Ang Saloobing Dapat Taglayin ng Tao sa Diyos (Unang Bahagi)
Upang makita kung ang isang tao ay tunay na nananalig sa Diyos, ang pinakamahalagang bagay ay ang obserbahan ang kanyang saloobin sa Diyos. Kung tinatrato niya ang Diyos nang may pusong natatakot at nagpapasakop sa Diyos, siya ay tunay na nananalig sa Diyos. Ngunit kung wala siyang takot o pagpapasakop sa Diyos, wala siyang tunay na pananalig. Anong saloobin ang dapat mayroon ang mga tao sa Diyos? Dapat silang matakot at magpasakop sa Kanya. Kayang hangarin at tanggapin ng mga taong may takot sa Diyos ang katotohanan. Iyong mga kayang magpasakop sa Diyos ay may kakayahang magpakita ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos; sinisikap nilang palugurin ang Diyos sa lahat ng ginagawa nila. Tinataglay ng sinumang naghahangad sa katotohanan ang dalawang katangiang ito. Tiyak na mga hindi naghahangad sa katotohanan ang mga taong walang pusong may takot o pagpapasakop sa Diyos.
Paano ba dapat isagawa ang paghahangad sa katotohanan? Nararanasan ba ninyo ang gawain ng Diyos sa pang-araw-araw ninyong pagganap ng inyong tungkulin? Nanalangin na ba kayo sa Diyos kapag nahaharap sa mga problema, at kaya ba ninyong lutasin ang mga ito sa pamamagitan ng paghahangad sa katotohanan? Nauugnay ito sa isyu ng buhay pagpasok. Kapag nagpapakita kayo ng inyong katiwalian habang gumaganap kayo ng inyong tungkulin, nagagawa ba ninyong pagnilayan ang inyong sarili at lutasin ang problema ng inyong tiwaling disposisyon alinsunod sa mga salita ng Diyos? Kung hindi ninyo ito maisagawa at maranasan sa ganitong paraan, wala itong kinalaman sa pananampalataya sa Diyos. Anumang tungkulin ang ginagampanan mo o anuman ang ginagawa mo, dapat mong subukang arukin kung aling mga aspekto ng mga salita ng Diyos ang may kinalaman dito, pati na rin ang sarili mong mga kaisipan, opinyon, o maling layunin, na mga bahaging lahat ng kalagayan ng tao. Ano ang kabilang sa kalagayan ng tao? Kabilang dito ang mga paninindigan, saloobin, layunin, at pananaw ng mga tao, gayon din ang ilang satanikong pilosopiya, lohika, at kaalaman—at ang lahat ng bagay na ito, sa madaling sabi, ay nauugnay sa mga karaniwang kalakaran at pamamaraan ng pagkilos at pagtrato ng mga tao sa iba. Kapag nahaharap sa isang sitwasyon, dapat munang suriin ng isang tao kung ano ang kanyang pananaw—ito ang unang hakbang. Ang ikalawang hakbang ay ang suriin kung tama ba ang pananaw na iyon. Kung gayon, paano dapat tukuyin ng isang tao kung tama ba o hindi ang kanyang pananaw? Ito ay minsanang tinutukoy sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, at muling tinutukoy alinsunod sa mga prinsipyo ng uri ng sitwasyong pinag-uusapan. Halimbawa, ang mga pagsasaayos ng gawain, interes, at patakaran ng sambahayan ng Diyos, gayundin ang mga hayagang salita ng Diyos—gamitin ang mga bagay na ito upang matukoy kung tama ba ang isang pananaw. Ang mga ito ang mga pamantayan sa pagsukat. Sinusuri ba ninyo ang mga pananaw ninyo kapag nahaharap kayo sa isang sitwasyon? Kaya mo mang tukuyin ang mga ito o hindi, ang unang hakbang ay na dapat kang magsagawa sa ganitong paraan. Anuman ang ginagawa ng mga tao, lahat sila ay may isang tiyak na pananaw tungkol dito. Paano nabubuo ang pananaw na ito? Ito ay kung ano ang tingin mo sa sitwasyon, kung saan mo ibinabase ang iyong perspektiba, kung paano mo pinaplanong pangasiwaan ito, at kung saan mo ibinabase ang pamamaraan mo sa pangangasiwa nito. Ang lahat ng ito ay bahagi ng pananaw mo. Halimbawa, ano ang palagay mo sa katiwalian ng sangkatauhan? Saan nakabatay ang iyong perspektiba? Paano mo hinaharap ang isyung ito? Ang lahat ng ito ay may kaugnayan sa mga pananaw ng isang tao sa mga bagay. Ito ay totoo rin sa pananaw ng isang tao sa isang bagay; anuman ang sitwasyon, may pananaw ang bawat tao sa likod ng kanilang saloobin at pamamaraan ng pangangasiwa sa bawat bagay. Ang pananaw na ito ang gagabay at mamamahala kung paano sila kikilos. At ang pinagmulan ng pananaw na ito ang tumutukoy kung ito ba ay tama o mali. Halimbawa, kung ang pananaw mo ay batay sa satanikong pilosopiya at lohika, at ang layunin sa likod ng pananalita mo ay ang magkamit ng kasikatan at karangalan, ang makilala at maunawaan ka ng mas maraming tao, at ang maalala at matanggap ka ng mas maraming tao, ito ang panimulang punto mo sa pagkilos. Kung mayroon kang maling layunin na gaya nito, ang mga pananaw at pamamaraan na uusbong mula rito ay siguradong magiging mali rin at tiyak na hindi alinsunod sa katotohanan. Kapag nakabubuo ka ng mga maling pananaw, saloobin, at pamamaraan, kaya mo bang matukoy ang mga ito? Kung kaya mong suriin ang pagiging tama o mali ng mga ito, natutupad mo ang isang pangunahing kondisyon sa pagtugon sa mga layunin ng Diyos; ngunit hindi ito ang lubos na kondisyon. Ano ang lubos na kondisyon? Kapag nasuri mo na mali ang mga pananaw mo, kapag mayroon kang mga maling layunin at personal na mga plano at ninanasa, ano ang magagawa mo upang hindi ka kumilos nang alinsunod sa mga maling pananaw na ito? Kinakailangan dito na bitiwan mo ang mga maling layunin at pananaw mo, at, kasabay nito, na hangarin mo ang katotohanan. Dahil alam na alam mong mali ang mga pananaw mo, na ang mga ito ay hindi umaayon sa katotohanan ni sa mga layunin ng Diyos, na kinasusuklaman ng Diyos ang mga ito, samakatwid ay dapat kang maghimagsik laban sa mga ito. Ano ang layon ng paghihimagsik laban sa laman? Ito ay ang gawin ang mga bagay nang alinsunod sa mga layunin ng Diyos, ang gawin ang mga bagay na naaayon sa katotohanan, at sa gayong paraan ay maisagawa ang katotohanan. Gayunman, kung hindi mo magawang maghimagsik sa mga maling pananaw mo, hindi mo maisasagawa ang katotohanan o maisasabuhay ang katotohanang realidad; ang ibig sabihin nito, ang nauunawaan mo ay doktrina lang. Ang mga bagay na sinasabi mo ay hindi makapipigil sa pag-uugali mo, makagagabay sa mga kilos mo, o makapagtatama sa mga maling pananaw mo, na lalo pang nagpapatunay na ito ay doktrina lang. Samakatwid, ang unang hakbang ay ang siyasatin ang mga pananaw mo. Ang ikalawang hakbang ay ang sukatin kung tama ba ang mga pananaw na iyon: Ang mga maling pananaw ay dapat na paghimagsikan at iwaksi; ang mga tamang pananaw ay dapat na sundin at panindigan. Saan kayo nahihirapan ngayon? Sa isang banda, bihirang-bihira mong suriin ang sarili mo, hindi mo ito nakagawian. Sa kabilang banda, kahit kapag sinusuri mo ang sarili mo, hindi mo alam kung tama ba o hindi ang mga layunin at pananaw mo. Tila parehong tama at hindi tama ang mga ito sa iyo, kaya sa huli ay nalilito at naguguluhan ka, at ginagawa mo ang mga bagay sa sarili mong paraan—ito ay isang uri ng sitwasyon. Ano pang ibang sitwasyon ang mayroon? (Minsan ay natutukoy ko ang sarili kong mga layunin at pananaw, at nais kong maghimagsik sa mga ito, ngunit hindi ko kayang mapagtagumpayan ang tiwaling disposisyon ko. Kaya nagkokompromiso ako, nangangatwiran at nagdadahilan upang mapagbigyan ang sarili ko. Nabibigo akong magsagawa kapag nagkagayon, at nagsisisi ako pagkatapos.) Ipinakikita nito na wala kang sapat na pusong nagpapasakop sa katotohanan at nagmamahal sa katotohanan. Kung ang puso ng isang tao ay lubos na minamahal ang katotohanan, madalas niyang mapagtatagumpayan ang ilan sa kanyang mga maling layunin at pananaw, at magagawang labanan ang mga ito. Siyempre, may ilang espesyal na sitwasyon kung saan karamihan ng mga tao ay nahihirapan itong mapagtagumpayan. Normal lang kung hindi mo rin pa ito napagtagumpayan. Ngunit kung ang karamihan ng karaniwang tao ay kaya itong mapagtagumpayan, ngunit para sa iyo ay napakahirap nito, ano ang pinatutunayan nito? Ipinakikita nito na hindi malaki ang pagmamahal mo sa katotohanan, at ang pagsasagawa ng katotohanan ay sadyang hindi ganoon kahalaga sa iyo. Ano ang mahalaga sa iyo? Ang maipagpatuloy ang mga sarili mong pananaw, mapanatag ang sarili mong isip, mapalayaw ang sarili mong mga pagnanais—ang mga ito ang mahalaga sa iyo. Ang pagtupad sa mga hinihingi ng Diyos, ang pagsasagawa ng katotohanan, ang pagpapalugod sa puso ng Diyos, at ang pagpapasakop sa Diyos—wala sa mga ito ang mahalaga sa puso mo. Ibinubunyag nito ang mga panloob na layunin mo at ang mga pananaw na mayroon ka.
Ano ang pangunahing bumubuo sa kalagayan ng isang tao? (Ang kanyang mga layunin, paninindigan, at pananaw.) Pangunahing kinabibilangan ng mga bagay na ito ang kanyang kalagayan. Ano ang pinakakaraniwan sa mga kalagayan ng mga tao? Lumalabas ito madalas sa puso ng mga tao kapag nahaharap sila sa isang bagay, at sadyang nakikilala nila ang isang bagay na ito sa kanilang mga kaisipan—ano sa palagay ninyo ito? (Ang kanilang mga layunin.) Tama, iyan nga. Ang mga layunin ay malinaw na bahagi ng kalagayan ng mga tao, at isa sa pinakakaraniwan; sa karamihan ng mga bagay, may sariling mga iniisip at layunin ang mga tao. Kapag nagkakaroon ng gayong mga iniisip at layunin, iniisip ng mga tao na lehitimo ang mga iyon, ngunit kadalasan ay para sa sarili nilang kapakanan ang mga iyon, para sa sarili nilang kapalaluan at mga interes, o kaya naman ay para pagtakpan ang isang bagay, o para bigyang-kasiyahan ang kanilang sarili sa kung anong paraan. Sa gayong mga pagkakataon, kailangan mong suriin kung paano nabuo ang iyong layunin, kung ano ang nagsanhi nito. Halimbawa, hiniling sa iyo ng sambahayan ng Diyos na gawin ang gawain ng iglesia na pag-aalis, at may isang indibidwal na matagal nang pabasta-basta sa kanyang tungkulin, laging naghahanap ng mga pagkakataon para magpabaya. Ayon sa prinsipyo, dapat alisin ang taong ito, ngunit maganda ang relasyon mo sa kanya. Kaya anong uri ng mga kaisipan at layunin ang papasok sa isipan mo? Paano ka magsasagawa? (Kikilos ayon sa sarili kong mga kagustuhan.) At ano ang nagsasanhi ng mga kagustuhang ito? Dahil ang taong ito ay naging mabuti sa iyo o nakagawa ng mga bagay para sa iyo, maganda ang tingin mo sa kanya, kung kaya sa pagkakataong ito ay nais mo siyang protektahan, at ipagtanggol. Hindi ba’t ito ang epekto ng mga damdamin? Nagiging emosyonal ka sa kanya, kung kaya ginagamit mo ang pamamaraan na “Samantalang may mga patakaran ang mga nakatataas na awtoridad, may mga panlaban na hakbang naman ang mga lokalidad.” Nandaraya ka. Sa isang banda, sinasabi mo sa kanya na, “Kailangan mo pang magsikap nang kaunti kapag gumagawa ka ng mga bagay-bagay. Huwag kang maging pabasta-basta, kailangan mong magdanas ng kaunting hirap; tungkulin natin ito.” Sa kabilang banda, tumutugon ka sa Itaas at sinasabi mong, “Nagbago na siya, mas epektibo na siya ngayon kapag gumaganap siya sa kanyang tungkulin.” Ngunit ang nasa isip mo talaga ay, “Ito ay dahil hinikayat ko siya. Kung hindi ko iyon ginawa, magiging katulad pa rin siya ng dati.” Sa iyong isipan, lagi mong iniisip na, “Naging mabait siya sa akin, hindi siya puwedeng paalisin!” Anong kalagayan ito kapag gayon ang mga bagay na nasa layunin mo? Pinipinsala nito ang gawain ng iglesia sa pamamagitan ng pagpoprotekta sa personal na emosyonal na mga relasyon. Naaayon ba ang ganitong pagkilos sa mga katotohanang prinsipyo? At mayroon bang pagpapasakop sa paggawa mo nito? (Wala.) Walang pagpapasakop; may paglaban sa puso mo. Sa mga bagay na nangyayari sa iyo at sa gawaing dapat mong gawin, ang mga sarili mong ideya ay nagtataglay ng mga subhetibong panghuhusga, at may mga emosyonal na aspektong nakahalo rito. Ginagawa mo ang mga bagay-bagay batay sa mga damdamin, subalit naniniwala ka pa rin na kumikilos ka nang walang kinikilingan, na binibigyan mo ang mga tao ng pagkakataong magsisi, at na tinutulungan mo sila nang may pagmamahal; kaya ginagawa mo ang nais mo, hindi ang sinasabi ng Diyos. Ang paggawa sa ganitong paraan ay nakababawas sa kalidad ng gawain, nakababawas sa pagiging epektibo nito, at nakapipinsala sa gawain ng iglesia—na pawang mga resulta ng pagkilos ayon sa mga damdamin. Kung hindi mo susuriin ang iyong sarili, matutukoy mo ba ang problema rito? Hindi kailanman. Maaaring alam mo na mali ang kumilos nang ganito, na kawalan ito ng pagpapasakop, ngunit pinag-iisipan mo ito at sinasabi mo sa sarili mo na, “Kailangan ko silang tulungan nang may pagmamahal, at pagkatapos silang matulungan at mas bumuti sila, hindi na sila kailangan pang paalisin. Hindi ba’t binibigyan ng Diyos ang mga tao ng pagkakataong magsisi? Mahal ng Diyos ang mga tao, kaya kailangan ko silang tulungan nang may pagmamahal, at kailangan kong gawin ang hinihingi ng Diyos.” Matapos isipin ang mga bagay na ito, ginagawa mo ang mga bagay-bagay sa sarili mong paraan. Pagkatapos, gumagaan ang puso mo; nadarama mo na isinasagawa mo ang katotohanan. Sa prosesong ito, nagsagawa ka ba ayon sa katotohanan, o kumilos ka ayon sa sarili mong mga kagustuhan at layunin? Ang iyong mga kilos ay lubos na ayon sa sarili mong mga kagustuhan at layunin. Sa buong proseso, ginamit mo ang diumano’y kabaitan at pagmamahal mo, gayon din ang mga damdamin at mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, para lang maging maayos ang lahat, at sinubukan mong umiwas sa pagpapasya. Tila tinulungan mo ang taong ito nang may pagmamahal, ngunit sa puso mo ay pinipigilan ka talaga ng damdamin—at, sa takot na matuklasan ng Itaas, sinikap mong magpalakas sa Itaas at sa tao na ito sa pamamagitan ng kompromiso, upang walang mapasama na loob at matapos ang gawain—na katulad ng pagsubok ng mga walang pananampalataya na umiwas sa pagpapasya. Sa katunayan, paano kinikilatis ng Diyos ang sitwasyong ito? Ikaklasipika ka Niya bilang isang taong hindi nagpapasakop sa katotohanan, na madalas na nagtataglay ng isang mapagsiyasat at mapanuring saloobin sa katotohanan at sa mga hinihingi ng Diyos. Anong papel ang ginagampanan ng iyong layunin kapag hinaharap mo ang katotohanan at ang mga hinihingi ng Diyos gamit ang pamamaraang ito, at kapag ginagampanan mo ang iyong mga tungkulin taglay ang saloobing ito? Nagsisilbi ito para protektahan ang mga sarili mong interes, ang sarili mong karangalan, at ang iyong mga relasyong interpersonal nang walang anumang pagsasaalang-alang sa mga hinihingi ng Diyos, ni hindi ito nagkakaroon ng anumang positibong epekto sa mga sarili mong tungkulin o sa gawain ng iglesia. Ganap na nabubuhay ang gayong tao sa mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo. Ang lahat ng sinasabi at ginagawa niya ay para pangalagaan ang sarili niyang karangalan, damdamin, at mga relasyong interpersonal, subalit wala siyang tunay na pagpapasakop sa katotohanan at sa Diyos, ni hindi niya tinatangkang ipahayag o aminin ang mga problemang ito. Wala siyang nararamdamang kahit katiting na paninisi sa sarili at nananatiling ganap na ignorante sa kalikasan ng mga problema. Kung ang mga tao ay walang may-takot-sa-Diyos na puso, at kung walang puwang ang Diyos sa puso nila, hindi nila kailanman makakayang kumilos nang naaayon sa prinsipyo anuman ang mga tungkuling ginagampanan nila o anuman ang mga problemang kinahaharap nila. Walang kakayahang pumasok sa katotohanang realidad ang mga taong nabubuhay sa kanilang mga layunin at makasariling pagnanais. Dahil dito, kung nahaharap sila sa isang problema, at hindi nila sinusuring mabuti ang kanilang mga layunin at hindi nagagawang makilala kung ano ang mali sa kanilang mga layunin, sa halip ay ginagamit nila ang lahat ng uri ng pangangatwiran para gumawa ng mga kasinungalingan at pagdadahilan para sa kanilang sarili, ano ang nangyayari sa huli? Medyo maayos nilang napoprotektahan ang mga sarili nilang interes, karangalan, at relasyong interpersonal, subalit nasisira ang normal na relasyon nila sa Diyos. May ilang tao na nananampalataya sa Diyos nang mahabang panahon, subalit kapag sinasabihang magbahagi ng ilan sa kanilang personal na karanasan, wala silang masabi, hindi sila makapagbahagi ng anumang patotoong batay sa karanasan kaugnay sa kanilang pagbabagong disposisyonal. Ano ang sanhi nito? Bihirang-bihira nilang sinusuri ang kanilang sarili, at bihirang-bihira silang nagsasagawa alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Sa halip ay mas gusto nilang tahakin ang sarili nilang landas, nabubuhay sa isang tiwaling disposisyon, ginagabayan ang mga kilos nila ng mga sarili nilang layunin, pananaw, at mga plano, habang patuloy silang hindi nagsisisi. Ang Diyos na sinasampalatayanan nila, at ang mga salita ng Diyos ang pinakikinggan nila; ang katotohanan ang tinatanggap nila, at ang katotohanan din ang ibinabahagi at ipinangangaral nila—subalit ano ba talaga ang isinasagawa nila? Nagsasagawa sila alinsunod lang sa mga sarili nilang layunin at imahinasyon, hindi alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos. Kaya, ano ang saloobin nila sa mga salita ng Diyos? Paano nila tinatrato ang mga hinihingi ng Diyos? Sa aling aspekto ng pagdanas ng gawain ng Diyos dapat na maging pinakamaingat ang mga tao? Paano nila dapat na danasin ang mga salita ng Diyos at isagawa ang katotohanan—ito ang pinakamahalagang isyu. Kung ang isang tao, pagkatapos marinig ang mga salita ng Diyos at makinig sa mga sermon, ay hindi isinagawa ang mga ito, nananampalataya ba talaga siya sa Diyos? Talaga bang dinaranas niya ang gawain ng Diyos? Bakit hindi siya nagiging maingat kung saan dapat siyang maging maingat? Bakit niya pinagdududahan ang Diyos at pinagdududahan ang mga salita ng Diyos gayong dapat ay isinasagawa niya ang katotohanan? “Bakit may mga ganitong hinihingi ang Diyos? Naaayon ba ang mga ito sa Kanyang mga salita? Pag-ibig pa rin ba ang Diyos kung humihingi Siya nang ganito? Ang pagkakaroon ng mga ganitong hinihingi ay tila hindi isang bagay na gagawin Niya, hindi ba? Hindi ko ito matatanggap. Walang konsiderasyon ang mga hinihingi ng Diyos, sumasalungat ang mga ito sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao.” Sabihin mo sa Akin, magagawa ba ng isang taong tumitimbang sa mga bagay-bagay na ito na tanggapin ang katotohanan? (Hindi.) Hindi ito ang saloobin ng pagtanggap sa katotohanan. Ang pagsukat at pagharap sa mga hinihingi ng Diyos nang may ganitong saloobin at mga layunin—ito ba ay pagbubukas o pagsasara ng puso ng isang tao sa Diyos? (Pagsasara.) Hindi ito saloobin ng pagtanggap, kundi ng paglaban. Pagdating sa mga hinihingi ng Diyos, nagsusuri muna ang gayong mga tao at ngumingisi pa ang ilan sa kanila: “Hindi gaanong nakikipag-ugnayan ang diyos sa mga kapatid sa iglesia; hindi niya alam ang mga gawain sa iglesia. Hindi ba’t masyadong dogmatikong pinangangasiwaan ng sambahayan ng diyos ang mga bagay-bagay? Hindi natin ginagawa nang ganito ang mga bagay-bagay. Ginagawa natin ang mga bagay-bagay batay sa mga sitwasyon ng mga kapatid, pinagkakalooban sila ng mga oportunidad. At bukod pa riyan, dapat na maging mauunawain ang nagkatawang-taong diyos sa kahinaan ng tao! Kung hindi siya magiging mauunawain, tayo ang magiging mauunawain. May ilang bagay na hindi binibigyan ng pagsasaalang-alang ng diyos, subalit bibigyang-pagsasaalang-alang natin ang mga ito.” Anong uri ng saloobin ang tinataglay nila? Ito ay saloobin na lumalaban, humuhusga, at kumokondena. Isinasailalim nila ang mga bagay-bagay sa pagsusuri at pagkatapos ay hinuhusgahan nila ang mga ito. At paano sila humuhusga? Sinasabi nilang, “Anuman ang kaso, matuwid ang diyos, at ang diyos na sinasampalatayanan ko, hindi ang isang tao. Sinisiyasat ng diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao.” Ano ang ibig sabihin nito? (Itinatanggi nila ang nagkatawang-taong Diyos.) Iyan nga. Sa puso nila, itinatanggi nila si Cristo, ipinahihiwatig na ang mga salita ng Cristo ay hindi talagang kumakatawan sa Diyos. Kung saan sumasalungat o lumalabag ang mga kilos at salita ni Cristo sa mga sarili nilang interes, layunin, at pananaw, tinatanggihan nila ang Diyos. “Anu’t-anuman, sa diyos ako nananampalataya, at matuwid ang diyos. Sinisiyasat niya ang kaibuturan ng puso ng mga tao.” Ano ang mga pahayag na ito? Mga panghuhusga ba ang mga ito? Ano ang kalikasan ng mga pahayag na ito? (Kalapastanganan.) Ang pag-uusap tungkol sa mga tao sa likod nila ay panghuhusga. Ang pagsasalita nang tungkol sa Diyos sa likuran Niya ay hindi lang panghuhusga; kalapastanganan ito. Maaari bang maging mga tunay na mananampalataya ang mga taong may kakayahang lapastanganin ang Diyos? Mga tao ba sila na may konsensiya at katwiran? Mga tao ba silang ililigtas ng Diyos? Ang mga taong ito ay pawang mga alipores ni Satanas, masasamang tao sila, at dapat silang tanggihan at itiwalag.
Sa mga iglesia, may mga pagpapamalas ba ng pamumuna sa Diyos at panghuhusga sa Kanyang gawain? Hindi laganap ang mga ito, subalit talagang nangyayari ang mga ito, dahil sa kahit saang iglesia ay umiiral ang ilang hindi mananampalataya at masasamang tao. Ngayon, sa mga partikular na pangyayari, maaari bang lumitaw ang ganitong klase ng kalagayan sa puso niyong mga tunay na nananampalataya sa Diyos? Kung lumilitaw sa inyo ang mga bagay tulad ng panghuhusga, paglaban, at panlalapastangan, ano ang inyong panloob na tugon? Naaarok ba ninyo ang malubhang kalikasan ng problema? Halimbawa, sabihin nating hindi ka kailanman nag-asawa, subalit nasa isang angkop na kapaligiran ka at may nakilalang isang mainam na potensyal na kapareha na gusto mong makatipan. Bagaman dati ka nang nangako sa Diyos na iaalay mo ang iyong buong buhay sa Kanya at hindi ka maghahanap ng isang kapareha, sa puso mo ay may mabuting damdamin ka pa rin sa taong ito, kaya’t nagpasya kang makipagtipan sa kanya. Subalit pagkatapos makipagtipan ay natuklasan mong may napakaraming balakid, at napagtanto mong hindi angkop na makipagtipan sa kanya, at hindi ito pinahihintulutan ng Diyos. Gusto mo siyang isuko, subalit hindi mo siya kayang pakawalan, kaya nanalangin ka sa Diyos at sinumpa mo at naghimagsik ka sa iyong sarili, at sa huli ay naghiwalay kayong dalawa. Pagkatapos ng hiwalayan, nalugmok ka sa matinding paghihirap ng isipan. Normal ito. Ito ang normal na kahinaan ng pagkatao. Subalit hindi ka dapat magreklamo tungkol sa Diyos. Magagawa ba ng karamihan ng tao na pagdaanan ang ganitong karanasan at hindi magreklamo tungkol sa Diyos? Hindi ito magagawa ng karamihan, at sinasalamin nito ang saloobin nila sa katotohanan at sa Diyos. Anong mga maling kaisipan ang karaniwang taglay ng isang tao para sisihin niya ang Diyos sa isang sitwasyong tulad nito? (Kung hindi ako nananampalataya sa Diyos, makahahanap ako ng isang kapareha.) Malaking problema ba ang kaisipang tulad nito? Tila ayaw niyang manampalataya sa Diyos, ninanais niyang sumuko. Iniisip niyang: “Bakit kailangan kong piliin ang landas ng pananampalataya sa Diyos? Magiging napakahusay ang hindi pananampalataya sa Diyos, magagawa ko ang anumang gustuhin ko. Hindi madaling makahanap ng gayong kaangkop na kapareha; kung palalampasin ko siya ngayon, hindi magtatagal at magiging masyado na akong matanda para magustuhan ng sinuman. Hindi na ba dapat ako muling maghanap ng sinuman? Ganito ko ba gugugulin ang nalalabi kong buhay?” Nakararamdam siya ng pagiging negatibo at panghihinayang, maging hanggang sa punto na ayaw nang manampalataya ng taong ito. Pagpapamalas ang mga ito ng paghihimagsik at pagkakanulo sa Diyos. Subalit hindi ito ang pinakaseryoso. Anong mga kaisipan ang mas seryoso kaysa rito? Naranasan na ba ninyo ang ganitong bagay? (Hindi.) Medyo mapanganib ang hindi pagdanas nito. Iyong mga nakaranas na ng gayong mga bagay ay nagagawang makita ang ilang partikular na aspekto ng mga ito nang malinaw; mas ligtas sila, bagaman hindi ito ganap na garantiya. Hindi maliit na bagay lang ang tuksong hinaharap ng mga walang gayong karanasan. Dapat silang maging mapagbantay, dahil malingat lang sila sa pagbabantay at madadarang sila sa tukso! Iniisip ng ilang tao na: “Mabuting isilang sa mga huling araw at mapili ng Diyos. Bukod pa rito, bata ako, walang mga pakikisangkot sa pamilya, kaya malaya kong magagampanan ang aking mga tungkulin—biyaya ito ng Diyos. Sayang at may isang disbentahe lang, iyon ay na kahit makatagpo ako ng isang naaangkop na kapareha, hindi ko siya maaaring hangarin at hindi maaaring mag-asawa. Subalit bakit hindi ako maaaring humanap ng mapapangasawa? Kasalanan ba ang pag-aasawa? Hindi ba’t maraming kapatid ang may asawa at mga anak? At hindi ba’t nananampalataya rin sila sa Diyos? Bakit hindi ako pinahihintulutang maghanap ng isang kapareha? Hindi matuwid ang Diyos!” Lumalabas ang panghuhusga nila sa Diyos at kawalan ng kasiyahan sa Kanya. Napagpasiyahan na nila na ang lahat ng ito ay kagagawan ng Diyos, na galing ang lahat ng ito sa Diyos, kaya naghihinanakit sila sa Kanya at nagrereklamo: “Sobrang hindi patas ng Diyos sa akin! Napakawala Niyang konsiderasyon! Maaaring mag-asawa ang ibang tao, bakit ako hindi? Maaaring magkaroon ng mga anak ang ibang tao, bakit ako hindi? Binibigyan ng Diyos ng ganitong pagkakataon ang ibang tao, bakit hindi Niya ito ibinibigay sa akin?” Lumalabas ang mga reklamo at paghuhusga. Anong kalagayan ito? (Isang kalagayang lumalaban at sumasalungat.) Lumalaban, hindi nasisiyahan, nag-aatubili. Walang ni katiting na balak na tanggapin o magpasakop sa ginagawa ng Diyos; hinihiling niya na iba ang gawin ng Diyos. Gayunman, nag-aatubili pa rin siyang piliin na mag-asawa, natatakot na kung mag-aasawa siya at magkaroon ng mga pakikisangkot, hindi siya magiging kasinglaya at hindi na magagawang gampanan nang maayos ang kanyang tungkulin, sa gayon ay pipigil sa kanyang mailigtas kalaunan at makapasok sa kaharian ng langit. Kung gayon, ano ang gagawin niya sa gayong panghihinayang? Ang totoo, ito ang landas na ikaw mismo ang pumili. Binibigyan ng Diyos ng malayang kalooban ang mga tao. Maaari kang pumili, kung gusto mong humanap ng isang kapareha at mag-asawa o maghangad ng katotohanan at kaligtasan. Ganap itong isang personal na desisyon; walang kaugnayan sa Diyos kung pumili ka man nang tama o hindi, kaya’t bakit nagrereklamo ka tungkol sa Kanya? Bakit nagrereklamo kang hindi Siya matuwid? Bakit napakarami mong reklamo? (Dahil hindi natugunan ang mga sarili kong interes.) Kapag nasasaling ang mga sarili mong interes, hindi ka nasisiyahan sa iyong kalooban. Pakiramdam mo ay nawalan ka, kaya’t sinisisi mo ang Diyos at naghahanap pa ng mga dahilan para maglabas ng iyong sama ng loob. Anong uri ng disposisyon ito? (Isang malisyosong disposisyon.) Pagiging malisyoso ito. Ang paninisi sa Diyos, pagrereklamo na hindi Siya matuwid, at pagrereklamo na ang Kanyang mga pagsasaayos ay hindi naaangkop sa tuwing hindi natutugunan ang mga sariling interes ng isang tao—ito ay isang disposisyon na malisyoso at mapagmatigas, at hindi mapagmahal sa katotohanan. Paano lumilitaw ang mga kalagayan at kaisipang ito sa mga tao? Kung hindi dahil sa mga sitwasyong ito, lilitaw at mahahayag pa rin ba ang mga bagay na ito? (Hindi.) Kapag hindi ka nahaharap sa gayong sitwasyon, hindi magkakasagupa ang mga nauugnay mong interes sa mga hinihingi ng Diyos at hindi makokompromiso sa anumang paraan ang iyong mga interes, kaya iniisip mo na mas mainam at mas malakas ang pagmamahal at paghahangad mo sa Diyos kaysa sa lahat ng iba pa. Subalit kapag nahaharap ka sa ganitong sitwasyon at nasasangkot ang iyong mga interes, hindi mo magawang bitawan ang iyong mga interes, kaya’t nagrereklamo ka tungkol sa Diyos. Ano ang makikita sa isyung ito? Ano itong madalas na nagdudulot sa mga tao na magreklamo tungkol sa Diyos at husgahan ang Diyos? (Kapag hindi natutugunan ang mga sarili nilang interes.) Kapag nasasaling ang mga sarili nilang interes, kapag hindi natutugunan ang mga sarili nilang layunin, pagnanais, at plano, nilalabanan, hinuhusgahan, at nagrereklamo ang mga tao tungkol sa Diyos at maaari pa nga silang manlapastangan. Ang totoo, ang panghuhusga mismo ay isang uri ng kalagayang lumalaban; mas lalo pang seryoso ang panlalapastangan. Kapag nasasaling ang kanilang mga interes, habang mas lalo nila itong iniisip ay mas lalo silang nagagalit, mas lalo silang hindi nasisiyahan, at mas lalo silang nakararamdam na ginawan sila ng pagkakamali. Nagsisimula silang lumaban, at nang may mga ganitong pag-iisip sa kanilang isipan, nagsisimula silang magreklamo at manghusga. Ito ay tanda ng pagsalungat sa Diyos.
Ano ang ilang kongkretong pagpapamalas ng paglaban ng isang tao sa Diyos? (Ang hindi masigasig na paggawa sa tungkulin ng isang tao; pagiging pabasta-basta sa kanyang tungkulin.) Ito ay isang aspekto. Dati, nagagawa ng taong ito na ilaan ang 70 porsiyento o 80 porsiyento ng kanyang lakas sa pagganap ng kanyang tungkulin at ilaan ang kanyang sarili sa anumang ginagawa niya, subalit ngayon ay nagkikimkim siya ng mga kaisipan tungkol sa Diyos, at pakiramdam niya ay hindi siya nakatanggap ng mga pagpapala o biyaya ng Diyos sa kabila ng pagganap niya ng kanyang tungkulin. Hindi lang niya hinuhusgahan ang Diyos bilang hindi matuwid, nag-aalangan din siya sa kanyang puso, kaya 10 porsiyento o 20 porsiyento lang ang ibinibigay niyang pagsisikap kapag ginagampanan niya ang kanyang tungkulin, kumikilos nang ganap na pabasta-basta. Isa itong uri ng pag-uugaling lumalaban na dulot ng isang mapanghimagsik na kalagayan. Ano pa ang mayroon doon? (Walang ingat na pag-aabandona.) Paano ito naipamamalas? Halimbawa, sabihin nating ang isang tao, kapag gumaganap bilang lider ng isang grupo, ay nasanay nang gumigising ng alas-singko nang umaga para sa isang pang alas-otso na pagtitipon para magdasal, maging abala sa mga espirituwal na debosyon, at maghanda. Pagkatapos ay itatala niya ang nilalaman na pagbabahaginan sa pagtitipon. May seryoso siyang saloobin sa pagganap ng tungkulin, ganap na inilalaan ang kanyang sarili rito. Gayunman, pagkatapos minsang mapungusan, nagsimula siyang mag-isip: “Ano ang saysay ng paggising nang maaga? Hindi ito nakikita ng Diyos, at walang pumupuri sa akin para dito. Wala ni isang tao na nagsasabing tapat kong ginagawa ang aking tungkulin. Bukod pa rito, palagi akong pinupungos sa kabila ng aking pagsusumikap. At ni hindi ako nakatanggap ng pagsang-ayon ng Diyos; tila nanganganib din maging ang mga gantimpala sa hinaharap.” Kaya, sa susunod na pagtitipon ay hindi na siya maagang maghahanda o masiglang magbabahagi, at hindi na siya magtatala pa. Anong saloobin ito? (Isang iresponsableng saloobin.) Siya ay iresponsable at pabasta-basta, at hindi na gustong ilaan ang kanyang buong puso at lakas. Bakit ganito siya? May isang bagay sa kalooban niya na nagdudulot ng problema. Lumalaban at nakikipagtalo siya sa Diyos, iniisip na: “Nabalisa ako dahil sa pagpupungos mo sa akin, kaya’t ganito na lang ang pagtrato ko sa Iyo. Inilalaan ko dati ang aking buong puso at pag-iisip, subalit hindi ako sinang-ayunan ng Diyos. Hindi makatarungang tinatrato ng Diyos ang mga tao, kaya’t hindi ko na gagawin ang lahat ng aking makakaya para gampanan ang aking tungkulin!” Anong disposisyon ito? Lumalabas ang kanyang kalupitan; itinatanggi niya sa kanyang puso ang pagiging matuwid ng Diyos, itinatanggi na sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng tao, itinatanggi na tunay na minamahal ng Diyos ang tao, itinatanggi ang diwa ng Diyos, at tinatrato ang Diyos batay lang sa mga sarili niyang kuru-kuro. Anong mga saloobin ang lumilitaw sa pagtrato sa Diyos nang ganito? Kapabayaan, walang ingat na pag-aabandona, at pagiging iresponsable, gayundin ang mga pagrereklamo at maling pagkaunawa. Ipinalalaganap pa niya ang kanyang mga kuru-kuro, sinusulsulan ang iba na: “Ang pananampalataya sa Diyos ay hindi nagbibigay-katiyakan na makatatanggap ka ng mga pagpapala. At ano nga ba ang mga pagpapala? May nakakita na ba sa mga ito? Tinatahak nating lahat ang landas ni Pablo; ilan sa atin ang kayang maging tulad ni Pedro? Suwertehin ka sanang perpektuhin ng Diyos.” Ano itong ipinalalaganap niya? Ang kanyang panghuhusga at mga kuru-kuro sa Diyos, gayundin ang kawalang-kasiyahan niya sa Diyos. Ano ang kalikasan ng saloobing ito? Komprontasyonal ba ito? (Oo.) Bakit nagiging masyado siyang komprontasyonal? Dahil mali ang mga pinanghahawakan niyang pananaw. Mali ang pagkakaunawa niya sa saloobin ng Diyos sa mga tao, sa mga hinihingi Niya sa kanila, at sa pagharap Niya sa kanila—wala siyang pagkaunawa sa mga bagay na ito. Kapag kumikilos ang Diyos sa kanya, hindi niya kayang tumanggap at magpasakop, ni hindi niya kayang hanapin ang katotohanan. Ano itong sa wakas ay lumilitaw dahil dito? Ang paglaban, panghuhusga, pagkondena, at panlalapastangan. Ang lahat ng may tiwaling disposisyon ay natural na magpapakita ng mga ito; ang tanging kaibahan ay kung gaano kalala. Ganap na hindi ito isang kaso na ang masasamang tao lang ang umaasal nang ganito. Sumasang-ayon ba kayo? (Oo. Ang lahat ng hindi naghahangad sa katotohanan ay umaasal nang ganito.) Tama iyan. Ang lahat ng taong hindi naghahangad sa katotohanan at iyong mga may makamandag na pagkatao ay nagpapakita at nagbubunyag ng mga katangiang ito sa magkakaibang antas. Iyong mga mas masigasig sa paghahangad sa katotohanan ay lilikha rin ng mga abnormal na kalagayan kapag may hindi kanais-nais na nangyayari sa kanila, subalit mapanunumbalik nila ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pagdarasal, pagsusuri sa kanilang sarili laban sa mga salita ng Diyos, at paghahanap sa katotohanan. Pagkatapos mapanumbalik ang kanilang sarili, magkakaroon ng pagsisisi, na magpapahintulot sa kanilang tigilan ang maling pagkakaunawa sa Diyos at magkaroon ng kaunting pagpapasakop. Bagaman ang pagpapasakop na ito minsan ay may ilang karumihan, medyo pilit, o medyo hindi nakatutugon sa pamantayan, hangga’t handa silang magpasakop at makapagsasagawa pa ng kaunting katotohanan, unti-unti silang magkakamit ng kaliwanagan tungkol sa lahat ng aspekto ng katotohanan. Subalit kung wala kang anumang pagnanais na magpasakop, at kung kahit matapos mong suriin ang iyong sarili at mapagtanto ang problemang ito ay hindi mo hinahanap o tinatanggap ang katotohanan—mas lalong hindi tinatanggap ang pagtrato sa iyo ng Diyos—magkakaroon ng kaguluhan. Ano ang mga magiging kahihinatnan nito? Magrereklamo ka, walang ingat na manghuhusga, at magsasalita nang walang pagpipigil, walang anumang bakas ng isang may-takot-sa-Diyos na puso. Sa hindi gaanong katitinding kaso, magrereklamo ka sa bahay at magbabasag ng mga pinggan para ilabas ang iyong galit. Mapapalayo ka sa Diyos, at hindi gugustuhing pumunta sa harap Niya at magdasal. Sa mas malalalang kaso, ipalalaganap mo ang iyong pagkanegatibo at mga kuru-kuro kapag nakakikita ng mga kapatid, nagdudulot ng mga panggagambala at panggugulo. Kung hindi ka pa rin nagsisisi pagkatapos, malamang na pupukawin mo ang galit nila, at paaalisin o patatalsikin ka sa iglesia.