Bakit Dapat Hangarin ng Tao ang Katotohanan (Ikatlong Bahagi)

Ang pagbabahaginan natin nito lang ay pangunahing tumuon sa kung bakit dapat hangarin ng tao ang katotohanan ayon sa plano ng pamamahala ng Diyos, mula sa perspektiba ng Diyos. Mula naman sa kabilang perspektiba, medyo mas simple ito. Sa perspektiba ng tao mismo, bakit dapat hangarin ng tao ang katotohanan? Sa pinakamadaling salita, kung nabubuhay ang tao sa ilalim ng kautusan ngunit ang kanyang paghahangad ay limitado sa pagtataguyod ng kautusan nang hindi nauunawaan ang katotohanan, ano ang kalalabasan nito sa huli? Ang posibleng kalalabasan lamang nito ay ang makondena ang tao ng kautusan, dahil sa kawalan niya ng kakayahan na itaguyod ang kautusan. At mula roon hanggang sa Kapanahunan ng Biyaya: Sa kapanahunang iyon ay maraming naunawaan ang tao, at marami siyang nakamit na bagong impormasyon mula sa Diyos tungkol sa tao—mga panuntunan at utos para sa asal ng tao. Malaki ang naging pakinabang ng tao, sa usapin ng doktrina. Gayunpaman, umasa pa rin ang tao na makakakuha siya ng higit na proteksyon, pabor, pagpapala, at biyaya mula sa Diyos, nang hindi nauunawaan ang katotohanan; ang pag-iisip ng tao ay nakatuon pa rin sa paggawa ng mga kahilingan sa Diyos, at habang ginagawa niya ang mga kahilingang iyon, ang kanyang paghahangad ay nakatuon at nakadirekta pa rin sa buhay ng laman, sa mga kaginhawahan ng laman, at sa mas maayos na pamumuhay ng laman. Ang layon ng kanyang paghahangad ay kontra at salungat pa rin sa katotohanan. Malayong-malayo pa rin ang tao sa paghahangad sa katotohanan, at hindi niya napapasok ang gayong tunay na buhay kung saan ang katotohanan ang batayan para sa pag-iral ng isang tao. Ito ang mga realidad sa buhay ng isang tao, na ipinamuhay batay sa pagkaunawa sa lahat ng kautusan o utos at paghihigpit ng Kapanahunan ng Biyaya, nang hindi pa nauunawaan ang katotohanan. Kapag ito ang mga realidad sa buhay ng tao, madalas siyang maliligaw nang hindi niya namamalayan. Tulad lamang ito ng sinasabi ng mga tao: “Nalilito ako at naguguluhan.” Sa gayong mga kondisyon ng palaging pagkalito, madalas siyang makararamdam ng kawalang katiyakan, hindi na alam ang gagawin, hindi alam kung bakit nabubuhay ang tao o ano ang mangyayari sa hinaharap, lalong hindi niya alam kung paano haharapin ang iba’t ibang tao, kaganapan, at bagay sa totoong buhay, o kung ano ang tamang gawin sa pagharap sa mga ito. Marami pa ngang tagasunod at mananalig ang Diyos, na bagama’t tinataguyod ang mga utos at tinatamasa ang maraming biyaya at pagpapala, hinahangad pa rin nila ang katayuan, kayamanan, magandang kinabukasan, ang mamukod-tangi, magandang buhay may asawa, masayang pamilya at kaalwanan sa buhay—at sa kasalukuyang lipunan, hinahangad nila ang kasiyahan ng laman, at ng buhay, at ang kaginhawahan; hinahangad nila ang magagarang mansyon at kotse; hinahangad nila ang makapaglakbay sa buong mundo, inuusisa ang mga misteryo at hinaharap ng sangkatauhan. Bagama’t tinanggap ng sangkatauhan ang mga regulasyon at paghihigpit ng maraming kautusan at ang mga pamantayan para sa pag-uugali, hindi pa rin nila nagagawang iwaksi ang kanilang tendensiya na usisain ang hinaharap, at ang mga misteryo ng sangkatauhan, at ang bawat bagay na lagpas na sa pagkaunawa ng sangkatauhan. At habang ginagawa ito ng mga tao, madalas silang makaramdam ng labis na kahungkagan, lumbay, lungkot, pagkayamot, pagkabalisa, at takot, dahil dito ay nahihirapan silang kontrolin ang kanilang init ng ulo at mga emosyon kapag maraming bagay ang nangyayari sa kanila. May ilang tao ang nalulugmok, nalulumbay, nasasakal, at iba pa, kapag nahaharap sila sa mga nakakabagabag na mga sitwasyon, gaya ng mahihirap na kondisyon sa trabaho, o away sa pamilya, gulo sa pamilya, away ng mag-asawa, o pangdidiskrimina ng lipunan. May ilang tao pa nga na nakararanas ng matinding emosyon; may ilan pa ngang pinipiling kitilin ang sarili nilang buhay gamit ang matitinding kaparaanan. Siyempre, may iba na pinipili ang paglayo at pagiging mag-isa. At ano ang idinulot nito sa lipunan? Mga taong gustong lagi na mapag-isa, lalaki man o babae; clinical depression at iba pa. Nagaganap din ito sa buhay ng mga Kristiyano; madalas na nangyayari ito. Matapos isaalang-alang ang lahat, ang pinakaugat nito ay ang hindi pagkaunawa ng sangkatauhan sa katotohanan, o kung saan nagmula ang tao at saan siya pupunta, o kung bakit buhay ang tao at paano siya dapat mamuhay. Kapag nahaharap sa maraming uri ng tao, kaganapan, at bagay na nangyayari sa kanya, hindi niya alam kung paano pangasiwaan, lutasin, iwaksi o unawain at arukin ang lahat ng bagay na ito, upang makapamuhay siya nang masaya at panatag, sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Lumikha. Walang ganitong kakayahan ang sangkatauhan. Kung hindi ipinapahayag ng Diyos ang katotohanan, at kung hindi Niya sinasabi sa mga tao kung paano nila dapat tingnan ang mga tao at bagay, at paano sila dapat umasal at kumilos, aasa lamang ang mga tao sa sarili nilang mga pagsisikap, sa kaalamang nakamit nila, at sa mga kasanayan sa buhay na mayroon sila, at sa mga panuntunan sa buhay na nauunawaan nila, gayundin sa mga panuntunan sa asal o sa mga pilosopiya sa pamumuhay. Umaasa sila sa kanilang karanasan sa buhay ng tao at sa kanilang nalalaman dito, at maging sa mga bagay na natutunan nila mula sa mga libro—gayunpaman, kapag nahaharap sa mga paghihirap ng tunay na buhay, wala pa rin silang magawa. Para sa mga nabubuhay sa gayong mga kondisyon, walang epekto ang pagbabasa ng Bibliya. Maging ang pagdarasal sa Panginoong Jesus ay walang epekto, lalo na ang pagdarasal kay Jehova. Ang pagbabasa sa mga propesiya ng mga lumang propeta ay hindi rin makalulutas sa problema nila. Kaya, ang ilang tao ay naglalakbay sa buong mundo; pumupunta sila sa buwan at sa Mars, o naghahanap sila ng mga propetang makapagsasabi ng hinaharap at nakikipag-usap sa mga ito. Pero hindi pa rin napapayapa, nasisiyahan, at napapanatag ang puso ng mga tao sa sandaling magawa nila ang mga bagay na ito. Para sa kanila, ang direksyon at layon ng kanilang pagsulong ay wala pa ring katiyakan at walang kabuluhan. Sa kabuuhan, nananatiling napakahungkag ng buhay ng sangkatauhan. Dahil gayon ang pangkaraniwan sa buhay ng sangkatauhan, nag-iimbento sila ng maraming pamamaraan upang aliwin ang kanilang sarili: halimbawa, ang makabagong mga video game, bungee jumping, surfing, mountaineering, at skydiving na kinahihiligan ng mga Kanluranin, at ang iba’t ibang drama, awitin, at sayaw na hilig ng mga Tsino, at mga palabas ng ladyboys sa Timog Silangang Asya. Nanonood pa nga ang mga tao ng mga bagay na nagbibigay-kasiyahan sa kanilang espirituwal na mundo at makamundong pagnanasa. Gayunpaman, anuman ang kanilang kinaaaliwan, anuman ang kanilang pinapanood, wala pa ring kaalam-alam ang kaibuturan ng puso ng mga tao sa kung ano ang mangyayari sa hinaharap. Gaano karaming beses mang maglakbay sa buong mundo ang isang tao, o kahit na narating na niya ang buwan at ang Mars, kapag nakabalik na siya at namalagi nang ilang panahon, magiging matamlay siyang muli, gaya ng dati. Ang totoo, mas nalulungkot at mas hindi sila napapanatag pagkatapos maglakbay, kaysa kung hindi na lang sana sila naglakbay. Iniisip ng sangkatauhan na ang dahilan kaya masyado silang hungkag, walang magawa, naguguluhan, at nalilito, kaya gustong-gusto nilang malaman kung ano ang mangyayari at malaman ang mga bagay na wala pang nakakaalam, ay dahil hindi alam ng mga tao kung paano aliwin ang kanilang sarili, kung paano mamuhay. Iniisip nila na ito ay dahil hindi alam ng mga tao kung paano maging masaya sa buhay o maging masaya sa kasalukuyan; dahil iniisip nila na masyadong simple ang kanilang mga interes at mga hilig—hindi masyadong masaklaw. Subalit, gaano man karami ang interes ng mga tao, ang kanilang mga kinaaaliwan, ang kanilang mga lugar na napuntahan sa mundo, nadarama pa rin ng sangkatauhan na hindi alinsunod sa kanilang kagustuhan ang kanilang pamumuhay at ang direksyon at mithiin ng kanilang pag-iral. Sa madaling salita, ang nararamdaman ng mga tao sa pangkalahatan ay kahungkagan at pagkainip. Nais ng ilang tao na tikman ang lahat ng pinakamasasarap na pagkain sa mundo dahil sa kahungkagan at pagkainip na ito; saan man sila magpunta, gusto nilang kumain. Ang iba ay gustong magsaya saanman sila magpunta, at sila ay nagsasaya, kumakain, at inaaliw nila ang sarili hanggang gusto nila—subalit pagtapos nilang kumain at uminom at magsaya, mas lalong hungkag ang pakiramdam nila kaysa dati. Ano ang dapat gawin tungkol dito? Bakit imposibleng maiwaksi ang pakiramdam na ito? Kapag hindi makausad ang mga tao, ang ilan sa kanila ay gumagamit ng mga droga, opyo, ecstasy, at inaaliw ang kanilang sarili gamit ang kung anu-anong materyal na bagay. At ano ang resulta? May epekto ba ang anuman sa mga pamamaraang ito sa paglutas ng kahungkagan ng tao? Malulutas ba ng alin man sa mga ito ang ugat ng mga problema? (Hindi.) Bakit hindi nila malulutas ito? Ito ay dahil namumuhay ang tao batay sa kanilang mga damdamin. Hindi nila nauunawaan ang katotohanan at hindi nila alam kung ano ang nagsasanhi ng mga problema ng tao sa kahungkagan, kawalang kapanatagan, kalituhan, at iba pa, hindi rin nila alam kung paano lulutasin ang mga ito. Iniisip nila na kung nabigyang-kasiyahan na ang laman at ang makamundong pagnanasa, mawawala ang hungkag na pakiramdam sa kanilang espiritu. Ganoon ba iyon? Ang totoo, hindi ganoon ang nangyayari. Kung pagkatapos ng mga sermon ay tinatanggap mo ang mga ito bilang doktrina, pero hindi mo talaga hinahangad o isinasagawa ang mga ito, at hindi mo ginagawang batayan ang mga salitang ito ng Diyos sa iyong pamantayan sa mga pananaw mo sa mga tao at bagay-bagay, at sa iyong asal at kilos, hindi kailanman magbabago ang iyong pag-iral at ang iyong pananaw sa buhay. At kung ang mga bagay na iyon ay hindi nagbabago, nangangahulugan ito na ang buhay, estilo, at ang halaga ng pag-iral mo ay hindi kailanman magbabago. At ano ang ibig sabihin kung hindi kailanman magbabago ang estilo at halaga ng pag-iral ng iyong buhay? Nangangahulugan ito na balang araw, sa malao’t madali, iisipin mong mga pundasyon ng espiritu ang mga doktrinang nauunawaan mo; sa malao’t madali, magiging kasabihan at teorya ang mga ito sa iyo, mga bagay na ipangtatakip mo sa hungkag na pakiramdam sa loob ng iyong mundo, kapag kinakailangan. Kung hindi nagbabago ang direksyon at mithiin ng iyong paghahangad, matutulad ka sa mga taong hindi pa narinig ang anumang salita ng Diyos. Ang direksyon at mithiin ng iyong paghahangad ay mananatiling paghahanap ng aliw, para sa kaginhawaan ng laman. Susubukan mo pa ring lutasin ang iyong kahungkagan at kalituhan sa pamamagitan ng paglalakbay sa mundo at pag-uusisa sa mga misteryo. Walang duda, kung magkagayon, na tatahakin mo ang parehong landas na tinahak ng mga taong iyon. Hungkag ang pakiramdam nila matapos nilang matikman ang masasarap na pagkain sa mundo at matamasa ang mga karangyaan nito, ganito rin ang mangyayari sa iyo. Maaaring nananalig ka sa tunay na daan at sa mga salita ng Diyos, pero kung hindi mo hahangarin o isasagawa ang mga ito, matutulad ka sa kanila, madalas na ang pakiramdam ay hungkag, nalilito, nagagalit, nasasakal, nang walang tunay na kasiyahan, tunay na kagalakan, at tunay na kalayaan, at higit pa rito, walang tunay na kapayapaan. At sa huli, matutulad ka sa kinalabasan nila.

Ano ang tinitingnan ng Diyos, pagdating sa kalalabasan ng tao? Hindi Niya tinitingnan kung ilang salita Niya ang nabasa mo o ilang sermon ang napakinggan mo. Hindi tinitingnan ng Diyos ang mga bagay na ito. Tinitingnan Niya kung ilang katotohanan ang nakamit mo na sa iyong paghahangad, kung ilang katotohanan ang kaya mong isagawa; tinitingnan Niya kung natatanggap mo ang Kanyang mga salita bilang batayan at ang katotohanan bilang pamantayan ng iyong pananaw sa mga tao at bagay, at sa iyong mga asal at kilos, sa iyong buhay—tinitingnan Niya kung may gayon kang karanasan at patotoo. Kung walang gayong patotoo sa iyong pang-araw-araw na buhay at sa panahon ng iyong pagsunod sa Diyos, at wala sa mga bagay na ito ang may patunay, ikokonsidera ka ng Diyos na katulad ng mga hindi mananampalataya. Katapusan na ba ng kwento ang gayong pagkonsidera Niya? Hindi; malabong ikokonsidera ka ng Diyos na gayon at tapos ay tatapusin na Niya roon. Sa halip, pagpapasyahan Niya ang kalalabasan mo. Ibinabatay ng Diyos ang kalalabasan mo sa landas na iyong tinatahak; ibinabatay Niya ang kalalabasan mo sa kung paano ka gumaganap sa iyong paghahangad at mithiin, sa iyong saloobin sa katotohanan, at kung nakatahak ka na sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Bakit ganoon ang mga pinagbabatayan Niya? Kapag ang isang taong hindi naghahangad sa katotohanan ay nabasa na ang mga salita ng Diyos at narinig ang marami sa mga ito, ngunit hindi pa rin ginagamit na pamantayan ang mga salita ng Diyos sa mga pananaw nito sa mga tao at bagay, gayundin sa asal at kilos nito, sadyang hindi maililigtas ang taong ito sa huli. Ito ang pinakaimportanteng bagay: Ano ang maaaring mangyari sa gayong tao kung mananatili siyang ganoon? Maaari ba siyang maging pinuno ng lahat ng bagay? Maaari ba siyang maging tagapangasiwa ng lahat ng bagay, bilang kahalili ng Diyos? Karapatdapat ba siyang maatasan? Mapagkatiwalaan? Kung ipapasa ng Diyos ang lahat ng bagay sa iyo, gagawin mo ba ang katulad sa ginagawa ng sangkatauhan ngayon, walang habas na pinapatay ang mga nilikha ng Diyos, walang habas na winawasak ang mga nilalang ng Diyos, walang habas na sinisira ang mga kaloob ng Diyos sa sangkatauhan? Siyempre, gagawin mo ang mga ito! Kaya, kung ipapasa sa iyo ng Diyos ang mundong ito at ang lahat ng bagay, ano ang mangyayari sa mga bagay sa huli? Mawawalan ng tunay na tagapangasiwa ang mga ito; sisirain at wawasakin ang mga ito ng sangkatauhan na ginawang tiwali ni Satanas. Sa huli, iisa ang magiging kapalaran ng lahat ng bagay, ng mga buhay na nilalang, at ng sangkatauhan na ginawang tiwali ni Satanas: Wawasakin sila ng Diyos. Ito ay isang bagay na hindi inaasam ng Diyos na makita. Kaya kung ang isang tao ay narinig na ang maraming salita ng Diyos at naunawaan ang maraming doktrina sa loob ng mga salita ng Diyos, ngunit hindi pa rin magawa ang tungkulin ng isang pinuno ng lahat ng bagay o matingnan ang mga tao at bagay, at hindi pa rin umaasal at kumikilos nang alinsunod sa mga salita ng Diyos, siguradong hindi ipagkakatiwala ng Diyos sa kanya ang anumang gawain, dahil hindi siya naaangkop. Ayaw ng Diyos na makita ang lahat ng bagay, na maingat Niyang nilikha, na mawasak at masirang muli ng sangkatauhan na ginawang tiwali ni Satanas, ayaw Niya ring makita na mawasak sa mga kamay ng gayong mga tao ang sangkatauhan na pinamahalaan Niya sa loob ng anim na libong taon. Ang tanging nais Niyang makita ay ang patuloy na pag-iral ng lahat ng bagay na Kanyang maingat na nilikha sa ilalim ng pangangasiwa ng isang grupo ng tao na nagkakamit ng Kanyang pagliligtas, sa ilalim ng pangangalaga, proteksyon, at pamumuno ng Diyos, nang nabubuhay alinsunod sa kaayusan ng lahat ng bagay at sa mga kautusan ng Diyos. Kung gayon, anong uri ng tao ang mga ito, na nakapagpapasan ng gayong kabigat na obligasyon? Iisa lamang ang gayong uri, at sila ang binabanggit Ko, silang naghahangad sa katotohanan, silang nagagawang tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos, nang mahigpit na alinsunod sa mga salita ng Diyos, na ang kanilang pamantayan ay ang katotohanan. Ang gayong mga tao ay karapatdapat na pagkatiwalaan. Ang kanilang mga pamamaraan ng pag-iral ay ganap na nagmula sa mga pamamaraan ng sangkatauhan na ginawang tiwali ni Satanas; sa mithiin at paraan ng kanilang paghahangad, sa kanilang mga pananaw sa mga tao at bagay-bagay, at sa kanilang asal at mga kilos, nagagawa nilang ganap na umayon sa mga salita ng Diyos, at ganap na tanggapin ang katotohanan bilang kanilang pamantayan. Ang gayong mga tao ang siyang tunay na naaangkop na patuloy na mabuhay, at sila ang naaangkop na mapagpasahan ng Diyos ng lahat ng bagay. Ang mga taong ito ang nakapagpapasan ng mabigat na obligasyon na gaya ng atas ng Diyos. Tiyak na hindi ipapasa ng Diyos ang lahat ng bagay sa uri ng tao na hindi naghahangad sa katotohanan. Tiyak na hindi Niya ipapasa ang lahat ng bagay sa mga tao na hindi nakikinig sa Kanyang mga salita, at tiyak na hindi Niya ipagkakatiwala ang anumang gawain sa gayong mga tao. Ni hindi nila magampanan nang maayos ang sarili nilang mga tungkulin, lalong hindi nila magagampanan ang atas ng Diyos. Kung ipagkakatiwala ng Diyos ang lahat ng bagay sa kanila, talagang wala silang magiging katapatan, ni hindi sila kikilos alinsunod sa Kanyang mga salita. Gagawa sila nang kaunti kapag sila ay masaya, at kapag hindi sila masaya, kakain sila, iinom, at magpapakasaya. Madalas na makadarama sila ng kahungkagan, pagkabalisa, at kalituhan, nang walang anumang katapatan sa atas ng Diyos. Ang gayong mga tao ay tiyak na hindi ang mga nais ng Diyos. Kaya, kung nauunawaan mo ang kalooban ng Diyos, at alam mo ang mga kahinaan ng tiwaling sangkatauhan, gayundin kung anong uri ng landas ang dapat tahakin ng tiwaling sangkatauhan, dapat kang magsimula sa paghahangad sa katotohanan. Makinig sa mga salita ng Diyos, at magsimula sa direksyon ng pagtingin sa mga tao at bagay, at umasal at kumilos, nang ganap na alinsunod sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan. Sundin mo ang mithiing ito, ang direksyong ito, at darating ang araw, sa malao’t madali, na maaalala at tatanggapin ng Diyos ang iyong iginugol at ibinayad. Pagkatapos ay magkakaroon ng halaga ang pagiging buhay mo; sasang-ayunan ka ng Diyos, at hindi ka na magiging ordinaryong tao. Hindi hinihingi sa iyo na magpursige nang kasingtagal ng paggawa ni Noe ng arko, pero kahit paano ay dapat kang magpursige sa buhay na ito. Mabubuhay ka ba hanggang sa isandaan at dalawampung taon ka na? Walang nakakaalam, pero nararapat sabihin na hindi iyon ang karaniwang haba ng buhay ng modernong sangkatauhan. Ang paghahangad sa katotohanan ngayon ay labis na mas madali kaysa sa paggawa ng arko. Napakahirap gawin ng arko, at wala pang modernong mga kagamitan noong panahong iyon—lakas lamang ng tao ang ginamit sa paggawa nito, sa isang mahirap pa na kapaligiran. Inabot ito ng mahabang panahon, at kaunting tao lamang ang nakakatulong. Mas madali para sa inyo na hangarin ang katotohanan ngayon kaysa ang gumawa ng arko noon. Dahil sa inyong malawak na kapaligiran at mga partikular na kondisyon sa buhay, paborable at madali sa inyo na hangarin ang katotohanan.

Ang pagbabahaginan ngayong araw tungkol sa “Bakit Dapat Hangarin ng Tao ang Katotohanan” ay pangunahing tinalakay ang dalawang aspeto ng paksa. Ang una ay ang simpleng pagbabahagi mula sa perspektiba ng Diyos, tungkol sa Kanyang plano ng pamamahala, mga kahilingan, at mga inaasam; ang pangalawa ay isang pagsusuri sa mga problema ng mismong mga tao, mula sa kanilang sariling perspektiba, na nakapagpapaliwanag ng pangangailangan at kahalagahan ng paghahangad sa katotohanan. Alinman sa dalawang anggulo na iyon, ang paghahangad sa katotohanan ang pinakamahalaga para sa tao, ang pinakakritikal at kagyat. Ang paghahangad sa katotohanan, saang perspektiba man ito tingnan, ay ang landas at mithiin sa buhay na dapat piliin ng bawat tagasunod ng Diyos, ng lahat ng nakarinig sa Kanyang mga salita. Ang paghahangad sa katotohanan ay hindi dapat tingnan bilang inaasam o kahilingan, ni hindi dapat ituring na espirituwal na kaginhawahan ang mga pahayag tungkol dito; sa halip, dapat tanggapin ng isang tao ang mga salitang sinasabi ng Diyos at ang mga hinihingi ng Diyos sa tao, at praktikal na gamitin ang mga ito na mga prinsipyo at batayan para sa pagsasagawa sa kanyang tunay na buhay, upang mabago ang mithiin at pamamaraan ng kanyang buhay, at siyempre, dahil dito ay magkakaroon din ng kabuluhan ang kanyang buhay. Sa ganitong paraan, habang hinahangad mo ang katotohanan, magiging tama ang landas na tinatahak mo at ang iyong desisyon, sa mas maliit na aspeto—at kung ikokonsidera naman ang mas malaking larawan, sa huli ay maiwawaksi mo ang iyong tiwaling disposisyon dahil hinahangad mo ang katotohanan, at ikaw ay maililigtas. Para sa Diyos, ang mga maililigtas ay hindi lamang ang Kanyang mga paborito at pinahahalagahan, at lalong hindi lamang ang mga taong nagsisilbing haligi ng Kanyang kaharian. Talagang napakalaki ng pagpapala na darating sa iyo na siyang kasapi ng sangkatauhan sa hinaharap, ang magiging pagpapala mo ay hindi pa nakita kailanman at hindi na makikita pang muli; darating sa iyo ang mabubuting bagay, nang sunud-sunod, sa paraang hindi mauunawaan ng isip mo. Anu’t anuman, ang unang dapat gawin ngayon ay ang tukuyin ang mithiin ng paghahangad sa katotohanan. Ang pagtutukoy sa mithiing ito ay hindi naglalayon na lutasin ang kahungkagan sa iyong espirituwal na mundo, ni hindi ito naglalayon na lutasin ang panunupil at pagkapoot, o kawalang katiyakan at kaguluhan, sa kaibuturan ng iyong puso. Hindi iyon ang layon nito. Sa halip, naglalayon itong magsilbing isang totoo at tunay na mithiin na magiging batayan ng asal at kilos ng isang tao. Ganoon lang ito kasimple. Simple lang, hindi ba? Hindi kayo nangangahas na sabihing simple nga ito, pero ang totoo, simpleng-simple ito—ang susi rito ay kung may kapasyahan ba ang isang tao na hangarin ang katotohanan. Kung tunay na may ganoon kang kapasyahan, ano ang katotohanan na walang partikular na landas ng pagsasagawa? Lahat ng mga katotohanan ay may mga landas, hindi ba? (Meron nga.) Ang magkaroon ng partikular na batayan para sa pagsasagawa sa anumang aspeto ng katotohanan, at ang magkaroon ng mga partikular na prinsipyo para sa pagsasagawa ng anumang proyekto sa gawain—ang mga ito ay matutupad ng mga tunay na mayroong kapasyahan. Maaaring sabihin ng ilan, “Hindi ko pa rin alam kung paano magsagawa kapag nahaharap ako sa mga isyu.” Iyan ay dahil hindi ka naghahanap. Kung naghahanap ka, magkakaroon ka ng landas. Hindi ba’t may kasabihan na, “Ang humahanap ay nakasusumpong; at ang tumutuktok ay pinagbubuksan” (Mateo 7:7). Naghanap ka na ba? Tumuktok ka na ba? Pinagnilayan mo na ba ang katotohanan habang binabasa mo ang mga salita ng Diyos? Kung pagsusumikapan mo ang pagninilay na iyon, mauunawaan mo ang lahat. Ang lahat ng katotohanan ay nasa mga salita ng Diyos; kailangan lang na basahin at pagnilayan mo ito. Huwag maging tamad; taimtim itong bigyan ng pansin. Sa mga problema na hindi mo malutas, dapat kang manalangin sa Diyos, at kailangan mong hanapin ang katotohanan nang ilang panahon, at minsan, kailangan mong maging mapagtimpi at maghintay sa Diyos, sa oras Niya. Kung nagsasaayos ng kapaligiran ang Diyos para sa iyo, at sa kapaligirang ito ay inihahayag Niya ang lahat, at binibigyang liwanag ang isang sipi ng Kanyang mga salita para sa iyo, na nagdudulot ng kalinawan sa iyong puso, at mayroon kang partikular na mga prinsipyo para sa pagsasagawa, hindi ba’t makakaunawa ka na kung gayon? Kaya, hindi naman ganoon kaabstrakto ang paghahangad sa katotohanan, hindi rin ito ganoon kahirap. Saang anggulo mo man tinitingnan ang pang-araw-araw mong buhay, ang iyong tungkulin, ang gawain ng iglesia, o ang pakikisalamuha mo sa iba, maaari mong hanapin ang katotohanan para maturo ang direksyon at mga batayan ng pagsasagawa. Hindi talaga ito mahirap. Mas madali na para sa tao na manalig sa Diyos ngayon kaysa dati, dahil napakarami na ng mga salita ng Diyos, at nakikinig ka sa napakaraming sermon, at napakaraming pagbabahagi sa bawat aspeto ng katotohanan. Kung nauunawaan ng isang tao ang mga espirituwal na usapin at may kakayahan siya, makakaunawa na siya. Iyon lamang mga walang espirituwal na pagkaunawa at may napakahinang kakayahan ang laging nagsasabi na hindi nila nauunawaan ang mga bagay-bagay at kailanman ay hindi nila nahahalata ang mga bagay-bagay. Naguguluhan sila sa sandaling may mangyari sa kanila; nalilinawan sila kapag nabahaginan sa katotohanan, pero makalipas ang ilang sandali, maguguluhan silang muli. Ito ay dahil sinasayang nila ang mga araw nila nang wala man lang pakialam sa mundo. Napakatamad nila, at hindi sila naghahanap. Magiging madaling maunawaan ang mga bagay kung maghahanap ka at mas magbabasa ng mga nauugnay na salita ng Diyos, dahil ang lahat ng salitang iyon ay nasa karaniwang lengguwahe na madaling maunawaan. Kahit sinong tao ay mauunawaan ang mga ito, maliban sa mga may problema sa pag-iisip. Malinaw na ipinapahayag ng mga salitang ito ang maraming usapin, at narito na ang lahat. Maliban kung hindi mo nakikita bilang isang malaking usapin ang paghahangad sa katotohanan, kung tunay mong inaasam sa iyong puso na makamit ang katotohanan at itinuturing ang paghahangad dito bilang ang pinakamahalagang bagay sa buhay, walang makapipigil o makahahadlang sa iyo na maunawaan o maisagawa ang katotohanan.

Ang pinakasimpleng tuntunin sa paghahangad sa katotohanan ay na dapat mong sundin ang Diyos at magpasakop sa lahat ng bagay. Isang bahagi ito. Ang isa pang bahagi ay na sa iyong tungkulin at sa dapat mong gawin, at sa mas higit pa roon, sa iniatas ng Diyos at sa iyong obligasyon, gayundin sa mahalagang gawain na labas sa iyong tungkulin ngunit kailangan mong gawin, sa gawain na isinaayos para sa iyo at na pangalan mo ang tinawag para gawin ito—dapat mong bayaran ang halaga, gaano man ito kahirap. Kahit na kailangan mong magsumikap nang husto, kahit na may posibilidad na ikaw ay usigin, at kahit na malagay nito sa panganib ang buhay mo, hindi mo dapat panghinayangan ang ibinayad mo, at sa halip ay ialay mo ang iyong katapatan at sumunod ka hanggang kamatayan. Sa realidad, ganito nagpapamalas ang paghahangad sa katotohanan, ang tunay na halaga at pagsasagawa nito. Mahirap ba ito? (Hindi.) Gusto Ko ang mga taong nagsasabing hindi ito mahirap, dahil sila ay may mga puso na nag-aasam na hangarin ang katotohanan, na determinado at tapat—may lakas sa kanilang puso, kaya walang mahirap sa mga bagay na nangyayari sa kanila. Ngunit kung walang kumpiyansa ang mga tao, kung pinagdududahan nila ang kanilang sarili, gaya ng madalas na sinasabi ng mga tao, wala nang pag-asa pa para sa kanila. Kung ganap na walang silbi ang isang tao, walang motibasyon na gawin ang anumang bagay na produktibo, ngunit masigla siya pagdating sa pagkain, pag-inom, at pagsasaya, at kapag nagiging negatibo siya kapag nahaharap sa mga paghihirap, at wala siyang sigla, wala man lang kahit katiting na motibasyon, pagdating sa pagbabahaginan tungkol sa katotohanan, anong uri siya ng tao? Siya ay isang tao na hindi nagmamahal sa katotohanan. Kung ang tao ay naobligang hangarin ang katotohanan noong Kapanahunan ng Biyaya at Kapanahunan ng Kautusan, magiging mahirap ito para sa kanya. Hindi ito magiging madali, dahil iba ang kondisyon ng sangkatauhan noon, gayundin ang mga pamantayan ng mga hinihingi ng Diyos sa kanila. Kaya, sa mga nagdaang panahon, kaunti lamang ang mga tao na may kakayahang sundin ang mga salita ng Diyos at magpasakop sa Kanya, maliban na lamang sa mga prominenteng tao na gaya nina Noe, Abraham, Job, at Pedro. Pero hindi sinisi ng Diyos ang mga tao sa dalawang kapanahunan na iyon, dahil hindi pa Niya sinabi sa mga tao kung paano makakamit ang mga pamantayan ng pagliligtas. Sa yugtong ito ng gawain sa nakaraang kapanahunan, malinaw na sinasabi ng Diyos sa mga tao ang bawat aspeto ng mga katotohanan na dapat nilang isagawa. Kung hindi pa rin isinasagawa ng mga tao ang mga ito at hindi pa rin nila tinutugunan ang mga hinihingi ng Diyos, hindi iyon kasalanan ng Diyos; ito ay isyu na ng hindi pagmamahal ng tao sa katotohanan at pagkayamot dito. Kaya, ang himukin ang mga tao na hangarin ang katotohanan, ang panahon ng paghahangad sa katotohanan, ay hindi mahirap para sa kanila—sadyang may kakayahan sila na gawin ito. Sa isang banda, ito ay dahil lahat ng bagay ay paborable rito, sa kabilang banda, sapat na ang mga kondisyon at pundasyon ng mga tao para hangarin nila ang katotohanan. Kung mabibigo ang isang tao na makamit ang katotohanan sa huli, ito ay dahil masyadong malala ang kanyang mga isyu. Nararapat lamang sa gayong tao ang anumang kaparusahang nararanasan niya, anumang kalalabasan niya, at anuman ang magiging kamatayan niya. Hindi sila karapatdapat na kaawaan. Para sa Diyos, hindi dapat maawa o mahabag sa mga tao. Pinagpapasyahan Niya ang kalalabasan ng isang tao batay sa Kanyang mga hinihingi sa tao, sa Kanyang mga disposisyon, at sa ayos at mga tuntunin na Kanyang tinukoy; at dahil ang partikular na pagganap ay nagreresulta ng partikular na kalalabasan, napagpapasyahan na ang buhay ng isang tao sa kasalukuyan at sa hinaharap. Ganoon lang ito kasimple. Hindi mahalaga kung ilan ang makakaligtas sa huli, o kung ilan ang maparurusahan. Walang pakialam doon ang Diyos. Ano ang naunawaan ninyo mula sa mga salitang ito? Anong impormasyon ang ipinararating ng mga ito sa inyo? Alam ba ninyo? Tingnan Ko nga kung matalino at maparaan kayo sa pagsagot. Kung hindi kayo makakasagot, huhusgahan Ko kayo gamit ang isang salita—hangal. Bakit Ko sinasabing hangal kayo? Sasabihin Ko sa inyo. Sinabi Ko na walang pakialam ang Diyos kung ilang tao ang makakaligtas, o kung ilan ang mawawasak at mapaparusahan sa huli. Ano ang ipinararating nito sa inyo? Ipinararating nito na hindi itinalaga ng Diyos ang partikular na bilang ng mga tao. Maaari mong pagsumikapan ito, pero kung sino man ang makakaligtas o mapaparusahan sa huli, ikaw man ito, ibang tao, o ibang grupo, ay hindi kabilang sa dami ng itinalaga na ng Diyos. Gumagawa at nagsasalita ang Diyos gaya ng ginagawa Niya ngayon. Patas ang pagturing Niya sa mga tao at binibigyan Niya ng sapat na pagkakataon ang bawat tao. Binibigyan Ka niya ng sapat na pagkakataon, at sapat na biyaya, at sapat na bilang ng Kanyang mga salita, at ng Kanyang gawain, at ng Kanyang awa at pagpaparaya. Patas siya sa bawat tao. Kung nahahangad mo ang katotohanan, at ikaw ay nasa landas ng pagsunod sa Diyos, at natatanggap mo ang katotohanan, gaano man karaming paghihirap ang tiisin mo o mga suliranin na harapin mo, at kung malilinis ang iyong tiwaling disposisyon, maliligtas ka. Kung makakapagpatotoo ka sa Diyos at magiging karapatdapat na nilalang, isang karapatdapat na pinuno ng lahat ng bagay, makakaligtas ka. Kung makakaligtas ka, ito ay hindi dahil maganda ang sitwasyon mo; sa halip, ito ay dahil sa iyong sariling pagsisipag at pagsusumikap, at sa iyong sariling paghahangad. Ito ang magiging karapatdapat sa iyo at magiging karapatan mo. Hindi mo na kakailanganin na dagdagan ng Diyos ang ibibigay Niya sa iyo. Hindi ka binibigyan ng Diyos ng dagdag na patnubay at pagsasanay; hindi ka Niya sinasabihan ng dagdag na mga salita o pinapaboran. Hindi Niya ginagawa ang mga bagay na ito. Ang malakas lamang ang makakaligtas, gaya sa kalikasan. Ang bawat hayop ay nagsisilang ng anak nito, gaano man karami ang maipapanganak at gaano man karami ang mamamatay, ayon sa ayos at panuntunan na itinakda ng Diyos. Ang mga nakakaligtas ay nabubuhay, at ang mga hindi nakakaligtas ay namamatay, at pagkatapos ay may mga bagong isinisilang. Ilan man sa mga ito ang mabubuhay pagkatapos niyon, ganoon sila karami. Sa taon na hindi paborable, walang ni isa ang nabubuhay; sa taon na paborable, mas marami ang nabubuhay. Sa huli, ang lahat ng bagay ay nagpapanatili ng balanse. Kaya, paano tinatrato ng Diyos ang sangkatauhan na Kanyang nilikha? Ganoon pa rin ang saloobin ng Diyos. Patas Niyang binibigyan ng pagkakataon ang bawat tao, at kinakausap Niya ang bawat tao, sa harap ng publiko at nang walang anumang kapalit. Mabait Siya sa bawat tao, at sinusuportahan Niya ang bawat tao; Kanyang inaakay, inaalagaan, at binabantayan ang bawat tao. Kung sa huli ay makakaligtas ka sa pamamagitan ng paghahangad sa katotohanan, at maaabot mo ang mga pamantayan ng mga hinihingi ng Diyos, magtatagumpay ka. Ngunit kung palaging magulo ang isip mo at inaaksaya mo ang mga araw mo, iniisip na masama ang kapalaran mo, palaging nagmamalabis, hindi alam ang dapat gawin, palaging namumuhay batay sa iyong damdamin, nang hindi hinahangad ang katotohanan o tinatahak ang tamang landas, wala kang makakamit sa huli. Kung palagi mong iniraraos lang ang mga araw mo nang hindi pinapansin ang gawaing ginagawa ng Diyos sa iyo, wala man lang kahit kaunting pakialam na inaakay ka Niya, o na binibigyan ka Niya ng mga pagkakataon, disiplina, kaliwanagan, at suporta, makikita Niya na ikaw ay isang manhid na hangal, at babalewalain ka Niya. Gagawa ang Diyos sa iyo sa araw na hangarin mo ang katotohanan. Hindi Niya naaalala ang iyong mga paglabag. Kung hindi mo hahangarin ang katotohanan, hindi ka pipilitin o kakaladkarin ng Diyos. Kung ikaw ay maghahangad, magkakamit ka; kung hindi ka maghahangad, hindi ka magkakamit. Maaaring hangarin ng mga tao ang katotohanan o hindi, depende sa gusto nila. Sila ang magpapasya roon. Kapag natapos na ang gawain ng Diyos, hihingin Niya sa iyo ang iyong sagutang papel, at susukatin ka Niya gamit ang mga pamantayan ng katotohanan. Kung wala ka man lang patotoo, dapat kang palayasin; hindi ka makakaligtas. Sasabihin mo, “Ang dami ko nang ginampanang tungkulin at ginawang serbisyo. Ang dami ko nang ginugol, at malaki na ang ibinayad ko!” At sasabihin ng Diyos, “Pero hinangad mo ba ang katotohanan?” Pag-iisipan mo ito, at maiisip mo na sa dalawampu, tatlumpu, apatnapu, o limampung taon ng iyong pananalig sa Diyos ay tila hindi mo hinangad ang katotohanan. Sasabihin ng Diyos, “Ikaw na mismo ang nagsabi na hindi mo hinangad ang katotohanan. Makakaalis ka na. Pumunta ka kung saan mo gusto.” Sasabihin mo, “Hindi ba manghihinayang ang Diyos na mababawasan ng isa ang mga taong ililigtas Niya, na magkukulang ng isang pinuno sa lahat ng bagay?” Sa puntong ito, maaawa pa rin ba ang Diyos? Matagal nang nagtimpi ang Diyos; matagal na Siyang naghintay. Lumipas na ang mga inaasahan Niya sa iyo; nawalan na Siya ng pag-asa sa iyo, at hindi ka na Niya iintindihin. Hindi Siya luluha para sa iyo, o magpapakasakit at magdurusa dahil sa iyo. Bakit ganoon? Dahil lumipas na ang mga kalalabasan ng lahat ng bagay, at dahil tapos na ang gawain ng Diyos, at tapos na ang Kanyang plano ng pamamahala, at Siya ay magpapahinga na. Hindi magiging masaya ang Diyos para sa sinumang tao, ni hindi Siya masasaktan, hihikbi, o iiyak para sa sinumang tao. Siyempre, hindi rin Siya magsasaya o magagalak na may sinumang nakaligtas, o na may sinumang nagawang maging pinuno ng lahat ng bagay. Bakit ganito? Napakalaki at napakatagal na ng ginugol ng Diyos para sa sangkatauhang ito, at kailangan Niyang magpahinga. Kailangan na Niyang isara ang libro sa anim na libong taon ng Kanyang plano ng pamamahala at hindi na Niya ito iintindihin, hindi na rin Siya magpaplano ng anuman, o magsasabi ng anumang salita o gagawa ng anumang gawain sa tao. Ipapasa Niya ang gawain sa hinaharap at sa mga susunod na araw sa mga pinuno ng susunod na kapanahunan. Kung gayon, ano itong sinasabi Ko sa inyo? Ito: Dahil alam na ninyong lahat ngayon kung ilan ang mga taong mananatili sa huli at sino ang mananatili, bawat isa sa inyo ay maaaring magsumikap na marating iyon—at ang tanging landas para magawa ito ay ang paghahangad sa katotohanan. Huwag sayangin ang mga araw ninyo, hindi maaaring maging magulo ang isipan. Kapag dumating ang araw na hindi na maalala ng Diyos ang anumang ibinayad mo at wala na Siyang pakialam sa landas na tinatahak mo, o kung ano ang kalalabasan mo, kung gayon, sa araw na iyon, tunay nang matatakda ang kalalabasan mo. Ano ang dapat ninyong gawin ngayon? Dapat ninyong samantalahin ang kasalukuyan, habang ang puso ng Diyos ay gumagawa pa para sa sangkatauhan, habang nagpaplano pa Siya para sa sangkatauhan, habang iniinda at inaalala pa rin Niya ang bawat kilos at galaw ng tao. Kailangan nang magpasya ng mga tao, sa lalong madaling panahon. Itakda ang mithiin at direksyon ng inyong paghahangad; huwag hintayin na dumating ang mga araw ng pagpapahinga ng Diyos bago kayo magplano. Kung hindi ka nakadarama ng totoong panghihinayang, pagsisisi, lungkot, at pighati hanggang sa oras na iyon, magiging huli na ang lahat. Wala nang makapagliligtas sa iyo, at hindi ka rin ililigtas ng Diyos. Ito ay dahil pagdating ng panahon, ang panahon kung kailan tunay na magtatapos ang plano ng Diyos, at nagawa na Niya ang huling tanda at isinasara na ang aklat ng Kanyang plano, hindi na Siya gagawa pa. Kailangan ng Diyos ng pahinga; Kailangan Niyang lasapin ang mga bunga ng Kanyang anim na libong taong plano at tamasahin ang pangangasiwa sa lahat ng bagay ng mga natirang tao para sa Kanya. Ang nais matamasa ng Diyos ay ang makita ang mga tao na nakapanatili na pinapamahalaan ang lahat ng bagay ayon sa mga tuntunin at regulasyon na itinakda Niya, nang maingat na alinsunod sa pagsasaayos na nilikha Niya para sa mga klima, at sa lahat ng bagay at sangkatauhan, nang walang nalalabag na kalooban o ninanais Niya. Nais ng Diyos na matamasa ang Kanyang pahinga; nais Niyang matamasa ang Kanyang kaginhawahan, nang hindi na inaalala pa ang sangkatauhan o ang gawain para sa kanila. Nauunawaan ba ninyo ito? (Oo.) Malapit nang dumating ang araw na iyon. Kung ang pinag-uusapan natin ay ang haba ng buhay ng tao noong panahon nina Adan at Eba, maaaring may natitira pang daan-daang taon sa buhay ng tao, at mahaba-haba pa ang matitirang panahon. Tingnan niyo kung gaano katagal inabot ang paggawa ni Noe ng arko. Sa tingin Ko ay kakaunti na lang ang mga tao ngayon na aabot sa isandaang gulang, at kahit umabot ka man ng siyamnapu o isandaang taon, ilang dekada pa ang natitira sa iyo? Kaunti na lang. Kahit na dalawampung taong gulang ka ngayon at umabot ng siyamnapung taong gulang, mabubuhay ka pa ng pitumpung taon, mas maiksi pa rin iyon kumpara sa panahon ng paggawa ni Noe ng arka. Para sa Diyos, ang anim na libong taon ay napakabilis lang, at ang animnapu, walumpu, o isaandang taon ay ilang segundo lang para sa Diyos o mahaba na nga ang ilang minuto; isang kisapmata lang. Maging ang mga tao na hindi tumatahak sa tamang landas o naghahangad sa katotohanan ay madalas na sinasabi na, “Maiksi lang ang buhay: Sa isang kisapmata, matanda na tayo; sa isang kisapmata, puno na ang bahay ng mga anak at mga apo; sa isang kisapmata, tapos na ang buhay natin.” Kaya, paano kung hahangarin mo nga ang katotohanan? Para sa iyo, mas kagyat ang oras. Ang mga taong hindi naghahangad sa katotohanan at nabubuhay sa mundo ng kahungkagan ay sinasayang ang mga araw nila, at nadarama nilang lahat na napakabilis ng takbo ng oras. Paano kung hahangarin mo nga ang katotohanan? Anumang kapaligiran, tao, pangyayari, o bagay ng pagsasaayos ng Diyos ay sapat na para danasin mo nang ilang panahon—at pagkatapos ng mahabang panahon ay saka mo lamang makakamit ang kakaunting kaalaman, kabatiran, at karanasan na iyon. Hindi ito madali. Kung tunay na mayroon ka ng kaalaman at karanasang iyon, mapagtatanto mo: “Naku! Walang masyadong nakakamit ang tao mula sa habambuhay na paghahangad sa katotohanan!” Maraming tao ngayon ang nagsusulat ng mga sanaysay sa kanilang patotoo batay sa karanasan, at nakikita Ko na ang ilang nananalig sa Diyos sa loob ng dalawampu o tatlumpung taon ay nagsusulat lang tungkol sa kanilang mga kabiguan at pagkalugmok na nangyari sampu o dalawampung taon na ang nakalilipas. Nais nilang magsulat tungkol sa isang bagay na kamakailan lang nangyari at tungkol sa kasalukuyan nilang pagpasok sa buhay, pero wala sila ng mga gayon. Kaawa-awa na kakaunti lamang ang kanilang mga karanasan. Sa pagsulat ng mga sanaysay tungkol sa kanilang patotoo batay sa karanasan, ang ilang tao ay kailangang magbaliktanaw sa kanilang mga dating pagkabigo at pagkalugmok, at iyong mga hindi makaalala ay kailangan ang tulong ng iba upang maalala ang mga ito. Ang kakaunting iyon ay ang tanging nakamit nila sa kanilang sampu, dalawampu, o maging tatlumpung taon ng pananalig sa Diyos, at mahirap na isulat ang mga ito. Ang ibang sanaysay ay hindi pa nga magkakaugnay, ang mga bahagi nitong hindi magkakaugnay ay pinilit na pagsama-samahin. Ni hindi ito maituturing na karanasan sa buhay, ang totoo; walang kinalaman ang mga ito sa buhay. Ganoon kakaawa-awa ang tao, kapag hindi niya hinahangad ang katotohanan. Hindi ba’t ganoon nga? (Ganoon nga.) Ganoon nga ang nangyayari. Pagdating ng araw na iyon kapag nagtapos na ang gawain ng Diyos, umaasa Ako na wala sa inyo ang magsisisi sa Kanya, luluhod at magsasabing, “Kilala ko na ang sarili ko ngayon! Alam ko na kung paano hangarin ang katotohanan ngayon!” Masyado nang huli ang lahat! Hindi ka na papansinin ng Diyos; wala na Siyang pakialam kung ikaw man ay isang taong naghahangad sa katotohanan, o kung anong uri ng tiwaling disposisyon ang mayroon ka, o kung anong uri ng saloobin ang mayroon ka patungkol sa Kanya, ni wala na Siyang pakialam kung gaano na kalalim ang pagtitiwali sa iyo ni Satanas o kung anong uri ka ng tao. Kapag nangyari iyon, hindi ba’t mapupuno ka ng hinagpis? (Oo.) Isipin mo ito ngayon: Kung talagang dumating ang sandaling iyon, malulungkot ka ba? (Oo.) Bakit ka malulungkot? Ang implikasyon nito ay hindi ka na magkakaroon ng isa pang pagkakataon. Hindi mo na muling maririnig ang mga salita ng Diyos, at hindi ka na muling iintindihin ng Diyos; at hindi ka na kailanman magiging isang tao na aalalahanin Niya, o na isang nilalang na Kanyang nilikha. Talagang wala kang magiging ugnayan sa Kanya. Labis na nakakatakot na isipin ito. Kung nakikita mo ito sa isip mo ngayon, pero talagang dumating ang araw na umabot ka na nga sa gayong punto, hindi ba’t matitigilan ka? Katulad lang ito ng sinasabi sa Bibliya: Kapag dumating ang oras na iyon, hahampasin ng mga tao ang kanilang dibdib at likod sa paghihinagpis, nang pumapalahaw, nagngangalit ng kanilang mga ngipin, habang umiiyak na parang kamatayan na nila. At wala nang silbi ang pag-iyak nang husto—magiging huli na ang lahat! Ang Diyos ay hindi na ang Diyos mo, at hindi ka na magiging isang nilalang ng Diyos. Wala ka nang magiging ugnayan sa Kanya; hindi ka na Niya gugustuhin. Kung ano ka ay wala nang magiging kinalaman sa Diyos. Mawawala ka na sa puso Niya, at hindi ka na Niya aalalahanin pa. Kung magkagayon, hindi ba’t narating mo na ang dulo ng iyong pananalig sa Diyos? (Oo.) Kaya, kung nakikita mo sa iyong isipan na maaaring dumating ang oras na kamumuhian at tatanggihan ka ng Diyos, dapat mong pahalagahan ang kasalukuyan. Maaaring kastiguhin, hatulan, iwasto, o tabasan ka ng Diyos; maaari ka pa nga Niyang isumpa o pagalitan nang husto. Ang lahat ng bagay na ito ay karapatdapat na pahalagahan: kahit papaano ay kinikilala ka pa ng Diyos bilang isang nilalang ng Kanyang paglikha, at kahit papaano ay may mga inaasahan pa rin Siya sa iyo, at kahit papaano ay nasa puso ka pa rin Niya, at handa pa rin Siyang pagalitan at sumpain ka, nangangahulugan ito na sa puso Niya, nag-aalala pa rin Siya sa iyo. Hindi pwedeng ipagpalit ng isang tao ang kanyang buhay para sa pag-aalalang ito. Huwag maging hangal! Nauunawaan ba ninyo? (Oo.) Kung nauunawaan ninyo, hindi kayo totoong hangal, nagpapanggap lang kayo, tama ba? Umaasa Ako na hindi talaga kayo hangal. Kung nauunawaan na ninyo ang mga bagay na ito, huwag ninyong sayangin ang mga araw ninyo. Ang paghahangad sa katotohanan ay isang dakilang usapin sa buhay ng tao. Wala nang ibang usapin na kasinghalaga ng paghahangad sa katotohanan, at wala nang ibang usapin ang mas mahalaga pa sa pagkakamit ng katotohanan. Naging madali ba, na sundan ang Diyos hanggang sa kasalukuyan? Magmadali kayo, at ituring na mahalaga ang paghahangad ninyo sa katotohanan! Ang yugtong ito ng gawain sa mga huling araw ang pinakaimportanteng yugto ng gawain na ginagawa ng Diyos sa Kanyang anim na libong taon ng pamamahala. Ang paghahangad sa katotohanan ang pinaka-inaasahan ng Diyos sa Kanyang mga hinirang na tao. Umaasa Siya na tinatahak ng tao ang tamang landas, ang paghahangad sa katotohanan. Huwag biguin ang Diyos, huwag hayaan na Siya ay madismaya, at huwag hayaan na alisin ka Niya sa Kanyang puso kapag dumating na ang huling sandali, at hindi ka na Niya aalalahanin pa. Ni hindi Siya mamumuhi sa iyo. Huwag hayaan na umabot ito sa puntong iyon. Nauunawaan ba ninyo? (Oo.)

Ano ang naging paksa sa ating pagbabahaginan ngayong araw? (Bakit dapat hangarin ng tao ang katotohanan.) Bakit dapat hangarin ng tao ang katotohanan—medyo mabigat ang paksang ito, hindi ba? Bakit ito mabigat? Dahil mahalaga ito. Para sa kinabukasan ng bawat tao, sa buhay ng bawat tao, at sa magiging paraan ng pag-iral ng bawat tao sa susunod na kapanahunan, napakahalaga nito. Kaya, umaasa Ako na pakikinggan ninyo nang ilang ulit ang talakayan ngayon tungkol sa paksa, upang mapalalim ang pag-unawa ninyo rito. Hinangad man ninyo o hindi ang katotohanan noon, at handa man kayo o hindi na hangarin ang katotohanan, mula sa pagbabahaginan ngayong araw tungkol sa paksa ng “Bakit Dapat Hangarin ng Tao ang Katotohanan” at sa mga susunod na panahon, sikaping maging matatag na magpasya at ihandang maigi ang iyong kalooban na hangarin ang katotohanan. Ito ang pinakamainam na pasya. Kaya ba ninyong gawin iyon? (Oo.) Mahusay. Nagbahaginan tayo ngayong araw tungkol sa kung bakit dapat hangarin ng tao ang katotohanan. Ang susunod na paksa ng ating pagbabahaginan ay paano sikaping matamo ang katotohanan. Ngayong nasabi Ko na sa inyo kung ano ito, pagnilayan ninyo ito at tingnan sa inyong puso kung ano ang nalalaman ninyo sa paksang ito. Tingnan muna ito saglit. Dito na nagtatapos ang pagbabahaginan natin ngayong araw.

Setyembre 3, 2022

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.