Ikaapat na Ekskorsus: Pagbubuod sa Karakter ng mga Anticristo at sa Kanilang Disposisyong Diwa (Unang Bahagi) Ikatlong Seksiyon
C. Walang Pagpapahalaga sa Dangal at Walang Kahihiyan
May kasimplehan sa normal na pagkatao, pero mga simpleng tao ba ang mga anticristo? Maliwanag na hindi. Taliwas sa kasimplehan ang pagiging lihim na mapanira, malupit, at ang palagiang pagsisinungaling na napagbahaginan natin. Madaling maunawaan ang kasimplehan, kaya hindi na natin ito pagbabahaginan. Pagbahaginan natin ang pagkakaroon ng pagpapahalaga sa dangal. Ang pagkakaroon ng pagpapahalaga sa dangal ay isang bagay na dapat mayroon sa normal na pagkatao; pagkakaroon ng katwiran ang ibig sabihin nito. Ano ang kabaligtaran ng pagkakaroon ng pagpapahalaga sa dangal? (Walang kahihiyan.) Ang kahulugan ng pagiging walang kahihiyan ay ang pagiging makapal ang mukha. Sa madaling salita, maaari itong ibuod bilang kawalan ng pagpapahalaga sa dangal. Anong mga kilos ang ginagawa ng mga anticristo, at ano ang mga partikular na pagpapamalas o pagsasagawa na nagpapakita na wala silang pagpapahalaga sa dangal at walang kahihiyan? Lantarang nakikipag-agawan ang mga anticristo sa Diyos para sa katayuan, na nagpapakita ng kawalan ng pagpapahalaga sa dangal at walang kahihiyan. Tanging ang mga anticristo ang nakakagawa na lantarang makipagtunggali sa Diyos para sa katayuan at sa Kanyang hinirang na mga tao. Gusto man o ayaw ng mga tao, nais ng mga anticristo na kontrolin ang mga ito. May kapabilidad man sila o wala, nais ng mga anticristo na magsikap para sa katayuan, at pagkatapos na makuha ito, nagiging palamunin sila ng iglesia, kumakain at umiinom mula sa hinirang na mga tao ng Diyos, hinahayaan ang hinirang na mga tao ng Diyos na tustusan sila nang wala silang ginagawang kahit ano. Hinding-hindi sila nagbibigay ng buhay para sa hinirang na mga tao ng Diyos, subalit nais nilang mapasailalim ang mga ito sa kanilang kapangyarihan, na himukin ang mga itong makinig, maglingkod, at magpakaalipin sa kanila, at nais nilang itatag ang sarili nilang posisyon sa puso ng mga tao. Kung nagsasabi ka ng maganda tungkol sa ibang tao, kung pinupuri mo ang dakilang kabaitan, biyaya, mga pagpapala, at pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos, hindi sila natutuwa at nasisiyahan. Gusto nilang purihin mo sila parati, na magkaroon sila ng puwang sa puso mo, na igalang at tingalain mo sila, at dapat wala itong ibang halo. Lahat ng ginagawa mo ay dapat para sa kanila at nang may pagsasaalang-alang sa kanila. Dapat mo silang unahin sa bawat pagkakataon, sa lahat ng iyong sinasabi at ginagawa, isinasaalang-alang ang kanilang mga iniisip at damdamin. Hindi ba’t kawalan ito ng pagpapahalaga sa dangal at walang kahihiyan? Hindi ba’t ganito kumilos ang mga anticristo? (Oo, ganito sila.) Ano pang ibang mga pagpapamalas ang mayroon? Ninanakaw at winawaldas nila ang mga handog, inaangkin nila ang mga handog sa Diyos. Wala rin itong pagpapahalaga sa dangal at walang kahihiyan—masyado itong halata!
Sa usapin ng pagnanakaw ng mga handog, may isang partikular na insidente na nangyari. May ilang kapatid na naghandog ng mga aytem na ipinaabot sa isang partikular na iglesia, at napansin ng taong nakatalagang mangalaga ng mga handog na may dalawang boteng walang tatak na nagsasabing para sa ang Itaas ang mga ito, at walang anumang partikular na tagubilin. Dahil hindi alam kung ano ang mga ito, itinabi niya ang mga ito nang walang pahintulot at hindi na ipinaabot sa ang Itaas. Nang maglaon, nang itanong Ko kung mayroon siya ng mga aytem na iyon, sinabi niyang may dalawa siyang bote. Itinanong Ko kung paano siya nagkaroon ng mga iyon na handa na, at ipinaliwanag niya ang sitwasyon, “Dahil dumating ang dalawang boteng ito nang walang tatak na nagsasaad kung ano ang mga ito o kung para sa ang Itaas ang mga ito, itinago namin ang mga ito rito. Kung may tatak ang mga ito na nagsasabing may silbi ito para sa amin, itatago at gagamitin namin ang mga ito. Kung maibebenta ang mga ito, ibebenta namin ang mga ito.” Ano sa palagay ninyo ang isyu rito? May ilang mahalagang bagay na ipinadala rito mula sa iba’t ibang lugar, may tagubilin ang ilan at marami ang walang tagubilin o tatak. Sa mga normal na kalagayan, kung gagamit kayo ng makatwirang pagsusuri, kanino dapat ibigay ang mga aytem na ito? (Dapat ibigay ang mga ito sa Diyos bilang mga handog.) Dapat ganito mag-isip ang mga taong may normal na katwiran. Gayumpaman, may nagsabing, “Walang tatak ang mga bagay na ito na nagsasabing para sa ang Itaas ang mga ito.” Ang ibig ipahiwatig ng taong iyon ay, “Hindi ito para sa iyo. Ano ang kinalaman ng mga ito sa iyo? Dahil hindi nakalagay na para sa iyo ito, may karapatan akong pangasiwaan ang mga ito. Hindi ko ibibigay sa iyo ang mga ito. Kung gusto kong ibenta ang mga ito, ibebenta ko ang mga ito. Kung gusto kong gamitin ang mga ito, gagamitin ko ang mga ito. Kung ayaw kong gamitin o ibenta ang mga ito, iiwan ko na lang ang mga ito roon at sasayangin ang mga ito!” Ito ang pananaw ng taong namamahala. Ano ang palagay mo sa pananaw na ito? Mayroon bang mga taong nagdadala ng mahahalagang aytem mula sa malayo patungo sa iglesia o ibinibigay ang mga ito sa mga indibidwal nang hindi tinutukoy kung para kanino ang mga ito? (Wala.) Sino ang magpapakita ng napakalaking pagmamahal upang magbigay ng mahahalagang aytem sa iglesia, sa sambahayan ng Diyos, o sa mga kapatid? Hanggang sa araw na ito, wala pa Akong nakitang may ganoong kalaking pagmamahal, o sinumang nagbibigay ng ganoong handog o kawanggawa. Kahit na para sa mga ordinaryo at di-mamahaling aytem, kailangan mong bayaran ang mga ito. Kaya, tungkol sa mahahalagang bagay na ito, mayroon bang sinumang basta-basta na lang ibinibigay ang mga ito nang libre? (Wala.) Kahit na hindi tinukoy ng mga taong nagpadala ng mga aytem na ito kung para kanino ang mga ito, dapat malaman ng mga tao kung sino ang dapat na tumanggap ng mga ito; isang pagkamakatwiran ito na dapat mayroon sa pagkatao. Paano dapat pangasiwaan ng taong namamahala ang usaping ito? Paano niya dapat pangasiwaan ang mga aytem na ito? Sa pinakamababa, dapat niyang itanong sa ang Itaas, “Gusto Mo ba ang mga aytem na ito? Kung hindi, paano namin ito dapat na pangasiwaan?” Sa dalawang tanong lang na ito, puwedeng nalutas na ang isyu; ipapakita ng dalawang tanong na ito na may normal na pagkamakatwiran ang karakter ng isang tao. Pero hindi man lang magawang itanong ng taong namamahala sa pangangalaga ng mga handog ang dalawang simpleng tanong na ito, ni hindi niya taglay ang pinakamahalagang pagkamakatwiran na dapat taglayin ng isang tao. Paano niya naisip na para sa iglesia ang mga aytem na ito? Nagdagdag pa siya ng isa pang pahayag; “Walang nakalagay na para sa ang Itaas ang mga ito.” Hindi ba’t problema ito? Ano ang ipinapahiwatig ng “Walang nakalagay na para sa ang Itaas ang mga ito”? Bakit niya idinagdag ang pahayag na ito? (Upang makahanap ng dahilan para sa basta-basta na lang niyang pagwawaldas ng mga handog sa Diyos.) Iyon nga mismo. Puwede bang taglayin ng isang taong gumagawa ng mga gayong bagay ang pagpapahalaga sa dangal sa pagkatao nila? Malinaw na hindi. Anong uri ng pagkatao ang taglay ng isang tao na walang ganitong karakter? Hindi ba’t kawalan ito ng pagpapahalaga sa dangal? Talaga bang hindi niya alam na handog ang mga ito? Alam niyang handog ang mga ito, pero dahil wala siyang pagpapahalaga sa dangal sa pagkatao niya, nakakapagsalita siya ng mga gayong salita na walang kahihiyan, at pagkatapos, nagagawa niyang natural at basta-basta na lang tamasahin, agawin, at waldasin ang mga handog, inaangkin niya ang mga ito. Tanging ang mga taong may pagkatao ng mga anticristo ang nagpapakita ng mga gayong pagpapamalas.
Walang konsensiya at katwiran ang mga anticristo; paano pa nga ba nila ipinapamalas na wala silang pagpapahalaga sa dangal at walang kahihiyan? Kapag gumagawa sila ng mali, hindi sila nakakaramdam ng pagsisisi, at hindi sila nakokonsensiya sa puso nila. Hindi sila nagbubulay kung paano itatama ang mga pagkakamali nila o kung paano magsisisi, at naniniwala pa nga sila na makatwiran ang mga ginawa nila. Kapag nahaharap sa pagpupungos o kapag tinatanggal sila, nararamdaman nilang naagrabyado sila. Walang tigil silang nakikipagtalo at gumagamit ng mga salitang mapanlinlang—kawalan ito ng pagpapahalaga sa dangal. Hindi sila gumagawa ng anumang tunay na gawain; sa bawat pagkakataon, sinesermonan nila ang iba at inililihis ang mga tao gamit ang mga walang kabuluhang teorya, na nagpapapaniwala sa iba na espirituwal sila at nakakaunawa sa katotohanan. Madalas din silang magyabang tungkol sa kung gaano karami ang kanilang nagawa at napagdusahan, sinasabing karapat-dapat nilang tamasahin ang biyaya ng Diyos at ang pagpapatuloy at pangangalaga ng mga kapatid, kaya parang natural na lang na nagiging palamunin sila ng iglesia, at nais din nilang kumain at uminom ng masasarap at magtamasa ng espesyal na pagtrato. Kawalan ito ng pagpapahalaga sa dangal at walang kahihiyan. Bukod pa rito, kahit malinaw na mahina ang kakayahan nila, na hindi nila nauunawaan ang katotohanan, at hindi nila mahanap ang mga prinsipyo ng pagsasagawa, at wala rin silang kapabilidad na gumawa ng anumang gawain, nagmamayabang sila na may kapabilidad at mahusay sila sa lahat ng bagay. Hindi ba’t kawalan ito ng kahihiyan? Kahit malinaw na wala silang alam, nagpapanggap silang alam nila ang lahat para pahalagahan at tingalain sila ng mga tao. Kapag may mga tao na may mga isyu pero hindi humihingi ng payo nila, at sa halip ay humihingi ng tulong sa iba, nagagalit, nagseselos, at naghihinanakit sila, naghahanap sila ng anumang posibleng paraan para pahirapan ang taong iyon. Hindi ba’t kawalan ito ng kahihiyan? Halatang madalas silang magsinungaling, na may iba’t iba silang tiwaling disposisyon, pero nagpapanggap sila na wala silang mga tiwaling disposisyon, na tinitingnan sila ng Diyos nang may pabor at minamahal sila ng Diyos; sa bawat pagkakataon, nagpapanggap silang napakahusay nila sa pagtitiis ng pagdurusa, na kaya nilang magpasakop, na kaya nilang tanggapin ang katotohanan at ang pagpupungos, na hindi sila takot sa mahirap na trabaho o sa pagpupuna, at na hindi sila kailanman nagrereklamo—pero sa realidad, puno sila ng hinanakit. Kahit na halata ang kawalan nila ng abilidad na magbahagi ng anumang pagkaunawa, o magtalakay ng anumang katotohanan nang malinaw, at wala silang patotoong batay sa karanasan, nagpapanggap at nagkukunwari sila, nagsasalita nang walang kabuluhan tungkol sa kaalaman nila sa sarili para isipin ng mga tao na espirituwal sila at maraming nauunawaan. Hindi ba’t kawalan ito ng kahihiyan? Malinaw na marami silang problema at masamang pagkatao, ginagawa nila ang kanilang tungkulin nang walang katapatan, at umaasa lang sila sa sarili nilang talino at katusuhan sa anumang trabahong kanilang ginagawa, hindi talaga nila hinahanap ang katotohanan, pero naniniwala pa rin silang nagbubuhat sila ng pasanin, na napakaespirituwal nila at may kakayahan sila, at nakakahigit sila sa karamihan ng tao. Hindi ba’t kawalan ito ng kahihiyan? Hindi ba’t mga pagpapamalas ito ng kawalan ng pagkatao ng mga anticristo? Hindi ba’t madalas silang nagbubunyag ng mga gayong bagay? Malinaw na wala silang pagkaunawa sa mga katotohanang prinsipyo, at kahit ano pa ang gawaing ginagawa nila, hindi nila mahanap ang mga prinsipyo ng pagsasagawa, pero ayaw nilang maghanap o makipagbahaginan; umaasa sila sa sarili nilang katusuhan, karanasan, at talino para matapos ang gawain. Gusto pa nga nilang maging lider, utusan ang iba, at gusto nilang sumunod sa kanila ang lahat, at naiinis at nagagalit sila kapag may hindi sumusunod sa kanila. Hindi ba’t kawalan ito ng kahihiyan? Dahil may mga ambisyon, kaloob, at kaunting katusuhan sila, gusto nila parating mamukod-tangi sa sambahayan ng Diyos, at gusto nilang ilagay sila ng sambahayan ng Diyos sa mahahalagang posisyon at linangin sila. Kung hindi sila nililinang, sumasama ang loob nila at naghihinanakit sila, nagrereklamo na hindi patas ang sambahayan ng Diyos, na hindi nito nakikilala ang mga tao na may talento, at walang mabuting tagapaghusga ng talento sa sambahayan ng Diyos na makakatuklas sa mga pambihira nilang abilidad. Kung hindi sila nililinang, ayaw nilang magsikap nang husto sa paggawa ng mga tungkulin nila, magtiis ng kahirapan, o magbayad ng halaga; sa halip, gusto lang nilang gamitin ang katusuhan nila para makaiwas sa gawain. Sa puso nila, umaasa silang may isang tao sa sambahayan ng Diyos na magpapahalaga at magtataas sa kanila, para mahigitan nila ang iba at maisakatuparan ang mga dakila nilang plano rito. Hindi ba’t mga ambisyon at pagnanais ang mga ito? Hindi ba’t kawalan ito ng kahihiyan? Hindi ba’t ito ang pinakakaraniwang pagpapamalas ng mga anticristo? Kung talagang mayroon kang mga abilidad, dapat mong hangarin ang katotohanan, ituon ang pansin sa paggawa ng mga tungkulin mo nang maayos, at natural na papahalagahan ka ng hinirang na mga tao ng Diyos. Kung wala kang taglay na katotohanan at gusto mo pa rin parating mamukod-tangi, masyado na iyang walang katwiran! Kung mayroon ka ring mga ambisyon at pagnanais, at palagi mong gustong gawin ang lahat-lahat, tiyak na babagsak ka. Dahil minsan nang nagkaroon ng partikular na katayuan at katanyagan sa lipunan, gusto ng ilang tao na gamitin ang kanilang impluwensiya, magkaroon ng huling salita, at gusto nilang sumunod sa kanilang mga utos ang lahat pagkatapos nilang manampalataya sa Diyos at pumasok sa Kanyang sambahayan. Gusto nilang ipakita ang kanilang mga kalipikasyon at kredensiyal, itinuturing nilang mas mababa kaysa sa kanila ang lahat at iniisip nilang dapat mapasailalim sa kapangyarihan nila ang lahat. Hindi ba’t kawalan ito ng kahihiyan? Oo. Kapag nagkakaroon ng ilang resulta at gumagawa ng ilang kontribusyon ang ilang tao habang ginagawa ang mga tungkulin nila sa sambahayan ng Diyos, gusto nila parati na tratuhin sila ng mga kapatid nang may malaking respeto, bilang nakatatanda, may matataas na ranggo, at espesyal na mga tao. Gusto pa nga nilang tingalain sila ng mga tao, sundin sila, at pakinggan sila. Nagnanais silang maging pangunahing tao sa iglesia; gusto nilang magpasya sa lahat ng bagay, magbigay ng paghusga at magkaroon ng huling salita sa lahat ng usapin. Kung walang makikinig o susunod sa sinasabi nila, gusto nilang iwanan ang kanilang gawain, at sirain at pagtawanan ang lahat ng ibang tao. Hindi ba’t kawalan ito ng kahihiyan? Bukod sa kawalan ng kahihiyan, partikular silang mapaminsala—anticristo ang mga ito.
Masyadong laganap ang pagpapamalas na ito ng kawalan ng kahihiyan sa karakter ng mga anticristo. Ipinapakita ito ng karamihan sa mga tao sa ilang antas, pero hindi lang may ganitong pagpapamalas ang mga anticristo, hindi rin nila kailanman kinikilala kung gaano kalala ang kalikasan nito, hindi rin sila nagsisisi, hindi nila sinusubukang alamin ito, o maghimagsik laban dito. Sa halip, itinuturing nilang natural ito, na nagpapakita ng kanilang pagtanggi na tanggapin ang katotohanan. Gaano man kawalang kahihiyan, kawalang katwiran, kakasuklam-suklam, at kakamuhi-muhi ang ugali nila, naniniwala pa rin silang likas at may katwiran ito. Iniisip nilang makatwiran ito, at nararapat silang mamuno dahil sa kanilang mga kaloob at abilidad, at na dapat nilang igiit ang kanilang senyoridad, at na dapat makinig sa kanila ang iba dahil sa mga kontribusyon nila, at hindi nila ito nakikita bilang isang bagay na walang kahihiyan. Hindi ba’t wala na silang pag-asa? Hindi ito normal na pagkatao; ito ang karakter ng mga anticristo. Maaaring magkaroon ng mga ganitong pagpapamalas at kaisipan ang mga ordinaryong tiwaling tao sa mas malaki o maliit na antas, at sa iba’t ibang antas ng kalubhaan, pero sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos, at sa pagtanggap at pag-unawa sa katotohanan, kinikilala nila na hindi dapat taglayin ng normal na pagkatao ang mga gayong bagay. Kinikilala rin nila na kapag lumitaw ang mga gayong ideya, kaisipan, plano, o di-makatwirang kahilingan, dapat silang maghimagsik laban sa mga ito, dapat nilang bitiwan, baligtarin ang mga ito, dapat silang matutong magsisi, dapat nilang tanggapin ang katotohanan, at dapat silang magsagawa ayon sa katotohanan. Ano ang pagkakaiba ng mga anticristo at ng mga ordinaryong tiwaling indibidwal? Ang pagkakaiba nila ay nasa katunayang hindi kailanman maniniwala ang mga anticristo na ang kanilang mga ideya, kaisipan, at pagnanais ay mali, kinokondena, at kinamumuhian ng Diyos, o na mga negatibong bagay na kay Satanas ang mga ito. Bilang resulta, hindi nila kailanman binibitawan ang mga kaisipan o paniniwalang ito. Sa halip, itinutuloy nila ang mga ito, hindi sila naghihimagsik laban sa mga ito, at tiyak na hindi nila tinatanggap ang tama at positibo, at hindi nila hinahayaang ito ang maging pagsasabuhay na dapat nilang gawin at ang mga prinsipyong dapat nilang sundin. Ito ang pagkakaiba ng mga anticristo at ng mga ordinaryong tiwaling indibidwal. Tingnan mo sa paligid: Sinumang ganito kawalang kahihiyan, pero hindi ito kailanman kinikilala o wala man lang kamalayan dito, ay isang tipikal na anticristo.
May isa pang tipikal na katangian ang mga anticristo na madaling makilatis ng mga tao: Wala silang kahihiyan. Tulad ng nasusulat sa Bibliya, “Pinatitigas ng masamang tao ang kanyang mukha” (Kawikaan 21:29)—ang mga anticristo lang ang tunay na masasamang tao. Walang kahihiyan ang mga anticristo; kahit gaano karami ang kanilang ginagawang walang kahihiyan, hindi sensitibo sa damdamin ng mga tao, at salungat sa katotohanan, hindi nila ito namamalayan, ni hindi nila ito kinikilala. Hindi nila tinatanggap ang tama o positibo at hindi nila binibitiwan ang mga mali nilang pananaw at pagsasagawa; sa halip, ipinagpapatuloy nila ang mga ito hanggang sa huli. Ganito ang mga anticristo. Nasa anong sitwasyon kayo? Kapag mayroon kayong mga ganitong hindi makatwirang kahilingan, mga walang kahihiyang kaisipan, at mga intensyon at ideyang kinasusuklaman ng Diyos, alam ba ninyo na kinamumuhian ito ng Diyos kaya nagagawa ninyong maghimagsik laban sa mga ito o bitiwan ang mga ito? O, pagkatapos marinig ang katotohanan, tumatanggi ba kayong bitawan ang mga ito, ipinagpapatuloy pa rin ba ang mga ito, at iniisip na tama kayo? (Kapag namamalayan ko ang mga ito, naiuugnay ko ang mga ito sa mga salita ng Diyos, at nararamdaman kong medyo kasuklam-suklam at walang kahihiyan ang mga kaisipang ito, at nagagawa kong manalangin at maghimagsik laban sa mga ito.) Hindi mga anticristo ang mga taong may kamalayang manalangin at maghimagsik laban sa mga ito; mga tipikal na anticristo ang mga hindi kailanman nananalangin o naghihimagsik laban sa mga ito, pero sumusunod sa sarili nilang mga kaisipan, sumasalungat sa Diyos sa puso nila, at tumatangging tanggapin ang katotohanan. Kahit gaano kawalang hiya ang mga ginawa nila, tumatanggi silang aminin o kilalanin ang mga ito. Hindi ba’t halata na ang mga ito ay mga taong hindi tumatanggap sa mga positibong bagay kundi nagmamahal sa mga negatibo at buktot na bagay? Hindi ba ninyo matukoy kung saang kategorya kayo nabibilang, o hindi ba kayo kailanman nagkaroon ng mga ganitong kaisipang walang kahihiyan? (Nagkaroon na ako ng mga ganitong kaisipan, at pagkatapos mamalayan ang mga ito, nagawa kong manalangin sa Diyos at maghimagsik laban sa mga ito. Minsan hindi ko namamalayan ang mga ito, kumilos at nagsalita ako nang hindi nararamdaman na walang kahihiyan ang mga ito, at napagtanto ko lang ito pagkatapos kong malantad, at saka ko nagawang manalangin at maghimagsik laban sa mga ito.) Kung hindi ninyo namamalayan na walang kahihiyan ang mga bagay na ito, hindi ito isyu; kung namamalayan ninyo ito pero hindi ninyo tinatanggap ang katotohanan o hindi kayo naghihimagsik laban sa sarili ninyo, malubhang problema ito. Kadalasan, manhid kayo, hindi ninyo ito naiuugnay sa mga salita ng Diyos, at hindi ninyo alam kung ano ang problema ninyo. Pero kung agad kayong nakararamdam ng pagkakonsensiya at pagsaway sa puso ninyo kapag namalayan ninyo ito, at labis kayong nahihiyang makita ang sinuman, at iniisip na ang inyong sarili ay kasuklam-suklam, mababa, at may mahinang integridad, at kaya kinamumuhian at kinakasuklaman ninyo ang sarili ninyo, pagkatapos ay pinagbubulayan ninyo kung paano babaguhin at bibitawan ang mga bagay na ito, isa itong normal na sitwasyon. Kung magagawa ninyong maghimagsik laban sa sarili ninyo kapag mamalayan na ninyo ito, mayroon kayong pag-asang maligtas. Kung namalayan na ninyo ito at hindi pa rin kayo naghimagsik laban sa sarili ninyo, wala kayong pag-asang maligtas. Ang kaligtasan ng isang tao ay nakasalalay sa kung kaya niyang tanggapin ang katotohanan. Puwedeng sabihin ng ilang tao, “Manhid ako at mapurol ang utak ko, at mahina ang kakayahan ko, pero hangga’t nauunawaan ko ang kaunting naririnig ko, kaya kong magsagawa ayon sa mga salita ng Diyos at maghimagsik laban sa sarili ko.” Maliligtas ang mga gayong tao. Gaano man kahusay ang kakayahan ng isang tao o gaano man karaming katotohanan ang nauunawaan niya, kung hindi siya maghihimagsik laban sa sarili niya, kung igigiit niyang hindi isagawa o tanggapin ang katotohanan, at labanan at salungatin ito sa puso niya, katapusan na nito—wala na talaga siyang pag-asa. Ang pagiging walang kahihiyan ay isang tipikal na katangian din ng karakter ng mga anticristo. Tingnan ninyo kung may mga gayong tao sa paligid ninyo, at pagkatapos ay suriin ang sarili ninyo para matukoy kung nabibilang kayo sa kategoryang ito—kung palagi ninyong nararamdamang perpekto at dakila kayo, kung palagi ninyong itinuturing ang sarili ninyo bilang isang tagapagligtas, kung palagi ninyong hangad na mailagay sa mas mataas na posisyon kaysa sa iba, kung palagi kayong sabik na ikompara ang sarili ninyo sa iba sa anumang grupo para makita kung gaano kayo kataas sa kanila, at nalalampasan man ninyo o hindi ang ibang tao sa huli, gusto ninyong namumukod-tangi, at gusto ninyong mataas ang pagtingin ng iba sa inyo, na mangibabaw kayo sa karamihan, at maging espesyal na miyembro sa grupo. Bakit ka naman naging espesyal? May mga sungay ka bang tumutubo sa ulo mo, o tatlong mata, o tatlong ulo at anim na braso? Walang espesyal sa iyo, kaya bakit palagi mong nararamdaman na nangingibabaw at natatangi ka? Pagiging walang kahihiyan ito. Sa isang banda, wala namang partikular na espesyal sa likas na pisikal mong abilidad, at sa kabilang banda, wala namang partikular na espesyal sa kakayahan mo. Ang mas mahalaga, ikaw, tulad ng lahat, ay puno ng mga tiwaling disposisyon, walang pag-unawa sa katotohanan, at kauri ni Satanas na lumalaban sa Diyos. Ano ang maipagmamalaki mo? Malinaw na wala kang maipagmamalaki. Ang kaunting kasanayan, abilidad, kaloob, at talentong taglay mo ay hindi na karapat-dapat na banggitin pa, dahil hindi kumakatawan ang mga ito sa normal na pagkatao at walang kaugnayan sa mga positibong bagay. Pero, iginigiit mong ibida ang mga bagay na hindi naman karapat-dapat na banggitin, itinuturing ang mga ito bilang sarili mong mga medalya ng dangal, ipinagmamalaki ang mga ito kahit saan bilang iyong kaluwalhatian at kapital, para makuha ang pagpapahalaga at paggalang ng mga tao, ginagamit mo pa ang mga ito bilang kapital para tustusan ka ng ibang tao, at matamasa mo ang pagpapahalaga at espesyal na pagtrato ng iba. Hindi ba’t kawalan ito ng kahihiyan? Ang mga hindi makatwirang kahilingan, kaisipan, intensyon, ideya, at iba pang mga gayong bagay na dulot ng hindi normal na pagkatao at katwiran ay pawang mga pagpapamalas ng pagiging walang kahihiyan. Kung nangingibabaw ang mga pagpapamalas ng pagiging walang kahihiyan sa pagkatao ng isang tao, at nagiging pangunahing katangian niya na pumipigil sa kanya na tanggapin at maunawaan ang katotohanan, isa itong tipikal na karakter ng mga anticristo.
Ginagastos ng ilang tao ang mga handog para ibili ang mga kapatid ng mga bagay na masasarap, matataas ang kalidad, at sunod sa mga uso, sinasabing ginagawa nila ito alang-alang sa mga kapatid, para makapamuhay ang mga ito nang masaya at walang alalahanin sa sambahayan ng Diyos, at pagkatapos ay maging mapagpasalamat sa pagmamahal ng Diyos. Ano ang palagay mo sa ideyang ito? Medyo makatao ba ito? (Hindi, hindi ito makatao. Itinuturing nila ang mga handog sa Diyos na parang sarili nilang pera, ginagastos nila ang mga ito ayon sa kagustuhan nila, sa halip na gamitin ang mga handog sa normal at makatwirang paraan nang ayon sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos.) Anong problema ng pagkatao ito? (Pagiging walang kahihiyan.) Nagiging tipikal na anticristo ang mga gayong indibidwal sa sandaling magkaroon sila ng katayuan. Ginagamit nila ang mga handog para makuha ang loob ng iba, sinasabi nilang, “Kulang sa damit ang mga kapatid at mahirap ang buhay nila. Marami silang mga paghihirap, at walang nagmamalasakit dito. Napansin ko ito, at ako na ang bahala rito. Para mapadali ang mga bagay para sa mga kapatid, para maramdaman nila ang init ng diyos, ang dakilang pagmamahal ng diyos, at ang biyaya ng diyos habang naninirahan sila sa kanyang sambahayan, kailangang gastusin ang pera ng sambahayan ng diyos para matugunan ang bawat aspekto ng buhay nila. Kaya, kailangan kong higit na pag-isipan ito, at maingat na isaalang-alang kung ano ang kulang o kailangan ng mga kapatid. Kailangang bumili ng mga insulated cup upang maging madali para sa mga kapatid na uminom ng tubig at para madala nila ito kapag lumalabas sila. Kailangan ding bumili ng mga upuan para sa mga kapatid: Dapat may malambot na sandalan ang mga upuan para hindi sumakit ang likod nila sa matagal na pag-upo. Dapat maging madali na umupo sa mga upuang ito, at dapat may tamang taas, anggulo, at lambot ang mga ito. Anuman ang presyo, hindi natin dapat tipirin ang mga kapatid, dahil sila ang mga haligi ng sambahayan ng diyos at ang kapital at pundasyon para sa pagpapalaganap ng gawain ng sambahayan ng diyos. Kaya naman, ang maayos na pag-aalaga sa mga kapatid ay nagpapabuti sa gawain ng sambahayan ng diyos.” Ang karamihan sa kapatid, sa pagkarinig nito, ay napapaiyak, labis silang nagpapasalamat at paulit-ulit nilang sinasabi na dakilang pagmamahal ito ng Diyos. Ang mga namamahala sa bagay na ito ay nakakaramdam ng init sa kalooban kapag naririnig nila ito, iniisip nila, “Sa wakas, may mga tao na nakakaunawa sa puso ko.” Ano ito? (Pagiging walang kahihiyan.) Paano naging kawalang kahihiyan ang pagbibigay ng mga gayong malaking benepisyo sa mga kapatid? Paninirang-puri ba ito? (Hindi, hindi ito paninirang-puri.) Ginagamit nila ang pera ng sambahayan ng Diyos para magpakita ng pagiging bukas-palad para makuha ang loob ng mga tao, at kunwaring nagpapakita ng pagsasaalang-alang at mapagmahal na malasakit sa mga kapatid. Ano ang totoo nilang pakay? Sa mas simpleng salita, ito ay para matamasa ang mga benepisyong ito kasama ang mga kapatid. Kung sasabihin nang mas mabigat, ito ay para makuha ang loob ng mga tao, para matiyak na palagi silang matatandaan ng mga tao, magkaroon sila ng puwang sa puso ng mga tao, at maalala kung gaano sila kabuti. Kung sarili nilang pera ang ginagastos nila, ganito rin ba nila tatratuhin ang mga kapatid? (Tiyak na hindi.) Mabubunyag ang tunay nilang mga kulay, at hindi nila tatratuhin nang ganito ang mga tao. Batay sa walang ingat nilang paggamit ng mga handog sa Diyos ayon sa kagustuhan nila, mga tao silang walang integridad at walang mga moral na pamantayan, ubod sila ng sama at walang hiya. Magagawa ba nilang tratuhin ang iba nang may tunay na kabaitan? Anong klaseng tao sila? (Mga anticristo sila na walang kahihiyan.) Mayroon ding pagiging lihim na mapanira at malupit sa ganitong kawalan ng kahihiyan na taglay at ipinapamalas ng mga anticristo sa pagkatao nila—gumagamit sila ng mga kasinungalingan para makamit ang mga personal nilang layon. Alin sa mga salitang lumalabas sa bibig nila ang totoo? Habang tila lubha silang mapagsaalang-alang sa mga tao, na talagang mahal nila ang mga ito, at talagang iniisip-isip nila ang mga ito, kapag walang nakakakita, nagkikimkim talaga sila ng mga mapaminsalang intensyon. Sila mismo ay walang ibinabayad na halaga; ginagastos nila ang mga handog, at sa huli, ang sambahayan ng Diyos ang nawawalan habang sila ang nakikinabang. Ganito ang ginagawa ng mga anticristo—hindi lang mga wala silang kahihiyan, mga lihim na mapanira at malupit din sila. Palagian silang nagsisinungaling, pinagsisinungalingan at nilalansi nila ang mga tao kahit saan sila pumunta, wala silang binibigkas ni isang totoong salita. Ito pa nga lang ay nakakasuklam na, pero ipinagmamalaki pa nila na sila ay mga totoong tao, mabait, mabuti sa iba, mapagmahal, may simpatiya, at hindi nila kayang maging matigas ang loob sa sinuman o maghiganti laban sa mga nang-aapi sa kanila. Ipinagmamalaki pa nila na perpekto sila at mga disenteng indibidwal, gustong magkaroon ng magandang imahe at magkaroon ng puwang sa puso ng mga tao. Hindi ba’t kawalan ito ng kahihiyan? Ito ang kalikasan ng mga anticristo; puno ng mga gayong bagay ang pagkatao nila.
Tungkol sa mga tao na nag-aamok sa paggawa ng masasamang bagay at walang kahihiyan, medyo kaya silang makilatis ng mga tao, pero hindi madaling makita na walang kahihiyan ang mga anticristo. Nakakita Ako ng isang espesyal na pagpapamalas ng isang anticristo na walang kahihiyan: Madalas siyang magpakita ng pagiging mapusok at mapangahas, palagian siyang nagsisinungaling, at sistematiko ang paraan niya ng pagsasalita, na maayos at organisado. Gayumpaman, pagdating sa pangangasiwa ng mga gampanin, hindi niya matapos ang sinimulan niya, nag-aamok siyang gumagawa ng masama, at wala siyang anumang prinsipyo. Pagkatapos ng ilang panahon ng paggawa ng mga tungkulin niya sa sambahayan ng Diyos, napasama ang lahat ng kanyang ginawa, at wala siyang nagawang maayos. Ang pinakakritikal na problema ay gusto pa rin niyang iligaw ang mga tao, mag-iwan ng magandang impresyon sa puso nila, at sa bawat pagkakataon ay nagtatanong siya kung ano ang iniisip ng iba tungkol sa kanya at kung tinitingala ba siya. Sa huli, nang naging malinaw na palagi siyang nagkakamali sa kanyang mga tungkulin at wala siyang nagagawang maayos, pinaalis siya ng sambahayan ng Diyos. Hindi lang siya nabigong kilalanin ang mga malinaw na pagpapamalas na ito, kundi ay nagpanggap pa siyang inosente noong pinaalis siya. Ano ang ibig sabihin ng pagpapanggap na inosente? Ibig sabihin nito, hindi niya kailanman inamin ang mga nakaraang masama niyang gawa—ang kanyang mga kasinungalingan, panlalansi, at ang panlilihis niya sa ibang tao, pati na ang paglikha niya ng isang nagsasariling kaharian at pagpapasailalim ng iglesia sa kontrol ng sarili niyang pamilya, ang pag-aamok sa paggawa ng masama at pagkilos nang walang mga prinsipyo, ang hindi niya kailanman paghahanap sa katotohanan, at maging ang paggawa ng kahit ano ayon sa kagustuhan niya, kasama ang iba pang masasamang gawa—at hindi niya kailanman nagawang kilalanin ang masasamang kilos niya kahit kaunti. Taliwas dito, naniwala siya na ginawa niya ang kanyang tungkulin sa sambahayan ng Diyos sa loob ng maraming taon, na nagdusa siya nang husto, nagbayad ng mataas na halaga, gumugol ng mahabang panahon, at naglaan ng napakaraming lakas, pero sa huli, umabot siya sa puntong nagkaroon siya ng masamang reputasyon at hinamak siya ng lahat, walang sinumang naawa o nakisimpatiya sa kanya, at walang sinumang nagtatanggol sa kanya. Hindi ba’t pagkukunwari ito na inosente siya? Anong uri ng pagkatao ang pagpapamalas na ito ng pagkukunwaring inosente? (Kawalan ng katwiran at pagiging walang kahihiyan.) Mismo. Itinuring niya ang mga bagay na ginawa niya at ang mga tungkuling dapat niyang gampanan bilang kanyang mga merito. Ganap niyang itinanggi ang anumang bagay na ginawa niya na hindi naaayon sa mga katotohanang prinsipyo o na nakakagulo o nakakagambala, at sa huli, nagkunwari siyang inosente. Pagiging walang kahihiyan ito, at isa siyang tipikal na anticristo. Nakatagpo na ba kayo ng mga gayong indibidwal? Anuman ang italaga mo sa kanila o anuman ang mga gampaning ibigay mo sa kanila, lagi silang naghahanap ng mga tagasuporta, nagtatayo ng nagsasariling kaharian, at pinipigilan ang iba na mangibabaw para sila ang umangat. Gusto nilang malampasan ang lahat, walang anumang matapat sa sinasabi nila sa sinuman, hindi matiyak ng mga nakikinig sa kanila kung alin sa mga pahayag nila ang totoo at alin ang huwad. Kapag pinaalis na sila sa huli, iniisip pa rin nila na partikular na inosente sila at umaasa silang may magtatanggol sa kanila. Sa tingin ba ninyo ay may magtatanggol sa kanila? (Wala.) Kung may magtatanggol sa kanila, malamang na ito ay ignorante sa mga katunayan, isang mangmang, isang taong nailihis nila, o isang indibidwal na kauri nila.