Ang Pagpapahalaga sa mga Salita ng Diyos ang Pundasyon ng Pananampalataya sa Diyos (Ikatlong Bahagi)
Ano ang kasunod na linya? (“Dapat kang magkaroon ng masidhing paghahangad para sa Diyos, sabik na sabik na naghahangad.”) Lahat ito ay mga hinihingi na itinatakda ng Diyos para sa mga tao. Kung gusto ng mga taong maunawaan ang katotohanan at maligtas, dapat asamin ito ng kanilang puso, dapat magkaroon sila ng kagustuhang hangarin ito, at dapat silang magkaroon ng totoong pananabik. Pagkatapos, dapat silang magsagawa at pumasok alinsunod sa landas ng pagsasagawang inilatag ng Diyos. Unti-unti, dadalhin ng Diyos ang mga taong ito sa katotohanang realidad at sa isang tama at normal na kalagayan. Lalo pang mauunawaan ng gayong mga tao ang mga katotohanan sa mga salita ng Diyos sa lalong praktikal na paraan. Sa huli, ang maraming hindi normal na kalagayang taglay ng mga taong ito, ang katiwaliang nabunyag sa kanila, at ang kanilang paghihimagsik ay unti-unting malulutas sa pamamagitan ng iba’t ibang pamamaraan ng gawain ng Diyos na nasa maraming iba’t ibang kapaligirang isinasaayos Niya. Kaya, ano ang dapat ninyong maunawaan? Ito iyon: Ang mga bagay na dapat gawin ng mga tao, ang mga bagay na dapat nilang isagawa, ay dapat maisakatuparan ayon sa mga hinihingi ng Diyos. Kapag nagsasagawa at kumikilos ang mga tao ayon sa mga hinihingi ng Diyos, makalalakad sila sa tamang landas na itinuro ng Diyos sa kanila. Kapag lumalakad ang mga tao sa tamang landas na ito, magkakaloob ang Diyos, ayon sa Kanyang paraan at ayon sa Kanyang mga hinihingi at prinsipyo, ng isang angkop na bahagi para sa kanila sa takdang panahon. Ano ang dapat maunawaan ng mga tao rito? Ang pakikipagtulungan ng mga tao, ang halagang binabayad nila, at ang kanilang mga ginugugol ay hindi maiiwasan. Dapat kumilos at magsagawa ang mga tao ayon sa mga hinihingi ng Diyos. Hindi sila dapat kumilos nang ayon sa mga kagustuhan ng tao o batay sa mga imahinasyon at kuru-kuro ng tao. Kung ano ang resultang makakamit sa huli, kung gaano makapagbabago ang isang tao, kung gaano karami ang matatamo ng isang tao: natutukoy ba ang mga bagay na ito sa pamamagitan ng mga kagustuhan ng indibidwal na tao? Hindi, ang Diyos ang bahala roon, at wala itong kinalaman sa iyo. Sa huli, kung ano at kung gaano karami ang ibinibigay ng Diyos sa iyo, kung kailan Niya ito ibibigay sa iyo, at kung anong edad mo tatanggapin ang mga ibibigay Niya sa iyo: Ang Diyos na ang bahala roon, at wala itong kinalaman sa iyo. Ano ang ipinapakahulugan Ko sa bagay na ito? Ito ay na kailangan mo lamang tumutok sa pagsasagawa ng katotohanan, pumasok ayon sa landas na ibinibigay ng Diyos sa iyo, kumilos nang angkop para sa isang nilikha, at makipagtulungan nang nararapat. Pagdating naman sa kung ano at kung gaano karami ang matatanggap mo, kung kailan mo ito matatanggap, at kung paano gagawin ng Diyos ang mga bagay na ito, ang Diyos na ang bahala roon at mangyayari iyon sa takdang oras ng Diyos. Sinasabi ng ilang tao, “Kung isasagawa ko ito, maliligtas ba ako sa huli?” Sabihin ninyo sa Akin, sa tingin ba ninyo ay maliligtas sila? Ang mga salita at katotohanang ito na ipinagkaloob at itinustos ng Diyos sa tao ay ang landas ng tao tungo sa kaligtasan. Kung nagsasagawa ka alinsunod sa mga salita at sa mga katotohanang ito ng Diyos at pumapasok ka sa realidad ng salita ng Diyos, kailangan mo pa rin bang mag-alala na baka hindi ka maligtas? Ginugugol mo pa rin ba ang bawat araw mo sa pag-aalala at pagkabalisa dahil sa takot na aabandonahin ka ng Diyos? Hindi ba’t dahil ito sa masyadong maliit na pananalig at kabiguang maunawaan ang mga layunin ng Diyos? Kung tunay ka ngang nakapasok sa katotohanang realidad, kung may kapayapaan at kaligayahan ang iyong puso, kung kaya mong magbigay ng tunay na patotoong batay sa karanasan at mayroon kang normal na ugnayan sa Diyos sa iyong puso, mag-aalala ka pa rin ba na hindi ka maliligtas? Huwag kang mag-alala, hindi mo ito kailangang intindihin. Dapat magsagawa at pumasok ka lang sa salita ng Diyos. Sa salita ng Diyos, walang linyang hindi mahalaga. Ang kabuuan ng salita ng Diyos ay ang katotohanan, at ang katotohanan ang buhay na dapat taglayin ng tao. Ang kabuuan ng mga salita ng Diyos ang kailangan at dapat taglayin ng mga tao para makamit ang kaligtasan. Kung sinusunod mo ang mga salitang ito ng Diyos sa pagsasagawa pero nag-aalala ka pa rin na hindi ka maliligtas, hangal ka ba at mangmang? Masyado ka bang sensitibo? Mas masisiyahan ka kung isinasaalang-alang mo ang mga layunin ng Diyos, sa halip na isipin ang gayong mga walang-kuwentang kaisipan. Kung lumalakad ka sa tamang landas, ang huling destinasyon mo ang tiyak na tama—ang destinasyong itinakda ng Diyos para sa iyo. Hindi ka magkakamali. Samakatwid, kung isinasagawa mo at pumapasok ka sa mga hinihingi ng Diyos, hindi mo na kailangang alalahanin kung maliligtas ka ba o hindi. Isagawa at hangarin mo lang ang landas sa kaligtasan na itinuro ng Diyos, iyon ang tamang paraan. Sinasabi ng ilang tao: “Ano ang pakiramdam na matamo ang kaligtasan? Mararamdaman ba namin na parang lumulutang kami sa hangin? Iba ba ang mararamdaman namin sa kung ano ang nararamdaman namin ngayon?” Masyado pang maaga na tanungin ito. Hindi ito isang bagay na kailangan mo nang malaman ngayon. Malalaman mo ito kapag tunay ka nang naligtas. Sinasabi ng ilang tao: “Kapag naligtas ako, magpapakita ba ang Diyos sa akin gaya ng ginawa Niya kay Job?” Makatwirang kahilingan ba ito? Huwag mo itong hilingin. Hindi mo pa alam kung maliligtas ka nga, kaya ano ang saysay na hilingin mo ito? Wala. Halimbawa, sabihin nang kasalukuyan kang nasa mababang paaralan. Dapat mong pagbutihan sa lahat ng iyong klase at tapusin ang mga ipinagagawa ng iyong guro. Huwag mong laging pag-isipan kung “Saang unibersidad ako papasok pagdating ng araw? Anong uri ng trabaho ang papasukin ko pagdating ng panahon?” Walang kuwentang pag-isipan ang mga bagay na iyon. Masyado pa itong malayo sa hinaharap at hindi makatotohanan. Hangga’t nagsasagawa ka at pumapasok sa mga tamang pamamaraan at landas, tiyak na makakamit mo ang pinakaminimithi mo. Maliban dito, kapag may patnubay ng Diyos, ano pa ba ang kinakatakutan ninyo? Nananampalataya ka bang ang Diyos ang iyong Makapangyarihan sa lahat? (Nananampalataya ako.) Ang Diyos ang makapangyarihan sa lahat, kaya mahirap ba para sa Diyos na iligtas ang isang munting taong kagaya mo? Hindi mahirap para sa Diyos na kuhain ang buong mundo at ibigay ito sa iyo, kaya paanong magiging mahirap na iligtas ang isang munti at tiwaling tao? Kaya, kailangan mo pa rin bang mabalisa? Huwag kang mag-alala kung maililigtas ka ba ng Diyos, huwag kang mag-alala kung maililigtas ka ba ng mga salita ng Diyos. Sa halip, dapat kang mag-alala kung mauunawaan mo ba ang mga salita ng Diyos at kung makakahanap ka ba ng landas ng pagsasagawa sa mga salita ng Diyos. Dapat kang mag-alala kung nakapasok ka na ba sa realidad ng mga salita ng Diyos at kung, sa mga kilos mo, lumalakad ka ba sa landas na itinuro ng Diyos. Mas mabuti iyon. Praktikal at makatotohanan ang pag-isipan ang mga bagay na ito. Walang silbi ang mag-alala tungkol sa iba pang bagay.
Ano ang kasunod na linya? (“Tumatanggi sa mga pagdadahilan, intensyon, at panloloko ni Satanas.”) Katatapos lang natin pagbahaginan ang linyang ito, kaya madali na dapat lutasin ang problemang ito. Kailangan lang maunawaan ng mga tao na, kadalasan, ang “mga pagdadahilan, intensyon, at panlalansi ni Satanas” ay bunga ng iba’t ibang dahilan, palusot, intensyon, at panlalansing likha ng tiwaling disposisyon ng mga tao pati ng mga pamamaraang ginagamit ng iba’t ibang masasamang tao at hindi mananampalataya na nakakasalamuha mo. Tungkol naman sa kung paano mo makikilala at matatanggihan ang gayong mga bagay at ang mga dapat mong piliin, personal mong paghahangad iyon. Basahin ang kasunod na linya. (“Huwag mawalan ng pag-asa. Huwag manghina. Maghanap nang buong puso; maghintay nang buong puso.”) Katatapos lang din natin pagbahaginan ang linyang ito nang detalyado. Para sa tao, ang bawat linya ay isang babala at paalala, at isang uri din ng suporta, tulong, at pagtustos. Siyempre, nakapaloob sa mga salitang ito ang mga layunin ng Diyos para sa sangkatauhan at taglay ng mga ito ang nag-uumapaw Niyang pag-asa para sa sangkatauhan. Kapag nahaharap ang mga tao sa kahinaan at paghihirap, ayaw ng Diyos na makita silang mawalan ng pag-asa, mawalan ng pananalig, na mawala ang kanilang pag-aasam na mahangad ang katotohanan at kaligtasan, at mawalan sila ng oportunidad na matamo ang katotohanan at magawang perpekto ng Diyos. Ayaw ng Diyos na maging duwag ang mga tao. Sa halip, kahit gaano pa karaming paghihirap ang makaharap nila, kahit gaano pa sila kahina, at kahit gaano karami pa sa katiwalian nila ang mabunyag, umaasa ang Diyos na hindi kailanman susuko ang mga tao, na magpupursige sila sa kabila ng lahat ng ito, magpapatuloy sa paghahangad sa katotohanan, susunod sa mga landas ng pagsasagawa na tinukoy ng Diyos para sa kanila sa kanilang paghahangad, at magkakaroon pa rin ng pusong may masidhing paghahangad para sa Diyos. Dapat lalong lumago ang pananalig ng mga tao sa Diyos kasabay ng kanilang karanasan at pagkaunawa sa mga salita ng Diyos, at hindi sila dapat umiwas kapag nahaharap sila sa kahinaan, maging negatibo kapag nahaharap sa mga paghihirap, humikbi kapag may kaunting katiwalian na nabubunyag, at umurong sa halip na sumulong. Ayaw ng Diyos na makakita ng ganitong eksena. Umaasa ang Diyos na buong puso nilang dadalhin ang kanilang sarili patungo sa Diyos, nang hindi binabago ito kailanman nang dahil sa oras, kapaligiran, pisikal na lokasyon, o anumang sitwasyon na maaaring mangyari. Kung hindi nagbabago ang paghahangad mong hanapin ang Diyos at hindi humihina ang paninindigan mo sa paghahanap sa Diyos, makikita at malalaman ng Diyos ang tapat mong puso. Sa huli, tiyak na mahihigitan ng mga bagay na ipinagkakaloob sa iyo ng Diyos ang lahat ng maaaring nais mo. Sa loob ng ilang dekadang naranasan ni Job ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, hindi siya kailanman nangahas na isiping ang Diyos ay kakausapin siya o personal na magpapakita sa kanya. Hindi siya kailanman nangahas na isipin ito, pero nagpakita nga ang Diyos sa kanya pagkatapos ng kanyang huling pagsubok, kinakausap siya nang personal mula sa isang ipo-ipo. Hindi ba’t higit pa ito kaysa sa anumang mahihiling ng tao? (Oo.) Higit pa ito sa anumang mahihiling ng isang tao, at walang sinumang nangangahas na isipin man lang ang naturang ideya. Anuman ang gawin ng Diyos, dapat tumayo ang tao sa tama niyang lugar, gawin ang mga bagay na dapat niyang gawin, lumakad sa landas na dapat niyang lakaran, gawin ang mga tungkuling ibinigay sa kanya nang hindi humihigit sa kung ano ang hinihingi sa kanya, at tumigil sa paggawa ng mga bagay na kinapopootan ng Diyos. Tuwing nararamdaman mong humihingi ka nang labis-labis sa Diyos, na ang mga kahilingan mo ay bunga ng mga ambisyon at kawalan ng katwiran, dapat kang lumapit kaagad sa harapan ng Diyos, magpatirapa sa harapan Niya, at ikumpisal ang iyong mga kasalanan. Dapat tunay kang magsisi at magbagong-buhay mula sa kaibuturan ng iyong puso. Ito ang hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan at ang inaasahan Niya sa bawat taong sumusunod sa Kanya at nagmamahal sa katotohanan.
Dito na natin tinatapos ang pagbabahaginan natin tungkol sa siping ito. Matapos ang napakaraming pagbabahaginan, iniutos Ko na ang mga dapat iutos at ipinaunawa sa inyo kung ano ang angkop para sa tao na maunawaan. Ang ganitong uri ng pagbabahagi ay para sabihin sa inyo kung paano basahin ang mga salita ng Diyos, para ituro sa inyo ang paraan ng pagbabasa sa mga salita ng Diyos, at ipaalam sa lahat na walang sipi mula sa salita ng Diyos ang sinalita nang walang kabuluhan. Puno ng mga layunin ng Diyos ang lahat ng ito at dala ang mga pag-asa ng Diyos. Kung titingnan sa ganitong paraan, ang lahat ng salita ng Diyos ay mga bagay na, malalim man o simple, dapat taglayin at sundin ng tao. Ilang simpleng salita lamang ay naglalaman ng mga prinsipyo sa pagsasagawa na dapat pakasundin ng tao, subalit walang nakakagawa nito. Walang sinuman ang nagpapahalaga sa mga salitang ito ng Diyos at walang sinuman ang may pagsasaalang-alang sa mga ito. Sabihin ninyo sa Akin, gaano ba kamanhid ang tao? Ang totoo, maganda-ganda pang sabihin na manhid. Sa katunayan, dahil sa walang hanggang kayabangan ng mga tao kaya inaalipusta nilang lahat ang mga salitang ito at hindi nila nais na makita o mabasa ang mga ito. Ano ang gusto nilang basahin? Gusto nilang basahin ang mga malalim, mataas, pilosopikal, at sistematikong salita. Huwag nang pag-usapan ang matataas at malalalim na salita, sapat na kung mauunawaan ng mga tao ang ilang simpleng salitang ito. Maaaring mukhang simple ang mga salitang ito at sinumang nakakabasa ng mga ito ay mauunawaan ang mga ito, pero sino nga ba talaga ang nagsasagawa sa mga ito? Sino nga ba ang makapagdadala ng mga bagay na nangyayari sa kanila sa harapan ng Diyos at makakapanalangin? Sino ang naghihintay sa itinakdang oras ng Diyos nang hindi naliligalig na makahanap ng mga solusyon? Gaano karaming tao ang makapagsasagawa nito? Hanggang ngayon, wala pa Akong nakitang nagsakatuparan at nagsagawa sa mga salitang ito ng Diyos, ni wala pa Akong nakita na naakit sa mga salitang ito, na nagpahalaga sa mga salita ng Diyos matapos makita kung gaano kataos-puso, katapat, at kahalaga ang mga ito. Matapos marinig na pinatutugtog ninyo ang himnong ito ngayon-ngayon lang, tinanong Ko kayo kung paano ninyo kinain at ininom ang siping ito ng salita ng Diyos. May nakatuklas na ba sa layunin ng Diyos mula sa ilang simple, payak, at tuwirang salitang ito sa pamamagitan ng pagdadasal-pagbabasa sa mga ito? May nagdasal-nagbasa na ba sa mga ito para hanapin ang landas sa pagsasagawa na dapat maunawaan at pasukin ng mga tao? May nakaunawa ba ng anumang katotohanan mula sa mga ito? Ang tinatanong Ko ay kung natupad na ba sa mga indibidwal na tao ang mga katotohanang nakapaloob sa mga ito? Nagkaroon ba ng epekto ang mga ito? Ipinakita sa ating pagbabahaginan na hindi talaga nagkaroon ng epekto ang mga ito. Masyadong maliit ang inyong tayog. Tila hindi pa tunay na nag-ugat sa inyong puso ang karamihan sa mga salitang sinabi ng Diyos nitong mga nagdaang taon. Hindi pa ninyo naabot ang antas kung saan pinapahalagahan ninyo ang mga ito bilang mga katotohanan. Hindi ito isang magandang pahiwatig. Hindi ito isang magandang palatandaan. Sinasabi ng ilang tao: “Masyado kaming abala sa pagganap sa aming mga tungkulin araw-araw. Wala kaming panahon para pagbulay-bulayan ang mga salita ng Diyos.” Ang totoo, hindi sa wala silang panahon, kundi hindi nila ito pinagsisikapan o pinag-uukulan ng atensyon. Kahit ano pang tungkulin ang ginagampanan ng isang tao, makakaapekto ba ito sa kung paano niya pinagbubulay-bulayan ang mga salita ng Diyos sa kanyang puso? Hindi ba niya mapagbubulay-bulayan ang mga salita ng Diyos habang kumakain at namamahinga? Nakadepende ang lahat ng ito sa kung mayroon ba siyang pagnanais. Inaakala ng mga tao na ang pagiging abala ng isang tao ay nangangahulugang kontento na siya sa kanyang buhay. Ang totoo, kapag may libre kang oras para makapag-isip, mapagtatanto mo na hindi mo kailanman tunay na pinagbubulay-bulayan ang alinman sa mga salita ng Diyos sa iyong puso. Walang anumang tumatak sa iyo at ang mga ito ay hindi naging gabay sa iyong buhay at hindi naging saligan sa iyong pagsasagawa. Kapag napag-isip-isip mo ito, mahihiya ka. Isang ilusyon lang na lumilinlang sa iyo ang pagiging abala mo. Dahil sa pananalig mo sa Diyos, pakiramdam mo tuloy ay kumpleto ang buhay mo sa halip na hungkag, na naiiba ka sa mga tao sa mundo, na hindi mo ninanasa ang mga kalakaran sa mundo. Bagkus, kabilang ka sa mga pinakamakatarungang tao, nakikipagtulungan ka sa gawain ng Diyos, at gumagawa ka ng mga gawang makatarungan. Pakiramdam mo ay ligtas ka na, o nasa daan ka na tungo sa kaligtasan. Iniisip pa nga ng ilang tao na mga mananagumpay na sila. Sa lahat ng ito, ganito pa nga ang inyong saloobin sa ganoon kasimpleng himno at sa ilang simpleng salita ng Diyos, na mga pinakaunang ipinahayag ng Diyos. Walang nagtamo ng anuman o walang nakahanap ng anumang kaliwanagan sa mga salitang ito, o nagsagawa sa mga ito sa anupamang paraan. Wala Akong makitang sinuman na nagtamo ng anumang kapakinabangan o resulta para sa kanyang sarili. Mabuting bagay ba ito o masamang bagay? (Isang masamang bagay.) Sa mga nagdaang taong ito, abala kayong gumagawa ng inyong mga tungkulin, at nagpakaabala kayo lalong-lalo na sa gawain ng ebanghelyo. May nakamit na kayong tagumpay at masayang-masaya ang inyong mga puso. Ano’t anuman, lumaganap na ang salita ng Diyos at ang gawain ng ebanghelyo. Nakarating na ang salita ng Diyos sa bawat bansa at rehiyon, at mas maraming tao na ang kumakain at umiinom ng salita ng Diyos. Kung titingnan sa labas, mukhang nagtagumpay na kayo, pero may ideya ba kayo tungkol sa bagay na iyon na mahalaga sa buhay, sa inyong kaligtasan? Kung pagbabatayan ang saloobin ng mga tao ukol sa siping ito ng salita ng Diyos, wala silang ideya. Ika nga sa isang lokal na kasabihan, wala pang naisusulat ang panulat. Sabihin ninyo sa Akin, ano ang pakiramdam Ko na makita kayong ganito? Ilang simpleng salita lang ito, pero kailangan Ko pa ring ipaliwanag at talakayin ang mga ito nang detalyado sa inyo. Ang Aking mga salita ay masyadong komprehensibo at sobrang detalyado. Handa ba kayong makinig? Sasabihin ba ninyong masyado Akong nangungulit? Ayaw Ko ring mangulit nang ganito. Mukhang matuwid kayong lahat. May kaunting utak at kaalaman naman kayong lahat, at ang karamihan sa inyo ay may kasanayan. Gayunman, hindi kayo nakikinig sa mga munting salita ng himnong ito at hindi ninyo isinasapuso ang mga ito. Hanggang ngayon, walang kahit isang tao ang nakapasok sa realidad ng mga salitang ito. Talagang masakit sa ulo iyon at nakakainis! Kaya, ano ang saysay ng lahat ng gawaing ginagawa ninyo sa iglesia? Para ba ito sa layuning sinasabi ni Pablo nang sabihin niyang, “Nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking takbo, iningatan ko ang pananampalataya: Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong ng katuwiran”? Kung ito talaga ang mithiin, mga Pablo kayong lahat at hindi magiging maganda ang mga susunod na mangyayari! Iyon na ba iyon? (Oo.) Kung hindi ka nagsisikap sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, sa malao’t madali, matitiwalag ka, at wala kang matatamo. Sa araw na matiwalag ka, sasabihin mo, “Ano ang natamo ko?” Wala kang anumang natamo, kaya sobrang hiyang-hiya ka, at nanaisin mo pa ngang mamatay. Masyado itong nakakaawa. Ang mga salita ng Diyos ay mayaman at masagana, tinatalakay ang lahat ng bagay. Nakakapanghinayang naman na hindi mo pa kailanman isinapuso ang paghahangad sa mga ito, na hindi mo pa kailanman taimtim na binasa ang mga salita ng Diyos. Sa dinami-rami ng mga salita ng Diyos, ni isang linya ay walang puwang sa puso mo. Kung hindi ka ititiwalag, sino naman kaya? Ganito ba ang lagay ng mga bagay-bagay? (Oo.) Ang pagkain at pag-inom sa mga salita ng Diyos, ang gawing realidad mo ang mga salita ng Diyos: iyan ay isang napakahalagang pangyayari. Mas mahalaga pa ito kaysa sa anumang bagay, mas mahalaga pa kaysa sa pagsilang sa susunod na henerasyon, mas mahalaga pa kaysa sa pagganap ng tungkulin ng isang tao, mas mahalaga pa kaysa matutuhan ang isang propesyonal na kasanayan, mas mahalaga pa kaysa sa ipalaganap ang ebanghelyo, mas mahalaga pa kaysa sa lahat ng bagay. Kung hindi ka pa nakapasok sa realidad ng mga salita ng Diyos, kahit ano pa ang mga tungkuling ginagampanan mo, kahit gaano pa kalayo ang takbuhin mo, mawawalan ng kabuluhan ang lahat ng ito. Sa huli, wala kang makakamtang resulta at lahat ng gagawin mo ay mauuwi sa wala. Kahit gaano ka pa magpakahirap sa pagtakbo ngayon, kahit ano pa ang kasalukuyan mong posisyon, ang trabahong ginagawa mo, o kung anong engrandeng mga bagay ang nakamit mo, isa lang itong usok na mapapawi kalaunan. Kapag pumasok ang isang tao sa realidad ng mga salita ng Diyos, natamo ang katotohanang nakapaloob sa mga ito, at nakita ang mga prinsipyo, landas, at direksyon ng pagsasagawa sa mga salita ng Diyos, saka lamang walang makakaagaw ng mga bagay na ito mula sa kanya. Kapag nakapasok na siya sa mga katotohanang realidad na ito, saka lamang magkakaroon ng kabuluhan at katuturan ang paggampan sa kanilang mga tungkulin at ang lahat ng halagang ibinayad nila. Saka lamang ito matatanggap ng Diyos. Pagkatapos mong makapasok sa realidad ng salita ng Diyos at maisagawa ang mga prinsipyo at pamantayang hiningi ng salita ng Diyos sa lahat ng ginagawa mo, hindi mawawalan ng kabuluhan ang pagganap mo sa iyong tungkulin at isang bahagi nito ay matatanggap ng Diyos. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Kung umaasa ka lang sa sarili mong pagpipigil sa sarili, sa pagtitiyaga ng tao, sa talino at mga kaloob ng tao, at sa mga gawi at pamamaraan ng tao para magtiis ng pagdurusa at magbayad ng halaga, kung gayon, walang kinalaman ang lahat ng ginagawa mo sa mga salita ng Diyos. Dapat maging malinaw sa iyo ang pinal na resulta. Makukuwenta ng maraming tao ang mga gastusin nila at ang mga account ukol sa gastos at kita, pero walang makakakwenta sa account na ito. Mukhang matalino naman kayo sa pag-aasikaso ng mga panlabas na gawain, may mga gawi at pamamaraan kayo, at medyo tuso kayo, pero ipinagwalang-bahala ninyo ang usapin ng inyong pananampalataya sa Diyos at sa kaligtasan at ang usapin ng kung paano tratuhin ang mga salita ng Diyos, hindi ninyo kailanman binibigyang pansin ang mga bagay na ito. Sa tingin mo ba ay dahil sa kawalan ng atensyon ay matatakasan mo na ang kautusan na hinihingi ng Diyos? Sa tingin mo ba, sa pamamagitan lang ng kaunting pagsisikap, ay susuwertehin ka at matatakasan mo ang matuwid na paghatol ng Diyos? Huwag mong lokohin ang sarili mo! Ang lahat ng batas na ginawa ng tao ay produkto ng kaalaman at kabatiran ng tao. Lahat ng ito ay katalinuhan ng tao. Hindi ito mga kautusang nilikha ng matuwid na disposisyon ng Diyos. Huwag kang magtaglay ng mentalidad na nakasalig sa sapalaran pagdating sa iyong kaligtasan. Malilinlang mo lang ang sarili mo, pero hindi mo malilinlang ang Diyos.
Ano ang unang magandang bagay na dapat mong gawin sa paghahangad mo sa kaligtasan? Kumain at uminom ng mga salita ng Diyos nang sa gayon ay maunawaan mo ang katotohanan at makapasok ka sa realidad. Ito ang unang mabuting bagay. Kahit gaano ka pa kaabala sa paggawa mo ng iyong tungkulin, kahit gaano pa karami ang nakatambak mong trabaho, dapat maglaan ka pa rin ng oras para kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, para hanapin sa mga ito ang mga prinsipyo at landas para sa pagsasagawa ng katotohanan sa lahat ng bagay, at para makapasok sa katotohanang realidad. Ito ang tanging layunin ng pananalig sa Diyos. Kapag nakapasok ka na sa katotohanang realidad at natamo mo na ang mga prinsipyo ng pagsasagawa, lahat ng gagawin mo ay magiging kalugod-lugod sa pagganap ng iyong tungkulin, at magiging mahalaga at makahulugan ito. Kung hindi naman, pawang pagtatrabaho lang ang ginagawa mo at hindi mo ginagawa ang iyong tungkulin. Ni hindi ka tutulungan ng pagtatrabahong ito na maligtas ka. Kung hindi ka kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, hindi mo isinasagawa at dinaranas ang mga salita ng Diyos, hindi sineseryoso ang pagpasok sa katotohanang realidad, at kontento ka na sa paggugol lamang ng iyong sarili at sa paggawa ng mga bagay-bagay nang hindi isinasaalang-alang ang pagsasagawa sa katotohanan, hindi ka ba magiging hangal niyan? Iniisip ng lahat na matalino at maaasahan sila sa kanilang trabaho. “Ngayong nandito na ako, siguradong magagawa nang maayos ang trabahong ito. Hangga’t naririto ako para magbantay, walang makakagambala sa gawain ng iglesia. Hangga’t nagtatrabaho ako, hangga’t ginagawa ko ang aking tungkulin sa sambahayan ng Diyos, maliligtas ako.” Huwag mong lokohin ang sarili mo. Hindi kailanman sinabi ng Diyos na, hangga’t ginagawa palagi ng isang tao ang kanyang tungkulin, maliligtas siya. Mula ito sa sariling imahinasyon at pananaginip nang gising ng tao. Ang mga nagsasabi nito ay hindi nakakakilala sa kanilang sarili, at hindi nila nauunawaan ang diwa at katotohanan ng lalim ng pagkatiwali ni Satanas sa tao. Ito ang dahilan kaya nakakapagsalita sila ng gayong kalokohan. Sa lahat ng kapanahunan, hindi ba’t ginagawa naman ng mga tagasunod ng Diyos ang kanilang mga tungkulin? Naligtas ba sila? Hindi. Kwalipikado ba silang pumasok sa kaharian ng langit? Hindi. Malinaw na ibinunyag ng gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw ang katotohanan sa katiwalian ng mga tao. Tinutulutan nito ang lahat na makaunawa, magbago ng landas, at magtamo ng katotohanan at makapasok sa realidad, na sumasailalim sa mga totoong pagbabago. Ito ang hinihingi ng Diyos sa mga tao. Makakamit mo ba ang totoong pagbabago kung nakatutok ka lang sa lagi mong pagganap ng iyong tungkulin? Matatamo mo ba ang katotohanan? Makakamit mo ba ang pagsunod sa Diyos? Imposible. Ang pinakamahalaga ay na dapat hangarin ng isang tao ang katotohanan, magpasakop sa paghatol at pagkastigo ng Diyos, at tamuhin ang katotohanan upang maging ayon sa mga layunin ng Diyos. Sa pagsasabi ng mga salitang ito, ang pinangbabayad ng Diyos sa halaga ay ang sariling dugo ng Kanyang puso at iniaalay Niya ang Kanyang buhay para sa tao. Kung hindi mo pinahahalagahan ang mga ito, bagkus ay lagi mong binabalewala at kinasusuklaman ang mga ito sa iyong puso, at hindi mo kailanman sineseryoso ang mga salita ng Diyos, maaari ka bang maligtas? Posible kayang maging maganda ang resulta sa huli? Ni hindi mo ito kailangang isipin. Ano ang unang magandang bagay kapag sumasampalataya ka sa Diyos? Ito ay ang kumain at uminom ng mga salita ng Diyos para maunawaan ang katotohanan, at sa pamamagitan nito, pumasok sa katotohanang realidad nang walang pagkaantala. Simulan mo sa mga bagay-bagay na nangyayari sa paligid mo, sa makikita at mararamdaman mo. Gamitin mo ang salita ng Diyos para magnilay-nilay sa iyong sarili, hanapin ang katotohanan at lutasin ang lahat ng mga problema, at magkamit ng mga totoong pagbabago. Kung hindi ka kumakain at umiinom ng salita ng Diyos at hindi pumapasok sa realidad ng salita ng Diyos, wala kang pag-asang maligtas. Ganap ka nang nawalan ng anumang pagkakataon sa kaligtasan. Kapag natapos na ang gawain ng Diyos, sasabihin mo, “Dati, noong panahon ng gawain ng pagpapalaganap sa ebanghelyo ng Diyos, ginawa ko ang aking bahagi. Sa panahon ng gawain ng pagpapalaganap sa ebanghelyo, binayaran ko ang halaga at inilaan ko ang aking oras at pagsisikap sa kung anong mahalagang hakbangin.” Pero hanggang sa araw na iyon, hindi mo pa rin natamo ang katotohanan, hindi ka makakain at makainom ng mga salita ng Diyos nang normal, at hindi mo magampanan ang iyong tungkulin nang normal. Sa esensya, hindi ka isang taong nagpapasakop sa Diyos. Saka mo lamang mauunawaan na nawalan ka na pala ng pagkakataon na maligtas. Huli na ba ang lahat? Wala ka nang pagkakataon pa, nahulog ka na sa sakuna, at hindi na maiiwasan pa ang iyong kamatayan. Samakatwid, bihira lang talaga ang pagkakataong ito para sa kaligtasan, at dapat mong pahalagahan ang bawat araw at ang bawat minuto. Magsimula muna sa mga munting bagay na nasa paligid mo, pagkatapos ay unti-unti kang lumipat sa mas maraming bagay at mas malalaking bagay. Hanapin ang mga salita ng Diyos at hanapin ang katotohanan, at pumasok sa mga salita ng Diyos at sa katotohanang realidad. Dapat kang manalangin sa Diyos nang madalas sa iyong puso at maging malapit sa Kanya. Huwag mong kailanman hayaang maokupa ang iyong puso ng mga kagustuhan ng laman, ng mga kalakaran sa mundo, at ng iba pang gayong mga satanikong bagay. Sa halip, hayaan mong magkaroon ng kapangyarihan ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan sa iyong puso, at magsisimulang pahahalagahan ng iyong puso ang mga salita ng Diyos. Hangga’t may puwang sa puso mo ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan at inaakay nito ang buhay mo, magkakaroon ng mithiin ang buhay mo at ng liwanag para gabayan ito, at makasusumpong ng kasiyahan ang puso mo. Kung mauunawaan mo ang tatlo at pagkatapos ay lima sa mga salita ng Diyos, at pagkatapos ay sampung salita, at pagkatapos ay isandaang salita, maiipon ang mga salitang ito at, unti-unti, lalong ookupahin ng mga salita ng Diyos ang iyong puso, aakayin ang iyong mga kaisipan, aakayin ang iyong mga kilos, at aakayin ang iyong buhay. Lalo kang papasok sa realidad ng mga salita ng Diyos, at lalo mong maiintindihan ang mga katotohanang prinsipyo. Hindi na babatay ang mga kilos mo sa sarili mong kalooban at mga indibidwal na kagustuhan. Paunti nang paunti ang mahahalong karumihan sa pagganap mo ng iyong tungkulin, at lalo mong tatratuhin ang Diyos nang may tapat na puso. Unti-unting magiging katotohanang realidad ang mga doktrinang nauunawaan mo. Sa ganitong paraan, magkakaroon ng totoong pagbabago sa disposisyon mo sa buhay. Hindi na magiging alanganin o hindi makita-kita ang pag-asa mo sa kaligtasan, kundi lalo itong mararamdaman at magiging malaki. Kapag nakikita mo ang liwanag na ito, ito na ang panahong magkakainteres ka na sa mga salita ng Diyos at mamumuhunan ng malaking pag-asa sa usapin ng kaligtasan. Sa panahong iyon, lalong ipauunawa sa iyo ng Diyos ang Kanyang mga salita, papapasukin ka sa Kanyang mga salita, poprotektahan ka laban sa pagkahulog sa tukso, poprotektahan ka laban sa mga panlalansi at masamang impluwensiya ni Satanas, at poprotektahan ka laban sa mga gusot, alitan, selos, at pagtatalo, at iba pang mga bagay. Sa ganitong paraan, itutulot ng Diyos na makapamuhay ka sa liwanag at makapamuhay sa ilalim ng patnubay ng Kanyang mga salita. Ito ay kaligayahan, kagalakan, at kapayapaan. Ang pagsasakatuparan sa lahat ng ito ay nagsisimula sa pagpapahalaga sa mga salita ng Diyos at sa pagsasagawa at pagdanas ng mga salita ng Diyos para maunawaan ang katotohanan. Sa katunayan, hindi ito mahirap. Kung madalas kang nakikinig sa mga sermon at kaya mong isagawa at maranasan ang mga salita ng Diyos, unti-unti mong mauunawaan ang katotohanan. Sa ganitong paraan, unti-unti kang makapagbabago at makakasulong, hindi ka mahihirapan. Ang mahalaga ay kung mahal ba o hindi ng isang tao ang katotohanan. Kung mahal mo ang katotohanan, kung gayon, nang may pananampalataya sa Diyos, maaasikaso mo ang mga tamang usapin, mahahangad ang katotohanan, at makakatutok sa pagbabasa at pagbubulay-bulay sa mga salita ng Diyos. Matutong pagbulay-bulayan ang mga salita ng Diyos at matutong dasalin-basahin ang mga salita ng Diyos. Pagkatapos ay magagawa mo nang maunawaan ang kahulugan ng mga salita ng Diyos, makakahanap ka na ng mga landas ng pagsasagawa sa mga salita ng Diyos, magagawa mo nang maunawaan ang mga layunin ng Diyos, at mauunawaan mo na ang katotohanan. Pagkatapos, pagnilay-nilayan at kilalanin mo ang sarili mong tiwaling disposisyon batay sa pagkaunawa mo sa katotohanan, himayin ang diwa ng tiwali mong disposisyon, at pagkatapos ay gamitin ang katotohanan para lutasin ito. Kung magsasagawa at papasok ka sa ganitong paraan, tunay mong makikilala ang iyong sarili, at magiging madali na iwaksi ang tiwali mong disposisyon. Sa pamamagitan ng unti-unting pagtatamo ng kaalaman, unti-unting pagtatamo ng karanasan, unti-unting pag-unawa sa mga layunin ng Diyos, at unti-unting pagwawaksi sa kanilang tiwaling disposisyon, magsisimulang magbago ang mga tao nang hindi nila namamalayan. Ito ang proseso ng karanasan sa buhay. Ang maunawaan ang katotohanan ang pinakamahalaga. Sa sandaling maunawaan na ng isang tao ang katotohanan, malalaman na niya ang mga pamantayang hinihingi ng Diyos na sundin ng tao. Malalaman din niya kung bakit gusto itong sabihin ng Diyos at ang epektong hinahangad Niyang makamit. Malalaman din niya na ang mga pamantayang hinihingi ng Diyos sa tao ay maaari talagang makamit ng mga tao. Ang lahat ng ito ay mga bagay na makakamit ng konsensiya at katwiran ng tao. Ang lahat ng prosesong ito ay usapin ng buhay pagpasok. Hinihingi sa iyo ng buhay pagpasok na masipag na gampanan ang iyong mga tungkulin, masipag na hanapin ang katotohanan at isagawa ang katotohanan, at manalangin sa Diyos at umasa sa Diyos para magampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin. Sa pamamagitan ng gayong karanasan at pagsasagawa, magkakaroon ka ng lalong magagandang resulta. Ang mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan ay walang interes sa gayong mga bagay. Hindi sila nakakaramdam ng pasanin hinggil sa buhay pagpasok at wala silang interes na gawin ito. Samakatwid, bagama’t maraming taon na silang sumasampalataya sa Diyos, hindi sila makapagsalita tungkol sa patotoo nilang batay sa karanasan. Hindi ganito ang mga taong nagmamahal sa katotohanan. Kaya nilang isulat ang mga patotoo tungkol sa lahat ng naranasan nila at sa bawat yugto ng kanilang mga karanasan. Tunay na nakikinabang sila mula sa lahat ng kanilang karanasan, kung saan ang mga pakinabang na ito ay naiipon sa paglipas ng mga araw at buwan. Pagkalipas ng sampu o dalawampung taon, sasailalim sila sa matitinding pagbabago. Sa pagkakataong iyon, maisusulat nila ang kanilang mga patotoong batay sa karanasan nang walang kahirap-hirap, at para sa kanila, hindi mahirap ang makipagbahaginan tungkol sa katotohanan. Sa paggawa nila ng kanilang tungkulin, ginagawa nila ang lahat nang maayos.
Mga tao ba kayong nagmamahal sa katotohanan? May mga puso ba kayong may masidhing paghahangad para sa Diyos? Mayroon ba kayong tapat na puso? Mahirap itong sagutin, hindi ba? Sa katunayan, sa puso ninyo, malinaw sa inyong lahat ang puntong ito. Kapag gusto ninyong gawin ang inyong tungkulin nang pabasta-basta, kapag gusto ninyong maging padaskol-daskol o tatamad-tamad, kapag gusto ninyong maging sutil at padalus-dalos, mababatid ba ninyo ito? Makapaghihimagsik ba kayo laban sa laman? Ano ang nagiging pasya mo? Pinipili mo bang isagawa ang katotohanan o pinipili mo ang mga nais ng laman? Pinipili mo ba ang positibo o ang negatibo? Pinipili mo bang magdusa at magbayad ng halaga upang matamo ang katotohanan, o pinipili mong hangarin ang kaginhawahan ng laman? Ito ang mga katanungang gagamitin para sukatin kung may puso ka bang tunay na nagmamahal at nagpapasakop sa Diyos, at kung taos-puso mo bang ginugugol ang iyong sarili para sa Diyos. Kung wala kang tapat na puso para sa Diyos, gusto mong ginagawa ang mga bagay-bagay nang sutil at padalos-dalos, masaya ka hangga’t kontento ka at nagagalit at nagmamaktol naman kapag hindi, at umaalis ka kapag hindi umaayon sa kagustuhan mo ang mga bagay-bagay, ganito ba ang tamang pag-iisip? Ito ba ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng pusong nagpapasakop sa Diyos? Tapat ba itong paggawa sa iyong tungkulin? Bakit hindi mo isinasagawa ang katotohanan? Dahil ba sa hindi mo nauunawaan ang mga salita ng Diyos? O dahil ba sa hindi mo minamahal ang katotohanan? Iniisip ng ilang tao, “Ang mga salita ng Diyos ay simple, pero mahirap isagawa ang mga ito. Laging hinihingi ng sambahayan ng Diyos sa mga tao na isagawa ang katotohanan, pero mahirap ito para sa mga tao at nagdudulot ito ng napakaraming problema para sa kanila. Kung hindi komportable ang aking puso, hindi ko isinasagawa ang katotohanan. Hangga’t hindi ako pinapaalis o tinitiwalag ng iglesia, pipiliin kong maging malaya at panatag at gagawin ko ang anumang maibigan ko.” Isa ba itong taong tunay na sumasampalataya sa Diyos? Hindi ba’t isa itong hindi mananampalataya? Ito ang saloobing taglay ng mga hindi mananampalataya kapag ginagawa nila ang kanilang mga tungkulin. Dahil hindi nila tinatanggap ang katotohanan, mahilig sila sa kalayaan at sa pagiging walang disiplina at mahilig silang maging pabaya. Kahit paano pa sila tabasan at iwasto, wala itong silbi. Wala silang dinidinig kapag ibinabahagi ang tungkol sa katotohanan. Wala nang magagawa pa kundi ang tanggalin at itiwalag sila. Dahil hindi nila tinatanggap ang katotohanan bagkus ay mga taong tutol sa katotohanan, sila ay mga walang pananampalataya, at hindi sila ililigtas ng Diyos. Para sa mga taong nagmamahal sa katotohanan, kahit mabunyag pa ang kanilang tiwaling disposisyon, matatanggap nila ang mapungusan, kaya nilang hanapin ang katotohanan, pagnilay-nilayan ang kanilang sarili, at kilalanin ang kanilang sarili, at kaya nilang matutong magsisi. Ito ang mga tao na gusto ng Diyos na iligtas. Kapag hindi nagmamahal ang isang tao sa katotohanan, mahirap para sa kanya na tanggapin ang katotohanan. Ano ang pinakamalaking panganib kapag walang kakayahan ang isang tao na tanggapin ang katotohanan? Ito ay pagkakanulo sa Diyos. Ang mga hindi tumatanggap sa katotohanan ang pinakamalamang na magkanulo sa Diyos, at maaaring ipagkanulo nila ang Diyos sa anumang oras at lugar. Maaari nilang ipagkanulo ang Diyos kapag may munting bagay na hindi umaayon sa gusto nila. Maaari nilang ipagkanulo ang Diyos dahil hindi nila kayang tanggapin ang mapungusan nang minsan. Kapag nahaharap sa isang sakuna, mas malamang pa na lalo silang magreklamo at magkanulo sa Diyos. Anuman ang mangyari, ang mga hindi nagmamahal at tumatanggap sa katotohanan ang nasa pinakapanganib. Nakadepende kung maaari bang maligtas ang isang tao sa kung gaano niya kamahal ang katotohanan at ang mga positibong bagay pati na kung kaya ba niyang tanggapin ang katotohanan at isagawa ang katotohanan. Gamitin mo ang mga hinihingi ng katotohanan para sukatin ang tunay mong tayog, para makilatis ang iyong sarili, at para malaman ang katotohanan ukol sa sarili mong katiwalian at kilalanin kung ano talaga ang kalikasan mo. Sa isang banda, natutulungan ka ng gayong pagkilatis na makilala ang iyong sarili at makamit ang tunay na pagsisisi. Sa kabilang banda naman, tinutulutan nitong makilala mo ang Diyos at maunawaan ang Kanyang mga layunin. Ang kawalan ng kakayahang tanggapin ang katotohanan ay pagpapamalas ng paghihimagsik at paglaban sa Diyos. Matutulungan ka ng malinaw na pagkaunawa sa problemang ito para makalakad sa tamang landas ng kaligtasan. Kapag tunay na nagmamahal ang isang tao sa katotohanan, maaari siyang magkaroon ng pusong may masidhing paghahangad para sa Diyos, ng tapat na puso, at pagnanais na isagawa ang katotohanan at magpasakop sa Diyos. Kapag nagtataglay ng totoong lakas, nagagawa niyang magbayad ng halaga, ilaan ang kanyang lakas at oras, talikdan ang mga personal niyang pakinabang, at bitiwan ang lahat ng bagay na kinasasangkutan ng laman, inaalis ang balakid sa daan para sa pagsasagawa ng mga salita ng Diyos, sa pagsasagawa ng katotohanan, at pagpasok sa realidad ng salita ng Diyos. Kung, para makapasok sa realidad ng salita ng Diyos, mabibitiwan mo ang sarili mong mga kuru-kuro, mabibitiwan ang mga interes ng sarili mong laman, reputasyon, katayuan, kasikatan, at kasiyahang panlaman—kung mabibitiwan mo ang lahat ng gayong bagay, lalo kang makakapasok sa katotohanang realidad. Hindi mo na poproblemahin pa ang anumang paghihirap at kaligaligang mayroon ka—madaling malulutas ang mga ito—at madali kang makakapasok sa realidad ng mga salita ng Diyos. Para makapasok sa katotohanang realidad, ang pagkakaroon ng tapat na puso at pusong may masidhing paghahangad para sa Diyos ang dalawang kondisyong hindi maaaring mawala. Kung tapat na puso lang ang mayroon ka, pero lagi kang naduduwag, wala kang masidhing paghahangad para sa Diyos, at umuurong ka kapag may nakakaharap kang mga paghihirap, hindi ito sapat. Kung mayroon ka lamang isang masidhing paghahangad para sa Diyos sa iyong puso, at medyo mapusok ka, at may ganito ka lang na paghahangad, pero wala kang tapat na puso kapag may nangyayari sa iyo, at umuurong ka, at pinipili mo ang sarili mong mga interes, hindi rin ito sapat. Pareho mong kailangan ang isang tapat na puso at isang pusong may masidhing paghahangad para sa Diyos. Ang antas ng katapatan sa iyong puso at ang tindi ng masidhing paghahangad mo para sa Diyos ang tumutukoy sa kapangyarihan ng iyong pagnanais na isagawa ang katotohanan. Kung wala kang tapat na puso at walang masidhing paghahangad para sa Diyos sa iyong puso, hindi mo mauunawaan ang mga salita ng Diyos at hindi ka magkakaroon ng pagnanais na isagawa ang katotohanan. Kapag ganito, hindi ka makakapasok sa katotohanang realidad at mahihirapan kang magtamo ng kaligtasan.
Hindi maliwanag sa maraming tao ang ibig sabihin ng maligtas. Naniniwala ang ilang tao na kung maraming taon na silang nananampalataya sa Diyos, mas malamang na maligtas sila. Iniisip ng ilang tao na kung nauunawaan nila ang maraming espirituwal na doktrina, mas malamang na maligtas sila, o iniisip ng ilan na tiyak na maliligtas ang mga lider at manggagawa. Ang lahat ng ito ay mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Ang susi ay dapat maunawaan ng mga tao ang ibig sabihin ng kaligtasan. Ang maligtas ay nangangahulugang, unang-una, na makalaya mula sa kasalanan, makalaya mula sa impluwensiya ni Satanas, at tunay na bumaling sa Diyos at magpasakop sa Diyos. Ano ang dapat ninyong taglayin para makalaya mula sa kasalanan at mula sa impluwensiya ni Satanas? Ang katotohanan. Kung hangad ng mga taong matamo ang katotohanan, dapat silang masangkapan ng marami sa mga salita ng Diyos, dapat magawa nilang maranasan at maisagawa ang mga ito, nang sa gayon ay maunawaan nila ang katotohanan at makapasok sa realidad. Saka lamang sila maaaring maligtas. Kung maliligtas man o hindi ang isang tao ay walang kinalaman sa kung gaano katagal na siyang naniniwala sa Diyos, kung gaano karaming kaalaman ang mayroon siya, kung nagtataglay siya ng mga kaloob o kalakasan, o kung gaano siya nagdurusa. Ang tanging bagay na may direktang kaugnayan sa kaligtasan ay kung kaya bang matamo ng isang tao ang katotohanan o hindi. Kaya sa kasalukuyan, gaano karaming katotohanan ang tunay na naunawaan mo? At gaano karami sa mga salita ng Diyos ang isinabuhay mo? Sa lahat ng hinihingi ng Diyos, alin ang nakamit mo ang pagpasok? Sa mga taon ng pananampalataya mo sa Diyos, gaano ka na nakapasok sa realidad ng salita ng Diyos? Kung hindi mo alam, o kung hindi mo nakamit ang pagpasok sa realidad ng anumang salita ng Diyos, kung gayon ay sa totoo lang, wala kang pag-asa sa kaligtasan. Imposibleng maligtas ka. Hindi mahalaga kung nagtataglay ka ng mataas na uring kaalaman, o kung matagal ka nang nananampalataya sa Diyos, may maayos na kaanyuan, kayang magsalita nang mahusay, at naging isang lider o manggagawa sa loob ng ilang taon. Kung hindi mo hinahangad ang katotohanan at hindi mo maayos na isinasagawa at dinaranas ang mga salita ng Diyos, at wala kang tunay na patotoong batay sa karanasan, kung gayon ay wala ka ngang pag-asang maligtas. Wala Akong pakialam kung ano ang hitsura mo, kung gaano karaming siyentipikong kaalaman ang mayroon ka, kung gaano ka na nagdusa, o kung gaano kalaking halaga na ang ibinayad mo. Sinasabi Ko ito sa iyo: Kung hindi mo tinatanggap ang katotohanan at hindi kailanman pinapasok ang realidad ng mga salita ng Diyos, hindi ka maliligtas. Sigurado ito. Kung sasabihin mo sa Akin kung gaano mo napasok ang realidad ng mga salita ng Diyos, sasabihin Ko sa iyo kung gaano kalaki ang pag-asa mo na mailigtas. Ngayong nasabi Ko na sa inyo ang pamantayan sa pagsusukat nito, masusukat na dapat ninyo ito nang mag-isa. Anong katunayan ang sinasabi ng mga salitang ito sa inyo? Gumamit ang Diyos ng mga salita para likhain ang mundo, gumamit Siya ng mga salita para magawa ang bawat uri ng katunayan, para maisakatuparan ang lahat ng katunayan na ninais ng Diyos na matupad, at gumamit ang Diyos ng mga salita para isagawa ang dalawang yugto ng Kanyang gawain. Sa kasalukuyan, ginagawa ng Diyos ang ikatlong yugto ng Kanyang gawain, at mas marami ang sinalita ng Diyos sa yugtong ito kaysa sa iba pang yugto ng gawain. Ito ang panahon kung kailan pinakamaraming sinalita ang Diyos sa Kanyang gawain sa buong kasaysayan ng sangkatauhan. Na nakagamit ang Diyos ng mga salita para likhain ang mundo, para magawa ang lahat ng katunayan, para mula sa wala ay umiral ang lahat ng katunayan, at mula sa pag-iral tungo sa wala—ito ang awtoridad ng mga salita ng Diyos, at sa huli, gagamit din ang Diyos ng mga salita para magawa ang katunayan ng pagliligtas sa sangkatauhan. Ngayon, nakikita na ninyong lahat ang katunayang ito, walang ginawang gawain ang Diyos sa panahon ng mga huling araw na walang kaugnayan sa Kanyang mga salita, nagsalita Siya sa buong panahon, gumamit ng mga salita sa buong panahon para gabayan ang tao hanggang sa kasalukuyan. Siyempre, habang nagsasalita, gumamit din ng mga salita ang Diyos para panatilihin ang Kanyang kaugnayan sa mga sumusunod sa Kanya, gumamit Siya ng mga salita para gabayan sila, at napakahalaga ng mga salitang ito para sa mga nagnanais na maligtas, o sa mga ninanais ng Diyos na maligtas, gagamitin ng Diyos ang mga salitang ito para magawa ang katunayan ng kaligtasan ng sangkatauhan. Maliwanag naman na kahit tingnan pa sa aspekto ng kanilang nilalaman o sa dami ng mga ito, kahit anong uri pa ito ng mga salita, at kahit anong bahagi pa ng mga salita ng Diyos ang mga ito, napakahalaga ng mga ito sa bawat taong nagnanais na maligtas. Ginagamit ng Diyos ang mga salitang ito para makamit ang pinakamahalagang epekto ng Kanyang anim na libong taong plano ng pamamahala. Para sa sangkatauhan—sa sangkatauhan man ng kasalukuyan o ng hinaharap—ay napakahalaga ng mga ito. Gayon ang saloobin ng Diyos, gayon ang layon at kahalagahan ng Kanyang mga salita. Kaya ano ang dapat gawin ng sangkatauhan? Dapat makipagtulungan ang sangkatauhan sa mga salita at sa gawain ng Diyos, at huwag balewalain ang mga ito. Pero hindi ganoon ang paraan ng pananalig ng ilang tao sa Diyos: Kahit ano pa ang sabihin ng Diyos, para bang walang kinalaman sa kanila ang mga salita ng Diyos. Hinahangad pa rin nila kung ano ang gusto nila, ginagawa kung ano ang gusto nila, at hindi hinahanap ang katotohanan batay sa mga salita ng Diyos. Hindi ganito ang pagdanas sa gawain ng Diyos. May iba na hindi nakikinig kahit ano pa ang sabihin ng Diyos, na may iisang paninindigan lamang sa kanilang puso: “Gagawin ko ang anumang hinihingi ng Diyos, kung sinasabi ng Diyos na pumunta ako sa kanluran, pupunta ako sa kanluran, kung sinasabi Niyang pumunta ako sa silangan, pupunta ako sa silangan, kung sinasabi Niya na mamatay ako, ipapakita ko sa Kanya ang pagkamatay ko.” May isa nga lang problema: Hindi nila nauunawaan ang mga salita ng Diyos. Iniisip nila, “Napakarami ng mga salita ng Diyos, dapat mas madaling unawain ang mga ito, at dapat sabihin ng mga ito sa akin kung ano ang eksaktong dapat gawin. Magagawa kong magpasakop sa Diyos sa puso ko.” Kahit gaano pa karaming salita ang sabihin ng Diyos, sadyang nananatiling walang kakayahan ang gayong mga tao na maunawaan ang katotohanan, ni hindi sila makapagsalita tungkol sa kanilang mga karanasan at kaalaman. Para silang mga karaniwang tao na walang espirituwal na pang-unawa. Sa tingin ba ninyo ay mahal ng Diyos ang gayong mga tao? Nais ba ng Diyos na maging maawain sa gayong mga tao? (Hindi.) Siguradong ayaw Niya. Ayaw ng Diyos sa gayong mga tao. Sinasabi ng Diyos, “Nagsalita na Ako ng libo-libong salita na hindi pa nasasabi. Paanong, gaya ng isang bulag at bingi, hindi mo pa nakita ni narinig ang mga ito? Ano ba talaga ang iniisip mo sa iyong puso? Nakikita kita bilang isang taong labis lamang na naghahangad sa mga pagpapala at sa magandang hantungan—hinahangad mo ang mga layon na katulad ng kay Pablo. Kung ayaw mong makinig sa Aking mga salita, kung hindi mo nais sumunod sa Aking daan, bakit ka sumasampalataya sa Diyos? Hindi kaligtasan ang habol mo, ang habol mo ay ang magandang hantungan at ang paghahangad para sa mga pagpapala. At dahil ito ang binabalak mo, ang pinakaangkop para sa iyo ay ang maging trabahador.” Sa katunayan, ang pagiging tapat na trabahador ay pagpapamalas din ng pagpapasakop sa Diyos, pero ito ang pinakamababang pamantayan. Ang pamamalagi bilang tapat na trabahador ay mas mainam kaysa sa malugmok sa kapahamakan at pagkawasak gaya ng isang walang pananampalataya. Lalo na’t kailangan ng sambahayan ng Diyos ng mga trabahador, at ang makapagtrabaho para sa Diyos ay itinuturing din bilang isang pagpapala. Mas mabuti ito—hindi hamak na mas mabuti—kaysa maging alipores ng mga haring diyablo. Subalit hindi ganap na nakalulugod sa Diyos ang pagtatrabaho sa Diyos, dahil ang gawain ng paghatol ng Diyos ay para iligtas, linisin, at gawing perpekto ang mga tao. Kung kontento na ang tao sa pagtatrabaho lamang para sa Diyos, hindi ito ang layuning nais makamit ng Diyos sa paggawa sa mga tao, ni hindi ito ang epektong nais makita ng Diyos. Pero matindi ang pagnanais ng mga tao, mga hangal at bulag sila: Nagayuma, nilamon sila ng ilang maliit na pakinabang, at binabalewala nila ang mahahalagang salita ng buhay na sinambit ng Diyos. Ni hindi nila sineseryoso ang mga ito, lalong hindi pinapahalagahan ang mga ito. Ang hindi pagbabasa ng mga salita ng Diyos o ang hindi pagpapahalaga sa katotohanan: matalino ba ito o hangal? Makakamit ba ng mga tao ang kaligtasan sa ganitong paraan? Dapat maunawaan ng mga tao ang lahat ng ito. May pag-asa lang sila sa kaligtasan kung isasantabi nila ang kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon at tututok sa paghahangad sa katotohanan.