Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 12 (Ikatlong Bahagi)

Ngayong nahimay-himay na natin ang kasabihang “Sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang makakaya mo hanggang sa araw ng iyong kamatayan” at nagbahaginan na tayo nang malawakan tungkol dito, naiintindihan ba ninyo ang lahat ng nasabi? (Oo.) Sa kabuuran, makatitiyak na tayo na ang kasabihang ito ay hindi positibo, at walang positibo o praktikal na kahulugan. Kaya, anong uri ng epekto mayroon ito sa mga tao? Nakamamatay ba ang kasabihang ito? Hinihingi ba nito ang buhay ng mga tao? Angkop bang tawagin itong “nakamamatay na kasabihan”? (Oo.) Ang totoo ay kinukuha nito ang buhay mo. Gumagamit ito ng mga salitang magandang pakinggan para maipadama sa iyo kung gaano kadakila at kaluwalhati ang magawa mong gugulin ang buhay mo sa pagsunod sa ipinapagawa at pagsisikap na gawin ang lahat ng iyong makakaya hanggang sa araw ng iyong kamatayan, at na isa kang taong may napakabusilak na puso. Ang pagkakaroon ng gayon kabusilak na puso ay nangangahulugan na wala ka nang puwang para sa mga pag-iisip tungkol sa panggatong, kanin, mantika, asin, toyo, suka, tsaa, at iba pang mga bagay sa tahanan, lalo na ang pag-aalaga sa iyong asawa at mga anak, o pananabik para sa isang mainit na kama. Paano nagiging katanggap-tanggap para sa isang taong may busilak na puso na mamuhay kung wala ang ilang espesyal na bagay? Masyado bang ordinaryo para sa iyo na magkaroon lamang ng puwang sa puso mo para sa mga bagay tulad ng panggatong, kanin, mantika, asin, toyo, suka, at tsaa? Dapat kang maglaan ng puwang doon para sa mga bagay na hindi kayang gawin ng karaniwang tao, tulad ng bayan, malalaking proyekto sa iyong katutubong lupain, kapalaran ng sangkatauhan, at iba pa—ito ay “kapag ang Langit ay malapit nang magbigay ng malaking responsabilidad sa isang tao.” Sa sandaling makakuha ang mga tao ng ganitong uri ng ideya, lalo pa silang maghahangad na sumunod sa ipinapagawa at magsisikap na gawin ang kanilang makakaya hanggang sa araw ng kanilang kamatayan, gamit ang kasabihang ito tungkol sa wastong asal upang patuloy na pukawin ang kanilang sarili, at iisiping, “Dapat akong sumunod sa ipinapagawa para sa paglilingkod sa kapalaran ng aking katutubong lupain at sangkatauhan, at sikaping gawin ang aking makakaya hanggang sa araw ng aking kamatayan, ito ang aking panghabangbuhay na hangarin at adhikain.” Ngunit lumalabas na hindi nila kayang balikatin ang dakilang layon ng kanilang katutubong lupain at bayan, at sobrang napapagod sila na sumusuka na sila ng dugo—sumusunod sa ipinapagawa at sinisikap na gawin ang kanilang makakaya hanggang sa araw ng kanilang kamatayan. Ang gayong mga tao ay hindi alam kung paano dapat mabuhay ang mga tao, o kung ano ang pagkatao, o kung ano ba ang damdamin ng tao, o kung ano ang pag-ibig, o kung ano ang poot, at umiiyak pa nga sila nang husto sa pag-aalala tungkol sa bansa at sa mga tao na nauubusan na sila ng luha, at hanggang sa kanilang huling hininga ay hindi pa rin nila mabitiwan ang dakilang gawain ng kanilang katutubong lupain at bayan. Ang “Sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang makakaya mo hanggang sa araw ng iyong kamatayan” ba na kasabihan ay nakamamatay at hinihingi ang buhay ng mga tao? Hindi ba’t kahabag-habag ang pagkamatay ng gayong mga tao? (Oo.) Kahit sa punto ng kamatayan, ang gayong mga tao ay tumatangging talikuran ang kanilang mga walang kabuluhang kaisipan at mithiin, at sa bandang huli, namamatay sila nang may mga hinaing at poot sa loob nila. Bakit Ko sinasabi na namamatay sila nang may mga hinaing at poot sa loob nila? Dahil hindi nila kayang bitiwan ang bayan, ang kanilang katutubong lupain, ang kapalaran ng sangkatauhan, at ang misyon na ipinagkatiwala sa kanila ng mga pinuno. Iniisip nila na, “Naku, napakaikli ng buhay ko. Kung maaari lang sana akong mabuhay ng ilang libong taon pa, makikita ko kung saan patungo ang kinabukasan ng sangkatauhan.” Ginugugol nila ang kanilang buong buhay na hawak-hawak sa puso nila ang lahat ng bagay na nasa ilalim ng langit, at sa huli ay hindi pa rin nila ito mabitiwan. Kahit sa punto ng kamatayan, hindi nila alam kung ano ang kanilang sariling pagkakakilanlan, o kung ano ang dapat o hindi dapat nilang gawin. Ang totoo ay mga ordinaryong tao sila, at nararapat na mamuhay bilang mga ordinaryong tao, ngunit tinanggap nila ang panlilinlang ni Satanas at ang lason ng tradisyonal na kultura, at itinuturing ang kanilang sarili bilang mga tagapagligtas ng mundo. Hindi ba’t kahabag-habag iyon? (Oo.) Lubhang kahabag-habag iyon! Sabihin mo sa Akin, kung si Qu Yuan ay hindi naimpluwensyahan ng tradisyonal na ideyang ito ng higit na dakilang katuwiran ng bayan, nagpakamatay kaya siya sa pamamagitan ng pagtalon sa ilog? Ginawa kaya niya ang gayong matinding kilos ng pagkitil sa sarili niyang buhay? (Hindi.) Tiyak na hindi niya ginawa. Biktima siya ng tradisyonal na kultura, na pabigla-biglang tinapos ang kanyang buhay bago pa niya ito maipamuhay hanggang sa wakas. Kung hindi siya naimpluwensyahan ng mga bagay na ito, at hindi nag-alala tungkol sa bansa at mga tao, at sa halip ay tumuon sa sarili niyang buhay, tatanda kaya sana siya at natural na mamamatay? Namatay kaya sana siya nang normal? Kung hindi niya hinangad na sumunod sa ipinapagawa at magsikap na gawin ang makakaya niya hanggang sa araw ng kanyang kamatayan, maaari kayang naging mas masaya, mas malaya, at mas payapa siya sa buhay? (Oo.) Iyon ang dahilan kung bakit ang “Sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang makakaya mo hanggang sa araw ng iyong kamatayan” ay isang nakamamatay na kasabihan na hinihingi ang buhay ng mga tao. Sa sandaling maimpluwensyahan ang isang tao ng ganitong uri ng pag-iisip, nagsisimula silang gugulin ang buong araw sa labis-labis na pag-iisip para sa bansa at sa mga tao at nauuwi ito sa sobrang pag-aalala, gayunpaman ay hindi nababago ang kasalukuyang kalagayan ng mga pangyayari. Hindi ba’t ninakawan ang buhay nila ng ideya at pananaw na ito ng pagsunod sa ipinapagawa at pagsisikap na gawin ang kanilang makakaya hanggang sa araw ng kanilang kamatayan? Ang gayong mga ideya at pananaw ay talaga ngang nakamamatay at hinihingi ang buhay ng mga tao. Bakit Ko ba sinasabi iyon? Sino ang makapagbibigay-puwang sa kanilang puso para sa kapalaran ng isang bansa o bayan? Sino ang kayang balikatin ang gayong pasanin? Hindi ba’t labis ang pagkalkulang ito sa kakayahan ng isang tao? Bakit nakagawian ng mga tao na labis ang pagkalkula sa kanilang mga abilidad? Idinudulot ba ng ilang tao ang lahat ng ito sa sarili nila? Ito ba ay dahil handa silang gawin ito nang kusa? Ang totoo ay na mga biktima sila, pero biktima ng ano? (Ng mga ideya at pananaw na itinatanim ni Satanas sa mga tao.) Tama, mga biktima sila ni Satanas. Ikinikintal ni Satanas ang mga ideyang ito sa mga tao, sinasabi sa kanila na “kailangan ninyong panghawakan sa puso ninyo ang lahat ng bagay na nasa ilalim ng langit, papanatilihin ang mga tao sa puso ninyo, alalahanin ang bansa at ang mga tao, maging isang naglalakbay na kabalyero, isang matuwid na tao na ninanakawan ang mayayaman upang tulungan ang mahihirap, at mag-ambag sa kapalaran ng sangkatauhan, sumusunod sa ipinapagawa at nagsisikap gawin ang iyong makakaya hanggang sa araw ng iyong kamatayan, sa halip na mamuhay nang buhay na hindi katangi-tangi. Bakit tutuparin ang mga responsabilidad sa pamilya at panlipunan? Walang kabuluhan ang mga bagay na iyon, parang langgam lang ang mga taong gumagawa nito. Hindi ka isang langgam, at hindi ka rin dapat maging isang maya. Sa halip, dapat kang maging isang agila, at dapat mong ibuka ang iyong mga pakpak at pumailanlang ka, at magkaroon ng mga dakilang adhikain.” Nalilito ang mga tao sa ganitong pag-uudyok at panunulsol kaya naiisip nila na, “Tama mismo iyan! Hindi ako maaaring maging isang maya, dapat akong maging isang agila na pumapailanlang nang mataas.” Gayunpaman, hindi sila makalilipad nang mataas, gaano man sila magsikap, at sa wakas ay babagsak silang patay dahil sa pagod, sinisira ang kanilang sarili dahil sa sarili nilang kagagawan. Ang totoo ay na isa kang hamak lamang. Hindi ka isang maya, o isang agila. Kaya, ano ka ba? (Isa kang nilikha.) Tama, isa kang ordinaryong tao, isang ordinaryong nilikha. Ayos lang na ipagpaliban ang isa sa tatlong pagkain mo sa isang araw, pero hindi ayos na hindi ka kumakain sa loob ng maraming araw. Tatanda, magkakasakit, at mamamatay ka, isa ka lang ordinaryong tao. Ang mga taong may kaunting talento at abilidad ay maaaring maging lubhang mayabang, at pagkatapos na mahikayat, maudyukan, masulsulan, at malinlang ni Satanas sa ganitong paraan, nalilito sila sa pag-iisip na talagang sila ang mga tagapagligtas ng mundo. Basta-basta silang pumapasok at umuupo sa lugar ng Tagapagligtas, at sumusunod sa ipinapagawa para sa paglilingkod sa bansa at sa bayan, at sinisikap na gawin ang kanilang makakaya hanggang sa araw ng kanilang kamatayan, at wala silang pagpapahalaga sa misyon, mga responsabilidad, mga obligasyon, o buhay ng sangkatauhan, na siyang pinakamahalagang bagay na ipinagkakaloob ng Diyos sa mga tao. Dahil dito, nararamdaman nila na hindi importante o mahalaga ang buhay, na ang layon ng kanilang katutubong lupain ay ang pinakamahalagang bagay, na dapat nilang panghawakan sa puso nila ang lahat ng bagay na nasa ilalim ng langit, at alalahanin ang bansa at mga tao, na sa paggawa nito ay magtataglay sila ng mga pinakamahalagang katangian at mga pinakamarangal na moral, at ang lahat ng tao ay dapat mamuhay nang ganito. Ikinikintal ni Satanas ang mga kaisipang ito sa mga tao, nililinlang sila at hinihikayat silang itakwil ang kanilang pagkakakilanlan bilang mga nilikha at ordinaryong tao, at gumawa ng ilang bagay na hindi tumutugma sa realidad. Ano ang kalalabasan nito? Itinutulak nila ang kanilang sarili sa landas patungo sa kanilang kapahamakan, at hindi namamalayang gumagawa ng napakatinding bagay. Ano ang ibig sabihin ng “gumagawa ng napakatinding bagay”? Nangangahulugan ito ng mas lalong paglayo mula sa mga hinihingi ng Diyos para sa mga tao, at mula sa mga likas na gawi na pauna nang itinakda ng Diyos para sa sangkatauhan. Sa kalaunan, wala nang daang pasulong ang mga tao, na siyang humahantong sa kanilang kapahamakan.

Tungkol sa kung paano dapat mamuhay ang mga tao, ano ang mga hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan? Ang totoo ay napakasimple ng mga ito. Dapat akuin nila ang tamang posisyon bilang isang nilikha at gampanan ang tungkulin na dapat gampanan ng isang tao. Hindi hiniling ng Diyos sa iyo na maging superhuman o isang kilalang tao, ni hindi ka Niya binigyan ng mga pakpak para lumipad sa kalangitan. Binigyan ka lang Niya ng dalawang kamay at dalawang paa na nagtutulot sa iyo na makalakad sa lupa nang paisa-isang hakbang, at makatakbo kung kinakailangan. Ang mga laman loob na nilikha ng Diyos para sa iyo ang tumutunaw at nag-aabsorb ng pagkain, at nagbibigay ng nutrisyon sa buong katawan mo, kaya dapat sundin mo ang nakagawiang pagkain nang tatlong beses sa isang araw. Binigyan ka ng Diyos ng malayang pagpapasya, ng talino ng normal na pagkatao, at ng konsiyensiya at diwa na dapat taglayin ng isang tao. Kung gagamitin mo nang maayos at tama ang mga bagay na ito, susundin ang mga batas para sa kaligtasan ng pisikal na katawan, pangangalagaan nang tama ang iyong kalusugan, matatag na gagawin kung ano ang hinihiling sa iyo ng Diyos, at kakamtin kung ano ang hinihingi sa iyo ng Diyos na makamit, kung gayon ay sapat na iyon, at napakasimple rin nito. Hiniling ba ng Diyos sa iyo na sumunod sa ipinapagawa at magsikap na gawin ang iyong makakaya hanggang sa araw ng iyong kamatayan? Hiniling ba Niya sa iyo na pahirapan ang sarili mo? (Hindi.) Hindi hinihingi ng Diyos ang gayong mga bagay. Hindi dapat pahirapan ng mga tao ang sarili nila, ngunit dapat silang magkaroon ng kaunting sentido komun at maayos na tugunan ang iba’t ibang pangangailangan ng katawan. Uminom ng tubig kapag nauuhaw ka, dagdagan ang pagkain mo kapag ikaw ay nagugutom, magpahinga kapag napapagod, mag-ehersisyo pagkatapos maupo nang napakahabang oras, pumunta sa doktor kapag may sakit ka, sundin ang pagkain nang tatlong beses sa isang araw, at papanatilihin ang buhay ng normal na pagkatao. Siyempre, dapat mo ring ipagpatuloy ang iyong mga normal na tungkulin. Kung naglalaman ang iyong mga tungkulin ng ilang espesyal na kaalaman na hindi mo naiintindihan, dapat mong aralin at isagawa ito. Ito ang normal na buhay. Ang iba’t ibang prinsipyo ng pagsasagawa na inihahain ng Diyos para sa mga tao ay lahat ng bagay na kayang maunawaan ng talino ng normal na pagkatao, mga bagay na mauunawaan at matatanggap ng mga tao, at hindi lumalampas sa saklaw ng normal na pagkatao ni katiting. Lahat ito ay nasa saklaw ng kayang makamit ng mga tao, at sa anumang paraan ay hindi lumalampas sa mga hangganan ng kung ano ang nararapat. Hindi hinihingi ng Diyos na maging superhuman o tanyag ang mga tao, samantalang ang mga kasabihan tungkol sa wastong asal ay nagtutulak sa mga tao na maghangad na maging superhuman o tanyag na mga tao. Hindi lamang nila dapat tanggapin ang dakilang layon ng kanilang bansa at bayan, kundi kinakailangan din nilang sumunod sa ipinapagawa at magsikap na gawin ang kanilang makakaya hanggang sa araw ng kanilang kamatayan. Inoobliga sila nitong isuko ang kanilang buhay, na ganap na salungat sa mga hinihingi ng Diyos. Ano ang saloobin ng Diyos tungkol sa buhay ng mga tao? Pinananatiling ligtas ng Diyos ang mga tao sa bawat sitwasyon, at binabantayan sila mula sa pagkakahulog sa tukso at iba pang mapanganib na mga suliranin, at pinoprotektahan ang kanilang buhay. Ano ang pakay ng Diyos sa paggawa nito? Ito ay upang makapamuhay ng magandang buhay ang mga tao. Ano ang layon ng panghihikayat sa mga tao na mamuhay ng magandang buhay? Hindi ka Niya pinipilit na maging superhuman, ni pinapanatili sa puso mo ang lahat ng bagay na nasa ilalim ng langit, ni alalahanin ang bansa at ang mga tao, at lalo na ang pumalit sa Kanya sa pamumuno sa lahat ng bagay, pangangasiwa sa lahat ng bagay, at pamumuno sa sangkatauhan. Sa halip, hinihingi Niya sa iyo na gampanan ang tamang posisyon ng isang nilikha, na tuparin ang mga tungkulin ng isang nilikha, na gampanan ang mga tungkulin na dapat gampanan ng mga tao, at gawin kung ano ang dapat gawin ng mga tao. Maraming bagay ang dapat mong gawin, at hindi kasama sa mga ito ang pamamahala sa kapalaran ng sangkatauhan, ang pagpapanatili sa puso mo sa lahat ng bagay na nasa ilalim ng langit, o paghawak sa sangkatauhan, sa iyong katutubong lupain, sa iglesia, sa kalooban ng Diyos, o sa Kanyang dakilang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan sa puso mo. Ang mga bagay na ito ay hindi kasama. Kaya, ano ang dapat kasama sa mga bagay na dapat mong gawin? Kasama rito ang atas na ipinagkakatiwala ng Diyos sa iyo, ang mga tungkuling ibinibigay sa iyo ng Diyos, at bawat hinihingi na ibinibigay sa iyo ng sambahayan ng Diyos sa bawat panahon. Hindi ba’t simple lang ito? Hindi ba’t madaling gawin ito? Napakasimple nito at madaling gawin. Ngunit palaging mali ang pagkaunawa ng mga tao sa Diyos at iniisip na hindi sila sineseryoso ng Diyos. May mga nag-iisip na, “Ang mga taong sumasampalataya sa Diyos ay hindi dapat ituring ang kanilang sarili bilang napakaimportante, hindi sila dapat maging abala sa kanilang pisikal na katawan, at dapat silang magdusa nang higit pa, at huwag matulog nang masyadong maaga sa gabi, dahil baka malungkot ang Diyos kung matutulog sila nang napakaaga. Dapat silang bumangon nang maaga at matulog nang dis-oras ng gabi, at magpakapagod buong gabi sa pagganap ng kanilang tungkulin. Kahit na wala silang mga resulta, dapat pa rin silang magpuyat hanggang alas dos o alas tres ng umaga.” Bilang resulta, ang gayong mga tao ay labis na nagtatrabaho hanggang sa mapagod sila nang husto na maging ang paglalakad nila ay nangangailangan ng matinding pagsisikap, gayunpaman, sinasabi nila na ang pagganap ng kanilang mga tungkulin ang siyang dahilan ng kanilang pagkapagod. Hindi ba’t dulot it ng kahangalan at kamangmangan ng mga tao? May iba na nag-iisip na, “Hindi masaya ang Diyos kapag nagsusuot tayo ng mga damit na medyo espesyal at maganda, at hindi rin Siya masaya na kumakain tayo ng karne at masasarap na pagkain araw-araw. Sa sambahayan ng Diyos, maaari lamang tayong sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang ating makakaya hanggang sa araw ng ating kamatayan,” at pakiramdam nila na bilang mga mananampalataya ng Diyos, dapat nilang tuparin ang kanilang tungkulin hanggang kamatayan, kung hindi ay hindi sila patatawarin ng Diyos. Ganoon ba talaga iyon? (Hindi.) Hinihingi ng Diyos sa mga tao na tuparin ang kanilang tungkulin nang may pananagutan at katapatan, ngunit hindi Niya sila inoobliga na pahirapan ang kanilang katawan, at lalong hindi Niya hinihiling sa kanila na maging pabaya at pabasta-basta, o magpalipas-oras. Nakikita Ko na ang ilang lider at manggagawa ay nagsasaayos na gampanan ng mga tao ang kanilang mga tungkulin sa ganitong paraan, hindi humihingi ng kahusayan kundi inaaksaya lamang ang oras at lakas ng mga tao. Ang totoo ay sinasayang nila ang buhay ng mga tao. Sa huli, sa katagalan, nagkakasakit ang ilang tao, at nananakit ang kanilang likod, at sumasakit ang kanilang mga tuhod, at nahihilo sila sa tuwing tumitingin sila sa screen ng computer. Paanong nangyari ito? Sino ang nagsanhi nito? (Sila mismo ang nagsanhi nito.) Hinihingi ng sambahayan ng Diyos na magpahinga ang lahat nang hindi lalagpas sa alas-diyes ng gabi, ngunit ang ilang tao ay hindi natutulog hanggang alas-onse o alas-dose ng gabi, na nakaaapekto sa pahinga ng ibang tao. Pinupuna pa nga ng ilan ang mga taong normal na nagpapahinga, dahil sa pagnanasa ng mga ito ng kaginhawahan sa buhay. Mali ito. Paano ka mahusay na makakapagtrabaho kung hindi nakapahinga nang maayos ang katawan mo? Ano ang sinasabi ng Diyos tungkol dito? Paano ito kinokontrol ng sambahayan ng Diyos? Ang lahat ay dapat gawin ayon sa mga salita ng Diyos at sa mga itinatakda ng sambahayan ng Diyos, at ito lamang ang tama. Ang ilang tao ay may mga kakatwang pagkaunawa, palaging gumagawa ng matitinding bagay, at kinokontrol pa nga ang iba. Hindi ito alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Ang ilang tao ay talagang mga kakatwang hangal na walang anumang pagkakilala, at iniisip nila na upang magampanan ang kanilang mga tungkulin, dapat silang magpuyat, kahit na hindi sila abala sa trabaho, hindi tinutulutan ang kanilang sarili na matulog kapag pagod na sila, hindi pinapayagan ang kanilang sarili na sabihin sa sinuman kung may sakit sila, at ang mas malala pa, hindi pinapayagan ang kanilang sarili na magpatingin sa doktor, na itinuturing nilang pag-aaksaya ng oras na nagpapaantala sa pagganap ng kanilang tungkulin. Tama ba ang pananaw na ito? Bakit nakakaisip pa rin ang mga mananampalataya ng gayong mga kakatwang pananaw pagkatapos makarinig ng napakaraming sermon? Paano kinokontrol ang mga kaayusan ng gawain sa sambahayan ng Diyos? Dapat kang magpahinga sa tamang oras pagsapit ng alas-diyes ng gabi, at bumangon ng alas-sais ng umaga, at dapat mong tiyakin na nakakatulog ka nang walong oras. Dagdag pa rito, paulit-ulit pa ngang binibigyang-diin na dapat mong alagaan ang iyong kalusugan sa pamamagitan ng pag-eehersisyo pagkatapos ng trabaho, at kumain nang masustansya at sundin ang isang routine na mainam sa kalusugan, upang maiwasan ang mga isyu sa kalusugan habang ginagampanan ang iyong tungkulin. Pero hindi lang talaga ito maintindihan ng ilang tao, hindi nila kayang sumunod sa mga prinsipyo o tumalima sa mga panuntunan, at nagpupuyat sila kahit hindi kinakailangan at mali ang mga kinakain nila. Sa sandaling magkasakit sila, hindi nila nagagampanan ang kanilang tungkulin, at sa oras na iyon ay wala nang saysay ang magsisi pa. Nabalitaan Ko kamakailan na may mga taong nagkasakit. Hindi ba’t sanhi ito ng paggawa nila ng kanilang tungkulin nang hindi sumusunod sa mga prinsipyo at ng pagkilos nila nang walang ingat? Totoong taimtim mong ginagawa ang iyong tungkulin, ngunit hindi mo maaaring labagin ang mga likas na sistema ng iyong katawan. Kung lalabagin mo ang mga ito, magkakasakit ka. Talagang dapat magkaroon ka ng pangkalahatang pag-unawa sa kung paano pangalagaan ang iyong kalusugan. Dapat kang mag-ehersisyo kapag pwede, at kumain sa regular na oras. Hindi ka maaaring kumain o uminom nang labis, at hindi ka maaaring maging maselan sa pagkain o kumain ng hindi masusustansya. Dagdag pa rito, kailangan mong kontrolin ang lagay ng iyong loob, bigyang-pansin ang pamumuhay sa harap ng Diyos at pagsasagawa sa katotohanan, at kumilos ayon sa mga prinsipyo. Sa ganoong paraan, magkakaroon ka ng kapayapaan at kagalakan sa puso mo, at hindi ka makararamdam ng kahungkagan o pagkalumbay. Lalo na kung iwawaksi ng mga tao ang mga tiwaling disposisyon at isasabuhay ang normal na pagkatao, magiging ganap na normal ang kalagayan ng kanilang pag-iisip at magiging malusog ang kanilang katawan. Hindi Ko kailanman sinabi sa inyo na matulog nang dis-oras ng gabi at gumising nang maaga, o magtrabaho nang higit pa sa sampung oras sa isang araw. Ang lahat ng ito ay dahil hindi kumikilos ang mga tao ayon sa mga panuntunan at hindi sumusunod sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos. Sa bandang huli, ang mga tao ay napakamangmang kung kaya’t binabalewala nila ang kanilang kalusugan. Nakita Ko na sa ilang lugar, palaging ginagampanan ng mga tao ang kanilang mga tungkulin sa loob ng bahay, at hindi sila lumalabas para magpaaraw o manatiling aktibo, kaya’t gumawa Ako ng mga pagsasaayos para maghanap ang mga tao ng ilang kasangkapan sa ehersisyo at sinabihan silang mag-ehersisyo nang isa o dalawang beses sa isang linggo, na katumbas ng isang routine na mainam sa kalusugan. Ang mga taong hindi nag-eehersisyo nang wasto ay natural na magkakasakit, at nakakaapekto rin ito sa kanilang normal na buhay. Sa sandaling gumawa Ako ng gayong mga pagsasaayos, kailangan Ko bang suriin kung sino ang nag-eehersisyo at kung gaano kadalas? (Hindi.) Hindi Ko na kailangang gawin iyon, ginampanan Ko na ang Aking pananagutan, nasabi Ko na ang gusto Kong ipunto, at sinabi sa iyo nang buong sinseridad kung ano ang dapat mong gawin, nang walang anumang kasinungalingan, at kailangan mo na lang gawin ang itinuro sa iyo. Pero hindi ito nauunawaan ng mga tao, iniisip nila na bata pa sila at malusog, kaya hindi nila sineseryoso ang Aking mga salita. Kung hindi ninyo pinahahalagahan ang sarili ninyong kalusugan, hindi Ko na kinakailangang alalahanin pa ito—huwag lang ninyong sisihin ang iba kapag nagkasakit kayo. Hindi binibigyang-pansin ng mga tao ang pag-eehersisyo. Ang isang aspeto ay dahil mayroon silang ilang maling ideya at pananaw. Ang isa pa ay mayroon din silang nakamamatay na problema, ang katamaran. Kung ang mga tao ay may maliit na pisikal na karamdaman, ang kailangan lang nilang gawin ay bigyang-pansin ang pangangalaga sa kanilang kalusugan at maging mas aktibo. Ngunit ang ilang tao ay mas gugustuhin pang magpa-iniksyon o uminom ng gamot kapag nagkasakit na sila, kaysa mag-ehersisyo at alagaan ang kalusugan nila. Ito ay dahil sa katamaran. Ang mga tao ay tamad at ayaw mag-ehersisyo, kaya walang saysay na sabihan pa sila. Sa huli, hindi nila masisisi ang iba kapag nagkasakit sila; alam nila sa kaibuturan nila kung ano ang tunay na dahilan. Ang bawat tao ay dapat na mag-ehersisyo araw-araw. Araw-araw Kong kailangang maglakad nang hindi bababa sa isa o dalawang oras at gumawa ng ilang kinakailangang ehersisyo. Nakatutulong ito hindi lamang para mapalakas ang Aking pangkalahatang kalusugan, kundi para makaiwas din sa sakit at mapabuti ang pakiramdam ng katawan Ko. Ang pag-eehersisyo ay hindi lamang tungkol sa pag-iwas sa sakit, ito rin ay isang normal na pisikal na pangangailangan. Sa usaping ito, ang hinihingi ng Diyos sa mga tao ay ang magkaroon sila ng kaunting kabatiran. Huwag maging mangmang, at huwag pahirapan ang iyong katawan, bagkus ay sundin ang likas na sistema nito. Huwag abusuhin ang iyong laman, ngunit huwag ding maging masyadong abala rito. Madali bang maunawaan ang prinsipyong ito? (Oo.) Sa totoo lang, napakadali nitong maunawaan, ang pinakapunto ay kung isinasagawa ito ng mga tao. Ano ang isa pa sa mga nakamamatay na kahinaan ng mga tao? Iyon ay na palagi silang nadadala ng kanilang imahinasyon, iniisip na, “Kung nananampalataya ako sa Diyos, hindi ako magkakasakit, hindi ako tatanda, at siyempre, tiyak na hindi ako mamamatay.” Lubos na kalokohan ito. Hindi ginagawa ng Diyos ang mga supernatural na bagay na ito. Inililigtas Niya ang mga tao, nangangako sa kanila, at hinihiling sa kanila na hangarin at unawain ang katotohanan, iwaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon, kamtin ang Kanyang kaligtasan, at pasukin ang magandang destinasyon ng sangkatauhan. Ngunit hindi kailanman ipinangako ng Diyos sa mga tao na hindi sila magkakasakit o tatanda, at hindi rin Niya ipinangako sa mga tao na hindi sila mamamatay. At siyempre, tiyak na hindi hiningi ng Diyos sa mga tao na dapat “sumunod sila sa ipinapagawa at magsikap na gawin ang kanilang makakaya hanggang sa araw ng kanilang kamatayan.” Pagdating sa paggawa ng isang tao sa tungkulin at sa gawain ng iglesia, at sa kung anong mga paghihirap ang dapat tiisin, kung ano ang tatalikdan, ang gugugulin, at ang dapat bitawan, dapat kumilos ang mga tao ayon sa mga prinsipyo. Kapag nahaharap sa sariling pisikal na buhay at mga pangangailangan ng katawan, dapat ay may sentido komun ang mga tao, at hindi nila dapat labagin ang mga normal na pangangailangan ng kanilang katawan, lalo na ang mga batas at panuntunan na itinakda ng Diyos para sa mga tao. Siyempre, ito rin ang pinakamaliit na sentido komun na dapat taglayin ng mga tao. Kung hindi man lang alam ng mga tao kung paano harapin ang mga pangangailangan at sistema ng kanilang pisikal na katawan, at wala man lang silang sentido komun, bagkus ay umaasa lamang sa mga imahinasyon at kuru-kuro, at mayroon pa ngang matitinding ideya at gumagamit ng ilang matinding pamamaraan sa pagtrato sa kanilang pisikal na katawan, kung gayon, may kakatwang pagkaunawa ang gayong mga tao. Anong uri ng katotohanan ang maaaring maunawaan ng mga taong may ganitong uri ng kakayahan? May tandang pananong dito. Paano hinihingi ng Diyos na tratuhin ng mga tao ang kanilang pisikal na katawan? Noong likhain ng Diyos ang mga tao, nagtakda Siya ng mga tuntunin para sa kanila, kaya’t hinihingi Niya sa iyo na tratuhin ang iyong pisikal na katawan ayon sa mga tuntuning iyon. Ito ang hinihingi at pamantayan na itinatakda ng Diyos sa mga tao. Huwag umasa sa mga kuru-kuro, at huwag umasa sa mga imahinasyon. Naiintindihan mo ba?

Sa ilalim ng pagtuturo at impluwensya ng kasabihang ito sa wastong asal, “Sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang makakaya mo hanggang sa araw ng iyong kamatayan,” hindi alam ng mga tao kung paano tratuhin ang kanilang pisikal na katawan o kung paano mamuhay nang normal. Isang aspeto ito. Ang isa pang aspeto ay hindi alam ng mga tao kung paano haharapin ang kanilang kamatayan, o kung paano mamuhay nang makabuluhan. Tingnan natin, kung gayon, ang saloobin ng Diyos sa pagharap sa kamatayan ng mga tao. Anuman ang aspeto ng tungkuling ginagampanan, sa proseso ng paggawa ng mga tao sa kanilang tungkulin, ang pakay ng Diyos ay ang maunawaan ng mga tao ang katotohanan, maisagawa ito, maisantabi ang kanilang mga tiwaling disposisyon, maisabuhay ang wangis ng normal na tao, at maabot ang pamantayan sa pagkamit ng kaligtasan, sa halip na basta-bastang tunguhin ang kamatayan. May mga taong nagkakaroon ng malubhang karamdaman o kanser at iniisip na, “Hinihiling sa akin ng Diyos na mamatay ako at isuko ang buhay ko, kaya susunod ako!” Sa katunayan, hindi iyon sinabi ng Diyos, at hindi rin sumagi sa Kanya ang gayong ideya. Ito ay walang iba kundi maling pagkaunawa lang ng mga tao. Kaya ano ang ibig sabihin ng Diyos? Ang lahat ay namumuhay nang ilang taon, ngunit magkakaiba ang haba ng kanilang buhay. Ang lahat ay namamatay kapag ipinasya ito ng Diyos, sa tamang panahon at lugar. Lahat ito ay inorden ng Diyos. Ginagawa Niya ito ayon sa oras na Kanyang itinakda para sa haba ng buhay ng taong iyon at sa lugar at paraan ng kanilang pagkamatay, sa halip na hayaan ang sinuman na mamatay nang basta-basta na lang. Itinuturing ng Diyos ang buhay ng isang tao bilang napakahalaga, at itinuturing din Niya ang kamatayan ng isang tao at ang pagwawakas ng pisikal na buhay nito bilang napakahalaga. Ang lahat ng ito ay inorden ng Diyos. Kung titingnan ito mula sa pananaw na ito, hinihingi man ng Diyos sa mga tao na gampanan ang kanilang mga tungkulin o sundin Siya, hindi Niya hinihiling sa mga tao na basta-bastang tunguhin ang kamatayan. Ano ang ibig sabihin nito? Nangangahulugan ito na hindi hinihingi ng Diyos sa iyo na maging handang isuko ang iyong buhay anumang oras alang-alang sa pagganap ng iyong tungkulin o paggugol para sa Diyos, o alang-alang sa Kanyang atas. Hindi mo kailangang gumawa ng gayong mga paghahanda, hindi mo kailangang magkaroon ng gayong pag-iisip, at tiyak na hindi mo kailangang magplano o mag-isip nang ganoon, dahil hindi kailangan ng Diyos ang buhay mo. Bakit Ko ba sinasabi iyon? Malinaw naman na pag-aari ng Diyos ang buhay mo, Siya ang nagkaloob nito, kaya bakit Niya gugustuhing bawiin ito? Mahalaga ba ang buhay mo? Sa perspektiba ng Diyos, hindi ito isang usapin ng kung mahalaga ba ito o hindi, kundi kung ano lang ang papel na ginagampanan mo sa plano ng pamamahala ng Diyos. Pagdating sa buhay mo, kung nais ng Diyos na kuhain ito, magagawa Niya ito anumang oras, saan mang lugar at anumang minuto. Samakatuwid, ang buhay ng sinumang tao ay mahalaga sa kanyang sarili, at mahalaga sa kanyang mga tungkulin, obligasyon at responsabilidad, at gayundin sa atas ng Diyos. Siyempre, mahalaga rin ito sa kanyang papel sa pangkalahatang plano ng pamamahala ng Diyos. Bagamat mahalaga ito, hindi kailangang kuhain ng Diyos ang buhay mo. Bakit? Kapag kinuha ang buhay mo, magiging isa kang patay na tao, at wala ka nang magiging pakinabang. Kapag buhay ka, namumuhay kasama ng sangkatauhan na pinamumunuan ng Diyos, saka mo lang magagampanan ang papel na dapat mong gampanan sa buhay na ito, at matutupad ang mga responsabilidad at obligasyon na dapat mong tuparin, at ang mga tungkuling hinihingi ng Diyos na gampanan mo sa buhay na ito. Tanging kapag umiiral ka sa kondisyong ito magkakaroon ng halaga ang buhay mo at mapagtatanto mo ang halaga nito. Kaya, huwag basta-bastang magbigkas ng mga pariralang gaya ng “ang mamatay para sa Diyos” o “pag-alay ng aking buhay para sa gawain ng Diyos,” at huwag ulitin ang mga ito, o papanatilihin ang mga ito sa iyong isipan o sa kaibuturan ng iyong puso; hindi ito kailangan. Kapag ang isang tao ay palaging nagnanais na mamatay para sa Diyos, at ialay ang kanyang sarili at isuko ang kanyang buhay para sa kanyang tungkulin, ito ang pinakakasuklam-suklam, hindi karapat-dapat, at kamuhi-muhing bagay. Bakit? Kung tapos na ang buhay mo, at hindi ka na namumuhay sa ganitong anyo ng laman, paano mo matutupad ang iyong tungkulin bilang isang nilikha? Kung patay na ang lahat, sino ang maiiwan para iligtas ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang gawain? Kung walang mga taong kailangang iligtas, paano maisasakatuparan ang plano ng pamamahala ng Diyos? Mananatili pa ba ang gawain ng Diyos sa pagliligtas sa sangkatauhan? Maaari pa ba itong magpatuloy? Kung titingnan ito mula sa mga aspetong ito, hindi ba’t isang mahalagang bagay para sa mga tao na alagaang mabuti ang kanilang katawan at mamuhay nang may mainam na kalusugan? Hindi ba’t sulit ito? Tiyak na sulit ito, at dapat gawin ito ng mga tao. Tungkol naman sa mga hangal na taong basta-bastang nagsasabi na, “Kung magiging masyadong malubha ang sitwasyon, mamamatay ako para sa Diyos,” at walang ingat na kayang tratuhin nang mababaw ang kamatayan, at iniaalay ang kanilang buhay, at inaabuso ang kanilang katawan, anong uri ng tao ang mga ito? Sila ba ay mga pasaway na tao? (Oo.) Sila ang mga taong pinakamasuwayin, at dapat silang kasuklaman at kamuhian. Kapag ang isang tao ay basta-bastang nakakapagsabi na mamamatay siya para sa Diyos, maaaring ipagpalagay na basta-basta lamang niyang naiisip na wakasan ang kanyang sariling buhay, bitiwan ang kanyang tungkulin, bitiwan ang atas na ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos, at pigilan ang mga salita ng Diyos na matupad sa kanya. Hindi ba’t isa itong hangal na paraan ng paggawa sa mga bagay-bagay? Maaaring basta-basta at handa mong isuko ang buhay mo at sabihin na gusto mong ialay ito sa Diyos, ngunit kailangan ba ng Diyos na ialay mo ito? Ang buhay mo mismo ay pag-aari ng Diyos, at maaaring kunin ito ng Diyos anumang oras, kaya’t ano ang saysay ng pag-aalay nito sa Kanya? Kung hindi mo ito iaalok pero kinakailangan ito ng Diyos, hihilingin ba Niya ito sa iyo sa magandang paraan? Kailangan pa ba Niya itong ipakiusap sa iyo? Hindi, hindi Niya kailangang gawin iyon. Ngunit bakit gugustuhin ng Diyos ang buhay mo? Sa sandaling bawiin ng Diyos ang buhay mo, hindi mo na magagampanan ang iyong tungkulin, at isang tao ang mawawala sa plano ng pamamahala ng Diyos. Matutuwa at masisiyahan ba Siya sa ganoon? Sino ba talaga ang matutuwa at masisiyahan? (Si Satanas.) Kung isusuko mo ang buhay mo, ano ang mapapala mo sa paggawa niyon? At ano ang makakamit ng Diyos sa pagkuha ng iyong buhay? Kung mapapalampas mo ang pagkakataong maligtas, isa ba itong pakinabang o kawalan para sa Diyos? (Isang kawalan.) Para sa Diyos, hindi ito isang pakinabang, kundi isang kawalan. Tinutulutan ka ng Diyos, bilang isang nilikha, na magkaroon ng buhay at akuin ang posisyon ng isang nilikha upang magampanan ang tungkulin ng isang nilikha, at sa paggawa nito, makapasok sa katotohanang realidad, masunod ang Diyos, maunawaan ang Kanyang kalooban at makilala Siya, magawa ang Kanyang kalooban, makipagtulungan sa Kanya sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan, at masunod Siya hanggang sa pinakawakas. Ito ay pagiging matuwid, at ito ang halaga at kabuluhan ng pag-iral ng buhay mo. Kung umiiral ang buhay mo para dito, at namumuhay ka nang mainam sa kalusugan para dito, kung gayon, ito ang pinakamakabuluhang bagay, at kung ang Diyos ang tatanungin, ito ay tunay na dedikasyon at pakikipagtulungan—para sa Kanya, ito ang pinakakasiya-siyang bagay. Ang nais makita ng Diyos ay isang nilikhang namumuhay sa laman na iwinawaksi ang tiwaling disposisyon nito sa gitna ng Kanyang pagkastigo at paghatol, tinatanggihan ang napakaraming maling ideya na itinanim ni Satanas dito, at kinakayang tanggapin ang mga katotohanan at mga hinihingi mula sa Diyos, ganap na magpasakop sa kapamahalaan ng Lumikha, tumupad sa tungkulin na dapat gampanan ng isang nilikha, at kayang maging isang tunay na nilikha. Ito ang nais makita ng Diyos, at ito ang halaga at kabuluhan ng pagkakaroon ng buhay ng tao. Samakatuwid, para sa sinumang nilikha, hindi kamatayan ang pinakahuling hantungan. Ang halaga at kabuluhan ng pag-iral ng buhay ng tao ay hindi ang mamatay, kundi ay ang mabuhay para sa Diyos, umiral para sa Diyos at para sa sariling tungkulin, umiral upang magampanan ang mga tungkulin at mga responsabilidad ng isang nilikha, para sundin ang kalooban ng Diyos, at para ipahiya si Satanas. Ito ang halaga ng pag-iral ng isang nilikha, at gayundin ang kabuluhan ng buhay nito.

Tungkol naman sa mga hinihingi ng Diyos sa mga tao, ang paraan ng pagtrato ng Diyos sa buhay at kamatayan ng mga tao ay ganap na naiiba sa inilarawan ng kasabihang “Sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang makakaya mo hanggang sa araw ng iyong kamatayan” sa tradisyonal na kultura. Laging gusto ni Satanas na mamatay ang mga tao. Hindi ito komportable na makitang buhay ang mga tao, at patuloy itong nag-iisip kung paano kukuhain ang buhay ng mga tao. Sa sandaling tanggapin ng mga tao ang mga maling ideya ng tradisyonal na kultura mula kay Satanas, ang tanging gusto nila ay isakripisyo ang kanilang buhay para sa kanilang bansa at bayan, o para sa kanilang propesyon, para sa pag-ibig, o para sa kanilang pamilya. Palagi nilang hinahamak ang sarili nilang buhay, handang mamatay at ialay ang kanilang buhay saanman at anumang oras, at hindi itinuturing ang buhay na ibinigay sa kanila ng Diyos bilang ang pinakamahalagang bagay at bilang isang bagay na dapat pakamahalin. Dahil hindi magampanan ang kanilang mga tungkulin at obligasyon habang sila ay nabubuhay, habang taglay pa nila ang buhay na ibinigay sa kanila ng Diyos, tinatanggap nila sa halip ang mga maling paniniwala at kalokohan ni Satanas, na laging naglalayong sumunod sa ipinapagawa sa kanila at magsikap na gawin ang kanilang makakaya hanggang sa araw ng kanilang kamatayan, at inihahanda ang kanilang sarili na mamatay para sa Diyos anumang oras. Ang totoo ay na kung talagang mamamatay ka, kung gayon, ginagawa mo ito hindi para sa Diyos, kundi para kay Satanas, at hindi ka gugunitain ng Diyos. Sapagkat ang mga buhay lamang ang makapagluluwalhati sa Diyos at makapagpapatotoo sa Kanya, at tanging ang mga buhay lamang ang maaaring umako sa nararapat na posisyon ng mga nilikha at gumanap sa kanilang mga tungkulin, at sa gayon ay walang maiiwang mga pagsisisi, at maipapahiya nila si Satanas, at makapagpapatotoo sila sa mga kamangha-manghang gawa at kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha—ang mga buhay lamang ang makagagawa ng mga bagay na ito. Kung wala ka man lang buhay, ang lahat ng ito ay titigil na sa pag-iral. Hindi ba’t tama ito? (Oo.) Kaya naman, sa paghain ng kasabihan tungkol sa wastong asal na, “Sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang makakaya mo hanggang sa araw ng iyong kamatayan,” tiyak na pinaglalaruan at niyuyurakan ni Satanas ang buhay ng tao. Hindi nirerespeto ni Satanas ang buhay ng tao, kundi sa halip ay pinaglalaruan ito, hinihimok ang mga tao na tanggapin ang mga ideya tulad ng “Sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang makakaya mo hanggang sa araw ng iyong kamatayan.” Namumuhay sila sa gayong mga ideya, at hindi pinahahalagahan ang buhay o itinuturing ang kanilang sariling buhay bilang mahalaga, kaya’t basta-basta nilang isinusuko ang kanilang buhay, iyong pinakamahalaga sa mga bagay na ibinibigay ng Diyos sa mga tao. Ito ay pagtataksil at imoralidad. Hangga’t hindi pa naaabot ang takdang panahon na inorden ng Diyos para sa iyo, hindi ka dapat magsalita nang basta-basta tungkol sa pag-aalay ng iyong buhay, kahit kailan. Hangga’t mayroon ka pang hininga sa loob mo, huwag kang sumuko, huwag talikuran ang iyong tungkulin, at huwag abandonahin ang ipinagkatiwala at atas ng Diyos sa iyo. Sapagkat ang buhay ng sinumang nilikha ay umiiral lamang para sa Lumikha, at para lamang sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, pangangasiwa, at mga pagsasaayos, at umiiral at napagtatanto lang din ang halaga nito para sa patotoo ng Lumikha at sa Kanyang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan. Makikita mo na ang pananaw ng Diyos sa buhay ng tao ay ganap na naiiba sa pananaw ni Satanas. Kaya, sino ang tunay na nagpapahalaga sa buhay ng tao? (Ang Diyos.) Tanging ang Diyos, samantalang ang mga tao mismo ay hindi alam kung paano pahalagahan ang sarili nilang buhay. Tanging ang Diyos ang nagpapahalaga sa buhay ng tao. Bagamat ang mga tao ay hindi kaibig-ibig o karapat-dapat sa pagmamahal, at puno sila ng karumihan, paghihimagsik, at ng maraming uri ng kakatwang ideya at pananaw na ikinintal ni Satanas, at bagamat iniidolo at sinusunod nila si Satanas, hanggang sa punto ng pagsalungat sa Diyos, gayunpaman, sapagkat ang mga tao ay nilikha ng Diyos, at pinagkakalooban Niya sila ng hininga at buhay, Siya lamang ang nagpapahalaga sa buhay ng tao, Siya lamang ang nagmamahal sa mga tao, at Siya lamang ang patuloy na nagmamalasakit at nagpapahalaga sa sangkatauhan. Pinahahalagahan ng Diyos ang mga tao—hindi ang kanilang pisikal na katawan, kundi ang buhay nila, dahil ang mga tao lamang na binigyan ng buhay ng Diyos ang maaaring maging mga nilikhang tunay na sumasamba sa Kanya at nagpapatotoo sa Kanya sa huli. Ang Diyos ay may gawain, mga atas, at mga ekspektasyon para sa mga tao, sa mga nilikhang ito. Samakatuwid, pinahahalagahan at pinagkakaingat-ingatan ng Diyos ang kanilang buhay. Ito ang katotohanan. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Kaya, sa sandaling maunawaan ng mga tao ang kalooban ng Diyos na Lumikha, hindi ba’t dapat na may mga prinsipyo kung paano nila dapat tratuhin ang buhay ng kanilang pisikal na katawan, at harapin ang mga sistema at pangangailangan nito para mabuhay? Ano ang batayan ng mga prinsipyong ito? Nakabatay ang mga ito sa mga salita ng Diyos. Ano ang mga prinsipyo sa pagsasagawa ng mga ito? Ang pasibong pagharap dito ay dapat talikuran ng mga tao ang maraming uri ng maling pananaw na ikinintal sa kanila ni Satanas, ilantad at kilalanin ang mga maling pananaw ni Satanas—tulad ng kasabihang “Sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang makakaya mo hanggang sa araw ng iyong kamatayan”—na nagpapamanhid, pumipinsala, at kumukulong sa mga tao, at abandonahin ang mga pananaw na ito; dagdag pa rito, ang aktibo namang pagharap dito ay dapat nilang tumpak na maunawaan kung ano ang mga hinihingi ng Diyos na Lumikha para sa sangkatauhan, at gawing pundasyon ang mga salita ng Diyos sa lahat ng kanilang ginagawa. Sa ganitong paraan, makapagsasagawa nang tama ang mga tao nang walang mga paglihis, at tunay nilang hahangarin ang katotohanan. Ano ang paghahangad sa katotohanan? (Ang tingnan ang mga tao at bagay, at ang umasal at kumilos, nang ganap na alinsunod sa mga salita ng Diyos, gamit ang katotohanan bilang batayan.) Tama ang sumahin ito sa mga salitang ito.

Ngayon, pangunahin nating pinagbahaginan kung paano harapin ang kamatayan, gayundin kung paano harapin ang buhay. Niyuyurakan, winawasak, at kinikitil ni Satanas ang buhay ng mga tao. Nililito at ginagawa nitong manhid ang mga tao sa pamamagitan ng pagkintal sa kanila ng mga maling uri ng ideya at pananaw, at inuudyukan ang mga tao na tratuhin ang pinakamahalagang bagay na mayroon sila—ang kanilang buhay—nang may paghamak, sa gayon ay ginagambala at sinisira ang gawain ng Diyos. Sabihin mo sa Akin, kung ang lahat ng tao sa buong mundo ay gustong mamatay, at magagawa ito nang basta-basta, hindi ba’t masasadlak ang lipunan sa kaguluhan? Magiging mahirap ba kung gayon para sa mga tao na mabuhay at umiral? (Oo.) Kaya, ano ang saloobin ng Diyos tungkol sa buhay ng tao? Pinahahalagahan Niya ito. Pinahahalagahan at pinagkakaingat-ingatan ng Diyos ang buhay ng tao. Anong landas ng pagsasagawa ang dapat makamit ng mga tao mula sa mga salitang ito ng Diyos? Habang nabubuhay pa sila, habang mayroon pa silang buhay at hininga, na siyang pinakamahahalagang bagay na ibinigay ng Diyos, dapat hangarin at unawain ng mga tao ang katotohanan nang tama, at tuparin ang kanilang mga tungkulin bilang nilikha ayon sa mga hinihingi at prinsipyo ng Diyos, nang walang iniiwang anumang pagsisisi, upang balang araw ay maaari nilang akuin ang posisyon ng isang nilikha at magpatotoo at sumamba sa Lumikha. Sa paggawa nito, bibigyan nila ng halaga at kabuluhan ang buhay nila, sa pamamagitan ng pamumuhay hindi para kay Satanas, kundi para sa kataas-taasang kapangyarihan, gawain, at patotoo ng Diyos. Ang buhay ng mga tao ay may halaga at kabuluhan kapag nakapagpapatotoo sila tungkol sa mga gawa at gawain ng Diyos. Ngunit hindi masasabi na ang buhay ng tao ay umabot na sa pinakamaluwalhating panahon nito. Medyo hindi tamang sabihin ito, dahil hindi pa naabot ang oras na iyon. Sa sandaling tunay mong maunawaan ang katotohanan, makamit ang katotohanan, makilala ang Diyos, at maako ang posisyon ng isang nilikha para sambahin ang Diyos, at magpatotoo sa Diyos, sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, sa Kanyang mga gawa, at sa Kanyang diwa at identidad, kung gayon, ang halaga ng buhay mo ay aabot na sa pinakamataas at pinakamalawak nitong antas. Ang layon at kabuluhan ng pagsasabi ng lahat ng ito ay upang ipaunawa sa inyo ang halaga at kabuluhan ng pag-iral ng buhay, at kung paano mo dapat tratuhin ang sarili mong buhay, upang piliin mo ang landas na dapat mong tahakin batay rito. Ito ang tanging paraan upang maging kaayon ng kalooban ng Diyos.

Hunyo 4, 2022

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.