Para Magampanan nang Maayos ng Isang Tao ang Kanyang Tungkulin, Dapat Magtaglay man Lang Siya ng Konsensiya at Katwiran (Ikalawang Bahagi)
Maraming tao ang nagnanais na gumanap ng mga tungkulin, at ang ilan ay handang gampanan ang mga ito, subalit bakit lahat sila ay nahihirapang isagawa ang katotohanan? Bakit hindi man lamang nila maisagawa ang mga katotohanang kanilang nauunawaan? Ano ba talaga ang nangyayari dito? Sa tingin ba ninyo ay mahirap ang pagsasagawa ng katotohanan? (Hindi.) Kung gayon ay bakit hindi ninyo ito maisagawa? (Hindi namin gusto ang katotohanan.) Saan nauugnay ang hindi pagkagusto sa katotohanan? (Sa kalikasan ng isang tao.) May kinalaman ito sa pagkatao at kalikasan ng isang tao. Ang mga taong hindi nagtataglay ng pagkatao ay walang konsensiya o katwiran, kaya’t hindi nila kayang mahalin ang katotohanan, at pakiramdam nila ay wala itong gaanong silbi. Naniniwala rin silang madedehado sila kapag isinagawa nila ang katotohanan, at na kahangalan lang ang pagiging isang tapat na tao, kaya’t iniisip nila na hindi kailangang hangarin ang katotohanan. Halimbawa, kapag napasama ng iba ang loob ng ilang tao, naiisip nilang, “Kailangang may gawin ako para makapaghiganti at maipaalam ko sa kanila kung gaano ako kabangis.” Sa oras na maisip nila ito, kailangan ba nila itong isakatuparan? Nagkakaroon ng masasamang naiisip ang mga tao dahil pinangingibabawan sila ng kanilang mga kalikasan, subalit isinasakatuparan at sinusunod ba ng lahat ng tao ang mga kaisipang ito? (Hindi sa lahat ng pagkakataon.) Ilang magkakaibang pagkakataon ba ang naroon? (Minsan hindi ito pinahihintulutan ng sitwasyon, kaya’t hindi naisasakatuparan ng mga tao ang kanilang masasamang naiisip. Posible ring mayroon silang konsiyensiya at katwiran, at namamalayan nilang masasama ang kanilang naiisip, kaya’t sinasadya nilang kontrolin ang kanilang sarili.) Tama, may mga taong sinusunod ang kanilang masasamang naiisip, at isinasakatuparan ang mga ito upang bigyang-kasiyahan ang kanilang sarili sa sandaling dumating ang oportunidad—masasamang tao ang mga ito. Anumang masamang ideya ang naiisip ng isang masamang tao, lagi niyang iniisip na siya ay tama at lagi niyang gustong maghanap ng oportunidad na gawin itong realidad. Ibig sabihin, isinasakatuparan niya ang masasama niyang naiisip, ginagawa niyang tunay na mga pagkilos ang kasamaan na nasa kanyang isipan upang makamit niya ang kanyang mga layunin. Wala siyang katwiran, hindi siya nagpipigil, at hindi niya ginagamit ang kanyang konsensiya para pigilan ang kanyang sarili, at hindi rin siya nagninilay sa kanyang sarili upang husgahan ang kaangkupan o mga kahihinatnan ng kanyang mga pagkilos, o ang epekto o pinsalang maaaring idulot ng mga ito sa kanya o sa iba. Hindi niya pinapansin ang mga bagay na ito. Ginagawa niya ang kanyang naisin, at higit pa rito, naniniwala siyang: “Dapat maging malupit ang isang tunay na lalaki. Dapat na maging masama at malupit ang mga tao, sapagkat kung hindi sila malupit, aapihin sila ng lahat, subalit kinatatakutan ng lahat ang isang masamang tao.” Habang lalo niya itong iniisip, lalo siyang nagiging kumbinsido na tama ang ganitong pag-iisip, at pagkatapos ay kumikilos siya nang ayon dito. Napipigil ba ng pagkamakatwiran at konsensiya ang gayong pag-uugali ng tao? (Hindi.) Hindi ito napipigilan nang gayon. May isang uri pa ng tao na may ganito ring mga naiisip, at kapag naiisip niya ang ganito, maaaring manira siya ng mga bagay-bagay para mailabas ang kanyang galit, subalit hindi niya isasakatuparan ang kanyang mga naiisip kapag oras na para kumilos. Bakit hindi? (Sapagkat kaya siyang pigilan ng kanyang konsensiya at katwiran sa paggawa ng masasamang gawa.) Mayroon siyang konsensiya at katwiran, gayundin ng kakayahang matukoy ang tama sa mali, at mapagpapasyahan niyang: “Hindi ako pwedeng kumilos nang ganito, sapagkat magdudulot ito ng kapwa kapahamakan sa iba at mga kawalan sa aking sarili. Baka magkaroon pa ng paghihiganti!” Nahuhusgahan niya kung ang kanyang mga naiisip ay tama o mali, mabuti o masama. Matapos ang silakbo ng galit, pagninilayan niya: “Dapat akong maging maunawain hangga’t maaari. Hindi bale na; hindi na lamang ako makikipag-ugnayan sa taong iyon sa hinaharap. May matututuhan akong aral mula rito at susubukan kong hindi na madaya muli sa hinaharap. Hindi kailangang maghiganti.” Pagkatapos nito, ito ang pipigil sa kanya. Sa anong pundasyon nabubuo ang “pagpipigil” na ito? Nabubuo ito sa pundasyon ng pagkakaroon niya ng konsensiya at pagkamakatwiran, ng abilidad na matukoy kung ano ang tama at ano ang mali, ng batayan sa kanyang pag-asal, at ng kanyang mga pagpapasya at pagkiling. Ano ang kanyang pagkiling? Wala siyang pagkiling na gantihan ang masama ng masama, sa halip ay iniiwasan niyang gumawa ng hindi mabubuti at ng masasamang pagkilos, kaya’t sa huli ay napagpapasyahan niyang pigilan ang kanyang sarili, at huwag isakatuparan ang kanyang mga naiisip. Galit din siya, at sa kanyang galit, gusto rin niyang gumawa ng ilang malulupit na pagkilos o magsabi ng ilang malulupit na salita. Subalit kapag dumating na ang oras para kumilos, nagpipigil siya, humihinto at hindi kumikilos. Nananatili lamang sa kanyang isipan ang kasamaan, at hindi nagiging pagkilos o isang katunayan. Kapwa may masasamang naiisip ang dalawang uri na ito ng mga tao, kung gayon ano ang pagkakaiba sa kalikasan nitong isang ito, at ng uri na una nang binanggit na hinahayaang gabayan ng kanyang masasamang naiisip ang kanyang mga pagkilos? (Ang ganitong tao ay may mabuting kalikasan, kaya’t hindi sila nakokontrol ng masasamang kaisipan.) May pagkakaiba sa kalikasan ng dalawang uri ng taong ito. May ilang tao na puno ng galit, pagsuway, at kawalang-kasiyahan kapag sila ay pinupuna, inilalantad, o pinupungusan ng iba, at pinipili nilang magkaroon ng saloobing mapaghiganti. Gayunpaman, may ilang taong kayang harapin ang mga sitwasyong ito nang tama at makatwiran, natatanggap nila kung ano ang sinabi kung ito ay totoo, at pagkatapos ay natututo sila ng aral mula rito, pinipili nilang magkaroon ng saloobing mapagpasakop at handang tumanggap. Alin sa dalawang uri na ito ng tao ang makapagsasagawa ng katotohanan? (Iyong taong may konsensiya at kayang tumanggap sa katotohanan at magpasakop sa Diyos.) Bakit mo nasasabing ang gayong tao ay may kaunting konsensiya? (Ito ay dahil may epekto sa kanya ang kanyang konsensiya, kinokontrol nito ang masasama niyang naiisip.) Tama, iyon nga ang nangyayari. Nagkakaroon ng epekto sa kanya ang kanyang konsensiya, kinokontrol, ginagabayan, at binibigyang-katuturan nito ang kanyang mga naiisip; may epekto ito. May epekto ba ang konsensiya noong isa pang uri ng tao? Wala; wala itong epekto. Pinag-iisipan lamang ito ng mga taong iyon paminsan-minsan, subalit pagkatapos ay kumikilos pa rin sila gaya ng karaniwan nilang ginagawa. Ang kanilang konsensiya ay pawang dekorasyon lamang at hindi ito umiiral sa katunayan. Alin sa mga uring ito ng tao ang mas nagtataglay ng pagkatao? (Iyong taong may epekto ang konsensiya at katwiran.) Iyong umeepekto ang konsensiya ay may kakayahang humusga kung ano ang tama at mali at kaya nilang kontrolin ang kanilang masasamang gawa. Ang ganitong uri ng tao ay kayang isagawa ang katotohanan at hangarin ang katotohanan. Kapag hinihiling ninyo sa ilang tao na gumawa ng mabubuting bagay, o na asikasuhin ang mga bagay-bagay nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo, walang epekto sa kanila ang kanilang konsensiya. Hindi nila ginagawa ang alam nilang tama, sa halip ay ginagawa lamang nila ang kanilang naisin. Handa silang magtsismis, manghusga ng iba, at mambola o sumipsip sa kanila, at ginagawa nila ito nang walang pag-aalinlangan. Anong uri kayo ng tao? (Sa tingin ko, isa akong mapagpalugod ng mga tao.) Napipigilan ba ang mga mapagpalugod ng mga tao ng kanilang konsensiya at pagkamakatwiran? Natutukoy ba nila ang kaibahan ng tama at mali? (Sa tingin ko ay kayang tukuyin ng mga mapagpalugod ng mga tao kung sino ang tama at kung sino ang mali, subalit wala silang diwa ng katarungan, hindi nila pinoprotektahan ang gawain ng iglesia, at pinangingibabawan sila ng mga satanikong pilosopiya sa medyo malubhang antas. Halimbawa, kapag may nagtatanong sa akin tungkol sa isang bagay, kapag tinutukoy ko ang isang taong wala roon, nakapagsasalita ako nang tapat, subalit kung naroon siya, nagtitimpi ako, at hindi nagsasalita nang tuwiran.) Bagaman maraming tao ang hindi nagmamahal sa katotohanan o naghahangad nito, ang katunayan, mayroon silang kaunting pagkaunawa tungkol sa iba’t iba nilang kalagayan. Kalimutan na kung minamahal mo ba o hindi ang katotohanan o kung maisasagawa mo ba ang katotohanan sa ngayon; una, subukan mong unti-unting pabutihin at baguhin ang mga tiwali mong kalagayan na iyong natutukoy. Sa ganyang paraan, unti-unting maitutuwid ang iyong landas. Simulan mo sa pagbago ng mga bagay na iyong namamalayan—ang ibig sabihin, iyong mga nadarama ng iyong konsensiya at pagkamakatwiran, o ang mga maling kalagayan, pahayag, ideya, at pananaw na nadarama at natutukoy ng iyong isipan—simulan mo sa pagbago ng mga bagay na ito na iyong nadarama. Kung mababago mo ang mga bagay na ito, marami ka nang nakamit. Kahit papaano man lamang ay magiging isang tao ka na may konsensiya at katwiran, kikilos ka nang makatwiran, makikilatis mo ang iyong mga maling kalagayan, at makapagpupursigi ka tungo sa katotohanan. Sa ganitong paraan, magagawa mong harapin ang mga bagay-bagay nang may mga prinsipyo, at makapapasok ka sa mga katotohanang realidad. Pagkatapos, ang iyong pagganap ng iyong tungkulin ay aabot na sa pamantayan. Kung nauunawaan mo ang katotohanan at nalulutas mo ang mga praktikal na problema sa iyong tungkulin, kahaharapin mo ang papakaunti at papakaunting mga paghihirap. Halimbawa, sabihin nang sa nakalipas ay may isang bagay sa iyong puso na laging pumipigil sa iyong magsalita nang malaya, kaya hindi mo tuwirang tinutukoy ang mga problemang nakikita mo sa iba. Sa halip ay lagi kang nagpapaligoy-ligoy gamit ang mga salitang magandang pakinggan, sapagkat takot kang saktan ang iba, at lagi kang nag-aalala tungkol sa karangalan, damdamin, at pakikipag-ugnayan sa iba. Ngayon, hindi ka na nagpapaligoy-ligoy pa; kapag may problema, nagsasalita ka nang direkta at malinaw tungkol dito, at kaya mong tukuyin ang problema ng iba at tuparin ang iyong mga responsabilidad. Wala nang pangamba at paghihirap sa iyong puso at nakapagsasalita ka nang taos-puso kapag ibinubuka mo ang iyong bibig, nang hindi naaapektuhan o napipigilan ng anumang iba pang bagay. Ngayon, alam mo nang dapat mong sundin ang mga prinsipyo sa iyong ginagawa, na hindi ka maaaring mabuhay nang ayon sa mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, at na dapat mong isantabi ang iyong pagpapahalaga sa sarili at sumunod sa mga prinsipyo. Lumilinaw nang lumilinaw ang mga bagay-bagay na ito, at hindi na ganoon kalakas ang epekto sa iyo ng iyong pagpapahalaga sa sarili, at nakapagsasalita ka nang hindi napipigilan ng iyong pagpapahalaga sa sarili at mga damdamin. Nakapagsasalita ka ng ilang patas na salita at hindi ka na nakararamdam ng pagkabalisa sa iyong puso. Sa ibang salita, papakaunti na nang papakaunti ang mga bagay na makakagulo sa iyo; kaya mong makawala sa mga ito, pakawalan ang mga ito, at maging malaya mula sa pagkontrol ng mga ito. Kapag nagsasagawa ka ng katotohanan, at gumagawa at nagsasalita ka ayon sa mga prinsipyo, hindi ka na mapipigilan ng mga tiwaling disposisyon, at ang iyong puso ay hindi na magdurusa pa. Bagkus, ganap na magiging natural ang pakiramdam nito, magiging payapa ang iyong konsensiya, at madarama mo na ang iyong mga pagkilos ay gaya lang ng nararapat. Magiging natural ang iyong mga ekspresyon at pagkilos at di-kalakihan ang iyong mga paghihirap. Hindi ba’t ito ay pagbabago?
Ang asal at mga pamamaraan ng mga tao sa pakikitungo sa mundo ay kailangang nakabatay sa mga salita ng Diyos; ito ang pinakapangunahing prinsipyo para sa pag-uugali ng tao. Paano maisasagawa ng mga tao ang katotohanan kung hindi nila nauunawaan ang mga prinsipyo ng pag-uugali ng tao? Ang pagsasagawa ng katotohanan ay hindi tungkol sa pagsasabi ng mga walang-saysay na salita o pagsigaw ng mga islogan. Sa halip, tungkol ito sa kung paanong, anuman ang makaharap ng mga tao sa buhay, hangga’t kinabibilangan ito ng mga prinsipyo ng pag-uugali ng tao, ng kanilang mga perspektiba sa mga bagay-bagay, o ang usapin ng pagganap sa kanilang mga tungkulin, kailangan nilang magpasya, at dapat nilang hanapin ang katotohanan, hanapin ang batayan at mga prinsipyo sa mga salita ng Diyos, at pagkatapos ay hanapin ang isang landas sa pagsasagawa. Ang mga nakapagsasagawa sa ganitong paraan ay mga taong hinahangad ang katotohanan. Ang magawang hangarin ang katotohanan sa ganitong paraan gaano man katindi ang mga paghihirap na nararanasan ng isang tao ay ang pagtahak sa landas ni Pedro, sa landas ng paghahanap ng katotohanan. Halimbawa: Anong prinsipyo ang dapat sundin pagdating sa pakikisalamuha sa iba? Marahil ang orihinal mong pananaw ay na “Ang pagkakasundo-sundo ay yaman; ang pagtitiis ay karunungan,” at na dapat mong makasundo ang lahat, iwasang mapahiya ang iba, at wala kang mapasama ng loob, sa gayong paraan ay matatamo ang magandang ugnayan sa iba. Nalilimitahan ng ganitong pananaw, nananahimik ka kapag nasasaksihan mo na gumagawa ang iba ng masasamang bagay o lumalabag sila sa mga prinsipyo. Mas gugustuhin mo nang ang iglesia ang mawalan kaysa mapasama mo ang loob ng sinuman. Hinahangad mong makasundo ang lahat, kahit sino pa sila. Iniisip mo lamang ang mga damdamin ng tao at na hindi ka mapahiya kapag ikaw ay nagsasalita, at lagi kang nagsasabi ng mga salitang magandang pakinggan para pasayahin ang iba. Kahit pa matuklasan mong may mga problema sa isang tao, pinipili mong pagtimpian siya, at pag-usapan na lamang siya kapag siya ay nakatalikod, ngunit kapag kaharap siya ay pinapangalagaan mo ang kapayapaan at pinananatili mo ang inyong ugnayan. Ano ang palagay mo sa gayong asal? Hindi ba’t iyon ay asal ng isang mapagpalugod ng mga tao? Hindi ba’t medyo mapanlinlang ito? Nilalabag nito ang mga prinsipyo ng pag-asal ng tao. Hindi ba’t kababaan ang umasal ka sa ganoong paraan? Ang mga kumikilos nang ganito ay hindi mabubuting tao, hindi ito marangal na paraan ng pag-asal. Kahit gaano ka pa nagdusa, at kahit gaano pa kalaki ang iyong pinagbayaran, kung umaasal ka nang walang prinsipyo, nabigo ka sa aspektong ito, at hindi kikilalanin, tatandaan, o tatanggapin ang iyong pag-asal sa harap ng Diyos. Matapos mapagtanto ang problemang ito, nababagabag ka ba? (Oo.) Ano ang pinatutunayan ng pagkabagabag na ito? Pinatutunayan nitong minamahal mo pa rin ang katotohanan, at na may puso kang nagmamahal sa katotohanan at kagustuhang mahalin ang katotohanan. Pinatutunayan nito na may kamalayan pa rin ang iyong konsensiya, at na ang iyong konsensiya ay hindi pa lubusang patay. Kahit gaano pa kalalim ang iyong katiwalian, o kahit gaano pa karami ang iyong mga tiwaling disposisyon, sa iyong pagkatao ay mayroon ka pa ring diwang nagmamahal sa katotohanan at sa mga positibong bagay. Hangga’t mayroon kang kamalayan, at alam mo ang mga problemang umiiral kaugnay ng iyong pagkatao, mga disposisyon, pagganap ng iyong tungkulin, at kung paano mo tratuhin ang Diyos, at may kamalayan ka pa nga kapag ang iyong mga salita at pagkilos ay nauugnay sa mga pananaw, paninindigan, at saloobin, at napagtatanto mo na mali ang iyong mga pananaw, na hindi naaayon sa katotohanan o sa mga layunin ng Diyos ang mga ito, subalit hindi madaling bitiwan ang mga ito, at gusto mong isagawa ang katotohanan subalit hindi mo ito magawa, at ang iyong puso ay naghihirap, nasasaktan, at nagdurusa, at nakararamdam ka ng pagkakautang—isa itong pagpapamalas ng pagkataong nagmamahal sa mga positibong bagay. Ito ang kamalayan ng konsensiya. Kapag ang iyong pagkatao ay may kamalayan ng konsensiya, at may bahagi itong nagmamahal sa katotohanan at sa mga positibong bagay, magkakaroon ka ng mga damdaming ito. Ang pagkakaroon ng mga damdaming ito ay nagpapatunay na may kakayahan kang makilala kung alin ang mga positibo at negatibong bagay, at na hindi ka pabaya at walang malasakit sa mga bagay na ito, hindi ka manhid o walang kamalayan, sa halip, mayroon kang kamalayan. At dahil mayroon kang kamalayan, nagtataglay ka ng kakayahang makilala kung alin ang tama at mali, at ang mga positibong bagay at negatibong bagay. Kapag mayroon kang kamalayan at kakayahang ito, hindi ba’t magiging madali para sa iyo na kamuhian ang mga negatibong bagay, maling pananaw, at tiwaling disposisyong ito? Medyo magiging madali ito. Kung nauunawaan mo ang katotohanan, tiyak na magagawa mong kamuhian ang mga negatibong bagay at mga bagay na may kinalaman sa laman, dahil ikaw ay nagtataglay ng pinakamababa at pinakapangunahin sa lahat ng mga bagay: ang kamalayan ng konsensiya. Ang pagkakaroon ng kamalayan ng konsensiya ay napakahalaga, gayundin ang pagkakaroon ng kakayahang makilala kung alin ang tunay at huwad, at ang pagkakaroon ng pagpapahalaga sa katarungan pagdating sa pagmamahal sa mga positibong bagay. Pinakakanais-nais at pinakamahalaga ang tatlong bagay na ito sa normal na pagkatao. Kung tinataglay mo ang tatlong bagay na ito, tiyak na makapagsasagawa ka ng katotohanan. Kahit na mayroon kang isa o dalawa lamang sa mga bagay na ito, makapagsasagawa ka pa rin ng ilang katotohanan. Tingnan natin ang kamalayan ng konsensiya. Halimbawa, kapag nakatagpo ka ng isang masamang tao na nanggugulo at nanggagambala sa gawain ng iglesia, matutukoy mo ba ito? Maituturo mo ba ang malinaw na masasamang gawa? Siyempre kaya mo. Gumagawa ng masasamang bagay ang masasamang tao, at gumagawa ng mabubuting bagay ang mabubuting tao; nakikita ng isang karaniwang tao sa isang tingin lang ang pagkakaiba. Kung nagtataglay ka ng kamalayan ng konsensiya, hindi ba’t mayroon ka ring mga damdamin at pananaw? Kung mayroon kang mga pananaw at damdamin, kung gayon ay tinataglay mo ang isa sa mga pinakapangunahing kondisyon sa pagsasagawa ng katotohanan. Kung kaya mong makita at maramdaman na ang taong ito ay gumagawa ng masama, at kaya mong tukuyin ito, at pagkatapos ay ilantad ang taong iyon, at bigyang-daan ang hinirang na mga tao ng Diyos na matukoy ang bagay na ito, hindi ba’t malulutas ang problema? Hindi ba’t ito ay pagsasagawa ng katotohanan at pagtalima sa mga prinsipyo? Anong mga kaparaanan ang ginamit sa pagsasagawa rito ng katotohanan? (Ang paglalantad, pag-uulat, at pagpigil sa paggawa ng masama.) Tama. Ang pagkilos sa ganitong paraan ay pagsasagawa ng katotohanan, at sa pagsasagawa nito, maisasakatuparan mo ang iyong mga responsabilidad. Kung kaya mong kumilos nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo na iyong nauunawaan kapag nahaharap ka sa mga ganitong sitwasyon, ito ay pagsasagawa sa katotohanan, ito ay pagsasagawa sa mga bagay-bagay nang may prinsipyo. Subalit kung hindi ka nagtataglay ng kamalayan ng konsensiya, at nakikita mo ang masasamang taong gumagawa ng kasamaan, mamamalayan mo ba ito? (Hindi ko mamamalayan.) At ano ang maiisip ng mga taong walang kamalayan tungkol dito? “Ano naman sa akin kung gumagawa ang taong iyon ng kasamaan? Hindi niya naman ako sinasaktan, kaya bakit ko pasasamain ang kanyang loob? Kailangan ba talaga iyon? Paano ako makikinabang sa pagsasagawa niyon?” Inilalantad, iniuulat, at pinipigilan ba ng mga ganitong tao ang masasamang tao sa paggawa ng kasamaan? Tiyak na hindi. Nauunawaan nila ang katotohanan subalit hindi nila ito kayang isagawa. Ang mga gayong tao ba ay may konsensiya at katwiran? Wala silang konsensiya o katwiran. Bakit Ko nasasabi ito? Dahil nauunawaan nila ang katotohanan subalit hindi ito isinasagawa; nangangahulugan itong wala silang konsensiya at katwiran, at nagrerebelde sila sa Diyos. Nakatuon lamang sila sa pangangalaga para hindi mapinsala ang kanilang mga interes; wala silang pagsasaalang-alang kung nawawalan ba ang gawain ng iglesia, o kung napipinsala ba ang mga interes ng mga taong hinirang ng Diyos. Sinusubukan lamang nilang pangalagaan ang kanilang sarili, at kapag nakatutuklas sila ng mga problema, hindi nila pinapansin ang mga ito. Kahit pa makakita sila ng isang taong nagsasagawa ng kasamaan, nagbubulag-bulagan sila rito, at iniisip na ayos lamang ito, hangga’t hindi nito napipinsala ang kanilang mga interes. Anuman ang ginagawa ng iba, tila ba wala itong kinalaman sa kanila; hindi sila nakararamdam ng responsabilidad, at walang anumang epekto sa kanila ang kanilang konsensiya. Batay sa mga pagpapamalas na ito, may pagkatao ba ang mga taong ito? Ang taong walang konsensiya at katwiran ay isang taong walang pagkatao. Lahat ng taong walang konsensiya at katwiran ay masasama: Sila ay mga hayop na nagbabalatkayo bilang mga taong kayang gumawa ng anumang uri ng masasamang bagay.
Ang isang tao bang hindi nagtataglay ng kamalayan ng konsensiya ay kayang tukuyin ang mabubuting gawa at masasamang bagay? Mayroon ba siyang anumang konsepto ng tama at mali, o ng wasto at hindi wasto? (Wala.) Kung gayon, paano niya pinakikitunguhan ang ibang tao? Ano ang tingin niya sa tiwaling sangkatauhan? Naniniwala siyang ang buong sangkatauhan ay masama, na hindi siya ang pinakamasahol sa sangkatauhan, at na ang karamihan ng mga tao ay mas masahol kaysa sa kanya. Kung sasabihin mo sa kanyang dapat may konsensiya at katwiran ang mga tao, na dapat maghanda ng mabubuting gawa ang mga tao, sasabihin niyang kasinungalingan iyon at hindi niya iyon paniniwalaan. Ang mga taong ganito, na hindi nagtataglay ng kamalayan ng konsensiya, ay hindi kailanman malalaman ang kabuluhan at kahalagahan ng pagsasagawa ng katotohanan. Kung gayon, posible ba para sa ganitong uri ng tao na mahalin ang katotohanan? (Hindi.) Wala sa kalikasang diwa nila ang nagmamahal sa katotohanan, kaya’t hindi nila kailanman magagawang mahalin ang katotohanan. Ang ganitong uri ng tao ay hindi kailanman mauunawaan kung ano ang katotohanan, kung ano ang kabutihan, o kung ano ang kasamaan. Sa isip nila, negatibo ang mga positibong bagay at positibo ang mga negatibong bagay; naguguluhan sila sa dalawang konseptong ito. Sa anong mga prinsipyo nakabatay ang kanilang mga pagkilos? Hindi nila tinutukoy kung ano ang tama at mali, o ang mabuti at masama, at wala silang pakialam sa parusa o gantimpala; kailangan lamang na ang anumang kanilang ginagawa o sinasabi ay para sa kanilang sariling kapakinabangan. Pagdating naman sa kanilang mga pananaw, binabago nila ang mga ito ayon sa kinakailangan ng kanilang kapaligiran para umangkop sa kanilang mga interes. Pinanghahawakan nila ang mga pananaw nilang makatutulong sa kanilang mga interes hanggang makamit nila ang kanilang mga layunin at ninanasa. Posible ba para sa taong may ganitong uri ng pagkatao, na may ganitong kalikasang diwa, na magsagawa ng katotohanan? (Hindi.) Ano ang dapat taglayin ng isang tao para makapagsagawa ng katotohanan? (Ang kamalayan ng konsensiya, ang kakayahang matukoy kung ano ang tama at mali, at ang pusong may pagmamahal para sa katarungan at mga positibong bagay.) Alin sa mga ito ang inyong tinataglay? Sa tatlong ito, maaaring medyo mahirap gawin ang pagkakamit ng kakayahang matukoy kung ano ang tama at mali, at ang magawang mahalin ang katarungan at mga positibong bagay. Napakahirap para sa mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan na makamit ang dalawang bagay na ito. Subalit ang mga taong may konsensiya at katwiran, kahit papaano man lang, ay kailangang gawin ang mga bagay-bagay nang naaayon sa kanilang konsensiya at katwiran, sa pinakamababa, nang hindi sinasaktan ang iba, hindi nagdudulot ng kapahamakan sa iba para sa kanilang sariling kapakinabangan, at hindi nagsasagawa ng mga bagay na masama at di-makatwiran—sa ganoong paraan, mapapanatag ang kanilang isipan. Kung tunay silang nananalig sa Diyos, dapat man lang ay maging tapat sila, at umayon sila sa kanilang konsensiya at katwiran sa lahat ng kanilang ginagawa. Ito ang mga pamantayan sa pagiging isang mabuting tao. Kung mayroon silang kaunting kakayahan at nauunawaan nila ang katotohanan, lalo nang mas mabuti; sa gayon ay magagawa nilang hanapin ang katotohanan sa lahat ng kanilang ginagawa, at lagi nilang mapagninilayan kung mayroon bang mga paglabag sa mga prinsipyo ang kanilang mga pagkilos. Sa kaibuturan ng iyong puso, mayroon ka bang pamantayan sa pagtatasa? Kapag may ginagawa kang mali, o nilalabag na mga prinsipyo, kung pabasta-basta ka, o kung pinangangalagaan mo ang iyong mga makalamang relasyon, namamalayan mo ba ito? Kung namamalayan mo, mayroon kang kaunting konsensiya. Kung hindi ka nagtataglay ng kamalayan ng konsensiya, nanganganib ka. Kahit papaano man lang ay dapat nagtataglay ka ng kamalayan ng konsensiya para magkaroon ka ng pag-asang maligtas; kung kahit iyon ay wala kayo, nanganganib kayo, sapagkat hindi inililigtas ng Diyos ang walang pagkatao. Ano ang epekto ng kamalayan ng konsensiya sa iyong pagkatao? Ang epekto ay na kailangan mong gamitin ang iyong konsensiya para suriin ang pagiging tama o mali ng iyong personal na nararanasan, ng nakikita ng iyong mga mata at naririnig ng iyong mga tainga, ng iyong iniisip, ng pinaplano mong gawin, at ng iyo nang nagawa. Ang iyong asal at pagkilos ay dapat may mapagbabatayan man lang. Halimbawa, sabihin nang may nakita kang isang taong naghahangad na puno ng sigasig, subalit siya rin ay napakasimple at walang muwang, at lagi mo siyang minamaliit, at laging gustong apihin, at inisin at kutyain ng iyong mga salita. Naiisip mo ang mga ito at minsan ay nakapaglalantad ka rin ng mga pag-uugaling katulad nito—mamamalayan mo ba ito sa iyong puso? Malalaman mo ba na ang mga pag-iisip at pagkilos na ito ay mali at hindi kaaya-aya? Mapagtatanto mo ba kung ano ang kalikasan ng iyong mga pagkilos? (Oo.) Kung gayon, nangangahulugan ito na nagtataglay ka ng kamalayan ng konsensiya. Kung hindi mo man lamang matukoy kung ang iyong mga pananaw sa mga tao, pangyayari, at bagay, o ang mga saloobin sa kaibuturan ng iyong puso, ay hindi kaaya-aya o kung ang mga ito ay maganda at mabuti, kung wala kang pamantayan ng pagtatasa sa iyong puso, wala kang pagkatao. Ang mga taong walang konsensiya ay walang pagkatao. Kung wala ka man lamang pundamental na pagkatao, wala kang anumang halaga at hindi ka maililigtas. Bakit itinakda ng Diyos kay Hudas ang gampanin na ipagkanulo ang Panginoon? Ginawa Niya ito ayon sa kalikasan ni Hudas. Si Hudas ang uri ng bagay na magtataksil sa kanyang Panginoon para sa sarili niyang kapakinabangan, at hindi inililigtas ng Diyos ang mga ganoong tao. Nagawa ni Hudas na magnakaw ng pera, kaya may konsensiya ba siya? (Wala.) Ganito ang hindi pagkakaroon ng konsensiya. Sa partikular, ang katunayang ang perang ninakaw niya ay sa Panginoon ay nangangahulugang isa siyang bagay na walang kahit anong konsensiya at katwiran; isa siyang demonyong hindi napipigilan sa anumang paraan na gumawa ng masasamang bagay. Hindi siya nagtataglay ng kamalayan ng konsensiya at hindi niya mapigilan ang kanyang sarili, kaya’t nagawa niyang palihim na gastusin ang mga handog na iyon sa Diyos. Kung kaya ng isang tao na palihim na gastusin ang mga handog sa Diyos, anong uri ng pagkatao ang mayroon siya? (Iyong sa isang masamang tao.) Wala siyang pagkatao. Ang unang tanda ng kawalan ng pagkatao ay ang hindi pagtataglay ng kamalayan ng konsensiya, at ang hindi pamamahala ng konsensiya ng isang tao sa anumang ginagawa niya. Wala si Hudas kahit na ang pinakapundamental na bagay, na nangangahulugang wala siyang pagkatao, kaya normal lamang sa kanya ang gumawa ng ganoong bagay. Samakatuwid, ang pagsasaayos ng Diyos na gampanan ni Hudas ang papel ng pagkakanulo sa Panginoon, at ang pagpapagawa sa kanya nito, ang pinakanaaangkop na desisyon; wala sa mga materyales ng Diyos ang nasasayang, ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay tama. Nang nakawin ni Hudas ang pera mula sa sisidlan ng pera, at walang sinumang nakaalam noon, naniwala siyang hindi rin siya nakita ng Diyos na ginagawa ito. Wala siyang kamalayan ng konsensiya, at inisip niyang walang ibang nakaalam, at ano ang naging resulta nito? Nagawa niya ang mabigat na kasalanan ng pagkakanulo sa Panginoon, pagtataksil sa Panginoon, at naging kilala siya bilang isang makasalanan sa mga nagdaang panahon. Pagkatapos ay nagbigti siya, at namatay nang nakabukas ang kanyang tiyan. Dapat bang kaawaan ang gayong tao? Ang isang hayop na walang pagkatao na pinarurusahan nang ganyan ay hinding-hindi dapat kaawaan.
Ginagawa ng mga taong may pagkatao ang lahat ng bagay nang ayon sa kanilang konsensiya at katwiran. Ang batayan ng kanilang asal, kahit papaano man lang, ay hindi lulubog sa pamantayan ng kanilang konsensiya. Kung alam nilang maling isagawa ang isang bagay, magagawa nilang kontrolin ang kanilang pag-uugali. Nasasabi ng konsensiya sa mga tao ang tamang paraan ng pagkilos, kaya ang mga taong may konsensiya ay nakapagsasalita at nakakakilos batay sa kanilang konsensiya. Matapos maging mananampalataya, patuloy na ginagampanan ng kanilang konsensiya ang papel nito katulad nang dati. Kaya, kapag may maraming bagay silang hindi nakikita nang malinaw, kahit papaano ay nagagawa pa rin nilang harapin at pangasiwaan ang mga bagay na iyon batay sa kanilang konsensiya. Kung, dagdag pa sa pundasyong ito, ay nauunawaan nila ang katotohanan, pangangasiwaan nila ang mga bagay-bagay nang batay sa mga katotohanang prinsipyo, magkakaroon ang kanilang konsensiya ng kamalayan kung ang kanilang mga pagkilos ba ay umaayon o hindi sa mga katotohanang prinsipyo, at makaaapekto ito sa kanila. Kapag nilalabag ng mga tao ang mga prinsipyo at pinangangalagaan lamang nila ang kanilang mga makalamang interes, ito ay dahil sa pangingibabaw ng kanilang mga tiwaling disposisyon, at iyong mga nagtataglay ng konsensiya ay dapat itong malaman. Kapag nauunawaan ng isang tao ang katotohanan subalit hindi niya ito isinasagawa, nakokonsensiya ba siya? Mapapanatag ba ang kanyang puso? Nararanasan ito ng lahat ng tao. Sa inyong pang-araw-araw na buhay, nakikitungo man kayo sa mga tao o nagsasagawa ng mga bagay-bagay, halata ba ang kamalayan ng inyong konsensiya? Minsan ba ay nakararamdam kayo ng pagkakautang o pagsaway? Minsan ba ay nakararamdam kayo ng pagkabalisa at pagkakonsensiya ng kalooban, o ng sakit at paghihirap ng kalooban? Kahit kailan ba ay nararamdaman ninyo ang mga ito? Kung oo, hindi iyan gaanong masama, subalit kung hindi ay nanganganib kayo. Kahit sino ka pa, kung hindi ka nakadarama ng pagkakonsensiya, hindi ka tunay na nananalig sa Diyos. Itinatanong ng ilang tao, “Anong kinalaman nito sa kung tunay ba o huwad ang pananalig ng isang tao?” Ano ang masasabi ninyong ugnayan ng mga bagay na ito? (Kapag ang isang taong nagtataglay ng kamalayan ng konsiyensiya ay nakagagawa ng mali, ang nararamdaman niyang pagsaway, kalungkutan, pagsisisi, at pagkakautang ay nagmumula lahat sa Diyos. Ang katunayang nararamdaman niya ang pagsaway ng Diyos ay nagpapakitang tinatanggap niya sa kanyang puso ang pagsusuri ng Diyos. May mga tao na wala man lang nitong kamalayan na ito, na nagpapakitang sa kanilang puso ay talagang hindi sila naniniwalang sinusuri ng Diyos ang lahat ng bagay. Kapag may ginawa silang mali, hindi sila nakararamdam ng pagkakautang; wala sila ng ganitong uri ng kamalayan.) Medyo tama iyan. May iba pa ba? (Kinikilala ng mga taong nagtataglay ng konsensiya na mayroong Diyos at kapag may ginawa silang masama, alam nilang magdasal sa Diyos at magnilay sa sarili, at hanapin ang katotohanan para malutas ang problema. Kapag nahaharap sa problema ang isang taong walang konsensiya, hindi siya apektado ng konsensiya; wala siyang lugar sa kanyang puso para sa Diyos, at hindi niya hinahanap ang katotohanan para malutas ang problema. Hindi siya naniniwalang ang katotohanan ay isang bagay na kanyang kinakailangan, kaya hindi niya sinusubukang isagawa ang katotohanan. Ang mga taong nananalig sa Diyos subalit hindi nagsasagawa ng katotohanan ay mga hindi mananampalataya.) Anuman ang kinahaharap ng isang taong may tunay na pananampalataya, kaya niyang tanggapin ang pagsusuri ng Diyos, at sa paraang ito ay may kamalayan ang kanyang konsensiya sa kung ano ang tama at mali, o ang mabuti at masama. Ang mas mahalaga pa, naniniwala siyang umiiral ang Diyos at nananalig siya sa salita ng Diyos. Isinasapuso niya ang mga naririnig niyang salita ng Diyos, na nagiging pamantayan niya sa pagtatasa sa sarili niyang pag-uugali at paraan ng pagharap sa mundo, at sa lahat ng kanyang ginagawa. Ano ang pamantayang ito? Nauunawaan man niya o hindi ang katotohanan, kadalasan ay ginagamit niyang pamantayan ang salita ng Diyos, dahil nananampalataya siya sa Diyos, naniniwala siyang umiiral ang Diyos, at naniniwala siyang ang salita ng Diyos ang katotohanan. Dahil naniniwala siyang ang salita ng Diyos ang katotohanan, kapag nakahaharap siya ng mga problema, natural niyang ginagamit ang salita ng Diyos sa pagtatasa sa mga ito. Kahit papaano, alam niyang ang kanyang mga iniisip at kuru-kuro ay hindi ang katotohanan. Kaya, kapag nakahaharap siya ng mga problema, sinasabi sa kanya ng kamalayan ng konsensiya na dapat niyang gamitin ang salita ng Diyos bilang kanyang batayan, at kung hindi niya iyon magagawa, at hindi niya iyon maisasagawa, hindi mapapanatag ang kanyang konsensiya at magdurusa ito. Halimbawa, paanong nalalaman ng mga tao na ang mga bagay tulad ng pangangalaga sa kanilang mga makalamang ugnayan sa iba, pagsasaya sa kaginhawahan, at pagiging mapagpalugod ng mga tao ay mga negatibong bagay? (Inilalantad ito ng salita ng Diyos.) Tama, kung susukatin mo ang mga bagay na iyon ayon sa salita ng Diyos, lahat ng iyon ay negatibo, paghahayag ng mga tiwaling disposisyon, at idinudulot ng kalikasan ng mga tao. Kapag inihahayag ng mga taong iyon ang mga bagay na iyon, nagiging masaya at malugod ba sila sa kanilang puso, o malungkot at nasasaktan? Nakararamdam sila ng pakikipagtunggali sa kanilang sarili at nalulungkot sila, na parang isang kutsilyong itinatarak sa kanila. Tuwing nahaharap sila sa mga bagay na ito, kapag hindi nila mapangasiwaan ang mga ito nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo, o hindi sila makawala sa pagkakagapos ng kanilang damdamin, nasasaktan ang kanilang puso. Saan nanggagaling ang sakit na ito? Nagmumula ito sa kondisyon na mayroon silang kamalayan ng konsensiya at nauunawaan nila ang katotohanan ng salita ng Diyos. Kapag ang lahat ng sakit, pagsaway, at pagkakonsensiyang ito ay umuusbong sa kanila, sa kaibuturan ng kanilang puso ay nakararamdam sila ng poot at pagkasuklam sa kanilang sarili, at maaari pa ngang tingnan nila ang kanilang sarili nang may paghamak, sinasabing, “Maaaring magaling akong magsalita, sinasabi kong gusto kong mahalin ang Diyos at mapasiya Siya, at ipinapahayag ko nang buong lakas ang mga islogang ito, subalit kapag may nangyayari sa akin, lagi kong isinasaalang-alang ang sarili kong karangalan. Kahit ilang beses kong subukan, hindi ako makawala sa pagkakagapos na ito. Hindi lamang talaga ako handang mapasama ang loob ng iba, at lagi akong nagkakasala sa Diyos.” Sa paglipas ng panahon, nakabubuo sila ng opinyon tungkol sa kanilang sarili sa kaibuturan ng kanilang puso—ano ito? Hindi nila iniisip na mabuti silang tao; alam nila na kaya nilang gumawa ng maraming masasamang bagay, at nakikita nilang napakahusay nilang magpanggap, at na sila ay mga mapagpaimbabaw. Sa mga sitwasyong ito, sinisimulan nilang tanggihan ang kanilang sarili, at hindi na paniwalaan ang kanilang sarili. Paano nakakamit ang mga resultang ito? Nakakamit ito sa pundasyon ng pagkaunawa sa salita ng Diyos, kapag ang kanilang konsensiya ay may kamalayan at ginagampanan ang gawain nito.