Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao 4 (Unang Bahagi)

Dapat ninyong malaman ang kuwento sa likod ng Biblia at ang paglikha rito. Ang kaalamang ito ay hindi pinanghahawakan niyaong mga hindi pa nakatanggap sa bagong gawain ng Diyos. Hindi nila nalalaman. Kung ipapaliwanag mo sa kanila nang simple ang mga bagay na ito na may katuturan, hindi na sila magiging mapagmatigas sa iyo tungkol sa Biblia. Palagi nilang sinusuring mabuti kung ano ang naipropesiya na: Nagkatotoo na ba ang pahayag na ito? Nagkatotoo na ba ang pahayag na iyon? Ang kanilang pagtanggap sa ebanghelyo ay alinsunod sa Biblia, at ipinangangaral nila ang ebanghelyo alinsunod sa Biblia. Nakabatay sa mga salita ng Biblia ang paniniwala nila sa Diyos; kung wala ang Biblia, hindi sila maniniwala sa Diyos. Ito ang paraan kung paano sila nabubuhay, binubusisi ang Biblia. Kapag muli nilang susuriing mabuti ang Biblia at hihingan ka ng mga paliwanag, sasabihin mong, “Una, huwag nating siyasatin ang bawa’t pahayag. Sa halip, tingnan natin kung paano gumagawa ang Banal na Espiritu. Ihambing natin sa katotohanan ang landas na ating tinatahak upang tiyakin kung ang landas na ito nga ang gawain ng Banal na Espiritu, at gamitin natin ang gawain ng Banal na Espiritu upang tingnan kung tama ang landas na iyon. Hinggil sa kung ang pahayag na ito o ang pahayag na iyon ay nagkatotoo na, tayong mga tao ay hindi dapat na manghimasok. Mas mainam para sa atin na magsalita na lamang tungkol sa gawain ng Banal na Espiritu at sa pinakabagong gawain na ginagampanan ng Diyos.” Ang mga propesiya sa Biblia ay mga salita ng Diyos na ipinarating noon ng mga propeta at mga salitang isinulat ng mga taong kinasangkapan ng Diyos, na nagtamo ng inspirasyon; tanging ang Diyos Mismo ang makapagpapaliwanag sa gayong mga salita, ang Banal na Espiritu lamang ang makapagpapaalam sa kahulugan ng mga salitang iyon, at tanging ang Diyos Mismo ang makakasira sa pitong tatak at makakapagbukas sa balumbon. Sinasabi mo: “Hindi ka Diyos, at ako ay hindi rin, kaya sino ang nangangahas na basta-basta magpaliwanag sa mga salita ng Diyos? Mangangahas ka bang ipaliwanag ang mga salitang iyon? Dumating man ang mga propetang sina Jeremias, Juan at Elias, hindi sila mangangahas na ipaliwanag ang mga salitang iyon, sapagkat hindi sila ang Kordero. Ang Kordero lamang ang makakasira sa pitong tatak at makakapagbukas sa balumbon at walang ibang makapagpapaliwanag sa Kanyang mga salita. Hindi ako nangangahas na agawin ang pangalan ng Diyos, lalong hindi ang subukang ipaliwanag ang mga salita ng Diyos. Maaari lamang akong maging isa na sumusunod sa Diyos. Ikaw ba ay Diyos? Wala sa mga nilikha ng Diyos ang nangangahas na buksan ang balumbon o ipaliwanag ang mga salitang iyon, at kaya hindi rin ako nangangahas na ipaliwanag ang mga iyon. Mas makakabuting huwag mong tangkaing ipaliwanag ang mga iyon. Walang sinuman ang dapat magpaliwanag ng mga iyon. Pag-usapan naman natin ang tungkol sa gawain ng Banal na Espiritu; ito ang maaaring gawin ng tao. May kaunti akong nalalaman tungkol sa gawain ni Jehova at ni Jesus, ngunit dahil sa wala akong personal na karanasan sa gayong gawain, makapagsasalita lamang ako tungkol dito nang kaunti. Para naman sa kahulugan ng mga salitang sinabi ni Isaias o ni Jesus sa panahon nila, hindi ako gagawa ng anumang mga paliwanag. Hindi ko pinag-aaralan ang Biblia; sa halip, sinusunod ko ang kasalukuyang gawain ng Diyos. Itinuturing mo talaga ang Biblia bilang ang maliit na balumbon, ngunit hindi ba ito isang bagay na maaari lamang buksan ng Kordero? Maliban sa Kordero, sino pa ang makakapagbukas niyon? Hindi ikaw ang Kordero, at lalong hindi ako nangangahas na angkinin ang pagiging Diyos Mismo, kaya huwag nating pag-aralan o busisiin ang Biblia. Mas mainam na talakayin ang gawaing ginagampanan ng Banal na Espiritu, iyon ay, ang kasalukuyang gawaing ginagampanan ng Diyos Mismo. Tingnan natin ang mga prinsipyo ng Diyos sa paggawa at ang diwa ng Kanyang gawain, pagkatapos ay gamitin ang mga ito upang mapatunayan kung ang landas na ating nilalakaran ngayon ay tama, at sa ganitong paraan ay masiguro ito.” Kung nais ninyong ipangaral ang ebanghelyo, lalo na sa kanila sa relihiyosong mundo, dapat ninyong maunawaan ang Biblia at maging bihasa sa kuwentong napapaloob dito; kung hindi, hindi mo magagawang ipangaral ang ebanghelyo. Sa sandaling maging bihasa ka sa kabuuan nito at tumigil sa pahapyaw na pagsusuri sa mga patay na salita ng Biblia, kundi magsalita lamang tungkol sa gawain ng Diyos at sa katotohanan ng buhay, magagawa mong makamit yaong mga naghahanap na may tapat na puso.

Ang gawain ni Jehova, ang mga kautusan na Kanyang ipinatupad, at ang mga prinsipyo kung paano Niya ginabayan ang mga tao sa kanilang pamumuhay, ang nilalaman ng gawain na Kanyang ginampanan sa Kapanahunan ng Kautusan, ang kabuluhan ng pagpapatupad Niya sa Kanyang mga kautusan, ang kabuluhan ng Kanyang gawain sa Kapanahunan ng Biyaya, at ang gawaing ginagampanan ng Diyos sa pinakahuling yugtong ito: ito ang mga bagay na dapat ninyong maunawaan. Ang unang yugto ay ang gawain sa Kapanahunan ng Kautusan, ang ikalawang yugto ay ang gawain sa Kapanahunan ng Biyaya, at ang ikatlong yugto ay ang gawain sa mga huling araw. Dapat ninyong maintindihan ang mga yugtong ito ng gawain ng Diyos. Mula umpisa hanggang katapusan, mayroong tatlong yugto lahat-lahat. Ano ang diwa ng bawa’t yugto ng gawain? Ilang yugto ang isinasakatuparan sa gawain ng anim-na-libong-taong plano ng pamamahala? Paano isinasakatuparan ang mga yugtong ito, at bakit isinasakatuparan ang bawa’t isa sa partikular na paraan nito? Ang lahat ng ito ay napakahalagang mga katanungan. Ang gawain sa bawa’t yugto ay may kinakatawan. Ano ang gawaing isinakatuparan ni Jehova? Bakit Niya ginawa iyon sa ganoong paraan? Bakit Siya tinawag na Jehova? Muli, ano ang gawaing isinakatuparan ni Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya, at paano Niya ginampanan iyon? Aling mga aspeto ng disposisyon ng Diyos ang kinakatawan ng bawa’t yugto ng gawain at bawa’t kapanahunan? Aling mga aspeto ng Kanyang disposisyon ang ipinahayag sa Kapanahunan ng Kautusan? At alin sa Kapanahunan ng Biyaya? At alin ang sa kahuli-hulihang kapanahunan? Ang mahahalagang katanungang ito ay yaong dapat ninyong maunawaan. Ang buong disposisyon ng Diyos ay naibunyag sa buong anim-na-libong-taong plano ng pamamahala. Ito ay hindi lamang naibunyag sa Kapanahunan ng Biyaya, ni sa Kapanahunan ng Kautusan, o lalo na sa panahong ito lamang ng mga huling araw. Ang gawain na isinasagawa sa mga huling araw ay kumakatawan sa paghatol, poot at pagkastigo. Ang gawain na isinasagawa sa mga huling araw ay hindi maaaring pumalit sa gawain sa Kapanahunan ng Kautusan o doon sa Kapanahunan ng Biyaya. Gayunman, ang tatlong yugto, kapag magkakaugnay, ay bumubuo ng iisang bagay at lahat ay gawain ng iisang Diyos. Natural, ang pagtupad ng gawaing ito ay nahahati sa magkakahiwalay na mga kapanahunan. Ang gawaing ginagampanan sa mga huling araw ay nagdadala sa lahat ng bagay sa katapusan; yaong ginawa sa Kapanahunan ng Kautusan ay ang pagsisimula; at yaong ginawa sa Kapanahunan ng Biyaya ay ang gawain ng pagtubos. Para naman sa mga pangitain ng gawain sa buong anim-na-libong-taong plano ng pamamahalang ito, walang maaaring magkaroon ng kabatiran o pagkaunawa. Ang mga gayong pangitain ay nananatiling mga hiwaga. Sa mga huling araw, tanging ang gawain ng salita ang isinasakatuparan upang ihatid ang Kapanahunan ng Kaharian, ngunit hindi ito kumakatawan sa lahat ng mga kapanahunan. Ang mga huling araw ay hindi hihigit sa mga huling araw at hindi hihigit sa Kapanahunan ng Kaharian, at hindi kumakatawan sa Kapanahunan ng Biyaya o sa Kapanahunan ng Kautusan. Ang mga huling araw ay ang panahon lamang kung saan ang lahat ng gawain sa anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ay ibinubunyag sa inyo. Ito ang paglalantad ng hiwaga. Ang gayong hiwaga ay hindi mailalantad ng sinumang tao. Kahit na gaano pa kalawak ang pagkaunawa ng tao sa Biblia, nananatili itong mga salita lamang, dahil hindi nauunawaan ng tao ang diwa ng Biblia. Kapag ang tao ay nagbabasa ng Biblia, maaaring maunawaan niya ang ilang katotohanan, makapagpaliwanag ng ilang salita o makapaghimay ng ilang tanyag na talata at sipi, ngunit hindi kailanman niya mapapakawalan ang kahulugang nakapaloob sa mga salitang iyon, dahil ang nakikita lang ng tao ay mga salitang walang buhay, hindi ang mga eksena ng gawain ni Jehova at ni Jesus, at hindi kayang lutasin ng tao ang hiwaga ng nasabing gawain. Samakatuwid, ang hiwaga ng anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ay ang pinakadakilang hiwaga, ang siyang pinakanatatago at lubusang hindi maaarok ng tao. Walang sinumang direktang makakaunawa sa kalooban ng Diyos, maliban kung ang Diyos Mismo ang nagpapaliwanag at naghahayag nito sa tao; kung hindi, mananatili ang mga yaon na palaisipan sa tao magpakailanman at mananatiling mga hiwagang sarado magpakailanman. Huwag pansinin ang mga nasa mundo ng relihiyon; kung hindi kayo nasabihan ngayon, hindi rin kayo makakaunawa. Ang gawaing ito ng anim na libong taon ay higit na misteryoso kaysa lahat ng propesiya ng mga propeta. Ito ang pinakadakilang misteryo simula noong paglikha hanggang ngayon, at walang sinuman sa mga propeta ang nagawa kailanman na arukin ito, sapagkat ang misteryong ito ay inilalantad lamang sa panghuling kapanahunan at hindi pa kailanman nabunyag noong una. Kung nauunawaan ninyo ang misteryong ito at nagagawang tanggapin ito nang lubos, yaong mga relihiyosong tao ay malulupig na lahat ng misteryong ito. Ito lamang ang pinakadakila sa mga pangitain, na siyang pinakakinasasabikan ng tao na maunawaan ngunit siya rin namang pinaka-hindi maliwanag sa kanya. Nang kayo ay nasa Kapanahunan ng Biyaya, hindi ninyo alam kung tungkol saan ang gawain na ginampanan ni Jesus ni yaong ginampanan ni Jehova. Hindi naunawaan ng mga tao kung bakit si Jehova ay nagtakda ng mga kautusan, kung bakit hiningi Niya sa mga tao na panatilihin ang mga kautusan o kung bakit kailangang maitayo ang templo, at lalong hindi naunawaan ng mga tao kung bakit ang mga Israelita ay pinangunahan mula sa Egipto hanggang sa ilang at pagkatapos ay hanggang sa Canaan. Sa araw na ito lamang ibinunyag ang mga bagay na ito.

Ang gawain sa mga huling araw ay ang huling yugto sa tatlo. Ito ay ang gawain ng isa pang bagong kapanahunan at hindi kumakatawan sa buong gawain ng pamamahala. Ang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ay nahahati sa tatlong yugto ng gawain. Walang nag-iisang yugto ang kayang kumatawan sa gawain ng tatlong kapanahunan kundi kaya lamang kumatawan sa isang bahagi ng kabuuan. Ang pangalang Jehova ay hindi maaaring kumatawan sa buong disposisyon ng Diyos. Ang katunayan na nagsagawa Siya ng gawain sa Kapanahunan ng Kautusan ay hindi nagpapatunay na ang Diyos ay maaaring maging Diyos lamang sa ilalim ng kautusan. Nagtakda si Jehova ng mga batas para sa tao at nagbaba ng mga kautusan sa kanya, na humihingi sa tao na magtayo ng templo at mga altar; ang gawain na ginawa Niya ay kumakatawan lamang sa Kapanahunan ng Kautusan. Ang gawain na ginawa Niya ay hindi nagpapatunay na ang Diyos ay isang Diyos lamang na humihingi sa tao na panatilihin ang kautusan, na Siya ang Diyos sa templo, o ang Diyos sa harapan ng altar. Ang sabihin ito ay hindi katotohanan. Ang gawaing ginawa sa ilalim ng kautusan ay maaari lamang kumatawan sa isang kapanahunan. Samakatuwid, kung ginawa lamang ng Diyos ang gawain sa Kapanahunan ng Kautusan, ikukulong ng tao ang Diyos sa sumusunod na kahulugan at sasabihing, “Ang Diyos ay ang Diyos sa templo. Upang makapaglingkod sa Diyos, kailangan nating magsuot ng mga kasuotang pangsaserdote at pumasok sa templo.” Kung ang gawain sa Kapanahunan ng Biyaya ay hindi naisagawa kahit kailan at ang Kapanahunan ng Kautusan ay nagpatuloy hanggang sa kasalukuyan, hindi malalaman ng tao na ang Diyos ay maawain din at mapagmahal. Kung ang gawain sa Kapanahunan ng Kautusan ay hindi nagawa, at tanging yaong sa Kapanahunan ng Biyaya ang nagawa, ang malalaman lamang ng tao ay na ang Diyos ay nakakapagtubos lamang sa tao at nakakapagpatawad lamang sa mga kasalanan ng tao. Ang malalaman lamang niya ay na Siya’y banal at walang-sala, at na kaya Niyang isakripisyo ang Sarili Niya at mapako sa krus para sa tao. Ito lamang ang malalaman ng tao at wala na siyang magiging kaunawaan sa iba pa. Kaya ang bawa’t kapanahunan ay kumakatawan sa isang bahagi ng disposisyon ng Diyos. Tungkol naman sa kung aling mga aspeto ng disposisyon ng Diyos ang kinakatawan sa Kapanahunan ng Kautusan, alin sa Kapanahunan ng Biyaya, at alin sa kasalukuyang kapanahunan: ang disposisyon ng Diyos ay maibubunyag lamang nang lubusan kapag pinagsama-sama ang lahat ng tatlong yugto. Tanging kapag nalalaman na ng tao ang buong tatlong yugto saka ito ganap na mauunawaan ng tao. Walang isa sa mga tatlong yugto ang maaaring hindi isama. Makikita mo lamang ang disposisyon ng Diyos sa kabuuan nito kapag nalaman mo itong tatlong yugto ng gawain. Ang katunayang natapos ng Diyos ang Kanyang gawain sa Kapanahunan ng Kautusan ay hindi nagpapatunay na Siya lamang ang Diyos sa ilalim ng kautusan, at ang katunayang natapos Niya ang Kanyang gawain ng pagtubos ay hindi nangangahulugan na ang Diyos ay tutubos sa sangkatauhan magpakailanman. Ang lahat ng ito ay mga konklusyon na binuo ng tao. Dahil ang Kapanahunan ng Biyaya ay dumating na sa katapusan, hindi mo masasabi sa gayon na ang Diyos ay para lamang sa krus at na ang krus ang natatanging kumakatawan sa pagliligtas ng Diyos. Kung ginagawa mo ang ganoon, binibigyan mo ng pakahulugan ang Diyos. Sa yugto ngayon, ang Diyos ay pangunahing gumagawa ng gawain ng salita, ngunit hindi mo maaaring sabihin na ang Diyos ay hindi kailanman naging maawain sa tao at na ang tanging nadala Niya ay pagkastigo at paghatol. Ang gawain sa mga huling araw ay naglalantad sa gawain ni Jehova at ni Jesus at sa lahat ng hiwaga na hindi naintindihan ng tao. Ginagawa ito upang ibunyag ang hantungan at ang katapusan ng sangkatauhan at tapusin ang lahat ng gawain ng pagliligtas sa gitna ng sangkatauhan. Itong yugtong ito ng gawain sa mga huling araw ay naghahatid sa lahat ng bagay sa katapusan. Lahat ng hiwaga na hindi naintindihan ng tao ay dapat malantad upang pahintulutan ang tao na masukat ang lalim ng mga ito at magkaroon ng lubos na malinaw na pagkaunawa sa kanilang mga puso. Saka lamang maaaring mahati ang mga tao ayon sa kanilang mga uri. Pagkatapos lamang na maging ganap ang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala saka maiintindihan ng tao ang buong disposisyon ng Diyos, dahil ang Kanyang pamamahala ay doon lamang darating sa pagtatapos. Ngayon na naranasan na ninyo ang gawain ng Diyos sa panghuling kapanahunan, ano ang disposisyon ng Diyos? Mangangahas ka bang magsabi na ang Diyos ay ang Diyos na nagsasabi lamang ng mga salita? Hindi ka mangangahas na bumuo ng gayong konklusyon. Sasabihin ng ilan na ang Diyos ay ang Diyos na nagbubukas ng mga misteryo, na ang Diyos ay ang Kordero at Siya na sumisira sa pitong tatak. Ngunit walang sinuman ang nangangahas na bumuo ng gayong konklusyon. Maaring sabihin ng iba na ang Diyos ay ang nagkatawang-taong laman, ngunit hindi pa rin ito tama. At maaari ding sabihin ng iba na ang Diyos na nagkatawang-tao ay nagsasabi lamang ng mga salita at hindi gumagawa ng mga tanda at ng mga himala, ngunit lalong hindi ka mangangahas na magsalita sa ganitong paraan, sapagkat si Jesus ay nagkatawang-tao at gumawa ng mga tanda at mga himala, kaya hindi ka mangangahas na basta-bastang bigyang-pakahulugan ang Diyos. Ang lahat ng gawain na ginawa sa buong anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ay ngayon lamang nagtatapos. Malalaman lamang ng sangkatauhan ang lahat ng disposisyon ng Diyos at kung anong mayroon at kung ano ang Diyos matapos maibunyag ang lahat ng gawaing ito sa tao at maisakatuparan sa gitna ng tao. Kapag ang gawain ng yugtong ito ay ganap nang natapos, ang lahat ng hiwaga na hindi naunawaan ng tao ay mabubunyag, ang lahat ng katotohanan na dati’y hindi naintindihan ng tao ay magiging malinaw, at ang sangkatauhan ay masasabihan tungkol sa kanilang hinaharap na landas at hantungan. Ito ang kabuuan ng gawaing gagawin sa kasalukuyang yugto. Bagama’t ang landas na nilalakaran ng tao sa kasalukuyan ay ang landas din ng krus at ng pagdurusa, ang isinasagawa ng tao, kinakain, iniinom, at tinatamasa ngayon ay may malaking pagkakaiba mula roon sa nakamit ng tao sa ilalim ng kautusan at sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang hinihingi sa tao ngayong araw ay hindi tulad niyaong sa nakalipas at lalong hindi tulad ng hiningi sa tao sa Kapanahunan ng Kautusan. At ano ang hiningi sa tao sa ilalim ng kautusan noong ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain sa Israel? Walang ibang hiniling sa kanila kundi ang panatilihin ang Sabbath at ang mga kautusan ni Jehova. Walang sinuman ang dapat magtrabaho sa Sabbath o lumabag sa mga kautusan ni Jehova. Ngunit hindi na ganito sa ngayon. Sa araw ng Sabbath, ang tao ay gumagawa, nagtitipon at nananalangin gaya ng dati, at walang mga paghihigpit na ipinapataw sa kanya. Yaong mga nasa Kapanahunan ng Biyaya ay dapat mabautismuhan, at hiningi rin sa kanila na mag-ayuno, magpira-piraso ng tinapay, uminom ng alak, takpan ang kanilang mga ulo, at hugasan ang mga paa ng iba para sa kanila. Ngayon, ang mga patakarang ito ay naiwaksi na ngunit mas malalaki ang hinihingi sa tao, dahil ang gawain ng Diyos ay patuloy na lumalalim at ang pagpasok ng tao ay patuloy na tumataas. Noong nakalipas, ipinatong ni Jesus ang Kanyang mga kamay sa tao at nanalangin, ngunit ngayon na ang lahat ng bagay ay nasabi na, ano ang silbi ng pagpapatong ng mga kamay? Ang mga salita lamang ay maaaring makapagkamit ng mga resulta. Noong nakaraan, kapag Siya’y nagpatong ng Kanyang mga kamay sa tao, ito’y para pagpalain at pagalingin ang tao. Ganito gumawa ang Banal na Espiritu noong panahong iyon, ngunit hindi na ganito sa ngayon. Ngayon, ang Banal na Espiritu ay gumagamit ng mga salita upang gumawa at magtamo ng mga bunga. Nilinaw na Niya ang Kanyang mga salita sa inyo, at dapat lamang ninyo itong isagawa gaya ng sinabi sa inyo. Ang Kanyang mga salita ay ang Kanyang kalooban; ang mga ito ang gawain na Kanyang nais gawin. Sa pamamagitan ng Kanyang mga salita, mauunawaan mo ang Kanyang kalooban at kung ano ang hinihingi Niyang abutin mo, at maisasagawa mo ang Kanyang mga salita nang direkta nang hindi na kailangan ng pagpapatong ng mga kamay. Maaaring sabihin ng ilan, “Ipatong Mo ang Iyong mga kamay sa akin! Ipatong Mo ang Iyong mga kamay sa akin upang matanggap ko ang Iyong pagpapala at makibahagi sa Iyo.” Ang lahat ng ito ay lipas nang mga pagsasagawa na ngayon ay hindi na ginagawa, dahil nagbago na ang kapanahunan. Ang Banal na Espiritu ay gumagawa alinsunod sa kapanahunan, hindi nang sapalaran o ayon sa nakatakdang mga panuntunan. Nagbago na ang kapanahunan, at ang isang bagong kapanahunan ay tiyak na may dalang bagong gawain. Totoo ito sa bawa’t yugto ng gawain, at kaya ang Kanyang gawain ay hindi kailanman nauulit. Sa Kapanahunan ng Biyaya, ginawa ni Jesus ang maraming gayong gawain, tulad ng pagpapagaling ng sakit, pagpapalayas ng mga demonyo, pagpapatong ng Kanyang mga kamay sa tao upang ipanalangin ang tao, at pagpapala sa tao. Gayunman, ang gawin uli ang gayon ay walang saysay sa kasalukuyan. Ang Banal na Espiritu ay gumawa sa ganoong paraan noong panahong iyon, dahil iyon ang Kapanahunan ng Biyaya, at may sapat na biyaya para tamasahin ng tao. Hindi kinailangang magbayad ang tao ng anumang halaga at tumanggap siya ng biyaya hangga’t siya ay may pananampalataya. Lahat ay tinrato nang may lubhang kagandahang-loob. Ngayon, ang kapanahunan ay nagbago na, at ang gawain ng Diyos ay nakasulong na nang higit pa; sa pamamagitan ng pagkastigo at paghatol na ang pagiging mapanghimagsik ng tao at ang mga karumihan sa kalooban ng tao ay maaalis. Dahil ito ang yugto ng pagtubos, kinailangang gumawa ang Diyos sa gayong paraan, na nagpapakita ng sapat na biyaya para matamasa ng tao, para matubos ang tao mula sa kasalanan, at, sa pamamagitan ng biyaya, mapatawad ang tao sa kanyang mga kasalanan. Ang kasalukuyang yugto ay upang ilantad ang di-pagkamatuwid sa kalooban ng tao sa pamamagitan ng pagkastigo, paghatol, paghampas gamit ang mga salita, pati na rin ng pagdisiplina at pagbubunyag ng mga salita, upang pagkatapos ay mailigtas ang sangkatauhan. Ito ay gawaing mas malalim kaysa pagtubos. Sa Kapanahunan ng Biyaya, ang tao ay nagtamasa ng sapat na biyaya; ngayong nakaranas na ng biyayang ito ang tao, hindi na ito matatamasa ng tao. Ang gayong gawain ay lipas na ngayon at hindi na gagawin. Ngayon, ang tao ay ililigtas sa pamamagitan ng paghatol ng salita. Pagkatapos hatulan, kastiguhin at pinuhin ang tao, ang kanyang disposisyon ay nababago. Hindi ba’t ito ay dahil sa mga salitang Aking sinambit? Ang bawa’t yugto ng gawain ay ginagawa ayon sa pag-unlad ng buong sangkatauhan at kasabay ng kapanahunan. Lahat ng gawain ay may kabuluhan; lahat ng ito ay ginagawa para sa pangwakas na pagliligtas, para ang sangkatauhan ay magkaroon ng isang magandang hantungan sa hinaharap, at para ang tao ay mahati ayon sa kanilang mga uri sa katapusan.