Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 15 (Unang Bahagi)

Sa kasalukuyan, palala nang palala ang mga sakuna. Hindi lang patuloy na kumakalat ang salot, kundi sumapit na rin sa mga tao ang taggutom. Pumutok na ang digmaan sa ilang lugar at mayroong kaguluhan sa maraming bansa sa buong mundo. Mayroon nang malawakang kawalan ng pagkakaisa. Sinabi noon na, “Umaalimpuyo ang mga apoy ng digmaan, napupuno ang hangin ng usok ng kanyon, nagbabago ang lagay ng panahon, nagbabago ang klima, lalaganap ang isang salot,” at ang hulang ito ay nagkakatotoo na. Lumalaganap ang salot at hindi humuhupa, at namumuhay sa matinding paghihirap ang mga walang pananampalataya. Ang bawat araw at taon ay mas malala kaysa sa nauna, at nasadlak na sila sa sakuna. Nais nilang lahat na makawala sa pagdurusang ito at matakasan ang mga araw ng sakuna. Umaasa silang lahat na sasagipin sila ng pamahalaan at ililigtas sila mula sa sakuna, pero ang pamahalaan ay parang isang kastilyong buhangin na hinahampas ng mga alon—walang kapangyarihan at ni hindi kayang iligtas ang sarili nito, lalo na ang sinumang iba pa. Anumang araw ngayon, maaaring bumagsak at mawasak ang pamahalaan; hindi ito maiiwasan. Nakita na ninyong lahat ang pinagdaraanan ng mga walang pananampalataya—nagdurusa nga sila! Kumusta ang buhay ninyo ngayon? Hindi ba’t mas maayos ang lagay ninyo kaysa sa kanila? (Oo.) Paanong mas maayos ang lagay ninyo? (Nagagawa pa rin naming sama-samang basahin ang salita ng Diyos at pagbahaginan ang katotohanan. Nagagawa pa rin namin ang aming tungkulin sa sambahayan ng Diyos at nahahangad pa rin namin ang buhay pagpasok. Ang aming puso ay payapa at hindi balisa. Mas maayos ang lagay namin kaysa sa mga walang pananampalataya.) Kahit papaano man lang, ang mga taong nananampalataya sa Diyos ay mas maayos ang lagay kaysa sa mga walang pananampalataya dahil mayroon silang masasandigan. Naniniwala sila sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos; naniniwala sila na ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos, at naniniwala sila sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Dahil mayroon silang pananalig at tunay na pananampalataya sa Diyos, may tunay na bagay silang masasandigan, at nakararamdam sila ng seguridad. Ang mga taong taos-pusong nananampalataya sa Diyos ay nakararamdam ng tunay na suporta sa kanilang puso, pati na ng seguridad, kapayapaan, at kagalakan, gaano man kamapanganib o kagulo ang mas malawak na kapaligirang nasa labas. Kaya naman, anumang sitwasyon ang nararanasan nila, paano man nagbabago ang kapaligirang nasa labas, anuman ang nangyayari, mayroon mang sakuna, digmaan o salot, at ito man ay malaking pangyayari o maliit na isyu, ang isang taong taos-pusong nananampalataya sa Diyos ay kayang ilaan ang sarili niya sa pagganap ng kanyang tungkulin sa sambahayan ng Diyos, pagkain at pag-inom ng salita ng Diyos, pagdanas ng gawain ng Diyos, at paghahangad na makamit ang katotohanan dahil sumusunod siya sa Diyos at iniiwasan ang mga sekular na kalakaran. Nananatiling hindi nagbabago ang puntong ito. Ang pinakamahalagang bagay at ang pinakamahalagang layon na kailangan mong hangarin sa iyong pananampalataya sa Diyos ay hindi pwedeng magbago, at iyon ay ang paghahangad sa katotohanan, maayos na pagganap sa tungkulin ng isang tao at pagbibigay ng magandang patotoo tungkol sa Diyos. Hinding-hindi ito pwedeng magbago.

Paano man magbago ang mundo, paano man maglaban at mag-away ang mga puwersa ni Satanas, at gaano man maging magulo ang lipunan at mundong ito, ang mga pangunahing problema gaya ng panlilihis, paggawang tiwali, paggapos, at pagkontrol ni Satanas sa sangkatauhan ay nananatiling hindi nagbabago. Ang ibig sabihin, ang iba’t ibang maling pananampalataya at maling paniniwala na ikinikintal ni Satanas sa mga tao, at ang lahat ng kaisipan at pahayag na lumalaban sa Diyos at sumasalungat sa mga batas at regulasyon ng paglikha ng Diyos sa mga tao at sa lahat ng bagay, ay nananatiling hindi nagbabago. Sa isang punto, hindi pa nagbago ang mga satanikong bagay na ito. Sa isa pang punto, paano man magbago ang kalagayan at istraktura ng mundong ito, hindi pa naaalis ang mga maling pananampalataya at maling paniniwala na malalim nang ikinintal ni Satanas sa puso ng mga tao. Hindi ito dahil nasa magulong kalagayan ang mundo, o dahil masama na ang lagay at wala nang kapangyarihan ngayon si Satanas para kontrolin ang mundo kung kaya’t nabura na sa puso ng mga tao ang mga maling pananampalataya at maling paniniwala na ginagamit ni Satanas para ilihis at gawing tiwali ang mga tao. Hindi iyon ang kaso. Umiiral pa rin sa puso ng mga tao ang mga maling pananampalataya at maling paniniwala ni Satanas, at walang sinuman ang makaaalis ng mga iyon. Mula sa simula ng paggawang tiwali ni Satanas sa sangkatauhan, unti-unti nang naitanim nang malalim sa puso at isipan ng bawat nilikhang tao ang mga maling pananampalataya at maling paniniwala ni Satanas. Ang mga bagay na ito ay nananatiling ganap na hindi nagbabago sa puso at isipan ng mga tao hanggang ngayon. Kahit nakatapos ang Diyos ng maraming taon ng gawain at nakapagtustos sa mga tao ng maraming katotohanan, hindi pa rin kayang tukuyin ng mga tao ang iba’t ibang kaisipan, pananaw, at kasabihan na ikinintal sa kanila ni Satanas, lalo na ang aktibong subukang tukuyin ang mga bagay na ito nang walang impluwensiya ng mga bagay na nasa kapaligiran, o alisin ang mga ito sa kanilang puso. Hindi rin nila kayang maagap na tanggihan ang iba’t ibang kaisipan at pahayag na ikinintal sa kanila ni Satanas, kahit pa may pagtustos at paggabay ng salita ng Diyos. Bagamat noong una ay pasibong nagawang tiwali ni Satanas ang mga tao, sa buong proseso ng paggawang tiwali ni Satanas sa sangkatauhan, nagsimulang mamuhay ang mga tao nang ayon sa disposisyon ni Satanas, at tiningnan nila ang mga bagay-bagay nang ayon sa mga kaisipan at mga perspektiba ni Satanas. Unti-unti, nagsimulang mas higit at aktibong makipagtulungan ang mga tao kay Satanas, at mas lalo silang nagiging aktibo sa paghihimagsik laban sa Diyos, paglayo sa Diyos, at pag-abandona sa Diyos, hanggang sa huli, ganap na silang kinontrol ni Satanas. Kapag ganap na ikinintal sa mga tao ang masasama at katawa-tawang mga kaisipan at pananaw ni Satanas, sila ay ganap na nakukulong ni Satanas at nagiging mga alipin nito, o, sa mas tiyak na pananalita, sila ay nagiging sagisag ni Satanas. Kapag nangyari ito, ganap na isinasabuhay ng mga tao ang disposisyon ni Satanas. Hindi lamang sila namumuhay nang ayon sa mga pilosopiya at kaisipan ni Satanas, kundi ang iba’t ibang kuru-kuro at pananaw na ikinintal sa kanila ni Satanas ay naging bahagi na ng kanilang kalikasan. Sa mas tiyak na pananalita, hindi lamang isinasabuhay ng mga tao ang wangis ni Satanas, kundi namumuhay sila bilang mga Satanas, bilang mga diyablo. Kapag nangyari ito, hindi na pasibong ginagawang tiwali, iniimpluwensiyahan, nililihis o kinokontrol ni Satanas ang mga tao, kundi, sila ay lubusang pumapanig kay Satanas laban sa Diyos. Kapag ganito katiwali ang mga tao, masasabi mo na sila ay naging kasangkapan na ni Satanas, at isang sagisag nito. Para mailigtas ng Diyos ang isang nilikha na isang kasangkapan at sagisag ni Satanas, bukod pa sa pagtustos ng katotohanan at pagbubunyag ng iba’t ibang tiwaling disposisyon ng mga tao at ng mga mapaghimagsik na kilos laban sa Diyos, mas mahalaga na mailantad at masuri ang mga kaisipan, pananaw at pahayag na nasa kaibuturan ng puso ng mga tao at na kapareho ng kay Satanas. Magkakapareho lang ang mga kaisipan, pananaw at pahayag ng mga tao at ni Satanas. Namumuhay si Satanas ayon sa mga bagay na ito, at kagaya nito, dahil malalim nang nagawang tiwali ni Satanas ang mga tao, sila rin ay natural na namumuhay ayon sa mga bagay na ito. Ito ay dahil mismo namumuhay ang mga tao ayon sa mga bagay na ito at na naiimpluwensiyahan, nahihimok at nakokontrol sila ng mga pananaw na ito, na kahit matapos maunawaan ng mga tao ang isang parte ng katotohanan at malaman nila na ang Diyos ang Lumikha, hindi pa rin nila kayang yumukod sa harap Niya batay sa kanilang pananampalataya sa Diyos, o ganap na magpasakop sa Kanya, at hindi rin nila kayang sambahin Siya nang may matapat na puso. Ang dahilan kung kaya’t hindi magawang sambahin ng mga tao ang Diyos nang may matapat na puso ay dahil, sa kaibuturan ng kanilang puso at isipan, pinaghaharian at kinokontrol pa rin sila ng iba’t ibang kaisipan at pananaw ni Satanas. Ito ang dahilan kung bakit sa sandaling tanggapin ng mga tao ang gawain ng Diyos at malupig sila, bagamat kaya nilang tanggapin ang salita ng Diyos bilang buhay, hindi pa rin nila kayang lubusang talikdan ang iba’t ibang maling pananampalataya at maling paniniwala ni Satanas; hindi pa rin nila kayang lubusang kumawala mula sa impluwensiya ng kadiliman at tunay na magpasakop sa Diyos, o sumamba sa Kanya. Kaya naman, para mailigtas ng Diyos ang sangkatauhan, sa isang punto ay kailangan Niyang ipahayag ang katotohanan para mahatulan at malinis ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao; hikayatin ang mga tao na unawain ang katotohanan, at kilalanin ang Diyos at magpasakop sa Kanya; turuan ang mga tao kung paano sila dapat umasal at kung paano sila makakatahak sa tamang landas; at sabihin sa mga tao kung paano nila dapat isagawa ang katotohanan, paano nila magagampanan nang maayos ang kanilang tungkulin at kung paano sila makapapasok sa mga katotohanang realidad. Sa isa pang punto, kailangan Niyang ilantad ang mga kaisipan at pananaw ni Satanas. Kailangan Niyang ilantad at suriin ang iba’t ibang maling pananampalataya at maling paniniwala sa paggawang tiwali ni Satanas sa mga tao, upang matukoy ng mga tao ang mga ito. Pagkatapos, maaalis na ng mga tao ang mga satanikong bagay na ito mula sa kanilang puso, malilinis sila at makakamit nila ang kaligtasan. Sa ganitong paraan, mauunawaan ng mga tao kung ano ang katotohanan, at matutukoy rin nila ang disposisyon ni Satanas, ang kalikasan ni Satanas at ang mga maling pananampalataya at maling paniniwala nito. Kapag kinilala ng mga tao na ang Diyos ang Lumikha at may pananalig sila na sumunod sa Diyos, makikita nila ang kapangitan ni Satanas sa kaibuturan ng kanilang puso, at ganap nilang maitatakwil si Satanas. Pagkatapos, ang puso ng mga taong ito ay ganap nang makababalik sa Diyos. Kahit papaano man lang, kapag ang puso ng isang tao ay nagsisimula nang bumalik sa Diyos pero hindi pa ganap na nakababalik, ang ibig sabihin, kapag ang puso niya ay hindi pa pinaghaharian ng katotohanan, at hindi pa natatamo ng Diyos, sa takbo ng kanyang buhay ay gagamitin niya ang salita ng Diyos upang tukuyin, suriin, at kilatisin ang lahat ng pahayag na ikinikintal ni Satanas sa mga tao at sa huli ay magagawa niyang talikdan si Satanas. Sa ganitong paraan, liliit nang liliit ang puwang ni Satanas sa puso ng mga tao, hanggang sa ganap itong mawala. Mapapalitan ito ng salita ng Diyos, ng mga aral na ibinibigay ng Diyos sa mga tao, ng mga katotohanang prinsipyo na itinutustos ng Diyos, at iba pa. Ang buhay na ito ng pagiging positibo at ng katotohanan ay unti-unting magkakaugat sa mga tao at ookupa ng pinakamalaking puwang sa kanilang puso, at bilang resulta, magkakaroon ng kapamahalaan ang Diyos sa puso ng mga tao. Ibig sabihin, kapag ang iba’t ibang kaisipan, pananaw, maling pananampalataya at maling paniniwala na ginagamit ni Satanas para gawing tiwali ang mga tao ay natutukoy at nakikilatis, kaya kinamumuhian at tinatalikuran ng mga tao ang mga ito, unti-unting ookupa sa puso ng mga tao ang katotohanan. Unti-unti itong magiging buhay ng mga tao at aktibo silang magpapasakop at susunod sa Diyos. Paano man gumawa at mamuno ang Diyos, aktibong magagawang tanggapin ng mga tao ang katotohanan at ang salita ng Diyos at makapagpapasakop sa gawain ng Diyos. Bukod pa roon, sa pamamagitan ng karanasang ito, aktibo silang magsusumikap sa katotohanan at magkakamit ng pagkaunawa sa katotohanan. Ganito nagkakaroon ng tunay na pananalig sa Diyos ang mga tao, at habang lalong nagiging malinaw sa kanila ang katotohanan, lalong lumalaki ang kanilang pananalig. Kapag may tunay na pananalig sa Diyos ang mga tao, nagsasanhi rin ito na matakot sila sa Diyos. Kapag may takot sa Diyos ang mga tao, may pagnanais silang makamit ang Diyos sa kaibuturan ng kanilang puso, at handa silang magpasakop sa Kanyang kapamahalaan. Nagpapasakop sila sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, at nagpapasakop sa mga plano ng Diyos para sa kanilang tadhana. Nagpapasakop sila sa bawat araw at sa lahat ng espesyal na sitwasyong itinatakda ng Diyos para sa kanila. Kapag may ganitong kahandaan at pagkauhaw ang mga tao, aktibo rin nilang tatanggapin ang mga hinihingi ng Diyos sa kanila at magpapasakop sila sa mga ito. Habang lalong nagiging malinaw sa mga tao ang mga resulta nito, at lalong nagiging totoo, ang mga pahayag, kaisipan at pananaw ni Satanas ay mawawalan ng epekto sa puso ng mga tao. Sa madaling salita, mababawasan nang mababawasan ang kontrol at impluwensiya ng mga pahayag, kaisipan at pananaw ni Satanas sa mga tao. Pagkatapos ng ilang panahon ng pagpupunyagi, at pagkatapos ng ilang panahon ng aktibong pakikipagtulungan at determinasyon ng mga tao na magpasakop sa Diyos, makakawala na sila sa pagkakagapos at pagkontrol ni Satanas. Kapag umabot na sila sa puntong ito, makakatakas na ang mga tao sa kapangyarihan ni Satanas. Lubusan na nilang tatalikuran ang mga pahayag, kaisipan at pananaw na ginamit ni Satanas para ilihis sila, at lalaki nang lalaki ang kanilang pananalig sa Diyos. Siyempre, ang epektong ito ay nakasalalay sa salita at gawain ng Diyos at lalo na sa paghahangad at pakikipagtulungan ng mga tao. Kung maraming pinakikinggang katotohanan at mga sermon ang isang tao, pero wala pa rin siyang kamalayan sa mga kaisipan at pananaw ni Satanas at hindi pa niya nagawang kamuhian ang mga bagay na ito, at kung ayaw ng taong ito na aktibong tukuyin, kilatisin, at talikuran ang mga satanikong bagay na ito, bagkus ay pasibo niyang hinaharap o kaya ay hindi pinapansin ang mga ito, kung gayon, ang iba’t ibang ideya at pananaw ni Satanas ay mananatiling malalim na nakatanim sa taong iyon. Sa kanyang pang-araw-araw na buhay at sa takbo ng kanyang buong buhay, hindi sinasadyang maiimpluwensiyahan at makokontrol pa rin siya ng iba’t ibang kaisipan at perspektiba ni Satanas, at ang kanyang mga pagtingin sa mga tao at bagay, at ang kanyang asal at mga kilos ay magmumula pa rin kay Satanas. Kung nagmumula kay Satanas ang lahat ng ito, ang iyong pananampalataya sa Diyos ay isa lamang pagkilala sa pag-iral ng Diyos, sa halip na isang tunay na pananalig, at hindi mo kailanman kikilalanin ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos. Siyempre, hindi kusang babaling sa Diyos ang iyong puso, at hindi mo magagawang ibalik sa Diyos ang iyong puso. Masasabi na hindi mo kayang magbigay ng ni katiting na tunay na debosyon sa tungkulin at mga obligasyong ibinigay ng Diyos sa iyo, at hindi mo kayang tunay na matakot sa Diyos, lalo na ang maging tunay na mapagpasakop sa Kanya. Ano ang malinaw na magiging resulta kung mabibigo kang isakatuparan ang mga bagay na ito? Hindi ka maliligtas. Ito ba ang mangyayari? (Oo.) Ito ang mangyayari. Malinaw na ang mga kaisipan, pananaw at kuru-kuro na ginagamit ni Satanas para gawing tiwali ang mga tao at itinatanim nang malalim sa kanilang puso, ay mga bagay na humahadlang sa mga tao na makinig sa tinig ng Diyos, maniwala sa salita ng Diyos, tanggapin ang mga positibong bagay at lalo na na tanggapin ang katotohanan at pumasok sa katotohanan. Sa panlabas ay naiiba ang mga bagay na ito mula sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao. Gayunpaman, ang diwa ng mga ito ay bahagi ng kalikasan ni Satanas, at ang mga ito ay mga bagay na ginagamit ni Satanas upang gawing tiwali ang mga tao. Kung titingnan mula sa panlabas, may malinaw na pagkakaiba ang masasamang pagkilos ni Satanas sa paggawang tiwali sa sangkatauhan at ang pagpapanggap ni Satanas ng paggawa ng kabutihan, isang pagkakaiba na mahirap kilatisin para sa mga ordinaryong tao. Subalit, ang mga kahihinatnan ng panlilihis ni Satanas at paggawang tiwali nito sa mga tao ay napakalinaw. Isa itong malinaw na katunayan na nagdulot ito sa kabuuan ng karaniwang lipunan na itatwa, labanan at salungatin pa nga ang Diyos.

Ang satanikong disposisyong nasa loob ng mga tao ay ganap na resulta ng panlilihis at paggawang tiwali ni Satanas sa kanila. Bukod pa roon, ang iba’t ibang satanikong maling pananampalataya, maling paniniwala, pilosopiya at mga batas na pinanghahawakan ng mga tao, pati na rin ang kanilang pananaw sa buhay at mga prinsipyo, ay lahat mga kongkretong pagpapamalas ng panlilihis at paggawang tiwali ni Satanas. Sa madaling salita, matapos malihis ni Satanas ang mga tao, at magsanhi na lumayo sila sa Diyos at itatwa ang Diyos, ganap nitong ikinikintal sa kanila ang lahat ng uri ng satanikong kaisipan, pananaw, maling pananampalataya at maling paniniwala. Bukod pa roon, hayagang nagpapakalat si Satanas ng maraming propaganda, kasama na ang lahat ng uri ng mga kuru-kuro, pananaw, at pahayag, na nagtuturo at nag-uudyok sa mga tao kung paano harapin ang lahat ng bagay, at na nag-uudyok sa kanila na tanggapin ang lahat ng ito sa kanilang puso. Bilang resulta, iba’t ibang tiwaling satanikong disposisyon ang nabubuo sa loob nila. Ito ang paraang ginagamit ni Satanas para gawing tiwali ang mga tao. Ibig sabihin, kapag may kahungkagan sa kaibuturan ng kaluluwa ng mga tao, kapag hindi sila nag-iisip nang tama at kapag sila ay parang isang hungkag na kagamitan, pumapasok sa puso nila ang iba’t ibang pahayag ni Satanas at namamalagi roon ang mga iyon. Halimbawa, kapag ang mga pahayag kagaya ng “Kailanman ay hindi pa nagkaroon ng Tagapagligtas,” “Ang langit at lupa at lahat ng bagay ay nilikha ng kalikasan,” “Haharapin ko ang panganib para sa isang kaibigan,” “Ang isang babae ay kailangang maging malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal,” “Ang mga lalaki ay dapat matipuno,” at iba pa, ay nilikha, naiimpluwensiyahan ng mga ito ang mga tao nang hindi nila namamalayan. Tinatanggap ng mga tao ang lahat ng uri ng kaisipan at pananaw mula kay Satanas nang walang anumang kamalayan sa masasamang puwersa, mga maling pananampalataya at maling paniniwala na ito, at nang walang anumang kakayahang tukuyin ang mga ito o anumang kapangyarihan para labanan ang mga ito. Ang proseso kung saan tinatanggap ng mga tao ang mga satanikong kaisipan at pananaw na ito ay mismong ang proseso kung saan nililihis, inuudyukan, at ginagawang tiwali ang mga tao. Halimbawa, kung isa kang babae na hindi alam ang tamang paraan kung paano dapat mamuhay ang isang babae, at kung ano-anong bagay ang dapat niyang gawin, pagkatapos ay isusulong ni Satanas ang mga maling pananampalataya at maling paniniwala nito, gaya ng “Ang isang babae ay kailangang maging malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal, mamalagi sa bahay at hindi lumabas,” “Kabutihan sa isang babae ang pagiging walang kasanayan,” at iba pa. Iisipin mong matalino at maganda namang pakinggan ang mga kasabihang ito, kaya tatanggapin mo ang mga ito. Kapag kumakalat sa lipunan at sa lupa ang mga maling pananampalataya at maling paniniwalang ito, bilang isang babae ay hindi namamalayang tatanggapin mo ang mga ito at mahigpit mong iuutos sa sarili mo na sundin mo ang mga kasabihang ito. Una, ikukumpara mo sa mga ito ang sarili mo, sa paniniwalang dahil isa kang babae, kailangan mong maging malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal, mamalagi sa bahay, maging isang mabuting babae na walang kasanayan, at iba pa. Sa takbo ng prosesong ito, unti-unti kang mauudyukan, maiindoktrinahan, at maiimpluwensiyahan ng mga pahayag, kaisipan at pananaw na kumakalat sa lipunan, at kalaunan ay aabot ka sa punto na magiging bahagi ka na ng mga ito. Sa mas partikular na pananalita, matapos kang mailihis ng mga ideya at pananaw ni Satanas, magagapos at makokontrol ka ng mga ito, at sa kaibuturan ng iyong puso, uutusan mo ang iyong sarili at titingnan ang iba nang ayon sa mga ito, nang hindi mo namamalayan. Samakatuwid, sa iyong pang-araw-araw na buhay, ang mga kaisipan at pahayag na ito ay bubuo ng mga kaisipan at pananaw sa kaibuturan ng iyong puso, at pagkatapos ay gagamitin mo ang mga ito bilang pamantayan at batayan sa iyong pag-asal at pag-uugali. Ganito paunti-unting nagiging karaniwang kaugalian sa lipunan at sa publiko ang iba’t ibang kaisipan at pananaw ni Satanas. Habang mas nagiging laganap sa lipunan ang kagawiang ito, at habang mas lumalaki ang populasyon na inuudyukan at iniimpluwensiyahan nito, nagiging isang uri ito ng puwersa. Kapag nalikha na ang puwersang ito, ganap nang nakakulong at kontrolado ng mga kaisipan at pananaw na ito ang sangkatauhan, o sa madaling salita, pinaghaharian na sila ng mga ito. Sa mas tumpak na pananalita, nabihag na ni Satanas ang mga tao. Halimbawa, sa mundo ni Satanas, “ang mga lalaki ay dapat matipuno, matibay at ambisyoso,” “ang mga lalaki ay dapat may matataas na ambisyon, pangarap at hindi natitinag na espiritu,” “dapat linangin ng mga lalaki ang kanilang sarili, pamahalaan nang maayos ang kanilang pamilya, pamunuan ang bayan, at magdala ng kapayapaan sa lahat,” “dapat matuto ang mga lalaki na gumamit ng kapangyarihan, mangasiwa sa sitwasyon, at mangibabaw sa mundo,” “ang mga lalaki ay hindi madaling mapaluha,” at iba pa. Ang bawat lalaki ay nagagapos ng mga hinihingi, kaisipan at pananaw na ito mula pa sa simula. Ang mga lalaki at mga babae ay kapwa nalilimitahan at nagagapos ng iba’t ibang kasabihan ng tradisyonal na kultura. Kung hindi alam ng mga lalaki kung paano dapat kumilos ang isang lalaki, o kung paano itatag ang sarili nila sa kanilang komunidad, lipunan o bansa, tatanggapin nila ang mga kaisipan at pananaw na ito kapag narinig nila ito, nang hindi nila namamalayan. Unti-unti silang masasanay sa mga ito hanggang sa gagamitin na nila ang mga ito bilang pamantayan at batayan upang gumawa ng mahigpit na hinihingi para sa sarili nila. Higit pa rito, isasagawa nila ang mga kaisipan at pananaw na ito, dadanasin ang pagiging ganoong tao sa realidad, at pagkatapos ay magiging halimbawa sila sa pamamagitan ng pagsisikap sa mga layong ito. Halimbawa, kailangang magkaroon ng matataas na ambisyon ang mga lalaki, kailangan nilang gumawa ng malalaking bagay at magkaroon ng mahalagang propesyon. Dapat ay wala silang mga relasyon na puno ng pagmamahal at hindi nila dapat gawing panghabambuhay na responsabilidad o layon ang suportahan ang kanilang mga magulang o alagaan ang kanilang mga anak. Sa halip, kailangan nilang lawakan ang kanilang pananaw, sumunod sa kanilang mga adhikain, matutong pangasiwaan ang sitwasyon, at mang-angkin pa nga ng kapangyarihan para kontrolin ang sangkatauhan at ang kababaihan. Tinanggap na ng mga tao ang mga kaisipan at pananaw na ito; nagsasagawa at namumuhay na sila ayon sa mga ito sa kanilang buhay, at hinahangad nila ang mga layong kalakip nito. Bukod pa roon, kapag nabuo at nag-ugat na ang mga kaisipan at pananaw na ito sa kaibuturan ng puso ng mga tao, titingnan nila ang sangkatauhan, lipunan at ang buong mundo sa pamamagitan ng mga ito. Kapag napakalalim nang nag-ugat sa puso ng tao ang mga ito na hindi na maaaring alisin ang mga ito, titingnan niya ang mga tao at bagay, aasal siya at kikilos nang ayon sa mga kaisipan at pananaw na “Ang mga lalaki ay dapat malakas at matibay,” at iba pa. Ito ang pinagmumulan at pinag-uugatan ng pananaw ng mga lalaki sa mundo at sa buhay. Kapag tinitingnan ng mga lalaki ang mga tao at bagay, umaasal at kumikilos ayon sa mga kaisipan at pananaw na ikinintal sa kanila ni Satanas, ang mga kaisipan at pananaw na ito ay kumakalat sa mga tao at sa lipunan nang hindi napapansin, unti-unting pumapasok sa kaibuturan ng puso ng bawat tao—hindi lang ng mga lalaki, kundi ng mga babae rin. Kapag malalim na nakapasok ang mga bagay na ito sa puso ng bawat tao, at naikintal pa nga sa puso ng mga musmos na bata na natututo pa lang magsalita, nagiging karaniwang kaugalian na sa komunidad at sa lipunan ang mga kaisipan at pananaw na ito. Bibilis nang bibilis ang pagkalat ng kaugaliang ito, at lalaganap ito nang lalaganap hanggang sa alam na alam na ito ng lahat ng tao, at isang daang porsyento nila itong nakikilala at tinatanggap. Kapag umabot na ang mga bagay-bagay sa puntong ito, ang mga sosyologo, politiko at pinuno ng bansa, o sa mas tumpak na pananalita, ang mga diyablong hari na sumusunod kay Satanas, ay lalong patatatagin ang katayuan ng mga kaisipan at pahayag na ito sa sangkatauhan. Isusulat nila ang mga ito, at sistematikong malawak na ikakalat at isusulong ang mga pahayag na ito sa pamamagitan ng lahat ng uri ng mga di-tuwirang patunay, paborableng kondisyon, tao, pangyayari at bagay, upang lumaganap sa sangkatauhan ang mga pahayag na ito at makabuo ng isang atmospera sa lipunan at isang di-nagbabagong pamantayan ng moralidad sa lipunan. Gamit ang pamantayang ito ng moralidad, kokontrolin at igagapos nila ang mga tao, at sa puntong ito ay makakamit na ang layon ni Satanas. Kapag nakamit na ni Satanas ang layong ito, ang buong sangkatauhan, pati kapwa mga lalaki at mga babae, ay malilihis, magagawang tiwali, at mapaghaharian na ng mga kaisipan at pananaw na ito. Alam ba ninyo kung ano ang magiging mga kahihinatnan kapag ang sangkatauhan ay nalihis, nagawang tiwali, at napagharian na ng mga kaisipan at pananaw ni Satanas? Sa tingin ninyo, bakit isinusulong ni Satanas ang mga kaisipan, pahayag, maling pananampalataya at maling paniniwalang ito? Para lang ba ito gawing tiwali ang sangkatauhan? Para lang ba ito agawin ang mga tao? Sino ang pakay ng lahat ng ito? (Ang Diyos.) Tama, kailangang maging malinaw ito sa inyo. Sa lahat ng masasamang bagay na ginagawa ni Satanas, at lalo na sa lahat ng bagay na ginagawa ni Satanas upang ilihis, guluhin, kontrolin, at gawing tiwali ang sangkatauhan, ang mga tao ay mga gamit-panserbisyo at kasangkapan lamang. Sila ay mga lalagyan lang ni Satanas para maibuhos ang lahat ng kakayahan at kasanayan nito. Ang lahat ng bagay na ginagawa ni Satanas ay nakatuon sa Diyos sa halip na sa mga tao. Nais nitong kontrahin ang Diyos at ang mga tao ay mga lalagyan o kasangkapan lamang nito para magawa ito. Kaya, bakit gusto ni Satanas na labanan ang Diyos? Bakit gusto nitong gawing tiwali nang ganito ang sangkatauhan? Ito ay dahil nilikha ng Diyos ang sangkatauhan at gusto Niyang iligtas ito. Bakit hindi ginagawang tiwali ni Satanas ang mga hayop, halaman, o taga-ibang planeta? Dahil hindi sinusubukang iligtas ng Diyos ang mga hayop, halaman, o taga-ibang planeta, o ang anumang iba pang nilikha maliban sa mga tao. Sinusubukang iligtas ng Diyos ang mga taong nilikha Niya sa mundong ito. Sinusubukan Niyang makamit ang grupong ito ng mga tao sa mundo. Anong uri ng mga tao? Isang grupo ng mga taong sumusunod sa Diyos at na tapat hanggang kamatayan, na kaisa ng Diyos sa puso at isipan, at na may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan. Sila ang mga taong nais makamit ng Diyos. Bago magawa ng Diyos ang Kanyang gawain para iligtas at kamtin ang mga taong ito, sinusubukan ni Satanas na makauna at gawing tiwali ang mga tao. Sinasabi ni Satanas, “O Diyos, gusto Mo bang iligtas ang sangkatauhan? Kung ganoon, gagawin ko muna silang tiwali. Kapag nagawang tiwali ang mga tao hanggang sa puntong ganap na silang mala-demonyo sa halip na tao, hindi Mo na sila maililigtas. Hindi Ka magtatagumpay, at mabibigo Ka sa huli.” Ito ang layon ni Satanas. Balikan natin ang katanungan Ko kanina. Kapag ginagawang tiwali ni Satanas ang disposisyon ng tao, at isinusulong din nito ang iba’t ibang maling pananampalataya at maling paniniwala at ang lahat ng uri ng kaisipan at pananaw upang ilihis, paralisahin, at kontrolin ang isipan at puso ng tao, ano ang layunin nito? Hindi ninyo masasagot iyan; hindi ninyo iyan nauunawaan. Hindi ang mga tao ang pakay ni Satanas kapag ginagawa nito ang lahat ng ito, bagamat ang mga tao ang ginagawang tiwali at kinokontrol nito. Sa halip, ang lahat ng ito ay nakapuntirya sa Diyos. Ano ang pinakalayon o pinakaresulta ng paggawang tiwali ni Satanas sa mga tao? Ito ay upang maging kontra sa Diyos ang mga tao. Kapag ang mga tao ay naging ang mismong kabaligtaran ng Diyos, at ang Kanyang kalaban, naniniwala si Satanas na ang pakana at mga pansariling kalkulasyon nito ay magtatagumpay, at na ito ay sasambahin at susundin ng mga tao sa mundo. Kaya naman, kapag ang iba’t ibang kaisipan, pahayag, maling pananampalataya at maling paniniwala ni Satanas ay malalim na nakabaon sa puso ng mga tao, hindi na sila maniniwalang umiiral ang Diyos, o tatanggap sa Kanyang mga pamamatnugot at pagsasaayos, o sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan. Ganap na itatatwa at ipagkakanulo ng mga tao ang Diyos. Iniisip ni Satanas na sapat nang gawing tiwali ang mga tao hanggang sa puntong kaya na nilang itatwa ang Diyos. Bakit? Dahil sa puntong iyon, ang mga taong nais na iligtas ng Diyos ay lubusan at ganap nang mabibihag at mapaghaharian ni Satanas, at lubusan at ganap nang magiging kabaligtaran ng Diyos. Ito ang layunin ni Satanas. Totoo ba na hindi pa ninyo ito naisip kailanman noon? (Oo.) Hindi ninyo nauunawaan. Iniisip ng mga tao, “Ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao para mahuli tayo, mabitag tayo, mapinsala tayo, mahayaan tayong mamatay, maipadala tayo sa impiyerno at mailayo tayo sa pagliligtas ng Diyos at sa tamang landas sa buhay. Pinapahirapan tayo ni Satanas.” Isang parte ito, pero isa lang itong nilalayong epekto na idinudulot ng lahat ng ginagawa ni Satanas, at sa katunayan ay hindi ito ang pangunahing layon. Nauunawaan na ba ninyo ngayon kung ano ang pangunahing layon? Sabihin ninyo sa Akin, bakit nililihis, kinokontrol, at ikinukulong ni Satanas ang isipan ng mga tao? (Ang lahat ng ginagawa ni Satanas ay nakapuntirya sa Diyos, at ang pangunahing layon ay ang itulak ang lahat ng tao na kalabanin ang Diyos.) Ano pa? (Dahil gusto ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan, gusto silang gawing tiwali ni Satanas, at itulak sila na kalabanin ang Diyos, para hindi sila makatanggap sa pagliligtas ng Diyos. Gusto ni Satanas na wasakin ang plano ng pamamahala ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan.) Ikinikintal ni Satanas sa mga tao ang lahat ng uri ng maling pananampalataya at maling paniniwala, at kapag malalim nang nag-ugat sa puso ng mga tao ang mga maling kaisipan at pananaw na ito, ang mga maling pananampalataya at maling paniniwalang ito, kinokontrol at ikinukulong ng mga ito ang isipan nila. Nagdudulot ito ng isang partikular na sitwasyon. Anong uri ng sitwasyon? Isang sitwasyon kung saan ganap nang nabuo ang kabaligtaran ng Diyos, ang sangkatauhan ay lubusan nang naging isang puwersang laban sa Diyos, at masaya si Satanas. Ito ang layon na sinusubukang makamit ni Satanas. Ano ang layunin ni Satanas sa paggawa ng lahat ng ito? Ibuod ninyo ito sa isang pangungusap. (Ikinikintal ni Satanas sa mga tao ang lahat ng uri ng mga maling pananampalataya at maling paniniwala, at kapag malalim nang nag-ugat sa puso ng mga tao ang mga maling kaisipan at pananaw na ito, ang mga maling pananampalataya at maling paniniwalang ito, lumilitaw ang isang sitwasyon kung saan ganap nang nabuo ang kabaligtaran ng Diyos, at ang mga tao ay naging mga tao na lumalaban sa Diyos. Naging mga kaaway na sila ng Diyos, at nakamit na ni Satanas ang layon nito.) Ito ang kasagutan—hindi ba’t simple lang ito? (Oo.) Ito ang layon at resulta na nais makamit ni Satanas sa paggawang tiwali sa sangkatauhan.

Sa tingin ba ninyo ay alam ng Diyos ang mga bagay na ito na ginagawa ni Satanas upang gawing tiwali ang sangkatauhan? (Oo.) Kung gayon, bakit hinahayaan ng Diyos si Satanas na gawin ito? Gamitin ninyo ang nauunawaan ninyo tungkol sa katotohanan para ipaliwanag ito. Hindi ba’t mayroong kasabihan tungkol dito? “Ginagamit ang karunungan ng Diyos batay sa panlalansi ni Satanas.” Isa itong halimbawa ng pagkakatotoo ng kasabihan, hindi ba? (Oo.) Saka, ang parirala bang “Si Satanas ang mapaghahambinganan at nagsisilbing gamit-pangserbisyo sa gawain ng Diyos” ay mailalapat dito? (Oo.) Ang dalawang kasabihan ay kapwa may kaugnayan at magagamit ang mga ito para ipaliwanag ang katanungang nasa itaas. Hindi ba? (Oo.) Ganoon iyon. Kung may magtatanong nito, paano ninyo ito ipaliliwanag sa kanya? Kung malabo lang ninyong sasabihin na, “Ginagamit ang karunungan ng Diyos batay sa panlalansi ni Satanas,” malilito siya at hindi iyon mauunawaan. Alam ba ninyo kung paano ito ipapaliwanag nang mas detalyado? Madali itong ipaliwanag, hindi ba? Hinahayaan ng Diyos si Satanas na gawin ang mga bagay na ito na gumagawang tiwali sa sangkatauhan, hindi dahil hindi kaya ng Diyos na pigilan o asikasuhin ang mga ito, kundi sapagkat may dahilan. Ang dahilan ay na “Ginagamit ang karunungan ng Diyos batay sa panlalansi ni Satanas,” gaya ng sinabi Ko kanina. Hindi ito isang kasabihan o isang teorya, kundi isang hindi mapag-aalinlanganang katotohanan, na makukumpirma ng katunayan na kayang iligtas ng Diyos ang tao matapos itong gawing tiwali ni Satanas. Ano ang pakay ni Satanas sa paggawang tiwali sa mga disposisyon ng tao at pagkintal sa mga tao ng lahat ng uri ng maling pananampalataya at maling paniniwala upang kontrolin at ikulong ang kanilang isipan? Ang pinakalayon ba ay ang supilin ang gawain ng Diyos at magsanhing mawala na parang bula ang Kanyang plano ng pamamahala? Ito ba ay panlalansi ni Satanas? (Oo.) Ito ang panlalansi ni Satanas. Ano ang iniisip ng Diyos kapag ginagawa ni Satanas ang ganoong mga panlalansi? Ano ang ginagawa ng Diyos? Ano ang nasa isipan Niya? Paano naipamamalas ang Kanyang karunungan sa lahat ng ito? Ginagamit ng Diyos ang panlalansi ni Satanas. Mayroong panlalansi si Satanas. Sinasabi nito, “Inuudyukan ko at ginagawang tiwali ang mga tao hanggang sa maging kagaya ko na sila. Sila ay nagiging maliliit na Satanas na may mga kaparehong kaisipan at pananaw ko, na tinitingnan ang mga tao at bagay, umaasal, at kumikilos ayon sa aking satanikong pananaw, at na laban sa Diyos. Gusto kong kunin ang lahat ng taong nilikha ng Diyos at gawin silang pag-aari ko, ni Satanas, nang sa gayon ay masayang at maging walang saysay ang gawain ng Diyos sa mga tao. Tiyak na dahil dito ay mawawala na parang bula ang plano ng pamamahala ng Diyos.” Ito ba ay panlalansi ni Satanas? (Oo.) Kung gayon, ano ang iniisip ng Diyos? At ano ang ginagawa Niya? Sinasabi ng Diyos, “Satanas, nagpapakalat ka ng mga maling pananampalataya at maling paniniwala para guluhin at ilihis ang mga tao, at gumagawa ka ng maraming bagay para guluhin at wasakin ang gawain ng Diyos. Magkikintal lang ito ng ilang maling pananampalataya at maling paniniwala sa mga tao, upang mamuhay sila ayon sa mga ito at kumontra sa Diyos. Pagkatapos ay ibabatay Ko ang Aking mga salita at gawain sa pagkatiwali sa sangkatauhan, ilalantad Ko ang mga maling pananampalataya at maling paniniwala na ginagamit mo upang gawing tiwali ang sangkatauhan, hahatulan Ko ang iba’t ibang tiwaling disposisyon ng mga tao at tutulutan Ko ang mga tao na matukoy ang iba’t ibang kaisipan at pahayag na naikintal mo sa kanila. Sa ganitong paraan, hindi lamang mauunawaan ng mga tao ang katotohanan at ang Diyos, kundi matutukoy rin nila ang iba’t ibang pahayag, kaisipan at pananaw ni Satanas at makikilatis din ang disposisyon, diwa, at iba’t ibang masasamang gawa ni Satanas. Gamit ang pagkaunawa sa katotohanan bilang kanilang pundasyon, magagawa ng mga tao na tukuyin at itakwil si Satanas nang mas tumpak at mas mariin. Sa negatibong banda, hindi na malilihis ni Satanas ang mga tao, at hindi na sila mabibihag at malalamon nito sa ikalawang pagkakataon. Sa positibong banda, mas magagawa na nilang paniwalaan at kumpirmahin ang pag-iral ng Diyos at ang Kanyang pagkakakilanlan, at ang katunayan na Siya ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng nilalang at bagay. Matapos makamit ang dalawang bagay na ito, magkakaroon sila ng may-takot-sa-Diyos na puso, at tunay silang magpapasakop sa Diyos. Makukuha ng Diyos ang kanilang puso, o sa mas tumpak na pananalita, makakamit sila ng Diyos. Kapag naabot na ng mga tao ang puntong ito, hindi na sila malilihis at magagamit ni Satanas. Bagkus, magagawa na nilang lubusang mapansin si Satanas, makilatis ito at maitakwil ito mula sa kaibuturan ng kanilang puso. Ipagtatapat nila na sila ay mga nilikha ng Diyos, maluwag sa kalooban nilang tatanggapin ang kataas-taasang kapangyarihan at mga pamamatnugot ng Lumikha, at sa gayon ay ganap na silang makakabalik sa Diyos.” Ito ang partikular na pagsasaayos at plano ng Diyos. Siyempre, masasabi rin na ito ang kaisipan at ideya na mayroon ang Diyos sa kaibuturan ng puso Niya. Ganito mag-isip ang Diyos, ganito gumagana ang Kanyang mga ideya, at ganito Niya ito pinamatnugutan. Habang nililihis at ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao, sistemakong isinasaayos ng Diyos ang lahat ng nilalang at bagay, at hakbang-hakbang Niyang isinusulong ang Kanyang plano at pamamahala sa isang organisadong pamamaraan, nang tuloy-tuloy hanggang ngayon. Ganap nang nagawang tiwali at napamahalaan ni Satanas ang mga tao. Subalit, isang hindi mapag-aalinlanganang katunayan na kapag ang sangkatauhang ito na napuspos at napuno na ng lahat ng uri ng lason ni Satanas ay tinawag ng Diyos at naririnig nila ang Kanyang tinig, maaari pa ring lumapit sa Diyos ang sangkatauhang ito, tumanggap sa Kanyang pagtawag, at maging handang tumanggap sa Kanyang paghatol at pagkastigo. Kahit pa kondenahin at isumpa ng Diyos ang gayong sangkatauhan dahil sa pagiging kauri ni Satanas at Kanyang kaaway, hinding-hindi nila Siya iiwan. Bagamat ang mga kaisipan at pananaw ng mga tao ay puno ng mga bagay na ikinintal sa kanila ni Satanas, na nagsasanhing tingnan nila ang mga tao at bagay, at umaasal at kumikilos sila sa paraan na labis pa ring naiimpluwensiyahan at nakokontrol ng mga kaisipan at pananaw ni Satanas, ang kanilang puso ay lalong bumabaling sa Diyos nang tapat at apurahan. Hindi ba’t isa itong hindi mapag-aalinlanganang katunayan? (Oo.) Higit pa rito, sa nalalapit na panahon, kapag nailantad na ng Diyos ang lahat ng masasamang gawa ni Satanas, si Satanas ay ganap nang magagawang talikuran ng sangkatauhang ito na malalim nang nagawang tiwali ni Satanas, tatanggihan ng sangkatauhan si Satanas at babalik ang kanilang puso sa Diyos. Lahat sila ay magiging handang matatag na sumunod sa Diyos nang ayon sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, mga pamamatnugot at mga pagsasaayos. Ito ang direksiyong tinatahak ng matagumpay na pagtatapos ng dakilang gawain ng Diyos, hindi ba? (Oo.) Lalo na pagkatapos magbahaginan tungkol sa ibig sabihin ng paghahangad sa katotohanan, mas maraming tao ang magkakaroon ng determinasyong tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos nang ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan. Malakas man o mahina ang determinasyon ng mga tao, o nakapasok man sila o hindi sa realidad na ito—anupaman, ang katunayan na ang gayong sangkatauhan na malalim nang nagawang tiwali ni Satanas ay may pagnanais at determinasyong talikuran ito, at tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos nang ayon sa mga salita ng Diyos, gamit ang katotohanan bilang kanilang pamantayan, sa halip na ang iba’t ibang kaisipan at pananaw na ikinintal sa kanila ni Satanas, ay siyang mismong tanda na nagwagi na ang Diyos. Kaya, napahiya na si Satanas, hindi ba? (Oo.) Samakatuwid, ang kasabihan na “Ginagamit ang karunungan ng Diyos batay sa panlalansi ni Satanas,” ay hindi lang mga hungkag na salita, kundi isang praktikal, obhetibo, at hindi mapag-aalinlanganang katotohanan. Ang lahat ng kasamaang ginagawa ni Satanas ay umabot na sa puntong nililihis at kinokontrol na nito ang sangkatauhan. Naniniwala ito na nagulo at nawasak na nito ang gawain ng Diyos at na imposible para sa Diyos na ipagpatuloy ang Kanyang plano ng pamamahala. Kaya, iniisip ni Satanas na nagwagi na ito. Subalit, hindi mapapabagal ni Satanas ang takbo ng plano ng pamamahala ng Diyos para iligtas ang sangkatauhan kahit gaano pa kapabaya si Satanas, at hindi rin nito mahahadlangan ang dakilang tagumpay ng plano ng pamamahala ng Diyos at ang pagwagi Niya kay Satanas. Sa kasalukuyan, ang gawain ng Diyos ay lumaganap na sa buong sansinukob, at ang salita ng Diyos ay lumaganap na sa milyon-milyong tahanan. Ito ang patunay ng dakilang tagumpay ng Diyos.

Kung may muling magtatanong sa inyo, “Bakit nililihis, kinokontrol, at ikinukulong ni Satanas ang isipan ng mga tao? Bakit hinahayaan ng Diyos na gawin ito ni Satanas?” Masasagot ba ninyo ang mga katanungang ito? Kahit pa hindi ninyo ito lubusang maipaliwanag, kahit papaano man lang ay maibabahagi ninyo ang ilan sa inyong pagkaunawa. Bakit ginagawa ni Satanas ang lahat ng ito? Ano ang kabuluhan ng pagpayag ng Diyos na gawin ni Satanas ang lahat ng ito? Dapat ninyong pag-isipan ang mga bagay na ito at dapat ay may eksaktong kasagutan sa inyong puso. Anim na libong taon nang gumagawa ang Diyos upang iligtas ang sangkatauhan. Hindi ito nauunawaan ng ilang tao at sinasabi nilang, “Anim na libong taon nang gumagawa ang Diyos? Hindi ba’t sobrang tagal naman niyon?” Gaano man katagal abutin ang gawain ng Diyos, ang Kanyang mga pagkilos ay pawang may malaking kabuluhan. Hindi lamang ang tagal ng Kanyang gawain ang makabuluhan; ang mga pangwakas na resultang natatamo ng Kanyang gawain ay mas lalo pang makabuluhan. Kung hindi dahil sa katunayan na anim na libong taon nang gumagawa ang Diyos upang iligtas ang sangkatauhan, mapipigilan ng pagkamanhid at kapurulan ng isip ang mga tao na makilala ang Diyos o ganap na mailigtas Niya. Magagawa ba ng mga tao na tukuyin ang mga anticristo at na makilala ang kalikasang diwa ng mga ito kung isa o dalawang beses lang nilang naranasan ang panlilihis at panggugulo ng mga anticristo? Magiging sapat na ba ang tatlo o limang beses? Sa tingin Ko, hindi. Kailangang maranasan ito ng mga tao nang maraming beses hanggang sa lubusan na nilang makita ang kalikasang diwa ng mga anticristo. Saka lamang nila tunay na matutukoy at ganap na matatalikuran ang mga anticristo. Sa partikular, kung maikli lang ang panahon na natambad ang mga tao sa mga malubhang paniniil at malupit na pang-aapi ng malaking pulang dragon, hindi nila ito lubusang mararanasan, at agad nila itong malilimutan. Bilang resulta, hindi nila tunay na kamumuhian at itatakwil ang malaking pulang dragon. Ang malupit na pang-aapi ni Satanas ay kailangang tumatak na parang marka sa puso ng mga tao, para kamuhian nila ito mula sa kaibuturan ng kanilang puso at malinaw na makita ang tunay nitong mukha. Kung sandali lamang na inapi ang isang tao nang isa o dalawang beses, magiging mahirap para sa kanya na kamuhian si Satanas at maghimagsik laban dito. Kapag nabigyan ng pagkakataon, mabuti pa rin ang sasabihin niya tungkol kay Satanas at pupurihin niya ito. Kailangang maibigay kay Satanas ang isang tao nang maraming beses para magdusa siya sa pagpapahirap at pagmamalupit nito bago niya malinaw na makikita ang kasamaan, kapangitan, kalupitan, at kawalan ng kahihiyan nito, at ganap itong matalikuran. Kailangang-kailangan na maranasan ang mga bagay na ito sa loob ng mahabang panahon. Bilang halimbawa, sa paggawa ng bakal, hindi mabubuo ang isang magandang bakal kung sandali lang itong nasa apoy; kailangang lubusang mapatibay ang bakal para makuha ang pinakamagagandang resulta. Ibig sabihin, ang bawat yugto ng gawain ng Diyos ay nangangailangan ng mahabang panahon; ang bawat yugto ay humihingi ng mahabang panahon. Kailangan itong gawin sa ganitong paraan; kung hindi, hindi matatamo ang isang magandang resulta. Magkakaroon ng iba’t ibang antas ng mga pagbabago sa kaibuturan ng puso ng tao at sa tiwaling disposisyon ng sangkatauhan dahil sa impluwensiya ng mas malalaking sitwasyon ng bawat panahon, at ang bawat isa sa mga pagbabagong ito ay magkakaroon ng kaugnayan sa gawaing nais gawin ng Diyos sa mga tao sa bawat yugto. Ang dahilan kung bakit muling nagkatawang-tao ang Diyos sa mga huling araw para gumawa nang ganoon kalaki at magsalita ng napakarami ay na dahil sa huling yugtong ito, ang tiwaling disposisyon, mga kaisipan at pananaw, at ang mas malawak na kapaligiran at sitwasyon ng lipunan, ay lahat tumutugma sa sitwasyon ng gawain na nais gawin ng Diyos sa mga huling araw. Ang mga kalakaran, kaugalian, pag-uulit-ulit, o mga sitwasyon sa lipunan, ang politikal na sitwasyon, o maging ang kapangyarihang politikal ng mga satanikong bayan ay pawang mga salik ng mas malaking kapaligiran. Sa panahon kung kailan umiiral ang mga salik na ito, ang lagay ng loob at tiwaling disposisyon ng mga tao, na ibig sabihin, ang panloob na kalagayan ng buong sangkatauhan ay ang mismong kinakailangan ng Diyos para sa Kanyang gawain. Ito ang pinakaangkop na panahon para ipatupad ng Diyos ang Kanyang paghatol at pagkastigo upang maipakita ang Kanyang pagiging maharlika, pagiging matuwid, awa, at mapagmahal na kabaitan. Kapag nasa tamang pagkakataon na at ganap nang handa ang lahat ng salik na ito, sisimulan na ng Diyos ang Kanyang gawain. Ito ang gawain na nais isakatuparan ng Diyos sa ilalim ng impluwensiya ng mas malawak na kapaligiran. Sapat nang maunawaan ninyo ito. Ang ilang taong may mahusay na kakayahan ay makauunawa, samantalang ang iba na walang karanasan ay baka hindi makaunawa. Sa partikular, ang mga hindi makaunawa sa politikal na sitwasyon at diwa ng mga kalakaran sa lipunan, at ang mga kulang pa sa gulang ang pag-iisip ay nasisiyahan lang sa maliliit na karanasang espirituwal at mga hindi gaanong makabuluhang patotoo, at baka hindi nila gaanong nauunawaan ang mas malawak na sitwasyon ng politika at lipunan na kaugnay sa gawain ng Diyos. Hindi mahalaga kung gaano ninyo nauunawaan ang mga bagay na ito; magiging malinaw ang mga ito habang unti-unti ninyong mas nararanasan ang mga ito dahil kasama ng mga ito ang plano ng pamamahala ng Diyos at ang gawain ng Diyos, na isang dakilang pangitain. Hindi na tayo magbabahaginan nang dagdag pa tungkol sa paksang ito dahil hindi pa kayo handa sa mas malalim na talakayan.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.