Ikaapat na Ekskorsus: Pagbubuod sa Karakter ng mga Anticristo at sa Kanilang Disposisyong Diwa (Unang Bahagi) Ikalawang Seksiyon
B. Lihim na Mapanira at Malupit
Maliban sa palagiang pagsisinungaling, ano pa ang ibang mga pagpapamalas ng mga anticristo? Kakatapos lang nating magbahaginan tungkol sa mahahalagang katangian ng kabaitan at sinseridad sa normal na pagkatao, at napakalinaw na ganap na wala sa mga anticristo ang mga katangiang ito. Tiyak na wala sa mga anticristo ang anumang likas na taglay ng normal na pagkatao; ang taglay lang nila ay mga bagay na salungat sa normal na pagkatao, mga negatibong bagay. Kaya, ano ang kabaligtaran ng kabaitan at sinseridad? (Pagiging lihim na mapanira at malupit.) Mismo, tumpak na tumpak ang sinabi mo—ito ay pagiging lihim na mapanira at malupit. Walang mga katangiang tulad ng kabaitan at sinseridad ang mga anticristo, at sa halip, taglay nila ang mga elemento ng pagiging lihim na mapanira at malupit, na kabaligtaran ng kabaitan at sinseridad. May kaugnayan ba ang pagiging lihim na mapanira at malupit sa palagiang pagsisinungaling na tinalakay natin kanina? (Mayroon.) Mayroong tiyak na ugnayan. Paano ipinapamalas ng mga anticristo ang pagiging lihim na mapanira at malupit nila? (Sa abilidad nilang mag-imbento ng mga kasinungalingan at idiin ang iba.) Ang pag-imbento ng kasinungalingan at pagdidiin sa iba ay kinasasangkutan ng palagiang pagsisinungaling at pagiging lihim na mapanira at malupit; mahigpit na magkaugnay ang dalawang katangiang ito. Halimbawa, kung gumawa sila ng kasamaan at ayaw nilang managot dito, lumilikha sila ng huwad na anyo, nagsisinungaling, at pinapaniwala nila ang mga tao na iba ang gumawa nito, hindi sila. Ipinapasa nila ang sisi sa iba, at ipinapapasan sa iba ang mga kahihinatnan. Hindi lang ito buktot at ubod ng sama, kundi higit pa itong lihim na mapanira at malupit. Ano ang iba pang pagpapamalas ng pagiging lihim na mapanira at malupit ng mga anticristo? (Kaya nilang pahirapan, atakihin, at gantihan ang mga tao.) Kalupitan ang magawang pahirapan ang mga tao. Sinuman ang maging banta sa kanilang katayuan, reputasyon, o katanyagan, o sinumang hindi nila pinapaboran, gagawin nila ang lahat para atakihin at gantihan ang mga ito. Minsan, puwede pa nilang gamitin ang iba para manakit ng mga tao—ito ay pagiging lihim na mapanira at malupit. Sa madaling salita, ang pariralang “lihim na mapanira at malupit” ay nagpapahiwatig na partikular na mapaminsala ang mga anticristo. Hindi batay sa konsensiya ang paraan nila ng pakikitungo at pakikisalamuha sa mga tao, at hindi sila magkakasundo na namumuhay nang may pagkakapantay-pantay kasama ang iba; sa halip, sa bawat pagkakataon ay sinusubukan nilang samantalahin, kontrolin, at manipulahin ang iba para sa sarili nilang gamit. Hindi normal o tuwiran ang paraan ng pakikitungo ng mga anticristo sa iba; sa halip, gumagamit sila ng ilang gawi at pamamaraan para ilihis ang mga tao, samantalahin sila, at gawin silang sandata nang di-halata nang hindi nila namamalayan. Sa pakikitungo ng mga anticristo sa sinuman, mukha man itong maganda o masama sa panlabas, walang kahit kaunting sinseridad dito. Lumalapit sila sa mga tao na sa tingin nila ay kapaki-pakinabang at dumidistansiya sila sa mga taong itinuturing nilang walang silbi, hindi sila pinapansin ng mga anticristo. Kahit sa mga indibidwal na medyo totoo o bulnerable, nag-iisip sila ng mga paraan para gumamit ng iba’t ibang gawi at pamamaraan para ilihis at bitagin ang mga tao, ginagawang kapaki-pakinabang ang mga ito para sa kanilang sarili. Pero kapag mahina, nahihirapan, o nangangailangan ng tulong ang mga tao, ang mga anticristo ay nagbubulag-bulagan at walang malasakit sa kanila. Hindi sila kailanman nagpapakita ng pagmamahal o nag-aalok ng tulong sa mga gayong tao; sa kabaligtaran, may hilig pa silang mang-api, manlihis, at mag-isip ng mga paraan para lalo pang samantalahin ang mga tao. Kung hindi masamantala ng mga anticristo ang mga tao, isinasantabi nila ang mga ito at hindi sila nagpapakita ng pagmamahal o simpatiya para sa mga ito—mayroon bang anumang bahid ng kabaitan dito? Hindi ba’t isa itong pagpapamalas ng pagiging mapaminsala? Ang pamamaraan at pilosopiya ng pakikisalamuha ng mga anticristo sa mga tao ay ang paggamit ng mga pakana at estratehiya para samantalahin at lansihin ang mga tao, para hindi sila makilatis ng mga tao, bagkus ay maging handa ang mga ito na magpaalipin sa mga anticristo at palaging sumunod sa kanilang kagustuhan. Puwede nilang apihin at pahirapan ang mga taong nakakakilatis sa kanila at hindi na nila masamantala. Puwede pa nilang kaswal na isisi ang kasalanan sa mga taong ito, na nagiging dahilan para talikuran ng mga kapatid ang mga ito, at pagkatapos ay pinapatalsik o pinapaalis ang mga ito ng mga anticristo. Sa madaling salita, lihim na mapanira at malupit ang mga anticristo, lubos na walang kabaitan at sinseridad. Hindi sila kailanman tunay na tumutulong sa iba, walang ipinapakitang simpatiya o pagmamahal kapag may mga taong nahaharap sa mga paghihirap. Sa mga pakikisalamuha nila, nagpapakana sila para sa sarili nilang benepisyo at kapakinabangan. Sinuman ang lumapit sa kanila o humingi ng tulong sa oras ng kagipitan, lagi silang nagkakalkula tungkol sa taong iyon, iniisip nila sa kanilang puso: “Kung tutulungan ko ang taong ito, ano ang mapapakinabangan ko sa hinaharap mula sa kanya? Matutulungan ba nila ako? Magagamit ko ba sila? Ano ba ang mapapala ko sa kanila?” Hindi ba’t makasarili at ubod ng sama na palagi silang nag-iisip tungkol sa mga bagay na ito? (Oo.) Sa mga halalan sa iglesia, anong mga pamamaraan ang gagamitin ng mga anticristo? (Mamaliitin nila ang iba at iaangat ang sarili nila, pinapabagsak ang mga mas magaling kaysa sa kanila.) Ang pagmamaliit sa iba at pag-aangat sa sarili ay pagiging lihim na mapanira at malupit din. Puwede ring gumamit ang mga anticristo ng maliliit na pabor para maakit ang mga tao at magmayabang tungkol sa mga kontribusyon nila para makakuha ng respeto at makasiguro ng mga boto. Ano pa? (Hindi nila kayang suriin ang mga kandidato nang patas at walang kinikilingan; ipinapasok nila ang sarili nilang pagkiling at ang sarili nilang pagtatangi.) Kasama rito ang pag-imbento ng mga kasinungalingan para siraan ang iba. Maraming partikular na pagpapamalas ng pagiging lihim na mapanira at malupit ng mga anticristo ang napagbahaginan na noon. Ang pagiging lihim na mapanira ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng napakaraming pagpapakana, at ang prinsipyo nila sa pag-asal, pakikitungo sa mundo, at paggawa ng anumang bagay ay nakaasa sa estratehiya—walang sinseridad, may pagiging huwad at panlalansi. Ang pagiging malupit ay tumutukoy sa pagiging malupit at kawalang-awa sa mga pamamaraan nila ng pagkilos, pagiging walang habag, walang damdamin ng tao, ipinapahamak ang iba, at handa silang maisakatuparan ang mga pakay nila kahit na may masaktan—ito ang pagiging malupit, at ito ay direktang salungat sa kabaitan ng tao. Kung ang isang tao ay may kabaitan sa pagkatao niya, kapag nahaharap sa mga ordinaryong usapin, magiging maluwag siya sa iba hangga’t maaari, at patatawarin niya ang mga tao. Ang isang taong ganito ay mapagparaya sa mga isyu at pagkakamali ng ibang tao, hindi siya maselan, at nagiging maunawain kapag kaya niya. Bukod dito, mahabagin siya at, kapag nakikita niya na nahihirapan ang iba, handa siyang tumulong, natutuwa siyang tumulong sa iba at itinuturing niya ang pagpapatibay sa iba bilang isang personal na responsabilidad—ito ay kabaitan. Mayroon bang ganitong katangian ang mga anticristo? (Wala.) Naniniwala sila, “Kung nahihirapan ka at tinulungan kita, may kapalit iyon. Kung bibigyan kita ng mga pakinabang, ano ang mapapala ko mula rito? Kung makikisimpatiya ako sa iyo, sino ang makikisimpatiya sa akin? Kung tutulungan kita, maaalala mo ba ang kabaitan ko? Kung hinihiling mong isakripisyo ko ang sarili ko para tulungan ka, nananaginip ka lang! Ano bang relasyon natin? Anong pakinabang ang maibibigay mo sa akin? Natulungan mo na ba ako dati? Sino ka ba? Karapat-dapat ka bang tulungan? Kung anak ka ng hari o anak ka ng mayamang tao, baka magdulot ng kaluwalhatian o pakinabang sa akin ang pagtulong sa iyo. Pero hindi ka naman ganoon. Bakit kita tutulungan? Ano ang makukuha kong mga pakinabang sa pagtulong sa iyo?” Ganito sila mag-isip kapag nakikita nila ang isang taong nahihirapan, mahina, o nangangailangan ng tulong. Pagiging mabait ba ito? Kapag nakakakita ang mga taong ito ng isang taong mahina ang kalagayan, hindi lamang nila pinagtatawanan at kinukutya ang mga ito, kundi nagtatantiya pa sila sa puso nila. Nakikita pa ito ng ilan bilang isang pagkakataong magpakitang-gilas o makuha ang loob ng taong iyon. Hindi pagiging mabait ang alinman sa mga ito. Madalas na sinasamantala ng mga anticristo ang mga gayong pagkakataon para magpakitang-gilas. Hindi sila kikilos maliban kung may pakinabang, maliban kung may pakay at motibasyon sila. Kung tutulong sila sa isang tao, gusto nilang maging kaalyado ito. Kung tutulong at makikisimpatiya sila sa dalawang tao, gusto nilang makakuha ng dalawang kaalyado, para makakuha sila ng dalawang kanang kamay. Kung hindi, hindi sila kikilos, at siguradong hindi sila magpapakita ng pagmamahal sa mga nangangailangan ng tulong.
Ang pangunahing pagpapamalas ng pagiging lihim na mapanira at malupit ng mga anticristo ay na may partikular na malinaw na pakay sa lahat ng kanilang ginagawa. Ang unang bagay na iniisip nila ay ang sarili nilang mga interes; at ang mga pamamaraan nila ay kasuklam-suklam, magaspang, karumal-dumal, mababang-uri, at kahina-hinala. Walang sinseridad sa paraan ng paggawa nila ng mga bagay-bagay, at sa paraan ng pagtrato nila sa mga tao at ang mga prinsipyong ipinantatrato nila sa mga ito. Ang paraan ng pakikitungo nila sa mga tao ay ang samantalahin at paglaruan ang mga ito, at kapag wala nang silbi ang mga tao sa kanila, ibinabasura nila ang mga ito. Kung may silbi ka sa kanila, nagkukunwari silang may malasakit sa iyo: “Kumusta ka na? Nagkaroon ka ba ng anumang paghihirap? Matutulungan kitang lutasin ang mga paghihirap mo. Sabihin mo sa akin kung mayroon kang anumang problema. Nandito ako para sa iyo. Napakasuwerte naman natin na may mabuti tayong samahan!” Tila napakamaasikaso nila. Pero kapag dumating ang araw na wala ka nang anumang silbi sa kanila, aabandonahin ka nila, itatapon ka nila sa isang tabi at babalewalain ka, na parang ni hindi ka nila kailanman nakilala. Kapag talagang nagkakaproblema ka at hinahanap mo sila para humingi ng tulong, biglang nagbabago ang kanilang ugali, hindi na ganoon kabait-pakinggan ang kanilang mga salita gaya noong una silang nangako sa iyo na tutulungan ka nila—at bakit ganito? Ito ay dahil wala ka nang silbi sa kanila. Dahil dito, hindi ka na nila pinapansin. At hindi lang iyon: Kapag nalaman nilang may mali kang nagawa o may nakita silang bagay na magagamit nila laban sa iyo, nagiging malamig at mapang-uyam sila sa iyo, at baka nga kondenahin ka pa nila. Anong palagay mo sa pamamaraang ito? Pagpapamalas ba ito ng kabaitan at sinseridad? Kapag nagpapamalas ang mga anticristo ng ganitong uri ng pagiging lihim na mapanira at malupit sa kanilang pakikitungo sa iba, may anumang bakas ba ng pagkatao rito? Mayroon ba silang katiting na sinseridad sa mga tao? Walang-wala. Lahat ng ginagawa nila ay para sa sarili nilang pakinabang, pride, at reputasyon, para mabigyan ang kanilang sarili ng katayuan at katanyagan sa ibang mga tao. Sa lahat ng nakikilala nila, kung masasamantala nila ang mga ito, gagawin nila. Ang mga hindi nila kayang samantalahin, minamata nila at hindi nila pinapansin; kahit na ikaw pa ang mismong lumapit sa kanila, hindi ka nila papansinin, at hindi ka man lang titingnan. Pero kapag dumating ang araw na kailangan ka na nila, biglang nagbabago ang kanilang pakikitungo sa iyo, at nagiging napakamaasikaso at napakamagiliw nila, na ikinalilito mo. Bakit nagbago ang pakikitungo nila sa iyo? (Dahil may silbi ka na sa kanila ngayon.) Tama iyon: Nang makita nilang may silbi ka, nagbabago ang kanilang pakikitungo. May mga gayong tao ba sa paligid ninyo? Kapag nakikisalamuha ang mga taong ito sa iba, hindi agad halatang may ginagawa silang halatang masama. Sa pang-araw-araw nilang mga ekspresyon, pananalita, at asal, tila wala ring anumang halatang isyu. Gayumpaman, kung pagmamasdan mong mabuti kung paano sila nakikisalamuha sa mga tao, lalo na kung paano sila nakikisalamuha sa pinakamalalapit sa kanila at mga pinakamamahal nila, kung makikita mo kung paano nila sinasamantala at kung paano nila tinatrato ang iba pagkatapos, kung gayon, sa pamamagitan nito ay makikita mo ang mga intensyon, saloobin, at pamamaraan ng mga anticristo sa mga pakikisalamuha nila sa iba. Lahat sila ay naghahanap lang ng pansariling kapakinabangan, namumuhay ayon sa pilosopiya ni Satanas, at walang anumang normal na pagkatao.
Nagtataglay ang mga anticristo sa pagkatao nila ng mga katangiang tulad ng pagiging lihim na mapanira at malupit. Puwede ba nilang makasundo ang mga taong matapat, mabait, at sinsero sa pakikitungo nila sa mga tao at mga bagay? Gusto ba nilang mapalapit sa mga gayong tao? (Hindi, hindi nila gusto.) Paano nila tinitingnan ang mga taong ito? Sinasabi nila, “Pawang malalaking hangal ang mga taong ito, at napakadirekta ng pananalita nila. Dapat kang mag-isip nang mabuti bago magsalita—bakit ka nagsasalita nang napakamatapat? Bakit palaging napakasimple ng pananalita mo?” Nakakaawang hangal ang mga taong ito para sa mga anticristo, at hinahamak sila ng mga anticristo. Kapag nakakakita ang mga taong ito ng isang taong mabait at pinapakitunguhan ang mga tao nang sinsero, taos-pusong tinutulungan ng mga taong ito ang taong iyon kapag nahihirapan at nangangailangan ng tulong, at umaasa ang mga taong ito sa ikabubuti ng taong iyon at nais nilang bigyan ng mga benepisyo, tulong, at pagpapatibay—ang tingin ng mga anticristo sa mga taong ito ay hangal at mangmang. Hindi naniniwala ang mga anticristo na ang mga positibong elementong ito ng pagkatao ay mabubuti o magagandang bagay na dapat taglayin ng mga tao. Sa halip, sa puso nila, nararamdaman nila ang pagkamuhi, pagkasuklam, at paghamak sa mga katangiang ito na mahalaga sa normal na pagkatao. Tinatawag nilang hangal ang matatapat na tao; ganoon din ang tawag nila sa mababait na tao, at lalo na sa mga sinserong tao. Ang mga nananampalataya sa Diyos nang may relatibong pagkamatapat, at gumagawa ng mga tungkulin nila nang may relatibong pagkamatapat, na may mabuting puso at hindi kailanman nananakit o namiminsala ng ibang tao, na nagmamahal at nakikisimpatiya sa iba, na kayang talikuran ang sarili nilang mga pakinabang at malampasan ang sarili nilang mga suliranin para tumulong sa iba, na nakakaramdam ng pasanin at pananagutan kapag nakikita ang mga mahina at nangangailangan ng tulong—nagkikimkim ng higit pang paghamak ang mga anticristo sa mga taong ito sa kaibuturan nila. Tungkol naman sa mga taong may medyo sinsero na pananalig sa Diyos, na mayroong may-takot-sa-Diyos na puso, na tumatanggap sa pagsisiyasat ng Diyos sa lahat ng bagay, na kayang gampanan ang mga tungkulin nila nang may sinseridad, katapatan, at pananagutan, at ang mga humaharap sa mga tungkulin nila nang may sinserong saloobin—hinahamak at kinamumuhian ng mga anticristo sa kaibuturan nila ang mga gayong indibidwal, halatang iniiwasan at nilalayuan nila ang mga ito sa panlabas. Sa mata ng mga anticristo, hindi talaga positibo ang lahat ng positibong elementong ito na mahalaga sa normal na pagkatao: Hindi karapat-dapat na purihin o iangat ang mga ito. Sa halip, naniniwala ang mga anticristo na kahanga-hanga ang sarili nilang mga pakana, estratehiya, panloob na pamamaraan ng pakikitungo sa mga tao, at kalupitan. Sa lahat ng oras, anuman ang ginagawa nila, pinag-iisipan at pinipino nila ang kanilang mga pamamaraan at pakana sa isipan nila. Hindi alintana ang laki ng usapin, naniniwala silang mahalaga at kinakailangang kumilos sa ganitong paraan; kung hindi, magdudulot ito ng mga kawalan at pinsala sa reputasyon nila. Dahil umiiral ang mga elementong ito sa pagkatao ng mga anticristo, kaya ba nilang tanggapin ang katotohanan? Maisasagawa ba nila ang katotohanan? Talagang hindi. Paano mo man bigyang-diin ang pagkamatapat, kabaitan, at iba pang positibong bagay, na hinihingi sa mga tao na taglayin ang mga aspektong ito at tratuhin ang mga tao, tratuhin ang mga tungkulin nila, at harapin ang iba’t ibang usapin ayon sa positibong pagkataong ito, sa kaibuturan ng puso ng mga anticristo, may pagtanggi, paghamak, at pagkamapanlaban sa mga bagay na ito. Bakit? Dahil ganap na wala ng mga gayong positibong bagay ang mga anticristo; ang taglay nila sa kanilang diwa ay isang katangian ng pagiging lihim na mapanira at malupit, na sa isang malademonyong kalikasan. Mayroon bang agwat sa pagitan ng katangiang ito at ng pagiging matapat, mabait, at sinsero, na gaya ng hinihingi ng Diyos? Hindi lang may agwat sa pagitan ng dalawa, kundi magkasalungat mismo ang mga ito—dalawang katangiang magkaibang-magkaiba ang kalikasan. Mayroon bang kahit alinman sa mga pagpapamalas at pagbubunyag ng pagiging lihim na mapanira at malupit ng mga anticristo na umaayon sa normal na pagkatao? Umaayon ba ito sa katotohanan? Tiyak na hindi; mga plano at pakana ni Satanas ang lahat ng ito. Ang kalikasang ipinapamalas sa mga plano at pakana ni Satanas ay mismong pagiging lihim na mapanira at malupit, mga elementong hindi dapat umiiral sa normal na pagkatao gaya ng hinihingi ng Diyos. Batay sa iba’t ibang pagpapamalas ng pagiging lihim na mapanira at malupit na napagbahaginan na, isaalang-alang kung may mga tao sa paligid ninyo na may gayong pagkatao. Ang mga anticristo, na may ganitong lihim na mapanira at malupit na katangian, ay tiyak na kayang kumilos. Ang mga kilos nila ay makikita, maririnig, at maaabot ng iba. Kung maaabot ang mga ito, dapat maramdaman ng mga tao ang mga ito at magawa nilang makilala at makilatis ang mga gayong indibidwal. Ang lihim na mapanira at malupit na karakter ng mga anticristo ay dapat na isang pangkaraniwan at halatang pagpapamalas. Hindi ito isang nakatagong ideya, kaisipan, o intensyon, kundi ang bunyag na pagkatao nila at ang mga pamamaraan, gawi, at estratehiya ng mga kilos nila. Dapat kayang mapansin ng mga tao ang aspektong ito.