Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagpasok sa Buhay | Sipi 393

Hunyo 13, 2022

Ang karaniwang problema na umiiral sa lahat ng tao ay yaong nauunawaan nila ang katotohanan ngunit hindi ito naisasagawa. Sa isang banda, dahil ito sa hindi sila handang magbayad ng halaga para rito, at sa kabilang banda, masyadong salat ang kanilang pagkahiwatig; hindi nila kayang makita ang marami sa mga paghihirap sa pang-araw-araw na pamumuhay sa kung ano ang mga ito, gayundin ay hindi nila alam kung paano magsagawa nang wasto. Sa dahilang ang mga karanasan ng mga tao ay masyadong mababaw, ang kanilang kakayahan ay masyadong mahina, at ang antas ng kanilang pag-unawa sa katotohanan ay limitado, wala silang kakayanang lutasin ang mga paghihirap na kanilang nararanasan sa araw-araw na buhay. Nananampalataya sila sa Diyos sa salita lamang, at hindi nila kayang dalhin ang Diyos sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Ibig sabihin, ang Diyos ay Diyos, ang buhay ay buhay, at para bang ang mga tao ay walang relasyon sa Diyos sa kanilang buhay. Iyan ang iniisip ng lahat ng tao. Dahil sa gayong paniniwala sa Diyos, ang mga tao, sa realidad, ay hindi Niya makakamit at mapeperpekto. Sa katunayan, hindi sa hindi ganap ang pagpapabatid ng salita ng Diyos, bagkus ay sadyang hindi lang sapat ang kakayahan ng mga tao na tanggapin ang Kanyang salita. Masasabi na halos walang isa mang tao na kumikilos ayon sa mga orihinal na layunin ng Diyos; sa halip, ang kanilang pananampalataya sa Diyos ay alinsunod sa kanilang sariling mga intensyon, sa kanilang mga relihiyosong kuru-kuro noong nakalipas, at sa kanilang sariling pamamaraan ng pagsasagawa ng mga bagay-bagay. Kakaunti ang mga sumasailalim sa pagbabago kasunod ng pagtanggap ng salita ng Diyos at nagsisimulang kumilos alinsunod sa Kanyang kalooban. Sa halip, nagpapatuloy sila sa kanilang mga maling paniniwala. Kapag ang mga tao ay nagsimulang maniwala sa Diyos, ginagawa nila ito batay sa mga nakaugaliang patakaran ng relihiyon, at namumuhay at nakikihalubilo sila sa iba batay lamang sa kanilang sariling pilosopiya sa pamumuhay. Masasabing iyan ang kalagayan ng siyam sa bawat sampung tao. Napakakaunti ang bumubuo ng isa pang plano at nagbabagong-buhay pagkatapos umpisahang maniwala sa Diyos. Nabigo ang sangkatauhan na ituring ang salita ng Diyos bilang katotohanan, o, kung tinatanggap ito bilang katotohanan, na isagawa ito.

Tingnan bilang halimbawa ang pananampalataya kay Jesus. Baguhan man sa pananampalataya ang isang tao o matagal na panahon nang may pananampalataya, ang lahat ay ginagamit lamang ang anumang mga talento na mayroon sila at nagpapamalas ng anumang mga kasanayang kanilang angkin. Idinagdag lamang ng mga tao ang tatlong salitang “pananampalataya sa Diyos” sa normal nilang buhay, ngunit walang ginawang pagbabago sa kanilang disposisyon, at ang kanilang pananampalataya sa Diyos ay hindi lumago kahit na katiting. Ang pagpupursigi nila ay hindi mainit at hindi rin malamig. Hindi nila sinabi na bibitiw sila sa kanilang pananampalataya, pero hindi rin nila inihandog ang lahat sa Diyos. Kailanman ay hindi nila tunay na minahal ang Diyos o sinunod Siya. Ang kanilang pananampalataya sa Diyos ay pinaghalong tunay at huwad, ang naging pagdulog nila ay sa pamamagitan ng isang matang dilat at isang matang pikit, at hindi sila naging masigasig sa pagsasagawa ng kanilang pananampalataya. Nagpatuloy sila sa kalagayan ng pagiging nalilito, at sa huli ay namatay nang lango sa pagkalito. Ano ang punto ng lahat ng iyon? Ngayon, upang maniwala sa praktikal na Diyos, kailangan mong tumapak sa tamang landas. Kung naniniwala ka sa Diyos, hindi ka lamang dapat maghanap ng mga pagpapala, kundi mahalin ang Diyos at makilala ang Diyos. Sa pamamagitan ng Kanyang kaliwanagan at ng iyong sariling paghahanap, makakain at maiinom mo ang Kanyang salita, makabubuo ka ng isang tunay na pagkaunawa sa Diyos, at magkakaroon ka ng isang tunay na pag-ibig para sa Diyos na nanggagaling sa kaibuturan ng iyong puso. Sa madaling salita, kapag ang iyong pag-ibig para sa Diyos ay tunay na tunay, at walang sinumang makasisira o makahahadlang sa daan ng iyong pag-ibig para sa Kanya, ikaw kung gayon ay nasa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos. Pinatutunayan nito na pag-aari ka ng Diyos, sapagkat ang puso mo ay naangkin na ng Diyos at sa gayon ay hindi ka na maaangkin ng iba pa. Sa pamamagitan ng iyong karanasan, ng iyong ibinayad na halaga, at ng gawain ng Diyos, nagagawang umusbong nang kusa ng pag-ibig mo para sa Diyos—at kapag nagkagayon, ikaw ay mapapalaya mula sa impluwensya ni Satanas at mabubuhay sa liwanag ng salita ng Diyos. Tanging kapag ikaw ay nakalaya na mula sa impluwensya ng kadiliman, saka lang masasabing nakamit mo na ang Diyos. Sa iyong paniniwala sa Diyos, dapat mong subukang abutin ang mithiing ito. Ito ang tungkulin ng bawat isa sa inyo. Wala sa inyong dapat masiyahan sa kasalukuyang kalagayan ng mga bagay-bagay. Hindi kayo maaaring magdalawang-isip sa gawain ng Diyos o ituring ito na basta-basta lang. Dapat ninyong isipin ang Diyos sa lahat ng larangan at sa lahat ng panahon, at gawin ang lahat ng bagay para sa Kanyang kapakanan. At tuwing nagsasalita kayo o kumikilos, dapat ninyong unahin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Tanging sa ganitong paraan kayo magiging kaayon ng puso ng Diyos.

mula sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Tingnan ang iba pa

Madalas nang mangyari ngayon ang mga sakuna. Paano natin masasalubong ang Panginoon at paano tayo maililigtas ng Diyos bago ang malalaking sakuna? Magkasama tayong magsiyasat upang mahanap ang landas.

I-share

Kanselahin

Kontakin Kami Gamit ang Messnger