Para Magampanan nang Maayos ng Isang Tao ang Kanyang Tungkulin, Dapat Magtaglay man Lang Siya ng Konsensiya at Katwiran (Ikatlong Bahagi)
Iyong mga tunay na nananalig sa Diyos ay iyong mga may tunay na pananampalataya sa Kanya. May mga damdamin silang pinatatakbo ng kanilang konsensiya at katwiran; nananalig sila sa kanilang puso na ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan; nananalig silang ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay tama, at para sa layuning iligtas at dalisayin ang mga tao. Naaayon man ito o hindi sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, ito ay kapaki-pakinabang sa kanila. Iyong mga hindi tunay na nananalig sa Diyos ay walang konsensiya at walang katwiran, ni walang pakialam sa pagkakaroon ng konsensiya o katwiran. Lagi silang may saloobin na kalahating maniwala at kalahating hindi maniwala sa mga salita ng Diyos; hindi nararamdaman ng kanilang puso na ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan. Kung gayon, ano ang kanilang pananaw tungkol sa pag-iral ng Diyos? Sa kanilang puso, iniisip nilang, “Kung umiiral ang diyos, nasaan siya? Hindi ko siya nakikita. Hindi ko alam kung talagang umiiral ba ang diyos. Kung nananalig kang umiiral siya, umiiral siya; kung hindi, hindi.” Ito ang kanilang pananaw. Subalit pinagninilayan nila ito, iniisip na, “Napakaraming tao ang nananalig sa diyos at nagpapatotoo sa kanya. Marahil ay mayroon talagang diyos. Sana ay mayroon nga, dahil kung gayon ay mapakikinabangan ko ang sitwasyon at makapagtatamo ako ng mga pagpapala. Susuwertehin ako.” Gumagamit sila ng isang mentalidad ng suwerte at pagsusugal at gusto lamang nilang lumahok para sa kaunting kasiyahan; iniisip nilang kahit hindi sila pagpalain, hindi ito kawalan, dahil hindi naman sila namuhunan ng kahit ano. Ang kanilang pananaw at saloobin tungkol sa pag-iral ng Diyos ay, “Tunay bang umiiral ang diyos? Hindi ko masabi kung umiiral ba siya o hindi. Nasaan ang diyos? Hindi ako sigurado kung nasaan. Ang lahat ba ng mga taong ito na nagpapatotoo ay totoo? O nagsisinungaling ba sila? Hindi rin ako sigurado.” Kinukuwestiyon ng kanilang puso ang lahat ng isyung ito; hindi nila ito nauunawaan, kung kaya’t lagi nila itong pinagdududahan. Ang kanilang pananalig sa Diyos ay nababahiran ng saloobin ng pagdududa at mga maling pananaw. Kapag nagsasalita at nagpapahayag ng katotohanan ang Diyos, ano ang kanilang saloobin sa Kanyang mga salita? (Pagdududa at hindi paniniwala.) Hindi ito ang kanilang pangunahing pananaw; hindi ninyo malinaw na nakikita ang bagay na ito. Tinatanggap ba nila bilang katotohanan ang salita ng Diyos? (Hindi.) Ano ang iniisip nila? “Napakaraming tao ang gustong magbasa ng mga salita ng diyos, pero bakit hindi ito kawili-wili para sa akin? Ano ba ang makakamit sa pagbabasa ng mga salita ng diyos at pag-unawa sa katotohanan? Ano ang kapakinabangan nito? Makararating ba talaga kayo sa kaharian ng langit? Hindi nakikita ng mga tao ang kaharian ng langit. Sa tingin ko, dapat ay may ilang aktuwal na kapakinabangan sa pananalig sa diyos; mayroon dapat na ilang tunay na kalamangan.” Nag-aalala silang kung hindi nila nauunawaan ang katotohanan ay ititiwalag sila, kaya’t paminsan-minsan ay nakikinig sila sa mga sermon. Ngunit pagkatapos ay nagninilay sila, naiisip na, “Sinasabi nilang may awtoridad at kapangyarihan ang mga salita ng diyos, kung gayon ay bakit hindi ko ito naririnig o nararamdaman? Sinasabi nilang kayang baguhin ng mga salita ng diyos ang mga tao, kung gayon ay bakit hindi pa ako nabago ng kanyang mga salita? Ninanasa ko pa rin ang mga kaginhawahan ng laman gaya nang dati; gusto ko ng pagkain at mga damit; kasingmaiinitin pa rin ang ulo ko gaya nang dati; natatakot pa rin ako kapag inuusig ako ng malaking pulang dragon. Bakit wala pa rin akong pananampalataya? Hinihingi ng diyos na maging tapat ang mga tao; hinihingi niya sa kanilang maging mga taong nagtataglay ng katotohanan at pagkatao. Hindi ba’t mga hangal ang mga tapat na tao? Hinihingi ng diyos sa mga taong katakutan siya at iwasan ang kasamaan, subalit gaano karami sa kanila ang talagang nakakapagsakatuparan nito? Ang kalikasan ng tao ay makasarili. Kung susundin mo ang iyong kalikasang pantao, dapat mong isipin kung paano ka magkakamit ng mga pagpapala para sa iyong sarili. Dapat kang magpakana para makapagdala ka ng kapakinabangan sa iyong sarili. Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba. Ikaw ang dapat na may hawak sa sarili mong tadhana; ikaw dapat ang gumawa ng sarili mong kaligayahan. Ito ang pinakamakatotohanan. Kung hindi maglalaban-laban ang mga tao at aangkinin ang mga bagay-bagay para sa kanilang sarili, at kung hindi sila mabubuhay para sa kasikatan, kapakinabangan, at kalamangan, ay wala silang mapapala. Walang sinuman ang magkukusang ilagak ang mga bagay na ito sa harap ng iyong pintuan. Hindi talaga kailanman bumabagsak ang manna mula sa kalangitan!” Ito ang kanilang mga kaisipan at pananaw, ang kanilang mga pilosopiya sa mga makamundong pakikitungo, at ang lohika at mga panuntunan nila para mabuhay. Ang mga tao bang nagtataglay ng mga ganitong kaisipan at pananaw ay mga hindi mananampalataya? Ito mismo ang saloobin sa katotohanan ng mga hindi mananampalataya. Hindi alam ng kanilang isipan kung ano ang katotohanan, hindi alam kung saan naipamamalas ang awtoridad at kapangyarihan ng mga salita ng Diyos, at hindi alam kung paano nagsasaayos ang Diyos para sa kalalabasan ng mga tao. Sumasamba lamang sila sa kapangyarihan at naghahanap ng mga kapakinabangang nasa mismong harap nila. Iniisip nilang kung mananalig sila sa Diyos ay dapat silang pagpalain; at na tanging kung ipinagkakaloob ng Diyos ang mabuting kapalaran sa mga tao, pinupuno ang kanilang buhay ng kayamanan at kasaganaan, at binibigyan sila ng isang masayang buhay, na ito ay ang tunay na daan. Hindi sila naniniwalang ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, at hindi sila naniniwalang ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, lalo na na kayang baguhin ng mga salita ng Diyos ang disposisyon o tadhana ng isang tao. Samakatuwid, hindi nila kailanman hinangad ang katotohanan habang nananalig sila sa Diyos. Sa madaling salita, dahil hindi nila tinatanggap ang mga salita ng Diyos bilang kanilang buhay at ang layunin ng kanilang buhay, ang kanilang pananampalataya sa Diyos ay papahina nang papahina; wala silang interes na basahin ang mga salita ng Diyos, o makinig sa mga sermon; nakakatulog pa nga sila habang ibinabahagi ang katotohanan. Dagdag pa rito, nararamdaman nila na ang pagganap ng kanilang tungkulin ay isang karagdagang pasanin at na gumagawa sila para sa wala. Nananabik ang kanilang puso para sa oras kung kailan matatapos na ang gawain ng Diyos, kung kailan bibigyan Niya sila ng pahayag ng resolusyon, at makikita nila kung talagang makapagkakamit sila ng mga pagpapala. Kung mapagtatanto nila na sa pananalig sa Diyos sa ganitong paraan ay hindi sila kailanman makatatanggap ng mga pagpapala, na paniguradong ititiwalag sila, at na mamamatay pa rin sila sa isang sakuna, makaaalis na sila ngayon mismo. Bagaman sinasabi nilang nananalig sila sa Diyos, pinagdududahan Siya ng kanilang puso. Sinasabi nilang ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan, subalit hindi naniniwala ang kanilang puso sa katotohanan. Hindi nila kailanman binasa ang mga salita ng Diyos, at hindi rin sila tunay na nakinig sa isang sermon. Hindi sila kailanman nakipagbahaginan tungkol sa katotohanan, at hindi nila kailanman hinanap ang katotohanan habang ginagampanan nila ang kanilang tungkulin; ginagamit lamang nila ang sarili nilang pagsisikap. Ito ang tipikal na hindi mananampalataya. Wala silang pinagkaiba sa mga walang pananampalataya.
Bagaman kinikilala ng mga hindi mananampalataya na umiiral ang Diyos, hindi sila naniniwala sa katotohanan at hindi nila ito tinatanggap. Sa kanilang puso, alam nilang hindi inililigtas ng Diyos ang mga hindi mananampalataya, kaya’t bakit pa nila patatagalin ang kanilang pananatili sa sambahayan ng Diyos? (Para magkamit ng mga pagpapala.) Ito ay para makapagkamit sila ng mga pagpapala; may kaugnayan ito sa kanilang mga interes. Sa puso ng mga hindi mananampalataya ay inaasahan nilang makapagkakamit sila ng mga pagpapala, at naniniwala silang, sa huli, ay magkakaroon sila ng mabuting kapalaran kung mananalig sila sa Diyos, kikilalanin nila Siya, at hindi nila Siya pagdududahan o iiwan. Bilang resulta, tangan ang “pananampalataya” na ito, inilalagak nila ang kanilang sarili sa sambahayan ng Diyos, at walang kahit anumang makapagpapaalis sa kanila. Sa kanilang isipan, nauunawaan nila ang lahat at hindi sila hangal nang kahit bahagya; hindi lamang nila nauunawaan ang katotohanan. Naniniwala silang hangga’t hindi sila gumagawa ng masasamang bagay o nanggugulo sa gawain ng iglesia ay hindi sila palalayasin at ititiwalag mula sa iglesia, at na sa pamamagitan ng paghihintay sa araw kung kailan matatapos ang gawain ng Diyos ay magwawagi sila at makatatanggap ng mga pagpapala. May mga kalkulasyon sila, subalit may isang bagay silang hindi kayang baguhin: Dahil hindi sila naniniwalang ang Diyos na nagkatawang tao ay ang tunay na Diyos, at pinagdududahan nila ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay, hindi nila kailanman matatanggap ang katotohanan. Ano ang kahahantungan niyong mga hindi kayang tanggapin ang katotohanan? (Ititiwalag sila.) Oo, ititiwalag silang lahat. Ang mga hindi mananampalatayang ito ay hindi interesado sa katotohanan subalit laging nag-aasam na sila ay pagpapalain. Ang pagkaunawa at depinisyon nila ng pagiging matuwid ng Diyos ay nababahiran ng mga sarili nilang imahinasyon at inaasahan, at masyado silang desperado, mahigpit na kumakapit sa pariralang “matuwid ang Diyos”. Ano ba talaga ang ibig sabihin ng pagkapit nila nang mahigpit sa pariralang ito? Nangangahulugan itong lagi silang may mga pagkiling at maling interpretasyon tungkol sa pagiging matuwid ng Diyos. Iniisip nilang, “O diyos, dahil matuwid ka, dapat mong harapin ang lahat ng aking ginagawa batay sa pagiging matuwid na ito. Hindi ako gumawa ng kasamaan, o nagdulot ng mga pagkagambala o kaguluhan, kaya’t dapat kang magpakita sa akin ng matinding awa at hayaan mo akong manatili.” Ganito sila kadesperado. Obhetibo at makatotohanan ba ang ideya nilang ito? (Hindi ito makatotohanan.) Bakit ito hindi makatotohanan? Hindi sila ganap na nananalig sa pagiging matuwid ng Diyos, ninanais nilang sumugal dito gamit ang mentalidad na subukan ang kanilang suwerte, at umaasa silang tutuparin ng Diyos ang kanilang mga ninanasa. Hindi ba’t pangangarap nang gising lamang ito? Hindi nila alam kung ano ang matuwid na disposisyon ng Diyos, hindi nila hinahanap ang katotohanan, at hindi nila hinahangad na makilala ang Diyos, at lalong hindi nila hinahangad ang salita ng Diyos. Naniniwala lamang sila sa ganitong paraan dala ng pangangarap nang gising, at may bahid ito ng pagsubok sa kanilang swerte. Bakit sila nakapag-iisip nang ganito? Dahil ito ay kapaki-pakinabang sa kanila: Ito na ang huling makapagliligtas sa kanila; ito ang huling pag-asa kung saan nila isinusugal ang lahat. Sa paglalagay nila ng kanilang buhay sa alanganin sa kahilingang ito, inaasam ba nilang matalo? (Hindi.) Kapag sumusugal ang mga tao, kadalasan ay inaasam nilang magwagi, kaya’t ano ba ang kinakailangang panghawakan ng mga taong ito para maramdaman nilang maaari silang magwagi, at maging siguradong magwawagi sila? Ito ay ang pariralang: “matuwid ang Diyos.” Naniniwala ba ang mga hindi mananampalatayang ito na nagsasabing matuwid ang Diyos na talagang matuwid Siya? Naniniwala ba talaga silang susuklian Niya ang bawat tao batay sa kanilang mga pagkilos? Ang pagkaunawa ba nila sa pagiging matuwid ng Diyos ay katulad sa tunay na pagiging matuwid ng Diyos? (Hindi.) Alam ba nilang hindi ito magkatulad? (Alam nila.) Kung gayon ay bakit patuloy pa rin nilang sinasabi na “matuwid ang Diyos”? Ano ba ang nilalaman ng parirala nilang ito? Ano ba ang nilalaman nitong mga hangarin? (Gusto nilang gamitin ang mga salitang ito para udyukan ang Diyos na tuparin ang kanilang mga hinihiling, at pahintulutan silang mabuhay at makapasok sa kaharian ng langit.) Oo, may layunin sa likod ng pariralang ito: Sinusubukan nilang pilitin ang Diyos gamit ito. Sa pagsasabi ng mga salitang ito, ibig nilang sabihin na: “Hindi ba’t matuwid ka? Marami na akong isinakripisyo, kaya’t dapat kang kumilos nang naaayon sa iyong pagiging matuwid. Masyado na akong maraming pinagdaanan at nagbata ng napakaraming paghihirap, ngayon ay paano ako dapat na pagpalain?” Ito ay pamimilit, pangingikil, at paghiyaw. Iniisip nilang pinipilit at pinalalakas nila ang kanilang sarili sa isang tao, at sa paggawa nito ay makapagkakamit sila ng mga pagpapala at makakukuha ng kung anong gusto nila. Kikilos ba talaga nang ganito ang Diyos? Hindi, hindi Siya kikilos nang ganito. Dahil hindi sila nananalig na umiiral ang Diyos at hindi sila nananalig sa Kanyang disposisyon, at lalong hindi sila nananalig na ang Kanyang salita ay ang katotohanan, kung kaya’t nangangahas silang hayagang hiyawan ang Diyos, at kalabanin Siya, at nangangahas na sumugal sa ganitong paraan. Mismong dahil sila ay mga hindi mananampalataya kung kaya’t ginagawa nila ang mga ganitong bagay. Ganito umaasal ang mga hindi mananampalataya, sinasabi paminsan-minsang, “Tiniis ko ang napakaraming paghihirap, at ano ang napala ko?” o “Matuwid ang diyos, at ako ay may pananalig sa diyos, hindi sa mga tao.” Ang mga hindi mananampalataya ay kadalasang nagsasalita nang ganito, naglalantad ng ganitong uri ng disposisyon, at nagpapakita ng ganitong mga pag-uugali; ito ang kanilang saloobin sa Diyos. Hindi sila naniniwala sa Kanyang pag-iral subalit gusto pa rin nilang magpalakas sa Diyos sa pamamagitan ng pagsisikap at pagbabayad ng mga halaga, at ginagamit nila ang salita ng Diyos, ang mga salita at doktrina, at ang mga teoryang ito para pilitin at akusahan ang Diyos, para makamit nila ang kanilang layuning makakuha ng mga pagpapala. Subalit hindi ba sila nagkakamali sa ganitong uri ng pangangarap nang gising? Magbubunga ba sa huli ang pagsusugal nilang ito? (Hindi.) At alam ba nilang matatalo sila? Alam ba nilang pumupusta at sumusugal sila? (Alam nila.) Mali kayo. Talagang hindi nila alam, at naniniwala silang tunay ang kanilang pananampalataya. Bakit iniisip nilang tunay ang kanilang pananampalataya? Sabihin mo sa Akin, paano makikilala ng mga tao ang mga kalagayan at disposisyong ito? Kung nabubuhay sila sa mundo ng mga walang pananampalataya at nag-aaral ng ilang klasikong gawa ng tradisyonal na kultura tulad ng “Mga Pilosopiya ni Confucius” at “Tao Te Ching,” makikilala ba nila ang mga pag-uugali at diwang ito? (Hindi.) Hindi nila kailanman makikilala. Ano ang dapat gawin ng mga tao para makilala ang mga problemang ito sa kanilang mga kalikasang diwa? (Tanggapin ang salita ng Diyos.) Una, dapat nilang tanggapin ang salita ng Diyos at ang katotohanan. Dapat ay may pananampalataya sila na ang lahat ng salita ng Diyos ay tama, dapat nilang tanggapin ang salita ng Diyos, at ituring ito na tila salamin na pagkukumparahan ng kanilang sarili. Tanging sa gayon lamang nila makikilala ang mga kalagayan at pananaw na kinikimkim nila sa loob, at ang problema ng mga tiwaling disposisyon na umiiral sa kanilang kalikasan. Kung hindi nila tatanggapin ang katotohanan o ituturing ang salita ng Diyos bilang katotohanan, iiral ba ang salaming ito sa kanila? (Hindi.) Hindi ito kailanman iiral sa kanila. Kapag tahasan nilang kinukumpronta at hinihiyawan ang Diyos sa kaibuturan ng kanilang puso, mapagtatanto ba nila na ito ay isang problema? Hindi nila ito kailanman mapagtatanto. Inaakala nilang ang kanilang paraan ng pag-iisip at pagkilos ay tama, makatwiran, at patas. Kumikilos sila kagaya nang dati, at naniniwala kagaya nang dati, at hindi sila nakararamdam ng pangangailangan na himay-himayin o talikuran ang anuman sa kanilang mga umiiral na pananaw, at hindi nila nakikita ang silbi ng pagtanggap sa pagpupungos, paghatol, pagkastigo, o paglalantad ng salita ng Diyos. Nabubuhay sila para sa kanilang sarili, nabubuhay sa kanilang mga sariling panloob na mundo. Wala silang ginagawa na kaugnay sa salita ng Diyos. Iniisip nila kung anuman ang gusto nilang isipin, at itinuturing nila ang anumang pinaniniwalaan o iniisip nila bilang tama, bilang katotohanan. Batay sa saloobin nila sa salita ng Diyos, hindi nila kailanman makikilala ang mga problemang umiiral sa kaibuturan ng kanilang puso. Tuwing nagsasakripisyo sila at nagsisikap araw-araw, para kanino at para saan sila nagsusumikap? Ano ang namamahala sa pag-uugaling ito? Ano ang kanilang motibasyon? Sa isang banda, wala silang tunay na pananampalataya sa Diyos, subalit ninanais nilang sumugal sa Kanya batay sa mentalidad na subukan ang kanilang swerte. Sa kabilang banda, pinangingibabawan sila ng kanilang pagnanasa para sa mga pagpapala. Sa tuwing naiisip nila ang pagkakamit ng mga pagpapala, ang pagtanggap sa pangako ng Diyos, mas masigasig silang nagsisikap. Ang kaibuturan ng kanilang puso ay namumulaklak sa kaligayahan, at ang ilan ay nagiging emosyonal at nagsisimulang lumuha, naiisip na pinagkakalooban sila ng Diyos ng napakaraming bagay at na Siya ay labis na kaibig-ibig. Hindi ba ito mga maling akala? Ang mga kalagayan at damdaming ito ay tila katulad sa kung ano ang nararamdaman ng mga tao na naghahangad sa katotohanan sa kaibuturan ng kanilang puso kapag nararanasan nila ang paghampas, pagdidisiplina, at pagsaway ng Diyos. Iyong mga naghahangad ng katotohanan ay lumuluha rin at nagpapasalamat sa Diyos, subalit paano nagkakaiba ang kalikasan ng dalawang uring ito ng mga tao? Kapag nagtitiis ng sakit at paghihirap ang mga naghahangad ng katotohanan, ito ay dahil nararamdaman nila ang pagkakautang nila sa Diyos, at ang pagiging hindi nila karapat-dapat sa mga pangako at pagpapala ng Diyos. Napakasaya nila dahil binigyan na sila ng Diyos ng napakaraming bagay, subalit sa kaibuturan ng kanilang puso ay nababagabag sila, sapagkat ramdam nilang hindi pa sapat ang kanilang ginawa at na sila ay may pagkakautang sa Diyos. Nagiging emosyonal sila at naluluha kung minsan, subalit ito ay dahil nagpapasalamat sila sa Diyos para sa Kanyang biyaya, habag, at pagtitimpi. Kapag nakikita nila kung paanong hindi tinitingnan ng Diyos ang kanilang mga paglabag, o ang kanilang pagrerebelde at katiwalian, kundi nagpapakita pa rin Siya ng habag at pagtitimpi sa kanila, at ginagabayan Niya sila, binibigyan sila ng biyaya, talagang nakararamdam sila ng pagkakautang at kirot sa kaibuturan ng kanilang puso. Nasa nanghihinayang at nagsisisi silang kalagayan, at ni hindi sila nangangahas isipin kung may pag-asa ba silang magkamit ng mga pagpapala, dahil pakiramdam nila ay hindi sila karapat-dapat. Ano ang kalikasan ng mga luha ng mga hindi mananampalataya? Hayaan ninyong bigyan Ko kayo ng isang paglalarawan at makikita ninyo kung tama ba ito. Kapag may nangyayari sa kanila, at nakikita nila ang dakilang gawain ng Banal na Espiritu at ang biyayang ipinagkakaloob ng Diyos, kapag inaantig sila ng Banal na Espiritu, at pinapatnubayan at binibigyang-kaliwanagan ng Diyos, at ang kanilang gawain ay nagiging mabunga, nagiging masaya sila, at sa kaibuturan ng kanilang puso ay nananalangin sila sa Diyos: “O diyos, salamat sa iyo at sa iyong mga pagpapala at pamamatnubay. Ang kaluwalhatiang ito ay para lahat sa iyo.” Sa kaibuturan ng kanilang puso, sobra silang nalulugod sa kanilang sarili, at iniisip na: “Hindi pa rin ako iniiwan ng diyos. Iniisip ko dating hindi talaga ako tunay na nananalig sa diyos, tulad ng isang hindi mananampalataya, pero ngayon ay nakikita ko nang pinagpapala pa rin ako ng diyos at hindi niya ako iniwan. Ibig sabihin nito ay lumalaki nang lumalaki ang aking pag-asa at pagkakataong makapagkamit ng mga pagpapala at ng isang magandang destinasyon. Tila tama ang aking desisyong manalig sa diyos; pinili ako ng diyos.” Kapag may mga pag-iisip silang tulad nito, nakararamdam ba sila ng pagkakautang? Nauunawaan ba nila ang kanilang sarili? Talaga bang kinapopootan nila ang kanilang mga satanikong kalikasan at mapagmataas na disposisyon? (Hindi.) Nakararamdam ba sila ng tunay na pasasalamat para sa gawain ng Diyos para sa kanila? (Hindi.) Kahit pa magpahayag sila ng mababaw na pasasalamat, sa kaibuturan ng kanilang puso ay iniisip nilang, “Tiyak na totoo na pinili ako ng diyos. Paano ako mananalig sa kanya kung hindi niya ako pinili?” Sa huli, iniisip nilang ang lahat ng ito ay bilang kabayaran sa lahat ng tiniis nilang paghihirap at kanilang mga isinakripisyo, at iniisip nilang halos sigurado nang magkakamit sila ng mga pagpapala. Hindi sila nakararamdam ng pagkakautang sa Diyos, wala silang pagkaunawa sa sarili, at lalong wala silang tunay na pasasalamat sa Diyos, habang kasabay niyon ay nagiging mas matindi ang kanilang pagnanasa para sa mga pagpapala. Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng mga taong may tumitinding pagnanasa na magkamit ng mga pagpapala at ng mga taong nadarama na hindi sila karapat-dapat sa mga pagpapala, hindi karapat-dapat na makatanggap sa pangako ng Diyos, at hindi karapat-dapat na patnubayan at gabayan ng Diyos? Ang isa ay umaatras, hindi nagnanais na makipaglaban, at nararamdamang hindi karapat-dapat na magkamit ng mga pagpapala, habang ang isa naman ay laging gustong makipaglaban, lagi silang nagpaplano at nagkakalkula kung paano sila maniningil sa Diyos, iniisip na: “Napakaraming taon na akong mananampalataya at lubos akong naghirap, kaya gaano kalaki ang aking tsansang magkamit ng mga pagpapala? Pagkakalooban ba ako ng diyos ng mga pagpapala sa hinaharap?” Kapansin-pansin ang pagkakaiba: Ang isa ay nakikipaglaban, habang ang isa ay nararamdamang hindi sila karapat-dapat. Alin sa dalawang uri na ito ng mga tao ang may konsensiya at katwiran? (Iyong nakararamdam na hindi sila karapat-dapat sa mga pagpapala.) Iyong nakararamdam na hindi sila karapat-dapat sa mga pagpapala ang nakauunawa sa aktuwal na sitwasyon. Nararamdaman nila na ang isang walang kabuluhang nilikha ay hindi karapat-dapat sa mga pagpapala sa harap ng Lumikha. Nakararamdam sila ng pagkakautang at pagsisisi, habang may tunay ring pag-unawa at lalo na ng tunay na pasasalamat sa Diyos sa kaibuturan ng kanilang mga puso. Nahanap na nila ang kanilang tunay na lugar. Ang isa pang uri ay nakikipaglaban: nakikipaglaban para sa isang destinasyon, para sa katayuan, at para sa mga pagpapala. Ano ang kanilang layunin sa pagtitiis ng lahat ng paghihirap at pagsasakripisyong ito? Ginagawa nila ang mga bagay na ito para maipagpalit nila sa mga pagpapala at sa isang destinasyon. Umaasa silang maipagbibili nila ang sarili nilang paggawa para makapagkamit ng pabuya mula sa Diyos. Ang gayong tao ba ay isang tunay na nilikha sa paningin ng Diyos? Ito ba ang nilikhang gusto ng Diyos? (Hindi.) Sinabi ba kailanman ng Diyos na ang tanging paraan para magkamit ng mga pagpapala o pabuya ay ang makipaglaban para sa mga ito? (Hindi.) Kung gayon, ano ang hinihingi ng Diyos sa mga tao? (Na kumilos kami para gawin nang maayos ang mga tungkulin ng isang nilikha.) (Na maging mga tapat kaming tao.) Iyon ang ilan sa mga kongkretong hinihingi, ano pang ibang meron? (Na sundin namin ang salita ng Diyos at ang mga hinihingi Niya sa aming mga pagkilos.) (Na isagawa namin ang anumang mga katotohanang aming nalalaman.) Hindi ang mga ito ang layunin. Lagi ninyong hindi nakukuha ang pinakapunto ng usapin. Hindi pa rin ninyo alam kung ano ang hinihingi ng Diyos sa mga tao. Simple lamang naman talaga ang Kanyang mga hinihingi: Ang makinig sa Kanyang salita at magpasakop sa Kanya. Iyon ang mga hinihingi. Ang ibig sabihin ng makinig sa mga salita ng Diyos ay ang isagawa ang mga hinihingi Niya sa mga tao. Bukod pa sa mga hinihinging kababanggit lang ninyo, marami pa talagang iba. Paano naman ang pagpapasakop sa Diyos? Hindi mo laging nauunawaan ang mga layunin ng Diyos, subalit magagawa mo bang magpasakop sa Kanya? May kinalaman ito sa saloobin ng isang nilikha tungo sa Lumikha. Minsan, maaaring hindi mo maunawaan ang salita ng Diyos matapos mo itong basahin, dahil binibigyan ka lamang Niya ng isang utos—pinakikinggan mo ba ito? Dapat mo itong pakinggan, nang hindi nagtatanong kung tama ba ito o mali, o kung ano ang dahilan sa likod nito. Anuman ang winiwika o sinasabi sa iyo ng Diyos, o iniuutos Niya sa iyo, dapat kang makinig; iyan ang pagpapasakop. Tanging sa pagpapasakop ka nagiging isang nilikha sa paningin ng Diyos. Ang pakikinig sa salita ng Diyos at pagpapasakop sa Kanya: ito ang mga hinihingi ng Diyos sa mga tao. May isa pang parirala: pagsunod sa landas ng Diyos. Ano ang ibig sabihin ng “pagsunod” na ito? Nangangahulugan itong pagsasagawa nang ayon sa salita ng Diyos, pamumuhay ayon sa Kanyang salita, at pagiging isang tao na sumusunod sa Kanyang landas. Ano ang Kanyang landas? Ito ay ang Kanyang salita. Sa katunayan, “ang pakikinig sa salita ng Diyos at pagpapasakop sa Kanya” at “ang pagsunod sa landas ng Diyos” ay may parehong pakahulugan, at ito ang uri ng tao na gusto ng Diyos. Ni minsan ba ay sinabi ng Diyos sa mga tao, “Hindi mo kailangang makinig sa Aking salita. Puwedeng maghangad ka na lamang ng mga pagpapala. Huwag mong kalilimutan na maaari kang pagpalain. Para sa layuning ito, dapat mong talikuran ang lahat, dapat kang magtiis ng higit pang mga paghihirap, lalong magsakripisyo, at lalo pang magsikap”? May ganito bang mga hinihingi ang Diyos? Makikita ba ang mga ito saan man sa Kanyang salita? (Hindi.) Katotohanan ba ang mga salitang iyon? (Hindi.) Hindi ba’t mapaghimagsik ang tratuhin ng mga hindi mananampalataya ang mga salitang ito bilang katotohanan? Ano ang nangyayari kapag tinatrato nila ang mga salitang ito bilang katotohanan? Maaari silang makinabang mula sa mga salitang ito, iyon mismo ang kanilang mga hangarin at ambisyon. Binibigyang-pansin ba nila sa kanilang puso kung ano ang hinihingi sa kanila ng Diyos? Kaya ba nilang sundin o isakatuparan ang mga hinihinging ito? (Hindi nila kaya.) Bakit hindi nila kaya? Dahil sa sandaling maisakatuparan nila ang mga hinihinging ito—ang makinig sa salita ng Diyos at magpasakop sa Kanya—nangangahulugan itong kailangan nilang talikuran ang kanilang pagnanasang pagpalain, at ang ideyang may karapatan silang maghangad ng mga pagpapala at pabuya. Ang mga pagpapala at pabuya ang kanilang ikinabubuhay, kaya sasang-ayon ba silang talikuran ang mga ito? (Hindi.) Ang mga bagay na ito ang kanilang pinakabuhay, kaya’t kung tatalikuran nila ang mga ito, mawawalan sila ng kaluluwa at mawawalan na ng kabuluhan ang kanilang buhay. Nabubuhay sila para sa mga pagpapala, kaya kung hihingin mo sa kanilang talikuran ang pagkakamit ng mga pagpapala, ay para mo na ring hiningi sa kanilang tumaliwas sa mga prinsipyo at oryentasyon ng kanilang asal, at maghimagsik laban sa kanilang sarili, kaya hindi nila ito matatanggap. Nangangahulugan ito na ang paghingi sa kanilang magsagawa ng katotohanan, makinig sa salita ng Diyos, at magpasakop sa Kanya ay sadyang napakahirap para sa kanila, mas mahirap pa ito kaysa paakyatin ang isang matandang baka sa isang puno. Ang pinakakalikasan nila ay nagdidiktang hindi nila kayang gawin ang mga ganitong bagay.
Gusto ba ninyong mabuhay sa isang pagnanasa at layuning magkamit ng mga pagpapala, o gusto ba ninyong maayos na gawin ang inyong tungkulin nang nakatapak nang matatag ang dalawa ninyong paa sa lupa, maging isang katanggap-tanggap na nilikha, at isang taong nakikinig sa salita ng Diyos at nagpapasakop sa Kanya? Anong uri ng tao ang gusto ninyong maging? (Gusto kong maging isang nilikha na nakatapak nang matatag ang dalawa kong paa sa lupa.) Ayaw itong gawin ng ilang tao. Sinasabi nilang: “Masyadong mapaniil ang gayong pamumuhay. Mas gugustuhin ko pang mamatay, o kaya ay tumigil na lang sa pananalig. Kung walang kaunting pagnanasa para sa mga pagpapala, walang kaunting ambisyon, mawawalan ang mga tao ng motibasyon. Hinding-hindi ko kayang mabuhay nang ganoon; masyado iyong mapaniil.” Mayroon ba sa inyong katulad nito? (O Diyos, ganito ako minsan. Nasa ganito akong kalagayan paminsan-minsan.) Pangkaraniwan ba ang mga kalagayang ito? Madalas o bihira ka bang magkaroon ng mga ito? Ano ang mas matindi: ang inyong pagnanasa para sa mga pagpapala, o ang inyong kalooban na maging isang nilikha? Ang ideya ba ng pagtalikod sa anumang pagnanasa para sa mga pagpapala at paggawa ng inyong tungkulin nang nakatapak nang matatag ang mga paa sa lupa ay nagbibigay sa inyo ng pakiramdam na tila pinaimpis kayong lobo, na tila ba walang kabuluhan ang inyong buhay, at na wala kayong interes kahit saan, at na hindi ninyo mapukaw ang inyong lakas? (Ganap akong inilalarawan niyan.) Kung gayon, malala ba ang kalagayang ito? Nakararamdam ba kayo ng paminsan-minsang bahagyang simbuyo na magtamo ng mga pagpapala, o normal na ba ito para sa inyo? Alin doon? Alam ba ninyo ngayon kung kayo ay isang tunay na mananampalataya o isang hindi mananampalataya? Kung sa palagay ninyo ay lahat ng inyong kalagayan at pag-uugali ay iyong sa isang tunay na mananampalataya, hindi sa isang hindi mananampalataya, at na tunay kayong nananalig sa pag-iral ng Diyos at handa kayong tanggapin ang Kanyang salita, subalit mayroon lamang kayong kaunting ambisyon at kaunting banidad, at pagnanais na magkamit ng mga pagpapala, hindi ito isang problema; maaari pa rin kayong mailigtas at maaari pa rin kayong magbago. Kung kayo ay isang hindi mananampalataya na may partikular na matinding pagnanasa para sa mga pagpapala, nasa alanganin kayo. Anong landas ang tinatahak ng mga taong tulad nito? (Ang landas ng isang anticristo.) Kung magagawa nilang tahakin ang landas ng isang anticristo, ano ang magiging katayuan sa huli ng kanilang relasyon sa Diyos? (Iyon ay ang maging laban sa Diyos.) Aabot ba kayo roon, ang kalabanin ang Diyos? (Hindi ko Siya gustong kalabanin.) Ang hindi ninyo kagustuhang gawin ito ay inyo lamang kahilingan. Bahagi ba ang mga ito ng iyong kalikasang diwa? Posible ba para sa inyo na tahakin ang landasing iyon? (Kung hindi ko pagsisikapan ang katotohanan, madali para sa aking mapunta sa landas na iyon, subalit kung mulat ako rito at gusto kong magbago, para baligtarin ang aking direksiyon, at para hindi na lakarin ang landas na ito, kaya ko namang mas maging mabuti.) Ang pagiging mulat tungkol dito ay nagpapahiwatig na mayroon ka pa ring kaunting kamalayan sa iyong puso, at na mayroon ka pa ring isang hangarin, at na ninanais mo pa ring pagsikapan ang katotohanan, subalit malalim na nakaugat sa iyong puso ang mga tiwaling disposisyon, kaya’t laging may tunggalian doon. Sa bawat hakbang ninyo tungo sa katotohanan, at sa bawat pagkakataong tinatanggap ninyo ang katotohanan, may tunggaliang nangyayari sa inyong puso, at lagi kayong nabubuhay sa panahon ng pakikibaka. Ganito ito para sa mga bagong mananampalataya. Normal naman na magkaroon ng tunggalian, at hindi ito maiiwasan ng mga nagnanais na hangarin ang katotohanan. Magwawakas ang tunggaliang ito kapag nakamit na nila ang katotohanan, kapag nagapi na si Satanas, kapag nawasak na ang kanilang mga satanikong disposisyon, pilosopiya, at lohika, at kapag nanaig na ang katotohanan, at pinamunuan na nito ang kanilang puso. Iyong mga hindi naghahangad sa katotohanan, iyong mga nabubuhay nang ayon sa kanilang mga satanikong disposisyon, ay nararamdaman na ang lahat ay maayos sa kanilang puso, at na walang anumang tunggalian doon. Manhid sila at mapurol ang kanilang pag-iisip, isa sila sa mga patay; lahat iyong mga hindi tumatanggap sa katotohanan ay patay na. Ano ang kalamangan ng pagkakaroon ng tunggalian sa puso ng isang tao? Halimbawa, kung kalahati ng iyong mga naiisip ay negatibo at kalahati ay positibo, pagkakalooban ka ng mga positibong kaisipan na iyon ng pagkakataong tahakin ang landas na hangarin ang katotohanan matapos magwakas ang tunggalian, na ibig sabihin ay may 50/50 kang probabilidad na mailigtas. Ang mga negatibong kaisipan ay maaaring magtulak sa iyong sundin ang iyong mga makalamang kaisipan at ideya, o sundin ang iyong mga sariling hangarin, motibasyon, at pananaw, sa panahon ng kaguluhan. Maaari ka nitong itulak sa landas ng isang anticristo, at dalhin ka tungo sa landas ng paglaban sa Diyos. Gayunpaman, kung malaki ang iyong pagmamahal sa katotohanan at magagawa mong tanggapin ang katotohanan at maghimagsik laban kay Satanas, malaki rin ang iyong pagkakataong mailigtas. Natutukoy ito batay sa kung kaya mo bang tanggapin ang katotohanan, at gamitin ito para alisin sa iyong sarili ang iyong mga tiwaling disposisyon. Ganap itong nakabatay sa iyo, walang iba pang makatutulong sa iyo; ito ay may kinalaman lamang sa iyo. Kung mahal mo ba o hindi ang katotohanan ay may kinalaman lamang sa iyo, at kapag may tunggalian sa kaibuturan ng iyong puso, walang ibang makatutulong sa iyong magpasya kung pipiliin mo ba ang katotohanan o tutugunan mo ba ang iyong mga makasariling pagnanasa sa huli, ito ay sarili mong panloob na usapin. Maaari ka lamang gabayan ng iba sa pamamagitan ng pagbabahagi at pagpapayo; gayunpaman, ang landas na iyong pipiliin sa huli ay walang kinalaman sa iba kundi sa iyo lamang. Dapat itong maunawaan ng lahat.
Agosto 22, 2019