Yaong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino (Ikalawang Bahagi)

Ang isang taong naglilingkod sa Diyos ay hindi lamang dapat malaman kung paano magdusa para sa Kanya; higit pa riyan, dapat niyang maunawaan na ang layunin ng paniniwala sa Diyos ay upang hangaring mahalin ang Diyos. Kinakasangkapan ka ng Diyos hindi lamang para pinuhin ka o para pagdusahin ka, kundi sa halip ay kinakasangkapan ka Niya upang malaman mo ang Kanyang mga kilos, malaman mo ang tunay na kabuluhan ng buhay ng tao, at lalo na, upang malaman mo na ang paglilingkod sa Diyos ay hindi madaling gawin. Ang pagdanas ng gawain ng Diyos ay hindi tungkol sa pagtatamasa ng biyaya, kundi sa halip ay tungkol sa pagdurusa para sa iyong pagmamahal sa Kanya. Yamang tinatamasa mo ang biyaya ng Diyos, kailangan mo ring matamasa ang Kanyang pagkastigo; kailangan mong maranasan ang lahat ng ito. Mararanasan mo ang kaliwanagan ng Diyos sa iyo, at mararanasan mo rin kung paano ka Niya pinakikitunguhan at hinahatulan. Sa ganitong paraan, ang iyong karanasan ay magiging malawak. Naisagawa ng Diyos ang Kanyang gawain ng paghatol at pagkastigo sa iyo. Napakitunguhan ka na ng salita ng Diyos, ngunit hindi lamang iyan; naliwanagan at natanglawan ka rin nito. Kapag ikaw ay negatibo at mahina, nag-aalala ang Diyos para sa iyo. Lahat ng gawaing ito ay upang ipaalam sa iyo na lahat ng tungkol sa tao ay nasa loob ng mga pagsasaayos ng Diyos. Maaari mong isipin na ang paniniwala sa Diyos ay tungkol sa pagdurusa, o paggawa ng lahat ng bagay para sa Kanya; maaari mong isipin na ang layunin ng paniniwala sa Diyos ay para mapayapa ang iyong laman, o upang maging maayos ang lahat sa buhay mo, o upang maging komportable at magaan ang lahat sa iyo. Gayunman, wala sa mga ito ang mga layuning dapat iugnay ng mga tao sa kanilang paniniwala sa Diyos. Kung naniniwala ka dahil sa mga layuning ito, mali ang iyong pananaw, at imposible ka talagang magawang perpekto. Ang mga kilos ng Diyos, ang matuwid na disposisyon ng Diyos, ang Kanyang karunungan, Kanyang mga salita, at Kanyang pagiging kamangha-mangha at di-maarok ay pawang mga bagay na dapat maunawaan ng mga tao. Dahil sa pagkaunawang ito, dapat mong gamitin ito upang alisin sa puso mo ang lahat ng personal mong kahilingan, pag-asa, at pagkaintindi. Kapag inalis mo ang mga ito, saka mo lamang matutugunan ang mga kundisyong hinihiling ng Diyos, at sa pamamagitan lamang ng paggawa nito ka magkakaroon ng buhay at mapapalugod ang Diyos. Ang layunin ng paniniwala sa Diyos ay upang mapalugod Siya at maisabuhay ang disposisyon na Kanyang kinakailangan, upang maipamalas ang Kanyang mga kilos at kaluwalhatian sa pamamagitan ng grupong ito ng hindi karapat-dapat na mga tao. Ito ang tamang pananaw para sa paniniwala sa Diyos, at ito rin ang layuning dapat mong hangarin. Dapat ay mayroon kang tamang pananaw tungkol sa paniniwala sa Diyos at dapat mong hangaring matamo ang mga salita ng Diyos. Kailangan mong kainin at inumin ang mga salita ng Diyos at magawang isabuhay ang katotohanan, at lalo nang kailangan mong makita ang Kanyang praktikal na mga gawa, Kanyang kamangha-manghang mga gawa sa buong sansinukob, gayundin ang praktikal na gawaing Kanyang ginagawa sa katawang-tao. Maaaring pahalagahan ng mga tao, sa pamamagitan ng kanilang aktuwal na mga karanasan, kung paano talaga ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain sa kanila at kung ano ang Kanyang kalooban sa kanila. Ang layunin ng lahat ng ito ay upang alisin ang tiwali at napakasamang disposisyon ng mga tao. Dahil naiwaksi na ang lahat ng karumihan at kasamaan sa iyong kalooban, at naiwaksi na ang iyong mga maling layon, at nagkaroon ka na ng tunay na pananampalataya sa Diyos—sa pamamagitan lamang ng pagkakaroon ng tunay na pananampalataya mo maaaring tunay na mahalin ang Diyos. Maaari mo lamang tunay na mahalin ang Diyos sa pundasyon ng iyong paniniwala sa Kanya. Magtatamo ka ba ng pagmamahal sa Diyos nang hindi ka naniniwala sa Kanya? Yamang naniniwala ka sa Diyos, hindi ka maaaring maguluhan tungkol dito. Napupuno ng lakas ang ilang tao sa sandaling makita nila na ang pananampalataya sa Diyos ay maghahatid sa kanila ng mga pagpapala, ngunit nawawala ang lahat ng sigla sa sandaling makita nila na kailangan nilang dumanas ng mga pagpipino. Iyan ba ang paniniwala sa Diyos? Sa huli, kailangan kang ganap at lubos na makasunod sa harap ng Diyos sa iyong pananampalataya. Naniniwala ka sa Diyos ngunit mayroon ka pa ring mga hinihiling sa Kanya, marami ka pa ring relihiyosong pagkaintindi na hindi mo mabitawan, mga personal na interes na hindi mo mapakawalan, at naghahangad ka pa rin ng mga pagpapala ng laman at nais mong sagipin ng Diyos ang iyong laman, na iligtas ang iyong kaluluwa—lahat ng ito ay mga pag-uugali ng mga tao na may maling pananaw. Kahit may pananampalataya sa Diyos ang mga taong may mga relihiyosong paniniwala, hindi sila naghahangad na baguhin ang kanilang disposisyon at hindi sila naghahangad ng kaalaman tungkol sa Diyos, kundi ang tanging hinahangad nila ay ang mga interes ng kanilang laman. Marami sa inyo ang may pananampalatayang nabibilang sa kategorya ng mga relihiyosong pananalig; hindi iyan tunay na pananampalataya sa Diyos. Upang maniwala sa Diyos, kailangang magkaroon ang mga tao ng isang pusong handang magdusa para sa Kanya at kahandaang isuko ang kanilang sarili. Hangga’t hindi natutugunan ng mga tao ang dalawang kundisyong ito, walang bisa ang kanilang pananampalataya sa Diyos, at hindi nila mababago ang kanilang disposisyon. Ang mga tao lamang na tunay na naghahanap sa katotohanan, naghahangad ng kaalaman tungkol sa Diyos, at naghahangad ng buhay ang mga tunay na naniniwala sa Diyos.

Kapag sumapit sa iyo ang mga pagsubok, paano mo iaangkop ang gawain ng Diyos sa pagharap sa mga pagsubok na iyon? Magiging negatibo ka ba o mauunawaan mo ang pagsubok at pagpipino ng Diyos sa tao mula sa isang positibong aspeto? Ano ang iyong makakamtan sa pamamagitan ng mga pagsubok at pagpipino ng Diyos? Lalago ba ang iyong pagmamahal sa Diyos? Kapag ikaw ay sumailalim sa pagpipino, maiaangkop mo ba ang mga pagsubok kay Job at masigasig na magiging abala sa gawaing ginagawa ng Diyos sa iyo? Nakikita mo ba kung paano sinusubok ng Diyos ang tao sa pamamagitan ng mga pagsubok kay Job? Anong klaseng inspirasyon ang hatid sa iyo ng mga pagsubok kay Job? Magiging handa ka bang tumayong saksi para sa Diyos sa gitna ng iyong mga pagpipino, o nanaisin mo bang mapalugod ang laman sa isang komportableng sitwasyon? Ano ba talaga ang iyong pananaw tungkol sa pananampalataya sa Diyos? Talaga bang para iyon sa Kanya, at hindi para sa laman? Talaga bang may nilalayon kang matamo sa iyong paghahangad? Handa ka bang sumailalim sa mga pagpipino upang magawa kang perpekto ng Diyos, o mas gusto mong makastigo at maisumpa ng Diyos? Ano ba talaga ang iyong pananaw tungkol sa pagpapatotoo para sa Diyos? Ano ang dapat gawin ng mga tao sa ilang sitwasyon upang tunay na magpatotoo para sa Diyos? Yamang maraming naihayag ang praktikal na Diyos sa Kanyang aktuwal na gawain sa iyo, bakit lagi mong naiisip na umalis? Para sa Diyos ba ang paniniwala mo sa Diyos? Para sa karamihan sa inyo, ang inyong paniniwala ay bahagi ng isang kalkulasyong ginagawa ninyo para sa inyong sarili, para sa inyong sariling personal na pakinabang. Napakakaunti ng mga taong naniniwala sa Diyos para sa Diyos; hindi ba ito pagiging suwail?

Ang layunin ng gawaing pagpipino una sa lahat ay upang gawing perpekto ang pananampalataya ng mga tao at sa huli ay magawa kang maabot ang isang kalagayan kung saan nais mong umalis ngunit hindi mo magawa, kung saan maaaring ang ilang tao ay pinagkaitan ng kahit isang hibla ng pag-asa subalit mayroon pa ring pananampalataya, kung saan hindi na umaasa ang mga tao sa kanilang sariling mga inaasam sa hinaharap. Sa panahong ito lamang matatapos ang pagpipino ng Diyos. Hindi pa rin nakakarating ang tao sa yugtong mabitin sa pagitan ng buhay at kamatayan, at hindi pa nila natitikman ang kamatayan, kaya hindi pa tapos ang proseso ng pagpipino. Maging yaong mga nasa hakbang ng mga tagasilbi ay hindi pa lubos na napipino. Matindi ang pagpipinong pinagdaanan ni Job, at wala siyang nasandigan. Kailangang sumailalim sa mga pagpipino ang mga tao hanggang sa puntong wala na silang pag-asa at wala nang masandigan—ito lamang ang tunay na pagpipino. Sa panahon ng mga tagasilbi, kung palaging tahimik ang puso mo sa harap ng Diyos, at anuman ang Kanyang ginawa at anuman ang Kanyang kalooban noon para sa iyo, sinunod mo palagi ang Kanyang mga plano, sa dulo ng landas ay mauunawaan mo ang lahat ng nagawa ng Diyos. Sumasailalim ka sa mga pagsubok kay Job, at kasabay nito ay sumasailalim ka sa mga pagsubok kay Pedro. Noong sinubok si Job, tumayo siyang saksi, at sa huli, ipinakita sa Kanya si Jehova. Pagkatapos niyang tumayong saksi, saka lamang siya naging karapat-dapat na makita ang mukha ng Diyos. Bakit sinabing: “Nagtatago Ako mula sa lupain ng karumihan ngunit ipinakikita Ko ang Aking Sarili sa banal na kaharian”? Ibig sabihin niyan ay kapag ikaw ay banal at tumatayong saksi, saka ka lamang magkakaroon ng dangal na makita ang mukha ng Diyos. Kung hindi ka makatayong saksi para sa Kanya, wala kang dangal para makita ang Kanyang mukha. Kung aatras ka o magrereklamo laban sa Diyos sa harap ng mga pagpipino, sa gayon ay bigo kang tumayong saksi para sa Kanya at pinagtatawanan ka ni Satanas, hindi mo makakamtan ang pagpapakita ng Diyos. Kung katulad ka ni Job, na sa gitna ng mga pagsubok ay isinumpa ang kanyang sariling laman at hindi nagreklamo laban sa Diyos, at nagawang kamuhian ang kanyang sariling laman nang hindi nagrereklamo o nagkakasala sa pamamagitan ng kanyang mga salita, tatayo kang saksi. Kapag sumasailalim ka sa mga pagpipino kahit paano at kaya mo pa ring maging katulad ni Job, na lubos na masunurin sa harap ng Diyos at walang ibang mga kinakailangan sa Kanya o sarili mong mga pagkaintindi, magpapakita sa iyo ang Diyos. Ngayon ay hindi nagpapakita sa iyo ang Diyos dahil napakarami mong sariling mga pagkaintindi, personal na pagkiling, makasariling ideya, indibiduwal na pangangailangan at interes ng laman, at hindi ka karapat-dapat na makita ang Kanyang mukha. Kung makikita mo ang Diyos, susukatin mo Siya sa pamamagitan ng iyong sariling mga pagkaintindi, at dahil doon, ipapako mo Siya sa krus. Kung maraming bagay ang sumasapit sa iyo na hindi nakaayon sa iyong mga pagkaintindi ngunit nagagawa mong isantabi ang mga iyon at magtamo ng kaalaman tungkol sa mga kilos ng Diyos mula sa mga bagay na ito, at kung sa gitna ng mga pagpipino ay ipinapakita mo ang iyong pusong nagmamahal sa Diyos, ito ay pagtayong saksi. Kung mapayapa ang iyong tahanan, natatamasa mo ang mga kaginhawahan ng laman, walang umuusig sa iyo, at sinusunod ka ng iyong mga kapatid sa iglesia, maipapakita mo ba ang iyong pusong nagmamahal sa Diyos? Mapipino ka ba ng sitwasyong ito? Makikita ang iyong pagmamahal sa Diyos sa pamamagitan lamang ng pagpipino, at magagawa kang perpekto sa pamamagitan lamang ng mga bagay na nangyayari na hindi nakaayon sa iyong mga pagkaintindi. Sa pamamagitan ng maraming salungat at negatibong bagay, at paggamit ng lahat ng uri ng pagpapakita ni Satanas—mga kilos nito, mga paratang, mga paggambala at panlilinlang—malinaw na ipinapakita ng Diyos sa iyo ang nakakatakot na mukha ni Satanas, at sa gayo’y ginagawang perpekto ang iyong kakayahang makilala si Satanas, upang kamuhian mo si Satanas at talikuran ito.

Ang maraming karanasan mo sa kabiguan, kahinaan, mga panahon ng iyong pagiging negatibo, ay masasabi na pawang mga pagsubok ng Diyos. Ito ay dahil ang lahat ay nagmumula sa Diyos, at lahat ng bagay at pangyayari ay nasa Kanyang mga kamay. Mabigo ka man o manghina at magkamali, nakasalalay ang lahat sa Diyos at abot-kamay Niya. Mula sa pananaw ng Diyos, isang pagsubok ito sa iyo, at kung hindi mo mapapansin iyon, magiging tukso iyon. May dalawang klase ng kalagayang dapat mapansin ng mga tao: Ang isa ay nagmumula sa Banal na Espiritu, at ang malamang na pinagmumulan ng isa pa ay si Satanas. Ang isa ay isang kalagayan kung saan tinatanglawan ka ng Banal na Espiritu at tinutulutan kang makilala ang iyong sarili, mamuhi at magsisi tungkol sa iyong sarili at magkaroon ng tunay na pagmamahal para sa Diyos, na italaga ang iyong puso sa pagpapalugod sa Kanya. Ang isa pa ay isang kalagayan kung saan kilala mo ang iyong sarili, ngunit negatibo ka at mahina. Maaaring sabihin na ang kalagayang ito ay ang pagpipino ng Diyos, at na panunukso rin ito ni Satanas. Kung napapansin mo na ito ang pagliligtas sa iyo ng Diyos at kung nadarama mo na malaki na ang iyong pagkakautang sa Kanya, at kung magmula ngayon ay susubukan mong suklian Siya at hindi ka na mahulog sa gayong kasamaan, kung ibubuhos mo ang iyong pagsisikap sa pagkain at pag-inom ng Kanyang mga salita, at kung palagi mong ituturing ang iyong sarili na may kakulangan, at may isang pusong nananabik, pagsubok nga ito ng Diyos. Kapag nagwakas na ang pagdurusa at sumusulong ka nang muli, aakayin, tatanglawan, liliwanagan, at pangangalagaan ka pa rin ng Diyos. Ngunit kung hindi mo ito napapansin at negatibo ka, na basta na lamang hinahayaang mawalan ka ng pag-asa, kung nag-iisip ka sa ganitong paraan, sumapit na sa iyo ang panunukso ni Satanas. Nang sumailalim si Job sa mga pagsubok, nagpustahan ang Diyos at si Satanas, at pinayagan ng Diyos si Satanas na pahirapan si Job. Kahit na ang Diyos ang sumusubok kay Job, si Satanas talaga ang lumukob sa kanya. Para kay Satanas, panunukso iyon kay Job, ngunit nasa panig ng Diyos si Job. Kung hindi nagkagayon, natukso na sana si Job. Sa sandaling matukso ang mga tao, nahuhulog sila sa panganib. Ang pagdaan sa pagpipino ay masasabing isang pagsubok mula sa Diyos, ngunit kung hindi mabuti ang kalagayan mo, masasabing panunukso ito mula kay Satanas. Kung hindi malinaw sa iyo ang pangitain, pagbibintangan ka ni Satanas at ikukubli ka sa aspeto ng pangitain. Bago mo pa malaman, matutukso ka na.

Kung hindi mo nararanasan ang gawain ng Diyos, hindi ka kailanman magagawang perpekto. Sa iyong karanasan, kailangan mo ring pumasok sa mga detalye. Halimbawa, anong mga bagay ang naghihikayat sa iyo na bumuo ng mga pagkaintindi at labis-labis na mga motibo, at anong klase ng mga angkop na pagsasagawa ang mayroon ka para lutasin ang mga problemang ito? Kung nararanasan mo ang gawain ng Diyos, nangangahulugan ito na maganda ang iyong tayog. Kung mukha ka lamang may lakas, hindi ito tunay na tayog at tiyak na hindi mo magagawang manindigan. Kapag nagagawa ninyong maranasan ang gawain ng Diyos at nagagawa ninyong maranasan at pagnilayan ito anumang oras at saanmang lugar, kapag nagagawa ninyong iwan ang mga pastol, at magsarili sa buhay na nakaasa sa Diyos, at nagagawa ninyong makita ang aktuwal na mga kilos ng Diyos—saka lamang matutupad ang kalooban ng Diyos. Sa ngayon, hindi alam ng karamihan sa mga tao kung paano dumanas, at kapag nagkakaroon sila ng problema, hindi nila alam kung paano nila ito haharapin; hindi nila kayang maranasan ang gawain ng Diyos, at hindi sila makapamuhay ng espirituwal na buhay. Kailangan mong tanggapin ang mga salita at gawain ng Diyos sa iyong praktikal na buhay.

Kung minsan binibigyan ka ng Diyos ng isang uri ng damdamin, isang damdaming nagsasanhi na mawala ang kagalakan ng iyong kalooban at ang presensya ng Diyos, kaya nakasadlak ka sa kadiliman. Isang uri ito ng pagpipino. Tuwing may ginagawa kang anuman, lagi itong nagugulo, o hindi ka makausad. Pagdidisiplina ito ng Diyos. Kung minsan, kapag matigas ang ulo mo at sumusuway ka sa Diyos, maaaring walang ibang nakakaalam niyon—ngunit alam iyon ng Diyos. Hindi ka makakaligtas sa Kanyang parusa, at didisiplinahin ka Niya. Napakadetalyado ng gawain ng Banal na Espiritu. Buong ingat Niyang pinagmamasdan ang bawat salita at kilos ng mga tao, bawat kilos at galaw, at bawat kaisipan at ideya nila upang magkaroon ng kamalayan ang mga tao sa kanilang sarili tungkol sa mga bagay na ito. May ginawa kang minsan at naging magulo iyon, ginawa mo ulit at naging magulo ulit iyon, at unti-unti mong mauunawaan ang gawain ng Banal na Espiritu. Sa maraming beses na nadisiplina ka, malalaman mo kung ano ang gagawin upang umayon sa kalooban ng Diyos at kung ano ang hindi naaayon sa Kanyang kalooban. Sa huli, magkakaroon ka ng tumpak na mga tugon sa paggabay ng Banal na Espiritu sa iyong kalooban. Kung minsan magiging suwail ka at sasawayin ka ng Diyos sa iyong kalooban. Lahat ng ito ay nagmumula sa pagdidisiplina ng Diyos. Kung hindi mo pinahahalagahan ang salita ng Diyos, kung minamaliit mo ang Kanyang gawain, hindi ka Niya papansinin. Kapag lalo mong sineseryoso ang mga salita ng Diyos, lalo ka Niyang liliwanagan. Ngayon mismo, may ilang tao sa iglesia na magulo at nalilito ang pananampalataya, at marami silang ginagawang di-angkop at kumikilos sila nang walang disiplina, kaya’t ang gawain ng Banal na Espiritu ay hindi malinaw na nakikita sa kanila. Ang ilang tao ay iniiwanan ang kanilang mga tungkulin para kumita ng pera, lumalabas para magpatakbo ng negosyo nang hindi nadidisiplina; mas nanganganib ang gayong klaseng tao. Hindi lamang kasalukuyang wala sa kanila ang gawain ng Banal na Espiritu, kundi sa hinaharap, mahirap silang magawang perpekto. Maraming tao na hindi kinakikitaan ng gawain ng Banal na Espiritu at ng pagdidisiplina ng Diyos. Sila yaong ang kalooban ng Diyos ay hindi malinaw sa kanila at hindi nila alam ang Kanyang gawain. Ayos lang yaong mga kayang manindigan nang matatag sa gitna ng mga pagpipino, na sumusunod sa Diyos anuman ang Kanyang gawin, at nagagawa kahit paano na hindi umalis, o nagagawa ang 0.1% ng nagawa ni Pedro, ngunit wala silang halaga para kasangkapanin ng Diyos. Maraming taong agad na nakakaunawa sa mga bagay-bagay, may tunay na pagmamahal para sa Diyos, at nahihigitan ang antas ni Pedro, at ginagawa ng Diyos ang gawain ng pagpeperpekto sa kanila. Sumasapit sa gayong mga tao ang pagdidisiplina at kaliwanagan, at kung may anuman sa kanila na hindi naaayon sa kalooban ng Diyos, kaya nilang alisin iyon kaagad. Ang gayong mga tao ay ginto, pilak, at mahahalagang bato—napakalaki ng kanilang halaga! Kung nakagawa ang Diyos ng maraming uri ng gawain ngunit para ka pa ring buhangin o bato, wala kang halaga!

Kagila-gilalas at di-maarok ang gawain ng Diyos sa bansa ng malaking pulang dragon. Gagawin Niyang perpekto ang isang grupo ng mga tao at aalisin ang ilang iba pa, sapagkat lahat ng uri ng mga tao ay nasa iglesia—mayroong mga nagmamahal sa katotohanan, at mayroong hindi; mayroong mga dumaranas ng gawain ng Diyos, at mayroong hindi; mayroong gumagawa ng kanilang tungkulin, at mayroong hindi; mayroong mga nagpapatotoo para sa Diyos, at mayroong hindi—at ang ilan sa kanila ay mga walang pananampalataya at masasamang tao, at tiyak na aalisin sila. Kung hindi mo malinaw na nalalaman ang gawain ng Diyos, magiging negatibo ka; ito ay dahil ang gawain ng Diyos ay makikita lamang sa iilang tao. Sa pagkakataong ito, magiging malinaw kung sino ang tunay na nagmamahal sa Diyos at sino ang hindi. Yaong mga tunay na nagmamahal sa Diyos ay may gawain ng Banal na Espiritu, samantalang yaong mga hindi tunay na nagmamahal sa Kanya ay mabubunyag sa bawat hakbang ng Kanyang gawain. Sila ang magiging mga pakay ng pag-aalis. Mabubunyag ang mga taong ito sa pagpapatuloy ng gawain ng panlulupig, at sila ay mga taong walang halaga para gawing perpekto. Yaong mga nagawang perpekto ay nakamit na ng Diyos sa kanilang kabuuan, at may kakayahang mahalin ang Diyos tulad ni Pedro. Yaong mga nalupig ay walang kusang pagmamahal, kundi balintiyak na pagmamahal lamang, at sapilitan nilang minamahal ang Diyos. Yumayabong ang likas na pagmamahal sa pamamagitan ng pag-unawang nakamtan sa pamamagitan ng praktikal na karanasan. Saklaw ng pagmamahal na ito ang puso ng tao at hinihikayat sila nito na kusang maging tapat sa Diyos; nagiging pundasyon nila ang mga salita ng Diyos at nagagawa nilang magdusa para sa Diyos. Mangyari pa, ito ay mga bagay na taglay ng isang tao na nagawang perpekto ng Diyos. Kung ang hinahangad mo lamang ay ang malupig, hindi ka maaaring magpatotoo para sa Diyos; kung nakakamtan lamang ng Diyos ang Kanyang mithiing magligtas sa pamamagitan ng paglupig sa mga tao, matatapos ang trabaho sa hakbang ng mga tagasilbi. Gayunman, ang paglupig sa mga tao ay hindi ang huling mithiin ng Diyos, na ang gawing perpekto ang mga tao. Kaya sa halip na sabihing ang yugtong ito ang gawain ng panlulupig, sabihing ito ang gawain ng pagpeperpekto at pag-aalis. Hindi pa lubos na nalulupig ang ilang tao, at habang nilulupig sila, isang grupo ng mga tao ang magagawang perpekto. Ang dalawang pirasong ito ng gawain ay isinasakatuparan nang sabay. Hindi pa umaalis ang mga tao kahit sa loob ng napakahabang panahon ng gawain, at ipinakikita nito na ang mithiing manlupig ay nakamtan na—isang katunayan ito ng pagiging nalupig. Ang mga pagpipino ay hindi para malupig, kundi para magawang perpekto. Kung wala ang mga pagpipino, hindi magagawang perpekto ang mga tao. Kaya napakahalaga talaga ng mga pagpipino! Ngayon isang grupo ng mga tao ang ginagawang perpekto at nakakamit. Ang sampung pagpapalang binanggit dati ay inilaang lahat sa mga nagawang perpekto. Lahat ng tungkol sa pagbabago ng kanilang larawan sa lupa ay inilalaan sa mga nagawang perpekto. Yaong mga hindi nagawang perpekto ay hindi karapat-dapat na tumanggap ng mga pangako ng Diyos.