Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Diyos | Sipi 169

Oktubre 27, 2021

Nilikha ng Diyos ang lahat ng umiiral, at Siya ang kataas-taasan sa lahat ng umiiral; Siya ang namamahala sa lahat ng ito at Siya ang naglalaan para sa lahat ng ito, at sa loob ng lahat ng bagay, nakikita at sinisiyasat Niya ang bawa’t salita at kilos ng lahat ng umiiral. Gayon din, nakikita at sinisiyasat din ng Diyos ang bawa’t sulok ng buhay ng tao. Kaya, alam na alam ng Diyos ang bawa’t detalye ng lahat ng umiiral sa Kanyang nilikha, mula sa tungkulin ng bawa’t bagay, kalikasan nito, at mga patakaran nito para mabuhay hanggang sa kabuluhan ng buhay nito at kahalagahan ng pag-iral nito, lahat ng ito ay lubos na nalalaman ng Diyos. Nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay—iniisip ba ninyo na kailangan Niyang pag-aralan ang mga patakaran na namumuno sa kanila? Kailangan bang pag-aralan ng Diyos ang kaalaman ng tao o agham upang matutuhan at maintindihan sila? (Hindi.) Mayroon bang sinuman sa sangkatauhan na mayroong kaalaman at dunong upang maintindihan ang lahat ng bagay na tulad ng Diyos? Wala, tama ba? Mayroon bang mga astronomo o mga biyologo na totoong nauunawaan ang mga patakaran kung saan nabubuhay at lumalago ang lahat ng bagay? Kaya ba nilang tunay na maunawaan ang halaga ng pag-iral ng bawa’t bagay? (Hindi, hindi nila kaya.) Ito ay dahil ang lahat ng bagay ay nilikha ng Diyos, at gaano man karami o kalalim ang pag-aaral ng tao sa kaalamang ito, o gaano man katagal nilang pagsikapan na matutunan ito, hindi nila kailanman maaarok ang misteryo o ang layunin ng paglikha ng Diyos sa lahat ng bagay. Hindi ba iyon ang totoo? Ngayon, sa ating pagtalakay hanggang sa puntong ito, nararamdaman ba ninyo na kayo ay nagkamit ng bahagyang pagkaunawa sa tunay na kahulugan ng kasabihang: “Ang Diyos ang Pinagmumulan ng Buhay para sa Lahat ng Bagay”? (Oo.) Alam Ko na kapag tinalakay Ko ang paksang ito—Ang Diyos ang Pinagmumulan ng Buhay para sa Lahat ng Bagay—maraming tao ang kaagad na mag-iisip ng ibang kasabihan: “Ang Diyos ay katotohanan, at ginagamit ng Diyos ang Kanyang salita upang maglaan para sa atin,” at walang anuman maliban sa gayong antas ng kahulugan ng paksa. Mararamdaman pa nga ng iba na ang paglalaan ng Diyos ng buhay ng tao, ng pang-araw-araw na pagkain at inumin at bawa’t pang-araw-araw na mga pangangailangan ay hindi kabilang sa Kanyang paglalaan para sa tao. Hindi ba’t may ilan na ganito ang nararamdaman? Gayunman, hindi ba malinaw ang layunin ng Diyos sa Kanyang paglikha—upang tulutan ang sangkatauhan na umiral at mamuhay nang normal? Pinananatili ng Diyos ang kapaligiran kung saan naninirahan ang mga tao at inilalaan Niya ang lahat ng bagay na kinakailangan ng sangkatauhan para sila ay mabuhay. Bukod dito, Siya ang namamahala at may hawak ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Ang lahat ng ito ay nagpapahintulot sa sangkatauhan na mabuhay at umunlad at magparami nang normal; sa ganitong paraan naglalaan ang Diyos para sa lahat ng nilikha at para sa sangkatauhan. Hindi ba totoo na kailangang makilala at maintindihan ng mga tao ang mga bagay na ito? Marahil maaaring sabihin ng ilan, “Ang paksang ito ay masyadong malayo mula sa aming kaalaman sa tunay na Diyos Mismo, at ayaw naming malaman ito sapagka’t hindi kami nabubuhay sa tinapay lamang, nguni’t sa halip ay nabubuhay sa salita ng Diyos.” Tama ba ang pagkaunawang ito? (Hindi.) Bakit hindi ito tama? Magkakaroon ba kayo ng lubos na pagkaunawa sa Diyos kung ang alam lang ninyo ay ang mga bagay na sinalita ng Diyos? Kung ang tinatanggap lamang ninyo ay ang gawain ng Diyos at tinatanggap ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, magkakaroon ba kayo ng ganap na pagkaunawa sa Diyos? Kung ang alam lang ninyo ay maliit na bahagi ng disposisyon ng Diyos, maliit na bahagi ng awtoridad ng Diyos, maituturing mo ba iyong sapat na upang matamo ang pagkaunawa sa Diyos? (Hindi.) Ang mga pagkilos ng Diyos ay nagsimula sa Kanyang paglikha sa lahat ng bagay, at nagpapatuloy ang mga ito ngayon—ang Kanyang mga pagkilos ay malinaw sa lahat ng oras, sa bawa’t saglit. Kung ang isang tao ay naniniwala na ang Diyos ay umiiral lamang dahil sa pumili Siya ng isang grupo ng mga tao upang gampanan ang Kanyang gawain at upang iligtas, at na wala nang iba pa ang may kinalaman sa Diyos, ni ang Kanyang awtoridad, ang Kanyang katayuan, ni ang Kanyang mga pagkilos, maituturing ba siya na may tunay na kaalaman sa Diyos? Ang mga tao na may ganitong tinatawag na “kaalaman sa Diyos” ay may pinapanigang pagkaunawa lamang, na ayon dito ay kanilang hinahangganan ang mga gawa ng Diyos sa isang grupo ng mga tao lamang. Ito ba ay tunay na kaalaman sa Diyos? Hindi ba’t itinatatwa ng mga tao na may ganitong uri ng kaalaman ang paglikha ng Diyos sa lahat ng bagay at ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan sa kanila? Hindi ito nais pagtuunan ng pansin ng ilang tao, sa halip ay iniisip sa kanilang mga sarili: “Hindi ko pa nakikita ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay. Ang ideyang ito ay masyadong kakaiba, at wala akong pakialam na unawain ito. Ginagawa ng Diyos ang maibigan Niya, at wala itong kinalaman sa akin. Tinatanggap ko lamang ang pamumuno ng Diyos at ang Kanyang salita upang ako ay maligtas at magawang perpekto ng Diyos. Wala nang iba pang mahalaga sa akin. Ang mga patakaran na ginawa ng Diyos nang Kanyang likhain ang lahat ng bagay at ang Kanyang ginagawa upang maglaan para sa lahat ng bagay at sa sangkatauhan ay walang kinalaman sa akin.” Anong klaseng pananalita ito? Hindi ba ito isang paghihimagsik? Mayroon bang sinuman sa inyo na mayroong ganitong pagkaunawa? Alam Ko, kahit na hindi ninyo sabihin, na maraming-marami sa inyo ang may ganitong pagkaunawa. Alinsunod sa libro’y tinitingnan ng mga ganitong uri ng tao ang lahat ng bagay mula sa kanilang sariling “espirituwal” na pananaw. Gusto nilang limitahan lamang ang Diyos sa Biblia, limitahan ang Diyos sa pamamagitan ng mga salitang Kanyang nasabi na, sa katuturang mula sa literal na nakasulat na salita. Ayaw nilang mas makilala ang Diyos at ayaw nilang hatiin ng Diyos ang Kanyang atensyon sa paggawa ng ibang bagay. Ang ganitong uri ng pag-iisip ay parang bata, at masyado rin itong relihiyoso. Makikilala ba ng mga taong may ganitong mga pananaw ang Diyos? Magiging napakahirap para sa kanila na makilala ang Diyos. Sa araw na ito ay naglahad Ako ng dalawang kuwento, ang bawa’t isa ay tumatalakay sa magkaibang aspeto. Maaaring madama ninyo, na ngayon lamang nakatagpo ang mga ito, na ang mga ito ay malalim o medyo malabo, mahirap maintindihan at maunawaan. Maaaring mahirap iugnay ang mga ito sa mga pagkilos ng Diyos at sa Diyos Mismo. Gayunpaman, ang lahat ng pagkilos ng Diyos at lahat ng Kanyang nagawa na sa loob ng paglikha at sa sangkatauhan ay dapat na malaman, nang malinaw at tumpak, ng bawa’t tao, ng bawa’t isa na naghahangad na makilala ang Diyos. Ang kaalamang ito ay magbibigay sa iyo ng katiyakan sa iyong paniniwala sa tunay na pag-iral ng Diyos. Bibigyan ka rin nito ng tumpak na kaalaman sa karunungan ng Diyos, Kanyang kapangyarihan, at kung paano Siya naglalaan para sa lahat ng bagay. Magbibigay-daan ito sa iyo upang malinaw na maintindihan ang tunay na pag-iral ng Diyos at makita na ang Kanyang pag-iral ay hindi kathang-isip, hindi isang alamat, hindi malabo, hindi isang teorya, at tiyak na hindi isang uri ng espirituwal na kaaliwan, kundi isang tunay na pag-iral. Bukod dito, tutulutan nito ang mga tao na malaman na palagi nang naglalaan ang Diyos para sa lahat ng nilikha at para sa sangkatauhan; ginagawa ito ng Diyos sa Kanyang sariling pamamaraan at alinsunod sa Kanyang sariling kumpas. Kaya, dahil sa nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay at binigyan ng mga patakaran ay nakakaya ng bawa’t isa sa kanila, sa ilalim ng Kanyang pagtatalaga, na magampanan ang mga gawaing itinakda sa kanila, matupad ang kanilang mga responsibilidad, at magampanan ang kanilang mga papel; sa ilalim ng Kanyang pagtatalaga, bawa’t isang bagay ay may sariling pakinabang sa sangkatauhan at sa lugar at kapaligirang pinaninirahan ng sangkatauhan. Kung hindi iyon ginawa ng Diyos at ang sangkatauhan ay walang ganoong kapaligiran upang panirahan, ang paniniwala sa Diyos o ang pagsunod sa Kanya ay magiging imposible para sa sangkatauhan; ito ay magiging pananalitang walang saysay lamang. Hindi ba ganoon?

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VII

Tingnan ang iba pa

Madalas nang mangyari ngayon ang mga sakuna. Paano natin masasalubong ang Panginoon at paano tayo maililigtas ng Diyos bago ang malalaking sakuna? Magkasama tayong magsiyasat upang mahanap ang landas.

I-share

Kanselahin

Kontakin Kami Gamit ang Messnger