Mga Salita sa Paglilingkod sa Diyos (Sipi 72)

Ang mga gumaganap bilang mga lider ay hindi dapat magbigay ng labis na pansin sa gawain o laging tumutok sa kanilang sariling katayuan, o kaya ay magtakda ng matataas na pamantayan para sa kanilang sarili, at pagkatapos ay mag-isip ng lahat ng posibleng pamamaraan upang lutasin ang problema ng lahat para malaman ng lahat na: “Ako ang lider, may ganito akong posisyon, ganitong katayuan, at may ganito ring kakayahan at kahusayan. At dahil kaya kitang pamunuan, kaya ko ring magkaloob para sa iyo.” Nakagugulo na nakapagsasabi sila ng ganitong mga salita. Sa anong paraan ito nakagugulo? Kung mali ang iyong oryentasyon at kung wala kang prinsipyo sa pamamahala sa iyong mga gawain, lahat ng gagawin mo ay mali at magbubunga ng mga paglihis. Kung mali ang iyong motibasyon, lahat ng gagawin mo ay magiging mali. Tutukan ang paghahanap sa katotohanan, pag-unawa sa katotohanan, pag-unawa sa diwa ng katotohanan ng mga pangitain, at pagiging dalubhasa sa aspetong ito ng mga prinsipyo—ito ang tama. Hangga’t hindi ka lumalampas sa mga hangganang ito kapag may nangyayari sa iyo, o kapag nahaharap ka sa mga problema, matutulungan mo ang iba at malulutas ang kanilang mga paghihirap, at magiging isang kuwalipikadong lider ka. Gayunpaman, kung ilang doktrina lang ang naiintindihan mo, at kung ang mga ito lamang ang gagamitin mo para ihanda ang iyong sarili, kung makikinig ka lang sa mas marami pang sermon, at magpapakadalubhasa sa mas marami pang mga salita upang mamuno, at kung ang ibibigay mo lamang ay ilang doktrina at salita kapag sinusubukan mong lutasin ang mga problema ng isang tao, at bilang resulta ay hindi mo malutas ang alinman sa kanilang mga problema, hindi mo taglay ang realidad ng pagiging isang lider, at isa ka lamang kuwadrong walang laman. Anong klaseng lider ito? (Isang huwad na lider.) Ito ay isang huwad na lider. Hindi mo magampanan ang isang aktuwal na gawain. Kahit na walang magbunyag at mag-ulat sa isang huwad na lider, ang buhay ng mga taong hinirang ng Diyos sa iglesia ay hindi uunlad, magpapatong-patong ang mga problema, at dapat sisihin ang huwad na lider at pababain sa puwesto. Kung isa kang huwad na lider, gaano man kataas ang posisyon mo, isa ka pa ring huwad na lider. Ngayon, kung magagawa mo man o hindi ang isang aktuwal na gawain, at kung isa ka mang huwad na lider o hindi—hindi ito ang pinakamahahalagang bagay. Kung gayon, ano ang pinakamahalaga? Kailangan mo ngayong magmadali sa paghahangad ng katotohanan at tumuon sa buhay pagpasok. Kapag mayroon ka nang buhay pagpasok, nagbago na ang iyong disposisyon, naunawaan mo na ang mga layunin ng Diyos, at kaya mo nang lutasin ang iyong sariling mga maling kalagayan, magiging madali na para sa iyo na lutasin ang mga problema ng ibang tao. Kapag naunawaan mo na ang katotohanan at nakapasok ka na sa katotohanang realidad, matatakot ka pa rin ba na hindi mo kayang lutasin ang mga problema ng ibang tao? Hindi mo kakailanganing mag-alala kung kaya mo bang mamuno nang maayos. Kung taglay mo ang katotohanang realidad, natural mong magagawa nang maayos ang iyong tungkulin at malulutas ang mga aktuwal na problema. Kailangan mo itong maunawaan nang lubusan. Kung hindi mo ito lubos na nauunawaan, at lagi mo na lamang gustong pangalagaan ang iyong katayuan bilang isang lider at patibayin ang iyong magandang imahe sa puso ng mga taong hinirang ng Diyos, mali ang iyong hangarin, at natural lamang na mapapahiya at mabibigo ka. Kung isa kang taong nagmamahal sa katotohanan at nakatutok sa iyong sariling pagpasok sa buhay, at tinalikuran mo ang iyong mga pantaong ambisyon, pagnanasa, at maling mga hangarin, at hindi ka na napipigilan ng mga bagay na ito, magagawa mo nang hangarin ang katotohanan, at natural mong mauunawaan ang bawat aspeto ng katotohanan sa paglipas ng panahon. Sa ganitong paraan, magagamit mo kung ano ang iyong kalakasan pagdating sa pagtulong sa iba at hindi ka mahihirapang gawin ito. Samakatuwid, hindi mo dapat pangalagaan ang iyong katayuan. Ito ay isang kuwadrong walang laman. Wala itong silbi. Wala itong maibibigay na benepisyo sa iyo, at hindi rin ito makatutulong sa iyo upang maunawaan mo ang katotohanan. Bukod dito, maaari ka nitong malinlang na gumawa ng maraming pagkakamali, at maaari din itong maging sanhi ng paglihis ng iyong landas. Para sa tiwaling sangkatauhan, ang katayuan ay isang bitag. Ngunit walang sinuman ang makaiiwas sa hadlang na ito, lahat ay kailangang dumaan dito, nakadepende lamang ito sa kung paano mo ito haharapin. Kung haharapin mo ito gamit ang pamamaraan ng tao, hindi ka makakapigil o makakapaghimagsik laban sa iyong sarili. Malulutas lamang ito gamit ang katotohanan. Kayang lutasin ng katotohanan ang paghihirap na ito. Kung kaya mong hanapin ang katotohanan, matutugunan mo ang ugat ng isyung ito. Kung hindi mo kayang gamitin ang katotohanan upang lutasin ang paghihirap na ito, kung pinipigilan mo lang ang iyong sarili at nagrerebelde ka lang laban sa mga bagay-bagay—nagrerebelde laban sa iyong mga iniisip, iyong mga diskarte, iyong mga ideya, at palagi na lamang nagrerebelde sa ganitong paraan—anong pamamaraan ito? Ito ay isang negatibo at pasibong diskarte. Kailangan mong gumamit ng mga positibong pamamaraan upang malutas ito, ibig sabihin, kailangan mo itong lutasin gamit ang katotohanan, at kailangan mong unawain nang mabuti ang bagay na ito. Tingnan mo muna ang iba’t ibang paraan na ginagamit ng mga anticristo at huwad na lider upang humanap ng kasikatan, pakinabang, at katayuan at ipagtanggol ang kanilang banidad at pagpapahalaga sa sarili. Pagkatapos mong makita nang malinaw ang mga ito, ito ang madarama mo: “Naku, nakahihiya, talagang nakahihiya! Ginagamit ko rin ba ang mga diskarteng ito?” Pagkatapos, magsisimula kang magnilay-nilay tungkol sa iyong sarili at sa lalong madaling panahon ay mapagtatanto mong: “Naku, gumagamit din ako ng marami sa mga pamamaraang iyon, hindi ako masyadong naiiba sa mga anticristo at huwad na lider na iyon.” Magkakaroon ka ng kaunting pagsisisi sa iyong puso, at sasabihin mong, “Hindi ko maipagpapatuloy na protektahan ang aking katayuan at ihayag ang kahihiyang ito,” at magpapasya kang matuto ng isang aral. Tigilan mo ang pagtuon sa kung pinahahalagahan ka ba ng iba, kung gaano karaming problema ang kaya mong lutasin para sa ibang tao, kung mayroon ba o wala na nakikinig sa iyo, o kung gaano karaming tao ang may lugar para sa iyo sa kanilang puso. Kung ang mga bagay na ito ay palaging nasa puso mo, magagambala at maaapektuhan ka, at mababawasan ang oras mo sa paghahangad ng katotohanan. Ginamit mo ang limitado mong lakas at ang mahalaga mong oras sa paghahangad ng iyong mga ambisyon at pagnanais para sa kasikatan, pakinabang, at katayuan. Bilang resulta, hindi mo natamo ang katotohanan at buhay. Bagama’t nakakuha ka ng katayuan at napunan ang iyong mga ambisyon at pagnanasa, wala ka pang buhay pagpasok at nawala mo ang gawain ng Banal na Espiritu. Ano ang kalalabasan nito sa huli? Ititiwalag at parurusahan ka. Bakit ito nangyayari? Maling landas ang pinili mo. Kung naabot mo na ang antas ni Pablo, parurusahan ka sa huli. Ngunit kung hindi mo pa naaabot ang antas ni Pablo, at binaligtad mo ang iyong landas sa tamang panahon, may puwang para sa pagtubos, at may pag-asa pa para sa kaligtasan.

Anuman ang mga problema ng mga nananampalataya sa Diyos, maging sila man ay naghahangad ng katayuan, kasikatan, pakinabang, at kayamanan, o na mapunan ang kanilang personal na mga ambisyon at pagnanasa, anuman ang sitwasyon, ang lahat ng problema ay kailangang malutas sa pamamagitan ng paghahangad ng katotohanan. Walang problemang makalalampas sa katotohanan. Walang bagay na nakahiwalay sa katotohanan. Sa sandaling mawala ang isang tao sa katotohanan sa kanyang pananalig sa Diyos, ang kanyang pananalig ay walang saysay. Walang silbi ang paghahangad sa ibang bagay. Ang ilang tao ay kuntento na sa paggawa ng mga kahanga-hanga at kapuri-puring tungkulin, na nagiging dahilan para tingalain at kainggitan sila ng iba. Kapaki-pakinabang ba ito? Hindi ito ang iyong kalalabasan sa huli, at hindi rin ito ang iyong huling gantimpala, at lalong hindi ito ang iyong hantungan. Dahil dito, anuman ang tungkuling ginagampanan mo, ito ay pansamantala lamang, hindi ito walang hanggan. Ito ay hindi isang pagsang-ayon na ipinagkaloob ng Diyos sa iyo, o isang gantimpala na Kanyang ibinigay sa iyo. Sa huli, kung magtatamo man ng kaligtasan ang mga tao ay hindi nakasalalay sa kung anong tungkulin ang ginagawa nila, kundi kung kaya ba nilang maunawaan at makamit ang katotohanan, at kung, sa huli, ay kaya ba nilang lubos na magpasakop sa Diyos, magpasailalim sa Kanyang pagsasaayos, hindi isaalang-alang ang kanilang hinaharap at tadhana, at maging isang karapat-dapat na nilikha. Matuwid at banal ang Diyos, at ang mga ito ang pamantayan na ginagamit Niya upang sukatin ang buong sangkatauhan. Hindi nababago ang mga pamantayang ito, at dapat mo itong tandaan. Ikintal mo ang mga pamantayan na ito sa iyong isipan, at kahit anong oras, huwag mong isipin na maghanap ng iba pang landas sa paghahangad ng ilang bagay na hindi totoo. Ang mga hinihingi at pamantayan ng Diyos para sa lahat ng nais na matamo ang kaligtasan ay hindi nagbabago magpakailanman. Nananatiling pareho ang mga iyon maging sino ka man. Makakamit mo lamang ang kaligtasan sa pamamagitan ng paniniwala sa Diyos ayon sa mga hinihingi at pamantayan ng Diyos. Kung may nakita kang iba pang landas sa paghahangad ng mga bagay na walang linaw, at iniisip mong magtatagumpay ka dala ng suwerte, isa kang taong lumalaban at nagtataksil sa Diyos, at tiyak na isusumpa at parurusahan ka ng Diyos.