Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 16 (Ikatlong Bahagi)
Noong nakaraan, pinagbahaginan natin ang paksang “Ang salita ng isang ginoo ay ang kanyang garantiya.” Isa itong kasabihang ginagamit ni Satanas upang gawing tiwali ang mga tao pagdating sa wastong asal. May malaking epekto ang adbokasiya ng kasabihang ito sa pag-iisip ng mga tao, at gaya ng ibang kasabihan tungkol sa wastong asal, katawa-tawa ito at hindi naaayon sa mga katunayan. Anuman ang sabihin ng isang tao, basta’t ginagawa niya ito, iniisip ng ibang tao na marangal ang kanyang moralidad at kagalang-galang ang kanyang karakter, at kapwa ito kalokohan at katawa-tawa. Ang kasabihang ito ay katulad lang ng ibang kasabihan tungkol sa wastong asal sa kadahilanang ang lahat ng ito ay mga kalokohan at katawa-tawang salungat na pananampalataya at maling paniniwala. Ang lahat ng iyon ay matatawag na ganito at matutukoy rin bilang sukdulan sa pagiging katawa-tawa at hindi makatatagal sa pagsusuri. Ngayong araw ay tingnan natin ang kasabihan tungkol sa wastong asal na “Maging maprinsipyo at huwag maging tiwali, maging dalisay at mapagkumbaba.” Bago ito pormal na pagbahaginan, kahit kailan ba ay napag-isipan na ninyo kung paano ipaliwanag ang kasabihang ito? Paano ba masusuri ang diwa nito? Ano-anong lason ang nakapaloob dito? Ano-ano ba ang mga kaisipang nais itanim ni Satanas sa mga tao sa pamamagitan ng kasabihang ito? Ano ang mapaminsalang intensyon ni Satanas? Anong aspekto ng mga tao ang ginagawang tiwali ni Satanas gamit ang kasabihang ito? Kahit kailan ba ay napag-isipan na ninyo ang mga bagay na ito? Ang kasabihang “Maging maprinsipyo at huwag maging tiwali, maging dalisay at mapagkumbaba” ay simpleng maipaliliwanag bilang hindi pagsang-ayon sa masasamang tao at magawang protektahan ang sarili mula sa masasamang impluwensiya. Kung batay sa pagsusuri ng ibang tao, ang isang tao ay naging “maprinsipyo at hindi tiwali,” o kung nais ng taong iyon na katawanin mismo ang kasabihang ito, anong uri siya ng tao, sa kabuuan? Sinasabi niyang talagang hindi siya magagawang tiwali, na siya ay talagang matuwid, matapat at tuwiran, na isa siyang ginoong may marangal na moralidad, ngunit hindi ganito ang tingin niya sa kapanahunang ito, sa mundong ito, sa sangkatauhang ito, at maging sa bansang ito, sa hukumang ito ng imperyo, at sa mga tanggapang ito. Hindi ba’t karaniwang may pangungutya ang pagtingin ng mga taong ito sa mga bagay-bagay at hindi sila kontento sa realidad? Madalas, pakiramdam nila ay mataas ang mga adhikain nila ngunit ipinanganak sila sa maling panahon, na may talento sila ngunit hindi nila ito magamit. Naniniwala silang, sa mga tanggapan man o sa lipunan, palaging may magagaspang na taong humahadlang sa kanila, na may dakila at madiskarte silang pag-iisip, na mahuhusay silang indibidwal, subalit walang sinumang nakakikita sa kanilang talento o kailanman ay nagpapahintulot sa kanilang humawak ng mahahalagang gawain. Hindi sila kontento sa realidad at nagiging mapangutya sila, at kaya ginagamit nila ang kasabihang ito—“Maging maprinsipyo at huwag maging tiwali, maging dalisay at mapagkumbaba” upang ilarawan ang kanilang sarili, sinasabi na poprotektahan nila ang kanilang sarili mula sa masasamang impluwensiya at wala silang magiging dungis. Sa diretsahang pananalita, dalisay at mataas ang tingin ng mga ganitong tao sa kanilang sarili at hindi sila kontento sa realidad. Wala talaga silang anumang tunay na talento o totoong kakayahan, at ang mga perspektibang ginagamit nila sa pagtingin sa mga tao at bagay at sa pag-asal at pagkilos ay hindi naman talaga tama o praktikal at, siyempre, wala naman talaga silang anumang nakakamit. Subalit pinaniniwalaan pa nilang naiiba sila sa mga pangkaraniwang tao, at palagi silang naghihinagpis na, “Ang buong mundo ay marumi, ako lang ang dalisay; ang lahat ng tao ay lasing, ako lang ang nasa katinuan,” na para bang dismayado sa mortal na mundo at madalas na nakikita ang kasamaan at kadiliman ng mundo. Sa eksaktong pananalita, ang mga taong tulad nito ay mapangutya. Kinasusuklaman nila ang politikal at komersyal na sektor, at kinasusuklaman nila ang mga pampanitikan, makasining, at pang-edukasyong komunidad. Kinasusuklaman nila ang mga pananaw ng mga intelektuwal tungkol sa kanilang mga paghahangad, at hinahamak nila ang mga magsasaka at ang mga taong may mga paniniwala sa relihiyon. Anong uri ng tao ang mga ito? Hindi ba’t kakaiba ang uri nila? Hindi ba’t may pagka-abnormal sila? Ang mga taong ito ay walang tunay na kakayahan o pagkatuto. Kung magpapagawa ka sa kanila ng ilang praktikal na gawain, wala naman talaga silang kakayahan para matapos ang gawain. Nasisiyahan sila sa pagmamaktol, at sa libreng oras nila ay naglalathala sila ng mga artikulo at koleksyon ng mga tula upang magsiwalat ng mga usapin tungkol sa politika, gobyerno, lipunan, at mga indibidwal sa isang partikular na grupo sa isang partikular na yugto ng panahon. Ngayon ay ito ang pinupuna nila at bukas ay iyon naman, mahuhusay silang magsalita, ngunit nalalagay sila sa gulo kapag may anumang ginagawa. Sa huli, wala silang nakakasundo, wala silang anumang naisasakatuparan kahit saan, at wala silang kakayahang gawin ang kanilang trabaho. Mali nilang pinaniniwalaan na, “Napakarami kong talento! Hindi makakamit ng mga pangkaraniwang tao ang lawak ng aking pag-iisip!” Nananamlay, naliligalig, at nalulumbay ang kanilang mga puso. Sa libre nilang oras, naglilibot sila, at sa tuwing pupunta sila sa kung anong lugar na may historikal na interes, isinisigaw nila, “Isa akong bigong henyo! Isa akong mahusay na tao, ngunit kakaunti ang nakakikilala ng tunay na talento! Mataas ang mga adhikain ko, sayang nga lang at ipinanganak ako sa maling panahon at sawing-palad ako!” Palagi nilang pinaniniwalaang ambisyoso sila at puno ng kaalaman ngunit kailanman ay hindi nila magawang mamukod-tangi sa mga tao o mailagay sa mataas na posisyon ng sinumang nasa kapangyarihan, kung kaya’t sila ay nagiging mapangutya at hindi kontento, hinahamak nila ang lahat ng tao, hanggang sa huli ay nagiging mag-isa na lang sila. Hindi ba’t kaawa-awa iyon? Sa diretsahang pananalita, ang mga taong tulad nito ay isang hibang na grupo ng mga taong mapagmataas, lubhang malayo ang loob sa iba, at hindi kontento sa realidad, at palagi nilang nararamdamang hindi sila matagumpay. Ang totoo, walang maipagmamalaki ang mga taong ito, wala silang anumang kayang isakatuparan, hindi nila nagagawa nang maayos ang lahat ng bagay, at kapag may natututuhan silang kaunting kaalaman, nagpapasikat sila sa pamamagitan ng walang katapusang pagkukwento tungkol dito. Noong sinaunang panahon, bumibigkas ng mga tula, nagsusulat ng mga oda, at ipinangangalandakan ng ganitong mga tao ang kanilang mga kasanayang pampanitikan, na mukhang namimilosopo. Sa panahon ngayon, mas marami nang pagkakataong magpasikat ang mga taong tulad nito. Maaari na silang gumawa ng sarili nilang paraan ng komunikasyon, mag-post ng mga komento sa mga blog, at iba pa. Sa ilang bansang medyo malaya ang mga sistemang panlipunan, madalas nilang inilalantad ang madilim na aspekto ng iba’t ibang industriya, gaya ng madidilim at masasamang aspekto ng pampanitikan, makasining, komersyal, politikal, at kultural na mga sektor. Buong araw, pinupuna nila ang ganito at minamaliit ang ganyan, naniniwalang napakarami talaga nilang talento. Ang pinagmulan ng paggawa nila ng lahat ng bagay na ito ay ang paniniwala nilang ang lahat ng bagay tungkol sa kanila ay mabuti at tama, at na naabot na nila ang kadakilaan, kaluwalhatian, at kawastuhan. Sa eksaktong pananalita, pinoprotektahan nila ang sarili nila sa masasamang impluwensiya, at sila ay “nagiging maprinsipyo at hindi nagiging tiwali, nagiging dalisay at mapagkumbaba.” Naniniwala silang nakikita nila nang malinaw ang lahat ng bagay, na nauunawaan nila ang lahat ng bagay. Gumagamit sila ng mga pailalim na pamumuna laban sa sinumang may anumang ginagawa, at tinitingnan nila ang mga ito nang may pangungutya at panghahamak. Palagi silang may nasasabi tungkol sa anumang bagay na ginagawa ng sinuman, at pinupuna at minamaliit nila ang mga ito. Ang realidad, wala silang ideya kung ano talaga sila, kailanman ay hindi nila nalaman kung ano ang tama at wastong perspektiba at pananaw na dapat gamitin kapag nagsasalita sila. Ang alam lang nila ay kung paano maging matabil ang dila at mautak magsalita. Marami bang taong tulad nito sa lipunan? (Oo.) Ano ba ang mga taong ito? Sa eksaktong pananalita, sila ay isang hibang na grupo ng taong mapagmataas at dalisay at mataas ang tingin sa sarili. Nagkaroon na ng maraming taong tulad nito sa buong kasaysayan, hindi ba? (Oo.) Paano mo ba dapat ilarawan at tukuyin ang mga taong ito? Hindi ba’t mga idealista sila? Sa eksaktong pananalita, ang mga taong ito ay mga idealista. Ayaw nilang mamuhay sa kasalukuyang tunay na kapaligiran ng pamumuhay, at palaging lumilipad ang kanilang mga isipan, puno ng mga hindi tunay, walang kabuluhan, hindi nakikita at hindi kongkretong bagay. Nabubuhay sila sa isang hindi umiiral at hindi tunay na mundo—ang mga taong ito ay tinatawag na mga idealista. Kung gayon, ano ang perspektibang ginagamit nila upang sukatin ang halaga ng ibang tao? Naniniwala silang mataas ang moral na pamantayan nila, at ang pinagsisimulan nila sa pagsukat ng halaga ng ibang tao ay, “Nakikita ko nang malinaw ang inyong masama at madilim na aspekto at ilalantad ko ito. Ang pagkakaroon ng kakayahang ilantad ang hindi magaganda at masasamang bagay na inyong ginagawa ay nagpapatunay na hindi ako katulad ninyo.” Ang pundamental na kahulugan nito ay, “‘Maging maprinsipyo at huwag maging tiwali, maging dalisay at mapagkumbaba’—lapat ang kasabihang ito sa akin. Kayong lahat ay nakontamina na ng masamang kalakarang ito; hindi kayo mabubuting tao.” Hindi ba’t pagkakaroon ito ng dalisay at mataas na tingin sa sarili? Hindi ba’t ito ay pagbibigay nila ng labis na halaga sa kanilang sarili at pagiging mapagmataas? Hindi ba’t isa itong pailalim na pagsubok na itaas ang kanilang sarili sa pakunwaring pamumuna sa realidad, paglalantad sa madilim na aspekto ng lipunan, at hindi pagiging kontento sa realidad? (Ganoon nga.) Kung gayon, paano natin tutukuyin ang ganitong mga tao? May tradisyonal na kasabihang nagsasaad na, “Nakakita na ako ng mga walang kahihiyang tao noon, ngunit wala pa akong nakikitang isang taong kasingwalang kahihiyan mo.” Hindi ba’t inilalarawan nito ang mga taong ito? (Ganoon nga.) Wala silang kahihiyan. Ang binibigkas lang ng mga bibig nila ay tungkol sa tama at mali, at ang nakikita lang ng mga mata nila ay ang mga pagkukulang at kapintasan ng iba. Gamit ang mauutak na pananalita nila, hayagan nilang inilalantad ang mga pagkukulang at kapintasan ng iba, at sa pamamagitan ng paggawa niyon, ipinahahayag nila ang sarili nilang mga pananaw at ipinakikita sa ibang tao kung paano nila pinoprotektahan ang kanilang sarili sa masasamang impluwensiya, at kung gaano sila kapambihira, at karangal. Talaga bang marangal sila? Talaga bang pambihira sila? Katulad lang din sila ng iba. Anumang mga pamamaraan ang gamitin ng ibang tao upang maghangad ng katanyagan at pakinabang, halata ang kanilang mga pamamaraan. Gayunpaman, ang mga taong ito ay umaastang kagalang-galang, at ang kanilang paglalantad at pamumuna sa iba ay nagsisilbing mga paksa at panimula kung paano nila itinataas at itinataguyod ang kanilang sarili, at ginagamit nila ang mga pamamaraang ito upang maging tanyag at maimpluwensiya. Hindi ba’t naghahangad din sila ng katanyagan at pakinabang? Hindi ba’t pareho lang ang mga mithiin nila? Hindi ba’t pareho lang ang mga resulta? Gumagamit lang sila ng ibang mga diskarte at pamamaraan, iyon lang. Para lamang itong pang-iinsulto sa isang tao gamit ang magalang na pananalita at pang-iinsulto sa kanila gamit ang magaspang na pananalita, pareho lang itong may mapang-insultong kalikasan. May ibang taong nagiging tanyag sa isang paraan, at may ganitong mga tao namang nagiging tanyag sa isa pang paraan—pareho lang ang panghuling resulta, gayundin ang intensyon, ang layunin, at ang motibasyon, kaya wala talaga itong pinagkaiba.
Para naman sa mga tao sa lipunan na nagsasabing sila ay “nagiging maprinsipyo at hindi nagiging tiwali, nagiging dalisay at mapagkumbaba,” natukoy na natin sila bilang mga idealista. Ang mga katangian ng ganoong mga tao ay masyadong malayo ang loob nila, iniisip nilang mas magaling sila sa iba, hindi kalugod-lugod ang tingin nila sa lahat ng tao, at sa huli, ang nagiging kongklusyon nila ay, “Kayong lahat ay lugmok sa putik at lugmok sa masasamang kalakaran. Nahigitan ko na kayo, at ako ay ‘nagiging maprinsipyo at hindi nagiging tiwali, nagiging dalisay at mapagkumbaba.’” Ganito ang kanilang pagmamataas, at ganito ang kanilang pagiging hindi kontento sa realidad, na para bang sila mismo ay talagang napakabanal at napakalinis. Sa katunayan, dahil mas mababa ang kakayahan nila kaysa sa iba at wala sila ng mga diskarteng mayroon ang ibang tao, dahil palagi silang naghahangad na mamukod-tangi sa madla ngunit kailanman ay hindi nila nakukuha ang kahilingan nila, dahil palagi silang naghahangad ng mga ideyal, hindi tunay, at walang kabuluhang bagay ngunit kailanman ay hindi sila nakokontento at kailanman ay hindi nila natutupad ang mga bagay na ito, at dahil wala silang pagnanais na harapin ang realidad, o bitiwan ang kanilang mga mithiin, kung kaya, pagdating sa anyo, wala silang ibang magawa kundi lumayo sa mga opisyal, politikal, makasining at pampanitikan, at kultural na komunidad. Dahil hindi sila tanggap sa ganoong mga komunidad, hindi sila mapapabilang, hindi nila matutupad ang kanilang mga ambisyon, at hindi makakamit ang kanilang mga mithiin at adhikain, sa huli ay sinasabi nilang sila ay “nagiging maprinsipyo at hindi nagiging tiwali, nagiging dalisay at mapagkumbaba,” at sinasabi nilang hindi sila umaayon sa karamihan, na marangal ang moralidad nila, at ginagamit nila ang ganoong mga kasabihan bilang pampalubag-loob. Alam na ba ninyo ngayon kung paano kilatisin ang ganoong mga tao sa pamamagitan ng pagbabahaginan natin tungkol sa kanila sa ganitong paraan? Ano ba talaga mismo ang mga taong ito? Wala silang halaga, subalit mapagmataas pa rin sila. Isa ba itong eksaktong pagsusuri? (Oo.) Napakaraming mithiin ng mga ganitong tao, ngunit wala ni isa sa mga iyon ang natutupad, at hindi rin naaayon sa realidad ang alinman sa mga iyon. Itong mga bagay na iniisip nila ay pawang walang katuturan at hindi makatotohanan. Buong araw, ang mga taong ito ay hindi nagtatrabaho nang maayos, ang alam lang nila ay bumigkas ng mga tula at sumulat ng mga oda, pinupuna ang ganito, minamaliit ang ganyan—ito ang hindi nila pagtatrabaho nang maayos, hindi ba? Makikita ang diwa nila sa kanilang pag-uugali: Wala silang tunay na talento o pagkatuto, ang kanilang mga kaisipan at pananaw sa realidad at buhay ay pawang walang katuturan, malabo, at hindi makatotohanan, at iyon ang dahilan kung bakit kaya nilang sundin ang maling paniniwala na “maging maprinsipyo at huwag maging tiwali, maging dalisay at mapagkumbaba.” Pinagsisikapan nilang maging ganito, umaasang mas maraming tao ang magiging ganito rin—nakalilinlang ito. Kung ganito ang mga tao, ano ang makakamit nila? Para maging mas eksakto, ang mga taong tulad nito ay walang tunay na mithiin o direksyon sa buhay, walang tunay na pananampalataya, walang tunay na pasya sa buhay, at walang tamang landas ng pagsasagawa. Buong araw, labis-labis at walang-habas ang kanilang mga iniisip, iniisip nila ang lahat ng uri ng kakaibang ideya, ang kanilang mga isipan ay puno ng magugulo, walang kabuluhan, at hindi makatotohanang bagay, walang makatotohanan sa mga iyon, at sa katunayan, kakaiba ang uri ng mga taong ito sa sangkatauhan. Ang kanilang pag-iisip ay kapwa walang katuturan at masyadong katawa-tawa at labis-labis. Sa anumang grupo ng mga tao sila nabibilang, o sila man ay nasa mataas na antas, gitnang antas, o mababang antas ng lipunan, hinding-hindi nila nakakasundo ang iba at hinding-hindi sila matatanggap ng mga tao. Bakit ganito? Ito ay dahil ang kanilang pag-iisip, ang kanilang mga paghahangad, at ang mga perspektiba nila sa pagtingin sa mga tao at bagay ay labis-labis at ibang klase. Sa maayos na pananalita, ang mga taong ito ay mga idealista, ngunit kung magiging mas tiyak, may sakit sila sa pag-iisip at abnormal ang pag-iisip nila. Sabihin ninyo sa Akin, makakasundo ba ng mga taong may sakit sa pag-iisip ang mga normal na tao? Bukod sa hindi na nila makakasundo ang kanilang mga kaibigan at katrabaho, ni hindi rin nila makakasundo ang sarili nilang mga pamilya. Kapag sinasabi ng mga taong ito ang mga pananaw at pahayag nila, naaasiwa at tutol ang ibang tao, at ayaw talaga ng mga itong marinig ang mga iyon. Hindi makatwiran ang mga pahayag na ito at hindi umuubra sa tunay na buhay. Sa tunay na buhay, ang mga paghihirap na hinaharap ng mga tao ay maaaring manggaling sa kalooban nila, maaaring manggaling ang mga iyon sa mga obhetibong kapaligiran ng mga tao, o maaaring may kinalaman ang mga iyon sa mga pang-araw-araw na pangangailangan sa buhay—paano ba dapat harapin, pangasiwaan, at lutasin ang mga bagay na ito? Pagdating sa maliliit na problema, mayroong mga may kinalaman sa mga pangunahing pang-araw-araw na pangangailangan ng buhay, habang pagdating naman sa malalaking problema, mayroong mga may kaugnayan sa pananaw sa buhay ng mga tao, sa kanilang mga panuntunan sa pamumuhay, sa landas na kanilang sinusundan, at sa kanilang mga paniniwala, at ang mga problemang ito ang pinakatotoo. Subalit, gusto palagi ng mga idealistang ito na ihiwalay ang kanilang sarili sa mga problemang ito at kahit kailan ay ayaw nilang mabuhay sa mga sitwasyon sa tunay na buhay. Ang kanilang mga pananaw, perspektiba, at pinagsisimulan sa pagtingin sa mga tao at bagay ay hindi nakabatay sa mga tunay na problemang ito, bagkus ay medyo hindi makatotohanan at walang pakundangan. Hinding-hindi mo malalaman kung ano ang iniisip nila, na para bang ang mga iniisip nila ay mga kaisipan ng mga taga-ibang planeta, mga bagay na hindi pa kailanman naririnig ng mga tao rito sa daigdig, mga bagay na hindi normal pakinggan para sa kanila. Sino ba ang may gustong makarinig ng isang taong nagsasabi ng hindi normal na mga bagay? Kapag unang nakilala ng mga tao ang taong ito at narinig nila itong magsalita, maaari nilang maramdaman na ang kanyang sinasabi ay talagang orihinal at bago, mas may kabatiran at mas matalino kaysa sa sinasabi ng mga pangkaraniwang tao. Ngunit sa pagtagal-tagal, napagtatanto nilang walang katuturan lang ang lahat ng iyon, kaya wala nang pumapansin sa taong iyon, hindi na sila nakikinig sa kanya, at wala na sa mga sinasabi niya ang pumapasok sa kanilang mga tainga o kanilang mga puso. Napapansin ba ng taong ito kapag ganoon ang nagiging saloobin sa kanya ng ibang tao? Namamalayan niya ito sa paglipas ng panahon, at sa kanyang puso, iniisip niya, “Walang may gusto sa akin, bakit kaya? Bakit ba ayaw nila sa akin? Hay, isa akong mahusay na tao, ngunit kakaunti lang ang nakakikilala ng tunay na talento!” Nakita mo na, palagi siyang mapagmataas, palaging naniniwalang may talento, mautak, at may kakayahan siya, gayong sa totoo ay wala siyang halaga. Sa anumang grupo ng tao siya malagay, ang panghuling resulta at kinahihinatnan niya ay palagi siyang tinatanggihan. Dulot ito ng pagsunod niya sa kasabihang “Maging maprinsipyo at huwag maging tiwali, maging dalisay at mapagkumbaba.” Kung kailanman ay ninais mong maging ganito, sinasabi Ko na sa iyong itigil mo na iyan, dahil hindi normal ang mga taong ito. Kung normal ang iyong pag-iisip at ang katwiran ng iyong pagkatao, dapat mong gawin ang nararapat mong gawin at ang kaya mong gawin, at huwag mong hangaring maging isa sa mga taong “nagiging maprinsipyo at hindi nagiging tiwali, nagiging dalisay at mapagkumbaba.” Ang mga taong ito ay imoral at kakaibang uri ng tao, at hindi sila normal.
Sa sandaling matapos na nating suriin ang diwa ng mga taong “nagiging maprinsipyo at hindi nagiging tiwali, nagiging dalisay at mapagkumbaba,” pag-usapan naman natin ang mga problema ng pagiging hindi kontento sa realidad at pagiging mapangutya na nabanggit natin nang ilantad natin ang mga taong ito. May ilang taong naniniwala na, “Sumasampalataya kami sa Diyos kaya dapat naming maunawaan ang madilim na bahagi ng lipunan at ang masasamang kalakaran sa lipunan, at hindi sundin ang mga iyon. Kailangan din naming maunawaan ang politika, ang kasamaan ng sangkatauhan, ang iba’t ibang karaniwang kaugalian ng sangkatauhan, at ang lahat ng madilim at masamang bagay na ginagawa ng sangkatauhan na umiiral sa iba’t ibang panahon, sa iba’t ibang sulok ng mundo, at sa iba’t ibang lahi at grupo. Sa paggawa nito, magkakaroon kami ng pagkilatis.” Ito ba ang hinihingi ng Diyos sa tao? Bago natin pagbahaginan ang paksang ito, maaaring ang ilan sa inyo ay nagawa na ito bilang inyong paghahangad, ngunit ngayon ay sinasabi Ko sa iyo nang malinaw, hindi ito isang bagay na dapat mong gawin, at hindi ito ang hinihingi sa iyo ng Diyos. Hindi hinihingi sa iyong maunawaan mo ang mundong ito, ang lipunang ito, at ang sangkatauhan, o ang politikal, komersyal, pampanitikan, o panrelihiyong sektor, o ang anumang karaniwang kaugalian na nagmumula sa lipunan, o ang paraan ng pagpapatakbo ng anumang grupo o puwersa sa lipunan, at iba pa—hindi ito isang aral na kailangan mong matutuhan. Hindi mo kailangang hindi makontento sa realidad, at hindi mo kailangang protektahan ang iyong sarili sa masasamang impluwensiya. Hindi ito ang punto de bista o perspektibang dapat mong gamitin, at hindi ito ang pananaw na dapat mong piliin. Hinirang ka ng Diyos at pinahintulutan kang sumampalataya at sumunod sa Kanya; hindi Niya hinihingi sa iyong maging kontra-sangkatauhan, kontra-lipunan, kontra-politika, o kontra-estado, ni hindi rin Niya hinihingi sa iyong labanan ang anumang grupo, lahi, o relihiyon. Hinihingi lang Niya sa iyong sundin mo Siya at tanggihan mo si Satanas, humarap ka sa Kanya at tanggapin mo ang Kanyang mga salita at magpasakop ka sa mga ito, sundan mo ang Kanyang daan, at matakot ka sa Kanya at lumayo ka sa kasamaan. Kahit kailan ay hindi hiningi sa iyo ng Diyos na maging kontra-sangkatauhan, kontra-lipunan, o kontra-estado. Para maging mas eksakto, kailanman ay hindi hiningi sa iyo ng Diyos na lumaban sa isang partikular na gobyerno, sa isang partikular na sistemang panlipunan o pampulitika, o sa isang partikular na polisiyang pampulitika—kailanman ay hindi hiningi sa iyo ng Diyos na gawin ang anumang tulad niyon. Sinasabi ng ilang tao, “Tinatanggihan, nilalabanan, at inuusig tayo ng buong sangkatauhan. Mali bang tumindig tayo at kumontra at lumaban sa kanila? Laban naman silang lahat sa atin, kaya bakit hindi tayo pwedeng maging laban sa kanila?” Kahit paano ka pa personal na mag-isip o kumilos, o ano pang uri ng mga personal na pananaw ang mayroon ka tungkol sa lipunan, sa mundo, at sa mga pambansang sistemang pampulitika, personal mong usapin iyon at wala itong kinalaman sa daang hinihingi ng Diyos na sundan mo, wala rin itong anumang kinalaman sa mga pagtuturo o hinihingi ng Diyos. Sinasabi ng ilang tao, “Dahil sinasabi Mong walang kinalaman ang mga bagay na ito sa mga pagtuturo ng Diyos, na hindi ito ang mga bagay na hinihingi ng Diyos sa amin at hindi ang ipinagagawa sa amin ng Diyos, bakit inilalantad ng Diyos si Satanas, ang mga kalakaran sa lipunan, ang madilim na aspekto ng lipunan, at maging ang relihiyon?” Inilalantad ng Diyos ang mga bagay na ito para lamang maunawaan mo ang mga ito, sapagkat ang mga bagay na ito na inilalantad ng Diyos ay may kaugnayan sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao at sa mga pananaw at kuru-kuro ng mga tao na laban sa Diyos. Samakatuwid, sa ganitong uri ng sitwasyon, kailangan talaga nating pagbahaginan ang ganoong mga paksa at gamitin ang ganoong mga halimbawa, na ang layunin ay bigyang-daan ang mga taong malaman ang mga satanikong disposisyong inihahayag ng tiwaling sangkatauhan sa mas eksakto at mas praktikal na paraan, at upang makilatis ang lahat ng iba’t ibang maling kaisipan at pananaw at kuru-kurong laban sa Diyos na itinatanim sa kanila ni Satanas, at wala nang iba. Hindi ito ginagawa upang personal na malabanan ng mga tao ang politika, malabanan ang lipunan, at malabanan ang sangkatauhan. Kahit kailan ay hindi hiningi ng Diyos sa mga tao na hindi makontento sa realidad, na maging mapangutya, o na protektahan ang kanilang sarili sa masasamang impluwensiya. Sinasabi ng ilang tao, “Kahit na hindi hiningi sa akin ng Diyos na maging ganito, sumasampalataya lang ako sa Diyos dahil ako ay siniko at hindi kontento sa realidad, dahil pakiramdam ko ay may katarungan at katuwiran sa sambahayan ng Diyos at na ang katotohanan ang naghahari dito, at dahil tinatrato ako nang patas dito.” Personal na usapin mo na iyan at wala itong kinalaman sa kung ano ang hinihingi ng Diyos. Siyempre, ang lahat ng tao ay sumasampalataya sa Diyos sa iba’t ibang kadahilanan: May ilang taong sumasampalataya sa Diyos upang magkamit ng mga pagpapala, ang ilan, upang makatakas sa mga sakuna, ang ilan, upang gumaling ang kanilang mga karamdaman, ang ilan, upang magkaroon ng magandang destinasyon sa hinaharap; at pagkatapos ay may ilang tao na hindi kontento sa realidad, hindi kontento sa mundo, hindi kontento sa lipunan, o hindi tinrato nang patas sa lipunan, kung kaya’t pumupunta sila sa sambahayan ng Diyos at naghahanap ng kapanatagan at kanlungan. Iba-iba ang pananaw ng lahat patungkol sa pananampalataya sa Diyos at ang kanilang orihinal na intensyon o motibasyon sa pananampalataya sa Diyos. May ilang tao ring hindi taglay ang mga bagay na ito sa kanilang mga puso, na nagnanais lang na sumampalataya sa Diyos at pakiramdam nila ay isang mabuting bagay ang pagsampalataya sa Diyos. Anu’t ano man, kapag ang mga taong sinikal at hindi kontento sa realidad ay sumampalataya sa Diyos, hindi sila pinupuri o pinakikitunguhan nang mabait ng Diyos dahil lamang sa may mga kaloob sila o may talento sila sa kung anong maliit na paraan. Ito ay dahil hindi nila tinatanggap ang katotohanan, masyado silang mapagmataas, nag-aakalang mas matuwid kaysa sa iba, at mapanghamak sa iba, at napakahirap para sa mga taong tulad nito na tanggapin ang katotohanan. Hindi kayo dapat magkaroon ng pag-asa para sa ganoong mga tao, ni maging ganoon kayong mga tao. Ang sinasabi Ko lang sa inyo ay maging matapat, hangarin ang katotohanan, magpasakop sa mga salita ng Diyos, at matakot sa Diyos at lumayo sa kasamaan. Samakatuwid, huwag na huwag mong iisipin na dahil lang sa hindi ka kontento sa lipunan at malinaw mo itong naiintindihan, o dahil sa dati kang nakibahagi sa isang espesyal na industriya at mas malalim ang pagkaunawa mo sa madilim na aspekto ng industriyang iyon, ay may kapital at tayog ka na sa iyong pananampalataya sa Diyos, na mahal ka ng Diyos, at na naaabot mo ang mga hinihinging pamantayan ng Diyos, o na isa kang kwalipikadong nilikha. Kung naniniwala ka nga sa ganoon, sinasabi Ko sa iyong mali ka, ang mga pananaw mo sa pagtimbang sa sitwasyon ay mali, ang perspektiba mo sa pagtingin sa mga bagay-bagay ay mali, at ang punto de bistang ginagamit mo ay mali. Bakit Ko ito sinasabi? Sinasabi Ko ito dahil ang punto de bistang iyong ginagamit at ang perspektiba at mga pananaw mo sa pagtingin sa mga tao at bagay ay hindi batay sa mga salita ng Diyos at hindi ang katotohanan ang pamantayan nito. Kung palagi mong ginagamit ang perspektiba ng mga makamundong tao at hindi ka kontento sa realidad at siniko ka, kasusuklaman mo sila, nanaisin mong makipaglaban at makipagbuno sa kanila, hikayatin sila at makipagdebate sa kanila tungkol sa kung ano ang tama at mali; nanaisin mong baguhin ang sangkatauhan, baguhin ang lipunan, at baguhin pa nga ang politikal na sistema ng isang bansa. May ilang tao pa ngang magnanais na ilantad ang madilim na aspekto ng matataas na tao sa politika sa kanilang bayan, sa paniniwalang sa paggawa nito ay tinatanggihan nila si Satanas at isinasagawa nila ang katotohanan. Maling-mali ito. Kahit gaano pa karaming bagay ang nangyayari sa loob ng mga komunidad ng matataas na tao sa politika, sa loob ng mga komunidad ng negosyo, o sa loob ng mga makasining at pampanitikang komunidad, wala sa mga ito ang may anumang kinalaman sa iyong paghahangad sa katotohanan. Kahit gaano pa karami ang nalalaman mo tungkol sa ganoong mga bagay, walang saysay ang lahat ng ito, at hindi nito ipinakikita na alam mo ang diwa ni Satanas o na kaya mong tanggihan si Satanas sa kaibuturan ng iyong puso. Kahit gaano pa karami ang nalalaman o nauunawaan mo sa ganoong mga bagay, at kahit gaano pa kapartikular, katotoo, o kawasto ang iyong pagkaunawa, hindi nito ipinakikita na isinasagawa mo ang katotohanan, na nakikilala mo ang iyong sarili, o na sinusuri mo ang mga satanikong kaisipan at pananaw sa kaibuturan mo, ni ipinakikita nito na minamahal mo ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan, lalong hindi nito ipinakikita na may takot ka sa Diyos. Huwag mong isipin na dahil lang sa may kaunti kang nauunawaan tungkol sa lipunan, o nalalaman mo ang mga kumpidensyal na panuntunan ng isang industriya o ang kung anong sabi-sabi na hindi alam ng karamihan, na dahil sa ikaw ay siniko at hindi kontento sa lipunan at may lakas ng loob kang ibunyag ang madilim na aspekto ng lipunan, ay isa ka nang marangal at kagalang-galang na tao, na nakahihigit ka sa iba, at na ikaw ay “nagiging maprinsipyo at hindi nagiging tiwali, nagiging dalisay at mapagkumbaba.” Ayaw ng Diyos ng mga ganoong tao.
Bago sila sumampalataya sa Diyos, ang ilang tao ay mahina ang loob at nag-aalangan, hindi nangangahas na ilantad ang madilim na aspekto ng lipunan, walang lakas ng loob na gawin ito. Ngayong sumasampalataya na sila sa Diyos, pakiramdam nila ay pinalalakas ng Diyos ang loob nila at sinusuportahan sila, kung kaya’t hindi na sila natatakot na ibunyag ang ganoong mga bagay. May ilan pa ngang pumupunta sa mga demokratikong bansa at nangangahas na ilantad ang ilan sa masasamang gawain ng demonyo na CCP. Pagkatapos, pakiramdam ng mga taong ito ay nauunawaan na nila ang katotohanan, na may tayog at pananampalataya na sila sa Diyos. Mga maling kaisipan at pananaw ang lahat ng ito, at walang saysay na hangarin nila ang mga bagay na ito. Ikaw man ay hindi kontento sa realidad at siniko, nakatataas ka man sa iba sa lipunan, at isa ka mang taong “nagiging maprinsipyo at hindi nagiging tiwali, nagiging dalisay at mapagkumbaba,” hindi mahalaga sa Diyos ang alinman dito; hindi Niya tinitingnan ang ganoong mga bagay. Ano ba ang tinitingnan ng Diyos? Ang unang tinitingnan ng Diyos ay kung natutukoy mo ang mga kaisipan at pananaw na nanggagaling kay Satanas sa kaibuturan ng iyong puso o hindi at, sa sandaling matukoy mo na ang mga iyon, kung inilalantad mo ang mga iyon at matapat ka sa iba tungkol sa mga iyon, at kung tinatanggihan mo ang mga iyon sa sandaling maunawaan mo nang malinaw ang mga iyon. Higit pa rito, tinitingnan ng Diyos kung sadya mong hinahangad ang katotohanan sa tunay na buhay, kung sadya mong hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo sa paraan mo kung paano mo tingnan ang mga tao at bagay at sa pag-asal at pagkilos mo, at kung ano talaga ang saloobin mo sa katotohanan. Isa itong bagay na kailangang maging malinaw sa iyong puso. May ilang taong nasisiyahan sa pagtalakay sa nakaraan at sa kasalukuyan, labis-labis at mariing nagsasalita tungkol sa mga historikal na intriga sa hukuman, detalyadong-detalyadong ibinubuod kung ano-anong malalaking pangyayari ang naganap sa aling panahon sa loob ng mga politikal na komunidad, kung ano-ano ang malalaking isyu, at kung sino ang may ginampanang bahagi sa mahahalagang sandali, at iba pa. Pagkatapos ay inaakala nilang may tayog na sila, na matuwid sila at may malaking pagpapahalaga sa katarungan, sinasabing, “Alam mo kasi, talagang hindi ako kontento sa lipunan. Nakikita ko ang kadiliman ng mga opisyal, at malalim at lubusan ko itong nauunawaan!” Ano ba ang saysay ng pagsasabi ng ganoong mga bagay? Kanino mo ba sinusubukang magpalakas? Sa Diyos? Ipinangangalandakan mo ba kung gaano ka kaintelektuwal at na napakarami mong nalalaman? Walang saysay ang pagsasabi ng mga bagay na ito. Kahit kailan ay hindi Ako tumingin sa walang kabuluhang basura online, at kahit kailan ay hindi rin Ako naging interesado sa anumang uri ng balita o impormasyon. Bakit hindi Ko tinitingnan ang mga bagay na ito? Dahil nakakainis at nakakasuklam ito. May ilang taong naniniwalang sa sandaling sumampalataya sila sa Diyos, dapat na silang magkaroon ng pagpapahalaga sa katarungan, at madalas silang nagkokomento at maraming sinasabing walang katuturan tungkol sa mga kilalang tao, sa mga tanyag na tao, at sa mga politiko, at inilalantad nila ang mga pribadong buhay ng mga taong ito, umaasang mamumulat nila ang mga mata ng lahat ng tao. Pakiramdam nila ay marami silang kayang gawin, mauutak sila, na alam nila ang lahat ng lihim, at na talagang napakatalino, napakaraming kaalaman, at napakamatuwid nila. Ano ba ang saysay ng pagkakaroon ng kaalaman sa ganoong mga bagay? Ipinakikita ba nitong isinasagawa mo ang katotohanan? Ipinakikita ba nitong naunawaan mo na ang katotohanan? Ipinakikita ba nitong may tayog ka? (Hindi.) Hindi mo mapigilang magsalita tungkol sa mga bagay na iyon sa lipunan, ngunit may masasabi ka ba tungkol sa kung paano gawin ang mga bagay na nasa harapan mo at ang tungkuling dapat mong gawin nang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo? Wala, wala kang masabi. Kahit gaano pa karami ang nalalaman mo tungkol sa mga bagay na iyon sa lipunan, hindi nito ipinakikita na nauunawaan mo ang katotohanan o na may tunay kang tayog. Huwag mong isipin na dahil lang sa nakikita mo ang totoo sa mga pekeng balita at maling paniniwala ay may tayog ka na, na naitakwil mo na ang mundo at natanggihan si Satanas, na hindi ka na umaayon kay Satanas, at na may pananampalataya ka na sa Diyos at matapat ka sa Kanya—pawang maling pananaw ang mga ito, at wala sa mga ito ang talagang kumakatawan sa buhay. Kung iniisip mong, “Hindi ba’t totoo na habang mas hindi ako kontento sa realidad, habang mas inilalantad ko ang malaking pulang dragon, habang mas napopoot ako sa malaking pulang dragon, habang mas napopoot ako sa mundo at habang mas siniko ako ay mas sumasaya ang Diyos at lalo Niya akong nagugustuhan?” nagkakamali ka. Habang mas hinahangad mo ang mga bagay na iyon at habang mas sinusundan mo ang landas na iyon, lalo kang hindi nagugustuhan ng Diyos at lalo Siyang nagiging tutol sa iyo. Bakit habang mas hinahangad mo ang mga makamundong bagay na iyon ay lalo kang hindi nagugustuhan ng Diyos? Ito ay dahil hindi mo sinusundan ang tamang landas at hindi ka nagtatrabaho nang maayos. Kaya, kapag may kaunti kang oras, maaari kang magbasa pa ng mga salita ng Diyos, makinig sa mga himno, makinig sa mga patotoong batay sa karanasan sa buhay ng iyong mga kapatid, at maaaring sama-samang pag-isipan at pagbahaginan ng lahat ang mga salita ng Diyos. Huwag kang magtanong tungkol sa usap-usapang walang kinalaman sa pagpasok mo sa buhay o sa iyong paghahangad sa kaligtasan. Ginagawa iyon ng mga taong walang magawa. Ang paraan ng pag-usad ng lipunan, kung ano ang magiging hakbang ng mundo, kung gaano karumi at kasama ang sangkatauhan at kung gaano kadilim ang politika—mayroon bang anumang kinalaman sa iyo ang mga bagay na ito? Magtatamo ka ba ng kaligtasan kung ang lipunan at ang mundo ay hindi madilim, masama, at marumi? (Hindi.) Walang anumang kinalaman sa iyo ang mga bagay na iyon. Kung makapagtatamo ka man ng kaligtasan o hindi, nauugnay lamang ito sa kung gaano kalaking bahagi ng katotohanan ang iyong tinatanggap at nauunawaan, kung gaano kalaking bahagi ng katotohanang realidad ang napapasok mo, at may kaugnayan ito sa kung gaano mo kabuting ginagampanan ang iyong tungkulin—nauugnay lamang ito sa iilang bagay na ito. Huwag kang madalas na magkomento tungkol sa mga kilala at tanyag na tao, naglalantad ng kahiya-hiya at maruming pag-uugali ng mga tanyag na tao upang magpalipas ng oras, ipinangangalandakan kung gaano ka katalino at kung paano ka nakahihigit sa iba. Walang kabuluhang gawin ang mga bagay na iyon; huwag kang maging ganoong tao. Isa iyong taong hindi nagtatrabaho nang maayos at hindi tumatahak sa tamang landas.
Tungkol naman sa diwa ng kasabihan tungkol sa wastong asal na, “Maging maprinsipyo at huwag maging tiwali, maging dalisay at mapagkumbaba” medyo napagbahaginan na natin ang tungkol dito at nasuri ito. Higit pa rito, hindi ba’t ngayon ay malinaw na nating napagbahaginan ang saloobin at mga pananaw kung paano umaasal ang isang tao batay sa kasabihang ito, pati na kung ano ang mga hinihingi at ang saloobin ng Diyos? (Ganoon nga.) Ngayon ba ay nauunawaan na rin ninyo ang landas na dapat sundan ng mga tao? (Nauunawaan na namin.) Isa bang positibong bagay ang pagiging siniko na ating pinag-uusapan dito? Isa bang positibong bagay ang pagiging hindi kontento sa realidad? Isa bang positibong bagay ang pagprotekta sa iyong sarili sa masasamang impluwensiya? (Hindi.) Walang positibo sa mga bagay na ito. Masasabi natin nang may katiyakan na ang mga ito ay hindi mga saligan para sa iyong pag-asal at pagkilos, hindi dapat maging mga saligan ang mga ito para sa iyong pag-asal at pagkilos, lalong hindi dapat maging mga prinsipyo ang mga ito para sa iyong pag-asal at pagkilos. Samakatuwid, ang mga ito ay mga bagay na dapat mong bitiwan at tanggihan. Dapat ay malinaw ninyong makilatis at lubusang matalikdan ang mga kasabihan at teoryang ito na nanggagaling sa tradisyonal na kultura, at hindi ninyo dapat tanggapin ang mga mapanlihis na bagay na ito bilang katotohanan o mapagkamalan ang mga ito na katotohanan. Ito ay dahil, kahit gaano na karaming taon na kumakalat ang mga bagay na ito sa sangkatauhan, o gaano kalalim ang mga ugat nito sa sangkatauhan, kahit sandali ay hindi makatitindig ang mga ito sa katotohanan. Hindi talaga mga positibong bagay ang mga ito at hindi talaga karapat-dapat na mabanggit kasabay ng katotohanan. Wala talagang positibong epekto ang mga bagay na ito sa mga tao; bukod sa hindi maaakay ng mga ito ang mga tao at madadala sila sa tamang landas, sa kabaligtaran, inaakay pa ng mga ito ang mga tao sa sunud-sunod na maling landas, ginagawa ang mga taong mas malayo at walang kahihiyan, mas walang kamalayan sa sarili at mas hindi makatwiran, at hinihikayat ang Diyos na kamuhian sila at masuklam sa kanila. Kung bibitiwan mo ang mga bagay na ito, bibitiwan ang mga kuru-kurong ito, bibitiwan ang mga kaisipan at pananaw na ito, ang mga pamamaraan at saligang ito kung paano titingnan ang mga tao at bagay at aasal at kikilos na nagmumula kay Satanas, at ikaw ay haharap sa Diyos at titingin sa mga tao at bagay at aasal at kikilos ayon sa mga salita ng Diyos, hindi magkakaroon ng epekto sa iyo ang mga bagay na ito. Para naman sa isyu ng pagiging hindi kontento sa realidad at pagiging siniko, hindi kailangan ng Diyos na pagsikapan mo at subukang unawain o alamin kung ano ang kadilimang nagkukubli sa lipunan. Kailangan mo lang malaman nang lubusan at sa pangkalahatan na ang mundo at ang sangkatauhan ay nagawa nang tiwali ni Satanas at na nasa mga kamay ng diyablo ang mga iyon. Mga kalakaran man sa lipunan, mga kaugalian, tradisyonal na kultura, kaalaman, edukasyon—sa anumang antas, hinggil sa anumang aspekto, o sa anumang industriya—puno itong lahat ng mga kaisipan at pananaw ni Satanas at ng mga salungat na pananampalataya at maling paniniwala nito. Anumang bansa, etnisidad, o alinmang grupo ng mga tao o organisasyon sa lipunan, walang impluwensiya sa mga ito ang katotohanan ni ang mga salita ng Diyos; siyempre, mas malabo pa na makita sa mga ito ang pagiging patas o pagiging matuwid. Tiyak ito, at basta’t alam mo lang ito, sapat na iyon. Maliban dito, ang pinakamahalagang bagay ay ang payapain ang iyong puso at lalo pang sangkapan ang iyong sarili ng mga salita ng Diyos, at matukoy sa kaibuturan mo ang mga salungat na pananampalataya at maling paniniwala, kaisipan at pananaw na nanggagaling kay Satanas. Kapag may tunay kang pagkaunawa sa mga bagay na ito, saka mo lang makikita nang malinaw ang mga ito; kapag talagang nakita mo na nang malinaw ang mga ito ay saka mo lang tunay na matatanggihan at mabibitawan ang mga ito; at kapag tunay mo nang nabitawan ang mga ito ay saka ka lang magkakaroon ng wagas na pagtanggap at pagpapasakop sa katotohanan. Sa ganitong paraan, magiging tama ang landas na iyong susundan, at matatanglawan ito. Magiging tama rin ang iyong mithiin, at ang pagtatamo mo ng kaligtasan sa huli ay magiging isang di-mapabubulaanang katunayan. Iyon ang dahilan kung bakit hindi mo talaga dapat hayaan ang mga salungat na pananampalataya, maling paniniwala, kaisipan, at pananaw na itinatanim sa iyo ni Satanas na makagulo sa iyong mga iniisip at na mabulagan ka nito; hindi ka dapat maging siniko at hindi kontento sa realidad at sa ganitong paraan ay maging manhid ka at linlangin mo kapwa ang iyong sarili at ang iba. Sa halip, dapat mong hangarin ang katotohanan, matamo ang katotohanan bilang iyong buhay, isabuhay ang wangis ng isang tunay na tao, at gampanan nang mabuti ang iyong tungkulin. Ito ang angkop na trabaho mo, at ito na ang landas na dapat mong sundan mula ngayon. Para naman sa kalagayan ng lipunan, ng bansa, o ng anumang industriya, walang anumang kinalaman sa iyo ang mga bagay na iyon. Bakit ganoon? Dahil walang epekto ang mga iyon sa iyong paghahangad sa katotohanan, walang kaugnayan ang mga iyon sa iyong paghahangad sa katotohanan, walang kaugnayan sa iyong katapusan, at walang kaugnayan sa pagtatamo mo ng kaligtasan. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Sa sandaling maunawaan mo na ito, dapat nang maging malinaw sa iyo kung paano hangarin ang buhay at matamo ang buhay.
Hulyo 14, 2022
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.