Upang Matupad Nang Maayos ang Tungkulin ng Isang Tao, Pag-unawa sa Katotohanan ang Pinakamahalaga (Ikatlong Bahagi)

Ngayon, malinaw ba sa puso ninyo kung kayo ay miyembro ng sambahayan ng Diyos? Tunay ka bang nakapasok sa sambahayan ng Diyos? Batay sa kakabahagi Ko pa lang, masusukat ba ninyo ito? Kaya ba ninyong matiyak na nakapasok kayo sa pintuan ng sambahayan ng Diyos at na kayo ay mga miyembro ng sambahayan ng Diyos? (Tiyak kami.) Mabuti na kayo ay nakatitiyak. Ito ay patunay na ang pananampalataya ninyo sa Diyos ay mayroon nang pundasyon, at na nagkaroon na kayo ng ugat sa sambahayan ng Diyos. Ang mga walang pundasyon ay nasa labas ng sambahayan ng Diyos, at hindi sila kinikilala ng Diyos. Paano kung magpatotoo ka tungkol sa Diyos at sabihin sa iba na ikaw ay isang tagasunod ng Diyos at isang miyembro ng Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, ngunit sinasabi ng Diyos na hindi Ka niya kilala? Iyan ay magiging isang problema, tama? Ito ba ay magiging isang pagpapala o isang sumpa para sa mga tao? Hindi ito isang magandang senyales. Samakatwid, kung gusto mong makamtan ang pagsang-ayon ng Diyos at sabihin na ikaw ay isang tunay na mananampalataya ng Diyos, dapat kang gumawa ng ilang bagay na kapaki-pakinabang sa gawain ng sambahayan ng Diyos, maghanda ng ilang mabuting gawa, idirekta ang puso mo sa Diyos, at magkaroon ng isang puso na dinadakila ang Diyos. Saka ka pa lang kikilalanin ng Diyos. Una, dapat mong baguhin ang mga kamalian sa iyong mga pananaw, saloobin, at pagsasagawa tungkol sa Diyos at sa katotohanan, gayon din ang maling landas na tinahak mo. Dapat baguhin ang mga bagay na ito. Ito ang pundasyon. Pagkatapos ay dapat mong tanggapin ang lahat ng katotohanan na ipinahayag ng Diyos at tuparin ang mga tungkulin mo gaya ng hinihingi ng Diyos. Kapag naisakatuparan ang mga bagay na ito, malulugod ang Diyos at kikilalanin Ka niya bilang tagasunod Niya. Pangalawa, dapat mong dahan-dahang hayaan ang Diyos na kilalanin ka bilang isang tunay na nilikha, isang tao na nakasunod sa pamantayan. Kung nasa labas ka pa rin ng sambahayan ng Diyos at hindi ka pa kinikilala ng Diyos bilang isang miyembro ng Kanyang sambahayan, ngunit sinasabi mo na gusto mong maligtas, hindi ba’t iyan ay panaginip lang ng isang hangal? Ngayon ay nakaranas na kayo ng kaunting pagtutuwid at pagdidisiplina, nagtataglay ng biyaya ng Diyos at mga pagpapala, at mayroong pundasyon ang pananalig ninyo sa Diyos. Ito ay isang mabuting bagay. Ang susunod na hakbang ay ang maisakatuparan ang buhay pagpasok batay sa pag-unawa sa katotohanan, ang gawing sariling buhay ninyo ang mga katotohanang ito at isabuhay ang mga ito, ang gamitin ang mga ito sa pagganap sa tungkulin ninyo at sa lahat ng bagay na ipinagkatiwala ng Diyos sa iyo. Pagkatapos, magkakaroon ka ng pag-asa para sa kaligtasan. Karamihan sa inyo ay hindi mahina ang kakayahan lahat kayo ay maituturing na may katamtamang kakayahan. Mayroong pag-asa para sa kaligtasan, ngunit lahat kayo ay mayroong ilang pagkukulang at kapintasan sa inyong pagkatao. Ang ilan sa inyo ay tamad, ang ilan ay mayabang magsalita, ang ilan ay mapagmataas, at ang ilan ay medyo mapurol, manhid, at mapagmatigas. Ang mga ito ay mga usapin ng disposisyon. Para sa ilang problema ng pagkatao at disposisyon, dapat ninyong hanapin ang katotohanan sa pamamagitan ng karanasan, pagnilay-nilay sa sarili ninyo, at pagtanggap ng pagpupungos para matupad ang progresibong pagbabago at maisakatuparan ang karanasan at lalim kaugnay sa pagtanggap at pag-arok ninyo sa katotohanan. Sa ganitong paraan, ikaw ay lalago sa buhay nang unti-unti. Kung may buhay, may pag-asa ang isang tao. Kung walang buhay, walang pag-asa. Nagtataglay ba kayo ng buhay ngayon? Mayroon ba kayong pag-unawa at karanasan sa katotohanan sa inyong puso? Gaano at hanggang saan kayo nagpapasakop sa Diyos? Dapat maging maliwanag sa inyong puso ang mga bagay na ito. Kung hindi ito maliwanag sa inyo kundi kayo ay naguguluhan, magiging mahirap ang magkaroon ng paglago sa buhay.

Sa iglesia, may mga nag-iisip na ang labis na pagsisikap o ang paggawa ng ilang mapanganib na bagay ay nangangahulugang nakapagtipon sila ng merito. Sa katunayan, batay sa kanilang mga kilos, tunay na karapat-dapat silang purihin, subalit kasuklam-suklam at kahiya-hiya ang kanilang disposisyon at saloobin sa katotohanan. Wala silang pagmamahal para sa katotohanan, kundi tutol sila sa katotohanan. Ginagawa silang kasuklam-suklam maging ng nag-iisang bagay na ito. Walang kuwenta ang gayong mga tao. Kapag nakikita ng Diyos na mahina ang kakayahan ng mga tao, na mayroon silang partikular na mga kapintasan, at may mga tiwaling disposisyon o isang diwang sumasalungat sa Kanya, hindi Siya naitataboy ng mga ito, at hindi sila inilalayo ng mga ito sa Kanya. Hindi iyon ang layunin ng Diyos, at hindi ito ang Kanyang saloobin sa tao. Hindi kinasusuklaman ng Diyos ang mahinang kakayahan ng mga tao, hindi Niya kinasusuklaman ang kanilang kahangalan, at hindi Niya kinasusuklaman ang pagkakaroon nila ng mga tiwaling disposisyon. Ano ang pinakakinasusuklaman ng Diyos sa mga tao? Iyon ay kapag tutol sila sa katotohanan. Kung tutol ka sa katotohanan, dahil lamang diyan, hindi matutuwa sa iyo ang Diyos kailanman. Nakataga iyan sa bato. Kung tutol ka sa katotohanan, kung hindi mo mahal ang katotohanan, kung ang saloobin mo sa katotohanan ay kawalang-malasakit, mapanghamak, at mapagmataas, o inaayawan, nilalabanan, at tinatanggihan mo pa ito—kung ganito ang pag-uugali mo, lubos kang kinaiinisan ng Diyos, at hindi ka magtatagumpay, hindi ka na maliligtas. Kung talagang mahal mo ang katotohanan sa puso mo, at sadyang medyo mahina lang ang kakayahan mo at wala kang kabatiran, medyo hangal, at madalas kang nagkakamali, ngunit hindi mo intensiyong gumawa ng masama, at nakagawa ka lamang ng ilang kahangalan; kung taos-puso kang handang makinig sa pagbabahagi ng Diyos sa katotohanan, at taos-puso kang nasasabik sa katotohanan; kung ang iyong saloobin sa pagtrato mo sa katotohanan at mga salita ng Diyos ay may sinseridad at pananabik, at kaya mong pahalagahan at itangi ang mga salita ng Diyos—sapat na ito. Gusto ng Diyos ang gayong mga tao. Kahit na medyo hangal ka kung minsan, gusto ka pa rin ng Diyos. Mahal ng Diyos ang puso mo na nananabik sa katotohanan, at mahal Niya ang iyong sinserong saloobin sa katotohanan. Kaya, may awa ang Diyos sa iyo at palaging nagkakaloob ng biyaya sa iyo. Hindi Niya iniisip ang iyong mahinang kakayahan o ang iyong kahangalan, ni hindi Niya iniisip ang iyong mga pagsalangsang. Dahil sinsero at masigasig ang iyong saloobin sa katotohanan, at tapat ang iyong puso, kung gayon, dahil sa pagiging totoo ng puso mo at ng saloobin mong ito—lagi Siyang magiging maawain sa iyo, at gagawa sa iyo ang Banal na Espiritu, at magkakaroon ka ng pag-asang maligtas. Sa kabilang banda, kung mapagmatigas ka sa puso mo at pinalalayaw mo ang sarili mo, kung tutol ka sa katotohanan, hindi kailanman nakikinig sa mga salita ng Diyos at sa lahat ng may kinalaman sa katotohanan, at mapanlaban ka at mapanghamak sa kaibuturan ng puso mo, ano kung gayon ang saloobin ng Diyos sa iyo? Pagkasuklam, pagkamuhi, at walang-humpay na poot. Anong dalawang katangian ang malinaw sa makatuwirang disposisyon ng Diyos? Masaganang awa at matinding poot. Ang “masagana” sa “masaganang awa” ay nangangahulugang ang awa ng Diyos ay mapagparaya, matiisin, mapagbata, at ito ang pinakadakilang pagmamahal—iyon ang ibig sabihin ng “masagana.” Dahil hangal at mahina ang kakayahan ng mga tao, ganito dapat kumilos ang Diyos. Kung mahal mo ang katotohanan subalit isa ka namang hangal at mahina ang kakayahan, masaganang awa ang saloobin ng Diyos para sa iyo. Ano ang kasama ng awa? Pagtitiis at pagpaparaya: Mapagparaya at matiisin ang Diyos sa iyong kamangmangan, binibigyan ka Niya ng sapat na pananalig at pagtitiyaga upang suportahan ka, pagkalooban ka, at tulungan ka, upang maunawaan mo nang paunti-unti ang katotohanan at unti-unti kang magkagulang. Sa anong pundasyon ito nakasalig? Ito ay nakasalig sa pundasyon ng pagmamahal ng isang tao at pananabik sa katotohanan, at ng kanyang tapat na saloobin sa Diyos, sa Kanyang mga salita, at sa katotohanan. Ito ang mga pangunahing pag-uugali na dapat maihayag sa mga tao. Ngunit kung sa puso ng isang tao ay tutol siya sa katotohanan, umaayaw dito, o namumuhi pa nga sa katotohanan, kung hindi niya siniseryoso ang katotohanan kailanman, at palaging nagsasalita nang tungkol sa mga nagawa niya, kung paano siya nagtrabaho, kung gaano karaming karanasan ang mayroon siya, ano ang pinagdaanan niya, kung paano siya itinatangi ng Diyos at pinagkatiwalaan ng malalaking gawain—kung ang sinasabi niya ay tungkol lang sa mga bagay na ito, sa kanyang mga kuwalipikasyon, mga nagawa, at mga talento niya, palaging nagpapasikat, at hindi kailanman nagbabahagi tungkol sa katotohanan, nagpapatotoo sa Diyos, o nagbabahagi sa pang-unawang nakamit mula sa karanasan sa gawain ng Diyos o ng kanyang kaalaman sa Diyos, hindi ba’t tutol siya sa katotohanan? Ganito naipapamalas ang pagtutol at ang hindi pagmamahal sa katotohanan. Sinasabi ng ilang tao, “Paano sila makakapakinig ng mga sermon kung hindi nila minamahal ang katotohanan?” Ang lahat ba ng nakikinig sa mga sermon ay nagmamahal sa katotohanan? Ang ilang tao ay pabasta-basta lang. Napipilitan silang umarte sa harap ng iba, natatakot na kung hindi sila makikilahok sa buhay ng iglesia, hindi kikilalanin ng sambahayan ng Diyos ang pananalig nila. Paano itinuturing ng Diyos ang ganitong saloobin sa katotohanan? Sinasabi ng Diyos na hindi nila minamahal ang katotohanan, na sila ay tutol sa katotohanan. Sa kanilang disposisyon, mayroong isang bagay na napakamapanganib, mas lalo pang mapanganib kaysa sa pagmamataas at panlilinlang, at iyan ay ang pagiging tutol sa katotohanan. Nakikita ito ng Diyos. Dahil sa matuwid na disposisyon ng Diyos, paano Niya tinatrato ang gayong mga tao? Siya ay puno ng poot sa kanila. Kung ang Diyos ay puno ng poot sa isang tao, minsan ay pinagagalitan Niya ito, o dinidisiplina at pinarurusahan ito. Kung hindi nito sinasadyang salungatin ang Diyos, magiging mapagparaya Siya, maghihintay, at magmamasid. Dahil sa sitwasyon o sa ibang obhetibong dahilan, maaaring gamitin ng Diyos ang hindi mananampalatayang ito para magserbisyo sa Kanya. Ngunit sa oras na pahintulutan ng kapaligiran, at ang panahon ay tama, ang gayong mga tao ay paaalisin sa sambahayan ng Diyos, dahil ni hindi sila nararapat magserbisyo. Gayon ang poot ng Diyos. Bakit puno ng poot ang Diyos? Ipinapahayag nito ang labis na pagkamuhi ng Diyos sa mga tumututol sa katotohanan. Ang malalim na poot ng Diyos ay nagpapakita na itinakda na Niya ang kalalabasan at destinasyon ng gayong mga tao na tumututol sa katotohanan. Saan ibinibilang ng Diyos ang mga taong ito? Ibinibilang sila ng Diyos sa kampo ni Satanas. Dahil Siya ay puno ng poot sa kanila at nayayamot na sa kanila, isinasara ng Diyos ang pintuan sa kanila, hindi Niya sila pinapayagan na makatungtong sa sambahayan ng Diyos, at hindi sila binibigyan ng pagkakataon para maligtas. Isa itong pagpapamalas ng poot ng Diyos. Inilalagay din sila ng Diyos sa kaparehong antas gaya ni Satanas, bilang maruruming demonyo at masasamang espiritu, bilang mga hindi mananampalataya, at kapag dumating ang tamang oras, sila ay ititiwalag ng Diyos. Hindi ba’t isa itong paraan ng pangangasiwa sa kanila? (Oo.) Gayon ang poot ng Diyos. At ano ang naghihintay sa kanila sa oras na matiwalag sila? Matatamasa pa ba nilang muli ang biyaya at pagpapala ng Diyos at ang pagliligtas ng Diyos? (Hindi.) Madalas sinasabi ng mga tao sa Kapanahunan ng Biyaya ang ganito: “Nais ng Diyos na maligtas ang bawat tao at ayaw Niyang mapahamak ang sinuman.” Nauunawaan ng karamihan ng tao ang ibig sabihin ng mga salitang ito. Ito ang emosyon at saloobin ng Diyos sa pagliligtas sa tiwaling sangkatauhan. Ngunit paano inililigtas ng Diyos ang sangkatauhan? Inililigtas ba Niya ang lahat ng sangkatauhan o bahagi lamang nito? Aling bahagi ang inililigtas ng Diyos at aling mga tao ang tinatalikuran Niya? Hindi kayang maabot ng karamihan ng tao ang puso ng usaping ito. Kaya lang nilang magsalita sa mga tao nang tungkol sa mga doktrina. “Nais ng Diyos na maligtas ang bawat tao at ayaw Niyang mapahamak ang sinuman.” Napakaraming tao ang nagsasabi nito, ngunit hindi talaga nila nauunawaan ang layunin ng Diyos. Sa katunayan, ang layunin ng Diyos ay iligtas lamang ang mga nagmamahal sa katotohanan at ang mga kayang tumanggap sa Kanyang pagliligtas. Ang mga tumututol sa katotohanan at tumatangging tanggapin ang pagliligtas ng Diyos ay ang mga tumatanggi at lumalaban sa Diyos. Hindi lang sa hindi sila ililigtas ng Diyos, kundi sa huli ay lilipulin Niya ang mga taong ito. Bagamat alam ng mga nananampalataya sa Diyos na ang pagmamahal Niya ay walang hanggan, hindi maikukumpara ang lawak, at makapangyarihan, hindi nais ng Diyos na ibigay ang Kanyang biyaya at pagmamahal sa mga tumututol sa katotohanan. Hindi ibibigay ng Diyos ang Kanyang pagmamahal at pagliligtas sa mga taong ito para sa wala. Ito ang saloobin ng Diyos. Ang mga tumututol sa katotohanan at ayaw tanggapin ang pagliligtas ng Diyos ay gaya ng isang pulubi na naghahanap ng pagkain—kahit kanino pa siya mamalimos ng pagkain, sa puso niya, hindi lamang siya walang respeto sa mga tagapagtaguyod niya, kundi kinukutya at kinamumuhian sila. Kukunin pa niya sa halip ang mga pag-aari ng mga tagapagtaguyod niya para sa sarili niya. Magiging bukas pa ba ang loob ng mga tagapagtaguyod na magbigay ng pagkain sa gayong pulubi? Tiyak na hindi, dahil hindi siya tunay na kaawa-awa, kundi sa halip ay labis na kasuklam-suklam. Ano ang saloobin ng tagapagtaguyod sa gayong tao? Mas gugustuhin pa niyang magbigay ng pagkain sa aso kaysa sa isang pulubing gaya nito. Ito ang tunay niyang damdamin. Sa tingin ninyo, anong uri ng mga tao ang mga tumututol sa katotohanan? Sila ba iyong mga lumalaban at sumasalungat sa Diyos? Maaaring hindi sila hayagang lumalaban sa Diyos, subalit ang kanilang kalikasang diwa ay ang itatwa at labanan ang Diyos, na katumbas ng hayagang pagsasabi sa Diyos na, “Ayaw kong naririnig ang mga sinasabi mo, hindi ko ito tinatanggap, at dahil hindi ko tinatanggap na katotohanan ang iyong mga salita, hindi ako naniniwala sa iyo. Naniniwala ako sa sinumang kapaki-pakinabang at makabubuti sa akin.” Ganito ba ang saloobin ng mga walang pananampalataya? Kung ganito ang saloobin mo patungkol sa katotohanan, hindi ka ba hayagang napopoot sa Diyos? At kung hayagan kang napopoot sa Diyos, ililigtas ka ba ng Diyos? Hindi ka Niya ililigtas. Iyan ang dahilan ng matinding galit ng Diyos sa mga nagtatatwa at lumalaban sa Diyos. Ang diwa ng mga taong kagaya nito, na tinututulan ang katotohanan, ay ang diwa ng pagkapoot sa Diyos. Hindi itinuturing ng Diyos ang mga taong may gayong diwa bilang mga tao. Sa Kanyang paningin, sila ay mga kaaway at diyablo. Hinding-hindi Niya sila ililigtas. Sa huli, masasadlak sila sa sakuna at malilipol. Ano ang sasabihin ninyo—kung kinakain ng isang pulubi ang pagkain ng tagapagtaguyod niya at minumura, pinagtatawanan, kinukutya, at inaatake pa ang tagapagtaguyod niya, kamumuhian ba siya ng tagapagtaguyod niya? Tiyak iyon. Ano ang dahilan sa pagkamuhing ito? (Hindi lang sa walang utang na loob ang pulubi sa kanyang tagapagtaguyod sa pagbibigay sa kanya ng pagkain, kundi sa halip ay kinukutya, pinagtatawanan, at inaatake pa niya ang tagapagtaguyod. Ang gayong tao ay lubos na walang konsensiya o katwiran, at wala ring pagkatao.) Anong saloobin ang dapat taglayin ng tagapagtaguyod sa pulubi? Dapat bawiin ng tagapagtaguyod ang mga bagay na orihinal niyang ibinigay sa pulubi, at pagkatapos ay paalisin ito. Dapat niyang ibigay, sa halip, ang mga bagay na ito sa mga aso o ligaw na hayop kaysa sa ibigay ang mga ito sa pulubing ito. Ito ang bunga na inihatid mismo ng pulubi sa sarili niya. Mayroong dahilan kung bakit matindi ang poot ng Diyos sa isang tao o sa isang uri ng tao. Ang dahilang ito ay hindi itinakda ng kagustuhan ng Diyos, kundi ng saloobin ng taong iyon sa katotohanan. Kapag ang isang tao ay tumututol sa katotohanan, walang duda na ito ay mapanganib sa pagkakamit niya ng kaligtasan. Hindi ito isang bagay na maaari o hindi maaaring mapatawad, hindi ito isang anyo ng pag-uugali, o isang bagay na panandaliang nahayag sa kanila. Ito ay kalikasang diwa ng isang tao, at ang Diyos ay pinakayamot sa gayong mga tao. Kung paminsan-minsan kang naghahayag ng katiwalian ng pagtutol sa katotohanan, dapat mong suriin, batay sa mga salita ng Diyos, kung ang mga paghahayag na ito ay sanhi ng pagkainis mo sa katotohanan o ng kawalan ng pang-unawa sa katotohanan. Nangangailangan ito ng paghahanap, at nangangailangan ito ng kaliwanagan at tulong ng Diyos. Kung ang kalikasang diwa mo ay gayon na tutol ka sa katotohanan, at hindi mo kailanman tinatanggap ang katotohanan, at ikaw ay partikular na umaayaw at mapanlaban dito, mayroong problema. Ikaw ay tiyak na isang masamang tao, at hindi ka ililigtas ng Diyos.

Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng mga walang pananampalataya at ng mga nananampalataya sa Diyos? Ito ba ay pagkakaiba lamang sa paniniwalang panrelihiyon? Hindi. Hindi kinikilala ng mga walang pananampalataya ang Diyos, at sa partikular, hindi nila kayang tanggapin ang katotohanan na ipinahayag ng Diyos. Pinatutunayan nito na tumututol sa katotohanan ang lahat ng walang pananampalataya at kinamumuhian nila ang katotohanan. Ito ba ay isang katunayan, halimbawa, na ang tao ay nilikha ng Diyos? Ito ba ang katotohanan? (Oo.) Ano ang saloobin ng mga tao na nananampalataya sa Diyos kapag naririnig nila ito? Lubos nila itong kinikilala at pinananampalatayanan. Tinatanggap nila ang katunayang ito, ang katotohanang ito, bilang pundasyon ng pananalig nila sa Diyos—ito ang ibig sabihin ng pagtanggap sa katotohanan. Nangangahulugan ito na tinatanggap natin, sa kaibuturan ng ating puso, ang katunayan ng paglikha ng Diyos sa tao, ikinasisiya ang pagiging isang nilikha, taos-pusong tinatanggap ang gabay at ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at kinikilala na ang Diyos ay ang ating Diyos. At ano ang saloobin ng mga hindi nananampalataya sa Diyos kapag naririnig nila na “Ang tao ay nilikha ng Diyos”? (Hindi nila ito tinatanggap o kinikilala.) Bukod sa hindi pagkilala rito, ano ang kanilang reaksyon? Kukutyain ka pa nila, ginagawa ang lahat ng kaya nilang gawin para subuking gamitin ito laban sa iyo, pinagtatawanan at pinagkakatuwaan ka, titingnan ka ng may paghamak, at bubuntunan ng lait ang mga salitang ito at ang katunayang ito. Maaari pa nga silang magkaroon ng saloobin ng pangungutya, panunuya, panghahamak, at pagkamapanlaban sa lahat ng kumikilala sa mga salitang ito. Hindi ba’t ito ay pagiging tutol sa katotohanan? (Oo.) Namumuhi ka ba sa kanila kapag nakikita mo ang gayong mga tao? Ano sa palagay mo? Iniisip mo, “Ang tao ay nilikha ng Diyos. Iyan ay isang katunayan. Ito ay hindi mapapasubaliang totoo. Hindi mo ito tinatanggap, hindi mo kinikilala ang mga pinagmulan mo, ikaw ay tunay na walang utang na loob, ikaw ay walang konsensiya at taksil. Ikaw ay talagang kauri ni Satanas!” Ito ba ang iniisip mo? (Oo.) At bakit ganito ka mag-isip? Ganito ka ba mag-isip dahil lang hindi nila gusto ang pahayag na ito? (Hindi.) At ano ang nagdudulot para ang gayong mapagtutol na mentalidad ay lumabas sa iyo? (Ito ay dahil sa saloobin nila sa katotohanan.) Hindi magiging napakalaki ng galit mo kung iginalang nila ang mga salitang ito bilang mga ordinaryong salita, bilang isang teorya o relihiyosong paniniwala. Ngunit kapag nakikita mong lumalabas sa kanila ang pagtaboy, pagkontra, at panlalait, kapag nakikita mo silang naglalabas ng mga salita, saloobin, at disposisyon na sinisira ang pagpapahayag na ito ng katotohanan, nagagalit ka. Ganoon ba iyon? Bagamat hindi nananampalataya sa Diyos ang ilang tao, iginagalang nila ang pananalig ng iba, at hindi nila sinusubukan na sirain ang mga usapin ng pananalig na sinambit ng iba. Wala kang anumang pagtutol o pagkasuklam sa kanila, at kaya mo pa ring makipagkaibigan sa kanila at mamuhay nang payapa kasama nila. Hindi kayo magiging magkaaway. Sa katunayan, may maliit na bilang ng mga walang pananampalataya na kaya mong makasundo. Bagamat hindi nila kayang tanggapin ang tunay na daan at maging mga miyembro ng sambahayan ng Diyos, kaya mo pa rin silang pakisamahan at magkaroon ng mga pakikipag-ugnayan sa kanila. Kahit paano ay mayroon silang konsensiya at katwiran. Hindi sila nagpaplano laban sa iyo at hindi ka nila pagtataksilan, kaya maaari kang makisama sa kanila. Sa mga sumusubok na sirain ang katotohanan—sa mga tutol sa katotohanan—nakakaramdam ka ng galit sa puso mo. Maaari mo ba silang maging kaibigan? (Hindi.) Bukod sa pagiging hindi nila kaibigan, ano pa ang iniisip mo sa kanila? Kung papipiliin ka kung paano mo sila itatrato, paano mo sila itatrato? Sasabihin mo, “Ang tao ay nilikha ng Diyos. Iyan ay isang katunayan, iyan ang katotohanan, at anong dakila at banal na bagay iyan! Hindi lang sa hindi mo ito tinatanggap, sinusubukan mo rin itong sirain—wala ka talagang konsensiya! Kung binigyan ako ng kapangyarihan ng Diyos, susumpain kita, sasaktan kita, gagawin kitang abo!” Iyan ba ang damdamin mo? (Oo.) Ito ay isang pagpapahalaga sa katarungan. Ngunit kapag nakikita mo na sila ay mga diyablo, ang makatwirang bagay ay ang huwag mo silang pansinin, ang lumayo sa kanila. Kapag kinakausap ka nila, ayos lang na magpanggap na nakikinig ka sa kanila. Ito ang mainam na gawin. Ngunit sa kaibuturan, alam mong ikaw ay nasa ibang landas kaysa sa gayong mga tao. Hindi sila kailanman maaaring magkaroon ng pananalig sa Diyos, kailanman ay hindi nila lubos na tatanggapin ang katotohanan. Kahit na manampalataya nga sila sa Diyos, hindi Niya sila gugustuhin. Itinatanggi at nilalabanan nila ang Diyos, sila ay mga hayop, sila ay mga diyablo, hindi nila sinusundan ang landas na tulad ng sa atin. Ayaw ng mga mayroong tunay na pananalig sa Diyos na magkaroon ng pakikipag-ugnayan sa mga diyablo. Ayos lang sila kapag hindi sila nakakakita ng kahit anong diyablo, ngunit kapag nakakakita sila, agad nilang nilalabanan ang mga ito. Mapapayapa lang ang puso nila kung kailanman ay hindi na sila makakakita ng mga demonyo. Palaging nagsasalita ang ilang tao sa mga walang pananampalatayang diyablo tungkol sa mga pangyayari sa sambahayan ng Diyos. Ang mga ito ang mga pinakahangal na tao. Hindi nila alam ang pinagkaiba ng mga taga-loob at ng mga taga-labas, sila ay mga nabubulol na hangal na walang nauunawaang anuman. Maililigtas ba ng Diyos ang mga tao na may kakayahan sa gayong mga kakatwang bagay? Tiyak na hindi. Ang mga tao na palaging may mga pakikipag-ugnayan sa mga diyablo ay mga hindi mananampalataya. Sila ay tiyak na hindi mula sa sambahayan ng Diyos, at sa malao’t madali, kailangan nilang bumalik kay Satanas. Hindi nakikilatis ng ilang tao kung sino ang kapatid at kung sino ang isang walang pananampalataya. Sila ang mga taong pinakamagulo ang isip. Sinasabi nila sa mga hindi mananampalataya at sa mga diyablo ang mga pangyayari sa sambahayan ng Diyos. Ito ay gaya ng pagtatapon ng mga perlas sa mga baboy at pagbibigay sa mga aso ng kung ano ang banal. Ang mga hindi mananampalatayang ito at mga diyablo ay gaya ng mga baboy at aso, sila ay nakabilang sa mga hayop. Kung tinatalakay mo sa kanila ang mga pangyayari sa sambahayan ng Diyos, ikaw ay lalabas na isang hangal. Pagkatapos nila itong marinig, kaswal nilang sisiraan ang sambahayan ng Diyos at ang katotohanan. Kung gagawin mo ito, bibiguin mo ang Diyos at magkakaroon ka ng utang sa Diyos. Ang mga pangyayari sa sambahayan ng Diyos ay hindi dapat talakayin kahit kailan sa mga hindi mananampalataya at mga diyablo. Ang mga tao ay inis, mapanlaban, at ayaw makipag-ugnayan sa mga ayaw sa katotohanan, mga tutol sa katotohanan, o sinisiraan ang katotohanan, kaya ano sa palagay mo ang nararamdaman ng Diyos? Ang disposisyon ng Diyos, ang diwa ng Diyos, ang mga pag-aari ng Diyos at ang Kanyang pagiging Diyos, ang buhay ng Diyos, at ang diwa ng Diyos ayon sa ipinahayag Niya ay pawang mga katotohanan. Ang isang tao na tutol sa katotohanan ay, walang duda, isang tao na sumasalungat sa Diyos at isang kaaway ng Diyos. Ito ay higit pa sa usapin ng pagiging hindi magkaayon sa Diyos. Para sa mga taong gaya ng mga ito, napakalaki ng poot ng Diyos.

Kayong lahat ay mayroon ng pundasyon ngayon kahit papaano, at maibibilang na kayo bilang mga miyembro ng sambahayan ng Diyos. Dapat ninyong masigasig na hangarin ang katotohanan, at sa proseso ng pagganap ninyo sa inyong mga tungkulin, palaging suriin ang mga sarili ninyong salita at gawa, suriin ang iba’t ibang kalagayan ninyo, at sikaping magkamit ng ilang pagbabago sa inyong disposisyon. Ito ay isang mahalagang bagay. Pagkatapos, magagawa ninyong tunay na makalapit sa harap ng Diyos. Kahit papaano, dapat mong magawa na tanggapin ka ng Diyos. Kung hindi mo kayang maabot ang antas ni Job at wala ka ng mga kuwalipikasyon na magbubunsod sa Diyos para personal Siyang makipagpustahan kay Satanas para subukin ka, kahit paano ay maaari kang mamuhay sa liwanag ng Diyos sa pamamagitan ng mga kilos at pag-asal mo, at aalagaan at poprotektahan ka ng Diyos, at kikilalanin ka Niya bilang isa sa mga tagasunod Niya at isang miyembro ng Kanyang sambahayan. Bakit ganito? Dahil simula nang kilalanin mo ang Diyos at manampalataya ka sa Kanya, palagi mong hinahanap kung paano sumunod sa landas ng Diyos. Dahil nalulugod ang Diyos sa pag-uugali mo at sa sinseridad mo, inakay ka Niya sa Kanyang sambahayan para tumanggap ng pagsasanay, para mapungusan, at para tumanggap ng Kanyang pagliligtas. Anong dakilang pagpapala! Simula sa pagiging isang tao na nasa labas ng sambahayan ng Diyos na walang alam tungkol sa Diyos o sa katotohanan, tinanggap mo ang unang pagsubok ng Diyos, at pagkatapos mo itong maipasa, personal kang inakay ng Diyos sa Kanyang sambahayan, dinala ka sa harapan Niya, pinagkatiwalaan ng isang atas, nagsaayos ng mga tungkulin para gampanan mo, at hinayaan kang gumanap ng ilang tungkulin ng tao sa loob ng plano ng pamamahala ng Diyos. Bagamat ito ay ilang tagong gawain, kung tutuusin, nasa iyo ang pag-aalaga at proteksyon ng Diyos at tumanggap ka ng isang pangako mula sa Diyos. Ang pagpapalang ito ay sapat na sapat. Isasantabi natin ang makoronahan at magantimpalaan sa susunod na mundo, at magsasalita lamang ng kung ano ang maaaring tamasahin ng mga tao sa buhay na ito—ang mga katotohanang naririnig mo, ang biyaya, habag, alaga at proteksyon ng Diyos na tinatamasa mo, maging ang iba’t ibang uri ng pagdidisiplina at pagtutuwid na ibinibigay ng Diyos sa iyo, at ang probisyon ng lahat ng katotohanang ito na ibinibigay ng Diyos sa tao—sabihin mo sa Akin, gaano karami ang tinatanggap mo? Sa huli, bukod sa pag-unawa sa mga katotohanang ito, lubos ka ring ililigtas ng Diyos mula sa kampo ni Satanas, para magawa mong magbago tungo sa isang tao na kilala ang Diyos, tinataglay ang katotohanan bilang buhay mo, at may silbi sa sambahayan ng Diyos. Hindi ba’t isa itong malaking pagpapala? (Malaki ito.) Ito ang pangako ng Diyos. Pagkatapos kang dalhin ng Diyos sa Kanyang sambahayan, sinasabi Niya sa iyo, “Ikaw ay pinagpala. Sa pagpasok sa iglesia, may pag-asa ka na maligtas.” Maaaring hindi mo alam kung ano ang nangyayari, ngunit sa katunayan, ibinigay na sa iyo ang pangako ng Diyos. Kasabay nito, ginagawa ng Diyos ang lahat ng bagay na ito para tuparin ang pangakong ito—pagkakaloob ng katotohanan, pagpupungos sa iyo, pagbibigay sa iyo ng mga tungkulin, at pagkakatiwala sa iyo ng mga atas—para lumago nang paunti-unti ang buhay mo, at ikaw ay magiging isang tao na nagpapasakop at sumasamba sa Diyos. Natanggap na ba ngayon ng mga tao ang pangakong ito? Matagal pa rin bago ang araw ng kaganapan at katuparan nito. Sa katunayan, tinanggap na ito ng ilan sa inyo, at ang ilan sa inyo ay mayroong determinasyon ngunit hindi pa ito natatanggap. Nakadepende ito sa kung mayroon ba kayong determinasyon na maarok ang pangakong ito at may kakayahang maisakatuparan ito. Ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay ibinibigay sa mga tao nang paunti-unti, sa tamang panahon, at sa tamang sukat. Kailanman ay walang anumang pagkakamali, kaya't hindi mo kailangang mag-alala tungkol sa pagiging hangal, mahinang kakayahan, bata, o dahil sandaling panahon ka pa lang nananampalataya sa Diyos. Huwag mong hayaang makaapekto ang mga obhetibong dahilan na ito sa iyong buhay pagpasok. Anuman ang sinasabi ng Diyos, una, hinahayaan nito ang mga tao na malaman at masukat ang kanilang aktuwal na tayog at kakayahan at malaman ang sarili nilang kakayanan. Pangalawa, sa positibong aspekto, binibigyan nito ang mga tao ng mas malalim na pang-unawa sa katotohanan at hinahayaan silang pumasok sa katotohanang realidad at gampanan ang mga tungkulin nila nang maayos para maisakatuparan ang mga layunin ng Diyos. Ang mga ito ang mga layunin ng mga salita ng Diyos. Ang makamit ang mga bagay na ito ay talagang napakasimple lang. Basta’t may puso kang nagmamahal sa katotohanan, walang paghihirap. Ano ang pinakamalaking paghihirap para sa mga tao? Ito ay ang tutol ka sa katotohanan at hindi mo talaga mahal ang katotohanan. Ito ang pinakamalaking paghihirap. Kinapapalooban ito ng problema ng kalikasan. Kung hindi ka tunay na nagsisisi, maaari itong magbunga ng problema. Kung tumututol ka sa katotohanan, at palagi mong sinisiraan ang katotohanan at hinahamak ito, kung taglay mo ang ganitong uri ng kalikasan, hindi ka madaling magbabago. Kahit na magbago ka, kailangan pa ring makita kung ang saloobin ng Diyos ay magbabago. Kung ang ginagawa mo ay makakapagpabago ng saloobin ng Diyos, may pag-asa ka pa ring maligtas. Kung hindi mo mababago ang saloobin ng Diyos, at sa kaibuturan ng puso ng Diyos, matagal na Siyang tutol sa diwa mo, wala kang pag-asa na maligtas. Samakatwid, dapat ninyong suriin ang sarili ninyo. Kung ikaw ay nasa kalagayang tumututol sa katotohanan at nilalabanan mo ang katotohanan, ito ay napakamapanganib. Kung madalas kang nagkakaroon ng gayong kalagayan, madalas na nahuhulog sa gayong kalagayan, o kung ikaw ay pangunahing ganitong uri ng tao, mas lalo pa itong problema. Kung ikaw ay paminsan-minsang nasa kalagayan ng pagiging tutol sa katotohanan, una, maaaring dulot ito ng iyong mababang tayog; pangalawa, ang mismong tiwaling disposisyon ng tao ay nagtataglay ng ganitong uri ng diwa, na hindi maiiwasang humahantong sa ganitong kalagayan. Gayumpaman, hindi kinakatawan ng ganitong kalagayan ang diwa mo. Minsan, ang isang panandaliang emosyon ay maaaring magbunga ng isang kalagayan na nagdudulot sa iyo para tumutol sa katotohanan. Ito ay pansamantala lang. Hindi ito dulot ng iyong disposisyong diwa na tutol sa katotohanan. Kung ito ay isang pansamantalang kalagayan, mababaligtad ito, ngunit paano mo ito babaligtarin? Kailangan mong agad na lumapit sa harapan ng Diyos para hanapin ang katotohanan sa aspektong ito at magkaroon ng kakayahan na kilalanin ang katotohanan, at magpasakop sa katotohanan at sa Diyos. Pagkatapos ay nalutas na ang kalagayang ito. Kung hindi mo ito nilulutas at hinahayaan mo itong magpatuloy nang magpatuloy, ikaw ay nasa panganib. Halimbawa, sinasabi ng ilang tao: “Sabagay, mahina ang kakayahan ko at hindi ko nauunawaan ang katotohanan, kaya titigil na ako sa paghahangad nito, at hindi ko na rin kailangang magpasakop sa Diyos. Paano nagawang ibigay sa akin ng Diyos ang kakayahang ito? Hindi matuwid ang Diyos!” Itinatanggi mo ang pagiging matuwid ng Diyos. Hindi ba’t iyan ay pagiging tutol sa katotohanan? Ito ang saloobin ng pagiging tutol sa katotohanan at isang pagpapamalas ng pagiging tutol sa katotohanan. Mayroong konteksto sa kaganapan ng pagpapamalas na ito, kaya kinakailangan na malutas ang konteksto at ugat na dahilan ng kalagayang ito. Sa oras na ang ugat na dahilan ay nalutas, maglalahong kasama nito ang kalagayan mo. Ang ilang kalagayan ay gaya ng isang sintomas, gaya ng ubo, na maaaring sanhi ng sipon o pulmonya. Kung ginagamot mo ang sipon o pulmonya, gagaling din ang ubo. Kapag ang ugat na dahilan ay nalutas, maglalaho ang mga sintomas. Ngunit ang ilang kalagayan ng pagiging tutol sa katotohanan ay hindi isang sintomas, kundi isang tumor. Ang ugat na dahilan ng karamdaman ay nasa loob. Maaaring hindi ka makakita ng anumang sintomas sa pagtingin sa labas, ngunit sa oras na magkaroon ng karamdaman, ito ay nakamamatay. Ito ay isang napakaseryosong problema. Kailanman ay hindi tinatanggap o kinikilala ng gayong mga tao ang katotohanan, o palagi pa ngang sinisiraan ang katotohanan gaya ng mga walang pananampalataya. Kahit na hindi nila binibigkas ang mga salita, patuloy nilang sinisiraan, tinatanggihan, at pinabubulaanan ang katotohanan sa kanilang puso. Kahit alinmang katotohanan—ito man ay pagkakilala sa sarili, pagkilala sa tiwaling disposisyon ng isang tao, pagtanggap sa katotohanan, pagpapasakop sa Diyos, hindi paggawa ng mga bagay-bagay sa isang pabasta-bastang paraan, o pagiging isang tapat na tao—hindi nila tinatanggap, inaamin, o binibigyan ng atensyon ang alinmang aspekto ng katotohanan, o pinabubulaanan at sinisiraan pa nga ang lahat ng aspekto ng katotohanan. Ito ang disposisyon ng pagiging tutol sa katotohanan, ito ay isang uri ng diwa. Anong uri ng wakas ang kahahantungan ng diwang ito? Ang itaboy at itiwalag ng Diyos, at pagkatapos ay mamatay. Ang mga kahihinatnan ay napakaseryoso.

Nakatulong ba sa inyo ang pagbabahagi ngayon tungkol sa mga bagay na ito? (Oo. Alam ko kung ano ang mabuting kakayahan at ang masamang kakayahan, at mayroon akong kaunting tunay na kaunawaan sa sarili kong kakayahan, at kaya kong sukatin nang tama ang sarili ko kapag nangyayari sa akin ang mga bagay-bagay. Hindi ako magiging mapagmataas at mag-aakalang mas matuwid ako kaysa sa iba, kundi gagampanan ko ang aking tungkulin sa isang mapagpakumbabang paraan.) Kahit anong aspekto pa ng katotohanan ang pagbahaginan natin, makakatulong ito sa inyong buhay pagpasok. Kung kaya ninyong tanggapin ang mga salitang ito at gamitin ang mga ito sa inyong pang-araw-araw na buhay, ang sinabi ko ay hindi mauuwi sa wala. Sa tuwing nauunawaan ninyo ang kaunting katotohanan, magiging mas tama ang paggawa ninyo sa mga bagay-bagay, at mabubuksan nang medyo mas malawak ang inyong landas. Kung alam ninyo ang kaunting katotohanan at hindi ninyo nauunawaan nang malinaw ang aktuwal ninyong tayog at kakayahan, palagi kayong magiging mali sa paggawa sa mga bagay-bagay, palaging sobra ang pagkalkula sa inyong sarili at sinusuri nang napakataas ang sarili ninyo, at ginagawa ang mga bagay-bagay batay sa mga kuru-kuro at imahinasyon ngunit nang hindi nalalaman, sa halip ay iniisip ninyo na kayo ay kumikilos batay sa katotohanan. Ituturing ninyo ang mga kuru-kuro at imahinasyon na ito bilang mga katotohanang prinsipyo. Ang paglihis sa mga bagay na ginagawa ninyo ay magiging labis na malaki. Kung ang mga kuru-kuro, imahinasyon, kaalaman, at pagkakatuto ng tao ay nangingibabaw sa puso ng mga tao, hindi nila hahanapin ang katotohanan. Kung ang katotohanan ay magiging pangalawa, pangatlo, o panghuli pa nga sa puso mo, kung gayon ano ang may kapangyarihan sa iyo? Ito ay ang iyong satanikong disposisyon at mga kuru-kuro, pilosopiya, kaalaman, at pagkakatuto ng tao. Ang mga bagay na ito ang may kataas-taasang kapangyarihan sa iyo, kaya ang gawaing ginagawa ng Diyos sa iyo ay hindi magiging epektibo. Kung ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan ay hindi mo naging buhay sa kalooban mo, malayo ka pa rin sa pagiging ligtas. Hindi ka nakatungtong sa landas ng kaligtasan. Iniisip mo ba na ang puso ng Diyos ay hindi nababahala? Gaano kalaking habag ang dapat ipakita ng Diyos sa iyo upang ilagay ka sa landas ng kaligtasan? Kung kaya ninyong tumakas sa tradisyonal na kultura at kaalaman at satanikong pilosopiya, matutong sukatin ang lahat ng bagay na ito sa pamamagitan ng katotohanan batay sa mga salita ng Diyos, gamitin ang mga katotohanang prinsipyo bilang mga pamantayan sa pagsubaybay sa mga bagay-bagay, at gampanan ang mga tungkulin ninyo nang maayos, kayo ay tunay na magiging isang tao na taglay ang katotohanang realidad, isang tao na may kakayahang mamuhay nang mag-isa. Sa kasalukuyan, wala kayo sa antas na ito, malayo pa kayo rito. Mayroon lang kayong munting buhay, at kailangan pa rin ninyong mamuhay sa habag, pagmamahal, at pagpaparaya ng Diyos. Ang ibig sabihin nito ay masyadong mababa ang tayog ninyo. Kung bibigyan ka ng isang gawain, magagawa mo ba itong tapusin nang nag-iisa? Magagawa mo ba nang maayos ang trabaho? Kung guguluhin mo ang mga bagay-bagay, ito ay paglaban at pagpapahiya sa Diyos. Kung nagawa mo ang kalahati ng trabaho mo, ngunit umalis ka para magsaya, hindi ba’t nagpapakita ito na ikaw ay hindi masyadong matatag? Nagpapakita ito na ikaw ay hindi maaasahang manggagawa at na hindi mo ginagawa nang maayos ang trabaho mo. Palagi mong kailangan ng mga tao na magbabantay at mangangasiwa sa iyo kung gagawin mo ang tungkulin mo. Ang ilang tao na nasa edad na 30 at 40 ay taglay pa rin ang ganitong karakter. Tapos na ang lahat sa kanila. Wala silang matutupad na kahit ano sa buhay nila. Kung ikaw ay nasa edad 20 at nananampalataya pa lang sa Diyos sa loob ng dalawa o tatlong taon, mapapatawad ka sa pagiging isang tao na mababa ang tayog. Ang kawalan ng katatagan, hindi maaasahan, palaging kailangang bantayan, protektahan, paalalahanan, payuhan, at gabayan ng Diyos, palaging nangangailangan na matamasa ang mga biyayang ito ng Diyos, nabubuhay sa pamamagitan ng pagsandig sa mga biyayang ito, at walang kakayahang gumawa nang wala ang alinman sa mga bagay na ito, ito ay pagiging napakababa ng tayog. Kayo ay nasa kondisyong ito ngayon. Kung ang mga bagay-bagay ay hindi lubos na lilinawin sa inyo, minsan ay makakagawa kayo ng pagkakamali at magugulo ang inyong trabaho. Kung mayroong anumang maliit na bagay na hindi naipaliwanag sa inyo, maliligaw kayo, na isang palagiang alalahanin para sa iba. Sa panlabas, lahat kayo ay nasa hustong gulang, ngunit sa katunayan, wala kayong masyadong buhay sa inyong mga espiritu. Bagamat mayroon kayong kalooban at sinseridad na gampanan ang inyong mga tungkulin, at mayroon din kayong kaunting tunay na pananalig, napakaliit ng nauunawaan ninyo tungkol sa katotohanan. Sa pagganap sa inyong tungkulin, kayo ay lubos na nakasandig sa biyaya, mga pagpapala, gabay, at mga paalala ng Diyos para magpatuloy. Anumang kulang at hindi ito magiging tama. Kaya, aling aspekto ng matuwid na disposisyon ng Diyos ang naipapamalas sa inyo? Ang Kanyang masaganang habag, at siyempre ito ang prinsipyo ng gawain ng Diyos. Bakit hindi pa rin ninyo natatamasa ang mga pagsubok at pagpipino ng Diyos? Ito ay dahil hindi kayo nagtataglay ng gayong tayog. Napakaliit ng inyong tayog, napakaliit ng nauunawaan ninyo sa katotohanan, hindi ninyo naaabot ang kalaliman ng anuman, nalilito kayo kapag nahaharap sa mga paghihirap, hindi ninyo alam kung saan magsisimula, palagi ninyong pinag-aalala ang mga tao, at, kahit anong tungkulin ang ginagampanan ninyo, kailangan kayong turuan ng ibang tao na gawin ito nang paunti-unti, na nangangailangan ng sobrang pagsisikap sa panig ng iba. Kailangang ipaliwanag ang lahat sa inyo at ulitin nang higit sa isang beses, kung hindi, hindi ito magiging maayos. Kailangang sabihin ang mga ordinaryong bagay nang dalawa o tatlong ulit, ngunit pagkaraan ng ilang sandali, makakalimot kayo at kailangan itong ulitin nang maraming ulit pa. Anong uri ng tao ito? Ito ay isang taong magulo ang isip na hindi inilalagay ang puso o isip niya sa ginagawa niya, at na hindi kuwalipikado na magtrabaho. Mauunawaan ba ng gayong mga tao ang katotohanan? Tiyak na hindi magiging madali para sa kanila na maunawaan ang katotohanan dahil napakahina ng kakayahan nila at hindi nila kayang umangat sa antas ng katotohanan. Ang ilang tao ay maliit ang tayog, ngunit kaya nilang matuto ng isang bagay pagkatapos nila itong madaanan ng isa, dalawa, o tatlong beses. Kung kaya nilang intindihin, unawain, at arukin ang katotohanan pagkatapos marinig ang pagbabahagi tungkol sa katotohanan, sila ay mga taong may kakayahan. Hindi malaking problema ang magkaroon ng kakayahan kundi ang maging maliit ang tayog. Ito ay nauugnay lang sa lalim ng karanasan ng gayong mga tao, at ito ay direktang nauugnay sa lalim ng kanilang pag-unawa sa katotohanan. Pagkatapos ng mas maraming karanasan at mas malalim na pag-unawa sa katotohanan, ang tayog nila ay likas na lalago.

Marso 2, 2019