Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 12 (Unang Bahagi)
Ano ang ibinahagi Ko sa huling pagtitipon, mayroon bang sinuman na makapagsasabi sa atin? (Noong huli, nakipagbahaginan ang Diyos tungkol sa dalawang aspeto. Ang isang aspeto ay na kapag ang ilang partikular na insidente ay nangyayari sa iglesia sa iba’t ibang panahon o sa iba’t ibang yugto—halimbawa, naaresto ang ilang tao ng malaking pulang dragon, napalitan ang ilang lider at manggagawa, nagkakasakit ang ilang tao, at ang ilang tao ay nahaharap sa mga isyu ng buhay-at-kamatayan—ang mga pangyayaring ito ay hindi nagkataon lang, at kailangan nating hanapin ang katotohanan tungkol sa mga ito. Nagsabi rin ang Diyos ng ilang landas ng pagsasagawa. Kapag nahaharap sa mga sitwasyong ito, dapat tayong sumunod sa dalawang bagay: Ang una ay ang akuin ang tamang posisyon ng isang nilikha; ang pangalawa ay ang magkaroon ng sinsero at masunuring puso—nahaharap man sa paghatol at pagkastigo, mga pagsubok at pagpipino, o sa biyaya at mga pagpapala, dapat nating tanggapin ang lahat ng bagay na ito mula sa Diyos. Bukod pa rito, hinimay-himay ng pakikipagbahaginan ng Diyos ang isang kasabihan tungkol sa wastong asal ng tradisyonal na kultura, na nagsasabing “Ang isang tao ay hindi dapat masira ng kayamanan, mabago ng kahirapan, o mapasunod ng pamumuwersa.”) Ang pangunahin ding paksa ng huling pagbabahaginan ay ang mga problema sa mga kasabihan tungkol sa wastong asal. Matagal Akong nakipagbahaginan tungkol sa paksang ito, inilalantad ang ilang karaniwang kasabihan, hinihingi at mga kahulugan ng wastong asal sa tradisyonal na kultura. Dahil nakapagbahaginan na tayo sa mga paksang ito, mayroon na ba kayong anumang bagong pagkaunawa at bagong pakahulugan sa mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal? Nakilatis ba ninyo ang mga pahayag na ito sa kung ano talaga ang mga ito at nakita ba ninyo nang malinaw ang diwa ng mga ito? Kaya mo bang bitiwan ang mga bagay na ito mula sa kaibuturan ng iyong puso, abandonahin ang mga ito, itigil ang pagkalito kung ang mga ito ba ang katotohanan, at itigil ang pagturing sa mga ito bilang mga positibong bagay, at paghangad sa mga ito bilang mga katotohanan, at pagsunod sa mga ito? Lalo na kapag nahaharap sa ilang bagay sa pang-araw-araw na buhay na may kaugnayan sa mga kasabihan tungkol sa wastong asal, mayroon bang kamalayan sa loob mo, at kaya mo bang pagnilayang mabuti kung naiimpluwensyahan ka pa rin ng mga kasabihang ito ng wastong asal? Ikaw ba ay naigagapos, napipigilan, at nakokontrol ng mga bagay na ito? Sa loob-loob mo, kaya mo pa bang gamitin ang mga kasabihan ng wastong asal para pigilan ang iyong sarili at impluwensyahan ang iyong pananalita at asal, pati na ang iyong saloobin sa mga bagay-bagay? Ibahagi ang inyong mga saloobin. (Bago nakipagbahaginan ang Diyos tungkol sa tradisyonal na kultura at hinimay-himay ito, hindi ko alam na mali ang mga ideya at pananaw na ito tungkol sa wastong asal, o kung anong uri ng pinsala ang magagawa ng mga ito sa akin, ngunit ngayon ay mayroon na akong kamalayan.) Isang magandang bagay na mayroon kayong kaunting kamalayan. Siyempre, pagkaraan ng ilang panahon, dapat ninyong makilala ang mga pagkakamali ng mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal. Mula sa pansariling pananaw, malamang na matatalikuran ninyo ang mga ito at matitigil ang pagturing ninyo sa mga ito bilang mga positibong bagay, ngunit mula sa isang obhektibong pananaw, kailangan pa rin ninyong maingat na unawain, tuklasin, at kilatisin ang gayong mga kasabihan tungkol sa wastong asal sa pang-araw-araw na buhay, upang lubos ninyong maunawaan at matalikdan ang mga ito. Ang pagkakaroon ng kamalayan mula sa pansariling pananaw ay hindi nangangahulugan na kaya ninyong talikdan ang mga maling ideya at pananaw ng tradisyonal na kultura sa inyong pang-araw-araw na buhay. Kapag nahaharap sa gayong mga bagay, maaaring bigla ninyong maramdaman na makatwiran ang mga kasabihang ito, at hindi ninyo lubusang matatalikdan ang mga ito. Sa gayong mga kaso, dapat ninyong hanapin ang katotohanan sa inyong mga karanasan, maingat na himay-himayin ang mga maling pananaw na ito ng tradisyonal na kultura nang alinsunod sa mga salita ng Diyos, at marating ang punto kung saan malinaw ninyong makikita na ang diwa ng mga kasabihang iyon mula sa tradisyonal na kultura ay salungat sa katotohanan, hindi makatotohanan, mapanlinlang, at nakapipinsala sa mga tao. Sa ganitong paraan lamang tuluyang mapupuksa ang lason ng mga maling pananaw na ito sa puso ninyo. Napagtanto na ninyo ngayon ang mga kapintasan ng iba’t ibang kasabihan ng tradisyonal na kultura sa usapin ng doktrina, at mabuti ito, ngunit simula pa lamang ito. Kung ganap mang mapupuksa ang nakalalason na impluwensya ng tradisyonal na kultura sa hinaharap, nakadepende ito sa kung paano hinahangad ng mga tao ang katotohanan.
Anuman ang kasabihan tungkol sa wastong asal, isa itong uri ng ideolohikal na pananaw sa wastong asal na isinusulong ng sangkatauhan. Nauna na nating inihayag ang diwa ng ilan sa iba’t ibang kasabihan tungkol sa wastong asal, ngunit dagdag pa sa mga aspeto na ating pinagbahaginan noong nakaraan, tiyak na mayroon pa ring ilan pang kasabihan tungkol sa wastong asal na dapat ihayag, upang magkamit ng mas malalim na pagkaunawa at pagkakilala sa napakaraming kasabihan tungkol sa wastong asal na isinusulong ng mga tao. Ito ay isang bagay na dapat ninyong gawin. Tungkol sa kasabihan sa wastong asal na, “Ang isang tao ay hindi dapat masira ng kayamanan, mabago ng kahirapan, o mapasunod ng pamumuwersa” na pinagbahaginan natin nitong huli, kung huhusgahan ang kahulugan ng pangungusap na ito, pangunahin itong nakatuon sa mga lalaki. Hinihingi ito sa mga lalaki, at isa rin itong pamantayan para sa tinatawag ng sangkatauhan na “mga tunay at malakas na lalaki.” Inilantad at sinuri natin ang pamantayang ito tungkol sa mga lalaki. Bukod pa sa hinihinging ito sa mga lalaki, mayroon ding kasabihan na “Ang isang babae ay kailangang maging malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal,” na pinagbahaginan natin noong nakaraan, at na isinulong tungkol sa kababaihan. Mula sa dalawang kasabihang ito, malinaw na makikita na ang tradisyonal na kultura ng sangkatauhan ay hindi lamang nagsusulong ng mga hindi makatotohanan, hindi makataong hinihingi para sa kababaihan na hindi umaayon sa kalikasan ng tao, ngunit hindi rin ligtas ang mga lalaki rito, sa pamamagitan ng pagsulong ng mga pahayag at hinihingi tungkol sa kanila na imoral, hindi makatao, at sumasalungat sa kalikasan ng tao, sa gayon ay pinagkakaitan hindi lamang ang mga babae ng kanilang mga karapatang pantao, kundi pati na rin ang mga lalaki. Mula sa pananaw na ito, tila makatarungan lang ang pagiging walang kinikilingan, ang hindi pagiging maluwag sa mga babae, o hindi pagpapalagpas sa mga lalaki. Gayunpaman, kung isasaalang-alang ang mga hinihingi at pamantayan ng tradisyonal na kultura sa kababaihan at kalalakihan, malinaw na mayroong mga seryosong problema sa pamamaraang ito. Bagamat sa isang banda, isinusulong ng tradisyonal na kultura ang mga pamantayan ng wastong asal para sa kababaihan at, sa kabilang banda, ay nagtatakda rin ng mga batayan ng pag-uugali para sa mga tunay at malakas na lalaki, batay sa mga hinihingi at pamantayang ito ay malinaw na walang pagkamakatarungan. Hindi ba’t maaaring sabihin iyon? (Maaari.) Ang mga hinihingi at pamantayang ito sa wastong asal ng kababaihan ay malubhang hinihigpitan ang kalayaan ng kababaihan, iginagapos hindi lamang ang mga iniisip ng kababaihan, kundi pati na rin ang kanilang mga paa, sa pamamagitan ng pagtatakda sa kanila na manatili sa bahay at mamuhay nang tahimik, hindi kailanman umaalis ng bahay at magkaroon lang ng kaunting pakikipag-ugnayan sa mundo sa labas. Bukod sa pagpapaalala sa mga babae na maging malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal, nagpapataw pa nga ang mga ito ng mahihigpit na regulasyon sa saklaw ng kilos at mga limitasyon sa buhay ng kababaihan, sa pamamagitan ng pagtatakda sa kanila na huwag magpakita sa publiko, huwag maglakbay nang malayo, at huwag gumanap ng anumang propesyon, lalo na ang magkaroon ng anumang malalaking ambisyon, hangarin at mithiin, at isinusulong pa nga ng mga ito ang mas hindi makataong pahayag—na kabutihan sa isang babae ang pagiging walang kasanayan. Ano ang nararamdaman ninyo pagkarinig nito? Totoo ba talaga ang pahayag na “Kabutihan sa isang babae ang pagiging walang kasanayan”? Paanong naging kabutihan sa isang babae ang hindi magtaglay ng mga kasanayan? Ano ba mismo ang salitang “kabutihan”? Nangangahulugan ba ito ng kawalan ng kabutihan, o pagiging malinis? Kung ang lahat ng babaeng walang kasanayan ay itinuturing na malinis, kung gayon, ang lahat ba ng babaeng may kasanayan ay walang kabutihan at magandang asal? Ito ba ay isang paghatol at pagkondena sa mga babaeng may kasanayan? Ito ba ay isang malubhang pagkakait ng mga karapatang pantao ng kababaihan? Ito ba ay isang insulto sa dignidad ng kababaihan? (Oo.) Hindi lamang nito binabalewala ang pag-iral ng kababaihan, kundi pinapawalang-saysay rin nito ang kanilang pag-iral, na hindi makatarungan at imoral para sa kababaihan. Kaya, ano ang tingin ninyo sa kasabihang ito na “Kabutihan sa isang babae ang pagiging walang kasanayan”? Hindi ba ito makatao? (Hindi ito makatao.) Paano dapat bigyang-kahulugan ang salitang “hindi makatao”? Ito ba ay walang kabutihan? (Wala nga.) Ito ay lubhang walang kabutihan. Kung gagamitin ang isang kasabihang Tsino, ito ay kawalan ng walong buhay ng kabutihan. Ang ganitong uri ng pahayag ay tiyak na hindi makatao! Ang mga taong nagpoproklama sa pahayag na “Kabutihan sa isang babae ang pagiging walang kasanayan” ay nagkikimkim ng mga lihim na motibo at pakay: Ayaw nilang magkaroon ng kasanayan ang mga babae, at ayaw nilang makilahok ang mga babae sa gawain ng lipunan at maging kapantay sa posisyon ng mga lalaki. Gusto lang nilang maging mga kasangkapan ang mga babae sa paglilingkod sa mga lalaki, maamong naghihintay sa mga lalaki sa bahay at walang ibang ginagawa—sa palagay nila, ito ang ibig sabihin ng “malinis.” Hinahangad nilang tukuyin ang mga babae bilang walang silbi, at itanggi ang halaga ng mga ito, ginagawang alipin lang ang mga ito ng mga lalaki, at itinutulak ang mga ito na pagsilbihan ang mga lalaki magpakailanman, nang hindi tinutulutan ang mga ito kahit kailan na maging kapantay sa posisyon ng mga lalaki at magtamasa ng pantay na pagtrato. Nagmumula ba sa normal na pag-iisip ng tao ang ganitong pananaw, o nagmumula kay Satanas? (Kay Satanas.) Tama iyan, tiyak na nagmumula ito kay Satanas. Anuman ang likas o pisikal na kahinaan ng kababaihan, wala sa mga ito ang problema at hindi ito dapat maging dahilan o rason para siraan ng mga lalaki ang mga babae, insultuhin ang dignidad ng mga babae, at ipagkait sa mga babae ang kanilang kalayaan o karapatang pantao. Sa mga mata ng Diyos, ang mga kapintasan at likas na kahinaan na ito na iniuugnay ng mga tao sa kababaihan ay hindi isang problema. At bakit ganoon? Dahil ang mga babae ay nilikha ng Diyos, ang mga bagay na ito na iniisip ng mga tao na mga kahinaan at problema ay nagmumula mismo sa Diyos. Ang mga ito ay nilikha at pauna nang itinakda ng Diyos, at hindi talaga mga kapintasan o problema. Ang mga bagay na ito ay tila mga kahinaan at kapintasan sa mata ng mga tao at ni Satanas, pero ang totoo, ang mga ito ay natural at positibong mga bagay, at umaayon din ang mga ito sa mga likas na batas na binuo ng Diyos noong nilikha Niya ang sangkatauhan. Tanging si Satanas ang makasisira sa mga bagay na may buhay na nilikha ng Diyos sa ganitong paraan, sa pamamagitan ng pagturing sa mga bagay na hindi naaayon sa mga kuru-kuro ng tao bilang mga kapintasan, kahinaan, at problemang may kinalaman sa likas na mga kakulangan, at pinalalaki ang mga ito, at ginagamit ang mga ito para siraan, kutyain, hamakin, at itakwil ang mga tao, at pagkaitan ang kababaihan ng kanilang karapatang umiral, at kanilang karapatang gampanan ang kanilang mga responsabilidad at obligasyon sa sangkatauhan, at para pagkaitan din sila ng kanilang karapatang ipakita ang kanilang mga kasanayan at espesyal na talento sa sangkatauhan. Halimbawa, kadalasang ginagamit sa lipunan ang mga terminong gaya ng “mahiyain” o “babaeng-babae” para ilarawan ang mga babae at alisan sila ng halaga. Ano pa ang ibang gayong mga salita? “Malamya,” “mahaba ang buhok pero maikli ang paningin,” “hangal na dalagang may malalaking dibdib” at iba pa, ay pawang mga terminong nakakainsulto sa mga babae. Gaya ng nakikita mo, ang mga terminong ito ay ginagamit upang insultuhin ang kababaihan sa pamamagitan ng pagtukoy sa kanilang mga namumukod tangi na katangian o mga bansag na nauugnay sa babaeng kasarian. Malinaw na itinuturing ng lipunan at sangkatauhan ang kababaihan mula sa ganap na naiibang pananaw sa kalalakihan, isang pananaw na hindi rin patas. Hindi ba’t hindi ito makatarungan? Hindi ito pagsasalita o pagturing sa mga bagay mula sa isang pundasyon ng pagkakapantay-pantay ng mga lalaki at babae, sa halip, ito ay pagturing sa kababaihan nang may paghamak mula sa isang perspektiba ng pangingibabaw ng lalaki, at ng ganap na hindi pagkakapantay-pantay ng mga lalaki at babae. Samakatuwid, sa lipunan o sa mga tao, maraming terminong lumitaw na tumutukoy sa mga namumukod na katangian ng babae at lumitaw rin ang mga bansag sa kababaihan para mailarawan ang iba’t ibang problema sa mga tao, pangyayari, at bagay. Halimbawa, ang mga ekspresyon na “mahiyain,” “babaeng-babae,” “malamya” at pati na “mahaba ang buhok pero maikli ang paningin,” “hangal na dalagang may malalaking dibdib” na kababanggit lang natin ngayon ay ginagamit ng mga tao hindi lamang para ilarawan at puntiryahin ang mga babae, kundi para din kutyain, hamakin, at ilantad ang mga tao, pangyayari, at bagay na kanilang kinamumuhian, gamit ang mga terminong nauugnay sa mga katangian ng babae at kasarian ng babae. Katulad lang ito ng kapag inilalarawan ang isang tao bilang walang pagkatao, maaaring sabihin na ang taong ito ay walang puso at malupit, dahil iniisip ng mga tao na hindi mabubuting bagay ang pagiging walang puso at malupit, kaya’t pinagsama nila ang mga bagay na ito para ilarawan kung gaano kasama ang isang taong nawalan ng pagkatao. Katulad nito, dahil kinamumuhian ng mga tao ang mga babae at binabalewala ang kanilang pag-iral, gumagamit sila ng ilang terminong nauugnay sa mga babae para ilarawan ang mga tao, pangyayari, at bagay na kanilang kinamumuhian. Ito ay malinaw na isang paninirang-puri sa kasariang babae. Hindi ba’t totoo ito? (Oo.) Ano’t anuman, hindi patas at salungat sa mga katunayan ang paraan ng sangkatauhan at lipunan sa pagturing at pagtukoy sa kababaihan. Sa madaling salita, ang saloobin ng sangkatauhan sa kababaihan ay mailalarawan sa dalawang salita, “mapanira” at “mapanupil.” Ang mga babae ay hindi tinutulutang tumayo at gumawa ng mga bagay-bagay, o gumanap ng anumang obligasyon at responsabilidad sa lipunan, lalo na ang gumanap ng anumang papel sa lipunan. Sa pagbubuod, ang mga babae ay hindi pinapayagang lumabas ng bahay para lumahok sa anumang gawain sa lipunan—ito ay pagkakait sa kababaihan ng kanilang mga karapatan. Ang kababaihan ay hindi tinutulutang mag-isip nang malaya, o magsalita nang malaya, lalo na ang kumilos nang malaya, at hindi sila pinapayagang gawin ang alinman sa mga bagay na dapat nilang gawin. Hindi ba’t pang-uusig ito sa kababaihan? (Ito ay pang-uusig.) Ang pang-uusig ng tradisyonal na kultura sa kababaihan ay halata sa mga hinihingi sa wastong asal na iniaatang sa kanila. Kung titingnan ang iba’t ibang hinihingi ng pamilya, lipunan, at komunidad sa kababaihan, opisyal na nagsimula ang pang-uusig sa kababaihan noong unang nabuo ang mga komunidad at lumikha ang mga tao ng malinaw na mga kaibahan ng mga kasarian. Kailan ito umabot sa sukdulan nito? Ang pang-uusig sa kababaihan ay umabot sa sukdulan nito kasunod ng unti-unting paglitaw ng iba’t ibang kasabihan at hinihingi tungkol sa wastong asal sa tradisyonal na kultura. Dahil may mga nakasulat na regulasyon at malinaw na mga kasabihan, ang mga nakasulat na regulasyon at malinaw na kasabihang ito sa lipunan ang humubog sa pampublikong opinyon at bumuo rin ng isang uri ng puwersa. Ang pampublikong opinyon at ang puwersang ito ay naging isang uri na ng hindi maaalis na hawla at tanikala para sa kababaihan, na walang magawa kundi tanggapin na lamang ang kanilang kapalaran, dahil sa pamumuhay kasama ng sangkatauhan at sa iba’t ibang panahon ng lipunan, ang mga kababaihan ay maaari lamang magtiis sa kawalan ng katarungan at magdusa sa mga insulto, hamakin ang kanilang sarili, at maging mga alipin sa lipunan at maging sa mga lalaki. Hanggang ngayon, ang mga matagal na at sinaunang ideya at kasabihang iyon na isinulong sa paksa ng wastong asal ay malalim pa ring nakakaimpluwensya sa modernong lipunan ng tao, kabilang ang mga lalaki, at siyempre ang mga babae. Hindi sinasadya at hindi namamalayang ginagamit ng mga babae ang mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal at ang mga opinyon ng lipunan sa pangkalahatan para pigilan ang kanilang sarili, at siyempre hindi rin nila namamalayang nagsisikap silang makawala sa mga tanikala at hawla na ito. Gayunpaman, dahil ang mga tao ay walang anumang pagtutol sa makapangyarihang puwersang ito ng pampublikong opinyon sa lipunan—o para mas maging tumpak, hindi malinaw na nakikita ng mga tao ang diwa ng iba’t ibang kasabihan sa tradisyonal na kultura, ni lubos na nauunawaan ang mga ito—hindi sila makalaya at makalabas sa mga tanikala at hawla na ito, kahit na gusto nilang gawin ito. Sa pansariling antas, ito ay dahil hindi nakikita ng mga tao ang mga problemang ito nang malinaw; sa obhektibong antas, ito ay dahil hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, o kung ano mismo ang ibig sabihin ng Lumikha sa paglikha sa mga tao, o kung bakit nilikha Niya ang mga likas na gawi ng lalaki at babae. Nilikha Niya ang mga likas na ugali ng lalaki at babae. Kaya, ang mga lalaki at babae ay kapwa namumuhay at nananatili sa loob ng malawak na balangkas ng panlipunang moralidad, at gaano man sila naghihirap sa loob ng malawak na kapaligirang panlipunan na ito, hindi pa rin sila makatakas sa mga gapos ng mga kasabihan tungkol sa wastong asal ng tradisyonal na kultura, mga kasabihan na naging mga hindi nakikitang kadena sa isipan ng bawat tao.
Iyong mga kasabihan na umuusig sa mga babae sa tradisyonal na kultura ay kagaya ng mga hindi nakikitang kadena, hindi lang para sa mga babae, kundi pati na rin siyempre para sa mga lalaki. Bakit Ko sinasabi iyon? Dahil ang maisilang sa gitna ng sangkatauhan, at ang maging gayundin kahalagang miyembro ng lipunang ito, pareho ring naikintal sa isip ng mga lalaki ang mga tradisyonal na kulturang ito ng moralidad at naimpluwensiyahan sila ng mga ito. Ang mga bagay na ito ay malalim ding nakaugat sa isipan ng bawat tao, at lahat ng lalaki ay walang kamalay-malay na naimpluwensyahan at naigapos ng tradisyonal na kultura. Halimbawa, lubos ding naniniwala ang mga lalaki sa mga ekspresyon tulad ng “mahiyain,” “kabutihan sa isang babae ang pagiging walang kasanayan,” “ang mga babae ay kailangang maging malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal,” at “ang mga babae ay dapat na malinis,” at malalim ding nakakulong ang mga lalaki sa mga bagay na ito ng tradisyonal na kultura tulad ng mga babae. Sa isang banda, ang mga kasabihang ito na umuusig sa kababaihan ay malaki ang pakinabang at tulong sa pagpapataas ng katayuan ng mga lalaki, at mula rito ay makikita na, sa lipunan, malaki ang naitulong ng pampublikong opinyon sa mga lalaki tungkol sa bagay na ito. Kaya naman, madali nilang tinatanggap ang mga opinyon at ekspresyong ito na umuusig sa kababaihan. Sa kabilang banda, nalilinlang at naiimpluwensyahan din ang kalalakihan ng mga bagay na ito ng tradisyonal na kultura ng moralidad, kaya masasabi rin na ang mga lalaki—bukod sa mga babae—ay mga biktima rin sa agos ng tradisyonal na kultura. May ilan na nagsasabing: “Ang lipunan sa pangkalahatan ay nagsusulong ng pangingibabaw ng mga karapatan ng lalaki, kaya bakit sinasabi na ang mga lalaki ay biktima rin?” Dapat itong tingnan mula sa perspektiba na ang sangkatauhan ay natukso, nailigaw, nalinlang, namanhid, at nakulong ng tradisyonal na kultura ng moralidad. Ang kababaihan ay labis na napinsala ng mga ideya ng moralidad sa tradisyonal na kultura, at ang kalalakihan ay labis ding nalinlang at nagdusa. Ano ang ibig sabihin ng “nalinlang” sa ibang kahulugan? Nangangahulugan ito na ang mga tao ay walang tamang pananaw sa pagsuri sa mga lalaki at pagtukoy sa mga babae. Saang anggulo man nila tingnan ang mga bagay na ito, lahat ito ay nakabatay sa tradisyonal na kultura, hindi sa mga katotohanang ipinahayag ng Diyos o sa iba’t ibang tuntunin at batas na binuo ng Diyos para sa sangkatauhan, at hindi rin ito batay sa mga positibong bagay na Kanyang inihayag sa sangkatauhan. Mula sa pananaw na ito, ang mga lalaki ay biktima rin na natukso, nailigaw, nalinlang, namanhid, at nakulong ng tradisyonal na kultura. Kaya hindi dapat isipin ng mga lalaki na ang mga babae ay lubhang kaawa-awa dahil lamang sa walang katayuan ang mga ito sa lipunan, at hindi dapat maging kampante ang mga lalaki dahil lamang ang kanilang katayuan sa lipunan ay mas mataas kaysa sa mga babae. Huwag magalak kaagad; ang totoo ay sobrang kaawa-awa rin ang mga lalaki. Kung ikukumpara mo sila sa mga babae, pare-pareho silang kaawa-awa. Bakit Ko sinasabing pare-pareho silang kaawa-awa? Tingnan natin muli ang kahulugan at pagtatasa ng lipunan at sangkatauhan sa mga lalaki, at ang ilang responsibilidad na itinalaga sa kanila. Batay sa hinihingi ng sangkatauhan sa mga lalaki na pinagbahaginan natin noong huli—“Ang isang tao ay hindi dapat masira ng kayamanan, mabago ng kahirapan, o mapasunod ng pamumuwersa”—ang pangunahing layon ng hinihinging ito ay ang tukuyin ang mga lalaki bilang tunay at malakas na lalaki, na isang pamantayan na katawagan sa mga lalaki. Kapag ang katawagang ito na “tunay, malakas na lalaki” ay itinalaga sa isang lalaki, nakatakda siyang mamuhay ayon sa titulong ito, at kung gusto niyang mamuhay ayon dito, kailangan niyang gumawa ng maraming walang kabuluhang sakripisyo at gumawa ng maraming bagay sa paraang sumasalungat sa normal na pagkatao. Halimbawa, kung isa kang lalaki at gusto mong kilalanin ka ng lipunan bilang isang tunay at malakas na lalaki, kung gayon, hindi ka maaaring magkaroon ng anumang kahinaan, hindi ka maaaring maging kimi sa anumang paraan, dapat kang magkaroon ng malakas na kalooban, hindi ka maaaring magreklamo na napapagod ka, hindi ka maaaring umiyak, o magpakita ng anumang kahinaan ng tao, ni hindi ka maaaring malungkot, at hindi ka maaaring magpakatamad. Sa lahat ng oras, dapat mayroon kang kislap sa iyong mga mata, dapat mukha kang determinado at walang takot, at dapat magpakita ka ng galit sa iyong mga kaaway, upang mamuhay ka ayon sa titulo ng isang “tunay at malakas na lalaki.” Ibig sabihin, dapat mong hugutin ang iyong tapang at umasta nang maayos sa buhay na ito. Hindi ka maaaring maging isang katamtaman, ordinaryo, karaniwan, o hindi kapansin-pansing tao. Dapat kang lumampas sa pagiging isang mortal lamang at maging isang superhuman na nagtataglay ng pambihirang lakas ng loob at pambihirang tiyaga, pagtitiis, at katatagan, upang maging karapat-dapat na matawag na “tunay at malakas na lalaki.” Isa lamang ito sa mga hinihingi ng tradisyonal na kultura sa mga lalaki. Ibig sabihin, ang mga lalaki ay maaaring uminom, makiapid, at magsugal, ngunit dapat silang maging mas malakas kaysa sa mga babae at magkaroon ng napakalakas na loob. Anuman ang mangyari sa iyo, hindi ka dapat sumuko, kumurap, o humindi, at hindi ka dapat magpakita ng takot, pangamba, o kaduwagan. Dapat mong itago at takpan ang mga pagpapamalas na ito ng normal na pagkatao, at hindi mo dapat ibunyag ang mga ito sa anumang paraan, ni hayaan ang sinuman na makita ang mga ito, maging ang sarili mong mga magulang, ang iyong pinakamalapit na mga kamag-anak, o ang mga taong pinakamamahal mo. Bakit ganoon? Dahil gusto mong maging isang tunay at malakas na lalaki. Ang isa pang katangian ng mga lalaking tunay at malakas ay na walang tao, pangyayari o bagay ang makahahadlang sa kanilang kapasyahan. Sa tuwing may gustong gawin ang isang lalaki—kapag mayroon siyang anumang hangarin, mithiin, o nais, tulad ng pagsilbihan ang kanyang bansa, magpakita ng katapatan sa kanyang mga kaibigan, o ilagay ang sarili sa kapahamakan para protektahan sila, o anumang propesyon na nais niyang gawin, o anumang ambisyon ang mayroon siya, tama man o mali—walang makapipigil sa kanya, at maging ang pagmamahal niya sa kababaihan, o kamag-anak, pamilya, o mga responsabilidad niya sa lipunan ay hindi makapagpapabago sa kanyang kapasyahan, o makapag-uudyok sa kanya na isuko ang kanyang mga hangarin, mithiin, at ninanais. Walang sinuman ang makapagpapabago sa kanyang kapasyahan, sa mga layon na nais niyang makamit, o sa landas na gusto niyang tahakin. Kasabay nito, dapat din niyang itakda sa kanyang sarili na huwag maging maluwag anumang oras. Sa sandaling maging maluwag siya, magpabagal-bagal at gustuhin niyang bumalik sa pagganap ng mga responsabilidad niya sa pamilya, sa pagiging isang mabuting anak sa kanyang mga magulang, pag-aalaga ng kanyang mga anak, at pagiging isang normal na tao, at isuko niya ang kanyang mga mithiin, mga hangarin, ang landas na gusto niyang tahakin, at ang mga layon na nais niyang makamit, hindi na siya magiging isang tunay at malakas na lalaki. At kung hindi siya isang tunay at malakas na lalaki, ano siya? Siya ay nagiging isang napakalambot na lalaki, isang walang kuwenta, na siyang mga katangiang hinahamak ng buong lipunan, at siyempre ay kinamumuhian din niya mismo. Sa sandaling mapagtanto ng isang lalaki na may mga problema at pagkukulang sa kanyang mga kilos at pag-uugali na hindi tumutugon sa pamantayan ng pagiging isang tunay at malakas na lalaki, kamumuhian niya ang kanyang sarili sa loob-loob niya, at mararamdaman niyang wala siyang puwang sa lipunang ito, na hindi niya maipakita ang kanyang mga abilidad, at na hindi siya maaaring tawagin na isang tunay at malakas na lalaki, o kahit man lang isang lalaki. Ang isa pang katangian ng mga tunay at malakas na lalaki ay na hindi sila maaaring madaig ng puwersa, na isang uri ng lakas kung saan imposibleng madaig sila ng anumang kapangyarihan, karahasan, pagbabanta, o iba pa. Anuman ang kapangyarihan, karahasan, pagbabanta, o maging mortal na panganib ang nakakaharap nila, ang gayong mga lalaki ay hindi natatakot sa kamatayan at kayang lampasan ang sunud-sunod na mga paghihirap. Hindi sila napipilit na gumawa ng isang bagay o nagpapasakop dahil sa takot, hindi sila susuko sa anumang puwersa para lamang mabuhay, at hindi sila magpapakababa upang makipagkompromiso. Sa sandaling sumuko sila sa kapangyarihan o anumang uri ng puwersa alang-alang sa ilang responsabilidad, obligasyon o iba pang dahilan, kahit na mabuhay pa sila at makapagpatuloy sa kanilang buhay, makakaramdam sila ng pagkasuklam sa kanilang pag-uugali dahil sa tradisyonal na kultura ng moralidad na iniidolo nila. Medyo ganito ang espiritu ng Bushido sa Japan. Sa sandaling mabigo ka o mapahiya, pakiramdam mo ay dapat kang magpakamatay sa pamamagitan ng pag-aalis ng iyong bituka. Ganoon ba kadali ang mabigyan ng buhay? Isang beses lang nabubuhay ang mga tao. Kung nag-iisip ka na agad na magpakamatay dahil lang sa isang maliit na kabiguan o problema, dulot ba ito ng impluwensya ng tradisyonal na kultura? (Oo.) Kapag nagkaroon sila ng problema at hindi sila makapagdesisyon kaagad, o makapagpasya batay sa mga hinihingi ng tradisyonal na kultura, o hindi nila mapatunayan ang kanilang dignidad at pagkatao, o mapatunayan na sila ay isang tunay at malakas na lalaki, hahangarin nila ang kamatayan at magpapakamatay sila. Ang dahilan kung bakit kayang panghawakan ng mga lalaki ang mga ganitong ideya at pananaw ay dahil sa matinding epekto ng tradisyonal na kultura, at sa paraan ng paglimita nito sa kanilang pag-iisip. Kung hindi sila naiimpluwensyahan ng mga ideya at pananaw ng tradisyonal na kultura, hindi magkakaroon ng napakaraming lalaki na nagpapakamatay o nag-aalis ng kanilang bituka. Kung tungkol sa kahulugan ng isang tunay at malakas na lalaki, lubos na sumasang-ayon at nakatitiyak na tinatanggap ng mga lalaki ang mga ideya at pananaw na ito ng tradisyonal na kultura, at itinuturing ang mga ito bilang mga positibong bagay kung saan nila susukatin at pipigilan ang kanilang sarili, at susukatin at pipigilan din ang ibang lalaki. Kung huhusgahan ang mga kaisipan, pananaw, mithiin, at layon ng mga lalaki, at ang landas na kanilang pinipili, lahat ng ito ay nagpapatunay na ang lahat ng lalaki ay malalim na naimpluwensyahan at nalason ng tradisyonal na kultura. Ang maraming kuwento tungkol sa magigiting na kabayanihan at magagandang alamat ay isang tunay na larawan ng kung paano malalim na nakaugat sa isipan ng mga tao ang tradisyonal na kultura. Mula sa pananaw na ito, ang pagkalason ba ng mga lalaki sa tradisyonal na kultura ay kasinglalim ng sa kababaihan? Ang tradisyonal na kultura ay basta-basta lang nagtatakda ng magkaibang pamantayan ng mga hinihingi sa mga lalaki at babae, iniinsulto, nilalait, hinihigpitan, at kinokontrol ang kababaihan nang walang pagpipigil habang masigasig nitong hinihimok, hinihikayat, sinusulsulan, at inuudyukan ang mga lalaki na huwag maging duwag o karaniwan, at ordinaryong tao. Ang hinihingi sa mga lalaki ay na dapat lahat ng ginagawa nila ay naiiba sa mga babae, dapat nahihigitan nila ang mga ito, dapat ay mas mataas sila sa mga ito, at nangingibabaw sa mga ito. Dapat nilang kontrolin ang lipunan, kontrolin ang lahi ng tao, kontrolin ang mga kalakaran at direksyon ng lipunan, at kontrolin ang lahat ng bagay sa lipunan. Ang mga lalaki ay dapat pa ngang maging makapangyarihan sa lahat sa lipunan, na may kapangyarihang kontrolin ang lipunan at ang mga tao, at kabilang din sa kapangyarihang ito ang paghahari at pagkontrol sa kababaihan. Ito ang dapat hangarin ng mga lalaki, at ito rin ang magiting na ugali ng isang tunay at malakas na lalaki.
Sa kasalukuyang panahon, maraming bansa ang naging demokratikong lipunan kung saan ang mga karapatan at interes ng kababaihan at mga bata ay medyo garantisado, at ang impluwensya at mga hadlang ng mga ideya at pananaw na ito ng tradisyonal na kultura sa mga tao ay hindi na masyadong halata. Dahil kung tutuusin, marami nang kababaihan ang nagtagumpay sa lipunan, at dumarami na ang kanilang pakikilahok sa maraming larangan at maraming trabaho. Gayunpaman, dahil ang mga ideya ng tradisyonal na kultura ay matagal nang malalim na nakaugat sa isipan ng mga tao—hindi lamang sa isipan ng mga babae, kundi pati na rin sa mga lalaki—kapwa lalaki at babae ay walang kamalay-malay na pinanghahawakan ang perspektiba at pananaw ng tradisyonal na kultura kapag pinag-iisipan at hinaharap ang iba’t ibang bagay. Siyempre, gumagampan din sila ng iba’t ibang propesyon at trabaho sa ilalim ng gabay ng mga ideya at pananaw ng tradisyonal na kultura. Sa kasalukuyang lipunan, bagamat medyo umunlad na ang pagkakapantay-pantay ng mga lalaki at babae, ang ideya ng pagiging pinakamataas ng lalaki sa tradisyonal na kultura ay nangingibabaw pa rin sa isipan ng mga tao, at sa karamihan ng mga bansa, ang edukasyon ay nakabatay sa mga pangunahing ideya na ito ng tradisyonal na kultura. Kaya naman, bagamat sa lipunang ito ay bihirang gamitin ng mga tao ang mga kasabihang ito ng tradisyonal na kultura para pag-usapan ang iba’t ibang isyu, nakakulong pa rin sila sa loob ng ideolohikal na balangkas ng tradisyonal na kultura. Anong uri ng mga termino mayroon ang modernong lipunan para sa pagpuri sa isang babae? Halimbawa, “babaeng parang lalaki” at “makapangyarihang babae.” Ang mga ito ba ay magalang o mapanlait na uri ng katawagan sa tao? May mga babaeng nagsasabing: “May tumawag sa akin na babaeng parang lalaki, na inakala kong isang papuri. Ano ang tingin mo roon? Naging bahagi na ako ng lipunan ng lalaki at napaganda ang katayuan ko. Kahit babae ako, sa pagdagdag ng salitang ‘parang lalaki’, nagiging isa akong babaeng parang lalaki, kung gayon ay maaari akong maging isang taong kapantay ng mga lalaki, na isang uri ng karangalan!” Isa itong uri ng pagkilala at pagtanggap sa babaeng ito ng isang komunidad o isang grupo sa lipunan ng tao, na isang napakalaking karangalan, hindi ba? Kung ang isang babae ay inilarawan bilang isang babaeng parang lalaki, nagpapatunay ito na napakahusay ng kakayahan ng babaeng ito, na katulad ng mga lalaki, sa halip na mas mababa sa kanila, at ang kanyang propesyon, mga talento, at maging ang kanyang katayuan sa lipunan, ang kanyang IQ at ang mga paraan kung paano siya nagkakamit ng katayuan sa lipunan ay sapat na upang maihambing sa mga lalaki. Sa nakikita Ko, para sa karamihan ng kababaihan, ang katawagang “babaeng parang lalaki” ay isang gantimpala mula sa lipunan, isang uri ng pagkilala ng katayuan sa lipunan na ibinibigay ng modernong lipunan sa kababaihan. May mga babae bang gustong maging babaeng parang lalaki? Bagamat hindi kanais-nais ang katawagang ito, anuman ang sitwasyon, ang pagtawag sa isang babae na parang lalaki ay tiyak na pagpuri sa kanya sa pagiging napakahusay at may kakayahan, at pagbibigay ito sa kanya ng pagsang-ayon sa mga mata ng mga lalaki. Tungkol naman sa mga katawagan para sa mga lalaki, pinanghahawakan pa rin ng mga tao ang mga tradisyonal na kuru-kuro, na hindi kailanman nagbabago. Halimbawa, ang ilang lalaki ay walang dedikasyon sa propesyon at hindi naghahangad ng kapangyarihan o katayuan, kundi tinatanggap nila ang kanilang kasalukuyang sitwasyon, at kontento na sila sa kanilang ordinaryong trabaho at buhay, at lubos silang nagmamalasakit para sa kanilang pamilya. Anong uri ng mga katawagan ang ibinibigay ng lipunang ito sa gayong mga tao? Inilalarawan ba ang mga lalaking ito bilang walang kuwenta? (Oo.) Ang ilang lalaki ay napakamabusisi at maselan sa pag-aasikaso ng mga bagay-bagay, ginagawa ang mga ito nang pahakbang-hakbang at nang may matinding pag-iingat. Ano ang tawag sa kanila ng ilang tao? “Parang babae” o “mahiyain.” Alam mo, hindi naiinsulto ang mga lalaki sa maruruming salita, sa halip ay gamit ang mga ekspresyong nauugnay sa mga babae. Kung nais ng mga tao na itaas ang kasarian ng babae, gumagamit sila ng mga termino tulad ng “babaeng parang lalaki” at “makapangyarihang babae” upang pagandahin ang katayuan ng isang babae at pagtibayin ang kanilang kakayahan, samantalang ang mga terminong tulad ng “mahiyain” ay ginagamit para siraan ang mga lalaki at sawayin sila sa pagiging hindi tunay na lalaki. Hindi ba’t isa itong laganap na pangyayari sa lipunan? (Oo.) Ang mga kasabihang ito na lumitaw sa modernong lipunan ay nagpapatunay ng isang problema, na bagamat ang tradisyonal na kultura ay tila malayo na sa modernong buhay, at napakalayo sa isipan ng mga tao, at bagamat ang mga tao ay nalulong na ngayon sa Internet o sa iba’t ibang elektronikong aparato, o nahuhumaling sa lahat ng uri ng modernong pamumuhay, at kahit pa lubos na komportableng namumuhay ang mga tao sa modernong mga kapaligiran ng pamumuhay, o may mga karapatang pantao at kalayaan, ito ay isang pagpapanggap lamang; ang totoo ay na ang karamihan sa lason ng tradisyonal na kultura ay nananatili pa rin sa kanilang isipan. Bagamat nagkaroon ng ilang pisikal na kalayaan ang mga tao, at tila nagbago na ang ilan sa kanilang mga pangunahing pananaw sa mga tao at mga bagay, at tila nagkaroon sila ng kaunting kalayaan sa kanilang pag-iisip, at tila nakakuha sila ng mga bagong kabatiran sa modernong lipunang ito dahil sa mabilis na sirkulasyon ng balita at sa modernong information technology, at alam at nakita nila ang maraming bagay sa labas ng mundo, namumuhay pa rin ang mga tao sa anino ng napakaraming kasabihan sa wastong asal na isinusulong ng tradisyonal na kultura. Kahit na may ilang taong nagsasabing, “Ako ang pinaka-hindi tradisyonal na tao, napakamoderno ko, isa akong modernista,” at mayroon silang gintong singsing sa kanilang ilong, isang hanay ng mga hikaw sa kanilang tainga, at ang mga damit nila ay napakamakabago at uso, ang mga pananaw nila sa mga tao at mga bagay, pati na rin ang kanilang mga pananaw sa kung paano sila dapat umasal at kumilos, ay hindi pa rin mapaghihiwalay sa tradisyonal na kultura. Bakit walang magawa ang mga tao kung wala ang tradisyonal na kultura? Dahil ang puso’t isipan nila ay nalublob na sa tradisyonal na kultura at nabilanggo nito. Ang lahat ng bagay na nabubuo sa kaloob-looban ng kanilang kaluluwa, at maging ang mga ideyang saglit na kumikislap sa kanilang isipan, ay nagmumula sa indoktrinasyon at pagtatanim sa isip ng tradisyonal na kultura, at lahat ay nabubuo sa loob nitong napakalawak na balangkas ng tradisyonal na kultura, sa halip na hiwalay sa impluwensya nito. Pinatutunayan ba ng mga katunayang ito na ang mga tao ay nabilanggo na ng tradisyonal na kultura? (Oo.) Nabilanggo na ng tradisyonal na kultura ang mga tao. Hindi mahalaga kung matalino ka o mataas ang pinag-aralan mo, hangga’t namumuhay ka kasama ng mga tao, hindi maiiwasang maitanim sa isip mo at maimpluwensyahan ka ng tradisyonal na kultura ng moralidad ng sangkatauhan, dahil ang mga bagay ng tradisyonal na kultura ay nagsasagawa ng isang uri ng di-nakikitang puwersa at kapangyarihan na umiiral sa lahat ng dako, hindi lamang sa mga paaralan at sa mga aklat-aralin ng mga tao, kundi lalo na sa kanilang mga pamilya, at siyempre sa bawat sulok ng lipunan. Sa ganitong paraan, hindi namamalayang nadodoktrinahan, naiimpluwensyahan, nalilinlang, at naliligaw ng mga bagay na ito ang mga tao. Samakatuwid, ang mga tao ay nabubuhay sa ilalim ng mga gapos, mga tanikala, at kontrol ng tradisyonal na kultura, at hindi sila makatago o makatakas mula rito kahit pa gustuhin nila. Nabubuhay sila sa ganitong uri ng kapaligirang panlipunan. Ito ang kasalukuyang kalagayan ng mga usapin, at ito rin ang mga katunayan.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.