Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 14 (Unang Bahagi)
Gumugol na tayo ng kaunting oras sa pagbabahaginan at pagsusuri sa isyu ng mga pahayag tungkol sa wastong asal sa tradisyonal na kultura—mayroon ba kayong anumang tunay na karanasan dito? (Noon, nakilala ko lamang na ang mga pahayag na ito tungkol sa wastong asal ay hindi ang katotohanan, pero hindi ko napagtanto kung gaano kalalim na nitong nagawang tiwali ang sangkatauhan. Sa pamamagitan ng Iyong pagbabahagi at pagsusuri, saka ko lamang napagtantong ang iba’t ibang pahayag tungkol sa wastong asal na ikinikintal ni Satanas sa mga tao ay tila tama at mabuti sa paningin ng mga tao, pero nagawa nitong tiwali, paralisado, at nakakulong ang mga kaisipan ng mga tao, na nagsasanhi sa mga tao na tanggihan at labanan ang Diyos, at umaakay sa kanila palayo nang palayo sa Kanya. Ganito hakbang-hakbang na nagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan hanggang sa ngayon.) Kung hindi Ako detalyadong nagbahagi tungkol sa mga bagay na ito, kusa ba itong makikilala ng mga tao? Masusuri ba nila ang diwa ng mga pahayag na ito tungkol sa wastong asal? (Hindi masusuri o mahahalata ng mga tao ang diwa ng mga pahayag na ito tungkol sa wastong asal.) Paano naman pagkatapos ng mahabang karanasan? (Makikilala ng mga tao ang mga isyu sa ilang pahayag tungkol sa wastong asal, pero hindi nila malinaw na masusuri ang diwa ng mga ito.) Palaging nais ng mga tao na tratuhin ang mga sikat na kasabihan mula sa tradisyonal na kultura at ang katotohanan bilang magkapantay at na paghaluin ang mga ito, lalo na pagdating sa mga bagay na sa panlabas ay kahalintulad ng katotohanan, o na mukhang umaayon sa moralidad ng tao, sa mga pamantayan ng kanilang konsiyensiya, at sa mga damdamin ng tao. Pinaniniwalaan ng lahat na positibo at umaayon sa katotohanan ang mga bagay na ito, pero walang nakakakita na nagmumula ang mga ito kay Satanas at na ang totoo ay mga negatibong bagay ang mga ito. Ngayon, mayroon bang positibo sa anumang ikinikintal ni Satanas sa tao? (Wala.) Wala talagang anumang positibo sa mga iyon. Sa kabaligtaran, mga negatibong bagay at satanikong lason ang lahat ng iyon. Hindi ito mapag-aalinlanganan. Kaya, nalaman at nalantad na ba ninyo ang mga negatibong bagay at satanikong lasong ito? May natitira pa ba sa inyong isipan na kapareho ng mga bagay na ito na mula sa tradisyonal na kultura, na itinuturing ninyong tama? Kung mayroon, isa itong salot, isang kanser! Dapat ninyo itong mas pag-isipan ngayon, at dapat ninyo itong maingat na obserbahan at bigyang-pansin sa inyong pang-araw-araw na buhay. Tingnan ninyo kung mayroon bang anuman sa sinasabi ng iba at sa naririnig ninyo, o sa mga bagay na tumatatak sa inyo o na natatandaan ninyo, o sa mga bagay na tinatanggap ninyo sa inyong puso at itinuturing na mahalaga, na kahalintulad ng itinataguyod ng tradisyonal na kultura. Kung mayroon, kailangan ninyo itong kilatisin at suriin, at pagkatapos ay talikuran nang tuluyan. Magiging kapaki-pakinabang ito sa inyong paghahangad sa katotohanan.
Binabanggit ng ilang tao ang pariralang, “Ang tagumpay at kabiguan ng mga bagay-bagay ay nakadepende sa mga tao,” habang nagsusulat sila ng mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan—dapat ninyong kilatisin kung tama ba o mali ang pahayag na ito, kung positibo o negatibong bagay ba ito, at kung may kaugnayan ba ito sa katotohanan, sa mga hinihingi ng Diyos, at sa mga prinsipyong dapat taglayin ng mga tao habang nag-aasikaso ng mga bagay-bagay. Totoo ba ang pahayag na “Ang tagumpay at kabiguan ng mga bagay-bagay ay nakadepende sa mga tao?” Umaayon ba ito sa katotohanan? Isa ba itong bagay na bunga ng mga batas at panuntunang ginawa ng Diyos? May anumang kinalaman ba ito sa katunayan na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay? Sige, ibahagi ninyo ang inyong kaalaman at pagkaunawa sa pahayag na ito. (Nasabi ko na rin ito dati, lalo na kapag nagsasaayos ako ng gawain ng iglesia. Kung hindi naitatalaga nang tama ang mga tauhan nang ayon sa mga prinsipyo, kung minsan ay nagugulo nito ang gawain. Kung itatalaga ang mga tauhan nang ayon sa mga prinsipyo, magagawa nang maayos ang gawain. Noong panahong iyon, nakita ko ang mga papel ng mga tao bilang napakahalaga at napakamakabuluhan, kung kaya’t sinabi ko ang pariralang: “Ang tagumpay at kabiguan ng mga bagay-bagay ay nakadepende sa mga tao.” Ngayon, napagtatanto ko nang wala akong naging pagkaunawa sa kataas-taasan at walang hanggang kapangyarihan ng Diyos. Palagi akong nagtuon sa papel ng mga tao, at wala man lang naging puwang sa puso ko ang Diyos.) Sino pang gustong magbahagi ng kanyang mga naiisip? (Ang pahayag na “Ang tagumpay at kabiguan ng mga bagay-bagay ay nakadepende sa mga tao” ay hindi isang patotoo sa Diyos kundi isang patotoo sa mga tao, na para bang ang tagumpay ay nakadepende sa pagsisikap ng tao. Pagtanggi ito na may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos at katumbas ito ng pagpapatotoo para kay Satanas. Kung makikintal sa puso ng mga tao ang pahayag na ito, sa paglipas ng panahon, kapag naharap sila sa mga problema ay iisipin nila na kailangan lang nilang maghanap ng mga tamang tao para magtagumpay sila, at hindi sila mananampalataya sa Diyos o aasa sa Kanya. Kaya, isa itong partikular na baluktot na pahayag.) Ang talagang pagkaunawa ninyo sa pahayag na ito ay na hindi ito tama o isang positibong bagay, at na lalo nang hindi ito ang katotohanan. Kung gayon, bakit ninyo ito ginagamit? Kung ginagamit ninyo ito, anong problema ang inihahayag niyan? (Na wala kaming pagkakilatis sa pahayag na ito.) Ano ang dahilan ng kawalan ninyo ng pagkakilatis? Dahil ba naniniwala pa rin kayo na may tama at makatwirang aspeto ang pahayag na ito? (Oo.) Kung gayon, anong mali sa pahayag na ito? Bakit ninyo sinasabing ito ay mali o hindi positibong bagay? Una, tingnan natin kung umaayon ito sa mga obhetibong batas ng mga bagay-bagay. Sa panlabas, mukhang ang mga tao ang gumaganap sa anumang gampanin. Isinasaayos nila ang gawain, ginagampanan nila ang gawain, at sinusubaybayan nila ito. Gumaganap sila ng isang mahalagang papel sa bawat hakbang, at sa huli ay tinutukoy nila ang mga kalalabasan at ang pag-usad ng gawaing iyon. Sa panlabas, para bang ang mga sanhi, ang proseso ng pag-usad ng mga bagay-bagay, at ang mga resulta ng lahat ng iyon ay tinutukoy ng mga tao. Pero ang totoo, sino ang namamahala, nangangasiwa, at nagsasaayos ng lahat ng ito? May kinalaman ba ito sa mga tao? Pasibo bang tinatanggap ng mga tao ang mga pangangasiwa ng tadhana at ng kanilang kataas-taasang Pinuno, o aktibo ba nilang kinokontrol ang lahat nang sila mismo? (Pasibo silang tumatanggap.) Pasibong tinatanggap ng lahat ng tao ang kataas-taasang kapangyarihan, pangangasiwa, at mga pagsasaayos ng Diyos. Anong papel ang ginagampanan dito ng mga tao? Hindi ba’t mga tau-tauhan sila sa mga kamay ng Diyos? (Oo.) Ang mga tao ay gaya ng mga tau-tauhang pinagagalaw ng mga tali. Ang taling hinihila ang tumutukoy sa kung paano kikilos ang mga ito at kung ano ang magiging ekspresyon ng mga ito. Kung saan pumupunta ang mga tao, kung ano ang sinasabi nila, at kung ano ang ginagawa nila araw-araw—nasa kaninong mga kamay ang lahat ng ito? (Nasa mga kamay ng Diyos.) Ang lahat ng ito ay nasa mga kamay ng Diyos. Pasibong tinatanggap ng mga tao ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Sa buong prosesong ito, tinutukoy ng Diyos kung ano ang gagawin Niya, kung ilalantad ba Niya ang isang tao, kung anong mga pagbabago at pag-usad ang idudulot Niya sa bagay na ito at kung kailan, kung ano ang kalalabasan sa huli, at kung sino ang Kanyang ilalantad o palalayasin; tinutukoy Niya kung anong mga aral ang matututunan ng mga tao sa bagay na ito, kung anong mga katotohanan ang mauunawaan nila at kung anong uri ng pagkakilala sa Diyos ang matatamo nila rito, kung aling mga pananaw ang mapapabago Niya sa mga tao, at kung aling mga kuru-kuro ang gagawin Niyang mapakawalan nila. Magagawa ba ng mga tao ang lahat ng bagay na ito na ginagawa ng Diyos? Kaya ba nila? (Hindi, hindi nila kaya.) Hindi ito kaya ng mga tao. Hindi nila magagawa ang mga ito. Sa buong pag-usad ng anumang bagay, pasibo at may kamalayan o walang kamalayan lang na gumagawa ng mga bagay-bagay ang mga tao, pero walang tao na kayang makini-kinita ang mga dahilan, ang proseso, ang mga panghuling resulta, at ang mga kalalabasan ng buong bagay na ito, at wala ring sinumang tao ang makakokontrol sa alinman sa mga bagay na ito. Sino ang nakakikini-kinita at nakakokontrol ng lahat ng ito? Ang Diyos lamang! Maging ito man ay isang mahalagang pangyayaring nagaganap sa sansinukob o isang maliit na insidenteng nangyayari sa anumang sulok ng anumang planeta, wala ito sa kamay ng mga tao. Walang taong kayang kontrolin ang mga batas na sumasaklaw sa lahat, o ang proseso ng pagsulong ng lahat ng bagay at ang mga pinakaresulta ng mga ito. Walang tao ang kayang makini-kinita ang kinabukasan ng lahat o mahulaan kung ano ang mangyayari, lalo na ang makontrol ang pinakaresulta ng lahat ng bagay. Ang Diyos lamang, na may kataas-kataasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, ang kumokontrol at namumuno sa lahat ng ito. Ang tanging epekto na maaaring magkaroon ang mga tao ay ang gumanap ng iba’t ibang papel na maaaring positibo o negatibo, sa mga kapaligiran, kapwa malaki o maliit, at kasama ng iba’t ibang uri ng mga tao, pangyayari, at bagay na pinamumunuan, pinangangasiwaan, at isinasaayos ng Diyos. Ito ang epektong mayroon ang mga tao at ang papel na kanilang ginagampanan. Kapag hindi matagumpay ang isang bagay, o kapag mukhang hindi kasingganda ng inaasahan ang mga resulta, at ang kinalabasan ay hindi ang nais makita ng mga tao, kapag ang kinalabasan ay nagdudulot pa nga sa kanila ng matinding kalungkutan at pighati, ang mga ito ay mga bagay rin kung saan walang kataas-taasang kapangyarihan ang mga tao, hindi kayang makini-kinita ng mga tao ang mga ito, at tiyak na hindi nila kayang makontrol ang mga ito. Kung ang pinakakinalabasan ng isang bagay ay napakaganda, kung ito ay may napakapositibo at napakaaktibong epekto, kung ito ay labis na nagpapakita ng magandang halimbawa sa mga tao, at kung may malalim itong impluwensya sa kanila, ito ay mula sa Diyos. Kung hindi natatamo ng isang bagay ang nais nitong resulta, kung ang resulta ay hindi gaanong maganda o optimistiko, at kung tila ba mayroon itong ilang negatibong epekto sa mga tao sa halip na mga positibo at aktibong epekto, ang buong proseso ng bagay na iyon ay pinangasiwaan at isinaayos din ng Diyos. Hindi ito kinokontrol ng sinumang tao. Huwag nating pag-usapan ang malalayong bagay; pag-usapan natin ang maoobserbahan sa iglesia, gaya ng paglitaw ng mga anticristo. Mula sa sandaling lumitaw at magsimulang kumilos ang isang anticristo, at maitaas ang ranggo niya sa posisyon ng isang lider o manggagawa, at tumanggap siya ng mahalagang gawain sa iglesia, hanggang sa puntong siya ay mabunyag na isang anticristo, makilatis at mailantad ng mga kapatid, at sa huli ay mapalayas at matanggihan—sa buong prosesong ito, maraming tao ang nalilinlang, ang ilan ay sumusunod pa nga sa anticristo, at ang ilan ay nakararanas ng mga kawalan sa kanilang pagpasok sa buhay dahil sa impluwensya ng anticristo, at iba pa. Bagamat ang lahat ng ito ay nagmumula sa mga panggugulo ni Satanas at gawain ito ng mga tagapaglingkod ni Satanas, nangangahulugan ba iyon na hindi nakikita ng Diyos ang pangyayari at pag-usad ng lahat ng ito? Hindi ba alam ng Diyos kung ano ang mga kalalabasan ng paglitaw ng isang anticristo? Hindi ba alam ng Diyos ang magiging epekto ng isang anticristo sa iglesia at sa mga kapatid? Ang lahat ng ito ba ay resulta lang ng isang kabiguang idinulot ng mga tao? Kapag nahaharap sa paglitaw ng mga negatibong bagay gaya ng mga ito, madalas na iniisip ng mga tao, “Naku, sinamantala ni Satanas ang isang bagay roon na hindi napansin, panggugulo ito ni Satanas sa mga bagay-bagay.” Ang implikasyon ay, “Bakit hindi binabantayan ng Diyos ang mga bagay-bagay? Hindi ba’t sinisiyasat ng Diyos ang lahat ng bagay? Hindi ba’t nasa lahat ng dako ang Diyos? Hindi ba’t may walang hanggang kapangyarihan ang Diyos? Nasaan ang awtoridad at kapangyarihan ng Diyos?” Umuusbong ang mga pagdududa sa puso ng mga tao. Ano ang pinagmumulan ng mga pagdududang ito? Dahil ang resulta ng pangyayari ay negatibo, hindi kanais-nais, at hindi ang gustong makita ng mga tao, at lalong hindi ito umaayon sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, negatibo nitong naaapektuhan ang sagrado nilang pananampalataya sa Diyos. Hindi ito maunawaan ng mga tao, at iniisip nila, “Kung may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa lahat ng bagay at kinokontrol Niya ang lahat, bakit mangyayari sa mismong harapan natin ang isang bagay na gaya ng panlilinlang ng isang anticristo sa mga tao? Bakit mangyayari sa iglesia, at sa mga kapatid, ang gayong hindi kanais-nais na bagay?” Umuusbong ang mga pagdududa sa puso ng mga tao, at nahahamon ang kanilang pananampalataya na “ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat at nasa lahat ng dako.” Kapag nahahamon ang pananampalataya ng mga tao sa Diyos, kung tatanungin mo sila, “Sino ang dapat sisihin sa pagkakaroon mo ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos?” ay sasabihin nilang, “Si Satanas ang dapat sisihin.” Pero dahil hindi nakikita ng mga tao si Satanas, kanino dapat mapunta ang responsabilidad na ito sa huli? Dapat itong mapunta sa anticristo o sa grupo ng anticristo. Sasabihin ng mga tao na yaong mga nalinlang ng anticristo at yaong mga dumanas ng kawalan sa buhay ay karapat-dapat na malinlang ng anticristo. Sa huli, sa anong pahayag nauuwi ang pagkaunawa ng mga tao sa buong usaping ito? “Ang tagumpay at kabiguan ng mga bagay-bagay ay nakadepende sa mga tao.” Iyan ang nagiging konklusyon nila. Saan nila rito inilalagay ang Diyos? Hindi nila nauunawaan na may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa lahat ng bagay, kaya sa halip ay iniisip nilang ang lahat ng nangyayari ay dulot ng hungkag na teoryang “Ang tagumpay at kabiguan ng mga bagay-bagay ay nakadepende sa mga tao.”
Kapag nakikita ng mga tao na nangyayari ang ilang medyo magaganda at positibong bagay sa paligid nila, gaya ng kapag gumagawa ng makapangyarihang gawain ang Banal na Espiritu, at lahat ng tao ay malakas ang pananampalataya, kapag naninindigan ang mga tao maging sa gitna ng pang-uusig at paghihirap, nang walang sinumang nagiging Judas, at kapag ang mga pag-aari ng sambahayan ng Diyos at buhay ng mga kapatid ay hindi nagdurusa ng anumang kawalan, sinasabi ng mga tao, “Ito ay proteksyon ng Diyos. Hindi idinulot ng mga tao ang tagumpay na ito; walang pag-aalinlangan na ito ay ginawa ng Diyos.” Ipagpalagay nang ang mga bagay na nakikita ng mga tao na nangyayari sa paligid nila ay hindi kanais-nais, halimbawa, nahaharap ang iglesia sa pagsupil at pag-aresto ng malaking pulang dragon, at ang mga pag-aari ng iglesia ay inaangkin ni Satanas. Sabihin nang ang buhay ng mga kapatid ay nagdusa ng mga kawalan, at nagkalat kung saan-saan ang hinirang na mga tao ng Diyos, na napaalis at hindi makauwi. Ipagpalagay nang nasira ang buhay-iglesia, at hindi na maipamumuhay ng mga miyembro ng iglesia ang buhay-iglesia na gaya ng dati. Isipin ninyo na hindi na sila puwedeng mamuhay nang maligaya at masaya, na payapang kasamang namumuhay ang kanilang mga kapatid, nagtitipon-tipon para kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, at tinutupad ang kanilang mga tungkulin, at ang ilang masasamang tao at walang pananampalataya ay nagsisimulang magpakalat ng mga kuru-kuro para linlangin ang iba, na nagdudulot sa kanilang mawalan ng pananampalataya sa Diyos at masadlak sa pagkanegatibo at kahinaan. Sa ganitong panahon, hindi mapigilan ng mga tao na magreklamo. Hindi sila nangangahas na magreklamo laban sa Diyos, kaya nagrereklamo sila nang ganito: “Si ganito at ganyan ay masamang tao, si ganito at ganyan ay si Satanas, si ganito at ganyan ay diyablo. Kung hindi dahil sa kanyang pagkapabaya sa mga pagtitipon at pagkaaresto, hindi sana tayo magkakaganito na hindi makauwi. Kung hindi dahil sa kanya, masaya pa rin sana tayong mamumuhay ng buhay-iglesia, kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos at normal na tumutupad ng ating mga tungkulin. Ang lahat ng ito ay dahil sa isang tao, isang diyablo, isang Satanas, o isang satanikong rehimen.” Bagamat hindi nangangahas ang mga tao na magkimkim ng anumang hinaing laban sa Diyos o magpalagay na responsabilidad ng Diyos ang buong sitwasyong iyon, sa sandaling iyon, nagkaroon na sila ng hindi malaki at hindi rin maliit na hindi maipaliwanag na kawalan ng tiwala sa Diyos. Anong mga bagay ang uusbong sa mga kaisipang ito ng kawalan ng tiwala? Sasabihin ng mga tao, “Natuto ako ng aral sa karanasang ito. Magmula ngayon, maingat ko nang isasaalang-alang ang lahat ng makakatagpo ko at mag-iisip ako nang mabuti bago kumilos. Hindi ako magiging padalos-dalos, at hindi ako agad magtitiwala kaninuman. Mas magiging maingat ako sa lahat ng sitwasyon at pag-aaralan kong protektahan ang aking sarili.” Nasa puso pa rin ba nila ang Diyos? Umaasa pa rin ba sila sa Diyos at nananampalataya sa Kanya? Sinasabi ng ilang tao, “Paanong hindi? Sa puso ko, nananalig pa rin ako sa Diyos, at tunay pa rin akong umaasa sa Kanya.” Pero palihim nilang sinasabi sa sarili nila, “Huwag kayong basta magtiwala sa mga salita ng Diyos. Palaging sinusubok at pinipino ng Diyos ang mga tao. Hindi maaasahan ang Diyos! Tingnan na lang ninyo ang nangyari sa mismong harapan natin. Inaresto ng malaking pulang dragon ang mga miyembro ng iglesia natin. Bakit hindi tayo pinrotektahan ng Diyos? Gusto bang makita ng Diyos na mapinsala ang mga interes ng Kanyang sambahayan? Wala bang pakialam ang Diyos kapag nakikita Niyang nanlilinlang ng mga tao ang mga walang pananampalataya? Kung talagang nakikita ito ng Diyos, bakit wala Siyang pakialam? Bakit hindi Niya ito pinipigilan o hinahadlangan? Bakit hindi Niya tayo binibigyang-liwanag para makilatis natin na ang taong nanlilinlang sa atin ay isang masamang tao at isang walang pananampalataya, para malayuan natin ito agad, at maiwasan natin ang lahat ng kahihinatnang ito? Kapag nanlilinlang ng mga tao ang taong walang pananampalataya, bakit hindi tayo pinoprotektahan ng Diyos? Kahit isang mabilisang babala ay pupuwede na!” Wala silang nakukuhang kasagutan sa lahat ng “bakit” na ito, at hindi rin nila makuha ang mga ito. Sa huli, matapos itong maranasan, ang nagiging konklusyon nila ay: “Aasa ako sa Diyos sa mga bagay kung saan dapat akong umasa sa Kanya, at aasa ako sa sarili ko sa mga bagay kung saan hindi ako dapat umasa sa Diyos. Hindi ako puwedeng magpakahangal. Tayong mga kapatid ay dapat matutunang magsama-sama at magtulungan. Pagdating naman sa lahat ng iba pa, hayaan natin ang Diyos na gawin ang gusto Niya. Hindi natin iyan makokontrol.” Kung aarestuhin ng malaking pulang dragon ang hinirang na mga tao ng Diyos, labis na mahahadlangan ang gawain ng iglesia at ang buhay-iglesia at labis na maaapektuhan ang pagtupad ng mga kapatid sa kanilang mga tungkulin. Sa mga panahong ito ay lilitaw ang mga walang pananampalataya at ang mga anticristo para manggambala at manlinlang, magpakalat ng mga maling pananampalataya at maling paniniwala, at sabihing nangyari ang mga pag-aresto dahil sinalungat ng mga lider at manggagawa ang kalooban ng Diyos, at malilinlang ng mga anticristo at masasamang taong ito ang mga tao. Kapag nagaganap ang mga pangyayaring ito na hindi umaayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao o sa mga damdamin ng tao, hindi kailanman natututo ng mga aral mula rito ang mga tao. Hindi kailanman nagagawang maunawaan ng mga tao ang kataas-taasang kapangyarihan, pangangasiwa, at disposisyon ng Diyos mula sa mga pangyayaring ito. Hindi kailanman naiintindihan ng mga tao ang kalooban ng Diyos o nauunawaan kung ano ang mga aral na nais ng Diyos na matutunan nila, kung anong mabuting aral ang nais Niyang matamo nila, at kung anong pagkakilala ang nais Niyang makamit nila mula sa mga pangyayaring ito. Hindi alam ng mga tao ang alinman sa mga ito, at hindi nila alam kung paano danasin ang mga ito. Kaya, pagdating sa lahat ng bagay na nakikita ng mga taong nangyayari sa paligid nila, talagang naniniwala ang mga tao na tumpak ang pariralang “Ang tagumpay at kabiguan ng mga bagay-bagay ay nakadepende sa mga tao,” at na mas maaasahan at totoo ito kaysa sa katunayang “ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, ang Diyos ay nasa lahat ng dako, at sinisiyasat ng Diyos ang lahat.” Sa katunayan, sa kaibuturan ay naniniwala pa rin kayo na mas totoo ang pariralang “Ang tagumpay at kabiguan ng mga bagay-bagay ay nakadepende sa mga tao,” na ang mga tao ang nagdedetermina sa lahat, at na medyo malabong sabihin na pinagpapasyahan ng Diyos ang lahat ng bagay. Bakit ba iniisip ng mga tao na malabo ito? Bakit ba iniisip ng mga tao na hindi maaasahan ang pahayag na “pinagpapasyahan ng Diyos ang lahat ng bagay”? Sa teorya, ito ay dahil hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan at hindi nila kilala ang Diyos, pero ang totoo, ano ang dahilan? (Ang totoo, hindi kinikilala o pinaniniwalaan ng mga tao na may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa lahat ng bagay.) Tamang sabihin na hindi pinaniniwalaan o kinikilala ng mga tao na may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa lahat ng bagay, pero may mas partikular pang dahilan, na ibinubunyag ng pariralang “Ang tagumpay at kabiguan ng mga bagay-bagay ay nakadepende sa mga tao” ang maling perspektiba na mayroon ang mga tao pagdating sa kung paano nila nakikita ang mabubuti at masasamang bagay. Naniniwala ang mga tao na ang mga bagay na nagbibigay sa kanila ng kapayapaan, kasiyahan, kaginhawahan, at kaligayahan ay mabubuti at na nagmumula ang mga ito sa Diyos. May ilang bagay na nagdudulot sa mga tao ng pagkabalisa o takot, na nagsasanhi sa kanila na umiyak, magdusa, o mapuno ng pagdadalamhati na gusto na nilang mamatay—ang ilang bagay nga ay ginagawa pang imposible para sa mga tao na magkaroon ng isang normal na buhay-iglesia at ng isang normal na kapaligiran para matupad nila ang kanilang mga tungkulin. Ang ganitong uri ng mga bagay ay itinuturing ng mga tao na “masasamang bagay.” Ang katawagang “masasamang bagay” ay kailangang ilagay sa loob ng mga panipi. Maaari bang magkaroon ang “masasamang bagay” ng magandang epekto sa mga tao? Hindi makita o madama ng mga tao ang mabubuting epektong ito, kaya, sa isip nila, ang kabilang lang sa “lahat ng bagay” kung saan may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos ay ang mga bagay na naghahatid sa kanila ng kapayapaan, kasiyahan, kabusugan, mga benepisyo, magandang halimbawa, at mga pakinabang, at mga bagay na nagpapatatag sa kanilang pananampalataya sa Diyos. Ito ang mga bagay na pinaniniwalaan ng mga tao na kabilang sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay. Sa kabaligtaran, kung, sa panlabas, ang ilang bagay ay tila ba nagsasanhi na magdusa ang buhay ng mga tao, nakapipinsala sa mga interes ng iglesia, at kung malilinlang ang ilang tao, at mapapalayas pa nga ang ilan, at kung may mangyayaring hindi maganda sa ilan at magdurusa sila ng kaunting pasakit, naniniwala ang mga tao na walang kinalaman ang mga bagay na ito sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at na ang mga ito ay ginawa ni Satanas. Naniniwala ang mga tao na kung ang Diyos ang gumawa nito, hindi lilitaw o iiral ang mga negatibong bagay na ito, ito ang napagpasyahan ng mga tao. Kaya, ang pagkaunawa ng mga tao sa pariralang “Ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay” ay labis na may kinikilingan at mababaw. Limitado ito sa mga kuru-kuro ng tao, puno ito ng mga emosyon ng tao, at hindi ito tumutugma sa mga katunayan. Hayaan ninyo Akong bigyan kayo ng halimbawa. Nilikha ng Diyos ang lahat ng uri ng insekto at ibon. Sinasabi ng ilang tao, “Naniniwala akong mahalaga ang lahat ng bagay na nilikha ng Diyos, na ang lahat ng iyon ay kapaki-pakinabang na insekto, at na ang lahat ng iyon ay mabuti. Nilikha ng Diyos ang mga bubuyog, at nilikha ng Diyos ang lahat ng uri ng mabubuting ibon. Palaging kinakagat ng mga lamok ang mga tao at nagkakalat ang mga ito ng mga sakit, kaya hindi mabuti ang mga lamok. Baka hindi nilikha ng Diyos ang mga lamok.” Hindi ba’t isa itong baluktot na pagkaunawa? Ang totoo, ang lahat ng bagay ay nilikha ng Diyos. Iisa lamang ang Diyos, ang Lumikha, at ang lahat ng nabubuhay at hindi nabubuhay ay nagmumula sa Diyos. Sa kanilang mga kuru-kuro, naniniwala ang mga tao na ang iba’t ibang kapaki-pakinabang na insekto, ibon, at iba pang kapaki-pakinabang na nilalang lang ang nagmumula sa Diyos—pagdating sa mga langaw, lamok, surot, at ilang hayop na kumakain ng karne na itinuturing ng tao bilang partikular na marahas, ang mga nilikhang iyon ay tila hindi nagmumula sa Diyos, at kung nagmumula man ang mga iyon sa Diyos, hindi mabubuting bagay ang mga iyon. Hindi ba’t isa itong kuru-kuro ng tao? Sa mga ideya at kuru-kuro ng mga tao, ang mga bagay na ito ay unti-unti nang nauri ayon sa isang sistema: Ang anumang gusto ng mga tao o na kapaki-pakinabang sa kanila ay itinuturing na positibo at nilikha ng Diyos, samantalang ang anumang hindi gusto ng mga tao o na nakapipinsala sa kanila ay itinuturing na negatibo at hindi nilikha ng Diyos, at maaaring nilikha ni Satanas o ginawa ng kalikasan. Sa isipan ng mga tao, madalas ay walang kamalayan nilang pinaniniwalaan na: “Ang mga langaw, lamok, at surot ay hindi mabubuting bagay, hindi nilikha ng Diyos ang mga iyon. Tiyak na hindi lilikha ang Diyos ng mga gayong bagay.” O iniisip nila, “Palaging kumakain ng mga tupa at zebra ang mga leon at tigre, masyadong malupit ang mga iyon. Hindi mabubuting bagay ang mga iyon. Ang mga lobo ay nakakatakot, tuso, mabagsik, marahas, at malupit. Masasama ang mga lobo, pero mabubuti ang mga baka at tupa, at lalo pang mabubuti ang mga aso.” Kung mabuti o hindi ang isang nilikha ng Diyos ay hindi sinusukat batay sa mga emosyonal na pangangailangan o panlasa ng mga tao—hindi ganyan sinusukat ang mga bagay na ito. Nilikha ng Diyos ang lahat ng uri ng mga hayop, kabilang ang mga zebra, usa, at iba’t ibang uri ng mga hayop na kumakain ng mga halaman, gayundin ang mababagsik na hayop na kumakain ng karne gaya ng mga leon, tigre, leopardo, at buwaya, na partikular na mararahas, pati ang ilang mababangis na hayop na kayang pumatay ng biktima sa pamamagitan ng isang kagat. Mabuti man o masama sa paningin ng mga tao ang mga hayop na ito, ang lahat ng ito ay nilikha ng Diyos. Nakikita ng ilang tao ang mga leon na kumakain ng mga zebra at iniisip nila, “Naku, kawawang zebra. Napakababagsik ng mga leon dahil kumakain ang mga ito ng mga zebra.” Kapag nakikita nilang kinakain ng isang lobo ang isang tupa, pinag-iisipan nila, “Napakalulupit at napakatutuso ng mga lobo. Bakit ba nilikha ng Diyos ang mga lobo? Ang mga tupa ay nakatutuwa, mababait, at maaamo. Bakit ba hindi na lamang maaamong hayop ang nilikha ng Diyos? Ang mga lobo ang likas na kaaway ng mga tupa, kaya bakit kapwa nilikha ng Diyos ang mga lobo at ang mga tupa?” Hindi nila nauunawaan ang misteryong nasa likod nito at palagi silang nagkikimkim ng mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Kapag may mga insidente ng panlilinlang ng mga anticristo sa mga tao sa iglesia, sinasabi ng ilang tao, “Kung naaawa ang Diyos sa sangkatauhang ito, bakit Niya nilikha si Satanas? Bakit Niya hinahayaan si Satanas na gawing tiwali ang sangkatauhan? Yamang hinirang tayo ng Diyos, bakit Niya hinahayaang lumitaw ang mga anticristo sa iglesia?” Hindi mo nauunawaan, hindi ba? Ito ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Ganito pinamumunuan ng Diyos ang lahat ng bagay, at kapag pinamumunuan Niya ang mga ito nang ganito ay saka lamang normal na makaiiral ang lahat ng bagay sa saklaw ng mga panuntunan at batas na Kanyang inorden. Kung poprotektahan ka ng Diyos at pipigilan Niyang lumitaw ang mga anticristo sa iglesia, malalaman mo ba kung ano ang mga anticristo? Malalaman mo ba kung paano ang disposisyon ng isang anticristo? Kung sasabihin lamang sa iyo ang ilang salita at doktrina tungkol sa pagtukoy sa mga anticristo, nang hindi ka aktuwal na makatatagpo ng isang anticristo, magagawa mo bang matukoy ang mga anticristo? (Hindi.) Talagang hindi. Kung hindi pahihintulutang lumitaw ang mga anticristo at masasamang tao, palagi kang magiging gaya ng isang bulaklak sa punlaan: Sa sandaling magkaroon ng biglaang pagbabago sa temperatura, malalanta ka dahil sa biglaang paglamig, hindi mo ito makakayanan. Kaya, kung nais ng mga tao na maunawaan ang katotohanan, kailangan nilang tanggapin at magpasakop sa lahat ng kapaligiran, at sa lahat ng tao, pangyayari, at bagay na pinamumunuan at pinangangasiwaan ng Diyos. Nabibilang sa “lahat ng tao, pangyayari, at bagay” ang mga positibo at negatibo, nabibilang dito ang mga bagay na umaayon sa iyong mga kuru-kuro at imahinasyon, at ang mga bagay na hindi. Nabibilang dito ang mga bagay na itinuturing mong positibo at ang mga negatibong bagay na hindi mo gusto, nabibilang dito ang mga bagay na umaayon sa iyong mga damdamin, at nabibilang dito ang mga bagay na hindi umaayon sa iyong mga damdamin o sa iyong panlasa. Kailangan mong tanggapin ang lahat ng bagay na ito. Ano ang layunin ng pagtanggap sa lahat ng bagay na ito? Ito ay hindi lamang para mabuo ang iyong kaalaman at madagdagan ang iyong karanasan, ito ay para mabigyan ka ng kakayahan na mas praktikal at mas kongkretong malaman ang mga salita ng Diyos, na maunawaan ang katotohanan, at na maranasan ang pagkatotoo at pagkatumpak ng mga salita ng Diyos sa pamamagitan ng mga katunayang ito. Sa huli, makukumpirma mong ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, matututo ka ng mga aral mula sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay, na magbibigay-kakayahan sa iyo na maunawaan ang mas marami pang katotohanan, na makita ang katotohanan tungkol sa maraming bagay, at na lalo pang mapayaman ang iyong sarili. Ang pinakaresultang makakamit nito ay na makapagtatamo ka ng pagkakilala sa Lumikha sa pamamagitan ng paglitaw at pag-usad ng iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay, mauunawaan mo ang Kanyang disposisyon at diwa, at matututunan mong Siya ang namumuno at nangangasiwa sa lahat ng bagay.