Paano Hangarin at Kamtin ang Katotohanan (12)
Ang Pagbabahagi Mula sa ang Itaas na Brother – Nobyembre 3, 2025 (Ikawalong Bahagi)
Tanong 15: Araw-araw sa aking tungkulin, marami akong nararanasang bagay at nagbubunyag ako ng maraming katiwalian, pero bihirang-bihira kong matanto ang mga pagbubunyag na ito ng katiwalian at hanapin ang katotohanan para matugunan ang mga ito. Palagi kong nararamdaman na hindi gaanong marami ang nakakamit ko. Paano ko makikilala ang katiwaliang ibinubunyag ko araw-araw at hahangaring makapasok sa katotohanan?
Sagot: Alam ba ninyo kung ano ang pinakamalaking pakinabang ng isang tao bawat araw? Ito ay ang kakayahang makaunawa ng kaunting katotohanan araw-araw. Halimbawa, kapag nagkakamit ka ng kaunting pagtanglaw sa isang partikular na aspekto ng katotohanan, at medyo lumalalim ang iyong pagkaunawa sa katotohanan, isa itong uri ng pakinabang. Kapag nagkakamit ka ng kaunting pagkilala sa katiwaliang naibunyag mo, o mas lumalim ang iyong pagkilala kaysa dati, isa rin itong uri ng pakinabang, at ito ang pinakamalaking pakinabang. Kapag nagagawa mong isagawa ang katotohanan at maarok ang mga prinsipyo sa ilang partikular na bagay, isa rin itong pakinabang. Bukod pa rito, kapag may kamalayan mong isinasagawa ang pagpapasakop sa Diyos sa ilang partikular na bagay, isa rin itong pakinabang sa paglago ng buhay. Lahat ng ito ay mga pakinabang. Kung makapagkakamit ka ng dalawa o tatlong uri ng pakinabang bawat araw, kung gayon ay normal na lumalago ang iyong buhay. Ito ang pinakanormal na kalagayan na maaari mong taglayin. Ang katotohanan ay hindi isang bagay na lubos na magiging malinaw sa iyo sa loob lang ng isa o dalawang araw. Ito ay tungkol sa pagkakamit ng kaunting pagtanglaw ngayon at pagpapalalim ng iyong pagkaunawa, pagkatapos ay pagkakamit ng kaunti pang pagtanglaw bukas at lalo pa itong palalalimin. Sa susunod na araw, nagiging medyo mas malinaw sa iyo ang mga prinsipyo ng pagsasagawa ng katotohanan, at sa susunod pang araw, lalo ka pang malilinawan. Sa huli, makakamit mo ang isang ganap na pagkaunawa sa katotohanan at maaarok mo ang mga prinsipyo. Ito ang normal na proseso ng paglago ng buhay. Kaya, sa anumang aspekto ka man nagkamit ng mga pakinabang, lahat ng iyon ay tunay na mabuti. Ipinapakita nito na lumalago ang iyong buhay at na nararanasan mo ang gawain ng Diyos sa normal na paraan. Kung magkakaroon ka ng ganitong mga natamo araw-araw, iyan ay tunay na napakahalaga, at mabilis na lalago ang iyong buhay!
Tanong 16: Isa akong direktor ng ebanghelyo. Kapag nakakatuklas ako ng mga problema sa mga tungkulin ng aking mga kapatid, sa simula ay nagagawa kong maging mapagparaya at mapagpasensya at tulungan sila, pero pagkatapos silang tulungan nang maraming beses, hindi pa rin nagbabago ang ilan. Kung minsan ay mahigpit ko silang pinupungusan, pero ang resulta, nasasaktan ko ang mga damdamin nila, at nagiging negatibo sila at ayaw na akong kausapin. Paano ako dapat magsagawa para makalutas ako ng mga problema at maiwasan kong malimitahan ang mga kapatid?
Sagot: Nangangailangan ito ng kaunting karunungan. Anong uri ng karunungan? Sabihin ninyo sa akin, ano ang batayan sa pagpupungos sa mga tao? Nakabatay ito sa pagtulong sa kanilang maunawaan ang katotohanan. Halimbawa, kung apurahan ang isang bagay at nababalisa ka at pinungusan mo muna ang isang tao, pero hindi niya nauunawaan ang katotohanan, masasaktan siya at magiging negatibo. Kaya, pagkatapos maasikaso ang gawain, dapat kang agad na makipagbahaginan sa kanya tungkol sa katotohanan. Pagkatapos niyang makinig sa iyo at maunawaan ang katotohanan sa kanyang puso, sasabihin niya, “Talagang masama ang loob ko noong una mo akong pinungusan, pero ngayong nakipagbahaginan ka na sa akin tungkol sa katotohanan, nauunawaan ko na nasa akin pala ang problema.” Tingnan mo, sa sandaling makilala na niya ang kanyang sarili, hindi na siya masasaktan. Samakatwid, kapag pinupungusan mo ang mga tao, dapat ka ring magbahagi tungkol sa katotohanan para malutas ang problema. Ito ang nakapagbibigay-pakinabang sa mga tao. O kaya, maaari mong ipagpaliban nang kaunti ang pagpupungos sa kanila; isa rin itong anyo ng karunungan. Kailangan mong tingnan kung may tayog sila. Kung nagsimula pa lang silang manampalataya sa Diyos at napakababa pa ng kanilang tayog, ang pagpupungos sa kanila ay maaaring maging dahilan para maging negatibo sila nang husto na hindi na sila makabangon, at baka huminto pa nga sila sa pananampalataya. Talagang hindi mo maaaring pungusan ang gayong tao. Kapag nagsisimula pa lang manampalataya sa Diyos ang mga tao, para silang mga bagong silang na sanggol; kailangan mo silang suyuin sa lahat ng bagay. Kahit na pabaya sila sa kanilang mga tungkulin, huwag kang magmadali sa pagpupungos sa kanila. Maaari mo silang basahan ng mga salita ng Diyos at, sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan sa mga salita ng Diyos, gabayan sila at tulungang maunawaan ang katotohanan at unti-unting makilala ang kanilang sarili. Kapag binabasa ng mga tao ang mga salita ng Diyos at nakikita ang mga salitang naglalantad at nagpupungos sa mga tao, mas maliit ang posibilidad na maging negatibo sila at magiging mas madali para sa kanila na tanggapin ito. Pero pagdating sa pagiging pinupungusan ng ibang tao, nahihirapan silang tanggapin ito at malamang na sumama ang loob nila at maging negatibo sila. Hindi ba’t ganoon iyon? (Oo.) Kaya, para sa mga baguhan na may mababang tayog, huwag mo silang pungusan agad-agad. Malulutas mo ang problema sa pamamagitan ng pagbabasa sa kanila ng mga salita ng Diyos at pagbabahagi tungkol sa katotohanan. Kung gayon, sino ang maaaring pungusan? Iyong mga matagal nang nananampalataya sa Diyos ay maaaring pungusan. Paano mo man sila pungusan, hindi sila aalis sa iglesia. Maaaring sumama ang loob nila sa simula, pero pagkatapos, kapag naunawaan na nila ang katotohanan at nakilala ang kanilang sarili, babangon sila mula sa kanilang pagiging negatibo. Hindi ka lang nila hindi kamumuhian, kundi matutuwa pa sila at magpapasalamat sa iyo. Maaari mong pungusan ang gayong tao sa anumang paraang gusto mo. Pero hindi mo maaaring pungusan ang mga bagong mananampalataya o iyong mga may napakababang tayog. Kung gagawin mo iyon, magiging negatibo sila, at kung pupungusan mo sila nang mahigpit, maaari silang umalis. Maglalakas-loob ka bang pungusan ang gayong tao? Kahit ako ay hindi. Dapat ninyong tandaan na isaalang-alang ang dalawang bagay kapag nagpupungos ng isang tao. Una, dapat mong isaalang-alang kung kaya ba itong tiisin ng kanyang tayog, at pangalawa, dapat kang gumamit ng kaunting karunungan. Anong uri ng karunungan? Dapat ka munang magbahagi tungkol sa katotohanan para malutas ang problema. Kung nakipagbahaginan ka na sa katotohanan at nauunawaan na niya ito pero sinasadya pa ring maging pabaya, dapat mo siyang bigyan ng babala, tanungin siya, “Bakit ka nagiging pabaya na naman? Nakapagbahaginan na tayo sa aspektong ito ng katotohanan. Ano ang sinasabi ng mga salita ng Diyos?” Kung tinanggap niya ang iyong babala pero naging pabaya ulit kalaunan, angkop nang pungusan mo siya. Kung paulit-ulit siyang nagiging pabaya, ano ang magiging unang reaksyon niya kapag pinungusan mo siya? Sasabihin niya, “Hindi nila kasalanan na pinungusan ako. Masyado lang akong mapaghimagsik. Nagbahagi na sila tungkol sa katotohanan para tulungan ako nang ilang beses, at naunawaan ko ang katotohanan pero ganoon pa rin ang ginawa ko. Nararapat lang akong mapungusan.” Tingnan mo, hindi ka niya kamumuhian o hindi siya magiging negatibo, at magsisimula siyang kamuhian ang kanyang sarili. Hindi ba’t ganoon nga? (Oo.) Samakatwid, dapat kang gumamit ng kaunting karunungan kapag nagpupungos ng mga tao. Huwag kang padalos-dalos sa pagpupungos sa mga tao, lalo na sa mga may mababang tayog. Dapat mo silang tratuhin ayon sa kanilang tayog at sa kanilang kakayahang tiisin ito.
Tanong 17: Kapag nangangaral ng ebanghelyo, maraming kapatid ang nakararanas ng pag-uusig mula sa gobyerno at sa mundo ng relihiyon, pati na rin ng pagtatakwil mula sa kanilang mga pamilya. Dahil dito, sila ay nagiging negatibo at mahina. Paano kami dapat makipagbahaginan para gabayan sila upang sa pagharap nila sa gayong mga paghihirap, mararanasan nila ang gawain ng Diyos at aktibo pa ring magagampanan ang kanilang bahagi sa gawain ng ebanghelyo?
Sagot: Hindi maiiwasan na makakaranas ang mga tao ng mga paghihirap sa kanilang tungkulin. Kapag napakaraming paghihirap ang iyong kinakaharap pero napakababa ng iyong tayog, sa ano ka dapat umasa para manatiling matatag? Dapat kang umasa sa pag-unawa sa katotohanan para manatiling matatag. Ang pag-unawa sa katotohanan ay makapagbibigay sa atin ng lakas, makapagtutulot sa atin na magpursigi sa ating tungkulin, at magpapatatag sa ating pananalig. Ang pag-unawa sa katotohanan ang pinakamahalagang bagay. Samakatwid, habang mas maraming paghihirap ang iyong kinakaharap, at habang mas inuusig ka ng gobyerno at ng mundo ng relihiyon, at itinatakwil ng iyong pamilya, mas dapat kang magbasa ng mga salita ng Diyos at makipagbahaginan sa katotohanan. Ang mga salita ng Diyos ay makapagbibigay sa mga tao ng lakas, makapagtutulot sa mga taong maunawaan ang mga layunin ng Diyos, makapagbibigay-kakayahan sa mga taong matarok ang lahat ng bagay, at makapagtutulot sa mga taong makilala ang gawain ng Diyos at kung paano ito danasin para manindigan sa kanilang patotoo sa Diyos. Kaya, kapag nagiging negatibo at mahina ang mga tao matapos makaranas ng mga paghihirap sa kanilang mga tungkulin, bilang mga lider at manggagawa, hindi natin sila dapat pungusan kailanman. Sa sitwasyong ito, kailangan lang nating makipagbahaginan sa katotohanan. Dapat tayong makipagbahaginan, makipagbahaginan, at lalo pang makipagbahaginan. Dapat natin silang tustusan, tustusan, at higit pang tustusan. Ito ang pinakamahusay na paraan para malutas ang problemang ito.
Tanong 18: Palagi kong pinaplano nang maayos ang aking tungkulin, pero pagdating sa aktuwal na paggawa nito, nakararanas ako ng ilang hindi inaasahang sitwasyon o praktikal na paghihirap, at may tendensiya akong sumuko sa kalagitnaan. Hindi ko magawang ituloy ang aking mga plano o magpursigi hanggang sa puntong may nakakamit na resulta. Ano ang problema rito? Paano ko malulutas ang kalagayang ito?
Sagot: May isang idyomang Tsino na ang katumbas sa Filipino ay “Ang lumalakad nang matulin kung matinik ay malalim.” Nauunawaan ba ninyo kung ano ang ibig sabihin nito? Ibig sabihin, kung masyado kang sabik sa tagumpay, hindi mo makakamit ang resultang ninanais mo. Kailangan mong maging mapagpasensya at matiyaga, at gawin ang mga bagay-bagay nang paisa-isang hakbang. Makakamit ba ng isang tao ang isang bagay agad-agad sa pamamagitan lang ng pagpaplano nito? Hindi kayang makasabay ng mga plano sa mga pagbabago, at ang mga bagay na pinaplano ng mga tao ay madalas na hindi madaling makamit. Ang Diyos ay makapangyarihan-sa-lahat at puspos ng karunungan, at Siya ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Anuman ang nais gawin ng Diyos ay tiyak na magagawa at makakamit. Pero tayong mga tao ay hindi ganoon, at hindi lahat ng ating pinaplano ay maaaring makamit. Samakatwid, kailangan mong maging pleksible sa iyong gawain at huwag maging masyadong mahigpit sa pagsunod sa mga plano. Anuman ang iyong ginagawa, tandaan na ang lumalakad nang matulin kung matinik ay malalim. Normal na magkaroon ng ilang paghihirap, kaya kailangan mong harapin ang mga praktikal na problema sa praktikal na paraan. Hindi ba’t totoo ito? (Oo.) Halimbawa, ang bilang ng hinirang na mga tao ng Diyos sa bawat bansa ay dumarami araw-araw, kaya kailangang mag-imprenta ang iglesia ng malaking bilang ng mga aklat ng mga salita ng Diyos para matustusan ang hinirang na mga tao ng Diyos na kasasapi lang sa iglesia, para makakain at makainom sila ng mga salita ng Diyos. Nangangailangan ito ng maliliit na palimbagan para i-imprenta ang mga aklat na ito. Pero para magtayo ng isang palimbagan, una ay kailangan mo ng isang pagawaan, at pangalawa, kailangan mong bumili ng mga makina. Maraming paghihirap dito, at sa maraming lugar, hindi ito magagawa. Kaya paano malulutas ang isyung ito? May iba pa bang mga paraan? Ang isang paraan ay para sa mga lugar na may mga palimbagan na mag-imprenta ng mas maraming aklat, sapat para tumagal nang ilang taon, at pagkatapos ay itabi ang mga ito. Ang isa pang paraan ay maghanda ng ilang photocopier, na maaari ding gamitin para i-imprenta ang mga aklat. Tingnan mo, minsan kapag mahirap ipatupad ang mga plano, kailangan nating humanap ng ibang mga paraan para malutas ang problema. Hindi ba’t ganoon iyon? (Oo.)
Tanong 19: Kamakailan, nagkaroon ng insidente kung saan ang isang anticristo ay nagdulot ng panggugulo sa iglesia. Mahigit tatlong taon na ang anticristong ito sa iglesia, at ngayon ay hindi lang niya itinatanggi ang gawain ng Diyos kundi nagpapadala rin siya ng mga mensahe at tumatawag sa telepono para guluhin ang mga kapatid. Nais kong humingi ng pagbabahaginan tungkol sa kung anong mga katotohanan ang dapat kong isangkap sa aking sarili kapag nahaharap sa mga panggugulo mula sa mga anticristo para makilatis ko sila at maprotektahan din ang mga kapatid sa iglesia.
Sagot: Normal lang na lumitaw ang mga anticristo sa mga iglesia. Napakaraming anticristo na ang lumitaw sa mga iglesia sa mainland China sa nakalipas na tatlumpung taon, hindi ba? (Oo.) Kaya normal lang na lumitaw ang mga anticristo sa mga iglesia sa iba’t ibang bansa ngayon. Hindi ito kakatwa. Kung gayon, paano dapat maranasan ng isang tao ang usapin ng paglitaw ng isang anticristo? Una, dapat mong makilatis ang mga anticristo. Anong uri ng tao ang isang anticristo? (Isang masamang tao.) Isa bang taong naghahangad ng katotohanan ang isang anticristo? (Hindi.) Kung gayon, ang mga anticristo ba ay namumuhi at tutol sa katotohanan? (Oo.) Sa anong batayan natin sinasabi na ang mga anticristo ay namumuhi at tutol sa katotohanan? Mayroon bang anumang ebidensya? (Oo, hindi kailanman nagninilay o kumikilala sa kanilang sarili ang mga anticristo, at hindi nila kailanman tinatanggap ang katotohanan.) Tama iyan. Ganito mo dapat tingnan at kilatisin ang mga anticristo. Kung hindi sila kailanman nagsasalita tungkol sa pagkilala sa kanilang sarili o umaamin na may mga tiwaling disposisyon sila, pinatutunayan nito na hindi nila kinikilala o tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti. Hindi ba’t tama ito? (Oo.) Una sa lahat, alam nating lahat na sinumang hindi nagsasalita tungkol sa pagkilala sa kanyang sarili ay hindi tumatanggap sa katotohanan. Kaya, kung ang isang tao na nananampalataya sa Diyos sa loob ng isa hanggang tatlong taon ay hindi pa rin nagsasalita tungkol sa pagkilala sa kanyang sarili o sa mga tiwaling disposisyong ibinubunyag niya, kung gayon ay nasa panganib siya. Hindi ba’t ganito ang kaso? (Oo.) Ang hindi kailanman pagsasalita tungkol sa pagkilala sa sarili ay isang tanda ng panganib. Hindi kailanman nagsasalita ang mga anticristo tungkol sa pagkilala sa kanilang sarili. Ito ang pinakahalatang katangian ng isang anticristo. Kaya paano mo malalaman kung ang isang lider o manggagawa ay isang anticristo? Tandaan, sinumang lider o manggagawa na hindi kailanman nagsasalita tungkol sa pagkilala sa kanyang sarili ay isang huwad na lider, isang huwad na manggagawa, o kaya ay isang anticristo. Ganyan mo siya kinikilatis. At paano mo kinikilatis yaong mga walang espirituwal na pang-unawa? Ang hindi kailanman pagsasalita tungkol sa mga espirituwal na bagay sa buhay, at hindi kailanman pagtalakay sa katotohanan sa mga salita ng Diyos, at hindi pagkakaroon ng anumang pagkaunawa sa mga espirituwal na bagay sa buhay o anumang kaalaman sa mga bagay na kinasasangkutan ng katotohanan—ito ang ibig sabihin ng kawalan ng espirituwal na pang-unawa. Sa sandaling ang isang taong walang espirituwal na pang-unawa ay maging isang lider, siya ay isang huwad na lider o kaya ay isang anticristo. Samakatwid, ang mga taong walang espirituwal na pang-unawa ay hindi maaaring maging mga lider o manggagawa. Ang ilan sa mga hindi kailanman nagsasalita tungkol sa pagkilala sa kanilang sarili ay walang espirituwal na pang-unawa, at ang ilan ay mga anticristo. Ang ilang anticristo ay maaaring may espirituwal na pang-unawa, at maaari nilang aminin na ang mga tao ay may mga tiwaling disposisyon, pero sila mismo ay hindi tumatanggap sa katotohanan. Kaya maaari pa ba silang magsalita tungkol sa pagkilala sa kanilang sarili? (Hindi.) Dahil hindi nila tinatanggap ang katotohanan, hindi sila nagsasalita tungkol sa pagkilala sa kanilang sarili. Iniisip nila, “Hindi ba’t ang pagsasalita tungkol sa pagkilala sa sarili ay pangmamaliit sa aking sarili?” Sila ay mapagpaimbabaw at mapanlinlang tulad ng mga Pariseo, at hindi sila kailanman nagsasalita tungkol sa pagkilala sa kanilang sarili. Hindi ba’t ganoon iyon? (Oo.) Samakatwid, ang isang lider ba na hindi kailanman nagsasalita tungkol sa pagkilala sa kanyang sarili o nagsasabing mayroon siyang mga tiwaling disposisyon, na malinaw na nagbubunyag ng maraming katiwalian at nagpapahayag ng maraming reklamo ngunit hindi kailanman umaamin dito, ay angkop pa bang maging isang lider? (Hindi.) Dapat siyang tanggalin sa tungkulin kaagad. Kung hindi, magsisimula siyang manlihis at maminsala ng mga tao. Sa sandaling magkaroon ng kapangyarihan ang isang anticristo sa iglesia, makakapasok pa ba sa katotohanang realidad ang hinirang na mga tao ng Diyos? (Hindi.) Sa sandaling magkaroon ng kapangyarihan ang isang anticristo, wala ni isa sa hinirang na mga tao ng Diyos sa ilalim ng kanyang pamumuno ang makakapasok sa katotohanang realidad. Itinataguyod ba ng mga anticristo ang gawain ng sambahayan ng Diyos? (Hindi.) Kapag nasa kapangyarihan ang isang anticristo, magagawa ba nang maayos ng hinirang na mga tao ng Diyos ang kanilang tungkulin? (Hindi.) Kung hindi magawa nang maayos ng hinirang na mga tao ng Diyos ang kanilang tungkulin, makakausad ba nang normal ang gawain ng ebanghelyo ng sambahayan ng Diyos at ang iba’t ibang aytem ng gawain ng iglesia? (Hindi.) Kaya ano ang mga kahihinatnan ng paghawak ng isang anticristo ng kapangyarihan? Una, walang buhay pagpasok ang mga tao. Pangalawa, ang gawain ng iglesia ay pabawas nang pabawas ang pagiging epektibo, hanggang sa kalaunan ay nauuwi ito sa lubos na pagkakawatak-watak at ang hinirang na mga tao ng Diyos ay nagiging isang watak-watak na kawan na walang sinumang magpapastol sa kanila, at ang iglesia ay nagiging lupang tigang. Ito ang mga kahihinatnan ng paghawak ng isang anticristo ng kapangyarihan, kaya sa sandaling maibunyag ang isang anticristo, dapat siyang alisin kaagad sa iglesia. Kaya paano ninyo aalisin sa iglesia ang mga taong ito? Dapat ka munang makipagbahaginan sa hinirang na mga tao ng Diyos tungkol sa mga katotohanan ng pagkilatis at kausapin ang lahat tungkol sa kung paano kilatisin ang mga anticristo at kung ano ang kanilang mga pinakahalatang pagpapamalas. Sa sandaling ilantad mo ang mga pagpapamalas ng anticristong ito ayon sa mga salita ng Diyos at ikumpara ng lahat ang mga iyon sa mga salita ng Diyos, sasabihin nila, “Isa siyang anticristo! Ang kanyang mga pagpapamalas ay eksaktong katulad ng mga inilantad ng mga salita ng Diyos.” Sa puntong ito, makikilatis na ng lahat ang anticristo, at pagkatapos ay itatakwil at ibubukod nila siya. Ano ang ibig sabihin ng ibukod siya? Ibig sabihin, wala nang maniniwala o makikinig sa kanya, at hindi na niya malilihis ang sinuman. Kung mayroong sinumang taong magulo ang isip o taong baligho na pinakamalapit sa kanya at iginigiit na pumanig sa kanya, kung gayon ay maaari mo na lang silang paalisin pareho. Ano ang palagay ninyo sa pamamaraang iyon? (Magandang pamamaraan iyon para dito.) Dapat din ninyong tandaan na bawat anticristo o masamang tao ay tiyak na may mga kasabwat. Tiyak na mayroon silang mga kaibigan at katulong. Kapag pinapaalis mo ang mga anticristo at masasamang tao, dapat mong tiyakin na paalisin din ang kanilang mga kasabwat. Sa ganitong paraan, lubusan mong masusugpo ang gulo. Ganito mo dapat harapin ang mga anticristo. Kaya paano mo malalaman kung sino ang tapat sa Diyos at kung sino ang nagtataguyod sa gawain ng sambahayan ng Diyos? Ano ang mga pangunahing pagpapamalas na hahanapin? Kapag lumitaw ang isang anticristo o isang masamang tao sa iglesia at nagdulot ng mga panggugulo, sinumang maaaring kumilos para ilantad ang anticristong ito, makipagbahaginan sa katotohanan para tulungan ang hinirang na mga tao ng Diyos na makilatis ang anticristong ito, at sa huli ay akayin ang hinirang na mga tao ng Diyos na itakwil at paalisin ang anticristong ito ay isang haligi ng iglesia. Kapag pumipili ng mga lider, pumili ng mga taong may gayong pagpapahalaga sa katarungan. Nauunawaan ba? (Oo.) Kaya bakit nanlilihis ng mga tao ang mga anticristo? Bakit gumagawa pa rin sila ng kasamaan gayong alam na alam nilang ang mga salita ng Diyos ang katotohanan? Ito ang kalikasan at diwa ng isang masamang tao. Nanlilihis siya ng mga tao, sinasalungat ang Diyos, at ginugulo ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Ito ang pinakamasamang uri ng tao. Pag-isipan ninyo ito: Kung ang isang lider ay isang taong totoo at alam niyang wala siyang anumang katotohanang realidad at hindi niya kayang pamunuan ang iglesia, ano ang sasabihin niya? Sasabihin niya, “Masyadong mahina ang aking kakayahan, hindi ko kayang arukin ang katotohanan, at palagi akong may mga kuru-kuro tungkol sa Diyos. Talagang baligho ako. Hindi ako angkop na maging isang lider. Dapat na lang akong magbitiw para hindi ko maantala ang iba. Hindi ko dapat pinsalain ang hinirang na mga tao ng Diyos.” Kung masasabi niya ito, mayroon pa siyang kaunting konsensiya at kabutihan. Pero hindi ganito mag-isip ang isang anticristo. Sinasabi ng isang anticristo, “Kung hindi ako maaaring pagpalain, hindi ko rin hahayaang pagpalain kayo. Huwag na ninyong isipin pa ang pagpasok sa kaharian ng langit. Ililigaw ko kayong lahat!” Hindi ba’t talagang masama ang mga intensyon ng isang anticristo? (Oo.) Ang mga intensyon ng isang anticristo ay talagang masama! Dapat ninyong makita nang malinaw ang mga bagay na ito. Bakit natin sinasabi na masama ang mga anticristo? Ito ay dahil gumagawa sila ng kasamaan nang hindi man lang kumukurap, nang walang anumang pagninilay sa sarili, at nang hindi itinitigil ang kanilang masasamang gawa. Ang gayong mga tao ay masama sa kaibuturan. Kung ang isang lider ay isang taong totoo at alam niyang isa siyang huwad na lider na lumalakad sa landas ng isang anticristo, mabilis niyang aaminin ang kanyang pagkakamali at magbibitiw siya. Sasabihin niya, “Hindi ko dapat pinsalain ang hinirang na mga tao ng Diyos. Kung magpapatuloy ako bilang isang lider, sisirain ko ang buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos. Iyon ay pagkukulang sa Diyos sa itaas at sa hinirang na mga tao ng Diyos sa ibaba. Hindi iyan maaatim ng aking konsensiya!” Kung ganito siya mag-isip, mayroon ba siyang konsensiya at katwiran? (Mayroon.) Pero bakit hindi ito magawa ng isang anticristo? Ipinapakita nito na ang kalikasan ng isang anticristo ay talagang masama. Hindi siya mabait. Masama siya. Magandang paraan ba ito para makilatis ang mga anticristo? (Oo.) Ganito ninyo dapat kilatisin ang mga anticristo. Magandang paraan ba ito para sagutin ang tanong na ito? (Oo.)
Tapos nang sagutin ang lahat ng tanong, kaya magbahaginan tayo tungkol sa ilan pang bagay. Nakikita ba ninyo na papalaki nang papalaki ang mga sakuna? (Oo.) Kung tumama ang isang sakuna sa isang partikular na lugar, halimbawa ay isang malaking lindol, at hindi na maaaring manatili sa kanilang mga tahanan ang ilang hinirang na mga tao ng Diyos, ano ang dapat gawin? Dapat silang umalis kaagad sa kanilang mga tahanan at lumipat sa isang mas ligtas na lugar. Sa gayong mga panahon, dapat magmahalan ang mga kapatid. Kung ligtas pansamantala ang tahanan ng isang kapatid, maaari ba nilang patuluyin nang may pagmamahal ang kanilang mga kapatid na tinamaan ng sakuna? (Oo.) Ito ay paghahanda ng mabubuting gawa. Tingnan ninyo kung paano puspusang inaaresto ng malaking pulang dragon ang mga nananampalataya sa Diyos sa mainland China. Nagpapatrolya ang mga sasakyan ng pulis sa mga lansangan araw-araw. Maraming kapatid ang sinusubaybayan at tinitiktikan ng pulisya ng CCP habang nagtitipon, nangangaral ng ebanghelyo, o gumagawa ng kanilang tungkulin. Gumagamit din ang CCP ng mga high-tech na pamamaraan para tugisin ang hinirang na mga tao ng Diyos, na nagtatapos sa mga magkakaugnay na malawakang pag-aresto. Maraming tao ang inaaresto at ibinibilanggo, at marami pang ibang kapatid ang pinaghahanap at tinutugis ng CCP, hindi na makabalik sa kanilang mga tahanan, ang kanilang pamilya ay namatayan at nagkawatak-watak. Kailangan nilang umasa sa mapagmahal na pagpapatuloy at pagkupkop ng kanilang mga kapatid. Ang hinirang na mga tao ng Diyos sa mainland China ay dumaan sa gayong napakatinding sitwasyon. Yaong mga maaaring makipagsapalaran sa pagpapatuloy sa mga pinaghahanap na kapatid ay tunay na mapagmahal. Ang paghahanda ng gayong mabubuting gawa ay pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos. Kaya sa hinaharap, kung ang mga kapatid sa anumang bansa ay makaranas ng sakuna, mapapatuloy ba ninyo sila sa inyong tahanan? (Oo.) Ang magawang magpatuloy sa mga kapatid na tunay na nananampalataya sa Diyos at tulungan sila sa mahihirap na panahon ay isang mabuting gawa. Kung, sa panahon ng isang sakuna, palagi mong isinasaalang-alang ang iyong laman at nais mong mamuhay nang komportable, at nakikita mo ang mga kapatid na nagdurusa mula sa isang sakuna at walang tahanan ngunit hindi mo sila pinapatuloy sa iyong tahanan, mayroon bang anumang pag-ibig doon? Hindi ka ba inaakusahan at sinusumbatan ng iyong konsensiya? Sa gayong panahon, maibubunyag kung ang isang tao ay mapagmahal o hindi. Siyempre, maaaring may mga kapatid na may tunay na mga paghihirap, halimbawa, ang kanilang mga di-nananampalatayang miyembro ng pamilya ay tumututol sa kanila, o sa iba pang dahilan ay wala sila sa kalagayan na magpatuloy ng mga kapatid. Ano ang dapat gawin kung gayon? Sa gayong sitwasyon, magiging mabuti ba para sa iglesia na mag-ayos ng matutuluyan para sa mga kapatid na tinamaan ng sakuna? (Oo.) Sa ganitong paraan, kapag tumama ang mga sakuna, ang mga kapatid ay maaari pa ring magtipon para manalangin at magbasa ng mga salita ng Diyos. Hindi ba nito gagawing mas madali para sa mga tao na manatiling matatag sa gitna ng mga sakuna? (Oo.) Napakaraming paghihirap na dapat pagtagumpayan sa panahon ng isang sakuna, at kailangang magdusa nang kaunti ang mga tao. Hindi madali para sa isang tao na pagtagumpayan ang mga bagay na ito nang mag-isa, ngunit sa pagtutulungan ng mga kapatid, mas madaling manatiling matatag.
Ang hinirang na mga tao ng Diyos sa bawat bansa ay pawang umusad na at ang mga iglesia sa ilang bansa ay maaari nang makapagsarili. Hindi na ninyo kailangan ang mga kapatid na Tsino na patuloy na makipagtulungan sa inyo para diligan ang mga iglesia. Maaari nang kayo mismo ang magdilig sa mga kapatid sa inyong sariling bansa. Ang inyong kakayahan at tayog ay parehong sapat na, at mayroon na kayong ilang praktikal na karanasan, kaya lubos na kayong may kakayahang gumawa nang nagsasarili. Anuman ang bansang pinagmulan ng hinirang na mga tao ng Diyos, mayroon kayong lahat ng sarili ninyong awtonomiya sa inyong buhay iglesia. Hindi ninyo kailangan na gabayan o tulungan kayo ng mga kapatid na Tsino sa inyong gawain. Maaari ninyong piliing magsarili. Hangga’t sinasabi ninyo na ang mga iglesia sa inyong bansa ay maaari nang maging nagsasarili at hindi na nangangailangan ng pagdidilig mula sa mga kapatid na Tsino, iyan ay ayos na ayos lang. Isasaayos ng sambahayan ng Diyos na umalis ang mga kapatid na Tsino, at maaari na kayong maging nagsasarili. Kung kulang kayo sa tauhan at sasabihin ninyo, “Pakisaayos na magkaroon ng ilan pang kapatid na Tsino na magdidilig sa ganito o ganoong distrito o iglesia,” kung gayon ay ayos lang din iyon. Isasaayos ng sambahayan ng Diyos na diligan ng mga kapatid na Tsino ang distrito o iglesiang iyon, ngunit hindi nila kakailanganing gabayan ang inyong gawain. Mayroon kayong awtonomiya sa inyong gawain. Kayo mismong mga lider at manggagawa ay maaaring mag-usap tungkol sa mga bagay-bagay at magdesisyon sa inyong sarili, hangga’t gumagawa kayo ayon sa mga prinsipyong ibinahagi ng ang Itaas. Ayos ba iyon? (Oo.)
Napanood na ba ninyo ang mga kamakailang on-the-scene report tungkol sa buhay iglesia mula sa sambahayan ng Diyos? (Oo.) May mga ulat nang dumating tungkol sa buhay iglesia sa ilang bansa, at ang gawaing ito ay nagbubunga na. Kung nais din ng hinirang na mga tao ng Diyos mula sa ibang mga bansa na gumawa ng mga ulat tungkol sa inyong lokal na buhay iglesia, kung gayon ay kailangan ninyong malaman kung ano ang pinakamahalaga sa buhay iglesia, iyon ay ang pagbabahagi ng mga patotoong batay sa karanasan. Hangga’t mayroon kayong dalawa o tatlong kapatid diyan na may mga praktikal na patotoong batay sa karanasan na kapaki-pakinabang sa hinirang na mga tao ng Diyos sa buong mundo, at ang mga tao ay maaaring mapatibay pagkatapos marinig ang mga patotoong ito, kung gayon, ang inyong buhay iglesia ay karapat-dapat maiulat. Kung ito ay pananalangin, pagbabasa ng mga salita ng Diyos, pag-awit ng mga himno, at pagsasayaw lamang, ngunit walang segment para sa pagbabahagi ng mga patotoong batay sa karanasan, hindi ito maituturing na isang magandang on-the-scene report tungkol sa buhay iglesia. Sa pinakamainam, ito ay magiging isang simpleng ulat lamang. Samakatwid, napakahalaga ng segment ng patotoo. Ngunit pagkatapos mapanood ang unang ilang on-the-scene report tungkol sa buhay iglesia, huwag kayong magtakda ng mahihigpit na regulasyon para sa inyong sarili, na sinasabing, “Kailangan nating magbigay ng mas mahuhusay, mas malalalim na patotoo. Kung hindi tayo makahanap ng dalawa o tatlong mas mahuhusay, mas malalalim na patotoo, hindi tayo gagawa ng ulat.” Kung magtatakda ka ng gayong kataas na mga hinihingi, hindi magiging madaling makahanap ng angkop na mga patotoo, dahil karamihan sa hinirang na mga tao ng Diyos sa mga iglesia sa buong mundo ay dalawa hanggang limang taon pa lamang nananampalataya, at hindi pa sila makapagbabahagi ng napakalalim na mga patotoong batay sa karanasan. Ang hingin ito sa mga tao ay mali at naglilimita sa kanila. Sa realidad, hindi hinihingi ng sambahayan ng Diyos na ang iyong mga patotoo ay maging ganoon kataas o kalalim. Hangga’t ang mga ito ay totoo, praktikal, may kaugnayan sa karanasan sa buhay, at nakapagpapatibay sa karamihan ng mga tao, sapat na iyon. Hindi mo dapat itakda ang iyong mga hinihingi nang masyadong mataas, o gagawin mo lang mahirap ang mga bagay para sa iyong sarili, at palagi kang mahihirapang maghanap ng mga patotoo na tumutugon sa iyong mga hinihingi, at sa huli ay mababalisa at maiinis ka lang. Hindi ba’t ginagapos mo lang ang iyong sarili sa paggawa nito? (Oo.) Hindi iyan ang tamang gawin. Malalim man o mababaw ang inyong mga patotoong batay sa karanasan, hangga’t ang mga ito ay may kaugnayan sa karanasan sa buhay at bumubuo ng patotoo ng karanasan sa buhay, praktikal, at maaaring pakinabangan ng mga tao, ayos na iyon. Hindi masyadong mataas ang hinihingi ng sambahayan ng Diyos. Tingnan mo, ang mga patotoong batay sa karanasan sa unang ilang report sa buhay iglesia ay pawang magagaling at kapaki-pakinabang sa mga bagong kapatid, kaya huwag ipilit na magbigay ng pinakamataas at pinakamalalim na mga patotoo na humihigit sa mga patotoo ng ibang mga iglesia. Ang pag-iisip sa ganitong paraan ay hindi obhetibo o makatotohanan. Dapat nating ibigay anuman ang mga patotoong mayroon tayo, hangga’t ang mga ito ay totoo at praktikal. Bukod pa rito, ang mga iglesia sa iba’t ibang bansa ay maaari ding lumikha ng mga bagong himno na may sariling mga natatanging katangian. Anumang estilo ng himno ang gustong awitin ng mga tao sa inyong bansa, maaari kayong umawit sa estilong iyon. Anuman ang pinakamahuhusay na sayaw sa inyong bansa, maaari ninyong itanghal ang mga sayaw na iyon. Sa hinaharap, bawat bansa ay maaaring umawit ng sarili nitong mga himno at itanghal ang sarili nitong mga sayaw, bawat isa ay may sariling natatanging estilo. Ito ang magiging pinakamahusay. Huwag gayahin ang ibang mga bansa. Ang mga programa ng sambahayan ng Diyos ay walang mga regulasyon. Dapat hayaang mamukadkad ang lahat ng bulaklak. Sige lang at gawin ito, gamitin nang husto ang inyong mga kaloob at talento. Hangga’t nasisiyahan ang mga tao rito, nakikinabang dito, at nagagawa nitong magpatotoo sa Diyos, ito ay balido. Naiintindihan ba? (Oo.)
Tapusin na natin dito ang pagtitipon ngayon. Paalam! (Paalam, brother!)
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.