Upang Matupad Nang Maayos ang Tungkulin ng Isang Tao, Pag-unawa sa Katotohanan ang Pinakamahalaga (Ikalawang Bahagi)
Kasunod, magbahaginan tayo sa kakayahan ng mga tao. Kapag sinusukat kung ang isang tao ay nagtataglay ng kakayahan o hindi, tingnan kung nagagawa niyang maarok ang mga layunin at saloobin ng Diyos kapag may mga nangyayari sa kanya sa pang-araw-araw na buhay, gayundin ang posisyong dapat niyang gawin at ang mga prinsipyong dapat niyang sundin, at ang saloobing dapat niyang taglayin. Kung nagagawa mong maintindihan ang lahat ng bagay na ito, kung gayon ay may kakayahan ka. Kung ang naaarok mo ay walang anumang kinalaman sa lahat ng pinapatnugot ng Diyos para sa iyo sa tunay mong buhay, kung gayon maaaring wala kang kakayahan o mahina ang iyong kakayahan. Paano nabuo ang tunay na tayog nina Pedro at Job, at paano nila natamo sa huli kung ano ang kanilang natamo at inani kung ano ang kanilang naani mula sa kanilang pananalig sa Diyos? Wala silang anumang tinatamasa sa mga tinatamasa ninyo ngayon. Palagi kayong may taong nakakabahaginan sa katotohanan, nagkakaloob para sa inyo, sumusuporta sa inyo, at tumutulong sa inyo. Palaging mayroong isang taong tutulong sa inyong siyasatin ang mga bagay-bagay. Wala silang ganito. Karamihan sa mga naunawaan nilang katotohanan ay natamo mula sa kung anong napagtanto nila, kung anong naranasan nila, kung ano ang unti-unting naisip nila at napagdaanan sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Ito ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng mataas na kakayahan. Kung hindi nagtataglay ang mga tao ng gayong kakayahan at wala sila ng ganitong uri ng saloobin sa katotohanan at kaligtasan, hindi nila hahanapin ang katotohanan ni magiging masigasig sa pagsasagawa ng katotohanan sa lahat ng bagay. Dahil dito, hindi nila nagawang makamit ang katotohanan. Pagkatapos marinig ang mga kuwento nina Job at Pedro, karamihan ng mga tao ay kinaiinggitan sila. Gayumpaman, pagkatapos silang kainggitan ng mga tao ng ilang panahon, hindi sineseryoso ng mga ito ang usapin. Ang pakiramdam nila ay kaya rin nilang sabihin ang mga klasikong salita ni Job at Pedro kapag may mga nangyayari sa kanila, kaya iniisip nilang simple lang ang mga bagay na ito. Sa ating pagsasaalang-alang sa mga ito ngayon, hindi simple ang mga bagay na ito.
Sa Bagong Tipan, bukod sa apat na Ebanghelyo, ang mga liham ni Pablo ang umookupa ng pinakamalaking espasyo. Sa kaparehong panahon, marahil ay parehong gawain ang ginawa nina Pablo at Pedro, ngunit lalong mas dakila ang reputasyon ni Pablo kaysa kay Pedro. Ano ang makikita natin sa dalawang sitwasyong ito? Makikita natin ang landas na tinahak ng dalawang lalaking ito. Maraming linya mula sa mga liham ni Pablo ang ginamit bilang mga salawikain ng mga sumunod na henerasyon, at ginamit ng lahat ng tao ang mga kilalang kasabihan ni Pablo para udyukan ang kanilang sarili. Dahil dito, nauwi silang lahat sa maling landas, at marami ang napunta pa nga sa landas ng mga anticristo. Sa kabaligtaran, bihirang magpakita si Pedro sa publiko. Sa pangkalahatan, wala siyang isinulat na mga aklat, hindi siya nagpanukala ng malalalim at matatalinghagang doktrina, at hindi siya nagbigay ng mga mabulaklak na islogan o mga teorya para turuan at tulungan ang mga kapatid sa panahong iyon, ni hindi siya nagbigay ng mga matatayog na teorya para impluwensiyahan ang mga henerasyon sa hinaharap. Hinangad lang niya na mahalin at palugurin ang Diyos sa isang praktikal at matatag na pamamaraan. Ito ang pagkakaiba sa mga landas na tinahak nilang dalawa. Sa huli, tinahak ni Pablo ang landas ng mga anticristo at napahamak, habang tinahak ni Pedro ang landas ng paghahangad sa katotohanan at pagmamahal sa Diyos at nagawa siyang perpekto. Sa pagsasaalang-alang sa mga landas na tinahak nila, makikita mo kung anong uri ng mga tao ang nais ng Diyos, anong uri ng mga tao ang ayaw ng Diyos, ang mga paghahayag at pagpapamalas ng mga tao na inaayawan ng Diyos, anong uri ng landas ang tinatahak ng mga taong ito, anong uri ng relasyon ang mayroon sila sa Diyos, at sa anong mga bagay sila masigasig. Masasabi ba ninyong may kakayahan si Pablo? Sa anong klase nabibilang ang kakayahan ni Pablo? (Ito ay napakabuti.) Nakapakinig na kayo ng napakaraming sermon ngunit hindi pa rin kayo nakakaunawa. Maituturing bang napakabuti ng kakayahan ni Pablo? (Hindi, ito ay mahina.) Bakit mahina ang kakayahan ni Pablo? (Hindi niya kilala ang kanyang sarili at hindi niya nauunawaan ang mga salita ng Diyos.) Ito ay dahil hindi niya nauunawaan ang katotohanan. Narinig din niya ang mga sermon ng Panginoong Jesus, at sa panahong gumawa siya ay naroon din, siyempre, ang gawain ng Banal na Espiritu. Kaya paano nangyari na, nang matapos niya ang lahat ng gawaing iyan, naisulat ang lahat ng liham na iyon, at naglakbay sa lahat ng iglesiang iyon, wala pa rin siyang naunawaan sa katotohanan at walang ibang ipinangaral kundi doktrina? Anong uri ng kakayahan iyan? Isang mahinang kakayahan. Bukod pa riyan, inusig ni Pablo ang Panginoong Jesus at inaresto ang Kanyang mga alagad, pagkatapos nito siya ay pinatamaan ng Panginoong Jesus ng isang dakilang liwanag mula sa langit. Paano hinarap at inunawa ni Pablo ang dakilang kaganapang ito na nangyari sa kanya? Ang paraan ng pagkaunawa niya ay naiiba kay Pedro. Inisip niya, “Sinaktan ako ng panginoong Jesus, nagkasala ako, kaya dapat lalo pa akong magsikap para makabawi ako, at sa oras na mabalanse ng mga merito ko ang mga demerito ko, magagantimpalaan ako.” Kilala ba niya ang sarili niya? Hindi. Hindi niya sinabi, “Sinalungat ko ang Panginoong Jesus dahil sa aking malisyosong kalikasan, ang aking kalikasan ng isang anticristo. Sinalungat ko ang Panginoong Jesus—walang mabuti sa akin!” Taglay ba niya ang gayong kaalaman tungkol sa sarili niya? (Hindi.) At paano niya itinala ang kaganapang ito sa mga liham niya? Ano ang pananaw niya tungkol dito? (Pakiramdam niya ay tinawag siya ng Diyos para sa gawain.) Naniwala siya na tinawag siya ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapasinag ng isang dakilang liwanag sa kanya, at na magsisimula ang Diyos na gamitin siya nang lubos. Walang kahit katiting na kaalaman tungkol sa sarili niya, naniwala siya na ito ang pinakamakapangyarihang patunay na siya ay gagantimpalaan at kokoronahan, gayundin ang pinakamalaking kapital na magagamit niya para magkamit ng mga gantimpala at ng isang korona. Bukod dito, sa kaibuturan ng puso niya, naramdaman niya ang pagtusok ng isang tinik. Ano ang tinik na ito? Ito ay isang sakit na ibinigay sa kanya ng Diyos bilang parusa para sa kanyang matinding paglaban sa Panginoong Jesus. Paano niya hinarap ang usaping ito? Dati na siyang may karamdaman sa puso niya at inisip niya, “Ito ang pinakamalaking pagkakamali sa buhay ko. Hindi ko alam kung mapapatawad ito ng diyos. Buti na lang, iniligtas ng panginoong Jesus ang buhay ko at ipinagkatiwala sa akin ang pagpapalaganap ng ebanghelyo. Ito ay magandang pagkakataon para matubos ko ang aking sarili. Dapat kong palaganapin ang ebanghelyo nang buong kalakasan ko, at baka hindi lang basta mapapatawad ang mga kasalanan ko, ngunit makakatanggap din ako ng isang korona at mga gantimpala. Iyan ay magiging kahanga-hanga!” Gayumpaman, hindi niya kailanman maaalis ang tinik na ito, na nagdulot ng pagkabalisa sa puso niya. Palagi siyang hindi mapalagay tungkol dito. “Paano ako makakabawi sa napakalaking pagkakamaling ito? Paano ko ito mabubura, para hindi ito makaapekto sa mga inaasam ko o sa korona na inaasahan kong matanggap? Dapat dagdagan ko pa ang mga gawain ko para sa panginoon, magbayad ng mas malaking halaga, magsulat ng mas maraming liham, at gumugol ng mas maraming oras sa pag-iikot, pakikipaglaban kay Satanas, at pagbibigay ng magandang patotoo.” Ganyan niya ito hinarap. Mayroon ba siyang anumang pagsisisi? (Wala.) Wala siyang kahit katiting na pagsisisi, lalong wala siya ng kahit anumang kaalaman tungkol sa sarili niya. Wala siya ng kahit alin sa mga bagay na ito. Nagpapakita ito na mayroong problema sa kakayahan ni Pablo at na wala siya ng kakayahang maunawaan ang katotohanan. Ito ay bahagyang dahil sa kanyang pagkatao at sa kanyang hinangad, at bahagyang dahil sa kanyang kakayahan, hindi niya maarok ang mga bagay na ito, ni hindi niya napagtanto, “Labis-labis na ginawang tiwali ni Satanas ang tao. Ang kalikasan ng tao ay masyado nang bulok, labis na buktot. Ang kalikasan ng tao ay ang kalikasan ni Satanas at ng mga anticristo. Ito ang ugat ng pagtubos ng Diyos sa sangkatauhan. Kailangan ng tao ang pagtubos ng Diyos. Kaya paano dapat lumapit ang tao sa harap ng Diyos para tanggapin ang Kanyang pagtubos?” Kailanman ay hindi niya sinabi ang gayong mga bagay. Hindi niya talaga naunawaan kung bakit niya nilabanan at kinondena si Jesus. Bagamat inamin niya na siya ang pangunahing salarin, hindi niya talaga pinagnilay-nilayan ang usapin. Nagmuni-muni lang siya kung paano niya mabubura ang gayong mga seryosong kasalanan, kung paano siya makakapagbayad sa kanyang mga kasalanan, makakabawi sa kanyang mga kasalanan sa pamamagitan ng mga gawang may merito, at sa wakas ay makakamtan pa rin ang korona at mga gantimpalang inasahan niya. Anuman ang nangyari sa kanya, hindi niya maunawaan ang katotohanan o ang mga layunin ng Diyos mula sa mga bagay na nangyari sa kanya. Hindi niya talaga naunawaan ang mga layunin ng Diyos. Pagdating sa pag-unawa sa katotohanan, si Pablo ang pinakamalalang tao, kaya masasabi nating ang kakayahan ni Pablo ay ang pinakamalala.
Mauunawaan ba ng mga taong may napakahinang kakayahan ang katotohanan? (Hindi.) Maliligtas ba ang mga taong hindi nakakaunawa sa katotohanan? (Hindi.) Ang mga taong gustong maligtas ay dapat na kasiya-siya ang kakayahan. Dapat kahit paano ay katamtaman ang kakayahan nila, at hindi maaaring napakahina nila sa kakayahan. Dapat magkamit sila ng pagkaunawa sa katotohanan. Gaano man ang kayang maabot ng pagkaunawa nila sa katotohanan, dapat kahit paano ay makilala nila ang kanilang sarili batay sa pagkaunawa nila sa katotohanan at malaman kung paano isasagawa ang katotohanan. Sa ganitong paraan ay maaari silang maligtas. Bakit ko sinasabi na sa ganitong paraan ay maaari silang maligtas? Kapag naiuugnay mo sa katotohanan ang mga bagay na dumarating sa pang-araw-araw na buhay mo at nakikita at naitatrato mo ang mga bagay batay sa mga salita ng Diyos, madadala mo ang mga salita ng Diyos sa tunay na buhay mo, at, sa pundasyong ito, magagawa mong tanggapin ang mga paghatol ng mga salita ng Diyos, na mapungusan ng Kanyang mga salita, at ang mga pagsubok at pagpipino sa Kanyang mga salita. Kung hindi gayon, kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, ni hindi ka magiging kuwalipikadong tanggapin ang mga paghatol, pagsubok, at pagpipino ng Kanyang mga salita. Bago mo tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, dapat kahit papaano ay maunawaan mo ang ilang katotohanan, magkaroon ka ng saloobin ng pagpapasakop sa Diyos, at nagbago sa ilang paraan. Dapat mo ring malaman kung sa anong saloobin, mentalidad, at perspektiba mo dapat na harapin ang mga pagkilos ng Diyos. Ang lahat ng ito ay kinapapalooban ng katotohanan. Hindi ito ang kaso na ang paggamit ng mga simpleng relihiyosong islogan, relihiyosong seremonya, at mga patakaran para kaswal na harapin ang mga bagay na ito ay may kaugnayan sa katotohanan, hindi rin ito ang kaso na ang simpleng paggawa ng mabuti ay kinapapalooban ng pagsasagawa ng katotohanan. Hindi ito ganoon kasimple. Kaugnay sa nalalaman mo, sa nararanasan mo, at sa mga nangyayari sa paligid mo, dapat malaman mo sa puso mo ang mga prinsipyong dapat mong sundin. Tanging sa ganitong paraan ka lang sangkot sa katotohanan. Bukod dito, ang paraan ng pagtrato mo sa mga bagay na ipinagagawa ng Diyos sa iyo, ang paraan ng pagtrato mo sa pamamaraan at saloobin ng pagtrato ng Diyos sa iyo, gayundin ang saloobin at perspektiba na ginagamit mo, ay dapat na kinapapalooban ng katotohanan. Tanging sa ganitong paraan ka lang magkakaroon ng buhay pagpasok. Kung hindi gayon, hindi makakagawa ng anumang gawain ang Diyos sa iyo. Nauunawaan ba ninyo? (Nauunawaan namin.) Tingnan ninyo ang mga tao sa mga relihiyon na sumusunod sa mga patakaran, nagsasalita tungkol sa mga doktrina, at nagpapanggap na mabuti. Ang mga kilos nila ay mukhang mabuti sa panlabas, ngunit bakit hindi kailanman gumagawa ang Diyos sa kanila? Ito ay dahil ang mga bagay na ginagawa nila at ang lahat ng mabuting gawa nila ay hindi kinapapalooban ng katotohanan. Nagbago lamang sila ng pag-uugali nila, ngunit hindi ito kinapalooban ng pagbabago sa disposisyon nila. Ito ay dahil hindi sila nakaabot sa mga hinihingi at pamantayan ng Diyos. Ito ay kagaya ng isang bata na nakapagtapos pa lang sa elementarya na nais dumiretso sa unibersidad. Posible ba ito? Ito ay ganap na imposible dahil hindi siya kuwalipikado. Samakatwid, tungkol man sa landas na tinatahak ng mga tao ang ating pinag-uusapan o sa kanilang pagkatao at kakayahan, dapat kahit paano ay matugunan ng mga tao ang mga kondisyon na kinakailangan para sa kaligtasan. Partikular, dapat nilang maunawaan ang katotohanan, iwaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon, at magawang tunay na magpasakop sa Diyos.
Paano natin sinusukat ang kakayahan ng mga tao? Ang angkop na paraan para gawin ito ay sa pamamagitan ng pagtingin sa saloobin nila sa katotohanan at kung kaya nilang maunawaan ang katotohanan o hindi. Kaya ng ilang tao na napakabilis na matuto ng ilang kasanayan, ngunit kapag naririnig nila ang katotohanan ay naguguluhan sila at inaantok sila. Sa puso nila, nalilito sila, walang pumapasok sa naririnig nila, at hindi rin nila nauunawaan ang naririnig nila—iyan ang mahinang kakayahan. Sa ilang tao, kapag sinabi mong mahina ang kakayahan nila, hindi sila sumasang-ayon. Iniisip nila na ang pagiging mataas ang pinag-aralan at marunong ay nangangahulugang mabuti ang kakayahan nila. Ang isang mabuting edukasyon ba ay nagpapakita ng mataas na kakayahan? Hindi. Paano dapat sukatin ang kakayahan ng mga tao? Dapat itong sukatin batay sa antas ng pagkaarok nila sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Ito ang pinakawastong paraan ng paggawa nito. Ang ilang tao ay magaling magsalita, mabilis mag-isip, at bihasang-bihasa mangasiwa ng ibang tao—ngunit kapag nakikinig sila sa mga sermon, hindi nila kailanman nagagawang maintindihan ang kahit na ano, at kapag nagbabasa sila ng mga salita ng Diyos, hindi nila nauunawaan ang mga ito. Kapag nagsasalita sila tungkol sa kanilang patotoong batay sa karanasan, palagi silang bumibigkas ng mga salita at doktrina, ibinubunyag ang mga sarili nila bilang mga baguhan lamang, at ipinapadama sa iba na wala silang espirituwal na pang-unawa. Ang mga ito ay mga taong may mahinang kakayahan. Kaya, may kakayahan ba ang mga ganitong tao na gumawa ng gawain para sa sambahayan ng Diyos? (Wala.) Bakit? (Wala silang mga katotohanang prinsipyo.) Tama, ito ay isang bagay na dapat nauunawaan na ninyo ngayon. Ang isa pang paraan para sabihin na paggawa ng gawain para sa sambahayan ng Diyos ay ang pagtupad ng isang tao sa kanyang tungkulin. Pagdating sa pagtupad sa tungkulin ng isang tao, napapaloob dito ang katotohanan, ang gawain ng Diyos, ang mga prinsipyo ng pag-asal, at ang mga pamamaraan ng pagtrato sa lahat ng uri ng tao. Ang mga isyung ito ay may kinalaman lahat sa kung magagampanan ba o hindi ng mga tao ang mga tungkulin nila sa isang epektibo at kasiya-siyang pamamaraan. Ang mga isyung ito ba na may kaugnayan sa pagganap sa tungkulin ng isang tao ay may kinalaman sa katotohanan? Kung may kinalaman ang mga ito sa katotohanan, ngunit hindi mo nauunawaan ang katotohanan at sumasandig ka lang sa iyong kaunting katalinuhan, magagawa mo bang lutasin ang mga problema at gampanan nang maayos ang tungkulin mo? (Hindi.) Hindi. Kahit pa walang maging mali sa ilang usapin, maaaring ang mga bagay na iyon ay walang kinalaman sa katotohanan, at pawang mga panlabas na bagay lamang. Gayunman, dapat taglay mo pa rin ang mga prinsipyo kapag gumagawa ka ng mga panlabas na bagay, at dapat mong pangasiwaan ang mga ito sa isang paraan na itinuturing ng lahat bilang angkop. Ipagpalagay nang hiningi sa iyo na pangasiwaan mo ang isang bagay alinsunod sa mga prinsipyo nang ikaw lang, at habang ginagawa mo ito ay lumitaw ang isang hindi inaasahang sitwasyon, at hindi mo alam kung paano pangangasiwaan ito. Iniisip mo na dapat kang magpatuloy ayon sa karanasan mo, ngunit ang pagkilos mo nang eksaktong ayon sa itinuro sa iyo ng karanasan ay nakakagambala at nakakagulo lang sa bagay na ginagawa mo, sinisira ang lahat. Hindi ba’t isa itong pagkakamali? Ano ang sanhi nito? Ito ay dahil wala kang dalisay na pagkaunawa, hindi mo nauunawaan ang katotohanan, at hindi mo naiintindihan ang mga prinsipyo. Sa tuwing nahaharap ka sa mga usapin na may kinalaman sa katotohanan at mga prinsipyo, hindi mo nagagawang harapin ang mga ito, at nangingibabaw ang sarili mong kalooban. Bilang resulta, napipinsala mo ang gawain ng iglesia at ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at ipinapahiya mo ang sarili mo. Epektibo ba na harapin ang mga problema batay sa karanasan at mga pamamaraan ng tao? (Hindi.) Bakit hindi ito epektibo? Ito ay dahil ang karanasan at mga pamamaraan ng tao ay hindi ang katotohanan, at ang mga ito ay hindi tatanggapin ng mga hinirang na tao ng Diyos. Kung palagi mong pangangasiwaan ang mga problema gamit ang karanasan at mga pamamaraan ng tao, hindi ba’t ang ibig sabihin lang niyon ay iniisip mong mas matalino ka kaysa sa kung ano ka talaga? Hindi ba’t iyan ay kayabangan at pagmamagaling? Nakikipagtalo pa nga ang iba, “Hindi naman sa hindi ko nauunawaan ang katotohanan tungkol sa usaping ito—nauunawaan ko ito sa puso ko. Hindi ko lang ito iniisip nang lubos. Kung dadagdagan ko ang pagsisikap ko at mas maingat kong pag-iisipan ang usapin, maayos ko itong mapangangasiwaan. Noon, kapag nakikipag-ugnayan at nangangasiwa ako ng mga bagay-bagay kasama ang mga walang pananampalataya, kinakailangan kong gumamit ng ilang pamamaraan at diskarte. Gayunman, hindi pinapayagan ng sambahayan ng Diyos ang ganitong mga paraan, kaya hindi ko alam kung ano ang dapat kong gawin. Hinarap ko lang ang usapin sa sarili kong paraan, kaya hindi kataka-taka na may nagawa akong maliit na pagkakamali.” Kilala ba ng mga taong ito ang sarili nila? (Hindi.) Bakit hindi nila kilala ang sarili nila? Hindi ba’t may kinalaman ito sa katotohanan? Hindi nila hinahanap ang katotohanan sa usaping ito, kundi nag-iisip sila ng mga paraan para pagtakpan ang pagkakamali nila. Iniisip nila na nakagawa lang sila ng isang pagkakamali at naging pabaya lang sila sa kanilang pag-uugali. Hindi nila iniisip na ang kamalian nila ay may kinalaman sa katotohanan, o na ito ay lumitaw dahil sa kawalan nila ng pagkaunawa sa katotohanan at dahil sa katunayan na sila ay kumikilos batay sa mga tiwaling disposisyon nila. Ito ang ibig sabihin ng maging mahina ang kakayahan. Kapag nangyayari ang mga bagay-bagay, palaging naghahanap ang mga taong ito ng mga dahilan at palusot. Iniisip nila na nakagawa lang sila ng isang pagkakamali. Sa unang reaksyon nila, hindi nila alam na dapat nilang hanapin ang katotohanan. Sa pangalawang reaksyon nila, hindi pa rin nila alam na dapat nilang hanapin ang katotohanan. At sa pangatlong reaksyon nila, hindi pa rin nila alam na kailangan nilang hanapin ang katotohanan at kilalanin ang sarili nila. Ito ang ibig sabihin ng magkaroon ng napakahinang kakayahan. Kahit gaano mo sila gabayan, kahit gaano mo sila ilantad at kahit gaano ka makipagbahaginan sa kanila, hindi pa rin nila mapapagtanto kung anong mga katotohanang prinsipyo ang nilabag nila at kung anong mga katotohanan ang dapat nilang isagawa. Kahit gaano mo sila gabayan, hindi sila kailanman magkakaroon ng kamalayan sa mga bagay na ito. Kahit ang pinakamaliit na kakayahang maunawaan ang katotohanan ay wala sila. Ito ang ibig sabihin ng maging mahina ang kakayahan. Kahit gaano kalinaw ka pang magbahagi tungkol sa katotohanan, hindi nila mapapagtanto na ito ang katotohanan. Gagamitin nila ang mga sarili nilang dahilan at palusot, o sasabihin nilang ito ay isa lang pagkakamali o isang kamalian, upang mapagtakpan ang mga katunayan. Hindi nila aaminin kahit bahagya na nilabag nila ang katotohanan o na ipinakita nila ang mga tiwaling disposisyon nila. Kahit ano pa ang mga pagkakamaling ginawa nila, kahit ano pang mga tiwaling disposisyon ang ipinakita nila, o kahit gaano pa karaming tiwaling kalagayan ang nabuo nila, hindi nila mapapagtanto kahit kailan kung ano ba talaga ang mga tiwaling disposisyon na ipinakita nila, lalo na kung ano ang tiwaling diwa nila. Hindi rin nila alam kung paano hahanapin ang katotohanan o paano kikilalanin ang sarili nila sa usaping ito. Wala silang alam sa mga bagay na ito. Manhid ang kanilang espiritu at wala silang kahit katiting na pakiramdam sa mga bagay na ito. Ito ay pagpapamalas ng mahinang kakayahan.
Gumamit tayo ng ilang halimbawa upang magbahaginan nang kaunti tungkol sa kung paano susukatin ang kakayahan ng isang tao. Halimbawa, sinabi Ko na ang ilang tao ay nagpapaliban at pabasta-bastang ginagawa ang mga bagay-bagay. Pagkarinig nito, agad na mapagtatanto ng mga taong may mabuting kakayahan na ang kalagayang ito ay isang bagay na nararanasan din nila, at na madalas nilang nararanasan ang gayong kalagayan at saloobin kapag hindi maayos ang pakiramdam ng kanilang katawan o kapag sila ay negatibo at tinatamad. Dagdag pa rito, papasok sa isipan nila ang ilang panahon na ipinagpaliban nila ang isang bagay o na kumilos sila nang pabasta-basta sa ilang gawain. Ikukumpara nila ang sarili nila sa mga salita ng Diyos at aaminin nila na ang inilalantad ng Diyos ay ang realidad ng katiwalian ng tao at na ito ay may kaugnayan sa mga tiwaling disposisyon ng tao. Aaminin din nila na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan at mauunawaan nila ang mga ito nang dalisay, nang walang mga maling pagkaunawa o mga sarili nilang kuru-kuro. Ito ang ibig sabihin ng maging mabuti ang kakayahan. Pagkarinig sa mga salitang ito, ang unang magiging reaksyon nila ay ang sukatin ang sarili nila gamit ang mga ito. Mapagtatanto nila na ito ay isang kalagayan na nararanasan din nila, at iuugnay nila ang mga salitang ito ng Diyos sa mga sarili nilang kalagayan at pang-araw-araw na buhay. Pagkatapos, magninilay sila sa sarili, titingnan nila nang malinaw ang sarili nilang kalagayan, at tatanggapin nila na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan. Ganito ang reaksyon ng mga taong may mabuting kakayahan kapag naririnig nila ang mga salita ng Diyos. Para sa isang taong may katamtamang kakayahan, hindi mo lang maaaring sabihin na “nagpapaliban” at “pabasta-basta”. Dapat ay direkta mong tukuyin ang mga isyu nila sa pamamagitan ng paglalantad sa mga pagpapamalas nila, at pagsasama nito sa mga bagay na ginagawa nila, at sabihing, “Madalas na ikaw ay nalilito at hindi mo sineseryoso ang mga bagay-bagay. Nagiging pabasta-basta ka lang sa pagganap mo ng tungkulin mo nang ganito. Paanong hindi mo ito namamalayan? Ilang beses ko nang sinabi ito sa iyo? Ang tawag dito ay pagiging pabasta-basta at pagpapaliban.” Tukuyin mo ang mga problema nila nang ganito. Pagkatapos nilang marinig ito, pagninilayan nila kung paano sila nagpaliban at kumilos nang pabasta-basta. Pagkatapos nilang tunay na pagnilayan at malaman ito, aaminin nila ang mga pagkakamali nila at magagawa nilang ituwid ang mga ito. Gayunman, ang nakikilala nila ay isang permanenteng bagay, isang permanenteng kalagayan. Matatanggap at maaamin lang nila ang sinasabi mo kung ito ay tumutugma sa mga sarili nilang imahinasyon. Ito ang tinatawag natin na katamtamang kakayahan. Kailangan ng pagsisikap sa paggawa sa mga taong may katamtamang kakayahan, at tanging sa pamamagitan lang ng pagsasalita nang mula sa batayan ng mga katunayan na sila ay lubos mong makukumbinsi. Ano ang kalagayan ng mga taong may mahinang kakayahan? Paano sila dapat na harapin? Ang mga taong may mahinang kakayahan ay mapurol ang utak at wala sa tamang pag-iisip. Hindi nila naiintindihan ang alinman sa mga sitwasyong nakakaharap nila, at hindi nila hinahanap ang katotohanan. Kung hindi malinaw at direktang sasabihin sa kanila ng mga tao ang mga bagay-bagay, hindi nila mauunawaan ang mga ito nang sila lang. Kaya, kapag nakikipag-usap ka sa mga taong may mahinang kakayahan, dapat magsalita ka nang mas malinaw at mas direkta, at dapat magbigay ka rin ng mga halimbawa. Dapat magsalita ka batay sa mga katunayan, at ulit-ulitin mo ang sarili mo. Ito lang ang paraan para magkaroon ng kaunting epekto ang mga salita mo. Dapat magsalita ka nang ganito: “Nagpapaliban ka at nagiging pabasta-basta sa pamamagitan ng pagtupad sa tungkulin mo nang ganito!” Ano ang magiging unang reaksyon nila? “Ginawa ko ba iyon? Nagpaliban ba ako? Pagkagising na pagkagising ko sa umaga, nagsisimula akong mag-isip tungkol sa mga bagay na may kaugnayan sa tungkulin ko, at tinatapos ko muna ang mga bagay na iyon. Kapag lumalabas ako, iniisip ko rin kung paano gagawin nang maayos ang mga bagay na iyon. Hindi ako nagpapaliban o kumikilos nang pabasta-basta. Pinagsisikapan ko nang husto ang mga bagay na ito!” Ang unang magiging reaksyon nila ay ang itanggi ang sinabi mo. Wala silang kamalayan at, pangunahin sa lahat, hindi nila napagtatanto na ginagampanan nila ang mga tungkulin nila nang pabasta-basta at na nagpapaliban sila. Kailangan mong ipaliwanag sa kanila pagkatapos kung ano ang mga pagpapamalas ng pagpapaliban at pagiging pabasta-basta, at kailangan mong magsalita sa paraang tunay na makakukumbinsi sa kanila bago nila tatanggapin ang mga salita mo. Hindi madali para sa kanila na tanggapin na hindi sila nakagawa nang maayos o na nakagawa sila ng mga pagkakamali sa mga panlabas na usapin. Kung ang isang bagay ay may kinalaman sa katotohanan, sa mga prinsipyo ng pagsasagawa, o sa disposisyon ng Diyos, mas lalo pa itong mahirap para sa mga taong may mahinang kakayahan. Hindi nila mauunawaan ang anumang sinasabi mo, at habang mas nagsasalita ka, mas makakaramdam sila ng pagkalito at pagiging walang kaalam-alam, at hindi na nila gugustuhing makinig pa. Ang mga ito ay mga taong lubhang mahina ang kakayahan; ito ay pagpapamalas ng kawalan nila ng kakayahang maabot ang katotohanan. Para sa mga taong mahina ang kakayahan, kahit gaano ka pa magbahagi tungkol sa katotohanan, wala itong silbi. Kahit gaano mo pa sila subukang kausapin, hindi ka nila mauunawaan. Ang pinakamagagawa nila ay maunawaan ang ilang doktrina at regulasyon. Samakatwid, hindi kinakailangan na detalyadong magbahagi tungkol sa katotohanan sa mga taong napakahina ng kakayahan. Sabihin mo lang sa kanila kung ano ang dapat nilang gawin sa isang simpleng paraan, at kung masusunod nila iyon, mabuti na iyon. Walang anumang kakayahang makaunawa ang mga taong labis na mahina ang kakayahan, hanggang sa punto na hindi nila magagawang maunawaan ang katotohanan kailanman, at lalo nang hindi sila mahihingan na abutin ang antas ng pagkilos ayon sa mga prinsipyo. Kung may mangyari sa harap mismo ng mga taong ito at ipapaliwanag mo ito sa kanila, hindi pa rin nila ito maiuugnay sa sarili nila. Ito ang tinatawag natin na mahinang kakayahan. Halimbawa, pagdating sa pagsisinungaling, tingnan mo kung ano ang reaksyon ng mga taong may mabuting kakayahan. Kapag naririnig ng mga taong may mabuting kakayahan na nagsasalita ang iba tungkol sa kung paano nila hinarap at nilutas ang mga kalagayan ng pagsisinungaling at panlilinlang, na nagsasalita tungkol sa kanilang mga kalagayan ng pagsisinungaling at nagbibigay ng mga halimbawa, magninilay sila sa sarili nila at ihahambing nila ang narinig nila sa mga sarili nilang kalagayan. Pagkatapos, magagawa nilang tukuyin ang mga sitwasyon kung saan nagsinungaling sila at kung ano ang mga layunin nila noong kumikilos sila nang ganoon. Batay sa mga paghahayag sa mga pang-araw-araw na buhay nila, sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga layunin, motibo, at kaisipan nila, magagawa ng mga taong may mabuting kakayahan na matuklasan kung alin sa mga salita nila ang mga kasinungalingan at alin ang mayroong panlilinlang. Kapag nakikinig sila sa mga patotoong batay sa mga karanasan ng ibang tao, makikinabang sila at mayroon silang makakamit. Kahit pa magsalita ka tungkol lang sa ilang prinsipyo, mauunawaan at matututunan nilang gamitin ang mga ito. Pagkatapos, ituturing nila ang mga salitang ito bilang mga katotohanang prinsipyo, gagawin ang mga ito bilang sarili nilang realidad at, unti-unti, babaguhin nila ang sarili nila. Pagkatapos marinig ng isang tao na may katamtamang kakayahan ang mga patotoong batay sa mga karanasan ng ibang tao, magagawa niyang makita kung paano nauugnay sa kanyang sarili ang mga halatang kaso, pero hindi niya maiuugnay sa kanyang sarili ang mga bagay na hindi gaanong halata o ang mga bagay na nasa kaibuturan ng puso ng mga taong iyon na hindi pa napapahayag sa kanilang mga salita. Dagdag pa rito, mas mababaw rin nang kaunti ang pagkaunawa niya sa mga katotohanang prinsipyo, gaya ng mga doktrina. Ang antas ng pagkaunawa niya ay higit na mas mababa kaysa sa mga taong may mabuting kakayahan. Para naman sa mga taong mahina ang kakayahan, kapag nakikinig sila sa mga patotoo ng iba, kahit gaano pa kaingat na suriin ng mga taong iyon kung aling mga bagay ang kasinungalingan at mga walang kabuluhang salita at kung aling mga bagay ang mga mapanlinlang na kalagayan, hindi nila ito magagawang iugnay sa sarili nila, at hindi nila magagawang pagnilayan o kilalanin ang sarili nila. Hindi lamang bigo ang mga taong ito na kilalanin ang mga sarili nilang pagsisinungaling at mapanlinlang na kalagayan, kundi iniisip pa nila na sila ay mga napakatapat na tao na hindi kayang magsinungaling. Kahit pa magsinungaling ang iba at linlangin sila, hindi nila ito makikilatis at madali silang maloloko. Lalo nang mas hindi nila kayang maunawaan ang mga katotohanang prinsipyo na ibinabahagi ng iba. Wala silang kahit na katiting na kakayahang makaunawa. Ito ay pagpapamalas ng mahinang kakayahan.
Sa mga taong may tatlong uri ng kakayahan na kababanggit lang natin, alin sa kanila ang makakapagsakatuparan ng pagbabago sa disposisyon? Aling uri ng tao ang makakapasok sa katotohanang realidad? (Ang mga taong may mabuting kakayahan.) Makakapasok sa katotohanang realidad nang mas mabilis at mas malalim ang mga taong may mabuting kakayahan. Ang mga taong may katamtamang kakayahan ay makakapasok nang mas mabagal at mas mababaw. Hindi man lang makakapasok ang mga taong may mahinang kakayahan. Ito ang pagkakaiba. Nakikita mo ba kung paano nagkakaiba ang mga tao sa isa’t isa? (Oo.) Ano ang mga pagkakaiba nila? Makikita ang mga pagkakaiba nila sa kakayahan nila at sa saloobin nila sa katotohanan. Mabilis na makapapasok sa katotohanang realidad at magkakamit ng buhay ang mga taong nagmamahal sa katotohanan at may mabuting kakayahan. Matigas ang ulo at manhid ang mga taong may katamtamang kakayahan. Ang pagpasok nila sa katotohanan ay mabagal, at ang paglago ng buhay nila ay mabagal din. Ang mga taong may mahinang kakayahan ay hindi lamang hangal at mayabang, kundi sila rin ay estupido, na ang mga mukha ay walang emosyon at walang buhay; manhid ang kanilang espiritu, mabagal ang kanilang reaksyon, at mabagal silang makaarok sa katotohanan. Ang gayong mga tao ay walang buhay, dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan, at wala silang ginagawa kundi magsalita nang tungkol sa mga doktrina, sumigaw ng mga islogan, at sumunod sa mga regulasyon. Dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan, hindi sila makapapasok sa katotohanang realidad. May buhay ba ang mga taong hindi makapapasok sa katotohanang realidad? Wala silang buhay. Kapag may nangyayari sa mga taong walang buhay, sinusunod nila ang sarili nilang kalooban at pikit-mata silang kumikilos, lumilihis sa isang direksyon minsan, at sa ibang direksyon naman sa ibang pagkakataon, walang tiyak na landas ng pagsasagawa, at palagi silang nag-aalangan at kaawa-awa. Kahabag-habag silang pagmasdan. Sa mga nakalipas na taon, madalas Kong naririnig na sinasabi ng ilang tao na hindi nila alam ang gagawin kapag may nangyayari sa kanila. Paanong iyan pa rin ang sitwasyon pagkatapos nilang makapakinig ng napakaraming sermon? Ang mga pagpapahayag nila ay nagpapakita na hindi talaga nila alam ang gagawin nila. Ang mga mukha nila ay walang emosyon at walang buhay. Sinasabi ng ilang tao, “Paano ako matatawag na manhid? Napakasensitibo ko sa kung ano ang popular sa mundo. Alam ko kung paano gamitin ang lahat ng uri ng computer, cellphone, at game console. Wala kayong alam at hindi ninyo alam kung paano gamitin ang mga ito. Paanong napakahina ng kakayahan ninyo?” Ngunit ang kaunting katalinuhan nila ay isa lamang kasanayan, kaunting karunungan—hindi ito maituturing na kakayahan. Kung hihingin mo sa kanila na makinig sa sermon o na magbahagi tungkol sa katotohanan, ang mga taong ito ay nabubunyag: Sa kanilang espiritu, sila ay napakamanhid. Gaano sila kamanhid? Maraming taon na silang nananampalataya sa Diyos, ngunit hindi pa rin sila nakatitiyak kung maliligtas ba sila at hindi nila ito masukat, at hindi rin malinaw sa kanila kung anong uri ng tao sila. Kung tatanungin mo sila kung ano ang palagay nila sa kakayahan nila, sasabihin nila, “Ang kakayahan ko ay mas mababa nang kaunti kaysa sa mabuting kakayahan, ngunit higit na mas mabuti kaysa sa katamtamang kakayahan.” Ipinapakita niyan kung gaano kahina ang kakayahan nila. Hindi ba’t medyo kahangalan ito? Ang mga taong may napakahinang kakayahan ay nagbubunyag ng ganitong uri ng kahangalan. Ano pa man ito, kung ang isang bagay ay may kinalaman sa katotohanan o sa mga prinsipyo, wala silang maiintindihan dito at hindi nila maaabot ang antas na ito. Ito ang ibig sabihin ng maging mahina ang kakayahan.
Ngayong nagbahaginan na tayo sa mga bagay na ito, masusukat na ba ninyo kung ano ang mabuting kakayahan at kung ano ang mahinang kakayahan? Kung kaya ninyong maunawaan kung ano ang mabuting kakayahan at kung ano ang mahinang kakayahan, at malinaw na makita ang sarili ninyong kakayahan at ang inyong kalikasang diwa, makakatulong ito para makilala ninyo ang inyong sarili. Sa oras na mayroon na kayong malinaw na ideya sa posisyon ninyo, magkakaroon na kayo ng kaunting katwiran at malalaman na ninyo ang sarili ninyong sukat. Hindi kayo madaling yayabang at mas magiging matatag at panatag kayo kapag gumagawa kayo ng inyong tungkulin. Hindi magiging masyadong mataas ang inyong ambisyon at magagawa ninyong gampanan ang inyong gawain. Kapag hindi kilala ng mga tao ang sarili nila, nagdudulot ito ng maraming gulo. Anong uri ng gulo? Kahit na ang kakayahan nila ay malinaw na katamtaman lamang, palagi nilang iniisip na mayroon silang mabuting kakayahan, mas mabuti kaysa sa iba. Palaging mayroong mga udyok sa puso nila at palagi nilang nais na maglingkod bilang mga lider at mamuno sa iba. Palaging mayroong gayong mga bagay sa puso nila, kaya makakaapekto ba ito sa pagganap nila sa mga tungkulin nila? Palagi silang ginugulo ng mga bagay na ito, hindi panatag ang puso nila, at hindi nila kayang huminahon. Hindi lamang nila hindi nagagampanan nang maayos ang mga tungkulin nila, kundi gumagawa pa sila ng ilang hangal at kahiya-hiyang bagay, at ilang bagay na walang katwiran na kinasusuklaman ng Diyos. Mayroon silang gayong mga seryosong problema—ayos lang ba na manatiling hindi nalulutas ang mga ito? Tiyak na hindi, dapat hanapin ng mga taong ito ang katotohanan upang lutasin ang mga ito. Una sa lahat, dapat silang manalangin sa Diyos at magnilay kung bakit mayroon silang gayong mga kaisipan, kung bakit sila ay napakaambisyoso, at kung saan nanggagaling ang mga bagay na ito. Kung pag-iisipan lamang nila ang mga bagay na ito sa isang simpleng pamamaraan, matutuklasan ba nila ang diwa ng mga problema? Tiyak na hindi. Dapat silang manalangin sa Diyos at magbasa ng mga salita ng Diyos upang mahanap nila ang ugat ng mga problema—saka pa lang magiging madali para sa kanila na lutasin ito. Ang mga ambisyon at pagnanais nila ay maaalis lamang kapag nalutas na nila ang mga tiwaling disposisyon nila. Sa ganitong paraan, magagawa nilang gampanan ang mga tungkulin nila sa isang praktikal na pamamaraan, at mas lalo silang magiging masunurin; hindi na sila masyadong magyayabang, maniniwala na mas mabuti sila kaysa sa lahat, o kikilos nang may pagmamataas, at hindi nila mararamdaman na naiiba sila sa iba. Hindi na sila gagambalain ng mga tiwaling disposisyong ito, at higit silang gugulang. Kahit papaano man lang, magtataglay sila ng marangal at matuwid na kagandahang-asal ng isang banal. Tanging sa ganitong paraan lang sila makakatiyak na mabubuhay sila sa harap ng Diyos. Kapag nananampalataya sa Diyos ang mga tao at pumupunta sila sa sambahayan ng Diyos, dapat man lang ay nagtataglay sila ng konsensiya at katwiran upang matanggap nila ang katotohanan. Kung gaya sila ng mga walang pananampalataya, gaya ng maiilap na mababangis na hayop, hindi nila magagawang lumapit sa harap ng Diyos. Sinasabi ng ilang tao, “Ano ba ang napakahirap sa paglapit sa harap ng Diyos? Madalas akong lumalapit sa harap ng Diyos.” Hindi isang simpleng bagay ang lumapit sa harap ng Diyos. Dapat mayroon kang tamang saloobin at pusong nagpapasakop sa Diyos upang tanggapin ka ng Diyos. Kung ang mga taong gaya ng mga hayop ay lumalapit sa harap ng Diyos, tiyak na kapopootan at kamumuhian sila ng Diyos. Samakatwid, ang paglapit sa harap ng Diyos ay hindi isang bagay na maaaring matupad sa pamamagitan ng pangangarap nang gising ng mga tao, hindi ito na para bang kikilalanin ng Diyos na lumapit ka sa harap Niya dahil lamang gusto mo. Ang karapatang magdesisyon sa usaping ito ay nasa mga kamay ng Diyos. Makalalapit ka lang sa harap ng Diyos kapag kinilala ka ng Diyos. Tanging kapag mayroon kang mga tamang layunin, kapag hinahanap mo ang katotohanan, at madalas kang nananalangin sa Diyos, na matatanggap mo ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Saka pa lang na tunay kang nakalapit sa harap ng Diyos. Kung sinasabi ng Diyos na ikaw ay isang ignoranteng karaniwang tao, isang mailap na mabangis na hayop, bibigyan ka ba ng pansin ng Diyos? (Hindi.) Hindi ka bibigyan ng pansin ng Diyos, bibigyan ka lamang Niya ng mga bagay na mabababaw, gaya ng kaunting biyaya at ng ilang pagpapala. Sa totoong kahulugan, hindi mo man lang magagawang tunay na maging malapit sa Diyos o lumapit sa harap Niya. Kaya, bago ka kilalanin ng Diyos bilang isang tagasunod Niya, kailangan mo munang gumawa ng ilang pagbabago upang marating mo ang punto kung saan kinikilala ka ng Diyos bilang isang miyembro ng Kanyang sambahayan. Saka pa lang na sisimulan ng Diyos na subukin ang tungkulin mo at subukin ang bawat salita at gawa mo, ang bawat kaisipan at ideya mo, saka pa lang na magsisimula ang Diyos na gumawa sa iyo. Bago pumasok sa pintuan ng sambahayan ng Diyos, ang ilang pag-uugali at pagpapamalas ng mga tao, ang mga paghahayag ng kanilang pagkatao, ang kanilang mga pagsasagawa, ang kanilang mga kaisipan at ideya, at ang kanilang mga saloobin sa Diyos ay kamuhi-muhi at kasuklam-suklam sa Diyos. Kukunin ba ng Diyos ang mga kamay ng mga taong para sa Kanya ay kamuhi-muhi at nakapandidiri at aakayin ba Niya sila papasok sa pintuan ng sambahayan Niya? (Hindi Niya gagawin ito.) Kung gayon, bakit nakakaramdam ng labis na kasiyahan at kagalakan ang ilang taong gaya nito? Saan nanggagaling ang damdaming ito? Mula sa pagpapanggap. Hindi ba’t ito ay medyo walang katwiran? (Oo.) Ang Diyos—ang Lumikha—ay ganap na may mga pamantayan sa pagpili ng mga tagasunod Niya. Hindi sapat na basta lang nananampalataya ang mga tao. Gusto ng Diyos ng mga tapat na tao, at pinagpapala ng Diyos ang mga taong taos-pusong iginugugol ang sarili nila para sa Kanya. Ginagamit ng Diyos ang mga taong kayang dumakila at magpatotoo sa Kanya. Ang mga pamantayan ng Diyos para sa mga tao ay iba sa mga pamantayan ng tao. Kapag pumipili ka ng sasamahang kaibigan, kailangan mong isaalang-alang ang karakter nila, kung sila ba ay akma sa panlasa mo, kung anong uri ng personalidad ba ang mayroon sila, kung ang mga libangan ba nila ay tulad ng sa iyo, at ang kanilang itsura. Kahit ikaw ay may mga pamantayan kapag pumipili ng mga tao, kaya paano pa ang Diyos? Sinasabi ng ilang tao, “Anong pamantayan ang ginagamit ng Diyos sa pagpili ng mga tao? Ganoon ba kahirap na lumapit sa Diyos? Ganoon ba kahirap para sa mga tao na lumapit sa harap ng Diyos at pumasok sa pintuan ng sambahayan ng Diyos?” Sa katunayan, hindi ito mahirap, hindi mataas ang sukatan, ngunit may mga pamantayan. Una, ang mga tao kahit papaano man lang ay dapat mayroong makadiyos na saloobin at alam ang kanilang posisyon. Dagdag pa rito, dapat silang lumapit sa Diyos nang may tapat at dalisay na puso. Gayundin, dapat silang kumilos nang may kagandahang-asal ng isang banal sa lahat ng ginagawa at sinasabi nila, at kahit papaano, dapat nagtataglay sila ng ilang mabubuting salita at gawa, ugali, at kinalakhan. Kung ni hindi mo natutupad ang mga pangunahing kondisyong ito, sa totoo lang, hindi ka talaga bibigyan ng pansin ng Diyos. Alam mo ba kung ano ang nangyayari dito? Pagdating sa ilang taong nananampalataya sa Diyos, tingnan mo ang ginagawa nila, ang ipinapamalas nila, at ang inihahayag nila. Bakit sila labis na kasuklam-suklam at kamuhi-muhi para sa Diyos? Ito ay dahil ang mga taong ito ay walang pagkatao, walang konsensiya at katwiran, at kahit ang pinakapangunahin at mahalagang kagandahang-asal ng isang banal ay wala sila. Nais ng mga taong gaya nito na hawakan ng Diyos ang kamay nila at akayin sila papasok sa pintuan ng Kanyang sambahayan, ngunit imposible iyan. Ang mga hangal lang ang magpapalaganap ng ebanghelyo sa mga taong gaya nito na walang pagkatao. Ang ilang tao ay naglalagay ng makapal na makeup at nagsusuot ng masasagwang kasuotan sa pang-araw-araw na buhay nila. Nagdadamit sila sa paraang mas nakakaakit pa kaysa sa mga babaeng sumasayaw na kabilang sa mga walang pananampalataya. Sa kanilang mga pribadong buhay at sa kanilang asal, hindi mo makikita kung paano sila naiiba sa mga walang pananampalataya. Kapag kasama sila ng mga kapatid, malinaw na para silang mga walang pananampalataya at mga hindi mananampalataya. Ang gayong mga tao ay maaaring magmukhang mga tunay na mananampalataya sa panlabas; maaaring tinalikuran nila ang mga bagay-bagay, maaaring nagagawa nilang gampanan ang mga tungkulin nila, at maaaring ang ilan sa kanila ay hindi aatras kapag naharap sa mga pag-uusig at paghihirap, ngunit matatanggap ba ng gayong mga tao ang katotohanan? Matatanggap ba nila ang paghatol at pagkastigo ng Diyos? Batay sa mga bagay na ipinamumuhay nila, sila ba ay mararangal at matutuwid na tao? Sila ba ay mga tapat na tao? Sila ba ay mga taong nagmamahal sa katotohanan? Sila ba ay mga taong taos-pusong iginugugol ang kanilang sarili para sa Diyos? Gusto ba ng Diyos ang mga taong gaya nito? Tiyak na hindi. Ang mga ito ay mga walang pananampalataya na palihim na pumasok sa sambahayan ng Diyos. Nasa labas sila ng pintuan ng sambahayan ng Diyos at hindi pa nakakadaan. Ang mga bagay na ginagawa nila para sa sambahayan ng Diyos ay tulong at pagpapakapagod—sila ay mga kaibigan ng iglesia, ngunit hindi bahagi ng sambahayan ng Diyos. Hindi gusto ng Diyos ang mga walang pananampalataya o ang mababangis na hayop. Mayroon ding ilang tao na, batay sa maraming taon nila ng pananampalataya sa Diyos, sa kaunting kapital na tinataglay nila, at sa mga importanteng tungkulin na nagampanan nila noon, ay agresibong pinasusunod ang iba sa sambahayan ng Diyos, nagnanais na kontrolin ang iglesia at taglayin ang lahat ng awtoridad. Ang mga saloobin ng mga taong ito sa Diyos at sa katotohanan ay kamuhi-muhi sa Diyos. Batay sa kanilang diwa at sa mga bagay na nasa kaibuturan ng puso nila, hindi kinikilala ng Diyos ang gayong mga tao bilang mga miyembro ng Kanyang sambahayan. Dahil hindi kinikilala ng Diyos ang gayong mga tao bilang mga miyembro ng Kanyang sambahayan, bakit sila pinapayagan ng Diyos na gumawa sa Kanyang sambahayan? Pinapayagan sila ng Diyos na tumulong o gumawa ng pansamantalang gawain. Sa proseso ng pagtulong at paggawa ng pansamantalang gawain, kung mayroon talaga silang konsensiya at katwiran, kung kaya nilang makinig, magpasakop, at tumanggap ng katotohanan, at kung mayroon silang kagandahang-asal ng isang banal at isang may-takot-sa-Diyos na puso, at kung ginagawa nila ang mga bagay-bagay nang taos-puso, kung nakakapasa sila sa mga pagsubok na ito, aakayin sila ng Diyos papunta sa Kanyang sambahayan, at sila ay magiging mga miyembro ng sambahayan ng Diyos. Sa oras na ito, ang gawaing ginagawa nila at ang ipinagkakatiwala ng Diyos sa kanila ay magiging mga tungkulin nila. Ang ginagawa ng mga tao sa labas ng pintuan ng sambahayan ng Diyos ay hindi paggampan sa isang tungkulin, ito ay paggawa at pagtulong sa sambahayan ng Diyos, at ang mga taong ito ay mga trabahador.
Ngayon, masusukat ba ninyo kung kayo ay miyembro ng sambahayan ng Diyos? Kung huhusgahan ninyo sa haba ng panahon na kayo ay nanampalataya sa Diyos, dapat kayo ay miyembro, ngunit ito ba ay tumpak na pamamaraan ng pagsukat? (Hindi.) Ano ang batayan na dapat ninyong gamitin sa pagsukat? Batay ito sa kung ikaw ay mayroong panloob na reaksyon kapag narinig mo ang katotohanan, kung nakokonsensiya ka ba, napapagalitan, at nadidisiplina sa kaibuturan ng puso mo kapag nilalabag mo ang katotohanan o lumalaban at naghihimagsik ka sa Diyos. Dinidisiplina ang ilang tao sa anyo ng pagkakaroon ng mga singaw sa bibig pagkatapos nilang magbitiw ng mga mapanghusgang salita; ang iba ay kumikilos nang pabasta-basta, hindi sineseryoso ang bagay-bagay, kaya pinararanas sila ng Diyos ng karamdaman. Kapag binanggit ang mga bagay na ito, kapag nakakaramdam ang mga taong ito ng matinding pagsisisi sa kaibuturan nila at nagagawang magsisi—kung ipinapakita nila ang mga pagpapamalas na ito—kung gayon ay mga miyembro sila ng sambahayan ng Diyos. Itinuturing ng Diyos ang mga taong ito bilang mga miyembro ng sambahayan ng Diyos, ng sarili Niyang pamilya. Itinutuwid, dinidisiplina, pinagagalitan, at pinupungusan sila ng Diyos—ganito ang maging isang miyembro ng sambahayan ng Diyos. Kapag ang saloobin mo sa Diyos ay nagbabago at kaya mong magsisi, babaguhin din ng Diyos ang saloobin Niya sa iyo. Kapag pumasok ka sa buhay, at ang mga pananaw mo sa bagay-bagay at ang direksyon mo sa buhay ay nagkaroon ng ilang pagbabago, at ang pananalig at pagkatakot sa Diyos na pinanghahawakan mo sa kaibuturan ng puso mo ay dahan-dahang lumago at nagbago, naging bahagi ka na ng sambahayan ng Diyos. Maraming taon nang nananampalataya sa Diyos ang ilang tao, ngunit wala silang masyadong nagawa para sa kapakinabangan ng sambahayan ng Diyos. Sa katunayan, nakagawa sila ng marami-raming masamang bagay. Sila ay nagsinungaling at nandaya, ginawa ang bagay-bagay sa pabasta-bastang paraan, kumilos nang walang pakundangan at sarilinan, nagnakaw ng mga handog, naghasik ng hindi pagkakasundo, nagdulot ng mga paggambala at panggugulo, at sinira ang gawain ng iglesia. Marami silang nagawang mga pagkakamali, ngunit hindi sila kailanman nakaramdam ng kahihiyan. Walang pagsisisi sa puso nila, at wala sila ni katiting na pang-uusig ng konsensiya. Ang mga ito ay mga taong nakatayo sa labas ng pintuan ng sambahayan ng Diyos. Ang ganitong uri ng mga tao ay palaging nabubuhay sa labas ng pintuan ng sambahayan ng Diyos. Wala silang sinusunod na mga prinsipyo sa ginagawa nila at hindi sila interesado sa mga salita ng Diyos o sa katotohanan. Nakatuon lamang sila sa pagganap sa mga gawain, sa pagpapakaabala, sa pagsisikap, sa pagpapakitang-gilas at sa pag-iipon ng personal na kapital. Pabasta-basta silang kumikilos pagdating sa gawain ng iglesia at sa kanilang mga tungkulin; pinagsisinungalingan at nililinlang nila ang Diyos, at inililigaw at kinokontrol pa nga nila ang mga kapatid. Hindi sila nakakaramdam ng kahit katiting na pagsaway o pagsisisi, at hindi rin nila nararamdaman ang pagdidisiplina ng Diyos. Ang mga taong ito ay hindi mga miyembro ng sambahayan ng Diyos. Sa panlabas, ang ganitong uri ng tao ay nagpapakita ng labis na kasigasigan sa pagpapakaabala at paggugol sa kanyang sarili; malaki ang pananalig niya at handa siyang gugulin ang sarili niya. Tila minamahal niya talaga ang katotohanan, minamahal ang Diyos, at handang isagawa ang katotohanan. Gayumpaman, sa oras na makinig siya sa mga sermon, inaantok siya, hindi mapirmi sa pagkakaupo, at pakiramdam niya ay itinataboy siya. Sa puso niya, iniisip niya, “Hindi ba’t ang pagbabahagi sa mga bagay na ito ay pagtukoy lang sa mga kalagayan ng mga tao, sinasabi sa mga tao na kilalanin ang sarili nila, pagkatapos ay ipaunawa sa kanila ang kaunting katotohanan at sa huli ay maisakatuparan ang pagpapasakop? Nauunawaan ko ang lahat ng ito, kaya bakit kailangan itong ibahagi muli?” Hindi talaga minamahal ng mga taong ito ang katotohanan, at kahit ganito, wala silang nararamdamang kahihiyan at wala silang natatanggap na pagdidisiplina, na para bang wala talaga silang puso. Lahat ng taong ito ay nasa labas ng sambahayan ng Diyos. Sila ay mga walang pananampalataya. Magmula noong unang tinanggap nila ang gawain ng Diyos hanggang ngayon, hindi talaga nila kailanman kinilala na sila ay mga nilikha at na ang Diyos ang Lumikha sa kanila. Hindi nila tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti at hindi nila ginagampanan nang buong puso ang mga tungkulin nila. Gayumpaman, dahil mayroon silang kaunting tusong katalinuhan at kaunting kasigasigan, kasama ng ambisyon nila, nakatuon sila sa pagpapakaabala at paggawa ng gawain para makamit ang paghanga ng mga tao, lahat ay para magkaroon sila ng posisyon sa sambahayan ng Diyos. Iniisip nila, “Sa pamamagitan ng paggawa sa mga gawaing ito at pagpapakaabala nang ganito, nakilala ang pangalan ko at nagkamit ng kredibilidad sa iba’t ibang lugar. Nasiguro ko na ang posisyon ko sa iglesia, at saan man ako pumunta, tinitingala ako ng mga kapatid. Sapat na ang pagkakaroon ng gayong reputasyon sa mga kapatid; ibig sabihin nito ay may buhay ako. Tungkol sa kung paano ito binibigyang-depinisyon ng Diyos, hindi kailangang maging metikuloso rito.” Anong uri ng mga tao ang mga ito? Sa totoo lang, sila ay mga hindi mananampalataya. Ano ang batayan para sabihin ang ganito? Ang batayan ay ang saloobin nila sa katotohanan at sa Diyos. Hindi sila kailanman nagsisi, hindi nila kailanman nakilala ang mga sarili nila, at hindi kailanman nalaman kung paano ang magpasakop sa Diyos. Sa halip, ginagawa nila ang anumang gusto nila, nakikilahok sa personal na pamamahala sa ngalan ng pagganap sa mga tungkulin nila, at binibigyan ng kasiyahan ang mga sarili nilang pagnanasa at kagustuhan. Napakaraming taon na silang nananampalataya sa Diyos at nakapakinig na ng napakaraming sermon, ngunit wala silang konsepto ng katotohanan, at wala silang konsepto na ang pananampalataya sa Diyos ay humihingi na isagawa ng isang tao ang katotohanan. Pagkatapos makapakinig sa napakaraming sermon, hindi pa rin nila naunawaan kung tungkol saan talaga ang daan. Sa kaibuturan ng puso nila, hindi nila nararamdaman na ang tao ay lubos na tiwali at nangangailangan ng pagliligtas ng Diyos. Wala rin silang tunay na pagnanais at pananabik sa katotohanan at sa Diyos sa kaibuturan ng puso nila. Hindi ba’t problematiko ito? (Oo.) Napakaproblematiko nito. Para sa kanila, ang Diyos, ang katotohanan, at ang kaligtasan ay retorika lang, isang uri lang ng argumento o islogan. Iyan ay napakaproblematiko.
Ano ang nakikita ninyo na pinakamalinaw na pagkakaiba nina Pablo at Pedro? Nagtrabaho si Pablo sa loob ng maraming taon, naglalakbay, ginugugol ang sarili, nagkokontribusyon, at nagtitiis ng maraming pagdurusa, ngunit ang landas na tinahak niya ay hindi kinapalooban ng katotohanan, hindi kinapalooban ng pagpapasakop sa Diyos, hindi kinapalooban ng pagbabagong disposisyonal, at tiyak na hindi kinapalooban ng pagkakaligtas. Samakatwid, kahit gaano kataas ang reputasyon ni Pablo, kahit gaano naimpluwensiyahan ng mga sinulat niya ang mga susunod na henerasyon, hindi siya isang tao na tunay na nagmahal sa Panginoong Jesus. Wala siyang tunay na pang-unawa sa Panginoong Jesus, hindi niya kinilala ang Panginoong Jesus bilang ang nag-iisang tunay na Diyos, kundi kinilala lang niya ang Panginoong Jesus bilang Anak ng Diyos, bilang isang ordinaryong tao. Dahil dito, wala siyang tunay na pagpapasakop sa Panginoong Jesus; ginawa lang niya ang lahat ng magagawa niya para palaganapin ang ebanghelyo at makuha ang mga tao, makapagtayo ng mga iglesia, at personal silang gabayan sa pag-asang makakamit ang pagsang-ayon ng Diyos, ngunit siniyasat ng Diyos ang puso ni Pablo at hindi siya sinang-ayunan ng Diyos. Sa kabaligtaran, tahimik na ginawa ni Pedro ang mga bagay-bagay, at ang puso niya ay palaging puno ng mga sinabi ng Panginoong Jesus sa kanya. Hinangad niya ang pagmamahal at pang-unawa sa Diyos ayon sa mga hinihingi ng Panginoong Jesus. Sa panahong ito, tinanggap niya ang mapagalitan, mapungusan, at maging ang sawayin pa nga ng Diyos. Ano ang mga salitang ginamit ng Diyos para sawayin si Pedro? (“Lumagay ka sa likuran Ko, Satanas” (Mateo 16:23).) Tama, “Lumagay ka sa likuran Ko, Satanas.” Sinabi ng Diyos ang gayong mga salita, ngunit hindi ang mga salitang ito ang nagtakda ng wakas ni Pedro, ang mga ito ay pagsaway lang. Sinaway ba ng Diyos si Pablo sa panahon ng kanyang gawain? (Hindi.) Sa isang banda, sa pagtingin sa mga subhetibong salik, hindi siya sinaway ng Diyos. Sa kabilang banda, sa perspektiba ng mga obhetibong salik, hindi tinanggap ni Pablo ang katotohanan, hindi hinanap ang katotohanan, at hindi talaga hinanap ang landas ng pagtanggap ng kaligtasan, kaya hindi niya matatanggap o mararanasan ang mga bagay na ito. Ang gawain na ginawa ng Diyos sa kanya ay gamitin ang kanyang serbisyo—kung makakapagtrabaho siya hanggang sa huli nang hindi gumagawa ng anumang malaking kasamaan, maaari siyang manatili bilang isang tagapagserbisyo; kung nakagawa siya ng anumang malaking kasamaan, gayumpaman, magiging iba ang kalalabasan. Iyan ang pagkakaiba. Sa kabilang banda, nakatanggap si Pedro ng labis na pagdidisiplina, pagtutuwid, at pagpupuna mula sa Diyos. Sa panlabas, tila hindi umayon si Pedro sa mga layunin ng Diyos, kaya hindi nalugod ang Diyos, ngunit sa perspektiba ng mga layunin ng Diyos, ang gayong tao ang eksaktong gusto Niya at nakapagpalugod sa Kanya. Iyon ang dahilan kaya tuloy-tuloy siyang itinuwid at pinungusan ng Diyos, kaya unti-unti siyang lumago, pumasok sa katotohanan, at naunawaan ang mga layunin ng Diyos, sa huli ay naisakatuparan ang tunay na pagpapasakop at ang tunay na pagbabago. Ito ang pagmamahal ng Diyos at ang pagliligtas ng Diyos.