Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 14 (Ikalawang Bahagi)

Kung ang mga nakikita mong nangyayari sa paligid mo ay mabuti man o masama sa paningin ng tao, kung ang mga ito man ay ang mga gusto mo o hindi, kung nagdudulot man ang mga ito sa iyo ng kasiyahan at kaligayahan o ng pighati o pasakit, dapat mong ituring ang mga ito bilang mga tao, pangyayari, at bagay na nagtataglay ng mga aral na dapat matutunan at mga katotohanang dapat hanapin, at dapat mong ituring ang mga ito bilang mga bagay na nagmumula sa Diyos. Hindi lang nagkataon na nangyayari ang mga ito, ang mga ito ay hindi dahil sa mga tao, ang mga ito ay hindi idinulot ng sinumang tao, at ang mga ito ay hindi isang bagay na makokontrol ng sinumang tao. Sa halip, ang Diyos ang namumuno sa lahat ng bagay na ito; ang Diyos ang nangangasiwa at nagsasaayos ng lahat ng ito. Ang paglitaw ng anumang pangyayari ay hindi nakadepende sa kalooban ng tao, hindi naman kayang kontrolin ng sinumang tao ang isang pangyayari dahil lang gusto niya. Ang Diyos ang namumuno at nangangasiwa sa buong proseso ng paglitaw, pag-usad, at pagbabago ng lahat ng tao, pangyayari, at bagay hanggang sa maabot ng mga ito ang pangwakas na kalalabasan ng mga ito. Kung hindi mo ito pinaniniwalaan, subukan mong danasin at obserbahan ang mga bagay-bagay nang ayon sa mga salita at prinsipyo na Aking sinabi. Tingnan mo kung totoo ang sinasabi Ko. Tingnan mo kung ang pahayag na, “Ang tagumpay at kabiguan ng mga bagay-bagay ay nakadepende sa mga tao,” na pinaniniwalaan ninyong tama, o ang pahayag na “Ang Diyos ang namumuno at nangangasiwa sa paglitaw at pag-usad ng lahat ng tao, pangyayari, at bagay, hanggang sa maabot ng mga ito ang pangwakas na kalalabasan ng mga ito,” ang tama. Tingnan mo kung alin sa dalawang pahayag na ito ang tama, kung alin ang umaayon sa mga katunayan, kung alin ang nagbibigay-kakayahan sa mga tao na magkamit ng kaalaman at ang kapaki-pakinabang sa kanila, at kung alin ang nagbibigay-kakayahan sa mga tao na makilala ang Diyos at magkaroon ng tunay na pananampalataya sa Kanya. Kapag dinadanas mo ang lahat ng nangyayari sa paligid mo nang may pananaw at saloobin na ang Diyos ang namumuno at nangangasiwa sa lahat ng bagay, ang iyong pananaw at perspektiba sa mga bagay-bagay ay magiging ganap na naiiba. Kung hindi mo bibitawan ang pagtingin sa lahat ng bagay at usapin mula sa perspektiba ng kasabihang, “Ang tagumpay at kabiguan ng mga bagay-bagay ay nakadepende sa mga tao,” sa banayad na pananalita, kapag may nangyayari sa iyo, natural at kusa kang magagapos sa ideya ng tama at mali, susubukan mong panagutin ang mga tao, at susuriin mo ang mga dahilan ng iba’t ibang insidente, ang mga bagay na nagsanhi ng hindi magagandang kinalabasan sa iba’t ibang usapin, at iba pa, sa halip na hanapin mo ang mga katotohanang prinsipyo at ang kalooban ng Diyos batay sa Kanyang mga salita. Habang lalo mong pinaniniwalaan ang kasabihang, “Ang tagumpay at kabiguan ng mga bagay-bagay ay nakadepende sa mga tao,” lalo kang pangingibabawan ng mga pananaw ng mga walang pananampalataya. Pagkatapos, ang mga pangwakas na kalalabasan ng lahat ng iyong nararanasan ay mas lalong sasalungatin ang katotohanan, at ang pananampalataya mo sa Diyos ay magiging isa na lang doktrina o slogan. Sa puntong iyon, naging isa ka nang ganap na walang pananampalataya. Sa madaling salita, habang lalo mong pinaniniwalaan ang pahayag na, “Ang tagumpay at kabiguan ng mga bagay-bagay ay nakadepende sa mga tao,” lalong mapatutunayan na isa kang walang pananampalataya. Kung wala sa puso mo ang Diyos o ang mga salita ng Diyos, kung ganap na hindi mo kinikilala o tinatanggap ang alinman sa mga salita, katotohanan, o positibong bagay ng Diyos, kung walang anumang puwang ang mga ito sa iyong puso, ganap nang nasakop ni Satanas ang kaibuturan ng iyong kaluluwa, napuno na ito ng mga kaisipan at ideya ng ebolusyon at materyalismo, na pawang kasinungalingan ng diyablong si Satanas. Naniniwala ka sa lahat ng katunayang nakikita ng iyong mga mata, pero hindi ka naniniwala na ang Siyang namumuno sa lahat ng nasa sansinukob, ang Siyang hindi kayang makita ng sinumang tao, ay tunay na umiiral. Kung tinitingnan mo ang lahat ng bagay mula sa perspektiba na “Ang tagumpay at kabiguan ng mga bagay-bagay ay nakadepende sa mga tao,” wala kang ipinagkaiba kay Satanas at sa mga materyalista. Pero kung tinitingnan mo ang lahat ng bagay mula sa perspektiba na “Ang lahat ng bagay sa mundo ay pinamumunuan at isinasaayos ng Diyos,” bagamat hindi mo malinaw na makikita ang ilang bagay, magagawa mong maghanap ng mga kasagutan tungkol sa mga partikular na pangyayaring nakikita mong nagaganap sa paligid mo, hanapin ang ugat ng isyu, at hanapin ang diwa at katotohanan ng problema mula sa mga salita ng Diyos. Hindi mo susuriin kung sino ang tama at sino ang mali, hindi mo basta-basta lang na pananagutin ang isang tao; sa halip, magagawa mong ikumpara sa mga salita ng Diyos ang usapin, hanapin ang ugat ng problema, tukuyin ang susing usapin sa isyu, at sisiyasatin mo kung saan nabigo ang mga tao, kung ano ang wala sa kanila, kung anong tiwaling disposisyon ang inihayag nila, kung paano sila naging mapagrebelde, at kung aling mga aspeto nila ang hindi kaayon ng Diyos sa panahon ng buong usaping iyon. Magagawa mong hanapin kung ano ang mga layunin at mithiin ng Diyos sa paggawa ng mga bagay na iyon, kung ano ang nais Niyang makamit sa mga tao, kung anong uri ng mga resulta ang nais Niyang matamo, kung anong mga pakinabang ang nais Niyang makamit ng mga tao, at ang mga prinsipyong dapat sundin ng mga tao. Kapag kinikilatis at tinitingnan mo ang isang partikular na pangyayari mula sa mga perspektibang ito, magbabago ang kalagayan ng iyong kalooban. Gagabayan at papatnubayan ng mga salita ng Diyos ang iyong pananaw sa mga bagay-bagay nang hindi mo namamalayan. Makakamit mo ang kaliwanagan at patnubay mula sa mga salita ng Diyos nang hindi mo namamalayan, pati na rin ang mga katotohanang prinsipyo na dapat mong sundin at isagawa kapag nangyayari ang gayong mga bagay sa iyo. Kapag tunay kang pumapasok sa mga katotohanang prinsipyo, magkakaroon ka ng tunay na pananampalataya at pagsandig sa Diyos, mananalangin at magsusumamo ka nang tapat, magkakaroon ka ng tunay na pagsunod, at makapagsasagawa ka nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo—ano ang magiging pangwakas na resulta nito? Sa buong panahon ng pangyayari, malinaw mong makikita ang katotohanan ng usapin, matututo ka ng mga aral, mauunawaan mo nang tama ang lahat ng nangyayari sa iyo, at makikita mo na nagmumula ito sa mga pagsasaayos ng Diyos, at na taglay nito ang mabuting kalooban ng Diyos. At sa ganitong paraan, gaya nga ng laging sinasabi ng mga tao, “gumawa ka ng mabuting bagay mula sa masamang bagay,” kusa mong matatrato ang bawat pangyayari na kinokondena, kinasusuklaman, at kinapopootan ng mga tao bilang isang positibong bagay, at magagawa mong kilalanin na pinamumunuan at isinasaayos ito ng Diyos, at na dapat itong tanggapin mula sa Diyos. Makikita mo ito bilang isang bagay na nagtataglay ng napakaingat na pagsisikap ng Diyos, ng Kanyang kalooban, at ng Kanyang mga inaasahan. Sa proseso ng pagdanas nito, mauunawaan mo, nang hindi mo namamalayan, kung ano ang mga layunin ng Diyos sa pangangasiwa ng buong usapin na iyon. Mauunawaan at maiintindihan mo ang Kanyang kalooban nang hindi mo namamalayan, at sa sandaling mangyari na iyon, hindi sinasadya na mauunawaan mo ang mga katotohanang nasa loob nito, at magagawa mong makilatis ang lahat ng tao at bagay na may kinalaman sa buong pangyayaring ito. Kung sa buong panahon ng pangyayari ay titingnan mo ang problema mula sa perspektiba na “Ang lahat ng bagay sa mundo ay pinamumunuan at isinasaayos ng Diyos,” malaki ang matatamo mo rito. Makakamit mo ang katotohanan, ang tunay na pananalig sa Diyos, at ang pagkaunawa sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay. Mauunawaan mo ang kalooban ng Diyos at ang Kanyang mabubuting layunin sa usaping ito. Siyempre, magkakamit ka rin ng pagkaunawa at karanasan sa pariralang, “Ang Diyos ay nasa lahat ng dako,” na dati ay umiiral lamang sa iyong kamalayan. Kung sa buong panahon ng pangyayari ay tinitingnan mo ang problema mula sa perspektiba na “Ang tagumpay at kabiguan ng mga bagay-bagay ay nakadepende sa mga tao,” magrereklamo ka, babalewalain mo ang Diyos, at madarama mong napakalayo at napakalabo ng Diyos. Ang salitang “Diyos,” ang pagkakakilanlan ng Diyos, ang diwa ng Diyos, ang lahat ng tungkol sa Diyos ay magiging tila napakalayo at hungkag. Maniniwala ka na ang pangyayari, pag-usad, at kalalabasan ng buong pangyayari ay nakadependeng lahat sa mga pagmamanipula ng tao, at na may impluwensya ng tao ang buong usapin. Kaya, patuloy mong pagninilayan ang mga usaping ito, iniisip na, “Sino ang nagkamali sa yugtong ito? Sino ang walang-ingat na nagsanhi ng kawalan sa yugtong iyon? Sino ang gumambala, gumulo, at sumira sa yugtong ito? Sisiguruhin kong mapapanagot sila.” Matututok ka sa mga indibidwal at bagay, palaging pinag-iisipan ang konsepto ng tama at mali, samantalang ganap na binabalewala ang mga salita ng Diyos, ang katotohanan, ang mga responsabilidad, tungkulin, at obligasyon na dapat tuparin ng mga nilikha, at ang mga pananaw at posisyon na dapat mong itaguyod. Hindi na magkakaroon ng anumang puwang sa puso mo ang Diyos. Sa kabuuan ng proseso ng pangyayari, walang magiging relasyon sa pagitan mo at ng Diyos, ni sa pagitan mo at ng mga salita ng Diyos. Ang ibig sabihin, kapag naharap ka sa isang sitwasyon, matututok ka lamang sa mga tao at bagay. Hindi ka makakaisip ng ni isang salitang umaayon sa katotohanan, o ng ni isang pahayag ng katotohanang mula sa Diyos na mapaghahambingan ng usapin, hindi mo ito magagamit bilang basehan sa pagsusuri ng sitwasyon, hindi ka matututo ng mga aral mula sa sitwasyon o magtatamo ng pagkakilala, hindi mo mapalalakas ang iyong pananampalataya, o makikilala ang Diyos. Wala kang magagawa sa alinman sa mga ito. Sa buong panahon ng pangyayari, kakapit ka sa popular na kasabihang, “Ang tagumpay at kabiguan ng mga bagay-bagay ay nakadepende sa mga tao,” na sa mas tumpak na pananalita ay isang argumento at isang pananaw ng mga walang pananampalataya. Sa kabaligtaran, sabihin nang mula sa simula ng pangyayari ay kaya mo itong tanggapin mula sa perspektiba ng isang nilikha, nang hindi sinusuri kung tama ba o mali ang isang indibidwal, nang hindi labis na sinusuri ang sinumang tao o anumang bagay, at nang hindi nagtutuon sa mga tao o bagay. Sabihin nang sa halip ay aktibo kang naghahanap ng mga kasagutan mula sa mga salita ng Diyos, maagap kang lumalapit sa harapan ng Diyos upang manalangin at umasa sa Kanya, at hanapin ang kaliwanagan at patnubay ng Diyos, hinahayaan ang Diyos na gumawa at mangasiwa. Ipagpalagay nang ang saloobin mo ay paggalang at pagsunod sa Diyos, ay pagkauhaw sa katotohanan, at aktibong pakikipagtulungan sa Diyos—hindi iyan ang pananaw at saloobin ng isang walang pananampalataya kundi pananaw at paninindigan na dapat taglayin ng isang tunay na tagasunod ng Diyos. Sa ganyang pananaw at paninindigan, hindi mo mamamalayan na makakamit mo ang hindi mo pa naranasan kailanman, na ang mga realidad ng katotohanan na hindi mo tinaglay noon. Ang totoo, ang mga realidad na ito ng katotohanan ay ang mga epekto na nais matamo at makamit ng Diyos sa iyo sa pamamagitan ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan sa kabuuan ng pangyayari. Kung maisasakatuparan ng Diyos ang nilalayon Niyang matamo, hindi Siya nabigo dahil nakamit Niya kung gayon ang ninanais Niyang mga epekto sa iyo. Ano ang mga epektong ito? Nais ng Diyos na makita mo kung ano talaga ang nangyayari, na walang nangyayari nang nagkataon lang, at na hindi rin mga tao ang nagsasanhi nito, kundi na ang Diyos ang may kontrol. Nais ng Diyos na maranasan mo ang Kanyang tunay na pag-iral at maunawaan mo ang katunayan ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at ang Kanyang pangangasiwa sa mga kapalaran ng lahat ng bagay, at na ito ay isang katunayan, at hindi isang hungkag na pahayag.

Kung sa pamamagitan ng iyong mga karanasan ay tunay mong mapagtatanto na ang Diyos ang namumuno sa lahat ng bagay at na pinangangasiwaan Niya ang kapalaran ng lahat ng bagay, magagawa mong sabihin ang isang pahayag gaya ni Job: “Narinig Kita sa pakikinig ng pakinig; ngunit ngayo’y nakikita Ka ng aking mata. Kaya’t ako’y nayayamot sa sarili, at nagsisisi ako sa alabok at mga abo” (Job 42:5–6). Mabuting pahayag ba ito? (Oo.) Napakasarap marinig ang pahayag na ito, at ito ay nakaaantig. Nais ba ninyong maranasan ang pagiging totoo ng pahayag na ito? Nais ba ninyong maunawaan kung ano ang nadama ni Job nang sinabi niya ang mga salitang ito? (Oo.) Isa lang ba itong normal na pagnanais, o matinding pagnanais? (Matinding pagnanais.) Sa madaling salita, taglay nga ninyo ang ganitong uri ng determinasyon at pagnanais. Kaya paano matutupad ang pagnanais na ito? Kagaya ito ng sinabi Ko noon. Kailangan ay tumindig ka mula sa perspektiba ng isang nilikha, at kailangan mong harapin ang lahat ng tao, pangyayari, at bagay na nangyayari sa iyo mula sa perspektiba ng pagkilala na ang Diyos ang Siyang namumuno sa lahat ng bagay at na kontrolado at pinangangasiwaan Niya ang lahat ng bagay. Kailangan mong matuto ng mga aral mula rito, maunawaan ang kalooban ng Diyos sa lahat ng Kanyang ginagawa, at kilalanin kung ano ang nais na matamo at maisakatuparan ng Diyos sa iyo. Sa paggawa nito, hindi magtatagal ay darating ang araw na madarama mo ang nadama ni Job nang bigkasin niya ang mga salitang iyon. Kapag naririnig Kong sinasabi ninyo na nais talaga ninyong maranasan ang nadama ni Job nang sabihin niya ang mga salitang iyon, alam Kong mahigit sa 99 na porsyento ng mga tao ay hindi pa kailanman naranasan ang gayong mga damdamin. Bakit ganoon? Ito ay dahil hindi pa kayo kailanman tumindig mula sa perspektiba ng isang nilikha at hindi pa ninyo naranasan, gaya ni Job, ang katunayan na ang Lumikha ang namumuno sa lahat ng bagay at ang nangangasiwa sa lahat. Ang lahat ng ito ay dahil sa kamangmangan, kahangalan, at pagiging rebelde ng tao, pati na rin sa panlilinlang at katiwaliang idinulot ni Satanas, na umakay sa mga tao na hindi sinasadyang sukatin at harapin ang lahat ng nangyayari sa kanila mula sa pananaw ng isang walang pananampalataya, at tukuyin at harapin pa nga ang lahat ng nangyayari sa paligid nila gamit ang ilang pamamaraan at teoretikal na basehan na karaniwang ginagamit ng mga hindi mananampalataya. Ang nagiging kongklusyon nila sa huli ay walang kinalaman sa katotohanan, ang ilan ay salungat pa nga sa katotohanan. Nahahadlangan nito ang mga tao na maranasan sa paglipas ng mahabang panahon ang katunayan na ang Lumikha ang namumuno at kumokontrol sa lahat ng bagay, at ang naramdaman ni Job nang sabihin niya ang mga salitang iyon. Kung dumanas ka na ng mga pagsubok na gaya ng kay Job, maliit man o malaki, at nadama mo na ang Diyos ang may gawa noon, at nadama mo na ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa pamamagitan ng mga iyon, kung nakita mo na rin ang mga partikular na layunin ng Diyos sa pamumuno at pangangasiwa sa mga bagay na ito, pati na ang daang dapat sundan ng mga tao, sa huli, magagawa mong maranasan ang mga positibong epekto na nais matamo ng Diyos sa iyo sa buong panahon ng mga pangyayari, ang mabubuting layunin at mga inaasahan ng Diyos sa iyo, at ang iba pang mga bagay. Mararanasan mo ang lahat ng ito. Kapag naranasan mo ang lahat ng ito, hindi mo na paniniwalaan lang na kaya ng Diyos na sabihin ang katotohanan at tustusan ka ng buhay, kongkreto mong mapagtatanto na umiiral nga talaga ang Diyos, at mapagtatanto mo rin ang katunayan na ang Lumikha ang Siyang lumikha at namumuno sa lahat ng bagay. Habang nararanasan mo ang lahat ng ito, lalaki ang pananampalataya mo sa Diyos at ang pananampalataya mo sa Lumikha. Kasabay nito, dahil dito ay mapagtatanto mo ang katunayang nakipag-ugnayan ka na sa Lumikha sa isang tunay na paraan, at kongkreto at ganap nitong makukumpirma ang iyong pananalig sa Diyos, ang iyong tiwala sa Diyos, kung paano ka sumusunod sa Diyos, pati na rin ang katunayan na ang Diyos ang namumuno sa lahat ng bagay at na Siya ay nasa lahat ng dako. Kapag nakumpirma at napagtanto na ninyo ito, sa tingin ba ninyo ay mapupuno ang puso ninyo ng kasiyahan at kaligayahan o ng pasakit at pagdadalamhati? (Ng kasiyahan at kaligayahan.) Tiyak na ito ay kasiyahan at kaligayahan! Gaano katindi mang pasakit at pagdadalamhati ang naranasan mo noon, maglalaho ito na parang bula, at mapupuno ng kasiyahan ang puso mo, magdiriwang ka at maglululundag sa tuwa. Kapag nakita mo na ang katunayan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay ay tunay mo nang nakumpirma at naranasan, katumbas ito ng tunay mong pakikipagkita, pakikipagtagpo, at pakikipag-ugnayan sa Diyos nang harapan. Sa panahong iyon, madarama mo ang nadama ni Job. Ano ang sinabi ni Job noong panahong iyon? (“Narinig Kita sa pakikinig ng pakinig; ngunit ngayo’y nakikita Ka ng aking mata. Kaya’t ako’y nayayamot sa sarili, at nagsisisi ako sa alabok at mga abo.”) Sa panlabas ay ginamit ni Job ang pag-uugali at mga pagkilos ng pagkamuhi sa kanyang sarili at pagsisisi para ipahayag ang kanyang pagkapoot sa nakaraan, pero ang totoo, sa kaibuturan ng kanyang puso, siya ay nagagalak at masaya. Bakit? Dahil sa hindi inaasahan ay nakita niya ang mukha ng Lumikha, nakaharap niya ang Diyos, at nakatagpo niya ang Diyos sa isang kaganapan, sa isang hindi katangi-tangi at hindi sinasadyang kaganapan. Sabihin ninyo sa Akin, sinong nilikha, sinong tagasunod ng Diyos ang hindi nag-aasam na makita ang Diyos? Kapag nangyari ang gayong sitwasyon, kapag nangyari ang gayong bagay, sino ang hindi matutuwa, sino ang hindi mananabik? Mananabik ang sinuman; mananabik siya at magagalak. Ito ay magiging isang bagay na hindi niya kailanman malilimutan, habang nabubuhay siya, at isa itong bagay na karapat-dapat maalala. Pag-isipan ninyo ito, hindi ba’t maraming pakinabang dito? Umaasa Ako na sa hinaharap, tunay ninyong mararanasan ang pakiramdam na ito, tataglayin ang ganitong uri ng karanasan, at magkakaroon kayo ng gayong mga pagtatagpo. Kapag tunay na nakita ng isang tao ang mukha ng Diyos at tunay niyang nagawang maranasan ang mga damdaming kapareho ng kay Job nang makatagpo nito ang Diyos na si Jehova, nagiging mahalagang pangyayari ito sa kanyang pananampalataya sa Diyos. Isa itong labis na kamangha-manghang bagay! Pinananabikan ng bawat tao ang gayong resulta at gayong sitwasyon, at inaasam ng lahat ng tao na maranasan ito at magkaroon ng ganoong uri ng pagtatagpo. Yamang mayroon kang gayong mga inaasam, dapat kang magkaroon ng tamang pananaw at paninindigan habang nararanasan mo ang lahat ng nangyayari sa paligid mo, nararanasan at nauunawaan ang lahat sa paraang itinuro at iniatas ng Diyos, natututunang tanggapin ang lahat mula sa Diyos, at na tingnan ang lahat ayon sa mga salita ng Diyos, gamit ang katotohanan bilang iyong pamantayan. Sa ganitong paraan, lalakas nang lalakas ang iyong pananampalataya nang hindi mo namamalayan, at unti-unting makukumpirma at matitiyak sa puso mo ang katunayang ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay at ang namumuno sa lahat ng bagay. Kapag nakumpirma mo na ang lahat ng ito, mag-aalala ka pa ba na hindi tataas ang iyong tayog? (Hindi.) Pero normal na makaramdam ka ngayon ng kaunting pag-aalala, dahil napakababa ng iyong tayog, at maraming bagay ang hindi mo malinaw na makita—magiging imposible para sa iyo na hindi mag-alala, isa itong bagay na hindi mo maiiwasan. Ito ay dahil maraming bagay sa kalooban ng mga tao ang nagmumula sa kaalaman, sa tao, kay Satanas, sa lipunan, at iba pa. Malalim na naiimpluwensyahan ng lahat ng ito ang mga pananaw ng mga tao sa pagtingin sa Diyos at ang dapat nilang maging perspektiba at paninindigan kapag dumaranas ng iba’t ibang bagay. Kaya, hindi madali na magkaroon ng tamang paninindigan at perspektiba kapag may nangyayari sa iyo. Kinakailangan na hindi lamang mga positibong bagay ang maranasan mo kundi pati mga negatibong bagay. Sa pamamagitan ng pagkilala at pag-unawa sa diwa ng mga negatibong bagay na ito, matututo ka ng mas marami pang aral at mauunawaan mo ang mga kilos ng Diyos at ang Kanyang walang hanggang kapangyarihan at karunungan sa pamumuno sa lahat ng bagay.

Ngayon, ganap na ba ninyong nauunawaan na mali ang pahayag na “Ang tagumpay at kabiguan ng mga bagay-bagay ay nakadepende sa mga tao?” (Oo, nauunawaan na namin.) Mayroon bang anumang tamang aspeto sa pahayag na ito? Mayroon bang anumang aspeto na may batayan? (Wala.) Wala talaga? (Wala.) Tamang maunawaan na wala talaga. Isa itong teoretikal na pagkaunawa. Pagkatapos, sa totoong buhay, sa pamamagitan ng obserbasyon at karanasan, makikita mo na ang pahayag na “Ang tagumpay at kabiguan ng mga bagay-bagay ay nakadepende sa mga tao” ay mali, katawa-tawa, at na ito ang pananaw ng isang walang pananampalataya. Kapag natuklasan mo ang katunayang ito, at magagamit mo ang mga katunayan para ipakita ang kamalian sa pahayag na ito, ganap mo itong tatalikdan at tatanggihan, at hindi mo na ito gagamitin. Hindi ka pa umaabot sa puntong ito. Bagamat tinanggap mo ang sinabi Ko, kalaunan, kapag naharap ka sa mga sitwasyon, iisipin mo, “Noong panahong iyon ay naisip ko na walang tama tungkol sa pahayag na ‘Ang tagumpay at kabiguan ng mga bagay-bagay ay nakadepende sa mga tao,’ kaya bakit ngayon ay naiisip ko na medyo tama ito?” Muling nagtatalo ang loob mo at nakararanas ka ng mga kontradiksyon. Kung gayon, ano ang dapat mong gawin? Una, kailangan mong baguhin ang iyong pananaw. Bitawan mo ang lahat ng kaisipan at pananaw na nagmumula sa pagkapit sa pahayag na ito. Bitawan mo ang lahat ng kilos na umuusbong sa pahayag na ito. Huwag kang magtuon sa mga tao o bagay. Humarap ka muna sa Diyos sa panalangin, pagkatapos ay hanapin mo ang basehan at mga prinsipyong napapaloob sa mga salita ng Diyos. Sa proseso ng paghahanap, makakamit mo ang kaliwanagan at mauunawaan mo ang katotohanan nang hindi mo namamalayan. Maaaring maging mahirap para sa iyo na mag-isang hanapin ang mga prinsipyo, kaya tipunin mo ang lahat ng may kinalaman sa usapin at sama-sama ninyong hanapin ang basehan at ang mga katotohanang prinsipyo na napapaloob sa mga salita ng Diyos. Pagkatapos ay manalangin ka habang nagbabasa, makipaghaginan tungkol sa mga nauugnay na salita ng Diyos, at ikumpara mo ang mga ito. Matapos ikumpara sa mga salita ng Diyos, tanggapin mo ang mga tamang pananaw at kusa mong mabibitawan ang mga mali. Magmula niyan, lutasin mo at harapin ang mga isyu nang ayon sa mga prinsipyong ito. Ano ang tingin mo sa pamamaraang ito? (Mabuti.) Sa proseso ng paghahanap sa katotohanan, ang dapat mong bitawan ay ang mga kilos na umuusbong sa pananaw na “Ang tagumpay at kabiguan ng mga bagay-bagay ay nakadepende sa mga tao.” Hanapin mo ang mga nauugnay na salita ng Diyos at lutasin mo at harapin ang mga problema batay sa mga salita ng Diyos. Sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan at paglutas ng mga problema sa ganitong paraan, malulutas ang iyong mga maling pananaw. Kung pangangasiwaan mo ang mga bagay-bagay ayon sa mga salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo, ang iyong direksyon at pamamaraan ng pangangasiwa sa mga bagay-bagay ay magbabago rin nang alinsunod sa mga ito. Bilang resulta, magiging maganda ang direksyon ng pag-usad ng kalalabasan ng usapin. Subalit, ang paggamit ng perspektiba at pananaw na “Ang tagumpay at kabiguan ng mga bagay-bagay ay nakadepende sa mga tao” para lutasin ang mga problema at pangasiwaan ang mga bagay-bagay ay magiging sanhi na umusad ang mga ito sa isang mapaminsalang direksyon. Halimbawa, kapag nililinlang ng mga anticristo ang mga tao sa iglesia, kung hindi hahanapin ng mga tao ang katotohanan at magtutuon lang sila sa mga tao at bagay, tatalakayin ang tama at mali, at pananagutin ang mga tao, ang magiging pangwakas na resulta ay na pangangasiwaan ang ilang indibidwal at ituturing na nalutas na ang usapin. Maaaring sabihin ng ilan, “Sinabi Mo na umuusad ito sa isang mapaminsalang direksyon, pero wala naman akong nakitang anumang mapaminsalang resulta. Naitiwalag na ang mga anticristo, kaya hindi ba’t nalutas na ang problema? Nasaan ang mapaminsalang kinalabasan na ito?” Natuto ba ng aral ang lahat mula sa karanasang ito? Naunawaan ba nila ang katotohanan mula rito? Kaya ba nilang makakilala ng mga anticristo? Nauunawaan ba nila ang kalooban ng Diyos? Napagtanto ba nila ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos? Wala sa mga positibong epektong ito ang nangyari. Sa kabaligtaran, patuloy na namumuhay ang mga tao ayon sa mga satanikong pilosopiya, walang tiwala at nag-iingat sa isa’t isa, at nagpapasahan sila ng responsabilidad. Kapag nahaharap sa isang sitwasyon, agad nilang pinoprotektahan ang sarili nila, nilalayon lang na mapangalagaan ang sarili. Natatakot silang umako ng responsabilidad at mapangasiwaan. Hindi sila natututo ng anumang aral at hindi sila tumatanggap ng anuman mula sa Diyos, at lalo nang hindi nila hinahanap ang kalooban ng Diyos. Lalago ba sa buhay ang mga tao sa ganitong paraan? Sa huli, alam lang ng mga tao ang puwede at hindi nila puwedeng gawin sa harap ng kanilang mga lider, ang dapat sabihin at gawin para mapasaya ang kanilang mga lider at ang dapat sabihin at gawin para kainisan at ayawan sila ng mga lider nila. Bilang resulta, nag-iingat sa isa’t isa ang mga tao, na nauuwi sa pagiging sarado, pagbabalatkayo, at walang nagtatapat. Dahil sila ay nagiging sarado, nag-iingat, at nagbabalatkayo nang ganito, lumapit na ba ang mga tao sa harapan ng Diyos? Hindi pa. Matapos makaranas ng maraming bagay, natututo ang mga tao na umiwas sa mga sitwasyon, at natatakot silang makipag-ugnayan sa iba at makatagpo ng mga isyu. Sa huli, ganap silang nagiging sarado sa iba, hindi nagtatapat kaninuman, at wala ang Diyos sa puso nila. Ang ganitong pananalig sa Diyos ay ganap na batay sa satanikong pilosopiya. Gaano man karaming karanasan ang pagdaanan nila, hindi nila magagawang matuto ng anumang aral, makilala ang kanilang sarili, lalo na ang maiwaksi ang kanilang tiwaling disposisyon. Mauunawaan ba nila ang katotohanan at makikilala ba nila ang Diyos sa ganitong paraan? Makararamdam ba sila ng tunay na pagsisisi? Hindi nila ito magagawa. Sa halip, natututo silang mag-ingat sa iba, protektahan ang kanilang sarili, maingat na pagmasdan ang mga salita at ekspresyon ng iba, at kumilos nang depende sa sitwasyon. Natututo silang manlinlang at mas nababasa na nila ang mga tao, at mas napapangasiwaan na nila ang mga pag-aaway at pagtatalo. Kapag nahaharap sa mga isyu, iniiwasan nilang umako ng responsabilidad at sa halip ay ipinapasa nila ito sa iba. Wala na silang anumang relasyon sa Diyos, sa Kanyang mga salita, o sa katotohanan. Napapalayo lang nang napapalayo sa Diyos ang kanilang puso. Hindi ba’t isa itong mapaminsalang pag-usad? (Oo.) Paano nagsimula ang direksyong ito ng mapaminsalang pag-usad? Kung titingnan ng mga tao ang iba at ang mga bagay-bagay, at aasal sila at kikilos nang ayon sa mga salita ng Diyos, at gagamitin nila ang katotohanan bilang kanilang prinsipyo; kung hahanapin nila ang mga salita ng Diyos bilang pundasyon kapag nahaharap sila sa isang problema, naghahanap ng mga kasagutan mula sa Kanyang mga salita, tinutukoy ang pinag-ugatan ng problema mula sa mga salita ng Diyos at inihahambing ang mga ito, at ginagamit ang Kanyang mga salita upang lutasin ang lahat ng isyu at paghihirap, magbibigay ang mga salita ng Diyos ng isang landas pasulong para hindi mahadlangan, matisod, o makulong ang mga tao sa mga bagay na ito. Sa huli ay mauunawaan nila ang mga prinsipyo ng pagsasagawa na hinihingi ng Diyos sa gayong mga usapin at magkakaroon sila ng landas na tatahakin. Kung ang lahat ng tao ay lalapit sa Diyos kapag naharap sa mga paghamon, tinatanggap ang lahat mula sa Diyos, natututong umasa sa Diyos, at hahanapin ang mga katotohanang prinsipyo bilang batayan habang naghahanap, mag-iingat pa rin ba sa isa’t isa ang mga tao? Maghahangad pa rin ba ng tama at mali ang sinuman nang hindi hinaharap ang pinag-ugatan ng isyu? (Hindi na nila iyon gagawin.) Kahit pa may isang tao na hindi nagsasagawa ng katotohanan at naghahangad pa rin ng gayong mga bagay, siya ay naiiba, tinatanggihan ng lahat. Kung kayang tanggapin ng mga tao ang mga bagay mula sa Diyos kapag nakatatagpo nila ang mga ito, uusad ang sitwasyon sa isang mabuting direksyon. Kalaunan ay mauunawaan at malalaman ng mga tao ang mga salita ng Diyos at makakamit nila ang katotohanan. Ang isinasagawa ng mga tao ay ang katotohanan, at ang natatamo nila ay ang tamang mithiin na makamit ang katotohanan at makapagpatotoo sa Diyos. Lalakas ang kanilang pananampalataya, lalaki ang kanilang pagkaunawa sa Diyos, at magkakaroon sila ng paggalang sa Kanya. Hindi ba’t isa itong mabuting direksyon ng pag-usad? (Oo.) Ano ang nagdudulot ng gayong mga resulta? Dahil ba ang perspektiba at posisyon ng mga tao sa bawat usapin ay tama at umaayon sa katotohanan? (Oo.) Sa simple at direktang pananalita, ang ibig sabihin ng perspektiba at posisyong ito ay ang pagtanggap ng mga bagay mula sa Diyos, na natural ay nauuwi sa mabuting direksyon ng pag-usad at mabubuting hakbang ng pag-usad, at natural ay natatamo ang resulta na pagkaunawa sa katotohanan at pagkakilala sa Diyos. Subalit, kung hindi tinatanggap ng mga tao ang mga bagay mula sa Diyos kundi sa halip ay hinaharap nila ang mga bagay-bagay mula sa mga pantao at satanikong pilosopiya, umaasa pa rin sa satanikong pilosopiya sa pagtingin sa mga usapin at nagtutuon sa mga tao at bagay, magiging mapaminsala ang lahat ng mabubuo. Ang kalalabasan sa huli ay na walang sinuman ang makauunawa sa katotohanan at magtatamo ng mga pakinabang. Ito ang resulta ng hindi pagkaalam kung paano danasin ang gawain ng Diyos. Samakatuwid, sa ilang iglesia ay may hindi pagkakasundo ang ilang taong gumaganap ng mga tungkulin. Palagi silang naghihinala sa isa’t isa, nag-iingat sa isa’t isa, sinisisi ang isa’t isa, nakikipagpaligsahan sa isa’t isa, at nakikipagtalo sa isa’t isa. Palihim silang lumalaban sa kaibuturan ng kanilang puso. Kinukumpirma nito ang isang bagay: Walang sinuman sa grupong ito ang naghahangad sa katotohanan, walang sinuman ang tumatanggap ng mga bagay-bagay mula sa Diyos kapag nahaharap sa mga ito. Lahat sila ay mga walang pananampalataya at hindi nila hinahangad ang katotohanan. Sa kabaligtaran, sa ilang iglesia, may ilang tao na, bagamat mababa ang tayog at hindi masyadong nakauunawa sa katotohanan, ay nagagawang tunay na tumanggap ng mga bagay mula sa Diyos sa bawat sitwasyon, malaki man o maliit, at pagkatapos ay magsagawa at dumanas nang ayon sa mga salita ng Diyos, at pumasok sa realidad ng mga salita ng Diyos. Bagamat ang mga taong ito na magkakasamang gumaganap ng kanilang mga tungkulin ay nagsasagutan, nagtatalo, at nagbabangayan kung minsan, may partikular silang atmospera, na hindi makikita sa mga hindi mananampalataya. Kapag nagsasama-sama sila para gumawa ng anuman, labis silang nagkakasundo, gaya ng magkakapamilya o magkakamag-anak, nang walang pagkakalayo sa kanilang mga puso, at nagkakaisa sila sa kanilang gawain. Ang presensya ng gayong atmospera ng pagkakasundo ay nagpapakita na ang mga nangangasiwa man lang o ang ilang mahalagang indibidwal ay hinahangad ang katotohanan at pinangangasiwaan nang tama ang mga bagay-bagay kapag nahaharap sa mga problema, at na tunay silang nakapagtamo ng mga resulta sa pagsasakatuparan sa prinsipyo ng “pagtanggap sa lahat ng nagmumula sa Diyos.” Maraming tao ang nananalig sa Diyos, pero dahil hindi nila hinahangad ang katotohanan o sineseryoso ang mga salita ng Diyos, maraming taon na silang nananalig sa Diyos nang hindi pumapasok sa buhay. Anuman ang mangyari sa kanila, hindi nila tinatanggap ang mga ito mula sa Diyos at sa halip ay palagi silang umaasa sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao para tingnan ang mga bagay-bagay. Hindi nila kayang danasin ang gawain ng Diyos. Sa isang iglesia, kung may ilang indibidwal na nauunawaan ang mga espirituwal na bagay at nakikita na maraming bagay ang isinaayos at inorden ng Diyos, kaya nilang umasa sa Diyos, aktibong hanapin ang katotohanan, isagawa ang katotohanan, at pangasiwaan ang mga bagay-bagay nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Sa gayong iglesia, umuusbong ang atmospera ng gawain ng Banal na Espiritu. Tiyak na madarama ng mga tao ang katangi-tangi at kasiya-siyang atmospera na ito ng pagkakasundo, at natural ay nasa pinakamagandang kalagayan ang kanilang pag-iisip. Ang mas partikular pa, mayroong pagkakaunawaan ang mga tao, nagkakaisang hangarin, mithiin, at motibasyon para sa paghahangad sa kaibuturan ng kanilang puso. Dahil dito, kaya nilang magkaisa. Sa gayong iglesia, makararanas ka ng isang partikular na atmospera ng pagkakasundo. Pinupuno ng atmosperang ito ng kumpiyansa ang mga tao at ginaganyakan silang maghangad ng pagsulong. Nararamdaman nilang binibigyang-lakas ang kanilang puso at na para bang mayroon silang hindi nauubos na lakas para gumugol para sa Diyos. Lubhang kasiya-siya ang pakiramdam na ito. Matatamasa ng sinumang dumadalo sa mga pagtitipon sa iglesiang ito ang atmosperang ito at ang pakiramdam ng kumpiyansa. Sa gayong pagkakataon, pakiramdam nila ay namumuhay sila sa yakap ng Diyos, na para bang sila ay nasa Kanyang presensiya araw-araw. Ibang-iba talaga ang karanasang ito. Sa mga iglesia kung saan hindi gumagawa ang Banal na Espiritu, ang karamihan sa mga tao ay hindi naghahangad sa katotohanan. Hindi nila kayang tumanggap ng mga bagay mula sa Diyos kapag nahaharap sila sa mga sitwasyon, at umaasa sila sa mga pamamaraan ng tao para kontrolin ang lahat ng bagay. Sa gayong kongregasyon, iba ang damdamin sa pagitan ng mga tao at iba rin ang mga relasyon sa pagitan ng mga tao at ang nabubuong pakiramdam. Hindi mo man lang madarama ang atmospera ng gawain ng Banal na Espiritu o ang atmospera ng pagmamahalan ng bawat isa. Sa halip, ang madarama mo lang ay panlalamig. Ang ibig sabihin, malamig ang mga tao sa isa’t isa. Lahat sila ay nag-iingat sa isa’t isa, nakikipagtalo sa isa’t isa, palihim na nakikipagpaligsahan sa isa’t isa, at nagsisikap na malampasan ang isa’t isa. Walang nagpapasakop sa iba, at sinusupil, ibinubukod, at pinarurusahan pa nga nila ang isa’t isa. Kagaya sila ng mga hindi mananampalataya sa lugar ng trabaho, sa mundo ng negosyo, at sa politika, at kaya ikaw ay nasusuklam, napopoot, at natatakot, at wala kang maramdamang seguridad. Kung nararanasan mo ang ganitong mga pakiramdam sa anumang grupo ng mga tao, makikita mo ang katumpakan ng pahayag na, “Nagawa nang labis na tiwali ni Satanas ang sangkatauhan,” at dahil dito ay lalo mong mamahalin ang gawain ng Banal na Espiritu. Kung wala ang gawain ng Banal na Espiritu, ibig sabihin, kapag ang mga tao, si Satanas, ang kaalaman, o ang mga walang pananampalataya ang naghahari, ganap na naiiba ang atmospera. Dahil dito ay hindi ka magiging komportable at hindi ka magiging masaya, at hindi magtatagal ay mararamdaman mong napipigilan ka at nalulugmok sa depresyon. Nagmumula ang pakiramdam na ito kay Satanas at sa tiwaling sangkatauhan, tumpak iyan. Dito nagtatapos ang pagbabahaginan tungkol sa paksang ito.