Ikaapat na Ekskorsus: Pagbubuod sa Karakter ng mga Anticristo at sa Kanilang Disposisyong Diwa (Unang Bahagi) Ikalimang Seksiyon

E. Kumakapit sa Makapangyarihan at Nang-aapi sa Mahihina

Ang pagkatao ng mga anticristo ay mayroon ding isang bagay na parehong kasuklam-suklam at kamuhi-muhi—iyon ay, kumakapit sila sa makapangyarihan at nang-aapi sa mahihina. Kung may ilang kilalang tao, may kapangyarihan o may katayuan sa iglesia o sa mundo, kahit sino pa sila, may walang hanggang inggit at paghanga ang mga anticristo sa kanilang puso para sa mga ito, binobola pa nga nila ang mga ito. Kapag nananampalataya sila sa Kristiyanismo, sinasabi nilang mga mananampalataya ang ilang pinuno sa politika, at kapag tinanggap nila ang yugtong ito ng gawain ng Diyos sa mga huling araw, iginigiit nila na tinanggap na rin ito ng ilang pastor mula sa mga kilalang denominasyon. Anuman ang gawin nila, palagi nila itong binibigyan ng engrandeng titulo, palagi nilang iginagalang at ginagaya ang mga kilalang tao, at nasisiyahan lang sila kapag nagagawa na nilang kumapit sa isang kilalang tao kahit papaano o sa isang tao na may katayuan. Pagdating sa mga tao na may katayuan, mabuti man sila o masama, walang tigil na nagpapalakas at nambobola ang mga anticristo at sumisipsip sa mga ito. Handa pa silang maghain ng tsaa at maglinis ng arinola para sa mga ito. Sa kabilang banda, kapag nakikitungo sa mga tao na walang katayuan, kahit gaano pa katuwid, kamatapat, at kabait ang mga indibidwal na ito, inaapi at tinatapak-tapakan sila ng mga anticristo sa tuwing may pagkakataon. Madalas nilang ipinagmamalaki kung paanong si Ganito ay isang business executive sa lipunan, kung gaano kayaman ang tatay ni Ganyan, kung gaano karami ang pera ni Ganoon, at kung gaano kalaki ang pamilya o kompanya ni Ganito, binibigyang-diin ang katanyagan nito sa lipunan. Pagdating sa mga huwad na lider at sa mga anticristo sa iglesia, kahit ano pang masasamang gawa ang gawin nila, hindi sila kailanman iniuulat, inilalantad, o kinikilatis ng mga anticristo. Sa halip, mahigpit nilang sinusundan ang mga ito nang malapitan, ginagawa ang anumang sabihin sa kanila. Nagiging tagasunod, tagasuporta, at alipin sila ng kahit na anong antas ng lider na sinusunod nila. Kapag nakikitungo sa mga may kapangyarihan, impluwensiya, kayamanan, at katayuan, nagmumukha silang labis na masunurin, mababang-loob, at walang kakayahan. Labis silang masunurin at mapagpasakop, tumatango at sumusunod sa lahat ng sinasabi ng mga taong iyon. Gayumpaman, kapag nakikitungo sa mga ordinaryong tao na walang katayuan, nag-iiba ang ugali nila, nagsasalita sila nang nakatataas para makapangibabaw sa iba, gustong maging higit sa lahat, na para bang walang makakatalo sa kanila, na mas malakas at mas mataas sila kaysa sa sinuman, kaya mahirap makilatis ang anumang problema, kapintasan, o kahinaan sa kanila. Anong klaseng karakter ito? May kaugnayan ba ito sa pagiging lihim na mapanira, malupit, at walang kahihiyan? (Mayroon.) Ang pagkapit sa makapangyarihan at pang-aapi sa mahihina—hindi ba’t ito ang pangit at masamang bahagi ng pagkatao ng mga anticristo? Sa palagay ba ninyo, matuwid ba ang mga tao na may gayong pagkatao? (Hindi.) Totoo ba ang mga sinasabi nila sa mga may katayuan at mga makapangyarihan? Totoo ba ang mga sinasabi nila sa mahihina? (Walang totoo sa mga ito.) Samakatwid, may kaugnayan ang aytem na ito sa palagiang pagsisinungaling. Batay sa aytem na ito, lubhang karima-rimarim ang karakter ng mga anticristo, at mayroon silang dalawang ganap na magkaibang mukha. May palayaw ang ganitong uri ng tao—“hunyango.” Hindi nila kailanman tinatrato ang mga tao batay sa mga katotohanang prinsipyo, pagkatao, o kung hinahangad ba ng mga taong iyon ang katotohanan sa loob ng sambahayan ng Diyos. Sa halip, tinatrato nila ang mga tao nang magkaiba batay lang sa katayuan at impluwensiya ng mga ito. Kapag nakikitungo sa mga tao na may katayuan at mga abilidad, ginagawa nila ang lahat para magpalakas, mambola, at makalapit sa mga ito. Kahit bugbugin o sigawan pa sila ng mga taong ito, handa nila itong tiisin nang walang anumang reklamo. Patuloy pa nga nilang inaamin ang kawalan nila ng silbi at nagpapakaalipin sila, kahit na ang kanilang tunay na iniisip sa loob-loob nila ay ganap na iba sa panlabas nilang pag-uugali. Kung magsalita ang isang tao na may katayuan at katanyagan, kahit na panlilinlang at maling pananaw ito ni Satanas na ganap na walang kinalaman sa katotohanan, pakikinggan nila ito, tatango sila sa pagsang-ayon, at tatanggapin nila ito nang paimbabaw. Sa kabilang banda, kung walang kapabilidad o katayuan ang isang tao, gaano man katama ang mga salita nito, hindi ito papansinin ng mga anticristo at mamaliitin nila ito. Kahit na umaayon sa mga prinsipyo at katotohanan ang kanyang sinasabi, hindi nila ito pakikinggan, sa halip ay pabubulaanan, kukutyain, at pagtatawanan nila ito. Isa pa itong katangian na makikita sa karakter ng mga anticristo. Batay sa kanilang mga paraan at prinsipyo ng pag-asal at pakikitungo sa mundo, maaaring tiyak na mailarawan ang mga indibidwal na ito bilang walang dudang hindi mananampalataya. Mababa, marumi, at napakababa ang mga pagpapamalas ng karakter nila.

Ang pagkapit sa makapangyarihan at pang-aapi sa mahihina ay isang tipikal na pamamaraan ng pakikipag-ugnayan para sa mga tao na tulad ng mga anticristo. Nakikipag-usap sila nang masigla at nakikipaglapit sa mga walang pananampalataya, pero kapag bumabaling na sila sa mga kapatid, wala silang masabi at wala silang mapag-usapan. Mga anticristo ang mga ito. Kapag pinag-uusapan ang mga bagay na may kinalaman sa pananalig sa Diyos, paggawa ng mga tungkulin, buhay pagpasok, o mga pagbabago ng disposisyon, wala silang masabi at wala silang interes. Gayumpaman, kapag pinag-uusapan ang mga walang pananampalataya, lalo na ang mayayaman at may mga impluwensiya, mga politiko, mga elitista sa lipunan, mga kilalang tao sa musika at pelikula, mga uso sa lipunan, at mga usaping may kinalaman sa pagkain at libangan, nagiging napakadaldal nila at hindi sila mapigilan. Parang partikular na hinahangad nila ang gayong buhay at katayuan sa lipunan. Kahit na nananampalataya sa Diyos ang mga gayong indibidwal, dahil lang ito sa sarili nilang mga suliranin at mga nakatagong intensyon at layon. Naniniwala sila sa Diyos para lang sa mga pagpapala, at kahit na pagkatapos nilang manampalataya sa Diyos, hindi pa rin nila mabitiwan ang mga gayong bagay. Kaya naman, kapag pinag-uusapan ang mga bagay na may kinalaman sa pagkain at libangan, sumisigla sila. Kapag nakikipag-usap sa mga kapatid, nag-iiba ang sitwasyon. Mula sa kaibuturan ng kanilang puso at kaluluwa, minamaliit nila ang mga nananampalataya sa Diyos, ang mga naghahangad sa katotohanan, at ang mga matapat at matuwid. Dinidiskrimina at hinahamak nila ang mga gayong indibidwal. Kapag nakikita ng mga anticristo ang mga lider sa iglesia, iniisip nila, “Hindi sila mukhang mga lider; hindi talaga sila katulad ng mga opisyal. Kompara sa mga makamundong opisyal, lubos na mas mababa sila, walang asal at estilo!” Kung malalaman nila na walang mataas na antas ng edukasyon ang ilang lider, dinidiskrimina nila ang mga ito sa kanilang puso. Ano sa palagay ninyo ang naiisip nila kapag nakikita nila Ako? Sa isang sulyap, iniisip nila, “Si cristo, ang nagkatawang-taong diyos, ay isang walang kuwentang tao na walang mataas na edukasyon, na hindi naman kataasan, na ang hitsura ay hindi kaakit-akit, na walang asal, at ang pananamit ay pangkaraniwan. Sinasabi ng lahat na nasa kanya ang katotohanan; ito lang ang bagay na dapat bigyang-pansin, at wala nang iba pang kahanga-hanga sa kanya. Tingnan mo ang suot ng mga makapangyarihang tao sa lipunan! Anong mga tatak ng suot mong damit at sapatos? Ano ang estilo ng buhok mo? Nagpagupit ka ba sa isang kilalang salon? Magkano ang isang gupit?” Sinasabi Ko, “Wala Akong ginagastos kahit isang sentimos sa pagpapagupit; Ako Mismo ang naggugupit ng buhok Ko sa bahay.” Sinasabi nila, “Nagpapa-beauty treatment ka ba? Nagho-hotel ka ba? Anong star rating? Nakasakay ka na ba sa isang luxury cruise?” Sinasabi Ko, “Hindi Ko alam ang mga bagay na ito.” Sinasabi nila, “Kung gayon, talagang ignorante ka. Sa marangal na pagkakakilanlan at katayuan mo, bakit wala kang kaalaman o pag-unawa sa mga marangya at de-kalidad na bagay sa mundo? Sa kalagayan mo, dapat mo itong maranasan nang kaunti. Sa pinakamababa, kailangan mong pumunta sa isang mamahaling salon, manatili sa isang five-star hotel, at sumakay sa isang luxury cruise. Sa pinakamababa, dapat kang umupo sa first class kapag nasa eroplano ka.” Kapag nakikita nila Ako, mababa ang tingin nila sa Akin, pero kailangan nilang kilalanin ang isang bagay, at iyon ay, “Hindi ko pa narinig noon ang anuman sa mga bagay na sinabi mo sa mga pagtitipon: dapat kong pakinggan ang sinasabi mo.” Pero pagkatapos ng mga pagtitipon, hindi na nila Ako kinikilala. Katulad ng isang lobo: Pagkatapos mo itong pakainin, tumatalikod ito at kakagatin ka. Iyon ang kalikasan ng lobo. Kapag nakikita ng mga anticristo ang mga ordinaryong kapatid na walang pera o impluwensiya, na simpleng nagmamahal sa katotohanan at kayang maghangad para dito, at kusang-loob na ginagawa ang mga tungkulin ng mga ito, hinahamak at ibinubukod nila ang mga ito. Kapag tumitingin sila kay Cristo at nakikita nila ang isang karaniwang tao, isang tao na sa bawat aspekto, sa hitsura, anyo, at asal, ay isang simple at karaniwang tao, kaya ba nilang agad na baguhin ang kanilang panloob na disposisyon at pananaw? (Hindi.) Ang saloobin nila sa mga bagay ay batay sa kanilang karakter. Dahil wala silang normal na pagkatao, ang saloobin nila kay Cristo ay walang alinlangang katulad ng kanilang saloobin sa isang karaniwang tao. Walang kahit kaunting respeto; itinatakda ito ng kanilang diwa at karakter. Ang pagpapamalas ng aspektong ito ng pagkatao ng isang anticristo ay kasingkasuklam-suklam at kasingkapoot-poot ng iba pang mga aspekto.

Ang iba’t ibang katangiang katatapos lang nating pagbahaginan tungkol sa karakter ng isang anticristo ay puwedeng isa-isang magbunyag ng kabutihan o kasamaan, pagiging mataas o mababa ng karakter nila. Mataas ba o mababa ang karakter ng isang tao na palagiang nagsisinungaling? (Mababa.) Mabuti ba o masama ang pagkatao ng isang makasarili at ubod ng samang tao? (Masama.) Mabuti ba o masama ang pagkatao ng isang tao na walang kahihiyan? (Masama.) Mataas ba o mababa ang karakter ng isang lihim na mapanira at malupit na tao? (Mababa.) Kumusta ang karakter ng isang tao na marunong lang kumapit sa makapangyarihan at mang-api sa mahihina, na sumusunod lang sa mga gayong prinsipyo? (Karumal-dumal.) Lubhang karumal-dumal ang mga gayong indibidwal, hindi lang walang normal na pagkatao kundi maaaring sabihing hindi sila tao—basura sila, mga diyablo sila. Isang diyablo ang sinumang wala ni kaunting konsensiya at katwiran, hindi isang tao.

F. Mas Mapaghangad sa mga Materyal na Bagay Kaysa sa Normal na mga Tao

May isa pang pagpapamalas sa pagkatao ng mga anticristo: Mas mapaghangad sila sa mga materyal na bagay kaysa sa normal na mga tao. Ibig sabihin, napakalaki ng kanilang pagnanais at hinihingi sa mga materyal na bagay—wala itong limitasyon. Puno sila ng mga hangarin para sa isang marangyang pamumuhay, at walang hangganan ang kasakiman nila. Maaaring sabihin ng ilan: “Walang ganitong pagpapamalas ang karamihan sa mga anticristo.” Ang hindi pagtataglay nito ay hindi nangangahulugang wala ito sa pagkatao nila. Kapag nagkaroon na ng katayuan ang mga gayong tao, ano ba ang mga prinsipyo nila sa kanilang pagkain, pananamit, at hitsura? Sa sandaling magkaroon sila ng katayuan, dapat na makuha nila ang kanilang gusto, nakakahanap sila ng mga oportunidad, mayroon silang mga partikular na kondisyon, at nag-iiba ang pamumuhay nila. Nagiging maselan sila sa kinakain nila, binibigyang-diin ang karangyaan at luho. Ipinipilit nilang magsuot at gumamit ng mga aytem na may kilalang tatak, at ang mga tahanang tinitirhan nila at ang mga sasakyang minamaneho nila ay kailangang mataas ang kalidad at marangya. Kahit na bumibili sila ng isang praktikal na sasakyan, kailangang may mga mamahalin itong accessory. Maaaring magtanong ang ilan: “Kung wala silang pera, bakit labis silang nagpapahalaga sa mga bagay na ito?” Kahit wala silang pera, hindi ibig sabihin na hindi nila hinahangad ang mga gayong bagay o na wala ang pagnanais na ito sa pagkatao nila. Kaya naman, kapag nakakuha ng kontrol ang mga anticristo sa mga handog sa sambahayan ng Diyos, winawaldas nila ito nang walang pakundangan. Gusto nilang bilhin at tamasahin ang lahat ng bagay, hanggang sa puntong nawawalan na sila ng kahihiyan at mahirap nang mapigilan. Kailangan nilang uminom ng de-kalidad na tsaa na inihahain sa mga pinagintong tasa, ang kanilang mga pagkain ay dapat mararangyang piging, ipinipilit nilang uminom ng espesyal na klase ng ginseng, at gumagamit lang sila ng mga kompiyuter at cellphone na mula sa mga kilalang tatak na laging ang mga pinakabagong modelo. Nagkakahalaga ng libo-libong yuan ang mga salaming suot nila, gumagastos sila ng daan-daan sa pagpapa-estilo ng buhok, at nagbabayad sila ng libo o higit pa para sa mga sesyon ng masahe at sauna. Sa madaling salita, iginigiit nila na ang lahat ay maging pinakamataas na kalidad at kilalang tatak, nais nilang tamasahin anuman ang tinatamasa ng mga kilalang tao at makapangyarihang tao. Kapag nagkaroon na ng katayuan ang mga anticristo, nahahalata na ang lahat ng pangit na bagay na ito. Sa mga pagtitipon, kung tatlo hanggang limang tao lang ang nakikinig sa pangangaral nila, hindi sila nasasapatan dito at iginigiit nila na magkaroon ng tatlo hanggang limandaang tao. Kapag sinasabi ng iba na may mga hindi paborable na kalagayan sa labas, kaya ayos na rin ang pagtitipon ng tatlo hanggang limang tao, agad silang tutugon: “Hindi ito puwede—bakit kakaunti ang nakikinig sa sermon ko? Hindi sulit ang oras ko rito. Kailangan nating bumili ng malaking gusali ng iglesia na kayang maglaman ng sampung libong tao para maging mas marangal ang sermon.” Hindi ba’t naghahanap sila ng kanilang kamatayan? Ito ang uri ng bagay na ginagawa ng mga anticristo. Hindi ba’t nagiging wala rin silang kahihiyan? Mayroon silang napakatinding di-mapigilang pagnanais at interes sa marangyang pamumuhay at mga materyal na bagay, na isa pang katangian sa karakter ng mga anticristo. Sa sandaling may magbanggit ng mamahaling pagkain, mararangyang sasakyan, mga damit na may kilalang tatak, mga de-kalidad at mamahaling aytem, nagniningning ang mga mata nila sa kasakiman, at lumilitaw ang pagnanais nila. Paano lumilitaw ang pagnanais na ito? Hindi maikakaila na isa itong pagbubunyag ng malademonyo nilang kalikasan. Maaaring kapos sa pera ang ilang anticristo, at kapag nakakakita sila ng isang tao na may suot na mamahaling alahas o isang singsing na diyamante na may dalawa o tatlong carat, nagniningning ang mga mata nila, at iniisip nila, “Kung hindi ako nananampalataya sa diyos, makakapagsuot ako ng limang carat na singsing.” Naiisip nila na wala man lang silang isang carat na singsing, at sumasama ang loob nila at nararamdaman nilang hindi sulit ang manampalataya sa Diyos. Pero, nang mas isaalang-alang pa nila ito, naiisip nila, “Makakatanggap ako ng malalaking pagpapala sa hinaharap dahil sa pananalig ko sa diyos. Maaari akong magkaroon ng limandaang carat na diyamante at isuot ito sa ulo ko.” Hindi ba’t mayroon silang mga pagnanais? Kapag nakakakita sila ng mayayamang indibidwal sa TV na nakasuot ng mga damit na may kilalang tatak at naglalayag sa mararangyang cruise ship sa dagat, nararamdaman nila na ito ay napakasaya, romantiko, marangal, at nakakainggit. Naglalaway sila rito, sinasabi nila, “Kailan kaya ako magiging ganoong klaseng tao, isang higante sa mga tao? Kailan ko kaya matatamasa ang gayong buhay?” Pinapanood nila ito nang paulit-ulit hanggang sa maisip nila na tunay na nakakabagot ang pananampalataya sa Diyos. Ngunit pagkatapos ay muli silang nagninilay, iniisip nila “Hindi ako dapat mag-isip nang ganito. Bakit ba ako nananampalataya sa diyos? ‘Kailangang tiisin ng isang tao ang pinakamatitinding hirap para maging pinakadakila sa mga tao.’ Sa hinaharap, magiging mas maganda ang buhay ko kaysa sa kanila. Sumasakay sila sa mga luxury cruise, ngunit sasakay ako sa isang marangyang eroplano o sa isang marangyang flying saucer—pupunta ako sa buwan!” May kaunti man lang bang katuturan ang mga kaisipang ito? Naaayon ba ang mga ito sa normal na pagkatao? (Hindi.) Isa pa itong elemento sa pagkatao ng mga anticristo—isang labis na hindi mapigilang pagnanais para sa mga materyal na bagay at sa marangyang pamumuhay. Kapag nakuha na nila ang mga ito, nagiging walang hanggan ang kasakiman nila, na may mga titig at kalikasan na ganid, na gustong mag-angkin ng mga bagay na ito magpakailanman. Sa pagkatao ng mga anticristo, hindi lang ito tungkol sa pagkainggit sa mga makapangyarihan; ninanais din nila ang mga materyal na bagay at mataas na kalidad ng pamumuhay. Ang normal na pagkatao ay may makatwirang saklaw ng pangangailangan para sa buhay at mga materyal na bagay: Mayroon silang mga pang-araw-araw na pangangailangan, mga pangangailangan ng trabaho at kapaligiran ng pamumuhay, pati na rin ang kanilang mga pisikal na pangangailangan. Sapat nang natutugunan ang mga pangangailangang ito, at itinuturing na medyo normal ang kontrolin ang mga ito base sa kapasidad at kalagayang pang-ekonomiya ng isang tao. Gayumpaman, hindi normal at walang patid ang pangangailangan at pagpapakasasa ng mga anticristo sa mga materyal na bagay. Partikular na hinahangad ng ilang anticristo ang mataas na kalidad ng pamumuhay—kapag nakatira sila sa isang pamilyang nagpapatuloy sa bahay kung saan puro simple ang mga pagkain, medyo naiirita sila. Bukod pa rito, kung ang mga tao sa pamilyang ito ay naghahangad sa katotohanan, medyo matatapat, at hindi sila binobola, hindi sumisipsip sa kanila o sinasabi ang gusto nilang marinig, lalo silang nasusuklam, iniisip nila, “Saan kaya ako makakakain ng masarap na pagkain at makakatira sa isang malaking bahay? Sino kaya ang may magandang kondisyon ng pamumuhay? Sino ang may sasakyan at maipagmamaneho ako kung saan-saan at magsusundo sa akin para hindi na ako maglalakad?” Palagi nilang pinagkakaabalahan ang mga gayong bagay. Mayroon bang mga gayong tao sa paligid ninyo? Ganito ba kayong uri ng tao? (Nasa pagkatao rin namin ang mga bagay na ito.) Kung gayon, kaya ba ninyong kontrolin ang mga ito? Ang pagtatamasa ng kaginhawaan ay hindi katulad ng walang hanggang kasakiman; dapat kinokontrol ito nang hindi ito nakakaapekto sa pagganap ng tungkulin. Ito ang pagkatao ng mga normal na tiwaling tao. Gayumpaman, ang mga anticristo ay hindi nagkokontrol; walang hanggan ang kasakiman nila at palagian silang mapang-angkin. Tungkol sa pagpapamalas na ito, mayroon pa ba kayong gustong idagdag? (Diyos, nakakita na ako ng isang anticristo noon. Noong panahong iyon, binilhan siya ng isang sister ng higit sa sampung down jacket, lahat ay mula sa kilalang tatak, at paisa-isa itong isinuot ng anticristong ito, nagpapalit ng bagong jacket sa tuwing lumalabas siya. Nang maglaon, naging lider siya, at ginamit niya ang mga handog sa Diyos para bumili ng isang sedan. May isang tao pang bumili ng magandang bahay para sa kanya upang doon siya patuluyin, at kapag namimili siya, ang sister na ito na nagpapatuloy sa kanya sa bahay ay mahigpit na nakasunod sa kanya. Kung magustuhan niya ang isang damit, ituturo lang niya ito, at magmamadali ang tagapagpatuloy na sister na bilhin ito para sa kanya. Kapag umuuwi siya sa bahay, tatawag siya sa pamilyang nagpapatira sa bahay nang maaga at sasabihing gusto niyang kumain ng mga dumpling. Kailangang eksakto sa oras ang pagpapakulo sa mga dumpling—hindi masyadong maaga, o lalamig ang mga ito, at hindi masyadong huli, o magugutom siya habang naghihintay pagdating niya sa bahay. Para siyang isang emperatris; napakamarangya ng pamumuhay niya. Kalaunan, pinatalsik ang anticristong ito.) Tingnan ninyo kung gaano kamangmang at kahangal ang mga taong ito, bumili sila ng bahay at sedan para sa isang anticristo! Naniniwala ang mga anticristo na dumarating ang mga tao sa mundong ito para tamasahin ang mga bagay, na kung hindi magtatamasa ng mga bagay na ito, walang saysay ang buhay nila. Ito ang kanilang prinsipyo at teorya. Tama ba ang teoryang ito? Pawang pananaw lang ito ng mga walang pananampalataya, mga halimaw, at mga patay na tao na walang espiritu. Ang mga tao na nananampalataya sa Diyos pero may mga gayong pananaw pa rin ay ganap na mga hindi mananampalataya at walang pananampalataya. Kapag nagkakaroon ng katayuan ang mga gayong tao, nagiging ganap silang mga anticristo, at kung walang katayuan, masasamang tao sila.

Ang palagiang pagsisinungaling, pagiging lihim na mapanira at malupit, walang pagpapahalaga sa dangal at walang kahihiyan, pagiging makasarili at ubod ng sama, pagkapit sa makapangyarihan at pang-aapi sa mahihina, at pagiging mas mapaghangad sa mga materyal na bagay kaysa sa normal na mga tao—tipikal ang mga katangiang ito ng karakter ng mga anticristo, labis na kumakatawan, at halatang-halata. Bagama’t maaaring makita ang ilan sa mga pagpapamalas na ito sa mga ordinaryong tao sa ilang antas, ang mga pagpapamalas nila ay simpleng tiwaling disposisyon o mga pagpapamalas ng hindi normal na pagkatao o ng kawalan ng pagkatao na lumilitaw mula sa pagtitiwali ni Satanas. Sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos, ang mga taong ito ay nagkakaroon ng kamalayan ng konsensiya at abilidad na bitiwan at maghimagsik laban sa mga bagay na ito, at magsisi. Hindi gumaganap ng pangunahing papel ang mga katangiang ito sa kanila, at hindi maaapektuhan ng mga ito ang paghahangad nila sa katotohanan o ang pagganap nila ng mga tungkulin. Tanging ang mga anticristo ang tumatangging tanggapin ang katotohanan gaano man karaming sermon ang marinig nila. Hindi magbabago ang mga pag-uugali at katangian na taglay ng kanilang pagkatao, at iyon ang dahilan kung bakit kinokondena sa sambahayan ng Diyos ang mga gayong tao at hindi kailanman maliligtas. Bakit hindi sila maliligtas? Hindi maliligtas ang mga taong may gayong karakter dahil tumatanggi silang tanggapin ang katotohanan, at dahil mapanlaban sila sa katotohanan, sa Diyos, at sa lahat ng positibong bagay. Wala sila ng mga kondisyon at ng pagkatao para sa kaligtasan, at dahil dito, nakatadhana ang mga taong ito na matiwalag at maipatapon sa impiyerno.

Disyembre 12, 2020