Araw-araw na mga Salita ng Diyos | "Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II" | Sipi 112

Araw-araw na mga Salita ng Diyos | "Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II" | Sipi 112

0 |Marso 7, 2021

Umabot ang Babala ng Diyos na si Jehova sa mga Taga-Ninive

Magpatuloy tayo sa ikalawang talata, ang ikatlong kabanata ng Aklat ni Jonas: “At pumasok si Jonas sa bayan na may isang araw na gumagala, at siya’y sumigaw, at nagsasabi, Apat na pung araw pa at ang Ninive ay mawawasak.” Ito ang mga salita na direktang ipinasasabi ng Diyos kay Jonas para sa mga taga-Ninive. Siyempre, ito rin ang mga salita na nais sabihin ni Jehova sa mga taga-Ninive. Sinasabi sa mga tao ng mga salitang ito na nagsimulang kasuklaman at kamuhian ng Diyos ang mga mamamayan ng lungsod dahil ang kanilang kasamaan ay nakarating na sa paningin ng Diyos, kaya ninais Niyang wasakin ang lungsod na ito. Gayunman, bago wasakin ng Diyos ang lungsod, ipaaalam muna Niya ito sa mga taga-Ninive, at kasabay niyan ay bibigyan Niya sila ng pagkakataon na magsisi sa kanilang kasamaan at magsimula ng panibago. Magtatagal lamang ng apatnapung araw ang pagkakataon na ito. Sa madaling salita, kapag hindi nagsisi ang mga tao sa loob ng lungsod, aminin ang kanilang mga kasalanan o magpakumbaba sa harap ng Diyos na si Jehova sa loob ng apatnapung araw, wawasakin ng Diyos ang lungsod tulad ng ginawa Niya sa Sodoma. Ito ang nais sabihin ng Diyos na si Jehova sa mga taga-Ninive. Malinaw na hindi ito simpleng pahayag. Hindi lamang nito ipinapahiwatig ang galit ng Diyos na si Jehova, ipinapahiwatig din nito ang Kanyang damdamin sa mga taga-Ninive; at gayun din, nagsisilbi rin ang simpleng pahayag na ito bilang taimtim na babala sa mga taong naninirahan sa loob ng lungsod. Ang babalang ito ang magsasabi sa kanila na ang kanilang masasamang gawa ay nagdulot ng pagkapoot ng Diyos na si Jehova, at magsasabi sa kanila na ang kanilang masasamang gawain ang magdadala sa kanila sa bingit ng kanilang sariling pagkalipol; kaya ang buhay ng bawat isa sa Ninive ay nasa nalalapit na kapahamakan.

Ang Payak na Pagkakaiba ng Reaksyon ng Ninive at Sodoma sa Babala ng Diyos na si Jehova

Ano ang ibig sabihin ng mapabagsak? Sa pangkaraniwang termino, ang ibig sabihin nito ay paglaho. Ngunit sa anong paraan? Sino ang makapagpapabagsak sa isang buong lungsod? Siyempre, imposibleng magawa ng isang tao ang gayong gawain. Hindi mga hangal ang mga taong ito; sa sandaling narinig nila ang pahayag na ito, nakuha na nila ang ideya. Alam nila na mula ito sa Diyos; alam nila na isasagawa ng Diyos ang Kanyang gawain; alam nila na ang kanilang kasamaan ang nagpasiklab sa poot ng Diyos na si Jehova at nagdala ng Kanyang galit sa kanila, kaya sila ay malapit nang puksain kasama ng kanilang lungsod. Paano kumilos ang mga mamamayan ng lungsod matapos nilang marinig ang babala ng Diyos na si Jehova? Inilarawan ng Biblia ang malinaw na detalye kung paano tumugon ang mga tao, mula sa kanilang hari hanggang sa pangkaraniwang tao. Batay sa tala ng Kasulatan: “At ang bayan ng Ninive ay sumampalataya sa Dios; at sila’y nangaghayag ng ayuno, at nangagsuot ng kayong magaspang, mula sa kadakidakilaan sa kanila hanggang sa kaliitliitan sa kanila. At ang mga balita ay dumating sa hari sa Ninive, at siya’y tumindig sa kaniyang luklukan, at hinubad niya ang kaniyang balabal, at nagbalot siya ng kayong magaspang, at naupo sa mga abo. At kaniyang inihayag at itinanyag sa buong Ninive sa pasiya ng hari at ng kaniyang mga mahal na tao, na sinasabi, Huwag lumasa maging tao ni hayop man, bakahan ni kawan man, ng anomang bagay: huwag silang magsikain, ni magsiinom man ng tubig; Kundi mangagbalot sila ng kayong magaspang, ang tao at gayon din ang hayop, at magsidaing silang mainam sa Dios: oo, talikdan ng bawa’t isa ang kaniyang masamang lakad, at ang pangdadahas na nasa kanilang mga kamay. …”

Matapos marinig ang pahayag ng Diyos na si Jehova, ang mga mamamayan ng Ninive ay nagpakita ng pag-uugali na lubos na kabaliktaran ng mga tao sa Sodoma—ang mga mamamayan ng Sodoma ay hayagang kinalaban ang Diyos, nagpapatuloy mula sa kasamaan hanggang sa kasamaan, ngunit matapos marinig ang mga salitang ito, hindi binalewala ng mga taga-Ninive ang bagay na ito, ni tinanggihan man; sa halip, naniwala sila sa Diyos at nagpahayag ng pag-aayuno. Ano ang tinutukoy ng “naniwala” dito? Ang salitang ito ay nagpapahiwatig ng pananampalataya at pagpapasakop. Kung gagamitin natin ang mismong ginawa ng mga taga-Ninive upang ipaliwanag ang salitang ito, nangangahulugan ito na naniwala sila na gagawin at kayang gawin ng Diyos ang Kanyang sinabi, at nakahanda silang magsisi. Ang mga taga-Ninive ba ay nakadama ng takot sa harap ng nalalapit na panganib? Ang kanilang paniniwala ang nagdulot ng takot sa kanilang mga puso. Pero ano ang magagamit natin upang patunayan ang paniniwala at takot ng mga taga-Ninive? Tulad ng sinasabi sa Biblia: “at sila’y nangaghayag ng ayuno, at nangagsuot ng kayong magaspang, mula sa kadakidakilaan sa kanila hanggang sa kaliitliitan sa kanila.” Ito ang magsasabi na ang mga taga-Ninive ay tunay na naniwala, at nagdulot ng takot ang paniniwalang ito, na humantong sa pag-aayuno at pagsusuot ng sako. Ganito nila ipinakita ang simula ng kanilang pagsisisi. Sa lubos na kabaliktaran sa mga taga-Sodoma, hindi lamang sa hindi nilabanan ng mga taga-Ninive ang Diyos, malinaw din nilang ipinakita ang kanilang pagsisisi sa pamamagitan ng kanilang pag-uugali at mga pagkilos. At siyempre, hindi lamang ito para sa mga karaniwang mamamayan ng Ninive; maging ang kanilang hari ay hindi natatangi.

Ang Pagsisisi ng Hari ng Ninive ang Pumukaw sa Papuri ng Diyos na si Jehova

Nang marinig ng hari ng Ninive ang balitang ito, tumayo siya mula sa kanyang trono, hinubad ang kanyang balabal, nagdamit ng sako at umupo sa abo. Pagkatapos ay kanyang ipinahayag na wala kahit isa ang papayagang tumikim ng pagkain, at walang mga hayop, mga tupa at baka ang kakain o iinom ng tubig. Pareho na ang tao at ang hayop ay magdadamit ng sako; lahat ng mamamayan ay magmamakaawa sa Diyos. Ipinahayag din ng hari na bawat isa sa kanila ay tatalikod na sa kanilang masasamang gawain at tatalikdan ang karahasan ng kanilang mga kamay. Sa paghatol sa sunod-sunod na mga gawaing ito, ipinakita ng hari ng Ninive ang kanyang taos-pusong pagsisisi. Ang sunod-sunod na mga pagkilos na kanyang ginawa—pagtayo mula sa kanyang trono, paghubad sa kanyang balabal ng pagiging hari, pagdamit ng sako at pag-upo sa abo—ang nagpahayag sa mga tao na isinantabi ng hari ng Ninive ang kanyang kalagayan bilang hari at nagdamit ng sako kasama ang mga pangkaraniwang mamamayan. Masasabi natin na ang hari ng Ninive ay hindi nanatili sa kanyang pagiging hari para ipagpatuloy ang kanyang masamang gawa, o ang karahasan sa kanyang mga kamay matapos marinig ang balita mula sa Diyos na si Jehova; sa halip, isinantabi niya ang awtoridad na kanyang hawak at nagsisi sa harap ng Diyos na si Jehova. Sa pagkakataong ito, hindi nagsisisi ang hari ng Ninive bilang hari; humarap siya sa Diyos upang magkumpisal at magsisi sa kanyang mga kasalanan bilang isang pangkaraniwang nilalang ng Diyos. Bukod pa dito, sinabihan din niya ang buong lungsod na magkumpisal at magsisi sa kanilang mga kasalanan sa harap ng Diyos na si Jehova tulad ng ginawa niya; dagdag pa dito, may tiyak siyang plano kung paano isasagawa ito, tulad ng makikita sa Kasulatan: “Huwag lumasa maging tao ni hayop man, bakahan ni kawan man, ng anomang bagay: huwag silang magsikain, ni magsiinom man ng tubig: … at magsidaing silang mainam sa Diyos: oo, talikdan ng bawa’t isa ang kanyang masamang lakad, at ang pangdadahas na nasa kanilang mga kamay.” Bilang tagapamahala ng lungsod, ang hari ng Ninive ay nagtataglay ng pinakamataas na kalagayan at kapangyarihan at makakaya niyang gawin ang anumang bagay na kanyang naisin. Nang matanggap ang pahayag ng Diyos na si Jehova, maaari naman niyang balewalain na lang ito o nangumpisal na lamang at nagsisi sa kanyang mga kasalanan nang nag-iisa; kung pipiliin ng mga tao sa lungsod ang magsisi o hindi, maaari naman niyang pabayaan na lamang nang lubusan ang bagay na ito. Ngunit hindi kailanman ito ginawa ng hari ng Ninive. Hindi lamang siya tumayo mula sa kanyang trono, nagdamit ng sako at naupo sa abo at nangumpisal at nagsisi sa kanyang mga kasalanan sa harap ng Diyos na si Jehova, inutusan din niya ang lahat ng mga tao at mga hayop sa buong lungsod na gayon din ang gawin. Inutusan pa niya ang mga tao na “buong taimtim na tumawag sa Diyos.” Sa pamamagitan ng mga sunod-sunod na gawaing ito, tunay na nagampanan ng hari ng Ninive kung paano maging tagapamahala; ang kanyang mga ginawa ay isang bagay na mahirap gawin ng sinumang hari sa kasaysayan, at isang bagay din na walang nakagawa. Ang mga gawaing ito ay maaaring tawagin na wala pang nakagagawa noon sa kasaysayan ng sangkatauhan; sila ay karapat-dapat na parehong alalahanin at tularan ng sangkatauhan. Simula sa pagsisimula ng tao, pinangunahan ng bawat hari ang kanyang mga nasasakupan na tanggihan at labanan ang Diyos. Wala kahit isa ang pinangunahan ang kanyang mga nasasakupan na magsumamo sa Diyos upang tubusin sila sa kanilang kasamaan, tanggapin ang pagpapatawad ng Diyos na si Jehova at maiwasan ang nalalapit na kaparusahan. Subalit ang hari ng Ninive ay nakayang pangunahan ang kanyang mga nasasakupan na manumbalik sa Diyos, iwan na ang kanilang makasalanang mga gawa at layuan na ang karahasan sa kanilang mga kamay. Bukod pa dito, nagawa rin niyang iwanan ang kanyang trono, at bilang ganti, nagbago ang isip at nag-iba ang damdamin ng Diyos na si Jehova at binawi ang Kanyang galit, at hinayaan ang mga mamamayan ng lungsod na maligtas at malayo mula sa pagkawasak. Ang ginawa ng hari ay maaari lamang matawag na isang pambihirang himala sa kasaysayan ng tao; at maaari din silang matawag na isang modelo ng tiwaling sangkatauhan na mangumpisal at magsisi sa kanilang mga kasalanan sa harap ng Diyos.

Hinango mula sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Tingnan ang iba pa

Madalas nang mangyari ngayon ang mga sakuna. Paano natin masasalubong ang Panginoon at paano tayo maililigtas ng Diyos bago ang malalaking sakuna? Magkasama tayong magsiyasat upang mahanap ang landas.

I-share

Kanselahin