Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagpasok sa Buhay | Sipi 540

Oktubre 8, 2020

Ang patuloy na pagsisikap ng mga tao na makapasok sa buhay ay batay sa mga salita ng Diyos. Dati-rati, sinabi na lahat ay isinasakatuparan dahil sa Kanyang mga salita, ngunit walang nakakita sa katotohanang ito. Kung papasok ka sa pagdanas ng kasalukuyang hakbang, magiging malinaw ang lahat sa iyo, at magtatatag ka ng isang magandang pundasyon para sa mga pagsubok sa hinaharap. Anuman ang sabihin ng Diyos, magtuon ka lamang sa pagpasok sa Kanyang mga salita. Kapag sinabi ng Diyos na sisimulan Niyang kastiguhin ang mga tao, tanggapin mo ang Kanyang pagkastigo. Kapag hiniling ng Diyos na mamatay ang mga tao, tanggapin mo ang pagsubok na iyon. Kung palagi kang nabubuhay ayon sa Kanyang pinakabagong mga pahayag, sa huli ay gagawin kang perpekto ng mga salita ng Diyos. Habang mas pumapasok ka sa mga salita ng Diyos, mas mabilis kang gagawing perpekto. Bakit Ko hinihiling, sa sunud-sunod na pagbabahagi, na alamin ninyo at pasukin ang mga salita ng Diyos? Kapag patuloy mong pinagsisikapang matamo at maranasan ang mga salita ng Diyos, at pumapasok ka sa realidad ng Kanyang mga salita, saka lamang magkakaroon ng pagkakataon ang Banal na Espiritu na gumawa sa iyo. Samakatuwid, lahat kayo ay mga kalahok sa bawat pamamaraan ng paggawa ng Diyos, at gaano man kayo nagdurusa, sa huli ay tatanggap kayong lahat ng isang “paalaala.” Upang makamtan ang inyong panghuling pagpeperpekto, kailangan ninyong pumasok sa lahat ng salita ng Diyos. Ang pagpeperpekto ng Banal na Espiritu sa mga tao ay hindi pang-isahan; hinihingi Niyang makipagtulungan ang mga tao, kailangan Niya ang lahat na sadyang makipagtulungan sa Kanya. Anuman ang sabihin ng Diyos, magtuon lamang sa pagpasok sa Kanyang mga salita—magiging mas kapaki-pakinabang ito sa inyong buhay. Lahat ay para magkaroon ng pagbabago sa inyong disposisyon. Kapag pumasok ka sa mga salita ng Diyos, aantigin Niya ang puso mo, at magagawa mong malaman ang lahat ng nais ng Diyos na matupad sa hakbang na ito ng Kanyang gawain, at magkakaroon ka ng matibay na pagpapasya na tuparin ito. Sa panahon ng pagkastigo, may mga taong naniwala na ito ay isang pamamaraan ng gawain, at hindi sila naniwala sa mga salita ng Diyos. Dahil dito, hindi sila sumailalim sa pagpipino, at lumabas mula sa panahon ng pagkastigo na walang anumang napala o naunawaan. May ilan na talagang pumasok sa mga salitang ito nang wala ni katiting na pagdududa, na nagsabi na ang mga salita ng Diyos ang katotohanang hindi maaaring magkamali at na dapat kastiguhin ang sangkatauhan. Nahirapan sila roon sa loob ng kaunting panahon, pinakakawalan ang kanilang kinabukasan at kanilang tadhana, at paglabas nila, nagkaroon ng kaunting pagbabago sa kanilang disposisyon, at nagtamo sila ng mas malalim na pagkaunawa tungkol sa Diyos. Nadama ng lahat ng nakastigo ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos at natanto nila na ang hakbang na ito ng gawain ay sumasagisag sa dakilang pagmamahal ng Diyos na sumasakanila, na ito ang paglupig at pagliligtas ng pagmamahal ng Diyos. Sinabi rin nila na ang mga iniisip ng Diyos ay palaging mabuti, at na lahat ng ginagawa ng Diyos sa tao ay dahil sa pagmamahal, hindi sa pagkamuhi. Yaong mga hindi naniwala sa mga salita ng Diyos, hindi umasa sa Kanyang mga salita, ay hindi sumailalim sa pagpipino sa panahon ng pagkastigo, at dahil dito, hindi sumakanila ang Banal na Espiritu, at wala silang napala. Para sa mga pumasok sa panahon ng pagkastigo, bagama’t sumailalim nga sila sa pagpipino, lihim na gumagawa ang Banal na Espiritu sa kanilang kalooban, at nabago ang disposisyon nila sa buhay dahil dito. Tila ang ilan, paano man tingnan, ay napakapositibo, puno ng saya buong araw, ngunit hindi sila pumasok sa kalagayan ng pagpipino ng mga salita ng Diyos at kaya ni hindi man lang nagbago, na siyang naging bunga ng hindi paniniwala sa mga salita ng Diyos. Kung hindi mo pinaniniwalaan ang mga salita ng Diyos, hindi gagawa sa iyo ang Banal na Espiritu. Nagpapakita ang Diyos sa lahat ng naniniwala sa Kanyang mga salita, at yaong naniniwala at tumatanggap sa Kanyang mga salita ay makakamtan ang Kanyang pagmamahal!

Para makapasok sa realidad ng mga salita ng Diyos, dapat mong hanapin ang landas ng pagsasagawa at alamin kung paano isagawa ang mga salita ng Diyos. Saka lamang magkakaroon ng pagbabago sa iyong disposisyon sa buhay, mapeperpekto ka ng Diyos sa pamamagitan lamang ng landas na ito, at ang mga tao lamang na nagawang perpekto ng Diyos sa ganitong paraan ang maaaring makaayon sa Kanyang kalooban. Para makatanggap ng bagong liwanag, kailangan mong mamuhay ayon sa Kanyang mga salita. Hindi maaaring maantig lamang nang minsanan ng Banal na Espiritu—kailangan mong maging mas marubdob. Para sa mga minsan lamang naantig, napukaw lamang ang kanilang kasigasigan, at nais nilang maghanap, ngunit hindi ito maaaring magtagal; kailangan silang patuloy na antigin ng Banal na Espiritu. Maraming beses Kong nabanggit dati na inaasam Ko na maantig ng Espiritu ng Diyos ang espiritu ng mga tao, upang patuloy nilang sikaping baguhin ang kanilang disposisyon sa buhay, at habang naghahangad silang maantig ng Diyos, ay maunawaan nila ang sarili nilang mga kakulangan, at sa proseso ng pagdanas sa Kanyang mga salita ay maitakwil nila ang mga karumihan sa kanilang sarili (pagmamagaling, kayabangan, mga pagkaunawa, at iba pa). Huwag ninyong isipin na sapat na ang maging maagap sa pagtanggap ng bagong liwanag—kailangan din ninyong itakwil ang lahat ng negatibo. Sa isang banda, kailangan ninyong pumasok mula sa isang positibong aspeto, at sa kabilang banda, kailangan ninyong alisin sa inyong sarili ang lahat ng marumi mula sa negatibong aspeto. Kailangan mong patuloy na suriin ang iyong sarili upang makita kung aling maruruming bagay ang umiiral pa rin sa iyong kalooban. Ang mga pagkaunawang pangrelihiyon ng sangkatauhan, ang mga layon, pag-asam, pagmamagaling, at kayabangan ay pawang maruruming bagay. Suriin mo ang sarili mo, at ikumpara ang lahat sa lahat ng salita ng paghahayag ng Diyos, upang makita kung aling mga pagkaunawang pangrelihiyon ang mayroon ka. Kapag tunay mong kinikilala ang mga ito, saka mo lamang maitatakwil ang mga ito. Sinasabi ng ilang tao: “Sapat na ngayon na sundan lamang ang liwanag ng kasalukuyang gawain ng Banal na Espiritu. Hindi na kailangang pagkaabalahan ang iba pa.” Kaya lang, kapag nangingibabaw ang iyong mga pagkaunawang pangrelihiyon, paano mo aalisin ang mga ito? Palagay mo ba madaling sundin ang mga salita ng Diyos ngayon? Kung mayroon kang relihiyon, maaaring magkaroon ng mga pagkagambala mula sa iyong mga pagkaunawang pangrelihiyon at sa tradisyonal na mga teoryang teolohikal na nasa puso mo, at kapag nangingibabaw ang mga bagay na ito, nakakasagabal ito sa pagtanggap mo sa mga bagong bagay. Lahat ng ito ay mga tunay na problema. Kung ang patuloy mo lamang pagsisikapang matamo ay ang kasalukuyang mga salita ng Banal na Espiritu, hindi mo matutupad ang kalooban ng Diyos. Kasabay ng patuloy mong pagsisikap na mahanap ang kasalukuyang liwanag ng Banal na Espiritu, dapat mong kilalanin kung aling mga pagkaunawa at layon ang kinikimkim mo, at kung anong pagmamagaling ng tao ang mayroon ka, at kung aling mga pag-uugali ang masuwayin sa Diyos. At pagkatapos mong makilala ang lahat ng bagay na ito, kailangan mong itakwil ang mga ito. Ang paggawa sa iyong talikdan ang dati mong mga kilos at pag-uugali ay pawang para tulutan kang masunod ang mga salitang sinasambit ngayon ng Banal na Espiritu. Ang pagbabago sa disposisyon, sa isang banda, ay nakakamtan sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, at sa kabilang banda naman, nangangailangan ito ng pakikipagtulungan ng sangkatauhan. Mayroong gawain ng Diyos at mayroon ding pagsasagawa ng tao, at parehong kailangang-kailangan ang mga ito.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Taong Nagbago Na ang Disposisyon ay Yaong mga Nakapasok Na sa Realidad ng mga Salita ng Diyos

Tingnan ang iba pa

Madalas nang mangyari ngayon ang mga sakuna. Paano natin masasalubong ang Panginoon at paano tayo maililigtas ng Diyos bago ang malalaking sakuna? Magkasama tayong magsiyasat upang mahanap ang landas.

I-share

Kanselahin

Kontakin Kami Gamit ang Messnger