Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Paglalantad ng Katiwalian ng Sangkatauhan | Sipi 345
Agosto 26, 2020
Bagama’t parang mga batang leon kayong lahat na kabataan, bihira kayong magkaroon ng tunay na daan sa inyong puso. Ang inyong kabataan ay hindi kayo binibigyan ng karapatan na makamtan ang iba pa sa Aking gawain; bagkus, lagi ninyong pinupukaw ang Aking pagkasuklam sa inyo. Kahit bata pa kayo, wala kayong sigla o kaya nama’y wala kayong ambisyon, at lagi kayong umiiwas tungkol sa inyong kinabukasan; parang balewala iyon sa inyo at nabubugnot kayo. Masasabi na ang sigla, mga mithiin, at paninindigang dapat matagpuan sa mga kabataan, ay talagang hindi matagpuan sa inyo; kayo, na ganitong klaseng kabataan, ay walang paninindigan at walang kakayahang tukuyin kung alin ang tama at mali, mabuti at masama, maganda at pangit. Imposibleng makahanap ng anumang mga elemento ninyo na sariwa. Halos makaluma kayong lahat, at kayo, na ganitong klaseng kabataan, ay natuto ring sumunod sa agos, na maging di-makatwiran. Hindi ninyo malinaw na natutukoy kailanman ang tama sa mali, hindi ninyo nakikita ang pagkakaiba sa pagitan ng tunay at huwad, hindi kayo nagsusumikap kailanman na maging mahusay, ni hindi ninyo kayang masabi kung ano ang tama at ano ang mali, ano ang katotohanan at ano ang pagpapaimbabaw. Mas mabigat at mas matindi ang amoy ng relihiyon sa inyo kaysa sa matatanda. Mayayabang pa kayo at wala sa katwiran, nakikipagpaligsahan kayo, at napakatindi ng hilig ninyong mang-away—paano magtataglay ng katotohanan ang ganitong klaseng kabataan? Paano maaaring tumayong saksi ang isang taong hindi kayang manindigan? Paano matatawag na kabataan ang isang taong walang kakayahang matukoy ang kaibahan sa pagitan ng tama at mali? Paano matatawag na alagad Ko ang isang taong walang sigla, lakas, kasariwaan, kahinahunan, at katatagan ng isang kabataan? Paano magiging karapat-dapat na maging saksi Ko ang isang taong walang taglay na katotohanan, katarungan, ngunit mahilig makipaglaro at makipaglaban? Ang mga matang puno ng panlilinlang at pagkiling sa iba ay mga bagay na hindi dapat taglayin ng mga kabataan, at hindi dapat magsagawa ang mga kabataan ng mapanira at kasuklam-suklam na mga gawain. Hindi sila dapat mawalan ng mithiin, hangarin, at masigasig na pagnanasang pagbutihin ang sarili nila; hindi sila dapat panghinaan ng loob tungkol sa kanilang mga pag-asam, at ni hindi sila dapat mawalan ng pag-asa sa buhay o ng tiwala sa hinaharap; dapat silang magtiyagang magpatuloy sa landas ng katotohanan na pinili na nila ngayon—upang matanto ang kanilang naising gugulin ang kanilang buong buhay para sa Akin. Hindi sila dapat mawalan ng katotohanan, ni hindi sila dapat maging mapagpaimbabaw at makasalanan—dapat silang maging matatag sa wastong paninindigan. Hindi sila dapat magpatangay na lamang, kundi dapat silang magkaroon ng espiritung may tapang na magsakripisyo at makibaka para sa katarungan at katotohanan. Ang mga kabataan ay dapat magkaroon ng katapangang huwag sumuko sa pang-aapi ng mga puwersa ng kadiliman at baguhin ang kabuluhan ng kanilang pag-iral. Hindi dapat isuko ng mga kabataan ang kanilang sarili sa paghihirap, kundi dapat silang maging bukas at prangka, at mapagpatawad sa kanilang mga kapatid. Siyempre, ito ang mga hinihiling Ko sa lahat, at ang Aking payo sa lahat. Ngunit higit pa riyan, ito ang Aking mga salitang magpapaginhawa sa lahat ng kabataan. Dapat kayong magsagawa ayon sa Aking mga salita. Lalo na, dapat ipasya ng mga kabataan na mahiwatigan ang mga isyu at maghangad ng katarungan at katotohanan. Dapat ninyong hangarin ang lahat ng bagay na maganda at mabuti, at dapat ninyong matamo ang realidad ng lahat ng positibong bagay. Dapat kayong maging responsable sa inyong buhay, at huwag ninyong maliitin ito. Bumababa sa lupa ang mga tao at bihira Akong makasagupa, at bihira ding magkaroon ng oportunidad na hanapin at matamo ang katotohanan. Bakit hindi ninyo pahahalagahan ang magandang pagkakataong ito bilang tamang landas na tatahakin sa buhay na ito? At bakit ninyo binabalewala palagi ang katotohanan at katarungan? Bakit ninyo palaging niyuyurakan at sinisira ang inyong sarili para sa kasamaan at karumihang nilalaro ang mga tao? At bakit kayo kumikilos na katulad ng matatandang iyon na nakikisali sa ginagawa ng masasama? Bakit ninyo ginagaya ang mga lumang paraan ng mga lumang bagay? Dapat mapuno ng katarungan, katotohanan, at kabanalan ang inyong buhay; hindi dapat maging ubod ng sama ang inyong buhay sa napakamurang edad, na maghahantong sa inyo na masadlak sa Hades. Hindi ba ninyo nadarama na ito ay magiging isang kakila-kilabot na kasawian? Hindi ba ninyo nadarama na magiging lubha itong hindi makatarungan para sa inyo?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita para sa mga Kabataan at Matatanda
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.
Iba pang mga Uri ng Video