Silang mga Nakauunawa Lamang sa Katotohanan ang May Espirituwal na Pang-unawa (Unang Bahagi)
Magsisimula tayo sa pagbabahaginan tungkol sa mga paraan kung paano ipinakikilala ng mga taong walang espirituwal na pang-unawa ang kanilang sarili. Ano ang pinakakapansin-pansin sa kanila? Ito ay na kahit gaano karaming taon na silang nananampalataya sa Diyos, o kung paanong tila naghahangad sila ng katotohanan, hindi kailanman lumalago ang kanilang buhay at wala silang kahit anumang landas para sa pagsasagawa sa pagpasok sa buhay. Hindi pinagninilayan at sinusubukang kilalanin ng mga taong walang espirituwal na pang-unawa ang kanilang sarili gaano man katiwali ang disposisyong ibinubunyag nila. Sa katunayan, ni hindi nila alam kung ano ang tiwaling disposisyon. Hindi nila batid ang disposisyong inihahayag at ipinakikita nila, gaano man ito kayabang. Gaano man sila magsinungaling o manlinlang, wala silang ni katiting na pakiramdam nito. Gaano karaming beses man silang magrebelde sa Diyos at lumaban sa Kanya, hindi nila alam na ito ay isang kamalian. Gaya rin sila ng mga walang pananampalataya, kumikilos ayon sa kanilang naisin at walang pag-aatubiling gumagawa ng masama, iniisip na sila ang nasa tama, at hindi tumatanggap ng kritisismo o pangaral mula sa kahit na sino. Kahit na madalas silang nakikinig sa mga sermon at dumadalo sa mga pagtitipon, wala silang kaalam-alam kung ano ang pagpapasakop, o kung ano ang pagrerebelde at pagsalungat, o kung ano ang pagtanggi sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Hindi nila alam ang kabutihang nagmumula sa mga intensyon ng tao, o kung ano ang pagsasagawang ayon sa katotohanan at pagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos. Wala silang alam tungkol sa mga detalye ng pagkakaibang ito. Hindi nila alam kung sila ba ay naging matapat o pabasta-basta sa pagtupad ng kanilang tungkulin, o kung anong mga tiwaling disposisyon ang inihayag nila at kung ano ang mga intensyon nila, o kung ang landas na nilalakaran nila ay ang tamang landas. Hindi nila alam kung tama ang pananaw ng kanilang pagsasagawa, o kung anong mga uri ng asal ang minamahal o itinataboy ng Diyos. Wala silang alam sa mga bagay na ito. Hindi nauunawaan ng mga taong walang anumang espirituwal na pagkaunawa ang mga usaping espirituwal sa buhay. Nagpapatuloy lamang sila sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos at sa pamumuhay nang normal na espirituwal na buhay. Tuwing ginagampanan nila ang kanilang tungkulin, hindi sila tatamad-tamad o nagdudulot ng kaguluhan, ni hindi rin nila sinasadyang gumawa ng mga bagay na makagagambala o makagugulo. Ginagawa nila kung ano ang sinasabi sa kanila at sumusunod sila sa mga simpleng regulasyon. Subalit pagdating sa mga detalye, sa mga kalagayang may kinalaman sa pagpasok sa buhay, sa iba’t ibang pananaw at saloobin, ganap nilang ipinagsasawalang-bahala ang mga ito. Kapag nagbabahagi ka ng mga katotohanang may kaugnayan sa paglutas ng mga kuru-kuro, iniisip nilang wala silang kahit ano, na lahat ng kanilang mga kuru-kuro ay nalutas na, at ang ibinabahagi mo ay walang kinalaman sa kanila. Hindi nila alam kung ano ang tinutukoy ng mga sinasabi mong mga kuru-kuro, o kung anong katotohanang realidad ang mayroon sa sinasabi mo. Kapag nagsasalita ka tungkol sa pagkilala sa sarili, sinasabi nila, “Suwail at mayabang ang tao, hindi ba? Eh, kung hindi siya magiging suwail, hindi ba’t sapat na iyon? Kapag may isyung nangyayari sa kanya, kung hindi siya nagyayabang, kung medyo mas nagpapakumbaba siya at hindi mapagmataas—hindi ba’t sapat na iyon?” Kapag nagsasalita ka ng tungkol sa pagpapasakop, sinasabi nila, “Ano ba ang napakahalaga sa pagpapasakop? Basta’t huwag ka lamang gumawa ng anumang masama. Ano ba ang napakahirap diyan?” Kapag nagsasalita ka tungkol sa paghihimagsik laban sa laman, pagdidisiplina sa katawan, pagwawaksi ng katiwalian, at pagsasagawa ng katotohanan, sinasabi niya, “Hindi kailangang maghimagsik laban sa laman o isagawa ang katotohanan; magiging mabuting tao na lamang ako.” Ganyan kasimple ang kanyang pag-iisip. Makakamtan ba ng gayong tao sa huli ang katotohanan? (Hindi.) Ano ang kanyang saloobin tungkol sa katotohanan? (Hindi niya kinikilala ang mga salita ng Diyos bilang katotohanan, kaya’t hindi niya tinatanggap ang mga ito, iniisip niyang wala siyang tiwaling disposisyon na inilalantad ng salita ng Diyos.) Tama, iniisip niya, “Wala akong gaanong tiwaling disposisyon ng tao na inilalantad ng Diyos, at kahit na mayroon akong anumang tiwaling disposisyon, napakaunti lamang nito, ilang panandaliang kaisipan lamang, hindi malaking bagay. Hindi ba’t kinakailangan lamang ito para maging mapagpasakop? Makikinig ako sa anumang sasabihin mo, at gagawin ko ang anumang iniuutos mo. Hindi ba’t pagpapasakop iyan?” Ganito ba iyan kasimple? Masyadong payak ang pag-iisip ng ilang tao na kapag may nakikita silang isang tao na nagiging negatibo, sinasabi nila, “Mahalin mo lang ang Diyos, bakit ka umiiyak, bakit ka nagiging negatibo?” Walang espirituwal na pang-unawa ang mga taong ito. Ano ang ibig sabihin ng kawalan ng espirituwal na pang-unawa? Ang ibig sabihin niyan ay, anuman ang sabihin ng Diyos o anuman ang mga katotohanang sinasabi Niya, tinitingnan lamang ng mga taong ito ang mga bagay na ito bilang mga teorya. Hindi nila nauunawaan ang diwa ng mga isyung ito, ni hindi rin nila nauunawaan kung ano ang mga problemang nilalayong lutasin ng pagbabahagi ng Diyos sa mga katotohanang ito. Hindi nila nauunawaan kung paano nauugnay ang mga katotohanang ito sa pagpasok sa buhay ng mga tao at sa landas na nilalakaran nila, o kung paano nauugnay ang mga ito sa mga tiwaling disposisyong inihahayag ng mga tao, o kung paano nauugnay ang mga ito sa mga tao na ipinamumuhay ang wangis ng tao at sa pagkakamit nila ng kaligtasan. Hindi nila nauunawaan ang alinman sa mga bagay na ito. Hindi malinaw sa kanila at hindi nila nauunawaan kung ano ang kaugnayan ng mga salitang ito ng Diyos, ng mga katotohanang ito, sa pagbubunyag at pagpapahayag ng katiwalian ng mga tao at sa kanilang pagsasagawa at pagpasok. Ang naririnig lamang nila ay “pagpapasakop, katapatan” at “huwag maging pabasta-basta, o manggambala at manggulo.” Sa huli, ibinubuod nila ang lahat sa isang pangungusap “Wala akong maalalang iba pa, pero alam kong dapat kong gawin ang anumang iniuutos ng Diyos. Handa pa nga akong magtrabaho. Ano pa ba ang dapat sabihin?” Hindi nila alam na maliban sa pagtatrabaho, marami pang mga tiwaling bagay sa mga tao na kailangang lutasin, gaya ng mga ambisyon, pagnanasa, kagustuhan, kuru-kuro, imahinasyon, gayon din ang mga maling pananaw ng mga tao at ang pilosopiya ni Satanas sa mga makamundong pakikitungo. Hinihingi ng mga salita ng Diyos na lutasin ng mga tao ang lahat ng bagay na ito at palitan ang mga ito ng katotohanan. Ang layunin Niya sa paglalabas ng mga katotohanang ito ay upang ipaunawa sa iyo ang katotohanan at tanggapin ito sa iyong puso, at pagkatapos ay gamitin ito sa totoong buhay upang lutasin ang iyong mga problema at paghihirap, nang sa ganoon ay magagawa mong realidad mo ang mga katotohanang ito, at naisasabuhay at naihahayag ang mga ito sa iyo. Ang ihahayag mo pagkatapos ay hindi na kayabangan, ambisyon, mga pagnanasa, kuru-kuro, imahinasyon, natutunan, pilosopiya, o iba pang gayong tiwaling bagay, kundi ang realidad ng katotohanan. Hindi ito nauunawaan ng mga taong walang espirituwal na pagkaunawa. Sa pakikinig nila sa ilang taong sermon, iniisip nila, “Bakit halos pare-pareho lang ang bawat sermon? Ang ilang taon ng pagsesermon tungkol sa pagkilala sa sarili—hindi ba’t tungkol lamang ito sa pagkilala sa mahahalagang kahinaan at katiwalian ng isang tao?” Sinasabi ng ilan na mas malalim at mas detalyado ang mga sermon ngayon kumpara dati, pero hindi ito napapansin ng mga taong walang espirituwal na pagkaunawa. Ito ang palatandaan ng gayong tao. Ang ilang tao ay may sapat na taas ng kalidad pero hindi hinahangad ang katotohanan, kaya hindi nila kailanman makakamtan ang espirituwal na pagkaunawa. Ang ibang tao ay may napakababang kalidad para maunawaan ang katotohanan, kaya habang lalo nilang naririnig ang mga detalye ng bawat katotohanan, mas lalo silang nalilito, nang hindi kailanman nagkakaroon ng tamang landas ng pagsasagawa. Gaano man karaming taon nang nananalig ang mga taong ito na mababa ang kalidad, nagagawa lamang nilang sumunod sa mga regulasyon o magsikap nang kaunti, at ang ilan sa kanila na may kaunting konsensiya at katwiran ay maaaring may kaunting katapatan tuwing ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin. Iniiwasan nilang maging pabasta-basta, tinitiyak nilang hindi sila makagagawa ng mga hayag na kasalanan, at naghahanda rin sila ng ilang mabubuting gawa. Sa ilang bagay, kaya nila ang simpleng pagpapasakop, ginagawa ang iniuutos sa kanila at binibitiwan ang hindi iniuutos, tinatanggap ang ilang munting pagdidisiplina, at, kahit paano, ginagawa nila ang mga bagay-bagay ayon sa pamantayan ng kanilang konsensiya. Hindi sila direktang nagkakasala sa Diyos at hindi nila ginagawa ang mga bagay na malinaw na lumalaban sa Diyos, pero hindi nila kayang magkamit ng mas malalim na pagpapasakop. Lalong hindi nila kayang harapin ang mga bagay gaya ng mga pagsubok at patotoo ni Job. Hindi nila nauunawaan ang mga salita at patotoo ni Job. Hindi nila alam kung ano talaga ang ibig sabihin ng mga salitang, “Ang Diyos ang nagbigay, at ang Diyos ang nag-alis,” at talagang hindi nila kayang makita na ang nangyari kay Job ay resulta ng pagkakait ng Diyos. Kung haharap sila sa gayong pagsubok, tiyak na makikipagtalo sila sa Diyos at labis na magrereklamo, dahil talagang hindi nauunawaan ng mga taong ito ang katotohanan. Malinaw na nakikita ng taong tunay na nakauunawa sa katotohanan ang mga tiwaling kalagayan ng mga taong inilalantad ng Diyos. Kahit paano ay malinaw nilang nakikita ang ginawa ng Diyos, nauunawaan nang tama ang anumang isyung kinakaharap nila, at hindi basta-bastang pinag-uusapan, tinutukoy, o binibigyang-kahulugan ang anumang hindi nila nauunawaan. Ang mga taong tunay na nakauunawa sa katotohanan ay nakakikilala sa pagkakaiba ng katotohanan at kasinungalingan, at nakakikilala kung normal o hindi ang kalagayan ng isang tao. Pagkatapos, nauunawaan nila ang mga sarili nilang paghahayag ng katiwalian sa realidad at sa konteksto ng tunay na buhay, at natatanggap ang katotohanan para lutasin ang sarili nilang tiwaling disposisyon. Nauunawaan nila ang mga layunin ng Diyos sa kapaligiran na Kanyang isinaayos, at nagagamit nila ang katotohanan para lutasin ang mga tunay na problema alinsunod sa mga salita ng Diyos. Ito ang nakakamit ng isang taong may espirituwal na pang-unawa.
Ano ang nauugnay sa antas ng pagpasok sa buhay ng isang tao? Ito ay nauugnay sa antas ng pagkaunawa ng isang tao sa katotohanan. Ano ang tinutukoy ng antas ng pagkaunawa ng isang tao sa katotohanan? Ano ang pagkaunawa sa katotohanan? Ito ay ang malaman kung aling aspekto ng realidad ang tinutukoy ng mga salita ng Diyos, kung ano ang mga problema sa mga tao na nilalayon nitong lutasin, kung aling aspekto ng tiwaling disposisyon ng tao ang tinutugunan nito, kung ano ang mga prinsipyo ng aspektong ito ng katotohanan, kung ano ang ugnayan nito at ng ibang katotohanan, at kung ano ang mga pamantayan ng mga hinihingi ng Diyos para sa aspektong ito ng katotohanan. Ang maunawaan ang lahat ng ito ay maunawaan ang katotohanan. Halimbawa, para maunawaan ang katotohanan ng pagpapasakop, kailangan mo munang maunawaan kung ano ang pagpapasakop, kung paano tunay na maging mapagpasakop at kung anong pamantayan ng pagpapasakop ang hinihingi ng Diyos sa mga tao. Ito ang realidad ng pagpapasakop, ang katotohanan ng pagpapasakop. Hindi lamang ito tungkol sa pagkaunawa sa konsepto, kahulugan, at teorya ng pagpapasakop, kundi tungkol din ito sa pagkaunawa sa mga prinsipyo ng pagsasagawa ng pagpapasakop; ang malaman kung paano gamitin ang mga prinsipyong ito; ang malaman kung ano ang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo at kung ano ang lumalabag sa mga ito kapag ginagamit ang mga ito; at pagkakaroon ng kakayahang kumilala ng tamang pagsasagawa at ng mga maling paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay. Ito ang makakapagpatunay na talagang nauunawaan mo ang katotohanan. Kung magagamit mo ang aspektong ito ng katotohanan sa iyong sarili, maipapamuhay at matutupad mo ang mga katotohanang ito, at pagkatapos ay masusukat mo ang ibang tao ayon sa mga katotohanang ito; kung maisasakatuparan mo ang mga resultang ito, makakamit mo ang realidad ng pagpasok sa aspektong ito ng katotohanan, at pagkatapos ikaw ay magiging isang tao na may espirituwal na pang-unawa. Kung mayroon mang espirituwal na pang-unawa ang isang tao ay hindi natutukoy sa kung gaano kabilis niyang naaarok ang katotohanan, kundi, sa halip, kung nauunawaan niya o hindi ang mga salita ng Diyos. Kung tila nauunawaan mo ang mga salita ng Diyos sa sandaling naririnig mo ang mga ito, pero hindi mo nauunawaan ang mga ito kapag nahaharap ka sa isang problema, wala kang espirituwal na pang-unawa. Gayumpaman, kung pakiramdam mo ay nauunawaan mo ang mga ito sa oras na iyon, bagamat hindi lubusan, at pagkatapos ng ilang panahon ng karanasan, kapag nahaharap ka sa isang problema, malinaw mo itong nakikita at nauunawaan mo ang aspektong ito ng katotohanan, mayroon kang espirituwal na pang-unawa. Ang pagkaunawang ito ay walang kaugnayan sa kung gaano ang nauunawaan ng isang tao sa literal o doktrinal na termino—may kinalaman ito sa kakayahan ng isang tao, gayon din sa hangarin at landas na tinatahak niya. Ang isang anticristo ay maaaring magmukhang may kaunting talino at kaloob, at magaling siyang magsalita, pero wala siyang anumang alam tungkol sa mga usaping espirituwal sa buhay. Kaya niyang gayahin ang ilan sa mga orihinal na salita mula sa isang sermon pagkatapos niya itong mapakinggan at kaya niyang intindihin ang mahahalagang punto, at maaaring isipin ng mga tao na naunawaan niya. Gayumpaman, ang mga bagay na sinasabi niya ay hindi angkop sa mga sitwasyong hinaharap niya, hindi niya kayang maipagsama ang mga ito o gamitin ang mga bagay na sinasabi niya. Sa katunayan, sa pakikinig sa mga salitang ibinabahagi niya, tila nauunawaan niya ang mga kaugnay na aspekto ng katotohanan at naiintindihan ang mga prinsipyo, kaya dapat alam niya kung paano haharapin ang mga bagay-bagay. Gayumpaman, kapag nahaharap siya sa isang isyu, hindi niya isinasagawa ang katotohanan, kundi sa halip ay inuulit niya ang isa pang teoretikal na pahayag. Ito ay magkasalungat, at pinapatunayan nito na hindi niya nauunawaan ang katotohanan, at puro doktrina at teorya lamang ang mga bagay na ipinapangaral niya. Naririnig mo siyang nangangaral ng doktrina na parang maliwanag sa kanya ang tungkol dito, pero sa katunayan wala siyang espirituwal na pang-unawa. Hindi niya nauunawaan ang katotohanan o hinahangad ang katotohanan. Halimbawa, kapag siya ay nasa isang mahirap na sitwasyon at nagiging negatibo at nakikipagbahaginan ka sa kanya sa katotohanan, sinasabi niya, “Huwag kang magbahagi sa akin, alam ko ang lahat.” Sa katunayan, hindi niya alam. Kung talagang alam niya, hindi siya magiging sobrang negatibo o di-makatwiran. Kapag naririnig mong ipinapangaral niya ang kanyang di-makatwiran at maling lohika, alam mong wala siyang nauunawaan tungkol sa katotohanan at wala siyang espirituwal na pang-unawa. Sa oras na nahaharap siya sa isang bagay na hindi akma sa kanyang mga kuru-kuro, nagrereklamo siya laban sa Diyos, hindi niya naiintindihan ang Diyos, at ikinakalat pa niya ang mga kuru-kuro niya. Sa pakikinig sa ipinapangaral niya at sa mga bagay na ikinakalat niya, at sa pagtingin sa nasa puso niya, alam mo na hindi talaga niya nauunawaan ang katotohanan. Ngayon, sa pagkilala kung nauunawaan o walang espirituwal na pang-unawa ang mga tao, nahayag na na ang karamihan ng tao ay hindi nakakaunawa sa katotohanan. Madalas ay nagagawa nilang ipangaral nang napakabuti ang mga salita at doktrina. Sa partikular, pakiramdam ng mga taong maraming taon nang nananampalataya sa Diyos at gustung-gustong mangaral ng mga salita at doktrina na mas marami silang kapital. Gayumpaman, nahayag na wala talaga silang espirituwal na pang-unawa at na sila ay mga taong walang silbi. Hindi sila kapaki-pakinabang kahit kaunti sa sambahayan ng Diyos. Paano makakamit ng ganitong uri ng tao ang kaligtasan?
Ano ang eksaktong ibig sabihin ng kawalan ng espirituwal na pang-unawa? Sa madaling salita, ang ibig sabihin nito ay hindi maunawaan ang mga usaping espirituwal sa buhay, hindi maunawaan ang mga bagay ng espirituwal na dako, at samakatwid hindi likas na maunawaan ang katotohanan. Kung oobserbahan mo ang pagsasalita at pagpapahayag ng opinyon ng mga taong walang espirituwal na pang-unawa, matutuklasan mo na hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Ang ilang tao ay magaling magsalita at tila nananampalataya sila sa Diyos nang buong sigla at pananalig, kaya bakit wala silang espirituwal na pang-unawa? Makikita mong palagi nilang ginagawa ang kanilang tungkulin nang buong lakas. Palagi silang masigasig, bihirang negatibo, at nagagawa nilang magdusa at magbayad ng halaga. Gayumpaman, hindi nila nauunawaan ang katotohanan at wala silang mga prinsipyo kapag gumagawa sila ng mga bagay-bagay. Ito ang mga taong walang espirituwal na pang-unawa. Ang mga taong may espirituwal na pang-unawa ay gumagawa ng mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo. Sa pamamagitan man ng kanilang konsensiya o ng katotohanang nauunawaan nila, kapag nahihirapan sila sa isang isyu, alam nila kung paano ito pamamahalaan ayon sa mga prinsipyo. Hindi sila walang taros na gumagawa ng mga bagay-bagay o sumusunod sa mga regulasyon. Ang mga ito ay ang mga maliwanag na katangian ng mga taong may espirituwal na pang-unawa. Gayumpaman, iyong mga walang espirituwal na pang-unawa ay walang mga katotohanang prinsipyo sa mga bagay na ginagawa nila. Madalas ay walang taros na lang nilang ginagamit ang mga regulasyon. Minsan umaasa sila sa kanilang karanasan, minsan sa kanyang kaloob, at minsan sa kanilang konsensiya, sigasig, o likas na kabutihan. Anuman ang bagay na may espirituwal na pang-unawa ang isang tao, iyon ang bagay kung saan siya matalino at marunong. Alam niyang hanapin ang katotohanan, at alam niya kung sino ang nagsasalita alinsunod sa mga prinsipyo. Iyan ang taong may pinakamalaking espirituwal na pang-unawa. Kung naisasagawa niya ang katotohanan pagkatapos niya itong maunawaan, mayroon siyang pag-asang matatanggap ang kaligtasan mula sa Diyos. Bakit sinasabi na nagawa pa rin ng trabaho ang ilang taong nananampalataya sa Diyos nang maraming taon? Ito ay dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Mayroong dalawang pangunahing dahilan para hindi maunawaan ang katotohanan. Ang una ay na walang espirituwal na pang-unawa sa mga usaping espirituwal ang mga tao, na dahilan para maging imposibleng maunawaan nila ang katotohanan. Ang pangalawa ay tutol sila sa katotohanan at hindi nila mahal ang katotohanan, kaya hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Maraming tao ang nananampalataya sa Diyos at gumagawa ng mga bagay-bagay dahil sa sigasig, mabubuting layunin, o karanasan. Pinanghahawakan nila ang mga bagay na ito bilang katotohanan, gumagawa ng maraming mabuting bagay at nagagawa nilang ipagpatuloy itong gawin sa buong buhay nila. Pero kaya ba nilang gawin ang mga bagay-bagay sa paraang ito at maabot ang pagkaunawa sa katotohanan? Siguradong hindi. Kahit na buong buhay silang gumawa ng mabubuting bagay, hindi nila magagawang maunawaan ang katotohanan. Kaya, siguradong ang taong hindi nakakaunawa sa katotohanan, pero nakakagawa ng maraming mabuting bagay, ay mabuting tao, tama? Hindi ito sigurado, dahil ang pinakamaliwanag na bunga ng hindi pagkaunawa sa katotohanan ay gumagawa ng masama ang mga tao at lumalaban sila sa Diyos, at sumusunod sila kay Satanas at sa masasamang espiritu sa panghuhusga at pagkondena sa Diyos, gayundin sa paglaban sa gawain ng Diyos. Ito ay dahil ang mga taong hindi nakakaunawa sa katotohanan ay pinakamadaling malilihis at magamit ni Satanas. Ang ilang hindi nakakaunawa sa katotohanan ay maaaring gumawa ng maraming mabuting bagay pero may kakayahan din silang gumawa ng masama at lumaban sa Diyos. Samakatwid, hindi ibig sabihin na dahil gumagawa ka ng mabubuting bagay sa buong buhay mo ay nagiging isa kang tunay na mabuting tao o na isinasagawa mo ang katotohanan. Kailangan mong tingnan ang likas na katangian ng mabubuting bagay na iyon at tukuyin kung ang mga ito ay alinsunod sa katotohanan o hindi at kung nabibilang sa katotohanang realidad. Kung hindi mo malinaw na nakikita ang mga mahalagang isyung ito, at ginagawa mo pa rin ang mga bagay-bagay batay sa sigasig, mabubuting layunin, at karanasan, ito ba ay pagsunod sa daan ng Diyos? Siguradong hindi, ito ay lubos na pagsandig sa sariling konsensiya bilang pamantayan gayundin sa kanyang mabubuting intensyon sa paggawa ng mga bagay-bagay. Ito ang paggawa ng mga bagay-bagay ayon sa kanyang kuru-kuro at imahinasyon. Ang mga taong gaya nito ay walang espirituwal na pang-unawa. Sila ay mga taong hindi nakakaunawa sa katotohanan. Ang mga taong hindi malinaw na nakakakita sa mga isyung ito ay mga tao rin na walang espirituwal na pang-unawa.