Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagpasok sa Buhay | Sipi 447

Setyembre 22, 2020

Anong mga aspeto ang kabilang sa normal na pagkatao? Kabatiran, pakiramdam, konsiyensya, at pag-uugali. Kung maaari kang magkamit ng normalidad sa bawat isa sa mga aspetong ito, magiging katanggap-tanggap ang iyong pagkatao. Dapat kang maging kawangis ng isang normal na tao, at dapat kang maging kamukha ng isang nananampalataya sa Diyos. Hindi mo kailangang gumawa ng napakarami, o makibahagi sa diplomasya; kailangan mo lamang maging isang normal na tao, na may pakiramdam ng isang normal na tao, para maunawaan ang mga bagay-bagay, at makamukha man lamang ng isang normal na tao. Sapat na iyon. Lahat ng kinakailangan sa iyo ngayon ay naaayon sa iyong mga kakayahan; hindi ito pagtatangkang padapuin ang isang pato sa isang dapuan. Walang mga salita o gawaing walang kabuluhan na isasagawa sa iyo. Lahat ng kapangitang ipinahayag o ibinunyag sa iyong buhay ay kailangang maalis. Nagawa kayong tiwali ni Satanas at umaapaw sa inyo ang lason ni Satanas. Ang tanging hinihiling sa iyo ay alisin ang tiwali at napakasamang disposisyong ito. Hindi ka hinihilingang maging isang taong may mataas na ranggo, o isang sikat o dakilang tao. Walang kabuluhan iyan. Ang gawaing ginawa sa inyo ay isinasaalang-alang ang likas sa inyo. May mga limitasyon sa ipinagagawa Ko sa mga tao. Kung lahat ng tao ngayon ay inutusang tularan ang asal ng mga opisyal ng gobyerno—na magsanay na magsalita sa tono ng boses ng mga opisyal ng gobyerno, magsanay na magsalita sa paraan ng matataas na opisyal ng gobyerno, o magsanay na ipahayag ang kanilang sarili sa tono at pamamaraan ng mga manunulat at nobelista—hindi puwede iyan; hindi iyan magagawa. Ayon sa inyong kakayahan, dapat ay magawa man lamang ninyong magsalita nang may karunungan at maingat at ipaliwanag ang mga bagay-bagay nang malinaw at nauunawaan. Iyon lamang ang kailangan para makatugon sa mga kinakailangan. Kung, kahit paano, magtamo kayo ng kabatiran at pakiramdam, puwede na iyan. Ang pinakamahalaga ngayon mismo ay itakwil ang iyong tiwali at napakasamang disposisyon. Kailangan mong itakwil ang kapangitang nakikita sa iyo. Paano ka magsasalita tungkol sa pinakadakilang pakiramdam at pinakadakilang kabatiran, kung hindi mo itatakwil ang mga ito? Maraming tao, nang makita na nagbago na ang kapanahunan, ang walang anumang kapakumbabaan o pasensya, at baka wala rin silang anumang pagmamahal o kagandahang-asal ng isang banal. Kakatwa ang ganitong mga tao! Mayroon man lamang ba silang kahit katiting na normal na pagkatao? Mayroon ba silang anumang patotoong maibabahagi? Lubos silang walang kabatiran o pakiramdam. Mangyari pa, kailangang itama ang ilang aspeto ng pagsasagawa ng mga tao na lihis at mali; ang dati nilang mahigpit na espirituwal na buhay at hindi kanais-nais na anyo, halimbawa—lahat ng ito ay kailangang baguhin. Ang pagbabago ay hindi nangangahulugan na hahayaan kang magpakasama o magpasasa sa laman, na sinasabi ang anumang naisin mo. Hindi ka dapat magsalita nang basta-basta. Ang magkaroon ng pananalita at tikas ng isang normal na tao ay ang magsalita nang may pagkakaugnay-ugnay, na sinasabing “oo” kapag “oo” ang ibig mong sabihin, at “hindi” kapag “hindi” ang ibig mong sabihin. Sabihin ang totoo at magsalita nang angkop. Huwag manloko, huwag magsinungaling. Kailangang maunawaan ang mga limitasyong maaaring maabot ng isang normal na tao tungkol sa pagbabago ng disposisyon. Kung hindi, hindi ka makakapasok sa realidad.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagpapataas ng Antas ng Kakayahan ay Alang-alang sa Pagtanggap ng Pagliligtas ng Diyos

Tingnan ang iba pa

Madalas nang mangyari ngayon ang mga sakuna. Paano natin masasalubong ang Panginoon at paano tayo maililigtas ng Diyos bago ang malalaking sakuna? Magkasama tayong magsiyasat upang mahanap ang landas.

I-share

Kanselahin

Kontakin Kami Gamit ang Messnger