Ang Pagpapalaganap sa Ebanghelyo ang Tungkuling Dapat Tuparin ng Lahat ng Mananampalataya (Unang Bahagi)

Sa huling pagtitipon, pinag-usapan natin ang tungkol sa pagganap ninyo sa inyong tungkulin nang maayos. Ang pagkakamit nito ang una at pinakapangunahin sa apat na saligang kondisyon na hinihingi para maperpekto ng Diyos ang tao. Noong nakaraan, nagbahaginan tayo tungkol sa depinisyon at mga prinsipyo ng pagganap ng isang tao sa kanyang tungkulin. Tinalakay rin natin ang ilang halimbawa, kung saan nagbahaginan tayo tungkol sa iba’t ibang hayag na palatandaan na nagpapahiwatig na hindi ginagampanan ng mga tao ang kanilang mga tungkulin nang maayos. Sa paggawa nito, pinahintulutan Kong makita nang malinaw ng mga hinirang ng Diyos na dapat itama ang gayong mga problema, at para maunawaan nila ang saloobin ng Diyos sa mga gumaganap ng kanilang mga tungkulin sa gayong paraan. Matapos magbahaginan tungkol dito, nagkaroon kayo ng pangkalahatang pagkaunawa sa kung paano ninyo gagampanan ang inyong tungkulin nang maayos, kung ano ang dapat pagtuunan ng pansin, kung anong mga bagay ang hindi ninyo maaaring gawin, at kung anong mga kilos ang maaaring sumalungat sa disposisyon ng Diyos at humantong sa pagkawasak. Sa pakikipagbahaginan ninyo sa kung paano gagampanan ang inyong tungkulin sa maayos na paraan, kaya ba ninyong makita at maunawaan ang konsepto ng katotohanan sa bagay na ito? Kapag gumaganap ng iba’t ibang tungkulin, anong mga prinsipyo ang dapat sundin ng iba’t ibang uri ng mga tao, at anong mga katotohanan ang dapat nilang isagawa? May malinaw ba kayong pagkaunawa sa gayong mga detalye? (Hindi namin ito malinaw na nauunawaan.) Kung gayon, kailangan natin itong pag-usapan nang mas detalyado. Kailangan nating maglatag ng mas detalyadong mga klasipikasyon upang matalakay natin kung ano ang ibig sabihin ng maayos na pagganap ng isang tao sa kanyang tungkulin.

Ang gawain ng sambahayan ng Diyos ay nahahati sa ilang pangunahing kategorya. Ang gawaing nasa pinakaunahan ng lahat ng gawain ng sambahayan ng Diyos ay ang pagpapalaganap ng ebanghelyo. Nangangailangan ito ng napakalaking bilang ng mga tao, napakalawak ng sinasaklaw nitong mga bagay-bagay, at kinapapalooban ito ng napakaraming gawain. Ito ang unang kategorya ng gawain, at ang pinakamahalagang gampanin sa pangkalahatang gawain ng iglesia. Ang gawain ng pagpapalaganap ng ebanghelyo ang unang mahalagang gampanin sa plano ng pamamahala ng Diyos. Kaya dapat itong ihanay bilang ang unang kategorya ng gawain. Kaya, ano ang titulong hawak ng mga gumaganap ng tungkuling ito? Mga tagapagpalaganap ng ebanghelyo. Para naman sa ikalawang kategorya, ano ang pinakamahalagang tungkulin sa panloob na gawain ng iglesia? (Ang tungkulin ng mga lider at manggagawa.) Tama, ito ang tungkulin ng mga lider at manggagawa sa lahat ng antas sa iglesia, kabilang na rito ang mga superbisor at lider ng pangkat sa iba’t ibang grupo. Lubhang mahalaga ang tungkuling ito, at mahalaga ang lahat ng gawaing ginagawa ng mga taong ito. Ito ang ikalawang kategorya. Para naman sa mga tungkulin sa ikatlong kategorya, anong mga tungkulin ang medyo mahalaga sa gawain ng pagpapalaganap ng ebanghelyo? (Ang ilang espesyal na tungkulin.) Oo, kabilang sa ikatlong kategorya ang mga taong gumaganap ng iba’t ibang espesyal na tungkulin, kabilang na dito ang pagsusulat, pagsasaling-wika, paggawa ng pelikula, sining, at mga gawain para sa ugnayang panlabas. Ang mga nasa ikaapat na kategorya ay pangunahing gumaganap ng mga ordinaryong tungkuling may kaugnayan sa lohistikal na gawain, gaya ng pagtanggap sa mga bisita, pagluluto, at pamimili. Ang isang detalyadong klasipikasyon ng mga tungkuling ito ay hindi na kailangan. Ang ikalimang kategorya ay para sa mga taong nakagagampan lamang ng ilang tungkulin sa libre nilang oras dahil sa mga sitwasyon sa kanilang pamilya, pisikal na kondisyon, o iba pang gayong mga kadahilanan. Ginagampanan ng mga taong ito ang kanilang mga tungkulin sa abot ng kanilang makakaya. Ito ang ikalimang kategorya. Ang iba naman, na hindi gumagampan ng kanilang mga tungkulin, ay inilalagay sa ikaanim na kategorya. Walang kinalaman ang mga taong ito sa pagganap ng mga tungkulin, kaya bakit kailangan pa silang ilista sa isang kategorya? Dahil ibinibilang silang miyembro ng iglesia, nakalista sila sa huling kategoryang ito. Kung nakapakinig na sila sa maraming sermon, kung nauunawaan nila ang katotohanan, at boluntaryong humihiling na mabigyan ng mga tungkuling gagampanan, dapat nating payagan ang gayong mga tao na gumanap ng mga tungkulin at bigyan sila ng oportunidad na makapagsisi, hangga’t may sinsero silang pananalig at hindi mga taong sobrang baba ang kakayahan o masasamang tao, at basta’t nangangako silang hindi magdudulot ng kaguluhan. Lahat ng miyembro sa iglesia ay kabilang sa anim na kategoryang kababanggit lang. Ang natitira na lang ay ang mga bagong mananampalataya. Hindi maaaring sabihin na hindi sila gumaganap ng kanilang mga tungkulin. Sa halip, dahil mababa ang kanilang tayog at mababaw lang ang pagkaunawa nila sa katotohanan, wala silang kayang gawin. Kahit mahusay pa ang kakayahan ng ilan sa kanila, hindi nila nauunawaan ang katotohanan o ang mga prinsipyo, kaya naman hindi pa rin sila makaganap ng anumang tungkulin. Maaari silang magsimulang gumanap ng mga tungkulin pagkatapos nilang manampalataya sa Diyos sa loob ng dalawa o tatlong taon. Sa panahong iyon, maililista na natin sila sa iba’t ibang kategorya ng mga taong gumaganap ng mga tungkulin. Bilang kongklusyon, malinaw na nating nailarawan ngayon ang anim na kategorya. Ang unang kategorya ay para sa mga nagpapalaganap ng ebanghelyo; ang ikalawang kategorya ay para sa mga lider at manggagawa sa lahat ng antas ng iglesia; ang ikatlong kategorya ay para sa mga gumaganap ng mga espesyal na tungkulin; ang ikaapat na kategorya ay para sa mga gumaganap ng mga ordinaryong tungkulin; ang ikalimang kategorya ay para sa mga gumaganap ng mga tungkulin kapag pupuwede sila; at ang ikaanim na kategorya ay para sa mga hindi gumaganap ng mga tungkulin. Anong mga prinsipyo ang pinagbabatayan sa pagkakasunud-sunod ng mga kategoryang ito? Nahahati ang mga kategoryang ito ayon sa kalikasan ng gawain, sa panahong kailangan para magawa ang gawain, sa bigat ng gawain, at sa kahalagahan ng gawain. Noong napag-usapan natin dati ang tungkol sa pagganap ng mga tungkulin, tinalakay natin ang iba’t ibang aspekto ng katotohanan tungkol sa pagganap ng mga tungkulin. Ang ating naging pagbabahaginan ay tungkol sa mga katotohanang prinsipyo na dapat sundin ng lahat ng tao sa pagganap nila sa kanilang mga tungkulin. Hindi tayo bumuo ng anumang kategorya at hindi natin detalyadong tinalakay kung aling mga prinsipyo ang dapat sundin ng bawat uri ng mga taong ito, ni ang mga partikular na katotohanan na dapat nilang pagtuunan na pasukin. Sa susunod, ibabahagi naman natin nang mas kompleto ang tungkol sa aspektong ito ng katotohanan, isa-isa nating tatalakayin ang bawat kategorya para maging malinaw.

Sisimulan Ko muna ang ating pagbabahagi sa mga katotohanang dapat maunawaan ng mga nagpapalaganap ng ebanghelyo. Ano ang mga pangunahing katotohanan na dapat maunawaan at isangkap ng mga taong nagpapalaganap ng ebanghelyo sa kanilang sarili? Paano mo ba dapat gawin ang tungkuling ito para magampanan mo ito nang mabuti? Dapat masangkapan ka ng ilang katotohanan ng pangitain na kailangan para sa pagpapalaganap ng ebanghelyo at dapat kang magpakadalubhasa sa mga prinsipyo sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. Sa sandaling maging dalubhasa ka na sa mga prinsipyo sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, ano pang mga katotohanan ang dapat mong isangkap sa iyong sarili para malutas ang mga kuru-kuro at problema ng iba? Paano mo ba dapat tratuhin ang mga nagsisiyasat sa tamang daan? Ang pinakamahalaga ay ang matutong kumilatis. Kung kanino mo maaaring ipangaral ang ebanghelyo at kung kanino naman hindi: ito ang unang prinsipyo na dapat mong maunawaan. Kung ipapangaral mo ang ebanghelyo sa mga taong hindi mo naman maaaring pangaralan, maliban sa masasayang ang pagod mo, madali rin itong makapagdudulot ng mga nakatagong panganib. Dapat maunawaan ito. Dagdag pa rito, hindi ito tatanggapin kahit ng mga taong maaaring pangaralan kung magsasabi ka lang ng kaunting salita o magsasalita tungkol sa ilang malalim na doktrina. Hindi ito ganoon kadali. Maaaring matuyo ang iyong bibig at matigang ang iyong dila sa kasasalita, at maubos ang iyong pasensiya, at gusto mo nang abandonahin ang mga nagsisiyasat sa tamang daan. Sa gayong mga sitwasyon, ano ang pinakamahalagang taglayin? (Pagmamahal at pagpapasensiya.) Dapat magkaroon ka ng pagmamahal at pagpapasensiya. Kung wala kang anumang pagmamahal, siguradong wala kang pagpapasensiya. Bukod sa pagkaunawa sa katotohanan kaugnay ng pangitain, nangangailangan ng matinding pagmamahal at matinding pagpapasensiya ang pagpapalaganap ng ebanghelyo. Sa ganitong paraan mo lamang maayos na magagampanan ang tungkuling ipalaganap ang ebanghelyo. Paano binibigyang depinisyon ang tungkuling ipalaganap ang ebanghelyo? Paano mo tinitingnan ang tungkuling ipalaganap ang ebanghelyo? Ano ang ipinagkaiba ng mga nagpapalaganap ng ebanghelyo sa mga gumaganap ng ibang mga tungkulin? Nagpapatotoo sila sa gawain ng Diyos sa mga huling araw at nagpapatotoo sa pagparito ng Diyos. Sinasabi ng ilang tao na mga sugo sila ng ebanghelyo, na ipinadala sila sa isang misyon, na sila ay mga anghel na bumaba mula sa itaas. Ganoon ba ang puwedeng maging depinisyon sa kanila? (Hindi.) Ano ang misyon ng mga nagpapalaganap ng ebanghelyo? Ano ang kanilang imahe sa isipan ng mga tao? Ano ang gampanin nila? (Mga tagapangaral.) Mga tagapangaral, sugo, ano pa? (Mga saksi.) Ganito ang depinisyon sa kanila ng karamihan sa mga tao. Pero tumpak ba talaga ang mga depinisyong ito? Ang mga karaniwang termino ay “tagapangaral” at “saksi”—mas prestihiyosong titulo ang “sugo ng ebanghelyo.” Madalas marinig ang tatlong terminong ito. Paano man nauunawaan at binibigyang-depinisyon ng mga tao ang mga titulo ng mga gumaganap ng tungkuling ito, hindi maiaalis ang kaugnayan ng mga titulong ito sa salitang “ebanghelyo.” Alin sa tatlong terminong ito ang mas may kaugnayan at mas akma sa tungkuling ipalaganap ang ebanghelyo, dahilan para maging mas rasyonal na titulo ito? (Mga tagapangaral.) Iniisip ng karamihan na mas akma ang titulong tagapangaral. May sumasang-ayon ba sa titulong saksi? (Mayroon.) Eh sa titulong sugo ng ebanghelyo? (Wala.) Ang totoo, wala talagang sumasang-ayon sa titulong sugo ng ebanghelyo. Talakayin muna natin kung angkop ba ang titulong tagapangaral. Ang ibig sabihin ng “mangaral” ay ang ipalaganap, ikalat, iparating, at isapubliko ang isang bagay—at ano ang “daan” na ipinapangaral ng mga tagapangaral? (Ang tunay na daan.) Maganda ang pagkakasabi mo. Ang “daan” ay ang tamang daan ng gawain ng Diyos at ang pagliligtas ng Diyos sa tao. Ganito natin ipinapaliwanag at binibigyang-depinisyon ang terminong tagapangaral. Sunod, pag-usapan naman natin ang tungkol sa saksi. Ano ang sinasaksihan ng isang saksi? (Ang gawain ng Diyos sa mga huling araw.) Hindi maling sabihin na pinatototohanan ng isang saksi ang gawain ng Diyos sa mga huling araw. Mukhang medyo angkop naman ang dalawang titulong ito. Paano naman ang titulong sugo ng ebanghelyo? Ano ba ang tinutukoy ng “ebanghelyo”? Ang tinutukoy nito ay ang mabuting balita at masayang balita ng gawain ng Diyos, ng pagliligtas ng Diyos sa tao, at ng pagbabalik ng Diyos. Paano natin ipapaliwanag ang “sugo”? Ang isang magandang paliwanag sa “sugo” ay isang taong ipinadala ng Diyos, isang taong direktang ipinadala para ipalaganap ang ebanghelyo, o isang partikular na tao na ipinapadala ng Diyos sa isang partikular na panahon para iparating ang mga salita o ang mahalagang mensahe ng Diyos. Ito ay isang sugo. Gumaganap ba ng gayong papel ang mga nagpapalaganap ng ebanghelyo? Ginagawa ba nila ang ganitong uri ng gawain? (Hindi.) Kung gayon, anong uri ng gawain ang ginagawa nila? (Nagpapatotoo sila sa gawain ng Diyos sa mga huling araw.) Isa bang misyon na tuwiran nilang tinanggap mula sa Diyos ang pagsaksi nila sa gawain ng Diyos sa mga huling araw? (Hindi.) Kung gayon, paano maipapaliwanag ang misyong ito? (Tungkulin ito ng mga nilikha.) Tungkulin ito ng mga tao. Inatas man sa iyo, sinabi man sa iyo, o ipinagkatiwala man sa iyo ng Diyos ang proklamasyon ng Kanyang bagong gawain at ang pagpapalaganap ng ebanghelyo, responsabilidad at obligasyon mo na sabihin sa mas maraming tao ang tungkol sa ebanghelyo, na ipalaganap ito, at iparating ito sa mas maraming tao. Responsabilidad at obligasyon mo na ipaalam sa mas maraming tao ang balitang ito, na humarap sa Diyos, at bumalik sa sambahayan ng Diyos. Ito ang tungkulin at responsabilidad ng mga tao, kaya hindi maaaring sabihin na idinestino at ipinadala sila ng Diyos. Samakatwid, hindi angkop ang salitang “sugo” rito. Ano ang kalikasan ng salitang ito? Ito ay di-totoo, malabis, at hungkag. Hindi angkop ang salitang “sugo” dahil masyado itong malabis. Mula pa noong panahon ng Lumang Tipan hanggang sa kasalukuyan, mula sa simula ng gawain ng pamamahala ng Diyos hanggang sa kasalukuyan, hindi talaga kailanman nagkaroon ng gampaning sugo. Ibig sabihin, hindi nagkaroon ng ganoong gampanin sa plano ng pamamahala ng gawain ng Diyos para sa kaligtasan ng sangkatauhan sa buong panahon nito. Paano mapapasan ng mga ordinaryong tao ang ibig sabihin ng salitang “sugo”? Walang sinumang makapapasan ng gayong gawain. Samakatwid, hindi maibibigay ang gampaning ito sa tao, at walang sinuman ang maaaring iugnay o ikabit sa salitang ito. Ang isang sugo, sa pagkakaintindi ng mga tao, ay isang taong ipinadala ng Diyos para gawin ang isang bagay o para maghatid ng mensahe. Halos walang kinalaman ang gayong tao sa napakalaki at napakahalagang gawain ng Diyos ng pamamahala sa sangkatauhan. Ibig sabihin, wala talagang papel na sugo sa tatlong yugto ng gawain ng Diyos. Kaya, huwag mo nang gamitin ang salitang ito sa hinaharap. Kawalang muwang ang magsalita sa ganitong paraan. Puwede bang akuin ng isang tao ang titulong “sugo ng ebanghelyo”? Hindi. Dahil, unang-una, siya ay laman at dugo. Dagdag pa rito, kabilang siya sa tiwaling sangkatauhan. Anong uri ba ng nilalang ang isang sugo? Alam ba ninyo? (Hindi namin alam.) Hindi ninyo alam, pero nangangahas pa rin kayong gamitin ang titulong ito. Pagpapanggap ito. Masasabing talagang walang kinalaman ang mga sugo sa sangkatauhan, at hindi maaaring magkaroon ng kinalaman ang mga tao sa salitang “sugo.” Hindi ito kayang pasanin ng sangkatauhan. Ang mga sugo ng ebanghelyo, ang pagparito ng mga sugo mula sa itaas, at ang gawain ng mga sugo ay tapos nang lahat sa panahon ni Abraham sa Lumang Tipan. Tapos na tapos na ito. Mula nang pormal na gampanan ng Diyos ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan, dapat tigilan na ng mga tao ang paggamit sa salitang “sugo.” Bakit hindi na dapat gamitin ang salitang ito? (Hindi ito kayang pasanin ng tao.) Ang pinag-uusapan dito ay hindi kung kaya ba itong pasanin ng tao o hindi, kundi, walang kinalaman ang mga sugo sa tiwaling sangkatauhan. Sa tiwaling sangkatauhan, walang gayong papel, ni walang gayong titulo. Balikan natin ang salitang “tagapangaral.” Kung bibigyan natin ng obhetibo, tumpak, at malalim na depinisyon ang “daan” na ipinapangaral nila, paano natin ito bibigyan ng depinisyon? (Ang salita ng Diyos.) Medyo pangkalahatang termino ito. Partikular lang ba itong tumutukoy sa ebanghelyo at sa mensahe ng gawain ng Diyos sa kasalukuyang panahon? (Hindi.) Ano, kung gayon, ang talagang ipinoproklama ng mga taong nagpapalaganap sa ebanghelyo? Hanggang sa anong antas may kaugnayan sa “daan” ang gawain ng mga nagpapalaganap ng ebanghelyo? Anong uri ng gawain ang talagang nasasaklaw ng kanilang mga tungkulin? Nagpapahayag lang sila ng ilang pangunahing impormasyon sa mga tumatanggap ng ebanghelyo—gaya ng pumarito ang Diyos sa mga huling araw, ang gawaing ginawa Niya, ang mga salita ng Diyos, at ang mga layunin ng Diyos—nang sa gayon ay marinig at matanggap ng mga tao ang mga impormasyong ito at pagkatapos ay magbalik-loob sila sa Diyos. Pagkatapos nilang dalhin ang mga tao sa harapan ng Diyos, natupad na ang responsabilidad nila na ipalaganap ang ebanghelyo. Nakapaloob ba ang anumang ipinapakahulugan sa “daan” sa impormasyong ipinapahayag nila? Dito, ang mga terminong “impormasyon” at “ebanghelyo” ay magkatumbas. Kaya, may anumang kinalaman ba ang mga ito sa “daan”? (Wala.) Bakit walang anumang kaugnayan? Ano ba talaga ang tinutukoy ng “daan”? Ang pinakasimpleng salitang magagamit natin bilang paliwanag ay landas. Napapaloob sa terminong “landas” ang depinisyon ng “daan,” na mas partikular. Sa mas kongkretong pananalita, ang “daan” ay ang lahat ng salitang ibinigay ng Diyos para sa kaligtasan ng sangkatauhan, para palayain ang mga tao mula sa kanilang mga tiwaling satanikong disposisyon, at para makatakas sila mula sa pagkaalipin at masamang impluwensiya ni Satanas. Isa ba itong tumpak at kongkretong paglalarawan? Kung titingnan ito ngayon, angkop bang depinisyon ang salitang “tagapangaral” para sa mga tumutupad ng tungkuling pagpapalaganap ng ebanghelyo? (Hindi ito angkop.) Ang tungkulin ng isang tagapangaral ay higit pa sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. Tanging ang mga nakakakilala sa Diyos at nagpapatotoo sa Diyos ang makahahawak sa titulong ito. Kaya bang pasanin ng isang karaniwang taong nagpapalaganap ng ebanghelyo ang gawain ng isang tagapangaral? Hinding-hindi. Ang pagpapalaganap ng ebanghelyo ay pagpoproklama lamang ng mabubuting balita at pagpapatotoo lamang sa gawain ng Diyos. Hindi kayang pasanin ng mga taong ito ang gawain ng mga mangangaral, hindi nila kayang gampanan ang tungkulin ng mga mangangaral, kaya hindi sila maaaring tawaging mga tagapangaral. Nagpapahiwatig ng mas mataas na posisyon ang titulong tagapangaral, at hindi nararapat ang titulong ito sa mga nagpapalaganap ng ebanghelyo. Hindi akma ang titulong ito sa kanila. Ngayon ang terminong “saksi” na lang ang natitira. Ano ang sinasaksihan ng isang saksi? (Ang gawain ng Diyos sa mga huling araw.) Akma bang sabihin na ipinoproklama at pinatototohanan nila ang gawain ng Diyos sa mga huling araw? Kung bibigyan ng tumpak na depinisyon ang kahulugan ng saksi, dapat itong tumukoy sa isang taong nagpapatotoo sa Diyos, sa halip na sa isang taong nagpapatotoo sa ebanghelyo. Paano kung tawagin nating mga saksi sa Diyos ang mga taong ito na nagpapalaganap ng ebanghelyo? Nakapagpapatotoo ba sila sa Diyos? (Hindi.) Paano natin maipapaliwanag ang terminong “saksi” batay sa pagkakagamit nito rito? Sa masusing pagsisiyasat, hindi rin angkop ang salitang “saksi.” Dahil ipinoproklama lang ng mga nagpapalaganap ng ebanghelyo ang mga salitang sinalita ng Diyos sa lahat ng taong nauuhaw para sa mga salita ng Diyos at sinasabi lang nila ang salita ng Diyos sa mga taong tumatanggap sa pagpapakita ng Diyos, hindi nito naaabot ang tunay na katuturan ng salitang “saksi.” Bakit Ko sinasabing hindi ganito ang ibig sabihin ng magpatotoo? Ang pagpapatotoo ay kinapapalooban ng mga bagay na ibinabahagi at ipinoproklama ng isang tao upang makilala ng mga tao ang Diyos at para dalhin ang mga taong ito sa harapan ng Diyos. Sa kasalukuyan, dinadala lamang ng mga nagpapalaganap ng ebanghelyo ang mga tao sa iglesia, sa lugar kung saan gumagawa ang Diyos sa lupa. Hindi sila nagpapatotoo sa disposisyon ng Diyos, sa kung ano ang mayroon ang Diyos at sa kung ano Siya, o sa gawain ng Diyos. Angkop ba ang titulong saksi para sa kanila? Sa tumpak na pananalita, hindi ito angkop ni akma. Ngayon, nasiyasat at napagnilay-nilayan na natin ang tatlong termino—mga sugo ng ebanghelyo, tagapangaral, at saksi—at napag-alaman natin na ang lahat ng ito ay hindi angkop sa mga nagpapalaganap ng ebanghelyo. Kahit mula pa sa relihiyon ang mga terminong ito o karaniwan na itong ginagamit ng mga miyembro ng sambahayan ng Diyos, hindi angkop ni akma ang mga titulong ito. Ngayon, dumako naman tayo sa katanungan na: Mahalaga ba ang mga titulo? (Mahalaga ang mga ito.) Talaga bang mahalaga ang mga ito? Halimbawa, kung ang orihinal mong pangalan ay John Smith, pero tinatawag ka na ngayon na James Clark, nagbago ka ba? Hindi ba’t ikaw pa rin naman iyan? Ibig sabihin, hindi mahalaga ang titulo o ang pangalang ginagamit mo. Kung hindi ito mahalaga, bakit pa hinihimay ang mga salitang ito? Hinimay Ko ang mga salitang ito para magkaroon ng tumpak na pananaw ang mga tao sa tungkuling ipalaganap ang ebanghelyo, para tumpak nilang mabigyang depinisyon kung ano talaga ang tungkuling ito, at para malaman nila kung paano dapat gampanan at tratuhin ang tungkuling ito nang maayos. Kinakailangan mo munang alamin ang sarili mong posisyon sa tungkuling ito. Napakahalaga nito. Kaya, dapat tumpak ang titulong ito.

Medyo nahimay Ko na ngayon ang ilang titulo o termino na tumutukoy sa mga gumaganap ng tungkuling ipalaganap ang ebanghelyo. Hindi tumpak ang lahat ng titulo at depinisyon ng mga saksi, tagapangaral, at sugo ng ebanghelyo. Bakit hindi tumpak ang mga ito? Ito ay dahil walang ginagawang anumang makatuturang gawain na karapat-dapat sa mga katawagang ito ang mga taong nagpapalaganap lang ng ebanghelyo. Hindi sila nagpapatotoo sa mga gawa, gawain, o sa diwa ng Diyos. Hindi ito ang gawaing ginagawa nila, ni hindi ito ang tungkuling ginagampanan nila. Samakatwid, hindi sila karapat-dapat na tawagin sa titulong saksi. Ganito rin ang kalikasan ng titulong tagapangaral, lalo na ang sugo ng ebanghelyo. Walang kahulugan ang huling titulong ito, at wala itong anumang batayan. Isa lamang itong titulo na magandang pakinggan na ibinibigay ng mga tao sa kanilang sarili. Saan nagmula ang titulong sugo? Hindi ba’t bunga ito ng paglobo ng mapagmataas na disposisyon ng tao? (Oo.) Hindi ba’t pagnanais lang ito na mabigyan ang sarili ng mataas na titulo? Kapag iginagawad ng isang tao ang ganitong uri ng titulo sa kanyang sarili, ang pag-uugaling ito ay hindi pagpapamalas ng pagtataglay ng katwiran. Ang ibang mga titulo ay lalo namang hindi angkop at hindi nababagay, kaya hindi na natin ililista at hihimayin isa-isa ang mga ito. Dahil hindi angkop ang mga titulong ito, tingnan naman natin kung ano ang bumubuo sa diwa ng tungkuling ipalaganap ang ebanghelyo. Sa isang relihiyon, ano ang tawag ng mga tao kapag napabalik-loob ang isang tao sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng ebanghelyo. (Pagbubunga.) Kapag napapabalik-loob ng mga nagpapalaganap ng ebanghelyo ang isang tao, sinasabi nilang nagbunga sila. Kapag nagkikita-kita at nagkukuwentuhan sila, lagi nilang pinag-uusapan kung gaano karami ang naibunga nila sa pagpapalaganap ng ebanghelyo sa kung saan-saang lugar. Ikinukumpara nila ang kanilang mga sarili sa isa’t isa para makita kung sino ang nakapagbunga nang mas marami at kung anong uri ng bunga ang mga ito. Bakit nila ginagawa ang gayong pagkukumpara? Sa mababaw na pagkukumpara ng dami ng kanilang mga bunga, ano ang talagang ikinukumpara nila? Kinukumpara nila ang kanilang mga merito at ang kanilang mga kwalipikasyon upang makapasok sa kaharian ng langit. Kung ginagawa nila ang gayong mga pagkukumpara sa isa’t isa, nakikita ba nila bilang kanilang tungkulin ang gawain ng pagpapalaganap sa ebanghelyo? Bakit labis nilang pinahahalagahan ang kanilang mga bunga? Naniniwala silang ang mga ibinubunga nila ay may kaugnayan sa pagpunta sa langit, sa pagtanggap ng mga pagpapala, at pagtatamo ng mga gantimpala. Kung walang koneksyon ang mga bungang ito sa mga bagay na iyon, gagawin ba nila ang mga pagkukumparang ito sa tuwing magkikita-kita sila? Ikukumpara nila ang kanilang sarili sa ibang aspekto. Ikukumpara nila ang kanilang sarili sa anumang aspektong may kaugnayan sa pagtanggap ng mga gantimpala at pagpasok sa kaharian ng langit. Dahil may kaugnayan sa pagpunta sa langit at sa pagtanggap ng mga gantimpala ang pagpapabalik-loob at pagtatamo ng bunga sa mga tao kapag nagpapalaganap ng ebanghelyo, para maisakatuparan ang mga bagay na ito, hindi kailanman nagsasawa ang mga taong ikumpara kung sino ang may mas maraming napabalik-loob at mas maraming natamo na bunga kapag nagpapalaganap ng ebanghelyo. Pagkatapos, nagkakalkula sila sa kanilang puso ng mga paraan para mas marami silang mapabalik-loob at mas marami ang kanilang matamo na bunga, nang sa gayon ay mapataas ang kanilang kwalipikasyon at kumpiyansa sa pagpasok sa langit at pagtatamo ng mga gantimpala. Nagiging halata rito ang saloobin ng iba’t ibang uri ng mga tao patungkol sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. Ang saloobin at motibasyon ba nila sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ay ang hangaring matupad ang kanilang mga tungkulin bilang mga nilikha? (Hindi.) Isa itong maling pananaw. Ang layon nila ay hindi para magampanang mabuti ang kanilang tungkulin, hindi para tuparin ang atas ng Diyos, kundi para makakuha ng mga gantimpala. Ang pagganap sa tungkulin sa gayong transaksyonal na paraan ay halata namang hindi naaayon sa katotohanan, bagkus ay labag ito sa katotohanan. Hindi ito naaayon sa mga layunin ng Diyos, kundi nakakasuklam ito sa Kanya. Kahit gaano pa karami ang matamo na bunga ng mga taong ito, wala itong kaugnayan sa kanilang huling hantungan. Itinuturing nila ang pagpapalaganap ng ebanghelyo bilang isang propesyon, bilang daan o tulay para magtamo ng mga pagpapala at gantimpala. Ang layunin ng gayong mga tao sa pagganap ng kanilang mga tungkulin at sa pagtanggap sa atas na ito ay hindi para tuparin ang atas ng Diyos o para gampanang mabuti ang kanilang mga tungkulin, kundi para magtamo ng mga pagpapala at gantimpala. Samakatwid, para sa ganitong mga tao, kahit gaano pa karami ang ibunga nila, hindi sila mga saksi ni mga tagapangaral. Ang gawaing ginagawa nila ay hindi pagganap ng tungkulin, kundi pagpapagal at pagtatrabaho lamang upang magtamo ng pagpapala para sa kanilang sarili. Ang pinakamalalang problema rito ay hindi lamang na ang layunin nila sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ay para magtamo ng mga pagpapala at gantimpala, kundi na ginagamit din nila ang katunayang napapabalik-loob nila ang mga tao sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng ebanghelyo bilang alas na papapalitan sa Diyos ng mga gantimpala at ng pagpapalang makapasok sa langit. Hindi ba’t isa itong napakalalang problema? Ano ang diwa ng problemang ito? Ibinebenta nila ang ebanghelyo, “ibinebenta” ito kapalit ng mga pagpapala. Hindi ba’t may kaunting kalikasan ng pagsubok na makipagkasundo sa Diyos dito? Ito ang diwa ng kanilang mga layunin, pagsasagawa, at ang kalikasan ng kanilang mga kilos. Ang pagbebenta ng ebanghelyo kapalit ng mga gantimpala ang tila problemang nasusumpungan sa mga di-umano’y “mga tagapangaral” sa mundo ng relihiyon. Kaya, may ganoon din bang problema ngayon ang mga gumaganap ng tungkuling ipalaganap ang ebanghelyo sa sambahayan ng Diyos? (Mayroon.) Ano ang mahalagang problema na parehong mayroon sila? Ito ay na ibinebenta nila ang ebanghelyo kapalit ng pagkalugod at pagkilala ng Diyos para makamit ang kanilang layon na magtamo ng mga pagpapala at magkaroon ng magandang hantungang iyon. Kapag ipinipresenta sa ganitong paraan, maaaring hindi makumbinsi ang ilan sa inyo, pero totoong ganito nga ang asal ng maraming tao.

Matapos makapagpabalik-loob ng mga tao, pakiramdam ng marami sa mga nagpapalaganap ng ebanghelyo na may kakayahan na silang magligtas ng mga tao at na nakagawa na sila ng malaking serbisyo, at madalas nilang sinasabi sa mga taong tumanggap ng ebanghelyo mula sa kanila: “Kung hindi ko ipinangaral ang ebanghelyo sa iyo, hindi mo sana kailanman nagawang sumampalataya sa Diyos. Dahil sa mapagmahal kong puso kaya naging mapalad kang matanggap ang ebanghelyo.” At matapos tanggapin ng mga taong iyon ang ebanghelyo mula sa kanya, laging maiisip ng taong ganito ang uri na itanong sa kanila, “Sino ba ang nagpalaganap ng ebanghelyo sa iyo?” Pagbubulay-bulayan ng mga taong iyon ang tanong na ito at iisipin na, “Totoong ikaw ang nangaral ng ebanghelyo sa akin, pero gawain ito ng Banal na Espiritu—hindi ko maaaring ibigay sa iyo ang kapurihan para dito.” At hindi nila gugustuhing sumagot. Kapag hindi sila sumagot, magagalit naman ang mga nagtatanong at patuloy silang tatanungin. Ano ang layunin sa likod ng kanilang walang-tigil na pagtatanong? Gusto nilang tumanggap ng kapurihan. May ilan din sa mga nagpapalaganap ng ebanghelyo na dadalhin ang ebanghelyo sa isang tao, pero ayaw nilang ibigay ang taong iyon sa iglesia kapag nakatugon na ang taong iyon sa mga kondisyon para makapasok dito. May ilan namang tagapagpalaganap ng ebanghelyo na ipapalaganap ang ebanghelyo sa ilang tao at hindi ibibigay ang mga ito sa iglesia, at may ilan naman na ipapalaganap ang ebanghelyo sa 20 o 30 katao—sapat para makapagtayo ng iglesia—pero hindi rin ibibigay ang mga ito sa iglesia. Bakit hindi nila ibinibigay ang mga taong ito sa iglesia? Sinasabi nila na, “Wala pa ring matibay na pundasyon ang mga taong ito. Maghintay-hintay pa tayo hanggang sa mayroon na silang matibay na pundasyon, hanggang sa wala na silang anumang pagdududa, hanggang sa hindi na sila madaling maililigaw, saka ko sila ibibigay sa iglesia.” Pagkaraan ng kalahating taon, magkakaroon na ang mga taong ito ng kaunting pundasyon at makakatugon na sila sa mga prinsipyo para makapasok sa iglesia, pero hindi pa rin sila ibibigay nitong mga tagapagpalaganap ng ebanghelyo. Gusto nilang sila mismo ang umakay sa mga taong ito. Ano ang layunin sa likod nito? Kung walang magiging pakinabang mula rito, gugustuhin ba nilang akayin ang mga taong ito? Anong pakinabang ang hinahangad nila? Hangad nilang makakuha ng personal na pakinabang at ng mga bentaha mula sa mga taong ito. Kung ibibigay nila ang mga taong ito sa iglesia, hindi nila makukuha ang mga pakinabang na iyon. Kaya, dapat mayroon kang pagkilatis sa ganitong problema. Katulad lang ito ng kung paanong alam na alam naman ng maraming pastor at elder sa mundo ng relihiyon kung ano ang tunay na daan, pero hindi nila ito tinatanggap at hindi nila pinapayagang tanggapin ito ng mga mananampalataya. Ang totoo, ginagawa nila ito para sa sarili nilang prestihiyo at pakinabang. Kung tatanggapin ng mga mananampalataya ang tunay na daan, hindi na magagawa ng mga pastor at elder na iyon na makinabang mula sa kanilang pananalig. Nangangamba ang mga tagapagpalaganap ng ebanghelyong gaya nito na, sa sandaling umanib sa iglesia ang mga taong tumanggap ng ebanghelyo mula sa kanila, makakalimutan na sila ng mga ito kung kaya hindi na nila magagawang makinabang mula sa pananalig ng mga ito. Ito ang dahilan kaya hindi nila ibinibigay ang mga taong ito sa iglesia. Kailan ibibigay ng mga ganitong tagapagpalaganap ng ebanghelyo ang mga tao? Kapag pinapakinggan at sinusunod na sila ng lahat ng taong iyon, ibibigay na nila ang mga ito sa iglesia. Kapag nakapasok na ang mga taong ito sa iglesia, ang ilan sa kanila na may mabuti-buting pagkatao, dalisay na pagkaarok, at pagmamahal sa katotohanan ay madalas nang makikinig sa mga sermon at makauunawa ng ilang katotohanan, at magagawa na nilang makilatis ang mga taong nagpapalaganap ng ebanghelyo sa kanila. Pagkatapos ay sasabihin nila, “Tila yata isang anticristo ang taong iyon, gaya ni Pablo.” Sa susunod na magkita sila, hindi nila papakinggan ang mga tagapagpalaganap na iyon ng ebanghelyo. Kapag hindi pinakinggan ang mga tagapagpalaganap na iyon ng ebanghelyo, magagalit sila at sasabihing, “Wala kang utang na loob! Kung hindi ko ipinalaganap ang ebanghelyo sa iyo, makasasampalataya ka ba sa diyos? Mahahanap mo kaya ang tunay na daan? Nakalimutan mo na ba ako, ang iyong ina, ngayong may iba nang taong umaakay sa iyo?” Gusto nilang ituring sila bilang isang ina. May katwiran ba ang mga taong ganito magsalita? (Wala.) Kung nasasabi ito ng isang tao, siguradong hindi siya isang mabuting tao. Bakit Ko nasasabi ito? Kapag ipinapalaganap niya ang ebanghelyo ng Diyos, kanino ba ang mga taong napapabalik-loob niya? (Sa Diyos.) Bagama’t maaaring nagpapakahirap siyang ipalaganap ang ebanghelyo, hindi sa kanya ang mga taong napapabalik-loob niya, kundi sa Diyos. Gusto ng mga tumatanggap ng ebanghelyo na sumunod sa Diyos, hindi ang manampalataya sa mga taong nangangaral ng ebanghelyo sa kanila, pero hindi pinapayagan ng ganitong uri ng tagapagpalaganap ng ebanghelyo na umanib sila sa iglesia at sumunod sa Diyos. Sa halip, gusto nilang patuloy na hawakan at kontrolin ang mga taong ito, at pasunurin ang mga ito sa kanila. Hindi ba’t pangingikil ito sa proseso ng pagpapalaganap ng ebanghelyo? Hinahadlangan ng ganitong uri ng tagapagpalaganap ng ebanghelyo ang mga tao para huwag makalapit sa Diyos ang mga ito, nang sa gayon ay kailanganin ng mga taong iyon na dumaan muna sa kanila bago makalapit ang mga ito sa Diyos, at para ang lahat ng bagay ay maipaalam sa kanila. Hindi ba’t sinusubukan nilang makinabang mula sa pananalig ng mga ito? Hindi ba’t gusto nilang kontrolin ang mga taong ito? (Ganoon nga.) Anong uri ng pag-uugali ito? Ugali talaga ito ni Satanas! Ibig sabihin, ipinakita na ng anticristo ang kanyang tunay na kulay, at gusto niyang kontrolin ang iglesia at ang mga hinirang ng Diyos. Masusumpungan ang mga ganitong uri ng tao sa mga iglesia sa maraming lugar. Sa malalang mga kaso, maaaring kontrolado nila ang dose-dosena o daan-daan pa ngang mga tao. Sa mga di-gaanong malalang kaso, kapag ipinapangaral nila ang ebanghelyo sa ilang tao, palagi lang nilang hihinging tumanaw ang mga ito ng utang na loob sa kanila, ipinapaalala sa mga taong ito ang utang na loob ng mga ito sa tuwing sila ay magkikita, at laging babanggitin ang mga bagay-bagay mula noong magsimulang manampalataya ang mga taong ito. Bakit ba nila laging binabanggit ang gayong mga bagay? Ito ay para hindi makalimutan ng mga taong iyon ang kanilang kabaitan at huwag makalimutan kung sino ang nangangaral sa kanila kung kaya’t nakapasok sila sa sambahayan ng Diyos, at kung kanino dapat mapunta ang kapurihan. Nagkikimkim sila ng layuning ungkatin ang gayong mga bagay, at kung hindi nila ito magawa, pinapagalitan nila ang mga taong iyon. Ano ang unang bagay na sinasabi nila para kagalitan ang mga taong iyon? (Na walang utang na loob ang mga ito.) May katwiran ba ang mga salita nilang ito? (Wala.) Bakit mo nasasabing walang katwiran ang mga sinasabi nila? (Dahil wala sa tama nilang lugar ang mga tagapagpalaganap na ito ng ebanghelyo. Tungkulin nila ang pagpapalaganap ng ebanghelyo, ito naman talaga ang kanilang dapat na gawin. Subalit, pagkatapos dalhin ang ebanghelyo sa mga tao, nakikita nila ito bilang kanilang kontribusyon, at hindi bilang kanilang tungkulin.) Lagi nilang iniisip na may naging kontribusyon sila sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng ebanghelyo. Mali ito. Sa isang banda, wala sila sa tama nilang lugar. Ang Diyos ang nagliligtas sa mga tao, at maaari lamang makipagtulungan ang mga tao rito. Ano ba ang maisasakatuparan ng isang tao kung hindi gagawa ang Diyos? Sa kabilang banda, hindi niya kontribusyon ang ipalaganap ang ebanghelyo sa ibang tao. Wala siyang naging malaking kontribusyon, tungkulin niya ito. Ang Diyos ang may gustong makamit Niya ang mga tao, nakikipagtulungan lang nang kaunti sa Kanya ang mga tagapagpalaganap ng ebanghelyo. Trabaho ng Diyos ang iligtas at kamtin ang mga tao, at wala itong kinalaman sa mga tagapagpalaganap ng ebanghelyo. Hindi nila kayang gawin ang mga bagay na ito. Sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, ginagampanan lang nila ang trabaho ng pagpaparating nito, ibinabahagi lamang nila sa iba pang tao ang ebanghelyo ng Diyos sa mga huling araw. Hindi puwedeng sabihin na isa itong kabaitan na ipinagkaloob nila sa mga tao, kaya, kung hindi sila pakikinggan ng mga taong ito, hindi iyon kawalan ng utang na loob. Hindi ba’t madalas mangyari ang gayong mga bagay habang ginagampanan ng mga tao ang kanilang mga tungkulin sa pagpapalaganap ng ebanghelyo? Nabunyag na ba ang ganitong katiwalian sa inyo? (Oo.) Isa ba itong malalang pagbubunyag? Umabot ka na ba sa puntong pinapagalitan mo na ang iba? Umabot ka na ba sa puntong kinamumuhian mo na ang iba? Umabot ka na ba sa puntong nais mo nang sumpain at kontrolin ang mga tao? Nais mong dominahin at kontrolin ang sinumang tumatanggap ng ebanghelyo mula sa iyo. Gusto mong angkinin ang mga taong iyon sa halip na ibigay sila sa Diyos. Inaasahan mong magiging tapat mong supling ang sinumang tumatanggap ng ebanghelyo mula sa iyo. Mayroon ba kayong gayong mga kaisipan? Tinatrato ng maraming tao ang pangangaral ng ebanghelyo na tulad ng pagkakaroon ng bunga. Iniisip nila na sinumang tumatanggap ng ebanghelyo mula sa kanila ay magiging bunga at tagasunod nila, at na dapat silang tapat na sundin at ituring na parang Diyos at Panginoon ng mga ito. Ganito ka ba mag-isip? Hindi ka man maging ganoon kasukdulan, taglay mo pa rin ang aspektong ito ng tiwaling disposisyon. Bakit ganito? Sa pangunahin, mabubuod ito sa dalawang puntong iyon: Sa isang banda, wala sa tama nilang lugar ang mga tao at hindi nila alam kung sino ba sila. Sa kabilang banda, hindi nila itinuturing ang pagpapalaganap ng ebanghelyo bilang kanilang tungkulin. Kung ituturing mo ang pagpapalaganap ng ebanghelyo bilang tungkulin mo, mauunawaan mo na kahit ano pa ang gawin mo, kahit gaano pa karaming tao ang mapangaralan mo o kahit gaano pa karaming tao ang mapabalik-loob mo, paggampan lang ito sa tungkulin ng isang nilikha, na ito ay isang responsabilidad at obligasyon na nararapat mong tuparin, at hindi ito dapat na ituring bilang isang malaking kontribusyon. Ang ganitong pagkaunawa sa usapin ay nakaayon sa katotohanan. Pero bakit nagagawang kontrolin at angkinin ng ilang taong nangangaral ng ebanghelyo ang mga tumatanggap ng ebanghelyo mula sa kanila? Ito ay dahil masyado silang likas na mapagmataas at mapagmagaling at wala sila ni katiting na pang-unawa. Dagdag pa rito, ito ay dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan at hindi nila nalutas ang aspektong ito ng kanilang tiwaling disposisyon. Kaya nagagawa nila ang gayong mga kahangalan, kayabangan, at barbarikong bagay na kinasusuklaman ng ibang tao at kinapopootan ng Diyos.

Kapag may ginagawa ang mga tao, kapag may taglay silang kaunting kapital o kapag nagbibigay sila ng kontribusyon, gusto nila itong ipagyabang, gusto nilang kontrolin ang mga tao, gusto nilang ipalit ang mga nagawa nila para sa mga gantimpala o para magkaroon ng isang magandang hantungan. Tatangkain pa nga ng ilan na makipagkalakalan gamit ang ebanghelyo ng Diyos. Anong pangangalakal ang gusto nilang gawin? Narito ang isang halimbawa. Pagdating ng ganitong tao sa bahay ng isang potensyal na tatanggap ng ebanghelyo at nakikita niyang mahirap ang pamilya nito, iniisip niya marahil na hindi siya makikinabang sa pagpapalaganap ng ebanghelyo sa taong ito. Kaya naman, wala siyang interes sa taong ito o dinidiskrimina pa niya ito. Sa tuwing nakikita niya ang taong iyon, nayayamot siya, at sinasabi niya sa kanyang lider, “Hindi makasasampalataya sa Diyos ang taong iyan. At kahit manampalataya pa siya, hindi niya matatamo ang katotohanan.” Ito ang dahilang ginagamit niya para makaiwas na ipalaganap ang ebanghelyo sa taong ito. Hindi magtatagal, may ibang taong pupunta para ipalaganap ang ebanghelyo sa taong ito, at tatanggapin ng taong ito ang ebanghelyo. Paano ito maipapaliwanag ng unang tagapagpalaganap ng ebanghelyo? Paano niya nasabing hindi makasasampalataya sa Diyos ang taong ito? Bakit labis ang pagkiling niya laban dito? Paano naman niya nalaman kung makasasampalataya ang isang tao o hindi kung hindi naman niya ipinalaganap ang ebanghelyo rito? Hindi niya ito malalaman. Bakit hindi niya pinabalik-loob ang taong ito? Ito ay dahil hinusgahan na niya kaagad ang taong iyon, hinamak niya ang taong iyon, at hindi siya nagpakita ng mapagmahal na puso sa taong ito kaya nabigo siyang mapabalik-loob ang taong iyon. Sa pagganap niya ng kanyang tungkulin sa ganoong paraan, nagiging pabaya siya. Hindi siya nagpakita ng mapagmahal na puso at nabigo siyang tuparin ang kanyang responsabilidad. Kapuri-puri ba ito o hindi sa paningin ng Diyos? (Hindi ito kapuri-puri.) Talagang isa itong pagsalangsang. Bakit nangyari ang pagsalangsang na ito? Hindi ba’t dahil ito sa wala siyang makuhang anumang pakinabang mula sa tatanggap ng ebanghelyo? Nang makita niyang hindi siya makikinabang sa pagpapalaganap ng ebanghelyo sa taong iyon, naging tutol at malupit siya rito, hindi hinahayaang matamo nito ang kaligtasan, at pagkatapos ay humahanap siya ng iba’t ibang dahilan at palusot para maiwasang ipalaganap ang ebanghelyo sa taong iyon. Isa itong matinding pagpapabaya sa tungkulin at isa itong matinding pagsalangsang! Ang pagtangging ipalaganap ang ebanghelyo sa isang tao kapag walang makukuhang pakinabang—anong uri ito ng saloobin? Hindi ba’t isa itong tipikal na pagpapamalas ng isang taong nagbebenta ng ebanghelyo? (Oo.) Sa papaanong paraan niya ibinebenta ang ebanghelyo? Ipaliwanag ang mga detalye at proseso. (Nagpasya ang tagapagpalaganap na iyon ng ebanghelyo kung gusto ba niyang ipalaganap ang ebanghelyo sa isang tao batay sa kung makikinabang ba siya mula rito. Katumbas ito ng pagtrato sa ebanghelyo ng Diyos bilang isang paninda at ibinebenta ito para makuha ang mga pakinabang na kanyang hinahangad. Nang makita niyang wala siyang anumang pakinabang na mapapala, ayaw na niyang ipalaganap ang ebanghelyo.) Itinuturing niya ang ebanghelyo ng Diyos bilang sarili niyang pribadong pag-aari. Kung may makita siyang isang taong mula sa isang mayaman at makapangyarihang pamilya na nakakakaing mabuti at nakakapagdamit nang maayos, iniisip niya, “Kung ipapalaganap ko ang ebanghelyo sa kanya, maaari akong tumira sa kanyang bahay, at makakakain din ako ng masasarap na pagkain at makapagsusuot ng maaayos na damit,” at magpapasya siyang ipalaganap ang ebanghelyo sa taong iyon. Anong uri ng ugali ito? Isa itong tipikal na halimbawa ng isang taong nagbebenta ng ebanghelyo. Tinatrato ng tagapagpalaganap na ito ng ebanghelyo ang ebanghelyo ng Diyos at ang mabubuting balita ng bagong gawain ng Diyos bilang isang paninda at bilang sarili niyang pribadong pag-aari, nililinlang at niloloko niya ang iba sa bawat pagkakataon para makakuha ng pakinabang at ng anumang bagay na kailangan niya. Paggampan ba ito sa tungkulin ng isang tao? Ang tawag dito ay pagnenegosyo at pakikinabang mula sa paglalako ng ebanghelyo. Ang ibig sabihin ng paglalako ay ang pagbebenta ng mga bagay na mayroon ang isang tao sa pamamagitan ng pangangalakal, at ang makakuha ng pera o materyal na bagay bilang kapalit nito. Paano naman nila inilalako ang ebanghelyo? Depende ito sa kung makakakuha ba sila ng mga pakinabang mula sa mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo. Ang ibig sabihin nito ay, “Ipapalaganap ko sa iyo ang ebanghelyo kung kapaki-pakinabang ito sa akin. Kung wala akong mapapakinabangan mula rito, hahanap ako ng maidadahilan para hindi ko ito ipangaral sa iyo. Magiging isang kasunduan lang ito na hindi natuloy.” Bakit hindi natuloy ang kasunduang ito? Hindi ito natuloy dahil hindi makikinabang ang tagapagpalaganap ng ebanghelyo mula rito. Ano ang tawag natin sa ganitong uri ng tao? Tinatawag silang “mga naglalakbay na manggagantso.” Wala talaga silang kalidad na produkto, pero kung saan-saan sila nagpupunta upang linlangin at lansihin ang iba, ginagamit nila ang kanilang mga salita para kumita ng pera at magtamo ng mga pakinabang. Sa pangangaral ng ebanghelyo sa ganitong paraan, ginagampanan ba nila ang kanilang tungkulin? Pawang kasamaan lang ang ginagawa nila. Walang kinalaman sa paggampan ng kanilang tungkulin ang kanilang mga kilos, dahil hindi naman nila itinuturing na kanilang tungkulin ang pagpapalaganap ng ebanghelyo, at hindi nila ito nakikita bilang kanilang responsabilidad o obligasyon, o bilang isang atas na ipinagkatiwala sa kanila ng Diyos. Sa halip, nakikita nila ito bilang isang trabaho, isang propesyong ginagawa kapalit ng mga bagay na kailangan nila, para mapalugod ang sarili nilang mga interes, at makamtan ang sarili nilang mga kagustuhan. May ilang tao pa nga na ayaw umalis kapag napunta sila sa mayayamang lugar para mangaral ng ebanghelyo, dahil nakakakain sila nang mabuti, nakakapagdamit nang maayos, at nakakatuloy sa magagandang lugar doon. Umiiyak sila sa harapan ng mga tumatanggap ng ebanghelyo tungkol sa kung gaano sila kahirap, “Tingnan ninyo kung gaano kayo napaliligiran ng biyaya at mga pagpapala ng Diyos dito. Ang bawat pamilya ay may kanya-kanyang kotse, nakatira sa sarili nilang maliit pero magarang bahay, at maaayos na damit. Kumakain pa nga kayo ng karne araw-araw. Imposible iyon sa lugar na pinanggalingan namin.” Pagkatapos marinig ito, sasabihin ng mga tumatanggap ng ebanghelyo, “Dahil napakahirap ng buhay sa lugar na tinitirhan mo, halika’t manuluyan ka rito sa amin nang mas madalas,” pagkatapos, binibigyan nila ang mga tagapagpalaganap ng ebanghelyo na ito ng ilang kagamitan. Ito ay isang palihim na anyo ng panghihingi at pangingikil ng pera at ng mga materyal na bagay mula sa mga tao. Ano ang batayan ng kanilang pangingikil? “Ipinangaral namin ang ebanghelyo ng Diyos sa inyo, at wala kaming nakuhang anumang kapalit. Natupad na namin ang atas ng Diyos. Nakatanggap kayo ng gayon kadakilang mga pagpapala, kaya dapat ninyong suklian ang pagmamahal ng Diyos at bigyan kami ng kaunting kawanggawa. Hindi ba’t nararapat naman sa amin iyon?” Sa ganitong paraan, gumagamit sila ng iba’t ibang kaparaanan para lihim, tuwiran, o di-tuwirang kikilan ang mga tao ng mga materyal na bagay at pera. Ginagamit nila ang pagpapalaganap ng ebanghelyo bilang oportunidad para maghangad ng mga personal na pakinabang. Ang unang pagpapamalas nito ay ang pagbebenta ng ebanghelyo, na likas na pinakamalala. Ang ikalawang pagpapamalas ay ang lihim na pangingikil. Kaya naman, sa hanay ng mga taong gumaganap ng tungkuling ipalaganap ang ebanghelyo, hindi mapapansing tumataba ang mga bulsa ng ilang tao habang ipinapangaral nila ang ebanghelyo, at yumayaman sila. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ba’t mabuti ang maging mayaman? Hindi ba’t pagpapala ito ng Diyos?” Kalokohan iyan! Ginagamit mo ang sarili mong mga panlalansi at panloloko para makapangikil at makapandaya ng mga tao, at pagkatapos ay palalabasin mong pagpapala ito ng Diyos. Ano ang kalikasan ng gayong mga salita? Kalapastangan ang mga ito laban sa Diyos. Hindi ito pagpapala ng Diyos. Hindi pinagpapala ng Diyos ang mga tao sa ganitong paraan. Kaya bakit naman lilitaw ang ganitong kaisipan sa isang tao? Bunga ito ng kanyang mga ambisyon at ng kanyang sakim, at satanikong kalikasan.

Matinding hirap ang dinaranas ng lahat ng nagpapalaganap ng ebanghelyo. Minsan ay inuusig at kinukuyog sila ng mga relihiyosong tao, o isinusuplong pa nga sa rehimen ni Satanas. Kung hindi sila masyadong maingat, malamang na maaresto sila ng malaking pulang dragon. Subalit kayang harapin nang tama ng mga nagmamahal sa katotohanan ang gayong mga bagay, samantalang ang mga hindi nagmamahal sa katotohanan ay madalas na magrereklamo tungkol sa katiting na pagdurusa. May mga ganitong sinabi ang ilan sa mga nagpapalaganap ng ebanghelyo: “Ipinangaral ko ang ebanghelyo sa isang tao, at matapos kong magsalita nang napakatagal, hindi man lang niya ako binigyan ng isang baso ng tubig. Ayaw ko nang mangaral sa kanya.” Problema ba na hindi sila binigyan ng isang baso ng tubig? May isang uri ng disposisyong nakatago sa mga salita ng mga tagapagpalaganap na ito ng ebanghelyo. Ipinapahiwatig nito na sulit lang ipalaganap ang ebanghelyo kapag kasiya-siya at kapaki-pakinabang ito. Kung may kasama itong pagdurusa, o kung hindi man lang sila mabigyan ng isang basong tubig na maiinom, hindi na ito sulit. May intensyong nakapaloob dito na manghingi ng isang bagay at makipagnegosasyon. Kung laging may transaksyonal na kalikasan ang paraan ng pagpapalaganap ng isang tao ng ebanghelyo, tapat ba niyang ginugugol ang kanyang sarili para sa Diyos? Kung hindi man lang niya kayang tiisin ang katiting na pagdurusang ito kapag ginagampanan ang kanyang tungkulin, at maaari siyang maging negatibo dahil lang sa isang munting bagay, kaya ba niyang gampanan ang kanyang tungkulin nang maayos? Sasabihin din nila, “Bukod sa hindi ako nabigyan ng anumang tubig, hindi rin nila ako pinakain ng tanghalian.” Problema ba kung hindi pinatuloy at pinakain ng isang tao ang mga tagapagpalaganap na ito ng ebanghelyo? Maraming taon na nilang ipinapangaral ang ebanghelyo at lagi nilang pinagtutuunan ng pansin kung paano sila inaasikaso ng mga tao, kung ano ang ibinibigay sa kanila na pagkain at inumin, at kung anong mga regalo ang natatanggap nila—bakit ganito? Hindi ba nila alam kung paano tratuhin ang mga taong nagsisiyasat ng tamang daan? Problema ito sa kanilang karakter. May kaunting pagmamahal man lang ba sila sa kanilang puso para sa mga tao? At bakit hindi pa rin nila nauunawaan ang mga uri ng pagdurusa na dapat tiisin ng mga nagpapalaganap ng ebanghelyo at kung paano nila dapat isagawa ang katotohanan? Bakit hindi man lang nila ito isinagawa? Problema ba kung hindi sila bigyan ng inumin o pagkain ng mga taong pinapangaralan nila ng ebanghelyo? Hindi ito isang problema. Ang pagpapalaganap ng ebanghelyo sa mga tao ay pagtupad sa ating obligasyon; tungkulin natin ito. Wala nang anumang karagdagang kondisyon. Hindi obligado ang mga taong pinapangaralan mo na pakainin, pagsilbihan, o ngitian ka. Hindi nila kailangang makinig sa lahat ng sinasabi mo at sundin ka. Wala silang ganoong obligasyon. Kung nagagawa mong mag-isip nang ganito, obhetibo at rasyonal iyan. Kung gayon ay magagawa mong ituring ang mga bagay na ito nang tama. Paano ba dapat pakitunguhan ang isang taong nagsisiyasat sa tunay na daan? Hangga’t umaayon siya sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos para sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, may obligasyon tayong ipangaral ito sa kanya; at kahit pa ang kasalukuyan niyang saloobin ay hindi mabuti at hindi tumatanggap, dapat tayong maging matiyaga. Gaano katagal at hanggang saan tayo dapat magtiyaga? Hanggang sa tanggihan ka niya at hindi ka niya papasukin sa bahay niya, at kahit anong pakikipag-usap ay hindi umuubra, ni ang tawagan siya, o ang ipaimbita siya sa ibang tao, at hindi ka niya pinapansin. Kung magkaganito ay wala nang paraan para ipalaganap pa ang ebanghelyo sa kanya. Natupad mo na ang iyong responsabilidad sa kanya kung magkagayon. Iyon ang ibig sabihin ng pagganap sa iyong tungkulin. Gayumpaman, hangga’t may kaunting pag-asa, dapat isipin mo ang lahat ng paraan at gawin ang lahat ng makakaya mo para basahin ang mga salita ng Diyos at patotohanan ang gawain ng Diyos sa kanya. Halimbawa, sabihin nang dalawa o tatlong taon mo nang nakakaugnayan ang isang tao. Maraming beses mo nang sinubukan na ipalaganap ang ebanghelyo at patotohanan ang Diyos sa kanya, pero wala siyang intensiyong tanggapin ito. Pero medyo maganda ang pagkaunawa niya, at talagang isa siyang potensyal na tatanggap ng ebanghelyo. Ano ang dapat mong gawin? Una sa lahat, hinding-hindi mo siya dapat sukuan, sa halip, panatilihin mo ang normal na pakikipag-ugnayan sa kanya, at patuloy siyang basahan ng mga salita ng Diyos at patotohanan ang gawain ng Diyos. Huwag mo siyang sukuan; maging matiyaga ka hanggang sa huli. Balang araw, magigising siya at mararamdamang panahon na para siyasatin niya ang tunay na daan. Kaya ang pagtitiyaga at pagpupursigi ay isang napakahalagang aspekto sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. At bakit dapat gawin ito? Dahil ito ang tungkulin ng isang nilikha. Dahil nakikipag-ugnayan ka sa kanya, may obligasyon at responsabilidad kang ipangaral ang ebanghelyo ng Diyos sa kanya. Maraming proseso mula nang una niyang marinig ang mga salita ng Diyos at ang ebanghelyo hanggang sa oras na magbago na siya, at matagal ito. Ang yugtong ito ay nangangailangan na ikaw ay maging matiyaga at maghintay, hanggang sa araw na iyon na magbago na siya at madala mo siya sa harap ng Diyos, pabalik sa sambahayan ng Diyos. Ito ang obligasyon mo. Ano ba ang isang obligasyon? Ito ay isang responsabilidad na hindi maaaring iwasan, nakatali ang isang tao sa tungkuling ito. Kagaya ito ng pagtrato ng ina sa kanyang anak. Gaano man kapasaway o kapilyo ang bata, o kung may sakit ito at ayaw kumain, ano ang obligasyon ng ina? Dahil alam niyang anak niya ito, binibigyang-layaw niya ito, at minamahal ito, at inaalagaan itong mabuti. Hindi mahalaga kung kinikilala siya ng anak bilang ina nito o hindi, at hindi mahalaga kung paano siya tratuhin nito—nananatili pa rin siya sa tabi nito anuman ang mangyari, pinoprotektahan ito, hindi umaalis kahit saglit, palaging naghihintay na maniwala ito na siya ang ina nito at na magbalik na ito sa kanyang mga bisig. Sa ganitong paraan, palagi siyang nakabantay at nagmamalasakit sa kanyang anak. Ito ang ibig sabihin ng responsabilidad; ito ang ibig sabihin ng nakatali sa tungkulin. Kung ang mga nagpapalaganap ng ebanghelyo ay magsasagawa sa ganitong paraan, nang may kinikimkim na ganitong uri ng mapagmahal na puso para sa mga tao, maitataguyod nila ang mga prinsipyo ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, at ganap nilang makakaya na magkamit ng mga resulta. Kung lagi silang nagdadahilan at palagi nilang binabanggit ang tungkol sa kanilang mga kalagayan, hindi nila maipapalaganap ang ebanghelyo, at hindi nila magagampanan ang kanilang tungkulin. Laging mapili ang ilang taong nagpapalaganap ng ebanghelyo sa mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo, kung masyado bang maraming mga tanong at suliranin ang mga ito at kung mahina ba ang kakayahan ng mga ito, at bunga nito, hindi sila handang magdusa at magbayad ng halaga para mapabalik-loob ang mga taong ito. Pero kung ang sarili nilang mga magulang at kamag-anak ang may napakaraming suliranin at mahinang kakayahan, nagagawa pa rin nilang tratuhin ang mga ito nang may mapagmahal na puso. Hindi ba’t ibig sabihin nito ay hindi nila tinatrato nang patas ang mga tao? May mapagmahal bang puso ang mga taong ito? Mga tao ba silang nagpapakita ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos? Hinding-hindi. Kapag nagpapalaganap ng ebanghelyo, lagi silang naghahanap ng anumang dahilan at palusot batay sa mga obhetibong kondisyon para huwag ipangaral ang ebanghelyo sa mga tao, o, kahit sino pa ang makita nila, hindi kaaya-aya ang mga taong iyon para sa kanila at iniisip nilang mas hamak ang mga ito kaysa sa kanila, at pakiramdam lagi nila ay walang tao na mapapangaralan ng ebanghelyo—bunga nito, kahit isa ay wala silang napaparatingan ng ebanghelyo. May mga prinsipyo ba sa pagpapalaganap ng ebanghelyo nang ganito? Hindi man lang isinasaalang-alang ng ganitong tao ang mga layunin o ang mga hinihingi ng Diyos. Sinumang kikilala na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan at sinumang makatatanggap sa katotohanan ay isang potensyal na tatanggap ng ebanghelyo, maliban na lang kung halatang masama o kakatwa silang mga tao. Kung tunay na isasaalang-alang ng mga tao ang mga layunin ng Diyos, gagampanan nila ang kanilang mga tungkulin at pakikitunguhan nila ang mga tao nang may prinsipyo. Kahit ano pa ang mga problema ng mga taong nagsisiyasat sa tamang daan o kahit gaano pa nila nabubunyag ang kanilang mga tiwaling disposisyon, hangga’t kaya nilang kilalanin at tanggapin ang katotohanan, dapat ninyong basahin sa kanila ang mga salita ng Diyos at patotohanan ang gawain ng Diyos sa kanila nang walang kapaguran. Ito ang prinsipyong dapat sundin sa pagpapalaganap ng ebanghelyo.