyasat ko.” Ano ang layon ng pagsisiyasat nila? Iniisip nila, “Kung mapapatunayan kong ikaw talaga ang diyos, puwede kong matatag at buong puso na iwan ang lahat para sumunod sa iyo. Dahil ang pananampalataya sa diyos ay parang pagtaya, at dahil sinasabi mong ikaw ang diyos at ang nagkatawang-taong diyos, ang pananampalataya sa iyo ay katumbas ng pagtaya sa iyo. Paanong hindi kita sisiyasatin? Kung hindi kita sisiyasatin, hindi ito magiging patas sa akin. Kung hindi kita sisiyasatin, hindi ko magagampanan ang pananagutan ko para sa sarili kong hantungan, mga kinabukasan, at tadhana. Dapat kitang siyasatin hanggang sa dulo.” Kahit hanggang ngayon, pagkatapos ng lahat ng pagsisiyasat nila, hindi pa rin sila sigurado: “Si cristo ba talaga ang taong ito? Siya ba talaga ang diyos na nagkatawang-tao? Hindi ito masyadong malinaw. Gayunman, maraming tao ang sumusunod sa kanya, at medyo maganda ang kalagayan ng pagpapalaganap sa ebanghelyo. Mukhang posible na higit pa itong lumaganap, kaya hindi ko dapat hayaan ang sarili ko na maiwan. Pero kailangan ko pa rin siyang patuloy na siyasatin.” Hindi na sila mababago.

May buktot na disposisyong diwa ang mga anticristo, kaya hindi nila kailanman itinitigil ang pagsisiyasat nila. Sa isang organisasyon o komunidad ng mga walang pananampalataya, sinisiyasat at sinasamantala nila ang lahat ng uri ng tao, inaalam nila kung ano ang gusto ng mga nakatataas sa kanila, tinutukoy ang mga kahinaan ng mga ito, at pagkatapos ay inaayon ang mga kilos nila at inaakma sa mga kagustuhan ng mga nakatataas sa kanila para magpalakas sa mga ito. Pagkatapos pumasok sa sambahayan ng Diyos, hindi pa rin nagbabago ang kalikasan nila—nagpapatuloy sila sa pagsisiyasat nila. Hindi nila nauunawaan na ang pagsisiyasat sa Diyos ay hindi ang landas na dapat sundan ng mga mananampalataya. Sa pagsisiyasat sa Diyos, hindi nila kailanman maaarok ang mga kilos ng Diyos, o makikita na ang lahat ng ipinapahayag ng Diyos ay ang katotohanan, o mauunawaan na ang lahat ng katotohanan at kilos na ito ng Diyos ay para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Hindi kailanman mauunawaan ng mga anticristo ang puntong ito. Ang nakikita lang nila ay na patuloy na nagdurusa ang hinirang na mga tao ng Diyos sa pag-uusig at pagtugis ni Satanas. Napapansin lang nila ang masasamang tao na gumagawa ng masasamang gawain at nagdudulot ng mga kaguluhan sa loob ng iglesia, at ang mga puwersa ng mga anticristo sa relihiyosong komunidad na patuloy na naninirang-puri at kumokondena sa Diyos, habang hindi kailanman nilulutas ng Diyos ang alinman sa mga ito. Dahil dito, patuloy na kumakapit ang mga anticristo sa mga sarili nilang kuru-kuro at imahinasyon, matigas na tumatangging tanggapin ang anumang katotohanang ipinahayag ng Diyos. Ano ang resulta? Ang mga kuru-kuro at imahinasyon nila ay nagiging ebidensiya nila para labanan ang Diyos. Sa mata ng mga anticristo, ang mga diumano’y ebidensiya na ito ang mga dahilan kung bakit hindi sila nananampalataya o kumikilala sa pagkakakilanlan at diwa ng Diyos. Dahil mismo sa pagtanggi nilang tanggapin ang katotohanan, hinding-hindi nila kailanman makikita ang mga katotohanang nasa ilalim ng mga katunayang ito, ang mga katotohanang dapat maunawaan at maarok ng mga tao, at ang mga layunin ng Diyos. Ito ang resulta ng pagsisiyasat nila. Kapag nahaharap sa mga katunayang ito, ang mga naghahangad sa katotohanan, nagmamahal sa katotohanan, at may tunay na pananalig sa Diyos, ay kayang tanggapin ang mga bagay mula sa Diyos at tugunan nang tama anuman ang mangyari sa sambahayan ng Diyos, at kaya nilang maghintay sa Diyos, maging tahimik sa harap ng Diyos at manalangin sa Kanya, maghanap para maarok ang mga layunin ng Diyos, at maunawaan at maintindihan din na ang mabubuting layunin ng Diyos ay nasa likod ng paglitaw ng lahat ng bagay na ito. Alang-alang sa pagbubunyag at pag-aalis sa masasamang tao, maraming ginagawa ang Diyos na hindi maiisip ng mga tao. Kasabay nito, alang-alang sa pagpeperpekto sa hinirang na mga tao ng Diyos, at sa pagbibigay sa kanila ng kakayahang magtamo ng pagkilatis at matuto ng mga aral, ginagamit din Niya ang masasamang tao at ang masasamang gawa nila para magserbisyo. Sa isang banda, ibinubunyag at inaalis ng Diyos ang mga ito; sa kabilang banda naman, binibigyang kakayahan Niya ang Kanyang hinirang na mga tao na makita kung anong mga bagay ang positibo at negatibo, kung sino ang sinasang-ayunan ng Diyos, kung sino ang kinasusuklaman ng Diyos, kung sino ang itinitiwalag ng Diyos, at kung sino ang pinagpapala Niya. Ang mga ito ay pawang mga aral na kailangang matutunan ng hinirang na mga tao ng Diyos, ang mga positibong resulta na dapat makamit ng mga naghahangad sa katotohanan, at ang mga katotohanang dapat maunawaan ng mga tao. Gayumpaman, dahil sa buktot na disposisyong diwa nila, hindi kailanman makakamit ng mga anticristo ang mga pinakamahalagang bagay na ito. Kaya, mayroon lang silang isang kalagayan—habang nasa presensiya sila ng Diyos, bukod sa pinagdududahan nila ang Diyos, palagi nilang sinisiyasat ang Diyos. Kahit hindi nila ito lubos na maunawaan, patuloy pa rin nilang sinisiyasat ang Diyos. Kung tatanungin mo sila kung pagod na sila, sasabihin nila, “Hindi naman. Ang pagsisiyasat sa diyos ay masaya, kawili-wili, interesante, at nakakaaliw na gawin!” Hindi ba’t mga maladiyablong salita ang mga ito? Taglay nila ang mukha ni Satanas, mayroon silang kalikasang diwa ng mga anticristo. Wala silang layunin na tanggapin ang katotohanan o ang kaligtasan ng Diyos; narito lang sila para siyasatin ang Diyos.

c. Paghihinala

Susunod, magbabahaginan tayo tungkol sa paghihinala ng mga anticristo sa Diyos. Ano ba ang literal na kahulugan ng paghihinala? Mayroong ilang partikular na pagpapamalas, kaisipan, at pag-uugali sa pagsisiyasat sa Diyos, at tiyak na tamang sabihing totoo rin ito tungkol sa mga paghihinala. Pagkatapos siyasatin ang Diyos, hindi pa rin alam ng ilang tao kung ano talaga ang disposisyon ng Diyos o kung anong klaseng mga emosyon mayroon ang Diyos, at hindi sila sigurado kung tunay bang umiiral ang Diyos. Mas lalong hindi nila matukoy kung ang ordinaryong taong ito ay si Cristo o kung taglay ba Niya ang diwa ng Diyos. Hindi nila nauunawaan at hindi malinaw sa kanila ang mga bagay na ito. Pagkatapos, kapag nagkaroon sila ng pagkakataong makipag-ugnayan sa Diyos, iniisip nila, “Nakipagbahaginan sa akin si cristo tungkol sa paggawa ng mga tao ng mga tungkulin nang pabasta-basta; may nagsumbong kaya na ginagawa ko ang mga tungkulin ko nang pabasta-basta at nalaman ito ni cristo? Iyon ba ang dahilan kung bakit niya ito nabanggit noong nagkita kami? Tiyak na may nagsumbong sa akin, at pagkatapos malaman ni cristo, pinuntirya niya ako para mailantad. Gusto pa rin kaya ako ni cristo, ngayong alam na niya kung anong klaseng tao ako? Tutol ba siya sa akin, o mababa kaya ang tingin niya sa akin? Naghahanda na ba siyang palitan ako?” Pagkatapos maghintay nang ilang panahon at makitang hindi pa sila napapalitan, iniisip nila, “Hay, takot na takot ako. Iniisip ko na baka makitid ang isip ni cristo, pero hindi niya ako pinalitan. Makakahinga na ako nang maluwag ngayon.” Puwedeng sabihin ng ilan, “Noong huli kong pakikipagkita kay cristo, hindi ako nagsalita nang maayos, para akong walang pinag-aralan, at medyo mali ang pananalita ko. Inilantad ko ang totoo kong pagkatao. Magkakaroon kaya ng masamang impresyon sa akin si cristo? Ititiwalag kaya niya ako kalaunan? Ayos lang ang lahat kapag hindi ko siya nakikita—lumalabas lang ang mga problema ko kapag nagkikita kami. Hindi na ako dapat muling makipagkita sa kanya, kailangan ko siyang iwasan sa tuwing makikita ko siya, at lumayo sa kanya hangga’t maaari, at tiyak na hindi ako dapat magkaroon ng anumang pakikipag-ugnayan, pakikisalamuha, o malapit na ugnayan kay cristo. Kung hindi, puwedeng bumaba ang tingin niya sa akin.” Anong klaseng mga kaisipan at pamamaraan ang mga ito? (Mga paghihinala.) Mga paghihinala ang mga ito. Mayroon ding mga nagsasabi, “Noong huling pagtitipon, nagtanong ang diyos ng isang simpleng katanungan, pero hindi ko ito nasagot nang maayos, na nagbunyag sa mga kapintasan ko. Iisipin kaya ng diyos na wala akong mahusay na kakayahan, at hindi ba niya ako lilinangin sa hinaharap? Noong nakaraan, may naglantad sa isang bagay na ginawa ko, sinabi nitong naging hangal ako at kumilos ako nang walang pag-iingat. Kung matutuklasan ito ng diyos, gagawin pa rin kaya niya akong perpekto sa hinaharap? Ano ang katayuan ko sa isip ng diyos—mataas ba o mababa, mas nakakahigit ba sa iba o hindi? Sa aling kategorya kaya ako nabibilang? Sa hinaharap, sa tuwing makikipag-usap ako sa diyos, kailangan kong ihanda ang mga salita ko. Hindi ako puwedeng magsalita nang kaswal o sabihin kung ano ang nasa isip ko. Kailangan kong mas magnilay-nilay pa, mas pag-isipan pa ang mga bagay-bagay, mas magsaalang-alang pa, ayusin nang mabuti ang wika ko, at ipakita kay cristo ang pinakamahusay at pinakamagaling na bahagi ko. Napakaganda at napakaperpekto niyon kung magkagayon!” Isa rin itong paghihinala.

Ang paghihinala ay isa pang katangian ng buktot na disposisyon ng mga anticristo. Bukod sa pagdududa at pagsisiyasat, nagkikimkim din ang mga anticristo ng mga paghihinala. Sa madaling salita, alinmang aspekto ang nangingibabaw sa mga kaisipan nila, wala sa mga ito ang may kinalaman sa pagsasagawa at paghahanap sa katotohanan. Kung gayon, makukumpirma ba ng mga diskarte, kaisipan, o pamamaraang ito na buktot ang disposisyong diwa ng mga anticristo? (Oo.) Nagdududa man sa Diyos, nagsisiyasat sa Diyos, o nagkikimkim ng mga paghihinala sa Diyos ang mga anticristo, ano’t anuman, palagi silang nabibigong tumuon sa katotohanan, hindi sila nagbabago kahit kailan, at patuloy nilang ginagamit ang mga pamamaraang ito para pagnilay-nilayan ang mga usaping may kaugnayan sa Diyos at para lapitan ang Diyos, nang hindi man lang hinahanap ang katotohanan. Gaano man kanakakapagod at kahirap ang mga kilos na ito, walang kapaguran nilang patuloy na ginagawa at inuulit ang mga ito. Gaano man katagal na nilang sinisiyasat o pinagdududahan ang Diyos, o kung may nakuha man silang anumang resulta o wala, patuloy nilang sinusundan ang landas na ito gaya nang dati, patuloy na kumikilos sa ganitong paraan at inuulit ang mga kilos nila. Hindi nila sinusuri ang sarili nila kahit kailan, iniisip, “Ito ba ang pamamaraan at saloobing mayroon dapat ang isang nilikha sa pagtrato sa Diyos? Ano ang kalikasan ng kung paano ko tinatrato ang Diyos? Anong uri ng disposisyon ang ibinubunyag ko? Naaayon ba sa katotohanan ang ganitong pagtrato sa Kanya? Kinasusuklaman ba ito ng Diyos? Kung patuloy kong gagawin ang mga bagay na kinasusuklaman ng Diyos, ano ang magiging huling resulta? Aabandonahin at ititiwalag ba ako ng Diyos? Dahil magkakaroon ng mga negatibong kahihinatnan, bakit hindi ako makakilos at makapagsagawa ayon sa mga salita at mga hinihingi ng Diyos?” Pinagninilayan ba nila ang mga usaping ito? (Hindi.) Bakit hindi sila nagninilay-nilay? Dahil wala silang konsensiya at pagkamakatwiran sa kanilang karakter. Wala silang konsensiya, kaya gumagawa sila ng mga gayong di-makatwiran at katawa-tawang kilos nang hindi nila ito namamalayan. Dahil sa kawalan ng pagkamakatwiran, hindi nila kailanman nauunawaan kung sino sila, o ang posisyon, perspektiba, at katayuan na dapat nilang akuin. Hindi nila kailanman nararamdaman na sila ay ordinaryong tao, tiwaling tao, o kauri at supling ni Satanas na kinasusuklaman ng Diyos. Ang mga bagay na dapat tanggapin ng mga tao ay ang mga salita ng Diyos, mga hinihingi ng Diyos, at ang katotohanang itinutustos ng Diyos sa kanila; hindi nila dapat sinisiyasat ang Diyos na para bang kapantay sila ng Diyos, at nakikipagtawanan at nakikipag-usap sa Diyos na para bang nakikipag-ugnayan lang sila sa kapwa tao—hindi ba’t ang mga bagay na ito ang ginagawa ng isang hindi-tao? Sa sandaling ito, nabubunyag ang karakter ng mga anticristo, at ang buktot na disposisyong diwa ng mga anticristo ang nangingibabaw sa kanila, na nagsasanhi na walang kapaguran nilang isagawa ang mga walang saysay at walang kabuluhang kilos na ito na nakakapinsala sa iba at walang pakinabang sa kanilang sarili. Gayumpaman, hindi sila makabitiw; nananatili sila na walang kamalayan sa kamalian ng landas na ito at sa kalikasang nasa likod ng mga kilos na ito. Gaano man karami ang pagsisikap, pagdurusa, at kabiguang sangkot sa usaping ito, wala silang nararamdamang paninisi sa sarili, walang pag-aakusa, at walang pagkakautang. Ipinagpipilitan nilang maging kapantay ang Diyos, sinisiyasat at kinasusuklaman pa nga nila ang Diyos na para bang nakatataas sila, paulit-ulit nilang pinagdududahan at pinaghihinalaan ang Diyos. Gaano man katagal na silang nananampalataya sa Diyos, hindi kailanman nagbago ang saloobin nila sa Diyos at kung paano nila tinatrato ang Diyos. Kung hindi nila pinagdududahan ang Diyos, sinisiyasat nila ang Diyos, at kung hindi nila sinisiyasat ang Diyos, pinaghihinalaan nila ang Diyos. Para silang sinapian ng demonyo o nakulam—ito ang ilang pagpapamalas ng buktot na diwa ng mga anticristo. Likas na buktot ang mga anticristo; maaaring sabihin ng ilang taong hindi kayang makilatis ang tunay na diwa ng mga anticristo, “Puwede bang tigilan mo na ang pagsisiyasat sa Diyos? Puwede bang tigilan mo na ang pagdududa sa Kanya? Puwede bang tigilan mo na ang paghihinala sa Kanya? Kung ititigil mo ang paggawa ng mga bagay na ito, magagawa mong maunawaan ang katotohanan, tratuhin ang Diyos bilang Diyos, magkaroon ng tunay na pananalig sa Diyos, at lehitimong maging isa sa mga tao ng Diyos; magkakaroon ka ng pagkakataon na maging isang sapat na nilikha, at kung magkakagayon, hindi ba’t magiging karapat-dapat ka na matawag na isa sa hinirang na mga tao ng Diyos? Magiging napakaganda niyon!” Gayumpaman, sumasagot ang mga anticristo, “Hindi ako ganoon kahangal. Ano ba ang pakinabang ng pagiging isang sapat na nilikha? Nakakabagot iyon. Interesante lamang kapag pinagdududahan, sinisiyasat, at pinaghihinalaan ko ang diyos!” Ang pagpapamalas na ito ng mga anticristo ay tulad ng sinasabi ng malaking pulang dragon: “Ang pakikipaglaban sa ibang tao at sa langit ay isang walang katapusang kasiyahan.” Isa itong tumpak na depinisyon at tunay na sumasalamin sa buktot na kalikasang diwa ng mga anticristo. Sa pagbubuod, lubhang buktot ang mga anticristo, sukdulan ang kabuktutan nila. Mga buktot na tao ang mga nananampalataya sa Diyos pero tahasan silang tumatangging tanggapin ang katotohanan. Maraming tao ang palaging gustong bigyan ng pagkakataon na magsisi ang mga anticristo, iniisip na magsisisi ang mga ito balang araw—tama ba ang argumentong ito? Tulad ng kasabihan, “Hindi mababago ng tigre ang mga guhit nito” at “Hindi mababago ng isang leopardo ang mga batik nito.” Samakatwid, hindi mo magagamit ang mga pamantayan at pamamaraan sa pakikitungo sa mga tao para harapin ang mga anticristo o humingi sa mga ito. Sadyang ganoon sila. Kung hindi nila sinisiyasat o pinagdududahan ang Diyos, o kung hindi nila pinaghihinalaan ang Diyos, hindi komportable ang pakiramdam nila, dahil pinamamahalaan sila ng buktot nilang diwa.

d. Pagiging Mapagbantay

Susunod, magbabahaginan tayo tungkol sa pagiging mapagbantay. May isang pinakanangingibabaw at pinakamalinaw na kaisipan at pananaw ang mga anticristo. Sinasabi nila, “Hindi dapat hayaan ng mga tao na ang diyos ang kumontrol o magkaroon ng kataas-taasang kapangyarihan sa tadhana nila; kung ang diyos ang may kontrol sa tadhana ng isang tao, katapusan na niya. Dapat ang mga tao ang may kontrol sa sarili nila para makamit nila ang kaligayahan, at para makakain, makainom, at makapagsaya sila nang hindi nag-aalala. Hindi hinahayaan ng diyos ang mga tao na kumain, uminom, at magsaya, hindi niya pinapayagan ang mga tao na mamuhay nang maayos; pinagdurusa lang niya sa paghihirap ang mga tao. Kaya, dapat nating pamahalaan ang sarili nating kaligayahan; hindi natin puwedeng ipagkatiwala sa diyos ang mga tadhana natin, o pasibong maghintay para sa lahat ng bagay, o hayaan ang diyos na maghanda, at magbigay-liwanag at mag-akay sa atin—hindi tayo puwedeng maging ganoong klase ng tao. Mayroon tayong mga karapatang pantao, at karapatang kumilos nang nagsasarili, at malayang kalooban. Hindi natin kailangang iulat ang lahat sa diyos at humingi ng gabay sa diyos sa lahat ng bagay—magmumukha tayong labis na walang kakayahan; mga hangal lang ang gumagawa niyon!” Ano ang ginagawa nila? (Nagiging mapagbantay laban sa Diyos.) Sinasabi ng ilang tao, “Mag-ingat ka kapag gumagawa ka ng panata sa harap ng diyos; pag-isipan mong mabuti ang mga salita mo. Kapag kumikilos ang tao, nakamasid ang langit!” Nananalangin ang ilan, “O diyos, iniaalay ko ang buong buhay at kabataan ko sa iyo; hindi ako maghahanap ng katuwang o mag-aasawa.” Pero pagkatapos sabihin ito, pinagsisisihan nila ito, iniisip nila, “Isasakatuparan kaya ng diyos ang mga salita ko? Paano kung kailangan ko talaga ng katuwang o gusto kong mag-asawa? Parurusahan ba ako ng diyos? Hindi maganda ito!” Mula noon, nalulugmok sila sa depresyon at kalungkutan, iniiwasan nila ang kabilang kasarian at natatakot sila sa kaparusahan. Ano ang ginagawa nila? (Nagiging mapagbantay laban sa Diyos.) Sinasabi ng isa pang uri ng tao, “Ang paggugol ng sarili para sa diyos ay hindi madali o simple. Kailangan mong magkaroon ng alternatibong plano; kailangan mong maghanda ng daan palabas para sa sarili mo bago ka gumugol para sa diyos. Kung hindi, kapag naubusan ka ng mga mapagkukunan, hindi ka aalagaan ng diyos! Ang paggugol ng sarili mo para sa diyos ay personal mong usapin; ang pagkakaroon ng kataas-taasang kapangyarihan ng diyos sa lahat ng bagay ay iba pang usapin. May kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay ang diyos—aasikasuhin ba niya ang isang maliit na taong tulad mo? Inaasikaso lang ng diyos ang malalaking usapin; hindi niya pinapansin ang maliliit na usaping ito. Kaya, kailangan mong planuhin at ihanda ang iyong daan palabas; kung ayaw na sa iyo ng diyos kalaunan at palalayasin ka niya, hindi siya maaawa sa iyo.” Anong klaseng pag-iisip ito? (Pagiging mapagbantay laban sa Diyos.) Sobrang mapagkalkula ang mga tao. Ang ilan, matapos na maging lider, ay nagbabayad ng ilang halaga, at tunay na ginugugol ang sarili nila nang kaunti, pero dahil sa masamang pagkatao nila, kasuklam-suklam na disposisyon, at sa disposisyon ng mga anticristo na taglay nila, nagdudulot sila ng malalaking kawalan sa sambahayan ng Diyos. Dahil dito, pinapalayas sila. Pagkatapos nito, natututo silang umasal nang maayos at nang hindi napapansin, hindi sila nagtatapat sa kahit kanino, sinasabi nila, “Dati, palagi akong nagtatapat sa mga tao, kaya alam ng lahat kung ano talaga ang kalagayan ko, pero pagkatapos ay may nagsumbong sa akin sa sambahayan ng diyos at pinalayas ako. Kaya ngayon, kailangan kong matutong isara ang sarili ko sa iba, ikubli ang aking sarili, at ipagtanggol at protektahan ang sarili ko. Kailangan kong maging maingat sa pagtatapat sa mga tao, at ni hindi nga ako dapat magtapat sa diyos. Hindi na ako nananampalataya na ang diyos ang katotohanan, na siya ay tapat. Lalong mas wala akong tiwala sa mga kapatid. Walang karapat-dapat sa pagtitiwala ko, kahit ang mga kapamilya o kamag-anak ko, lalo na ang mga naghahangad sa katotohanan.” Ano ang ginagawa nila? (Nagiging mapagbantay sila.) Kapag nakakaranas ang mga anticristo ng pagpupungos, kabiguan, pagkadapa, at pagkakabunyag, pinag-iisipan nila ito, at bumubuo sila ng isang kasabihan: “Huwag kailanman layuning pinsalain ang iba, ngunit palaging mag-ingat laban sa pinsalang maaari nilang gawin sa iyo.” Sa realidad, napakarami na nilang napinsalang iba, at sa huli, nagbabalatkayo sila at bumubuo ng ganitong panlilinlang. Pagkatapos ng maraming taon ng pananampalataya sa Diyos at pagdanas ng maraming kabiguan at pagkadapa, gayundin ng pagbubunyag ng Diyos at ng Kanyang pagpupungos, sa karaniwang sitwasyon, ang mga tao ay dapat pagnilayan at kilalanin ang sarili nila mula sa mga aral ng mga kabiguang ito, hanapin ang katotohanan para malutas ang mga problema, at hanapin sa mga salita ng Diyos ang mga dahilan ng mga kabiguan at pagkadapa nila, pati na ang landas ng pagsasagawa na dapat nilang tahakin. Gayumpaman, hindi ito ginagawa ng mga anticristo. Matapos ang maraming pagkadapa at kabiguan, pinalalala nila ang pag-uugali nila, dumarami at mas lumalala ang mga pagdududa nila sa Diyos, mas tumitindi ang pagsisiyasat nila sa Diyos, mas lumalalim ang paghihinala nila sa Diyos, at gayundin, napupuno ng pagiging mapagbantay laban sa Diyos ang puso nila. Ang pagiging mapagbantay nila ay puno ng reklamo, galit, pagsalungat, at sama ng loob, at unti-unti pa nga silang nagkakaroon ng pagtanggi, paghusga, at pagkondena sa Diyos. Hindi ba’t lalo silang nalalagay sa panganib? (Oo.)

Batay sa saloobin ng mga anticristo sa Diyos, sa mga kapaligiran at mga tao, mga pangyayari, at mga bagay na isinaayos ng Diyos, sa pagbubunyag at pagdidisiplina ng Diyos sa kanila, at iba pa, mayroon ba silang kahit katiting na layunin na hanapin ang katotohanan? Mayroon ba silang kahit katiting na layunin na magpasakop sa Diyos? Mayroon ba silang kahit katiting na pananalig na ang lahat ng ito ay hindi aksidente kundi nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos? Mayroon ba silang ganitong pagka-unawa at kamalayan? Maliwanag na wala. Ang ugat ng pagiging mapagbantay nila ay masasabing nagmumula sa mga pagdududa nila tungkol sa Diyos. Ang ugat ng paghihinala nila sa Diyos ay masasabi ring nagmumula sa mga pagdududa nila tungkol sa Diyos. Dahil sa mga resulta ng pagsisiyasat nila sa Diyos, lalo silang nagiging mapaghinala sa Diyos, at kasabay nito, mas nagiging mapagbantay sila laban sa Diyos. Batay sa iba’t ibang kaisipan at pananaw na nabubuo mula sa pag-iisip ng mga anticristo, pati na rin sa iba’t ibang pamamaraan at pag-uugali na nabubuo sa pangingibabaw ng mga kaisipan at pananaw na ito, sadyang hindi makatwiran ang mga taong ito; hindi nila kayang maunawaan ang katotohanan, hindi nila kayang magkaroon ng tunay na pananalig sa Diyos, hindi nila kayang lubusang manampalataya at kilalanin ang pag-iral ng Diyos, at hindi nila kayang manampalataya at kilalanin na may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa lahat ng nilikha, na may kataas-taasan Siyang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Ang lahat ng ito ay bunga ng kanilang buktot na disposisyong diwa.

Disyembre 19, 2020