Mga Sagot ng Ang Itaas sa mga Tanong ng Hinirang na mga Tao ng Diyos Mula sa Buong Mundo (4)
Ang Pagbabahagi Mula sa ang Itaas na Brother – Hulyo 1, 2025 (Unang Bahagi)
Simulan na nating sagutin ang mga tanong. Paano kung simulan natin ngayon sa mga tanong tungkol sa pangangaral ng ebanghelyo? (Mabuti.)
I. Mga Katanungan Tungkol sa Pangangaral ng Ebanghelyo
Tanong 1: Kapag kami ay nagpapatotoo at binabanggit namin na nakapasok na tayo ngayon sa Kapanahunan ng Kaharian, may ilang potensyal na tatanggap ng ebanghelyo na nagtatanong: Ano ang Kapanahunan ng Kaharian? Hindi ba’t ang pagpasok sa Kapanahunan ng Kaharian ay nangangahulugang nakapasok na tayo sa ating napakagandang hantungan? Kung dumating na ang Kapanahunan ng Kaharian, bakit hindi pa nalilipol ang masasamang tao sa mundo? Ano ba talaga ang mangyayari pagkatapos ng Kapanahunan ng Kaharian? At ano ang mga pagkakaiba sa pagitan ng Kapanahunan ng Kaharian at ng Kapanahunan ng Milenyong Kaharian?
Sagot: Maraming taong hindi nauunawaan ang bagay na ito. Ano ang tinutukoy ng “pagpasok sa Kapanahunan ng Kaharian”? Tumutukoy ito sa pagpasok ng gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian, na nangangahulugang sinimulan na ng Diyos ang gawain ng Kapanahunan ng Kaharian. Ang paggawa ng Diyos sa gawain ng Kapanahunan ng Kaharian ay hindi nangangahulugang nakapasok na tayo sa Kapanahunan ng Milenyong Kaharian. Napakalinaw ng Aklat ng Pahayag tungkol sa Kapanahunan ng Milenyong Kaharian: Pagkatapos malipol ang mga bansa sa mundo sa pamamagitan ng malalaking kalamidad ng mga huling araw, ang mga taong mananatiling buhay ay papasok sa Kapanahunan ng Milenyong Kaharian na paunang itinadhana ng Diyos. Ang Kapanahunan ng Milenyong Kaharian ay lilitaw lamang pagkatapos magwakas ang malalaking kalamidad ng mga huling araw. Nagtatanong ang ilang tao, kung ang gawain ng Diyos ay umabot na ngayon sa Kapanahunan ng Kaharian, bakit umiiral pa rin ang mga bansa sa mundo? Hindi nila ito matalos. Isang linya ang madalas na binabanggit sa pelikulang Pagtagpo sa Panginoon sa Panahon ng mga Kalamidad: “Ang Diyos ay magkakatawang-tao at lihim na bababa upang gumawa ng isang yugto ng gawain bago ang malalaking kalamidad.” Maraming tao ang hindi nakauunawa rito. Iniisip nila, “Ang Diyos ay dapat na hayagang bumaba sakay ng isang ulap pagkatapos ng mga kalamidad, kaya bakit Siya lihim na bababa upang ipahayag ang katotohanan at gumawa ng isang yugto ng gawain bago ang mga ito?” Kung gayon, kung may ilang taong mananatiling buhay pagkatapos danasin ang malalaking kalamidad at makikita nila ang Milenyong Kaharian, sa palagay ninyo, paano sila mananatiling buhay? Sila ay mananatiling buhay dahil tinanggap nila ang paghatol at pagkastigo ng Diyos bago o sa panahon ng mga kalamidad, nadalisay, at nagpatotoo nang maganda at matunog para sa Diyos. Mula sa katunayang ito, makikita natin ang layunin ng gawain ng paghatol at pagkastigo ng Diyos bago ang mga kalamidad: Ito ay upang iligtas ang isang grupo ng mga tao—upang iligtas ang paunang itinadhanang hinirang na mga tao ng Diyos mula sa bawat bansa at lupain, inililigtas sila mula sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas upang hindi sila malipol sa malalaking kalamidad. Sa ganitong paraan, kapag natapos na ang malalaking kalamidad, isang grupo ng mga tao ang mananatiling buhay. Ang mga taong ito ay mananatiling buhay dahil tinanggap nila ang gawain ng paghatol ng Diyos at nabago ang kanilang mga buhay disposisyon. Kung hindi tinanggap ng mga taong ito ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, mananatili kaya silang buhay kapag bumaba ang malalaking kalamidad? (Hindi.) At ano ang dahilan ng pagkamatay ng mga mamamatay sa malalaking kalamidad? Ang dahilan ay hindi nila tinanggap ang gawain ng paghatol ng Makapangyarihang Diyos bago o sa panahon ng mga kalamidad, kaya ang kanilang mga tiwaling disposisyon ay hindi kailanman nadalisay o nabago. Sa huli, sila ay mamamatay, lilipulin ng malalaking kalamidad. Sabihin ninyo sa akin, hindi ba’t nararapat lang sa kanila ang pagkawasak nila? (Oo.) Kaya, mayroon bang kontradiksyon sa pagitan ng paggawa ng Diyos sa gawain ng Kapanahunan ng Kaharian bago at sa panahon ng mga kalamidad at ng pagsasakatuparan ng Milenyong Kaharian pagkatapos ng mga ito? (Wala.) Walang kontradiksyon. Ngayong naibahagi ko na ito sa ganitong paraan, nauunawaan na ba ninyo? (Oo.) May mga kuru-kuro ang ilang tao tungkol dito. Sinasabi nila, “Dahil dumating na ang Kapanahunan ng Kaharian, bakit umiiral pa rin ang masasamang tao sa mundo? Kung tunay ngang dumating na ito, dapat ay nalipol na sila!” Medyo kauna-unawa naman kung bakit ganito mag-isip ang mga tao; ito ay dahil hindi nila kilala ang gawain ng Diyos at iniisip nilang napakasimple ng Kanyang gawain ng pagliligtas. Sabihin ninyo sa akin, bakit kailangan pa natin, itong grupo ng mga taong tumanggap na sa gawain ng Diyos, na danasin ang pag-uusig, pang-aaresto, at pang-aapi ni Satanas? Bakit kailangan pa nating danasin ang mga pag-atake, paninirang-puri, at paghusga ng masasamang puwersa, lalo na ang paninira, pagkondena, at pagtatakwil ng mundo ng relihiyon? Bakit kailangan nating danasin ang mga bagay na ito? Sa katunayan, inihahanda ng Diyos ang kapaligirang ito upang sanayin tayo at akayin tayo sa lahat ng katotohanan, na nagiging dahilan upang matuto tayo ng mga aral sa pamamagitan ng pag-uusig at pagkondena ng masasamang puwersa ni Satanas. Anong mga aral ang natututuhan natin? Sa isang banda, nakikilala natin kung gaano tayo kakaawa-awa, namumuhay ayon sa ating mga tiwaling disposisyon nang walang katotohanan, kung saan maaari lamang tayong malinlang at mapinsala ni Satanas tulad ng mga walang pananampalataya. Sa kabilang banda, natututo rin tayong kilatisin si Satanas, kilatisin ang masasamang puwersa, at kilatisin ang ating kalikasang diwa na lumalaban sa Diyos. Nagbibigay-daan ito sa atin na sadyang maghimagsik laban sa laman, isagawa ang katotohanan, at itaguyod ang mga katotohanang prinsipyo, upang magampanan natin nang deboto ang ating mga tungkulin at magpatotoo tayo nang matunog para sa Diyos. Kung wala ang pag-iral ng buktot na mundong ito, kung wala ang pag-uusig at pagkondena mula sa masasamang puwersa ni Satanas, ang pagtalakay natin sa pagkilala sa ating sarili at paghihimagsik laban sa laman ay magiging medyo hungkag. Ang pagtalakay natin sa pakikipagdigma laban kay Satanas ay magiging hungkag at hindi rin praktikal. Kung wala ang mga kapaligiran at sitwasyong ito sa tunay na mundo, ang pagtalakay sa pagsasanay para sa kaharian ay magiging mga salitang walang-kabuluhan na lamang, isang bagay na hindi makatotohanan. Hindi ba’t ganoon nga? (Oo.) Ang mga ginagawang perpekto ng Diyos ay ang mga naghahangad at nagkakamit ng katotohanan. Kapag nauunawaan ng mga tao ang katotohanan at nagtataglay sila ng katotohanang realidad, saka lang nila mapagtatagumpayan ang impluwensiya ni Satanas at makapagpapatotoo nang matunog para sa Diyos. Kaya, ano ang ibig sabihin ng pagtagumpayan si Satanas? Ang kahulugan nito ay pagtagumpayan ang iyong sariling laman, magawang maghimagsik laban sa iyong laman at isagawa ang katotohanan. At ano ang nagbibigay-daan sa inyo na magawa iyon? Ang pagkilala sa inyong sarili. At paano ninyo nakikilala ang inyong sarili? Ang paunang kailangan ay ang danasin ang paghatol at pagkastigo at magtamo ng pagkaunawa sa katotohanan. Sa sandaling maunawaan ng mga tao ang katotohanan, makikilala na nila ang kanilang sarili. Magagawa na nilang kamuhian ang kanilang mga tiwaling disposisyon, kamuhian ang kanilang laman, at kamuhian si Satanas; makakapaghimagsik na sila laban sa laman at kay Satanas, at makapagsasagawa na ng katotohanan at makakawala sa impluwensiya ni Satanas. Ganito sila nagiging mga mananagumpay. Ang mga mananagumpay ay ang mga, habang umiiral pa ang buktot na mundong ito at ang mga tao ay nalilimitahan at ginagapos pa ng impluwensiya ni Satanas at ng mga satanikong tiwaling disposisyon, kayang umasa sa mga salita ng Diyos para maghimagsik laban kay Satanas, makawala sa madilim na impluwensiya nito, at matunog na magpatotoo ng pagtatagumpay laban dito. Ito ang mga mananagumpay. Tanging mga mananagumpay ang kalipikadong manatiling buhay sa malalaking kalamidad at makapasok sa susunod na kapanahunan—ang Kapanahunan ng Milenyong Kaharian. Nauunawaan na ba ninyo ang isyung ito ngayong naibahagi ko na ito sa ganitong paraan? (Oo.)
Nasa anong kapanahunan na tayo ngayon? Nasa kapanahunan tayo ng pagsisimula ng malalaking kalamidad ng mga huling araw. Nagsimula na ang malalaking kalamidad na ito. Sinasabi sa Aklat ng Pahayag na ang malalaking kalamidad ay nahahati sa dalawang yugto: ang unang tatlo at kalahating taon at ang huling tatlo at kalahating taon. Mayroong misteryo rito, at pagbabahaginan natin ito ngayon. Ang “unang tatlo at kalahating taon” sa mga propesiya ay tumutukoy sa panahon kung kailan gumagawa ang Diyos upang iligtas ang Kanyang hinirang na mga tao sa lahat ng bansa sa mundo. Bago ang mga kalamidad, unang binubuo ng Diyos ang isang grupo ng mga mananagumpay sa Tsina. Sa panahon ng mga kalamidad, ginagawa rin Niyang mga mananagumpay ang Kanyang hinirang na mga tao mula sa buong mundo. Pagkatapos magawa ang mga mananagumpay mula sa lahat ng bansa, magsisimula na ang malalaking kalamidad ng huling tatlo at kalahating taon. Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng malalaking kalamidad ng huling tatlo at kalahating taon at ng malalaking kalamidad ng unang tatlo at kalahating taon? Ang unang tatlo at kalahating taon ay isang panahon kung kailan ang lahat ng tao sa mundo ay sinusubok at pinipino. Ibig sabihin, bawat bansa at bawat nasyon sa mundo ay papasok sa isang panahon ng mga pagsubok, pagpipino, at sakuna. Gayumpaman, hindi ito makakaapekto sa pagtanggap ng mga tao sa gawain ng Diyos o sa Kanyang paghatol at pagkastigo. Sa kapaligirang ito ng sakuna sa tunay na mundo, tinatanggap ng hinirang na mga tao ng Diyos mula sa buong mundo ang gawain ng Diyos, nagsisimulang mamuhay ng buhay iglesia, at nagagawang gampanan ang kanilang mga tungkulin at ipakalat ang ebanghelyo ng kaharian ng Diyos. Sa pamamagitan ng prosesong ito, nararanasan nila ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, unti-unting nauunawaan ang katotohanan at pumapasok sa katotohanang realidad, at iwinawaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Sa huli, tinutupad nila nang maayos ang kanilang mga tungkulin at nagiging tapat at mapagsaalang-alang sa Diyos. Ito ang pagpapatotoo nang maganda at matunog para sa Diyos, at ang gayong mga tao ay ginagawang mga mananagumpay. Ito ang resultang natatamo ng gawain ng Diyos sa loob ng unang tatlo at kalahating taon. Kapag ang hinirang na mga tao ng Diyos mula sa buong mundo ay nakapasok na sa katotohanang realidad—ibig sabihin, kapag ang lahat ng paunang itinadhana at hinirang ng Diyos ay ganap nang nanumbalik sa Makapangyarihang Diyos—magwawakas na ang Kanyang gawain ng pagliligtas, isasara na ang pintuan ng kaligtasan, at magsisimula na ang malalaking kalamidad ng huling tatlo at kalahating taon. Ang malalaking kalamidad ng huling tatlo at kalahating taon ay iba sa malalaking kalamidad ng unang tatlo at kalahating taon; ang mga ito ay mga kalamidad na lilipol sa sangkatauhan! Sa unang tatlo at kalahating taon, ilang tao lamang ang mamamatay. Ito ay upang maipakita lamang sa lahat na dumating na ang mga kalamidad, upang maramdaman nilang nanganganib ang kanilang pananatiling buhay, at upang maipakita sa kanila na kung hindi nila hahanapin ang tunay na daan, tiyak na mamamatay sila. Maaaring sabihin na sa unang tatlo at kalahating taon, ginagamit ng Diyos ang mga sakuna upang pilitin ang Kanyang hinirang na mga tao na tanggapin ang Kanyang gawain. Ito ay ipinropesiya sa Bibliya. Ano ang sinasabi sa Bibliya? “Sinalot ko kayo ng pagkalanta at ng amag at ng granizo sa lahat ng gawa ng inyong mga kamay; gayon ma’y hindi kayo nanumbalik sa akin” (Hagai 2:17). Katulad lang ito ng salaysay sa Lumang Tipan tungkol sa pag-iimbak ni Jose ng maraming butil sa Ehipto. Sa mga taon ng taggutom, kinailangan ng mga taong pumunta kay Jose para sa butil, kung hindi ay wala silang makakain at mamamatay sila sa gutom. Samakatwid, ang layunin ng Diyos ay nasa likod ng pagbaba ng mga kalamidad; ang Kanyang layunin ay obligahin ang mga tao na hanapin ang tunay na daan at manumbalik sa Kanyang harapan upang matanggap ang Kanyang pagliligtas. Ang mga sakuna ngayon ay palaki nang palaki, at maraming tao sa relihiyon sa buong mundo ang nananabik sa pagbabalik ng Diyos at naghahanap sa Kanyang pagpapakita. Kaya, paano nagpapakita ang Diyos sa sangkatauhan? Ginagawa Niya ito sa pamamagitan ng pagpapahayag ng katotohanan upang gawin ang gawain ng paghatol. Lahat ng tupang kabilang sa Diyos ay makakarinig sa Kanyang tinig at sasalubong sa Panginoon. Pagkatapos Siyang salubungin, kung kaya nilang kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, danasin ang Kanyang paghatol at pagkastigo, at sa huli ay madalisay, sila ay magagawang ganap at magiging kalipikadong manatiling buhay at makapasok sa kaharian ng Diyos. Ang mga hindi tumatanggap sa gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw ay itinitiwalag. Samakatwid, kapag maraming tao mula sa bawat bansa at lupain ang tumanggap na sa gawain ng Makapangyarihang Diyos, ang Kanyang dakilang gawain ay halos kompleto na. Ang realidad na ito ay papalapit na ngayon. Tingnan ninyo, sa bawat bansa, ang bilang ng hinirang na mga tao ng Diyos ay umaabot nang hindi bababa sa daan-daan, may ilang bansa na may ilang libo, at maging sampu-sampung libo. Hindi ba’t mas marami ito kaysa sa bilang ng mga taong pumasok sa arka noong panahon ni Noe? (Oo.) Lubhang mas marami ito. Kapag ang mga taong ito ay nakapasok na sa katotohanang realidad, magsisimula na ang malalaking kalamidad ng mga huling araw, at magwawakas na ang gawain ng pagliligtas ng Diyos. Nagtatanong ang ilang tao, “Paano magwawakas ang gawain ng Diyos?” Ang yugtong ito ng gawain ng Diyos ay ginagawa sa katawang-tao, kaya hindi ito sobrenatural kahit kaunti. Pag-isipan ninyo ito: Kapag umabot na sa isang partikular na antas ng kalubhaan ang mga sakuna, makapagpapatuloy pa ba ang gawain ng Diyos? (Hindi.) Sa puntong iyon, natural na magwawakas ang gawain ng Diyos. Kung sumiklab ang digmaang nukleyar, kung magkaroon ng malalakas na lindol at tsunami sa maraming bansa, kung maraming bulkan ang pumutok, at mawalan ng internet, makakausad pa ba nang normal ang gawain ng Diyos? Sa panahong iyon, magiging imposible nang magtipon sa online man o sa lokal na lugar. Sabihin ninyo sa akin, malapit na bang magsimula ang malalaking kalamidad na ito? (Oo.) Paano natin nasasabi? Una, ang digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine ay umabot na sa kasukdulan. Ikalawa, ang digmaan sa pagitan ng Israel at Palestine ay maaaring lalo pang lumala. Ikatlo, ang isang digmaan sa Taiwan Strait ay malapit na ring sumiklab. Ikaapat, malapit na ring mangyari ang malalakas na lindol na magdudulot ng malalaking tsunami. Susunod, sunod-sunod nang bababa ang malalaking sakuna. Sa sandaling tumama ang mga sakunang ito, hindi lamang mga tao sa isang bansa ang hindi makakapagtipon at makakagawa ng kanilang mga tungkulin; maraming bansa ang maaapektuhan. Gawin nating halimbawa ang matinding init. Madali ba para sa sangkatauhan na tiisin ang abnormal na panahong ito? (Hindi.) Kapag umabot sa limampu o animnapung digri Celsius ang temperatura, mahirap para sa mga tao na manatiling buhay! Sa palagay mo ba ay makakapuno ka ng isang batya ng malamig na tubig at uupo ka roon? (Hindi.) Kapag ganoon na kataas ang temperatura, iinit din ang tubig sa batya—sapat na ang init para maluto ang isang tao. Kahit ang pagtalon sa dagat ay hindi uubra. Maliban kung tumakas ka sa isang kuweba sa mga bundok o maghukay ng tatlong metrong lalim na lagusan at pumasok doon, wala kang matatakasan! Tingnan mo, ang matinding init pa lamang ay hindi na maliit na sakuna; maraming tao ang mamamatay dahil dito. Ang mga sakuna ay palaki nang palaki. Ano ang ipinahihiwatig niyan? Nangangahulugan ba itong malapit nang magsimula ang malalaking kalamidad? (Oo.) Maraming tao ang nagtatanong, “Kung gayon, gaano pa tayo kalayo mula sa malalaking kalamidad—ang huling tatlo at kalahating taon ng mga kalamidad?” Sabihin ninyo sa akin, malayo pa ba? (Hindi na.) Hindi ako maglalakas-loob na magbigay ng partikular na oras, ngunit hindi na ito malayo. Sa ilang lugar, darating na ito sa lalong madaling panahon. Ngunit hindi natin alam at hindi natin kayang ipaliwanag kung gaano mismo kalubha ang mga kalamidad na ito o kung gaano karaming tao ang mamamatay sa mga ito. Ano’t anuman, ang mga kalamidad na ito ay magiging sapat na malubha upang wasakin ang isang bahagi ng sangkatauhan! Hindi ba’t nangangahulugan itong malapit na ang malalaking kalamidad? Sa sandaling dumating ang malalaking kalamidad, agad na hihinto ang gawain ng Diyos. Tingnan ninyo, ngayon ay nakakapagtipon pa tayo nang sama-sama online, ngunit sa hinaharap, hindi na tayo magkakaroon ng ganitong oportunidad. Kahit na gusto mong makipagtipon, hindi mo na magagawa, at malamang na hindi ka na rin magkakaroon ng pagkakataong mangaral ng ebanghelyo.
Ang pariralang “pagpasok sa Kapanahunan ng Kaharian” na binanggit sa tanong ay tumutukoy sa gawain ng Diyos sa mga huling araw na nagaganap sa Kapanahunan ng Kaharian. Ibig sabihin, gumagawa ang Diyos upang iligtas ang mga tao bago at sa panahon ng mga kalamidad, at magwawakas ang Kanyang gawain kapag nagsimula na ang malalaking kalamidad. Sinasabi ng ilang tao, “Kami, ang hinirang na mga tao ng Diyos mula sa buong mundo, ay ilang taon pa lamang nananampalataya sa Makapangyarihang Diyos—ang ilan ay isa o dalawang taon, ang ilan ay tatlo hanggang lima, at pinakamatagal na ang pito o walo. Sa ganoon kaikling panahon, maaari ba kaming ganap na makapasok sa katotohanang realidad? Matatamo ba namin ang isang pagbabago sa aming mga disposisyon?” Mayroon ba kayong ganitong alalahanin? (Mayroon.) Mayroon kayong lahat. Sa katunayan, ang hinirang na mga tao ng Diyos mula sa buong mundo ay maaaring magawang ganap pagkatapos ng ilang taon ng karanasan sa panahon ng mga kalamidad. Nakita na ba ninyo itong nabanggit sa mga salita ng Diyos? Ano ang sinasabi ng Diyos? “Dahil hindi na nila kakailanganing sumailalim sa hakbang ng pag-aalis sa kanilang sarili mula sa kamandag ng malaking pulang dragon, magiging madali para sa kanila ang pumasok sa tamang landas sa ilalim ng iba-ibang uri ng patnubay” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbubunyag sa mga Hiwaga ng “Mga Salita ng Diyos Para sa Buong Sansinukob,” Kabanata 27). Hayaan ninyong sabihin ko sa inyo, ang hinirang na mga tao ng Diyos sa Tsina ay may mga lason ng malaking pulang dragon sa kanila, kaya kailangan nila ng mas mahabang panahon ng pagdanas sa gawain ng Diyos upang maiwaksi ang mga lasong ito. Gaano katagal? Kasintagal ng mga tatlumpung taon mula nang magsimulang magsalita ang Diyos hanggang sa bumaba ang malalaking kalamidad. Bagama’t kayo, ang hinirang na mga tao ng Diyos mula sa ibang mga bansa, ay ginawa ring tiwali ni Satanas, wala sa inyo ang mga lason ng malaking pulang dragon, kaya hindi ninyo kailangan ang ganoon kahabang panahon ng karanasan. Kailangan lamang ninyo ng ilang taon ng karanasan sa panahon ng mga kalamidad upang magawang ganap. Sa ngayon, karamihan sa hinirang na mga tao ng Diyos mula sa buong mundo ay tatlo hanggang limang taon nang nananampalataya. Kung gayon, anong antas ng karanasan ang naabot na ninyo sa panahong iyon? Kayong lahat ngayon ay handang hangarin ang katotohanan at gawin ang inyong tungkulin. Ngunit sa sandaling simulan ninyong gawin ang inyong tungkulin at mga partikular na gampanin, nararamdaman ninyong maraming paghihirap at presyur, at hindi ninyo alam kung paano gagawin nang maayos ang gawain. Ano ang isyu rito? (Kakulangan ng mga katotohanang prinsipyo.) Ito ay isang tanda ng pagkakaroon ng mababang tayog. Ang inyong pagkaunawa sa katotohanan ay hindi gaanong malalim, ang inyong pagkaarok sa mga prinsipyo ay hindi tumpak, maraming bagay ang hindi pa ninyo nakikita nang malinaw, at kapag medyo lumalaki ang presyur, hindi ninyo ito makayanan. Gusto ninyong umurong at tumakas, sumuko na at talikuran ang inyong tungkulin. Ganyan ang mga taong may mababang tayog; hindi maiiwasan na kung minsan ay mahina sila at kung minsan naman ay negatibo. Ngunit huwag ninyong kalimutan, ang tayog ng isang tao ay unti-unting lumalago sa buong proseso ng patuloy na pagdanas sa gawain ng Diyos. Ngayon, mababa ang tayog mo, ngunit bukas at sa makalawa, magkakaroon ka na ng pag-usad. Ngayong taon, mababa ang tayog mo, ngunit pagkatapos ng isa o dalawang taon ng karanasan—sa susunod na taon at sa taon pagkatapos niyon—ito ay lalago na. Hindi ba’t ganoon iyon? (Oo.) Pakiramdam ninyo ay mababa ang inyong tayog, ngunit sa palagay ba ninyo ay nauunawaan ko na ang lahat ng katotohanan noong una akong nagsimulang gumawa ng gawain sa iglesia? (Hindi.) Noon, ang aking pagkaunawa sa katotohanan ay napakababaw at limitado, tulad ng sa inyo ngayon. Kapag nakakaharap ako ng maraming paghihirap, maaari lamang akong manalangin sa Diyos at basahin ang Kanyang mga salita upang hanapin ang katotohanan. Dinanas ko ang mga bagay nang ganito, unti-unti, hanggang sa araw na ito, at unti-unti akong nagkamit ng malinaw na pagkaunawa sa katotohanan. Mayroong proseso sa paglago ng tayog ng isang tao. Naiintindihan ba ninyo? (Oo.) Ang mga paghihirap bang kinakaharap ninyo ngayon ay kasinlaki ng mga kinakaharap ng hinirang na mga tao ng Diyos sa Tsina kapag ginagawa nila ang kanilang gawain? (Hindi.) Kahit papaano, hindi kayo nahaharap sa pag-uusig ng gobyerno. Ginagampanan ng hinirang na mga tao ng Diyos sa Tsina ang kanilang mga tungkulin sa ilalim ng matinding pag-uusig, tinutugis ng rehimeng CCP. Sabihin ninyo sa akin, hindi ba’t iyon ay isang malaking paghihirap? (Oo.) Ito ay isang napakalaking paghihirap. Sa sandaling madakip ng pulisya ng CCP, ang kanilang buhay ay nasa palagiang panganib! Ang CCP ay may polisiya na “ang mga mananampalataya sa Makapangyarihang Diyos ay maaaring bugbugin hanggang mamatay nang walang pananagutan.” Ano ang ibig sabihin nito? Nangangahulugan ito na kung papatayin sa bugbog ng pulisya ng CCP ang isang mananampalataya sa Makapangyarihang Diyos pagkatapos itong maaresto, hindi sila pananagutin ng estado; hindi sila kailangang managot sa anumang legal na pananagutan. Sabihin ninyo sa akin, hindi ba’t matindi ang pag-uusig na ito? (Oo.) Kung gayon, bukod sa Tsina, sa anong ibang mga bansa hinaharap ng hinirang na mga tao ng Diyos ang pag-uusig, pagtugis, pag-aresto, at pagkulong ng gobyerno dahil sa paggawa ng kanilang tungkulin? Ilan ang ganoong mga bansa? Halos wala. Sa kasalukuyan, bukod sa Myanmar, kakaunti ang iba pang mga bansang pinamumunuan ng komunista na umuusig at nag-aaresto sa hinirang na mga tao ng Diyos. Halimbawa, may ilang pag-uusig sa Vietnam, ngunit sa ngayon, tila hindi pa ito isang malaking panganib; wala pa kaming narinig na anumang malawakang pag-aresto ng gobyerno. Ang mga mananampalataya sa mga demokratikong bansa sa Kanluran ay hindi nanganganib sa pag-uusig o pagkaaresto kahit kaunti. Samakatwid, ang mga paghihirap at panggigipit na kinakaharap ng hinirang na mga tao ng Diyos sa buong mundo sa kanilang mga tungkulin ay mas maliit kaysa sa mga kinakaharap ng hinirang na mga tao ng Diyos sa mainland China. Hindi ba’t ganoon nga? (Oo.) Dapat ninyong makita nang malinaw ang usaping ito. Sa palagay ninyo, paano nakaabot sa puntong ito ang hinirang na mga tao ng Diyos sa Tsina? Nakaligtas sila sa kabila ng matinding panganib na nakamamatay! Napakarami ang binugbog hanggang mamatay, napakarami ang binugbog hanggang mabaldado, at napakarami ang nagkawatak-watak ang pamilya at nawalan ng buhay—hindi mabilang ang gayong mga kaso! Hakbang-hakbang itong nalampasan ng hinirang na mga tao ng Diyos sa Tsina sa pamamagitan ng pananalangin sa Diyos at pag-asa sa Diyos, sa Kanyang mga salita, at sa kanilang pananalig at pagpapasakop sa Kanya! Marami ang nagpatotoo nang malakas at matunog, ipinapahiya si Satanas at ang malaking pulang dragon. Ang mga ito ang mga mananagumpay! Ngayon, kapag kayo, ang hinirang na mga tao ng Diyos mula sa buong mundo, ay nakakaranas ng ilang paghihirap sa pangangaral ng ebanghelyo, hindi ninyo alam kung ano ang gagawin. Sinasabi ng ilan sa inyo, “Napakalaki ng presyur. Napakarami kong naranasang paghihirap. Hindi ko alam kung paano gagawin ang gawain. Hindi ko alam kung paano gagawin ang aking tungkulin sa paraang makakapagpalugod sa Diyos. Pakiramdam ko ay napakanegatibo at napakahina ko.” Kapag naririnig ko ito, sinasabi ko sa inyo na normal na normal lang iyan. Hangga’t hindi ka umuurong, hangga’t hindi mo tinatalikuran ang iyong tungkulin, hangga’t hindi mo ipinagkakanulo ang Diyos, at hangga’t nananalangin ka sa Diyos, umaasa sa Kanya, at hinahanap ang katotohanan, walang mga paghihirap na hindi mapagtatagumpayan, walang mga hadlang na hindi ninyo malalagpasan. Naiintindihan na ba ninyo ngayon? (Oo.)
Ang kapanahunan ng gawain ng Diyos sa mga huling araw ay ang Kapanahunan ng Kaharian, ngunit ang Kapanahunan ng Kaharian ay dumarating bago magwakas ang buktot na kapanahunang ito. Ito ay kapag ang Diyos ay nagkakatawang-tao, lihim na bumababa, at nagpapakita upang gumawa. Sa panahong ito ginagawa ng Diyos ang gawain ng paghatol sa mga huling araw. Nilalayon ng Diyos na gumawa ng isang grupo ng mga mananagumpay bago dumating ang malalaking kalamidad. Nilalayon Niyang gawing ganap ang isang grupo ng mga tao, upang magkamit ng isang grupo ng mga tao. Ito ang plano ng Diyos, isang planong mayroon na Siya bago pa man likhain ang mundo. Ito ang naisip at napagpasyahan ng Diyos sa panahon ng paglikha. Samakatwid, ang mga pag-iisip at ideya ng Diyos ay kapwa mas malalim at mas mataas kaysa sa mga pag-iisip at ideya ng tao! Ang mga pag-iisip at ideya ng tao ay napakasimple, hindi gaanong mas mataas kaysa sa mga pag-iisip at ideya ng mga hayop. Napakataas ng mga pag-iisip at ideya ng Diyos na pauna na Niyang itinadhana at isinaayos ang mga bagay-bagay libo-libong taon na ang nakalilipas. Na ang Diyos ay magpapakita nang mas maaga upang gumawa at ipahayag ang katotohanan para iligtas ang tao bago magwakas ang kapanahunang ito ay, lalo pa, isang bagay na matagal nang paunang itinadhana ng Diyos. May isang pelikulang ginawa ng sambahayan ng Diyos na tinatawag na Ang Aking Nahuling Patotoo. Dito, matapos tugisin ang mga pangunahing tauhan, sinabi ng kapatid na nakikipagtulungan sa bida, “Labis na kasuklam-suklam ang malaking pulang dragon na ito. Bakit hindi pa ito wasakin agad ng Diyos?” Ang mga salitang ito ay mula sa puso. Kapag ang mga tao ay tinutugis at inuusig, lahat sila ay ganoon mag-isip, at ganoon din ang inisip ko: “Diyos ko, pakiusap, wasakin Mo na agad ang malaking pulang dragon. Ito ay tunay na isang demonyong grupo, ang mortal na kaaway ng Diyos!” Ang CCP ang pinakabuktot na rehimen sa mundo, ang mismong pagsasakatawan ni Satanas at ng masasamang demonyo. Ginulo nito nang husto ang mundo, kaya normal lang na mag-isip ang mga tao sa ganitong paraan. Ngunit ano ang sinabi noon ng bida sa pelikula? Sinabi niya, “Kung winasak ng Diyos ang malaking pulang dragon, saan pa tayo magpapatotoo? Magkakaroon pa ba tayo ng pagkakataong magpatotoo?” Ano ang palagay ninyo sa sinabi niya? (Mabuti ito.) Bakit hindi na lang agad magpadala ng mga sakuna ang Diyos at wasakin ang malaking pulang dragon habang brutal nitong inuusig ang Kanyang hinirang na mga tao? Nauunawaan ng ilang tao ang mga layunin ng Diyos, at nakikita nila na “Ginagamit ng Diyos ang malaking pulang dragon upang magserbisyo. Ang malaking pulang dragon ay naging isang hambingan para sa gawain ng Diyos. Napakamakabuluhan nito; inihahayag nito ang karunungan ng Diyos.” Gayumpaman, para lamang sa ating sariling makasariling pakinabang, para sa pansamantalang kaginhawahan ng katawan, gusto nating wasakin ng Diyos ang malaking pulang dragon. Sabihin ninyo sa akin, tama ba ang gayong mga intensyon? (Hindi.) Ito ang dahilan kung bakit hinahayaan ng Diyos na umiral ang buktot na mundong ito sa ngayon. Pagkatapos Niyang gawing ganap ang lahat ng Kanyang hinirang na mga tao ay saka lamang Siya magpapadala ng mga sakuna upang wasakin ito. Napakamakabuluhan ng ginagawa ng Diyos dito! Dapat natin itong maunawaan. Kaya, dahil hindi pa nagwawakas ang mundong ito, paano dapat danasin ng hinirang na mga tao ng Diyos ang Kanyang gawain? Dapat tayong magmadaling sangkapan ng katotohanan ang ating mga sarili, agad na tanggapin ang paghatol at pagkastigo upang madalisay, at magpatotoo nang matunog para sa Diyos. Kasabay nito, dapat tayong magmadali na tuparin nang maayos ang ating mga tungkulin bilang mga nilikha. Ito ang naaayon sa layunin ng Diyos. Kung lagi mong iniisip na wasakin ng Diyos ang buktot na mundong ito, angkop ba iyon? Kung ang mundong ito ay wasakin ngayon din, ano ang makakamit mo? Nakamit mo na ba ang katotohanan ngayon? Nakapagpatotoo ka na ba nang tunay? May sapat ka na bang mabubuting gawa? Nagawa ka na bang ganap ng Diyos? Wala kang nakamit. Kung wawasakin ng Diyos ang mundong ito ngayon din, mawawasak ka rin kasama nito. Hindi mo matatanggap ang mga pagpapala ng Diyos. Hindi ba’t ganoon nga? (Oo.) Kung gayon, gugustuhin ba ninyong wasakin ng Diyos ang buktot na mundong ito ngayon din? (Hindi.) Bakit hindi? (Hindi pa namin natatamo ang katotohanan. Kung wawasakin ng Diyos ang buktot na mundong ito ngayon, mawawasak din kami.) Kung hindi pa natin natatamo ang katotohanan at hindi pa tayo nagagawang ganap ng Diyos, at wawasakin Niya ang buktot na mundong ito, hindi ba’t magdurusa ng kawalan ang ating buhay? (Oo.) Sa sandaling makita mo nang malinaw ang bagay na ito, titigil ka na sa pagsasalita ng mga kahangalan. Titigil ka na sa pagkilos batay sa iyong mga kuru-kuro at imahinasyon. Magagawa mo nang magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos at samantalahin ang oras upang hangarin ang katotohanan at sangkapan ang inyong sarili ng katotohanan. Iyon ang pinakamahalagang bagay.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.