Mga Salita sa Paglilingkod sa Diyos (Sipi 76)

Sa iglesia, anong uri ng tao ang pinakamapagmataas? Paano kusang nagpapamalas ang pagmamataas niya? Sa anong mga bagay pinakanabubunyag ang kanyang pagmamataas? Mayroon ba kayong pagkakilala rito? Ang mga pinakamapagmataas na tao sa loob ng iglesia ay ang masasama at ang mga anticristo. Ang kanilang pagmamataas ay lubhang nakahihigit sa mga normal na tao, hanggang sa punto na ito ay wala nang katwiran. Sa aling mga bagay ito pinakamadaling makita? Kapag sila ay pinupungusan, saka pinakamalinaw na nalalantad ang kanilang mga mapagmataas na disposisyon. Gaano man katindi ang masasamang gawa ng mga anticristo na ito, kapag may nagpungos sa kanila, sila ay magagalit at magsasabing: “Sino ka para punahin at turuan ako? Ilang tao ang kaya mong pangunahan? Kaya mo bang mangaral ng mga sermon? Kaya mo bang magbahagi tungkol sa katotohanan? Kung gagampanan mo ang tungkulin ko, hindi ka magiging kasinggaling ko!” Ano ang dating nito sa inyo? Mayroon ba silang kahit kaunting saloobin ng pagtanggap sa katotohanan? Kung ganito ninyo haharapin ang pagpupungos, magdudulot iyon ng problema. Patutunayan nito na hindi kayo nagtataglay ng anumang katotohanang realidad, at ang inyong buhay disposisyon ay hindi man lang nagbago. Maaari bang maging lider o manggagawa ang isang lubhang tiwali at matandang tao na katulad nito? Magagawa ba niya ang tungkulin ng paglilingkod sa Diyos? Tiyak na hindi, sapagkat ang gayong tao ay hindi man lamang kwalipikadong maging lider o manggagawa. Upang maging lider o manggagawa, kahit papaano, kailangan ng isang tao na magkaroon ng kaunting tunay na karanasan, na maunawaan ang ilang katotohanan, na magtaglay ng ilang realidad, at na magkaroon ng pinakabatayang antas ng pagpapasakop, na ibig sabihin, dapat man lang ay kayang tanggapin ng isang tao ang pagpupungos—tanging ganitong uri ng tao ang kwalipikadong maging lider o manggagawa. Kung ang isang tao ay hindi man lang nagtataglay ng anumang katotohanang realidad, at nakikipagtalo at lumalaban pa rin siya kapag pinupungusan siya, at hindi man lang tinatanggap ang katotohanan, at kung ang gayong tao ay maglilingkod sa Diyos, ano sa palagay ninyo ang mangyayari? Walang alinlangan na lalabanan niya ang Diyos; hindi niya isasagawa ang katotohanan, anumang uri ng gawain ang kanyang gagampanan, at lalong hindi niya aasikasuhin ang mga bagay ayon sa mga prinsipyo. Samakatuwid, kung ang mga tao na walang anumang katotohanang realidad ay gagampanan ang mga tungkulin ng mga lider o manggagawa, tiyak na tatahakin nila ang landas ng anticristo, at lalabanan nila ang Diyos. Bakit nga ba maraming lider at manggagawa ang nabubunyag matapos gawin ang kakaunti sa kanilang mga tungkulin? Ito ay dahil hindi nila hinahangad ang katotohanan, sa halip ay naghahanap sila ng katanyagan, pakinabang, at katayuan, at bilang resulta, natural nilang tinatahak ang landas ng mga anticristo. Pagdating sa inyong lahat, kung bibigyan kayo ng responsabilidad para sa isang iglesia at walang sinuman ang sumuri sa inyo sa loob ng anim na buwan, hahantong kayong tumatahak sa maling landas at gagawin ninyo ang gusto ninyo. Kung kayo ay pababayaan nang kayo lang sa loob ng isang taon, hahantong kayong inililigaw ang ibang tao, at silang lahat ay tutuon lamang sa pagsasalita ng mga salita at doktrina at paghahambing kung sino ang mas mahusay kaysa kanino. Kung kayo ay pababayaan nang kayo lang sa loob ng dalawang taon, aakayin ninyo ang mga tao sa harapan ninyo, sa inyo susunod ang mga tao at hindi sa Diyos, at sa ganitong paraan, ang iglesia ay masisira at magiging relihiyoso. Ano ang dahilan nito? Napag-isipan na ba ninyo ang tanong na ito? Anong landas ang tinatahak ng isang tao kapag pinamumunuan niya ang iglesia sa ganitong paraan? Ang landas ng mga anticristo. Magiging ganito ba kayo? Gaano katagal ninyo matutustusan ang mga tao ng kaunting katotohanan na nauunawaan ninyo ngayon? Kaya ba ninyong akayin ang mga tao sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos? Kung magtanong nang marami ang mga taong hinirang ng Diyos, masasagot ba ninyo sila sa pamamagitan ng pagbabahagi sa katotohanan ayon sa mga salita ng Diyos? Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, at ang ginagawa mo lang ay mangaral ng ilang salita at doktrina, at pagkatapos ng ilang beses na pakikinig sa iyo, maririndi ang mga tao, at kapag patuloy mong ipinangaral ang mga salita at doktrina, magiging tutol sila rito, at matutukoy na nila ito—at kung ganito, bakit patuloy pang mangangaral sa kanila? Kung ikaw ay isang taong may katwiran, dapat kang tumigil sa pangangaral ng mga doktrina sa ibang tao, dapat kang tumigil sa pagtuturo sa mga tao mula sa mataas na posisyon, dapat kang tumayo nang kapantay ng iba, at dapat mong kainin, inumin, at danasin ang mga salita ng Diyos kasama nila. Ang lahat ng ito ay mga pagpapamalas ng mga taong nagtataglay ng katwiran. Yaong mga partikular na mapagmataas at mapagmagaling ay madaling nawawalan ng katwiran, at nagpipilit na ipangaral ang mga salita at doktrina sa iba, o sinusubukan nilang magpakitang-gilas sa pamamagitan ng paghahanap at pag-aaral ng mas malalalim na espirituwal na teorya, at sa gayon ay nagiging mga taong sinusubukang manlihis ng iba. Ang pagkilos nang ganito ay paglaban sa Diyos. Malinaw ba sa iyo ang mga kahihinatnan kung patuloy kang mangangaral sa ganitong paraan? Malinaw ba sa iyo kung saan mo aakayin ang mga tao? Anong uri ng problema ito, kapag tinahak mo ang landas ng anticristo, inakay ang mga tao sa harapan mo, at pinasamba at pinasunod sila sa iyo? Hindi ba’t nakikipagkumpitensya ka sa Diyos para sa Kanyang mga hinirang? Ito ay pagdadala ng mga tao sa harap mo na orihinal na gustong manalig sa Diyos, bumalik sa Diyos, at makamit ang Diyos, pinasusunod sila sa iyo at pinagagawa sa kanila ang sinasabi mo, at hinihimok silang tratuhin ka bilang Diyos. At ano ang kahihinatnan nito? Ang mga taong ito ay orihinal na nanalig sa Diyos upang maligtas, ngunit sa huli ay nalihis mo—hindi lamang sila hindi maliligtas, magdurusa rin sila ng kapahamakan at mawawasak. Sa pagkilos sa ganitong paraan, nililigaw mo ang mga tao, labis mo silang pinipinsala, at iwinawala mo ang mga nananalig sa Diyos. Anong krimen ang iyong kasalanan? Paano ka makababawi sa kanila? Nilinlang mo ang mga bagong mananampalataya sa iyong sariling mga kamay, ginawa mo silang iyong mga tupa, lahat sila ay nakikinig sa iyo, lahat sila ay sumusunod sa iyo, at sa iyong puso, talagang iniisip mo: “Makapangyarihan na ako ngayon; napakaraming tao ang nakikinig sa akin, at ang iglesia ay sunud-sunuran sa akin.” Ang kalikasan ng pagkakanulong ito sa loob ng tao ay di-namamalayang nagsasanhi sa iyo na gawing tau-tauhan lang ang Diyos, at ikaw naman mismo ay nagtatayo ng isang uri ng relihiyon o denominasyon. Paano naglilitawan ang iba-ibang relihiyon at denominasyon? Naglilitawan sila sa ganitong paraan. Masdan mo ang mga lider ng bawat relihiyon at bawat denominasyon—lahat sila ay mapagmataas at nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba, at binibigyang-kahulugan nila ang Bibliya nang wala sa konteksto at ginagabayan ng kanilang sariling mga kuru-kuro at imahinasyon. Lahat sila ay umaasa sa mga kaloob at kaalaman sa paggawa ng kanilang gawain. Kung sila ay wala talagang kakayahang mangaral, susunod ba sa kanila ang mga tao? Sila, kunsabagay, ay nagtataglay ng kaunting kaalaman at makakapangaral ng ilang doktrina, o alam nila kung paano makaakit ng iba at kung paano gumamit ng ilang panlalansi. Ginagamit nila ang mga bagay na ito para linlangin ang mga tao, at para dalhin ang mga tao sa harapan nila. Sa pangalan, ang mga taong iyon ay naniniwala sa Diyos, ngunit sa realidad, sinusunod nila ang mga lider na ito. Kung nakakatagpo sila ng isang taong nangangaral ng tunay na daan, ang ilan sa kanila ay nagsasabing, “Kailangang konsultahin namin ang aming lider tungkol sa mga usapin ng pananampalataya.” Tingnan kung paanong kailangan ng mga tao ang pagpayag at pagsang-ayon ng iba pagdating sa pananalig sa Diyos at pagtanggap sa tunay na daan—hindi ba ito problema? Nagiging ano na kung gayon ang mga lider na iyon? Hindi ba sila nagiging mga Pariseo, huwad na mga pastol, mga anticristo, at mga katitisuran sa pagtanggap ng mga tao sa tunay na daan? Ang mga ganyang tao ay kapareho ng uri ni Pablo. Bakit Ko ba sinasabi iyon? Ang mga liham ni Pablo ay nakatala sa Bibliya at ipinasa sa loob ng dalawang libong taon. Sa buong Kapanahunan ng Biyaya, ang mga nananalig sa Panginoon ay madalas na binabasa ang mga salita ni Pablo at itinuturing ang mga ito bilang kanilang pamantayan—pagdurusa, pagsupil sa sariling katawan, at sa wakas ay pagtataglay sa korona ng katuwiran…. Ang lahat ng tao ay nananalig sa Diyos ayon sa mga salita at doktrina ni Pablo. Sa loob ng dalawang libong taon na ito, napakaraming tao ang tumulad kay Pablo, sumamba sa kanya, at sumunod sa kanya. Itinuring nila ang mga salita ni Pablo bilang kasulatan, pinalitan nila ang mga salita ng Panginoong Jesus ng mga salita ni Pablo, at nabigong isagawa ang mga salita ng Diyos. Hindi ba ito paglihis? Isa itong malaking paglihis. Gaanong mga layunin ng Diyos ang nauunawaan ng mga tao sa Kapanahunan ng Biyaya? Tutal, yaong mga sumunod kay Jesus noon ay nasa minorya, at mas kakaunti pa ang bilang ng yaong mga nakakilala sa Kanya—kahit ang mga disipulo Niya ay hindi Siya tunay na kilala. Kung may nakikitang kaunting liwanag ang mga tao sa Bibliya, hindi ito dapat ituring na kumakatawan sa mga layunin ng Diyos, at lalong hindi dapat ituring ang kaunting kaliwanagan bilang kaalaman tungkol sa Diyos. Ang mga tao ay pawang mapagmataas at hambog, at wala ang Diyos sa puso nila. Kapag nakauunawa sila ng ilang doktrina, nagsisimula silang kumilos sa ganang kanilang sarili, na humahantong sa pagbuo ng maraming denominasyon. Sa Kapanahunan ng Biyaya, ang Diyos ay hindi man lang mahigpit sa tao. Ang lahat ng relihiyon at denominasyon sa pangalan ni Jesus ay may kaunting gawain ng Banal na Espiritu; hangga’t walang masasamang espiritu na gumagawa sa loob nito, ang Banal na Espiritu ay gagawa sa alinmang iglesia, kaya karamihan ng mga tao ay nagawang matamasa ang biyaya ng Diyos. Noon, hindi mahigpit ang Diyos sa mga tao, tunay man o hindi ang kanilang pananalig sa Kanya, sumunod man sila sa iba, o hindi man nila hinangad ang katotohanan, dahil pauna na Niyang itinakda na, sa huling yugto, ang lahat ng paunang itinadhana at hinirang Niya ay kailangang humarap sa Kanya at tumanggap ng Kanyang paghatol. Kung, pagkatapos tanggapin ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, ang mga tao ay patuloy pa ring sasamba at susunod sa iba, kung hindi nila hahangarin ang katotohanan at sa halip ay hahangarin ang mga pagpapala at korona, kung gayon ito ay hindi mapapatawad. Ang mga gayong tao ay pareho ng kay Pablo ang magiging katapusan. Bakit madalas Kong ginagamit sina Pablo at Pedro bilang mga halimbawa? Ito ay dalawang landas. Ang mga mananampalataya sa Diyos ay sumusunod sa landas ni Pedro o sa landas ni Pablo. Ito ang tanging dalawang landas. Ikaw man ay isang tagasunod o isang lider, pareho lang ito. Kung hindi ka nakatatahak sa landas ni Pedro, ikaw ay tumatahak sa landas ni Pablo. Hindi ito maiiwasan; walang pangatlong landas. Yaong mga hindi nakauunawa sa mga layunin ng Diyos, na hindi nakakakilala sa Diyos, na hindi naghahangad na maunawaan ang katotohanan, at na hindi makapagpasakop sa Diyos nang lubusan, ay tuluyang hahantong sa parehong katapusan ng kay Pablo. Kung hindi mo hahangaring makilala ang Diyos, o maunawaan ang mga layunin ng Diyos, at nagsusumikap ka lamang na makapagsalita ng mga salita at doktrina, at mangaral ng mga espirituwal na teorya, maaari mo lamang labanan at ipagkanulo ang Diyos, sapagkat kalikasan ng tao na labanan ang Diyos. Ang mga bagay na hindi naaayon sa katotohanan ay garantisadong nagmumula sa kalooban ng tao. Anuman ang nagmumula sa kalooban ng tao, mabuti man ito o masama sa mga mata ng tao, ay nakagagambala sa gawain ng Diyos. Iniisip ng ilang tao na kahit na hindi sila kumikilos ayon sa katotohanan sa ilang bagay, hindi sila gumagawa ng masama o lumalaban sa Diyos. Tama ba ito? Kung hindi ka kumikilos nang alinsunod sa katotohanan, tiyak na nilalabag mo ang katotohanan, at ang paglabag sa katotohanan ay katumbas ng paglaban sa Diyos; iba lamang ang antas ng kalubhaan. Kahit na ikaw ay hindi nauuri bilang isang taong lumalaban sa Diyos, hindi ka sasang-ayunan ng Diyos, dahil hindi mo isinasagawa ang katotohanan, at gumagawa ka lamang ng mga bagay na hindi nauugnay sa katotohanan, at kumikilos lamang ayon sa sarili mong kalooban. Kahit na ang mga hindi naghahangad ng katotohanan ay hindi gumagawa ng kasamaan, mawawaksi ba nila ang kanilang mga tiwaling disposisyon? Kung hindi nila maaalis sa kanilang sarili ang kanilang mga tiwaling disposisyon, mamumuhay pa rin sila ayon sa mga tiwaling disposisyon na iyon. Kahit na wala silang ginagawa upang labanan ang Diyos, hindi sila makakapagpasakop sa Diyos, at hindi sasang-ayunan ng Diyos ang mga gayong tao.