Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Paglalantad ng Katiwalian ng Sangkatauhan | Sipi 342

Agosto 29, 2020

Ako ay nasa gitna ninyo, kasama ninyo sa loob ng maraming tagsibol at taglagas, namuhay Ako sa gitna ninyo sa loob ng matagal na panahon, namuhay kasama ninyo—gaano sa inyong karumal-dumal na asal ang nalingid sa mismong harapan ng Aking mga mata? Yaong mga taos-puso ninyong mga salita ay patuloy na umaalingawngaw sa Aking mga tainga; milyun-milyon sa inyong mga inaasam ang nailatag sa Aking altar—hindi kayang mabilang man lamang ang mga iyon. Gayunman hinggil sa inyong pag-aalay at kung ano ang inyong ginugugol, wala man lamang kahit kaunti. Wala man lamang isang maliit na patak ng inyong katapatan sa Aking altar. Nasaan ang mga bunga ng inyong paniniwala sa Akin? Nakatanggap kayo ng walang-hanggang biyaya mula sa Akin at nakakita kayo ng walang-hanggang mga hiwaga mula sa langit, at naipakita Ko pa sa inyo ang mga ningas ng langit nguni’t hindi Ako nagkaroon ng puso upang sunugin kayo, at gaano ang naibigay ninyo sa Akin bilang kapalit? Gaano ang handa ninyong ibigay sa Akin? Hawak ang pagkaing ibinigay Ko sa iyo, bumaling ka at iniaalay ito sa Akin, sinasabi pang ito ay isang bagay na iyong pinaghirapan, na iniaalay mo sa Akin ang lahat na mayroon ka. Paanong hindi mo malalaman na ang iyong “mga kontribusyon” sa Akin ay lahat ng bagay na ninakaw mula sa Aking altar? At ngayon ay iniaalay mo ’yan sa Akin—hindi ba’t dinadaya mo Ako? Paanong hindi mo malalaman na kung ano ang tinatamasa Ko ngayon ay lahat ng handog sa Aking altar, at hindi kung ano ang iyong kinita bilang kapalit ng iyong pagsisikap at pagkatapos ay inialay sa Akin? Sa katunayan ay nangangahas kayong dayain Ako sa paraang ito, kaya paano Ko kayo mapapatawad? Paano Ko pa ito matitiis? Naibigay Ko na ang lahat sa inyo. Nabuksan Ko na ang lahat sa inyo, ipinagkaloob ang lahat ng inyong mga pangangailangan, at binuksan ang inyong mga mata, gayunman ay dinadaya ninyo Ako sa paraang ito, binabalewala ang inyong konsensya. Buong-puso Kong naipagkaloob ang lahat sa inyo, upang kahit na kayo ay magdusa, nakamit ninyo mula sa Akin ang lahat ng nadala Ko mula sa langit. Nguni’t wala man lamang kayong pag-aalay, at kahit na kayo ay may maliit na kontribusyon, kayo ay nakikipag-ayos sa Akin matapos iyon. Ang iyo bang kontribusyon ay hindi mawawalan ng halaga? Ang naibibigay mo sa Akin ay wala kundi isang butil ng buhangin, nguni’t ang nahihingi mo sa Akin ay isang toneladang ginto. Hindi ka ba nagiging di-makatwiran? Ako ay gumagawa sa gitna ninyo. Walang pasubaling walang bakas ng sampung porsyento na dapat Kong makamtan, paano pa ang anumang dagdag na mga pagsasakripisyo. Higit pa, ang sampung porsyentong kontribusyon niyaong mga maka-Diyos ay inaagaw ng masama. Hindi ba kayong lahat ay napahiwalay sa Akin? Hindi ba kayong lahat ay palaban sa Akin? Hindi ba winawasak ninyong lahat ang Aking altar? Paanong ang uring ito ng tao ay makikita bilang isang kayamanan sa Aking paningin? Hindi ba sila ay mga baboy, mga aso na Aking kinamumuhian? Paano Ko matutukoy ang inyong masamang gawain bilang isang kayamanan? Tunay bang para kanino ang Aking gawain? Maaari kayang ito ay para lamang pabagsakin kayong lahat upang ibunyag ang Aking awtoridad? Hindi ba nakaasang lahat ang inyong buhay sa isang salita mula sa Akin? Bakit kaya gumagamit lamang Ako ng mga salita upang turuan kayo at hindi Ko nagawang mga katunayan ang mga salita upang pabagsakin kayo sa lalong madaling panahon? Ang Akin bang mga salita at Aking gawain ay para lamang pabagsakin ang sangkatauhan? Ako ba ay Diyos na walang pakundangang pumapatay sa mga inosente? Sa sandaling ito, ilan sa inyo ang humaharap sa Akin na ang buong pagkatao ninyo ay naghahanap sa tamang landas ng buhay ng tao? Ang inyo lamang mga katawan ang nasa harapan Ko, subali’t ang inyong mga puso ay wala, at malayung-malayo sa Akin. Dahil hindi ninyo alam kung ano talaga ang Aking gawain, may ilan sa inyo na nais Akong lisanin, na inilalayo ang kanilang mga sarili sa Akin, at nais mamuhay sa paraisong iyon kung saan walang pagkastigo, walang paghatol. Hindi ba ito ang inaasam ng mga tao sa kanilang puso? Tiyak na hindi Kita pinipilit. Anumang landas ang iyong tahakin ay iyong sariling kagustuhan, at ang landas ng kasalukuyan ay may kasamang paghatol at sumpa, nguni’t dapat niyong lahat na malaman na kung ano ang naipagkakaloob Ko sa inyo, kung paghatol man o pagkastigo, ang mga iyon ang pinakamahusay na mga kaloob na maibibigay Ko sa inyo, at ang mga iyon ang mga bagay na inyong agarang kinakailangan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Masyadong Hamak ang Pagkatao Ninyong Lahat!

Tingnan ang iba pa

Madalas nang mangyari ngayon ang mga sakuna. Paano natin masasalubong ang Panginoon at paano tayo maililigtas ng Diyos bago ang malalaking sakuna? Magkasama tayong magsiyasat upang mahanap ang landas.

I-share

Kanselahin

Kontakin Kami Gamit ang Messnger