Ang Pagpapalaganap sa Ebanghelyo ang Tungkuling Dapat Tuparin ng Lahat ng Mananampalataya (Ikalimang Bahagi)
Paano mo magagampanan nang maayos ang tungkulin ng pagpapalaganap sa ebanghelyo? Una sa lahat, dapat mong maunawaan ang iba’t ibang katotohanang kinakailangan sa tungkulin ng pagpapalaganap sa ebanghelyo. Halimbawa, kaugnay ng depinisyon at posisyon ng tungkulin ng pagpapalaganap sa ebanghelyo, pati na ang wastong saloobing dapat taglayin, ang tamang pagdurusang dapat tiisin, ang angkop na halagang dapat ibayad, at ang angkop na mga katotohanang dapat isagawa at pasukin kapag ginagampanan ang tungkuling ito, kung nauunawaan mo ang mga katotohanang ito, magiging madaling gampanan nang maayos ang tungkulin ng pagpapalaganap sa ebanghelyo. Bukod dito, sa negatibong panig, dapat pagnilay-nilayan ang lahat ng mga katanungan sa kung aling mga maling pagsasagawa ang dapat iwasan, kung alin ang ikinaklasipika bilang mabubuting intensyon ng tao, at kung ganap bang nakakasunod ang mga ideya at pagsasagawa ng mga tao sa mga prinsipyo ng pagpapalaganap sa ebanghelyo. Ibig sabihin, dapat malinaw na suriin ang bawat ugali, bawat pagsasagawa, bawat prinsipyo, at bawat kongklusyon sa proseso ng pagpapalaganap sa ebanghelyo para makita kung, sa huli, naaayon ba ito sa mga katotohanang prinsipyo. Magpursigi lamang sa mga bagay na naaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ang mga hindi naaayon sa mga katotohanang prinsipyo ay dapat talikuran. Sa ganitong paraan lamang unti-unting bubuti ang mga resultang mula sa pagtupad sa tungkulin ng pagpapalaganap sa ebanghelyo. Dagdag pa rito, dapat kang maayos na makipagtulungan, na pinakakapaki-pakinabang sa gawaing ebanghelyo. Kung wala ang maayos na pagtutulungan, mahirap isakatuparan ang gawain. Dapat maging mapagparaya at mapagpasensya ang mga kapatid sa isa’t isa at suportahan nila ang isa’t isa. Para magampanan nila nang maayos ang kanilang mga tungkulin, kinakailangan ang maayos na pagtutulungan. Sinumang nagsasabi ng kung ano ang tama ay dapat na sundin. Huwag mong laging isipin na tama ka at mali ang iba. Dapat kang tumukoy ayon sa mga salita ng Diyos. Magbahaginan tungkol sa katotohanan ayon sa mga prinsipyong itinakda ng sambahayan ng Diyos para magkaroon ng kasunduan. Bukod dito, sa proseso ng pagtutulungan para magampanan ang inyong tungkulin, dapat matuto kayo sa isa’t isa, hinahayaang mapunan ng kalakasan ng isang tao ang pagkukulang ng iba, at huwag kayong maging masyadong malupit sa iba. Dagdag pa rito, dapat maging maingat at mapagtimpi kayo at umasa sa pagmamahal sa pakikitungo ninyo sa mga taong nagsisiyasat sa tunay na daan. Ito ay dahil lahat ng nagsisiyasat sa tunay na daan ay walang pananampalataya—maging ang mga relihiyoso sa kanila ay humigit-kumulang mga walang pananampalataya—at lahat sila ay marurupok: Kung sakaling may anumang hindi umaayon sa kanilang mga kuru-kuro, malamang na kontrahin nila iyon, at kung sakaling hindi umaayon ang anumang parirala sa kanilang kagustuhan, malamang na labanan nila iyon. Samakatwid, ang pagpapalaganap ng ebanghelyo sa kanila ay nangangailangan ng ating pagpaparaya at pagpapasensya. Nangangailangan iyon ng ating matinding pagmamahal, at nangangailangan ng ilang pamamaraan at diskarte. Gayunman, ang mahalaga ay basahan sila ng mga salita ng Diyos, iparating sa kanila ang lahat ng katotohanang ipinapahayag ng Diyos para iligtas ang tao, at iparinig sa kanila ang tinig ng Diyos at ang mga salita ng Lumikha. Sa ganitong paraan, magtatamo sila ng mga pakinabang. Ang pinakamahalagang prinsipyo ng pagpapalaganap sa ebanghelyo ay ang hayaan ang mga nauuhaw sa pagpapakita ng Diyos at nagmamahal sa katotohanan na basahin ang mga salita ng Diyos at marinig ang tinig ng Diyos. Samakatwid, huwag masyadong talakayin sa kanila ang mga salita ng tao bagkus ay lalo pang basahin sa kanila ang mga salita ng Diyos. Pagkatapos mong magbasa, ibahagi mo ang tungkol sa katotohanan para marinig nila ang tinig ng Diyos at may maunawaan sila tungkol sa katotohanan. Pagkatapos, malamang na magbalik-loob sila sa Diyos. Ang pagpapalaganap sa ebanghelyo ay responsabilidad at obligasyon ng bawat isa at ng lahat. Kahit kanino pa maatang ang obligasyong ito, hindi nila ito dapat iwasan o hindi sila dapat magdahilan o magpalusot para tanggihan ito. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ako mahusay magsalita, hindi ko nauunawaan ang Bibliya, at napakabata ko pa. Anong magagawa ko kung maharap ako sa tukso o panganib?” Mali ang gayong mga salita. Ang pagpapalaganap sa ebanghelyo ay hindi nangangahulugang inaatasan kang gumawa ng mga delikadong bagay. Hindi papayag ang sambahayan ng Diyos na mapunta ka sa isang mapanganib na lugar. May sinusunod na mga prinsipyo ang iglesia sa pagtatalaga ng mga tao para magpalaganap ng ebanghelyo. Hindi ito tungkol sa paglalagay sa mga tao sa alanganin, bagkus ay sa paggawa ng mga makatwirang pagsasaayos batay sa mga indibidwal na kondisyon, kakayahan, at kalakasan. Nagtutulungan ang mga kapatid, at ibibigay ang gawain sa mga pinakaangkop na gumanap nito. Hindi masasabing wala itong anumang panganib. Sinumang nabubuhay ay mahaharap paminsan-minsan sa panganib. Kung tuwiran kang ipinapadala ng Diyos, obligado kang tanggapin ito, kahit mangahulugan pa itong mahaharap ka sa tukso, hapis, o panganib. Bakit dapat mo itong tingnan bilang obligasyon na dapat mong tanggapin? (Responsabilidad ito ng mga tao.) Tama, sa ganitong paraan mo lamang tunay na kikilalanin bilang responsabilidad at tungkulin mo ang pagpapalaganap sa ebanghelyo. Ito ang wastong saloobin na dapat mayroon ang isang tao. Ito ang katotohanan, at bilang ang katotohanan, dapat itong tanggapin ng mga tao, at tanggapin ito nang walang pasubali. Kung isang araw ay hindi na angkop na gampanan mo ang ibang mga tungkulin, o kung kailangan ng mga taong magpapalaganap sa ebanghelyo, kaya naman inatasan kang magpalaganap ng ebanghelyo, ano ang gagawin mo? Dapat mo itong tanggapin bilang obligasyon na dapat mong gawin, nang walang anumang pag-aalinlangan, pagsusuri, o pagsisiyasat. Ito ay atas ng Diyos. Responsabilidad mo ito; tungkulin mo ito. Hindi ikaw ang dapat pumili at magpasya rito. Dahil sinusunod mo ang Diyos, hindi ikaw ang dapat magpasya para sa sarili mo. Bakit hindi ikaw ang dapat magpasya? Dahil atas ng Diyos ang pagpapalaganap sa ebanghelyo, at lahat ng hinirang ng Diyos ay may bahagi sa gawaing ito. Sinasabi ng ilang tao, “Mahigit 80 taon na ako, hindi na nga ako makalabas ng bahay. Maaari pa rin bang ipagkatiwala sa akin ng Diyos ang atas na ito?” Sinasabi naman ng iba, “18 o 19 lang ako, wala pa akong masyadong alam sa mundo, at hindi ako marunong makisalamuha sa mga tao. Lubhang mahiyain at takot akong magsalita sa publiko. Maipagkakatiwala pa rin ba sa akin ng Diyos ang tungkuling ito?” Ibinibigay pa rin sa iyo ng Diyos ang atas na ito kahit ano pa man. Anuman ang edad mo, dapat mong gawin ang lahat ng makakaya mo para gampanan ang iyong tungkulin na ipalaganap ang ebanghelyo. Ipalaganap mo ito sa abot ng iyong makakaya at sa pinakamaraming taong maaabot mo. Kahit ano pang tungkulin ang kasalukuyan mong ginagampanan, dapat mong gawin ang anumang makakaya mo para ipalaganap ang ebanghelyo. Kung isang araw ay magkaroon ka ng oportunidad na ipalaganap ang ebanghelyo sa isang tao, dapat mo ba itong gawin? (Oo.) Tama iyan. May kani-kanyang mga tungkulin ang maraming tao, pero kaya nilang ipalaganap ang ebanghelyo sa libre nilang oras at magkamit pa nga ng mga resulta. Sinasang-ayunan ito ng Diyos. Samakatwid, may responsabilidad ang lahat ng tao na ipalaganap ang ebanghelyo. Hindi ka dapat gumawa ng sarili mong kapasyahan o umiwas sa responsabilidad na ito, bagkus ay aktibo at kusang-loob kang makipagtulungan. Huwag magkaroon ng pasibo o negatibong saloobin, huwag tumanggi, huwag kang gumawa ng anumang dahilan o palusot para hindi mo magampanan ang tungkuling ito. Sinasabi ng ilang tao, “Masyadong mapanganib ang kapaligirang kinalalagyan ko. Maaari ba akong huminto sa pagpapalaganap ng ebanghelyo?” Kung kasalukuyang maliit ang tayog mo, kung may ibang maaaring humalili sa iyo, at maaari ka namang gumanap ng ibang tungkulin, maaari mong palitan ng iba ang tungkuling ito. Pero ano ang dapat mong gawin kung ikaw ang siyang dapat gumanap sa tungkuling ito? (Obligasyon ko na tanggapin ito.) Tama iyan. Obligasyon mong tanggapin ito at tanggapin ito mula sa Diyos. Responsabilidad at obligasyon ito ng bawat nilikha. Sinasabi ng ilang tao, “Mahina ang pangangatawan ko, kaya hindi ko kakayanin ang hirap na lumabas para ipalaganap ang ebanghelyo.” Kung hindi mo kayang tiisin ang matinding hirap na ito, kaya mo bang tiisin man lang ang mas maliliit na paghihirap? Kung wala kang kayang tiisin na anumang hirap, hindi ba’t dapat mong pagdusahan ang matinding hirap ng kaparusahan? Hangga’t buhay ka at humihinga, dapat mong gampanan ang iyong tungkulin, dapat mong ipalaganap ang ebanghelyo. Ito ay ganap na likas at may katwiran. Kung tinatanggihan mo ang iyong tungkulin, hindi ipinapangaral ang ebanghelyo, at pinipiling iwasan at takbuhan ang iyong mga responsabilidad, hindi ito ang wastong saloobin ng isang nilikha, ni hindi dapat magkaroon ang mga tao ng saloobing lumalaban at depensibo. Dapat maging handa ang mga taong gawing kanilang obligasyon at tungkulin ang pagpapalaganap sa ebanghelyo sa lahat ng oras at sa lahat ng dako. Sinasabi ng ilang tao, “Napakaraming taon ko nang nananampalataya sa Diyos, pero hindi ako kailanman inatasan ng iglesia na ipalaganap ang ebanghelyo.” Mabuti o masama ba ito? Hindi ito usapin ng kung ano ang mabuti o masama. Marahil ay hindi ka pa kailangan ng Diyos na magpalaganap ng ebanghelyo, pero kailangan ka Niyang gumawa ng ibang tungkulin. Mahalaga ang lahat ng tungkulin, kaya paano ka dapat mamili sa mga ito? Dapat kang magpasakop sa mga pagsasaayos ng iglesia, nang walang anumang personal na inaasam. Kapag kailangan ka ng Diyos para ipalaganap ang ebanghelyo, sasabihin ng Diyos, “Hindi angkop o mahalaga para sa iyo na gampanan ang kasalukuyan mong tungkulin. Mas mahalaga ang tungkulin na ipalaganap ang ebanghelyo.” Ano, kung gayon, ang dapat mong gawin? Dapat mo itong tanggapin bilang isang bagay na obligasyon mong gawin, nang hindi nagsusuri, nanghuhusga, o nagsisiyasat, lalong hindi mo ito dapat labanan o tanggihan. Ito ang tamang saloobin na dapat mayroon ang isang nilikha patungkol sa Lumikha. Kapag gayon ang nagiging saloobin ng mga tao, maaari bang sabihin, kahit papaano, na normal at naaangkop ang ugnayan sa pagitan nila at ng Diyos? Sa ano naipapamalas ang ugnayan sa pagitan ng tao at ng Diyos? Naipapamalas ba ito sa kung paano mo tinatrato ang mga bagay na ipagagawa sa iyo ng Diyos. Kung ipinagkakatiwala sa iyo ng Diyos na gawin ang isang bagay at pinag-iisipan at pinagbubulay-bulayan mo ito, tinatanong “Bakit gusto Mong gawin ko ito? Makikinabang ba ako rito?”—kung ganito ka mag-isip, hindi normal ang ugnayan mo sa Diyos, at nabigo kang magpasakop sa Diyos. Kung sasabihin mo, “Isa itong mahalagang bagay na ipinagawa sa akin ng Diyos. Hindi ako maaaring maging pabaya sa ipinapagawa sa akin ng Diyos. Dapat ko itong pangasiwaan nang buong ingat. Anuman ang ipagawa sa akin ng Diyos, anuman ang ipagkatiwala sa akin ng Diyos, tungkulin ko iyon. Makikinig ako sa Diyos at gagawin ko ang anumang isinasaayos ng Diyos. Hindi ako maaaring tumanggi. Kung hindi ako makapananatiling matatag sa aking tungkulin, kung tatanggi ako, kung hindi ko ito seseryosohin, kung hindi ko ito kukumpletuhin nang maayos, pagkakanulo iyon sa Diyos”—kung gayon, mayroon kang katwirang angkop para sa isang nilikha at naisangkap mo na ang tamang saloobin na dapat mayroon ang isang nilikha para sa tungkulin nito. Kung, alam na alam mo namang atas ito ng Diyos, pero tumatanggi ka pa ring tanggapin ito at pinangangatwiranan mo ang pagpapabayang ito sa iyong tungkulin, kung gayon ay malala na ang kalikasan ng problema. Hindi lang ito paghihimagsik laban sa Diyos, pagkakanulo ito sa Diyos. Kung sumasampalataya ka sa Diyos, dapat pumosisyon ka bilang isang nilikha at tumanggap at magpasakop sa atas ng Lumikha. Ito ang tamang saloobin. Kung wala kang tamang saloobin sa iyong tungkulin, lubhang malala ang kalikasan ng problemang ito. Kung, noong nagsisimula ka pa lang manampalataya, hindi mo nauunawaan ang katotohanan, hindi na kailangan pang seryosohin ka. Kung ilang taon ka nang nananampalataya sa Diyos at nauunawaan mo na ang ilang katotohanan, pero may kakayahan ka pa ring tanggihan ang atas ng Diyos, kung hindi mo ipinapalaganap ang ebanghelyo, at pabaya ka pa rin kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, ano ang kalikasan ng problemang ito? Hindi lang kawalan ng konsensiya at katwiran ang ipinapakita nito, ngunit higit sa lahat, paghihimagsik at paglaban ito sa Diyos, pagkakanulo ito sa Diyos. Masasabing isa itong malaking pagsuway. Hindi iyon pagmamalabis. Ang gayong tao ay hindi karapat-dapat tawaging tao at tiyak na daranas siya ng kaparusahan. Dahil inaamin mong isa kang nilikha, ano ang katwirang marapat sa mga nilikha? Ang gawin ang anumang ipinapagawa sa iyo ng Lumikha, at ang magpasakop sa lahat ng pagsasaayos ng Lumikha. Ito ang konsensiya at katwirang marapat sa mga tao. Ang mga nakakaunawa sa katotohanan ay lalo pang inaasahan na lubos na magpasakop sa pamamatnugot at mga pagsasaayos ng Diyos. Hindi sila kailanman dapat magrebelde kahit kaunti.
May kinalaman sa iba’t ibang uri ng tao ang katotohanan ukol sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. May kinalaman dapat ito sa lahat. Noong una, nang marinig ng ilang tao ang pagbabahagi tungkol sa aspektong ito ng katotohanan, inakala nilang wala itong kinalaman sa kanila. Pero ngayon, dapat ay mayroon nang saloobin ng pagtanggap ang lahat tungkol sa tungkuling ipalaganap ang ebanghelyo, at dapat ay mayroon nang kabatiran ang lahat tungkol sa aspektong ito ng katotohanan. Dapat ay mayroon na rin silang tumpak na depinisyon sa tungkuling ito. Kaya, sa anong posisyon inilagay ng mga tao ang kanilang sarili? (Sa posisyon ng isang nilikha.) Isa kang nilikha, kaya naman ano ang unang prayoridad ng isang nilikha? (Ang magpasakop sa Lumikha.) Ano ang unang kongkretong pagpapamalas ng pagpapasakop sa Lumikha? (Ang gampanan ang aming tungkulin bilang mga nilikha.) Kaya naman, ano ang unang tungkulin na dapat gampanan ng isang nilikha? (Ang ipalaganap ang ebanghelyo at magpatotoo sa Diyos.) Tama iyan. Iyan ang sagot na hinahanap Ko. Lubha pa kayong nagpasikot-sikot bago ninyo nakuha sa wakas ang tamang sagot. Ang unang prayoridad ng bawat nilikha ay ang ipalaganap ang ebanghelyo, ang magpatotoo sa gawain ng Diyos at ipalaganap ito sa buong mundo at hanggang sa kadulu-duluhan ng daigdig. Ito ang responsabilidad at obligasyon ng lahat ng tumatanggap sa ebanghelyo ng Diyos. Isa itong bagay na dapat nilang tuparin. Maaaring sa kasalukuyan ay hindi mo pa ginagampanan ang tungkuling ito, o na ang tungkuling ito ay isang bagay na malayong-malayo sa iyo, o na hindi mo kailanman naisip na isa itong tungkuling dapat mong gampanan. Gayunman, dapat maging malinaw ang puso mo tungkol dito: Konektado ang tungkuling ito sa iyo. Hindi lang ito isang responsabilidad para sa iba, responsabilidad at tungkulin mo rin ito. Hindi ibig sabihin na dahil lang sa hindi ka kasalukuyang nakatalaga para gumanap ng tungkuling ito ay wala nang kinalaman sa iyo ang tungkuling ito, na hindi ikaw ang dapat gumanap ng tungkuling ito, o na hindi ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos na gampanan ang tungkuling ito. Kung makakaabot sa ganitong antas ang pagkaunawa mo, hindi ba’t nangangahulugan ito na ang perspektiba tungkol sa tungkuling pagpapalaganap ng ebanghelyo na pinanghahawakan mo sa puso mo ay alinsunod sa katotohanan at sa layunin ng Diyos? Kapag umangat sa ganitong antas ang pagkaunawa mo, isang araw, kapag natapos na ninyong lahat ang lahat ng gawaing kasalukuyang tinatrabaho ninyo, ipag-uutos ng Diyos na ikalat at ipadala kayo sa iba’t ibang lugar, kahit sa ilang lugar na sa tingin ninyo ay lubhang kakaiba, lubhang hindi kaaya-aya, at napakahirap. Ano ang gagawin ninyo kung magkagayon? (Obligasyon namin na tanggapin ito.) Iyan ang sinasabi ninyo ngayon, pero pagdating ng araw, baka mapuno ng luha ang inyong mga mata. Ngayon, dapat maghanda kayo sa ganitong paraan: Dapat magkaroon ka ng ganitong kamalayan, “Ipinanganak ako sa kapanahunang ito. Mapalad ako na tinanggap ko ang gawain ng Diyos sa mga huling araw at mapalad na magkaroon ng bahagi sa gawain ng plano ng pamamahala ng Diyos. Samakatwid, ang halaga at kabuluhan ng buhay ko ay ang ilaan ang buong buhay ko sa pagpapalaganap ng gawaing ebanghelyo ng Diyos. Wala na akong iisipin pang iba.” May ganito ba kayong aspirasyon? (Mayroon.) Dapat kayong magkaroon ng ganitong aspirasyon at ginawa sana ninyo ang paghahanda at planong ito. Sa ganitong paraan lamang kayo maaaring maging isang tunay na nilikha, isang nilikhang minamahal ng Diyos at kasiya-siya sa Kanya. Sinasabi ng ilang tao na, “Hindi ako handa, at matatakot ako kung sasabihan akong ipalaganap ang ebanghelyo ngayon.” Huwag kang matakot, hindi ka pipilitin ng Diyos na gawin ito nang hindi ka pa handa. At kung sinasabi mong handa ka na, maaaring hindi ka pa gamitin kaagad ng Diyos. Kailan ka gagamitin? Ang Diyos na ang bahala roon, kaya hindi mo kailangang mag-alala tungkol dito. Kapag gusto kang gamitin ng Diyos, ihahanda Niya ang lahat. Kapag mayroon ka na ng kinakailangang tayog at karanasan at natugunan mo na ang iba pang kinakailangang kondisyon, maaaring isaayos Niya na ipadala ka sa iba’t ibang lugar para ipalaganap ang ebanghelyo. Pagdating ng panahong iyon, maaari ka bang tawaging sugo ng ebanghelyo? (Hindi.) Hindi maaaring tawaging mga sugo ng ebanghelyo sa anumang pagkakataon ang mga gumaganap ng tungkuling ito. Hindi ito kailanman magbabago. Ano ang dapat itawag sa gayong mga tao? (Mga taong nagpapalaganap ng ebanghelyo.) Mas tumpak iyon. Kahit ano pa ang tawag sa gayong mga tao, ito ang tungkuling ginagampanan nila. Ito ang katotohanan at hindi ito kailanman magbabago. Kung magbabago ang katawagan at magbabago ang pagkakakilanlan ng mga taong ito, kung gayon ay magbabago ang diwa ng gawain. Sa sandaling magbago na ang diwa, lilihis ito mula sa landas ng katotohanan. Sa sandaling lumihis ang gawain mula sa landas ng katotohanan, magiging ugaling panrelihiyon na ito. Kung magkaganoon, malalayo nang malalayo ang mga tao sa landas ng kaligtasan, pupunta sa timog samantalang plano nilang pumunta sa hilaga. Samakatwid, huwag tahakin ang maling landas kailanman. Sa lahat ng pagkakataon kapag pinapapunta at ipinapadala sa iba’t ibang lugar ang mga nagpapalaganap ng ebanghelyo, ginagampanan lang nila ang kanilang tungkuling ipalaganap ang ebanghelyo. Hindi sila mga saksi, hindi sila mga tagapangaral, lalong hindi sila mga sugo ng ebanghelyo. Isa itong walang-hanggan at hindi nagbabagong katotohanan.
Batay sa mga nasabi Ko na, tiyak na nakaramdam na ang karamihan sa mga tao ng liwanag sa kanilang puso, at marami sa kanila ay sabik na sabik na naghihintay, iniisip na, “Ayos iyan, mukhang may magandang bukas na naghihintay sa atin. Ang landas na inihanda ng Diyos para sa atin ay nagniningning sa liwanag!” Hindi ganoon. May plano ang Diyos para sa Kanyang bawat tagasunod. Ang bawat isa sa kanila ay may kapaligiran, na iniaayos ng Diyos para sa tao, para isagawa ang kanyang tungkulin, at mayroong biyaya at pabor ng Diyos na dapat tamasahin ng tao. Mayroon din siyang mga espesyal na sitwasyon, na binalangkas ng Diyos para sa tao, at maraming pagdurusang kailangan nilang maranasan—hindi ito isang madaling paglalakbay na gaya ng iniisip ng tao. Bukod pa riyan, kung kinikilala mo na isa kang nilikha, dapat mong ihanda ang iyong sarili na magdusa at magbayad ng halaga alang-alang sa pagtupad ng iyong responsabilidad na ipalaganap ang ebanghelyo at alang-alang sa maayos na pagganap sa iyong tungkulin. Maaaring ang kabayaran ay ang pagdanas ng ilang pisikal na karamdaman o paghihirap, o pagdusahan ang mga pag-uusig ng malaking pulang dragon o ang mga maling pagkaunawa ng mga taong makamundo, gayundin ang mga paghihirap na pinagdaraanan ng isang tao kapag nagpapalaganap ng ebanghelyo: ang maipagkanulo, mabugbog at mabulyawan, makondena—ang dumugin pa nga at malagay sa panganib ang buhay. Posible, habang nagpapalaganap ng ebanghelyo, na mamamatay ka bago matapos ang gawain ng Diyos, at na hindi ka na mabubuhay upang masilayan ang araw ng kaluwalhatian ng Diyos. Dapat kang maging handa rito. Hindi ito para takutin kayo; ito ay katotohanan. Ngayong nalinaw Ko na ito, at naunawaan na ninyo ito, kung taglay pa rin ninyo ang paghahangad na ito, at nakasisigurong hindi ito magbabago, at mananatili kayong tapat hanggang sa kamatayan, nagpapatunay ito na taglay ninyo ang isang tiyak na tayog. Huwag ipagpalagay na magiging ligtas sa panganib ang pagpapalaganap ng ebanghelyo sa ibayong mga bansang ito na may mga kalayaan sa relihiyon at mga karapatang pantao at magiging maayos ang lahat ng gagawin mo, na lahat ito ay magkakaroon ng mga pagpapala ng Diyos at kalakip ang Kanyang dakilang kapangyarihan at awtoridad. Ito ay mga kuru-kuro at imahinasyon lamang ng tao. Naniwala rin sa Diyos ang mga Pariseo, ngunit dinakip nila ang Diyos na nagkatawang-tao at ipinako Siya sa krus. Kaya anong masasamang bagay laban sa Diyos na nagkatawang-tao ang kayang gawin ng mga kasalukuyang relihiyon sa mundo? Napakarami na nilang ginawang masamang bagay—hinahatulan ang Diyos, kinokondena ang Diyos, nilalapastangan ang Diyos—walang masamang bagay ang hindi nila kayang gawin. Huwag kalimutan na mga mananampalataya ang dumakip sa Panginoong Jesus at nagpako sa Kanya sa krus. Sila lang ang may pagkakataong gawin ang ganitong uri ng bagay. Walang pakialam sa gayong mga bagay ang mga walang pananampalataya. Ang mga mananampalatayang ito ang nakipagsabwatan sa pamahalaan upang dakpin ang Panginoong Jesus at ipako Siya sa krus. Bukod pa rito, paano namatay ang mga disipulo ng Panginoong Jesus? Sa mga disipulo, may mga pinukol ng bato, ipinakaladkad sa kabayo, ipinakong patiwarik, pinaghiwa-hiwalay ng limang kabayo ang katawan—sinapit nila ang lahat ng uri ng kamatayan. Ano ang dahilan ng kanilang kamatayan? Binitay ba sila nang naaayon sa batas para sa mga krimen nila? Hindi. Sila ay kinondena, binugbog, binulyawan, at pinatay dahil ipinalalaganap nila ang ebanghelyo ng Panginoon at tinanggihan ng mga tao ng mundo—ganyan kung paano sila minartir. Huwag nating pag-usapan ang pangwakas na kalalabasan ng mga martir na iyon, o ang pagpapakahulugan ng Diyos sa kanilang gawi, bagkus ay itanong ito: Nang sumapit sila sa kawakasan, umayon ba sa mga kuru-kuro ng tao ang mga paraan ng pagsapit nila sa kawakasan ng kanilang mga buhay? (Hindi.) Mula sa pananaw ng mga kuru-kuro ng tao, nagbayad sila ng gayon kalaking kabayaran upang ipalaganap ang gawain ng Diyos, pero sa huli ay napatay sila ni Satanas. Hindi ito umaayon sa mga kuru-kuro ng tao, ngunit ito mismo ang nangyari sa kanila. Ito ang tinulutan ng Diyos. Anong katotohanan ang mahahanap dito? Ang pagpapahintulot ba ng Diyos na mamatay sila sa ganitong paraan ay sumpa at pagkondena Niya, o ito ba ay Kanyang plano at pagpapala? Kapwa hindi. Ano ito? Pinagninilayan ng mga tao ngayon ang kanilang kamatayan nang may labis na dalamhati, ngunit ganoon ang mga bagay-bagay noon. Namatay sa ganoong paraan ang mga naniwala sa Diyos, paano ito maipaliliwanag? Kapag binabanggit natin ang paksang ito, inilalagay ninyo ang sarili ninyo sa kalagayan nila, kaya, malungkot ba ang inyong mga puso, at may nararamdaman ba kayong nakatagong kirot? Iniisip ninyo, “Tinupad ng mga taong ito ang kanilang tungkuling maipalaganap ang ebanghelyo ng Diyos at dapat ituring na mabubuting tao, kaya’t paano sila umabot sa gayong wakas at sa gayong kinalabasan?” Ang totoo, ganito namatay ang kanilang mga katawan at sumakabilang-buhay; ito ang paraan nila ng paglisan sa mundo ng tao, ngunit hindi iyon nangangahulugan na ganoon din ang kanilang kinahinatnan. Anuman ang paraan ng kanilang kamatayan at paglisan o kung paano man ito naganap, hindi ito ang paraan ng Diyos sa pagtukoy sa pangwakas na mga kalalabasan ng mga buhay na iyon, ng mga nilikhang iyon. Ito ay isang bagay na dapat mong malinaw na makita. Sa kabaligtaran, ginamit nila mismo ang mga kaparaanang iyon upang kondenahin ang mundong ito at upang magpatotoo sa mga gawa ng Diyos. Ginamit ng mga nilikhang ito ang kanilang napakahalagang buhay—ginamit nila ang huling sandali ng kanilang buhay upang magpatotoo sa mga gawa ng Diyos, upang magpatotoo sa dakilang kapangyarihan ng Diyos, at upang ipahayag kay Satanas at sa mundo na tama ang mga gawa ng Diyos, na ang Panginoong Jesus ay Diyos, na Siya ang Panginoon, at ang nagkatawang-taong laman ng Diyos. Kahit hanggang sa huling sandali ng kanilang buhay, hindi nila kailanman itinatwa ang pangalan ng Panginoong Jesus. Hindi ba ito isang anyo ng paghatol sa mundong ito? Ginamit nila ang kanilang mga buhay upang ipahayag sa mundo, upang tiyakin sa mga tao na ang Panginoong Jesus ay ang Panginoon, na ang Panginoong Jesus ay Cristo, na Siya ang katawang-tao ng Diyos, na ang gawain ng pagtubos na ginawa Niya para sa buong sangkatauhan ay nagpapahintulot sa sangkatauhan na patuloy na mabuhay—hindi nagbabago ang katotohanang ito magpakailanman. Yaong mga naging martir dahil sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng Panginoong Jesus, hanggang sa anong punto nila tinupad ang kanilang tungkulin? Hanggang sa pinakahuling punto ba? Paano naipakita ang pinakahuling punto? (Inialay nila ang kanilang buhay.) Tama iyan, buhay nila ang kanilang naging kabayaran. Pawang panlabas na mga bagay ang pamilya, kayamanan, at ang materyal na mga bagay sa buhay na ito; ang tanging bagay na may kaugnayan sa sarili ay ang buhay. Sa bawat nabubuhay na tao, ang buhay ang bagay na pinaka-karapat-dapat na pakaingatan, ang pinakamahalagang bagay at, sa katunayan, nagawa ng mga taong ito na ialay ang pinakamahalagang pagmamay-ari nila—ang buhay—bilang patunay at patotoo sa pagmamahal ng Diyos sa sangkatauhan. Hanggang sa araw na sila ay mamatay, hindi nila itinatwa ang pangalan ng Diyos, at hindi rin nila itinatwa ang gawain ng Diyos, at ginamit nila ang kanilang mga huling sandali ng buhay upang magpatotoo sa pag-iral ng katunayang ito—hindi ba ito ang pinakamataas na anyo ng patotoo? Ito ang pinakamahusay na paraan ng pagganap ng isang tao sa kanyang tungkulin; ito ang pagtupad ng isang tao sa kanyang pananagutan. Nang pagbantaan at takutin sila ni Satanas, at, sa huli, kahit pa nang ipabayad sa kanila ang kanilang mga buhay, hindi nila tinalikdan ang kanilang responsabilidad. Ito ang kahulugan ng pagtupad ng isang tao sa tungkulin hanggang sa pinakasukdulang punto. Ano ang ibig Kong sabihin dito? Ibig Ko bang sabihin na gamitin ninyo ang ganoon ding paraan upang magpatotoo sa Diyos at upang maipalaganap ang Kanyang ebanghelyo? Sadyang hindi kinakailangang gawin mo ang ganoon, ngunit dapat mong maunawaan na ito ay iyong pananagutan, na kung kinakailangan ng Diyos na gawin mo ito, dapat mo itong tanggapin bilang iyong obligasyon. May takot at pag-aalala sa mga layunin ang mga tao ngayon, ngunit anong silbi ng mga damdaming iyon? Kung hindi kailangan ng Diyos na gawin mo ito, para saan ang pag-aalala tungkol dito? Kung kailangan ng Diyos na gawin mo ito, hindi ka dapat umiwas o tumanggi sa pananagutang ito. Dapat kang maagap na makipagtulungan at tanggapin ito nang walang pag-aalala. Paano man mamatay ang isang tao, hindi siya dapat mamatay sa harap ni Satanas, at hindi mamatay sa mga kamay ni Satanas. Kung mamamatay ang isang tao, dapat siyang mamatay sa mga kamay ng Diyos. Nagmula sa Diyos ang mga tao, at sa Diyos sila magbabalik—gayon ang katwiran at saloobing dapat taglayin ng isang nilikha. Ito ang panghuling katotohanang dapat unawain ng isang tao sa pagpapalaganap ng ebanghelyo at pagganap sa kanyang tungkulin—dapat ibayad ng isang tao ang halaga ng kanyang buhay upang maipalaganap at magpatotoo sa ebanghelyo ng paggawa ng Diyos na nagkatawang-tao ng Kanyang gawain at pagliligtas sa sangkatauhan. Kung may ganito kang pagnanais, kung makakapagpatotoo ka sa ganitong paraan, kahanga-hanga iyon. Kung hindi ka pa rin nagtataglay ng ganitong uri ng pagnanais, kahit paano ay dapat mong maayos na tuparin ang pananagutan at tungkuling nasa harapan mo, ipinagkakatiwala na sa Diyos ang iba. Sa gayon marahil, habang lumilipas ang mga buwan at mga taon at dumarami ang iyong karanasan at ikaw ay tumatanda, at lumalalim ang iyong pagkaunawa sa katotohanan, matatanto mo na mayroon kang obligasyon at pananagutang ialay ang iyong buhay sa gawain ng ebanghelyo ng Diyos, maging hanggang sa huling sandali ng iyong buhay.
Ito na ang tamang panahon para simulang pag-usapan ang tungkol sa mga paksang ito dahil nagsimula na ang pagpapalaganap sa ebanghelyo ng kaharian. Dati, noong Kapanahunan ng Kautusan at Kapanahunan ng Biyaya, ibinuwis ng ilang sinaunang propeta at banal ang kanilang mga buhay sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, kaya maaari ding ibuwis ng mga ipinanganak sa mga huling araw ang kanilang buhay para sa layuning ito. Hindi ito isang bagay na bago o biglaan, lalong hindi ito isang malabis na kahilingan. Ito ang marapat gawin ng mga nilikha at ang tungkuling nararapat nilang gampanan. Ito ang katotohanan; ito ang pinakamataas na katotohanan. Kung ang ginagawa mo lang ay sumigaw ng mga kasabihan tungkol sa kung ano ang gusto mong gawin para sa Diyos, kung paanong gusto mong tuparin ang iyong tungkulin, at kung gaano karami ang gusto mong gugulin at pagsikapan para sa Diyos, wala itong silbi. Kapag nahaharap ka na sa realidad, kapag hinihingi na sa iyo na isakripisyo mo ang iyong buhay, kung magrereklamo ka ba sa pinakahuling sandali, kung handa ka ba, at kung tunay ka bang nagpapasakop—ito ang pagsubok sa iyong tayog. Kung sa sandaling babawiin na ang iyong buhay, panatag ang loob mo, nakahanda ka, at nagpapasakop nang walang anumang reklamo, kung pakiramdam mo ay natupad mo na ang iyong mga responsabilidad, obligasyon, at tungkulin hanggang sa huli, kung maligaya at payapa ang iyong puso—kung papanaw ka nang ganito, kung gayon, para sa Diyos, hindi ka talaga pumanaw. Sa halip, nabubuhay ka sa ibang mundo at sa ibang anyo. Binago mo lang ang paraan ng iyong pamumuhay. Hindi ka tunay na patay. Sa paningin ng tao, “Napakabata pang namatay ng taong ito, nakakaawa naman!” Pero sa mga mata ng Diyos, hindi ka namatay o nakapagdusa. Sa halip, nakapagtamasa ka ng mga pagpapala at lalo kang napalapit sa Diyos. Dahil bilang isang nilikha, naabot mo na ang pamantayan sa paggampan ng iyong tungkulin sa paningin ng Diyos, natapos mo na ang iyong tungkulin, hindi na kailangan ng Diyos na gampanan mo pa ang tungkuling ito na kasama ang ibang nilikha. Para sa Diyos, ang “pagpanaw” mo ay hindi tinatawag na “pagpanaw,” ikaw ay “inalis”, “dinala,” o “kinuha,” at isa itong mabuting bagay. Nais ba ninyong kuhanin kayo ng Diyos? (Ito ang ninanais namin.) Huwag ninyong naisin ito. Sa buhay na ito, maraming bagay ang hindi nauunawaan ng tao. Huwag ninyong madaliin na makarating sa hakbang na ito. Bago dumating ang araw na iyon, dapat pagsumikapan mong lalong maunawaan ang katotohanan at lalong makilala ang Lumikha. Huwag mong pagsisihan ang anuman. Bakit Ko sinasabing huwag mong pagsisihan ang anuman? Sa buhay na ito, limitado lang ang oras ng mga tao na maunawaan ang mga bagay-bagay hanggang sa magkaroon ng ganitong oportunidad, magtaglay ng ganitong kakayahan, at matugunan ang mga kondisyon para makipagdiyalogo sa Lumikha, nang sa gayon ay marating ang tunay na pagkaunawa, pagkakilala, at pagkatakot sa Lumikha, at makalakad sa daan ng pagkatakot sa Diyos at paglayo sa kasamaan. Kung gusto mo ngayon na kuhanin ka kaagad ng Diyos, hindi ka nagiging responsable sa sarili mong buhay. Para maging responsable, dapat pagsikapan mo pang sangkapan ang iyong sarili ng katotohanan, lalo pang magnilay-nilay sa iyong sarili kapag may mga nangyayari sa iyo, at bumawi agad sa sarili mong mga pagkukulang. Dapat isagawa mo ang katotohanan, kumilos nang alinsunod sa mga prinsipyo, pumasok sa katotohanang realidad, kilalanin pa ang Diyos, magawang alamin at unawain ang mga layunin ng Diyos, at huwag mamuhay nang walang kabuluhan. Dapat mong malaman kung nasaan ang Lumikha, kung ano ba ang mga layunin ng Lumikha, at kung paano ipinapahayag ng Lumikha ang kagalakan, galit, kalungkutan, at kaligayahan—kahit na hindi mo kayang magtamo ng mas malalim na kamalayan o kompletong kaalaman, dapat magtaglay ka man lang ng saligang pagkaunawa ukol sa Diyos, huwag pagtaksilan ang Diyos kailanman, maging kaayon man lang ng Diyos, magpakita ng pagsaalang-alang sa Diyos, maghandog man lang ng kaaliwan sa Diyos, at gawin kung ano ang nararapat at kung ano ang kaya ng isang nilikha. Hindi madaling bagay ang mga ito. Sa proseso ng paggampan sa kanilang mga tungkulin, unti-unting makikilala ng mga tao ang kanilang sarili, at sa gayon ay makikilala rin nila ang Diyos. Ang prosesong ito ay isa talagang interaksyon sa pagitan ng Lumikha at ng mga nilikha, at isa itong prosesong dapat gunitain sa buong buhay ng isang tao. Ang prosesong ito ay isang bagay na dapat maging kasiya-siya sa mga tao, sa halip na maging isang masakit at mahirap na proseso. Samakatwid, dapat pahalagahan ng mga tao ang mga araw at gabi, mga taon at buwan na ginugol nila sa paggampan sa kanilang mga tungkulin. Dapat nilang pahalagahan ang yugtong ito ng buhay, at hindi dapat ituring ito bilang isang pasakit o pabigat. Dapat nilang pakanamnamin at tamuhin ang mga kaalamang matututunan nila mula sa pagdanas sa yugtong ito ng kanilang buhay. Pagkatapos, magtatamo sila ng pagkaunawa sa katotohanan at maisasabuhay nila ang wangis ng isang tao, magtataglay ng may-takot-sa-Diyos na puso, at mababawasan nang mababawasan ang kasamaang nagagawa nila. Marami-rami ka nang nauunawaan sa katotohanan, hindi ka gumagawa ng mga bagay na nagdudulot ng hinagpis sa Diyos o na tinututulan Niya. Kapag humaharap ka sa Diyos, nararamdaman mong hindi na napopoot ang Diyos sa iyo. Napakaganda nito! Sa sandaling matamo na ito ng isang tao, hindi ba’t magiging payapa siya kahit na mamatay pa siya? Kaya, ano ang problema sa mga taong iyon na nagmamakaawa nang mamatay ngayon? Gusto lang nilang makatakas at ayaw nilang magdusa. Gusto na lang nilang matapos na kaagad ang buhay na ito, para makaparoon na sila at makapag-ulat sa Diyos. Gusto mo nang mag-ulat sa Diyos, pero ayaw pa ng Diyos sa iyo. Bakit ka mag-uulat sa Diyos nang hindi ka pa Niya ipinapatawag? Huwag kang mag-uulat sa Kanya nang hindi mo pa oras. Hindi ito isang mabuting bagay. Kung isasabuhay mo ang isang makahulugan at makabuluhang buhay at kinuha ka ng Diyos, napakagandang bagay niyon!
Nauunawaan ba ninyong lahat kung ano ang tinalakay natin ngayon? Umaasa Akong hindi nagdagdag ng pabigat sa inyo ang mga salitang ito, at umaasa Akong hindi kayo natakot sa nilalaman ng pagbabahagi ngayon. Sa halip, umaasa Akong dahil dito ay naunawaan na ninyo ang ilang katotohanan na dapat ninyong maunawaan, para mas maayos ninyong maharap ang mga bagay ukol sa pananalig sa Diyos, at maramdamang mas matatag at malinaw na kayo tungkol dito. Ganito ba ang naging epekto ng mga salita Ko? (Oo.) Ilarawan mo nga sa Akin. (Dati, hindi ko tunay na itinuring bilang tungkulin ko ang pagpapalaganap ng ebanghelyo. Nagkimkim ako ng maraming nakalilinlang na pananaw sa aking puso. Inakala kong itatalaga lang ako para ipalaganap ang ebanghelyo kung hindi ko ginampanang mabuti ang iba kong mga tungkulin. Inisip ko noon na ang pagpapalaganap ng ebanghelyo ang pinakahindi kanais-nais na tungkulin, at hindi ko tunay na itinuring ang pagpapalaganap ng ebanghelyo bilang isang atas na ipinagkatiwala ng Diyos sa tao. Ngayon, sinabi sa atin ng pagbabahagi ng Diyos na responsabilidad ng tao ang pagpapalaganap ng ebanghelyo at ang pagpapatotoo sa Diyos at dapat itong ituring ng mga tao na isang obligasyon at dapat nilang tuparin ang responsabilidad na ito. Saka ko lamang naramdaman na masyadong kakatwa ang mga pananaw ko, at dahil sa mga ito ay hindi ko tunay na ginustong gampanan nang maayos ang tungkuling pagpapalaganap ng ebanghelyo. Nabaligtad ngayon ang mga pananaw ko dahil sa pakikinig ko sa pagbabahagi ng Diyos.) Magaling. May iba pa bang gustong magsalita? (Akala ko dati na isa lamang akong maliit na nilikha, at hindi ko itinuring na isang dakilang bagay ang pagganap ko sa tungkuling ito. Pakiramdam ko ay hindi mahalaga ang tungkulin ko at hindi ito nararapat pag-ukulan ng atensyon. Pero ngayon, narinig kong sinabi ng Diyos na inorden Niya ang mga tungkuling ginagampanan ng bawat taong itinadhana Niya, at na ang lahat ng ito ay maingat na plinano at isinaayos Niya. Kung hindi tutuparin ng mga tao ang kanilang mga tungkulin nang tapat, umiiwas sila sa kanilang mga responsabilidad at obligasyon. Lalo na nang marinig ko sa pagbabahagi ng Diyos na isang atas na ipinagkatiwala sa lahat at responsabilidad ng mga nilikha ang pagpapalaganap ng ebanghelyo at pagpapatotoo sa Diyos, binigyan ako nito ng matinding pananalig at ng isang napakalaking aspirasyon na tahakin ang landas na inorden ng Diyos. Gusto kong maging responsable para sa buhay ko, gampanang mabuti ang aking tungkulin, at kumpletuhin ang aking misyon. Kung magkagayon, mabibigyan ko ng kaunting kasiyahan ang Diyos. Pagkatapos na mapakinggan ang pagbabahagi ng Diyos, naantig talaga ang puso ko. Pakiramdam ko ay hindi ko na maaaring maliitin ang atas na ibinigay sa akin ng Diyos.) Mahusay ang pagkakasabi mo. Ganoon din ang nararamdaman ng lahat, tama ba? (Oo.) Nakikita mo naman, kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, nagiging magulo ang kanilang isip at maaari nilang balewalain kahit ang isang malaking bagay gaya ng pagpapalaganap ng ebanghelyo. Subalit, kapag malinaw na ibinabahagi ang tungkol sa katotohanan, napagtatanto ng mga tao ang kahalagahan ng bagay na ito, nalalaman nila ang sarili nilang posisyon, at nalalaman ang halaga ng sarili nilang buhay. Ibig bang sabihin nito ay may direksyon sila? (Oo.) Mababago ng katotohanan ang puso ng mga tao. Bukod sa katotohanan, may anumang teorya ba na makakaantig sa puso mo at makapagpapabago sa mga pananaw mo? Wala, tanging ang paraan ng katotohanan ang makapagpapabago sa iyong mga pananaw. Bakit mababago ng paraang ito ang iyong mga pananaw? Ito ay sapagkat lubhang praktikal ang mga katotohanang ito na hindi mapapasubalian ninuman ang mga ito. May kaugnayan ang mga katotohanang ito sa buhay ng tao at sa misyon ng buhay ng tao. Malapit itong nauugnay sa mga tao; ang mga ito ay hindi walang kaugnayan sa kanila. Ang mga bagay na ito ay hindi walang kabuluhan, kundi nauugnay sa misyon ng buhay ng tao at sa halaga at kahulugan ng pamumuhay. Samakatwid, kapag malinaw na sinasalita, mababago ng mga salitang ito ang puso ng mga tao para matanggap nila ang mga salitang ito at mabago ang kanilang mga pananaw. May ginampanang papel dapat ang pagbabahaging ito ngayon sa pagbabago ng saloobin ng mga tao patungkol sa kanilang mga tungkulin. Kung mababago ng mga katotohanang ito ang buhay ng mga tao, kung paano sila mamuhay, at ang direksyong sinusunod nila sa kanilang paghahangad, magiging mainam iyon. Mangangahulugan iyon na hindi nawalan ng saysay ang mga salitang ito na sinabi Ko ngayong araw. Ngayong nakumpleto Ko na ang pagbabahagi Ko tungkol sa mga katotohanang ito, kailangan ninyong unti-unting gamitin, danasin, at unawain ang mga ito sa pang-araw-araw ninyong buhay. Kapag naging realidad at buhay mo na ang mga katotohanang ito, hindi buburahin ng Diyos ang titulo mo bilang nilikha at tunay na may natamo ka na. Sa pagkakataong iyon, kapag talagang hiningi ng Diyos na ialay mo ang iyong buhay at gamitin ang iyong buhay para magpatotoo sa Kanyang mga gawa at patotohanan ang Kanyang ebanghelyo, wala ka nang aalalahanin at ikakatakot pa, at tiyak na hindi ka tatanggi. Malugod mo itong tatanggapin. Dahil isa itong atas na ipinagkatiwala sa iyo ng Lumikha, tatanggapin mo ito mula sa Diyos. Samakatwid, para mahintay at masalubong ang araw na iyon, bukod sa nagagawa mong unawain ang mga katotohanang ito, dapat pagsikapan ngayon ng mga tao na sangkapan ang kanilang sarili ng mga salita ng Diyos at magtamo ng isang mas dakila at mas malalim na kaalaman tungkol sa gawain ng Diyos at sa disposisyon ng Diyos. Ito ang pinakamahalaga.
Disyembre 25, 2018