Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 3 (Ikalawang Bahagi)

Ang pagiging may pinag-aralan at matino ay isang tradisyonal na kuru-kuro ng tao. Ganap na hindi ito naaayon sa katotohanan. Dahil salungat ito sa katotohanan, ano ang mismong dapat taglayin ng tao kung isasagawa niya ang katotohanan? Anong realidad ang kapag isinabuhay ay aayon sa katotohanan at sa mga hinihingi ng Diyos? Alam ba ninyo? Sa gayong pagbabahaginan, maaaring sabihin ng ilan, “Sinasabi Mong ang pagiging may pinag-aralan at matino ay hindi naaayon sa katotohanan, na isa lang itong panlabas na mabuting pag-uugali. Kaya, hindi na lang kami magiging mga taong may pinag-aralan at matino. Mas magiging malaya ang buhay, nang walang anumang limitasyon, hindi napipigilan ng anumang patakaran. Magagawa namin ang gusto namin, makapamumuhay sa paraang gusto namin. Magiging napakalaya namin kung ganoon! Mas malaya na kami ngayon, dahil walang kaugnayan ang mabuting pag-uugali ng tao sa kanyang kahihinatnan. Hindi namin kailangang intindihin ang paglilinang, mga patakaran, o anumang tulad niyon.” Iyon ba ang dapat mong mapagtanto mula rito? (Hindi.) Isa itong baluktot na pagkaunawa; mali na nagmamalabis sila. Mayroon bang sinumang gagawa ng gayong pagkakamali? Maaaring may ilan na nagsasabing, “Dahil ang mga nalinang na tao ay maaari pa ring labanan at pagtaksilan ang Diyos, hindi na lang ako magiging nalinang na tao. Nagsisimula na akong makadama ng pagkasuklam sa mga nalinang na tao. Kinamumuhian ko ang mga may pinag-aralan at matino, malumanay at pino, magalang, na ipinagpipitagan ang matatanda at inaalagaan ang mga bata, ang mga magiliw. Hinahamak ko ang sinumang nakikita kong nagpapakita ng mga bagay na ito, at pinagagalitan ko sila sa harap ng publiko: Ang pag-uugali mo ay gaya ng sa mga Pariseo. Nilalayon nitong ilihis ang iba. Hindi ito paghahangad sa katotohanan, lalong hindi ito pagsasagawa sa katotohanan. Huwag mo na kaming subukang lansihin—hindi mo kami malilinlang o malalansi!” Kikilos ba kayo nang ganoon? (Hindi.) Tama lang na hindi. Mangangahulugan na ikaw ay isang taong madaling mabaluktot kung gagawa kayo ng isang bagay na lubos na walang katuturan. Ang ilang taong may baluktot na pag-unawa ay walang dalisay na pagkaunawa sa katotohanan—wala silang kakayahan na makaunawa. Ang tanging nagagawa nila ay sumunod sa mga patakaran, kaya ganoon sila kumikilos. Kung gayon, bakit natin pinagbabahaginan at hinihimay ang problemang ito? Pangunahing para maipaunawa sa mga tao na ang paghahangad sa katotohanan ay hindi paghahangad sa panlabas na mabuting pag-uugali, ni hindi nito nilalayon na gawin kang taong maayos ang asal, lubos na may kontrol sa sarili, at nalinang. Bagkus, nilalayon nitong maunawaan, isagawa mo ang katotohanan, at magawa mong kumilos batay sa katotohanan, ibig sabihin, ang lahat ng gagawin mo ay nakabatay sa mga salita ng Diyos, na lahat ito ay naaayon sa katotohanan. Ang mga pag-uugaling umaayon sa katotohanan at nakabatay sa mga salita ng Diyos ay hindi pareho ng pagiging may pinag-aralan at matino, ni hindi ito pareho sa mga pamantayang hinihingi sa tao ng tradisyonal na kultura at tradisyonal na moralidad. Magkaiba ang dalawang bagay na ito. Ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan, at ang mga ito lang ang pamantayan sa pagsukat ng kabutihan at kasamaan ng tao, at ng kanyang tama at mali. Sa kabilang banda, ang pamantayan ng tradisyonal na kultura ng pagiging may pinag-aralan at matino ay malayong-malayo sa pamantayan ng mga katotohanang prinsipyo. Sa aling yugto ng gawain sinabi ng Diyos sa iyo na dapat kang maging taong may pinag-aralan at matino, isang taong nalinang at marangal nang walang anumang mababang-uring interes? May sinabi bang ganoon ang Diyos? (Wala.) Wala Siyang sinabing ganoon. Kung gayon, ano ang pahayag at hinihingi ng Diyos tungkol sa pag-uugali ng tao? Umasal at kumilos kayo nang ganap na ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan. Ano, kung gayon, ang batayang iyon ng mga salita ng Diyos? Iyon ay kung aling mga katotohanan ang dapat ninyong gamitin bilang mga pamantayan ninyo, at anong uri ng buhay ang dapat ninyong ipamuhay nang sa gayon ay hinahangad at isinasagawa ninyo ang katotohanan? Hindi ba’t isa itong bagay na nararapat maunawaan? (Ganoon nga.) Kung gayon, ano ang mga pamantayan ng hinihingi ng mga salita ng Diyos sa pag-uugali ng tao? Maaari ba kayong maghanap ng Kanyang mga salita na nililinaw ito? (Sabi ng mga salita ng Diyos: “Napakarami Kong inaasahan. Umaasa Akong makakikilos kayo sa isang wasto at maayos na paraan, matapat na gagampanan ang inyong tungkulin, magtataglay ng katotohanan at pagkatao, magiging mga tao na matatalikdan ang lahat ng taglay nila at maging ang kanilang mga buhay para sa Diyos, at iba pa. Nagmumula ang lahat ng pag-asang ito sa inyong mga kakulangan at sa inyong katiwalian at paghihimagsik” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Paglabag ay Magdadala sa Tao sa Impiyerno).) Ang lahat ng salitang iyon ay mga prinsipyo at hinihingi sa pag-asal ng tao. Kaya, ano ang iba pang salita ng Diyos na nauugnay sa partikular na pagsasagawa? (May isa pang sipi na nagsasabing: “Dapat ay palaging nasa tahimik na kalagayan ang puso mo, at kapag may nangyari sa iyo, hindi ka dapat magpadalos-dalos, magkaroon ng pagkiling, maging matigas ang ulo, radikal, artipisyal, o huwad, upang magawa mong kumilos nang may katwiran. Ito ang tamang pagpapamalas ng normal na katauhan” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Landas ng Paglutas sa Isang Tiwaling Disposisyon).) Medyo partikular na pagsasagawa iyon. Iyon ay mga partikular na pagtatakda at hinihingi para sa panlabas na pag-uugali at mga gawi ng tao. Maituturing ba ang mga iyon bilang batayan ng mga salita ng Diyos? Sapat na ba ang pagiging partikular ng mga ito? (Oo.) Basahin ninyong muli ang mga ito. (“Dapat ay palaging nasa tahimik na kalagayan ang puso mo, at kapag may nangyari sa iyo, hindi ka dapat magpadalos-dalos, magkaroon ng pagkiling, maging matigas ang ulo, radikal, artipisyal, o huwad, upang magawa mong kumilos nang may katwiran. Ito ang tamang pagpapamalas ng normal na katauhan.”) Bigyang pansin ang mga aytem na iyon; ang mga iyon ang mga prinsipyong dapat ninyong itaguyod kapag kumilos kayo sa hinaharap. Sinasabi ng mga ito sa mga tao na dapat silang matuto na makatwirang harapin ang mga bagay-bagay sa kanilang mga asal at kilos, at dagdag pa rito, dapat magawa nilang hanapin ang mga katotohanang prinsipyo nang batay sa pagkilos nang may konsensiya at katwiran. Umasal at kumilos ka nang ganito, at magkakaroon ka ng mga prinsipyo, pati na landas ng pagsasagawa.

Iyong ilang bagay na pinag-usapan natin: “Kapag may nangyari sa iyo, hindi ka dapat magpadalos-dalos, magkaroon ng pagkiling, maging matigas ang ulo, radikal, artipisyal, o huwad, upang magawa mong kumilos nang may katwiran”—madali bang gawin ang mga bagay na ito? Talagang kayang gawin ang lahat ng ito matapos ang isang panahon ng pagsasanay. Kung may isang taong tunay na hindi makagawa sa mga ito, ano ang dapat gawin? Magiging ayos lang ito, basta’t gagawin mo lang ang isang bagay, ibig sabihin, kapag nahaharap ka sa isang isyu o nakikisalamuha ka sa iba, kahit papaano, may isang bagay na dapat itaguyod: Dapat kang umasal at kumilos sa paraang nakakapagpatibay sa iba. Ito ang pinakabatayang punto. Kung isasagawa at susundin mo ito, nang ayon dito at nang ito ang iyong pamantayan, sa pangkalahatan ay hindi ka magdudulot ng anumang malaking pinsala sa iba, at hindi ka rin mawawalan nang malaki. Umasal at kumilos ka sa paraang nakakapagpatibay sa iba—mayroon ba iyong mga detalye? (Mayroon.) Huwag mong ibatay ang iyong pansariling kasiyahan sa pinsala sa mga interes ng ibang tao; huwag mong itatag ang iyong kaligayahan at kagalakan sa ibabaw ng pagdurusa ng ibang tao. Iyan ang ibig sabihin ng magpatibay. Ano ang pinakabatayang paraan para maunawaan ang pagpapatibay? Nangangahulugan ito na dapat katanggap-tanggap ang pag-uugali mo sa ibang tao, ayon sa pagsukat ng konsensiya at katwiran ng pagkatao; dapat ay nakaayon ito sa konsensiya at katwiran ng pagkatao. Hindi ba’t ang sinumang may normal na pagkatao ay maipamumuhay ito? (Ganoon nga.) Sabihin nang may isang taong nagpapahinga sa silid, at pumasok ka roon nang walang pakialam sa paligid mo, at nagsimula kang kumanta at magpatugtog ng musika. Katanggap-tanggap ba iyon? (Hindi.) Hindi ba’t pagtatatag iyon ng katuwaan at kasiyahan mo sa ibabaw ng pagdurusa ng iba? (Ganoon nga.) Kung ang isang tao ay nasa gitna ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos o pagbabahagi tungkol sa katotohanan, at basta mo na lang talakayin sa kanya ang sarili mong mga isyu, pagrespeto ba iyon sa kanya? Hindi ba’t hindi iyon nakapagpapatibay sa kanya? (Hindi nga.) Ano ang ibig sabihin ng hindi nakapagpapatibay? Sa pinakamababa, nangangahulugan ito na wala kang respeto sa iba. Hindi mo dapat antalahin ang pananalita o mga kilos ng iba. Hindi ba’t isang bagay iyon na kayang magawa ng normal na pagkatao? Kung ni hindi mo magawa iyon, wala ka talagang konsensiya o katwiran. Makakamit ba ng mga walang konsensiya o katwiran ang katotohanan? Hindi. Ang pagsasagawa sa katotohanan ay isang bagay na tanging ang mga may konsensiya at katwiran, kahit papaano, ang makagagawa, at kung hahangarin mo ang katotohanan, kahit papaano ay dapat nakaayon ka sa mga pamantayan ng konsensiya at katwiran sa iyong pananalita at mga kilos; dapat katanggap-tanggap ka para sa mga tao na nasa paligid mo, at dapat pumasa ka sa pamantayan ng lahat. Katulad ito ng kasasabi pa lang natin: Kahit papaano, hayaan ang iyong mga kilos na magmukhang disente para sa iba at maging nakapagpapatibay para sa kanila. Ang pagiging nakapagpapatibay ba ay pareho sa pagiging kapaki-pakinabang sa iba? Hindi, sa katunayan—ang maging nakapagpapatibay ay ang igalang ang espasyo ng iba, at hindi sila gambalain, antalahin, o panghimasukan; ito ay hindi ang hayaan silang mapinsala o makaramdam ng pagdurusa dahil sa iyong pag-uugali. Iyon ang ibig sabihin ng maging nakapagpapatibay. Paano ninyo ito nauunawaan? Ang pagiging nakapagpapatibay ay hindi tungkol sa kung gaano ka kapaki-pakinabang sa iba; ito ay tungkol sa kanilang kakayahang mapakinabangan ang mga interes at karapatang nararapat na kanila, nang hindi naaabala sa paggamit ng mga ito at napagkakaitan ng mga ito ng iyong pagiging matigas ang ulo at ng iyong hindi wastong pag-uugali. Hindi ba’t ganoon iyon? (Ganoon nga.) May alam na kayo ngayong ilang salita ng Diyos na may kinalaman sa Kanyang mga hinihingi para sa asal at mga kilos ng tao, ngunit sinasabi Ko pa rin sa inyo, ang pinakapundamental na bagay ay na dapat nakapagpapatibay sa iba ang iyong asal at mga kilos. Iyon ang prinsipyo para sa pagkilos. Naunawaan mo na ba kung ano ang ibig sabihin ng nakapagpapatibay? (Oo.) May ilan na hindi iniisip kung napapatibay ba ng kanilang pananalita at kilos ang ibang tao, ngunit sinasabi nilang sila ay mga taong may pinag-aralan at matino. Hindi ba’t panloloko iyon? Ang pagiging nakapagpapatibay sa iba sa asal at kilos—hindi ba’t may aral na dapat matutunan mula roon? Maaaring isa itong pagpapakita ng pag-uugali, ngunit madali ba itong maisakatuparan? Kung nauunawaan ng isang tao ang kaunting katotohanan, malalaman niya kung paano kumilos nang naaayon sa mga prinsipyo, kung paano kumilos sa paraang nakapagpapatibay sa iba, at kung paano kumilos sa paraang kapaki-pakinabang sa iba. Kung hindi nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, hindi niya malalaman kung ano ang gagawin; makakikilos lang siya nang umaasa sa kanyang mga kuru-kuro at imahinasyon. Hindi kailanman hinahanap ng ilang tao ang katotohanan sa kanilang pang-araw-araw na buhay, anuman ang mangyari sa kanila. Kumikilos lang sila ayon sa kanilang mga kagustuhan, nang walang pakialam kung ano ang nararamdaman ng iba dahil dito. May mga prinsipyo ba sa gayong pagkilos? Dapat magawa ninyong makita kung mayroong mga prinsipyo roon, hindi ba? Lahat kayo ay madalas na nagtitipon at nagbabasa ng mga salita ng Diyos; kung talagang nakauunawa kayo ng kaunting katotohanan, makapagsasagawa at makapag-aasikaso kayo ng ilang gawain nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ano ang nararamdaman mo sa gayong pagsasagawa? Ano ang nararamdaman dito ng iba? Kung pagsisikapan mong damahin iyon, malalaman mo kung anong uri ng pagsasagawa ang nakapagpapatibay sa iba. Karaniwan, kapag may nangyayari sa inyo, anuman ito, hindi ninyo pinag-iisipan ang mga totoong isyu ng kung paano kumilos sa paraang nauugnay sa normal na pagkatao o sa pagsasagawa sa katotohanan. Kaya, kapag may nangyayari sa inyo, kung may magtatanong sa inyo kung anong uri ng pagsasagawa o kilos ang makapagpapatibay sa iba, mahihirapan kayong sumagot, na para bang walang malinaw na landas. Ang pawang ibinabahagi Ko sa mga pagtitipon ay ang mga problemang ito sa totoong buhay, ngunit kapag nahaharap kayo sa mga ito, hindi kayo kailanman nakasasabay at palaging nabablangko ang isip ninyo. Hindi ba’t may kakulangan dito? (Mayroon nga.) Ano, kung gayon, ang nakamit ninyo sa inyong pananalig sa Diyos? Kaunting doktrina, kaunting salawikain lamang. Kayo ay salat na salat at labis na nakakaawa!

Sa isa sa mga tinalakay natin na pinaniniwalaan ng tao sa kanyang mga kuru-kuro na tama at mabuti—ang pagiging may pinag-aralan at matino—mayroong ilan sa mga partikular na kuru-kuro at imahinasyon ng tao, pati na ilang tradisyonal na paraan ng pag-unawa ng tao sa pag-uugaling ito. Sa madaling salita, kung titingnan ngayon ang pagpapakitang ito ng pag-uugali, makikita nating wala itong kaugnayan sa katotohanan o sa tunay na pagkatao. Ito ay dahil napakalayo nito sa katotohanan at ibang-iba ito sa katotohanan, at higit pa roon, ang gayong pag-uugali ay talagang hindi naaayon sa mga pamantayan ng mga hinihingi ng Diyos sa mga pananaw ng tao sa mga tao at bagay, pati sa kanyang asal at kilos, kung saan ganap itong hindi tugma at walang kaugnayan. Pag-uugali lang ito ng tao. Gaano man kahusay na ipinapakita ng tao ang gayong pag-uugali, at gaano man kaayos ang kanyang pagsasagawa rito, isa lang itong uri ng pag-uugali. Ni hindi ito kwalipikado bilang tunay na normal na pagkatao. Ang pahayag na dapat may pinag-aralan at matino ang isang tao ay paraan lang upang pagandahin ang presentasyon ng panlabas na pag-uugali ng tao. Upang maipresenta nang mabuti at mapaganda ang imahe ng sarili, nagsisikap nang husto ang tao na maging isang taong may pinag-aralan at matino, nang sa gayon ay makuha niya ang paghanga at paggalang ng iba, at mapataas ang kanyang posisyon at halaga sa kanyang grupo. Ngunit sa katunayan, ni hindi umaabot ang gayong pag-uugali sa antas ng moralidad, integridad, at dignidad na dapat taglay ng tunay na tao. Ang pagiging may pinag-aralan at matino ay isang pahayag na nagmumula sa tradisyonal na kultura, at isa itong katipunan ng mga pagpapakita ng pag-uugali na tinukoy ng tiwaling sangkatauhan para sa sarili nito bilang isang bagay na pinaniniwalaan nito na dapat itaguyod. Layon ng mga pagpapakitang ito ng pag-uugali na pataasin ang katayuan ng isang tao sa kanyang grupo at pataasin ang kanyang halaga, nang sa gayon ay makuha niya ang paggalang ng iba at siya ang maging pinakamalakas sa lahat, isang taong hindi manganganib na kamuhian o apihin sa kanyang grupo. Wala talagang kinalaman ang panlabas na pag-uugaling ito sa moralidad o kalidad ng pagkatao, ngunit masyado itong pinapahalagahan at binibigyang importansya ng tao. Tingnan mo kung gaano kalaking panlilinlang iyon! Samakatuwid, kung ang kasalukuyan mong paghahangad ay ang maging isang taong may pinag-aralan at matino, at kinokontrol mo ang iyong pag-uugali, nagsisikap nang husto sa iyong paghahangad at pagsasagawa sa mithiing maging may pinag-aralan at matino, hinihimok kitang itigil ito kaagad. Ang mga gayong pag-uugali at pamamaraan ay magiging dahilan lang para lalo kang magbalatkayo at maging mapagpaimbabaw, at habang nangyayari iyon, lalo kang malalayo sa pagiging isang matapat na tao, isang simple at bukas na tao. Habang mas nagsisikap kang maging isang taong may pinag-aralan at matino, mas lalo kang magbabalatkayo, at habang mas nagbabalatkayo ka—habang mas lumalalim ang iyong pagbabalatkayo, mas mahihirapan ang iba na sukatin o unawain ka, at mas malalim na makukubli ang iyong tiwaling disposisyon. Kapag ginawa mo iyon, magiging napakahirap na makamit ang pagtanggap sa katotohanan at kaligtasan. Kaya, batay sa mga puntong ito, ang daan ba ng paghahangad na maging isang taong may pinag-aralan at matino ay pareho sa daan ng paghahangad sa katotohanan? Ito ba ang wastong paghahangad? (Hindi.) Hindi ba’t mayroong higit na panlilinlang sa iba at sa sarili sa likod ng pag-uugali na pagiging may pinag-aralan at matino, na iba pa sa negatibong diwa at mga negatibong resulta nito? (Mayroon.) Ang isang taong may pinag-aralan at matino ay maraming kahindik-hindik na bagay na inililihim, at higit pa sa mga iyon, nagtatago siya ng lahat ng uri ng mga maling kaisipan, kuru-kuro, pananaw, saloobin, at ideya na hindi alam ng iba, na nakaririmarim, di-kanais-nais, masama, at kamuhi-muhi para sa ibang tao. Nagkukubli sa likod ng mabuting pag-uugali ng isang taong may pinag-aralan at matino ang kanyang mas tiwaling disposisyon. Ang gayong tao, sa likod ng pagpapakitang iyon ng pag-uugali, ay walang tapang na harapin ang kanyang tiwaling disposisyon, wala rin siyang lakas ng loob na aminin ang kanyang tiwaling disposisyon. Lalong wala siyang tapang at lakas ng loob na magtapat tungkol sa kanyang tiwaling disposisyon, baluktot na kaalaman, masasamang kaisipan, layunin, at mithiin—o maging sa kanyang mga mapaminsalang pag-iisip na puno ng lason. Napakarami niyang itinatago, at walang nakakakita ng mga ito; ang nakikita lang ng mga tao ay ang diumano’y “mabuting tao” na nasa harapan nila, na mayroong mabuting pag-uugali ng pagiging may pinag-aralan at matino. Hindi ba’t panlilinlang ito? (Oo.) Ang kabuuan ng pag-uugali, pagganap, paghahangad, at diwa ng taong iyon ay isang panlilinlang. Nililinlang niya ang iba, at nililinlang niya ang kanyang sarili. Ano ang magiging kahihinatnan ng gayong tao sa huli? Para maging isang taong may pinag-aralan at matino, tinalikdan niya ang Diyos, tinalikuran niya ang tunay na daan, at itinataboy siya ng Diyos. Sa bawat tagong sulok sa likod ng mabuting pag-uugali ng pagiging may pinag-aralan at matino, itinatago ng tao ang kanyang mga diskarte at gawi ng pagbabalatkayo at panlilinlang, at habang ginagawa niya ito, itinatago niya ang kanyang mga disposisyon na mapagmataas, buktot, tutol sa katotohanan, malupit, at mapagmatigas. Kaya, kapag mas may pinag-aralan at matino ang isang tao, mas mapanlinlang siya, at kapag mas sinisikap ng isang tao na maging taong may pinag-aralan at matino, mas hindi niya minamahal ang katotohanan, at mas lalo siyang nagiging isang tao na tutol sa katotohanan at sa mga salita ng Diyos. Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t ganoon iyon? (Ganoon nga.) Sa ngayon, tatapusin natin dito ang ating pagbabahaginan tungkol sa mabuting pag-uugali ng pagiging may pinag-aralan at matino.

Ngayon-ngayon lang, pinagbahaginan natin ang tungkol sa isang pahayag tungkol sa mabuting pag-uugali sa tradisyonal na kultura: pagiging may pinag-aralan at matino. Hindi natin isa-isang pagbabahaginan ang iba pa. Sa kabuuan, ang lahat ng pahayag tungkol sa mabuting pag-uugali ay isang paraan lang upang ipresenta nang maganda ang panlabas na pag-uugali at imahe ng tao. Ang “ipresenta nang maganda” ay pinagandang pananalita; sa mas tumpak na pananalita, ang totoo ay isa itong uri ng pagbabalatkayo, isang paraan ng pagkukunwari para lansihin ang iba na magkaroon ng positibong pagtingin sa kanilang sarili, upang lansihin silang magkaroon ng mga positibong pagsusuri sa kanilang sarili, upang lansihin silang igalang ang kanilang sarili, samantalang ang madilim na bahagi ng puso ng isang tao, ang kanyang mga tiwaling disposisyon, at ang kanyang tunay na mukha ay pawang nakatago at nakakubli. Maaari din nating ipaliwanag ito nang ganito: Ang nakatago sa ilalim ng sinag ng mabubuting pag-uugaling ito ay ang mga tiwaling tunay na pagkatao ng bawat miyembro ng tiwaling sangkatauhan. Ang nakatago ay ang bawat miyembro ng masamang sangkatauhan na may mapagmataas na disposisyon, mapanlinlang na disposisyon, malupit na disposisyon, at disposisyon ng pagiging tutol sa katotohanan. Hindi mahalaga kung ang panlabas na pag-uugali ng isang tao ay may pinag-aralan at matino, o malumanay at pino, o kung siya man ay magiliw, madaling lapitan, mapagpitagan sa matatanda at maalaga sa mga bata, o anuman—alinman sa mga ito ang ipinapakita niya, panlabas na pag-uugali lang ito na nakikita ng iba. Hindi siya nito maaakay tungo sa mabuting pag-uugali hanggang sa pagkakilala sa kanyang kalikasang diwa. Bagamat magandang tingnan ang tao na may panlabas na pag-uugali ng pagiging may pinag-aralan at matino, malumanay at pino, madaling lapitan, at magiliw, kaya ang buong mundo ay maganda ang impresyon sa kanya, hindi maitatangging talagang umiiral ang mga tiwaling disposisyon ng tao sa likod ng mabubuting pag-uugaling ito. Ang pagiging tutol ng tao sa katotohanan, ang kanyang paglaban at pagrerebelde sa Diyos, ang kanyang kalikasang diwa ng pagiging tutol sa mga salitang sinasabi ng Lumikha, at ng paglaban sa Lumikha—tunay na umiiral ang mga ito roon. Walang hindi totoo roon. Gaano man kahusay magpanggap ang isang tao, gaano man kapresentable o kaangkop ang kanyang mga pag-uugali, gaano man kabuti o kaganda niya pagmukhain ang kanyang sarili, o gaano man siya kamapanlinlang, hindi maikakaila na ang bawat tiwaling tao ay puno ng satanikong disposisyon. Sa likod ng maskara ng panlabas na pag-uugaling ito, lumalaban at naghihimagsik pa rin siya sa Diyos, lumalaban at naghihimagsik sa Lumikha. Siyempre, gamit ang mabubuting pag-uugaling ito bilang pangtabing at pangkubli, naglalabas ang sangkatauhan ng mga tiwaling disposisyon sa bawat araw, oras at sandali, sa bawat minuto at segundo, sa bawat kaganapan, kung kailan namumuhay sila sa gitna ng mga tiwaling disposisyon at kasalanan. Isa itong hindi maitatangging katunayan. Sa kabila ng mga presentableng pag-uugali, kasiya-siyang salita, at huwad na panlabas ng tao, hindi man lang nabawasan ang kanyang tiwaling disposisyon, ni hindi man lang ito nagbago dahil sa mga panlabas niyang pag-uugaling iyon. Sa kabaligtaran, dahil nakukubli siya ng mga panlabas na mabubuting pag-uugaling ito kaya palaging lumalabas ang kanyang tiwaling disposisyon, at hindi siya kailanman tumitigil sa paghakbang tungo sa paggawa ng masama at paglaban sa Diyos—at siyempre pa, dahil napangingibabawan siya ng kanyang malulupit at mga buktot na disposisyon, tuloy-tuloy na lumalawak at lumalago ang kanyang mga ambisyon, pagnanasa, at labis-labis na hinihingi. Sabihin mo sa Akin, nasaan ang taong magalang, magiliw, at madaling lapitan na ang imaheng ipinamumuhay at ang batayan ng kanyang asal at mga kilos ay positibo at naaayon sa mga salita ng Diyos, sa katotohanan? Nasaan ang taong may pinag-aralan, matino, malumanay, at pino na nagmamahal sa katotohanan, na handang hanapin sa mga salita ng Diyos ang direksyon at mithiin ng kanyang buhay, na nag-ambag sa kaligtasan ng sangkatauhan? May mahahanap ka bang ganoong tao? (Wala.) Ang totoo, sa sangkatauhan, kapag mas may kaalaman ang isang tao; kapag mas may pinag-aralan siya; at kapag mas mayroon siyang mga ideya, katayuan, at reputasyon—bagamat maaaring matawag siyang isang taong may pinag-aralan at matino, magiliw, at madaling lapitan—mas maaaring makalihis ng mga tao ang mga pahayag na isinusulat niya, at mas marami siyang nagagawang kasamaan, at mas matindi ang kanyang paglaban sa Diyos. Ang mga may mas mataas na reputasyon at katayuan ay mas lalong nalilihis ng iba, at mas matindi ang paglaban nila sa Diyos. Tingnan sa buong sangkatauhan ang mga sikat na tao, mga dakilang tao, mga intelektuwal, tagapagturo, manunulat, rebolusyonaryo, mahusay na politiko, o ang sinumang matagumpay sa isang larangan—sino sa kanila ang walang pinag-aralan at hindi matino, hindi madaling lapitan, at hindi magiliw? Sino sa kanila ang hindi kumilos sa panlabas sa paraang nakakuha ng papuri ng iba at karapat-dapat sa paggalang ng iba? Subalit, sa katunayan, ano ba ang naiambag nila sa sangkatauhan? Naakay ba nila ang sangkatauhan sa tamang landas, o nailigaw ba nila ito? (Nailigaw.) Naakay ba nila ang sangkatauhan sa ilalim ng kapamahalaan ng Lumikha, o naakay ba nila ito sa paanan ni Satanas? (Sa paanan ni Satanas.) Hinayaan ba nilang makibahagi ang sangkatauhan sa kataas-taasang kapangyarihan, pagtustos, at patnubay ng Lumikha, o hinayaan ba nila itong harapin ang pagyurak, pagmamalupit, at pang-aabuso ni Satanas? Sa lahat ng bayani, tanyag, dakila, mataas ang katayuan, pambihira, at makapangyarihang tao sa kasaysayan, alin sa kanilang awtoridad at katayuan ang hindi nakamit mula sa pagpatay ng milyon-milyong tao? Alin sa kanilang reputasyon ang hindi nakamit mula sa kanilang panlilinlang, panlilihis, at panghihimok sa sangkatauhan? Sa panlabas, mukha silang madaling lapitan sa kanilang pang-araw-araw na pakikisalamuha sa iba, at napakagaan nilang kasama, tinatrato nila ang iba bilang kanilang kapantay at magiliw sila sa kanilang pananalita—ngunit ibang-iba ang ginagawa nila kapag walang nakakakita sa kanila. Nagpapakana ang ilan sa kanila na mambitag ng iba; ang ilan ay nanlalansi upang atakihin at pinsalain ang iba; ang iba ay naghahanap ng mga pagkakataong makapaghiganti. Sa napakaraming pagkakataon, karamihan ng mga politiko ay malupit at mapaminsala sa mga tao. Nakuha nila ang kanilang katayuan at impluwensiya sa pamamagitan ng panunupil at pananamantala sa napakaraming tao, subalit sa mga pampublikong lugar, sila ay mukhang madaling lapitan at may magiliw na pag-uugali. Ang nakikita ng mga tao ay ang kanilang imaheng malumanay at pino, may pinag-aralan at matino, at mapagkumbaba. Sa panlabas, sila ay magalang at malumanay at pino, ngunit sa likod niyon, pumapatay sila ng napakaraming tao, kinakamkam ang mga ari-arian ng napakaraming tao, pinangingibabawan at pinaglalaruan ang napakaraming tao. Magagandang salita ang sinasabi nila ngunit masasamang bagay ang ginagawa nila, at nagsesermon sila mula sa kanilang entablado, nang walang kahihiyan at pakundangan, tinuturuan nila ang iba kung paano maging mga taong madaling lapitan, may pinag-aralan at matino, kung paano maging mga taong nag-aambag sa bansa at sa sangkatauhan, kung paano maglingkod sa mga tao at maging mga tagapaglingkod ng publiko, kung paano ilaan ang sarili sa bansa. Hindi ba’t kawalang kahihiyan iyon? Silang lahat ay makapal ang mukha at suwapang! Sa madaling salita, ang pagiging isang taong may mabuting pag-uugali na tumatalima sa tradisyunal na mga kuru-kuro ng moralidad ay hindi paghahangad sa katotohanan; hindi ito paghahangad na maging tunay na nilalang. Bagkus, maraming madilim at di-mababanggit na lihim ang nakatago sa likod ng paghahangad sa mabubuting pag-uugaling ito. Anumang uri ng mabuting pag-uugali ang hinahangad ng tao, ang mithiin sa likod nito ay walang iba kundi para magustuhan at igalang sila ng mas maraming tao, para mapataas ang sarili niyang katayuan, at para isipin ng mga tao na kagalang-galang siya at karapat-dapat sa tiwala at atas. Kung hahangarin mong maging taong gayon kabuti ang pag-uugali, hindi ba’t ganito rin ang katangian ng mga tanyag at dakila? Kung isa kang taong may mabuting pag-uugali lamang, ngunit hindi minamahal ang salita ng Diyos at hindi tinatanggap ang katotohanan, magkapareho lamang kayo ng katangian. At ano ang resulta? Ang natalikuran mo ay ang katotohanan; ang nawala sa iyo ay ang pagkakataon mong maligtas. Ito ang pinakahangal na pag-uugali—ito ay pasya at hangarin ng isang hangal. Pinangarap na ba ninyo na kayo ay maging dakila, tanyag, kahanga-hangang tao sa entablado, na napakatagal na ninyong hinahangaan? Ang taong iyon na magiliw at madaling lapitan? Ang taong iyon na magalang, malumanay at pino, may pinag-aralan at matino? Ang taong iyon na sa tingin ay mukhang palakaibigan at kaibig-ibig? Nakasunod at nakasamba na ba kayo dati sa mga taong katulad nito? (Oo.) Kung sumusunod ka pa rin sa mga taong katulad nito ngayon, iniidolo pa rin ang mga taong katulad nito, sinasabi Ko sa iyo: Hindi ka nalalayo sa kamatayan, dahil ang mga taong iniidolo mo ay masasamang taong nagkukunwaring mabubuti. Hindi ililigtas ng Diyos ang masasamang tao. Kung iniidolo mo ang masasamang tao at hindi mo tinatanggap ang katotohanan, sa huli ay pupuksain ka rin.

Ang diwa sa likod ng magandang pag-uugali tulad ng pagiging madaling lapitan at magiliw ay mailalarawan sa isang salita: pagpapanggap. Ang gayong magandang pag-uugali ay hindi nagmumula sa mga salita ng Diyos, ni resulta ng pagsasagawa ng katotohanan o pagkilos ayon sa prinsipyo. Ano ang nagbubunga nito? Nagmumula ito sa mga motibo at pakana ng mga tao, mula sa kanilang pagpapanggap, pagkukunwari, panlilinlang. Kapag kumakapit ang mga tao sa magagandang pag-uugaling ito, ang layon ay makuha ang mga bagay na gusto nila; kung hindi, hinding-hindi nila iaagrabyado ang sarili nila sa ganitong paraan, at hinding-hindi sila mamumuhay nang salungat sa sarili nilang mga pagnanasa. Ano ang ibig sabihin ng mamuhay nang salungat sa sarili nilang mga pagnanasa? Ito ay na ang tunay nilang kalikasan ay hindi katulad ng inaakala ng mga tao na maganda ang ugali, matapat, malumanay, mabait, at mabuti. Hindi sila nabubuhay ayon sa konsensiya at katinuan; sa halip, nabubuhay sila upang makamtan ang isang partikular na layon o pangangailangan. Ano ang tunay na kalikasan ng isang tao? Ito ay pagiging lito at mangmang. Kung wala ang mga batas at kautusang ipinagkaloob ng Diyos, wala sanang ideya ang mga tao kung ano ang kasalanan. Hindi ba’t ganito dati ang sangkatauhan? Nang magpalabas ang Diyos ng mga batas at kautusan, saka lamang nagkaroon ang mga tao ng kaunting pagkaunawa sa kasalanan. Ngunit wala pa rin silang konsepto ng tama at mali, o ng mga positibo at negatibong bagay. At, kung ganito ang sitwasyon, paano nila mababatid ang mga tamang prinsipyo sa pagsasalita at pagkilos? Kaya ba nilang malaman kung aling mga paraan ng pagkilos, aling magagandang pag-uugali, ang dapat makita sa normal na pagkatao? Kaya ba nilang malaman kung ano ang nagbubunga ng tunay na magandang pag-uugali, anong uri ng paraan ang dapat nilang sundin para maisabuhay ang wangis ng isang tao? Hindi nila kaya. Dahil sa satanikong kalikasan ng mga tao, dahil sa kanilang likas na gawi, kaya lamang nilang magpanggap at magkunwari na namumuhay sila nang disente, at may dignidad—na siyang nagpasimula ng mga panlilinlang na tulad ng pagiging may pinag-aralan at matino, malumanay at pino, magalang, ipinagpipitagan ang matatanda at inaalagaan ang mga bata, at pagiging magiliw at madaling lapitan; sa gayon ay lumitaw ang mga panlalansi at paraang ito ng panlilinlang. At nang lumitaw ang mga ito, piniling kumapit ng mga tao sa isa o ilan sa mga panlilinlang na ito. Ang ilan ay piniling maging magiliw at madaling lapitan, ang ilan ay piniling maging may pinag-aralan at matino, malumanay at pino, ang ilan ay piniling maging magalang, na ipagpitagan ang matatanda at alagaan ang mga bata, ang ilan ay piniling maging lahat ng bagay na ito. Subalit iisa ang tawag Ko sa mga taong may gayong magagandang pag-uugali. Anong katawagan iyon? “Makikinis na bato.” Ano ang makikinis na bato? Iyon ang makikinis na bato sa mga ilog na nakiskis at napakintab ng umaagos na tubig sa loob ng maraming taon kaya wala nang anumang matatalim na gilid. At kahit maaaring hindi masakit tapakan ang mga iyon, maaaring madulas doon ang mga tao kung hindi sila mag-iingat. Sa anyo at hugis, napakagaganda ng mga batong ito, ngunit kapag naiuwi na ninyo ang mga ito, medyo walang silbi ang mga ito. Hindi ninyo maaatim na itapon ang mga ito, ngunit wala rin namang dahilan para itago ang mga ito—at ganyan ang “makinis na bato.” Para sa Akin, ang mga taong may ganitong mukhang magagandang pag-uugali ay nakalulunos. Nagkukunwari silang mabuti sa panlabas, ngunit hindi talaga nila tinatanggap ang katotohanan, nagsasabi sila ng mga bagay na masarap pakinggan, ngunit hindi sila gumagawa ng anumang tunay. Sila ay walang iba kundi makikinis na bato. Kung magbabahagi ka sa kanila tungkol sa katotohanan at sa mga prinsipyo, kakausapin ka nila tungkol sa pagiging malumanay at pino, at magalang. Kung kakausapin mo sila tungkol sa pagkilatis sa mga anticristo, kakausapin ka nila tungkol sa pagpipitagan sa matatanda at pangangalaga sa mga bata, at pagiging may pinag-aralan at matino. Kung sasabihin mo sa kanila na kailangang mayroong mga prinsipyo sa pag-asal ng isang tao, na kailangang hanapin ng isang tao ang mga prinsipyo sa kanyang tungkulin at hindi mapagmatigas na kumilos, ano ang magiging saloobin nila? Sasabihin nila, “Ibang usapin ang pagkilos alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Gusto ko lang namang maging may pinag-aralan at matino, at sang-ayunan ng iba ang mga kilos ko. Basta’t ipinagpipitagan ko ang matatanda at inaalagaan ang mga bata, at sinasang-ayunan ako ng iba, sapat na iyon.” Interesado lang sila sa mabubuting pag-uugali, hindi sila tumutuon sa katotohanan. Sa pangkalahatan ay nagagawa nilang ipagpitagan ang matatanda, ang mga may mas mataas na posisyon, iyong mga may kwalipikasyon, iyong mga kinikilalang may magandang pag-uugali at reputasyon sa grupo, habang inaalagaan din nang husto at nang may pagmamahal ang mga komunidad ng mga bata at bulnerable. Mahigpit nilang itinataguyod ang panlipunang tuntunin na pagpipitagan sa matatanda at pangangalaga sa mga bata upang ipakitang marangal sila. Gayunpaman, hindi maitatanggi na kapag nagkasalungat ang kanilang mga interes at ang tuntuning iyon, isasantabi nila ang tuntuning iyon at poprotektahan ang kanilang mga interes nang ura-urada at nang hindi “pinagdurusahan” ang mga pagpigil ng sinuman. Bagamat ang kanilang mabuting pag-uugali ay umaani ng pagsang-ayon ng lahat ng nakakasalamuha nila, ng kakilala nila, o pamilyar sa kanila, ang hindi maikakaila ay kahit na ginagawa nila ang mabubuting pag-uugaling ito na pinupuri ng iba, hindi sila nagtatamo ng kahit kaunting kawalan sa kanilang mga sariling interes, at ipinaglalaban nila ang kanilang mga interes sa anumang paraang kinakailangan, nang hindi “pinagdurusahan” ang mga pagpigil ng sinuman. Ang kanilang pagpipitagan para sa matatanda at pangangalaga sa mga bata ay pansamantalang pag-uugali lang, binuo sa pundasyon ng hindi pagsagabal sa kanilang mga sariling interes. Limitado ang saklaw nito sa isang paraan ng pag-asal. Kaya nila itong gawin, sa mga sitwasyon na hindi talaga nito naaapektuhan o nalalabag ang kanilang mga interes, ngunit kapag priyoridad ang kanilang mga interes, sa huli ay iyon ang mga ipaglalaban nila. Kaya, sa katunayan, ang kanilang pagpipitagan sa matatanda at pangangalaga sa mga bata ay hindi nakasasagabal sa kanilang paghahangad sa kanilang mga interes, hindi rin nito napipigilan ang paghahangad na iyon. Ang pag-uugali na pagpipitagan sa matatanda at pangangalaga sa mga bata ay isang mabuting pag-uugali na nagagawa lang ng mga tao sa ilang partikular na sitwasyon, basta’t hindi ito nakasasagabal sa kanilang mga interes. Hindi ito isang bagay na nagmumula sa loob ng buhay ng isang tao, sa kanyang kaibuturan. Gaano man naisasagawa ng isang tao ang gayong pag-uugali, gaano katagal man siyang nakapagpapatuloy, hindi nito mababago ang mga tiwaling disposisyon na sinasandalan ng tao para mabuhay. Nangangahulugan ito na bagamat ang isang tao ay maaaring hindi taglay ang mabuting pag-uugaling ito, naglalabas pa rin siya ng mga tiwaling disposisyon—subalit kapag nagkaroon na siya ng mabuting pag-uugaling ito, hindi bumubuti o nababago kahit kaunti ang kanyang mga tiwaling disposisyon. Sa kabaligtaran, palalim nang palalim niyang itinatago ang mga ito. Ang mga ito ay mahahalagang bagay na nakatago sa likod ng gayong mabubuting pag-uugali.

Dito na nagtatapos ang ating pagbabahaginan at paghihimay sa mabubuting pag-uugali ng tradisyonal na kultura na pagiging malumanay at pino, magalang, mapagpitagan sa matatanda at maalaga sa mga bata, magiliw, at madaling lapitan. Ang mga ito ay katulad ng pagiging may pinag-aralan at matino, at halos magkakapareho ang mga ito sa diwa. Walang kabuluhan ang mga ito. Dapat na bitiwan ng mga tao ang mabubuting pag-uugaling ito. Ang dapat pagsumikapan ng mga tao na makamtan nang husto ay ang gawin nilang batayan ang mga salita ng Diyos, at gawing pamantayan ang katotohanan; saka lamang sila makakapamuhay sa liwanag at makakapagsabuhay sa wangis ng isang normal na tao. Kung nais mong mabuhay sa liwanag, dapat kang kumilos ayon sa katotohanan; dapat kang maging isang matapat na tao na nagsasabi ng matatapat na salita at gumagawa ng matatapat na bagay. Ang mahalaga ay ang magkaroon ng mga katotohanang prinsipyo sa pag-asal ng isang tao; kapag nawala sa mga tao ang mga katotohanang prinsipyo, at nagtuon lamang sila sa magandang pag-uugali, hindi maiiwasang magpasimula ito ng panloloko at pagpapanggap. Kung walang prinsipyo sa pag-asal ng mga tao, gaano man kaganda ang kanilang asal, mga mapagpaimbabaw sila; maaari nilang malihis sandali ang iba, ngunit hinding-hindi sila magiging katiwa-tiwala. Kapag kumilos at umasal ang mga tao ayon sa mga salita ng Diyos, saka lamang sila magkakaroon ng tunay na pundasyon. Kung hindi sila umaasal ayon sa mga salita ng Diyos, at tumutuon lamang sila sa pagpapanggap na kumikilos sila nang maayos, magiging mabubuting tao ba sila dahil dito? Talagang hindi. Ang magagandang doktrina at pag-uugali ay hindi mababago ang mga tiwaling diwa ng tao, at hindi mababago ng mga ito ang kanyang diwa. Tanging ang katotohanan at mga salita ng Diyos ang maaaring magpabago sa mga tiwaling disposisyon, kaisipan, at opinyon ng mga tao, at maaaring maging buhay nila. Ang pinaniniwalaan ng tao, sa kanyang tradisyonal na kultura at sa kanyang mga kuru-kuro, na iba’t ibang mabuting pag-uugali tulad ng pagiging may pinag-aralan at matino, malumanay at pino, magalang, mapagpitagan sa matatanda at maalaga sa mga bata, pagiging magiliw, at pagiging madaling lapitan, ay mga pag-uugali lang. Ang mga ito ay hindi ang buhay, lalong hindi ang katotohanan. Ang tradisyonal na kultura ay hindi ang katotohanan, gayundin ang anuman sa mabubuting pag-uugaling isinusulong nito. Gaano man karaming tradisyonal na kultura ang nauunawaan ng tao at gaano man karaming mabubuting pag-uugali ang ipinamumuhay niya sa kanyang buhay, hindi nito mababago ang kanyang mga tiwaling disposisyon. Kaya, sa loob ng libu-libong taon, naikintal sa sangkatauhan ang tradisyonal na kultura, at hindi talaga nagbago ang tiwaling disposisyon nito; sa halip, lalong lumalim ang katiwalian nito, at lalong dumilim at sumama ang mundo. Direkta itong nauugnay sa edukasyon ng tradisyonal na kultura. Maisasabuhay lamang ng mga tao ang wangis ng isang tunay na tao sa pamamagitan ng pagturing sa mga salita ng Diyos bilang kanilang buhay. Hindi ito maitatanggi. Kaya, anong uri ng mga sukatan at hinihingi ang itinatakda ng mga salita ng Diyos para sa pag-uugali ng tao? Bukod sa kung ano ang itinakda sa mga batas at kautusan, nariyan din ang mga hinihingi ng Panginoong Jesus sa pag-uugali ng tao, lalo na ang mga hinihingi at tuntunin para sa tao ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw. Para sa sangkatauhan, ang mga ito ang mga pinakamahahalagang salita sa lahat, at ang mga ito ang mga pinakabatayang prinsipyo para sa pag-asal ng sangkatauhan. Dapat ninyong hanapin sa mga salita ng Diyos ang mga pinakabatayang pamantayan ng pag-uugali para sa inyong pag-asal at pagkilos. Kapag ginawa ninyo ito, maiwawaksi ninyo sa inyong sarili ang maling patnubay at panlilihis ng mabubuting pag-uugali ng tradisyonal na kulturang Tsino. Pagkatapos ay mahahanap na ninyo ang landas at mga prinsipyo para sa pag-asal at pagkilos, na nangangahulugan ding mahahanap na ninyo ang landas at ang mga prinsipyo ng kaligtasan. Kung ituturing ninyo ang mga kasalukuyang salita ng Diyos bilang inyong batayan at ang katotohanang pinagbabahaginan ngayon bilang inyong pamantayan, at ipapalit ninyo ang mga ito sa mga pamantayang iyon para sa mabuting pag-uugali, na mayroon ang sangkatauhan sa mga kuru-kuro nito, kung gayon ay isa kang taong naghahangad sa katotohanan. Sa lahat ng pagkakataon, ang mga hinihingi ng Diyos sa tao ay tungkol sa kung anong uri siya dapat ng tao at kung anong daan ang dapat niyang tahakin. Hindi Niya kailanman hiningi na dapat magtaglay ang tao ng ilang pag-uugali nang hindi kinokonsidera ang iba pang aspekto. Hinihingi Niya na ang mga tao ay maging matapat, hindi mapanlinlang; hinihingi Niyang tanggapin at hangarin ng tao ang katotohanan, at maging matapat sa Kanya, at mapagpasakop, at magpatotoo sa Kanya. Hindi Niya kailanman hiningi na ang tao ay magkaroon lang ng ilang mabubuting pag-uugali, na magiging ayos na iyon. Subalit ang tradisyonal na kultura ng Tsina ay pinatutuon lang ang tao sa mabuting pag-uugali, sa pagpapakita ng magandang panlabas na asal. Hindi talaga nito nabibigyang-liwanag kung ano ang mga tiwaling disposisyon ng tao o kung saan nagmumula ang kanyang katiwalian, lalong wala itong kakayahang tukuyin ang landas kung saan iwawaksi ang kanyang mga tiwaling disposisyon. Samakatuwid, gaano man isulong ng tradisyonal na kultura ang anumang mabubuting pag-uugali na dapat taglayin ng tao, pagdating sa pagwawaksi ng sangkatauhan sa mga tiwaling disposisyon nito at pagsasabuhay sa wangis ng isang tunay na tao, hindi ito epektibo. Gaano man karangal o kaganda ang mga pahayag nito tungkol sa moralidad, wala itong magagawa upang baguhin ang tiwaling diwa ng sangkatauhan. Sa ilalim ng pagkikintal at impluwensiya ng tradisyonal na kultura, maraming hindi namamalayang bagay ang nangyari sa tiwaling sangkatauhan. Ano ang ibig sabihin ng “hindi namamalayan” dito? Nangangahulugan ito na kapag ang tao ay hindi halatang nakintalan at nahawahan ng tradisyonal na kultura, kapag walang anumang malinaw na salita, pahayag, tuntunin, o kaalaman kung paano kumilos nang naaangkop, kusa niyang isinasagawa at sinusunod ang mga nakasanayang ideya at pamamaraan ng mga tao. Sa pamumuhay sa mga gayong sitwasyon, sa gayong kondisyon, gaya ng lahat ng tao, hindi niya namamalayan na naiisip niya, “Maganda ang pagiging may pinag-aralan at matino—positibo ito, at naaayon ito sa katotohanan; maganda ang pagiging malumanay at pino—nararapat lang na maging ganito ang mga tao, gusto ito ng Diyos, at naaayon ito sa katotohanan; ang pagiging magalang, mapagpitagan sa matatanda at maalaga sa mga bata, magiliw, at madaling lapitan ay pawang mga pagpapakita na mula sa normal na pagkatao—naaayon ang mga ito sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan.” Kahit na wala siyang nakikitang malinaw na batayan sa mga salita ng Diyos, nadarama niya sa kanyang puso na ang mga salita at mga hinihingi ng Diyos sa tao at ang mga hinihinging pamantayan ng tradisyonal na kultura ay halos pareho, na walang malaking pagkakaiba ang mga ito. Hindi ba’t pagbabaluktot at maling pagpapakahulugan ito sa mga salita ng Diyos? May sinabi bang gayon ang mga salita ng Diyos? Wala, at hindi rin iyon ang ibig sabihin Niya; ang mga bagay na iyon ay mga pagbabaluktot at maling pagpapakahulugan ng tao sa mga salita ng Diyos. Hindi kailanman sinabi ng mga salita ng Diyos ang mga bagay na ito, kaya ang dapat ninyong gawin, sa anumang sitwasyon, ay ang huwag mag-isip nang ganoon. Dapat ninyong basahin ang detalye ng mga salita ng Diyos at hanapin sa mga ito ang mismong mga hinihingi ng Diyos sa pag-uugali ng tao, pagkatapos ay maghanap ng ilan pang sipi ng Kanyang mga salita, tipunin ang mga ito, at magdasal-magbasa at magbahagi tungkol sa mga tinipong salita ng Diyos. Kapag mayroon na kayong kaalaman tungkol sa mga ito, saka ninyo dapat na isagawa at danasin ang mga ito. Dadalhin nito ang mga salita ng Diyos sa inyong tunay na buhay, kung saan magiging batayan ang mga ito ng inyong mga pagtingin sa mga tao at bagay, pati na ng inyong asal at mga kilos. Ano ba dapat ang batayan ng pananalita at mga pagkilos ng mga tao? Mga salita ng Diyos. Kung gayon, ano ang mga hinihingi at pamantayan ng Diyos para sa pananalita ng mga tao? (Na dapat makatulong ito sa mga tao.) Tama iyan. Ang pinakamahalaga, dapat sabihin mo ang totoo, magsalita ka nang matapat, at maging kapaki-pakinabang sa iba. Kahit paano, ang pananalita mo ay dapat nakakapagpalinaw sa mga tao, at hindi niloloko, inililigaw, pinagtatawanan, tinutudyo, nililibak, tinutuya, hinihigpitan sila, inilalantad ang mga kahinaan nila, o sinasaktan sila. Ito ang pagpapahayag ng normal na pagkatao. Ito ang kabutihan ng pagkatao. Sinabi ba sa iyo ng Diyos kung gaano ka kalakas dapat na magsalita? Hiningi ba Niya na gumamit ka ng karaniwang wika? Hiningi ba Niya na gumamit ka ng mabulaklak na retorika o ng isang matayog at pinong istilo ng lingguwistika? (Hindi.) Wala Siyang hiningi sa anumang mababaw, mapagpaimbabaw, huwad, at walang kabuluhang bagay na iyon. Ang hinihingi ng Diyos ay pawang mga bagay na dapat taglay ng normal na pagkatao, mga pamantayan at prinsipyo para sa wika at pag-uugali ng tao. Hindi mahalaga kung saan ipinanganak ang isang tao o kung anong wika ang kanyang sinasalita. Ano’t anuman, ang mga salitang sinasabi mo—ang istilo ng pagkakasabi at nilalaman ng mga ito—ay dapat na nakapagpapatibay sa iba. Ano ang ibig sabihin na dapat nakapagpapatibay ang mga ito? Ibig sabihin, kapag narinig ng ibang tao ang mga ito, madarama nila na totoo ang mga ito, at makakukuha sila ng pagtustos at tulong mula sa mga ito, at mauunawaan nila ang katotohanan, at hindi na sila malilito, o madaling malilihis ng iba. Kaya, hinihingi ng Diyos na sabihin ng mga tao ang totoo, sabihin ang iniisip nila, at hindi niloloko, inililigaw, pinagtatawanan, tinutudyo, nililibak, tinutuya, hinihigpitan ang iba, o inilalantad ang mga kahinaan nila, o sinasaktan sila. Hindi ba’t mga prinsipyo ng pananalita ang mga ito? Ano ang ibig sabihin ng hindi dapat ilantad ng isang tao ang mga kahinaan ng mga tao? Ang ibig sabihin nito ay huwag dungisan ang ibang mga tao. Huwag kumapit sa kanilang nakaraang mga pagkakamali o pagkukulang para husgahan o kondenahin sila. Ito ang pinakamaliit na bagay na dapat mong gawin. Sa maagap na banda, paano ipinapahayag ang nakakatulong na pananalita? Ito ay pangunahing nanghihikayat, nagtuturo, gumagabay, nagpapayo, umuunawa, at nagpapanatag. Isa pa, sa ilang natatanging pagkakataon, kinakailangan na direktang ibunyag ang mga kamalian ng ibang tao at pungusan sila, upang magtamo sila ng kaalaman sa katotohanan at kagustuhang magsisi. Saka lang makakamtan ang nararapat na epekto. Ang ganitong paraan ng pagsasagawa ay tunay na kapaki-pakinabang sa mga tao. Tunay na tulong ito sa kanila, at mapakikinabangan nila ito, hindi ba? Sabihin natin, halimbawa, na napakasutil at napakayabang mo. Hindi mo ito namalayan kahit kailan, ngunit lumitaw ang isang taong lubos na nakakakilala sa iyo at sinabi niya sa iyo ang problema. Iniisip mo sa sarili mo, “Sutil ba ako? Mayabang ba ako? Wala nang ibang nangahas na sabihin iyon sa akin, ngunit nauunawaan niya ako. Kung nasabi niya ang gayong bagay, nagpapahiwatig iyon na talagang totoo iyon. Kailangan kong gumugol ng kaunting panahon para pagnilayan ito.” Pagkatapos niyon sasabihin mo sa taong iyon, “Magagandang bagay lamang ang sinasabi ng ibang mga tao sa akin, pinupuri nila ako nang husto, walang sinumang nakikipag-usap sa akin nang masinsinan kahit kailan, wala pang sinumang bumanggit ng mga pagkukulang at isyung ito sa akin. Ikaw lamang ang nakapagsabi niyon sa akin, na kumausap sa akin nang masinsinan. Napakagaling niyon, napakalaking tulong sa akin.” Pag-uusap ito nang puso-sa-puso, hindi ba? Paunti-unti, sinasabi sa iyo ng taong iyon ang nasa isip niya, ang mga naiisip niya tungkol sa iyo, at ang kanyang mga karanasan kung paano siya nagkaroon ng mga kuru-kuro, imahinasyon, pagkanegatibo at kahinaan tungkol sa bagay na ito, at nagawang takasan iyon sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan. Ito ay pag-uusap nang puso-sa-puso; ito ay pagniniig ng mga kaluluwa. At ano, sa kabuuan, ang prinsipyo sa likod ng pagsasalita? Ito iyon: Sabihin ang nasa puso mo, at banggitin ang mga tunay na karanasan mo at kung ano talaga ang iniisip mo. Ang mga salitang ito ang may pinakamalaking pakinabang sa mga tao, tinutustusan ng mga ito ang mga tao, tinutulungan sila ng mga ito, positibo ang mga ito. Tumangging sambitin ang mga pekeng salitang iyon, ang mga salitang iyon na walang pakinabang o hindi nagpapatibay sa mga tao; maiiwasan nitong mapinsala sila o matisod sila, na magsasadlak sa kanila sa pagkanegatibo, at magkakaroon ng negatibong epekto. Dapat kang magsalita ng mga positibong bagay. Dapat kang magsumikap na tulungan ang mga tao hangga’t kaya mo, para makinabang sila, para matustusan sila, para magkaroon sila ng tunay na pananampalataya sa Diyos; at dapat mong tulutan ang mga tao na matulungan, at makinabang nang husto, mula sa iyong mga karanasan sa mga salita ng Diyos at sa paraan ng paglutas mo ng mga problema, at magawang maunawaan ang landas ng pagdanas ng gawain ng Diyos at pagpasok sa katotohanang realidad, na magtutulot sa kanilang magkaroon ng buhay pagpasok at lumago ang kanilang buhay—na pawang epekto ng pagkakaroon ng mga prinsipyo sa iyong mga salita, at pagpapatibay nito sa mga tao. Bukod dito, kapag nagsasama-sama ang mga tao para magtsismisan at maghagikhikan, hindi iyon maprinsipyo. Ang inilalabas lamang nila ay ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Hindi ito batay sa mga salita ng Diyos, at hindi nila itinataguyod ang mga katotohanang prinsipyo. Ang lahat ng ito ay mga pilosopiya ng tao para sa mga makamundong pakikitungo—namumuhay sila ayon sa pangmamanipula ng kanilang mga tiwaling disposisyon.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.