Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 5 (Ikatlong Bahagi)
Ang mga kasabihan ng tradisyonal na kultura tungkol sa moral na pag-uugali ay nagmumula kay Satanas. Nagmula ang mga ito sa mga tiwaling tao, at angkop lamang para sa mga walang pananalig at sa mga hindi nagmamahal sa katotohanan. Ang mga taong naniniwala sa Diyos at naghahangad sa katotohanan ay dapat munang makilatis ang mga bagay na ito, at tanggihan ang mga ito, dahil ang mga kasabihang ito ay magkakaroon ng ilang negatibong epekto sa mga tao, lilituhin sila ng mga ito at patatahakin sila sa maling landas. Halimbawa, kasama sa mga halimbawang kabibigay lang natin, may isang kasabihan: “Ang isang tapat na mamamayan ay hindi maaaring maglingkod sa dalawang hari, ang isang mabuting babae ay hindi maaaring magpakasal sa dalawang lalaki.” Pag-usapan muna natin ang, “Ang isang tapat na mamamayan ay hindi maaaring maglingkod sa dalawang hari.” Kung ang haring ito ay matalino, may kakayahan, at positibo, ang pagsuporta mo sa kanya, pagsunod sa kanya, at pagtatanggol sa kanya ay nagpapakita na ikaw ay may pagkatao, moralidad, at na marangal kang tao. Ngunit kung ang hari ay diktador at hangal, isang diyablo, at sinusunod mo pa rin siya, ipinagtatanggol siya, at hindi siya nilalabanan, ano itong “katapatan” na taglay mo? Ito ay hangal, bulag na katapatan; ito ay bulag at hangal. Kung gayon, mali ang iyong katapatan at naging isang negatibong bagay na ito. Pagdating sa ganitong uri ng demonyong hari at diyablo, hindi mo na dapat sundin ang kasabihang: “Ang isang tapat na mamamayan ay hindi maaaring maglingkod sa dalawang hari.” Dapat mong talikuran, itakwil, at layuan ang haring ito—dapat mong talikuran ang kadiliman at piliin ang liwanag. Kung pinipili mo pa ring manatiling tapat sa demonyong haring ito, alipin ka niya at kasabwat. Kaya, sa partikular na mga sitwasyon at konteksto, ang ideya, o positibong kahulugan at mga moralidad na itinatanyag ng kasabihang ito ay hindi umiiral. Mula rito makikita mo na bagama’t parang napakamatwid at positibo sa pandinig ang kasabihang ito, ang kaangkupan nito ay limitado sa iilang partikular na sitwasyon at konteksto; hindi ito naaangkop sa bawat sitwasyon o konteksto. Kung pikit-mata at buong kahangalang sinusunod ng mga tao ang kasabihang ito, maliligaw lamang sila at mapupunta sa maling landas. Mahirap isipin ang kahihinatnan nito. Ang sumunod na sugnay sa kasabihang ito ay: “ang isang mabuting babae ay hindi maaaring magpakasal sa dalawang lalaki.” Ano ang tinutukoy rito ng “mabuting babae”? Tinutukoy nito ang isang babaeng dalisay, na tapat sa iisang asawa lamang. Kailangan siyang maging tapat sa kanyang asawa hanggang wakas, at hindi magbago ang kanyang saloobin kailanman, mabuting tao man ang asawa niya o hindi. Kahit mamatay ang asawa niya, kailangan siyang manatiling balo hanggang sa mamatay siya. Iyon ang tinatawag na dalisay at tapat na maybahay. Hinihingi ng tradisyonal na kultura sa lahat ng babae na maging mga dalisay at tapat na maybahay. Makatarungan ba ang ganitong pagtrato sa mga babae? Bakit maaaring magkaroon ng mahigit sa isang asawa ang mga lalaki, ngunit ang mga babae ay hindi maaaring mag-asawang muli kahit patay na ang kanilang asawa? Ang mga lalaki at babae ay hindi magkapantay ang katayuan. Kung ang isang babae ay pinigilan ng mga salitang, “ang isang mabuting babae ay hindi maaaring magpakasal sa dalawang lalaki,” at piniling maging isang dalisay at tapat na maybahay, ano ang mapapala niya? Ang pinakamapapala niya ay maaaring itayo ang isang bantayog na gumugunita sa kanyang kadalisayan pagkamatay niya. Makabuluhan ba ito? Sasang-ayon ba kayo na mahirap ang kapalaran sa buhay ng mga babae? Bakit wala silang karapatang muling mag-asawa pagkamatay ng kanilang asawa? Ito ang pananaw na itinatanyag ng tradisyonal na kultura, at ito ay isang haka-haka na laging kinakapitan ng sangkatauhan. Kung namatay ang asawang lalaki at naiwan ang mga anak at hindi nakayanan ng maybahay niya ang pangangalaga sa mga ito, ano ang magagawa ng kanyang maybahay? Kinailangan niyang mamalimos para sa pagkain. Kung ayaw niyang magdusa ang kanyang mga anak at nais niyang makahanap ng paraan para mabuhay, kinailangan niyang mag-asawang muli at mamuhay na may dungis ang kanyang pangalan, at ang makondena ng publiko, at ang iwaksi at hamakin ng lipunan at ng masa. Kinailangan niyang tanggapin ang mga kritisismo at tiisin ang mga pag-insulto ng lipunan upang normal niyang mapalaki ang kanyang mga anak. Mula sa pananaw na ito, bagama’t hindi niya ipinamuhay ang pamantayan ng “ang isang mabuting babae ay hindi maaaring magpakasal sa dalawang lalaki,” hindi ba’t karapat-dapat sa paggalang ang kanyang mga ginawa, paraan, at sakripisyo? Kahit paano kapag lumaki ang kanyang mga anak at maunawaan ang pagmamahal ng kanilang ina para sa kanila, igagalang siya ng kanyang mga anak, at tiyak na hindi nila hahamakin o iwawaksi ang kanilang ina dahil sa kanyang ginawa. Sa halip, magpapasalamat sila, at iisipin na ang gayong ina ay pambihira. Gayunman, hindi sasang-ayon sa kanila ang popular na opinyon. Mula sa pananaw ng lipunan, na kapareho ng pananaw ng “Ang isang tapat na mamamayan ay hindi maaaring maglingkod sa dalawang hari, ang isang mabuting babae ay hindi maaaring magpakasal sa dalawang lalaki,” na isinusulong ng tao, paano mo man ito tingnan, ang inang ito ay hindi mabuting tao, dahil sinalungat niya ang tradisyonal na haka-hakang ito ng moralidad. Dahil dito, babansagan nila ang inang ito bilang isang taong may problema sa moral na pag-uugali. Kaya, bakit maiiba ang mga ideya at pananaw ng kanyang mga anak sa kanya mula sa pananaw sa kanya ng tradisyonal na kultura? Dahil titingnan ng kanyang mga anak ang isyung ito mula sa pananaw ng pagsisikap na mabuhay. Kung hindi nag-asawang muli ang babaeng ito, mawawalan sila ng paraan ng kanyang mga anak na mabuhay. Kung kumapit siya sa tradisyonal na haka-hakang ito, hindi sana siya magkakaroon ng paraan para mabuhay—namatay sana siya sa gutom. Pinili niyang mag-asawang muli para iligtas ang buhay niya at ng kanyang mga anak. Batay sa kontekstong ito, hindi ba’t maling-mali ang pagkondena sa kanya ng tradisyonal na kultura at popular na opinyon? Walang pakialam ang mga ito kung mabuhay o mamatay ang mga tao! Kaya, ano ang kahulugan at halaga ng pagkapit sa tradisyonal na haka-hakang ito ng moralidad? Maaaring masabi na wala talagang halaga ito. Ito ay isang bagay na nakasasakit at nakasasama sa mga tao. Bilang mga biktima ng haka-hakang ito, naranasan mismo ng babaeng ito at ng kanyang mga anak ang katotohanang ito, ngunit walang nakinig sa kanila o nakiramay sa kanila. Wala silang nagawa kundi tanggapin ang kanilang pasakit. Ano sa palagay ninyo, makatarungan ba ang lipunang ito? Bakit napakasama at napakadilim ng uring ito ng lipunan at bansa? Ito ay dahil ang tradisyonal na kulturang itinanim ni Satanas sa isipan ng tao ay kinokontrol pa rin ang pag-iisip ng mga tao at dinodomina ang opinyon ng publiko. Hanggang sa araw na ito, walang taong malinaw na nakaunawa sa isyung ito. Nakakapit pa rin ang mga hindi nananalig sa mga haka-haka at pananaw ng tradisyonal na kultura, at iniisip nila na tama ang mga ito. Hanggang ngayon, hindi pa nila tinatalikuran ang mga bagay na ito.
Ngayon, kapag tinitingnan natin ang kasabihang, “Ang isang tapat na mamamayan ay hindi maaaring maglingkod sa dalawang hari, ang isang mabuting babae ay hindi maaaring magpakasal sa dalawang lalaki,” makikita ninyo na saanmang pananaw natin ito tingnan, hindi ito isang positibong bagay, purong haka-haka at imahinasyon lamang ito ng tao. Bakit Ko sinasabi na hindi ito positibong bagay? (Dahil hindi ito ang katotohanan, haka-haka at imahinasyon ito ng tao.) Sa katunayan, iilang tao ang makagagawa ng hinihiling ng kasabihang ito. Hungkag na teorya at haka-haka at imahinasyon lamang ito ng tao, ngunit dahil nag-ugat ito sa puso ng mga tao, naging popular na opinyon na ito, at maraming taong humusga sa ganitong uri ng mga bagay ayon dito. Kaya, ano ang diwa ng pananaw at paninindigang pinagbatayan ng paghusga ng popular na opinyon sa ganitong uri ng mga bagay? Bakit hinusgahan nang napakarahas ng popular na opinyon ang isang babaeng nag-asawang muli? Bakit pinintasan ng mga tao ang ganitong uri ng tao, at iwinaksi at hinamak siya? Ano ang dahilan? Hindi ninyo maunawaan, hindi ba? Nalalabuan kayo sa mga katunayan; alam lang ninyo na hindi ito ang katotohanan at na hindi ito naaayon sa mga salita ng Diyos. Sasabihin Ko sa inyo, at kapag tapos na Ako ay makikita ninyo nang malinaw ang ganitong uri ng bagay. Ito ay dahil hinusgahan ng popular na opinyon ang babaeng ito batay lamang sa isang bagay at isang kilos—ang pag-aasawa niyang muli—at makitid na binigyang kahulugan ang kalidad ng kanyang pagkatao batay sa isang bagay na iyon, sa halip na tingnan ang tunay na kalidad ng kanyang pagkatao. Hindi ba’t hindi iyan patas at hindi makatarungan? Hindi tiningnan ng popular na opinyon ang karaniwang pagkatao ng babae—kung isa ba siyang masamang tao o mabait na tao, kung mahal ba niya ang mga positibong bagay, kung sinaktan o ipinahamak ba niya ang ibang tao, o kung isa siyang malanding babae bago siya nag-asawang muli. Sinuri ba ng mga tao sa lipunan at ng popular na opinyon ang buong pagkatao ng babaeng ito batay sa mga bagay na ito? (Hindi nila ginawa iyon.) Kung gayon ay saan ibinatay noon ng mga tao ang kanilang pagsusuri? Ibinatay nila iyon sa kasabihang, “ang isang mabuting babae ay hindi maaaring magpakasal sa dalawang lalaki.” Inakala ng lahat, “Minsan lang dapat mag-asawa ang mga babae. Kahit mamatay ang asawa mo, dapat kang manatiling balo habambuhay. Tutal, babae ka. Kung mananatili kang tapat sa alaala ng iyong asawa at hindi ka mag-aasawang muli, magtatayo kami ng bantayog na gumugunita sa iyong kadalisayan—kahit sampung bantayog pa! Walang may pakialam kung gaano ka nagdurusa, o kung gaano kahirap para sa iyo na palakihin ang iyong mga anak. Walang may pakialam kahit mamalimos ka ng pagkain sa lansangan. Kailangan mo pa ring sumunod sa kasabihang: ‘ang isang mabuting babae ay hindi maaaring magpakasal sa dalawang lalaki.’ Sa paggawa lamang nito ka magiging isang mabuting babae, at magkakaroon ng pagkatao at moralidad. Kung mag-aasawa kang muli, isa kang masamang babae na mababa ang lipad.” Ang ipinahihiwatig nito ay na nagiging mabuti, dalisay, tapat, at may marangal na moralidad at pagkatao lamang ang isang babae kapag hindi siya nag-asawang muli. Sa loob ng mga konsepto ng tradisyonal na kultura ng kabutihang loob, pagiging matuwid, kagandahang-asal, karunungan, at pagiging mapagkakatiwalaan, ang kasabihang, “Ang isang tapat na mamamayan ay hindi maaaring maglingkod sa dalawang hari, ang isang mabuting babae ay hindi maaaring magpakasal sa dalawang lalaki,” ang naging batayan ng pagsusuri sa mga tao. Itinuring ng mga tao ang kasabihang ito na parang ito ang katotohanan, at ginamit ito bilang pamantayan sa pagsusuri sa iba. Iyan ang diwa ng bagay na ito. Dahil taglay ng isang tao ang isang uri ng pag-uugali na hindi umayon sa mga hinihiling at pamantayang isinulong ng tradisyonal na kultura, binansagan siya na may mababang-kalidad na pagkatao at mababang moralidad, may masama at kakila-kilabot na pagkatao. Makatarungan ba iyan? (Hindi.) Kung gayon, upang maging mabuting babae, ano dapat ang sitwasyon, at ano ang halagang dapat mong bayaran? Kung nais mong maging mabuting babae, kailangan mong maging tapat sa isang asawa lamang, at kung mamatay ang iyong asawa, kailangan mong manatiling balo. Kailangan ninyong mamalimos ng iyong mga anak sa lansangan, at magtiis na tuyain, saktan, sigawan, apihin, at insultuhin ng iba. Angkop bang paraan iyan ng pagtrato sa mga babae? (Hindi.) Subalit iyan ang ginagawa ng mga tao, mas gusto pa nilang makita kang nagpapalimos sa lansangan, nabubuhay nang walang matitirhan, hindi alam kung saan manggagaling ang susunod mong kakainin, at wala silang pakialam, hindi makikiramay, o walang papansin sa iyo. Ilan man ang anak mo o gaano man kahirap ang buhay mo, mamatay man sa gutom ang mga anak mo, walang may pakialam. Ngunit kung mag-aasawa kang muli, hindi ka mabuting babae. Babahain ka ng panlilibak at pagkasuklam, at makaririnig ka ng maraming salita ng pang-aabuso at pagkondena. Sasabihan ka ng lahat ng uri ng bagay, at tanging ang mga anak mo at ilang kamag-anak at kaibigan mo ang makikiramay at susuporta sa iyo. Paano nangyari ito? Direkta itong may kaugnayan sa edukasyon at pangongondisyon ng tradisyonal na kultura. Resulta ito ng kasabihang, “Ang isang tapat na mamamayan ay hindi maaaring maglingkod sa dalawang hari, ang isang mabuting babae ay hindi maaaring magpakasal sa dalawang lalaki,” na isinusulong ng tradisyonal na kultura. Ano ang makikita ng isang tao mula sa mga bagay na ito? Ano ang nakatago sa loob ng kasabihang: “Ang isang tapat na mamamayan ay hindi maaaring maglingkod sa dalawang hari, ang isang mabuting babae ay hindi maaaring magpakasal sa dalawang lalaki”? Ang pagiging huwad, pagpapaimbabaw, at kalupitan ng tao. Maaaring walang makain ang isang babae, maaaring hindi siya mabuhay, at malapit nang mamatay sa gutom, at walang makikiramay sa kanya; sa halip, hihingiin ng lahat na panatilihin niya ang kanyang kadalisayan. Mas gusto pang makita ng mga tao na mamatay siya sa gutom at mas gusto nilang tayuan siya ng bantayog para parangalan siya kaysa hayaan siyang mabuhay. Sa isang banda, ang isyung ito ay inilalantad ang pagmamatigas ng sangkatauhan. Sa kabilang banda, inilalantad nito ang pagiging huwad at kasamaan ng sangkatauhan. Hindi nagbibigay ng pakikiramay, pag-unawa, o tulong ang sangkatauhan sa mahihinang grupo o sa mga nararapat kaawaan. Bukod pa riyan, lalo pang pinalalala ng sangkatauhan ang sitwasyon sa paggamit ng katawa-tawang teorya at tuntunin na, “ang isang mabuting babae ay hindi maaaring magpakasal sa dalawang lalaki,” para kondenahin ang mga tao at itulak sila sa kamatayan. Hindi iyan makatarungan sa mga tao. Bukod sa salungat ito sa mga salita ng Diyos, at sa mga hinihingi ng Panginoon ng paglikha sa sangkatauhan, kasabay nito, kumokontra rin ito sa mga pamantayan ng konsiyensiya at katwiran ng tao. Makatarungan ba, kung gayon, ang pananaw na pinagbatayan ng pagturing ng mga anak ng babae sa isyung ito? Hindi ba sila nakinabang sa muling pag-aasawa ng kanilang ina at sa halagang binayaran niya? Ang mismong ginawa ng ina, iginalang at sinuportahan ng mga anak ang kanilang ina, ngunit saan nagmula ang suportang iyan? Dahil lamang ito sa piniling mag-asawang muli ng kanilang ina para mabuhay sila, na tinulutan silang patuloy na mabuhay, at iniligtas ang kanilang buhay. Iyon lang. Kung hindi ito ginawa ng kanilang ina para iligtas ang kanilang buhay, hindi sila sasang-ayon o susuporta sa kanyang desisyon na mag-asawang muli. Samakatwid, bilang kanyang mga anak, ang tingin nila sa pag-aasawang muli ng kanilang ina ay hindi talaga makatarungan. Ano’t anuman, mula man sa pananaw ng popular na opinyon o mula sa pananaw ng kanyang mga anak, ang paraan ng pagturing ng mga tao sa inang ito at ang mga pamantayang ginamit nila para suriin siya ay hindi batay sa tunay na likas na katangian ng kanyang pagkatao. Diyan nagkamali ang mga tao sa pagtrato nila sa babaeng nag-asawang muli. Mula rito, malinaw na makikita na ang kasabihang isinulong ng tradisyonal na kultura, “Ang isang tapat na mamamayan ay hindi maaaring maglingkod sa dalawang hari, ang isang mabuting babae ay hindi maaaring magpakasal sa dalawang lalaki,” ay hindi nagmumula sa Diyos, kundi kay Satanas, at wala talagang kinalaman sa katotohanan. Ang mga pananaw ng mga tao sa lahat ng bagay, at ang mga paraan ng pagturing nila sa moralidad o imoralidad ng sinumang tao ay hindi batay sa katotohanan o sa mga salita ng Diyos, nakabatay ang mga ito sa mga pananaw ng tradisyonal na kultura, at sa mga hinihingi sa tao ng mga konsepto ng tradisyonal na kultura na kabutihang loob, pagiging matuwid, kagandahang-asal, karunungan, at pagiging mapagkakatiwalaan. Ano ang kabutihang loob, pagiging matuwid, kagandahang-asal, karunungan, at pagiging mapagkakatiwalaan? Saan nagmumula ang mga konseptong ito? Sa panlabas, tila nagmumula ang mga ito sa matatalinong tao noong araw at sa mga kilalang tao, ngunit ang totoo, nagmumula ang mga ito kay Satanas. Ang mga ito ang iba’t ibang kasabihang isinulong ni Satanas upang kontrolin at higpitan ang pag-uugali ng mga tao, at para magtatag ng pamantayan, modelo, at batayan para sa moral na pag-uugali ng mga tao. Ang totoo, ang matatalinong taong ito noong araw at mga kilalang tao ay pawang may satanikong pagkatao at lahat sila ay nagserbisyo kay Satanas. Sila ay mga diyablo na naglihis sa mga tao. Kaya, ganap na makatotohanang sabihin na ang mga konseptong ito ay nagmula kay Satanas.
Kapag sinusuri ng mga tao ang moralidad ng iba at kung mabuti ba o masama ang pagkatao ng mga ito, ginagawa lamang nila ito batay sa bantog na kasabihang mula sa tradisyonal na kultura; hinahatulan at hinuhusgahan nila ang kalidad ng pagkatao ng ibang tao batay lamang sa kung paano hinaharap ng mga ito ang iisang bagay. Malinaw na mali ito at hindi wasto. Kung gayon, paano ba masusuri ng isang tao kung mabuti o masama ang pagkatao ng isang tao sa isang tumpak, obhetibo, at patas na paraan? Ano ang mga prinsipyo at pamantayan sa pagsusuri sa kanila? Sa tumpak na mga salita, kailangan na ang katotohanan ang mga prinsipyo at pamantayan sa pagsusuring ito. Tanging ang mga salita ng Lumikha ang katotohanan, at tanging ang mga ito ang may awtoridad at kapangyarihan. Ang mga salita ng tiwaling mga tao ay hindi ang katotohanan, walang awtoridad ang mga ito, at hindi dapat gamitin ang mga ito bilang batayan o mga prinsipyo sa pagsusuri ng isang tao. Samakatuwid, ang tanging tumpak, obhetibo, at patas na paraan ng pagsusuri sa moralidad ng mga tao at kung mabuti ba o masama ang kanilang pagkatao, ay sa pamamagitan ng paggamit ng mga salita ng Lumikha at ng katotohanan bilang batayan ng isang tao. “Ang isang tapat na mamamayan ay hindi maaaring maglingkod sa dalawang hari, ang isang mabuting babae ay hindi maaaring magpakasal sa dalawang lalaki,” ay isang bantog na kasabihan ng mga tiwaling tao. Hindi tama ang pinagmulan nito, nagmumula ito kay Satanas. Kung susukatin ng mga tao ang kalidad ng pagkatao ng iba batay sa mga salita ni Satanas, tiyak na magiging mali at hindi patas ang kanilang mga konklusyon. Kaya, paano patas at tumpak na masusuri ng isang tao ang kalidad ng moralidad ng isang tao at kung mabuti ba o masama ang pagkatao nito? Kailangang ibatay ito ng isang tao sa layon, mithiin, at mga resulta ng mga kilos ng taong iyon, gayundin sa kahulugan at halaga ng ginagawa nito, habang ibinabatay rin ito sa mga pananaw at mga pagpapasyang ginagawa nito patungkol sa kung paano nito tinatrato ang mga positibong bagay. Ganap na magiging tumpak iyan. Hindi naman kinakailangang maging isang mananampalataya sa Diyos niyong tao—makikita mong may ilang hindi nananalig na bagama’t hindi sila hinirang ng Diyos, ay may disente naman silang pagkatao, hanggang sa puntong mas mataas pa nga ang kalidad ng kanilang pagkatao kaysa sa ilang nananalig sa Diyos. Tulad na lamang ng kung paanong ang ilang relihiyosong tao, na tumanggap na sa gawain ng Diyos sa mga huling araw, at maraming taon nang nananalig sa Diyos, ay palaging nag-iisip na humingi ng pera sa iglesia kapag sila ang nagpapatuloy sa mga kapatid, at palagi silang nananaghoy sa mga kapatid na sila ay dukha, habang nagkikimkim ng kasakiman sa pera at mga bagay-bagay. Kapag binibigyan sila ng mga kapatid ng karne, gulay, bigas, at iba pa para gamitin habang sila ang nagpapatuloy, palihim nilang itinatago ang mga iyon para ipakain sa sarili nilang pamilya. Anong klase ang mga taong ito? Mabuti ba o masama ang kanilang pagkatao? (Masama.) Ang ganitong mga tao ay sakim, mahilig silang manamantala ng mga tao, at mababa ang kanilang pagkatao. Ang ilang hindi nananalig, na direktang tinanggap ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, ay handang-handang magpatuloy ng mga kapatid. Iginigiit nilang gamitin ang sarili nilang pera para patuluyin ang mga kapatid, at tinatanggihan nila ang pera ng iglesia. Magkano man ang ibinibigay na pera sa kanila ng iglesia, hindi nila ginagamit ni isang kusing niyon, at hindi nila ninanasa ang anuman dito—itinatabi nila ang lahat ng iyon at ibinabalik sa iglesia kalaunan. Kapag bumibili ng mga bagay-bagay ang mga kapatid para gamitin nila habang nagpapatuloy, itinatabi nila ang lahat ng iyon para magamit at makain ng mga kapatid na pinapatuloy nila. Kapag nakaalis na ang mga kapatid na iyon, inilalagay nila sa imbakan ang mga bagay na iyon, at inilalabas na lamang muli sa susunod na dumating ang ilang kapatid para mamalagi. May napakalinaw na pagtatangi sa kanilang mga isipan, at hindi nila kailanman ginamit sa maling paraan ang alinman sa mga gamit ng iglesia. Sino ang nagturo sa kanila nito? Walang nagsabi sa kanila, kaya paano nila nalaman kung ano ang gagawin? Paano nila nagawa ito? Karamihan sa mga tao ay hindi ito nagagawa, ngunit nagagawa nila. Ano ang problema rito? Hindi ba’t ito ay pagkakaiba sa pagkatao? Pagkakaiba ito sa kalidad ng kanilang pagkatao, at pagkakaiba sa kanilang moralidad. Dahil mayroong pagkakaiba sa moralidad ng dalawang uring ito ng mga tao, mayroon bang pagkakaiba sa kanilang mga saloobin sa katotohanan at kanilang mga saloobin sa mga positibong bagay? (Oo, mayroon.) Sa dalawang uring ito ng mga tao, aling uri ang mas madaling makapapasok sa katotohanan? Aling uri ang mas malamang na maghahangad sa katotohanan? Ang mga taong mabuti ang moralidad ay mas malamang na hangarin ang katotohanan. Ganito ba ninyo ito nakikita? Hindi ninyo ito nakikita nang ganito, ang ginagawa lamang ninyo ay pikit-matang sundin ang mga tuntunin, sa pag-aakalang ang mga relihiyosong tao na marunong bumigkas ng mga salita at parirala ng doktrina ay dapat may kakayahang gawin ito, at na ang mga hindi nananalig na kasisimula pa lamang manalig sa Diyos, na hindi pa marunong bumigkas ng mga salita at parirala ng doktrina, ay hindi kayang gawin ito. Gayunman, kabaligtaran lamang nito ang realidad. Hindi ba’t mali at katawa-tawa ang tingnan ninyo ang mga tao at mga bagay-bagay sa ganitong paraan? Hindi ganito ang tingin Ko sa mga bagay-bagay. Kapag nakikipag-ugnayan Ako sa mga tao, tinitignan Ko nang husto ang saloobin nila sa iba’t ibang bagay, lalo na kung paano kumikilos ang dalawang magkaibang uri ng mga tao kapag nahaharap sa iisang sitwasyon, at ang mga pagpapasyang ginagawa nila. Mas magandang paglalarawan ito ng kanilang pagkatao. Alin sa dalawang pamamaraang ito ang mas patas at mas obhetibo? Mas patas na suriin ang isang tao batay sa kanyang kalikasan at diwa, sa halip na sa kanyang mga panlabas na kilos. Kung ibabatay ng isang tao ang kanyang pagsusuri sa mga pananaw ng tradisyonal na kultura, ginagamit ang mga kilos ng isang tao sa isang sitwasyon at ipinananakot iyon sa kanya upang hatulan at husgahan siya, mali iyon at hindi patas sa taong iyon. Kailangang gumawa ang isang tao ng tumpak na pagsusuri batay sa kalidad ng pagkatao nito, sa pangkabuuhang pag-uugali nito, at sa landas na tinatahak nito. Ito lamang ang makatarungan at makatwiran, at ito rin ang patas sa taong iyon.
Wala ni isa sa mga pahayag tungkol sa moral na pag-uugali na nailista natin dito ngayon ang may kinalaman sa mga salita ng Diyos, at wala ni isa sa mga ito ang naaayon sa katotohanan. Gaano man katradisyonal o kapositibo ang isang kasabihan, hindi ito maaaring maging katotohanan. Ang mga kasabihan tungkol sa moral na pag-uugali ay nagmumula sa mga bagay na pinupuri ng tradisyonal na kultura, at walang kinalaman ang mga iyon sa mga katotohanang inuutos ng Diyos na hangarin ng tao. Gaano man kahusay magsalita ang mga tao tungkol sa iba’t ibang kasabihang ito tungkol sa moral na pag-uugali ng tao, o gaano man ito kahusay na ipinamumuhay ng mga tao, o gaano man kahigpit na nakakapit ang mga tao sa mga ito, hindi ito nangangahulugan na ang mga kasabihang ito ang katotohanan. Kahit pa kumakapit at naniniwala ang karamihan ng mga tao sa daigdig sa mga bagay na ito, hindi magiging katotohanan ang mga ito—tulad lamang ng kung paanong ang isang kasinungalingan ay isang kasinungalingan pa rin, kahit sabihin mo pa ito nang libu-libong beses. Ang mga kasinungalingan ay hindi maaaring maging ang katotohanan kailanman. Ang mga kasinungalingan ay mga maling sabi na naglalaman ng mga pakana ni Satanas, samakatuwid, hindi mapapalitan ng mga ito ang katotohanan, lalo nang hindi magiging katotohanan ang mga ito. Gayundin, ang iba’t ibang hinihingi ng mga tao patungkol sa moral na pag-uugali ay hindi maaaring maging ang katotohanan. Gaano kahigpit ka man kumapit sa mga iyon o gaano kahusay ka man kumapit sa mga iyon, ang sinasabi lamang niyon tungkol sa iyo ay na mayroon kang mabuting moral na pag-uugali sa paningin ng tao—ngunit mayroon ka bang pagkatao sa paningin ng Diyos? Hindi iyan tiyak. Bagkus, kung kumapit ka nang mahigpit at mabuti sa bawat aspeto at tuntunin ng mga konsepto ng tradisyonal na kultura ng kabutihang loob, pagiging matuwid, kagandahang-asal, karunungan, at pagiging mapagkakatiwalaan, napalayo ka na siguro nang husto sa katotohanan. Bakit ganoon? Dahil titignan mo ang mga tao at bagay-bagay, at aasal at kikilos ka ayon sa mga pahayag na ito tungkol sa moral na pag-uugali, at gagamitin mo ang mga ito bilang iyong mga pamantayan. Para lamang iyang pagkiling ng iyong ulo para tumingin sa orasan—ang iyong pananaw ay hindi magiging tama. Ang pinal na resulta nito ay magiging walang kinalaman sa katotohanan, o sa mga hinihingi ng Diyos, ang iyong mga pananaw tungkol sa mga tao at bagay, at ang iyong asal at mga kilos, at magiging malayo sa daan ng Diyos na dapat mong sundan—maaaring tumatakbo ka pa nga sa kabilang direksyon, at kumikilos sa paraan na hindi mo makakamtan ang sarili mong mga mithiin. Habang lalo kang kumakapit at nagtatangi sa mga kasabihang ito tungkol sa moral na pag-uugali, lalong magsasawa sa iyo ang Diyos, lalo kang mapapalayo sa Diyos at sa katotohanan, at lalo kang magiging salungat sa Diyos. Gaano man katama sa palagay mo ang isa sa mga kasabihang ito tungkol sa moral na pag-uugali, o gaano katagal ka mang nakakapit doon, hindi ibig sabihin nito ay isinasagawa mo na ang katotohanan. Alin man sa mga pamantayan sa pag-uugali sa tradisyonal na kultura ang inaakala mong tama at makatwiran, hindi ito ang realidad ng mga positibong bagay; talagang hindi ito ang katotohanan, ni hindi ito naaayon sa katotohanan. Hinihimok kitang magmadali at pagnilay-nilayan ang iyong sarili: Saan nagmumula ang bagay na ito na kinakapitan mo? May batayan ba sa mga salita ng Diyos ang paggamit rito bilang prinsipyo at pamantayan sa pagsusuri at paggigiit sa mga tao? May batayan ba ito sa katotohanan? Malinaw ba sa iyo kung ano ang mga kinahihinatnan ng pagsasagawa mo sa hinihinging ito ng tradisyonal na kultura? May kinalaman ba ito sa katotohanan? Dapat mong maintindihan at masuri kung sa paggamit ng hinihinging ito ng tradisyonal na kultura bilang batayan ng iyong mga kilos, at ng iyong pamantayan, at sa pamamagitan ng pagtingin dito bilang isang positibong bagay, ay sinasalungat mo ang katotohanan, nilalabanan ang Diyos, at nilalabag ang katotohanan. Kung pikit-mata kang kumakapit sa mga pananaw at kasabihang itinatanyag ng tradisyonal na kultura, ano ang kahihinatnan niyan? Kung nailigaw ka o naloko ng mga kasabihang ito, mawawari mo na kung ano ang iyong kauuwian at katapusan. Kung tinitignan mo ang mga tao at bagay mula sa pananaw ng tradisyonal na kultura, mahihirapan kang tanggapin ang katotohanan. Hindi mo kailanman magagawang tingnan ang mga tao at mga bagay ayon sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Dapat suriin ng isang taong nakakaunawa sa katotohanan ang iba’t ibang pahayag at hinihingi ng tradisyunal na kultura hinggil sa moral na pag-uugali. Dapat mong suriin kung alin sa mga iyon ang pinakapinahahalagahan mo, at laging kinakapitan, na palaging nagiging batayan at pamantayan mo sa paraan mo ng pagtingin sa mga tao at bagay-bagay, at sa paraan mo ng pag-asal at pagkilos. Pagkatapos, dapat mong ikumpara ang mga bagay na iyong kinakapitan sa mga salita at hinihingi ng Diyos, at tingnan kung ang mga aspetong ito ng tradisyunal na kultura ay sumasalungat o tumutunggali ba sa mga katotohanang ipinapahayag ng Diyos. Kung tunay ka ngang makakita ng problema, kailangan mong suriin kaagad kung nasaan mismo, ang mali at kakatwa sa mga aspetong ito ng tradisyonal na kultura. Kapag malinaw na sa iyo ang mga isyung ito, malalaman mo na kung ano ang katotohanan at ano ang maling paniniwala; magkakaroon ka ng landas ng pagsasagawa, at mapipili mo ang landas na dapat mong tahakin. Hanapin ang katotohanan sa ganitong paraan, at magagawa mong itama ang iyong pag-uugali. Gaano man nakasunod sa pamantayan ang diumano’y mga rekisito at kasabihan ng tao sa moral na pag-uugali, o gaano man ito naaangkop sa mga panlasa, pananaw, kagustuhan, at maging sa mga interes ng masa, ang mga ito ay hindi ang katotohanan. Ito ay isang bagay na kailangan mong maunawaan. At dahil ang mga ito ay hindi ang katotohanan, dapat kang magmadaling itatwa at talikuran ang mga ito. Dapat mo ring suriin ang diwa ng mga ito, gayundin ang mga kinahihinatnan na nagmumula sa pamumuhay ng mga tao ayon sa mga ito. Makapagdudulot ba talaga ang mga ito ng tunay na pagsisisi sa iyo? Makatutulong ba talaga ang mga ito sa iyo na makilala ang iyong sarili? Mahihikayat ka ba talaga ng mga ito na isabuhay ang wangis ng tao? Hindi magagawa ng mga ito ang alinman sa mga bagay na ito. Gagawin ka lang ng mga ito na mapagpaimbabaw at mapagmagaling. Gagawin ka ng mga itong mas tuso at masama. May ilan na nagsasabing, “Dati, nang kumapit tayo sa mga aspetong ito ng tradisyunal na kultura, pakiramdam natin ay mabubuting tao tayo. Kapag nakikita ng ibang tao kung paano tayo umasal, iniisip din nila na mabubuting tao tayo. Pero ang totoo, alam natin sa ating mga puso kung anong uri ng kasamaan ang kaya nating gawin. Ikinukubli lang iyon ng paggawa ng kaunting mabubuting gawa. Pero kung tatalikuran natin ang mabubuting pag-uugali na hinihingi sa atin ng tradisyonal na kultura, ano sa halip ang dapat nating gawin? Anong mga pag-uugali at pagpapamalas ang magbibigay ng kaluwalhatian sa Diyos?” Ano ang tingin mo sa tanong na ito? Hindi pa rin ba nila alam kung anong mga katotohanan ang dapat isagawa ng mga mananampalataya sa Diyos? Nagpahayag na ang Diyos ng napakaraming katotohanan, at napakaraming katotohanan ang dapat isagawa ng mga tao. Kaya bakit kayo tumatangging isagawa ang katotohanan, at iginigiit na maging mga huwad na mabubuting tao at mga mapagpaimbabaw? Bakit ka nagpapanggap? May ilang nagsasabi, “Maraming magagandang aspeto ang tradisyonal na kultura! Gaya ng, ‘Ang isang patak ng kabutihan ay dapat suklian ng umaagos na bukal’—napakagandang kasabihan nito! Ito ang dapat isagawa ng mga tao. Paano Mo nagagawang basta na lamang itong isantabi? At ‘Haharapin ko ang panganib para sa isang kaibigan’—napakatapat at napakatapang! Nagiging dakila ang buhay kapag mayroong isang kaibigang katulad niyon. Nariyan din ang, ‘Ang mga silkworm ng tagsibol ay naghahabi hanggang sa mamatay ang mga ito, at ang mga kandila ay nauubos hanggang matuyo ang mga luha ng mga ito.’ Napakalalim at napakayaman sa kultura ng kasabihang ito! Kung hindi Mo kami hahayaang mamuhay ayon sa mga kasabihang ito, ano ang dapat naming isabuhay?” Kung ito ang iniisip mo, nasayang na lahat ang mga taon na nagugol mo sa pakikinig sa mga sermon. Ni hindi mo nauunawaan na ang isang tao, kahit paano, ay kailangang umasal sa pamamagitan ng pamumuhay ayon sa mga pamantayan ng konsiyensiya at katwiran. Hindi mo pa natatamo ni katiting na katotohanan, at naging walang saysay ang buhay mo sa mga taon na ito.
Sa madaling sabi, bagamat inilista na natin ang mga kasabihang ito tungkol sa moral na pag-uugali mula sa tradisyonal na kultura, ang layon nito ay hindi lang upang ipaalam sa inyo na ang mga ito ay mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, at na nagmumula ang mga ito kay Satanas, wala nang iba pa. Ito ay para ipaunawa sa inyo nang malinaw na ang diwa ng mga bagay na ito ay huwad, mapagpanggap, at mapanlinlang. Kahit na tinataglay ng mga tao ang mga pag-uugaling ito, sa anumang paraan ay hindi ito nangangahulugan na isinasabuhay nila ang normal na pagkatao. Sa halip, ginagamit nila ang huwad na mga pag-uugaling ito para pagtakpan ang kanilang mga layunin at mithiin, at para ikubli ang kanilang mga tiwaling disposisyon, ang kanilang kalikasan, at diwa. Bilang resulta, mas humuhusay nang humuhusay ang mga tao sa pagpapanggap at panlilinlang ng iba, na ginagawa silang mas lalong tiwali at masama. Ang mga moral na pamantayan ng tradisyonal na kultura na kinakapitan ng tiwaling sangkatauhan ay hindi tumutugma sa mga katotohanang ipinapahayag ng Diyos, hindi rin umaayon ang mga ito sa anumang salita na itinuturo ng Diyos sa mga tao, walang anumang kaugnayan ang mga ito. Kung kumakapit ka pa rin sa mga aspeto ng tradisyonal na kultura, ikaw ay lubusan nang nailigaw at nalason. Kung mayroong anumang bagay kung saan kumakapit ka sa tradisyonal na kultura at sinusunod mo ang mga prinsipyo at pananaw nito, nagrerebelde ka sa Diyos at lumalabag sa katotohanan, at sumasalungat sa Diyos sa bagay na iyon. Kung kakapit ka at magiging tapat sa alinman sa mga pahayag na ito hinggil sa moral na pag-uugali, itinuturing mo ito bilang pamantayan o batayan sa kung paano mo tinitingnan ang mga tao o mga bagay-bagay, kung gayon ay doon ka nagkamali, at kung medyo hinuhusgahan o pinipinsala mo ang mga tao, makagagawa ka ng kasalanan. Kung palagi mong iginigiit na sukatin ang lahat ng tao sa pamamagitan ng mga moral na pamantayan ng tradisyonal na kultura, patuloy na dadami ang bilang ng mga taong kinondena at ginawan mo ng masama at tiyak na kokondenahin at lalabanan mo ang Diyos, at pagkatapos ay magiging isa kang lubhang makasalanan. Hindi niyo ba nakikita na lalong nagiging masama ang buong sangkatauhan sa ilalim ng edukasyon at pangongondisyon ng tradisyonal na kultura? Hindi ba’t lalong dumidilim ang mundo? Habang ang isang tao ay lalong nagiging kay Satanas at sa mga diyablo, lalo siyang sinasamba; habang lalong isinasagawa ng isang tao ang katotohanan, nagpapatotoo para sa Diyos, at pinalulugod ang Diyos, lalo siyang pinipigilan, ibinubukod, kinokondena, o pinapatay sa pamamagitan ng pagpako pa nga sa krus. Hindi ba’t katunayan ito? Mula ngayon, dapat kayong magbahaginan nang madalas tungkol sa napagbahaginan natin dito ngayon. Kung may mga bagay kayong hindi nauunawaan matapos magbahaginan tungkol sa mga iyon, isantabi niyo muna ang mga iyon at magbahaginan kayo tungkol sa mga bahaging kaya niyong intindihin hanggang sa maunawaan niyo ang mga iyon. Magbahaginan kayo tungkol sa mga salitang ito hanggang sa lubos na maging malinaw ang mga ito sa inyo at ganap niyo nang nauunawaan ang mga ito, sa gayon ay magagawa na ninyong isagawa nang tumpak ang katotohanan at makapasok sa realidad. Kapag malinaw na ninyong naiintindihan kung ang anumang kasabihan o bagay ay ang katotohanan, o kung tradisyonal na kultura ba ito at hindi ang katotohanan, lalo kang magkakaroon ng isang landas na matatahak para makapasok sa realidad ng katotohanan. Sa wakas, kapag naunawaan na ninyo ang bawat katotohanang nararapat ninyong isagawa sa pamamagitan ng pagbabahaginan, at nagkasundo na kayo, kapag matatag na ang inyong mga pananaw at pagkaunawa, kapag alam ninyo kung aling mga bagay ang positibo at alin ang negatibo, aling mga bagay ang nagmumula sa Diyos at alin ang nagmumula kay Satanas, at nakapagbahaginan na kayo sa paksa hanggang sa maging malinaw at maliwanag sa inyo ang mga bagay na ito, saka lamang ninyo mauunawaan ang katotohanan. Pagkatapos, pumili ng mga prinsipyo ng katotohanan na dapat ninyong isagawa. Sa ganitong paraan, matutugunan ninyo ang mga pamantayan ng pag-uugali na nailatag ng Diyos, at kahit paano, magkakaroon kayo ng kaunting wangis ng tao. Kung nagagawa ninyong maunawaan ang katotohanan at makapasok sa realidad, magagawa ninyong lubusang isabuhay ang wangis ng tao. Saka lamang kayo ganap na magiging kaayon sa kalooban ng Diyos.
Marso 5, 2022
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.