Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 11 (Unang Bahagi)

Sa bawat panahon at sa bawat yugto, may ilang partikular na bagay na nangyayari sa iglesia na salungat sa mga kuru-kuro ng mga tao. Halimbawa, ang ilang tao ay nagkakasakit, ang mga lider at manggagawa ay napapalitan, ang ilang tao ay nalalantad at napapalayas, ang ilan ay nahaharap sa pagsubok ng buhay at kamatayan, ang ilang iglesia ay mayroon pa ngang masasamang tao at mga anticristo na nanggugulo, at iba pa. Nangyayari paminsan-minsan ang mga bagay na ito, pero hindi aksidenteng nangyari ang mga ito. Ang lahat ng ito ay resulta ng kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Ang isang napakapayapang panahon ay maaaring biglang magambala ng ilang insidente o hindi pangkaraniwang pangyayari, na nangyayari sa paligid ninyo, o kaya ay sa sarili ninyo, at ang paglitaw ng mga bagay na ito ay sumisira sa normal na kaayusan at normalidad ng buhay ng mga tao. Sa panlabas, hindi umaayon ang mga bagay na ito sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, ito ay mga bagay na ayaw ng mga tao na mangyari sa kanila o na masaksihan nila. Kaya, ang paglitaw ba ng mga bagay na ito ay kapaki-pakinabang sa mga tao? Paano dapat harapin, danasin, at unawain ng mga tao ang mga ito? Naisip na ba ng sinuman sa inyo ang bagay na ito? (Dapat naming maunawaan na ito ang resulta ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos.) Isa lang ba itong usapin ng pagkaunawa na ito ang resulta ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos? May natutunan ba kayong anumang aral mula rito? Lalo ba ninyong naiintindihan kung paanong ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay na ito? Ano ang partikular na nakapaloob sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos? Anong mga partikular na bagay na naipapamalas ng mga tao ang dapat nilang malaman at maunawaan? Natuto ba kayo ng anumang aral mula sa mga nangyari sa paligid ninyo? Kaya ba ninyong tanggapin ang mga ito bilang nagmumula sa Diyos, at pagkatapos ay magkamit mula rito? O nalilito ba kayo, iniisip na, “Lahat ng ito ay bunga ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, magpasakop na lamang sa Diyos, walang kailangang pag-isipan dito,” pinalalampas ito habang iniisip ninyo ang gayong mga simpleng kaisipan? Alin sa mga sitwasyong iyon ang tumutugma sa inyo? Kung minsan, may malalaking nangyayari sa iglesia, halimbawa, sa pagpapalaganap ng gawain ng ebanghelyo, natatamo ang hindi inaasahang magagandang resulta, o may ilang hindi inaasahang paghihirap, mga tagumpay at pagkabigo, mga hadlang, o maging pagkagambala at pagkasira mula sa mga panlabas na sanhi. Minsan ay may nangyayaring kakaiba sa isang partikular na iglesia o sa ilang taong gumaganap ng kanilang mga tungkulin. Sa mga ordinaryong pagkakataon man o sa mga hindi pangkaraniwang pagkakataon, ni minsan ba ay napag-isipan ninyo ang mga di-pangkaraniwang bagay na ito na nangyayari? Ano ang naging konklusyon ninyo sa huli? O kadalasan ba ay wala talaga kayong pagkaunawa? Ang ilang tao ay iniisip lamang ito sa loob-loob nila, at pagkatapos ay bumibigkas lamang sila ng isang maikling panalangin, nang hindi man lang hinahanap ang katotohanan para magkaroon sila ng kaunting pagkaunawa sa mga bagay na ito. Inaamin lang nila na ang mga ito ay mula sa Diyos, at iyon na iyon. Hindi ba’t paggawa lang ito nang pabasta-basta? Karamihan sa mga tao ay iniraraos lang ito. At kapag nahaharap sa mga bagay na ito ang mga taong may napakahinang kakayahan, labis silang hindi nakakaunawa at nalilito sila, at madali silang magkaroon ng mga kuru-kuro at maling pagkaunawa sa Diyos, at ng mga pagdududa tungkol sa kataas-taasang kapangyarihan at pangangasiwa ng Diyos. Ang mga tao ay walang pagkaunawa sa Diyos sa simula pa lang, at kapag nakatatagpo sila ng ilang bagay na salungat sa kanilang mga kuru-kuro, hindi nila hinahanap ang katotohanan at hindi sila naghahanap ng mga taong makakabahaginan, bagkus ay tinatrato lamang nila ang mga ito batay sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, bago tuluyang bumuo ng konklusyon na “kung ang mga bagay na ito ay mula sa Diyos o hindi ay hindi pa rin sigurado,” at nagsisimula silang magkaroon ng mga pag-aalinlangan tungkol sa Diyos, at pinagdududahan pa nga nila ang Kanyang mga salita. Dahil dito, ang kanilang mga pagdududa, mga haka-haka, at pag-iingat sa Diyos ay mas lumalala, at nawawalan sila ng motibasyon na gampanan ang kanilang mga tungkulin. Hindi sila handang magdusa at magsakripisyo, at nagpapakatamad sila, iniraraos lang ang bawat araw na lumilipas. Pagkatapos maranasan ang ilang partikular na pangyayari, ang kakaunting sigasig, kapasyahan, at pagnanais na mayroon sila noon ay nawala at naglaho na, at ang natitira na lamang ay ang mga kaisipan kung paano gawin ang sarili nilang mga plano para sa kinabukasan at maghanap ng kanilang malalabasan. Ang gayong mga tao ay hindi kakaunti. Dahil hindi mahal ng mga tao ang katotohanan at hindi nila ito hinahanap, sa tuwing may nangyayari sa kanila, tinitingnan nila ito gamit ang sarili nilang mga mata, nang hindi kailanman natututong tanggapin na nagmumula ito sa Diyos. Hindi nila hinahanap ang katotohanan sa mga salita ng Diyos upang mahanap ang mga kasagutan, at hindi sila naghahanap ng mga taong nakauunawa sa katotohanan para makabahaginan nila at para malutas ang mga bagay na ito. Sa halip, palagi nilang ginagamit ang kanilang sariling kaalaman at karanasan sa pakikitungo sa mundo upang suriin at husgahan ang mga nangyayari sa kanila. At ano ang resulta sa huli? Kinukulong nila ang kanilang sarili sa isang mahirap na kalagayan na walang mapupuntahan—ito ang kahihinatnan ng hindi paghahanap sa katotohanan. Walang nangyayari nang nagkataon lamang, ang lahat ay pinamumunuan ng Diyos. Bagamat kaya itong unawain at tanggapin ng mga tao sa teorya, paano dapat tratuhin ng mga tao ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos? Ito ang katotohanan na dapat hangarin at unawain ng mga tao, at dapat na partikular nilang isagawa ito. Kung kinikilala lamang ng mga tao ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa teorya, ngunit wala silang tunay na pagkaunawa rito, at hindi pa nalutas ang sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon, gaano karaming taon man silang manampalataya sa Diyos at gaano man karami ang kanilang maging karanasan, hindi pa rin nila makakamit ang katotohanan sa huli. Kung hindi hinahangad ng mga tao ang katotohanan, hindi nila malalaman ang gawain ng Diyos. Habang dumarami ang kanilang nararanasan, mas dumarami ang kuro-kuro nila sa Diyos, mas lalo nila Siyang kukuwestiyunin at, siyempre, magiging mas malubha ang kanilang mga haka-haka, maling pagkaunawa, at pagiging maingat sa Diyos. Ang totoo, ang lahat ng nangyayari ay bunga ng kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos. Ang layon at kabuluhan ng paggawa ng Diyos sa lahat ng ito ay hindi para dagdagan ang iyong maling pagkaunawa at pagdududa tungkol sa Kanya, kundi upang linawin at lutasin ang iyong mga panloob na kuru-kuro at imahinasyon pati na rin ang iyong mga pagdududa, maling pagkaunawa, at pag-iingat sa Diyos, pati na ang iba pang gayong negatibong bagay. Kung hindi mo lulutasin sa oras ang mga problema kapag nangyayari ang mga ito, sa sandaling maipon ang mga problemang ito sa loob mo at lumala, at hindi na sapat ang iyong sigasig o kapasyahan para suportahan ka sa pagganap ng iyong mga tungkulin, masasadlak ka sa pagkanegatibo, maging hanggang sa puntong malamang ay iiwan mo ang Diyos, at tiyak na hindi ka makapaninindigan. Sa kasalukuyan, mabigat ang loob na nagsisikap kuno ang ilang tao sa pagganap ng kanilang mga tungkulin, ngunit para lang magkamit sila ng mga pagpapala, nang hindi man lang hinahangad ang katotohanan, at nagiging negatibo sila sa tuwing nahihirapan sila. Ganito ang mga taong hindi naghahangad sa katotohanan. Dahil hindi ganap na malinaw sa kanila ang katotohanan ng mga pangitain, at wala silang tunay na pagkaunawa sa gawain ng Diyos, kahit pa gawin nila ang kanilang mga tungkulin at igugol nila ang kanilang sarili para sa Diyos, wala silang lakas sa kanilang puso, at hindi sila maaalalayan nang matagal ng kaunting doktrinang nauunawaan nila bago sila babagsak. Kung ang mga tao ay hindi regular na nagtitipon, nakikinig sa mga sermon, o naghahanap sa katotohanan para malutas ang kanilang mga problema, hindi sila makapaninindigan. Samakatuwid, ang mga gumaganap ng mga tungkulin ay kailangang regular na magbahaginan sa katotohanan, at sa tuwing may nangyayari sa kanila at nagkakaroon sila ng mga kuru-kuro ay dapat nilang ayusin ito sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan sa napapanahong paraan. Sa ganitong paraan lamang sila makatitiyak na mananatili silang tapat sa pagganap ng kanilang tungkulin at na makasusunod sila sa Diyos hanggang sa wakas.

Ang daan tungo sa pananalig sa Diyos ay mabato at baku-bako. Ito ay inorden ng Diyos. Anuman ang mangyari, kagaya man ito o hindi ng kagustuhan ng mga tao, o umaayon man ito o hindi sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, o nakikini-kinita man nila ito o hindi, hindi ito mangyayari kung hindi dahil sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at sa Kanyang pangangasiwa. Ang paggawa ng Diyos sa lahat ng ginagawa Niya ay may natatanging kabuluhan dahil tinutulutan nito ang mga tao na matuto ng leksyon mula rito at malaman ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Ang layon ng pagkaalam sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ay hindi na dapat lumaban ang mga tao sa Diyos, ni hindi na ang mga tao, na nakaunawa sa Diyos, ay dapat magkaroon ng mas higit na kapangyarihan at kapital na magagamit para makipagkumpitensya sa Kanya. Sa halip, iyon ay na kapag may nangyayari sa kanila, dapat matutuhan ng mga tao na tanggapin na ang mga iyon ay nagmumula sa Diyos, dapat nilang hanapin ang katotohanan para maunawaan iyon, at pagkatapos ay isagawa ang katotohanan para makamit ang tunay na pagpapasakop, at magkaroon ng tunay na pananampalataya sa Kanya. Nauunawaan ba ninyo ito? (Oo.) Kung gayon, paano ninyo ito isasagawa? Tama ba ang inyong landas ng pagsasagawa tungkol sa gayong mga bagay? Tinatrato ba ninyo ang bawat bagay na nangyayari sa inyo nang may pusong nagpapasakop at saloobing naghahanap sa katotohanan? Kung isa kang taong naghahangad sa katotohanan, tataglayin mo ang gayong pag-iisip. Anuman ang mangyari sa iyo, tatanggapin mo na nagmumula ito sa Diyos, at magpapatuloy ka upang hanapin ang katotohanan, at unawain ang Kanyang kalooban, at ituring ang mga tao at bagay batay sa Kanyang mga salita. Sa lahat ng bagay na nangyayari sa iyo, mararanasan mo at malalaman ang gawain ng Diyos, at makakaya mong magpasakop sa Kanya. Kung hindi ka isang taong naghahangad sa katotohanan, anuman ang sumapit sa iyo, hindi mo ito haharapin nang ayon sa mga salita ng Diyos, ni hindi mo hahanapin ang katotohanan. Iraraos mo lang ang gawain, nang hindi nagkakamit ng anumang katotohanan bilang resulta. Ginagawang perpekto ng Diyos ang mga tao sa pamamagitan ng pagsasaayos ng maraming bagay na hindi umaayon sa kanilang mga kuru-kuro, upang sanayin sila na hanapin ang katotohanan, magkaroon sila ng pagkaunawa sa Kanyang mga gawa, at makita nila ang Kanyang pagiging makapangyarihan sa lahat at karunungan, upang unti-unting lumago ang kanilang buhay. Bakit ba iyong mga naghahangad sa katotohanan ay nararanasan ang gawain ng Diyos, nakakamit ang katotohanan at nagagawa silang perpekto ng Diyos, samantalang ang mga hindi naghahangad sa katotohanan ay pinalalayas? Ito ay dahil ang mga naghahangad sa katotohanan ay kayang hanapin ito anuman ang mangyari sa kanila, kaya’t nasa kanila ang gawain at kaliwanagan ng Banal na Espiritu, at sa gayon ay naisasagawa nila ang katotohanan, nakapapasok sila sa realidad ng mga salita ng Diyos, at nagagawa Niya silang perpekto; samantala, ang mga hindi nagmamahal sa katotohanan ay nakikitang hindi umaayon ang gawain ng Diyos sa kanilang mga kuru-kuro, ngunit hindi nila ito nilulutas sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan, at maaari pa nga silang maging negatibo at magreklamo. Sa paglipas ng panahon, dumarami ang kanilang mga kuru-kuro sa Diyos, at nagsisimula silang magduda at magtatwa sa Kanya. Bilang resulta, itinataboy at pinalalayas sila ng gawain ng Diyos. Iyon ang dahilan kung bakit ang dapat na saloobin ng mga tao sa katotohanan ay ang hanapin ito, isagawa ito, at sikaping matugunan ang mga hinihingi ng Diyos, sa halip na ang maging negatibo at pasibo. Upang maranasan ang gawain ng Diyos, kailangan nilang harapin ang maraming bagay, at tingnan ang lahat ng ito ayon sa mga salita ng Diyos, gayundin ang gumugol ng mas maraming oras sa pagninilay-nilay, paghahanap sa katotohanan at pagbabahagi tungkol dito, upang malaman nila ang gawain ng Diyos at makasabay sila rito. Sa ganitong paraan lamang nila mauunawaan ang katotohanan, at mas malalim itong mauunawaan bawat araw, at sa ganitong paraan lamang magkakapundasyon sa mga tao ang mga salita ng Diyos at ang bawat aspeto ng katotohanan. Ang pagdanas sa gawain ng Diyos ay hindi maihihiwalay sa totoong buhay, lalo na sa kapaligiran ng iba’t ibang tao, usapin, at bagay na isinasaayos ng Diyos, kung hindi ay hindi mauunawaan at makakamit ng mga tao ang katotohanan. Karamihan sa mga tao ay hindi alam kung paano danasin ang gawain ng Diyos sa tuwing nagkakaproblema sila. Hindi nila alam kung paano hanapin ang katotohanan para malutas ang kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, o maayos ang kanilang mga maling pagkaunawa at mga kalokohang pananaw. Dahil dito, sa kabila ng pagdanas ng maraming bagay, hindi nila nauunawaan ang katotohanan at sa halip ay wala silang nakakamit—ito ay pag-aaksaya ng oras. Anuman ang mangyari sa kanila, sa huli, ang dapat isagawa ng mga tao ay ang magpasakop sa pangangasiwa at mga pagsasaayos ng Diyos. Ang pagpapasakop na ito ay hindi nangangahulugan na ang mga tao ay dapat negatibo at pasibong magpasakop, o magpasakop bilang panghuling paraan, kundi sa halip ay na magkaroon sila ng positibo at maagap na intensyon, at isang landas sa pagsasagawa ng katotohanan. Ano ang ibig sabihin ng pagpapasakop sa pangangasiwa at mga pagsasaayos ng Diyos? Nangangahulugan ito na anuman ang isaayos ng Diyos, anuman ang mangyari sa iyo, hayaan mo ang Diyos na gawin ito at matuto kang magpasakop sa Kanya. Huwag kang magkaroon ng anumang mga hangarin o pansariling mga plano, at huwag mong subukang gawin ang mga bagay-bagay ayon sa sarili mong kagustuhan. Lahat ng gusto, hinahangad, at inaasam ng mga tao ay kalokohan at kahangalan. Masyadong sinusuway ng mga tao ang Diyos. Hinihiling Niya sa mga tao na pumunta sa silangan, ngunit ayaw nilang pumunta sa silangan. Kahit pa nag-aatubili silang magpasakop, sa loob-loob nila iniisip pa rin nilang pumunta sa kanluran. Hindi ito tunay na pagpapasakop. Ang tunay na pagpapasakop ay nangangahulugan na kapag sinabi sa iyo ng Diyos na pumunta sa silangan, dapat kang pumunta sa silangan, at tigilan at iwaksi ang lahat ng pag-iisip na pumunta sa timog, hilaga o kanluran, at magawa mong talikdan ang kagustuhan ng laman, at pagkatapos ay magsagawa sa pamamagitan ng pagtahak sa landas at direksyon na ipinakita sa iyo ng Diyos. Ito ang ibig sabihin ng pagpapasakop. Ano ang mga prinsipyo ng pagpapasakop? Ang mga ito ay ang makinig sa mga salita ng Diyos at magpasakop, at magsagawa alinsunod sa sinasabi ng Diyos. Huwag kang magkimkim ng sarili mong mga intensyon, at hindi ka rin maaaring maging kapritsoso. Malinaw mo mang nauunawaan ang mga salita ng Diyos o hindi, dapat mong mapagpakumbabang isagawa ang mga ito, at gawin ang mga bagay-bagay ayon sa Kanyang mga hinihingi. Mula sa proseso ng pagsasagawa at pagdanas, hindi namamalayang mauunawaan mo ang katotohanan. Kung sinasabi ng iyong bibig na nagpapasakop ka sa Diyos, ngunit hindi mo kailanman binibitiwan at tinatalikdan ang iyong panloob na mga plano at hangarin, hindi ba’t ito ay pagsasalita ng isang bagay at pag-iisip ng iba? (Oo.) Hindi ito tunay na pagpapasakop. Kung hindi ka tunay na magpapasakop, marami kang hihingiin sa Diyos sa tuwing may mangyayari sa iyo, at sa loob-loob mo ay maiinip ka na matugunan ng Diyos ang iyong mga hinihingi. Kung hindi gagawin ng Diyos ang ninanais mo, magdadalamhati ka at sasama ang loob mo nang husto, labis kang magdurusa, at hindi ka makapagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos at sa mga kapaligirang itinakda ng Diyos para sa iyo. Bakit ganito? Dahil palagi kang mayroong mga sarili mong hinihingi at hinahangad, at hindi mo kayang bitiwan ang sarili mong mga personal na ideya, at gusto mong ikaw ang masusunod. Kaya, sa tuwing nakatatagpo ka ng mga bagay-bagay na salungat sa iyong mga kuru-kuro, hindi mo kayang magpasakop, at mahirap para sa iyo na magpasakop sa Diyos. Bagamat alam ng mga tao sa teorya na dapat silang magpasakop sa Diyos at dapat nilang bitiwan ang sarili nilang mga ideya, sadyang hindi nila ito mabitiwan, palagi silang natatakot na madehado at mawalan. Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t pinahihirapan sila nito nang husto? Hindi ba’t lalong tumitindi ang kanilang pagdadalamhati kung gayon? (Oo.) Kung kaya mong bitiwan ang lahat, at bitiwan ang mga bagay na gusto mo at hinihingi mo ngunit salungat sa mga layunin ng Diyos, kung kaya mong maagap at kusang-loob na bitiwan ang mga ito, at hindi makipagkasunduan sa Diyos, bagkus ay maging handang gawin ang hinihingi ng Diyos, mababawasan ang paghihirap sa loob mo at ang mga balakid. Kung mababawasan ang mga hadlang sa pagpapasakop ng isang tao sa Diyos, hindi ba’t mababawasan ang kanyang pagdadalamhati? Habang nababawasan ang kanyang pagdadalamhati, nababawasan nang husto ang pagdurusang hindi naman niya kailangang pagdaanan. Mararanasan ba ninyo ang ganitong paraan? Malamang hindi pa. Kapag ang ilang tao ay nakakita ng isang taong nakararanas ng mga paghihirap, agad silang nag-iingat sa pamamagitan ng paglalagay ng kanilang sarili sa posisyon ng taong iyon. Sa tuwing nakakakita sila ng isang taong nahaharap sa isang uri ng pagdadalamhati, karamdaman, kapighatian, o kapahamakan, agad nilang inaalala ang kanilang sarili at iniisip na, “Kung mangyari ito sa akin, ano ang gagawin ko? Maaari palang maharap pa rin sa mga bagay na ito at magdusa ng mga paghihirap na ito ang mga mananampalataya. Kaya’t ano bang uri mismo ng Diyos Siya? Kung ang Diyos ay lubos na walang konsiderasyon sa mga nararamdaman ng taong iyon, ganoon din ba Niya ako tatratuhin? Ipinapakita nito na hindi maaasahan ang Diyos. Sa anumang lugar at anumang oras, nagsasaayos Siya ng isang hindi inaasahang kapaligiran para sa mga tao, at maaari Niya silang patuloy na ilagay sa mga nakakahiyang sitwasyon, at sa anumang sirkumstansiya.” Natatakot sila na kung hindi sila mananampalataya, hindi sila magkakamit ng mga pagpapala, ngunit kung patuloy silang mananampalataya, makatatagpo sila ng kapahamakan. Sa ganitong paraan, kapag nananalangin ang mga tao sa harap ng Diyos, basta lang nilang sinasabing, “Diyos ko, nakikiusap ako na pagpalain Mo ako,” at hindi sila naglalakas-loob na sabihing, “Diyos ko, hinihiling ko na subukin Mo ako, disiplinahin Mo ako, at gawin Mo ang Iyong kalooban, handa po akong tanggapin ito”—hindi sila naglalakas-loob na manalangin nang ganito. Matapos makaranas ng ilang dagok at kabiguan, nababawasan ang determinasyon at katapangan ng mga tao, at nagkakaroon sila ng ibang “pagkaunawa” sa matuwid na disposisyon ng Diyos, sa Kanyang pagkastigo at paghatol, at sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, at nakararamdam din sila ng pagiging maingat sa Diyos. Sa ganitong paraan, mayroong isang harang, isang pagkakalayo, sa pagitan ng mga tao at ng Diyos. Ayos lang ba na magkaroon ang mga tao ng mga ganitong kalagayan? (Hindi.) Kaya, may tendensiya bang mabuo sa loob ninyo ang ganitong mga kalagayan? Minsan ba ay namumuhay kayo sa mga ganitong kalagayan? (Oo.) Paano dapat lutasin ang gayong mga problema? Ayos lang bang hindi hanapin ang katotohanan? Kung hindi ninyo nauunawaan ang katotohanan at wala kayong pananalig, magiging mahirap para sa inyo na sundin ang Diyos hanggang sa huli, at madadapa kayo sa tuwing makatatagpo kayo ng mga sakuna at kapahamakan, natural man ito o gawa ng tao.

Matapos sumailalim ni Job sa pagsubok, binigkas niya ang mga salitang: “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova” (Job 1:21). Sa panahon ngayon, maraming tao ang natututong bigkasin ang pangungusap na ito, at tumpak nila itong nabibigkas. Ngunit sa tuwing binibigkas nila ito, ang iniisip lang nila ay si Jehova ang nagbibigay, pero hindi nila iniisip kung ano ang mangyayari kapag si Jehova ang nag-aalis, at kung anong uri ng dalamhati, paghihirap at nakakaasiwang sitwasyon ang mararanasan ng mga tao kung gayon, o kung paano nag-iiba ang damdamin ng mga tao dahil sa nagbabagong kapaligiran. Hindi na nila ito pinag-isipan pa, patuloy lamang silang bumibigkas ng “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova,” maging sa punto ng paggamit ng pangungusap na ito bilang isang sawikain at doktrina na kanilang inuulit bigkasin sa bawat pagkakataon. Sa isip ng lahat, ang tanging bagay na naiisip nila ay ang lahat ng biyaya, pagpapala, at pangako na ipinagkakaloob ni Jehova sa mga tao, ngunit hindi nila kailanman naiisip—o hindi nila nakikinita—kung anong uri ng eksena ang mangyayari kapag inalis ni Jehova ang lahat ng bagay na ito sa kanila. Ang lahat ng sumasampalataya sa Diyos ay handa lamang tanggapin ang biyaya, mga pagpapala, at mga pangako ng Diyos, at handa lamang tanggapin ang Kanyang kabaitan at habag. Ngunit walang naghihintay o naghahanda na tanggapin ang pagkastigo at paghatol ng Diyos, ang Kanyang mga pagsubok at pagpipino, o ang Kanyang pagkakait, at walang ni isang tao ang naghahandang tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, ang Kanyang pagkakait, o ang Kanyang mga sumpa. Normal ba o hindi normal ang relasyong ito sa pagitan ng mga tao at ng Diyos? (Hindi normal.) Bakit mo nasabing hindi normal ito? Ano ang kulang dito? Ang kulang dito ay hindi taglay ng mga tao ang katotohanan. Ito ay dahil napakaraming kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, palagi silang nagkakamali ng pagkaunawa sa Diyos, at hindi nila inaayos ang mga bagay na ito sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan—kaya’t malaki ang posibilidad na magkakaroon ng mga problema. Sa partikular, nananampalataya lamang ang mga tao sa Diyos para sila ay pagpalain. Nais lamang nilang makipagkasundo sa Diyos, at humingi ng mga bagay mula sa Kanya, ngunit hindi nila hinahangad ang katotohanan. Napakamapanganib nito. Sa sandaling makatagpo sila ng isang bagay na salungat sa kanilang mga kuru-kuro, agad silang magkakaroon ng mga haka-haka, hinaing, at maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, na maaari pa ngang umabot sa pagtataksil sa Kanya. Malubha ba ang mga kahihinatnan nito? Anong landas ang tinatahak ng karamihan ng mga tao sa kanilang pananampalataya sa Diyos? Bagamat maaaring nakapakinig na kayo ng napakaraming sermon at pakiramdam ninyo ay marami na kayong naunawaan na katotohanan, ang totoo ay tinatahak pa rin ninyo ang landas ng pananampalataya sa Diyos para lamang makinabang hangga’t maaari. Kung handa na ang iyong isipan para tumanggap ng paghatol at pagkastigo, mga pagsubok at pagpipino, at hinanda mo na rin ang isipan mo na dumanas ng sakuna, at kung, gaano man kalaki ang ginugugol mo para sa Diyos at gaano man kalaki ang isinasakripisyo mo sa pagganap ng iyong tungkulin, ay talagang mahaharap ka sa mga pagsubok ni Job, at ipagkakait sa iyo ng Diyos ang lahat ng iyong ari-arian, maging sa puntong malapit nang matapos ang buhay mo, ano ang gagawin mo kung gayon? Paano mo haharapin ang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos? Paano mo dapat harapin ang iyong tungkulin? Paano mo dapat harapin ang ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos? Mayroon ka bang tamang pag-unawa at tamang saloobin? Madali bang sagutin ang mga katanungang ito o hindi? Isa itong malaking hadlang na inilagay sa harapan ninyo. Dahil isa itong hadlang at problema, hindi ba’t dapat itong lutasin? (Oo.) Paano ito lulutasin? Hindi ba’t madali itong lutasin? Ipagpalagay na, pagkatapos manalig sa Diyos sa loob ng napakaraming taon, makapagbasa ng napakaraming salita ng Diyos, makinig sa napakaraming sermon, at maunawaan ang napakaraming katotohanan, handa ka nang hayaan ang Diyos na pangasiwaan ang lahat, maging mga pagpapala man iyon o isang sakuna. At kung ipagpalagay na, sa kabila ng iyong pagtalikod at paggugol sa sarili, at ng mga sakripisyong nagawa mo, at ng isang panghabang-buhay na lakas, ang tanging makukuha mo bilang kapalit ay ang pagsusumpa sa iyo ng Diyos, o pagkakait sa iyo. Kung, magkagayon man, ay hindi ka nagrereklamo, walang sariling mga pagnanais o hinihingi, bagkus ay hinahangad mo lang na magpasakop sa Diyos at iasa ang sarili mo sa Kanyang mga pangangasiwa, at pakiramdam mo, ang pagkakaroon ng kahit kaunting pagkaunawa at kaunting pagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ay nagbibigay pa rin ng kabuluhan sa iyong buhay—kung may gayon kang tamang saloobin, hindi ba’t magiging madaling lutasin ang ilang paghihirap? Mayroon na ba kayong tunay na kaalaman ngayon sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos? May mga plano pa rin ba kayo para sa inyong personal na kinabukasan at kapalaran sa kaibuturan ng inyong puso? Kaya ba ninyong iwanan ang lahat at taos-pusong igugol ang inyong sarili para sa Diyos? Gumugol ba kayo ng oras at lakas sa maingat na pagninilay-nilay at pag-iisip tungkol sa mga isyung ito? O nakaranas ba kayo ng ilang bagay para maunawaan ang mga katotohanan at malaman ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos? Kung hindi man lang ninyo naisip ang gayong praktikal na problema ng kung paano dapat harapin ng mga taong sumusunod sa Diyos ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at ang pangangasiwa at mga pagsasaayos ng Lumikha, na siya ring pinakamalaking problema sa harap ninyo, at hindi ninyo napagtatanto na ito ang pinakamalaking katotohanan ng mga pangitain, kung gayon, kung isang araw ay may mangyayaring isang malaking kaganapan o sakuna, makakapanindigan ka ba sa iyong patotoo? Hindi ito tiyak, at hindi pa malinaw ang aspetong ito, hindi ba? (Oo.) Hindi ba’t dapat pagnilayang mabuti ang isyung ito? (Oo.) Kaya paano ka magkakaroon ng sapat na tayog para harapin ang isang kinabukasang hindi mo mahulaan? Paano ka makapaninindigan sa iyong patotoo sa loob ng mga kapaligirang itinakda ng Diyos? Hindi ba’t isa itong isyu na dapat seryosong ikonsidera at pag-isipan? Kung palagi mong iniisip na, “Ako ay likas na mabuting tao, at natamasa ko nang husto ang napakaraming biyaya, pagpapala, at proteksyon ng Diyos. Kapag nahihirapan ang iba, wala silang magawa, pero sa tuwing nahihirapan ako, tinutustusan, ginagabayan, at tinutulungan ako ng Diyos. Ngayon, nakakaya ko nang tiisin ang hirap at nakakapagsakripisyo ako sa pagganap ng aking tungkulin, mas lumakas na ang pananalig ko sa Diyos, at tinutupad ko rin ang isang mahalagang tungkulin. Nakikita ko na labis na mapagbiyaya sa akin ang Diyos, at nasa akin ang Kanyang proteksyon at pagpapala. Kung ipagpapatuloy ko ito, kahit na dumanas ako ng ilang pagkastigo, paghatol, pagsubok, at pagpipino sa hinaharap, siguradong malalampasan ko ang mga ito. Sa huli, tiyak na isa ako sa mga pagpapalain, tiyak na dadalhin ako ng Diyos sa kaharian, at tiyak na makikita ko ang araw na luluwalhatiin ang Diyos!” Paano kung ganito ang paraan ng pag-iisip? Naniniwala ka na naiiba ka, na espesyal kang pinapaboran ng Diyos, at na kung may palalayasin o tatalikuran ang Diyos, hindi ikaw iyon. Tama ba ang mga kaisipang ito? (Hindi.) Bakit hindi tama ang mga ito? (Hindi obhektibo ang mag-isip nang ganito.) Katumbas ba ng mga salitang ito ang tunay na kaalaman sa Diyos? O ito ba ay pawang personal na pagtingin at ispekulasyon lamang? Ang mga taong may ganitong mga kaisipan ay mga tao ba na naghahangad sa katotohanan? (Hindi.) Kaya, tunay ba silang makapagpapasakop sa Diyos? (Hindi.) Handa na ba silang tanggapin ang pagkastigo, paghatol, mga pagsubok at pagpipino ng Diyos, at maging ang Kanyang mga sumpa? (Hindi.) Ano ang gagawin nila kapag talagang nangyari sa kanila ang pagkastigo at paghatol, mga pagsubok at pagpipino ng Diyos? Magkakaroon ba sila ng mga kuru-kuro o reklamo tungkol sa Diyos? Matatanggap ba nila ang mga ito bilang mga bagay na nagmumula sa Diyos at tunay ba silang makapagpapasakop? (Hindi.) Magiging mahirap itong makamit, sa totoo lang. Ito ay dahil nananampalataya sila sa Diyos para lamang humingi ng biyaya o makinabang hangga’t maaari. Hindi nila alam na ang Diyos ay maharlika at napopoot din, at na hindi nalalabag ang disposisyon ng Diyos. Tinatrato ng Diyos ang lahat nang patas, at pagdating sa sinumang nilikha, ang disposisyon ng Diyos ay pagkahabag at pagmamahal, ngunit naroon din ang pagkamaharlika at pagkapoot. Sa pakikitungo ng Diyos sa bawat tao, ang pagkahabag, pagmamahal, pagkamaharlika, at pagkapoot sa Kanyang matuwid na disposisyon ay hinding-hindi nagbabago. Ang Diyos ay hindi kailanman magpapakita ng pagkahabag at pagmamahal para lamang sa ilang tao, at pagkamaharlika at pagkapoot para lamang sa iba. Hinding-hindi ito gagawin ng Diyos, dahil Siya ay isang matuwid na Diyos, at Siya ay patas sa lahat. Ang pagkahabag, pagmamahal, pagkamaharlika, at pagkapoot ng Diyos ay umiiral para sa sinumang tao. Maaari Siyang magkaloob ng biyaya at mga pagpapala sa mga tao, at magbigay sa kanila ng proteksyon. Kasabay nito, maaari ding hatulan at parusahan ng Diyos ang mga tao, sumpain sila, at alisin ang lahat ng ibinigay Niya sa kanila. Maaaring magbigay ang Diyos sa mga tao, ngunit maaari din Niyang alisin ang lahat sa kanila. Ito ang disposisyon ng Diyos, at ito ang dapat Niyang gawin sa bawat tao. Samakatuwid, kung iniisip mo na, “Mahalaga ako sa mga mata ng Diyos, ako ang Kanyang kinagigiliwan. Tiyak na hindi Niya matitiis na parusahan at hatulan ako, at tiyak na hindi kakayanin ng puso Niya na kuhain ang lahat ng ibinigay Niya sa akin, upang hindi sumama ang loob ko at hindi ako mabalisa,” hindi ba’t mali ang ganitong pag-iisip? Hindi ba’t isa itong kuru-kuro tungkol sa Diyos? (Oo.) Kaya, bago mo maunawaan ang mga katotohanang ito, hindi ba’t iniisip mo lang ang magtamasa ng biyaya, habag, at pagmamahal ng Diyos? Bilang resulta, palagi mong nakakalimutan na ang Diyos ay mayroon ding pagkamaharlika at pagkapoot. Bagamat binibigkas ng iyong mga labi na ang Diyos ay matuwid, at nagagawa mong magpasalamat at magpuri sa Diyos kapag nagpakita Siya sa iyo ng pagkahabag at pagmamahal, labis na sumasama ang loob mo sa tuwing nagpapakita ang Diyos ng pagkamaharlika at pagkapoot sa pagkastigo at paghatol sa iyo. Iniisip mo na “Kung hindi lang sana umiral ang gayong Diyos.” “Kung hindi lang sana ang Diyos ang gumawa nito, kung hindi lang sana ako pinupuntirya ng Diyos, kung hindi lang sana ito ang layunin ng Diyos, kung sana ay ginawa na lang ang mga bagay na ito sa iba. Dahil mabait akong tao, at wala akong ginawang masama, at nagbayad ako ng malaking halaga para sa pananampalataya ko sa Diyos sa loob ng maraming taon, hindi dapat maging masyadong walang awa ang Diyos. Dapat akong maging karapat-dapat at kuwalipikadong magtamasa sa habag at pagmamahal ng Diyos, gayundin sa saganang biyaya at mga pagpapala ng Diyos. Hindi ako hahatulan o parurusahan ng Diyos, at hindi rin kakayanin ng puso Niya na gawin ito.” Pangangarap lamang ba ito nang gising at maling pag-iisip? (Oo.) Paano ito naging mali? Ang mali rito ay hindi mo itinuturing ang sarili mo bilang isang nilikha, bilang isang miyembro ng nilikhang sangkatauhan. Nagkamali ka nang ihiwalay mo ang iyong sarili sa nilikhang sangkatauhan at ituring ang iyong sarili bilang kabilang sa isang espesyal na grupo o uri ng nilikha, nagbibigay ng espesyal na katayuan sa sarili mo. Hindi ba’t mayabang at mapagmagaling ito? Hindi ba’t hindi ito makatwiran? Ito ba ay isang taong tunay na nagpapasakop sa Diyos? (Hindi.) Talagang hindi.

Sa pamilya ng Diyos, sa mga kapatid, gaano man kataas ang iyong katayuan o posisyon, o gaano man kahalaga ang iyong tungkulin, at gaano man kagaling ang iyong talento at mga kontribusyon, o gaano ka man katagal nang nananampalataya sa Diyos, sa mga mata ng Diyos, isa kang nilikha, isang ordinaryong nilikha, at ang mararangal na ranggo at mga titulo na ibinigay mo sa iyong sarili ay hindi umiiral. Kung palagi mong itinuturing ang mga ito bilang mga korona, o bilang kapital na nagbibigay-daan sa iyo na mapabilang sa isang espesyal na grupo o maging isang espesyal na tao, kung gayon, sa paggawa nito, lumalaban at sumasalungat ka sa mga pananaw ng Diyos, at hindi ka katugma ng Diyos. Ano ang magiging mga kahihinatnan nito? Magdudulot ba ito na tutulan mo ang mga tungkuling dapat gampanan ng isang nilikha? Sa mga mata ng Diyos, ikaw ay isang nilikha lamang, pero hindi mo itinuturing ang sarili mo bilang isang nilikha. Talaga bang makapagpapasakop ka sa Diyos sa gayong pag-iisip? Lagi mong gustong isipin na, “Hindi ako dapat tratuhin ng Diyos nang ganito, hinding-hindi Niya ako pwedeng tratuhin nang ganito.” Hindi ba’t lumilikha ito ng paglaban sa Diyos? Kapag kumikilos ang Diyos nang salungat sa iyong mga kuru-kuro, sa iyong mentalidad, at sa iyong mga pangangailangan, ano ang iisipin mo sa puso mo? Paano mo haharapin ang mga kapaligiran na isinaayos ng Diyos para sa iyo? Magpapasakop ka ba? (Hindi.) Hindi ka magpapasakop, at tiyak na ikaw ay lalaban, sasalungat, magmamaktol, at magrereklamo, paulit-ulit na maguguluhan dito sa puso mo, iisipin na “Pero noon ay pinoprotektahan ako ng Diyos at tinatrato Niya ako nang may kagandahang-loob. Bakit nagbago na Siya ngayon? Hindi na ako maaaring mabuhay pa!” Kaya’t nagsisimula kang magmaktol at magpasaway. Kung umaasta ka nang ganito sa iyong mga magulang sa bahay ninyo, maaaring mapatawad ito at wala silang gagawin sa iyo. Ngunit hindi ito katanggap-tanggap sa sambahayan ng Diyos. Dahil nasa hustong gulang ka na at isa kang mananampalataya, maging ang ibang tao ay hindi kukunsintihin ang iyong kalokohan—sa tingin mo ba ay pahihintulutan ng Diyos ang gayong pag-uugali? Kukunsintihin ba Niya ang ginagawa mo sa Kanya? Hindi. Bakit hindi? Ang Diyos ay hindi ang magulang mo, Siya ang Diyos, Siya ang Lumikha, at ang Lumikha ay hinding-hindi papayag na ang isang nilikha ay magmamaktol at hindi magiging makatwiran o mag-aalboroto sa harap Niya. Kapag kinakastigo at hinahatulan ka ng Diyos, sinusubok ka, o may inaalis Siya sa iyo, kapag inilalagay ka Niya sa paghihirap, nais Niyang makita ang saloobin ng isang nilikha sa kung paano nito tatratuhin ang Lumikha, nais Niyang makita kung anong uri ng landas ang pipiliin ng isang nilikha, at hinding-hindi ka Niya pahihintulutan na magmaktol at maging hindi makatwiran, o magbigkas ng mga kakatwang pangangatwiran. Matapos maunawaan ang mga bagay na ito, hindi ba dapat isipin ng mga tao kung paano nila dapat harapin ang lahat ng ginagawa ng Lumikha? Una sa lahat, dapat gampanan ng mga tao ang kanilang wastong posisyon bilang nilikha at kilalanin ang kanilang identidad bilang nilikha. Magagawa mo bang kilalanin na isa kang nilikha? Kung magagawa mo ito, dapat mong gampanan ang iyong wastong posisyon bilang isang nilikha at magpasakop sa mga pagsasaayos ng Lumikha, at kahit na magdusa ka nang kaunti, dapat mong gawin ito nang walang reklamo. Ito ang ibig sabihin ng pagiging isang taong nasa katwiran. Kung sa palagay mo ay hindi ka isang nilikha, bagkus ay ipinagpapalagay mong mayroon kang mga titulo at isa kang importanteng tao, at na isa kang taong may katayuan, isang mahusay na lider, patnugot, editor, o direktor sa pamilya ng Diyos, at na isa kang taong nakagawa na ng mahahalagang kontribusyon sa gawain ng pamilya ng Diyos—kung iyan ang iniisip mo, isa kang lubhang hindi makatwiran at walang kahihiyan na tao na walang pakundangan. Kayo ba ay mga taong may katayuan, posisyon, at halaga? (Hindi kami ganoon.) Kung gayon, ano ka? (Isa akong nilikha.) Tama, isa ka lang ordinaryong nilikha. Sa mga tao, maaaring ipagmalaki mo ang iyong mga kwalipikasyon, umasta kang nakatataas, ipagmayabang mo ang iyong mga kontribusyon, o magsalita ka tungkol sa iyong magigiting na kabayanihan. Ngunit sa harap ng Diyos, hindi umiiral ang mga bagay na ito, at hinding-hindi ka dapat magsalita o magmayabang tungkol sa mga ito, o magpanggap na mahusay ka. Magiging magulo ang mga bagay-bagay kung ibibida mo ang iyong mga kwalipikasyon. Ituturing ka ng Diyos na lubhang hindi makatwiran at sukdulan sa kayabangan. Masusuklam at mamumuhi Siya sa iyo, at isasantabi ka Niya, at magkakaproblema ka kung gayon. Dapat mo munang kilalanin ang iyong identidad at posisyon bilang isang nilikha. Anuman ang iyong katayuan sa ibang tao, o gaano man kakilala ang iyong katayuan, o anuman ang mga kalamangan mo, o kung binigyan ka man ng Diyos ng isang uri ng espesyal na talento, para tamasahin mo ang labis na pakiramdam ng pagiging nakatataas sa mga tao—kapag humarap ka sa Diyos, walang halaga o kabuluhan ang mga bagay na ito. Samakatuwid, hindi ka dapat magpakitang-gilas, sa halip ay maging isang maamong nilikha sa harap ng Diyos. Sa harap ng Diyos, isa ka lang miyembro ng nilikhang sangkatauhan. Gaano ka man kasikat, gaano ka man kagaling o kahusay, at gaano man kalaki ang iyong mga napagsumikapan, sa harap ng Diyos ay walang kabuluhan na banggitin ang mga ito, lalong walang kabuluhan na ipakitang-gilas ang mga ito, at dapat na gampanan mo na lang ang iyong wastong posisyon bilang isang nilikha. Ito ang una. Ang pangalawa ay ang huwag maghangad para lamang tamasahin ang biyaya at mga pagpapala ng Diyos habang sa loob-loob ay nilalabanan at tinatanggihan ang pagkastigo at paghatol ng Diyos, o kinatatakutan ang mga pagsubok at pagpipino ng Diyos para sa iyo. Ang mga takot at paglaban na ito ay pawang walang saysay. Sinasabi ng ilang tao: “Kung handa akong tanggapin ang paghatol, pagkastigo, mga pagsubok at pagpipino ng Diyos, maaari bang hindi ko na pagdaanan ang mga pagdurusang ito?” Hindi ginagawa ng Diyos ang lahat ng ito ayon sa kung gusto mo ang mga ito o hindi, o ayon sa iyong pansariling hangarin o pagpapasya, kundi ay naaayon ito sa Kanyang kalooban, mga iniisip, at mga plano. Samakatuwid, bilang isang nilikha, bukod sa pagtanggap ng biyaya at mga pagpapala ng Diyos, kailangan mo ring tunay na matanggap at maranasan sa iyong puso ang pagkastigo, paghatol, mga pagsubok at pagpipino ng mga salita ng Diyos. Mayroong ilang tao na magsasabing: “Ibig Mo bang sabihin, kung ang biyaya ng Diyos ay maaaring ipagkaloob sa mga tao kahit saan at anumang oras, ang pagkastigo, paghatol, mga pagsubok, pagpipino, at mga sakuna ng Diyos ay maaari ding sumapit sa mga tao kahit saan at anumang oras?” Sa palagay ba ninyo ay basta-basta lang na sasapit sa mga tao ang pagkastigo, paghatol, mga pagsubok at pagpipino ng Diyos, na magiging imposible para sa kanila na mag-ingat laban dito? (Hindi ito basta-bastang mangyayari.) Talagang hindi, hindi iyon ang kaso. Ang mga tiwaling tao ay hindi karapat-dapat sa paghatol at pagkastigo ng Diyos—ito ay isang bagay na dapat ninyong malaman. Ngunit dapat mong maunawaan na ang pagbubunyag at paglalantad sa iyo ng Diyos, pagdidisiplina, pagtutuwid at pagkakastigo sa iyo, at ang Kanyang paghatol, mga pagsubok at pagpipino, at maging ang Kanyang pagsumpa sa iyo ay batay sa iyong tayog, sitwasyon, at siyempre, sa iyong mga pansariling hangarin. Kung sinasang-ayunan ka ng Diyos, sasapit sa iyo ang Kanyang paghatol, pagkastigo, mga pagsubok at pagpipino sa tamang oras. Sa panahon ng iyong pananampalataya sa Diyos, kasama mo sa lahat ng oras at lugar ang Kanyang mga pagpapala at biyaya, gayundin ang Kanyang mga paghahayag, pagtutuwid, pagdidisiplina, pagkastigo at paghatol, mga pagsubok at pagpipino, at iba pa. Siyempre, ang sa lahat ng oras at lugar ay nangangahulugan ng makatarungang sukat, tamang panahon, at batay sa plano ng Diyos. Hindi ito basta-bastang nangyayari sa mga tao, at hindi ito nangangahulugan na ang isang malaking kalamidad ay bigla-biglang sasapit sa mga tao sa sandaling titigil sila sa pag-iingat. Hindi naman iyon ganoon. Kung wala kang partikular na tayog at wala pang anumang planong gawin ang Diyos sa iyo, huwag kang mag-alala, maaaring kasama mo lang ang biyaya, pagpapala, at presensiya ng Diyos sa buhay mo. Kung wala kang sapat na tayog, o talagang lumalaban ka at natatakot sa pagkastigo, paghatol, mga pagsubok, at pagpipino ng Diyos, hindi ipipilit ng Diyos ang mga bagay na labag sa iyong kalooban, kaya hindi mo kailangang mag-alala tungkol dito. Mangyari man ang mga bagay na ito o hindi, dapat malaman ng mga tao ang gawain ng Diyos at maunawaan ang Kanyang kalooban. Sa pamamagitan lamang ng tumpak na kaalaman sa mga salita ng Diyos magkakaroon ang mga tao ng tamang saloobin, normal na kalagayan, at kakayahang harapin nang tama ang anumang mangyayari sa kanila. Handa na ba kayong tanggapin ngayon ang pagkastigo, paghatol, mga pagsubok at pagpipino ng Diyos? Handa ba kayong tumanggap? (Handa na kami.) Sinasabi ng inyong bibig na oo, pero takot na takot pa rin kayo sa puso ninyo. Kung, pagkatapos na pagkatapos magsabi ng oo, biglang sumapit sa iyo ang isang kalamidad nang hindi inaasahan, paano mo ito haharapin? Iiyak ka ba? Matatakot ka ba sa kamatayan? Mag-aalala ka ba na hindi ka pagpapalain? Mag-aalala ka ba na hindi mo makikita ang araw kung kailan luluwalhatiin ang Diyos? Lahat ito ay problema na kinakaharap ng mga tao kapag may nangyayari sa kanila. Sa madaling salita, kung nais ng isang tao na manindigan sa gitna ng mga pagsubok at paghihirap, dapat siyang magtaglay ng dalawang bagay. Una, gampanan ang iyong wastong posisyon bilang nilikha. Dapat maging malinaw sa puso mo na isa kang ordinaryong nilikha, isang ordinaryong tao sa gitna ng tiwaling sangkatauhan, na hindi ka kakaiba o espesyal, at dapat mong gampanan ang iyong wastong posisyon bilang isang nilikha. Pangalawa, magkaroon ng taos na pusong nagpapasakop sa Diyos, at maging handa sa lahat ng oras na tanggapin ang mga pagpapala at biyaya mula sa Diyos, gayundin ang tanggapin ang pagkastigo, paghatol, at mga pagsubok at pagpipino mula sa Kanya. Gaya ng sinabi ni Job, “Tatanggap ba tayo ng mabuti sa kamay ng Diyos, at hindi tayo tatanggap ng masama?” (Job 2:10), at “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova” (Job 1:21). Isa itong katunayan, at isa itong katunayan na hinding-hindi magbabago. Naiintindihan mo, hindi ba? (Oo.) Kung taglay mo ang dalawang bagay na ito, talagang makapaninindigan ka at malalampasan mo ang mga pangkalahatang kalamidad at kapighatian. Bagamat hindi ka makapagbibigay ng malakas at matunog na patotoo, kahit papaano naman ay malabong ikaw ay maligaw, matisod, o gumawa ng isang bagay na mapanlinlang. Hindi ba’t ligtas ka kung gayon? (Oo.) Kung gayon, dapat kayong magsagawa ayon sa dalawang bagay na ito, at tingnan kung madali ba itong matamo, at kung matatanggap ba ninyo ang mga ito sa kaibuturan ng inyong puso. Sa sandaling matutunan mo ang mga bagay na ito, kapag naharap ka sa ilang pagsubok, ikaw na ang bahala kung gaano man magiging iba ang iyong pagtingin at pag-unawa rito. Dito na nagtatapos ang ating pagbabahaginan sa paksang ito.