Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Paghatol sa mga Huling Araw | Sipi 97
Oktubre 4, 2020
Sion! Magbunyi! Sion! Umawit nang malakas! Nakabalik na Akong nagwagi, nakabalik na Akong matagumpay! Lahat ng lahi! Magmadaling pumila nang maayos! Lahat ng nilikha! Magsitigil na kayo, sapagkat kaharap ng Aking persona ang buong sansinukob at nagpapakita sa Silangan ng mundo! Sino ang nangangahas na hindi lumuhod sa pagsamba? Sino ang nangangahas na hindi Ako tawaging totoong Diyos? Sino ang nangangahas na hindi tumingala sa paggalang? Sino ang nangangahas na hindi magbigay ng papuri? Sino ang nangangahas na hindi sumigaw ng pagbubunyi? Maririnig ng bayan Ko ang Aking tinig, at patuloy na mabubuhay ang Aking mga anak sa Aking kaharian! Ang mga bundok, ilog, at lahat ng bagay ay magbubunyi nang walang humpay, at magtatatalon nang walang tigil. Sa panahong ito, walang mangangahas na umurong, at walang mangangahas na tumindig sa paglaban. Ito ang Aking kamangha-manghang gawa, at higit pa rito, ito ang Aking dakilang kapangyarihan! Gagawin Ko ang lahat na igalang Ako sa kanilang mga puso at, higit pa nga rito, gagawin Kong purihin Ako ng lahat! Ito ang pinakalayunin ng Aking plano ng pamamahala sa loob ng anim na libong taon, at ito ang naitalaga Ko. Wala ni isang tao ni isang bagay ni isang pangyayari ang nangangahas na tumindig para labanan o tutulan Ako. Lahat ng Aking bayan ay magtutungo sa Aking bundok (sa ibang salita, ang mundong lilikhain Ko kalaunan) at magpapasakop sila sa Aking harapan, dahil nagtataglay Ako ng kamahalan at paghatol, at mayroon Akong awtoridad. (Tumutukoy ito sa kapag Ako ay nasa katawan. Mayroon din Akong awtoridad sa katawang-tao, ngunit dahil ang mga limitasyon ng panahon at kalawakan ay hindi malalagpasan sa katawang-tao, hindi masasabi na nakamtan Ko na ang ganap na kaluwalhatian. Bagama’t nakakamit Ko ang mga panganay na anak sa katawang-tao, hindi pa rin masasabi na nakamtan Ko na ang kaluwalhatian. Masasabi lamang na mayroon Akong awtoridad—na nagkamit na Ako ng kaluwalhatian—kapag nagbalik na Ako sa Sion at binago ang Aking anyo.) Walang magiging mahirap para sa Akin. Sa pamamagitan ng mga salita mula sa Aking bibig, ang lahat ay mawawasak, at sa pamamagitan ng mga salita mula sa Aking bibig, ang lahat ay iiral at magiging ganap. Gayon ang Aking dakilang kapangyarihan at gayon ang Aking awtoridad. Dahil puspos Ako ng kapangyarihan at puno ng awtoridad, walang sinumang tao ang makapangangahas na hadlangan Ako. Nagwagi na Ako sa lahat, at nagtagumpay na Ako sa lahat ng anak ng paghihimagsik. Dinadala Ko kasama Ko ang Aking mga panganay na anak para bumalik sa Sion. Hindi Ako nag-iisa sa pagbalik sa Sion. Kaya’t makikita ng lahat ang Aking mga panganay na anak at sa gayo’y magkakaroon sila ng pusong may paggalang sa Akin. Ito ang Aking layunin sa pagtatamo ng mga panganay na anak, at ito na ang plano Ko mula pa nang likhain ang mundo.
Kapag handa na ang lahat, iyan ang araw na babalik Ako sa Sion, at gugunitain ng lahat ng lahi ang araw na ito. Kapag bumalik na Ako sa Sion, matatahimik ang lahat ng bagay sa lupa, at mapapayapa ang lahat ng bagay sa ibabaw ng lupa. Kapag nagbalik na Ako sa Sion, magsisimulang muli ang lahat sa orihinal nitong anyo. Pagkatapos, sisimulan Ko ang Aking gawain sa Sion. Parurusahan Ko ang masama at gagantimpalaan ang mabuti, at ipatutupad Ko ang Aking katuwiran, at isasagawa Ko ang Aking paghatol. Gagamitin Ko ang Aking mga salita para isakatuparan ang lahat, na ipinaparanas sa lahat ng tao at lahat ng bagay ang Aking kamay na kumakastigo, at ipapakita Ko sa lahat ng tao ang Aking buong kaluwalhatian, ang Aking buong karunungan, at ang Aking buong kasaganaan. Walang taong mangangahas na tumindig para humatol, sapagkat sa Akin, lahat ng bagay ay isinasakatuparan; at dito, hayaang makita ng lahat ng tao ang Aking buong dangal, at matikman ang Aking buong tagumpay, sapagkat sa Akin lahat ng bagay ay namamalas. Mula rito, maaaring makita ang Aking dakilang kapangyarihan at Aking awtoridad. Walang mangangahas na magkasala sa Akin, at walang mangangahas na hadlangan Ako. Lahat ay nahahayag sa Akin. Sino ang mangangahas na magtago ng anuman? Tiyak na hindi Ko pakikitaan ng awa ang taong iyon! Kailangang tumanggap ng Aking matinding parusa ang mga walang hiyang iyon, at kailangang mawala sa Aking paningin ang hamak na mga taong iyon. Pamumunuan Ko sila gamit ang tungkod na bakal at gagamitin Ko ang Aking awtoridad para hatulan sila, na wala ni katiting na awa at hindi man lamang isinasaalang-alang ang kanilang damdamin, sapagkat Ako Mismo ang Diyos na walang emosyon at maringal at walang maaaring magkasala sa Akin. Dapat itong maunawaan at makita ng lahat, kung hindi ay pababagsakin at lilipulin Ko sila “nang walang dahilan o katwiran,” sapagkat pababagsakin ng Aking tungkod ang lahat ng nagkakasala sa Akin. Wala Akong pakialam kung alam man nila ang Aking mga atas administratibo; wala iyang halaga sa Akin, dahil hindi tinatanggap ng Aking persona ang pagkakasala ng sinuman. Ito ang dahilan kaya sinasabi na Ako ay isang leon; pinababagsak Ko ang sinumang Aking hipuin. Kaya nga sinasabi na kalapastanganan na ngayong sabihin na Ako ang Diyos na may habag at kagandahang-loob. Ibig sabihin, hindi Ako isang kordero, kundi isang leon. Walang nangangahas na magkasala sa Akin; sinumang magkasala sa Akin, parurusahan Ko ng kamatayan, agad-agad at nang walang awa! Sapat na ito upang ipakita ang Aking disposisyon. Kaya’t sa huling kapanahunan ay isang malaking grupo ng mga tao ang uurong, at mahihirapan ang mga tao na tiisin ito, ngunit para sa Akin, maginhawa Ako at masaya, at ni hindi Ko man lang ito itinuturing na isang mahirap na gawain. Ganyan ang Aking disposisyon.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 120
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.
Iba pang mga Uri ng Video