Tanging ang Pagkakilala sa Sarili ang Makakatulong sa Paghahangad ng Katotohanan (Ikalawang Bahagi)

Ano ang mga kondisyon upang ang isang tao ay maligtas? Una, dapat niyang unawain ang katotohanan at kusang tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos. Pagkatapos, dapat niyang taglayin ang kahandaang makipagtulungan, kayanin na maghimagsik laban sa sarili, at kusang bitiwan ang kanyang mga makasariling hangarin. Ano ang kabilang sa mga makasariling hangarin? Ang mukha, katayuan, banidad, iba’t ibang aspekto ng pansariling interes ng isang tao, pati na rin mga plano, nais, inaasahan, at hantungan—sa malapit o malayong hinaharap man ito—kasama ang lahat ng ito rito. Kung mahahanap mo ang katotohanan upang lutasin ang mga tiwaling disposisyong ito, habang isa-isang nagkakamit ng mga tagumpay sa mga ito at unti-unting tinatalikdan ang mga ito, sa gayon ay unti-unting magiging mas madali para sa iyo ang pagsasagawa sa katotohanan, at maaabot mo ang isang kalagayan ng pagpapasakop sa Diyos. Unti-unting lalago ang iyong tayog. Kapag naunawaan mo na ang katotohanan at unti-unti mo nang malinaw na nakikita at natatalikdan ang mga makasariling hangaring ito, magbabago ang disposisyon mo. Ano nang antas ng pagbabago ang naabot ninyo ngayon? Batay sa mga obserbasyon Ko, talagang hindi pa kayo nakakapasok sa mga katotohanang realidad na ito ng mga pagbabago sa disposisyon. Kaya, ano ang inyong kasalukuyang tayog, at sa anong kalagayan kayo namumuhay ngayon? Ang karamihan sa inyo ay natigil at nananatiling nakatigil sa antas ng pagganap sa tungkulin: “Dapat ko bang gampanan ang tungkulin ko o hindi? Paano ko maayos na magagampanan ang tungkulin ko? Ang ganitong pagganap ba sa tungkulin ko ay pabasta-basta?” Minsan, kapag ang pagganap mo sa tungkulin mo ay lubos na pabasta-basta, mararamdaman mo ang pang-uusig sa puso mo. Mararamdaman mong may pagkakautang ka sa Diyos, na binigo mo ang Diyos, at humahagulgol ka pa nga at ipinapahayag mo sa Kanya ang pagnanais mong isagawa nang wasto ang mga tungkulin mo upang masuklian ang pagmamahal Niya. Pero makalipas ang dalawang araw, naging negatibo ka na naman, ayaw mo nang gampanan ang mga tungkulin mo. Hinding-hindi mo malampasan ang yugtong ito. Ito ba ay pagkakaroon ng tayog? (Hindi.) Kapag hindi mo na kailangan ang pagbabahaginan sa kung paano tapat na gampanan ang mga tungkulin mo, ang pangangailangang gampanan ang mga tungkulin mo nang buong puso at isip, at ang pangangailangang magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, at kung naaako mo ang mga tungkulin mo bilang iyong sariling misyon, ginagawa ang mga ito nang maayos nang walang anumang hinihingi, reklamo at nang hindi ka nagdedesisyon sa sarili mo, kung gayon ay nakapagkamit ka na ng partikular na tayog. Kailangan natin na palaging makipagbahaginan sa kung paano maayos na magagampanan ang mga tungkulin natin. Bakit natin kailangan na patuloy na magbahaginan tungkol dito? Dahil hindi alam ng mga tao kung paano gampanan ang mga tungkulin nila, at hindi nila naiintindihan ang mga prinsipyo; hindi nila ganap na nauunawan ang iba’t ibang katotohanan ukol sa pagganap ng mga tungkulin, at hindi pa nila nauunawaan ang katotohanan at napapasok ang realidad. May ilang tao na nauunawaan lang ang ilang doktrina subalit hindi handang isagawa o pasukin ang mga ito, na hindi handang magdusa at magpagod, na palaging sakim sa kaginhawahan ng laman, na mayroon pa ring labis na sariling mga desisyon, na hindi makabitiw, at na hindi ganap na ipinagkakatiwala ang sarili nila sa Diyos. Mayroon pa rin silang sariling mga plano at hinihingi; pinangingibabawan at kinokontrol pa rin sila ng kanilang mga personal na mga hiling, kaisipan, at inaasahan: “Kapag ginampanan ko ang tungkuling ito, magkakaroon ba ako ng magagandang oportunidad sa hinaharap? May mga bagong kasanayan ba akong matututunan dito? May makakamit ba ako sa sambahayan ng Diyos sa hinaharap?” Ang palaging pag-iisip sa mga bagay na ito, ang pagturing sa pagganap ng mga tungkulin bilang hindi kasiya-siya ay medyo mahirap, nakakapagod, o hindi masaya, hindi komportable sa paglipas ng panahon, nagiging negatibo, at nangangailangan pa rin ng pakikipagbahaginan tungkol sa katotohanan at gawaing ideyolohikal—ito ay kakulangan ng tayog. Kasama ba rito ang pagbabago ng disposisyon? Masyado pang maaga para dito. Sa sandaling maarok ninyo ang mga katotohanang prinsipyo na dapat maunawaan para magampanan ang mga tungkulin ninyo, kapag napagtagumpayan ang balakid na ito, magtatamo kayo ng maayos na pagganap sa inyong tungkulin. Sa gayon, kailangan ang mga pagbabago sa disposisyon upang makasulong.

Ngayon, sa pagganap man ng tungkulin o paglilingkod sa Diyos, kailangan sa lahat ng ito ang madalas na pagninilay sa sarili. Anumang maling pananaw o tiwaling disposisyon ang ipinapakita ng isang tao, dapat niyang hanapin ang katotohanan upang malutas ang mga ito. Sa ganitong paraan lamang niya matutupad ang tungkulin niya nang ayon sa pamantayan at makakamit ang pagsang-ayon ng Diyos. Dapat ay kaya niyang makilatis ang mga tiwali niyang disposisyon; kung hindi, hindi niya malulutas ang mga ito. May mga taong hindi malinaw na nakikita kung alin ang kabilang sa tiwaling disposisyon at kung alin ang hindi. Halimbawa, kung ano ang mga hilig kainin o isuot ng mga tao, ang mga gawi nila sa buhay, pati na rin ang mga pamana ng mga ninuno nila at ng mga tradisyonal na konsepto—ilan sa mga ito ay dulot ng impluwensya ng tradisyonal na kultura at mga kaugalian, ang ilan ay dulot ng pagpapalaki at pamana ng pamilya, at ang ilan ay dulot ng kawalan ng kaalaman at kabatiran. Hindi malubhang problema ang mga ito at walang kinalaman ang mga ito sa kabutihan o kasamaan ng pagkatao ng isang tao, at malulutas ang ilan sa mga ito sa pamamagitan ng pag-aaral at pagkamit ng higit na kabatiran. Gayunman, ang mga kuru-kuro o maling pananaw tungkol sa Diyos, o ang problema ng isang tiwaling disposisyon, ay dapat na malutas sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan, at hindi mababago sa pamamagitan ng edukasyon ng tao. Ano’t anuman, saan man nagmula ang iyong mga kuru-kuro at ideya, kung hindi ayon sa katotohanan ang mga ito, dapat mong bitiwan ang mga ito at hanapin ang katotohanan upang malutas ang mga ito. Ang paghahangad sa katotohanan ay makalulutas sa lahat ng mga problema ng isang tao. Maraming isyu na tila hindi konektado sa katotohanan ang malulutas, nang hindi direkta, sa pamamagitan ng pag-unawa sa katotohanan. Hindi lamang mga problemang ukol sa isang tiwaling disposisyon ang malulutas gamit ang katotohanan, kundi pati na rin ang mga hindi tumutukoy sa tiwaling disposisyon, tulad ng ilang pag-uugali, paraan, kuru-kuro, at gawi ng tao—ganap lamang na malulutas ang mga ito gamit ang katotohanan. Ang katotohanan ay hindi lamang makalulutas sa mga tiwaling disposisyon ng tao; makapagsisilbi rin itong mithiin sa buhay, pundasyon ng buhay, at prinsipyo sa pamumuhay, at malulutas nito ang lahat ng mga paghihirap at problema ng isang tao. Ito ay tiyak. Ano ang susi ngayon dito? Ito ay ang makita na ang pinagmulan ng maraming problema ay may direktang kaugnayan sa hindi pagkaunawa sa katotohanan. Maraming taong hindi marunong magsagawa kapag may nangyayari sa kanila, at ito ay dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Hindi malinaw na nakikita ng mga tao ang diwa at ugat ng napakaraming bagay, at ito rin ay dahil sa hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Pero paanong mahusay pa rin silang nakapagsasalita kahit na hindi nila nauunawaan ang katotohanan? (Pawang mga salita at doktrina lamang ang mga ito.) Kung gayon, dapat malutas ang problemang ito ng pagsasalita ng doktrina. Bawasan ang pagsasalita ng mga salitang walang laman, pagbigkas ng doktrina, at pagsigaw ng mga kasabihan; dalasan ang pagsasalita nang praktikal, pagsasagawa sa katotohanan, pagsasalita tungkol sa kamalayan at paghihimay sa sarili, at pagpaparinig sa iba ng mga salitang nakapagpapatibay sa kanila at napapakinabangan nila. Ang isang taong gumagawa nito ang siya lamang mayroong katotohanang realidad. Huwag magsalita ng doktrina at ng mga salitang walang laman, huwag magsalita ng mga salitang mapagpaimbabaw at mapanlinlang, at huwag magsalita ng mga salitang hindi nakapagpapatibay. Paano ka makakaiwas sa ganitong pananalita? Dapat mo munang kilalanin at malinaw na makita ang kapangitan, kahangalan, at kalokohan ng mga bagay na ito; sa gayon ay makapaghihimagsik ka sa laman. Dagdag pa rito, kailangan mo rin ng katwiran. Kapag mas maraming katwiran ang isang tao, mas magiging tumpak at angkop ang pananalita niya, mas magiging hinog ang pagkatao niya, mas magiging praktikal ang mga salita niya, at mababawasan ang mga sinasabi niya na wala namang kabuluhan. At sa puso niya ay itataboy niya yaong mga salitang walang laman, malabis, at huwad. May mga taong sobrang palalo at palaging gustong magsabi ng magagandang bagay upang magbalatkayo, nais magkamit ng katayuan sa puso ng iba at makuha ang kanilang paghanga, pinapaniwala ang iba na sila ay lubos na nananalig sa Diyos, na sila ay mabuting tao, at lubhang karapatdapat na hangaan. Palagi silang may layuning magbalatkayo; sila ay kontrolado ng isang tiwaling disposisyon. May mga tiwaling disposisyon ang mga tao, na ugat ng paggawa nila ng kasamaan upang salungatin ang Diyos, na siyang problemang pinakamahirap na lutasin. Maliban kung gagawa ang Banal na Espiritu at gagawing perpekto ng Diyos mismo ang isang tao, hindi madadalisay ang tiwali niyang disposisyon, at hindi makakamit ang pagbabago sa disposisyon. Kung wala nito, hinding-hindi ito malulutas ng isang tao. Kung isa kang tao na naghahangad sa katotohanan, dapat mong pagnilayan at unawain ang tiwali mong disposisyon ayon sa mga salita ng Diyos, sukatin ang sarili mo sa bawat pangungusap ng mga salita ng Diyos ng pagbubunyag at paghatol, at unti-unting alisin ang lahat ng tiwali mong disposisyon at kalagayan. Magsimula ka sa pagsisiyasat sa mga layunin at pakay ng mga salita at gawain mo, suriin at kilatisin ang bawat salita na binibitawan mo, at huwag balewalain ang anumang umiiral sa isipan mo. Sa ganitong paraan, sa pamamagitan ng unti-unting pagsusuri at pagkilatis, matutuklasan mo na ang tiwali mong disposisyon ay hindi kaunti kundi sagana, at ang mga lason ni Satanas ay hindi limitado kundi marami. Sa ganitong paraan, unti-unti mong malinaw na makikita ang mga tiwali mong disposisyon at kalikasang diwa, at mapagtatanto mo kung gaano ka kalalim na ginawang tiwali ni Satanas. Sa panahong ito, mararamdaman mo kung gaano napakahalaga ang katotohanang ipinahayag ng Diyos. Malulutas nito ang mga problema ng tiwaling disposisyon at kalikasan ng sangkatauhan. Itong gamot na inihanda ng Diyos para sa mga tiwaling tao upang iligtas ang sangkatauhan ay lubos na mabisa, mas mahalaga pa ito kaysa sa anumang eliksir. Kaya, upang matanggap ang pagliligtas ng Diyos, kusang loob mong hinahangad ang katotohanan, higit pang pinapahalagahan ang bawat aspekto ng katotohanan sa bawat sandali, at pinagsisikapang hangarin ito nang may papatinding lakas. Kapag mayroong nararamdamang ganito ang isang tao sa kanyang puso, ibig sabihin nito ay nakamit na niya ang pag-unawa sa ilang katotohanan, at itinanim na ang sarili niya sa tamang daan. Kung mararanasan niya ito nang mas malalim at tunay niyang mamahalin ang Diyos nang buong puso, magsisimulang magbago ang kanyang buhay disposisyon.

Madaling gumawa ng ilang pagbabago sa pag-uugali, ngunit hindi madaling baguhin ang buhay disposisyon ng isang tao. Ang paglutas sa isyu ng isang tiwaling disposisyon ay dapat magsimula sa pagkilala sa sarili. Kailangan nito ng pagmamasid, ng unti-unting pagtuon sa pagsusuri ng mga intensyon at kalagayan ng isang tao, at ng palagiang pagsusuri sa mga layunin at nakagawiang paraan ng pananalita. At balang araw ay biglang mapagtatanto: “Palagi akong nagsasabi ng magagandang bagay upang magbalatkayo, umaasang magkakamit ng katayuan sa puso ng iba. Ito ay isang masamang disposisyon. Hindi ito pagpapahayag ng normal na pagkatao at hindi ito umaayon sa katotohanan. Ang masasamang pananalita at layuning ito ay mali, at dapat baguhin at alisin ito.” Matapos mapagtanto ito, mas malinaw mong mararamdaman ang kalubhaan ng tiwali mong disposisyon. Inakala mong ang kasamaan ay ukol lamang sa pag-iral ng masamang pagnanasa sa pagitan ng isang lalaki at isang babae, at pakiramdam mo na bagamat nagpakita ka ng ganoong kasamaan, hindi ka isang taong may masamang disposisyon. Ipinahihiwatig nito na wala kang kamalayan ukol sa masamang disposisyon; tila alam mo ang mababaw na kahulugan ng salitang “masama” ngunit hindi mo lubos na makilala o makilatis ang isang masamang disposisyon; at sa katunayan, hindi mo pa rin nauunawaan kung ano ang ibig sabihin ng salitang “masama.” Kapag napagtanto mo na nagpakita ka ng ganitong disposisyon, magsisimula kang pagnilay-nilayan ang sarili mo at makikilala mo ito, at sisiyasatin ang kalaliman ng pinagmulan nito, at makikita mo na mayroon ka ngang gayong disposisyon. Ano ang dapat mong gawin pagkatapos? Dapat ay patuloy mong suriin ang mga layunin mo sa gayong katulad na paraan ng pagsasalita. Sa pamamagitan ng ganitong patuloy na pagsisiyasat, makikilala mo nang may mas higit na katapatan at katumpakan na mayroon ka ngang ganitong uri ng disposisyon at diwa. Sa araw na tunay mong aaminin na talagang mayroon ka ngang masamang disposisyon, saka ka lamang magsisimulang magkaroon ng pagkasuklam at pagtataboy rito. Mula sa pag-aakalang siya ay mabuting tao, na may matuwid na asal, may pagpapahalaga sa katarungan, isang taong may moral na integridad at walang pandaraya, siya ay magiging isang taong nakikilala na mayroon siyang mga kalikasang diwa katulad ng kayabangan, pagkamapagmatigas, panlilinlang, kasamaan, at pagtutol sa katotohanan. Sa puntong iyon, masusuri na niya ang sarili niya at makikilala kung ano talaga siya. Ang simpleng pag-amin o pagkilala na mayroon kang mga pagpapamalas at kalagayan na ito ay hindi magdudulot ng tunay na pagkasuklam. Ang tanging paraan upang kamuhian mo ang sarili mo ay ang pagkilala na ang diwa ng mga tiwaling disposisyong ito ay ang kasuklam-suklam na paraan ni Satanas. Anong uri ng pagkatao ang kailangan upang tunay na makilala ang sarili hanggang sa punto ng pagkasuklam sa sarili? Dapat mahalin ng isang tao ang mga positibong bagay, mahalin ang katotohanan, mahalin ang katarungan at ang katuwiran, magkaroon ng konsensiya at kamalayan, maging mabuti at magawang tanggapin at isagawa ang katotohanan—ang ganitong mga tao ay tunay na makakakilala at masusuklam sa sarili nila. Ang mga hindi nagmamahal sa katotohanan at nahihirapang tanggapin ito ay hindi kailanman makikilala ang sarili nila. Magsalita man sila ng ilang salita tungkol sa pagkakilala nila sa sarili nila, hindi nila maisasagawa ang katotohanan, at hindi sila sasailalim sa anumang tunay na pagbabago. Ang pagkilala sa sarili ang pinakamahirap na gawain. Halimbawa, maaaring may isang taong mababa ang kakayahan na iniisip, “Mababa ang kakayahan ko. Likas akong mahiyain at takot na masangkot. Marahil pa ngang ako ang pinakapayak at pinakaduwag na tao sa mundo. Dahil dito, ako ang pinakakarapat-dapat na tumanggap ng pagliligtas ng Diyos.” Ito ba ang tunay na kamalayan sa sarili? Ito ay mga salita ng isang taong hindi nauunawaan ang katotohanan. Ang pagkakaroon ba ng mababang kakayahan ay katumbas kaagad ng kawalan ng tiwaling disposisyon? Hindi ba’t ang mga duwag ay may mga tiwaling disposisyon din? Hindi ba’t sila ay ginawa ring tiwali ni Satanas? Sa katunayan, may gayon ding masama at mapagmataas na disposisyon ang gayong mga tao, at dagdag pa rito, lubos itong nakatago at higit na nakaugat kaysa sa karaniwang tao. Bakit Ko sinasabing ito ay lubos na nakatago? (Dahil palagi nilang iniisip na sila ay mabuti.) Tama. Sila mismo ay naloloko at nalilihis sa ilusyong ito, kaya hinding-hindi nila matanggap ang katotohanan. Iniisip nila na maayos na ang kalagayan nila at hindi na nila kailangan ang paghatol at pagdadalisay ng Diyos. Ang lahat ng salitang sinasabi ng Diyos tungkol sa paghatol at pagbubunyag sa katiwalian ng mga tao ay ukol sa iba, sa mga taong iyon na may kakayahan ngunit may mayabang na disposisyon, sa masasamang taong iyon, at sa mga taong iyon na nanglilihis—mga huwad na lider at anticristo; ngunit ang mga ito ay hindi ukol sa mga taong tulad nila. Maayos na sila; malilinis ang kanilang mga kamay, at sila mismo ay kasingdalisay ng niyebe, walang bahid ng anumang dungis. Kapag tinutukoy nila ang sarili nila sa ganitong paraan, posible kayang makilala nila ang sarili nila? (Hindi.) Hindi nila makikilala ang sarili nila, at tiyak na hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Hinding-hindi nila mauunawaan ang mga katotohanan bilang dahilan kung bakit hinahatulan at kinakastigo ng Diyos ang mga tao, kung paano Niya inililigtas ang mga tao, o kung paano nadadalisay ang isang tiwaling disposisyon. Ang isang taong hindi nakikilala ang sarili niya nang kahit kaunti ay tiyak na hindi nauunawaan ang anumang katotohanan. Ang mga maling pananaw na ipinapakita nila ay sapat na upang ipakita na sila ay hangal at katawa-tawa. Ang pagkaunawa nila ay katawa-tawa, at ipinipilit nila ang sarili nilang mga paniniwala sa Diyos; ito rin ay isang disposisyon ng kasamaan. Ang kasamaan ay isang uri ng disposisyon na hindi lamang nagpapamalas sa isyu ng asal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae; ang kaunting masamang pagnanasa ay hindi dapat ituring na kasamaan ng disposisyon. Ngunit kung masyadong matindi ang masasamang pagnanasa ng isang tao, at madalas siyang nakikipagtalik nang basta-basta o sa kapareho niya ng kasarian, iyon ay masama. May ilang taong hindi napag-iiba ang dalawa, palagi nilang itinuturing na kasamaan ang masasamang pagnanasa, at ipinaliliwanag ang kasamaan ayon sa masasamang pagnanasa; sila ay kulang sa pagkilatis. Pinakahirap na kilalanin ang isang masamang disposisyon. Masama ang lahat ng kilos ng sinumang labis na mapanlinlang at mapaminsala. Halimbawa, may mga taong matapos magsinungaling ay nag-iisip, “Kung hindi ko ibabahagi ang pagkaunawa ko, ano na lang ang iisipin ng iba sa akin? Dapat akong magtapat at makipagbahaginan nang kaunti; kapag naibahagi ko na ang aking pag-unawa, iyon na iyon. Hindi pwedeng malaman ng iba ang tunay kong mga intensyon at isipin nila na ako ay mapanlinlang.” Anong disposisyon ito? Ang pagtatapat sa mapanlinlang na paraan—ito ay tinatawag na kasamaan. At matapos magsinungaling, iisipin nila: “May nakaalam ba na nagsinungaling ako? May nakakita ba sa tunay kong pagkatao?” Susubukan nilang makakuha ng impormasyon sa iba at uusisain nila ang mga ito; ito rin ay masama. Hindi madaling makita ang masamang disposisyon. Ang sinumang gumagawa ng mga bagay sa mapaminsala at mapanlinlang na paraan, na pinapahirapan ang ibang makita ang mga ito nang malinaw, ay masama. Ang sinumang nagpapakana at nagpaplano upang makamit ang mga layunin niya ay masama. Ang sinumang nanlilinlang ng mga tao sa pamamagitan ng paggawa ng masasamang bagay habang nagkukunwaring gumagawa ng mabuti, at pinagseserbisyo ang iba sa kanya, ang pinakamasama sa lahat. Ang malaking pulang dragon ang pinakamasama; si Satanas ang pinakamasama; ang mga demonyong haring iyon ang pinakamasama; ang lahat ng demonyo ay masama.

Upang hangarin ang pagbabago ng disposisyon, kailangan munang makilala ng isang tao ang sarili niyang tiwaling disposisyon. Ang tunay na pagkakilala sa sarili ay kailangan ng masusing pagtingin at pagsusuri sa diwa ng kanyang katiwalian, pati na rin ang pagkilala sa iba’t ibang kalagayan na dulot ng isang tiwaling disposisyon. Kapag malinaw na naunawaan ng isang tao ang sarili niyang mga tiwaling kalagayan at tiwaling disposisyon, saka lamang niya magagawang kasuklaman ang kanyang laman at si Satanas, at saka lamang magkakaroon ng pagbabago sa disposisyon. Kung hindi niya makikilala ang mga kalagayang ito, at mabigong maiugnay at maitugma ang mga ito sa kanyang sarili, mababago ba ang disposisyon niya? Hindi. Ang pagbabago ng disposisyon ay nangangailangan ng pagkilala sa iba’t ibang kalagayan na dulot ng tiwali niyang disposisyon; dapat siyang makarating sa puntong hindi na siya pinipigil ng tiwali niyang disposisyon at sa punto ng pagsasagawa sa katotohanan—saka lamang magsisimula ang pagbabago ng disposisyon niya. Kung hindi niya makikilala ang pinagmulan ng mga tiwali niyang kalagayan, at pinipigilan lamang ang sarili niya ayon sa mga salita at doktrina na nauunawaan niya, kahit mayroon siyang ilang mabuting pag-uugali at magbabago siya nang kaunti sa panlabas, hindi ito maituturing na pagbabago ng disposisyon. Dahil ito ay hindi maaaring ituring na pagbabago ng disposisyon, ano kung gayon ang papel na ginagampanan ng karamihan ng tao sa panahon ng pagganap ng tungkulin nila? Ito ay ang papel ng isang trabahador; sila ay wala sa loob kung gumawa at nagpapakaabala lamang sa mga gawain. Bagamat ginagampanan din nila ang tungkulin nila, kadalasan ay nakatutok lamang sila sa pagtapos ng mga bagay, hindi sa paghahanap ng katotohanan kundi sa paggawa nang wala sa loob. Minsan, kapag maganda ang lagay ng kanilang loob, higit silang magsisikap, at minsan, kapag masama ang lagay ng kanilang loob, hindi sila masyadong magsisikap. Ngunit pagkatapos ay susuriin nila ang sarili nila at makakaramdam sila ng pagsisisi, kaya’t muli silang higit na magsisikap, sa pag-aakalang ito ay pagsisisi. Sa katunayan, ito ay hindi tunay na pagbabago, o tunay na pagsisisi. Nagsisimula ang tunay na pagsisisi sa pagkakilala sa sarili; nagsisimula ito sa pagbabago ng ugali. Kapag nagbago na ang ugali ng isang tao, at kaya na niyang maghimagsik laban sa kanyang laman, isagawa ang katotohanan, at iayon ang kanyang ugali sa mga prinsipyo, nangangahulugan ito na mayroon na ngang tunay na pagsisisi. Pagkatapos, unti-unti silang makararating sa puntong kaya na nilang magsalita at kumilos ayon sa mga prinsipyo, ganap nang umaayon sa katotohanan. Ito ang simula ng pagbabago sa buhay disposisyon. Anong yugto na ang narating ninyo sa karanasan ninyo ngayon? (Mayroon akong ilang mabuting panlabas na ugali.) Ito ay kabilang pa rin sa panahon ng paggawa nang wala sa loob. May ilang taong gumagawa nang wala sa loob at nag-iisip na nakatulong na sila at nararapat na silang bigyan ng mga pagpapala ng Diyos. Sa loob nila ay palagi nilang iniisip: “Ano kaya ang palagay ng Diyos dito? Labis akong nagsikap at nagtiis ng labis na paghihirap, makakapasok kaya ako sa kaharian ng langit?” Palaging sinusubukang malaman ang lahat ng kasagutan—ano bang disposisyon ito? Ito ay mapanlinlang, masama, at mayabang. Dagdag pa rito, umaasang magkakamit ng mga pagpapala mula sa paggawa nang wala sa loob habang nananalig sa Diyos nang walang pagtanggap sa kahit kaunting katotohanan; hindi ba’t mayroong mapagmatigas na disposisyon dito? Ang hindi kailanmang pagbitiw sa mga pakinabang ng katayuan; hindi ba’t ito rin ay pagmamatigas? Palagi silang nag-aalala: “Maaalala kaya ng Diyos na naghirap ako sa pagganap ng tungkuling ito? Bibigyan kaya Niya ako ng mga pagpapala?” Palagi nilang kinikwenta ang mga ito sa isip nila. Sa labas, sila ay tila nakikipagkasundo, pero sa katunayan, mayroon ditong ilang uri ng tiwaling disposisyon. Palaging nais makipagkasundo sa Diyos, palaging nais makatanggap ng mga pagpapala mula sa pananalig sa Diyos, palaging nais makinabang at hindi mawalan, palaging gumagamit ng mga baluktot at madayang paraan—ito ay pangingibabaw ng masamang disposisyon. Sa tuwing nagsisikap nang kaunti ang isang tao sa pagganap ng tungkulin niya, nais niyang malaman: “Makatatanggap ba ako ng mga pagpapala para sa lahat ng pagsisikap na ginagawa ko? Makapapasok ba ako sa kaharian ng langit matapos ng labis na paghihirap upang makapanalig sa Diyos? Pupurihin ba ako ng Diyos sa pagtalikod ko sa lahat ng bagay para magampanan ang tungkulin ko? Sang-ayon ba sa akin ang Diyos o hindi?” Buong araw nilang pinag-iisipan ang mga katanungang ito. Kung hindi nila malaman ang mga kasagutan dito sa loob ng isang araw, mababagabag sila sa araw na iyon, ayaw nang gumanap sa tungkulin nila o magbayad ng halaga, at mas lalong ayaw na hangarin ang katotohanan. Wala silang kahit kaunting tunay na pananalig dahil palagi silang pinipigil at iginagapos ng mga bagay na ito. Hindi sila nananalig na totoo ang mga pangako ng Diyos. Hindi sila nananalig na ang paghahangad sa katotohanan ay tiyak na magdadala ng mga pagpapala ng Diyos. Sa puso nila, sila ay tutol sa katotohanan. Kahit naisin nilang hanapin ang katotohanan, kulang sila ng lakas para dito, kaya’t wala silang kaliwanagan at pagtanglaw ng Banal na Espiritu, at hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Madalas maharap sa problema ang ganitong tao sa pagganap ng tungkulin niya, at madalas siyang negatibo at mahina. Nagrereklamo siya kapag nahihirapan, at kapag dumating ang sakuna o siya ay nabilanggo, nagpapasya siya na hindi siya pinoprotektahan ng Diyos at na ayaw sa kanya ng Diyos, at nalulugmok siya sa kawalan ng pag-asa. Anong disposisyon ito? Hindi ba’t ito ay kalupitan? Ano ang gagawin ng taong ito sa sandaling sumama ang kanyang loob? Siguradong siya ay magiging negatibo at tamad; susuko na lamang siya at mawawalan ng pag-asa. At madalas niyang pagbibintangang huwad na lider at anticristo ang mga lider at manggagawa. Maaaring direkta rin siyang nagrereklamo tungkol sa Diyos. Ano ba ang nagdudulot ng mga bagay na ito? Sila ay kontrolado ng isang malupit na disposisyon. Nananalig siya, ayon sa mga sekular na pananaw at satanikong lohika, na dapat may kapalit ang bawat puhunan. Kung walang gayong kabayaran, hindi na siya mamumuhunan. Mayroon siyang mapaghiganting kaisipan at naglalayong isuko ang mga responsabilidad niya, tanggihan ang tungkulin niya, at manghingi ng kabayaran. Hindi ba’t ito ay malupit? Sa anong mga paraan ito katulad kay Pablo? (Naniwala si Pablo na kapag natapos na ang gawain niya at naharap na niya ang mga pagsubok, may korona ng katuwiran na ilalaan para sa kanya.) Sa ganoong paraan siya mismo natutulad kay Pablo. Nagpapakita ba kayo ng mga pagmamalas na ito ni Pablo? Inihahambing ba ninyo ang mga sarili ninyo gaya nito? Kung hindi ninyo iuugnay ang mga sarili ninyo sa mga salita ng Diyos, hindi ninyo makikilala ang mga sarili ninyo. Ang pagkilala sa kalikasan ng tiwali ninyong disposisyon ang tanging paraan upang tunay ninyong makilala ang sarili ninyo. Kung mabababaw na tama at mali lamang ang kinikilala ninyo, o kung basta lamang ninyo inaamin na kayo ay ang diyablo at si Satanas, iyan ay masyadong masaklaw at mababaw. Ito ay pagpapanggap na pagiging malalim, ito ay pagbabalatkayo, ito ay pandaraya. Ang ganitong pagsasalita tungkol sa kamalayan sa sarili ay huwad na espirituwalidad, ito ay nakalilihis.

Nakita na ba ninyo kung paano tinatangka ng isang mapanlinlang na tao ang pagkakaroon ng kaalaman sa sarili? Sinusubukan niyang palakihin ang isang bagay, nagsasalita tungkol sa kung paanong siya ay isang diyablo at Satanas, at isinusumpa pa nga ang kanyang sarili; at sa kabila nito ay hindi niya sinasabi kung ano ang mga nagawa niyang masasamang gawi, at hindi kinikilatis ang karumihan at katiwalian sa kanyang puso. Sinasabi lamang niya na siya ay diyablo at Satanas, at naghimagsik laban sa at nilabanan niya ang Diyos, gamit ang maraming salitang walang saysay at pangkalahatang pahayag para kondenahin ang kanyang sarili, kaya ang pakiramdam ng iba, “Isa nga itong taong tunay na nakakakilala sa sarili niya; napakalalim ng pang-unawa niya.” Hinahayaan niyang makita ng iba kung gaano siya kaespirituwal, na ginagawa ito para kainggitan siya ng iba bilang isang naghahangad sa katotohanan. Ngunit matapos niyang makilala ang kanyang sarili sa ganitong paraan sa loob ng ilang taon, hindi pa rin siya tunay na nagsisisi, at walang nakikitang sitwasyon ang isang tao kung saan isinasagawa talaga niya ang katotohanan o ginagawa ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo. Walang anumang pagbabago sa buhay disposisyon niya, na naglalantad sa problema: Hindi ito tunay na kaalaman sa sarili. Ito ay pagbabalat-kayo at pandaraya, at ang taong ito ay isang ipokrito. Gaano man magsalita ang isang tao tungkol sa kaalaman sa sarili, huwag kang tumutok sa kung gaano kaganda sa pandinig ang mga salita niya o kung gaano kalalim ang kaalaman niya. Ano ang susi na dapat obserbahan? Pansinin kung gaano karaming katotohanan ang kaya niyang isagawa, at pansinin kung kaya niyang sumunod sa mga katotohanang prinsipyo upang itaguyod ang gawain ng iglesia. Ang dalawang sukatang ito ay sapat para masabi kung ang isang tao ay nakaranas ng tunay na pagbabago. Ito ang prinsipyo para sa pagsusuri at pagkilatis sa mga tao. Huwag kang makinig sa magagandang bagay na nanggagaling sa kanilang bibig; obserbahan mo kung ano talaga ang kanilang ginagawa. May ilan na, kapag tinatalakay ang kaalaman sa sarili, sa panlabas ay tila sineseryoso ang bagay na ito. Nagsasalita sila tungkol sa anumang maling ideya o maling kaisipan nila tungkol sa iba, ipinapahayag at ibinubunyag nila ang kanilang sarili, ngunit pagkatapos nilang magsalita ay hindi pa rin sila tunay na nagsisi. Kapag may nangyayari sa kanila, hindi pa rin nila isinasagawa ang katotohanan, hindi rin sumusunod sa mga prinsipyo, itinataguyod ang gawain ng iglesia, o nagpapakita ng anumang pagbabago. Ang ganitong uri ng kaalaman sa sarili, paghahayag, at pagbabahaginan ay walang kabuluhan. Marahil ay iniisip ng ganitong uri ng tao na ang makilala ang kanyang sarili sa ganitong paraan ay nangangahulugan na siya ay tunay na nagsisi at nagsasagawa ng katotohanan, ngunit, sa huli, walang anumang pagbabago matapos ang ilang taon ng ganitong pang-unawa. Hindi ba’t ang ganitong paraan ng pagkilala sa sarili ay paggawa nang pabasta-basta lamang, pagsunod sa pamamaraan? Walang aktuwal na epekto; hindi ba’t pinaglalaruan lamang nila ang kanilang sarili? May pinuntahan Ako dati at pagdating Ko, may isang taong namumutol ng damo gamit ang isang makinang pamutol ng damo. Napakalakas ng ugong ng makina at gumagawa ng malakas na ingay. Naranasan Ko ang sitwasyong ito sa dalawa o tatlong beses na pagpunta Ko roon, kaya tinanong Ko ang taong iyon, “Wala kang nakatakdang oras para sa pagputol ng damo?” Sumagot siya, “Ah, pinuputol ko lang ang damo kapag nakita kong dumating ang Diyos. Hindi rin ito kanais-nais para sa akin.” Maaari itong marinig ng mga hindi nakakaunawa at isiping ang taong ito ay nagpapakatotoo, sinasabi kung ano ang nasa isipan niya. Maaari nilang isipin na inaamin niya ang kanyang mga pagkakamali at nagkakamit ng kaalaman sa sarili, at dahil dito, sila ay naililigaw. Ngunit ganyan ba ang magiging pagtingin dito ng isang taong nakakaunawa sa katotohanan? Ano ang tamang pananaw dito? Ang mga nakauunawa sa sitwasyong ito ay mag-iisip, “Hindi ka umaako ng responsabilidad habang ginagawa mo ang iyong tungkulin; hindi ba’t ginagawa mo lang ito para magpakitang-tao?” Ngunit nangangamba ang tagaputol ng damo na ganito ang iisipin ng iba, kaya inunahan na niya sila sa pagsasalita sa ganitong paraan para patahimikin sila. Ito ay isa talagang mahusay na retorika, hindi ba? (Oo.) Sa katunayan, matagal na niyang alam kung paano haharapin ang ganitong sitwasyon, para mauna nang ilihis ka at pag-isipin ka na talagang prangka siya, na kaya niyang magsalita nang diretsahan at umamin sa kanyang mga pagkakamali. Ang iniisip niya ay: “Nauunawaan ko ang katotohanan; hindi kita kailangan para sabihin mo ito sa akin. Mauuna na akong aminin ito. Tingnan natin kung ano ang masasabi mo laban sa matalino kong pananalita. Ito lang ang gagawin ko; ano ang kaya mong gawin sa akin?” Aling mga disposisyon ang kumikilos dito? Una sa lahat, nauunawaan niya ang lahat. Kapag nagkakamali siya, alam niya kung paano magsisi. Ito ang impresyon na ibinibigay niya sa iba, na gumagamit ng mga pagbabalat-kayo at kasinungalingan upang gumawa ng ilusyon at pahangain sa kanya ang iba. Pambihira ang kanyang pagiging tuso, na nalalaman niya kung hanggang saan malilihis ang iba ng kanyang mga salita at kung ano ang mga magiging reaksyon nila. Nauna na niyang tinaya ang lahat ng ito. Anong disposisyon ito? Isa itong buktot na disposisyon. Bukod pa rito, pinapatunayan ng pagsasabi niya ng mga bagay na ito na hindi lamang ngayon niya ito napagtanto, kundi matagal na niyang alam na ang pagkilos nang ganito ay pabasta-basta, na hindi niya ito dapat ginagawa ngayon lang, na hindi siya dapat nagpapakitang-tao lamang, at hindi dapat kumikilos para sa kapakanan ng sarili niyang kayabangan. Bakit ginagawa pa rin niya ito kung ganoon? Hindi ba ito pagiging mapagmatigas? May pagpapakitang-gilas, pagiging mapagmatigas, at kabuktutan. Makikilatis ba ninyo ang mga ito? May ilan na kaya lamang makilatis ang iba at hindi ang kanilang sarili. Bakit ganito? Kung kaya talagang makilatis ng isang tao ang kanyang sarili, makikilatis din niya ang iba. Kung nakikilatis lamang niya ang iba at hindi ang kanyang sarili, ibig sabihin ay may problema sa kanyang disposisyon at katangian. Ang makita kung paanong ang iba ay maihahambing sa katotohanan pero hindi ang sarili niya—tiyak na ito ay hindi isang tao na nagmamahal sa katotohanan, lalong hindi na isang tao na tumatanggap sa katotohanan.