Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagpasok sa Buhay | Sipi 429

Oktubre 27, 2020

Ang suportahan ang mga salita ng Diyos at magawang ipaliwanag ang mga ito nang hindi nahihiya ay hindi nangangahulugan na taglay mo ang realidad; ang mga bagay ay hindi kasing-simple ng iyong iniisip. Kung nagtataglay ka ng realidad ay hindi nababatay sa kung ano ang iyong sinasabi; sa halip, nababatay ito sa iyong isinasabuhay. Kapag naging buhay at likas na pagpapahayag mo ang mga salita ng Diyos, saka lamang masasabi na taglay mo ang realidad, at saka ka lamang maituturing na nagkamit ng tunay na pagkaunawa at totoong tayog. Kailangan mong matagalan ang pagsusuri sa loob ng mahabang panahon, at kailangan mong maisabuhay ang wangis na kinakailangan ng Diyos. Hindi ito dapat maging pakitang-tao lamang; kailangan itong likas na dumaloy mula sa iyo. Saka ka lamang tunay na magtataglay ng realidad, at saka ka lamang magkakamit ng buhay. Hayaan mong gumamit Ako ng halimbawa ng pagsubok sa mga tagasilbi na pamilyar sa lahat: Maaaring ialok ng sinuman ang pinakamatatayog na teorya tungkol sa mga tagasilbi, at lahat ay may maayos na pagkaunawa tungkol sa paksa; pinag-uusapan nila iyon at bawat pananalita ay mas magaling kaysa sa huli, na para bang isang paligsahan iyon. Gayunman, kung hindi pa sumailalim ang tao sa isang malaking pagsubok, napakahirap sabihin na may maibabahagi siyang magandang patotoo. Sa madaling salita, kulang na kulang pa rin ang pagsasabuhay ng tao, lubos na salungat sa kanyang pagkaunawa. Kung gayon, kailangan pa itong maging totoong tayog ng tao, at hindi pa ito buhay ng tao. Dahil hindi pa nadadala sa realidad ang pagkaunawa ng tao, para pa ring kastilyong itinayo sa buhangin ang kanyang tayog, na umuuga at nasa bingit ng pagguho. Lubhang kakaunti ang taglay na realidad ng tao; halos imposibleng makahanap ng anumang realidad sa tao. Lubhang kakaunti ang realidad na likas na dumadaloy mula sa tao, at lahat ng realidad na isinasabuhay nila ay sapilitan. Iyan ang dahilan kaya Ko sinasabi na walang taglay na realidad ang tao. Bagama’t sinasabi ng mga tao na hindi nagbabago ang kanilang pagmamahal sa Diyos kailanman, ito lamang ang sinasabi nila bago sila naharap sa anumang mga pagsubok. Balang araw, kapag bigla silang naharap sa mga pagsubok, muling hindi aayon sa realidad ang mga bagay na sinasabi nila, at minsan pa itong magpapatunay na walang taglay na realidad ang tao. Masasabi na tuwing nahaharap ka sa mga bagay na hindi akma sa iyong mga pagkaintindi at na kinakailangang isantabi mo ang iyong sarili, ang mga bagay na iyon ang mga pagsubok sa iyo. Bago mahayag ang kalooban ng Diyos, lahat ay nagdaraan sa isang mahigpit na pagsusuri at napakalaking pagsubok. Naaarok mo ba ito? Kapag gusto ng Diyos na subukin ang mga tao, palagi Niya silang hinahayaang pumili bago ibunyag ang aktwal na katotohanan. Ibig sabihin, kapag isinasailalim ng Diyos ang tao sa mga pagsubok, hindi Niya kailanman sasabihin sa iyo ang katotohanan; sa ganyang paraan inilalantad ang mga tao. Isang paraan ito ng pagsasagawa ng Diyos ng Kanyang gawain, upang makita kung kilala mo ang Diyos ngayon, at kung nagtataglay ka ng anumang realidad. Talaga bang wala kang mga pagdududa tungkol sa gawain ng Diyos? Magagawa mo bang tunay na manindigan kapag dumating sa iyo ang isang matinding pagsubok? Sino ang nangangahas na magsabing, “Ginagarantiyahan ko na walang magiging mga problema”? Sino ang nangangahas na igiit na, “Maaaring may mga pagdududa ang iba, pero hindi ako kailanman”? Kagaya lamang noong isailalim si Pedro sa mga pagsubok: Palagi siyang nagyayabang bago nahayag ang katotohanan. Hindi natatangi kay Pedro ang personal na kapintasang ito; ito ang pinakamalaking hirap na kasalukuyang kinakaharap ng bawat tao. Kung bibisitahin Ko ang ilang lugar o ang ilang kapatid upang tingnan kung ano ang inyong pagkaunawa sa gawain ng Diyos ngayon, tiyak na marami kayong masasabi tungkol sa inyong kaalaman, at magmumukhang wala kayong anumang pagdududa. Kung tatanungin Ko kayo, “Maaari mo ba talagang matukoy na ang gawain ngayon ay isinasagawa ng Diyos Mismo? Nang walang anumang pagdududa?” tiyak na isasagot mong, “Walang anumang pagdududa, ito ang gawaing isinasagawa ng Espiritu ng Diyos.” Kapag nakasagot ka na sa gayong paraan, tiyak na hindi ka makararamdam ni katiting na pagdududa, at baka nga medyo masiyahan ka pa, na iniisip na nagkamit ka na ng kaunting realidad. Yaong mga malamang na makaunawa sa mga bagay-bagay sa ganitong paraan ay mga taong nagtataglay ng kaunting realidad; habang lalong iniisip ng isa na nakamit na niya ito, lalong hindi niya magagawang manindigan kapag naharap siya sa mga pagsubok. Kaawa-awa ang mayayabang at hambog, at kaawa-awa ang mga hindi nakakakilala sa kanilang sarili; ang gayong mga tao ay magaling magsalita, subalit pinaka-hindi magawa ang sinasabi nila. Sa pinakamaliit na tanda ng problema, nagsisimulang magkaroon ng mga pagdududa ang mga taong ito, at sumasagi sa kanilang isipan ang pagsuko. Wala silang taglay na anumang realidad; ang tanging mayroon sila ay mga teorya na mas matayog pa sa relihiyon, na walang anuman sa realidad na kinakailangan ngayon ng Diyos. Ang labis Kong kinaiinisan ay yaong mga bumabanggit lamang ng mga teorya nang anumang taglay na realidad. Sila ang pinakamalakas sumigaw kapag nagsasagawa ng kanilang gawain, ngunit kapag naharap sila sa realidad, nababagabag sila. Hindi ba ito nagpapakita na walang realidad ang mga taong ito? Gaano man kabagsik ang hangin at mga alon, kung maaari kang manatiling nakatayo nang wala ni katiting na pagdududang pumapasok sa iyong isipan, at maaari kang manindigan at manatiling malaya sa pagtanggi, kahit wala nang iba pang natitira, ituturing kang mayroong totoong pagkaunawa at tunay na nagtataglay ng realidad. Kung magpapatangay ka sa ihip ng hangin—kung susundan mo ang karamihan, at matututo kang ulitin ang pananalita ng iba—gaano ka man kahusay magsalita, hindi iyan katibayan na taglay mo ang realidad. Kung gayon, iminumungkahi Ko na huwag kang sumigaw ng hungkag na mga salita nang wala sa panahon. Alam mo ba kung ano ang gagawin ng Diyos? Huwag kumilos na parang isa ka pang Pedro, kung hindi ay magdudulot ka ng kahihiyan sa iyong sarili at hindi ka na makapagtataas ng ulo; hindi iyon makabubuti kahit kanino. Karamihan sa mga tao ay walang totoong tayog. Bagama’t marami nang nagawang gawain ang Diyos, hindi pa Niya naihahatid ang realidad sa mga tao; para mas eksakto, hindi pa Niya nakastigo nang personal ang sinuman kailanman. Ang ilang tao ay nalantad na sa gayong mga pagsubok, ang kanilang makasalanang mga kamay ay palayo nang palayo, iniisip na madaling malamangan ang Diyos, na kaya nilang gawin ang anumang gusto nila. Yamang hindi nila kayang matagalan maging ang ganitong uri ng pagsubok, hindi na kailangang pag-usapan pa ang mas mahihirap na pagsubok para sa kanila, gayon din ang pagtataglay ng realidad. Hindi ba sinusubukan lamang nilang lokohin ang Diyos? Ang pagkakaroon ng realidad ay hindi isang bagay na maaaring dayain, ni hindi isang bagay ang realidad na makakamit mo sa pamamagitan ng pag-alam dito. Depende iyon sa iyong totoong tayog, gayon din kung kaya mong matagalan ang lahat ng pagsubok o hindi. Nauunawaan mo ba?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa Lamang ng Katotohanan ang Pagtataglay ng Realidad

Tingnan ang iba pa

Madalas nang mangyari ngayon ang mga sakuna. Paano natin masasalubong ang Panginoon at paano tayo maililigtas ng Diyos bago ang malalaking sakuna? Magkasama tayong magsiyasat upang mahanap ang landas.

I-share

Kanselahin

Kontakin Kami Gamit ang Messnger