Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Ang Tatlong Yugto ng Gawain | Sipi 36

Nobyembre 28, 2021

Halos kasabay ng simula ng Kapanahunan ng Kaharian, sinimulan ng Diyos na magbitaw ng Kanyang mga salita. Sa hinaharap, unti-unting matutupad ang mga salitang ito, at sa panahong iyan, lalago sa buhay ang tao. Higit na tunay, at higit na kailangan ang paggamit ng Diyos ng salita upang ibunyag ang tiwaling disposisyon ng tao, at wala Siyang ginagamit kundi ang salita upang gawin ang Kanyang gawain na magawang perpekto ang pananampalataya ng tao, sapagkat Kapanahunan ng Salita ngayon, at nangangailangan ito ng pananampalataya, kapasiyahan, at pakikipagtulungan ng tao. Paggamit ng Kanyang salita ang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao ng mga huling araw upang maglingkod at maglaan para sa tao. Magsisimulang matupad lamang ang mga iyon pagkaraang nakapangusap ng Kanyang mga salita ang Diyos na nagkatawang-tao. Sa panahon na Siya ay nangungusap, hindi natutupad ang Kanyang mga salita, sapagkat kapag nasa yugto Siya ng katawang-tao, hindi matutupad ang Kanyang mga salita. Ito ay upang mangyari na makita ng tao na katawang-tao at hindi Espiritu ang Diyos; upang sa gayon ay makita ng tao sa sarili niyang mga mata ang realidad ng Diyos. Sa araw na tapos na ang Kanyang gawain, kapag nasabi na ang lahat ng salita na dapat mawika Niya sa lupa, magsisimulang matupad ang Kanyang mga salita. Hindi ngayon ang kapanahunan ng katuparan ng mga salita ng Diyos, sapagkat hindi pa Siya natatapos magwika ng Kanyang mga salita. Kaya’t kapag nakita mo na nagwiwika pa rin ang Diyos ng Kanyang mga salita sa lupa, huwag hintayin ang katuparan ng Kanyang mga salita; kapag huminto na ang Diyos sa pagsasabi ng Kanyang mga salita, at kapag natapos na ang Kanyang gawain sa lupa, iyon na ang simula na matupad ang Kanyang mga salita. Sa mga salitang winiwika Niya sa lupa, sa isang pagtingin ay mayroon nang pagkakaloob ng buhay, at sa isa pang pagtingin ay may hula—ang hula ng mga bagay na darating, ng mga bagay na gagawin, at ng mga bagay na tutuparin pa lamang. May hula rin sa mga salita ni Jesus. Sa isang pagtingin, nagbigay Siya ng buhay, at sa isa pang pagtingin, nangusap Siya ng hula. Ngayon, walang sinasabi tungkol sa sabay na pagsasakatuparan ng mga salita at mga katunayan sapagkat may napakalaking pagkakaiba sa pagitan ng kayang makita ng tao ng sarili niyang mga mata at ng ginagawa ng Diyos. Masasabi lamang na sa sandaling natapos na ang gawain ng Diyos, matutupad ang Kanyang mga salita, at mangyayari ang mga katunayan pagkaraan ng mga salita. Sa mga huling araw, gumagampan ng ministeryo ng salita ang Diyos na nagkatawang-tao, at sa paggampan ng ministeryo ng salita, nangungusap lamang Siya ng mga salita, at hindi alintana ang ibang mga bagay. Sa sandaling magbago ang gawain ng Diyos, magsisimulang matupad ang Kanyang mga salita. Ngayon, unang ginagamit ang mga salita upang gawin kang perpekto; kapag natamo Niya ang kaluwalhatian sa buong sansinukob, tapos na ang Kanyang gawain—mangyayaring nasabi na—ang lahat ng salitang dapat masabi, at mangyayaring naging mga katunayan na ang lahat ng salita. Naparito sa lupa ang Diyos sa panahon ng mga huling araw upang gampanan ang ministeryo ng salita, upang mangyari na makilala Siya ng tao, at upang mangyari na makita ng tao kung ano Siya, at makita ang Kanyang karunungan at lahat ng Kanyang kamangha-manghang mga gawa mula sa Kanyang salita. Sa Kapanahunan ng Kaharian, pangunahing ginagamit ng Diyos ang salita upang lupigin ang lahat ng sangkatauhan. Sa hinaharap, darating ang Kanyang salita sa bawat relihiyon, sektor, bansa at denominasyon. Ginagamit ng Diyos ang salita upang manlupig, upang magawang makita ng lahat ng tao na nagtataglay ang Kanyang salita ng awtoridad at kapangyarihan—at kaya ngayon, hinaharap niyo lamang ang salita ng Diyos.

Iba ang mga salita na winika ng Diyos sa kapanahunang ito sa mga winika noong Kapanahunan ng Kautusan, at kaya, gayon din, naiiba ang mga iyon mula sa mga salita na winika noong Kapanahunan ng Biyaya. Sa Kapanahunan ng Biyaya, hindi ginawa ng Diyos ang gawain ng salita, kundi isinalarawan lamang ang pagpapapako sa krus upang tubusin ang buong sangkatauhan. Isinasalarawan lamang ng Biblia kung bakit kailangang ipako sa krus si Jesus, at ang mga pagdurusang dinanas Niya sa krus, at kung paanong dapat maipako sa krus ang tao para sa Diyos. Sa kapanahunang iyon, nakatuon sa pagpapapako sa krus ang lahat ng gawain na ginawa ng Diyos. Sa Kapanahunan ng Kaharian, nagwiwika ang Diyos na nagkatawang-tao ng mga salita upang lupigin ang lahat ng naniniwala sa Kanya. Ito ay “ang Salita na nagpapakita sa katawang-tao”; dumating ang Diyos sa panahon ng mga huling araw upang gawin ang gawaing ito, na ang ibig sabihin, naparito Siya upang tuparin ang aktwal na kabuluhan ng Salita na nagpapakita sa katawang-tao. Nagwiwika lamang Siya ng mga salita, at bihirang may pagdating ng mga katunayan. Ito ang pinakadiwa ng Salita na nagpapakita sa katawang-tao, at kapag nagwiwika ng Kanyang mga salita ang Diyos na nagkatawang-tao, ito ang pagpapakita ng Salita sa katawang-tao, at ang Salita na nagiging katawang-tao. “Nang pasimula siya ang Verbo, at ang Verbo ay sumasa Diyos, at ang Verbo ay Diyos, at nagkatawang-tao ang Verbo.” Ito (ang gawain ng pagpapakita ng Salita sa katawang-tao) ay ang gawain na tutuparin ng Diyos sa mga huling araw, at ang huling kabanata ng Kanyang buong plano ng pamamahala, at naparito nga ang Diyos sa lupa at naghayag ng Kanyang mga salita sa katawang-tao. Yaong ginagawa ngayon, yaong gagawin sa hinaharap, yaong tutuparin ng Diyos, ang huling hantungan ng tao, yaong mga maliligtas, yaong mga mawawasak, at iba pa—maliwanag nang nakasaad ang lahat ng gawaing ito na dapat makamit sa katapusan, at ang lahat ay upang tuparin ang aktwal na kabuluhan ng Salita na nagpapakita sa katawang-tao. Ang mga atas administratibo at saligang-batas na dati nang nailabas, yaong mga mawawasak, yaong mga mamamahinga—dapat na matupad ang lahat ng salitang ito. Ito ang gawaing pangunahing natupad ng Diyos na nagkatawang-tao sa panahon ng mga huling araw. Pinangyayari Niya ang mga tao na maunawaan kung saan nabibilang yaong mga itinadhana ng Diyos at kung saan nabibilang yaong mga hindi itinadhana ng Diyos, kung paano mapapagbukud-bukod ang Kanyang mga tao at mga anak, ano ang mangyayari sa Israel, ano ang mangyayari sa Egipto—sa hinaharap, matutupad ang bawat isa sa mga salitang ito. Bumibilis ang mga hakbang ng gawain ng Diyos. Ginagamit ng Diyos ang salita bilang paraan upang ihayag sa tao kung ano ang gagawin sa bawat kapanahunan, kung ano ang gagawin sa mga huling araw ng Diyos na nagkatawang-tao, at ang ministeryo na Kanyang gagampanan, at lahat ng salitang ito ay upang isakatuparan ang aktuwal na kabuluhan ng pagpapakita ng Salita sa katawang-tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Lahat ay Nakakamit sa Pamamagitan ng Salita ng Diyos

Tingnan ang iba pa

Madalas nang mangyari ngayon ang mga sakuna. Paano natin masasalubong ang Panginoon at paano tayo maililigtas ng Diyos bago ang malalaking sakuna? Magkasama tayong magsiyasat upang mahanap ang landas.

I-share

Kanselahin

Kontakin Kami Gamit ang Messnger