Isang Napakaseryosong Problema: Pagkakanulo (2)

Ang kalikasan ng tao ay ganap na naiiba sa diwa Ko, sapagkat ang tiwaling kalikasan ng tao ay lubos na nagmumula kay Satanas; ang kalikasan ng tao ay naproseso na at nagawa nang tiwali ni Satanas. Iyon ay, nabubuhay ang tao sa ilalim ng impluwensiya ng kasamaan at kapangitan nito. Ang tao ay hindi lumalaki sa isang mundo ng katotohanan o sa isang banal na kapaligiran, at lalo namang hindi nabubuhay ang tao sa liwanag. Samakatuwid, hindi posible para kaninuman na taglayin ang katotohanan sa kanilang kalikasan mula pagkapanganak, at lalong hindi maipapanganak ang sinuman nang may diwang takot at sumusunod sa Diyos. Sa kabaligtaran, nagtataglay ang mga tao ng isang kalikasang lumalaban sa Diyos, sumusuway sa Diyos, at walang pagmamahal para sa katotohanan. Ang kalikasang ito ang problemang nais Kong talakayin—ang pagkakanulo. Ang pagkakanulo ang pinagmumulan ng paglaban ng bawat tao sa Diyos. Ito ay isang problemang umiiral lamang sa tao at hindi sa Akin. May ilang magtatanong: Yamang nabubuhay ang lahat ng tao sa mundo gaya ni Cristo, bakit mayroon ang lahat ng tao ng mga kalikasang nagkakanulo sa Diyos, subali’t si Cristo ay wala? Ito ay isang problemang dapat maipaliwanag sa inyo nang malinaw.

Ang pag-iral ng sangkatauhan ay nababatay sa paulit-ulit na muling pagkakatawang-tao ng kaluluwa. Sa ibang salita, nagtatamo ang bawat tao ng isang pantaong buhay sa laman kapag muling nagkakatawang-tao ang kanilang kaluluwa. Pagkatapos maipanganak ang katawan ng isang tao, nagpapatuloy ang buhay nito hanggang maabot ng laman sa huli ang mga hangganan nito, na siyang pangwakas na sandali, kung kailan nililisan ng kaluluwa ang panlabas nito. Ang prosesong ito ay muli’t muling nauulit, kung saan dumarating at umaalis nang paulit-ulit ang kaluluwa ng isang tao, at sa gayon napapanatili ang pag-iral ng sangkatauhan. Ang buhay ng laman ay ang buhay din ng kaluluwa ng tao, at ang kaluluwa ng tao ang sumusuporta sa pag-iral ng laman ng tao. Na ang ibig sabihin, nagmumula sa kanilang kaluluwa ang buhay ng bawat tao, at hindi likas ang buhay sa laman. Samakatuwid, nanggagaling ang kalikasan ng tao sa kaluluwa, hindi sa laman. Tanging ang kaluluwa ng bawat tao ang nakakaalam kung paano nila naranasan ang mga panunukso, pagpapahirap, at katiwalian ni Satanas. Hindi malalaman ng laman ng tao ang mga bagay na ito. Kaya, di-sinasadyang nagiging padilim nang padilim, parumi nang parumi, at pasama nang pasama ang sangkatauhan, habang palaki nang palaki ang agwat sa pagitan Ko at ng tao, at padilim nang padilim ang buhay para sa sangkatauhan. Ang mga kaluluwa ng sangkatauhan ay hawak ni Satanas sa mga kamay nito, at kaya, siyempre, ang laman ng tao ay nasakop na ni Satanas. Paanong hindi kakalabanin ng laman na tulad nito at ng sangkatauhang tulad nito ang Diyos? Paano sila magiging likas na kaayon Niya? Ang dahilan kung bakit inihulog Ko sa hangin si Satanas ay sapagkat ipinagkanulo Ako nito. Paano, kung gayon, mapapalaya ang mga tao sa pagkakasangkot nila? Ito ang dahilan kung bakit ang pagkakanulo ay kalikasan ng tao. Umaasa Akong sa sandaling maunawaan ninyo ang pangangatwirang ito, magkakaroon din kayo ng paniniwala sa diwa ni Cristo. Ang katawang-taong ibinihis ng Espiritu ng Diyos ay ang sariling katawang-tao ng Diyos. Ang Espiritu ng Diyos ay kataas-taasan; Siya ay makapangyarihan sa lahat, banal, at matuwid. Gayon din, ang Kanyang katawang-tao ay kataas-taasan din, makapangyarihan sa lahat, banal, at matuwid. Ang katawang-taong tulad nito ay may kakayahan lamang na gawin yaong matuwid at kapaki-pakinabang sa sangkatauhan, yaong banal, maluwalhati, at makapangyarihan; wala Siyang kakayahang gumawa ng anumang lumalabag sa katotohanan, lumalabag sa moralidad at katarungan, at lalong hindi Niya kayang gumawa ng anumang magkakanulo sa Espiritu ng Diyos. Ang Espiritu ng Diyos ay banal, at sa gayon ang Kanyang katawang-tao ay hindi magagawang tiwali ni Satanas; ang Kanyang katawang-tao ay may naiibang diwa kaysa laman ng tao. Sapagkat ang tao, hindi ang Diyos, ang siyang ginagawang tiwali ni Satanas; hindi posibleng magagawang tiwali ni Satanas ang katawang-tao ng Diyos. Kaya, sa kabila ng katunayang ang tao at si Cristo ay nananahan sa parehong espasyo, ang tao lamang ang sinasakop, ginagamit, at binibitag ni Satanas. Sa kabaligtaran, si Cristo ay magpasawalang-hanggang hindi tinatablan ng katiwalian ni Satanas, sapagkat kailanman ay hindi makakayanan ni Satanas na umakyat sa lugar ng kataas-taasan, at hindi kailanman makakalapit sa Diyos. Ngayon, dapat ninyong lahat maunawaan na ang sangkatauhan lamang, na nagawa nang tiwali ni Satanas, ang siyang nagkakanulo sa Akin. Ang pagkakanulo ay hindi kailanman magiging isang isyung may anumang kaugnayan kay Cristo.

Lahat ng kaluluwang ginawang tiwali ni Satanas ay nasa ilalim ng kontrol ng nasasakupan ni Satanas. Tanging yaong mga naniniwala kay Cristo ang naihiwalay na, nailigtas mula sa kampo ni Satanas, at nadala sa kaharian ng ngayon. Hindi na namumuhay sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas ang mga taong ito. Gayunpaman, ang kalikasan ng tao ay nakaugat pa rin sa laman ng tao, na ang ibig sabihin ay bagama’t nailigtas na ang inyong mga kaluluwa, ang inyong kalikasan ay gaya pa rin ng dati, at ang posibilidad na ipagkakanulo ninyo Ako ay nananatiling isandaang porsiyento. Ito ang dahilan kung bakit tumatagal nang napakatagal ang Aking gawain, sapagkat ang inyong kalikasan ay mahirap kontrolin. Ngayon, lahat kayo ay nagdurusa hanggang sa makakaya ninyo habang tinutupad ninyo ang mga tungkulin ninyo, subali’t ang bawat isa sa inyo ay may kakayahang ipagkanulo Ako at bumalik sa sakop ni Satanas, sa kampo nito, at bumalik sa dati ninyong mga buhay—ito ay di-maikakailang katunayan. Sa panahong iyon, hindi magiging posible para sa inyo na magpakita ng katiting na pagkatao o wangis ng tao, gaya ninyo ngayon. Sa mga seryosong kaso, kayo ay wawasakin at, bukod pa riyan, mapapahamak nang walang-hanggan, parurusahan nang matindi, hindi na kailanman magkakatawang-tao muli. Ito ang problemang nakalatag sa harapan ninyo. Pinaaalalahanan Ko kayo sa ganitong paraan upang una, hindi mawalan ng saysay ang Aking gawain, at ikalawa, upang maaaring makapamuhay kayong lahat sa mga araw ng liwanag. Sa katunayan, kung may saysay o wala ang Aking gawain ay hindi ang kritikal na problema. Ang mahalaga ay ang magawa ninyong magkaroon ng masasayang buhay at magandang hinaharap. Ang Aking gawain ay ang gawain ng pagliligtas ng mga kaluluwa ng mga tao. Kung mahuhulog sa mga kamay ni Satanas ang iyong kaluluwa, ang iyong katawan ay hindi mabubuhay nang payapa. Kung pinangangalagaan Ko ang katawan mo, tiyak na mapapasailalim din sa pangangalaga Ko ang kaluluwa mo. Kung talagang kinamumuhian kita, kaagad mahuhulog sa mga kamay ni Satanas ang katawan at kaluluwa mo. Maguguni-guni mo ba ang sitwasyon mo kapag nagkaganoon? Kung isang araw ang mga salita Ko ay masayang sa inyo, ibibigay Ko kayong lahat kay Satanas, na magsasailalim sa inyo sa napakasakit na pagpapahirap hanggang ganap na mapawi ang galit Ko, o personal Kong parurusahan kayong di-matutubos na mga tao, sapagkat ang inyong mga pusong nagkakanulo sa Akin ay hindi kailanman magbabago.

Dapat ninyong lahat tingnan ngayon ang mga sarili ninyo agad-agad, upang makita kung gaano kalaking pagkakanulo sa Akin ang nasasainyo pa. Naiinip Akong naghihintay sa inyong tugon. Huwag ninyo Akong pakitunguhan nang basta-basta. Kailanma’y hindi Ako nakikipaglaro sa mga tao. Kung sinasabi Kong gagawin Ko ang isang bagay ay tiyak na gagawin Ko ito. Umaasa Akong ang bawat isa sa inyo ay magiging isang taong sineseryoso ang mga salita Ko, at hindi ipinagpapalagay ang mga iyon na kathang-isip na agham. Ang nais Ko ay kongkretong pagkilos mula sa inyo, hindi ang inyong mga haka-haka. Sunod, dapat ninyong sagutin ang mga tanong Ko, na ang mga sumusunod: 1. Kung tunay kang isang taga-serbisyo, makakapaglingkod ka ba sa Akin nang matapat, nang walang anumang bahid ng pagpapabaya o pagiging negatibo? 2. Kung malaman mong hindi Kita napahalagahan kailanman, makakaya mo pa rin bang manatili at maglingkod sa Akin habambuhay? 3. Kung nananatili pa rin Akong masyadong malamig sa iyo bagama’t gumugol ka na ng malaking pagpupunyagi, makakaya mo bang magpatuloy gumawa para sa Akin kahit hindi napapansin? 4. Kung, pagkatapos mong gumugol para sa Akin, hindi Ko tinutugunan ang maliliit mong hinihingi, masisiraan ka ba ng loob at madidismaya sa Akin, o magiging galit na galit pa at sisigaw pa ng pang-aabuso? 5. Kung palagi ka nang naging napakatapat, nang may malaking pagmamahal sa Akin, ngunit nagdurusa ka ng pagpapahirap ng sakit, ng kasalatan sa buhay, at ng pang-iiwan ng iyong mga kaibigan at kamag-anak, o kung nagtitiis ka ng anumang iba pang mga kasawian sa buhay, magpapatuloy pa rin ba ang iyong katapatan at pagmamahal sa Akin? 6. Kung wala sa anumang naguni-guni mo sa puso mo ang tumutugma sa kung ano ang nagawa Ko, paano ka lalakad sa landas mo sa hinaharap? 7. Kung hindi mo natatanggap ang alinman sa mga bagay na inasahan mong matanggap, makakapagpatuloy ka bang maging tagasunod Ko? 8. Kung hindi mo kailanman naunawaan ang layunin at kabuluhan ng gawain Ko, magiging isa ka bang masunuring taong hindi basta-basta gumagawa ng mga paghatol at mga konklusyon? 9. Mapapahalagahan mo ba ang lahat ng salitang sinabi Ko at lahat ng gawaing ginawa Ko habang kasama Ko ang sangkatauhan? 10. Kaya mo bang maging matapat Kong tagasunod, nakahandang magdusa para sa Akin habambuhay, kahit na hindi ka tumatanggap ng anumang bagay? 11. Alang-alang sa Akin, kaya mo bang hindi magsaalang-alang, magplano, o maghanda para sa iyong landas ng pananatiling buhay sa hinaharap? Kinakatawan ng mga tanong na ito ang Aking mga pangwakas na kinakailangan sa inyo, at inaasahan Kong lahat kayo ay makakatugon sa Akin. Kung nagampanan mo na ang isa o dalawang bagay na hinihingi sa iyo ng mga katanungang ito, kinakailangan mo pa ring ipagpatuloy ang paggawa nang masigasig. Kung hindi mo kayang tuparin ni isa sa mga kinakailangang ito, tiyak na ikaw ang uri ng taong itatapon sa impiyerno. Wala Akong kailangang sabihing anumang karagdagan pa sa ganoong mga tao, sapagkat sila ay tiyak na hindi mga tao na kayang maging kaayon Ko. Paano Ko pananatilihin sa tahanan Ko ang isang taong maaaring magkanulo sa Akin sa anumang pagkakataon? Pagdating naman sa mga yaong maaari pa ring magkanulo sa Akin sa karamihan ng mga pagkakataon, pagmamasdan Ko ang kanilang pagganap bago gumawa ng ibang mga pagsasaayos. Subali’t, ang lahat ng may kakayahang magkanulo sa Akin, sa ilalim ng anumang kundisyon, hindi Ko kailanman kakalimutan; aalalahanin Ko sila sa Aking puso, at maghihintay Ako ng pagkakataong suklian ang masasama nilang gawa. Ang mga kinakailangang nabanggit Ko ay lahat mga problemang dapat ninyong siyasatin sa inyong mga sarili. Inaasahan Kong kaya ninyong lahat na seryosong isaalang-alang ang mga ito at hindi Ako pakitunguhan nang basta-basta. Sa nalalapit na hinaharap, ikukumpara Ko ang mga sagot na ibinigay ninyo sa Akin sa mga kinakailangan Ko. Sa panahong iyon, hindi na Ako mangangailangan pa ng anumang bagay mula sa inyo at hindi na magbibigay pa sa inyo ng pagpapaalala. Sa halip, gagamitin Ko ang awtoridad Ko. Yaong mga dapat panatilihin ay pananatilihin, yaong mga dapat gantimpalaan ay gagantimpalaan, yaong mga dapat ibigay kay Satanas ay ibibigay kay Satanas, yaong mga dapat parusahan nang mabigat ay parurusahan nang mabigat, at yaong mga dapat mapahamak ay wawasakin. Sa ganoong paraan, hindi na magkakaroon ng sinumang gagambala sa Akin sa mga araw Ko. Naniniwala ka ba sa mga salita Ko? Naniniwala ka ba sa paghihiganti? Naniniwala ka bang parurusahan Kong lahat yaong masasama na nanlilinlang at nagkakanulo sa Akin? Hinihiling mo bang dumating ang araw na iyon nang mas maaga o nang mas huli? Isa ka bang taong takot na takot sa kaparusahan, o isang lalaban sa Akin kahit pa magtiis sila ng kaparusahan? Kapag dumating ang araw na iyon, maguguni-guni mo ba kung mamumuhay ka sa gitna ng mga kasiyahan at tawanan, o kung iiyak ka at magngangalit ang mga ngipin mo? Anong uri ng katapusan ang nais mong magkaroon ka? Kailanman ba’y seryoso mo nang naisaalang-alang kung naniniwala ka sa Akin nang isang daang porsiyento o nagdududa sa Akin nang isandaang porsiyento? Kailanman ba ay maingat mo nang naisaalang-alang kung anong uri ng mga kahihinatnan at kalalabasan ang idudulot sa iyo ng mga pagkilos at pag-uugali mo? Talaga bang umaasa kang matutupad isa-isa ang lahat ng salita Ko, o takot na takot ka bang matutupad isa-isa ang mga salita Ko? Kung umaasa kang aalis Ako sa lalong madaling panahon upang tuparin ang mga salita Ko, paano mo dapat tratuhin ang sarili mong mga salita at mga pagkilos? Kung hindi ka umaasa sa paglisan Ko at hindi umaasa na matutupad kaagad ang lahat ng salita Ko, bakit ka pa naniniwala sa Akin? Talaga bang alam mo kung bakit ka sumusunod sa Akin? Kung ang dahilan mo ay upang palawakin lamang ang naaabot ng iyong paningin, hindi mo kinakailangang magpakahirap pa. Kung ito ay upang pagpalain ka at makaiwas sa parating na sakuna, bakit hindi ka nag-aalala sa sarili mong pag-uugali? Bakit hindi mo tinatanong ang sarili mo kung matutugunan mo ba ang mga kinakailangan Ko? Bakit hindi mo rin tinatanong ang sarili mo kung karapat-dapat ka bang tumanggap ng mga darating na pagpapala?

mula sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Madalas nang mangyari ngayon ang mga sakuna. Paano natin masasalubong ang Panginoon at paano tayo maililigtas ng Diyos bago ang malalaking sakuna? Magkasama tayong magsiyasat upang mahanap ang landas.

Kontakin Kami Gamit ang Messnger