Ikalimang Ekskorsus: Pagbubuod sa Karakter ng mga Anticristo at sa Kanilang Disposisyong Diwa (Ikalawang Bahagi) Ikalawang Seksiyon
III. Ang Disposisyong Diwa ng mga Anticristo
Ang pangunahin pa ring pokus ng pagbabahaginan natin ngayon ay para ibuod kung ano nga ba talaga ang disposisyong diwa ng mga anticristo. Sa anim na tiwaling disposisyon ng mga tao na tinalakay natin, aling tatlo ang mas akmang ginagamit para iklasipika ang mga taong may disposisyong diwa ng mga anticristo? (Pagiging tutol sa katotohanan, kalupitan, at kabuktutan.) Dahil pinaliit na natin ang saklaw sa tatlong ito, hindi magiging bahagi ng pagbabahaginan na ito ang naunang tatlo. Kung gayon, wala bang mga tiwaling disposisyon ng pagiging mapagmatigas, pagmamataas, at panlilinlang ang mga taong may disposisyong diwa ng mga anticristo? (Hindi.) Kung gayon, bakit hindi gamitin ang naunang tatlo para iklasipika ang disposisyong diwa ng mga anticristo? (Dahil taglay rin ng mga karaniwang tiwaling tao ang naunang tatlo, at hindi kinakatawan ng mga ito ang diwa ng isang tao.) Isa itong napakatumpak na pagbubuod. Kaugnay sa paksa ng disposisyong diwa, medyo mas magaan sa antas ang naunang tatlong tiwaling disposisyon, samantalang ang huling tatlo ang tunay na makakapagbuod ng disposisyong diwa ng mga anticristo—pagiging tutol sa katotohanan, kalupitan, at kabuktutan. Mas tumpak na maikaklasipika ng tatlong tiwaling disposisyong ito ang disposisyong diwa ng mga anticristo. Bagaman hindi ginagamit ang naunang tatlo para iklasipika ang diwa ng mga anticristo, nasa isang anticristo ang bawat isa sa tatlong tiwaling disposisyong iyon, at mas malubha ang mga ito kaysa nasa mga karaniwang tao. Ang pagiging tutol sa katotohanan, kalupitan, at kabuktutan ay lahat puwedeng gamitin para ibuod at ilarawan ang pagiging mapagmatigas nila, at para ilarawan ang antas ng pagiging mapagmatigas nila. Gayundin, puwede ring gamitin ang huling tatlong disposisyon para ibuod at ilarawan ang pagmamataas at panlilinlang nila. Maliwanag na ang mga pangunahing katangian ng disposisyong diwa ng mga anticristo ay ang pagiging tutol sa katotohanan, kalupitan, at kabuktutan.
A. Kabuktutan
Sa tatlong tiwaling disposisyong ito—pagiging tutol sa katotohanan, kalupitan, at kabuktutan—ang kabuktutan ang pinakakomprehensibong pagbubuod ng disposisyon sa disposisyong diwa ng isang anticristo, at ito ang pinakakaraniwan sa disposisyong diwa ng isang anticristo. Bakit ginagamit ang kabuktutan para ilarawan ang disposisyong diwa ng isang anticristo? Kung sinasabing talagang buktot ang mga anticristo, kung gayon, batay sa mga iniisip nila, ano ang iniisip, sinasabi, at ginagawa nila araw-araw na nagpapatunay na sila ay mga taong may buktot na diwa? Hindi ba’t isa itong tanong na dapat pagnilayan? (Oo.) Kung gayon, dapat tayong magsimula ng pagsusuri at pagmamasid mula sa iniisip nila, sa pananalita at ugali nila, at kung paano sila umasal at makitungo sa mundo, para matukoy kung talagang umiiral ang buktot na diwa sa mga taong ito. Tingnan muna natin kung ano ang iniisip ng mga anticristo araw-araw. Iniisip ng ilang tao sa puso nila: “Sa grupong ito ng mga tao, hindi ako ang itinuturing na pinakamagaling, ni hindi ako ang may pinakamahusay na mga kaloob, kaya paano ako magiging mas popular, paano ko makukuha ang pagpapahalaga ng lahat, paano ako magdadala ng karangalan sa mga ninuno ko, at magiging banal? Paano ko mahihimok ang iba at mahihikayat silang makinig at humanga sa akin? Mukhang maganda ang magkaroon ng katayuan. May ilang taong talagang may prestihiyo sa pagsasalita nila, at kapag may mga isyu ang ibang tao, sa kanila pumupunta ang mga ito—bakit walang lumalapit sa akin? Bakit walang nakakapansin sa akin? May utak naman ako, mga ideya, isang sistematikong paraan sa aking mga kilos, at may kakayahan akong humusga sa mga usapin—bakit walang pumapansin sa akin o tumitingala sa akin? Kailan ako mangingibabaw sa iba? Kailan lalapit ang lahat sa akin para humingi ng tulong at katigan ako?” Ano ang iniisip ng mga taong ito? Mga positibo ba o mga negatibong bagay ang iniisip nila? (Mga negatibong bagay.) Kapag nakikita ng ilang tao na may magandang ugnayan sa isa’t isa ang ibang tao, iniisip nila: “Bakit napakaganda ng ugnayan nila? Kailangan kong humanap ng paraan para maghasik ng sigalot at sirain ang ugnayan nila; sa ganitong paraan, hindi ako mag-iisa at magkakaroon ako ng kasama.” Ano ang ginagawa ng mga taong ito? Anuman ang paraang ginagamit nila, nauuwi ang lahat ng ito sa paghahasik ng sigalot. Kapag nakakakita sila ng isang taong gumagawa sa tungkulin nito nang masigla at masigasig, at nagtatamo ito ng liwanag anuman ang ginagawa nito habang gumagampan sa tungkulin nito, naiinggit sila at pinag-iisipan nila kung paano pababagsakin ang taong ito, kung paano ito bubuhusan ng malamig na tubig at gagawing negatibo ang pakiramdam nito. Ang mga kaisipang ito, isinasagawa man o hindi, ay mga negatibong kaisipan. Mayroon ding mga nag-iisip: “Paano ako tinitingnan ng bagong halal na lider? Kailangan kong mapalapit sa lider na ito. Hindi maganda ang ugnayan namin, at hindi kami masyadong malapit sa isa’t isa, kaya paano ako magpapalakas sa kanya? May kaunti akong pera, kaya aalamin ko kung ano ang kailangan niya at bibilhin ko ito para sa kanya. Pero kung kailangan niya ng computer, hindi ako handang gumastos ng ganoong halaga; kung sakaling hindi na siya magiging lider sa hinaharap, hindi ba’t masasayang lang ang perang iyon? Kung tulad lang ng guwantes o damit ang kailangan niya, kaya ko iyong bilhin, at sulit naman ang gastos doon. Dapat gastusin ang pera sa mga tamang bagay, hindi nang maaksaya. Kailangan ko ring bolahin at pasiyahin ang lider hindi lang gamit ang mga salitang walang kabuluhan kundi gamit ang mga totoong pagkilos—kailangan kong magmatyag kung ano ang gusto ng lider na ito. Bukod dito, tutulong ako sa paghahain ng pagkain ng lider araw-araw kapag oras na ng pagkain at huhugasan ko ang mga pinagkainan niya pagkatapos niyang kumain. Kung pinupuna ng lider ang isang tao, gagaya ako at sasang-ayon sa kanya; kung pinupuri ng lider ang isang tao, agad kong irerekomenda ang taong iyon at pupurihin ang mga kabutihan niya.” Ano ang iniisip ng mga taong ito? (Pagpapalugod sa lider at pagsisipsip dito.) Mayroon ding mga tao na, habang gumagawa sa sambahayan ng Diyos, nag-iisip sila: “Masigasig at seryosong gumagawa ang iba; kailangan kong maging matalino, hindi ako puwedeng maging hangal, at hindi ko puwedeng pagurin nang husto ang sarili ko. Kung hindi na ako kailangan ng sambahayan ng diyos sa hinaharap, hindi ba’t masasayang lang ang pagsisikap na ito? Hindi ba’t mawawalang saysay ang pagtatrabaho ko nang husto? Pero kung hindi man lang ako gagawa, palalayasin ako ng sambahayan ng diyos. Ano ang dapat kong gawin? Kapag nariyan ang lider, magtatrabaho ako nang husto, magpapawis, at hahayaan kong makita ito ng lider; kapag wala ang lider, pupunta ako sa banyo, iinom ng tubig, maglalakad-lakad, o maghahanap ng sulok para doon magpahinga. Kung naghuhukay ang iba ng tatlong pala ng lupa, kalahating pala ng lupa lang ang huhukayin ko; kung pabalik-balik ang iba nang tatlo o limang beses sa pagbubuhat ng mga bagay, gagawin ko ito nang isang beses lang. Magpapahinga at magpapakatamad ako kung kailan pupuwede. Hindi ako dapat maging seryoso; kung magkakasakit ako o mapapagod ako sa sobrang pagtatrabaho, sino ang maaawa sa akin? Sino ang mag-aalaga sa akin kapag may sakit ako? Aalagaan ba ako ng lider? Aalagaan ba ako ng diyos? Pananagutan ba ng diyos ang mga bagay na ito? Kaya, habang nagtatrabaho, kailangan kong alamin kung saan ako pinakamapapansin. Kapag gusto kong magpahinga, kailangan kong alamin kung saan ako pinakahindi mahuhuli, kung saan ako pinakahindi mapapansin.” Ano ang iniisip ng mga taong ito? (Pagpapakatamad at pagiging tuso.)
1. Kung Ano ang Ginagawa ng mga Anticristo sa mga Tao
Ano ang karakter ng mga taong may mga buktot na kaisipan buong araw? May mababang integridad at tuso ang karakter nila. Kung pagbabatayan ang disposisyon nila, ano ito? (Kabuktutan.) Mayroon bang anumang matuwid sa kalikasan ng mga bagay na ito na iniisip nila? Mayroon bang anuman na mukhang marangal, bukas, at tapat? Mayroon bang anumang mabuti? (Wala, wala talaga.) Kaya, sa pagbubuod, ang unang bagay na naipapamalas sa buktot na disposisyon ng mga taong may diwa ng isang anticristo ay na pawang kasamaan ang iniisip nila buong araw. Nahaharap man sila sa malaki o maliit na isyu, puno ng kasamaan ang mga isipan nila. Partikular na, gumagawa sila ng ilang bagay sa mga tao, at mayroon din silang iba’t ibang pagpapamalas at pagsasagawa patungkol sa Diyos. Kung gayon, ano ang mga bagay na ginagawa nila sa mga tao? Anong mga uri ng mga pagsasagawa ang binubuo nila sa kanilang isipan? Sa ilang halimbawang kababanggit lang, nakikita ba ninyo kung paanong laging nagpapakana sa iba ang ganitong uri ng tao? Wala silang tigil sa pagpapakana, at nagiging pakay ng mga pakana nila ang sinumang pinakikitunguhan o nakakasalamuha nila. Pangalawa, kahit na hindi sila nagsasalita minsan kapag gumagawa ng mga bagay-bagay, hindi tunay ang mga gawi, pamamaraan, at pinagmumulan ng mga kilos nila, at hindi nila isinasagawa ang katotohanan—isa lamang itong ilusyon. Ano ang kalikasan nito, at ano ang pagsasagawang ito? Panlalansi at pagpapanggap ito, at tinutukso rin nila ang iba. Dahil kaya nilang magpanggap at mandaya ng mga tao, kaya rin ba nilang akitin at ilihis ang mga tao? (Oo, kaya nila.) Bukod pa rito, ang ganitong uri ng tao ay laging nakikipag-agawan sa iba para sa katayuan, reputasyon, dangal, at sa sarili nilang mga interes. Nakikipaglaban sila para sa kasikatan, sa kung sino ang may huling salita, kung sino ang may mas maraming ideya, kung kaninong mga opinyon ang mas matalino at makatwiran, kung sino ang mas kinikilala ng lahat, at kung sino ang makakakuha ng mas maraming pakinabang—ito ang ipinaglalaban nila. Kahit wala silang katayuan, nagpapakana pa rin sila laban sa mga tao nang ganito; kaya paano kapag may katayuan sila? Kung magkagayon, laging pinahihirapan ang mga tao sa ilalim ng pamumuno nila; inaakit at kinukuha nila ang loob ng mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan, at inaatake at iniiwasan ang mga taong kayang tumanggap sa katotohanan, nang may layuning hikayatin na makinig at sumunod sa kanila ang lahat; palagi silang bumubuo ng mga paksiyon at naghahasik ng alitan sa mga grupo, at sa huli, ginagawa nilang pag-aari nila ang lahat ng tao. Nasasaklaw ng pagpapahirap nila ang lahat ng bagay na ito. Buong araw na nag-iisip ng kasamaan ang mga anticristo, at masama ang bawat disposisyon na ibinubunyag nila. Kaya, tumpak bang sabihin na buktot ang disposisyon ng mga gayong tao? (Oo.) Sa isang grupo kung saan alam ng lahat ang lugar nila, ginagawa ang sarili nilang gawain, at ginagawa ang nararapat nilang gawin, sa sandaling lumitaw ang isang anticristo, naghahasik sila ng alitan mula sa loob, nagsasalita ng masama tungkol kay taong A sa harap ni taong B at kabaligtaran, pinag-aaway ang dalawang ito. Hindi ba’t ito ang resulta ng paghahasik ng alitan? Kung gayon, ano ang ilang pagpapamalas ng pagpapakana ng isang anticristo? Halimbawa, kapag may halalan sa iglesia, puwedeng mag-isip ang mga ordinaryong tao na walang ambisyon, “Sino man ang mahalal, magpapasakop ako rito; susuportahan ko sino man ang pinapayagan ng Diyos na maging lider, at hindi ako manggugulo o magdudulot ng problema.” Pero hindi ganito mag-isip ang may masasamang hangarin. Kapag nakita nilang wala silang pag-asang manalo sa halalang ito, nagsisimula silang magkalkula sa puso nila: “Kailangan kong bilhan ang lahat ng ilang magandang bagay. Ano ang wala sa iglesia sa mga araw na ito? Bibili ako ng air purifier at ilalagay ko ito sa lugar ng pagtitipon para kapag nakakasinghot ang lahat ng sariwang hangin, maiisip nila ako. Sa ganitong paraan, kapag dumating ang oras ng halalan, hindi ba’t ako ang unang kandidato na maiisip nila? Kaya, hindi mawawalan ng saysay ang pagkilos ko o paggastos ko ng pera.” Nang maisip nila ito, agad nilang bibilhin ang pinakamura pero pinakamagandang tingnan na air purifier. Dagdag pa rito, iniisip nila: “Sa panahon ngayon, kailangan kong maging maingat. Hindi ako dapat magsabi ng mga maling bagay, at hindi ako dapat magsabi ng mga bagay na negatibo at hindi nakakapagpatibay sa mga tao; kailangan kong mambola sa tuwing makakasalubong ko ang mga tao at madalas na purihin ang iba sa pagsasabi ng mga bagay tulad ng, ‘Ang ganda ng hitsura mo! Talagang hinahangad mo ang katotohanan! Kahit mas matagal na akong nananampalataya sa Diyos kaysa sa iyo, mas hinahangad mo ang katotohanan kaysa sa akin. Mabuti ang pagkatao mo, at maliligtas ang mga taong may mabuting pagkatao tulad mo—hindi tulad ko.’ Dapat magmukha akong mapagpakumbaba at purihin ang iba bilang mas mahusay kaysa sa akin sa lahat ng aspekto, ipinararamdam sa iba na nakatanggap sila ng sapat na pagrespeto.” Hindi ba’t pagpapakana ito? Ginagawa ng mga anticristo ang mga gayong bagay nang walang kahirap-hirap; hindi sila kayang talunin ng mga ordinaryong tao sa mga pagpapakana nila. Ano ang kasabihan ng mga walang pananampalataya? (Ibinenta ka ng isang tao pero tinulungan mo pa siyang bilangin ang pera.) Ginagawa ng mga anticristo ang mga gayong bagay, at karamihan sa mga tao ang pakay ng pagtataksil at pagpapakana nila.
Sabihin mo sa Akin, tinatanggap ba ng mga anticristo ang pagpupungos? Inaamin ba nila na may tiwaling disposisyon sila? (Hindi, hindi nila ito inaamin.) Hindi nila inaamin na may tiwali silang disposisyon, pero pagkatapos silang mapungusan, nagkukunwari pa rin sila na kilala nila ang kanilang sarili. Sinasabi nila na sila ay isang diyablo at isang Satanas, walang pagkatao at mahina ang kakayahan, at na hindi nila kayang lubos na isaalang-alang ang mga bagay, hindi sila angkop sa mga gawain na isinaayos ng iglesia, at hindi nila nagawa nang maayos ang mga tungkulin nila. Pagkatapos, sa harap ng karamihan ng mga tao, inaamin nila ang mga tiwaling disposisyon nila, inaamin nila na isa silang diyablo, at sa huli, sinasabi rin nila na pagpipino at pagliligtas ito ng Diyos sa kanila, ipinakikita sa mga tao kung gaano sila kahanda na tanggapin ang pagpupungos at kung gaano sila kamapagpasakop sa katotohanan. Hindi nila binabanggit kung bakit sila pinupungusan o ang pinsala at mga kawalan na idinulot ng mga kilos nila sa gawain ng iglesia. Iniiwasan nila ang mga isyung ito at nagsasalita sila ng mga salitang walang kabuluhan, mga doktrina, mga panlilinlang, at mga paliwanag para magkamali ang mga tao ng interpretasyon na hindi karapat-dapat at hindi patas ang pagpupungos na natatanggap nila mula sa sambahayan ng Diyos, na parang nagdusa sila ng malaking kawalan ng katarungan. Pagkatapos nilang mapungusan, nananatiling matigas ang puso nila, hindi kinikilala kahit kaunti ang alinman sa iba’t ibang masasamang gawa nila. Kaya, ano ba ang mga salitang ito na pinagbahaginan nila tungkol sa pag-amin sa tiwaling disposisyon nila, sa pagiging handang tanggapin ang katotohanan, at sa kakayahang magpasakop sa pagpupungos? Ang mga ito ba ang mga tunay nilang damdamin? Talagang hindi. Pawang kasinungalingan, pagpapanggap, at maladiyablong salita ang mga ito na layong ilihis at akitin ang mga tao. Ano ang pakay nila sa panlilihis sa mga tao? (Para sumamba at sumunod sa kanila ang mga tao.) Mismo, ito ay para ilihis at akitin ang mga tao na sumunod at makinig sa kanila, para isipin ng lahat na tama at mabuti sila. Sa ganitong paraan, walang nakakakilatis o sumasalungat sa kanila. Sa kabaligtaran, naniniwala ang mga tao na isa silang taong tumatanggap sa katotohanan, tumatanggap sa pagpupungos, at nagsisisi. Kaya, bakit hindi nila inaamin ang masasamang gawa nila o kinikilala ang mga kawalan na idinulot nila sa gawain ng sambahayan ng Diyos? Bakit hindi nila inilalahad ang mga usaping ito para mapagbahaginan? (Kung sasabihin nila ang mga bagay na ito, makikilatis sila ng mga tao.) Kung makikilatis sila ng mga tao, makikilala silang mabuti, at makikita ang tunay nilang pagkatao at disposisyong diwa, tatalikdan sila ng mga ito. Mahuhulog pa rin ba ang mga tao sa panlalansi nila at malilihis pa ba nila ang mga ito? Patuloy pa rin ba silang bibigyan ng mataas na pagpapahalaga ng mga ito? Patuloy pa rin ba silang pupurihin nang husto ng mga ito? Patuloy pa rin ba silang sasambahin ng mga ito? Hindi gagawin ng mga tao ang alinman dito. Nagpapanggap ang mga anticristo na kilala nila ang sarili nila, pero sa realidad, panlilinlang at pagpapaliwanag ng sarili ang lahat ng ito, lahat ay para ilihis ang mga tao at himukin ang mga tao na ipagtanggol sila, na siyang natatago nilang motibo. Iniiwasan nila ang mahahalagang usapin at kaswal nilang tinatalakay ang pagkilala nila sa sarili at pagtanggap ng pagpupungos para ilihis at akitin ang mga tao, para pahalagahan at sambahin sila ng mga tao. Hindi ba’t napakabuktot ng pamamaraang ito? Talagang nalilinlang dito ang ilang tao, at pagkatapos na mailihis ng mga anticristo, sinasabi nila, “Ang galing magsalita ng taong iyon—labis akong naantig. Ilang beses akong naiyak!” Sa oras na iyon, labis silang sinasamba at pinahahalagahan ng mga taong ito, pero sa huli lumalabas na anticristo pala sila; ito ang kinahihinatnan ng panlilihis at pang-aakit ng mga anticristo sa ibang tao. Kayang ilihis ng mga anticristo ang mga tao sa ganitong paraan, at tiyak na maraming nalilihis at naloloko nito. Kung makikilatis ng isang tao ang mga anticristo sa usaping ito, kung gayon ay isa silang taong nakauunawa sa katotohanan at may pagkilatis.
Madalas pinapahirapan ng mga anticristo ang mga tao. Mayroon silang sikat na kasabihan, ito ay: “Mga minamahal, dahil hindi kayo sumusuko sa akin, padadapain ko kayo at pasasambahin sa akin sa ilang galaw lang—kung hindi kayo susuko, ilalagay ko kayo sa death row!” Ano ang gustong gawin ng mga anticristo? Gusto nilang pahirapan ang mga tao. Anong uri ng tao ang gusto nilang pahirapan? Kung susunod ka sa kanila, sisipsip sa kanila, at sasamba sa kanila, pahihirapan ka ba nila? Kung kimi at masunurin ka sa kanila, kung nakikita nila na hindi ka isang banta, na madali kang utuin o isa kang alipin, hindi ka nila pahihirapan. Kung gumawa sila ng masama o ng masasamang gawain, kung may makikita silang taong nakakakilatis sa kanila, na maglalantad at magbubuking sa kanila, na magpapaalis sa kanila sa posisyon nila, na sisira sa reputasyon nila at pipigilan ang mga kilos nila, mag-iisip sila kung paano pahihirapan ang taong iyon. Hindi basta-basta pinahihirapan ng mga anticristo ang mga tao; sa halip, palagi nilang pinagmamasdan at sinusubukan ang mga tao, tinitingnan nila kung sino ang nagsasalita ng masama laban sa kanila kapag nakatalikod sila, kung sino ang hindi sumusuko sa kanila, sino ang kumikilatis sa mga kilos nila, sino ang hindi pumapansin sa kanila, at sino ang tumatangging maging malapit sa kanila. Pagkatapos magmasid sa loob ng ilang panahon at kapag nakakita sila ng dalawa o tatlong gayong indibidwal, nagsisimula silang magbahagi tungkol sa mga isyu ng mga taong ito sa mga pagtitipon. Kahit na tila tama ang sinasabi nila sa panlabas, sa realidad, may pinupuntirya ito, may dahilan at layon. Ano ang dahilan? Nakapag-imbestiga na sila nang lubusan; hindi sumusuko sa kanila ang mga indibidwal na ito, at kinikilatis sila ng mga ito, palagi silang sinusubukang ilantad at ibuking ng mga ito, para mapatalsik sila sa posisyon. Sinasabi nila ang mga bagay na ito para bigyan ng babala ang mga indibidwal na iyon, para paalalahanan ang mga ito. Kung umatras ang mga taong ito at hindi na mangahas na magpatuloy, at umayon ang lahat ng bagay ayon sa kagustuhan ng mga anticristo, hindi na nila papansinin ang mga ito. Pero kung magpapatuloy gaya nang dati ang mga indibidwal na ito, tumatangging maging malapit sa kanila at naglalayon pa rin na ibuking sila, iulat sila sa Itaas, at patalsikin sila sa posisyon nila, ang mga ito ang nagiging susunod na puntirya ng pagpapahirap ng mga anticristo. Nag-iisip sila ng ibang diskarte, at gumagamit ng mas mabibigat at mas matitinding pamamaraan, sinusubukan nilang makaisip ng mga paraang magagamit laban sa mga ito at makahanap ng mga pagkakataong pahirapan ang mga ito, hindi tumitigil hangga’t hindi nila napapatalsik ang mga ito mula sa iglesia. Ganito pinahihirapan ng mga anticristo ang mga hindi sumasang-ayon sa kanila, at hindi sila titigil hangga’t hindi nila nakakamit ang layunin nila. Walang awa ang mga pamamaraan ng pagpapahirap na ginagamit ng mga anticristo. Nagsisimula sila sa paghahanap ng dahilan at pagbabansag sa mga tao, at pagkatapos ay sinisimulan na nilang pahirapan ang mga ito, hindi sila tumitigil hangga’t hindi ganap na sumusunod at sumusuko ang mga tao sa kanila—kung hindi, hindi pa tapos ang pagpapahirap. Sa iglesia, patuloy na naghahasik ng sigalot at bumubuo ng mga pangkat ang mga anticristo, pakay nilang lumikha ng isang paksiyon at kontrolin ang iglesia. Hindi ba’t karaniwan na itong nangyayari? Ang mga anticristo ay bumubuo ng mga pangkat, naghahasik ng sigalot, umaakit ng mga tagasuporta, nakikipagsabwatan sa mga kapaki-pakinabang sa kanila, na puwedeng magsalita para sa kanila, pagtakpan ang masasamang gawa nila, at ipagtanggol sila sa mahahalagang sandali. Hinihimok nila ang mga taong ito na gumawa ng mga bagay para sa kanila, iulat pa nga ang iba at maging mga mensahero nila. Kung may katayuan sila, nagiging kanilang nagsasariling kaharian ang grupong ito. Kung wala silang katayuan, bumubuo sila at ang grupo nila ng isang puwersa sa loob ng iglesia, na gumugulo at nakakaabala sa normal na kaayusan ng iglesia, at gumugulo sa normal na buhay at gawain ng iglesia.
Ang pinakakaraniwang pagpapamalas ng buktot na diwa ng mga anticristo ay na talagang mahusay sila sa pagpapanggap at pagpapaimbabaw. Sa kabila ng napakalupit, mapanlinlang, walang awa, at mayabang na disposisyon nila, sa panlabas ay ipinipresenta nila ang kanilang sarili bilang sobrang mapagpakumbaba at mabait. Hindi ba’t pagpapanggap ito? Araw-araw na nagninilay-nilay sa puso nila ang mga taong ito, iniisip nila, “Anong klase ng damit ang dapat kong isuot para magmukha akong mas Kristiyano, mas matuwid, mas espirituwal, mas may malasakit, at mas tulad ng isang lider? Paano ako dapat kumain para iparamdam sa mga tao na pino, elegante, may dignidad, at marangal ako? Ano ang dapat maging estilo ng paglakad ko para magmukha akong lider at may karisma, para magmukha akong katangi-tanging tao at hindi karaniwan? Sa pakikipag-usap ko sa iba, anong tono, mga salita, hitsura, at mga ekspresyon ng mukha ang makakapagparamdam sa mga tao na mataas ang uri ko, tulad ng isang elitista o isang intelektuwal na may mataas na ranggo? Ano ang dapat kong gawin sa pananamit, estilo, pananalita, at ugali ko para igalang ako ng mga tao, para makapag-iwan ako ng di-malilimutang impresyon sa kanila, at matiyak ko na mananatili ako sa puso nila magpakailanman? Ano ang dapat kong sabihin para makuha ang loob ng mga tao at mapasaya ang puso nila, at para makapag-iwan ako ng pangmatagalang impresyon? Kailangan kong gumawa ng higit pa para tumulong sa iba at magsalita ng maganda tungkol sa kanila, dapat madalas akong magsalita tungkol sa mga salita ng diyos at gumamit ng ilang espirituwal na terminolohiya sa harap ng mga tao, mas madalas magbasa ng mga salita ng diyos sa iba, manalangin nang mas madalas para sa kanila, magsalita nang mahina para makinig nang mas mabuti ang mga tao sa akin, at para iparamdam sa kanila na banayad, mapagmalasakit, mapagmahal, mapagbigay, at mapagpatawad ako.” Hindi ba’t pagpapanggap ito? Ito ang mga kaisipan na umookupa sa puso ng mga anticristo. Ang pumupuno sa mga isipan nila ay walang iba kundi ang mga kalakaran ng mga walang pananampalataya, na ganap na nagpapakita na nabibilang sa mundo at kay Satanas ang mga kaisipan at pananaw nila. Maaaring palihim na manamit ang ilang tao nang gaya ng isang babaeng mababa ang lipad o malandi; partikular na tumutugma ang pananamit nila sa masasamang kalakaran at lubha itong moderno. Gayumpaman, kapag pumupunta sila sa iglesia, ibang-iba ang pananamit at asal nila kapag kasama ang mga kapatid. Hindi ba’t lubha silang bihasa sa pagpapanggap? (Oo.) Ang iniisip ng mga anticristo sa puso nila, ang ginagawa nila, ang iba’t ibang pagpapamalas nila, at ang mga disposisyong ibinubunyag nila ay pawang nagpapakita na buktot ang disposisyong diwa nila. Hindi pinagninilay-nilayan ng mga anticristo ang katotohanan, ang mga positibong bagay, ang tamang landas, o ang mga hinihingi ng Diyos. Pawang buktot ang mga iniisip, at ang mga pamamaraan, diskarte, at layunin na pinipili nila—lumilihis silang lahat mula sa tamang landas at hindi sila kaayon ng katotohanan. Sumasalungat pa nga sila sa katotohanan, at sa pangkalahatan, maaari silang ibuod bilang masama; sadyang buktot ang kalikasan ng kasamaang ito—kaya’t kolektibo itong tinatawag na kabuktutan. Hindi nila pinag-iisipan na maging matapat na tao, maging dalisay at bukas, o maging taimtim at tapat; sa halip, pinag-iisipan nila ang mga buktot na pamamaraan. Halimbawa, ang isang tao na kayang magbukas tungkol sa kanyang sarili sa isang dalisay na paraan, isa itong positibong bagay at pagsasagawa ito sa katotohanan. Ginagawa ba ito ng mga anticristo? (Hindi.) Ano ang ginagawa nila? Palagi silang nagpapanggap, at kapag gumawa sila ng masama at nabibisto na sila, galit na galit nilang itinatago ito, pinapangatwiranan at ipinagtatanggol ang sarili, at ikinukubli ang mga katunayan—pagkatapos ay ibinibigay ang mga dahilan nila sa huli. Katumbas ba ng pagsasagawa sa katotohanan ang alinman sa mga pagsasagawang ito? (Hindi.) Naaayon ba sa mga katotohanang prinsipyo ang alinman sa mga ito? Mas lalong hindi.
Kanina lamang, pinagbahaginan at hinimay natin ang unang aspekto ng disposisyong diwa ng mga anticristo—kabuktutan. Nagsimula tayo sa paghihimay sa kung ano ang iniisip ng mga anticristo buong araw, gamit ang mga kaisipan, pananaw, at mga gawi at pamamaraan nila kung paano sila tumutugon sa iba’t ibang usapin para mahimay ang buktot na disposisyon ng mga anticristo. Hinimay rin natin ang kalikasan ng iba’t ibang bagay na ginagawa ng mga anticristo, batay sa umiiral sa mga isipan nila. Nagbigay rin tayo ng ilang halimbawa para himayin ang disposisyong diwa nila na nabubunyag sa mga pagkakataong ito. Kaugnay ng mga halimbawang ito, may nakita ba kayo na sinuman na may medyo mabuting pagkatao sa mga nagpapakita ng ganitong mga pag-uugali at nagbubunyag ng mga ganitong disposisyon? Pagdating sa isang taong may gayong mga pagbubunyag at pagpapamalas, nagtataglay ba ng pagkamatapat, kabaitan, kasimplehan, sinseridad, pagkamatuwid, at iba pa ang karakter niya? (Wala.) Malinaw na wala siya ng mga katangiang ito. Sa kabaligtaran, sila ay may karakter na mapaminsala, malupit, palagiang nagsisinungaling, makasarili, ubod ng sama, at walang pagpapahalaga sa dangal. Kitang-kita ang mga katangiang ito sa kanyang karakter. Masasabi nang tumpak na pawang may napakababang karakter ang mga taong may mga buktot na iniisip sa buong araw, at kayang gumawa ng iba’t ibang buktot na bagay. Gaano ito kababa? Wala itong konsensiya, integridad, at lalong wala itong normal na pagkamakatwiran. Puwede bang ituring na tao ang mga taong walang mga ganitong bagay? Masasabi nang tiyak na hindi tao ang mga taong walang mga ganitong bagay; nakasuot lang sila ng balat ng tao. Puwedeng itanong ng ilang tao, “Hindi ba’t parang lobo iyon na nakadamit-tupa?” Isang metapora lang iyan. Ano ba ang mga lobo na nakadamit-tupa? Mga lobo talaga sila. Mayroon bang mahalagang pagkakaiba sa pagitan ng mga lobo at ng mga diyablo o anticristo? Tinutugis at kinakain ng mga lobo ang mga baka at tupa, hindi dahil sa kasakiman kundi dahil iyon ang kalikasan nila na inorden ng Diyos. Gayumpaman, may isang bagay na taglay ng mga lobo na wala sa mga anticristo. Kung kinukupkop at inaalagaan ng isang tao ang isang lobo o iniligtas ito ng isang tao, hindi kailanman sasaktan ng lobo ang taong iyon at magpapakita ito ng pasasalamat. Sa kabaligtaran, tinatamasa ng mga anticristo ang biyaya, pag-akay ng Diyos, at ang pagtustos ng mga salita ng Diyos, pero nagpapakana sila laban sa Diyos sa lahat ng bagay, palaging sumasalungat at may galit sa Kanya. Hindi nila kayang magpasakop sa anumang ginagawa ng Diyos; hindi nila kayang sabihin ang amen sa Kanyang mga gawa—gusto nilang sumalungat palagi. Angkop bang sabihing mga lobo na nakadamit-tupa ang mga anticristo? Tumpak ba ang metaporang ito? (Hindi.) Dati, sa relihiyon, itinuturing na lobo na nakadamit-tupa ang sinumang tinaguriang anticristo o masamang tao. Isa lang itong metapora na ginagamit ng mga tao noong hindi pa nila nauunawaan ang katotohanan at ang pagkataong diwa at ang disposisyon ng iba’t ibang indibidwal. Pero, kapag napagbabahaginan sa antas na ito ang katotohanan, nagiging mas hindi angkop ang paggamit ng metaporang ito. Ang mga diyablo ay diyablo, at katumbas ng mga diyablo ang mga anticristo, at hindi sila karapat-dapat na ihambing sa lahat ng buhay na nilalang na nilikha ng Diyos. Mayroon bang alinman sa mga bagay na nilikha ng Diyos, tulad ng mga lobo o iba pang mga karniboro, na lumaban o naghimagsik laban sa Diyos kailanman? Magpoprotesta ba sila laban sa Diyos o sasalungat sa Kanya? Huhusgahan, kokondenahin, o babatikusin ba nila ang anumang sinasabi ng Diyos? Hindi nila ginagawa ang mga gayong bagay; namumuhay lang sila ayon sa mga likas na gawi at kapaligiran sa pamumuhay na itinakda sa kanila ng Diyos. Ano man ang paglikha ng Diyos sa kanila, ganoon sila—walang anumang pagpapanggap. Pero iba ang mga anticristo: Mayroon silang kalikasan ni Satanas, at dalubhasa sila sa pagkilos laban sa mga positibong bagay at sa katotohanan. Katulad sila ng malaking pulang dragon: Dalubhasa sila sa paggawa ng mga gawaing lumalaban sa Diyos.