Tanging ang Pagkakilala sa Sarili ang Makakatulong sa Paghahangad ng Katotohanan (Ikatlong Bahagi)

Mabuting bagay ba o masamang bagay kapag nagagawa ng isang tao na matuklasan kung gaano kaseryoso ang problema ng kanyang katiwalian? Isa itong mabuting bagay. Habang mas kaya mong matuklasan ang iyong katiwalian at maunawaan ito nang wasto, at habang mas kaya mong makilala ang sarili mong diwa, mas maaari kang maligtas at mas magiging malapit ka sa pagtanggap ng kaligtasan. Habang mas hindi mo nagagawang matuklasan ang iyong mga problema, palaging naniniwala na ikaw ay mabuti at maayos, mas malayo ka sa landas ng kaligtasan—ikaw ay nasa malaking panganib pa rin. Kung may nakikita kang tao na palaging nagyayabang tungkol sa kung gaano kagaling niyang nagagampanan ang kanyang tungkulin, at ang kanyang kakayahang makipagbahaginan sa katotohanan at magsagawa ng katotohanan, pinatutunayan nito na ang tayog ng taong iyon ay maliit. Siya ay isip-bata, at ang kanyang buhay ay hindi angkop sa kanyang gulang. Anong uri ng tao ang mas may pag-asang makatanggap ng kaligtasan at kayang tahakin ang landas ng pagiging ligtas? Ito ay isang taong tunay na kumikilala sa sarili niyang tiwaling disposisyon. Habang mas malalim niya itong nauunawaan, mas napapalapit siya sa pagiging ligtas. Ang pagkaunawa na ang mga sariling tiwaling disposisyon ng isang tao ay nagmumulang lahat sa satanikong kalikasan, nakikitang wala siyang konsensiya o katwiran, na hindi niya maisagawa ang anumang katotohanan, na nabubuhay lamang siya sa pamamagitan ng kanyang tiwaling disposisyon at walang anumang pagkatao, na siya ay isang nabubuhay na diyablo at isang nabubuhay na Satanas—ito ay tunay na pagkilala sa diwa ng sarili niyang katiwalian. Tila nagiging mas seryoso ang isang problema kung nauunawaan sa ganitong paraan, ngunit ito ba ay mabuti o masamang bagay? (Isang mabuting bagay.) Bagama’t ito ay isang mabuting bagay, ang ilang tao ay nagiging negatibo kapag nakikita nila ang bahagi nila na diyaboliko at sataniko, iniisip na, “Tapos na ako ngayon. Hindi ako gusto ng Diyos. Tiyak na ipadadala ako sa impiyerno. Walang paraan na ililigtas ako ng Diyos.” Ito ba ay isang bagay na nagaganap? Sabihin mo sa Akin, may mga tao bang nagiging mas negatibo habang mas lalo nilang nauunawaan ang kanilang mga sarili? Iniisip nila, “Ganap na akong sira. Ang paghatol at pagkastigo ng Diyos ay nasa akin. Ito ay parusa, ganti. Hindi ako gusto ng Diyos. Wala na akong pag-asang maligtas.” May mga ganito bang maling paniniwala ang mga tao? (Mayroon.) Sa katunayan, habang mas nakikilala ng isang tao ang kanyang kawalan ng pag-asa, mas mayroong pag-asa para sa taong iyon. Huwag maging negatibo, huwag sumuko. Ang makilala ang sarili ay isang mabuting bagay, ito ay isang mahalagang landas sa pagtanggap ng kaligtasan. Kung ganap na hindi nalalaman ng isang tao ang kanyang sariling tiwaling disposisyon at ang diwa ng kanyang paglaban sa Diyos sa iba’t ibang aspekto, at wala man lamang siyang planong magbago, ito ay isang problema. Ang ganitong uri ng tao ay manhid, siya ay patay. Madali bang buhaying muli ang isang taong patay? Sa sandaling siya ay patay na, hindi siya madaling buhayin.

Anong uri ng tao ang binibigyan pa rin ng Diyos ng mga pagkakataon para makapagsisi? Anong uri ng tao ang may pag-asa pa ring maligtas? Anong mga pagpapamalas ang dapat ipakita ng mga taong ito? Una sa lahat, dapat ay mayroon silang pakiramdam ng konsensiya. Anuman ang mangyari sa kanila, matatanggap nila ito sa Diyos, nauunawaan nila sa kanilang puso na ang Diyos ang gumagawa upang iligtas sila. Sasabihin nila, “Hindi ko nauunawaan ang mga layunin ng Diyos, o nauunawaan kung bakit nangyayari sa akin ang ganitong uri ng bagay, ngunit nagtitiwala ako na ginagawa ito ng Diyos upang iligtas ako. Hindi ako maaaring magrebelde sa Kanya o sugatan ang Kanyang puso. Dapat akong magpasakop at maghimagsik laban sa aking sarili.” May ganito silang konsensiya. Bukod dito, tungkol sa katwiran, iniisip nila, “Ang Diyos ang Lumikha. Ako ay isang nilikha. Anuman ang gawin ng Diyos ay tama. Hinahatulan at kinakastigo ako ng Diyos para dalisayin ang tiwali kong disposisyon. Paano man itinuturing ng Lumikha ang Kanyang mga nilikha ay ganap na makatwiran at naaangkop.” Hindi ba’t ito ang katwiran na dapat mayroon ang mga tao? Hindi dapat magkaroon ng mga hinihingi sa Diyos ang mga tao, na nagsasabi, “Tao ako. Mayroon akong personalidad at dignidad. Hindi ko pahihintulutang tratuhin mo ako nang ganito.” Makatwiran ba ito? Ito ay isang satanikong disposisyon, wala itong katwiran ng normal na tao, at hindi ililigtas ng Diyos ang ganitong mga tao; hindi Niya sila kinikilala bilang mga nilikha. Ipagpalagay nating sinabi mo, “Nilikha ako ng Diyos; paano man Niya ako gustong tratuhin ay ayos lang. Maaari Niya akong tratuhin bilang isang asno o kabayo o anuman. Wala akong mga sariling pinagpipilian o hinihingi.” Kung sinabi mo iyan, gugustuhin mo pa rin bang pumili kung ang pagsasagawa ng iyong tungkulin ay medyo mahirap at nakakapagod? (Hindi.) Tama iyan. Dapat kang magpasakop. Paano ka magpapasakop? Sa simula, ang pagpapasakop ay mahirap at hindi madaling tiisin. Palagi mong gustong tumakas at tumanggi. Kaya ano ang dapat mong gawin? Dapat kang lumapit sa Diyos at manalangin, hanapin ang katotohanan, makita nang malinaw ang diwa ng problema, at pagkatapos ay hanapin ang landas ng pagsasagawa. Kailangan mo lamang ilagay ang puso at pagsisikap mo sa pagsasagawa ng katotohanan, nagpapasakop nang paunti-unti. Ito ay pagkakaroon ng katwiran. Dapat ka munang magtaglay ng ganitong uri ng katwiran. Sa sandaling mayroon ng konsensiya at katwiran ang isang tao, ano pa ang kailangan niya? Ang pakiramdam ng kahihiyan. Para sa anong mga sitwasyon kailangan ng isang tao ang pakiramdam ng kahihiyan? Kapag may mali siyang ginawa, kapag inihahayag niya ang kanyang paghihimagsik, kabuktutan, at panlilinlang, kapag siya ay nagsisinungaling at nandaraya—iyon ang panahon na kailangan niya ng kamalayan at pakiramdam ng kahihiyan. Dapat ay alam niya na ang paggawa ng mga bagay-bagay sa ganitong paraan ay hindi umaayon sa katotohanan at walang dignidad, dapat ay marunong siyang makaramdam ng pagsisisi. Ang isang taong walang pakiramdam ng pagsisisi ay isang taong mapangahas at walang kahihiyan na hindi karapat-dapat na tawaging tao. Ganap na katapusan na ito para sa isang taong hindi tumatanggap sa katotohanan. Paano man ibinabahagi ang katotohanan sa kanya, hindi niya ito tinatanggap; at ano man ang sabihin, hindi pa rin siya nagkakamit ng kamalayan. Kawalan ng pakiramdam ng kahihiyan ang tawag dito. Ang mga tao bang walang pakiramdam ng kahihiyan ay nakakaramdam ng pagsisisi? Kung walang pakiramdam ng pagsisisi, ang isang tao ay walang dignidad, at hindi alam ng ganitong tao ang pagsisisi. Kaya bang tumalikod ng mga taong hindi marunong magsisi? (Hindi.) Hindi bibitiwan ng mga taong hindi marunong tumalikod ang kasamaang nasa kanilang mga kamay. “Talikdan ng bawat isa ang kanyang masamang gawi, at ang karahasan na nasa kanilang mga kamay” (Jonas 3:8). Ano ang dapat na tinataglay ng isang tao upang magawa ito? Dapat ay tinataglay niya ang pakiramdam ng kahihiyan at konsensiya. Kapag nagkakamali siya, mahihiya siya sa kanyang sarili at makararamdam ng pagsisisi, at iiwan niya ang mga mali niyang pamamaraan. Kayang tumalikod ng ganitong uri ng tao. Ito ang pinakamababang dapat taglayin ng isang tao sa kanyang pagkatao. Maliban sa konsensiya, katwiran, at pakiramdam ng kahihiyan, ano pa ang kailangan? (Ang pagmamahal sa mga positibong bagay.) Tama iyan. Ang pagmamahal sa mga positibong bagay ay nangangahulugan ng pagmamahal sa katotohanan. Ang mga nagmamahal lamang sa katotohanan ang mga taong may mabubuting puso. Minamahal ba ng masasamang tao ang mga positibong bagay? Minamahal ng masasamang tao ang mga tiwali, masama, at makamandag na bagay; minamahal nila ang lahat ng may kaugnayan sa mga negatibong bagay. Kapag nagsasalita ka sa kanila tungkol sa mga positibong bagay, o kung paanong ang isang bagay ay nagdudulot ng mga pakinabang sa mga tao at nagmumula sa Diyos, hindi sila natutuwa at hindi sila interesadong marinig ang tungkol sa mga ito—wala silang pag-asang maligtas. Gaano man kahusay magbahagi sa katotohanan ang isang tao sa kanila o kung gaano kapraktikal sila kinausap, talagang hindi lang sila interesado, at maaari pa ngang magpahayag ng pagkamapanlaban at antagonismo. Ngunit nagliliwanag ang kanilang mga mata kapag narinig nila ang isang tao na nagsasalita tungkol sa kasiyahan ng laman, at napupuno sila ng enerhiya. Ito ay isang masama at buktot na disposisyon, at hindi mabuti ang kanilang kalooban. Kaya, hindi nila kayang mahalin ang mga positibong bagay. Sa kanilang puso, paano nila pinahahalagahan ang mga positibong bagay? Kinamumuhian at minamaliit nila ang mga ito, kinukutya nila ang mga bagay na ito. Pagdating sa pagiging tapat na tao, iniisip nila, “Ang pagiging tapat ay naglalagay sa atin sa dehadong kalagayan. Hindi ko ito tatanggapin. Kung ikaw ay tapat, isa kang mangmang. Tingnan mo ang iyong sarili, nagtitiis ng paghihirap at nagsisikap nang husto para gampanan ang iyong tungkulin nang hindi isinasaalang-alang ang iyong kinabukasan o kalusugan. Sino ang mag-aalala kung bumagsak ka sa pagod? Hindi ko maaaring pagurin ang sarili ko.” Maaaring sabihin ng iba, “Mag-iwan tayo ng lalabasan para sa sarili natin. Hindi tayo pwedeng magpagod nang todo-todo na parang mga mangmang. Kailangan nating ihanda ang ating ‘backup’ na plano at pagkatapos ay dagdagan pa ang pagsisikap.” Ang masasama ay matutuwa kapag narinig nila ito; tamang-tama ito para sa kanila. Ngunit pagdating sa ganap na pagpapasakop sa Diyos at tapat na paggugol ng sarili para sa tungkulin ng isang tao, nakakaramdam sila ng pagkasuklam at pagkamuhi, at hindi nila ito tatanggapin. Hindi ba’t masama ang ganitong tao? Ang lahat ng taong tulad nito ay may masamang disposisyon. Ang kailangan mo lamang gawin ay magbahagi sa katotohanan at makipag-usap tungkol sa mga prinsipyo ng pagsasagawa kasama sila, at nasusuklam na sila at ayaw nang makinig. Iisipin nilang sinisira nito ang kanilang dangal, sinusugatan ang kanilang dignidad, at hindi sila makikinabang dito. Sa kanilang kalooban ay sasabihin nila: “Tuloy-tuloy lang sa katotohanan, sa mga prinsipyo ng pagsasagawa. Palaging nagsasalita tungkol sa pagiging isang tapat na tao—mapapakain ka ba ng katapatan? Magkakapera ka ba dahil sa pagsasabi ng totoo. Pandaraya ang paraan para kumita!” Anong pangangatwiran ito? Pangangatwiran ito ng isang bandido. Hindi ba’t isa itong masamang disposisyon? Mabuti ba ang kalooban ng taong ito? (Hindi.) Hindi makakamit ng ganitong tao ang katotohanan. Ang kaunting ibinibigay, ginugugol, at tinatalikuran niya ay nakatuon lahat sa isang layunin, isang bagay na noon pa niya kinalkula nang mabuti. Iniisip niyang magandang kasunduan lamang ang mag-alok ng isang bagay kung may makukuha siya rito. Anong disposisyon ito? Ito ay isang buktot at masamang disposisyon.

Ang karamihan ng nananalig sa Diyos ay hindi naghahangad ng katotohanan. Palagi nilang gustong gumawa ng sarili nilang mga balak at pagsasaayos. Dahil dito, kaunti lamang ang nakamit nila matapos ang ilang taon nito—hindi nila mauunawaan ang anumang katotohanan at hindi makakapagbahagi ng patotoong batay sa karanasan. Sa panahong ito, makakaramdam sila ng pagsisisi, at iisipin na pinakamabuti ang magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos at manalig sa Diyos ayon sa Kanyang mga hinihingi. Naramdaman nila na medyo may katalinuhan sila noong panahong iyon, gumagawa ng mga plano ayon sa sarili nilang kagustuhan, ngunit, dahil hindi nila nakamit ang katotohanan, sila ang mga nabigo sa huli. Nakakaunawa at namumulat lamang ang mga tao sa katotohanan sa pamamagitan ng mga kabiguang ito. Tanging kapag nakaranas sila ng ilang antas ng kabiguan sa buhay na sila ay lumalakad sa tamang landas, at nagsisimulang tumahak sa maiikling daan. Kung nananalig sila sa Diyos ayon sa Kanyang mga hinihingi iiwasan nila ang napakaraming pasikot-sikot sa daan. Nauunawaan ng ilang tao ang ilang katotohanan matapos nilang maranasan ang maraming bagay at harapin ang ilang kabiguan at balakid. Nauunawaan nila ang mga bagay na ito, at nagagawa nilang ipagkatiwala ang lahat sa Diyos, kusang-loob na nagpapasakop sa Kanyang pamamatnugot at mga pagsasaayos. Sa puntong iyon, sila ay nasa tamang landas. Ngunit hindi ibinibigay ng mga taong may mga buktot at masamang disposisyon ang kanilang sarili sa Diyos. Palagi nilang gustong sumandig sa mga sarili nilang pagsisikap, palaging nagtatanong, “Ang tadhana ba ay talagang kontrolado ng Diyos? Ang Diyos ba talaga ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay?” Ang ilang tao, na nakikinig sa parehong mga sermon at nakikipagbahaginan sa sambahayan ng Diyos, ay mas sumisigla habang mas nakikinig sila. Bumubuti ang kanilang kalagayan at nakakaranas sila ng pagbabago habang mas nakikinig sila. Ngunit iniisip lamang ng iba na tila nagiging mas lalo itong komplikado, mas hindi maaabot. Ang mga ito ang mga taong walang espirituwal na pang-unawa. At ang iba naman ay nakikinig pa rin sa mga sermon at nakikipagbahaginan at nakakaramdam ng pagtutol at ganap na hindi interesado. Ipinapakita nito ang mga pagkakaiba sa kalikasan ng mga tao, inihihiwalay ang mga tupa sa mga kambing, ang mga nagmamahal sa katotohanan sa mga hindi nagmamahal sa katotohanan. Tinatanggap ng isang grupo ang mga salita ng Diyos, tinatanggap ang katotohanan, at tinatanggap ang mga paghatol at pagkastigo ng Diyos. Hindi tinatanggap ng isa pang grupo ang katotohanan gaano pa man sila nakikinig sa mga sermon. Iniisip nilang ito ay walang kabuluhang pananalita lamang, at kahit pa naiintindihan nila ito, ayaw nila itong isagawa, dahil hindi nila kayang bitiwan ang sarili nilang mga plano, makasariling pagnanasa, at interes. Kaya, hindi sila nagbabago sa kabila ng ilang taon ng paniniwala. Hindi ba gaanong halata ang mga kaibahan sa dalawang grupong ito sa iglesia? Ang mga tunay na naghahangad sa Diyos ay hindi naiimpluwensiyahan anuman ang sabihin ng iba; pilit nilang ginugugol ang kanilang sarili para sa Diyos, naniniwala na ang mga salita ng Diyos ay tama, at na ang pinakamataas na prinsipyo ay ang pagsasagawa ayon sa mga salita ng Diyos. Ang mga buktot at hindi nagmamahal sa katotohanan ay palaging may aktibong pag-iisip. Kung makakakita sila ngayon ng kaunting pag-asa para makatanggap ng mga pagpapala, ibibigay nila ang lahat-lahat at gagawa sila ng mabubuting gawa na makikita ng lahat, umaasa na makukuha nila ang suporta ng mga ito. Ngunit matapos ang ilang panahon, kapag hindi sila pinagpala ng Diyos, nagsisisi sila at nagrereklamo, at ito ang konklusyon nila: “Ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat; hindi Siya nagtatangi—hindi ako ganoon kasigurado na totoo ang mga salitang ito.” Ang nakikita lang nila ay ang mga sarili nilang pangunahing interes; kung hindi nila ito mapakikinabangan, hindi sila kikilos. Hindi ba’t masama ito? Kahit sino pa ang kahalubilo nila, sinusubukan nilang makipagkasunduan sa mga ito, at nangangahas pa nga silang sumubok na gumawa ng mga kasunduan sa Diyos. Iniisip nila: “Kailangan kong kumita, at ngayon na. Kailangan kong kumita agad-agad!” Mapangahas—kalabisan ba kung sasabihing masama ang kanilang disposisyon? (Hindi.) Paano mapatutunayan ang kanilang kasamaan? Kapag nahaharap sila sa isang munting pagsubok o sakuna, hindi nila ito kakayanin at hindi nila gagampanan ang kanilang tungkulin. Pakiramdam nila ay nalugi sila: “Malaki ang ipinuhunan ko at hindi pa rin ako pinagpala ng Diyos. May Diyos pa ba? Ito ba ang tamang daan o hindi?” Ang puso nila ay napupukaw ng pagdududa. Nais nilang kumita, at pinatutunayan nitong hindi kusang-loob at taimtim ang paggawa nila ng mga sakripisyo; sa ganitong paraan sila ay nabubunyag. Ano ang sinabi ng asawa ni Job noong si Job ay nakararanas ng kanyang mga pagsubok? (“Pinananatili mo pa rin ba ang iyong integridad? Sumpain mo ang diyos, at mamatay ka” (Job 2:9).) Siya ay hindi mananampalataya, tinatanggihan at tinatalikuran ang Diyos kapag may tumamang sakuna. Noong nagkaloob ang Diyos ng mga pagpapala, sinabi niya, “Diyos na Jehova, ikaw ang dakilang tagapagligtas! Binigyan mo ako ng napakaraming ari-arian at pinagpala ako. Susunod ako sa iyo. Ikaw ang aking diyos.” At nang kunin ng Diyos ang kanyang mga ari-arian, sinabi niya, “Hindi ikaw ang diyos ko.” Sinabi pa niya kay Job, “Huwag kang manalig. Walang diyos! Kung mayroon, paano niya nagawang hayaan ang mga bandido na tangayin ang ating mga ari-arian? Bakit hindi niya tayo pinrotektahan?” Anong disposisyon ito? Isa itong masamang disposisyon. Sa sandaling nakompromiso ang kanilang mga interes, at ang mga sarili nilang layunin at pagnanais ay hindi natupad, sila ay nagagalit, nagrerebelde, at nagiging isang Hudas, pinagtataksilan at tinatalikuran ang Diyos. Maraming tao ba ang tulad nito? Maaaring umiiral pa rin sa iglesia kahit paano ang gayong mga hayag na masasamang tao at hindi mananampalataya. Ngunit ito lamang ang uri ng kalagayang mayroon ang ilang tao; ibig sabihin, taglay nila ang ganitong disposisyon, ngunit hindi naman talaga ganito ang kanilang uri. Gayunpaman, kung may ganito kang uri ng disposisyon, kailangan ba itong mabago? (Oo.) Kung may ganito kang uri ng disposisyon, ibig sabihin nito na masama rin ang kalikasan mo. Taglay ang ganitong masamang disposisyon, kaya mong salungatin ang Diyos, pagtaksilan ang Diyos at kumilos nang may pagkamapanlaban sa Kanya anumang oras. Ang bawat araw na hindi mo binabago ang mga tiwaling disposisyong ito ay isang araw na hindi ka kaayon ng Diyos. Kapag hindi ka kaayon ng Diyos, hindi ka makakalapit sa harap Niya at hindi mo mararanasan ang Kanyang gawain at wala kang paraan upang makatanggap ng kaligtasan.

Si Job ay isang taong may tunay na pananampalataya. Nang pagpalain Siya ng Diyos, pinasalamatan niya ang Diyos. Nang disiplinahin at pagkaitan siya, pinasalamatan din niya ang Diyos. Sa dulo ng kanyang karanasan, nang matanda na siya at kinuha ng Diyos ang lahat ng mayroon siya, paano tumugon si Job? Hindi lamang siya hindi nagreklamo; pinuri niya ang Diyos at nagpatotoo para sa Kanya. May buktot na disposisyon ba rito? Isang masamang disposisyon? (Wala.) Naghimagsik ba si Job matapos niyang mawalan ng napakaraming ari-arian? Nagreklamo ba siya? (Hindi.) Hindi siya nagreklamo, pinuri niya ang Diyos. Anong disposisyon ito? Kabilang dito ang ilang bagay na dapat taglay ng isang normal na pagkatao: konsensiya, katwiran, at pagmamahal sa mga positibong bagay. Una sa lahat, si Job ay may konsensiya. Sa kanyang puso, alam niya na ang lahat ng mayroon siya ay kaloob ng Diyos, at pinasalamatan niya ang Diyos para rito. Bilang karagdagan, mayroon din siyang katwiran. Alin sa mga pahayag niya ang nagpapatunay na siya ay may katwiran? (Sinabi niya: “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova” (Job 1:21).) Ang pahayag na ito ay nagpapatotoo sa tunay na karanasan at pag-unawa ni Job sa mga pagsubok ng Diyos; ipinapahiwatig nito ang tunay niyang tayog at pagkatao. Ano pa ang taglay ni Job? (Ang pagmamahal sa katotohanan.) Paano ito nasusukat? Paano natin makikita ang pagmamahal niya sa katotohanan sa usapin ng pagkakait sa Kanya ng Diyos? (Nang may nangyari sa kanya, nagawa niyang hanapin ang katotohanan.) Ang paghahanap sa katotohanan ay pagpapamalas ng pagmamahal sa katotohanan. Nang nangyayari sa paligid niya ang mga bagay-bagay, kahit pa hindi komportable o nasasaktan si Job, hindi siya nagreklamo—hindi ba’t pagpapamalas ito ng pagmamahal sa katotohanan? At ano pa ang isang mahalagang pagpapamalas ng pagmamahal sa katotohanan? (Ang kakayahang magpasakop.) Paano natin malalaman na ito ay praktikal at wastong pagpapamalas ng pagmamahal sa katotohanan? Madalas sabihin ng mga tao, “Ang lahat ng ginagawa ng Diyos para sa mga tao ay kapaki-pakinabang at taglay ang mga mabuti Niyang kalooban.” Ito ba ang katotohanan? (Oo.) Ngunit kaya mo ba itong tanggapin? Kaya mo itong tanggapin kapag pinagpapala ka ng Diyos, ngunit kaya mo ba itong tanggapin kapag binawi Niya ito? Hindi mo ito kayang tanggapin, ngunit kaya ni Job. Itinuring niya ang pahayag na ito bilang ang katotohanan—hindi ba’t minamahal niya ang katotohanan? Nang kunin ng Diyos ang lahat ng mayroon si Job, na nagdulot sa kanya ng matinding kawalan, at nang magdusa si Job ng gayong seryosong karamdaman, dahil sa isang pahayag na ito—“Ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay tama at taglay ang Kanyang mabuting kalooban”—at dahil naunawaan ni Job sa kanyang puso na ito ang katotohanan, gaano pa man siya katindi nagdusa, maipipilit pa rin niya na ang pahayag na ito ay wasto. Iyan ang dahilan kung bakit sinasabi nating mahal ni Job ang katotohanan. Higit pa rito, anuman ang paraang ginamit ng Diyos para subukin si Job, tinanggap niya ito. Ito man ay ang pagbawi ng mga bagay o ang pagpapadala ng mga bandido para tangayin ang mga ito, o maging ang pagpapahirap kay Job sa pamamagitan ng mga sugat, ang lahat ng ito ay salungat sa kuru-kuro ng mga tao—pero paano itinuring ni Job ang mga ito? Nagreklamo ba siya sa Diyos? Hindi siya nagbitaw ng kahit isang salita ng paninisi sa Diyos. Ito ay pagmamahal sa katotohanan, pagmamahal sa katarungan, at pagmamahal sa katuwiran. Sa puso niya, sinabi niya, “Napakapatas ng Diyos sa ating mga tao at napakamakatuwiran! Anumang gawin ng Diyos ay tama!” Kaya, kaya niyang purihin ang Diyos, na sinasabi, “Anuman ang gawin ng Diyos, hindi ako magrereklamo. Sa mga mata ng Diyos, ang mga nilikha ay mga uod lamang. Paano man sila itinuturing ng Diyos ay ayos lang at makatwiran.” Naniwala siya na ang lahat ng ginawa ng Diyos ay tama, isang bagay na positibo. Sa kabila ng kanyang matinding sakit at kawalan ng ginhawa, hindi siya nagreklamo. Ito ay tunay na pagmamahal sa katotohanan na dapat hangaan ng lahat; at ang lahat ng ito ay praktikal na ipinakita. Gaano man karami ang nawala sa kanya o gaano man kahirap ang naging sitwasyon niya, hindi nagreklamo si Job tungkol sa Diyos; nagpasakop siya. Ito ay pagpapamalas ng pagmamahal sa katotohanan. Napagtagumpayan niya ang mga sarili niyang paghihirap; hindi siya nagreklamo tungkol sa Diyos sa mga ito o humingi ng anuman sa Diyos. Ito ay pagmamahal sa katotohanan, ito ay tunay na pagpapasakop. Tanging ang mga tunay na nagpapasakop lamang ang mga taong nagmamahal sa katotohanan. Ang ilang tao ay mahusay sa pagsasalita ng mga doktrina at pagsigaw ng mga islogan sa mga ordinaryong panahon, ngunit kapag may seryosong bagay na nangyari sa kanila, lagi silang may hinihingi sa Diyos, at walang tigil na nagmamakaawa sa Kanya: “O, Diyos, tanggalin Mo po ang sakit ko! Ibalik Mo po ang yaman ko!” Ito ba ay pagpapasakop? Hindi sila mga taong nagmamahal sa katotohanan. Mahilig silang magsinungaling at manlinlang ng ibang tao, at may pagmamahal sa yaman at pakinabang sa kanilang puso. Hindi labis na pinahalagahan ni Job ang mga materyal na pakinabang at ang lahat ng kanyang mga ari-arian, mayroong dalisay na pag-unawa sa lahat ng mga ito, kaya nagawa niyang magpasakop. Sa kanyang puso, naunawaan ni Job ang mga bagay na ito. Sinabi niya, “Gaano man kalaki ang kinikita ng isang tao sa buhay na ito, ang lahat ng ito ay mula sa Diyos. Kung hindi ka pahihintulutan ng Diyos na kumita, hindi ka kikita kahit na isang sentimo. Kung pahihintulutan Niya ito, magkakaroon ka ng kung gaano karami ang ibinibigay Niya sa iyo.” Malinaw niyang nakita ang katotohanan ng kataas-taasang-kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay, tumanim ang katotohanang ito sa kanyang puso. “Ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay”—ang pangungusap na ito ay walang tandang pananong para kay Job, kundi may tandang padamdam. Ang pangungusap na ito ang naging buhay niya at nanatili sa puso niya. Ano pa ang likas sa pagkatao ni Job? Bakit niya sinumpa ang sarili niyang kaarawan? Mas gugustuhin pa niyang mamatay kaysa makita siya ng Diyos na nahihirapan at magdalamhati ang Diyos para sa kanya. Anong katangian ito, anong diwa? (Kabaitan.) Ano ang mga pangunahing pagpapamalas ng kabaitan ni Job? Siya ay may konsiderasyon at maunawain sa Diyos, at kaya niyang mahalin at palugurin ang Diyos. Kapag ang isang tao ay may ganitong mga katangian, siya ay may karakter. Paano nabubuo ang karakter? Tanging ang isang tao lamang na nakakaunawa sa katotohanan, matatag sa kanyang patotoo sa mga panahon ng pagsubok ng Diyos at tukso ni Satanas, kayang mamuhay gaya ng isang tao, naaabot ang pamantayan ng pagiging tao, at nagtataglay ng ilang dami ng katotohanan, ang may karakter. Pagdating sa pagkataong diwa, nagawa ni Job na isumpa ang kanyang kaarawan dahil lamang sa may mabuti siyang puso at na mas pipiliin niyang mamatay na lamang kaysa sa makita siya ng Diyos na nasasaktan, na magdudulot sa Diyos ng pagdadalamhati at pag-aalala. Ito ang pagkatao ni Job. Mamahalin at pagmamalasakitan lamang ng isang tao ang Diyos kung siya ay may mabuting pagkatao at diwa. Kung wala siya nito, siya ay magiging manhid at matigas ang puso. Ihambing ito kay Pablo, na ganap na kabaligtaran ni Job. Laging pinangangalagaan ni Pablo ang kanyang sarili, at nagnanais pa ngang makipagkasunduan sa Diyos. Nais niyang magkamit ng korona, nais niyang maging Cristo at palitan si Cristo. At nang hindi niya makuha ang korona niya nagtangka siyang makipagtalo sa Diyos at litisin ang Diyos. Walang katwiran! Ipinapakita nito na walang pakiramdam ng kahihiyan si Pablo. Dapat magbago ang mga taong may tiwaling disposisyon ni Satanas. Kung nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, at kayang tanggapin at isagawa ang katotohanan, magagawa niyang magpasakop sa Diyos. Hindi na niya sasalungatin ang Diyos at siya ay magiging kaayon Niya. Ang gayong tao ay nakakamtan ang katotohanan at buhay. Ito ang uri ng nilikha na ninanais ng Diyos.

Hulyo 13, 2018