Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 10 (Ikatlong Bahagi)
Pagbahaginan na natin ngayon ang susunod na kasabihan tungkol sa wastong asal—Haharapin ko ang panganib para sa isang kaibigan. Tila isa itong magarbong pahayag, na lubhang laganap sa sangkatauhan. Partikular na, ginagamit ng mga taong nagpapahalaga sa emosyon at nagbibigay ng importansya sa kapatiran ang kasabihang ito bilang isang kawikaan para magkaroon ng maraming kaibigan. Sa alinmang kapanahunan o pangkat etniko ito ginagamit, matibay na nakapananatili ang kasabihang ito tungkol sa wastong asal na, “Haharapin ko ang panganib para sa isang kaibigan.” Na ang ibig sabihin, medyo umaayon ito sa konsiyensiya at katwiran ng sangkatauhan. Mas partikular na, umaayon ang kasabihang ito sa konsepto ng “kapatiran” na sinusunod ng mga tao sa kanilang konsiyensiya. Ang mga taong nagpapahalaga sa kapatiran ay magiging handang harapin ang panganib para sa isang kaibigan. Gaano man kahirap at kapanganib ang sitwasyong kinalalagyan ng kanilang kaibigan, magpiprisinta sila at haharap sa panganib para sa kanya. Ito ang diwa ng pagsasakripisyo sa sariling mga interes ng isang tao alang-alang sa iba. Ang itinatanim sa mga tao ng kasabihan tungkol sa wastong asal na “Haharapin ko ang panganib para sa isang kaibigan,” sa madaling salita, ay pahalagahan ang kapatiran. Ang pamantayang hinihingi nitong itaguyod ng sangkatauhan ay na kailangang pahalagahan ng isang tao ang kapatiran: Iyon ang diwa ng kasabihang ito. Ano ba ang ibig sabihin ng salitang “kapatiran” na ito? Ano ang pamantayan para sa kapatiran? Ito ay ang magawang isakripisyo ang sariling mga interes ng isang tao para sa isang kaibigan at magawa ang lahat upang mabigyang-lugod siya. Anuman ang kailangan ng iyong kaibigan, may pananagutan kang magbigay ng anumang kinakailangang tulong, at kung ang ibig sabihin niyon ay pagsasapanganib sa iyong buhay, kung ganoon ay gawin iyon. Ito ang kinakailangan upang maging isang tunay na kaibigan, at ito lamang ang maituturing na tunay na kapatiran. Ang isa pang pakahulugan sa kapatiran ay ang magawang isapanganib ang iyong buhay, ibuwis ang iyong buhay, o isuong sa kapahamakan ang iyong buhay para sa isang kaibigan, nang hindi isinasaalang-alang ang buhay o kamatayan. Isa itong pagkakaibigang nananatili sa gitna ng mga nakamamatay na paghihirap, isang buhay-at-kamatayang pagkakaibigan, at ito ang tunay na kapatiran. Ito ang kahulugan ng isang kaibigan sa mga kinakailangan sa wastong asal. Kailangang maging handa kang harapin ang panganib para sa iyong mga kaibigan upang maituring na isang tunay na kaibigan, ito ang pamantayan ng wastong asal na dapat sundin ng isang tao kapag hinaharap ang kanyang mga kaibigan, at ito ang kinakailangan para sa wastong asal ng mga tao pagdating sa pakikipagkaibigan. Ang kasabihan tungkol sa wastong asal na “Haharapin ko ang panganib para sa isang kaibigan” ay lumilitaw na masyadong magiting at makatarungan, at lubhang dakila at marangal, at pinupukaw nito ang paghanga at pagsang-ayon ng mga tao, at ipinadarama sa mga tao na ang mga kayang gumawa ng gayong bagay ay parang mga hindi mortal na taga-ibang mundong sumusulpot galing sa mga bitak ng mga bato, at ipinaiisip sa kanilang napakamatuwid ng mga taong ito, na parang mga kabalyero o eskrimador. Iyon ang dahilan kung bakit agad na tinatanggap ng mga tao ang gayong mga simple at tuwirang ideya at pananaw, at madaling tumitimo sa kaibuturan ng kanilang mga puso. Ganoon din ba ang nararamdaman ninyo tungkol sa kasabihang “Haharapin ko ang panganib para sa isang kaibigan”? (Oo.) Bagaman sa panahong ito, kaunti lang ang mga taong haharap sa panganib para sa isang kaibigan, karamihan sa mga tao ay umaasang magiging handa ang kanilang mga kaibigang humarap sa panganib para sa kanila, at na matatapat na tao ang mga ito, mabubuting kaibigan, at na sa panahon ng kagipitan, tutulungan sila ng kanilang mga kaibigan nang hindi nagdadalawang-isip at hindi nagtatakda ng mga kondisyon, at na gagawin ng kanilang mga kaibigan ang kahit na ano para sa kanila, lalabanan ang lahat ng paghihirap at hindi matitinag sa panganib. Kung katulad niyon ang mga hinihingi mo sa mga kaibigan mo, ipinakikita kaya nitong naiimpluwensyahan at iginagapos ka pa rin ng ideyang ito ng pagharap sa panganib para sa isang kaibigan? Masasabi mo bang namumuhay ka pa rin ayon sa luma, tradisyonal na paraang ito ng pag-iisip? (Oo.) Sa panahon ngayon, madalas maghinagpis ang mga tao na “bumababa na ngayon ang moralidad ng madla, hindi na pareho ang kaisipan ng mga tao sa kanilang mga ninuno, nagbago na ang panahon, hindi na katulad ng dati ang mga kaibigan, hindi na pinahahalagahan ng mga tao ang kapatiran, nawalan na ng kabaitan ang mga tao, at palayo na nang palayo ang mga ugnayan sa pagitan ng mga tao.” Bagaman kakaunting tao na lang ang nagpapahalaga sa kapatiran sa mga kaibigan ngayon, magiliw pa ring inaalala ng mga tao ang mga galante at mabubuting-loob na tao noong unang panahon na nagbubuwis ng kanilang buhay para sa isang kaibigan, at iginagalang ang estilong kanilang ipinakikita. Halimbawa, tingnan ninyo ang ilan sa mga kwentong ipinasa-pasa sa kasaysayan tungkol sa mga tao noong unang panahon na nagbubuwis ng buhay para sa isang kaibigan, lalo na ang mga kwentong ang tagpuan ay sa mundo ng martial arts tungkol sa mga taong nagtataguyod sa kapatiran. Hanggang sa panahong ito, kapag pinanonood ng mga tao ang mga kwentong ito sa mga pelikula at teleserye, nakararamdam pa rin sila ng bugso ng damdamin sa kanilang mga puso, at nagkikimkim ng mga pag-asang magbalik sa isang kapanahunang puno ng kabaitan ng tao, kung kailan pinahahalagahan ng mga tao ang kapatiran. Ano ang ipinakikita ng mga bagay na ito? Ipinakikita ba ng mga itong iginagalang ang ideyang ito ng pagharap sa panganib para sa isang kaibigan bilang isang positibong bagay sa mga isipan ng mga tao, at na itinuturing ito bilang isang mataas na moral na pamantayan para sa mga nagnanais na maging mabuting tao? (Oo.) Bagaman hindi nangangahas ang mga taong humiling ng gayong bagay sa kanilang mga sarili sa ngayon, at sila mismo ay hindi makagagawa nito, umaasa pa rin silang makatagpo ng gayong mga tao sa kanilang pamayanan, makisalamuha sa mga ito at makipagkaibigan sa mga ito, nang sa gayon kapag sila mismo ang naharap sa paghihirap, haharap sa panganib ang kanilang kaibigan para sa kanila. Sa pagtingin sa mga saloobin at pananaw ng mga tao ukol sa kasabihang ito tungkol sa wastong asal, malinaw na makikitang malalim na naiimpluwensiyahan ang mga tao ng gayong mga ideya at pananaw na nagpapahalaga sa kapatiran. Yamang naiimpluwensiyahan ang mga tao ng gayong mga ideya at pananaw na humihikayat sa kanilang hangarin at sundin ang diwa ng kapatiran, siyempre, malaki ang posibilidad na isasabuhay nila ang mga iyon. Ang resulta, malamang na makontrol at mapangibabawan ang mga tao ng gayong mga ideya at pananaw, at malamang nilang tingnan ang mga tao at bagay at umasal at kumilos ayon sa gayong mga ideya at pananaw, at kasabay niyon, malamang na gamitin nila ang gayong mga ideya at pananaw upang husgahan ang mga tao, sa pamamagitan ng pagtatanong sa kanilang sarili, “Pinahahalagahan ba ng taong ito ang kapatiran? Kung pinahahalagahan niya ang kapatiran, mabait siyang tao; samantalang kung hindi, hindi karapat-dapat na makisalamuha sa kanya, at hindi siya mabuting tao.” Siyempre, malamang na naiimpluwensiyahan ka rin ng mga ideyang ito tungkol sa kapatiran pagdating sa pagkontrol sa sarili mong pag-uugali, at pagdating sa pagpigil at panghuhusga sa sarili mong pag-uugali, at ginagamit mo ang mga iyon bilang mga pamantayan, at direksiyon para sa pakikisalamuha mo sa iba. Halimbawa, sa ilalim ng matinding impluwensiya ng gayong mga ideya at pananaw, kapag nakikisalamuha ka sa mga kapatid, ginagamit mo ang iyong konsiyensiya upang sukatin ang lahat ng bagay na ginagawa mo. Ano ba ang ibig sabihin ng salitang “konsiyensiya” na ito? Ang katunayan, sa kaibuturan ng mga puso ng mga tao, walang ibang ibig sabihin ito kundi kapatiran. Kung minsan, ang pagtulong ng isang tao sa mga kapatid ay ginagawa dala ng kapatiran, kung minsan ang pakikiramay sa kanila ay ginagawa rin dala ng kapatiran. Kung minsan, ang pagganap sa tungkulin ng isang tao at pag-aalay ng ilang maliit na pagsisikap sa pamilya ng Diyos, o paggugol, o pagkakaroon ng kung anong panandaliang determinasyon, sa totoo ay nangyayaring lahat sa ilalim ng kontrol ng gayong mga ideyang nagpapahalaga sa kapatiran. Hindi ba’t malinaw at walang pag-aalinlangang ipinakikita ng mga pangyayaring ito na malalim na naiimpluwensiyahan ang mga tao ng gayong mga ideya at pananaw, at naigapos at nahubog na sila ng mga iyon? Ano ba ang ibig sabihin Ko sa “naigapos” at “nahubog”? Masasabi bang bukod sa nakokontrol ng gayong mga ideya at pananaw na nagpapahalaga sa kapatiran ang pag-uugali ng mga tao, naging pilosopiya na rin ang mga iyon sa pag-iral at buhay ng mga tao, at na pinanghahawakan ng mga tao ang mga iyon at itinuturing na mga positibong bagay? Bakit Ko ba sinasabing itinuturing nila ang mga iyong mga positibong bagay? Ibig sabihin niyon ay kapag pinakikinggan ng mga tao ang mga salita ng Diyos, isinasagawa ang Kanyang mga salita at sinusunod Siya, ginagampanan ang kanilang tungkulin nang hindi nagpapakapabaya at pabasta-basta, mas nagbabayad ng halaga, at matapat sila sa Diyos, sa malaking paraan, ang lahat ng pag-uugaling ito ay kontrolado ng ideya ng kapatiran, at kontaminado ng elementong ito ng kapatiran. Halimbawa, sinasabi ng ilang tao: “Kailangan tayong maging maingat kung paano tayo umaasal, hindi maaaring iraos lang natin ang ating tungkulin! Napakalaking biyaya ang ipinagkaloob sa atin ng Diyos. Sa lubhang mapanganib na kapaligiran, sa lahat ng laganap na paniniil at pang-uusig ng malaking pulang dragon, pinoprotektahan at inililigtas tayo ng Diyos mula sa impluwensiya ni Satanas. Kailangan ay hindi tayo mawalan ng konsiyensiya, kailangan nating gampanan nang maayos ang ating tungkulin upang masuklian ang pagmamahal ng Diyos! Ang Diyos ang nagbigay sa atin ng ating mga buhay, kaya kailangan tayong maging matapat sa Kanya upang masuklian natin ang Kanyang pagmamahal. Hindi tayo maaaring maging walang utang na loob!” Mayroong ibang taong nahaharap sa tungkuling nangangailangan ng pagsuong sa panganib at pagbabayad ng halaga, at na nagsasabing: “Kung hindi magpiprisinta ang iba, magpiprisinta ako. Hindi ako natatakot sa panganib!” Tinatanong sila ng mga tao, “Bakit hindi ka natatakot sa panganib?” At sumasagot sila, “Wala ba kayong ni katiting na moral na integridad sa inyong asal? Tinatrato ako nang maayos ng pamilya ng Diyos, at mabuti ang Diyos sa akin. Yamang ipinasya kong sumunod sa Kanya, dapat kong gawin ang aking bahagi at sumuong sa mga panganib na ito. Kailangan kong magkaroon ng diwa ng kapatiran at pahalagahan ito.” At iba pa. Sa partikular na paraan ba ay pinangingibabawan ang mga pangyayari at paghahayag na ito ng gayong mga ideya at pananaw na nagpapahalaga sa kapatiran? Dahil pinangingibabawan ng gayong mga ideya at pananaw, ang mga paghatol at pagpapasya ng mga tao at ilan sa mga pag-uugaling kadalasang inihahayag ng mga tao ay walang anumang kinalaman sa pagsasagawa sa katotohanan. Panandaliang simbuyo lamang ang mga iyon, panandaliang kalagayan ng pag-iisip o panandaliang pagnanais. Dahil hindi ito pagsunod sa mga katotohanang prinsipyo, at hindi nagmumula sa pansariling kalooban ng isang tao na gampanan ang kanyang tungkulin, at hindi ginagawa dala ng pagmamahal sa katotohanan at mga positibong bagay, hindi magtatagal ang kapatirang ito sa pagitan ng mga tao, hindi ito magtatagal nang higit sa ilang pagkakataon, ni masyadong magtatagal. Pagkalipas ng ilang panahon, mauubusan ng lakas ang mga tao na parang isang impis na bola. Sinasabi ng ilang tao, “Bakit ba punung-puno ako ng lakas noon? Bakit ba handang-handa akong tanggapin ang mapapanganib na trabahong ito para sa sambahayan ng Diyos? Bakit wala na ang lakas na iyon ngayon?” Noong panahong iyon, isa lamang itong panandaliang simbuyo, pagnanais o pasya para sa iyo, at tiyak na kontaminado ito ng isang elemento ng kapatiran. Patungkol dito, ano ba mismo ang ibig sabihin ng “kapatiran”? Sa madaling salita, isa itong panandaliang emosyon o takbo ng pag-iisip, na ang ibig sabihin, isang emosyong nadarama ng mga tao sa mga espesyal na kapaligiran at sitwasyon. Ang gayong emosyon ay lubhang magaan, masigla, at positibo, na nagdudulot sa iyong magkaroon ng mga positibong paghatol at pagpapasya, o humihikayat sa iyong magkaroon ng ilang magarbong pahayag, at lumilikha ng kaunting kagustuhang magsumikap, ngunit ang ganitong uri ng kagustuhan ay hindi isang tunay na kalagayan ng pagmamahal sa katotohanan, pag-unawa sa katotohanan, o pagsasagawa sa katotohanan. Isa lamang itong emosyong nabuo sa ilalim ng kontrol ng gayong mga ideya at pananaw na nagpapahalaga sa kapatiran. Ganito ito sa simpleng salita. Sa mas malalim na antas, mula sa Aking perspektibo, ang kapatiran, sa totoo, ay isang pagpapakita ng pagiging padalos-dalos. Ano ba ang ibig sabihin Ko sa “isang pagpapakita ng pagiging padalos-dalos”? Halimbawa, kapag panandaliang masaya ang mga tao, makatatagal sila nang buong maghapon at magdamag nang hindi kumakain o natutulog, gayunpaman ay hindi sila nagugutom o napapagod. Normal ba ito? Sa ilalim ng mga normal na kalagayan, magugutom ang mga tao kung hindi sila kakain nang isang beses, at mananamlay at manghihina kung hindi sila matutulog nang maayos sa buong magdamag. Ngunit kung, biglang magaan ang damdamin nila, at hindi sila nagugutom, inaantok, o napapagod, hindi ba’t hindi ito normal? (Oo, ganoon nga.) Isa ba itong likas na paghahayag ng disposisyon sa buhay? (Hindi.) Kung hindi ito isang normal na paghahayag, ano ito, kung ganoon? Pagiging padalos-dalos ito. Ano pa ba ang ibang kahulugan ng pagiging padalos-dalos? Nangangahulugan itong dahil sa mga hindi normal na emosyong tulad ng panandaliang kaligayahan o galit, nagpapakita ang mga tao ng ilang matinding pag-uugali habang nasa di-makatwirang kalagayan. Ano ang matitinding pag-uugaling ito? Kung minsan kapag sila ay masaya, ipinamimigay nila sa iba ang pinakamahahalagang gamit sa kanilang tahanan, o kung minsan sa isang bugso ng galit ay pumapatay sila ng tao gamit ang patalim. Hindi ba’t pagiging padalos-dalos ito? Ang mga ito ay mga pag-uugaling halos labis na, na nangyayari kapag nasa di-makatwirang kalagayan ang mga tao: Pagiging padalos-dalos ito. May ilang taong masayang-masaya kapag nagsisimula pa lang silang gumanap sa kanilang tungkulin. Hindi sila nagugutom kapag oras na ng pagkain, at hindi inaantok kapag oras na ng pahinga. Sa halip ay isinisigaw nila ang, “Gumugol para sa Diyos, magbayad ng halaga para sa Diyos, at magtiis ng anumang paghihirap!” Sa tuwing malungkot sila ay wala silang gustong gawin, kinaiinisan nila ang lahat ng taong kanilang nakikita, at pinag-iisipan pa ngang huwag nang sumampalataya. Pagiging padalos-dalos ang lahat ng ito. Paano nabuo ang pagiging padalos-dalos na ito? Nagmula ba ito sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao? Sa pinakaugat nito, ito ay idinulot ng hindi pagkaunawa ng mga tao sa katotohanan at hindi pagsasagawa sa katotohanan. Kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, naiimpluwensiyahan sila ng iba’t ibang hindi normal na kaisipan. Sa ilalim ng impluwensiya ng iba’t ibang hindi normal at negatibong kaisipan, nagkakaroon sila ng iba’t ibang di-makatwiran at hindi normal na emosyon. Habang nasa ilalim ng mga emosyong ito, nagkakaroon sila ng lahat ng uri ng padalos-dalos na paghatol at pag-uugali. Ganito ang nangyayari, hindi ba? Ano ang diwa ng ideolohikal na perspektibong ito na, “Haharapin ko ang panganib para sa isang kaibigan”? (Pagiging padalos-dalos ito.) Tama iyon, pagiging padalos-dalos ito. Kaya mayroon bang anumang katwiran ang kasabihang “Haharapin ko ang panganib para sa isang kaibigan”? Umaayon ba ito sa mga prinsipyo? Isa ba itong positibong bagay na dapat sundin ng mga tao? Malinaw namang hindi. Ang usaping ito ng pagharap sa panganib para sa isang kaibigan ay di-makatwiran, pabigla-bigla at padalos-dalos ito. Kailangang tratuhin nang makatwiran ang bagay na ito. Ayos lang bang sa labis na hindi mo pagpapahalaga sa kapatiran ay haharapin mo ang panganib para sa isang kaibigan? Ayos lang bang tulungan ang iyong mga kaibigan sa abot lamang ng iyong kakayahan? Paano ba gagawin nang tama ang mga bagay-bagay? Bakit maling-mali ang mga ideya at pananaw na tulad ng “Haharapin ko ang panganib para sa isang kaibigan,” na mukhang labis na nagpapahalaga sa kapatiran? Ano ang mali sa mga iyon? Kailangang malinaw ang bagay na ito. Sa sandaling malinaw ang bagay na ito, ganap nang bibitiwan ng mga tao ang gayong mga ideya at pananaw. Sa katunayan ay napakasimple ng bagay na ito. Maipaliliwanag ba ninyo ito nang malinaw? Wala kayong mga pananaw sa bagay na ito, walang masasabi. Nakukumpirma nito ang isang bagay, na bago Ko suriin ang kasabihang “Haharapin ko ang panganib para sa isang kaibigan,” lahat kayo ay mga taong sumunod o labis na sumamba sa kasabihang ito, at kinainggitan ninyong lahat ang mga taong haharap sa panganib para sa isang kaibigan, at naiinggit din kayo sa mga kayang makipagkaibigan sa isang taong tulad niyon, at pakiramdam ninyo, isang kagalakan at karangalan ang pagkakaroon ng gayong mga kaibigan. Hindi ba’t totoo ito? Paano ninyo tinitingnan ang bagay na ito? (Sa palagay ko, ang pagharap sa mga tao ayon sa kasabihang “Haharapin ko ang panganib para sa isang kaibigan” ay hindi maprinsipyo at hindi nakaayon sa katotohanan.) Ano ang palagay ninyo sa sagot na ito? Matatanggal ba nito ang mga gapos at tanikalang inilalagay sa iyo ng gayong mga ideya at pananaw? Mababago ba nito ang mga pamamaraan at prinsipyo kung paano ka humaharap sa gayong mga bagay? Maitatama ba nito ang mga maling pananaw mo tungkol sa gayong mga bagay? Kung hindi, ano ang sagot na ito? (Doktrina.) Ano ang silbi ng pagbigkas ng doktrina? Huwag kang magsalita tungkol sa doktrina. Paano ba nabubuo ang doktrina? Ito ay dahil hindi mo nakikita nang malinaw ang diwa ng gayong mga ideya at pananaw, at hindi mo lubusang nauunawaan ang negatibong epekto at pinsala ng gayong mga ideya at pananaw ukol sa kung paano mo tinitingnan ang mga tao at bagay, at kung paano ka umaasal at kumikilos. Hindi mo alam kung ano ang mali sa mga iyon, kaya ang tanging magagawa mo ay tugunan at lutasin ang problemang ito gamit ang mabababaw na doktrina. Ang panghuling resulta ay na hindi malulutas ng mga doktrina ang iyong problema, at nabubuhay ka pa rin sa ilalim ng kontrol at impluwensiya ng gayong mga ideya at pananaw.
Ano ba ang mali sa mga ideya at pananaw na tulad ng “pagharap sa panganib para sa isang kaibigan”? Sa totoo ay masyadong madali at hindi mahirap ang tanong na ito. Walang sinumang nabubuhay sa mundo ang sumusulpot mula sa mga bitak ng mga bato. Ang lahat ng tao ay may mga magulang at anak, ang lahat ng tao ay may mga kamag-anak, walang sinumang umiiral nang nagsasarili dito sa mundo ng tao. Ano ang ibig sabihin Ko rito? Ang ibig sabihin Ko ay namumuhay ka dito sa mundo ng tao, at mayroon kang mga sariling obligasyong dapat tuparin. Una, kailangan mong suportahan ang iyong mga magulang, at pangalawa, kailangan mong palakihin ang iyong mga anak. Ang mga ito ang mga responsabilidad mo sa loob ng pamilya. Sa lipunan, mayroon ka ring mga responsabilidad at obligasyong panlipunan na dapat tuparin. Kailangan mong gumanap ng papel sa lipunan, tulad ng pagiging isang manggagawa, magsasaka, negosyante, mag-aaral o intelektuwal. Mula sa pamilya hanggang sa lipunan, marami kang responsabilidad at obligasyong dapat tuparin. Ibig sabihin, bukod pa sa iyong pagkain, damit, tirahan at transportasyon, marami kang bagay na kailangang gawin, at marami ka ring bagay na dapat gawin at marami kang obligasyong dapat tuparin. Isinasantabi ang tamang landas na ito ng pananampalataya sa Diyos na tinatahak ng mga tao, bilang isang indibiduwal ay marami kang responsabilidad sa pamilya at obligasyon sa lipunang dapat tuparin. Hindi ka umiiral nang nagsasarili. Ang responsabilidad na iyong pasan ay hindi lamang ang makipagkaibigan at magpakasaya, o makahanap ng isang taong makakausap mo at makatutulong sa iyo. Karamihan sa iyong mga responsabilidad—at ang pinakamahahalaga sa mga iyon—ay may kinalaman sa iyong pamilya at lipunan. Kapag natutupad mo nang mabuti ang iyong mga responsabilidad sa pamilya at mga obligasyon sa lipunan, saka lamang maituturing na kumpleto at perpekto ang buhay mo bilang isang tao. Kaya, ano ba ang kalakip ng mga responsabilidad na dapat mong tuparin sa pamilya? Bilang isang anak, dapat kang maging mapagmahal sa iyong mga magulang at magsuporta sa kanila. Sa tuwing nagkakasakit o nasa kagipitan ang iyong mga magulang, dapat mong gawin ang lahat ng makakaya mo. Bilang isang magulang, kailangan mong magpagal at gumugol ng iyong sarili, magsumikap at magtiis ng paghihirap upang tustusan ang buong pamilya, at pasanin ang mabigat na responsabilidad ng pagiging isang magulang, pagpapalaki sa iyong mga anak, pagtuturo sa kanilang sundin ang tamang landas, at pagpapaunawa sa kanila sa mga prinsipyo ng pag-asal. Samakatuwid, marami kang responsabilidad sa iyong pamilya. Kailangan mong suportahan ang iyong mga magulang at pasanin ang responsabilidad ng pagpapalaki sa iyong mga anak. Maraming bagay na dapat gawin. At anu-ano ang mga responsabilidad mo sa lipunan? Kailangan mong sundin ang mga batas at patakaran, kailangan mong magkaroon ng mga prinsipyo sa pagharap sa iba, kailangan mong gawin ang lahat ng makakaya mo sa trabaho, at pamahalaan nang mabuti ang iyong karera. Walumpu o siyamnapung porsiyento ng oras at lakas mo ang kailangang maigugol sa mga bagay na ito. Na ang ibig sabihin, anumang papel ang ginagampanan mo sa iyong pamilya o sa lipunan, anumang landas ang iyong tinatahak, anuman ang mga ambisyon at mithiin mo, ang bawat tao ay may mga responsabilidad na dapat pasanin na personal na napakahalaga sa kanya, at na kumakain sa halos buong oras at lakas niya. Mula sa perspektibo ng mga responsabilidad sa pamilya at lipunan, ano ang halaga mo at ng buhay mo bilang isang tao sa iyong pagdating sa mundo ng taong ito? Ito ay upang tuparin ang mga responsabilidad at misyong ibinigay sa iyo ng Langit. Hindi lamang ikaw ang nagmamay-ari sa buhay mo, at siyempre, hindi ito pagmamay-ari ng iba. Umiiral ang buhay mo para sa iyong mga misyon at responsabilidad, at para sa mga responsabilidad, obligasyon at misyong dapat mong tuparin dito sa mundo ng tao. Ang buhay mo ay hindi pagmamay-ari ng iyong mga magulang, ni ng iyong asawa, at siyempre, hindi ito pagmamay-ari ng iyong mga anak. Lalong hindi ito pagmamay-ari ng iyong mga inapo. Kaya sino ang nagmamay-ari sa iyong buhay? Sa pagsasalita mula sa perspektiba ng isang taong marami nang karanasan sa mundo, ang iyong buhay ay pagmamay-ari ng mga responsabilidad at misyong ibinigay sa iyo ng Diyos. Ngunit mula sa perspektiba ng isang mananampalataya, ang Diyos ang dapat na nagmamay-ari sa iyong buhay, dahil Siya ang nagsasaayos at may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay na tungkol sa iyo. Samakatuwid, bilang isang tao, na namumuhay sa mundo, hindi mo dapat basta-bastang ipangako ang iyong buhay sa iba, at hindi mo dapat basta-bastang ibuwis ang iyong buhay para sa kahit kanino alang-alang sa kapatiran. Na ang ibig sabihin, hindi mo dapat maliitin ang sarili mong buhay. Walang halaga ang buhay mo sa kung kani-kanino, lalo na kay Satanas, sa lipunang ito, at sa tiwaling sangkatauhang ito, ngunit sa iyong mga magulang at kamag-anak, napakahalaga ng buhay mo, dahil mayroong di-mapaghihiwalay na kaugnayan ang iyong mga responsabilidad sa kanilang pag-iral. Siyempre, ang lalong mahalaga ay na mayroong di-mapaghihiwalay na kaugnayan ang iyong buhay sa katunayang may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa lahat ng bagay at sa buong sangkatauhan. Kailangang-kailangan ang buhay mo kasama ng maraming buhay na nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Marahil ay hindi ganoon kataas ang pagpapahalaga mo sa iyong buhay, at marahil, hindi mo dapat pahalagahan nang ganoon kataas ang iyong buhay, ngunit ang katunayan, napakahalaga ng buhay mo sa iyong mga magulang at kamag-anak, kung kanino ka may malalapit na kaugnayan at di-mapaghihiwalay na relasyon. Bakit Ko sinasabi iyon? Dahil may mga responsabilidad ka sa kanila, may mga responsabilidad din sila sa iyo, may mga responsabilidad ka sa lipunang ito, at may kaugnayan ang mga responsabilidad mo sa lipunan sa papel mo sa lipunang ito. Ang papel ng bawat tao at bawat buhay na nilalang ay kailangang-kailangan ng Diyos, at pawang mga kailangang-kailangang elemento ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa sangkatauhan, sa mundong ito, sa daigdig na ito, at sa sansinukob na ito. Sa mga mata ng Diyos, ang bawat buhay ay mas hamak pa sa isang butil ng buhangin, at mas kasuklam-suklam pa sa isang langgam; gayunpaman, dahil ang bawat tao ay isang buhay, isang umiiral at humihingang buhay, samakatuwid, sa loob ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, kahit pa hindi mahalaga ang papel na ginagampanan ng taong iyon, kailangang-kailangan din siya. Kaya, sa pagtingin dito mula sa mga aspetong ito, kung ang isang tao ay agad na haharap sa panganib para sa isang kaibigan at bukod sa pinag-iisipang gawin iyon, handa rin siyang gawin iyon sa anumang sandali, ibinubuwis ang sarili niyang buhay nang hindi isinasaalang-alang ang kanyang mga responsabilidad sa pamilya, mga responsabilidad sa lipunan, at maging ang mga pasan niyang misyon at tungkuling ibinigay ng Diyos, hindi ba’t mali iyon? (Oo.) Kataksilan ito! Ang pinakamahalagang bagay na ipinagkakaloob ng Diyos sa tao ay ang hiningang ito na tinatawag na buhay. Kung basta-basta mong ipapangako ang iyong buhay sa isang kaibigang sa palagay mo ay mapagkakatiwalaan mo nito, hindi ba’t pagiging taksil ito sa Diyos? Hindi ba’t kawalan ng galang ito sa buhay? Hindi ba’t isa itong gawa ng pagsuway sa Diyos? Isa ba itong gawa ng pagrerebelde sa Diyos? (Oo.) Malinaw na pagsuko ito sa mga responsabilidad na dapat mong tuparin sa iyong pamilya at sa lipunan, at pagtakas sa mga misyong ibinigay sa iyo ng Diyos. Kataksilan ito. Ang pinakamahahalagang bagay sa buhay ng isang tao ay walang iba kundi ang mga responsabilidad na dapat pasanin ng isang tao sa buhay na ito—mga responsabilidad sa pamilya, mga responsabilidad sa lipunan, at ang mga misyong ibinigay sa iyo ng Diyos. Ang mga responsabilidad at misyong ito ang pinakamahahalagang bagay. Kung mawawalan ka ng buhay sa pamamagitan ng basta-bastang pagsusuko nito para sa ibang tao dahil sa isang panandaliang pagpapahalaga sa kapatiran at isang sandali ng pagiging padalos-dalos, umiiral pa rin ba ang mga responsabilidad mo? Kung gayon ay paano ka nakapagsasalita tungkol sa mga misyon? Malinaw na hindi mo pinahahalagahan ang buhay na ipinagkaloob sa iyo ng Diyos bilang ang pinakamahalagang bagay, kundi sa halip ay basta-basta mo itong ipinapangako sa iba, ibinubuwis ang iyong buhay para sa iba, ganap na binabalewala o tinatalikuran ang mga responsabilidad mo sa iyong pamilya at lipunan, na imoral at hindi patas. Kaya, ano ba ang gusto Kong sabihin sa inyo? Huwag ninyong basta-bastang ibubuwis ang inyong buhay o ipapangako ito sa iba. Sinasabi ng ilang tao, “Pwede ko ba itong ipangako sa mga magulang ko? Paano naman kung ipapangako ko ito sa kasintahan ko, ayos lang ba iyon?” Hindi ayos iyon. Bakit hindi ayos iyon? Pinagkakalooban ka ng Diyos ng buhay at tinutulutang magpatuloy ang buhay mo upang matupad mo ang iyong mga responsabilidad sa iyong pamilya at lipunan at matupad mo ang mga misyong ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos. Ito ay hindi para gawin mong biro ang sarili mong buhay sa pamamagitan ng basta-bastang pagpapangako nito sa iba, pagbibigay nito sa iba, paggugol nito para sa iba, at pag-aalay nito sa iba. Kung mawawalan ng buhay ang isang tao, matutupad pa rin ba niya ang mga responsabilidad niya sa pamilya at lipunan at ang mga misyon niya? Magagawa pa rin ba ito? (Hindi.) At kapag wala na ang mga responsabilidad ng isang tao sa pamilya at lipunan, umiiral pa rin ba ang mga papel na ginampanan niya sa lipunan? (Hindi.) Kapag wala na ang mga papel na ginampanan ng isang tao sa lipunan, umiiral pa rin ba ang mga misyon ng taong iyon? Hindi, hindi na. Kapag wala na ang mga misyon at papel ng isang tao sa lipunan, kung gayon ay umiiral pa rin ba ang pinamamahalaan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos? Ang pinamamahalaan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ay mga buhay na nilalang, mga taong may buhay, at kapag wala na ang kanilang mga responsabilidad sa lipunan at buhay, at nauuwing lahat sa wala ang mga papel nila sa lipunan, pagsubok ba itong mauwi sa wala ang sangkatauhan, na pinamamahalaan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at ang plano ng pamamahala ng Diyos? Kung gagawin mo ito, hindi ba’t kataksilan ito? (Oo.) Kataksilan nga ito. Umiiral ang iyong buhay para lamang sa mga responsabilidad at misyon mo, at ang halaga ng buhay mo ay masasalamin lamang sa mga responsabilidad at misyon mo. Isa pa, hindi mo responsabilidad at misyon ang pagharap sa panganib para sa isang kaibigan. Bilang isang taong pinagkalooban ng Diyos ng buhay, ang pagtupad sa mga responsabilidad at misyong ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos ang dapat mong gawin. Samantalang, ang pagharap sa panganib para sa isang kaibigan ay hindi isang responsabilidad o misyon na ipinagkaloob sa iyo ng Diyos. Sa halip, pagkilos mo ito ayon sa pagpapahalaga sa kapatiran, sa sarili mong pagpapantasya, sa iresponsable mong kaisipan tungkol sa buhay, at siyempre, isa rin itong uri ng pag-iisip na itinatanim ni Satanas sa mga tao upang hamakin at yurakan ang kanilang mga buhay. Kaya, kahit kailan pa dumating ang panahon, kahit ano pang uri ng matalik na kaibigan ang mayroon ka, kahit pa tumagal ang pagkakaibigan ninyo pagkatapos ng mga nakamamatay na sitwasyon, huwag mong basta-bastang ipapangakong haharap ka sa panganib para sa kanya, at ni huwag mong isipin ang gayong mga ideya nang ganoon-ganoon lang, huwag mong pag-isipang ialay ang buong buhay mo, ang pag-iral mo, sa kanya. Wala kang anumang responsabilidad o obligasyon sa kanya. Kung pareho ang mga interes ninyo, pareho ang personalidad, at pareho ang landas na tinatahak ninyo, pwede kayong magtulungan, pwede ninyong pag-usapan ang anumang gusto ninyo, at pwede kayong maging malapit na magkaibigan, ngunit ang malapit na pagkakaibigang ito ay hindi nakatatag sa pundasyon ng pagharap sa panganib para sa isa’t isa, ni nakabatay sa pagpapahalaga sa kapatiran. Hindi mo kailangang humarap sa panganib para sa kanya, at hindi mo kailangang magbuwis ng buhay o magdanak man ng isang patak ng dugo para sa kanya. Sinasabi ng ilang tao: “Kaya ano pa ang silbi ng pagpapahalaga ko sa kapatiran? Sa aking pagkatao at sa aking puso, nais ko laging magpakita ng pagkakapatiran, kaya ano ang dapat kong gawin?” Kung nais mo talagang magpakita ng pagkakapatiran, dapat mong sabihin sa taong iyon ang mga katotohanang naunawaan mo. Kapag nakikita mong nanghihina ang taong iyon, suportahan mo siya. Huwag kang tumayo sa tabi at manood; kapag napupunta siya sa maling daan, paalalahanan mo siya, payuhan mo siya, at tulungan mo siya. Kapag nakikita mo ang mga problema ng taong iyon, may pananagutan kang tulungan siya, ngunit hindi mo kailangang humarap sa panganib para sa kanya, hindi mo kailangang ipangako ang buhay mo sa kanya. Ang responsabilidad mo lamang sa kanya ay tumulong, sumuporta, magpaalala, magpayo, o kung minsan ay magkaroon ng kaunting pagpapatawad at pagpaparaya, ngunit hindi ang magbuwis ng iyong buhay para sa kanya, lalong hindi ang pakitaan siya ng diumano’y pagpapahalaga sa kapatiran. Sa Akin, ang kapatiran ay pagiging padalos-dalos lamang, at hindi ito kabilang sa katotohanan. Kung ihahambing sa buhay na ipinagkakaloob ng Diyos sa mga tao, ang kapatiran sa pagitan ng mga tao ay basura. Isa itong uri ng pagiging padalos-dalos na itinanim ni Satanas sa mga tao, isang tusong pakana na humihikayat sa mga taong padalos-dalos na gumawa ng maraming bagay alang-alang sa kapatiran, mga bagay na mahihirapan silang kalimutan at na pagsisisihan nila habambuhay. Hindi ito maipapayo. Samakatuwid, mabuti pang bitiwan mo na ang ideyang ito ng kapatiran. Huwag kang mabuhay alinsunod sa kapatiran, ngunit sa halip ay mabuhay ka alinsunod sa katotohanan at sa mga salita ng Diyos. Kahit papaano, dapat kang mabuhay ayon sa iyong pagkatao, konsiyensiya, at katwiran, harapin mo nang makatwiran ang lahat ng tao at bagay, at gawin mo nang maayos ang lahat ng bagay ayon sa iyong konsiyensiya at katwiran.
Matapos pagbahaginan ang napakaraming kasabihan at opinyon tungkol sa responsabilidad at buhay, may pagkilatis na ba kayo ngayon sa moral na kinakailangang ito tungkol sa pagharap sa panganib para sa isang kaibigan? Ngayong may pagkilatis na kayo, taglay na ba ninyo ang mga tamang prinsipyo sa pagharap sa gayong bagay? (Oo.) Ano ang gagawin mo kung talagang hihilingin sa iyo ng isang taong harapin mo ang panganib para sa kanya? Paano mo siya sasagutin? Sasabihin mo, “Kung hihilingin mong humarap ako sa panganib para sa iyo, ikaw ang may gustong kumitil sa buhay ko. Kung gusto mong kitilin ang buhay ko, kung hihilingin mo ang gayong bagay sa akin, pinagkakaitan mo ako ng karapatang tuparin ang mga responsabilidad ko sa pamilya at ng karapatang tuparin ang mga responsabilidad ko sa lipunan. Pagkakait din ito sa akin ng aking mga karapatang pantao, at higit sa lahat, pagkakait sa akin ng pagkakataong magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at gampanan nang mabuti ang aking tungkulin. Ang pagkakait mo sa akin nang ganito sa aking mga karapatang pantao ang magiging kawakasan ko! Pinagkakaitan mo ako ng napakaraming karapatan at pinipilit mo akong mamatay para sa iyo. Gaano ka ba kamakasarili at kasuklam-suklam? Gayunpaman ay kaibigan pa rin kita? Malinaw na hindi kita kaibigan, kundi kaaway ko.” Tama bang sabihin iyon? (Oo.) Iyon nga ang tamang sabihin. Maglalakas-loob ka bang sabihin iyon? Talaga bang nauunawaan mo ito? Kung patuloy na hihilingin sa iyo ng sinumang kaibigan mo na harapin mo ang panganib para sa kanya at hihilingin ang buhay mo, dapat kang umiwas sa kanya sa sandaling magkaroon ka ng pagkakataon, dahil hindi siya isang mabuting tao. Huwag mong isiping dapat mo siyang maging kaibigan dahil lamang kaya niyang humarap sa panganib para sa iyo. Sabihin mo: “Hindi ko hiniling sa iyong humarap sa panganib para sa akin, ikaw ang nagprisintang gawin iyon. Kahit pa magawa mong humarap sa panganib para sa akin, huwag na huwag mong iisiping hilingin sa aking humarap sa panganib para sa iyo. Hindi ka makatwiran, ngunit nauunawaan ko ang katotohanan, makatwiran ako, at haharapin ko nang makatwiran ang bagay na ito. Kahit gaano karaming beses ka nang humarap sa panganib para sa akin, hindi ako padalos-dalos na haharap sa panganib para sa iyo. Kung nasa kagipitan ka, gagawin ko ang lahat ng makakaya ko para tulungan ka, ngunit hindi ko talaga tatalikuran ang mga responsabilidad at misyong ipinagkatiwala sa akin ng Diyos sa buhay na ito upang mabuhay para lamang sa kapakanan mo. Sa aking mundo, walang ibang naroon kundi mga responsabilidad, obligasyon, at misyon. Kung gusto mong makipagkaibigan sa akin, hinihiling ko sa iyong tulungan mo ako, alalayan mo akong tuparin ang mga responsabilidad ko at magkasama nating tapusin ang mga misyon ko. Saka lamang kita magiging tunay na kaibigan. Kung patuloy mong hihilingin sa aking humarap sa panganib para sa iyo, at patuloy mo akong pipiliting mangako nang ganito, na ibuwis ang buhay ko para sa iyo, na ipangako ang buhay ko sa iyo, dapat ay layuan mo na ako agad, hindi kita kaibigan, ayaw kong makipagkaibigan sa taong katulad mo, at ayaw kong maging kaibigan ng isang taong tulad mo.” Ano ang palagay mo sa pagsasabi niyon? (Mabuti.) Paano iyon naging mabuti? Sa hindi pagkakaroon ng kaibigang tulad nito, naiibsan ang pasanin mo, nakalalaya ka sa alalahanin, wala kang anumang dalahin sa isipan, at hindi ka naigagapos ng mga ideyang tulad ng pagpapahalaga sa kapatiran. Kung may taong talagang magsasabing, “Ang mga taong tulad mo na ayaw humarap sa panganib para sa isang kaibigan ay hindi karapat-dapat na makasalamuha, at hindi maaaring maging kaibigan ng sinuman,” malulungkot ka ba kapag narinig mo ito? Maaapektuhan ka ba ng mga salitang ito? Makararamdam ka ba ng kalungkutan at pagiging negatibo, na pinabayaan ka ng mga tao, na walang saysay ang pag-iral, at walang pag-asa sa buhay? Posible ito, ngunit kapag naunawaan mo ang katotohanan, makapagtatamo ka ng lubos na pagkaunawa sa bagay na ito, at hindi ka mapipigilan ng mga salitang ito. Mula sa araw na ito, kailangan mong matutuhang bitiwan ang mga bagay na ito ng tradisyonal na kultura, nang hindi kinakailangang dalhin ang mga pasaning ito. Sa ganitong paraan mo lang matatahak ang tamang landas sa buhay. Isasagawa mo ba ito? (Oo.) Siyempre, hindi ito isang bagay na agad mong mabibitiwan. Kailangan munang ihanda ng mga tao ang kanilang mga isipan, paunti-unting mag-isip, hanapin ang katotohanan nang paunti-unti, makaunawa nang paunti-unti, at pagkatapos ay isagawa ito nang paunti-unti, alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Ito ang paggamit sa mga katotohanang prinsipyo upang harapin at tugunan ang mga kaugnayan sa mga tao at pakikisalamuha sa mga tao. Bilang buod, nais Ko kayong iwanan ng ilang huling salita: Pahalagahan mo ang buhay at ang iyong mga responsabilidad; pahalagahan mo ang pagkakataong ibinigay sa iyo ng Diyos para gampanan ang tungkulin mo, at pahalagahan mo ang mga misyong ibinigay ng Diyos sa iyo. Nauunawaan mo naman, hindi ba? (Oo.) Hindi ba’t nakagagalak na nagtamo ka na ng lubos na pagkaunawa sa bagay na ito? (Oo.) Kung hindi ka nalilimitahan at naigagapos ng mga maling ideya at pananaw na ito, mapapalagay ka. Ngunit hindi ka naman talaga palagay ngayon. Sa sandaling tumahak ka na sa landas ng paghahangad sa katotohanan sa hinaharap, at hindi ka na nababagabag ng mga bagay na ito, saka ka lamang tunay na mapapalagay. Tanging ang mga tunay na tumitingin sa mga tao at bagay, umaasal at kumikilos nang ganap na ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan, ang tunay na maluwag ang loob at palagay, na may kapayapaan at kagalakan, na nabubuhay at umaasal ayon sa katotohanan, at hindi kailanman magsisisi. Tapusin na natin dito ang pagbabahaginan sa araw na ito.
Mayo 7, 2022