Mga Salita sa Paglilingkod sa Diyos (Sipi 74)

May mga lider at manggagawa na, sa kanilang gawain, ay hindi nagbabahagi tungkol sa katotohanan nang naaayon sa mga salita ng Diyos. Sila mismo ay hindi nakakaunawa ng mga bagay-bagay, at madalas nilang sinasabi, “Gusto kong ipahayag ng lahat ang kanilang mga opinyon. Sabihin ninyong lahat ang nasa isipan ninyo.” Maaaring tama ito sa pandinig at tila demokratiko, nagbibigay-daan sa lahat na ipahayag ang kanilang mga posisyon at magkaroon ng kasunduan sa huli. Kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, katanggap-tanggap ang gawing ito bilang huling paraan, ngunit hindi nito matitiyak na magkakaroon ng konklusyon na naaayon sa katotohanan. Dahil walang nakauunawa sa katotohanan, at may depekto ang mga opinyon ng lahat, kahit na magsama-sama pa sila, hindi pa rin nila magagawang makabuo ng isang konklusyon na naaayon sa katotohanan. Hindi ba’t ganito nga? Kung ang isang taong nakauunawa sa katotohanan ang makikibahagi, magiging mas mainam ito; mas maganda ang patutunguhan ng mga bagay. Gayunpaman, mahalaga na isang taong nakauunawa sa katotohanan ang siyang namumuno rito. Ang taong ito ang dapat na gumabay sa lahat sa paghahanap sa katotohanan batay sa salita ng Diyos. Sa ganitong paraan, ang mga konklusyong mabubuo nila ay aayon sa katotohanan. Ito ang pinakamainam na pamamaraan. Mahalaga na ang taong nakauunawa sa katotohanan ang siyang namamahala, namumuno, at gumagabay sa lahat sa pagbabahaginan tungkol sa katotohanan batay sa mga salita ng Diyos upang kalaunan ay makamit ang pagkakaisa at magkasundo patungkol sa katotohanan. Tanging ito ang wastong landas ng pagsasagawa. Dahil dito, paano dapat tingnan ang demokrasya? Sa kasalukuyan, sa gitna ng tiwaling sangkatauhan, ang demokrasya ay isang medyo progresibo at maunlad na sistemang panlipunan. Ito rin ay makabago at nauuso, at gusto ito ng karamihan. Bagama’t maunlad at progresibo ang sistemang ito, magagawa ba ng anumang sistema, gaano man ito kalaki, na lutasin ang problema ng kasalanan ng tao? Mababago ba nito ang diwa ng mga kasamaan at kadiliman sa lipunan? Hindi ito magagawa, kahit pa sa isang diktadurya. Hindi ba’t marami ring pangungurakot at maling pamamalakad mula sa mga opisyal ng mga demokratikong bansang iyon? Walang anumang nangyayari sa sistemang ito ang umaayon sa katotohanan dahil labis na ginawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan; hindi na ito nagtataglay ng anuman at ng lahat ng katotohanan. Ang mga tao ay namumuhay sa kanilang mga tiwaling disposisyon, nagrerebelde sa Diyos at lumalaban sa Kanya; hindi nila posibleng maisagawa ang katotohanan. Maging ang mga lider ng bansa na nasa kapangyarihan, pati na rin ang mga sikat na tao, kahit na may kaalaman sila, ay namumuhay rin lahat sa disposisyon ni Satanas. Wala sila ni katiting na katotohanan at kaya nilang magsagawa ng maraming gawaing sumusuway at lumalaban sa Diyos. May kakayahan pa nga silang magsagawa ng mga masasama at kakatwang gawa. Mayroon man silang pananampalataya o wala, wala ni isa sa kanila ang kayang tumanggap sa katotohanan o ang tunay na sumusunod sa Diyos. Wala ni isa sa kanila ang nagpapasakop o sumasamba sa Diyos. Wala silang anumang sinasabi upang itaas ang Diyos o magpatotoo sa Kanya. Ang mga salitang binibigkas nila ay walang pananampalataya sa Diyos, lahat ay tumatanggi at lumalaban sa Diyos; ang lahat ng mga ito ay mga heretikal na kamalian, lahat ay mga salitang sumusuway sa Langit, at pawang mga maka-diyablong salita. Kung gayon, anumang sistema ang gamitin ng mga tao upang pamahalaan ang kanilang mga bansa, hindi sila magpapasakop sa Diyos, hindi nila sasambahin ang Diyos, hindi nila tatanggapin ang anumang katotohanang ipahayag Niya, o pamamahalaan ang kanilang mga bansa nang ayon sa Kanyang mga salita at sa katotohanan. Isinusulong nila ang pamamahala batay sa panuntunan ng batas at ng siyensya. Ipinapakita nito na ang tinatahak nila ay ang landas na taliwas at laban sa Diyos. Ang mga bansang tulad ng mga ito ay hindi pinagpapala ng Diyos. Ang anumang bansang pinamumunuan ng mga demonyong hari ay pinakakontra sa Diyos at isinusumpa Niya. Napagpasyahan ng Diyos na dapat nang wasakin ang mga bansang ito. Dahil dito, kung itataboy at wawasakin man ng Diyos ang isang bansa, hindi ito pangunahing nakadepende sa kung demokratiko ba ito o hindi. Ang mahalagang bagay ay ang makita kung anong uri ng mga tao ang bumubuo sa grupong nasa kapangyarihan sa bansang iyon. Kung ang lahat ng mga nasa kapangyarihan ay maka-diyablo, sataniko, kung lahat sila ay isang pangkat ng mga demonyong lumalaban sa Diyos, ang bansang iyon ay kinamumuhian at isinusumpa Niya, at wawasakin Niya ito.

Kung hindi hahangarin ng mga lider at manggagawa ng iglesia ang katotohanan at isasagawa nila ang kanilang gawain nang walang prinsipyo, ano ang mga kahihinatnan nito? Tiyak na hindi nila matatanggap ang pagsang-ayon ng Diyos. Iniisip ng ilang lider at manggagawa, “Taglay ko man ang katotohanan o hindi, kung isasagawa ko ang demokrasya sa lahat ng bagay at hindi ako kikilos sa paraang diktatoryal, matitiyak kong hindi masama ang ginagawa ko. Sa ganitong paraan, hindi ako ititiwalag ng Diyos. Kung magagawa ko nang maayos ang aking gawain, sasang-ayunan ako ng Diyos.” Tama ba ang pahayag na ito? Nauunawaan ba ninyo ang sinasabi nila? Ang hindi ba pagkilos sa paraang mapandikta ay magpapatunay na naaayon sa mga layunin ng Diyos ang mga taong ito? Ang pagsasagawa ba ng demokrasya ay nagpapatunay na kumikilos sila nang may mga prinsipyo? Bagama’t tila makatwiran ang ganitong paraan ng pag-iisip, ang katunayan ay mali ito. Para sa mga lider at manggagawa na hindi naghahangad sa katotohanan, gaano man sila magsagawa, palagi itong magiging taliwas at mali. Ang tama lamang ay ang paglakad sa landas na naghahangad ng katotohanan. Ang tanging naaangkop na pamamaraan ay ang magawa ng mga lider at manggagawa na ipagpatuloy ang paglakad sa landas na naghahangad ng katotohanan at, anumang sitwasyon ang kaharapin nila, magabayan ang lahat na ibahagi ang katotohanan ayon sa mga salita ng Diyos at mahanap ang landas ng pagsasagawa ng katotohanan. Tama ba o mali para sa mga lider at manggagawa na palaging isagawa ang pamamaraan kung saan ang lahat ay nakapagpapahayag ng kanilang mga opinyon at iniisip? (Mali ito.) Saan ito nagiging mali? (Walang sinuman ang nagtataglay ng katotohanan.) Iyon ang totoo. Walang nagtataglay ng katotohanan. Paano man sila magbahaginan, maaari bang umayon sa katotohanan ang mga konklusyon mula sa kanilang pagbabahaginan? Hindi iyon posible. Dahil dito, ano ang dapat gawin ng isang tao upang umayon sa katotohanan? (Tingnan ang sinabi ng Diyos. Dapat hanapin ng isang tao ang landas sa Kanyang mga salita.) Ano ang palagay ninyo sa pahayag na ito? Wala nang mas tatama pa rito. Ang mga lider at manggagawa ay dapat magbahaginan tungkol sa katotohanan ayon sa salita ng Diyos sa lahat ng bagay, at dapat ay hanapin nila ang landas sa Kanyang mga salita; sa ganitong paraan lamang magkakaroon ng mga tamang konklusyon. Pagdating naman sa kung paano nagbabahaginan ang lahat tungkol sa mga katotohanang prinsipyo at kung nahahanap nila nang tama ang mga prinsipyo, ito ay panibagong usapin. Kung kaya mong pamunuan ang lahat upang mabasa ang mga salita ng Diyos para mahanap ang katotohanan at mahanap ang mga prinsipyo, ipinapakita nito na isa kang taong naghahangad ng katotohanan. Kung magagawa mo lamang na makapagbahagi ang lahat at makapagpahayag ng kanilang mga opinyon nang hindi nagbabanggit ng anumang bagay patungkol sa paghahanap ng pundasyon sa mga salita ng Diyos o paghahanap sa mga prinsipyo sa Kanyang mga salita, hindi ka isang taong naghahangad ng katotohanan; sinusubukan mong ayusin ang mga bagay nang walang pagsasaalang-alang sa mga prinsipyo. Kung sa huli ay mapapaboto mo ang lahat sa pamamagitan ng pagtataas ng kamay at masusunod ang mas nakararami, naaayon ba ito sa mga prinsipyo? Posible na minsan, sa hindi sinasadyang pagkakataon, ay umayon ito sa ilang prinsipyo o hindi lumampas sa saklaw ng mga prinsipyo. Ngunit kadalasan, hindi ito aayon sa mga prinsipyo dahil hindi mo hinahanap ang mga prinsipyo; nakikinig ka lamang sa mga walang basehang komento ng lahat, kung saan ang mga may pinakamalakas at pinakamatinis na boses ang siyang may huling salita. At ano ang kahahantungan sa huli ng lider na ito? Wala siyang papanigan at makikinig na lamang sa kung alinmang opinyon ang mas malakas. Tulad lang ito ng pagsasagawa ng ilang lider ng botohan sa pamamagitan ng pagtataas ng kamay kapag nagpapatalsik ng masasamang tao at mga anticristo. Kahit pa isang tao lang ang hindi sumang-ayon, hindi nila patatalsikin o paaalisin ang taong ito. Kahit ang mga sasabihin Ko ay walang anumang silbi. Hindi ba’t pagbabalewala ito sa Diyos? Para balewalain nila ang Diyos at sabihin pa ring hinahanap nila ang katotohanan ay napakalaking kalokohan! Ano ang pinakaresulta kapag ang lahat ay nagbahaginan ng katotohanan at naghanap ng mga prinsipyo? Ang kahihinatnan ng pagbabahaginang ito ay aayon sa mga salita ng Diyos, sa katotohanan, at sa mga prinsipyo; tumutugma ito sa Kanyang mga layunin. Kung, matapos ang mahabang pagbabahaginan, magkaroon ng isang kasunduan na kapag ipinatupad ay magdadala ng kapahamakan sa mga interes ng sambahayan ng Diyos at hindi makapagdudulot ng mga benepisyo para sa mga hinirang ng Diyos, ang resulta ng kasunduang ito ay hindi naaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Tiyak na taliwas ito sa mga salita ng Diyos. Walang pagdududa. Kung ganoon, ano ang diwa ng resulta ng kasunduang ito? Isa itong walang kabuluhang doktrina na magandang pakinggan, naaayon sa mga sekular na pamamaraan ng mundo, akma sa panlasa ng lahat, at may pakinabang sa interes ng lahat, ngunit hindi ito naaayon sa mga katotohanang prinsipyo ng sambahayan ng Diyos. Magulo ang isip ng ilang mga lider; hindi nila hinahangad at hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Matapos magbahaginan ang lahat, pinipili ng mga lider na ito ang mga resulta na tugma sa sarili nilang mga kagustuhan, ngunit sa katunayan ay taliwas sa mga katotohanang prinsipyo. Naniniwala silang patas at makatwiran at lubos na naaayon sa katotohanan ang kanilang ginagawa. Sa katunayan, hindi nila nauunawaan na ang salita ng Diyos ay ang katotohanan. Mas kaunti ang pagkaunawa nila tungkol sa mga katotohanang prinsipyo. Naghahanap sila ng resulta mula sa pagbabahaginan ng lahat na naaayon sa gusto nila, at iniisip nila, “Tingnan ninyo kung gaano ako kademokratiko. Hindi ako diktatoryal. Tinatalakay ko ang lahat ng bagay sa lahat ng tao, at sa huli, desisyon ito ng lahat. Pinagbotohan namin ito sa pamamagitan ng pagtataas ng kamay. Resolusyon ito ng nagpapasyang grupo; hindi ito isang desisyong ako lamang ang may gawa.” Medyo natutuwa sila sa kanilang mga sarili, ngunit nauuwi sila sa pagtataksil sa mga interes ng sambahayan ng Diyos at sa katotohanan ng Kanyang mga salita, tinatapakan ang Kanyang mga hinihingi. Nasisiyahan at nakikinabang ang lahat. Ngunit masisiyahan ba rito ang Diyos? Sasang-ayunan ba Niya ito? Ano ang mararamdaman ng Diyos sa Kanyang puso? Walang pakialam ang mga lider na ito sa ganitong mga bagay; isinasagawa lamang nila ang gawain ng iglesia sa ganitong paraan. Kung huwad na lider o anticristo man sila, dapat magkaroon ng kakayahan ang lahat na makita ito. Marami bang ganitong pangyayari sa mga iglesia saanman? Tiyak na hindi kaunti ang mga ito.

Upang makuha ang pabor ng mga tao at matiyak ang muling pagkakahalal bilang isang lider, may ilang lider ng iglesia na nagsasagawa ng mga demokratikong prinsipyo sa lahat ng kanilang ginagawa sa ilalim ng pagpapanggap na hindi sila mapandikta. Ginagamit nila ito bilang isang paraan upang makuha ang simpatya ng mga tao, ngunit ang totoo ay ginagawa nila ito upang patatagin ang sarili nilang katayuan. Hindi ba’t pag-uugali ito ng isang anticristo? (Oo.) Tanging isang anticristo lamang ang kikilos nang ganito. Ginagawa rin ba ninyo ang ganitong mga bagay? (Minsan.) At pinagninilayan ba ninyo kung anong mga intensyon ang namamahala sa mga kilos na ito? Maiintindihan ito kung kasisimula pa lamang ng tao na magsanay sa gawain ng isang lider at hindi nakauunawa sa mga prinsipyo. Ngunit kung naging lider o manggagawa na siya nang ilang taon at pilit pa rin niya itong ginagawa, kawalan na ito ng mga prinsipyo. Isa itong huwad na pamumuno at ang taong ito ay hindi naghahangad ng katotohanan. Kung ang isang tao ay may sariling layunin at mithiin at pilit na ginagawa ito sa ganitong paraan, isa siyang anticristo. Paano ninyo tinitingnan ang ganitong usapin? Ano ang isinasagawa ninyo kapag nahaharap kayo sa ganitong isyu? Kung may sarili kayong mga layunin at hangarin, ano ang dapat ninyong gawin upang lutasin ang mga ito? (Napansin kong may kinikimkim akong ilang layunin sa loob ko. Minsan, natatakot akong sasabihin ng mga kapatid na hindi ako tapat at malinaw sa mga kilos ko, na mag-isa akong gumagawa ng mga desisyon nang hindi sinasabi sa kanila. Kapag ganito ang naiisip ko, tatalakayin at lulutasin ko ang mga usapin kasama ng mga kapatid. Hindi ako gagawa ng mga desisyon nang ako lang.) Katanggap-tanggap na kumonsulta sa iba. Naaangkop na tiyaking nasabihan ang lahat; ito ay pagtanggap sa pangangasiwa ng mga kapatid sa iyong gawain, na nakatutulong sa iyo na gawin ang iyong tungkulin. Gayunpaman, sa mga talakayan ninyo, dapat ka ring sumunod sa mga katotohanang prinsipyo. Kung lilihis ka sa mga katotohanang prinsipyo, maaaring mag-iba ang paksa ng talakayan o masayang ang oras, at hindi ka makararating sa mga wastong konklusyon. Kaya kapag sinisimulan ang talakayan, dapat manguna ang mga lider at manggagawa sa pagbabasa ng mga nauugnay na talata ng mga salita ng Diyos. Sa ganitong paraan, makapagbabahaginan ang lahat ayon sa Kanyang mga salita. Ang ganitong pagbabahaginan ay makapagbibigay ng landas at makapagdudulot ng magagandang resulta. Hindi ka puwedeng tumayo na lamang sa gilid at hayaang magbahaginan ang lahat kung paano man nila gusto. Kung walang sinuman ang may matinding mga opinyon, at hindi nila hinahanap ang katotohanan, walang saysay ang ganitong paraan ng pagbabahaginan, gaano kahaba man ninyo ito gawin. Hindi nito kailanman makakamit ang wastong kahihinatnan. Kaya, kung walang maayos na lider ang iglesia, at pinamamahalaan ito ng isang taong hindi nakauunawa sa katotohanan; kung isa lamang itong grupo ng mga indibidwal na magugulo ang isip, walang anumang matinding mga opinyon, kung ano na lamang ang ibinabahagi, at walang saysay ang idinudulot ng pagbabahagi, ano ang puwedeng maging epekto nito? Ano ang tawag sa sinasabing demokrasyang ito? Bulag na pagtatalo lamang ang lahat ng ito na walang prinsipyo at hindi makapagdudulot ng tamang resulta. Ang ganitong uri ng demokratikong paraan ay hindi magkakaroon ng positibong epekto. Sa kabila ng mga glamoroso at mapambolang pananalita ng lahat, wala talaga silang matinding opinyon, totoong talento, at tunay na pagkatuto. Wala silang kakayahang pamunuan ang mga tao tungo sa tamang landas. Nagpapahayag lamang sila ng mga salitang nanlilinlang sa mga tao, na bigong magkaroon ng anumang positibong epekto. Gayunpaman, hindi ito gagana kung ang isang tao ay magsasagawa lamang ng mga demokratikong konsultasyon nang walang taong nakauunawa sa katotohanang mangunguna kapag nahaharap sa isang sitwasyon. Ang pinakamainam na paraan ay ang hanapin pa rin mismo ng mga lider at manggagawa ang katotohanan, piliin ang mga kaukulang salita ng Diyos, basahin ang mga ito nang mabuti, at masusing pag-isipan ang mga ito. Pagkatapos, puwede nilang dalhin ang mga salita ng Diyos sa pagtitipon upang pagbahaginan at talakayin kasama ang lahat. Tanging sa ganitong paraan makakamit ang mga resulta. Para naman sa mga huwad na lider at anticristo, hindi sila kailanman nagsasagawa ng mga demokratikong konsultasyon anuman ang sitwasyon. Hindi nila hinahayaang magtalakayan o magbahaginan ang mga tao. Nakakapit sila sa kanilang mga layunin at mithiin, nangangambang ang mga demokratikong konsultasyon ang maglalantad o pipigil sa kanilang layunin at mithiin. Dahil dito, kumikilos sila sa mapandiktang paraan, laging naghahangad na sila ang masunod. Kahit na magsagawa sila ng demokratikong pagbabahaginan sa maliliit na bagay, para lamang ito kunin ang pabor ng lahat at pagandahin ang tingin ng iba sa kanila; ginagawa nila ito para lamang patatagin ang sarili nilang katayuan. Kung makakakita kayo ng ilang taong may ganitong mga layunin, dapat ninyo silang bantayan at obserbahan, at kung kinakailangan, dapat ninyo silang ilantad at paghigpitan. Ang tamang lider o manggagawa ay isang taong naghahanap muna mismo sa katotohanan at pagkatapos ay namumuno sa lahat upang magbahaginan tungkol sa mga salita ng Diyos at hanapin ang katotohanan. Sa pagbabahaginan, maaaring hindi lubusang malinaw ang puso ng bawat isa, at maaaring medyo mahirap maunawaan, ngunit sa patuloy nilang pagbabahaginan, mapapasakanila ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Marahil isa sa kanila ang maaaring magpahayag ng liwanag o landas, at habang patuloy na nagbabahaginan ang lahat sa liwanag ng iluminasyong ito at sa daang ito, uusbong ang kalinawan sa kanilang mga puso, na magbibigay-daan upang matukoy nila ang wastong landas ng pagsasagawa. Habang patuloy na sama-samang nagbabahaginan ang lahat, magsasalita sila nang may mas umiigting na kalinawan. Basta’t may isang taong may kaliwanagan at ginagabayan ng gawain ng Banal na Espiritu, magiging tila naliwanagan at nakauunawa na ang lahat. Dapat matutunan ng lahat ng lider at manggagawa na hanapin ang katotohanan sa ganitong paraan. Ang pagsasagawa sa ganitong pamamaraan ay nagbibigay ng pagkakataon sa Banal na Espiritu upang kumilos. Kung palagi kang susunod sa opinyon ng lahat at hindi mo aalamin kung paano kumikilos ang Banal na Espiritu, magiging isang paglihis iyon. Ang pagsunod palagi sa opinyon ng lahat at pagsang-ayon sa itinuturing ng lahat na mainam—anong uri ng pamamaraan ito? Isa itong pamamaraan kung saan ang isang tao ay kumukuha ng pabor, walang pasanin, at hindi nagsasaalang-alang ng gawain ng sambahayan ng Diyos. Bagama’t ang nakikita ay nagampanan mo ang iyong gawain, napahintulutan ang mga tao na magbahaginan at magpahayag ng kanilang mga opinyon, naisagawa ang demokrasya, at naiwasan ang maladiktador na pamamahala o pagkilos nang ayon sa iisang panig, ang layunin mo ay makakuha ng pabor, magawang tingalain ka ng mga tao, sang-ayunan ka, sabihing hindi ka nandidikta, sabihing makatwiran ka, at sabihing kaya mong gawin ang gawain. Pagkatapos nito, kontento ka na. Tama bang gawin ito? Puwede bang maging tama ang mga resulta kung hindi tama ang layunin mo? Hindi, talagang hindi puwede. Nakuha mo ang pabor ng lahat, at napasaya mo sila. Sinasabi nilang lahat na isa kang mabuting lider, hindi isang huwad na lider o isang anticristo, at kaya mong gawin ang gawain; sinusuportahan ka nilang lahat—ngunit sino ang makikinabang sa huli? Ikaw. Magandang resulta ba ito? Hindi. Una sa lahat, hindi ka nagpatotoo para sa Diyos, at pangalawa, hindi mo pinagtibay ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Ang huling resulta ay pinrotektahan mo ang mga interes mo at ng lahat ng iba pang tao, at pinrotektahan mo ang sarili mong katayuan, ngunit walang nagprotekta sa mga interes ng sambahayan ng Diyos at ng iglesia. May magandang pagkakasunduan sa pagitan ninyong lahat, ngunit naisantabi ang mahalagang gawain ng sambahayan ng Diyos. Walang nagbibigay-pansin o nagsasaalang-alang kung paanong ang gawain ng sambahayan ng Diyos ay dapat na umaayon sa mga prinsipyo at sa mga hinihingi ng Diyos. Hindi ba’t pagtataksil ito sa mga interes ng sambahayan ng Diyos? Pinagtaksilan mo ang katotohanan, ang mga hinihingi ng Diyos, at ang gawain at mga interes ng sambahayan ng Diyos, upang makakuha ng pabor sa lahat. Sa huli, makikinabang ka at ang lahat ng iba pang tao. Ang mga ito ay mga kamuhi-muhi, mababang uri ng mga tao at isang grupo ng mga traydor. Ito ang landas na tinatahak ng mga anticristo. Sa pamamagitan ng pagtataksil sa mga interes ng sambahayan ng Diyos upang pasiyahin ang lahat at panatilihin ang sarili mong katayuan, sa huli ay itinataguyod at sinusuportahan ka ng lahat, nang sa gayon ay palagi ka nilang pipiliin bilang kanilang lider. Napatibay mo ang iyong katayuan, ngunit naisakatuparan ba sa iglesia ang mga layunin at katotohanan ng Diyos? (Hindi.) Hinadlangan mo ang mga ito. Hindi naisakatuparan ang kalooban ng Diyos sa iglesia na kinokontrol mo. Hindi naisagawa sa mga kapatid ang mga salita ng Diyos at hindi ito pumasok sa mga puso ng mga hinirang ng Diyos upang maging buhay nila. Sino ang pangunahing may sala rito? Ikaw. Naging isa kang barikada at hadlang sa pagsasakatuparan ng kalooban ng Diyos sa iglesia—paanong hindi magagalit sa iyo ang Diyos? Hindi ba’t dapat kang palitan? Ano ang kahihinatnan mo kung panahon na para palitan ka ngunit wala pa ring sumasang-ayon? Magiging anticristo ka. Ang mga sumasamba at sumusunod sa iyo ay naakay mo lahat sa maling landas, nawalan ng pagkakataong maligtas, at naging mga alay mong tupa. Sa ilalim ng iyong kontrol, ang iglesia ay naging isang kaharian ng anticristo. Ito ang mga kahihinatnan. Bakit walang pumapayag na palitan ka? Nabili mo silang lahat, at Diyos na ang tingin nila sa iyo ngayon. Kinuha mo ang lugar ng Diyos sa kanilang mga puso, sinakop mo ang buong puso nila. Wala na silang Diyos o katotohanan sa kanilang mga puso; nabihag at kontrolado mo na sila. Wala itong pinagkaiba sa kung paano kinokontrol at ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao. Inilagay ng Diyos ang mga taong ito sa iyong mga kamay, ngunit ninakaw at hinablot mo sila. Hindi ba’t isa itong anticristo? Tunay ngang isa itong anticristo. Anong papel ang ginagampanan ng isang anticristo sa iglesia? Lantaran itong mapapansin at madaling makita. Ang isang anticristo ay isang ahente ni Satanas na siyang nagsasagawa ng lahat ng bagay na nais ni Satanas at tumutupad sa layunin ni Satanas na linlangin at kontrolin ang mga tao. Sa paggawa nito, sila ay nagiging kasabwat ni Satanas at nararapat isumpa at parusahan ng Diyos.

Sa ngayon, ang lahat ng nagsisilbi bilang mga lider at manggagawa ay takot na tahakin ang landas ng isang anticristo. Kung gayon, ano ang maaari ninyong gawin upang maiwasan ang resultang ito? Una, dapat mong maunawaan na ang mga tungkuling ginagampanan mo at ang gawaing isinasagawa mo ay mga atas na mula sa Diyos, at dapat mong isagawa ang iyong gawain alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos. Sa paggawa nito, magkakaroon ka ng layunin at direksyon sa iyong isipan, at magagawa mong hanapin ang katotohanan at hanapin ang landas sa mga salita ng Diyos. Pagkatapos ay dapat mong pamunuan ang lahat upang magbahaginan tungkol sa mga nauugnay na talata ng mga salita ng Diyos at bigyan sila ng daan upang makapagbahaginan tungkol sa katotohanan ayon sa Kanyang mga salita, upang magkaroon ng higit pang kaliwanagan sa mga salita ng Diyos, upang maunawaan ang mga layunin ng Diyos at ang katotohanan, at pagkatapos ay magsagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ito ay pagtahak sa tamang landas. Sa diwa, ang gawain ng iglesia ay ang akayin ang mga hinirang ng Diyos sa pag-unawa at pagpasok sa lahat ng katotohanang ipinahahayag ng Diyos. Ito ang pinakamahalagang gawain ng iglesia. Kaya, anumang problema ang nilulutas, walang pagtitipon ang maihihiwalay sa pagbabasa ng mga nauugnay na talata ng mga salita ng Diyos o sa pagbabahaginan tungkol sa katotohanan. Sa huli, kung makakapagbahaginan kayo tungkol sa katotohanan at sa mga prinsipyo ng pagsasagawa hanggang sa malinaw na ang mga ito, mauunawaan ng lahat ang katotohanan at malalaman nila kung paano ito maisasagawa. Alinmang aspeto ng katotohanan ang kinakain at iniinom ninyo sa isang pagtitipon, dapat kayong magbahaginan sa ganitong paraan at hanapin ang katotohanan batay sa mga usaping kinahaharap ninyo. Ang mga nakauunawa sa katotohanan ang siyang dapat manguna sa pagbabahaginan, at iyong mga naliwanagan na ay maaari nang magpatuloy ng pagbabahaginan. Sa ganitong paraan, habang mas nagbabahaginan sila, lalong kikilos sa kanila ang Banal na Espiritu, higit na kalinawan ang makakamit nila. Kapag nauunawaan ng lahat ang katotohanan, makakamit nila ang ganap na liberasyon at kalayaan at magkakaroon sila ng landas na susundan. Ito ang pinakamainam na resultang makakamit ng isang pagtitipon. Kapag pinag-uusapan ng lahat ang patungkol sa katotohanang realidad hanggang sa maging malinaw ito sa pamamagitan ng ganitong uri ng pagbabahaginan, hindi ba’t mauunawaan nila ang katotohanan? (Oo.) Matapos maunawaan ng mga tao ang katotohanan, natural nilang malalaman kung paano ito mararanasan at maisasagawa. Kapag kaya nilang isagawa ang katotohanan sa tamang paraan, hindi ba’t nakamit na nila ang katotohanan? (Oo.) Kapag nakamit na ng isang tao ang katotohanan, hindi ba’t nakamit na niya ang Diyos? Kung nakamit ng isang tao ang Diyos, hindi ba’t natamo na rin niya ang pagliligtas ng Diyos? (Oo.) Kung, sa gawain mo bilang isang lider o manggagawa, makakamit mo ang resultang ito, magagawa mo nang maayos ang iyong gawain, matutupad mo ang iyong tungkulin sa paraang nakaabot sa pamantayan, at matatanggap mo ang pagsang-ayon ng Diyos. Kapag nauunawaan ng lahat ng hinirang ng Diyos ang katotohanan, sasambahin, titingalain, at susundin ka pa rin kaya nila? (Hindi.) Pupurihin at igagalang ka lang ng mga tao, magiging handang makipag-usap at makisalamuha sa iyo, handang makinig sa iyong pagbabahagi upang matuto sila rito. Ang mga nakauunawa sa katotohanan ang siyang maaaring tunay na maging ilaw at asin. Ito ang ibig sabihin ng pagtupad sa tungkulin ng isang tao bilang isang nilikha, at maging isang sapat na nilalang. Kapag naunawaan ng mga tao ang katotohanan at nagkaroon sila ng mas malapit na relasyon sa Diyos, magiging kaayon nila ang Diyos, hindi na sila magrerebelde, magkakamali ng pagkaunawa, o lalaban sa Kanya, at magagawa nilang magbigay ng pagsang-ayon at magpatotoo para sa Diyos anumang usapin ang kanilang harapin. Kung, bilang isang lider o manggagawa, nagsasagawa ka ayon sa mga prinsipyong gaya ng mga ito, bago mo pa mamalayan, nadala mo na ang mga tao sa harapan ng Diyos. Magagawa rin ng mga taong inaakay mo na isagawa ang katotohanan, pumasok sa realidad, at dakilain ang Diyos at magpatotoo sa Kanya. Sa ganitong paraan, makakayanan din ng mga taong inaakay mo ang masang-ayunan at makamit ng Diyos. Dahil dito, kapag may isang lider na tumatahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan, ganap na alinsunod ito sa mga layunin ng Diyos. Hangga’t umaayon sa mga katotohanang prinsipyo ang ginagawa ng mga tao, paganda lamang ng paganda ang mga resulta ng kanilang mga kilos, nang walang ni isang masamang epekto, at makakamit nila ang pagpapala at proteksyon ng Diyos sa bawat bagay. Kahit na magdulot sila ng ilang paglihis kung minsan, bibigyang-kaliwanagan at aakayin sila ng Diyos, at matatagpuan nila ang pagwawasto sa mga salita ng Diyos. Kapag tinahak ng mga tao ang tamang landas, makukuha nila ang pagpapala at proteksyon ng Diyos.

Ano ang layunin sa pagsasagawa ng sambahayan ng Diyos ng mga demokratikong halalan at konsultasyon? Bakit dapat isagawa ang demokrasya? (Upang pigilan ang mga tao na maging batas sa kanilang mga sarili.) Totoo na ito ay para maiwasan ang ganitong problema. Gayunpaman, ang pangwakas na layunin sa pagsasagawa ng mga demokratikong konsultasyon ay ang gamitin ang katotohanan upang lutasin ang mga problema, iwasang magdulot ng mga paglihis, at kumilos alinsunod sa mga layunin ng Diyos. Ito ay upang maunawaan ang katotohanan at makapasok sa tamang landas. Ito ay upang mahanap ang landas na sumusunod sa kalooban ng Diyos, magpasakop sa Kanyang gawain, at maakay ang mga hinirang ng Diyos tungo sa katotohanang realidad upang maisakatuparan ang Kanyang kalooban. Ito rin ay upang magbantay laban sa panlilihis at panggugulo na gawa ng mga huwad na lider at anticristo, upang maiwasang magkaroon ng kaguluhan sa iglesia, at upang protektahan ang buhay ng mga hinirang ng Diyos mula sa pagdurusa na dala ng mga maaaring mawala sa kanila. Sa pagsasagawa ng mga demokratikong konsultasyon, maaaring makamit ang mga ganitong resulta. Kung walang pagbabahaginan sa katotohanan o mga demokratikong konsultasyon sa iglesia, masyadong madaling magkaroon ng kaguluhan at madaling pagsamantalahan ng mga diyablo at Satanas ang mga kahinaan, na magreresulta sa pagkakaroon ng kapangyarihan ng mga huwad na lider at anticristo. Dahil ang lahat ng tao ay may mga tiwaling disposisyon, ang mga lider at manggagawa ang pinakananganganib na kumilos sa mapandiktang paraan, hayaang sila lamang ang makapagsalita, at pagpasyahan ang lahat nang mag-isa. Nagsasagawa ang sambahayan ng Diyos ng mga demokratikong halalan para lamang mapigilan ang mga lider at manggagawa na maging batas sa kanilang mga sarili, at para rin paghigpitan ang mga huwad na lider at anticristo sa pagkakaroon ng kapangyarihan sa iglesia, sa pagiging tanging mga taong may impluwensiya sa mga pagdedesisyon, at maiwasan ang pagdadala sa iglesia sa ilalim ng kontrol ng kanilang mga pamilya. Ito ay tanging para mapaghigpitan ang lahat ng awtoritaryan at anticristong pamamaraan. Gayunpaman, hindi ibig sabihin nito na ibinibigay ng sambahayan ng Diyos sa mga kapatid ang huling salita sa pamamagitan ng pagsasagawa ng demokrasya, at tiyak na hindi ito nangangahulugang dapat pagpasyahan ang lahat sa pamamagitan ng konsultasyon sa mga kapatid. Ang sambahayan ng Diyos ay may demokrasya pati na rin sentralisasyon. Napakahalaga para rito ang pagsasagawa sa ganitong paraan. Ang mga konklusyon ba na nabuo sa pamamagitan lamang ng pagsasagawa ng demokrasya ay tiyak na maiaayon sa katotohanan? Hindi naman. Kaya iyon ang dahilan kung bakit dapat magkaroon ng sentralisasyon. Ano ang kahulugan ng sentralisasyon? Ang ibig sabihin nito ay pagsama-samahin ang opinyon ng lahat upang makapagbigay ng tumpak na konklusyong ganap na naaayon sa katotohanan at sa kalooban ng Diyos. Kapag hindi nagagawa ng mga demokratikong konsultasyon na magkaroon ng mas magagandang resulta, ang kinakailangan upang makamit ang mga resultang ito ay sentralisasyon. Ang paraan ng pagsasagawa ng sentralisasyon ay kung walang mabuong kasunduan ang nagpapasyang grupo matapos magbahaginan tungkol sa isang usapin at hindi ito makagawa ng wastong desisyon, dapat nila itong iulat sa Itaas upang sila ang magpasya. Dahil nauunawaan ng Itaas ang katotohanan at tinataglay nito ang mga prinsipyo, tumpak at alinsunod sa mga layunin ng Diyos ang mga resolusyong gagawin nila. Kung hindi magawa ng mga lider ng iglesia o ng nagpapasyang grupo na ibahagi ang katotohanan sa malinaw na paraan o hanapin ang mga prinsipyo at landas, kung hindi nila alam kung paano magpasya, at, sa ilalim ng mga sitwasyong ito, hindi sila mag-uulat sa Itaas o hihiling sa kanila na gumawa ng resolusyon, at sa halip ay magpasya sa sarili nilang kagustuhan, ang iglesia at nagpapasyang grupo na ito ay kinokontrol ng mga huwad na lider at anticristo. Kung magkakamit ng mga resulta ang mga hinirang ng Diyos sa pamamagitan ng pagbabahaginan tungkol sa katotohanan, at wasto ang magiging mga konklusyon nila, ibibigay ng Itaas ang kanilang pag-apruba. Kung may mga paglihis pa rin sa kanilang mga konklusyon, at hindi sila ganap na naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, iwawasto ng Itaas ang mga ito. Sa ganitong paraan, epektibong maiiwasan ang mga pagkakamali na minsang lumilitaw sa mga demokratikong konsultasyon. Sa pamamagitan ng ganitong sentralisasyon, posibleng magarantiya na ang mga demokratikong konsultasyon ay tatakbo nang normal, hindi magagambala, at, kasabay nito ay walang paglihis sa pagganap ng mga lider at manggagawa sa kanilang mga tungkulin. Bagama’t nagsasagawa ng demokrasya ang sambahayan ng Diyos, mayroon itong mga prinsipyo para dito. Ang mga prinsipyong ito ay dapat itong isagawa nang alinsunod sa katotohanan ng mga salita ng Diyos, at dapat magpasakop ang isang tao sa Diyos at sa lahat ng Kanyang sinasabi sa lahat ng bagay. Dapat makamit ang mga resultang ito upang ito ay maging naaayon sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos para sa demokrasya. Ang mga panghuling resulta ng pagsasagawa ng demokrasya ng iglesia ay dapat umayon sa katotohanan. Kung hindi, dapat ipawalang-bisa ang mga ito. Naniniwala ang ibang tao na ang pagsasagawa ng demokrasya ay nangangahulugang ang mga hinirang ng Diyos ang may huling salita sa lahat ng bagay, at anumang sabihin ng mga kapatid ay dapat igalang at isaalang-alang. Tama ba ito? Tinataglay ba ng mga kapatid ang katotohanan? (Hindi.) Kung pinapayagan silang magkaroon ng huling salita sa lahat ng bagay, ano ang ipinagkaiba nito sa pagpayag na ang mga huwad na lider at anticristo ang magkaroon ng huling salita? Sa parehong kaso, hindi nila taglay ang katotohanan at sila ay mga tiwaling tao. Kung nasa kanila ang huling salita, hindi ba’t hawak ni Satanas ang kapangyarihan? Samakatuwid, ang pagsasagawa ng demokrasya ay hindi nangangahulugan na ang anumang sabihin ng mga kapatid ay katotohanan, tama, at dapat na igalang. Hindi iyon ganoon. Pangunahing isinasagawa ang demokrasya upang bigyang-daan ang bawat tao na magkaroon ng pagkakataong magsalita, magpahayag, magbahagi, at tumupad sa mga sarili nilang responsabilidad, obligasyon, at tungkulin. Gayunpaman, ang awtoridad para sa paggawa ng isang desisyon ay nasa kamay ng mga nagpapasyang grupo. Ang mga desisyon ay ginagawa ng mga taong nakauunawa sa katotohanan, at ang lahat ng mahahalagang bagay ay pinagpapasyahan ng Itaas. Sa ganitong paraan, magagarantiyahan na wasto ang mga desisyong ginagawa ng iglesia sa kabuuan, o wasto ang karamihan sa mga desisyon, at ang mga paglihis ay mababawasan nang mababawasan. Ito ang kahulugan sa likod ng paggamit ng mga demokratikong halalan at konsultasyon. Isinasagawa lamang ang mga bagay na ito upang makamit ang epekto ng pagiging naaayon sa katotohanan sa lahat ng bagay, upang maabot ang punto kung saan nasusunod ang kalooban ng Diyos, kakaunti o walang nagagawang pagkakamali, at upang magarantiya na naisasakatuparan ang kalooban ng Diyos sa lupa nang walang humahadlang. Kung hindi magsasagawa ng mga demokratikong halalan at konsultasyon, tiyak na maraming masamang tao ang magsasamantala sa mga kahinaang ito, at maraming huwad na lider at anticristo ang kikilos sa mapandiktang paraan. Hindi lamang ito nakaaapekto sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, kundi pati na rin sa buhay-iglesia at sa pagpasok sa buhay ng mga hinirang ng Diyos. Magmula nang magsimulang magsagawa ng mga demokratikong halalan ang sambahayan ng Diyos, marami nang mga huwad na lider at manggagawa ang nabunyag at itiniwalag, at mga masasamang tao na walang pagkakataon na maaaring samantalahin. Marami ring tao na naghahangad sa katotohanan at inaayunan ng mga hinirang ng Diyos ang napili bilang mga lider at manggagawa. Nabigyan sila ng pagkakataong magsanay at gawing perpekto. Ang mga ito ay malilinaw na resulta ng pagsasagawa ng mga demokratikong halalan at nakikita ito ng lahat. Dapat maunawaan ng lahat ng hinirang ng Diyos na ang pagsasagawa ng demokrasya ng iglesia ay makatutulong at kanais-nais sa sambahayan ng Diyos, sa iglesia, at sa mga indibidwal. Dahil ang bawat isang tao sa iglesia ay miyembro ng sambahayan ng Diyos, at wala sa kanila ang tagalabas, ang bawat tao ay may karapatang magsalita, magpahayag, bumoto, at maghalal sa mga usaping nauugnay sa gawain ng iglesia at iba pa. Karapatan ito ng lahat. Gayunpaman, ang pagkakaroon ng karapatang ito ay hindi katumbas ng pagtataglay mo ng katotohanan, o na pinapayagan kang kumilos nang walang pakundangan. Kung aabusuhin mo ang karapatang ito, hindi ba’t dapat kang paghigpitan ng sambahayan ng Diyos? (Oo.) Binigyan ka ng ganitong karapatan upang maisagawa mo ang katotohanan at mapangasiwaan mo ang mga usapin ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ito ay upang itaguyod mo ang mga interes ng iglesia at ng sambahayan ng Diyos. Hindi ito upang mapasaiyo ang huling salita at makakilos ka nang walang pakundangan. Maaaring sumangguni at gamitin ng iglesia ang mga tamang bagay na sasabihin mo. Kung may sasabihin kang maling bagay, at tinanggihan ito, hindi mo ito dapat ipilit. Dapat mong isagawa ang pagtanggap at pagpapasakop. Ang ganitong paraan ng pagsasagawa ay makatutulong sa gawain ng sambahayan ng Diyos.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.